Paano Hangarin ang Katotohanan (4) Ikalawang Bahagi

Ikatlong Halimbawa: Pagiging Hindi Palasalita

Ang ilang tao ay likas na hindi palasalita; mula pagkabata, hindi na sila gaanong mahilig magsalita. Kapag nakikisalamuha sa iba, nagsasalita sila gamit ang mga simple at maiksing termino, at kapag maraming bagay ang nangyayari sa kanila, wala silang masyadong naiisip, ni wala silang masyadong wika para ipahayag ang mga ito. Kahit na magpahayag man sila, napakasimple lang nito. Anong klaseng problema ito? (Isa itong problema tungkol sa personalidad nila.) Isa itong problema sa personalidad nila, na bahagi ng mga likas na kondisyon nila. Likas na hindi palasalita ang personalidad nila. Sila ay gumagamit ng simpleng wika, walang masyadong komplikadong iniisip, at nag-aatubiling magsalita kapag nakikisalamuha sa iba. Kapag pinagbabahaginan ang katotohanan sa mga pagtitipon, nakikinig lang sila sa pagsasalita ng iba, at ayos na kung makapagbigay sila ng isang simpleng tugon matapos magsalita ang iba. Kung tatanungin mo sila, “Ano ang pagkaunawa mo rito?” sasabihin nila, “Katulad ng sa iyo ang pagkaunawa ko.” Kung sasabihan mo sila na maging partikular, sasabihin nila, “Kaparehas ng sa iyo ang iniisip ko,” at pagkatapos ay wala na silang masasabi pa. Sadyang ganito ang personalidad nila; kung hihilingin mo sa kanilang magsalita pa, wala na silang masasabi pa. Bahagi ito ng mga likas na kondisyon nila. May isa pang uri ng tao, bagama’t mukhang wala siyang masyadong masasabi at madalas siyang hindi palasalita sa panlabas, na mahilig magtanong-tanong ng tsismis sa pribado, nagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Saang pastoral na nasasakupan galing si brother o sister Ganito-at-ganyan? Nabalitaan kong walong taon na siyang nananampalataya sa Diyos—naging lider na ba siya? Ilang taon na siya? Totoo bang nakipagdiborsiyo siya at may anak siya?” Anong uri ng pagpapamalas ito? Sa panlabas, hindi siya palasalita at ayaw niyang magsalita kapag nasa publiko. Hindi masyadong malawak ang bokabularyo niya, at hindi niya alam ang mga salita para makipag-usap nang normal sa iba. Gayumpaman, sa ibang mga usapin, marami siyang nasasabi at mahilig siyang mag-usisa tungkol sa iba, nagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Nagpa-double eyelid surgery ba ang taong iyon? Napakaputi ng balat niya—madalas ba siyang nagpupunta sa mga beauty salon?” o “Nakikita ko na palaging ang pinakabagong computer ang ginagamit ni Ganito-at-ganyan, at may tatak at talagang mamahalin ang lahat ng damit niya. Maykaya ba ang pamilya niya? Ano ang negosyo ng pamilya niya? Opisyal ba ang tatay niya?” Anong mga problema ang kinasasangkutan ng mga pagpapamalas na ito? (Kinasasangkutan ng mga ito ang mga problema sa pagkatao niya.) Ang pagkahilig na magtanong tungkol sa tsismis, ang pagkolekta ng mga impormasyon tungkol sa maliliit na personal na usapin, at ang kasiyahang makipagkuwentuhan tungkol sa mga usapin ng ibang mga tao—ang mga ito ay mga pagpapamalas na nauugnay sa pagkatao ng isang tao. Mabuti ba ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi.) Sa anong mga paraan hindi mabuti ang mga pagpapamalas na ito? Anong mga problema ng pagkatao ang nasasangkot sa mga ito? Wala siyang napinsala o pinahirapan, ni hindi niya napinsala ang mga interes ng iba, kaya bakit itinuturing na masama ang mga pagpapamalas na ito? (Palagi niyang gustong malaman ang mga usapin ng ibang mga tao, palagi niyang palihim na inaalam ang mga usapin ng ibang mga tao kapag nakatalikod sila. May problema sa katwiran ng pagkatao niya.) May kinalaman ito sa katwiran ng pagkatao niya. Kung matapat at diretsahan niyang tatanungin, halimbawa, “Brother Ganito-at-ganyan, ilang