Paano Hangarin ang Katotohanan (28) Ikalawang Bahagi
Dati, noong ang unang volume pa lamang ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ang naipapahayag at maraming tao ang lumabas para ipangaral ang ebanghelyo, medyo maraming relihiyosong tao ang nakabasa sa mga salita ng Diyos at tumanggap sa yugtong ito ng gawain ng Diyos; ganap na gumuho ang mundo ng relihiyon. Ngayon, ang ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim, at ikapitong volume ay pawang naipahayag na, at kalaunan ay lumaganap sa bawat sulok at relihiyosong lugar ng bawat lahi at bansa. Kapag isinapubliko ang mga salitang ito sa buong sangkatauhan, sabihin ninyo sa Akin, ano ang magiging epekto niyan? Magiging anong uri ng eksena ito? Magiging iba ang sangkatauhan, tama? (Oo.) Sa isang taon kung kailan malawakang ipinalaganap ang ebanghelyo sa buong Tsina, sinuong ng ilang tao ang panganib para ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng dako, sa mga lugar tulad ng mga kalye, pabrika, at nayon. Noong panahong iyon, talagang napakaraming tao ang tumanggap sa ebanghelyo. Noong ang unang volume pa lamang ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ang naipapahayag, marami nang tao ang naniwala at kumilala na ito ang tunay na daan. Kinilala ng ilang tao na ito ang tunay na daan pero hindi sila nangahas na tanggapin ito dahil sa baliw na paniniil, pag-aresto, at pag-usig ng malaking pulang dragon, gayunman ay lumaganap pa rin ang mga salita ng Diyos sa buong Tsina. Ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay naitatag sa bawat probinsya, lungsod, at bayan. Dahil dito ay nanginig sa takot ang malaking pulang dragon; ginawa nito ang lahat ng makakaya nito para magsagawa ng paniniil at pag-aresto, at nagbanta pa nga na “Uurong lamang ang puwersa kapag natapos na ang pagpuksa.” Pero hindi inasahan ng sinuman na pagkalipas ng sampung taon, lalaganap ang mga salita ng Diyos sa lahat ng bansa at lugar sa mundo. Sa partikular, nasaksihan natin ang patuloy na malawakang paglaganap ng gawain ng ebanghelyo sa Pilipinas sa Asya, sa Hilagang Amerika at Timog Amerika, at sa Europa at Aprika. Noong ipinapangaral ang ebanghelyo sa Tsina, mayroong isang termino na tinatawag na “panggrupong pag-eebanghelyo,” na tumutukoy sa pangangaral ng ebanghelyo sa ilang tao o sa dose-dosenang tao nang sabay-sabay, na nagbunga ng partikular na magagandang resulta. Kalaunan, dahil sa baliw na paniniil at pag-aresto ng malaking pulang dragon, nahinto ang pamamaraang ito, pero naging tanyag itong muli sa iba pang bansa. Sa ilang bansa sa Asya, hindi nila ito tinatawag na “panggrupong pag-eebanghelyo,” kundi “pagpapalaganap ng ebanghelyo sa buong mga nayon, paaralan, at pabrika,” at ipinapalaganap pa nga nila ang ebanghelyo sa mga ahensya ng gobyerno, mga istasyon ng pulisya, at mga yunit ng militar. Isang katulad na eksena ang lumitaw: Maraming tao ang tumanggap sa ebanghelyo. Ang buong sangkatauhan, anuman ang industriyang kinabibilangan nila, anuman ang grupong kinabibilangan nila, o mula sa anumang etnikong grupo sila, ay namumuhay sa kadiliman, kawalan ng magagawa, at pagkalito. Hindi nila alam kung paano mamuhay, at hindi nila alam kung paano umasal; kailangan ng sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas na ito ay hindi isang pormalidad, ni isang ritwal. Sa halip, ang pagliligtas sa mga tao ay nangangailangan ng mga salita ng Diyos, ng pag-akay ng mga salita ng Diyos, ng gabay at kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, at ng paggamit ng Diyos ng malinaw na wika para ituro ang direksyon at landas para sa mga tao, at para turuan din ang mga tao kung paano umasal, kung anong uri ng mga tao sila dapat maging, kung anong uri ng landas ang dapat tahakin, at kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa bawat usaping kinakaharap nila. Kailangang-kailangan ng sangkatauhang ito ang mga katotohanang ito. Samakatwid, noong ipinalaganap ito ng mga taong nangangaral ng ebanghelyo sa buong mga nayon, bayan, paaralan, pabrika, yunit ng militar, at istasyon ng pulisya, binasa nila nang malakas ang ilang nauugnay na salita ng Diyos at pinatotohanan din ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Karamihan sa mga tumanggap ng ebanghelyo ay handang makinig at tumanggap, at gusto rin nilang makibahagi sa buhay iglesia—iyon nga lang, hindi ito pinahintulutan ng mga kondisyon nila noong panahong iyon; nasailalim sila sa ilang paghihigpit. Pero batay sa mga penomenong ito na naganap sa panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang sangkatauhang ito ay namumuhay ng lubhang malungkot at kaawa-awang buhay, at kailangan nila ang gabay ng mga salita ng Diyos. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makapagbibigay sa kanila ng direksyon at mga layon, makapagbibigay-kakayahan sa kanila na mamuhay nang mas mabuti, at makapagbibigay-kakayahan sa kanila na patuloy na mabuhay, nang hindi na nagdurusa ng pagpapahirap ni Satanas o ng masasamang kalakaran. Kung tatanggapin ng buong sangkatauhan ang mga salitang ito ng Diyos, at tatanggapin nito ang pagtustos ng Diyos at ang gabay ng mga salita ng Diyos mula sa Kanya, sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t mamumuhay sila nang napakasaya? (Oo.) Isang bagay ang tiyak: Kung tatanggapin ng sangkatauhang ito ang pagtustos at gabay ng mga salita ng Diyos, mamumuhay sila sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos at hindi na magdurusa ng pagpapahirap ni Satanas, at magiging iba ang kalalabasan nila kaysa sa kalalabasan ng kasalukuyang tiwaling sangkatauhang ito. Hindi ba’t ganito iyon? (Oo.) May narinig ba kayong ilang bagay tungkol sa mga sitwasyong ito tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo? (Mayroon.) Para sa mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, pagkatapos nilang mabasa ang mga salitang ito ng Diyos nang mahabang panahon, nararamdaman lang nila sa kanilang puso, “Mga salita ito ng Diyos, mabuti ang mga salitang ito, at ang mga ito ang katotohanan,” nang hindi sila nakakaramdam ng labis na pananabik. Pero para sa mga kakarinig pa lang sa mga salitang ito, nakakaramdam sila ng ginhawa sa kaibuturan ng kanilang puso, tulad ng mga isdang nakahanap ng daan pabalik sa batis. Mayroong kasabihan, “nakagiginhawa gaya ng ulan pagkatapos ng mahabang tagtuyot”—ganitong-ganito ang nararamdaman nila. Samakatwid, maraming tao ang naging handang tumanggap sa mga salita ng Diyos pagkatapos marinig ang mga ito. Ang mga estudyante sa mga paaralan, mga pulis at mga hepe ng pulisya sa mga istasyon ng pulisya, at mga opisyal ng gobyerno ay pawang naging handang tanggapin ang mga ito. Mayroon pa ngang mga pastor sa mundo ng relihiyon na nanguna sa pagtanggap sa mga ito, dinadala ang ilang kapwa pastor at mga mananampalataya sa loob ng iglesia. Paano man ito tingnan, ang mga salitang sinabi at ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi lang makapagtutustos sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, kundi makapagpapabago rin sa kanilang tadhana. Samakatwid, ang mga katotohanang may kinalaman sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay napakahalaga, at ang pagkilala sa Kanya ay bahagi ng pagkilala sa Diyos; walang duda rito. Nakilala na ba ninyo ang mga bagay na ito? (Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos nang ganito, medyo nakilala na namin ang mga ito. Noon, ang kaalaman namin sa Diyos na nagkatawang-tao ay pawang doktrina; alam namin na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, pero hindi namin nakita ang mga katunayan. Pagkatapos ng pagbabahagi ng Diyos, naging mas malinaw na ito sa amin.) Ngayong mas malinaw na ito sa iyo, mas higit na ba ang iyong pananalig? (Oo.) Kung isang araw sa lokal mong iglesia ay magkaroon ng mga pagdududa ang karamihan ng mga tao tungkol sa Diyos, hindi na sila maglakas-loob na manampalataya, at mawalan sila ng pananalig dahil sa pag-uusig ng gobyerno at pagtatakwil ng mundo, iiwanan kang nag-iisa na lang, at bukod pa roon, maraming tao ang huhusga at kokondena sa iyo, sinasabing, “Ang sinasampalatayaan ninyo ay isang tao; nailihis ka,” ano ang gagawin mo? (Babalewalain ko sila at patuloy akong mananampalataya.) Maaapektuhan ka ba? Makakaramdam ka ba ng pangungulila? Magkakaroon ka rin ba ng mga pagdududa, iniisip na, “Napakaraming tao sa mundong ito ang hindi nananampalataya; tama ba talaga ang pananampalataya ko? Ano ba ang makakamit ko sa patuloy na pananampalataya nang ganito? Magkakaroon ba ako ng magandang kalalabasan at hantungan?” Mag-iisip ba kayo nang ganito? (Ngayong nakikita namin na marami sa mga salita ng Diyos ang naisakatuparan at natupad na, hindi kami magkakaroon ng mga kaisipang ito, pero minsan ay magkakaroon pa rin kami ng ilang kahinaan.) Ang kahinaan ay hindi dapat katakutan. Mayroong isang punto na, kung makakatiyak ka rito, ay pipigil sa iyo na matisod dahil sa kahinaang ito. Dapat mong tandaan ang puntong ito: Gaano man kanormal at kapraktikal ang Diyos na nagkatawang-tao, kahit pa makita mo ang itinuturing mong mga kapintasan at pagkukulang sa Kanya, o kahit pa makarinig ka ng ilang walang batayang tsismis, o malaman mo na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagkasakit at nagkaroon ng mga pagpapamalas ng pasakit at kahinaan, hindi problema ang alinman sa mga ito. Gaano man kanormal at kapraktikal ang Diyos na nagkatawang-tao, gaano man Siya kaordinaryo, at anuman ang panlabas Niyang anyo, panghawakan mo lang nang mahigpit ang isang bagay—Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ito ang dahilan mo sa pagsunod sa Kanya, at ito rin ang batayan ng pananampalataya mo sa Diyos. Kung makakatiyak ka sa puntong ito, sapat na iyon, at hindi ka kailanman magkakaroon ng anumang pagsisisi. Sumusunod ka sa Kanya hindi dahil sa anumang iba pang dahilan kundi dahil Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay; kaya ka Niyang dalhin sa harap ng Diyos, kaya Niyang katawanin ang Diyos, at Siya ang pagpapamalas ng Diyos, ang pagpapahayag ng Diyos, at ang Siyang pinagkatiwalaan ng gawain ng Diyos sa lupa. Tama na sumunod ka sa Kanya. Sa pagsunod sa Kanya, hindi ka sumusunod sa isang tao, kundi sa halip ay sumusunod ka sa Diyos. Isa kang tagasunod ng Diyos, isa sa mga tupa ng Diyos; hindi ka tumahak sa maling landas. Sa pagsunod sa Kanya, hinding-hindi ka tatahak sa maling landas at hinding-hindi ka maliligaw ng direksyon. Sa pagsunod sa Kanya, isa kang nilikha ng Diyos; hinding-hindi ka magkakamali sa pagsunod sa Kanya. Sa sandaling makatiyak ka rito, nailatag na ang pundasyon ng pananampalataya mo sa Diyos. Gaano man kanormal at kapraktikal ang Diyos na nagkatawang-tao sa paningin mo, anumang mga walang batayang tsismis o maling kaisipan ang marinig mo, o anumang mga kuru-kuro ang mayroon ka pa rin na hindi pa nalulutas, hindi mahalaga ang lahat ng iyon. Kahit pa mayroon kang kahinaan at pasakit, hindi rin iyon mahalaga. Hangga’t mayroon kang tunay na pananalig, hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang anumang mga problemang kinakaharap mo, at hindi mo kailanman iniiwan ang Diyos sa anumang oras, sa huli ay tiyak na magiging isang tao ka na nakamit ng Diyos, isang miyembro ng bagong sangkatauhan na pumapasok sa susunod na kapanahunan, at magiging isa kang tao na pinagpala. Samakatwid, sa lahat ng oras, hindi ka dapat maimpluwensiyahan ng panlabas na kapaligiran, ng anumang mga pahayag, ng sinuman na itinuturing mong isang dakilang tao o sikat na tao, o ng sinuman na sinasamba mo. Ang tanging kailangan mong gawin ay matatag na manampalataya na ang Siyang katotohanan, ang daan, at ang buhay ay ang Diyos Mismo—sapat na iyon.
Ang napagbahaginan natin ngayon lang ay ang kahalagahan ng mga katotohanang may kinalaman sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao. Dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay ganap na may kakayahang katawanin ang Diyos Mismo sa paggawa ng sariling gawain ng Diyos, kung gayon ay natural lang na ang impluwensiya ng mga salitang sinasabi Niya at ng gawaing ginagawa Niya sa buong sangkatauhan ay unti-unti ring mangyayari at makikita mo. Anuman ang mangyari, ang gawaing ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, at ang mga salitang ipinapahayag Niya ay ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos Mismo. Ibig sabihin, anuman ang wangis o panlabas na anyo ng Diyos na nagkatawang-tao, ganap Siyang may kakayahang katawanin ang Diyos Mismo. Samakatwid, ang pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay bahagi rin ng pagkilala sa Diyos, at hindi mo dapat kaligtaan ang mga katotohanan sa usaping ito. Kung gusto mong makilala ang Diyos at makilala ang Diyos sa langit, at kung gusto mong bitiwan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos sa langit, dapat mo munang makilala ang Diyos sa lupa, makilala ang Diyos na nagkatawang-tao, at bitiwan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang paggawa nito ay lalo pang makatutulong sa pagpapalago ng pananalig mo sa Diyos at sa pagpapatibay ng pundasyon mo bilang isang tagasunod ng Diyos. Hangga’t nakakatiyak ka na ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo, at na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, hindi mo Siya ituturing bilang isang tao. Habang mas sumusunod ka sa Kanya at dinaranas mo ang Kanyang mga salita at gawain, mas mararamdaman mo na, “Ang ordinaryong taong ito ay hindi ordinaryo. Hindi Siya isang ordinaryong tao sa tunay na kahulugan ng salita; sa halip, Siya ay isang ordinaryong tao na may diwa ng Diyos.” Sa sandaling mapagtanto mo ito, hindi mo Siya ituturing bilang isang miyembro ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan, kundi tatratuhin mo Siya bilang isang tao na may pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Magiging iba ito sa kung paano mo tratuhin ang isang miyembro ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan, ginagamit ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga paraan ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay na umiiral sa mga tao; sa halip, tatratuhin mo ang Diyos na nagkatawang-tao gaya ng paraan ng pagtrato mo sa Diyos. Sa pagtrato sa nagkatawang-taong Anak ng taong ito nang ganito, makikilala mo Siya. Kapag tinatrato mo Siya sa paraang hinihingi ng Diyos, hindi mo kailangang matakot at mag-alala, ni kailangang maging labis na maingat, lalong hindi mo kailangang maging mapagbantay. Sa halip, dapat mo Siyang tratuhin gamit ang pamamaraan at saloobin na pinakatama para sa pagtrato sa Diyos. Ang paraang ito ng pagtrato sa Kanya ay, siyempre, ang nararapat na paraan din ng pagtrato ng isang nilikha sa Diyos. Ano ang mga paraan ng pagtrato sa Diyos na nabanggit natin noon? Natatandaan pa ba ninyo? (Ang una ay ang pagiging bukas at matapat, ang ikalawa ay ang pagpapakita ng paggalang, at ang ikatlo ay ang pagsunod sa Kanyang mga salita.) Ang pagiging bukas at matapat, pagpapakita ng paggalang, at pagsunod sa Kanyang mga salita—ang mga ito ang tatlong paraan. Tingnan mo, ang tatlong paraang ito ay iilang salita lang sa kabuuan. Sa panlabas, tila napakadaling makamit ng mga ito, pero kung mali ang posisyong kinalalagyan mo, at mali ang saloobin mo, napakahirap makamit ng mga ito. Tingnan mo, madaling unawain ang mga ito nang literal, pero hindi madaling makamit. Sabihin ninyo sa Akin, kung hindi kayang makamit ng mga tao ang pagiging bukas at matapat, pagpapakita ng paggalang, at pagsunod sa mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao, kaya ba nila itong makamit sa Diyos sa langit? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil kung walang tunay na pagkakilala ang mga tao sa Diyos, tatratuhin nila ang Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Itinatakda ito ng diwa ng mga tao; itinatakda ito ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Wala itong kinalaman sa kung paano mo pinipigilan ang sarili mo sa loob-loob mo o kung anong uri ng mga hiling ang mayroon ka; kung hindi malulutas ang mga tiwali mong disposisyon, magiging napakahirap na tratuhin ang Diyos sa tatlong paraang ito. Kung malulutas mo ang ilan sa mga tiwali mong disposisyon, at mayroon ka ring pundamental na pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos, makakamit mo ang ilan dito, at magagawa mong lumagay sa tamang posisyon mo bilang isang nilikha, at matatrato mo Siya mula sa posisyong ito. Para makamit ang tatlong puntong ito, sa isang banda, dapat mong lutasin ang ilang tiwaling disposisyon at medyo maipanumbalik ang pagkamakatwiran mo; at sa kabilang banda, dapat mayroon kang kaunting pagkakilala sa Diyos. Hindi uubra na hindi makilala ang Diyos, tama? (Oo.) Ganito ang kaso sa iyong pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao, at siyempre, ganito rin ang kaso sa iyong pagtrato sa Diyos sa langit. Kung hindi mo makakamit ang tatlong puntong ito sa iyong pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi na kailangang sabihin pa na hindi mo makakamit ang mga ito sa iyong pagtrato sa Diyos sa langit. Hindi mo makikita, maririnig, o maaarok ang gawain at mga salita ng Diyos sa langit; kung sasabihin mong kaya mong magpasakop sa Diyos, hungkag na pananalita lang iyan. Tingnan mo ang naunang sangkatauhan: Sinabihan sila ng Diyos na mag-alay ng mga sakripisyo, na maghandog ng ikasampung bahagi ng taunang ani ng mga pananim. Naunawaan ng mga tao sa kanilang puso na dapat nilang ibigay kung ano ang hiningi ng Diyos, pero nang dumating na ang oras para ihandog ito sa Diyos, ayaw nila itong ibigay sa Kanya. Gusto pa nga nila itong bawiin pagkatapos itong ihandog, iniisip nila, “Hindi Ikaw ang nagtanim ng mga pananim, at hindi Ka gumawa ng anuman, kaya bakit namin ito dapat ibigay sa Iyo?” Nang ihandog nila ito, ayaw nila, nakaramdam sila ng hindi maganda sa loob-loob nila, at nagalit sila. Pagpapakita ba ito ng paggalang? Hindi nila ito makamit, tama? Samakatwid, hindi ganoon kasimple na igalang ang Diyos at sundin ang Kanyang mga salita; kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi nila ito makakamit. Anuman ang mangyari, para mabitiwan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, dapat ka munang magkaroon ng pagkakilala at pagkaunawa sa diwa ng Diyos na nagkatawang-tao at sa iba’t ibang katotohanan na may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao, at dapat mong lutasin ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon. Saka mo lang tunay na maaarok ang mga aspektong ito ng katotohanan tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at tunay na makikilala ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; at pagkatapos lang niyon mo makakamit ang pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos.