Paano Hangarin ang Katotohanan (6) Ikaapat na Bahagi

Ikapitong Bilang: Ang Abilidad na Tukuyin ang mga Bagay

Ngayong natapos na nating talakayin ang abilidad na makagawa ng mga paghusga, sunod naman nating pag-usapan ang tungkol sa abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ano ang tinutukoy ng abilidad na tukuyin ang mga bagay? Pangunahin itong tumutukoy sa pagtukoy kung ang mga tao, pangyayari, at bagay ba ay positibo o negatibo, tama o mali, at wasto o hindi wasto; ito ay tumutukoy sa paglalarawan o pagkaklasipika sa mga tao, pangyayari, at bagay—pagkakategorya sa mga tao, pangyayari, at bagay na kinakaharap mo sa iba’t ibang kategorya. Ang layunin at pakay ng pagtukoy ay para maibukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri, at para maibukod-bukod ang mga positibo at negatibong bagay ayon sa kani-kanilang uri. Ang pagkaklasipika, siyempre, ay hindi nangangahulugan ng paggugrupo-grupo sa mga ibon sa kategoryang ibon, mga hayop sa kategoryang hayop, o mga halaman sa kategoryang halaman. Ang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay hindi tumutukoy sa abilidad na matukoy ang mga ito kundi sa abilidad na matukoy ang mga katangian ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, kaya mo bang ikategorya ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at diwa ng iba’t ibang tao? Kaya mo bang bigyang-kahulugan ang mga katangian ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na kinakaharap mo? Halimbawa, sa pagtukoy sa mga hindi mananampalataya, kaya mo bang matukoy ang mga pagbubunyag ng mga hindi mananampalataya na nagtutulot sa iyo na malinaw na makilala na sila ay mga hindi mananampalataya? Kung alam mo kung anong mga katangian at ugali mayroon ang mga hindi mananampalataya, kung anong mga pagbubunyag ng pagkatao ang ipinakikita nila, kung anong mga salita ang sinasabi nila, kung anong mga kilos ang ginagawa nila, at kung anong mga kaisipan at pananaw ang taglay nila, dapat ay magawa mong matukoy ang mga hindi mananampalataya. Ang isang tao na may mahusay na kakayahan, kapag lumilitaw ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, ay kayang matukoy kung ang mga ito ba ay mga positibo o negatibong bagay, mga positibong tao o negatibong tao, kung makatarungan o masama ba ang mga ito, at kung tama o mali ba ang mga ito. Kaya niyang bigyang-kahulugan ang mga katangian ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, at tukuyin kung umaayon ba ang mga ito sa pagkatao at sa katotohanan. Ito ay isang taong may mahusay na kakayahan. Paano naman ang mga taong may katamtamang kakayahan? Kaya nilang matukoy ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na may mga halatang katangian. Halimbawa, may ilang taong nagsasabi, “Paanong mayroong diyos? Nasaan siya? Bakit hindi ko makumpirma na umiiral siya?” Para sa mga ganitong salita na malinaw na nagtatatwa sa Diyos, mayroon silang kaunting pagkilatis at kaya nilang matukoy na ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya at mga negatibong karakter. Kaya nilang matukoy ang halatang kasamaan, at ang mga halatang negatibo, di-makatarungan, at buktot na bagay, pero para sa ilang bagay na mukhang totoo, at bihirang marinig ng sinuman at nasa gitna o nasa "gray area," hindi nila mapag-iba ang mga ito, ni matrato ang mga ito nang naiiba. Mayroon silang abilidad na makilatis ang masasamang taong gumagawa ng malinaw na masasamang gawa. Alam nilang ang gayong tao ay masama, at na kung ang isang masamang tao gaya niya ay naging isang lider at nagkamit ng katayuan, siya ay magiging isang anticristo. Pero kung ang taong ito ay may masamang karakter pero wala pang nagawang masasamang gawa, hindi nila magagawang matukoy kung maaari ba siyang ikategorya bilang isang masamang tao at kung anong masasamang gawa ang maaari niyang gawin, ni hindi rin nila matutukoy ang mga katangian ng taong ito. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Ang pag-uugali ng ilang tao ay halatang-halata, gaya ng pakikibahagi sa kahalayan, pagsamba sa mga idolo, pagsunod sa mga makamundong bagay, pagkahilig sa tsismis, madalas na panunupil at pang-aapi sa iba, o pagpatay at panununog, at sasabihin nila na ang mga taong ito ay hindi mabubuting tao at mga taong kinamumuhian ng Diyos; kaya nilang magawa ang ganitong pag-iiba. Pero para sa ilang tao na tila napakabuti ng panlabas na pag-uugali—madalas na nagbibigay-limos at tumutulong sa iba, nagpapakita ng pagpapasensya sa mga tao, medyo nakakasundo nang maayos ang iba—na ang panlabas na pagkatao ay tila mabuti, subalit ang kanilang mga salita at kilos ay kadalasan na hindi nakaayon sa katotohanan, at ang kanilang mga kilos ay madalas na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila magagawang makilatis kung ang gayong mga tao ay mga taong naghahangad sa katotohanan, o kung saang kategorya mismo nabibilang ang mga ito. Para sa mga tao, pangyayari, at bagay na halata at madaling bansagan, kaya nilang makilatis kung ang mga ito ba ay tama o mali, wasto o hindi wasto, kung ang mga ito ba ay makatarungan o buktot, at kung ang mga ito ba ay mga positibo o negatibong bagay. Kaya nilang pag-ibahin ang gayong mga panlabas na usapin, pero hindi nila kayang pag-ibahin ang mga tao, pangyayari, at bagay na talagang kinasasangkutan ng mga prinsipyo at may kinalaman sa katotohanan. Hindi nila makilatis kung alin ang halatang alinsunod sa katotohanan at kung alin ang lumalabag sa katotohanan. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Halimbawa, ang ilang tao ay nagsusuot ng damit na gawa sa medyo magandang tela, na mukhang elegante at dekalidad, na nagpapamukha sa kanila na katulad ng matataas na antas na personalidad o ng mga nakatataas na propesyonal sa mundo. Kapag nakikita ito, sinasabi ng mga taong may katamtamang kakayahan, “Ang mga damit na ito ang gusto ng mga walang pananampalataya. Bilang mga taong nananampalataya sa Diyos, hindi natin dapat magustuhan ang mga ito; ang mga ito ay hindi mga positibong bagay.” Mali ang sabihin ito. Ang mga damit na ito ay hindi mukhang mapang-akit o mapanghalina; sa halip, ang mga ito ay mukhang elegante, kagalang-galang, at disente, at nagmumukhang marangal ang nagsusuot. Pero itinuturing ng mga taong ito ang gayong mga kasuotan—na nagpapamukha sa nagsusuot na marangal at elegante at kasalukuyan ding nasa uso—bilang mga negatibong bagay at sinasabing buktot ang mga ito. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay na ito, hindi ba? (Oo.) Kaya, kumusta ang kakayahan ng gayong mga tao na tukuyin ang mga bagay? Sa pinakamainam, ito ay katamtaman. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Ni hindi nga kayang mapag-iba ng gayong mga tao ang ilang bagay na kaya pang matukoy ng mga walang pananampalataya—ang mga walang pananampalatayang may mahusay na kakayahan ay kayang kumilatis ng mabuti at masamang pagkatao, pero ang mga taong ito ay hindi. Kahit pa nakakaunawa sila ng ilang doktrina matapos manampalataya sa Diyos, hindi kaya ng gayong mga tao na mapag-iba ang mga positibo at negatibong bagay. Kaya nilang makilatis ang mga bagay na halata, pero hindi nila kayang makilatis ang mga hindi halatang bagay. Kaya nilang makilatis ang halatang masasamang tao, ang mga halatang insidente ng mga paggambala at panggugulo na naidudulot, at mga halatang insidente ng paglabag sa mga prinsipyo, pero pagdating sa ilang tao, pangyayari, at bagay na medyo espesyal, mapaminsala, at kakaiba, at natatago sa mga anino, hindi nila matukoy ang mga ito. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan at pang-uudyok ng iba, o sa pamamagitan ng paggawa ng halatang bagay ng mismong mga tao, saka lang nila natutukoy ang mga ito. Kung hindi, hindi nila matutukoy ang mga ito. Ipinapahiwatig nito na ang kanilang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay katamtaman. May ilang tao rin na, kahit ano pa ang mga sitwasyon, hindi kayang matukoy ang sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay, ni matukoy ang mga katangian ng mga ito. Halimbawa, pagdating sa pagsusuri kung ano ba mismo ang mga katangian ng isang partikular na kategorya ng mga tao—kung sila ba ay mga tunay na mananampalataya o hindi mananampalataya, kung sila ba ay mga taong naghahangad ng katotohanan, o kung sila ba ay nababagay na linangin—hindi nila alam at hindi nila makita ang mga bagay na ito. Kahit pa ang gayong mga tao ay nagpapakita ng maraming pagpapamalas at mayroong maraming napakahalatang problema, hindi pa rin nila matukoy ang mga taong ito o mabigyang-kahulugan ang katangian ng mga ito. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kahit pa ang ilang pangkaraniwan at madaling makilatis na tao, pangyayari, at bagay ay lumitaw, hindi nila malinaw na masabi kung ang mga taong ito ba ay mabubuting tao o masasamang tao, o kung ang mga ito ba ay mga makatarungan o buktot na usapin. Hindi nila alam kung paano pag-ibahin o ikategorya ang mga ito, ni hindi alam kung paano iklasipika ang mga ito. Kahit matapos basahin ang mga salita ng Diyos at makipagbahaginan sa iba, hindi pa rin nila matukoy ang mga ito. Sa huli, hinahayaan nilang ang iba ang magpasya para sa kanila, sinasabing, “Paano mo man sila ilarawan, ganoon nga sila. Kung inilalarawan mo sila bilang makatarungan, makatarungan sila; kung inilalarawan mo sila bilang buktot, buktot sila.” Sa madaling salita, sila mismo ay hindi makagawa ng mga depinisyon o makabuo ng mga kongklusyon. Anuman ang sitwasyon, pagdating sa pagbuo ng kongklusyon, hindi nila alam ang gagawin at wala silang masabi. Hindi ba’t kawalan ito ng abilidad na tukuyin ang mga bagay? (Oo.) Kahit sa pinakasimpleng panlabas na penomenon, kung hihilingin mo sa kanilang tukuyin kung ano ang kalikasan at mga katangian nito, hindi nila alam. Gayumpaman, may isa silang panlalansi: Kaya nilang maglitanya, ikinukuwento ang sinabi at ginawa ng isang tao. Pero kung tatanungin mo sila, “Ang taong ito ba ay talagang tunay na mananampalataya o hindi? Isa ba siyang taong may matinding adhikain para sa Diyos?” sumasagot sila, “Mahigit sampung taon na siyang nananampalataya sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Noong tatlo o apat na taong gulang ang anak niya, ipinagkatiwala niya ito sa mga kapatid at lumisan siya ng bahay para gawin ang tungkulin niya.” Mayroon nga silang mga kalkulasyon; iniiwasan nilang sila mismo ang bumuo ng mga kongklusyon, sa halip ay hinahayaan nilang ikaw ang magdesisyon. Kung tatanungin mo sila, “Kung gayon, siya ba ay isang taong tumatanggap sa katotohanan?” sumasagot sila, “Ano, simula nang maging lider siya ng iglesia, napakaaga na niyang gumigising at gabing-gabi na kung matulog. Tungkol naman sa kung tinatanggap ba niya ang katotohanan, noong minsang tinukoy ng mga kapatid ang ilan sa mga isyu niya, umiyak siya agad, sinasabing may pagkakautang siya sa Diyos at hindi siya gumawa nang maayos.” “At pagkatapos ba niyon ay nagsisi siya?” “Ano, noong panahong iyon, maganda naman ang saloobin niya.” Mahilig silang magtambak ng impormasyon sa iyo, ipinakikita sa iyo na may binatbat sila, na alam nila ang lahat ng bagay at marunong silang kumilatis ng mga tao, at pinipigilan ka nilang maliitin sila. Sa aktuwal, hindi nila kayang kilatisin ang mga tao, ni bumuo ng mga kongklusyon. Sinasabi lang nila sa iyo ang kung ano-anong penomenon at impormasyon, at hinahayaang ikaw ang magbigay-kahulugan