Paano Hangarin ang Katotohanan (26) Ikalimang Bahagi
Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao sa loob ng normal na pagkatao, madalas na lumilitaw ang problema na hindi nagiging maayos ang daloy ng usapan. Ano ang ibig Kong sabihin sa hindi maayos na daloy? Minsan, kapag nakikisalamuha Ako at nakikipagkuwentuhan sa isang tao sa isang ganap na normal na paraan, ginagawa niyang masyadong komplikado o masyado niyang iniisip-isip ang mga bagay-bagay, at hindi na lang makapagpatuloy ang usapan. Kung hindi na ito makapagpapatuloy, ano ang ginagawa Ko? Tinitigilan Ko na lang ang pakikisalamuha sa taong iyon—naghahanap Ako ng isang taong kayang makisalamuha sa iba, na marunong makipag-usap at makipagkuwentuhan, na may pag-iisip ng normal na pagkatao, at sa halip ay sa kanya Ako nakikipagkuwentuhan at nakikisalamuha. Sa Aking pakikipag-ugnayan sa inyo, ang pinakakaraniwang sitwasyong nakikita Ko ay na nararamdaman ng mga tao, “Ang Iyong pagkakakilanlan at katayuan ay may napakalaking impluwensiya kapag Ikaw ay nagsasalita at nakikipag-usap sa mga tao. Ikaw ang Diyos na nagkatawang-tao, at kami ay mga nilikha. Kung may masabi kaming mali, malamang na akuin namin na kapantay kami ng Iyong katayuan at salungatin namin ang disposisyon ng Diyos. Dagdag pa, bilang Diyos na nagkatawang-tao, ang Iyong gawain ay ang iligtas ang sangkatauhan, at kinakatawan Mo ang Diyos Mismo, kaya ang Iyong responsabilidad o ang gawaing ginagampanan Mo ay maaari lamang na maging pagpapahayag ng katotohanan upang tugunan ang isyu ng kaligtasan ng tiwaling sangkatauhan. Dapat Ka lamang magsalita tungkol sa gawain, o sa mga paksang nagmumula sa pagka-Diyos. Hindi Ka maaaring magsalita tungkol sa normal na buhay ng tao—sa mga usapin tungkol sa pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon, o magsalita tungkol sa kung kumusta na si ganito-at-ganyang tao. Kung tatalakayin Mo kung kumusta na sila, hinuhusgahan Mo sila o mayroon Kang mga lihim na motibo.” Dahil taglay ng mga tao ang mga kuru-kurong ito, ikinaklasipika nila ang Diyos na nagkatawang-tao bilang isang di-taong nilalang. Kaya, kapag nakikisalamuha Ako sa mga taong walang normal na pag-iisip at normal na pagkatao, at nagsasalita Ako nang kaunti tungkol sa mga pang-araw-araw na usapin o pang-araw-araw na pangangailangan, ang ilan ay naglalagay ng harang sa isipan, iniisip, “Ano ang silbi ng pag-uusap tungkol dito? Hindi ito espirituwal! Isa pa, mayroon Ka bang mga lihim na motibo sa pagbanggit nito?” Kung tatalakayin Ko ang sitwasyon ng isang indibidwal, iisipin ng ilan, “Ito ba ay paghusga o pagpapakana laban sa mga tao kapag nakatalikod sila? Mayroon Ka bang inihanda para sa kanya? Iaangat Mo ba siya o ititiwalag? Patuloy Mo ba siyang gagamitin o tatanggalin?” Kung tatalakayin Ko ang mga isyu ng isang tao, iisipin ng ilan, “Hindi Mo ba gusto o kinasusuklaman Mo ba ang taong iyon? May ginawa ba siyang nakasakit sa Iyo? May sinabi ba siya o ginawa na nakasalungat sa Iyo?” Lalo na kapag tinatalakay ang mga sensitibong paksa na kinasasangkutan ng mga lider at manggagawa, ang ilan ay mas takot pang makisangkot, sinasabing, “Tinatalakay Mo ang mga ito para sa gawain, pero hindi namin ito tatalakayin sa Iyo. Ang mga ito ay mga sensitibong paksa. Sa sandaling may masabi kaming hindi tumpak, ilalantad at pupungusan Mo kami, at makikita Mo ang pagbubunyag ng aming mga katiwalian at mag-iiwan ito sa Iyo ng masamang impresyon sa amin, na hindi magiging angkop.” May mga pagkakataon din na nagbabanggit Ako ng ilang paksa, tulad ng pagtatanong, “Sino sa pamilya ninyo ang nananampalataya sa Diyos?” Ang paksang ito ay isang sensitibong paksa sa mainland China. Gayumpaman, sa mainland, hindi ito itinuturing na sensitibong itanong sa ilang indibidwal na matagal-tagal mo nang nakakasalamuha at lubos mo nang kakilala—sa ibang bansa, lalong hindi. Pero kung itatanong Ko ito, ang ilang tao ay hindi man lang nangangahas na sumagot. Naghihinala sila, “Sinusubukan Mo bang siyasatin ang aking pinagmulan sa pamamagitan ng pagtatanong kung sino sa aking pamilya ang nananampalataya?” Kung magtatanong Ako, “Ilang tao ang mayroon sa inyong lokal na iglesia? Sino ang lider ng iglesia?” iisipin nila, “Naku, sinusubukan Mo bang alamin ang tungkol sa iglesia? Hindi ko maaaring talakayin ito sa Iyo. Kung may masabi ako at malaman ito ng lider ng iglesia, magkakaproblema.” Kita ninyo, mapagbantay sila kahit na pinag-uusapan ang mga usapin ng iglesia, at takot silang magsabi ng anuman. Maraming tao ang hindi nangangahas na talakayin ang mga paksang may kaugnayan sa mga lider at gawain ng iglesia, o sabihin nang malaya kung ano ang nasa isip nila. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang takot na malantad ang sitwasyon ng iglesia at mapasama ang loob ng mga lider at manggagawa, at kasabay nito, ang takot na hindi sinasadyang maibunyag ang sarili nilang mga iniisip at pananaw at mapungusan o mailantad. Ito ay isang bagay na ayaw nilang mangyari. Kaya, kapag nakikisalamuha Ako sa maraming tao, kahit ang ordinaryong pakikipag-usap ay hindi nagiging maayos ang daloy. Kapag nakikisalamuha Ako at nangangasiwa ng mga bagay-bagay sa mga walang pananampalataya na komplikado ang mga isipan at kaligiran, sa sandaling matapos Akong mangasiwa ng mga bagay-bagay, agad Akong umaalis—hindi Ako makabuo ng malalalim na relasyon o masyadong mapalapit. Pero kapag nakikisalamuha Ako sa mga kapatid, natutuklasan Ko na karamihan sa mga tao ay ganoon din: hindi Ako masyadong makalapit o makabuo ng malalalim na relasyon. Hindi sa itinuturing Kong mas mataas ang Aking sarili at ayaw Kong makisalamuha sa karamihan ng tao; sa halip, kapag sinusubukan Kong lapitan sila o makipag-ugnayan sa kanila, hindi nila namamalayan na lumalayo sila o umiiwas sa Akin. Bakit ka umiiwas sa Akin? Kung may masabi kang mali, hindi kita kokondenahin at hindi Ko palalakihin ang isyu. Kung isa kang lider o manggagawa, maaari tayong magbahaginan tungkol sa katotohanan at mag-usap tungkol sa anumang aspektong hindi mo nauunawaan. Kung isa kang ordinaryong kapatid at talagang may nasabi kang mali o mayroon kang ilang maling kaisipan at pananaw, nakadepende iyon sa kung gusto kitang kausapin tungkol dito. Kung makita Ko na mahina ang iyong kakayahan at kulang ka sa abilidad na umarok, at wala kang kayang matarok na anuman, kung gayon ay ayaw kitang kausapin, at kahit pa mag-usap tayo, wala itong ibubungang anumang resulta. Gayumpaman, kung mahusay ang iyong kakayahan, mayroon kang abilidad na umarok, at kaya mong matarok ang ilang bagay, kung gayon, ang pakikipag-usap sa iyo ay maaaring magbunga ng mga resulta, at hindi ito magiging pagsasayang ng laway. Kahit sino pa ang kaswal Kong kausapin o anuman ang mga problemang matuklasan Ko, sa Aking puso, una, hindi Ko sila kokondenahin, ikalawa, hindi Ko sila susumpain, at ikatlo, hindi Ko itatakda ang kanilang mga kalalabasan. Ang pagkilos sa ganoong paraan ay magiging walang batayan, at hindi Ako gumagawa ng mga kahangalan. Sa usapin ng normal na pagkatao, minsan kapag may nakakasalubong Akong kakilala, gusto Ko lang makipag-usap at makipagkuwentuhan nang kaunti. Kung gusto mo, kakausapin kita. Kung ayaw mo, hindi kita pipilitin. Ang ilang tao ay takot na makipagkuwentuhan sa Akin. Anuman ang sabihin Ko, mapagbantay sila laban sa Akin at hindi ipinahahayag ang kanilang mga pananaw, sa takot na may masabi silang mali at bigyan Ako ng isang bagay na panghahawakan laban sa kanila. Kung makita Kong ayaw mong sabihin kung ano ang nasa puso mo, titigil Ako sa angkop na punto. Kung palagi kang mapagbantay laban sa Akin, palaging takot na nagpapakana Ako laban sa iyo, kung gayon ay hindi Ako magkakaroon ng ganang makipag-usap sa iyo. Sabihin ninyo sa Akin, normal ba ang pagkamakatwiran Kong ito? (Oo.) Kapag Ako ay nakikipag-usap at nakikipagtalastasan sa isang tao, laging mayroong isang uri ng konteksto. Halimbawa, kung ikaw ang responsable sa pag-aalaga ng hayop sa isang bukid, pag-uusapan natin ang tungkol sa pag-aalaga ng hayop. Kung isa kang lider ng iglesia, tatalakayin natin ang mga usapin ng iglesia, ang mga bagay na may kaugnayan sa mga kapatid, kung ano ang kasalukuyang mga kalagayan ng mga kapatid, o kung kumusta na ang buhay iglesia. Kung isa kang mangangaral ng ebanghelyo, pag-uusapan natin ang gawain ng ebanghelyo. Ito ay pakikisalamuha sa mga tao sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, at bahagi rin ito ng Aking gawain. Ang ilang usapin ay hindi kinasasangkutan ng gawain ng iglesia pero mga pangkalahatang gawain pa rin ng sambahayan ng Diyos. Normal na pag-usapan ang mga bagay na ito kapag nagkikita tayo. Pinangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay at ginagawa ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kaya kapag nagkita tayo, dapat kitang batiin at kausapin, at dapat Kong tingnan kung mayroon kang anumang mga paghihirap. Minsan, sa mga kaswal na usapan, nagtatanong Ako ng tulad ng, “Bumaba ang temperatura nitong mga nakaraang gabi—malamig ba sa lugar ninyo?” Ang ilan ay ayaw marinig ito, iniisip, “Matatanda na kami; kailangan ba namin na mag-alala Ka tungkol sa amin?” Hindi pinahahalagahan ang mabubuting hangarin, tama ba? Sa ibang pagkakataon, kapag pumupunta Ako sa kusina, nagtatanong Ako, “Kumusta ang mga gulay