Paano Hangarin ang Katotohanan (9) Ikaapat na Bahagi
Pagiging Madaling Maghinala
Sunod, pag-usapan naman natin ang pagiging madaling maghinala. Aling pagpapamalas na katatalakay lang natin ang medyo katulad ng pagiging madaling maghinala? (Pagkasensitibo.) Anong uri ng problema ang pagkasensitibo? (Isang depekto ng pagkatao.) Ang pagiging madaling maghinala ay mas mataas nang isang antas kaysa sa pagkasensitibo; mas malubha ang problema. Ang pagkasensitibo ay simpleng palatandaan ng medyo hindi pa hinog na pagkatao, ng parang sa isang bata, samantalang ang pagiging madaling maghinala ay may kasamang mga partikular na kaisipan at pananaw—ito ang karaniwang tinatawag na labis na pag-iisip, na nagpapahiwatig ng mababang karakter. Halimbawa, may isang tao na humihiling sa isang tao na madaling maghinala na tumulong sa pagbili ng isang aytem na nagkakahalaga ng sampung yuan at partikular na binibigyang-diin na, “Hinding-hindi ka puwedeng lumampas sa sampung yuan. Kung masyado itong mahal, huwag mo itong bilhin.” Pagkarinig dito ng taong madaling maghinala, nagbubulay-bulay siya, “Nagiging magalang ka lang ba? Ang totoo ay gusto mo ng isang aytem na nagkakahalaga ng isang daang yuan pero nahihiya ka lang na sabihin ito. Kung gayon, bibilhan kita nito, para mapasaya kita at mag-iwan ako sa iyo ng mga positibong damdamin tungkol sa akin.” Pagkabigay niya ng aytem sa taong nagpabili, sinabi nito, “Masyado itong mahal. Sampung yuan lang ang mayroon ako; wala akong ganoon kalaking pera.” Kaya, sa pagbili niya ng aytem na nagkakahalaga ng isang daang yuan para sa taong iyon, hindi ba’t nawalan ito? Subalit hindi niya maunawaan ang taong ito at sa halip ay nagkikimkim siya ng mga pagdududa na ayaw ng taong ito na gumastos ng mas malaking pera at na sinusubukan siya nitong samantalahin. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t napakamapanggulo ng gayong mga tao na madaling magduda? (Oo.) Sa anong paraan sila mapanggulo? (Masyadong komplikado ang mga kaisipan nila.) Ang mga taong may sobrang komplikadong mga kaisipan ay mahirap pakisamahan. Sabihin ninyo sa Akin, handa bang makisama sa gayong mga tao ang mga taong may prangkang personalidad? (Hindi.) Hindi mo alam kung ano ang iniisip nila sa loob-loob nila o kung sa aling direksiyon patutungo ang mga kaisipan nila, at hindi mo makilatis ang kanilang mga intensiyon o kung paano ka nila pinagdududahan. Kaya, kapag mayroon kang ipinagkakatiwala sa kanila para asikasuhin, bagaman malinaw na napakasimpleng maliit na bagay ito, ginagawa nila itong labis na komplikado at nakasasagabal. Dahil sobra nilang ginagawang komplikado ang mga bagay-bagay, ikaw mismo ay sobrang napapagod at naiisip mo na mas maiging ikaw na lang sana ang gumawa. Ayaw mong makisalamuha sa gayong mga tao at gusto mo na lang silang iwasan. Halimbawa, sabihin nating mayroon kang isang gamit na hindi mo na kailangan, at na sayang naman kung iiwan mo na lang ito roon, kaya ibibigay mo ito sa isang ganitong uri ng tao na madaling maghinala. Bukod sa hindi nagpapasalamat tungkol dito ang taong ito, nagdududa rin siya sa puso niya: “Bakit mo ito ibinibigay sa akin? Tiyak na may lihim na motibo rito. Sinusubukan mo bang ipaisip sa akin na isa kang mabuting tao, para magkaroon ako ng utang na loob sa iyo, o may sinusubukan ka bang ipagawa sa akin para sa iyo?” Hindi mo kailanman inasahan na masyado siyang mag-iisip tungkol sa isang napakaliit na usapin, na ang pagbibigay mo sa kanya ng munting bagay ay maaaring humantong sa labis na pagdududa. Kailangan mo pang magsabi ng maraming bagay para maiwaksi ang mga pagdududa niya. Hindi ba’t sobrang mapanggulo iyon? Nagsisimula kang masuklam sa taong ito at pagkatapos niyon, kapag may isang gamit ka na hindi mo na kailangan, mas gugustuhin mo nang itapon ito kaysa ibigay sa