sa kung anong uri ng tao ito, at ikaw ang bumuo ng mga kongklusyon tungkol sa taong ito at magbigay-kahulugan sa mga katangian nito. Sinasabi mo, “Sa pangkalahatan, maaaring ituring ang taong ito bilang isang taong tumatanggap sa katotohanan. May motibasyon siya sa kanyang pananampalataya sa Diyos at isa siyang tunay na mananampalataya. Kaya lang, dahil mahina ang kanyang kakayahan at wala siyang abilidad na makaarok, hindi niya kailanman mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at hindi niya maisagawa ang katotohanan, sa kabila ng katunayan na handa siyang tanggapin ang katotohanan.” Sumasagot sila, “Tingin ko, hindi siya mukhang isang taong may abilidad na makaarok. Tuwing tinatalakay niya ang tungkol sa isang bagay na hindi kaaya-aya, umiiyak siya—palaging ganoon ang saloobin niya.” Kita mo? Sila mismo ay walang abilidad na tukuyin ang mga bagay, pero napakahusay nila sa pagsakay sa mga komento ng iba. Hindi ba’t problema iyon? Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay na mahilig silang magsabi sa iyo ng kung ano-anong penomenon, impormasyon, mahirap na problema, takbo ng mga pangyayari, o lahat ng naobserbahan nila tungkol sa isang sitwasyon, pagkatapos ay hihintayin nila na bigyan mo ito ng kahulugan, at pagkatapos mo itong bigyang-kahulugan, iniisip nila na maganda ang pagtutukoy mo at kaya nila itong tanggapin. Pagkatapos itong tanggapin, hindi pa rin nila alam kung bakit mo ito binigyang-kahulugan sa ganitong paraan. Hindi nila alam ang batayan o mga prinsipyo sa likod ng iyong kongklusyon, ni kung paano tratuhin o pangasiwaan ang naturang uri ng tao. Wala silang alam tungkol sa anuman sa mga bagay na ito. Kahit pagkatapos ng pagbabahaginan at pag-aaral, hindi pa rin sila nakakaunawa. Ipinakikita nitong wala silang abilidad na tukuyin ang mga bagay; ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan. Madalas din nilang magawa ang pagkakamali ng pagbabaluktot sa mga katunayan at pagkalito sa isang bagay para sa isa pa. Sa anumang isyu sila nagkokomento, bigo silang maarok ang ugat o diwa ng usapin at sa halip ay bumubuo sila ng mga kongklusyon batay lang sa mga panlabas na penomenon. Halimbawa, inilalarawan nila ang paggawa ng kasamaan ng isang anticristo bilang isang pagsalangsang, naniniwala na basta’t kinikilala ito ng anticristo ay maaari siyang magbago. Kung makakita sila ng isang matapat na taong nagsisinungaling, inilalarawan nila ito bilang isang mapanlinlang na tao. Kung makakita sila ng isang taong mayabang at mapagmagaling, inilalarawan nila ito bilang isang masamang tao. Ang mga ito ang mga uri ng mga pagkakamaling karaniwang nagagawa ng mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Para sa bawat tao, ang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay isang uri ng kakayahan na dapat niyang taglayin kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa buhay. Ang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay kinasasangkutan hindi lang ng pagtukoy sa diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, kundi pati na rin ng pagtukoy sa mga katangian ng mga ito. Kung mas tumpak mong natutukoy ang mga katangiang ito, napapatunayan mong mas mataas ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kung hindi gaanong tumpak ang mga pagtukoy mo at may agwat sa pagitan ng iyong mga pagtukoy at ng diwa at ugat ng usapin, pinatutunayan nitong katamtaman ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kung hindi mo matukoy ang mga katangian ng mga tao, pangyayari, at bagay, ni makilatis ang mga katangiang ito, pinatutunayan nitong wala kang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Halimbawa, sabihin natin na, pagdating sa isang tao, kaya mo lang ilarawan ang kanyang maraming pagpapamalas at pagbubunyag pero hindi mo makilatis ang kanyang diwa. Ibig sabihin, kaya mo lang sabihin kung paanong ang taong ito ay may tendensiya na maging negatibo o kung anong mga kalakasan ang mayroon siya, kaya mo lang magsalita tungkol sa maraming bagay na nangyari sa taong ito, pero hindi mo alam ang kanyang karakter, kakayahan, o saloobin sa katotohanan, hindi mo makilatis ang diwa ng mga isyung ito, at wala kang depinisyon para sa mga tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw o nagaganap sa paligid niya. Ang gayong mga bagay man ay tama o mali, makatarungan o buktot, mga positibo o negatibong bagay, mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao o masamang pagkatao, hindi mo makilatis o makilala ang anuman sa mga bagay na ito. Kahit gaano karaming katotohanan ang narinig mo o gaano karaming patotoong batay sa karanasan ang napakinggan mo, hindi mo pa rin matukoy o mapag-iba ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay; sa puso mo, wala kang depinisyon sa anumang kategorya ng mga tao, pangyayari, o bagay. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay, at isa rin itong pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan.

Kung ang mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay walang kamalayan sa sarili at mayabang at mapagmagaling din, ano ang pagkakamali na pinakamalamang nilang magawa? Ito ay ang sunggaban ang ilang pagpapamalas na ipinapakita ng ibang mga tao at pagkatapos ay basta-bastang bansagan at bigyang-kahulugan ang mga ito. Halimbawa, nakikita nila na ang ilang tao ay medyo sutil at pagkatapos ay sinasabi nilang katulad ng masasamang tao ang mga ito, na mga diyablo ang mga ito—hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Ang mga taong iyon ay medyo sutil lang, at dahil sa mga kondisyon sa pamilya o sa kapaligirang kanilang kinalakhan, nakabuo sila ng ilang hindi magandang gawi sa buhay o ng ilang masamang gawi at kapintasan. Sa kabuuan, hindi mabait ang karakter ng mga taong ito, pero hindi rin ito masama, kaya hindi sila matatawag na masasamang tao. Pero sinusunggaban ng mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ang ilang bagay na sinasabi ng isa sa mga taong ito o ang isa o dalawang bagay na ginagawa ng mga ito, at pagkatapos ay bulag na binibigyang-kahulugan ang mga ito, sinasabing, “Ang taong ito ay may kakaiba, hindi palakibo, at sutil na personalidad. Isa siyang masamang tao.” Mali ang pagbibigay-kahulugan na ito. Ang tunay na masasamang tao ay magsasabi ng mga kaaya-ayang salita at mambobola ng mga tao; may mga taktika sila, maglilihim sila at manlilinlang, at paglalaruan nila ang mga tao. Ang ilang masamang tao ay maaari pa ngang magbigay ng limos, tumulong sa iba, at magpakita ng pasensiya. Ang mga walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay magsasalita tungkol sa isang tao nang ganito, “Napakabuti ng taong ito, isa siyang tunay na mananampalataya,” pero sa realidad, ang taong iyon ay isang mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang mga walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay hindi kayang kumilatis sa diwa ng mga tao—sa mga halalan, binoboto pa nga nila ang masasamang tao para maging mga lider. Ano ang katumbas nito? Katumbas ito ng pagtulong at pagsuporta sa kasamaan. Ang ilang masamang tao ay hindi ipinakikita ang kanilang kasamaan sa kanilang pag-uugali, at hindi nila ito ibinubunyag. Ang kanilang kasamaan ay nasa kanilang puso. Ang mga bagay na ginagawa nila ay pawang may layon, at lahat ng kanilang intensyon ay may natatagong katangian. Ang mga bagay na nakikita mong ginagawa nila ay hindi aktuwal na sumasalamin sa mga tunay nilang intensyon. Ang kanilang mga tunay na intensyon, layon, at ang kanilang kabuktutan ay pawang nakatago sa puso nila. Kung ang isang tao ay walang abilidad na tukuyin ang mga bagay at hindi niya kayang kilatisin ang gayong mga tao, malamang na ituring niya ang mga ito bilang mabubuting tao, bilang mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang ilang tao ay may tuwirang personalidad at hindi gumagamit ng anumang mga taktika kapag nakikipag-ugnayan sila sa iba. Nagsasalita sila sa diretsahang paraan, at medyo iritable pagdating sa personalidad at ugali nila. Sa aktuwal, walang malalaking problema sa kanilang pagkatao, sadya lang na minsan ay prangka ang tono ng kanilang pananalita. Gayumpaman, ang ibinubunyag nila ay ang mismong iniisip nila sa loob nila—anuman ang iniisip nila sa loob nila ang siyang ibinubunyag nila sa panlabas. Madalas na iniisip ng iba na ang mga taong ito ay hindi marunong makisalamuha sa lahat o makitungo sa kapwa, at hindi sila sanay sa paraan ng pagsasalita na ginagamit ng mga taong ito. Ang gayong mga tao ay nagsasalita nang partikular na prangka at diretsahan, at palaging hindi sinasadyang nakakasakit sila ng iba. Sa paglipas ng panahon, nasasaktan nila ang lahat ng tao, at hindi natutuwa sa kanila ang mga tao. Ang ilan na walang pagkilatis ay nagsasabing ang ganitong tao ay masama, pero sa katunayan, hindi siya masama. Sinasabi mong masama siya—kung gayon, ilabas mo ang mga katunayan ng kung paano niya pinahirapan ang iba: Sino ang kanyang pinahirapan o sinupil? Sino ang kanyang pininsala o nilinlang? Kung tunay na may totoong batayan na nagpapatunay na ang taong ito ay isang masamang tao—na hindi lang niya pinipinsala ang iba gamit ang kanyang mga salita, na mayroon ding kasamaan sa kaibuturan ng kanyang puso, at na tunay siyang mapaminsala sa iba—saka siya maaaring ilarawan bilang isang masamang tao. Kung wala siyang intensyong pinsalain ang iba, hindi siya isang masamang tao. Mayroon lang siyang tuwirang personalidad at prangka siyang magsalita—ito ay likas sa kanya. Ang prangkang pagsasalita ay, sa pinakamalala, isang kapintasan at depekto ng kanyang pagkatao. Hindi niya alam kung paano maging maingat sa pagsasalita at ipantay ang sarili niya sa iba kapag nagsasalita siya, hindi niya alam kung paano magpakita ng pagpaparaya sa ibang mga tao, maging palaayon at mapagtimpi sa iba, maging mapagsaalang-alang sa mga damdamin ng iba. Hindi niya alam ang anuman sa mga ito. May mga bagay na wala sa kanyang pagkatao. Gayumpaman, ang ilang taong walang pagkilatis ay itinuturing ang gayong mga indibidwal bilang masasamang tao. Sa katunayan, kapag gumagawa ng mga bagay ang mga indibidwal na ito, kadalasan ay pinangangalagaan nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t medyo prangka ang tono nila kapag nakikipag-usap sa iba, wala silang pininsala, ni wala silang intensyon na maminsala ng mga tao. Sadyang hindi lang sila maingat sa pananalita nila at hindi nila isinasaalang-alang ang sitwasyon kapag nagsasalita. Dahil sa ilang depekto at kapintasan sa pagkatao ng gayong mga indibidwal, maraming ibang tao ang nagkakamali ng akala na sila ay masasamang tao, pero hindi makapaglabas ng anumang ebidensiya na sila ay gumagawa ng kasamaan. Ito ay isang maling paghusga, isang maling paglalarawan sa gayong mga indibidwal. Ang tunay na masasamang indibidwal ay maaaring hindi pinipinsala ang iba sa panlabas, maaari silang magbigay-limos at tumulong sa iba, at ang kanilang pananalita ay maaaring magpakita ng pag-unawa, pagmamalasakit, pangangalaga, at pag-ayon, at ang mga indibidwal na ito ay maaari pa ngang magpakita ng pagpaparaya at pagmamahal sa iba—maaaring mukhang napakabuti ng kanilang mga salita at kilos—pero sa ilang espesyal na sitwasyon o espesyal na usapin, at sa mga usaping kinasasangkutan ng sarili nilang mga interes, kaya nilang supilin, pinsalain, at palihim na magpakana laban sa iba, at hindi pa nga nila pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit kaunti. Kahit na ang isang bagay ay hindi kinasasangkutan ng sarili nilang mga interes, kahit na napakadali lang ng gagawin nila, hindi pa rin nila pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasabuhay ng gayong mga indibidwal sa panlabas ay tila bukod-tanging mabuti, at sa panlabas, walang makikitang mga kapintasan o depekto sa pagkatao nila, pero tunay silang ganap na masasamang tao. Maraming tao ang nabibigong kilatisin ang gayong mga indibidwal at nabubulag sa mga taktika ng mga ito, sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng mga ito, at sa mga balak at pakana ng mga ito. Kung ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng indibidwal at ang mga katunayan ng kanyang paggawa ng kasamaan ay malantad, bukod sa hindi ito tinatanggap ng mga taong ito, kinokonsidera din nila ang indibidwal na iyon na mabuti, na isang taong dapat linangin ng sambahayan ng Diyos at bigyan ng mahalagang papel. Wala silang pagkilatis sa gayong mga indibidwal. Huwag nating pag-usapan kung kaya bang suriin ng mga taong ito ang isang tao ayon sa salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo, at tingnan na lang ang kakayahan nila—itinuturing nila maging ang halatang masasamang indibidwal na ito bilang mabubuting tao, at kahit kapag may mga katunayan ng paggawa ng kasamaan ng mga indibidwal na ito, itinuturing pa rin nila ang mga ito bilang mabubuting tao—ibig sabihin nito ay na labis nang magulo ang isip nila. Ang mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay hindi lang may pagkukulang sa pag-iisip at mangmang, pero magulo rin ang isip nila. Sinupil at pinahirapan ng masasamang indibidwal na ito ang iba, at gumamit ng iba’t ibang taktika para paglaruan ang mga tao, pero ang mga taong ito ay hindi ito itinuturing na masama at hindi nila makita na masama ito. Dagdag pa rito, mayroong isang halatang pagpapamalas ng masasamang tao, at iyon ay na hindi nila kailanman pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ni kahit minsan. Kahit na kailangan lang nilang magsabi ng iisang salita o gumawa ng napakadaling bagay, hindi pa rin nila pangangalagaan ang mga ito, lalo na pagdating sa mga usapin na kinasasangkutan ng personal nilang seguridad, o ng katayuan at reputasyon nila—sa gayong mga kaso, lalong hindi nila pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi makilatis ng ilang tao ang halatang masasamang indibidwal na ito. Sabihin mo sa Akin, may kakayahan ba ang gayong mga tao? Ang masasamang tao ay may masamang diwa; susupilin nila ang sinuman. Sinuman ito, basta’t nakakaapekto ang isang tao sa kanilang katayuan o mga interes, ang taong iyon ang nagiging puntirya ng kanilang panunupil. Hindi malinaw na makilala ng mga walang pagkilatis ang mga usaping ito. Hindi ba’t magulo ang isip ng mga taong walang pagkilatis? (Oo.) Ni hindi nila alam kung susupilin ba sila ng masasamang tao—sabihin mo sa Akin, gaano kagulo ang isip ng gayong mga tao? Hindi ba’t labis na magulo ang isip nila? (Oo.) Pagkatapos matanggal ang ilang masamang indibidwal, ang ilang tao na ganap na walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay kumikilos pa nga para magsalita para sa mga ito, para ipagtanggol ang mga ito at magsisigaw tungkol sa kawalan ng katarungan na pinagdusahan ng mga ito, dahil lang ang masasamang indibidwal na iyon ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, nagtataglay ng ilang kaloob, mahusay magsalita, may mga taktika, at sa panlabas ay tinatalikuran ng mga ito ang mga bagay, ginugugol ang sarili ng mga ito, at nagtitiis ng hirap. Hindi sinasabi ng mga taong ito kung gaano karaming kasamaan na ang nagawa ng masasamang indibidwal na ito. Sa halip, sinasabi nila, “Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, sumusunod sa Diyos nang may determinadong debosyon, at nagtitiis ng matinding paghihirap. Naaresto pa nga sila ng malaking pulang dragon at nagtiis ng pagpapahirap at nakulong sila nang ilang panahon, at tinulungan din nila si Kapatid Ganito-at-ganyan.” Tinitingnan lang nila ang mga bagay na ito at binabalewala ang masasamang gawa ng mga indibidwal na iyon, hindi binabanggit kung gaano karaming kasamaan na ang nagawa ng mga ito. Hindi ba’t masyadong magulo ang isip nila? (Oo.) Ang mga labis na magulo ang isip ay hindi na matutubos—hindi na sila magagamot. Ang mga taong hindi nagtataglay ng abilidad na tukuyin ang mga bagay ay mga taong walang kakayahan—wala silang anumang mga abilidad. Hindi alam at hindi matukoy ng gayong mga tao kung tama ba o mali ang isang bagay, o kung ang isang tao ba ay isang positibong tao o negatibong tao. Hindi nila makita nang malinaw ang diwa at kalikasan ng isang tao, o maibuod ang mga katangian ng taong iyon, sa pamamagitan ng kanyang pag-uugali, mga pagpapamalas, mga pagbubunyag ng katiwalian, at ng maraming katunayan ng paggawa niya ng kasamaan. Hangga’t ang taong iyon ay nasa iglesia pa rin, tatratuhin siya ng mga taong ito bilang kapatid, at tatratuhin siya nang may pagmamahal na mula sa puso. Wala silang pagkilatis sa sinuman at hindi nila kayang tratuhin ang sinuman nang ayon sa mga prinsipyo. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Hindi nila alam at hindi matukoy kung ang iba’t ibang usapin ay makatarungan ba o buktot, kung ang mga ito ba ay may positibo o negatibong epekto sa mga tao, at kung ang mga ito ba ay dapat ituring bilang tama at tinanggap, o ituring bilang mali at kinilatis, tinanggihan, at nilabanan. Kapag binigyan mo sila ng isang halimbawa para ipaliwanag ang isang usapin, alam nila na ang gayong mga usapin ay hindi mabuti, na ang mga ito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at na ang mga ito ay hindi aplikable sa sambahayan ng Diyos. Pero sa susunod na lumitaw ang katulad na usapin, hindi pa rin nila alam kung paano ito harapin at hindi nila kayang ilapat ang mga prinsipyo—nakakaunawa lang sila kapag binigyan mo sila ng isa pang halimbawa. Kailangan mong isa-isang ipaliwanag ang mga usapin sa kanila, gamit ang pamamaraan ng pagtuturo sa isang bata na matuto, para makaunawa sila. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ito man ay isang tao o bagay, hindi nila alam kung ito ba ay makatarungan o buktot, tama o mali, isang positibong bagay o isang negatibong bagay, kung ito ba ay naaayon sa katotohanan at sa mga pangangailangan ng sangkatauhan o hindi, ni kung paano ito dapat tingnan ng mga mananampalataya sa Diyos—hindi nila alam ang anuman dito. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay. Pagkatapos, ano ang batayan sa pagsusuri sa antas ng abilidad ng isang tao na tukuyin ang mga bagay? Nakabatay ito sa kung tumpak ba ang mga depinisyon mo sa mga katangian ng iba’t ibang bagay. Kung tumpak ang mga depinisyon mo, mayroon kang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kung ang katumpakan ng mga depinisyon mo sa mga katangian ng iba’t ibang bagay ay higit sa singkuwenta porsiyento, ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay ay katamtaman o higit sa katamtaman. Kung hindi ito umaabot sa singkuwenta porsiyento, mahina ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kung ang katumpakan ay hindi man lang isang porsiyento, wala kang abilidad na tukuyin ang mga bagay at isa kang taong walang kakayahan. Kung mayroon mang abilidad ang isang tao na tukuyin ang mga bagay ay nakikilatis sa ganitong paraan. Hindi na Ako magbibigay ng mga dagdag na halimbawa tungkol sa abilidad na ito. Maaaring kayo-kayo na lang ang magbahaginan tungkol dito, ipauubaya Ko na sa inyo ang paksang ito.