Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 20 (Ikatlong Bahagi)
Bakit dapat lubhang parusahan ang mga taong naglulustay ng mga handog? Una, pag-usapan natin kung saan nanggagaling ang mga handog. Ang mga handog ay ibinibigay ng mga kapatid. Ayon sa mga batas ng Bibliya, dapat magbigay ang mga tao ng ikapu ng kanilang kita, bagaman siyempre, sa panahon ngayon, maraming taong nagbibigay ng higit sa ikapu lamang, at may ilang mayamang nagbibigay nang higit sa ikapu. Bukod pa rito, para sa ilang naghihikahos na kapatid na nagbibigay ng ikapu, saan nanggagaling ang pera nila? Hindi nagkukulang ng mga taong nag-iipon nito sa matipid na pamumuhay. Sa kanayunan at probinsya, may ilang taong nakapagbibigay ng ikapu ng mga kinikita nila mula sa pagbebenta ng trigo, at ang ilan, mula sa pagbebenta ng mga itlog ng manok, at ang ilan, mula sa pagbebenta ng mga kambing at manok. Maraming taong namumuhay nang matipid upang makapagbigay ng ikapu o higit pa—doon nanggagaling ang perang ito. Alam ng karamihan na mahirap makuha ang perang ito. Kung gayon, bakit nagbibigay ang mga kapatid? Hinihingi ba ito ng sambahayan ng Diyos? Imposible bang maligtas ka kapag hindi ka nagbigay? Ito ba ay pagsunod sa mga batas ng Bibliya? O ito ba ay pagsuporta sa sambahayan ng Diyos sa gawain nito, sa pag-iisip na mahalaga ang gawain ng sambahayan ng Diyos at hindi ito magagawa nang walang pondo, kung kaya’t dapat silang magbigay nang higit pa? Ito lamang ba ang dahilan nila? (Hindi.) Kung gayon, bakit nagbibigay ang mga kapatid? Maaari kayang wala silang muwang? O may sobra silang pera? Nagbibigay ba sila ng sobrang pera, o perang hindi nila nagastos? Kanino ba ibinibigay ang mga donasyong ito? (Sa Diyos.) Bakit ba nagbibigay ang mga tao? Kalimutan na ninyo ang ibang bagay; ang pinakapangunahing dahilan kung bakit nagbibigay ang maraming tao ay dahil kinikilala nila ang gawain ng Diyos. Nagsasalita at gumagawa ang Diyos upang malayang mabigyan ng buhay at katotohanan ang mga tao, at upang akayin sila. Samakatuwid, dapat ihandog ng mga tao ang ikapu ng kanilang kita. Ito ang handog. Sa buong kasaysayan, pinagpala ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagkain, tubig, at mga pangangailangan sa buhay, at inihanda Niya ang lahat ng bagay para sa kanila. Kapag natatamasa ng mga tao ang lahat ng ito, dapat silang maghandog ng ikapu ng ibinigay sa kanila ng Diyos pabalik sa dambana, na kumakatawan sa bahagi na ibinabalik ng mga tao sa Diyos, at na pinatatamasa sa Diyos ang ani nila. Ito ang katibayan ng pagmamahal na dapat taglayin at ialay ng mga tao bilang mga nilikha. Maliban sa aspetong ito, mayroon pang isa. Sinasabi ng ilang tao, “Napakadakila ng gawain ng Diyos, wala akong masyadong magagawa nang mag-isa, kaya magbibigay ako ng handog, ng bahagi ko.” Sa ganitong paraan, ipinakikita nila ang suporta nila para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at tumatayo sila bilang mga tagapagtaguyod. Anuman ang pinanggagalingan o halaga ng mga donasyong ito, hindi nagkukulang sa mga kabilang sa kanila na nakaiipon ng pera sa pamamagitan ng matipid na pamumuhay. Sa madaling salita, kung hindi dahil sa Diyos at sa Kanyang gawain, kung tanging ang iglesia at mga organisasyon at kapisanan ng mga tao ang narito, hindi magkakaroon ng halaga o kabuluhan ang mga donasyon ng mga tao, dahil walang anumang pakinabang ang mga ito kung wala ang gawain ng Diyos at Kanyang mga salita. Ngunit sa pagsasalita at pagkilos ng Diyos, sa pagsulong ng gawain ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, nagiging lubhang mahalaga ang mga donasyon at handog na ito. Lubhang mahalaga ang mga iyon dahil ginagamit ang donasyong pera na ito para sa gawain ng iglesia, at hindi dapat ito nakawin, kamkamin, kurakutin, o lustayin pa nga ng mga taong may masasamang layunin. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Yamang napakahalaga nito, ang bawat sentimo ay dapat magamit sa mga pangunahing aspeto; walang dapat na malustay o magastos nang iresponsable. Dahil dito, ang mga taong naglulustay, nangungurakot, nangangamkam, o nagnanakaw ng mga donasyon at handog ay dapat lubos na iwasto at parusahan. Dahil napakahalaga ng mga donasyon at handog na ito para sa gawain ng Diyos, at kung isasaalang-alang ang layon ng pagbibigay ng mga kapatid ng pera at mga handog na ito, dapat ilaan ang mga donasyong ito sa mga pinakakritikal na aspeto. Ang bawat sentimo ay dapat gamitin nang may mga prinsipyo at dapat magtamo ng mga resulta; hindi ito dapat lustayin, at talagang hindi ito dapat kamkamin ng masasamang tao. Ito ay isang aspekto. Dagdag pa rito, malaki man o maliit ang donasyon, galing ito sa donasyon ng mga kapatid. Hindi nanggagaling ang perang ito sa pagsasagawa ng iglesia ng mga komersyal na aktibidad, pagbubukas ng mga negosyo, o pagpapatakbo ng mga pabrika upang kumita mula sa lipunan. Hindi ito nanggagaling sa mga dibidendong kinita sa pamamagitan ng paglikha ng isang bagay; hindi ito nanggagaling sa mga dibidendo o kita ng iglesia, kundi sa mga donasyon ng mga tao. Sa madaling salita, ang isang donasyon ay isang bagay na ibinigay ng mga kapatid sa Diyos; ang perang ibinigay sa Diyos ay nararapat na maging pag-aari ng Diyos. Saan ba ginagamit ang pera ng Diyos? Sinasabi ng ilan, “Ang pera at mga handog sa Diyos ay ginagamit para sa pagtatamasa ng Diyos.” Ang lahat ba ng ito ay para matamasa ng Diyos? Gaano karami rito ang matatamasa ng Diyos? Limitadong-limitado lamang, hindi ba? Sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang Kanyang pagkain, kasuotan, tirahan, at mga pangangailangan, pati na ang tatlong beses na pagkain Niya sa isang araw, ay karaniwan, at limitado lamang ang Kanyang tinatamasa. Siyempre, normal naman iyon. Ang pangunahing gamit ng mga donasyon at handog mula sa mga kapatid ay upang panatilihin ang normal na operasyon ng gawain ng iglesia, hindi upang tuparin ang pagnanais ng ilang taong gumastos. Ang mga handog ay hindi para gastusin ng mga tao, ni para gamitin ng mga tao. Hindi sa binibigyang-prayoridad ang sinumang namamahala sa pananalapi na gamitin ang perang ito, o na ang sinumang lider ay may espesyal na awtoridad sa paglalaan ng mga pondo. Sinumang gagamit ng mga donasyon ay dapat gamitin ang mga ito alinsunod sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos. Iyon ang prinsipyo. Kaya, ano ang kalikasan ng isang taong lumalabag sa prinsipyong ito? Hindi ba’t lumabag siya sa mga atas administratibo? (Oo.) Bakit sinasabing lumabag siya sa mga atas administratibo? Ang mga handog na ibinibigay ng mga tao sa Diyos ay nakalaan para tamasahin ng Diyos. Kaya paano ginagamit ng Diyos ang mga ito? Ginagamit ng Diyos ang mga ito para sa gawain ng iglesia, upang panatilihin ang normal na operasyon ng gawain nito. Ito ang prinsipyo kung paano ginagamit ng Diyos ang mga handog. Gayunpaman, hindi ginagamit ng mga anticristo at masasamang tao ang mga handog sa ganitong paraan. Nilulustay, inaaksaya, o walang-ingat nilang ibinibigay ang mga iyon, lantarang nilalabag ang prinsipyong ito upang gamitin ang mga handog. Hindi ba’t paglabag ito sa mga atas administratibo? Hinayaan ka ba ng Diyos na gamitin ang mga iyon sa ganitong paraan? Binigyan ka ba Niya ng karapatang gamitin ang mga iyon sa ganitong paraan? Sinabihan ka ba Niyang gamitin ang mga iyon sa ganitong paraan? Hindi ba’t hindi naman? Kung gayon, bakit ginagamit mo ang mga iyon sa ganitong paraan, nang masyadong walang ingat at maaksaya? Paglabag ito sa prinsipyo! Ang prinsipyong ito ay hindi pangkaraniwang prinsipyo; may kaugnayan ito sa mga atas administratibo. Dahil ang mga handog na ito ay hindi nakamit sa pagsasagawa ng negosyo o mga komersyal na aktibidad, kundi sa mga donasyong inihandog ng mga kapatid sa Diyos, ang bawat paggastos kung gayon ay dapat mahigpit na makontrol at masusing mapamahalaan. Hindi dapat magkaroon ng paglulustay o pag-aaksaya. Ang pag-aaksaya o paglulustay ng anumang halaga ng pera ay hindi lamang hahantong sa malalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi katumbas din ito ng malaking pinansiyal na kalugihan para sa sambahayan ng Diyos. Ang paglulustay ng mga handog ay hindi lamang paglulustay ng mga handog; nagpapakita rin ito ng kawalan ng pananagutan sa pagmamahal na ipinapahayag kapag nagbibigay ang mga kapatid. Samakatuwid, ang mga taong naglulustay ng mga handog ay kailangang lubhang maparusahan. Pagsabihan ang mga taong mas magagaan ang paglabag, at kasabay nito ay humingi ng bayad-pinsala. Para sa mga mas mabibigat ang paglabag, bukod sa pagbabayad-pinsala, dapat din silang paalisin o itiwalag. May isa pang pangunahing dahilan kung bakit dapat magpataw ng mabigat na kaparusahan sa mga taong naglulustay ng