ngayong taon? Sapat ba ang makakain? Anong mga gulay o pagkain ang gusto ninyo?” Ang mga ito ay napakanormal na mga bagay, hindi ba? (Oo.) Pero masyadong komplikado ang puso ng mga tao, at sa ilang kaso, walang maayos na daloy kahit kapag nakikisalamuha at nakikipag-usap Ako sa kanila sa isang normal na paraan. Bakit ganito? Nangyayari ito dahil palaging takot ang mga tao na malantad ang kanilang mga isyu at ang kanilang mga tunay na sitwasyon. At ano ang kinatatakutan ng iba? Natatakot sila na: “Kung ibubunyag ko ang aking tunay na sitwasyon, ilalantad Mo ako sa Iyong mga sermon sa mga pagtitipon, gagamitin ako bilang puntirya.” Bakit hindi ka maaaring maging puntirya? Kapag nakikipagbahaginan Ako ng katotohanan tungkol sa iyong mga problema, nalulutas nito ang mga iyon. Hindi ba’t isa itong karagdagang pakinabang na nakamit mo? Hindi ba’t ito ang iyong magandang kapalaran? Ito ay isang mabuting bagay. Pinapatunayan nito na sineseryoso kita at mayroon Akong ilang pagpapahalaga sa iyo. Tama ba ito? Kung hindi kita papansinin at wala ka sa Aking puso, at kung may matutuklasan Akong anumang mga problema sa iyo pero hindi Ko papansinin ang mga iyon at hindi kita bibigyan ng gabay at pagbabahaginan, kung gayon, mauunawaan mo ba ang katotohanan at malulutas ang iyong mga problema? Magiging masaya ka ba roon? Kung masisiyahan ka roon, iisiping, “Wala sa mga isyung inilalantad ng Diyos ang may kaugnayan sa akin, kaya pinapatunayan nito na wala akong mga problema”—kung nararanasan mo ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan, hindi ka magiging isang taong naghahangad ng katotohanan. Ang ilang tao, pagkatapos ng maraming taon ng pananalig, ay hindi kailanman napungusan, ni minsan ay hindi sila nagsilbing hambingan, subalit sila ay nakakaramdam ng pagmamalaki at suwerte, iniisip na napakabuti nila, na wala silang mga problema, at na tiyak silang maliligtas. Hindi ba’t labis itong problematiko? Ang gayong tao ay tiyak na hindi makakamit ang kaligtasan.
Ang mga taong may pag-iisip ng normal na pagkatao, kapag nakikipag-usap at nakikisalamuha sa iba sa loob ng normal na pagkatao, ay susunod sa pakiramdam ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dahil sa pakiramdam na ito, mayroon silang pinakapangunahing pamantayan at mga prinsipyo sa pagtrato nila sa iba. Kapag nakikipag-usap at nakikisalamuha ka sa mga tao sa loob ng pag-iisip ng normal na pagkatao, sa isang banda, madarama ng mga tao na may kamalayan ka sa konsensiya ng pagkatao. Sa kabilang banda, kumikilos ka nang may angkop na asal kaya hindi ka di-kaaya-aya sa iba. At ang isa pang mahalagang punto ay na kapag nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan ka sa iba, makikinabang sila mula sa mga salitang ibinabahagi mo at magkakamit ng ilang bagay na kailangan ng pagkatao. Ito ang tinatawag nating pakikisalamuha at pakikipag-usap sa mga tao. Ano ang ibig sabihin ng pakikipag-usap? Sa simpleng salita, ito ay kaswal na pakikipagkuwentuhan. Karamihan sa mga tao ay hindi marunong makipagkuwentuhan nang kaswal; sa sandaling magsalita sila, madali silang makipagtalo at makipagbangayan, o nagyayabang sila at nagsesermon sa iba para sundin sila. Ang mga may kaunting husay sa pagsasalita ay gustong mangaral sa iba at magsilbing guro ng mga ito sa sandaling ibuka nila ang kanilang bibig. Ang mga pagpapamalas na ito ay pawang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong may mga tiwaling disposisyon ay hindi kayang makipagkuwentuhan nang kaswal sa iba nang normal. Kahit pa normal silang magsalita sa loob ng ilang sandali, hindi ito magtatagal. Sa isang punto, magsisimula silang makipagtalo, namumula ang mukha at lubos na nadadala ng emosyon. Hindi ito normal na pakikipagkuwentuhan nang kaswal. Ang isang normal na pakikipagkuwentuhan nang kaswal ay tiyak na hindi pagdedebate ng tama at mali, o pag-aaway at pagbabangayan, lalo nang hindi paghusga o pagkokondena sa mga tao. Bigyan natin ng kahulugan ang isang kaswal na pakikipagkuwentuhan. Ito ay ang pagpapalitan at pagbabahagi ng impormasyon—ito ang tinatawag nating kaswal na pakikipagkuwentuhan. Tumpak ba ang kahulugang ito? (Tumpak.) Sa anong paraan ito tumpak? Ang pagpapalitan at pagbabahagi ng impormasyon ay nakasalig sa pundasyon ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Tingnan ninyo—paano ba nakikipagkuwentuhan at nakikipag-usap ang mga taong may konsensiya at katwiran? Hindi sila nakikipagtalo, at nagagawa nilang igalang ang isa’t isa, na kapaki-pakinabang sa kausap nila. Matapos marinig ang ibinahagi ng isa, nagkakamit sila ng ilang bagong impormasyon. Pagkatapos, sasabihin naman nila sa kabilang