kanya. Bakit hindi na lang ito ibigay sa kanya? Hindi dahil sa wala kang puso, kundi ayaw mong mag-udyok ng gulo. Dati, may isang taong kauupa lang sa isang lugar, at walang mga kagamitang panlinis sa loob nito. Kaya nagdala Ako ng ilang panlinis galing sa bahay; ang ilang bote ng panlinis ay puno, ang iba naman ay kalahati lang ang laman. Tiningnan ng taong umuupa sa lugar ang mga iyon at sinabing: “Kahit na libre Mong ibinigay sa akin ang mga bagay na ito, hindi Kita pasasalamatan—nagamit na ang mga ito. Kung bago ang mga ito, ibibigay Mo kaya sa akin ang mga ito?” Hindi ba’t nakakasakit ang mga salitang ito? (Oo.) Bakit nakakasakit ang mga ito? (Binaluktot niya sa ganitong paraan ang isang mabuting kalooban.) Inisip niya na masamang kalooban ang Aking mabuting kalooban. Hindi Ko hininging pasalamatan mo Ako, hindi Ko rin hiningi sa iyo na bayaran ang mga aytem. Nangungupahan ka lang sa isang lugar, at walang mga kagamitang panlinis sa loob nito, at nakakaabala para sa iyo na lumabas at bumili ng mga ito. Dinalhan lang kita ng ilang gamit na mayroon Ako para maging mas madali sa iyo ang mga bagay-bagay. Hindi Ko sinusubukang sumipsip sa iyo sa pamamagitan ng pagpapagamit sa iyo ng mga bagay na ito—wala Akong anumang pagkakautang sa iyo, at hindi Ko rin hiningi na magkaroon ka ng utang na loob sa Akin. Naging mapaghinala siya tungkol sa ganoong kasimpleng bagay: “Hmph! Ano ba ang napakaespesyal tungkol dito? Dinalhan Mo ako ng kaunting gamit at ngayon ay iniisip Mong may utang ako sa Iyo! Hindi naman maganda ang gamit na dala Mo—paanong maganda ito kung ipinamimigay Mo lang ito?” Talagang mahirap pakisamahan ang taong ito. Hindi Ko naman sinabing mga pambihirang kagamitan ang mga ito—mga ordinaryong panlinis lamang ang mga ito. Kung ayaw mong gamitin ang mga ito, hindi mo naman kailangang gamitin. Bakit ginagawa mong masyadong komplikado ang mga bagay-bagay? Napagtanto Ko na mahirap pakisamahan at pakitunguhan ang taong ito. Hindi ba’t mas walang gaanong problema kung hindi na lang Ako nagdala ng anumang bagay? Hindi naman sa ganoon. Ang hindi pagdadala ng anumang bagay ay malamang na nagdulot din ng problema. Malamang ay inisip pa rin niya na, “Inuupahan ko ang lugar na ito at hindi Mo man lang ako dinalhan ng anumang kagamitang panlinis. Magkapatid dapat tayo, pero wala Kang ipinakitang pagmamahal sa akin kahit kaunti!” May masasabi at masasabi pa rin siya. Napakababa ng karakter ng gayong mga tao. Palagi nilang ginagamit ang sarili nilang mga kagustuhan at pamantayan para sukatin kung mabuti ba o masama ang iba. Palagi nilang sinisiyasat at sinusukat ang iba nang may mapanghusgang tingin, iniisip na sila ay superyor sa moral samantalang ang iba ay pawang may madilim na bahagi, at na palaging may sariling mga motibo ang ibang tao paano man kumilos ang mga ito, samantalang sila lamang ang hindi tiwali at ang perpekto.
Ang mga taong madaling maghinala ay may mababang karakter. Dahil mayroon silang mababang karakter, hindi maiiwasang kikilos sila sa ilalim ng pangingibabaw ng karakter na ito. Ang ibinubunyag nila ay mga tiwaling disposisyon, tiyak na hindi ito normal na pagkatao. Kung hindi ito normal na pagkatao, ano talaga ito? Nauugnay ito sa mga tiwaling disposisyon. Pagdating sa pagiging madaling maghinala, ang mga tipikal na tiwaling disposisyong ibinubunyag ng gayong mga tao sa kanilang mga kilos at pakikisalamuha sa iba ay tiyak na kabuktutan at panlilinlang. Sadyang ganoon kakomplikado ang mga kaisipan nila, sadyang ganoon kabuktot at lihim na mapanira. Dahil sila mismo ay hindi kumikilos kahit kaunti maliban kung may mapapala sila rito, inaakala nilang ganoon din ang lahat ng tao. Kahit hindi ka ganoong uri ng tao, hindi nila ito paniniwalaan, at kahit na subukan mong magpaliwanag, hindi ito makakatulong—sadyang