Paano Hangarin ang Katotohanan (27) Ikalimang Bahagi
Sa pamamagitan ng mga prinsipyo ng pagtrato ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga tao, mas nauunawaan na ba ninyo nang kaunti ang paraan ng pag-asal Ko sa pang-araw-araw na buhay? (Oo.) Kung gayon, mas malinaw na rin ba sa inyo nang kaunti kung anong mga prinsipyo ang dapat ninyong sundin sa pagtrato sa mga tao? (Oo.) Kahit pa iniisip ng ilang tao na ikaw ay mahina, duwag, at madaling kayan-kayanin, at nararamdaman mo na ganito sila mag-isip—at ganito ka rin nila tratuhin—dapat mo pa ring sundin ang prinsipyo ng pagtrato sa mga tao nang patas. Kung kaya mo silang tulungan, dapat kang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para tulungan sila; kung hindi sila mga tao na tumatanggap sa katotohanan, o mga tao na nagmamahal sa mga positibong bagay, dapat mo pa rin silang tratuhin nang tama ayon sa mga prinsipyo. Sa lahat ng oras, sa mas malawak na pananalita, matatag Akong naniniwala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa mga kapalaran ng lahat ng tao. Nakatitiyak Ako sa Aking puso na ang kapalaran ng sangkatauhan, ang kapalaran ng bawat tao, ay nasa mga kamay ng Diyos, na walang sinuman ang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos, at na walang sinuman ang makakatakas sa pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Kung titingnan ito mula sa isang mas simpleng perspektiba, ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan ang mga salita ng Diyos ang humahawak ng kapangyarihan at kung saan ang katotohanan ang humahawak ng kapangyarihan. Sa mas partikular, may mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos, may mga regulasyon ang iglesia, at may mga pagsasaayos ng gawain sa bawat panahon. Pagdating sa pagtrato ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng tao, pakikitunguhan nito ang mga ito, sa pinakamalaking antas na maaari, ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi pinapalampas ang kahit isang tao na dapat paalisin o pakitunguhan. Ang mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya, pati na rin ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, ang mga hindi maganda ang pagkatao, at ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, ay pawang mga puntirya ng pagtitiwalag sa paningin ng Diyos. Sa malao’t madali, ititiwalag at papaalisin ang mga taong ito, habang ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan, o ang mga kahit papaano ay handang magtrabaho para sa Diyos at may katanggap-tanggap na pagkatao, ay magpapatuloy sa paggawa ng tungkulin ng mga nilikha sa sambahayan ng Diyos. Tungkol naman sa mundo ng tao, napapasailalim ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; tungkol naman sa iglesia, may mga atas administratibo at mga katotohanang prinsipyo ang sambahayan ng Diyos. Kaya, pagdating sa kung paano dapat tratuhin ang ibang tao, ito ang dalawang prinsipyong dapat sundin. Malinaw ba sa inyo ang aspektong ito? (Oo.) Tungkol naman sa pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa ilang partikular na tao sa buhay, kung makakaranas Ako ng ilang hindi kanais-nais na sitwasyon o kung may isang taong magsabi ng mga bagay na hindi tugma sa Aking mga pananaw, pakikitunguhan Ko rin ito nang tama. Kung pagkatapos ay pag-iisipan, pagninilayan, at kukumpirmahin Ko ang sinabi mo, at tutukuyin na tama ito, tatanggapin Ko ito; kung mali ang sinabi mo, tatratuhin din kita ayon sa mga prinsipyo. Kung may alitan, salungatan, o hindi pagkakasundo sa proseso ng pakikipag-ugnayan sa iyo, at may kinalaman ito sa katotohanan, sa gawain ng iglesia, o sa mga tiwali mong disposisyon, makikipagbahaginan Ako sa iyo kung magkakaroon ng pagkakataon, para maunawaan mo ang katotohanan at malinaw mong makita ang mga problemang umiiral sa loob mo. Kung hindi kailanman dumating ang pagkakataong ito o walang pangangailangan na makipagbahaginan sa iyo tungkol dito, maaari kang maghanap nang mag-isa, kung handa kang gawin ito. Kung napakamapagmataas ng iyong disposisyon, o kung magsasalita ka nang walang galang sa Aking harapan at aalipustahin mo Ako, makakaasa ka, tatratuhin kita ayon sa mga prinsipyo. Hinding-hindi kita pupungusan dahil lang sa inaalipusta mo Ako o inalipusta mo Ako noon; hindi Ko gagawin ang gayong bagay. Kung inalipusta mo Ako, dapat Kong tingnan kung sinadya ito o hindi. Kung hindi ito sinadya, ituturing Ko ito na parang hindi kailanman nangyari. Iisipin Ko na lang na ikaw ay nagiging hangal, walang pagkamakatwiran, at nagsasalita nang hindi nag-iisip—pagkatapos mong magsalita, hindi mo alam kung ano ang kalikasan ng iyong mga salita, at hindi mo alam kung ano ang sinasabi mo; puro lang ito mga walang katuturang salita. Gayumpaman, kung sinadya ito, dapat Akong makipagbahaginan at makipagtalakayan sa lahat tungkol sa usaping ito, para makita kung sa Akin mo lang ba iniisip at ginagawa ito, o kung mapanlaban ka sa maraming tao, sa iglesia, at sa sambahayan ng Diyos; dapat Kong maunawaan kung ano ang partikular na sitwasyon. Kung sa Akin ka lang mapanlaban, oobserbahan kita; bibigyan muna kita ng pagkakataong magsisi, at titingnan Ko rin kung anong uri ka ba talaga ng tao. Kung, bukod sa pagiging mapanlaban sa Akin, mapanlaban ka rin sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa lahat ng kapatid, palaging gustong makitang maging katatawanan ang sambahayan ng Diyos at palaging gustong makitang maging katatawanan Ako; kung pumapalakpak at humihiyaw ka sa tuwa kapag gumagawa ng mga walang batayang tsismis tungkol sa Akin ang malaking pulang dragon at ang mundo ng relihiyon, at ipinapakalat mo pa nga ang mga ito sa mga kapatid, sadyang sinisiraan Ako at inililigaw ang mga kapatid, kikilos din Ako ayon sa mga prinsipyo. Hindi Ako maghihiganti sa iyo; pakikitunguhan kita ayon sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, na patas at makatwiran. Ipapasuri Ko sa mga lider at manggagawa ang mga atas administratibo, ipapakilatis at ipapangasiwa Ko sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang usaping ito, at ipapaubaya Ko sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos kung paano ito pangangasiwaan sa huli. Ginagawa Ko ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo; makakaasa ka, tinatrato Ko ang mga tao nang may ganap na pagiging patas. Kung ang isang tao ay isang mabuting tao na tunay na nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan, tiyak na mananatili siya sa sambahayan ng Diyos. Pero kung ang isang tao ay isang masamang tao na mapanlaban sa sambahayan ng Diyos at sa Diyos, na kay Satanas, at na isang masamang demonyo, hinding-hindi palalampasin ng sambahayan ng Diyos ang sinumang gayong tao. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Kung nabibilang ka sa kategorya ng mga anticristo, masasamang tao, masasamang demonyo, o mga alipin ni Satanas, kikilos din Ako ayon sa mga prinsipyo sa pagtrato sa iyo; hindi kita aagrabyaduhin. Dapat Kong maunawaan kung inalipusta mo ba Ako nang hindi sinasadya, o kung mayroon ka lang mga negatibong opinyon at pananaw tungkol sa Akin nang personal—kung dahil ba sa Ako ay may karaniwang hitsura, may ordinaryo at normal na anyo, hindi matangkad, walang prestihiyosong pinagmulan, nagmula sa hamak na pinagmulan, at isang ordinaryong tao kaya minamaliit mo Ako at paulit-ulit na inaalipusta, sinasabihan ng mga walang-galang na bagay, o kung dahil ba mayroon kang masasamang kaisipan at pagkamapanlaban sa buong iglesia at sambahayan ng Diyos. Dapat kitang kilalanin. Pagkatapos mo Akong alipustahin, dapat Kong makita kung ano ang iyong lihim na saloobin sa iglesia, sa mga kapatid, sa iyong tungkulin, at sa iba’t ibang aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa sandaling magkaroon Ako ng tumpak na pagkaunawa sa iyo, pakikitunguhan kita ayon sa mga prinsipyo. Hinding-hindi kita aagrabyaduhin; kahit pa paalisin ka, hindi iyon pang-aagrabyado sa iyo. Tiyak na magiging tumpak ang sambahayan ng Diyos sa pakikitungo nito sa iyo. Pero bago ka pakitunguhan, hinding-hindi Ako subhetibong magsasabi na, “Alisin siya sa iglesia!” Hinding-hindi Ko ito gagawin. Sinusunod Ko ang mga pamamaraan ng sambahayan ng Diyos para tuklasin, siyasatin, pangasiwaan, at lutasin ang usaping ito, na sa huli ay nagdudulot na kilalanin ng lahat na ang usaping ito ay pinangasiwaan alinsunod sa mga prinsipyo. Maaari ninyong tingnan iyong mga tinanggal sa kanilang mga tungkulin, pinakitunguhan, at pinaalis, at tingnan kung ang paraan ng pakikitungo sa kanila ng sambahayan ng Diyos ay may anumang kinalaman sa saloobin nila sa Akin. Dagdag pa rito, ang ilang tao ay ilang taon nang nananampalataya sa Diyos, gayumpaman ay nakikipag-usap pa rin sila sa Akin na parang mga walang pananampalataya. Nakakaramdam Ako ng pagkasuya sa Aking puso kapag naririnig Ko ito, pero hindi Ko sila pinungusan nang harapan, ni pinahirapan kailanman. Mayroon ding ilang tao na bata pa at mainitin ang ulo, at tinatawag ang sinumang kausap nila ng “hoy ikaw,” walang pagpapahalaga sa tamang asal, nagmumukhang mga tao na hindi kailanman natuto ng magandang asal. Hindi Ko rin pinungusan ang mga taong tulad nito; hindi Ko kailanman ginawa ang gayong bagay. Sa madaling salita, gaano katagal man na kayong nananampalataya sa Diyos, mayroon man kayong anumang pundasyon o wala, anuman ang inyong pagkatao, anuman ang tungkuling ginagawa ninyo, o kung isang beses Ko lang kayong nakasalamuha o nakipag-ugnayan na Ako sa inyo nang maraming beses, higit-kumulang ay naaarok Ko at mayroon Akong partikular na pananaw sa inyong kalikasang diwa, at para sa ilang partikular na indibidwal ay mayroon pa nga Akong paglalarawan sa kanila. Ang pagkaarok Ko sa kalikasang diwa ng isang tao at pagkakaroon ng partikular na pananaw rito ay walang kaugnayan sa kalalabasan ng taong iyon, pero ang pagkakaroon ng paglalarawan sa kanila ay mayroong kinalaman. Mayroon silang mga ganitong uri ng pagpapamalas at pagbubunyag, kaya mayroon Akong mga prinsipyo ng pagtrato at paglalarawan sa kanila. Bagama’t mayroon Akong mga prinsipyo para sa mga tao at inilalarawan Ko sila, nakita mo bang pinakitunguhan Ko ang sinuman? Hindi Ko kailanman pinakitunguhan ang sinuman. Hinihintay Ko ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang mga pagsasaayos. Gayundin, ipinapaubaya Ko ang mga usaping ito sa iglesia; pangangasiwaan ng iglesia ang mga ito ayon sa mga prinsipyo. Ano ang tingin ninyo sa Aking prinsipyo ng pagtrato sa mga tao? (Katugma ito ng mga katotohanang prinsipyo; ibig sabihin, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa lahat ng bagay.) Tama, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa lahat ng bagay; dapat ipaubaya ang lahat ng bagay sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang mga prinsipyong ito ay may kinalaman din sa pagpapasakop sa katotohanan at pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Hindi ka lang dapat mayroong kamalayan at saloobing ito, kundi dapat ka ring kumilos at magsagawa sa ganitong paraan.
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay may buhay ng Diyos, at may dibinong diwa bilang Kanyang buhay. Bago ang lahat, ang mga prinsipyo, pananaw, at pamamaraan na mayroon Siya sa lahat ng bagay na Siya Mismo ang gumagawa ay hindi maaaring lumabag sa mga katotohanang prinsipyo. Anuman ang personalidad at paraan ng pagpapahayag ng Kanyang normal na pagkatao, o kung sa gitna ng anong uri ng mga tao Siya namumuhay, una sa lahat, ang mga prinsipyong sinusunod Niya ay hindi maaaring lumabag sa mga katotohanang prinsipyo; magkaayon ang mga ito sa buhay ng Diyos at sa diwa ng Diyos. Dahil tinuturuan kayo ng Diyos na nagkatawang-tao kung paano umasal, Siya Mismo ay dapat na maging gayong tao una sa lahat—dahil mayroon Siyang gayong pagsasabuhay at gayong diwa kaya nagagawa Niya kayong turuan na maging gayong tao. Sa puntong ito pa lang, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay may sapat na abilidad at mga kondisyon para akayin kayo patungo sa tamang landas ng buhay ng tao, para akayin kayo patungo sa landas ng kaligtasan, at para dalhin kayo sa harap ng Diyos, binibigyang-kakayahan kayo na magkaroon ng saloobin at puso ng pagpapasakop sa Diyos. Kung maisasagawa at makakamit ninyo ang mga salitang ito na Aking sinabi at ang mga sermong ito na Aking ibinigay, sapat na ang mga salitang ito para bigyang-kakayahan kayong iwaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon at maging mga tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay namumuhay sa normal na pagkatao at sa tunay na buhay, at bagama’t ang paraang ito ng pamumuhay at anyong ito ng pag-iral ay nagbibigay-daan lamang para sa limitadong pakikipag-ugnayan sa mga tao, ang iba’t ibang prinsipyo na sinusunod Niya sa pagtrato sa mga tao habang nakikisalamuha sa limitadong bilang ng mga tao ay hindi sumasalungat o bumabangga sa mga prinsipyo ng sariling asal na itinuturo ng Diyos sa tao, kundi magkaayon sa mga ito. Samakatwid, pagdating sa mga pagbubunyag ng normal na pagkatao o sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng lahat ng uri ng tao, maging isang pag-aalipusta man o isang kawalang-galang ang mga ito sa Akin nang personal, at angkop man o hindi ang mga ito sa Aking sariling personalidad, mga kagustuhan, o mga damdamin sa panahong iyon, kaya Kong tratuhin nang tama ang lahat ng tao. Kung palagi kang nagdududa sa Akin, nagbabantay laban sa Akin, at nagpapakana laban sa Akin, o palagi mong iniisip na nagpapakana Ako laban sa iyo, kaya pa rin kitang tratuhin nang tama. Anumang uri ng mga tiwaling disposisyon ang ibunyag mo, magsinungaling ka man, magduda sa Akin, gumawa ng mga haka-haka tungkol sa Akin, maging mapagbantay laban sa Akin at palaging gustong iwasan Ako, o magpakana laban sa Akin sa iyong puso, kaya kitang tratuhin nang tama. Hinding-hindi Ko gagamitin ang iyong mga pamamaraan para maghiganti sa iyo—hindi Ako gaganti nang mata sa mata at ngipin sa ngipin. Kahit pa alam Ko kung ano ang iniisip mo, at alam Ko kung paano mo gustong magpakana laban sa Akin at paano mo Ako gustong tratuhin, at kahit pa nakikita Kong tinitingnan mo Ako nang labis na hindi maganda, kaya pa rin kitang tratuhin nang tama. Makakaasa ka, hinding-hindi Ako maghihiganti sa iyo. Maaaring maramdaman mo na, sa hindi paghihiganti sa iyo, naghahanap talaga Ako ng pagkakataon para samantalahin ka, at nagpapakana Ako laban sa iyo. Mali ang iniisip mo; gumagawa ka ng mga haka-haka tungkol sa Akin. Sinabi Ko na sa inyo ang Aking mga prinsipyo sa pagtrato Ko sa mga tao. Nauunawaan ba ninyo Ako ngayon? (Oo.) Kaya, napakadali ba Akong pakisamahan? Madali ba Akong pakitunguhan para sa mga tao? (Tinatrato kami ng Diyos nang may sinseridad, kaya dapat kaming maging bukas at matapat sa Diyos.) Tama ang prinsipyong ito. Pero kung hindi mo magagawang maging bukas at matapat, sabihin mo sa Akin, pupungusan ba kita at ilalantad Ko ba ang anumang hindi magagandang bagay na ginawa mo noon? (Hindi.) Magkakaroon Ako ng masamang impresyon sa iyo sa Aking puso, iisipin Ko na ang taong ito ay labis na mapagkalkula, nagsasalita nang nag-aalinlangan, na para bang kailangang pigain ang bawat salita, at hindi prangka sa mga tao. Pero kahit pa mayroon Akong masamang impresyon sa iyo sa Aking puso, hindi kita pahihirapan. Kung iuulat ng karamihan ng tao na ginagampanan mo nang katanggap-tanggap ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero medyo mapanlinlang ang iyong disposisyon, hindi ka prangka sa Akin, at palagi kang nagpapakitang-gilas at nagpapasikat ng iyong sarili sa Aking harapan, magagawa pa rin kitang tratuhin nang tama at bigyan ng mga pagkakataong magbago sa paglipas ng panahon. Hinding-hindi Ko titingnan kung anong mga tiwaling disposisyon ang ibinubunyag mo at pagkatapos ay sasabihing, “Hindi Ako magpaparaya sa pinakamaliit na pagkakamali. Natatalos Ko kaagad kung anuman ang mga tiwaling disposisyong mayroon ka. Kung hindi ka maniniwala sa Akin, ilalantad Ko kung ano ang iniisip mo sa iyong puso, at makikita mo kung tama Ako.” Hindi Ko ginagawa ang mga bagay na ito. Tinatrato Ko nang tama ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao—kabilang na ang mga nabubunyag sa kanilang pananalita, sa kanilang pag-uugali, at sa kanilang mga kaisipan at pananaw. Kung ikaw ay isang tao na naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay, unti-unti mong babaguhin ang mga tiwaling disposisyon at kalagayan mong ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi ka isang tao na naghahangad sa katotohanan, magiging walang silbi na sapilitan ka pang diligan; hindi ka magbabago. Gaano ka man kagalang at kamapitagan sa Akin sa Aking presensya, wala itong silbi—hindi ito makakapalit sa iyong pagsasagawa ng katotohanan o pagpapasakop sa katotohanan. Magalang ka man o hindi sa Aking harapan, tatratuhin kita nang tama. Noon, may ilang tao, dahil sa kanilang mababang tayog at kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan, ang nagbunyag ng maraming tiwaling disposisyon nang makisalamuha at makipag-ugnayan sila sa Akin, at nagpakita rin sila ng matinding paghihimagsik at paglaban. Pero pagkatapos, nakaramdam sila ng pagsisisi at itinuwid nila ang kanilang sarili, at pagkalipas ng ilang taon, naunawaan nila ang ilang katotohanan at nagbago sila. Nagkataon na iniangat silang muli ng sambahayan ng Diyos. Nang marinig Kong naiangat sila, napakasaya Ko sa Aking puso. Tingnan mo, hindi Ako nagtatanim ng galit, hindi ba? (Hindi Ka nagtatanim ng galit.) Kaya Ko pa rin silang tratuhin nang tama. Hindi Ko sinasabi, “Dati, wala kang galang sa Akin, hindi ka nakinig sa anumang sinabi Ko, at gumawa ka ng napakaraming bagay na nakasakit sa Aking damdamin. Ngayon ay naiangat ka na naman. Kailangan Kong ipaalam sa iyo na alam Ko ang lahat ng bagay na iyon na ginawa mo noon; huwag mong isiping nakalimutan Ko na ang mga ito.” Hindi Ko ginagawa ang mga bagay na ito. Sa halip, inaaliw Ko sila, sinasabi Ko, “Maghangad ka nang taimtim. Huwag kang magkaroon ng anumang pasanin sa isip.” Kapag may mababang tayog ang mga tao at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, lahat sila ay magbubunyag ng paghihimagsik, dahil namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kontrol ng mga tiwaling disposisyon, at ang mga taong hindi ang katotohanan ang humahawak ng kapangyarihan sa kanilang puso ay hindi kayang pamahalaan ang kanilang mga sarili, nagsasabi at gumagawa sila ng mga bagay nang wala sa kanilang kontrol. Ganito ang mga tao na namumuhay ayon sa mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, huwag kayong magkaroon ng anumang pasanin sa isip sa inyong paghahangad sa katotohanan. Hinding-hindi Ko titingnan ang sinumang tao, o anumang lahi ng mga tao, nang may pagkiling. Hindi Ko tinitingnan ang iyong antas ng edukasyon, o ang iyong nakaraan. Tinitingnan Ko lang ang iyong pagkataong diwa at ang iyong paghahangad, pati na rin ang iyong saloobin sa katotohanan, ang iyong saloobin sa Diyos, at ang iyong saloobin sa iyong tungkulin. Kung naging pabasta-basta ka noon sa paggawa ng iyong tungkulin, at nagdulot ng ilang kawalan sa sambahayan ng Diyos o gumawa pa nga ng masasamang gawa na nagdulot ng mga paggambala at panggugulo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, bagama’t malinaw ang mga bagay na iyon sa Aking isipan at nakatatak sa Aking alaala, hindi Ako maiimpluwensiyahan o maililihis ng mga bagay na iyon sa pagtingin Ko sa iyo. Titingnan kita sa isang komprehensibong paraan; titingnan kita ayon sa mga katotohanang prinsipyo, tinitingnan kung paano mo ginagawa ang iyong tungkulin at tinatrato ang iyong tungkulin ngayon, at kung pabasta-basta ka pa rin ba tulad noon. Noon, hindi mo naprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kumilos ka nang masyadong maingat at sinubukan mong maging mapagpalugod ng mga tao. Nagbalik-loob at nagbago ka na ba ngayon? Kaya mo bang isagawa ang ilang katotohanan ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Dati ay palagi kang nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman; kaya mo na bang magtiis ng paghihirap ngayon? Sinsero mo bang ginugugol ang iyong sarili? Kaya mo bang hanapin ang katotohanan sa proseso ng paggawa ng iyong tungkulin? Mayroon ka bang kaunting katapatan at sinseridad? Nakagawa ka ba ng pag-usad at nagbago kumpara noon? Ang mga ito ang mga bagay na tinitingnan Ko. Kung palagi kang naging pabasta-basta, nagpasasa ka sa kaginhawahan, at hindi mo pinrotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos noon, at ganito ka pa rin ngayon, hindi Ako magkakaroon ng anumang paborableng damdamin sa iyo sa Aking puso. Kung ganoon ka noon, bagama’t mayroon Akong masamang impresyon sa iyo, ngayong nagbago ka na, lubos Akong masaya. At aaliwin pa nga kita, sasabihin Ko, “Maghangad ka nang ganito mula ngayon. Noon, masyadong mababa ang iyong tayog, bata ka pa at hindi pa hinog ang isip mo, at kumikilos ka lang nang walang habas habang gumagawa ng masasamang bagay; ang mga ito ay pawang mga aral para sa iyo. Dapat mong hangarin ang katotohanan para lutasin ang iyong pagiging pabasta-basta at ang iyong masasamang gawa, at pagkatapos ay tunay ka nang magbabago.” Aaliwin at hihikayatin kita. Kung ang masasamang taong iyon ang nasa kalagayan Ko, kapag nakita nilang nagbago ka na, maiinggit sila sa iyo at mamumuhi sa iyo. Hindi sila magiging magalang sa iyo, sasabihin nilang, “Dapat kong ilantad ang hindi magagandang bagay na ginawa mo noon at ipakita sa mga tao kung gaano ka kahiya-hiya noon. Huwag mong isiping hindi ko alam ang lahat ng ito!” Tingnan mo, ang mga tiwaling tao ay mahilig lang magpanggap na matalino, gumawa ng maliliit na panlalansi, magpapansin, maglantad ng mga pagkukulang ng mga tao, at mag-ungkat ng hindi magagandang nakaraan ng mga tao. Talagang hindi Ko kailanman ginagawa ang gayong mga bagay. Hindi Ako kailanman nagsasabi ng gayong mga bagay sa mga tao. Sinusubukan Ko lang silang hikayatin at pakalmahin, para makaramdam sila ng kapayapaan sa kanilang puso at maramdaman nilang mabuti ang paghahangad sa katotohanan. Kapag nakikita Kong nagbago sila nang kaunti, dapat Ko silang hikayatin, na ipinapaalam sa kanila na nakagawa sila ng pag-usad, at nagbibigay sa kanila ng kaunting motibasyon at kumpiyansa. Sabihin ninyo sa Akin, sa pagtrato sa mga tao nang ganito, kumikilos ba Ako sa loob ng mga prinsipyo? (Oo.) Kumikilos ba Ako batay sa pagiging natural o batay sa pagkamainitin ng ulo? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Dahil ba mayroon Kang mahinang memorya? Marahil ay wala Kang pakialam sa mga bagay na ito? O likas na malawak ang pag-iisip Mo?” Sabihin ninyo sa Akin, may anumang kinalaman ba ito sa personalidad, pagiging malawak ang pag-iisip, o memorya? (Wala.) Kahit pa ang isang tao ay likas na malawak ang pag-iisip at may magandang personalidad, kung namumuhay siya sa ilalim ng kontrol ng mga tiwaling disposisyon, hindi pa rin niya kayang tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo o bigyan ang mga tao ng mga pagkakataon na tumahak sa tamang landas; hindi niya ito makakamit. Sa pinakamabuti, sasabihin ng mga tiwaling tao, “Hindi ko ilalantad ang iyong mga pagkukulang; kung gagawin ko iyon ay pagtatawanan ako ng mga tao.” Ginagawa nila ito alang-alang sa pride at dahil sa presyur ng pampublikong opinyon sa mundo, nag-aalala na ang pag-asal nang ganoon ay magpapamukha sa kanilang mababaw at walang pagpaparaya. Para lang protektahan ang sarili nilang pride kaya sila nagpipigil sa paglalantad ng mga pagkukulang ng mga tao, pero kaya ba nilang ituro ang ilang tamang landas para sa mga tao? (Hindi.) Para sa karamihan ng mga tao, napakabuti na kung kaya nilang magpigil sa paghihiganti—ang hilingin sa kanila na tulungan ang ibang tao o hilingin ang mabuti para sa mga ito ay hindi nila kaya. Sa pinakamabuti, nararamdaman nila, “Maging maayos man o hindi ang lagay mo ay walang kinalaman sa akin.” Ipinapahayag ng ilang tao, “Ako ay isang mapagpakumbabang tao na may kabutihan; hindi ako maaaring maghiganti sa mga tao,” pero sa kanilang puso ay iniisip nila, “Sana ay maging masama ang mga bagay-bagay para sa iyo. Kung magiging maayos ang lagay mo, hindi magiging komportable ang pakiramdam ko sa loob ko. Magiging masaya ako kapag dumating na sa wakas ang araw na mamamatay ka!” Ang kanilang mga salita ay puno ng kabutihan, katuwiran, at moralidad, pero ang kanilang puso ay lihim na masama at malupit. Wala silang sinasabi kundi magagandang salita, habang ang kanilang puso ay mas mapaminsala kaysa kaninuman. Ito ay tinatawag na pagkakaroon ng matamis na dila at maitim na budhi; ito ay tinatawag na pagiging isang mapagpaimbabaw. Tingnan mo, kaya ba ng mga tiwaling tao na tratuhin ang ibang tao batay sa mga katotohanang prinsipyo? Ang mga tiwaling tao ay nag-iisip ng isang bagay at gumagawa ng iba. Sa panlabas, para magmukhang kagalang-galang, pino, at marangal, nagsasabi sila ng ilang magandang salita, pero hindi sila nag-iisip nang ganoon sa kanilang mga puso, at palihim silang gumagawa ng mga bagay para matisod ang iba. Samakatwid, pagdating sa paraan ng pagtrato ng mga walang pananampalataya sa mga tao, kahit na hindi sila maghiganti sa iyo, hindi rin nila hihilingin ang mabuti para sa iyo. Ang paraan ng pagtrato nila sa mga tao ay hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nakikita nilang maayos ang lagay mo, nakakaramdam sila ng pagiging hindi komportable at pagkainggit sa kanilang puso; kapag nakikita nilang hindi maayos ang lagay mo, kung magkakaroon sila ng pagkakataon ay palulubhain nila ang iyong pasakit o lalo ka pa nilang sasaktan, at saka lang nila mararamdaman na naibsan ang kanilang pagkamuhi. Mahirap na nga para sa kanila na magpigil sa paghihiganti—lalong mahirap para sa kanila na kumilos nang may prinsipyo sa mga tao; hindi sila nagtataglay ng gayong pagkatao.
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay naging isang ordinaryong tao. Sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ang paraan ng pagtrato Niya sa mga tao, kahit papaano, ay nasa loob ng mga hangganan ng konsensiya at katwiran; hinding-hindi ito bababa sa pamantayang ito, at maaari lang na maging mas mataas dito. Hindi na kailangang sabihin pa na tinatrato ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil mayroon Siyang dibinong diwa, mas may kakayahan pa nga Siyang tratuhin ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hinding-hindi ka Niya pahihirapan. Katulad lang ito ng pagtrato ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng tao—ang pagtanggal sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas, ang pagbabago ng mga pagkakatalaga ng tungkulin ng mga tao o pagtatanggal sa kanila, ang pag-aalis sa lahat ng uri ng tao, at iba pa, ay pawang isinasagawa ayon sa mga prinsipyo, hindi pinagpapasyahan batay sa mga kagustuhan ng sinuman; ang mga desisyong ito ay sinasang-ayunan ng karamihan ng mga tao sa iglesia. Kaya ang katotohanan ang talagang humahawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos; totoo ito. Kahit ang mga tao na may normal na pagkatao ay kayang gumawa ng mga bagay sa paraang umaayon sa pamantayan ng konsensiya na taglay ng mga normal na tao, at kapag may kinalaman ang mga katotohanang prinsipyo, kaya pa rin nilang sumunod sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran ng mga normal na tao—lalo nang ganito ang normal na pagkatao na isinusuot ng Diyos na nagkatawang-tao. Pagdating sa mga usaping may kinalaman sa gawain ng iglesia, sa mga tungkuling ginagawa ninyo, at sa inyong mga tiwaling disposisyon, mas lalong kaya Niya kayong tratuhin ayon sa mga prinsipyo. Pagdating sa kung paano Ako, itong ordinaryo at normal na tao, ay nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa inyo, paano man Ako makipagbahaginan tungkol sa katotohanan o anong uri man ng mga problema ang pangasiwaan Ko, sabihin ninyo sa Akin, karapat-dapat ba sa inyong tiwala ang normal na pagkatao Kong ito? (Oo.) Kailangan ba ninyong bumuo ng isang linya ng depensa para magbantay laban sa Akin? (Hindi.) Kaya hayaan ninyong sabihin Ko ito sa inyo: Kapag nagsasalita at nakikipag-ugnayan sa Akin, kailangan mo lang maging bukas at matapat. Gaano man karami ang alam Ko tungkol sa iyo o kung anuman ang alam Ko tungkol sa iyo, tatratuhin kita ayon sa mga prinsipyo. Anuman ang saloobin mo sa Akin, tatratuhin pa rin kita ayon sa mga prinsipyo. Makakaasa ka; hindi mo kailangang magbantay laban sa Akin. Isinasantabi ang Aking dibinong diwa at dibinong buhay, ang pagkataong diwa lang na taglay ng normal at praktikal na panig Kong ito, ang ordinaryong taong ito, ay isang bagay na mapagkakatiwalaan ninyo. Anuman ang ating pinag-uusapan, hindi kayo dapat magkaroon ng komplikadong mentalidad. Kailangan lang ninyong maging simple at bukas. Kung nahaharap kayo sa anumang mga paghihirap, talakayin lang nang direkta ang mga ito. Hindi ninyo kailangang magbantay laban sa Akin na parang nagbabantay kayo laban sa isang estranghero. Kung palagi kang mapagbantay laban sa Akin, may isang bagay Akong sasabihin sa iyo: Masyado kang hangal, at ikaw ay bulag! Hindi mo ba alam kung anong gawain ang ginagawa Ko? Habang mas nagbabantay ka laban sa Akin, mas hindi mo makakamit ang katotohanan sa huli. Hindi ba’t ito ay pagpigil sa iyong sarili at pagwasak sa iyong sarili? Kung palagi kang nagdududa at nagbabantay laban sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, at paano man Siya magsalita at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, palagi mong pinapanatili ang isang saloobin ng pagsisiyasat, hindi tinatanggap ang Kanyang sinasabi kahit pa kinikilala mo na ito ang katotohanan, hindi lang sa hindi ka liliwanagan o pagpapalain ng Banal na Espiritu, kundi sa kabaligtaran ay itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka Niya. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo lang ito at tingnan mo kung ganito nga ang kaso. Kung wala kang mga prinsipyo kapag nakikipag-ugnayan sa Akin, sa ordinaryong taong ito na may normal na pagkatao, hindi mo alam kung paano makipag-ugnayan sa Akin, at hindi mo alam kung paano Ako tratuhin ayon sa mga prinsipyong itinuturo ng Diyos sa iyo, hindi ba’t ganoon din ang magiging pagtrato mo sa Diyos sa langit? (Oo.) Kung makikipag-ugnayan ka sa Diyos sa langit sa parehong paraan, ano ang mga kahihinatnan? (Kokondenahin at hahampasin kami.) Mali ka na naman. Hindi basta-bastang hinahampas ng Diyos ang mga tao. Gayumpaman, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong makita ang tunay na anyo ng Diyos, at hindi ka rin kailanman magiging kalipikado; isa itong katunayan. Hindi ka kailanman magiging kalipikado na makita ang tunay na anyo ng Diyos—hindi mo man lang makikita ang likod ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay hindi ka kailanman kikilalanin ng Diyos bilang Kanyang nilikha. Ano ang ibig sabihin na nakita ni Job ang likod ni Jehova? Ano ang ibig sabihin na narinig ni Abraham na kinakausap siya ng mismong tinig ng Diyos? (Sinang-ayunan sila ng Diyos.) Ang ibig sabihin nito ay kalipikado silang makipag-usap sa Diyos, makipag-usap sa Diyos sa langit, sa Kanyang tunay na anyo, sa Espiritu ng Diyos. Kinilala at tinanggap sila ng Diyos bilang mga nilikha. Kinilala sila ng Diyos bilang mga nilikha. Nakamit sila ng Diyos. Napakalalim ng kabuluhan nito! Handa ang Diyos na makita sila at handang makipag-usap sa kanila. Handa ang Diyos na iparinig sa kanila ang tunog ng Kanyang tinig na nagsasalita mula sa langit. Handa ang Diyos na ipakita sa kanila ang Kanyang espirituwal na katawan, na ipamalas ito sa kanila. Napakalaking pagpapala nito para sa mga tao! Isa itong napakalaking karangalan! Hinahangad ba ninyo ito? Maaaring hindi kayo mangahas na hangarin ito, pero dapat na mayroon kayo ng pagnanais na ito. Kaya paano kayo dapat magsagawa para matupad ang pagnanais na ito? Una, simulan ninyo ang inyong pagsasagawa sa paraan ng pagtrato ninyo sa nagkatawang-taong Diyos, sa ordinaryo at normal na taong ito. Paano ka dapat makipag-ugnayan sa Kanya at paano mo Siya dapat tratuhin? Kapag nakikita mo Siya sa Kanyang nahahawakang anyo, kung kaya mong makipag-ugnayan sa Kanya nang normal, tanggapin ang lahat tungkol sa Kanya, maging bukas at matapat sa Kanya, at hindi magkaroon ng mga hadlang o paghihirap sa pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa Kanya, kung gayon sa harap ng Diyos—kahit papaano, sa Aking paningin—magiging handa Akong makipag-ugnayan sa iyo; hindi Ako makakaramdam ng pagkasuklam sa iyo. Pagkatapos ay maaari kang magkaroon ng pagkakataon at maging kalipikado na marinig ang tinig ng Diyos, na marinig ang mismong tinig ng Diyos na nagsasalita mula sa langit, at na makita ang pigura ng Diyos. Siyempre, sa ngayon ay malayo pa kayo sa layong ito; binibigyan Ko lang kayo ng isang landas. Kung hindi man lang ninyo malampasan ang hadlang na ito na ipinepresenta Ko, ng ordinaryong taong ito, gayumpaman ay gusto mong makita ang Diyos sa langit, may isang bagay Akong sasabihin sa iyo: Imposible iyan! Iyan ay talagang isang pangangarap nang gising!
Sige, tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!
Setyembre 14, 2024