partido ang ilang impormasyong alam nila, para makinabang din ang kabilang partido at, sa loob ng kanilang pagkatao, magkamit ng karanasan, kabatiran, at kaalaman. Ang pagbabahagi ng impormasyong alam nila sa kausap nila batay sa mga prinsipyo ng paggalang sa taong iyon at pakikisama nang may pagkakasundo at pagkakapantay-pantay, at pagkatapos ay pagtanggap ng impormasyong ibinahagi sa kanila ng kausap nila—hindi ba’t ito ay pagtutulungan? Ito ay nakasalig sa pundasyon ng pagkakapantay-pantay, pagtutulungan, pagkakasundo, at pagiging patas. Ito ang ibig sabihin ng pakikipag-usap at pakikipagkuwentuhan nang kaswal. Sabihin ninyo sa Akin, tumpak ba ang Aking kahulugan? (Tumpak.) Ang pagsasagawa ng pakikipagkuwentuhan at pakikipag-usap batay sa prinsipyong ito ay tama. Kung ang mga pakikipag-usap at pakikipagkuwentuhan ay puno ng mga pagpapakana, pagtatalo, tunggalian, pagbabalak, panlalansi, patibong, at pagsubok, at kung ang nabubunyag ay puro mga tiwaling disposisyon, kung ito ay puro panunupil sa isa’t isa, na bawat tao ay nagyayabang, nakikipagkompetensiya sa isa’t isa, nagpapagalingan kung sino ang nagsasalita nang mas matayog o nagsasabi nang mas marami, kung gayon, hindi ito normal na pakikipag-usap. Hindi ito pakikipag-usap sa loob ng saklaw ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ang pakikipag-usap na ito ay hindi isang pagpapalitan at pagbabahaginan ng impormasyon, kundi mga hayagan at lihim na tunggalian at bangayan sa salita. Hindi ba’t gayon nga? (Oo.)
Para makamit ang pakikipag-usap sa iba nang walang pagpapakana, dapat mong matutunang makipag-usap sa loob ng saklaw ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ang layunin ng pakikipag-usap ay ang tulungan ang iba at para na rin makatanggap ng tulong at mga pakinabang mula sa iba. Ito ang normal na pakikipag-usap, at sa paraang ito ay makakamit mo ang pakikipag-usap nang walang pagpapakana. Tingnan ninyo ang pakikipag-usap at pakikipagkuwentuhan ng mga walang pananampalataya; makakamit ba nito ang epekto ng normal na pakikipag-usap? (Hindi.) Kapag ang mga tiwaling tao ay nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan, normal ba ang nilalaman, mga motibo, at tono ng kanilang pakikipag-usap? (Hindi.) Ang kanilang pakikipag-usap ay parang mga tandang na nagsasabong o mga asong nag-aaway lang. Puwede bang dumaloy nang maayos ang kanilang pakikipag-usap? (Hindi.) Hindi man lang nila magawang hindi magpakana laban sa iba o makipagtalo sa mga ito. Nangangailangan ang pakikipag-usap ng pusong may pagmamahal, ng pagnanais na tulungan ang isa’t isa, at ng kahandaang matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa para mapunan ang mga kahinaan upang maging maayos ang daloy nito. Kapag Ako ay nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan sa inyo, hindi sapat na Ako lang ang hindi nagpapakana; kailangan din ninyong magsagawa ayon sa prinsipyong ito, hindi nagpapakana at hindi naghihinala. Kung hindi Ako nagpapakana pero palagi kayong nagpapakana, at hindi lang kayo mismo nagpapakana kundi naghihinala pa na Ako ay nagpapakana, kung gayon, ang ating pag-uusap ay hindi dadaloy nang maayos, at hindi rin natin makakamit ang tunay at kapaki-pakinabang na interaksyon at hindi tayo magkakasundo. Ang ilang tao, kapag nakikita nila Akong dumarating, ay mabilis na naghahanap ng lugar na mapagtataguan. Kung talagang hindi nila Ako maiiwasan, labag sa loob nila Akong binabati, pero sa puso nila, ayaw nila Akong makita, iniisip, “Nakakainis naman. Nandito Ka na naman para alamin ang aming aktuwal na sitwasyon. Pagkatapos, magbabahagi Ka na naman ng mga katotohanang prinsipyo at ipapahiya kami. Ano ang dapat naming gawin?” Kung ayaw mong makipagkita o makisalamuha sa Akin, at pagod na pagod ka sa loob mo habang nakikisalamuha ka sa Akin, at palagi mong nararamdaman na sinusubukan Kong magpakana laban sa iyo, kung gayon, maaari mo Akong iwasan kapag nakita mo Akong papalapit. Kung nararamdaman mo na kapag nakikisalamuha ka sa Akin, hindi Ako nagpapakana at ang hatid nito sa iyo ay kapanatagan, kagalakan, kalayaan, at kaginhawahan, kung gayon magkita tayo, magkuwentuhan, at magkumustahan tungkol sa mga nangyari kamakailan. Kung tatanungin mo Ako, “Kumusta Ka na?” sasagot Ako nang matapat. Kung tatanungin kita, “Kumusta na ang mga bagay-bagay kamakailan? Nagkaroon ka ba ng anumang paglago sa buhay? Nagtamo ka ba ng anumang pakinabang mula sa paggawa ng iyong tungkulin?” at kaya mo ring sumagot nang matapat, napakabuti niyan. Bawat pagkikita ay maaaring mangyari sa isang kaaya-ayang atmospera. Kung hindi tama para sa mga tao na palaging magtago sa Akin kapag nakikita nila Ako, tama bang palaging gumamit ng hindi sinserong papuri para sadyang manuyo sa Akin? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? (Ang pagkahilig sa panunuyo ay katumbas ng kabulaanan at panlilinlang. Mas mabuting magsalita kami nang totoo, at kailangan lang naming tratuhin ang Diyos nang may normal na mentalidad. Sa isang banda, dapat kaming maging bukas sa Kanya. Sa kabilang banda, hindi kami dapat manuyo, sadyang subukang sumipsip sa Diyos, o sadyang subukang makipaglapit sa Kanya.) Sa Akin, mayroon lang isang hinihingi: Kapag nakikita kita, huwag kang magtago sa Akin, at kapag hindi kita hinahanap, huwag mo Akong kulitin. Gawin mo ang dapat mong ginagawa, at gawing normal ang lahat. Hindi Ko aapektuhan ang paggampan ninyo sa inyong tungkulin, at hindi ninyo Ako dapat apektuhan. Ang pagtatago sa Akin at ang pangungulit sa Akin ay parehong hindi mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao kapag nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa Akin. Kung gayon, ano ang prinsipyo? Ito ay ang makipag-usap sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at ang magawang makipag-usap nang bukas at magsabi ng totoo; anuman ang itanong Ko, dapat kang sumagot nang totoo. Bakit hindi magawang magsabi ng mga tao ng totoo? Halimbawa, ipagpalagay na tinanong kita, “Ilang tao ang nakamit mo sa pangangaral ng ebanghelyo ngayong buwan?” at ayaw mong sumagot. Kung makita Ko na hindi ka komportable, hindi na kita pipilitin pa. Ayaw Kong ilagay ang mga tao sa isang mahirap na sitwasyon, at hindi Ko kailanman pinipilit ang sinuman na magsalita. Ang ilang tao, anuman ang itanong sa kanila ng iba, ay palaging nag-iisip-isip, “Ano ang ibig nilang sabihin sa pagtatanong nito?” Ayaw nilang sumagot nang direkta, takot na takot na magkamali sa pagsagot at magdulot ng mga problema sa kanilang sarili. Kung palagi kang naghihinuha at nagpapakana nang ganito, hindi tayo makakapag-usap. Hindi mo kailangang palaging siyasatin ang kahulugan ng Aking mga tanong, at hindi ka rin dapat magpakana laban sa Akin. Kung kaya mong maging simple at buksan ang iyong sarili para sabihin kung ano ang nasa puso mo, kung gayon ay makakapag-usap tayo. Madali ba ito o hindi? (Madali.) Madali itong sabihin, pero maaaring medyo mahirap itong gawin talaga. Hindi ito kasingdali ng pagkakasabi. Halimbawa, maaaring minsan ay may itinanong Ako sa iyo, at hindi ka nagsabi ng totoo noong oras na iyon—nagsinungaling ka. Nabigo ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap na iyon. Dahil nabigo, ano ang dapat mong gawin? Sikaping maging sapat na matapang para aminin ito sa susunod na magkita tayo: “Nagsinungaling po ako noong nakaraan. Mula ngayon, sasabihin ko na ang totoo.” Pagkatapos ay hihikayatin kita—papalakpakan kita at bibigyan ng thumbs-up: Nagtagumpay ka sa pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang matapat na tao. Hindi ba’t napakaganda niyon? (Oo.)
Pagdating sa pagbabahaginan sa paksa ng hindi pagpapakana, kahit gaano karaming halimbawa ang ibigay, ang sinasabi sa inyo ay isang prinsipyo. Alam ba ninyo kung ano ang prinsipyong iyon? (Huwag gamitin ang perspektiba ng tiwaling sangkatauhan para sukatin ang Diyos o paghinalaan ang Diyos.) Tama iyan. Huwag tratuhin ang Diyos gamit ang perspektiba ng tiwaling sangkatauhan. Kung gayon, anong prinsipyo ang dapat sundin? (Tratuhin ang Diyos bilang Diyos.) Hindi ba puwedeng tratuhin Siya bilang isang tao? Hindi ba puwedeng tratuhin Siya bilang isang normal at ordinaryong tao? Tratuhin mo man Siya bilang Diyos o bilang isang tao, ang pinakamahalagang prinsipyo para sa pakikipag-ugnayan sa kapwa ay ang maging bukas sa isa’t isa. Kapag nagsasalita Ako at nangangasiwa ng mga usapin sa iyo, hindi Ako nagpapakana laban sa iyo, at dapat ka ring maging bukas sa Akin. Kung gayon, kung may magpakana laban sa iyo, dapat ka rin bang magpakana laban sa kanya? (Hindi.) Kung may magpakana laban sa iyo, dapat mo rin siyang tratuhin ayon sa mga prinsipyo. Iyon ang tamang paraan. Hindi lang na hindi Ako nagpapakana laban sa iyo, kaya bukas ka sa Akin, nang walang pagpapakana o paghihinala. Sa halip, kahit na magpakana ang iba laban sa iyo, kaya mo pa ring kumilos at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang pagsunod sa mga prinsipyo. Sinasabi ng ilang tao, “Nagpakana sila laban sa akin—paanong hindi ako gaganti? Kung hindi ko sila tuturuan ng leksyon at hahayaan ko lang silang apihin ako nang ganito, hindi ba’t malulugi ako? Ganoon ba ako kadaling apihin?” Sabihin ninyo sa Akin, may katwiran ba ang pangangatwiran nila? Mata sa mata, ngipin sa ngipin—ito ay makatwiran sa mga tao