ganoon ang tingin nila sa iyo. Gumagamit sila ng buktot na pamamaraan at buktot na disposisyon para tingnan ang lahat ng bagay at usapin at lahat ng tao. Kahit na wasto ang ginagawa mo, naaayon sa mga pangangailangan ng pagkatao, naaayon sa pagkamakatwiran ng pagkatao, o naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, sunod-sunod nila itong kukuwestiyunin at tatanungin ka nila, “Bakit mo ito ginagawa? Ano ang motibo mo?” Sasabihin mo, “Wala akong motibo,” pero talagang hindi nila ito paniniwalaan—ipipilit nila ang paglalagay ng motibo sa iyo at pagpapaamin nito sa iyo. Hindi ba’t mapanggulo ang gayong mga tao? (Oo.) Mahirap para sa mga taong madaling maghinala na makisama sa iba. Ang gayong mga tao ay tiyak na hindi simple at bukas, at siyempre, hindi sila matatapat na tao. Sa kanilang karakter, ang mga elemento ng pagkamatapat, kabaitan, o pagkamakatwiran ay halos wala nang lahat. Kaya, ano ang mga pangunahing bahagi ng kanilang karakter? Paranoia, panlilinlang, kabuktutan, kawalan ng pagiging simple, at pagiging hindi matapat. Ang tingin nila sa lahat ng tao at sa lahat ng isyu ay napakakomplikado. Kahit na makipag-usap ka sa kanila nang matapat, susuriin at pagbubulay-bulayan nila kung bakit mo ito sinabi. Kahit matagal ka na nilang nakakasalamuha at alam nila kung ano ang karakter mo, madalas pa rin silang magkakaroon ng isang saloobin ng paghihinala tungkol sa iyo kapag nakikipag-usap, nag-aasikaso ng mga usapin, o nakikisalamuha sa iyo. Kaya, ang gayong mga tao ay napakamapanggulo. Nagdaragdag ng maraming pasanin at pormalidad ang pakikisalamuha sa kanila, at kailangan mo ring gumawa ng maraming takdang aralin at kilalanin sila—alamin kung anong mga bagay ang hindi nila gusto, at kung ano ang ayaw nilang gawin o ayaw pag-usapan. Kung hindi, kung hindi ka maingat, maaaring mapasama mo ang loob nila o, sa tingin nila, maaaring masaktan mo sila. Ganito nila tinatrato ang mga tao, kaya paano nila tinatrato ang Diyos? (Ganoon din ang pagtrato nila sa Diyos.) Tatratuhin ba nila ang Diyos nang may sinseridad? (Hindi.) Halimbawa, kapag isinasaayos ng iglesia na gumawa sila ng isang tungkulin, nagsisimula silang magbulay-bulay, “Alam kaya ng Diyos na ginagawa ko ang tungkuling ito? Tatandaan kaya Niya ito? Gaano ako dapat magsikap para mairaos ito at para matandaan ito ng Diyos?” Pagkatapos gawin ang kanilang tungkulin sa loob ng ilang panahon, inuusisa rin nila kung paano sila tinitingnan ng mga lider at manggagawa at kung mayroon bang anumang negatibong pagsusuri ang mga ito tungkol sa kanila. Ano bang uri ng pagkatao ito? Batay sa ipinamalas na pagkatao sa pamamagitan ng saloobin nila sa pangangasiwa sa mga usapin, napakamapanggulo ng gayong mga tao, at hindi madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Bakit ganoon? Dahil mahirap para sa kanila ang maging matatapat na tao; walang pagpapahalaga sa katarungan ang kanilang konsensiya, hindi matibay ang katwiran nila, at hindi makatwiran ang kanilang paraan ng paghusga sa mga bagay-bagay. Bakit Ko sinasabing ito ay hindi makatwiran? Dahil sila ay medyo labis-labis, madaling mapako sa mga bagay-bagay, at ubod ng sama—hindi nila tinitingnan ang mga bagay-bagay gamit ang paraan ng pag-iisip ng normal na pagkatao. Hindi sila bukas at prangka, kundi sa halip ay namumuhay sila sa isang napakadilim na paraan. Subalit hindi nila kailanman nararamdaman na namumuhay sila sa isang madilim na paraan at iniisip pa nga nila na mas matalino sila kaysa sa iba, at na namumuhay sila nang mas may pagkapino at may atensiyon sa detalye kumpara sa iba. Partikular nilang hinahangaan ang sariling pagkamautak. Ito ay tinatawag na pag-aakalang mautak ang sarili. Ang mga taong nag-aakalang mautak sila ay sobrang kulang sa katwiran ng kanilang pagkatao, at sa pagpapahalaga sa katarungan sa loob ng kanilang konsensiya. Samakatwid, masama ang pagkatao ng gayong mga tao, at ayaw ng iba na makipag-ugnayan sa kanila. Kahit sino pa ang nagsasabi ng isang bagay, gagawan ito ng isyu ng mga gayong tao. Ang binibigyan nila ng pakahulugan ay pawang mga labis-labis na bagay na baluktot, ng pagkamainitin ng ulo, kay Satanas, at ng mga emosyon—ang mga ito ay pawang mga bagay na madilim at negatibo, mga bagay na salungat sa katotohanan at lumalaban sa katotohanan. Hindi talaga kayang gabayan ng mga bagay na ito ang mga tao tungo sa tamang landas. Kaya, ang mga ganitong uri ng tao ay labis na kasuka-suka at kasuklam-suklam. Nakatira sila sa madidilim na sulok at sa sarili nilang maliit na mundo. Labis ang kanilang narsisismo at paghanga sa sarili, iniisip na namumuhay sila nang mas katangi-tangi, marangal, at may dignidad na buhay kaysa sa iba—walang sinuman ang puwedeng kumanti sa kanila. Sa katunayan, napakababa ng karakter ng gayong mga tao, at wala silang tunay na dignidad. Ang ibig sabihin ng kawalan ng tunay na dignidad ay na talagang mababa ang kanilang karakter, dahil ang lumilitaw mula sa kanilang pagkatao ay pawang madidilim na bagay na hindi puwedeng maihayag, mga hindi matuwid at tuwirang bagay. Samakatwid, ang mga taong ito ay walang dignidad na karapat-dapat banggitin. Anong mga kahihinatnan ang malamang na maidudulot ng pagiging madaling maghinala ng mga tao? Sa madaling salita, ang gayong mga tao ay puno ng tusong panlalansi. Ang pagiging madaling maghinala ay nangangahulugan na ang mga taong ito ay nagtataglay ng maraming tusong pakana. Tingnan ninyo kung paano inaapi at inaaresto ng mga diyablong hari ang hinirang na mga tao ng Diyos—nagtataglay sila ng napakaraming tusong pakana, pinipinsala ang mga tao sa huli hanggang sa puntong mawasak ang kanilang mga pamilya, nang may ilang kapamilya na namamatay, at nagkakahiwa-hiwalay. Kagagawan iyan ng mga demonyo at mga diyablong hari. Kaya, walang sinumang mabuti sa mga taong madaling maghinala. Dapat tingnan ng mga mananampalataya sa Diyos ang mga tao at bagay batay sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sila dapat basta-bastang maghinala, at dapat may ebidensiya sa sinasabi nila. Kapag tinitingnan mo ang isang tao o isang usapin, kahit papaano ay dapat positibo at katanggap-tanggap sa iba ang mga kaisipang nabubuo mo. Ang mas mainam, dapat naaayon ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, nakakatulong sa iba, at may positibong impluwensiya sa kanila. Gayumpaman, wala sa mga kaisipan at pananaw na nabubuo ng mga taong madaling maghinala ang naaayon sa katotohanan; sa pinakamababa, ang mga ito ay hindi mga positibong bagay—ibig sabihin, ang perspektiba kung saan tinitingnan ng mga gayong tao ang mga problema o ang mga kaisipan at ideyang binubuo nila ay sadyang hindi naaayon sa katotohanan. Samakatwid, ang ganitong uri ng mga tao ay namumuhay sa madidilim na sulok at wala silang integridad o dignidad na karapat-dapat banggitin. Ang mga bagay na lumilitaw mula sa kanilang mga kaisipan ay pawang madilim at buktot—hindi naaayon ang mga bagay na ito sa mga katotohanang prinsipyo at hindi magkakaroon ng positibong impluwensiya sa mga tao o sa buhay nila. Kung tatanggapin mo ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na lumilitaw mula sa paghihinala ng mga tao, malalason ka at mahahatak pababa ng mga ito—katumbas ito ng pagiging natiwali ni Satanas. Gayumpaman, kung mayroon kang pagkilatis sa gayong mga tao at itinuturing mo sila bilang isang negatibong halimbawa, makakagawa ka ng kaunting pag-usad at magkakamit ka ng kaunting pagkilatis sa pag-unawa sa mga negatibong bagay. Dito nagtatapos ang talakayan natin tungkol sa pagiging madaling maghinala.
Kawalang-kasanayan
Susunod, pag-usapan naman natin ang kawalang-kasanayan. Nauunawaan ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng kawalang-kakayahan—tumutukoy ito sa pagiging hindi kayang pangasiwaan nang maayos ang anumang bagay, pagmumukhang inutil, katulad lang ng kapag madalas sinasabi ng mga tao na: “Bakit sobra kang walang kakayahan? Wala ka talagang kinabukasan!” Mabuting bagay ba ang kawalang-kakayahan? (Hindi.) Kung gayon, ikategorya natin ito—ano ito? (Isa itong depekto ng pagkatao.) Malinaw na isang depekto ng pagkatao ang kawalang-kakayahan. Ang kawalang-kasanayan ay nangangahulugan na ang isang tao ay may napakababang katalinuhan sa pangangasiwa ng mga usapin at may mahihinang abilidad sa pamumuhay—ito ay tinutukoy bilang kawalang-kasanayan. May ilang taong malamyang magsalita, hindi magawang ipahayag ang kanilang sarili; ang ilan ay mayroon pa ngang mahiyain at di-palakibong personalidad—kapag kailangan nilang magsalita sa harap ng maraming tao o maging sentro ng atensiyon, nagkakaroon sila ng stage fright, nahihiya, at hindi naglalakas-loob na magsalita, at madalas silang inaapi ng iba. Naniniwala ang ilang masamang tao na may katwiran ang pang-aapi sa gayong mga tao, at na napakasaya at kasiya-siya nito—kinukutya at tinutukso nila ang mga ganitong uri ng tao araw-araw. Mahina ang abilidad ng mga taong walang kakayahan na mangasiwa ng mga usapin. Maaaring ang ilan sa kanila ay mayroon ding mahihinang abilidad sa pamumuhay, hindi kayang kumita ng pera, at palaging napakamatatakutin at masyadong maingat sa paligid ng iba. Kapag nakakakita sila ng malalakas na tao, iniiwasan nila ang mga ito at hindi sila naglalakas-loob na magsalita. Kahit kapag inaapi sila, hindi sila naglalakas-loob na lumaban, natatakot na baka mapasama nila ang loob ng iba. Batay sa mga pagpapamalas ng kawalang-kakayahan sa pagkatao ng ganitong uri ng mga tao, isa lamang itong depekto ng pagkatao. Ang kawalang-kakayahan ng sinuman ay hindi kailanman nagdulot sa kanila na magkaroon ng mga maling kaisipan at pananaw o magdulot ng anumang masasamang epekto sa kanilang sarili o sa iba; samakatwid, ang kawalang-kakayahan ay isa lang depekto ng pagkatao. May sinuman ba na gustong maging isang taong walang kakayahan? (Wala.) Walang sinuman na gustong maging isang taong walang kakayahan—bakit kaya? Ang mga taong walang kakayahan ay inaapi, at minamaliit sila ng lahat, hindi ba? (Oo.) Kung papipiliin ka sa pagitan ng pagiging masama at pagiging walang kakayahan, tiyak na pipiliin mong maging masama kaysa sa walang kakayahan. Iisipin mo: “Hinding-hindi ako magiging isang taong walang kakayahan! Sa lipunang ito, ang mga taong walang kakayahan ay minamaltrato at inaapi, hindi sila tinatangkilik; saan man sila magpunta, minamaliit at tinatapak-tapakan lang sila ng iba. Bukod sa wala silang pakiramdam ng presensiya, maaari ding maalis ang kanilang karapatang mamuhay. Pero iba ang pagiging isang masamang tao—saan man magpunta ang masasamang tao, kinatatakutan at labis silang iginagalang ng iba. Walang nangangahas na galitin sila. Saan man sila magpunta, nagtatamasa sila ng mga pribilehiyo at puwede pa nga nilang hamak-hamakin ang iba. Umuunlad ang masasamang tao kahit saan sila naroroon sa mundong ito.” Kung papipiliin kayo ngayon, wala ni isa sa inyo ang pipiliing maging isang taong walang kakayahan—pipiliin ninyong lahat na maging masamang tao. Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Anong katotohanang prinsipyo ang nilalabag nito? Ang kawalang-kakayahan ay isang depekto ng pagkatao. Ang mga pinakakaraniwang pagpapamalas ay ang kawalan ng kakayahang pangasiwaan nang maayos ang anumang bagay, madiskrimina at mabukod. Dahil naaapi ang mga taong walang kakayahan, at tinatapak-tapakan sila sa lipunan, walang may gustong maging isang taong walang kakayahan. Kinaiinggitan ng lahat ng tao ang mga may kakayahan at kasanayan, at ninanais pa nga nilang lahat na mamukod-tangi sa iba, na magkamit ng kapangyarihan at impluwensiya, at hamakin ang iba, na magkaroon ng mga pribilehiyo at katanyagan sa loob ng anumang grupo, hindi lang iniiwasan na maapi ng iba kundi magawang apihin din ang iba ayon sa gusto nila. Tama ba ang ganitong uri ng kaisipan at pananaw? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Napakinggan ninyo ang napakaraming katotohanan, pero hanggang ngayon ay sinasang-ayunan pa rin ninyo ang masasamang tao—ibig sabihin, napakabuktot din ng inyong disposisyon. Ang sinumang nakikita ninyong masama, kinaiinggitan at hinahangaan ninyo. Alam na alam ninyo sa puso ninyo na buktot ang masasamang tao, pero hindi ninyo maiwasang sumunod sa kanila dahil pakiramdam ninyo na sa paggawa nito ay nagkakaroon kayo ng suporta at nakakaiwas kayo sa pang-aapi. Kapag nakakakita kayo ng mga taong walang kakayahan, nakakaramdam kayo ng pagkasuklam sa kanila at minamaliit ninyo sila, gusto pa nga ninyo silang yurakan. Pero ni minsan ba ay naisip mo kung gaano karaming kasamaan ang gagawin mo at kung gaano kalaking ganting-parusa ang matatanggap mo kung susunod ka sa masasamang tao? Gaano kalaki ang posibilidad na makakatanggap ka ng kaligtasan kung susunod ka sa masasamang tao? Maiiwasan mo bang gumawa ng masama kung susunod ka sa masasamang tao? Sabihin nating sumusunod ka sa masasamang tao, naglilingkod sa kanila nang tapat at kumikilos bilang kanilang nasasakupan. Maaaring bigyan ka nila ng parte ng kanilang mga pakinabang, at maaaring nasusundan mo sila sa panghahamak sa iba at nakukuha mo ang pinakamasasarap na pagkain at inumin, nakakaranas ng labis na kasiyahan, naiiwasang maapi, at nagkakamit ng katayuan sa gitna ng iba sa buhay na ito. Pero kailangan mo pang gumawa ng malaking kasamaan para matamasa ang mga bagay na ito! Alam mo ba kung gaano kalaki ang ganting-parusa at kung gaano katindi ang kaparusahang matatanggap mo? Ito ba ang tamang landas? (Hindi.) Kung gayon, handa pa rin ba kayong magsakripisyo na piliin ang paggawa ng kasamaan at tumanggap ng kaparusahan, lahat para lang hindi maging isang taong walang kakayahan at maiwasan na maapi—isinasakripisyo ang inyong hantungan at kapalaran kapalit ng kasiyahan sa buhay na ito? Ito ba ang kaisipan at pananaw ninyo? Sa totoo lang, pinanghahawakan ng ilang tao ang ganitong uri ng pananaw—mas pipiliin nilang maging masamang tao kaysa maging walang kakayahan at maapi. Hindi ba’t ito ay pagnanais na tumahak sa landas ng masasamang tao? Ang kawalang-kakayahan ay isang depekto lang ng pagkatao—ano ba ang masama roon? Mas mainam ba talagang piliin ang mang-api ng iba at gumawa ng masama? Kung hindi ka hinahayaan ng Diyos na magutom at binibigyan ka Niya ng makakain, maaari ka ba talagang mamatay sa gutom? Kung tinutulutan ka ng Diyos na mamuhay nang may kagalakan, kalayaan, kaligayahan, katuwaan, at kapayapaan, hindi ka magkukulang sa mga bagay na ito. Ano ngayon kung inaapi ka ng iba? Walang makakaalis ng mga bagay na ito mula sa iyo—kung ano ang ipinagkakaloob sa iyo ng Diyos, walang sinuman ang puwedeng mag-alis nito. Kung susunod ka sa masasamang tao at tatahakin mo ang landas ng masasamang tao, ang mga kasiyahang natatamasa mo ay magiging puro makasalanan. Dagdag pa rito, ang anumang pera o materyal na kasiyahang nakukuha mo sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan ay matatamo sa pamamagitan ng puwersahang pang-aagaw, ang kasiyahang nararanasan mo sa buhay na ito ay hihigit pa kaysa sa ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, kaya kakailanganin mong pagbayaran ito ng maraming buhay sa hinaharap. Ang pagtamo ng mga kasiyahan sa laman sa buhay na ito kapalit ng pagtanggap ng kaparusahan—hindi ba’t ito ay hindi pagtahak sa tamang landas? Mas pipiliin ninyong maging masamang tao kaysa maapi—sumasalamin ito sa inyong persepsiyon at pagpapahalaga sa kasamaan sa kailaliman ng inyong kaluluwa. Kaya, ano ba ang masama sa pagiging walang kakayahan? Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng pagkatao, isa itong klase ng depekto, pero isa rin itong likas na kondisyon, na isang bagay na hindi kayang baguhin ng mga tao. Ang mga taong walang kakayahan ay hindi naging mga taong walang kakayahan dahil sa sarili nilang pagpili. Bagama’t isa itong depekto, hindi ito isang tiwaling disposisyon, hindi ito isang problema sa karakter ng isang tao. Kaya, ano ba ang masama rito? Kung, dahil sa iyong kawalang-kakayahan at mababang katayuan, ay madalas kang inaapi at lubos mong nauunawaan ang kawalan ng katarungan at kasamaan sa mundong ito at ang kadiliman ng lipunang ito, at bilang resulta ay taos-puso kang lumalapit sa Diyos para tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kusang-loob na nagpapasakop sa kapamahalaan at mga pamamatnugot ng Diyos, hinahayaan ang Diyos na mamahala sa iyong kapalaran—kung gayon, hindi ba’t ang kawalang-kakayahang ito ay isang uri ng proteksiyon para sa iyo? Ang kawalang-kakayahan ay hindi isang negatibong bagay; isa lamang itong depekto ng pagkatao. Ano ang tinutukoy ng depekto? Nangangahulugan ito ng kakulangan, isang maliit na isyu, isang dungis—isa lamang itong bagay na hindi perpekto, medyo kulang, hindi ganap na nagugustuhan ng isang tao, o hindi ideyal, pero hindi ito nagpapahiwatig ng mababa o ubod ng samang karakter. Kaya bakit hindi ninyo matiis ang maliit na depektong ito? Higit pa rito, ang maliit na depektong ito ay maaaring magdulot ng malalaking pakinabang sa iyong buhay pagpasok. O masasabi natin na mas may kakayahan ang ilang tao na buong-pusong sumunod sa Diyos hanggang sa wakas dahil tinataglay nila ang ganitong depekto ng pagkatao, ang ganitong likas na kondisyon. Sa huli, dahil kaya nilang tanggapin ang katotohanan, magpasakop sa Diyos, at magtaglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, nagagawa nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makatanggap ng kaligtasan. Mula sa perspektibang ito, isa itong pagpapala—hindi dapat tumanggi ang mga tao na maging walang kakayahan. Ano ba ang masama sa pagiging walang kakayahan? Hindi lalala ang tiwaling disposisyon ng isang tao dahil sa kawalang-kasanayan. Hindi mamaliitin ng Diyos ang isang tao o tatangging iligtas siya dahil lang sa siya ay walang kasanayan, at hindi rin maaapektuhan ng kawalang-kasanayan ang kanyang pagtanggap sa katotohanan o ang kanyang kaligtasan. Kaya, kailangang magbago ang inyong kaisipan at pananaw—malayong-malayo pa ito sa tama. Sinasabi ng ilang tao, “Mas gugustuhin kong maging isang masamang tao kaysa sa isang taong walang kakayahan. Walang kinabukasan ang mga taong walang kakayahan, minamaliit sila ng lahat, at maging sila ay minamaliit ang kanilang sarili. Walang saysay na maging isang taong walang kakayahan; ang pagiging isang masamang tao ay nakakabilib—puwede mong gawin ang kahit anong gusto mo, apihin ang sinumang madaling apihin, at walang sinumang nangangahas na lumaban. Napakaglamorosong mamuhay nang ganoon!” Anong pakinabang ang mayroon sa pagiging glamoroso? Kung uunlad at magiging glamoroso ang pamumuhay mo sa mundo, masisira ang iyong kinabukasan at hantungan. Hindi ka na makakaharap sa Diyos, at hindi mo na mararamdaman na lubos na malapit ang loob mo sa Diyos; hindi ka na mahahalina ng Diyos, at hindi ka na mahahalina sa kapaligiran ng pamumuhay at gawain ng sambahayan ng Diyos. Iiwan mo ang Diyos at maghahanap ka ng isang kapaligiran ng pamumuhay kung saan magagamit mo ang iyong mga kalakasan at maisasakatuparan ang iyong halaga. Ipinagbabawal ng sambahayan ng Diyos ang paggawa ng masama ng mga tao, at walang masamang tao ang may mapapala o ang makakapanindigan sa sambahayan ng Diyos. Kung gusto mo ang masasamang tao at nais mong maging isa sa kanila, maaari ka pa rin bang manatili sa sambahayan ng Diyos? Sa malao’t madali, ikaw ay aalisin. Bukod sa mabibigo kang magtamo ng magandang hantungan, pagkatapos mamatay, makakatanggap ka rin ng kaparusahan dahil sa kasamaang ginawa mo. Samakatwid, bagama’t isang depekto ng pagkatao ang kawalang-kakayahan, hindi ito isang tiwaling disposisyon, at hindi rin ito nangangahulugan na ang pagkatao ng isang tao ay masama. Sino ba ang walang mga kapintasan? Ang kawalang-kasanayan ay katulad lang ng kung paanong ang ilang tao ay ipinanganak nang may utal o medyo pangit—lahat ng ito ay mga likas na depekto. Magkakaiba ang kulay ng balat ng mga tao—ang ilan ay ipinanganak na maputi, may ilan na madilaw, at may ilan din na maitim. Isa itong likas na kondisyon. Ang mga taong madilaw ang balat ay maaaring mukhang hindi gaanong malusog, nang may hindi gaanong kaaya-ayang kutis—isa itong maliit na depekto. Ang mga taong may maitim na balat ay mukhang mas matipuno, pero walang may gusto na magkaroon ng maitim na balat. Ang mga taong mapuputi ang balat ay kadalasang kinaiinggitan, pero maging sa kanila, pakiramdam ng ilan ay hindi rin maganda ang maging sobrang maputla, kaya gusto nilang magpa-tan para maging kulay kayumanggi ang balat nila, naniniwala sila na magmumukha silang mas malusog at magbibigay-kinang ito sa kutis nila. Kita mo, ang kawalang-kakayahan ay katulad lang ng iba’t ibang likas na kondisyon ng mga tao—isa lang itong uri ng depekto. Kaya, malaking problema ba ito? (Hindi.) Samakatwid, kahit na isang depekto ng pagkatao ang problemang ito, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagtanggap sa katotohanan o sa iyong pagkaunawa sa katotohanan. Kaya, nilalabanan pa rin ba ninyo ang pagiging isang taong walang kasanayan? (Hindi na.) Aapihin pa rin ba ninyo ang mga taong walang kakayahan kapag nakita ninyo sila? (Hindi.) Labis ninyo silang inaapi noon, hindi ba? Ngayon, kapag nakakita kayo ng mga taong walang kakayahan, hahamakin at mamaliitin pa rin ba ninyo sila? (Hindi.) Kung ikaw mismo ay isang taong walang kakayahan, mas lalong hindi mo dapat maliitin ang sarili mo. Kung wala kang kakayahan, hayaan mo na ito—magsagawa ka na maging isang matapat na tao ayon sa mga salita ng Diyos. Kahit wala kang kakayahan, dapat kang maging matapat at hindi maging mapanlinlang, at ganitong uri ng tao ang gusto ng Diyos. Ano ang gusto ng Diyos? Hindi ang kawalang-kasanayan mo. Ito ay na dahil sa kawalang-kasanayan mo, handa kang maging isang matapat na tao; na dahil minamaliit ka ng mga tao at hindi pinapaboran ng mga tao, nag-iisip ka ng mga paraan para maging isang matapat na tao upang mapasaya at mapalugod ang Diyos, at ginagawa mo ang anumang sinasabi ng Diyos. Sa ganitong paraan, nagiging isang pakinabang ang iyong kawalang-kakayahan, hindi ba? (Oo.) Nagbago na ba ang pananaw ninyo ngayon? (Oo.) Siyempre, hindi ibig sabihin na lahat ng taong walang kakayahan ay nagagawang tumanggap sa katotohanan. Ang ilang tao ay mayroon ding mga problema sa kanilang karakter, bukod pa sa pagkakaroon ng depekto ng kawalang-kakayahan sa kanilang pagkatao. Hindi ito puwedeng gawing pangkalahatan. Ang kawalang-kakayahan mismo ay hindi isang malaking problema, pero kailangan mo ring tingnan kung ano ang karakter ng isang tao. Kung ang isang tao ay mapanlinlang o may ubod ng samang karakter—kung siya ay di-nahihiyang makapal ang mukha, madaling maghinala, sensitibo, matigas ang ulo, o may malupit na disposisyon pa nga—kung gayon, hindi talaga mabuti ang taong iyon. Kaya, hindi tiyak na may mabuting karakter ang isang taong walang kakayahan. Sige, dito na nagtatapos ang ating talakayan tungkol sa kawalang-kakayahan.