taon ka na?” normal na pagpapamalas ba ito ng pagkatao? (Oo.) Hindi ba’t bukas at tuwiran ang pagtatanong sa ganitong paraan? Hindi ba’t wasto ito? (Oo.) Kung gayon, bakit hindi nagtatanong o nagsasabi nang diretsahan ang ilang tao sa mga nasasangkot? Bakit pinipili nilang kumilos nang tuso kapag nakatalikod ang ibang mga tao? Kung ang isang paksa ay puwedeng itanong o pag-usapan nang personal, dapat itong sabihin nang hayagan. Bakit pa magbubulungan ng mga sekreto kapag nakatalikod ang ibang mga tao? Hindi ba’t kinasasangkutan ito ng isang partikular na saloobin at pamamaraan ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay? Mabuti ba ang saloobin at pamamaraang ito? (Hindi.) Bakit hindi itinuturing na mabuti ang saloobin at pamamaraang ito? Ang mga tao bang ito na mahilig na mag-usisa nang palihim tungkol sa mga bagay-bagay ay nasisiyahan sa paghuhukay ng mga pribadong bagay tungkol sa iba at sa pagsisiyasat sa mga tao kapag nakatalikod ang mga ito? (Oo.) Bakit mahilig silang magsiyasat ng mga tao kapag nakatalikod ang mga ito? Kung may mga katanungan sila, bakit hindi nila direktang itanong ang mga ito? Mahirap bang magtanong nang harap-harapan? Pakiramdam nila, hindi madali o posible na magtanong nang direkta, kaya nag-uusisa sila kapag nakatalikod ang ibang mga tao. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit sila kumikilos sa ganitong paraan? (Oo.) Ang totoo, may ilang bagay na puwede namang itanong nang direkta, tulad ng pagtatanong sa isang tao ng mga bagay tulad ng: “Ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos? Nagkolehiyo ka ba? Ano ang tinapos mo sa pag-aaral? Ilang taon ka na?” Ang lahat ng ito ay puwedeng itanong nang harap-harapan. Kung may ilang tao na ayaw magsabi sa iyo, huwag ka nang magtanong, at huwag ka ring mag-usisa kapag nakatalikod sila. Kung sa tingin mo ay magiging handa silang magbahagi ng ilang bagay sa iyo, o kung pamilyar kayo sa isa’t isa at pinagkakatiwalaan ka naman niya para magsabi sa iyo, puwede mo siyang tanungin nang direkta. Bakit ipipilit mo pang mag-usisa kung kani-kanino kapag nakatalikod sila? Kailangan ba talaga iyon? Hindi ba’t tila napakababa naman niyon? Hindi naglalakas-loob ang mga taong ito na magtanong nang direkta dahil nangangamba silang hindi magsasabi sa kanila ang taong iyon. Pero gustong-gusto nilang alamin at tuklasin ang tungkol sa mga bagay na ito. Kung hindi nila matutuklasan ang mga ito, hindi sila mapapakali, pero sa sandaling makuha na nila ang impormasyon, napapanatag na ang kalooban nila, na para bang nagtamo sila ng isang napakahalagang kayamanan. Anong uri sila ng tao? Ang pagiging masaya sa pag-uusisa at pag-arok sa mga pribadong usapin o personal na impormasyon ng iba—ang gayong mga tao ay may tendensiya na magtsismis at manghusga ng iba, hindi ba? (Oo.) Kung naniniwala kang magiging handa ang ibang tao na sagutin ang mga tanong mo, puwede mo siyang tanungin at direkta mong alamin ang mga bagay na ito. Kung pakiramdam ng taong iyon na ang ilang tanong mo ay labis-labis at lampas na sa dapat mong itanong, at tumanggi siyang sagutin ka, ayos lang iyon. Kung ayaw ka niyang sagutin o ayaw niyang malaman mo ang ilang bagay, huwag ka ring mag-usisa kapag nakatalikod siya. Kung ipipilit mong malaman ang impormasyon o mga pribadong usapin ng isang tao, sa isang banda, magsisimula siyang maghinala sa iyo: “Bakit gusto mong malaman ang mga bagay na ito? Bakit sinusubukan mong alamin ang tungkol sa akin kapag nakatalikod ako? Pakay mo bang kontrolin ako, pahirapan ako, o ipagkanulo ako?” Isang aspekto iyon. Sa kabilang banda, bakit mo ba kailangang alamin ang tungkol sa ibang mga tao? Ano ang karapatan mo na malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa kanila? Gusto mo bang kumalap ng impormasyon tungkol sa lahat ng tao? Kailangan mong malaman ang lahat ng bagay—bihasa ka ba sa pangongolekta ng impormasyon? Ito ba ang trabaho mo? Hindi binigyan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman ng gayong atas. Kung palagi mong sinusubukang mag-usisa tungkol sa mga pribadong usapin ng ibang mga tao, nag-uusisa tungkol sa mga bagay na ayaw nilang malaman mo, nagiging dahilan ito ng labis nilang pagkainis sa iyo. Kumusta ang pagkatao ng isang taong kinaiinisan ng iba? Kahit papaano man lang, walang kahihiyan ang taong ito. Ano ang tawag ng mga walang pananampalataya sa gayong tao? Isang mapangahas na tampalasan. Mababang-uri ang pagkatao niya, wala siyang dignidad, at gusto niyang mag-usisa sa lahat ng bagay, umaasal nang hindi wasto. Hindi ba’t ganito siya? (Oo.) Mabuti ba o masama ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Masama ang pagkatao niya.) Kahit papaano man lang, hindi mabuti ang pagkatao niya. Ito ay isang pagpapamalas sa loob ng kategorya ng kawalan ng mabuting pagkatao—umaasal nang hindi wasto at palaging kumikilos nang tuso. Sa panlabas, mukha siyang magalang, may respeto, at mapitagan sa iyo, mukhang maayos at wasto sa pag-asal niya. Gayumpaman, kapag nakatalikod ka, kumikilos siya nang tuso, inuusisa ang iyong edad, pinagmulang pamilya, at iba pang mga aspekto tungkol sa iyo, nang hindi hayagang nakikipag-usap o nagtatanong sa iyo nang direkta. Kapag nakikisalamuha at nakikipagkuwentuhan sa iba, hindi siya matapat o diretsahan; sa halip, palagi siyang kumikilos nang tuso kapag nakatalikod ang ibang mga tao, gumagawa ng mga bagay na hindi maaaring isiwalat. Palagi niyang pinagninilayan ang mga pribadong usapin ng ibang mga tao at kung ano kaya ang iniisip ng iba, palaging okupado ng gayong mga usapin ang isipan niya. Hindi mabuti ang pagkatao ng ganitong uri ng tao, at sa anumang grupo, inaayawan ng lahat ang gayong mga tao. Hindi dahil sa ayaw ng mga tao na malaman mo ang mga personal na bagay o na may itinatago sila mula sa iyo; inaayawan ka ng iba dahil sa pagkatao mo at sa pamamaraan mo ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay. Kaya ka inaayawan ng mga tao ay dahil ang pamamaraan mo ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay ay medyo madumi; ang mga taktikang ginagamit mo ay mababang-uri at ubod ng sama, sa halip na wasto at tuwiran. Tila walang isyu ang ilang tao kapag nakikisalamuha sa ibang mga tao nang harap-harapan, pero kapag nakatalikod ang mga ito, palagi silang gumagawa ng mga bagay nang palihim. Kapag umalis na ang ibang tao, mabilis nilang binubuksan ang computer nito para alamin kung sino ang kausap nito, kung ano ang pinag-usapan ng mga ito, kung ano ang isinulat nito sa talaarawan nito, at kung ano ang mga kabatiran nito. Minsan, kapag may password ang computer ng isang tao, sinusubukan nilang manlansi para alamin ito at sinasabi nila, “Binago mo ba ang password ng computer mo? Ginawa ko nang 1234567 ang password ko, siguro ay dapat mo na ring baguhin ang sa iyo.” Ano ang layunin ng pagsasabi nito? “Sinasabi ko sa iyo ang password ko—dapat mo ring sabihin sa akin ang sa iyo, para magkaroon ako ng pagkakataong matingnan ang computer mo.” Nangangahas pa nga ang ilang tao na halughugin ang mga bag at mga pag-aari ng ibang mga tao kapag wala ang mga ito. Halimbawa, kapag nakikita nilang may suot na bagong headphones ang isang tao at gusto nilang malaman kung kumusta ang kalidad ng tunog nito, maaari silang mangahas na kunin ang headphones at gamitin ito kapag wala ang may-ari. Kung hayagan mong hihiramin ang headphones ng taong iyon, at pumayag siya, may karapatan kang subukan ito. Kung hindi siya papayag, hindi mo dapat subukan ito. Hindi ba’t iyon ang wastong paraan ng pangangasiwa rito? Pumayag man o hindi ang iba, dapat mong pangasiwaan nang hayagan ang mga bagay-bagay sa harap nila, hindi kapag nakatalikod sila. Sadyang hindi iyon magawa ng ganitong uri ng tao—palagi siyang kumikilos nang tuso. Hanggang saan? Sa sandaling umalis ka, agad niyang hahalughugin ang mga gamit mo, tinitingnan niya kung ano ang isinulat mo sa talaan mo ng espirituwal na debosyon at kinokopya niya ito kaagad, takot na may hindi siya makopya. Sa panlabas, tila nag-aasam siya sa katotohanan, pero ubod ng sama ang mga kilos niya kapag walang nakakakita. Kapag nakikita niyang bumili ka ng bagong computer, nagseselos siya. Sa panlabas, sinasabi niya na maganda at mabilis ang bagong computer, pero sa loob-loob niya, iniisip niya, “Mabilis? Sana masira iyan balang araw!” Isang araw, binanggit mo na ang bagong computer ay hindi gumagana nang maayos at mabagal, at palihim siyang natutuwa: “Dapat lang sa iyo iyan dahil gumamit ka ng bago! Hindi pa nga ako nakakagamit ng ganyan, kaya mas mainam kung hindi ka rin makagamit!” Ang isipan niya ay puno ng mga mababang-uri at ubod ng sama na kaisipan na hindi puwedeng masiwalat. Nakikita ng ilang tao na may magandang damit ang isang tao, at gusto rin nila itong isuot. Pero sa halip na magtanong nang direkta, sadyang naghihintay sila ng pagkakataon para palihim na isuot ito kapag wala ang taong iyon. Nananalamin sila, iniisip na maganda ang hitsura nila, pero sa sandaling marinig nila ang mga yapak na pabalik na ang taong iyon, mabilis nila itong hinuhubad at ibinabalik sa lagayan nito. Bagama’t ang mga tusong kilos ng ganitong uri ng tao at ang mga paraan niya ng pangangasiwa sa mga bagay ay hindi kinasasangkutan ng isang tiwaling disposisyon o hindi kasinglubha ng isang tiwaling disposisyon, kasuklam-suklam at kamuhi-muhi nga ang kanilang saloobin sa pag-asal at pagharap nila sa mga bagay-bagay at ang paraan nila ng pagtrato sa mga tao, at nakakaapekto ito sa normal na buhay ng iba sa isang antas. Samakatwid, masasabing ang ganitong uri ng tao ay may malulubhang isyu sa pagkatao niya. Gaano kalubha? Hindi wasto ang pag-asal niya, kumikilos siya nang tuso kapag walang nakakakita, at madumi at ubod ng sama ang paraan niya ng pangangasiwa sa mga bagay. Palagi siyang masekreto; hindi siya kailanman gumagawa ng mga bagay nang hayagan, at palagi siyang gumagawa ng mga bagay-bagay kapag nakatalikod ang mga tao. Kapag wala ang ibang mga tao, kapag nasa iba ang atensiyon ng mga ito, o kapag walang makakakita o makakatuklas sa ginagawa niya, palihim niyang ginagawa ang mga bagay-bagay. Hindi mabuti ang pagkatao ng ganitong uri ng tao. Palagi siyang namumuhay sa madidilim na sulok, nababalot ng kadiliman, hindi makaharap sa liwanag o sa ibang mga tao. Mababang-uri at ubod ng sama ang pagkatao niya. Instinto ba ang mga pagpapamalas na ito ng napakababang pagkatao niya? (Hindi.) Nahihiya siyang gumawa ng mga bagay sa harap ng iba; mas gusto niyang gawin ang mga ito kapag nakatalikod ang iba, at kapag kumikilos habang nakatalikod ang iba, wala siyang anumang pagpipigil. Mayroon ba itong anumang kinalaman sa personalidad niya? (Wala.) Kung sasabihin mo na ang mga tusong pagkilos na ito o ang ibinubunyag at isinasabuhay niya sa pagkatao niya ay nauugnay sa isang partikular na aspekto ng mga tiwaling disposisyon, hindi iyon tumpak. Gayumpaman, palagian ang mga tusong pagkilos niya. Sa panlabas, tila wala siyang ginawang anumang malalaking pagkakamali, at kapag itinatalaga siya ng iglesia sa isang tungkulin, kadalasan ay ibinibigay niya ang buong puso niya rito at masunurin siya; mukha pa nga siyang wasto sa panlabas. Pero kapag walang nakakakita, iba na ang nangyayari—tulad ng isang daga, sa sandaling wala nang nakatingin, nagsisimula na siyang kumilos nang tuso at kahina-hinala. Hindi ba’t katulad mismo ng mga daga ang mga taong ito? Pag-isipan mo ito—kung ito ang pagkatao nila at ang paraan nila ng pakikisalamuha sa iba at pagharap sa mga bagay, kung ganito ang uri ng moral na karakter ng pagkatao nila at mayroon sila ng ganitong klase ng pagkataong diwa, paano nila tinatrato ang Diyos at ang katotohanan? Ang pagtrato ba nila sa Diyos at sa katotohanan ay parehas ng pagtrato nila sa mga tao? (Oo.) Kumikilos din sila nang tuso kapag walang nakakakita, hindi ba? Sinusubukan nila ang lahat ng posibleng paraan para maiwasan ang pangangasiwa ng mga lider at manggagawa, iba ang ikinikilos nila sa harap ng mga ito kumpara sa ikinikilos nila kapag nakatalikod ang mga ito. Hindi nila tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, ni tinatanggap ang katotohanan sa kaibuturan ng puso nila. Anuman ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, hinaharap nila ang mga ito sa sarili nilang paraan, kumikilos sila nang tuso at gumagawa ng ilang bagay para magpakitang-tao, para sa panlabas, walang makakakita ng anumang mga problema o maling paggawa. Sa panlabas, tila wala silang ginagawang mali at tila isinasagawa nila ang katotohanan, pero kapag walang nakakakita, kumilos na sila nang tuso, at palihim nang nagawa ang mga kamalian, nang walang nakakaalam. Hindi nila pinaniniwalaan o tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kaya naman, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Ano ang nasasangkot dito? Nasasangkot dito ang mga tiwaling disposisyon. Kapag tinatrato nila ang Diyos, ang katotohanan, at ang tungkulin nila nang may ganitong uri ng pagkatao at nang may ganitong paraan ng pakikisalamuha sa iba at pagharap sa mga bagay, ang mga partikular na pagpapamalas ng pagkatao nila na ibinubunyag nila ay kinasasangkutan ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang nasasangkot sa mga tiwaling disposisyong ito? Kahit papaano man lang, nasasangkot dito ang panlilinlang. Kung ang mga kilos nila ay higit na mas masekreto at mapanlinlang, ano ang nasasangkot dito? (Umaangat ito sa antas ng kabuktutan.) Nasasangkot dito ang panlilinlang at kabuktutan sa loob ng mga tiwaling disposisyon nila. Dagdag pa rito, sa kaibuturan ng puso nila, palagi silang nagkikimkim ng mga pagdududa tungkol sa katotohanan at sa pagsisiyasat ng Diyos. Malalim itong nakaugat sa kanila. Iniisip nila, “Walang nakakaalam kung ano ang ginagawa ko kapag walang nakakakita. Hindi ko nakita ang Diyos kahit saan, kaya tiyak na wala ring alam ang Diyos—ako lang ang nakakaalam.” Hindi ba’t kinasasangkutan din ito ng isang tiwaling disposisyon? Sa aling aspekto ng mga tiwaling disposisyon ito nauugnay? (Katigasan ng kalooban ba ito?) Mayroon nga silang disposisyon ng katigasan ng kalooban sa loob nila. Kaya, ang diwa ba ng mga kaisipang ito ay isang pagtutol sa katotohanan? (Oo.) Ang saloobin nila sa katotohanan ay saloobin ng paglaban at pagsalungat. Bukod sa pagiging matigas ang kalooban, partikular din silang tutol sa katotohanan, kaya nagiging malubhang isyu ito. Sa sandaling kasangkutan ito ng isang tiwaling disposisyon, mas malubha na ito kaysa sa masamang pagkatao. Nasasangkot dito ang paghihimagsik laban sa Diyos, pagsalungat sa Diyos, at ang diwa ng pagsalungat sa katotohanan. Nasasangkot dito ang saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan. Sa sandaling kasangkutan ito ng isang tiwaling disposisyon, nasasangkot na rito ang mga katotohanang prinsipyo at ang pangangailangang lutasin ang mga tiwaling disposisyon gamit ang katotohanan.

Ikaapat na Halimbawa: Pagpapahalaga sa Panlabas na Hitsura

Ang ilang tao ay likas na matangkad at may magandang hubog ng katawan, at, dagdag pa rito, maganda, malinis, at mayumi ang mukha nila na nakakalugod sa ibang mga tao. Anuman ang suotin nila, hinahangaan sila ng mga tao, sinasabi, “Para talaga siyang naglalakad na magazine ad—napakaguwapo, napakaganda, labis na nakakabighani!” Napapasailalim ba ito sa mga likas na kondisyon nila, sa pagkatao nila, o sa mga tiwaling disposisyon nila? (Ito ang likas nilang hitsura.) Ipinanganak silang may magandang hitsura. Dahil likas silang kaakit-akit at maganda ang katawan nila, simula pagkabata, pinupuri na sila ng mga nakakatanda sa kanila, kinaiinggitan sila ng mga kaklase nila, at labis silang kinagigiliwan ng mga magulang nila. Araw-araw, binibihisan sila ng mga magulang nila, at bago sila magtatlo o limang taong gulang, isang araw ay nakadamit sila ng pambatang babae, at sa susunod na araw naman ay nakadamit sila ng pambatang lalaki. Sa madaling salita, minahal sila na parang isang minamahal na maliit na laruan. Habang lumalaki sila, nagiging lubhang mahilig silang magmukhang maganda. Dahil pinalaki sila sa isang moderno at maalwan na kapaligiran ng pamumuhay, naging gawi nila ang magbihis nang maganda. Lalo na matapos makakita ng iba’t ibang kabatiran sa fashion, nagsisimula silang mawili sa pagtutugma ng mga kulay, sukat, at estilo; nagbibihis sila nang napakaganda, at mukha silang elegante. Maging ang simpleng T-shirt at maong na pantalon ay iba ang dating sa kanila, at kapag pinarisan ng sapatos na nababagay ang kulay, lalong nagiging kahanga-hanga ang estilo nila—labis silang nakakabighani at napakaguwapo. Nakakabusog na sa mata ang makita lang sila. Sa tuwing nakikita sila sa mga pampublikong lugar o sa mga lansangan, tiyak na napapalingon sa kanila ang mga tao. Dahil isinilang sila nang may magandang hitsura at may ganitong likas na kondisyon, at marunong silang magbihis nang maganda, mukha silang elegante kahit ano ang suotin nila, ang kapwa mga kapareho at kasalungat nila ng kasarian ay lubhang nasisiyahan sa pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa kanila. Nasasabik ang mga tao na tumabi sa kanila at makipag-usap at makipagkuwentuhan sa kanila, at makisalamuha sa kanila nang malapitan, para makapagdulot ng kagalakan sa mga ito ang kagandahan nila. Kasalanan ba nila ito? (Hindi.) Dahil sa paborable nilang likas na kondisyon, palaging mapagparaya ang mga tao sa anumang mga problema, kapintasan, o depekto na maaaring mayroon sila. Kaya, saanman sila magpunta, lubha silang nagugustuhan ng mga tao at popular sila. Kahit na may masabi silang hindi kaaya-aya, nasisiyahan pa rin ang iba na marinig ito. Kapag mainit ang ulo nila o kapag nagmamaktol sila, ayos lang ito sa mga tao o hindi sumasama ang loob ng mga tao—pakiramdam pa nga ng mga tao na isa itong gantimpala mula sa kanila. Habang naiipon ang mga karanasang ito, ang likas na kondisyon nila ay nagbibigay sa kanila ng pakiramdam na nakahihigit sila. Nagsisimula silang mag-isip, “Ang pagiging maganda, elegante, at maganda manamit ay nagtutulot sa akin na maging popular saanman ako magpunta—ang saya nito! Ang lipunang ito, ang sangkatauhang ito, ay talagang nagpapahalaga rito. Tila itong likas na kondisyong ibinigay ng mga magulang ko sa akin ang kapital ko. Mas madali ang humanap ng trabaho, at sa mga pagsusulit, kung gusto kong mangopya sa papel ng isang tao, ang kailangan ko lang gawin ay tingnan siya, at iaalok na niya sa akin ang sagot niya.” Maraming tao sa kasalungat na kasarian ang nanliligaw sa kanila, at sa mga nasa kaparehong kasarian, marami rin ang tumatrato sa kanila nang maayos at palagiang pumupuri sa kanilang ganda at kaakit-akit na hitsura. Sa paglipas ng panahon, dahil dito, lalo nilang natatamasa ang kalamangang ito. Dahil sa kalamangang ito, nakakaranas sila ng maraming kaginhawahan, maraming pakinabang, at maraming espesyal na pagtrato, na nagtutulot sa kanilang magtamasa ng maraming bagay. Kaya, sa ganitong uri ng kapaligiran, nagkakaroon sila ng ilang kahingian para sa sarili nila. Hindi sila umaalis ng bahay nang hindi naglalagay ng kolorete, at kung magkakaroon sila ng kahit isang taghiyawat, hindi sila naglalakas-loob na magpakita. Maingat sila sa pagkain nila, iniiwasan nila ang maaanghang na pagkain at toyo, at nag-aalala sila: “Kailan ba mawawala ang taghiyawat na ito? Hindi ko ito puwedeng tirisin—natatakot ako na baka magpeklat ito. Pero kung hindi ko ito titirisin, kapag nakita ba ito ng mga miyembro ng kasalungat na kasarian na dating humahanga sa akin, iisipin ba nilang hindi na ako kaakit-akit, hindi na ako ang taong pinapangarap nila? Magsisimula na ba silang mawalan ng pakialam sa akin? Ano ang dapat kong gawin? Siguro ay kailangan kong maghintay hanggang sa mawala ang taghiyawat bago ako lumabas. Hinding-hindi ko puwedeng hayaan ang mga tao na makita ako nang ganito; masisira nito ang perpektong imahe ko sa isipan nila.” Ang ilang tao ay kailangang maperpekto ang pagtutugma ng mga kulay, sukat, at estilo ng mga pananamit nila. Bago lumabas, kailangan nilang tingnan ang sarili nila sa salamin mula sa bawat anggulo, at ang ilan ay nagse-selfie para tiyakin na perpekto ang hitsura nila sa liwanag ng araw at sa artipisyal na ilaw, tinitiyak na ang mga aspekto tulad ng balat, kalagayan ng balat, estilo ng buhok, pananamit, at panlabas na pag-asal ay kaaya-aya sa mata at nagugustuhan ng iba, at saka lang sila nagiging handa na lumabas. Kahit pagkatapos na magsimulang gumawa ng tungkulin, pinapanatili pa rin nila ang ganitong estilo ng pamumuhay. Kung, dahil sa mga espesyal na sitwasyon, hindi sila nakaligo noong araw na iyon at lumapit sa kanila ang isang miyembro ng kasalungat na kasarian, agad nilang iniiwasan ito. Pakiramdam nila, kung hindi sila nakaligo, hindi sila dapat makita. Dahil napakarami nilang hinihingi sa hitsura at panlabas na pag-asal nila, nakakaapekto ito sa pang-araw-araw na buhay nila. Kung magpupunta sila sa isang lugar kung saan hindi sila makakaligo, nababalisa sila at labis na nagdurusa, at hindi sila makakain o makatulog nang maayos. Iniisip nila, “Ano ang gagawin ko kung hindi ako makakaligo? Hindi pa ako umabot nang higit sa tatlong araw nang hindi naliligo. Kung magsisimula akong mangamoy, mamaliitin ba ako ng mga tao? Hindi na ba magiging perpekto ang imahe ko? Hindi na ba ako ang papangarapin ng ibang mga tao? Ano ang dapat kong gawin?” Kung mapupunta sila sa isang lugar na may mahirap na kondisyon ng pamumuhay at mga pagkain na hindi sapat na masustansiya o balanse, nagsisimula silang mag-alala: “Makakaapekto ba ito sa balat ko? Gagaspang o tatanda ba ang balat ko? Mangungulubot ba ako? Hindi ako puwedeng manatili sa lugar na ito—kailangan kong makaalis dito!” Ang pakiramdam ng pagiging nakahihigit na dala ng likas na kondisyon nila ay nagdudulot na maging labis na masalimuot ang buhay nila, na nagdudulot sa kanila na mamuhay sa paraang labis na nakakapagod at napipigilan. Labis silang nag-aalala tungkol sa mga opinyon ng iba sa kanila, partikular na sa kung paano sinusuri ng iba ang kanilang pananamit, panlabas na asal, at tindig, masyadong inaalala kung ano ang tingin sa kanila ng iba—hanggang sa anong antas ito umaabot? Hanggang sa antas na nakakaapekto na ito sa normal nilang buhay, gawain, at paggampan ng tungkulin. Dahil sa pakiramdam ng pagiging nakahihigit na nagmumula sa hitsura nila, sila ay naging labis na mababaw, labis na nag-aalala sa hitsura nila, at labis na nag-aalala sa kung ano ang tingin sa kanila ng iba. Anong uri ng problema ito? Ang lahat ba ng pagpapamalas na ito ay isang tamang saloobin para sa pangangasiwa ng mga isyu sa pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Ang mga ito ba ay mga baluktot na pananaw na nabuo nila sa buong pang-araw-araw na buhay nila? (Oo.) Kung gayon, saan nauugnay ang mga pagpapamalas na ito? (Nauugnay ang mga ito sa pagkatao nila.) Sa aling aspekto ng pagkatao nila ito nauugnay? Ano ang isyu sa pag-asal nila? Ito ba ay pagiging mababaw? (Oo.) Ang pagiging mababaw ay isang isyu sa loob ng pagkatao nila. Ano pa? Banidad, pag-aalala sa kung ano ang tingin sa kanila ng iba, ang pagnanais na maging ang pinakaperpektong tao sa mga mata ng iba, at isang partikular na karupukan at kawalan ng abilidad na magtiis ng paghihirap. Dagdag pa rito, nariyan din ang pagiging makasarili. Para mapanatili ang kanilang imahe, idinudulot nila ang lahat na paglingkuran sila at magserbisyo sa kanila, habang tumatanggi silang magtiis ng kahit katiting na paghihirap. Ang pakiramdam ng pagiging nakahihigit na dala ng likas na hitsura nila ay nagdudulot sa kanila na gustuhing sila ang maging sentro ng lahat ng tao. Ang sentro ng pang-araw-araw na buhay ng mga ito at ang layon na pakay nilang makamit ay ang mapanatili ang panlabas na hitsura nila. Sa isang pagkakataon, halimbawa, habang kumukuha ng litrato, may nakapansin na may piraso ng letsugas na nakaipit sa ngipin nila nang ngumiti sila. Mula noong sandaling iyon, tumigil na sila sa pagkain ng mga berdeng dahon. Kahit kapag iyon lang ang mapagpipilian at wala silang magagawa kundi kainin ito, agad silang nagmumumog ng tubig pagkatapos kumain at talagang tumitingin sila sa salamin para makitang walang nakaipit sa ngipin nila bago sila maglakas-loob na lumabas at makipagkita sa iba. Isa ba itong isyu sa loob ng pagkatao nila? (Oo.) Ang mga pangkaraniwang isyung ito sa pang-araw-araw na buhay ay nasa loob ng saklaw ng pagkatao at hindi pa umangat sa antas ng isang tiwaling disposisyon. Ang mga isyung kinakaharap nila ay pawang nauugnay lang sa mga aspekto ng buhay ng tao—sinusubukan nilang mapanatili ang kanilang kagandahan at mataas na atensiyon mula sa iba sa pamamagitan ng pagtutok sa kanilang pisikal na hitsura at mga panloob na hinihingi. Anuman ang ginagawa nila—ito man ay pagkain, pagbibihis nang maganda, o pagtitiis ng hirap at pagbabayad ng halaga—sa pangangasiwa ng mga isyung ito, ang mga pananaw at saloobin nila ay pawang nakatutok sa pagpapanatili ng panlabas na imahe nila para palagi silang mukhang kaaya-aya sa paningin, tinitiyak na maganda ang impresyon sa kanila ng iba at na nakakaakit sila ng mataas na antas ng atensiyon. Nasasangkot ba rito ang pagkatao nila? (Oo.) Nasasangkot ang pagkatao nila sa lahat ng pagpapamalas na ito—ipinapakita nila na labis na mababaw ang pagkatao nila.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.