mga handog. Naiiba ang iglesia sa anumang organisasyong panlipunan. Nakabukod ito sa anumang bansa at anumang kapaligirang panlipunan, tinalikuran ng mundo at ng sangkatauhan. Bukod sa hindi nakatatanggap ang iglesia ng suporta o proteksyon mula sa anumang bansa, hindi rin ito nakakukuha ng anumang tulong o pinansyal na ayuda mula sa estado. Pinakamabuti na, sa mga Kanluraning bansa, matapos marehistro at maitatag ang isang iglesia, ang mga handog na ibinigay sa iglesia ay hindi kasama sa personal na pagbubuwis, at ang mga ibinigay na kagamitan ay magagamit upang makatanggap ng kaunting bawas sa buwis. Maliban dito, ang iglesia ay hindi makatatanggap ng anumang pinansiyal na ayuda o tulong mula sa anumang bansa o sa ilalim ng anumang sistemang panlipunan. Kung liliit ang kongregasyon ng iglesia at hindi na ito makapagpapatuloy sa operasyon, hindi ito tutulungan ng estado. Sa halip, mas gugustuhin ng estadong hayaan itong maglaho nang kusa, dahil ang iglesia ay walang anumang kinikita at hindi makapagbabayad ng anumang buwis dito. Kaya, hindi mahalaga sa estado kung umiiral man ang iglesia o hindi. Napagtatanto ng iglesia na ito ay nasa gayong kalagayan ng pag-iral sa ilalim ng anumang sistemang panlipunan. Sabihin ninyo sa Akin, madali ba ito? (Hindi ito madali.) Gayon nga, hindi talaga ito madali. Ang iglesia ay tinatanggihan ng lipunan at ng sangkatauhan, hindi nakatatanggap ng anumang pagkilala o simpatiya, lalong hindi ng suporta, mula sa anumang sistemang panlipunan. Umiiral ang iglesia sa ilalim ng mga kondisyon ng pag-iral na ito. Kung nagagawa pa rin ng isang taong maglustay ng mga handog, nagagawa pa ring maging walang puso, na nagtatapon ng pera, na hindi umaako ng anumang pananagutan, na umuubos ng halos isandaang libong yuan sa isang iglap, gumagastos ng halos isang milyong yuan na para bang isa lamang itong numero, nang walang pag-aatubili, nang hindi nakokonsiyensiya, sa palagay mo ba ay nagtataglay ng pagkatao ang gayong tao? Hindi ba’t karapat-dapat ang gayong mga tao sa mga sumpa? (Oo.) Bilang pagbubuod sa iba’t ibang sitwasyong itinala sa itaas, para sa mga naglulustay ng mga handog, nag-aaksaya ng mga iyon, o mayroon pa ngang masasamang layunin sa mga handog, na nagnanais nakawin ang mga iyon, o hindi man nangangahas na magnakaw, sa halip ay nilulustay ang mga iyon: Silang lahat ay dapat lubhang parusahan, hindi sila dapat pagbigyan nang kahit kaunti. Sabihin ninyo sa Akin, tama ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Kung gayon, kung sa hinaharap ay mabigyan kayo ng pagkakataong magkaroon ng awtoridad na gumamit ng mga handog, paano kayo aasal? Kung hindi ninyo mapipigilan ang inyong mga sarili, kung lulustayin ninyo ang mga handog, kapag dumating na ang panahon na mabigat kayong parurusahan ng iglesia, magkakaroon ba kayo ng anumang reklamo o hinaing? (Hindi.) Mabuti na hindi kayo magkakaroon ng anumang hinaing. Iyon ang magiging nararapat para sa inyo!
Para naman sa mga taong naglulustay ng mga handog, hindi ba’t napopoot kayo sa kanila? Hindi ba’t nagagalit kayo dahil sa kanila? Nasusubaybayan o napipigilan mo ba sila? Mas pinatitindi nito ang mga bagay-bagay—oras na para masubok ka. Kung may isang tao sa paligid mo na naglulustay ng mga handog, at nagpupumilit na gumastos ng 20,000 yuan sa isang makinang mabibili sa halagang 2,000 yuan—isang taong gustong bumili ng pinakamaganda, pinakamataas ang kalidad, pinakamoderno, at pinakausong makina, isang taong gustong gumastos ng pera para sa pinakamahal na makina, dahil lamang sa pag-aari ng sambahayan ng Diyos ang pera at hindi galing sa sarili niyang bulsa—kaya mo ba siyang pigilan? Kung hindi mo siya kayang pigilan, mapaaalalahanan mo ba siya? Kaya mo ba siyang iulat sa mga nakatataas? Kung ikaw ang nangangasiwa sa pamamahala ng mga handog, kaya mo bang tumangging mag-apruba sa sitwasyong ito? Kung hindi ninyo kayang gawin ang alinman dito, dapat din kayong maparusahan nang mabigat. Naglulustay rin kayo ng mga handog; nakikipagsabwatan kayo sa masamang taong iyon, kasabwat niya kayo, at pareho kayong dapat na maparusahan nang mabigat. Ano ang uri ng saloobin ng isang tao sa Diyos kung kaya niyang maglustay at maging iresponsable sa mga handog? Nasa puso ba niya ang Diyos? (Hindi.) Sa opinyon Ko, pareho ang saloobin ng mga taong tulad nito sa saloobin ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao, “Ang anumang bagay na may kaugnayan sa Diyos, sa pangalan ng Diyos, sa Kanyang mga handog, o sa Kanyang patotoo—hindi ako interesado sa alinman doon. Ano ang kinalaman ko sa mga taong naglulustay ng mga handog?” Anong uri sila ng tao? May mga partikular na lider at superbisor na nag-aapruba sa lahat ng bagay, anuman ang hinihiling ng iglesia na bilhin. Hindi nila kailanman kinukuwestyon ang mga aplikasyon, o sinusuri nang mabuti ang mga iyon, o tinitingnan kung may mga problema sa mga iyon; ang bawat aplikasyon ng pagbili ng mga gamit, mahal man o mura ang mga gamit, praktikal man o hindi praktikal, kinakailangan man o hindi kinakailangan—ang bawat isa ay naaaprubahan nang may pirma nila. Ano ba ang pag-aapruba mo? Isa lamang ba itong pirma? Sa Aking pananaw, ito ang saloobin mo sa Diyos. Ang saloobin mo sa mga handog sa Diyos ay ang saloobin mo sa Diyos. Ang bawat guhit ng iyong panulat, sa tuwing isusulat mo ang iyong pangalan, ito ay katibayan ng iyong kasalanan ng paglalapastangan at pambabastos sa Diyos. Bakit hindi dapat maparusahan nang mabigat ang mga taong lumalapastangan at nambabastos sa Diyos sa ganitong paraan? Dapat silang maparusahan nang mabigat! Tinutustusan ka ng Diyos ng katotohanan, ng buhay, ng lahat ng bagay na mayroon ka, pagkatapos ay hinaharap mo Siya at ang mga bagay na pagmamay-ari Niya nang may ganitong uri ng saloobin—anong klase ng tao ka? Ang bawat pirma sa isang resibo ay katibayan ng iyong kasalanan ng paglapastangan sa Diyos, at ng iyong walang-galang na saloobin sa Diyos; ito ang pinakamatibay na ebidensya. Anuman ang mga kagamitang binibili, anuman ang halaga, ni hindi mo tinitingnan ang dokumento ng pag-aapruba, pumipirma ka lang sa isang paghagod ng iyong panulat. Handa kang basta-bastang mag-apruba ng mga pagbili na nagkakahalaga ng 100,000 o 200,000 yuan. Balang araw, kakailanganin mong pagbayaran ang kapalit ng iyong pirma—ang sinumang pipirma ang siyang mananagot! Yamang ganito ka umasal, yamang kaya mong basta-bastang pumirma nang hindi man lang muna sinisiyasat ang mga aplikasyon, at hindi makatwirang lustayin ang mga handog, dapat mong panagutan at pagbayaran ang sarili mong mga kilos. Kung hindi ka natatakot na harapin ang mga kahihinatnan, sige, ilagda mo ang iyong pangalan. Kumakatawan ang iyong lagda sa saloobin mo sa Diyos. Kung kaya mong kumilos nang ganito kahit sa Diyos, tratuhin Siya nang ganito sa isang lantaran at garapal na paraan, paano mo inaasahang tratuhin ka ng Diyos? Naging sapat nang mapagpasensiya ang Diyos sa iyo, binigyan ka na Niya ng buhay, at pinayagan kang mabuhay hanggang ngayon. Sa halip na patuloy na tratuhin ang Diyos sa parehong paraan at nang may parehong saloobin, ang dapat mong gawin ay ang magtapat sa Diyos at magsisi, at baguhin ang iyong saloobin. Huwag mong ipagpatuloy ang pikit-matang pakikipaglaban sa Diyos. Kung ipagpapatuloy mo ang pagtrato sa Diyos sa parehong paraan at nang may parehong saloobin, alam mo na kung ano ang mga magiging kahihinatnan. Kung hindi mo makukuha ang kapatawaran ng Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang iyong pananampalataya. Kung gayon ay ano na ang magiging saysay ng iyong pananampalataya? Sumasampalataya ka sa Diyos ngunit sinasayang mo ang tiwala Niya sa iyo at ang Kanyang atas para sa iyo. Sabihin mo sa Akin, anong klase ka ng tao? May ilang taong tumatayo bilang mga lider o superbisor sa sambahayan ng Diyos. Maraming taon na nilang ginampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing maraming taon na Akong nakisalamuha sa kanila. Sa huli, humantong ako sa isang konklusyon tungkol sa kanila: Ang mga taong ito ay masahol pa sa mga aso. Bukod sa nakapanlulumo ang kanilang mga kilos, higit pa roon, kasuklam-suklam sila. Mahilig Akong magpalaki ng mga aso at makisalamuha sa mga iyon. Ang mga asong pinalaki Ko sa paglipas ng mga taon ay lumaking lahat nang maayos. Ang mga asong gusto Ko ay karaniwang hindi sadyang nagpapagalit ng mga tao. Kung pakikitaan mo ang isang aso ng kaunting kabutihan, ibabalik niya ito nang sampung ulit. Basta’t tunay kang mabuti rito, kahit pa maglagay ka ng diyaryo o isang pares ng sapatos sa bakuran, hihiga ito sa tabi ng mga iyon at babantayan ang mga iyon para sa iyo. Kung minsan, kung magtatapon ka ng isang bagay na hindi mo gusto, iisipin ng aso na naiwala mo iyon, at babantayan niya iyon para sa iyo nang hindi gumagala palayo. Pagkalipas ng ilang panahon, naibuod Ko ang natutuhan Ko at nasabing, “Ang mga tao ay masahol pa sa mga aso!” Ang mga aso ay nagbabantay ng mga bahay—ginagamit nila ang kanilang mga kakayahan at kasanayan upang bantayan nang mabuti ang iyong bahay. Ang mga tao ay wala man lamang mga puso, lalong hindi nila binabantayan nang mabuti ang mga bagay. Ni hindi sila magsasalita upang pag-ingatan ang gawain ng iglesia. Mas mababa pa sila sa isang bantay na aso! Ito ang natukoy Kong pagkakaiba ng mga tao sa mga aso. Ang mga taong ito na naglulustay ng mga handog ay mas mababa pa sa mga bantay na aso. Sumasang-ayon ba kayo na dapat silang maparusahan nang mabigat? (Oo.) Pinagkakatiwalaan ng Diyos ang mga tao, at ipinagkakatiwala sa kanila ang gawain at mga tungkulin. Ito ang pagtataas sa kanila ng Diyos at pagkakaroon Niya ng magandang pagtingin sa kanila. Hindi sa karapat-dapat silang gumanap sa gawaing iyon, o na may mahusay silang kakayahan at pagkatao, o na kaya nila ang trabaho. Gayunpaman, hindi nakikita ng mga tao ang pabor na ipinakikita sa kanila, palagi nilang iniisip na kaya nilang gawin ang gawain ng iglesia, na nakamit nila ito sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap at mga paggugol. Ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay sa kanila ng Diyos. Ano ba ang nakamit nila? Nagiging kampante ba sila sa mga nagawa nila? Itinataas ng Diyos ang mga tao upang gawin nila ang kanilang mga tungkulin, ngunit hindi nila nakikita ang pabor na ipinakikita sa kanila, o nauunawaan kung ano ang mabuti para sa kanila. Hindi sila nagiging karapat-dapat sa Kanyang tiwala at sa Kanyang pagtataas. Sinasayang nila ang tiwala ng Diyos at ang Kanyang pagtataas. Sa gayong mga sitwasyon, ikinalulungkot Ko, ngunit dapat silang maparusahan nang mabigat. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mga pagkakataon, ngunit hindi alam ng mga tao kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi nila alam kung paano pahalagahan ang mga pagkakataong ibinibigay sa kanila ng Diyos. Binibigyan Niya sila ng pagkakataon, ngunit hindi nila ito gusto. Inaakala nilang madaling kayan-kayanin ang Diyos, na mapagpatawad Siya, na hindi Niya makikita o malalaman kung ano ang nangyayari. Dahil dito, nangangahas silang imoral na maglustay ng mga handog, sinisira ang tiwala ng Diyos, hindi nagtataglay ng kahit na pinakapangunahing karakter at konsiyensiya ng tao. Bakit ba sumasampalataya pa rin sila? Hindi na dapat sila mag-abalang sumampalataya, dapat ay sambahin na lamang nila si Satanas. Hindi kailangan ng Diyos ang kanilang pagsamba. Hindi sila karapat-dapat!
Hindi ba’t halos sapat na nating napagbahaginan ang unang paksa ng pagbitiw sa mga propesyon—hindi pagkakawanggawa? Naunawaan na ba ninyo ang mga katotohanang prinsipyong nakapaloob sa paksang ito? Ano ang mga prinsipyo rito? (Ang mga prinsipyo ay na hindi pagkakawanggawa ang misyong ibinigay ng Diyos sa mga tao. Wala talaga itong kaugnayan sa pagsasagawa sa katotohanan o sa paghahangad sa kaligtasan. Kapag gumagawa ang isang tao ng ilang mabuting gawa, sumasalamin lamang ang mga iyon sa sarili niyang pag-uugali.) Walang kaugnayan ang pagkakawanggawa sa paghahangad sa katotohanan. Huwag kang magkamaling maniwalang sa pamamagitan ng pagkakawanggawa ay isinasagawa mo na ang katotohanan, o isa ka nang taong nagtamo ng kaligtasan. Isa itong ideyang maling-mali. Hindi kasama sa pagsasagawa ng katotohanan ang pagkakawanggawa, ni ang pagsasagawa ng gawaing pangkawanggawa. Ang layon ng pagsampalataya sa Diyos ay ang magtamo ng kaligtasan. Ang pagsampalataya sa Diyos ay hindi tungkol sa pag-iipon ng mga puntos o paggawa ng mabubuting gawa, hindi ito tungkol sa pagiging masaya sa paggawa ng mabubuting bagay o pilantropiya, ni hindi ito tungkol sa pagkakawanggawa. Walang kaugnayan ang pagsampalataya sa Diyos sa pagkakawanggawa; tungkol ito sa paghahangad sa katotohanan at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos. Kaya, ang mga ideya ng mga tao na ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol sa pagkakawanggawa o pagsasagawa ng gawaing pangkawanggawa, o na ang pagkakawanggawa ay katumbas ng pagsampalataya sa Diyos at pagbibigay-lugod sa Kanya, ay maling-maling lahat. Anumang pagkakawanggawa ang pasukin mo, at anumang bagay na may kaugnayan sa kawanggawa ang gawin mo, personal lamang itong kumakatawan sa iyo. Mga paminsan-minsang kilos man ang mga iyon o isang bagay na isinasagawa mo bilang isang propesyon, sumasalamin lamang ang mga bagay na ito sa sarili mong mabuting pag-uugali. Maaaring may kaugnayan ang pag-uugaling ito sa isang relihiyon, sa gawi sa lipunan, o sa mga moral na pamantayan, ngunit wala talaga itong kaugnayan sa pagsampalataya sa Diyos at sa paghahangad sa katotohanan, o sa pagsunod sa daan ng Diyos, at wala talaga itong kinalaman sa Kanyang mga hinihingi. Ngunit gayunpaman, bakit hindi dapat magkawanggawa ang isang tao? Ang Diyos ay isang Diyos na nahahabag sa mga tao, na may habag at pag-ibig. Kinaaawaan Niya ang sangkatauhan, kaya bakit hindi inaalala ng Diyos ang mga mapagkawanggawang gawain ng mga tao? Bakit hindi nakakamit ng pagkakawanggawa ang pag-alala ng Diyos? Hindi ba’t isa itong problema? Ang pag-uutos ba na huwag magkawanggawa ang mga tao ay isang tanda na hindi iniibig ng Diyos ang sangkatauhan? Hindi ba’t sinasalungat nito ang awa na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhan? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil may mga prinsipyo sa habag at pag-ibig ng Diyos, at ang Kanyang habag at pag-ibig ay nakatuon sa mga partikular na tao. Ipinagkakaloob Niya ang mga iyon sa mga taong tumatanggap sa katotohanan, nagsasagawa ng katotohanan, at tunay na nagsisisi. Para naman sa mga walang pananampalatayang hindi kayang tumanggap sa katotohanan, hindi sila ang mga taong nilalayong iligtas ng Diyos.) May mga prinsipyo sa habag at pag-ibig ng Diyos, at ang Kanyang habag at pag-ibig ay nakatuon sa mga partikular na tao. Sige nga, ano pa? May kaugnayan ba ang pagkakawanggawa sa pagsampalataya sa Diyos? (Wala.) Kung gayon, sumasalungat ba ang pagkakawanggawa sa pagsampalataya sa Diyos? Kapag nakikibahagi sa anumang uri ng gawaing pangkawanggawa, hindi ba’t kailangang maglaan ng mga tao ng panahon, lakas, at maging ng pera? Kapag nagkawanggawa ka, hindi maaaring umayon ka lang dito nang hindi pinag-iisipan o isinasaalang-alang ang gawain. Kung ituturing mo talaga ito bilang isang propesyon, talagang kakailanganin mong maglaan ng panahon, lakas, at maging ng malalaking halaga ng pera. Sa sandaling makapaglaan ka na ng panahon, lakas, at pera, hindi ba’t matatali at makokontrol ka na ng gawaing pangkawanggawa na iyong inaasikaso? Magkakaroon ka pa ba ng lakas na hangarin ang katotohanan? Magkakaroon ka pa rin ba ng lakas na tuparin ang iyong tungkulin? (Hindi.) Kapag naghangad ka ng anumang propesyon sa buhay, anumang propesyon ang iyong isagawa, kung gagawin mo ito nang full time, hindi mo maiiwasang ilaan at isakripisyo ang panghabambuhay mong lakas at ang iyong buong buhay. Dahil dito ay mawawala sa iyo ang iyong tahanan, ang iyong mga damdamin, ang mga kasiyahan ng iyong laman, at ang iyong panahon. Sa gayunding paraan, kung talagang ituturing mo ang kawanggawa bilang isang propesyon at isasakatuparan ito nang naaangkop, ang lahat ng panahon at lakas na mayroon ka ay matutuon dito. Limitado ang lakas ng isang tao. Kung nakokontrol ka ng gawaing pangkawanggawa, at gusto mong pantay at balanseng bigyang-pansin kapwa ang gawaing pangkawanggawa at ang iyong pananampalataya sa Diyos, at higit pa rito, nais mong gawin nang mabuti ang parehong bagay, hindi ito magiging isang madaling gawain. Kung nais mong balansehin nang sabay ang dalawang bagay na ito, ngunit hindi mo magawa, kakailanganin mong pumili. Kung pipili ka kung alin ang pananatilihin at alin ang bibitiwan, paano ka magpapasya? Hindi ba’t dapat na piliin mo ang pinakamakabuluhan at pinakamahalagang pagsisikap na dapat isakatuparan? Kung gayon, kung sabay na darating sa iyong buhay ang pagsampalataya sa Diyos at ang pagkakawanggawa, ano ang dapat mong piliin? (Dapat kong piliing sumampalataya sa Diyos.) Hindi ba’t pinipili ng karamihan sa mga tao ang sumampalataya sa Diyos? Dahil nakikita Kong pinili ninyong lahat iyon, hindi ba’t normal lang naman na hindi hinahayaan ng Diyos ang mga taong magkawanggawa? (Oo.) Marami nang natulungang bagay na may buhay at marami nang taong nabigyan ng panustos ang pagkakawanggawa, ngunit sa huli ay ano ang mapapala mo rito? Mabibigyang-lugod mo ang iyong banidad. Pagkakamit ba talaga ito ng isang bagay, at ito ba ang dapat mong makamit? Matutupad ang iyong mithiin, maipakikita ang iyong halaga, iyon na iyon—ngunit ito ba ang landas na dapat mong tahakin sa buhay? (Hindi.) Ano ang mapapala mo rito sa huli? (Wala.) Wala kang anumang mapapala. Pansamantalang mabibigyang-lugod ang iyong banidad, makatatanggap ka ng kaunting papuri mula sa iba, o mga medalya at parangal sa lipunan, ngunit iyon na iyon, at mauubos ang lahat ng iyong lakas at panahon. Ano ang mapapala mo? Karangalan, isang magandang reputasyon, at mga papuri—mga walang saysay na bagay ang lahat ng ito. Gayunpaman, ang mga katotohanang dapat na maintindihan ng mga tao at ang mga landas sa buhay na dapat nilang tahakin sa buhay na ito ay hindi mauunawaan o makakamit sa pamamagitan lamang ng pagkakawanggawa. Iba ang pananampalataya sa Diyos. Kung taos-puso mong ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos at hinahangad ang katotohanan, magbubunga ng magaganda at mga positibong resulta ang mga paglalaan mo ng panahon at lakas. Kung alam at nauunawaan mo ang mga bagay na dapat pinakanaiintindihan ng mga tao—kung paano dapat mamuhay ang mga tao, kung paano nila dapat sambahin ang Diyos, kung paano nila tingnan ang iba’t ibang usapin, kung ano-ano ang mga perspektiba at paninindigang dapat nilang taglayin kapag kumikilos sila, kung ano ang pinakatamang paraan ng pag-asal, at kung paano aasal sa paraang aalalahanin ng Lumikha, sa paraang nangangahulugang tinatahak ng isang tao ang tamang landas—kung gayon, ito ang wastong landas at tunay na pagtatamo ito ng isang bagay. Sa iyong buhay, marami kang makakamit na hindi matututuhan ng mga hindi mananampalataya, mga bagay na dapat taglayin ng isang taong may humanidad. Ang mga bagay na ito ay mula sa Diyos, mula sa katotohanan, at magiging buhay mo ang mga ito. Mula rito, magiging isa kang tao na itinuturing ang katotohanan bilang kanyang buhay; hindi na magiging walang saysay ang iyong buhay, at hindi ka na magugulumihanan o matitinag. Hindi ba’t mas malalaki at mas mahahalagang pakinabang ang mga ito? Hindi ba’t mas mahalaga ang mga ito kaysa sa pagsasagawa ng kung anong gawaing pangkawanggawa upang sandaling bigyang-lugod ang iyong banidad? (Oo.) Ang mga pakinabang na ito na may kinalaman sa katotohanan, at ang landas na dapat tahakin ng mga tao, ang magkakaloob sa iyo ng bagong buhay. Walang bagay sa mundo ng tao ang makatutumbas sa bagong buhay na ito, at walang makapapalit dito. Siyempre, walang katumbas at walang hanggan ang bagong buhay na ito. Isa itong bagay na makakamit mo pagkatapos mong ilaan ang iyong panahon, lakas, at kabataan, pagkatapos mong magbayad ng partikular na halaga at magsakripisyo ng mga partikular na bagay. Hindi ba’t sulit ito? Talagang sulit ito. Ngunit ano ang mapapala mo kung magkakawanggawa ka? Wala kang anumang mapapala. Ang mga parangal at medalyang iyon ay hindi mga pakinabang. Ang pagsang-ayon at pagsuporta ng iba, ang pagsasabi ng ibang taong isa kang mabuting tao o isang dakilang pilantropo—maituturing bang mga pakinabang ang mga ito? (Hindi.) Ang lahat ng ito ay mga pansamantalang bagay, at madaling maglalaho ang mga ito sa paglipas ng panahon. Kapag hindi mo na mahawakan ang mga bagay na ito, kapag hindi mo na maramdaman ang mga ito, mapupuno ka ng pagsisisi, at sasabihin mo, “Ano ba ang nagawa ko sa buhay ko? Nag-alaga ako ng ilang pusa at aso, nag-ampon ng ilang ulila, tinulungan ang ilang mahirap na tao na magkaroon ng magagandang buhay, na makakain ng masasarap na pagkain at magkaroon ng magagandang damit na maisusuot, ngunit paano naman ako? Para saan ako nabuhay? Posible bang nabuhay ako para lamang sa kanila? Iyon ba ang misyon ko? Ito ba ang responsabilidad na ipinagkatiwala sa akin ng Langit? Ito ba ang obligasyong ibinigay sa akin ng Langit? Tiyak na hindi. Kung gayon, para saan ba nabubuhay ang isang tao sa buhay na ito? Saan ba nagmumula ang mga tao at saan ba sila napupunta sa hinaharap? Hindi ko nauunawaan ang mga pinakapundamental na usaping ito.” Kung kaya, pagdating mo sa yugtong ito, mararamdaman mong hindi mga pakinabang ang mga parangal na iyon, at na mga panlabas na bagay lamang ang mga iyon. Ito ay dahil ikaw pa rin ang parehong taong iyon kung hindi ka nasangkot sa pagkakawanggawa, dahil matapos magkawanggawa hanggang sa araw na iyon, magkamit ng lahat ng papuri at parangal na iyon—sa alinmang sitwasyon, hindi magbabago ang iyong panloob na buhay. Hindi mo pa rin alam ang mga bagay na hindi mo nauunawaan, maguguluhan at magugulumihanan ka pa rin. At sa sandaling iyon, bukod sa lalo kang magugulumihanan, at lalong malilito, lalo ka ring mababalisa. Sa puntong ito, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi. Lumipas na ang iyong buhay, naglaho na ang pinakamaiinam mong sandali, at napili mo na ang maling landas. Samakatuwid, bago mo pagpasyahang magkawanggawa, o kapag kasisimula mo pa lamang magkawanggawa, kung nais mong hangarin ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, dapat mong bitiwan ang gayong mga ideya. Siyempre, dapat mo ring bitiwan ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa gawaing ito at buong-pusong igugol ang iyong sarili sa landas ng pagsampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Sa huli, kahit na ang makamit mo ay hindi kasinlaki o kasingkongkreto ng una mong inakala, kahit papaano, hindi ka mapupuno ng pagsisisi. Kahit gaano pa kakaunti ang iyong makamit, higit pa rin ito sa matatanggap ng mga taong naggugol ng kanilang buong buhay sa relihiyon na sumasampalataya sa Panginoon. Isa iyong katunayan. Samakatuwid, habang pumipili ng propesyon, sa isang aspeto, kailangang bitiwan ng mga tao ang kanilang mga ideya at planong magkawanggawa. Sa isa pa, dapat din nilang itama ang kanilang mga kuru-kurong hinggil sa kanilang mga kaisipan. Hindi nila kailangang kainggitan ang mga tao sa lipunan na nagsasagawa ng gawaing pangkawanggawa, o isipin kung gaano kamapagkawanggawa, kadakila, karangal, at pagiging di-makasarili ang mga ito, at sabihing, “Tingnan ninyo kung gaano sila karangal at di-makasariling kumilos habang tumutulong sa ibang tao. Bakit hindi natin kayang maging di-makasarili? Bakit hindi natin magawa iyon?” Una, hindi mo sila kailangang kainggitan. Pangalawa, hindi mo kailangang punahin ang iyong sarili. Kung hindi sila pinili ng Diyos, may mga kanya-kanya silang misyon at paghahangad. Anuman ang kanilang hinahangad, katanyagan at kapakinabangan man ito, o pagtupad sa sarili nilang mga mithiin at hangarin, hindi mo kailangang alalahanin iyon. Ang dapat mong alalahanin ay kung ano ang dapat mong hangarin at kung anong uri ng landas ang dapat mong tahakin. Ang pinakapraktikal na usapin ay, yamang pinili ka ng Diyos, at pumasok ka na sa sambahayan ng Diyos, at isa kang miyembro ng iglesia, at higit pa rito, dahil kahanay mo ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin, dapat mong pagnilayan kung paano mo tatahakin ang landas ng kaligtasan habang tinutupad ang iyong tungkulin, kung paano isasagawa ang katotohanan, kung paano makapapasok sa katotohanang realidad, at aabot sa punto kung saan tumimo na sa iyo ang mga salita ng Diyos at naging buhay mo na ito sa pamamagitan ng iyong mga paghahangad at ng iba’t ibang halagang iyong binabayaran. Sa hindi kalayuang hinaharap, kapag nagbalik-tanaw ka sa kalagayan mo noong una kang sumampalataya sa Diyos, malalaman mong nagbago na ang panloob mong buhay. Hindi ka na magiging isang taong nakabatay ang buhay sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Hindi ka na magiging isang mapagmataas, ignorante, agresibo, at hangal na taong nag-iisip na walang makapapantay sa kanya, gaya ng dati. Sa halip, magiging bagong buhay mo na ang salita ng Diyos. Malalaman mo kung paano sundan ang daan ng Diyos, at malalaman mo kung paano tugunan ang lahat ng bagay na kahaharapin mo sa buhay alinsunod sa kalooban ng Diyos, at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Gugugulin mo ang bawat araw sa isang napakapraktikal na paraan, at magkakaroon ka ng tumpak na mithiin at direksyon sa lahat ng bagay na iyong gagawin. Malalaman mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin. Ang lahat ng bagay na ito ay magiging sinlinaw ng salamin sa iyong isipan. Ang iyong pang-araw-araw na buhay ay hindi magiging nakalilito, nakapapagod, o nakalulumbay. Sa halip, mapupuno ito ng liwanag, magkakaroon ito ng mga mithiin at ng direksyon. Kasabay niyon, gaganahan ang iyong puso. Madarama mong nagbago ka na, na nagtamo ka na ng bagong buhay, at na naging isa ka nang taong nagawang buhay niya ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t mabuti ito? (Oo.) Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa hindi pagkakawanggawa, na unang prinsipyo sa paksa na pagbitiw sa mga propesyon.