sa mundo. Pero kung susukatin sa pamamagitan ng katotohanan, mali ang pahayag na ito. Ang pagpapakana nila laban sa iyo ay isang masamang gawa. Kung gaganti ka naman, na ginagamit ang parehong paraan para magpakana laban sa kanila, sa mga mata ng Diyos, pareho lang ang diwa; parehong masasamang gawa iyon. Hindi sasabihin ng Diyos na dahil nagpakana sila laban sa iyo, ang pagganti mo ay ganap na may katwiran at naaayon sa mga prinsipyo, at hindi isang masamang gawa. Hindi tinitingnan ng Diyos kung bakit ka nagpakana laban sa kanila; tinitingnan Niya kung ang mismong kilos mo ay isang pakana, kung ito ay isang masamang gawa, at kung tinatrato mo ang usaping ito sa pamamagitan ng pagsukat dito gamit ang katotohanan o ang mga moral na pananaw ng tao. Kung ang usapin ay susukatin sa pamamagitan ng mga moral na pananaw ng tao, kung gayon, ang “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ay ituturing na angkop. Sila ang unang nagpakana laban sa iyo, kaya makatwirang gumanti ka at magpakana laban sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga parehong paraan, at dapat nilang tanggapin ang gayong mga kahihinatnan. Kung susukatin mula sa perspektiba ng tao, gamit ang mga moral na pananaw ng tao, hindi ito mali. At kung susukatin sa pamamagitan ng batas, marahil ay hindi ito ilegal. Pero sa mga mata ng Diyos, ito ay salungat sa katotohanan. Anumang bagay na salungat sa katotohanan ay isang masamang gawa at kinokondena sa mga mata ng Diyos. Kahit pa lehitimo ang iyong pagganti, hindi iiwas ang Diyos sa pagkondena sa iyo dahil lang sa ang pagganti mo ay makatwiran at mapangangatwiranan ang moralidad. Titingnan ng Diyos ang paraan ng pagtrato mo sa kanila matapos nilang magpakana laban sa iyo. Kung tatratuhin mo sila sa parehong paraan, kokondenahin ka ng Diyos. Pero kung tatratuhin mo sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo at tatratuhin sila nang patas at makatarungan sa paraang itinuro sa iyo ng Diyos, kung gayon kahit na sa moralidad ay maaaring magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao at kondenahin ka, at sa legalidad ay maaari kang mahatulan, sa mga mata ng Diyos, sinasabi ng Diyos na sa usaping ito ay kumilos ka alinsunod sa prinsipyo at na hindi ito isang masamang gawa—hindi ka Niya kokondenahin. Kung kaya mong tratuhin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Hindi mo dapat tratuhin si Cristo ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon o batay sa iyong mga tiwaling disposisyon, at hindi ka dapat gumamit ng mga pakana at panlalansi laban sa Kanya. Dapat ay ganito rin sa pagtrato mo sa mga tao. Kung kaya mong tratuhin si Cristo, ang ordinaryong taong ito, nang tama, kung gayon, sa parehong paraan ay kaya mo ring tratuhin nang tama ang iba. Kahit sino pa ang isang tao, dapat mong gamitin ang tamang saloobin sa pagtrato sa kanya. Sa ganitong paraan, magiging tama ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan sa pagtrato sa mga tao. Kung magkakamali ka sa iyong saloobin sa mga tao o sa iyong mga iniisip at pananaw tungkol sa kung paano sila tratuhin, agad mong pagninilayan ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos at itutuwid ang iyong mga iniisip at pananaw, habang kasabay nito ay patuloy na itinatama ang iyong pag-uugali, at unti-unti, ang iyong mga kaisipan at pananaw sa pagtrato sa mga tao at ang iyong mga prinsipyo sa pag-asal at pagkilos ay mas lalong aayon sa katotohanan. Kapag ang mga katotohanang prinsipyo ay naging buhay mo na, ang iyong tiwaling disposisyon ay naiwaksi na at nabago na, at magagawa mo nang tratuhin ang mga tao nang patas at makatarungan, at sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi sila nagpapakana laban sa iyo, iniisip mong tama lang na hindi ka magpakana laban sa kanila. Pero kung nagpapakana sila laban sa iyo, at kaya mong pigilan ang sarili mong magpakana laban sa kanila, sa halip ay hinahanap mo ang katotohanan at tinatrato sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t pag-usad iyon? Hindi ba’t pagbabago iyon? (Oo.) Kung nagpapakana sila laban sa iyo at nagpapakana ka rin laban sa kanila, hindi ba’t pareho lang ang landas na tinatahak mo sa landas ng taong nagpapakana laban sa iyo? Kung ganoon, ano ang pagkakaiba mo sa mga tao sa mundo? Walang naging pagbabago sa iyong mga pananaw sa mga tao at bagay, o sa mga pananaw sa likod ng iyong pag-asal at pagkilos. Ang mga ito ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo, kundi sa mga prinsipyo ng mga tao sa mundo: Sinumang nagpapakana laban sa iyo, nagpapakana ka laban sa kanila—mata sa mata, ngipin sa ngipin. Wala kang pinagkaiba sa mga tao sa mundo, sa mga walang pananampalataya. Kung may magpakana man laban sa iyo o wala, hindi ka kailanman nagpapakana laban sa kanya kundi sa halip ay tinatrato mo siya ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, ang paninindigan at perspektibang ito ay tama; ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ano ang sinabi ng Panginoong Jesus sa mga tao? Kung may sumampal sa iyong kanang pisngi, ano ang dapat mong gawin? (Sinabi ng Panginoong Jesus: “kundi sa sinomang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila” (Mateo 5:39).) Sinasabi ng ilang tao, “Kung sasampalin nila ako, gagantihan ko sila! Kung sasampalin nila ang kaliwang pisngi ko, sasampalin ko rin ang kaliwang pisngi nila. Kung sasampalin nila ang kanang pisngi ko, sasampalin ko rin ang kanang pisngi nila. Hindi ito kinokondena sa moralidad o sa batas.” Sinasabi ng Diyos, “Mali. Kung sasampalin nila ang kaliwang pisngi mo, iharap mo rin sa kanila ang kanang pisngi mo. Huwag kang gumanti.” Kaya mo bang gawin iyan? Katanggap-tanggap man o hindi sa mga mata ng tao ang hinihingi ng Diyos—marahil sa ilang tao, ito ay isang hangal na kasabihan, isang katawa-tawang pagsasagawa—ito ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Kaya mo bang gawin ito? Sinasabi mo, “Hindi ko kaya. Kung sasampalin nila ang kaliwang pisngi ko, kailangan ko silang gantihan, kung hindi ay mawawala ang aking pride at dignidad, at lubusan na akong mapapahiya.” May katwiran man sa tiwaling sangkatauhan o wala ang pahayag mong ito, kung sa mga mata ng Diyos ay mali ang iyong pahayag, mali ang iyong pananaw, at mali ang iyong kilos, kung gayon, ang iyong kilos ay kinokondena sa mga mata ng Diyos. Ano ang dahilan kung bakit ito kinokondena? Ito ay dahil hindi ka nakinig sa mga salita ng Diyos, hindi ka sumunod sa daan ng Diyos. Sinabi sa iyo ng Diyos na kung may sumampal sa iyong kaliwang pisngi, dapat mong iharap din sa kanya ang iyong kanang pisngi. Ginawa mo ba iyan? Tinatanong ka lang ng Diyos: Nakinig ka ba sa mga salita ng Diyos? Nagsagawa ka ba nang ayon sa itinagubilin sa iyo ng Diyos? Kung hindi ka nagsagawa nang ganito, kung gayon, hindi ka sumunod sa daan ng Diyos at ikaw ay isang taong naghihimagsik laban sa Diyos; hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan, at hindi isang taong tumitingin sa mga bagay-bagay at umaasal ayon sa mga salita ng Diyos. Kung ganoon, hindi ka gusto ng Diyos, hindi ka isang taong tinatanggap ng Diyos, at sa mga mata ng Diyos, ang sampal na iginanti mo ay isang masamang gawa. Marahil ay palagi mong iisipin na ito ay ganap na makatwiran, na ito ay isang kinakailangang paraan para protektahan ang iyong dignidad at mga karapatan. Pero sa mga mata ng Diyos, ang sampal na iyon ay nangangahulugan na hindi ka sumunod sa daan ng Diyos, at hindi mo rin ito gustong gawin, na hindi ka nakikinig sa mga salita ng Diyos, at na sa iyong mga mata, ang mga salita ng Diyos ay doktrina lang, mga hungkag na salita. Ipinangangaral mo lang ang mga salita ng Diyos pero hindi mo kailanman isinasagawa ang mga ito. Ilalarawan ka ng Diyos bilang isang taong hindi sumusunod sa daan ng Diyos. Kaya makakamit mo pa rin ba ang pagtanggap ng Diyos? Kung hindi ka sumusunod sa daan ng Diyos, ang mga salita ng Diyos ay hindi kailanman magiging buhay mo. Gaano mo man igiit ang sarili mong katwiran, pagdating sa Diyos, hindi Siya makikinig. Hindi sasabihin ng Diyos, “May sumampal sa kaliwang pisngi mo nang walang dahilan, at kaawa-awa ka. Para protektahan ang iyong dignidad, puwede kang gumanti. Pagkatapos gumanti, puwede kang manalangin at umamin ng iyong kasalanan, at patatawarin ka ng Diyos at hindi ka kokondenahin.” Hindi iyon sinabi ng Diyos. Sinabi ng Diyos na kung may sumampal sa iyong kaliwang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang iyong kanang pisngi. Kung kaya mong gawin iyon, ikaw ay isang taong sumusunod sa daan ng Diyos. Kung hindi mo kaya, sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang taong naghihimagsik laban sa Diyos, isang taong hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos o sumusunod sa daan ng Diyos, isang masamang tao. Ano ang saloobin ng Diyos sa masasamang tao? Sinasabi ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin! Hindi Ko kayo kilala.” Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Naiintindihan ba ninyo? (Naiintindihan.) Ganoon din sa usapin ng pagpapakana. Sinasabi mo, “Nagpakana sila laban sa akin, kaya ano ang masama sa pagpapakana ko laban sa kanila?” Ang pagpapakana mo laban sa mga tao ay sadyang mali. Sa anong paraan ito mali? Mali ito dahil ang pagpapakana mismo ay isang masamang gawa, hindi isang mabuting gawa. Kaya, kapag nagpapakana sila laban sa mga tao, kinokondena sila ng Diyos. Kung gagawin mo rin iyon, kokondenahin ka ng Diyos sa parehong paraan. Dapat kang kumilos sa paraang walang pagpapakana, sa paraang tinatanggap ng Diyos. Ang iyong tungkulin ay ang magsagawa ayon sa landas at mga prinsipyo para sa pagsasagawa na sinabi sa iyo ng Diyos, hindi ang makipagtalo gamit ang sarili mong pangangatwiran o protektahan ang iyong personal na dignidad o karangalan. Ang iyong personal na karangalan, katayuan, at dignidad ay hindi mahalaga. Ano ang mahalaga? Ang mahalaga ay kung naisasakatuparan ba sa iyo ang mga salita ng Diyos, kung ang mga salita ng Diyos ay naging buhay mo na, kung naisabuhay mo na ba ang mga salita ng Diyos, at kung natupad na ba sa iyo ang mga salita ng Diyos. Naiintindihan ba ninyo? (Naiintindihan.) Sinasabi ng ilang tao, “Minura nila ako, kaya mumurahin ko rin sila.” Tama bang sabihin ito? (Hindi.) Sinasabi ng iba, “Palaging makitid ang isip nila sa akin, kaya bakit hindi puwedeng maging makitid ang isip ko sa kanila? Kung hindi, hindi ba’t magmumukha akong hangal?” Mahalaga ba kung ano ang tingin sa iyo ng iba? (Hindi.) Palaging nag-aalala ang mga tao na mapapahiya sila, palaging takot na makita sila ng iba bilang hangal at tunggak. Ang totoo, hindi mahalaga kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Ano ang mahalaga? Kapag nakikita ka nila bilang hangal, bilang tunggak, kapag tinutuya ka nila, paano ka tumutugon? Tumutugon ka ba nang may pagkamainitin ng ulo, gamit ang mga metodo at pamamaraan ng tao, o ayon sa mga prinsipyong sinabi sa iyo ng Diyos? Nagsagawa ka ba ayon sa mga salita ng Diyos? Nanindigan ka ba sa iyong tungkulin? Dahil lang sa tinatawanan ka nila at tinatawag kang hangal, nagmamaktol ka at tinatalikuran mo ang iyong gawain, “Tingin mo sa akin ay hangal, kaya hindi ko na ito gagawin!” Hindi mo ito ginagawa para sa kanila. Kung tatalikuran mo ang iyong tungkulin, ano ang sasabihin ng Diyos? “Dahil may tumawag sa iyong hangal, tinalikuran mo ang tungkuling ipinagkatiwala Ko sa iyo. Wala kang katapatan!” Ganito ito makikita ng Diyos. Kung tunay na nasa puso mo ang Diyos, kung tunay kang may katapatan sa Diyos, kung gayon, kung may tumawa sa iyo at tumawag sa iyong hangal, dapat mo munang pagbulay-bulayan: “Sinasabi mong hangal ako, sinasabi mong tunggak ako, at pinagtatawanan mo ako kapag nakatalikod ako. Hindi ako makikipagtalo sa iyo at hindi ako magtatanim ng sama ng loob sa iyo. Ako ay hangal at mahina ang aking kakayahan, pero itinaas ako ng Diyos at hindi Niya ako hinahamak. Ang tungkuling ito ay hindi mo ibinigay sa akin, ibinigay ito sa akin ng Diyos: Ito ang atas sa akin ng Diyos. Hindi mahalaga kung mataas man ang tingin mo sa akin o hindi. Hindi ko ginagawa ang aking tungkulin para makita mo. Ang paggawa ng aking tungkulin ay ang aking bokasyon. Dapat kong gawin nang maayos ang aking tungkulin, at dapat akong maging tapat sa Diyos. Dapat kong pahalagahan ang tungkuling ito, at dapat akong maging karapat-dapat sa pagtataas at pagtitiwala sa akin ng Diyos. Dapat akong maging deboto sa aking tungkulin. Hindi ko maaaring talikuran ang aking tungkulin at biguin ang Diyos dahil tinawag mo akong hangal. Kapag nagkagayon ay tunay akong magiging hangal.” Hindi ba’t ang pag-iisip sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Hindi ba’t pagbitiw ito sa pagkamainitin ng ulo? Hindi ito pagtugon nang may pagkamainitin ng ulo. Kapag kaya na ninyong kumilos sa ganitong paraan, tunay na kayong nagbago, at may tayog na. Hindi kayo malilimitahan ng mga tao, pangyayari, o bagay. Anuman ang mga sitwasyon, pananatilihin ninyong matatag sa isipan ninyo ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi ninyo tatratuhin ang anumang bagay nang may pagkamainitin ng ulo, mga emosyon, o lagay ng loob, o personal na mga kagustuhan, pagnanais, o ambisyon. Ang mga salita ng Diyos ang magiging pinakamataas at pinakadakilang mga bagay sa iyong puso, at kapag may anumang mangyari, hahanapin mo muna ang mga salita ng Diyos, “Ganito ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, kaya maninindigan ako sa mga ito. Hindi mahalaga kung ang tingin ng iba sa akin ay hangal. Ang mahalaga ay kung paano ako nakikita ng Diyos. Bagama’t ako ay hangal at mahina ang aking kakayahan, ipinagkatiwala pa rin sa akin ng Diyos ang isang tungkuling dapat gawin. Napakalaking pagtataas mula sa Diyos ang aking tinamasa! Isa itong pagpapala!” Kung kaya mong tratuhin ang mga bagay na sumasapit sa iyo ayon sa mga salita ng Diyos, malalaman mo kung paano magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo.