Paano Hangarin ang Katotohanan (26) Ikaapat na Bahagi

Minsan ay tinatanong Ko ang mga tao kung ilang taon na silang sumasampalataya sa Diyos kapag nakikipag-ugnayan Ako sa kanila. May nagsasabing tatlong taon pa lang siyang sumasampalataya at nahihiya siya. Sa puso niya, iniisip niya na sandali pa lang siyang sumasampalataya sa Diyos at mababa ang kanyang tayog, kaya kapag inihahambing niya ang kanyang sarili sa mga sampu, dalawampu, o tatlumpung taon nang sumasampalataya, lagi niyang nararamdaman na mas mababa siya, na hindi siya kapantay nila. Pinagbubulayan niya, “Tinatanong Mo ba ito para ipaalala sa akin na sandali pa lang akong sumasampalataya sa Diyos, na mababa ang tayog ko, at gumawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pag-aangat sa akin, at para iparamdam sa akin na dapat akong lubos na magpasalamat sa sambahayan ng Diyos?” Bakit nagiging dahilan ang gayong tanong para maging asiwa siya? Ito ay dahil ginagawa niyang masyadong komplikado ang Aking tanong, iniisip na may masamang balak sa Aking mga salita at na sinusubukan Kong magpakana laban sa kanya. Binibigyan niya ng maraming patong-patong na kahulugan ang gayon kasimpleng tanong. Pagkatapos sabihing tatlong taon na siyang sumasampalataya, nararamdaman niyang nasa mahirap siyang sitwasyon. Hindi ba’t sa puso niya ay hindi siya nasisiyahan sa Aking tanong? Ang totoo, itinatanong Ko ito nang walang anumang partikular na layunin, at hindi Ko inaasahan na ilalagay ka nito sa isang mahirap na sitwasyon. Kaya bakit mo nararamdaman na nasa mahirap kang sitwasyon? Ito ay dahil masyadong komplikado ang iyong isipan. Mayroon bang anumang mali sa Aking tanong? (Wala.) Kaswal Ko lang itong itinatanong. Kung tatanungin kita kung nakailang romantikong kapareha ka na, maaaring hindi iyon angkop, dahil magiging panghihimasok iyon sa iyong mga pribadong usapin. Ngunit ang itinatanong Ko ay isang bagay na may kaugnayan sa iyong pananalig sa Diyos—itinatanong Ko sa iyo kung ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos. Hindi ba’t wasto iyon? (Wasto iyon.) Kung gayon, bakit hindi ka nangangahas na sumagot? Hindi Ko talaga ito problema; problema mo ito. Masyadong komplikado ang iyong isipan. Ano ang problema sa komplikadong isipan mong ito? Hindi ba’t ito ay na ang iyong disposisyon ay buktot at mapanlinlang? (Oo.) Bakit Ko itinatanong sa iyo kung ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos? Itinatanong Ko ito para malaman ang tungkol sa iyong tayog, kung aling mga katotohanan ang nauunawaan mo, kung nakapagtatag ka na ng pundasyon, kung anong mga paghihirap ang mayroon ka, kung kaya mo bang gumawa ng tungkulin, at kung nakaranas ka na ng anumang mga pagsubok. Batay sa mga bagay na ito, tinutukoy Ko kung ano ang ibabahagi Ko sa iyo, kung anong mga gabay ang iaalok, at iyon lang. Ang gayon kasimpleng pag-iisip Ko ay binibigyan mo ng maling pakahulugan na mayroon Akong mga natatagong motibo, na nagiging dahilan para makaramdam ka ng pagtutol sa Akin. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t pagdudulot lang ito ng mga problema sa Akin kapalit ng Aking mabubuting layunin? (Oo.) Kapag tinatanong kita kung ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos, mayroon ba Akong anumang motibo na naghahangad na maliitin ka? (Wala.) Mayroon bang anumang masamang hangarin? Mayroon bang anumang layunin na iparamdam sa iyo ang pagkaasiwa at pagkapahiya? (Wala.) Sumasampalataya ka man sa Diyos sa loob ng ilang buwan o isa o dalawang taon, ang layunin Ko lang ay tulungan ka. Dahil nakikita Kong medyo masigasig ka sa iyong paghahangad, na napakasigla mo, dahil nakikita Kong labis kang nagdurusa, nagbabayad ng gayong halaga, at napakaraming tinalikuran, gusto Kong makipag-usap sa iyo para may makamit kang isang bagay na hindi mo karaniwang makukuha. Ang pagtatanong kung ilang taon ka nang sumasampalataya ay nagmumula, sa isang banda, sa pag-aalala para sa iyo, at sa kabilang banda, sa pagpapahalaga sa iyo. Mayroon bang anumang masamang hangarin dito? (Wala.) Isa itong napakawastong tanong, subalit paano ito binaluktot ng taong iyon? “Gusto Mong malaman ng lahat na hindi pa ako matagal na sumasampalataya sa Diyos, na mababa ang tayog ko at wala akong nauunawaang anumang katotohanan, na mas mababa ako kaysa sa iba, na mas mababa ako, at gusto Mo akong ipahiya.” Kung ganyan ang iniisip mo, makakapag-ugnayan pa ba tayo? (Hindi.) Samakatwid, para makamit natin ang interaksyon at mamuhay tayo nang may pagkakasundo, ang unang bagay ay dapat kayong magtiwala sa Akin at huwag Akong pagdudahan o paghinalaan. Kung walang interaksyon sa pagitan natin, nasaan ang problema? Nasa mga tao ito; ibig sabihin, ang mga tao ay may lahat ng uri ng mga paghihirap. At saan nagmumula ang iba’t ibang paghihirap na ito? Nagmumula ang mga ito sa iba’t ibang maling kaisipan at pananaw ng mga tao. Kaya, anong mga maling kaisipan at pananaw ang taglay ng taong kababanggit lang? Iniisip niya na dahil tatlong taon pa lang siyang sumasampalataya sa Diyos, isa siyang bagong mananampalataya sa iglesia, na ang pagsampalataya sa maikling panahon lamang ay isang bagay na nakakahiya at nagpapababa sa kanya, at na masyadong kaunti ang nauunawaan niyang katotohanan at hindi pa rin siya makakapagbahagi ng mga patotoong batay sa karanasan. Kaya, tinitingnan niya ang kanyang sarili bilang isang “segunda-klaseng mamamayan,” minamaliit ng iba, at sa tingin niya ay nakakahiya at kahiya-hiyang pag-usapan ito. Sa kabilang banda, ang iba ay sampu o dalawampung taon nang sumasampalataya sa Diyos, samantalang siya ay tatlong taon pa lang, kaya nag-aalala siya na sasabihin ng iba sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo sa lahat ng taon na iyon? Bakit hindi mo ito tinanggap nang mas maaga? Mayroon ka bang kung anong nakakahiyang nakaraan?” Sa mga mata ng mga makamundong tao, malaking kahalagahan ang inilalagay sa mga kalipikasyon, karanasan, at pinagmulan, at ginagamit nila ang mga ito para uriin ang mga tao sa iba’t ibang ranggo. Kaya ano ang pananaw ng taong ito? Nagbibigay rin siya ng malaking kahalagahan sa pinagmulan at karanasan ng mga tao, kaya sa kanyang puso, mayroong iba’t ibang ranggo depende sa kung ang isang tao ay tatlo, lima, sampu, dalawampu, o tatlumpung taon nang sumasampalataya sa Diyos. Ang pagraranggong ito ay nagpaparamdam sa kanya na ang kanyang tatlong taon ng pananalig ay isang medyo kahiya-hiyang bagay sa iglesia, tulad ng pagiging isang “segunda-klaseng mamamayan.” Para sa kanya, isa itong tanda ng kahihiyan, isang pagkapahiya. Itinuturing niyang napakahalaga ang bilang ng mga taon ng pagsampalataya ng isang tao sa Diyos, at nagkataon lang na tatlong taon pa lang siyang sumasampalataya. Kung dadagdagan ng zero ang tatlo, na gagawin itong tatlumpung taon ng pananalig, mararamdaman niyang karangalan ito. Sasabihin niya: “Kabilang ako sa unang grupo na tumanggap sa gawain ng Diyos. Sumunod ako sa Diyos noong Siya ay kasisimula pa lang magpakita at gumawa. Sa lahat ng mga taon na ito, ipinangangaral ko na ang ebanghelyo at nagpapatotoo na ako sa Diyos kung saan-saan, nakikipaglaban kasama ng Diyos para itayo ang Kanyang kaharian! Isa akong beterano sa sambahayan ng Diyos, isang tagapagtatag!” Mararamdaman niyang ito ay malaking karangalan. Ang ilang tao, na katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos, ay nakikita na napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos at na napakaraming patotoong batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos, at nararamdaman nilang huli na silang nagsimulang sumampalataya sa Diyos. Kung sasabihin nilang isa hanggang tatlong taon na silang sumasampalataya, nahihirapan silang magsalita, at pinagbubulayan nila sa kanilang puso: “Bakit ba hindi ako sumampalataya sa lahat ng taon na iyon? Napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos, bakit hindi ako nagsiyasat? Sino ang humadlang sa akin sa pagsampalataya sa Diyos? Sino ang nagdulot sa akin ng gayon kapait na pagdurusa? Iyong mga relihiyosong pastor; ang mga taong iyon ay tunay na mga diyablo at mga Satanas na lumalamon ng mga kaluluwa ng mga tao. Kung hindi ako makakapasok sa kaharian ng langit, kailangan kong makipagtuos sa kanila!” Pagkatapos ay iisipin nilang muli, “Naku, mapait ko lang na kapalaran ito; wala akong ganoong pagpapala.” Ngunit pagkatapos ay iisipin nila, “Hindi, hindi iyon tama. Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; bakit hindi ako dinala ng Diyos, ang nawawalang munting tupang ito, pabalik sa Kanyang sambahayan nang mas maaga?” At kaya ibinabaling nila ang sisi sa Diyos. Ang totoo, anuman ang iniisip nila, una, ang kanilang pananaw sa pagsampalataya sa loob ng tatlong taon kumpara sa tatlumpung taon ay mali. Ginagamit nila ang bilang ng mga taon ng pananalig para iranggo ang mga tao, naniniwalang ang maikling panahon ng pananalig ay nagpapababa sa isang tao. Dahil nabuo na ang pananaw na ito, kapag tinatanong Ko sila kung ilang taon na silang sumasampalataya, nahihiya silang magsalita. Ang pagsasabi ng “tatlong taon” ay nagpaparamdam sa kanila ng labis na pagkaasiwa, labis na pagkahiya, labis na kahihiyan, na para bang ang kanilang halaga at ranggo ay agad na nalalantad. Itinuturing nila itong napakahalaga; ang pananaw na ito ang nakakaimpluwensiya sa kanilang saloobin sa Aking tanong. Hindi ba? (Oo.) Sabihin nating ang pananaw nila ay: “Isang katunayan na tatlong taon na akong sumasampalataya sa Diyos, at sa tatlong taon lang ng pananalig, mababa nga ang aking tayog. Pagdating sa maraming katotohanan, hindi ko man lang maipaliwanag nang malinaw ang mga doktrina. Dahil tinatanong ako ng Diyos kung ilang taon na akong sumasampalataya, sasabihin ko na lang ang totoo. Walang dapat ikahiya. Sa harap ng Diyos, lahat ay bukas, lahat ay hayag. Sasagutin ko anuman ang itanong ng Diyos.” Kung ganito sila mag-isip, magiging simple ito. Hindi ito mauugnay sa anumang pagkakakilanlan, katayuan, halaga, o ranggo. Hindi sila lilimitahan, iimpluwensiyahan, kokontrolin, o mamanipulahin ng anumang maling kaisipan o pananaw, at sa huli, madali at matapat nilang masasabi, “Tatlong taon na akong sumasampalataya sa Diyos.” Pagkatapos ay magpapatuloy Ako sa pagtatanong, “Tatlong taon ka nang sumasampalataya sa Diyos; malinaw ba sa iyo ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain?” Kung isa itong taong may komplikadong isipan, iisipin niya: “Kung sasabihin kong hindi malinaw, hindi ba’t mangangahulugan iyon na hindi ko inaasikaso ang aking wastong gawain sa aking pananalig? Dahil tatlong taon na akong sumasampalataya at hindi pa rin malinaw sa akin ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, hindi ba’t nangangahulugan iyon na hindi ako masigasig na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Ngunit kung sasabihin kong malinaw, hindi na makikipagbahaginan ang Diyos tungkol sa paksang ito, at mawawala sa akin ang pagkakataong ito. Kung sasabihin kong hindi malinaw, makikipagbahaginan pa kaya Siya nang kaunti sa akin, magdagdag pa nang kaunti? Kung sasabihin kong malinaw, hindi na Siya magdaragdag pa para sa akin, pero baka magkaroon Siya ng mataas na pagtingin sa akin?” Kita mo, nag-iisip na naman siya sa baluktot na paraan, hindi ba? Hindi ba’t masyadong komplikado ang isipan ng gayong tao? (Oo.) Talagang problematiko ang gayong mga tao. Sinuman ang kausap nila, lagi nilang kinakalkula kung paano sumagot nang hindi napapahiya o nagdurusa ng anumang pinsala sa kanilang mga interes. Bukod pa rito, lagi nilang inoobserbahan ang mga saloobin ng iba sa kanila, laging kinakalkula kung paano magkakaroon ng mataas na pagtingin ang iba sa kanila, at kung paano itataas ang kanilang sariling katayuan. Lagi nilang kinakalkula ang mga bagay na ito, kaya hindi madali para sa kanila na magtapat sa pakikipagbahaginan at sabihin kung ano ang nasa kanilang puso. Kapag tinatanong Ko sila, “Sa iyong pananalig sa Diyos, malinaw ba sa iyo ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain?” mayroon bang pangalawang kahulugan ang tanong na ito? (Wala.) Bakit Ko ito direktang itinatanong? Karaniwan, iyong mga isa hanggang tatlong taon nang sumasampalataya ay kailangan pa rin ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanan sa mga pangitain; pangkaraniwan ito. Kung malinaw na sa kanila ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, hindi na kailangang makipagbahaginan tungkol sa mga ito, at maaari na tayong mag-usap tungkol sa ibang mga paksa. Kung sasabihin nila, “Hindi pa gaanong malinaw sa akin ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, lalo na ang katotohanan tungkol sa gawain ng paghatol ng Diyos para iligtas ang tao, na masyadong malalim, at hindi ko pa rin ito nauunawaan. Maaari Ka bang magbahagi tungkol dito?” kung gayon ay makakahanap tayo ng isang paksa na parehas tayong interesado, at magbabahagi Ako tungkol dito. Kung maririnig ito ng lahat nang isa pang beses, magkakamit sila ng kaunti pa, hindi ba? (Oo.) May ilang taong hindi nakakaunawa pero nagkukunwari sila. Bakit ka pa nagkukunwari? Patuloy kang nagkukunwari, na nagpapahiwatig na nauunawaan mo ang lahat, at na kung magdaragdag pa Ako ng sasabihin ay kalabisan na. Kung ganoon, wala na Akong sasabihin, at wala kang makakamit. Kaya, anuman ang sitwasyon, kung makapagsasalita ka nang tapat, nang walang paghihinala, nang hindi labis na binibigyang-kahulugan ang Aking mga salita, ang ating mga pag-uusap at talastasan ay maaaring umabot sa antas ng masiglang interaksyon. Maaari tayong mag-usap, makisalamuha, at mag-ugnayan sa loob ng normal na pagkatao, na tinatalakay ang mga paksang pareho nating gusto. Hindi ba’t mabuti iyon? (Oo.) Sa ganitong paraan, kayo ay magkakamit ng mga pakinabang. May ilang taong labis na mapagkalkula. Kapag tinatanong Ko sila kung malinaw ba sa kanila ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, nag-iisip sila sa kanilang puso, “Ano ang ibig Mong sabihin sa pagtatanong nito? Sinusubukan Mo bang tingnan kung nakatitiyak ako tungkol sa tunay na daan, kung nakapagtatag na ako ng pundasyon, sinusubukang tingnan kung ano ang aking kakayahan, para subukin ang aking kakayahan? Kung gayon, dapat kong sabihing malinaw na sa akin.” Kaya sinasabi nila: “Sa tatlong taong ito, patuloy akong kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, marami na akong napanood na pelikula mula sa sambahayan ng Diyos, madalas akong nakikinig sa mga sermon at pakikipagbahaginan, at madalas kong ibinabahagi ang sarili kong pagkaunawang batay sa karanasan sa mga pagtitipon. Malinaw sa akin ang lahat ng katotohanang ito tungkol sa mga pangitain.” Ano ang kanilang layunin sa pagsasabi nito? Gusto nilang mag-iwan ng magandang impresyon sa Akin, para iparamdam sa Akin na napakagaling ng kanilang kakayahan at magkaroon Ako ng mataas na pagtingin sa kanila. Sa tingin mo ba ay magkakaroon Ako ng mataas na pagtingin sa kanila dahil lang sa sinasabi nila ang iilang salitang ito? (Hindi.) Magkakaroon ba Ako ng mataas na pagtingin sa isang tao nang ganoon kadali? Hinding-hindi; nagkamali sila ng pagtantiya sa bagay na ito. Kung sasabihin mong malinaw na sa iyo ang lahat ng katotohanan tungkol sa mga pangitain, kung gayon ay hayaan mong subukin kita. Susubukin kita sa mga katotohanan tungkol sa mga pangitain na madalas mong binabasa. Bakit ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol? Ano ang pangunahing epektong nilalayong makamit ng pagkastigo at paghatol? Sa loob ng tatlong taon ng pananalig mo, nagkaroon ka na ba ng anumang karanasan sa gawain ng pagkastigo at paghatol? Naranasan mo na ba ang pagkastigo at paghatol kahit isang beses? Noong nararanasan mo ang pagkastigo at paghatol, naarok mo ba ang mga katotohanang prinsipyo? Nalaman mo ba kung ano ang mga layunin ng Diyos? Maaari ka bang magbahagi ng isang partikular na karanasan? Karamihan sa mga tao ay magbibigkas lang ng ilang doktrina at hindi makapagbabahagi ng anumang praktikal na pagkaunawang batay sa karanasan. Napakaraming bagay ang kulang sa mga tao, kaya kapag nag-uusap tayo, maraming paksang dapat talakayin. Ngunit anuman ang uri ng paksang tinatalakay, magbahagi ka tungkol sa lahat ng iyong nalalaman. Kung may hindi ka alam, sabihin mo lang na hindi mo alam. Huwag mag-isip sa baluktot na paraan. Anumang tanong ang ibato sa iyo, sagutin mo lang ito. Sabihin mo kung ano ang iniisip mo sa iyong puso sa sandaling iyon. Anuman ang tunay na sitwasyon, sabihin mo ito nang tapat. Huwag magpaligoy-ligoy, huwag magdagdag ng kuwento, huwag magsabi ng mga bagay na lumilikha ng maling impresyon para lang magmukha kang mas magaling at para magbalatkayo, huwag magsinungaling at manlinlang. Lahat ito ay mga bagay na hindi mo dapat gawin. Kaya, anuman ang itanong Ko sa iyo o anuman ang uri ng paksang ibinabahagi Ko sa iyo, sabihin mo kung ano ang iyong nalalaman. Kung matutuklasan Ko na hindi mo nauunawaan ang isang partikular na aspekto ng katotohanan, o na ang iyong pagkaunawa ay doktrinal, o na ang iyong pag-arok ay baluktot at mayroon kang mga maling kaisipan at pananaw, agad kitang itutuwid, gagabayan, at tutulungan, para maunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan, magkaroon ka ng dalisay na pagkaarok, at magkaroon ng tumpak na landas ng pagsasagawa. Sa ganitong paraan, magiging epektibo ang ating pagbabahaginan. Kaya, ang prinsipyo ng pagbabahaginan tungkol sa isang paksa ay nakasalig sa pundasyon ng pagsasalita nang totoo, sa pundasyon ng pagbabahaginan nang magkakasama at mga talakayan o palitan tungkol sa katotohanan at mga positibong bagay, upang mas malinawan ang mga tao sa positibong paksang pinagbabahaginan, maunawaan nila ito nang mas tumpak, at magkaroon sila ng mas malinaw na landas ng pagsasagawa. Hindi ito dapat nakabatay sa pundasyon ng paghihinala, pagpapakana, at panlilinlang.

Sa tingin ba ninyo ay mabuting ibahagi ang mga paksang tulad ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) At paanong mabuti ito? (Naniniwala kami na malulutas nito ang aming mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.) Sabi ng ilang tao, “Inilantad Mo nang hayagan kung sino Ka talaga, at ngayon ay alam na namin kung anong uri Ka ng tao. Masyado Kang walang muwang sa pagsasabi ng simpleng katunayan! Mayroon Ka ngang mga pagpapamalas na ito ng pagiging normal at praktikal, pero paanong sinasabi Mo ang simpleng katunayan? Kailangan Mong iparamdam sa mga tao na Ikaw ay misteryoso, di-maarok, matayog, at hindi matatalos. Kahit hindi Ka nagpapakana laban sa mga tao, kailangan Mong sabihin na kaya Mo. Kailangan Mong sabihin na nagtataglay Ka ng sining ng pagmamanipula sa mga tao at ng sining ng paggamit sa kanila, na alam Mo ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang, at na kaya Mong samantalahin ang lahat ng uri ng tao para magserbisyo para sa Iyo. Sa pamamagitan lamang ng pagsasalita sa ganitong paraan na Ikaw ay iidolohin ng mga tao; hindi Mo maaaring sabihin ang simpleng katunayan. Sa pamamagitan ng pagsasabi Mo ng gayong simpleng katunayan, paanong pakiramdam ko ay hindi Ka talaga misteryoso o di-maarok? Na hindi Ka tulad ng Diyos? Tingnan Mo ang mga dakilang tao sa mundo—iyong mga sangkot sa mga usaping militar o politika, at ang mga monarko ng mga nakaraang kapanahunan. Sino sa mga dakilang taong iyon, sa mga pambihirang taong iyon, ang nagsabi kailanman ng simpleng katunayan? Mayroon na bang sinuman sa kanila na nagsabi na sila ay normal, praktikal, at ordinaryo, isang karaniwang tao lamang? Desperado silang ipaisip sa mga tao na naiiba sila sa lahat, na isinugo sila mula sa langit, at na kahit naging karaniwang tao na sila ngayon, sila ay misteryoso at di-maarok pa rin, at na hindi sila matatalos ng mga ordinaryong tao—saka lamang madaling mamuno sa mga tao!” Ang mga monarkong iyon ay pawang nagtataglay ng sining ng pamumuno ng imperyo, at hindi matarok ng kanilang mga ministro at ng mga karaniwang tao kung anong uri sila ng mga tao. Ano nga ba ang kasabihang iyon? “Mahirap matarok ang kalooban ng emperador, at hindi maaaring suwayin ang kanyang utos.” Ang mga opisyal mula sa mundong walang pananampalataya ay pawang may ganitong uri ng mentalidad; maging ang isang mababang pinuno ng dibisyon, pinuno ng seksyon, o tagapamahala ay may ganitong mentalidad. Ayaw nilang matarok ng mga tao ang kanilang tunay na halaga, kung anong mga depekto ang mayroon ang kanilang pagkatao, anong mga pagkakamali ang nagawa nila, o anong mga kapintasan ang mayroon sa kanilang mga kilos. Sa sandaling matuklasan ang kanilang mga pagkukulang, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang pagtakpan at itago ang mga ito, at kung malantad at mabunyag ang masasamang gawa nila, maghahanap sila ng mababalingan ng sisi. Ang layunin nila sa paggawa nito ay ang pagtakpan ang katunayan ng usapin para patuloy silang hangaan at idolohin ng mga tao. Anuman ang gawin ng isang taong tulad nito, ginagawa niya ito nang may pagbabalak at pagpaplano upang makamit ang sarili niyang mga intensyon, upang madama ng lahat na hindi siya isang ordinaryong tao, na kaya niyang kontrolin ang sitwasyon, na siya ang nagmamanipula sa lahat. Hinding-hindi niya hahayaang malaman ng mga tao na siya ay isang normal, praktikal, at ordinaryong tao. Ang totoo, siya ay isang ordinaryong tiwaling tao lamang, na may mas marami pang tusong mga pakana kaysa sa karaniwang tao, at magaling siyang makisangkot sa mga sabwatan at masasamang balak. Paano niya hahayaang malaman ng mga tao kung gaano kasama ang hangarin at kamapaminsala ang kanyang pagkatao? Hindi ba’t madudungisan niyon ang kanyang imahe? Ang mga tiwaling tao ay pawang may ganitong uri ng mentalidad, at lahat sila ay kasingmapagpaimbabaw ng mga Pariseo, na may mga pusong masama ang hangarin at mapaminsala. Bagama’t kinikilala nila sa kanilang puso na ang Diyos ay maaaring magkatawang-tao, paano sila maniniwala na ang Diyos na nagkatawang-tao ay magiging isang ordinaryo at normal na tao? Naniniwala sila sa kanilang puso na kung ang Diyos ay tunay na nagkatawang-tao, kahit papaano ay dapat makita ng mga tao, sa Kanyang laman, ang Kanyang awra ng pagka-Diyos at ang iba’t ibang palatandaan ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Mariin din silang naniniwala, “Sa pagtingin sa lahat ng tao, ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat mayroong perspektiba at kilos na pagtingin nang mababa sa napakaraming tao, ngunit hindi ko makita ang mga bagay na ito sa Iyo. Lagi Mo ring sinasabi na umaasal Ka sa paraang sumusunod sa mga alituntunin at ginagawa Mo ang mga bagay-bagay ayon sa nararapat Mong katayuan. Hindi ba’t ganap nitong inilalantad na kung sino Ka talaga ay isang ordinaryong tao? Hindi ba’t ang matayog, misteryoso at di-maarok na wangis ng Diyos na nagkatawang-tao sa puso ng mga tao ay lubusang mawawasak?” Sa tingin ba ninyo ay mabuti ang pagwasak na ito? (Oo, mabuti ito. Winawasak nito ang aming mga kuru-kuro at imahinasyon.) Sinasabi Ko ang mga salitang ito para mismo wasakin ang inyong mga pangarap at ang inyong mga kuru-kuro at imahinasyon, upang hindi na kayo mamuhay sa isang panaginip kundi sa realidad. Ito ay ganap na nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo na hinihiling Kong sundin ninyo: na umasal kayo sa paraang sumusunod sa mga alituntunin, na gawin ninyo ang mga bagay-bagay ayon sa nararapat ninyong katayuan, at maging isang ordinaryong tao kayo na nakatayo sa lugar ng isang nilikha, dahil Ako Mismo ay gumagawa sa ganitong paraan. Kapag nakikisalamuha Ako sa inyo, at sa Aking personal na buhay, hindi Ako kailanman nagsasalita sa paraang mayabang o walang laman, at hindi rin Ako kailanman nagpapakitang-gilas o nagmamayabang. Ito ay isang bagay na nakikita at nadarama ninyong lahat. Gayundin, hindi Ako kailanman nagpapakana laban sa kaninuman, kapag gumagawa Ako ng mga bagay-bagay, hindi Ako tuso at hindi Ako kailanman nagpapabaya, at umaasal Ako sa paraang sumusunod sa mga alituntunin. Ang pinakapayak na pamantayang ito ng konsensiya ay dapat itaguyod. Ang ilang tao ay gumagamit ng mga pakana kapag sila ay nagsasalita at kumikilos, nagsasabi ng mga bagay na magandang pakinggan sa iba, at pagkatapos ay sinusubukan ang lahat ng paraan na mahulog ang mga ito sa kanilang mga patibong, upang paglingkuran sila at magserbisyo para sa kanila. Hindi Ako gumagawa ng gayong mga bagay. Kung gusto Kong may tumulong sa Akin sa isang bagay, direkta Ko siyang kakausapin. Sabi ng ilang tao, “Taglay Mo ang pagkakakilanlan at katayuang ito, kaya hindi ba’t kailangan Mo lang magsabi kapag may ipapagawa Kang isang bagay sa isang tao?” Kahit pa kailangan Ko lang magsabi, dapat Ko pa rin itong pangasiwaan sa paraang sumusunod sa mga alituntunin, at hindi Ko maaaring pilitin ang mga tao, lalo na ang puwersahin silang gawin ang mga bagay na ayaw nilang gawin. Kung gusto mo, gawin mo; kung ayaw mo, maaari kang tumanggi. Gayumpaman, kung hihilingin Ko sa iyong gumawa ng isang bagay, lagi Akong magsasabi ng simpleng katunayan. Hinding-hindi Ako magpapaligoy-ligoy o magsasalita nang paikot-ikot para lansihin ka, o akitin ka para kumagat sa pain, at pagkatapos ay hayaan kang kusang-loob na maglingkod sa Akin at magserbisyo para sa Akin; pagkatapos, matapos magpakana laban sa iyo, ay ipasabi pa sa iyo na ginawa mo iyon nang kusang-loob at pakiramdam mo ay wala Akong pagkakautang sa iyo. Hinding-hindi Ko ito gagawin kailanman. Ang mga pagsasagawang ito—ang mga ito man ang tinatawag ng mga tao na sining ng paggamit sa iba, mga panuntunan ng laro, mga taktika para paglaruan ang mga tao, o mga estratehiya ng imperyo sa pagmamanipula sa iba—wala ni isa sa mga ito ang umiiral sa Akin. Hindi Ko pinaglalaruan ang mga tao—maaaring gawin iyon ng iba, pero hindi Ko gagawin iyon, at hindi Ko rin sila gagayahin o tutularan. Hindi Ako kailanman nagbasa ng mga bagay tulad ng Sining ng Pakikidigma o ng Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang, at hinding-hindi Ako gagawa ng mga mapanlinlang na atake o magsasabing puti ang itim kapag Ako ay nagsasalita. Kapag Ako ay nagsasalita at kumikilos, ang isa ay isa, at ang dalawa ay dalawa. Ang tanging eksepsiyon ay kapag, dahil sa mga espesyal na sitwasyon, maaari Kong ipahayag ang mga bagay-bagay sa matalinong paraan, pero ito ay dahil lamang sa pagsasaalang-alang sa mga kahinaan at paghihirap ng mga tao, at sa kanilang mababang tayog. Ito ay upang protektahan at pahalagahan sila, at walang masamang hangarin dito, kaya hindi rin ito pagpapakana. Marahil ang ilang tao ay maaaring labis na madismaya, iniisip na, “Lumalabas na ang Iyong puso at isipan ay hindi naglalaman ng iba’t ibang pakana ng mga sikat at dakilang tao sa mundo. Lumalabas na ganito Ka pala kasimple!” Hindi ba mabuti na maging ganito kasimple? Ang hindi pagpapakana ay hindi nangangahulugang hindi Ko kayang matarok ang mga tao; hindi ito nangangahulugang hindi Ko kayang matarok ang diwa at kakanyahan ng mga bagay-bagay; hindi ito nangangahulugang hindi Ko alam kung paano pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Kahit walang pagpapakana, kaya Ko pa ring ilapat ang mga prinsipyo upang pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay sa angkop at tumpak na paraan ayon sa kapaligiran at kaligiran, na nagiging dahilan upang natural nilang gampanan ang kanilang mga papel at mamuhay sila sa loob ng kanilang mga panuntunan at kautusan sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, sa halip na gumamit ng mga taktika, makisangkot sa panlilinlang, o paglaruan ang mga tao para linlangin sila. Ang mga prinsipyo kung paano Ako gumagawa ng mga bagay-bagay, ang mga prinsipyo kung paano Ko pinangangasiwaan ang iba’t ibang problema, at ang mga prinsipyo kung paano Ko tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay ay natalakay na lahat sa Aking mga pagbabahagi at sermon sa paglipas ng mga taon. Kapag sinasabi Ko ang mga bagay na ito, hindi Ako sumisigaw ng mga islogan; ang mga bagay na ito ay nagmumula sa Aking mga iniisip at sa Aking pagkataong diwa, at inilalapat Ko rin ang Aking mga iniisip at pananaw upang pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Kaya, kapag inilalapat Ko ang Aking mga iniisip at pananaw upang pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, o pinangangasiwaan Ko ang mga ito ayon sa mga prinsipyong ito, masasabi ba ninyo na ang huling resulta ay pagsunod sa daan ng Diyos o paghihimagsik laban dito? (Pagsunod sa daan ng Diyos.) Samakatwid, gaano man kanormal, kapraktikal, at kaordinaryo—hindi talaga misteryoso—Ako, ang Diyos na nagkatawang-tao, sa paningin ng mga tao, hinding-hindi nito maaapektuhan ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, at hindi Ko rin kayo ililigaw. Sa kabaligtaran, dahil mismo sa Ako Mismo ay may mga prinsipyo sa kung paano Ako umasal at kumilos kaya, kung kaya ninyong hangarin ang katotohanan, kung kaya ninyong umasal at kumilos sa paraang masunurin at sumusunod sa mga alituntunin ayon sa mga prinsipyong sinasabi Ko, at magsagawa ayon sa direksyon at mga layuning itinuturo Ko, sa malao’t madali ay makakamit ninyo ang kaligtasan, makakamit ninyo ang pagpapasakop sa Diyos, at magiging isa kayong taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ito ay isang katiyakan. Ang magawang makamit ang kaligtasan—hindi ba’t ito ang layong hinahangad ng mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos? Ano pa, kung gayon, ang hinahanap ninyo? Tungkol naman sa kung Ako ba ay misteryoso at di-maarok, matayog, o naiiba sa lahat, o kung mayroon ba Akong ilang espesyal na kakayahan na hindi ninyo maiisip o hindi ninyo taglay, hindi iyon mahalaga. Bukod pa rito, hindi rin mahalaga kung sa tingin ninyo ay normal at praktikal ba Ako at hindi karapat-dapat sa inyong pag-idolo o paghanga. Ano ang mahalaga? Ito ay na ang mga salitang sinasabi Ko, ng hamak na taong ito, ng ordinaryo at normal na taong ito, ay garantisadong magdadala sa inyo sa harap ng Diyos, at garantisadong magbibigay-kakayahan sa inyo na makamit ang kaligtasan. May isa pang bagay na tiyak: Kung kayo ay magsasagawa at makakaranas ayon sa mga salitang ito na Aking sinabi, garantisadong isang araw ang inyong mga iniisip, pananaw, at mga buhay disposisyon ay pawang mababago, at kayo ay magiging isang bagong tao. Maaari kang maging isang miyembro ng bagong sangkatauhan—diyan Ako nakakatiyak. Sigurado ba kayo rito? (Oo.)

Mayroon na ba kayong bagong pagkaunawa ngayon sa mga pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao? (Mayroon.) Kung nakikita ninyo na kung paano Ako umasal at kumilos, at ang Aking mga iniisip at pananaw, ay pawang nasa saklaw ng pagiging normal at praktikal, at kung ang Aking mga prinsipyo sa pagkilos at ang Aking mga iniisip at pananaw ay maaaring makaimpluwensiya sa inyo anumang oras at kusang-loob ninyong tatanggapin ang mga ito, kung gayon ay may sasabihin Akong isang bagay na tiyak: Dahil minamahal ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan, nagagawa ninyong hanapin ang katotohanan mula sa normal at praktikal na mga pagpapamalas ng Diyos na nagkatawang-tao, at kaya rin ninyong tanggapin ang mga prinsipyo kung paano umaasal ang Diyos na nagkatawang-tao at ang Kanyang mga iniisip at pananaw sa iba’t ibang bagay, kung gayon ang inyong mga paghahangad at ang direksyon ng inyong sariling asal ay natural na uunlad sa isang positibong direksyon. Ibig sabihin, habang patuloy kayong nananampalataya, lalo ninyong tataglayin ang normal na pagkatao at lalo ninyong isasabuhay ang wangis ng tao, at lalo pa kayong mapapalapit sa mga hinihingi ng Diyos, at sa huli ay makakamit ninyo ang kaligtasan. Ang pagkakamit ninyo ng gayong mga pakinabang ay direktang nauugnay sa pagdidilig at pagtutustos ng Diyos na nagkatawang-tao, ng ordinaryo at normal na taong ito. Kung kaya ninyong tanggapin at mahalin din ang mga diwa at pagpapamalas na ito ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, pati na rin ang paraan ng Kanyang pag-asal at ang Kanyang mga panuntunan sa paggawa nito, kung gayon ang inyong mga pagpapamalas at ang inyong pagkatao ay bubuti nang bubuti. Ano ang ibig sabihin ng bubuti nang bubuti ang mga ito? Ang sabihin na ikaw ay magiging mas katulad ng isang mabuting tao ay maaaring medyo hungkag. Ang “pagbuti nang pagbuti” na ito ay nangangahulugan na ang iyong konsensiya at ang iyong pagkamakatwiran ay uunlad sa isang positibong direksyon. Gayumpaman, kung hinahamak o inaayawan mo ang pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos na nagkatawang-tao, o kaya ay didiskriminahin mo, hindi tatanggapin, lalabanan, at kukutyain mo pa ito, kung gayon ay magiging napakahirap para sa iyo na tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahahayag Niya, at mahirap para sa iyong maunawaan ang praktikal na kabuluhan at impluwensiya ng normal na pagkatao na taglay Niya. Sa kabaligtaran, ikaw ay magiging tutol pa nga at mamumuhi sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos sa Kanyang normal na pagkatao. Sa ganitong paraan, magiging napakahirap para sa iyo na isabuhay ang wangis ng isang normal na tao at maging isang taong kinalulugdan ng Diyos, dahil ang mga bagay na sinasamba mo ay hindi mga positibong bagay kundi mga negatibong bagay. Ang mga kilalang tao at mga bituin sa lipunan, at ang mga kalakaran sa lipunan, ang siyang hinahangad at sinasamba mo. Sa gayong kaso, ang landas na tinatahak mo ay isang maling landas, at tungkol naman sa direksyon ng iyong paghahangad at pag-unlad, isang bagay ang tiyak: Hindi ka uunlad sa isang positibong direksyon, kundi sa isang masamang direksyon. Halimbawa, sinasabi Ko na hindi Ako nagpapakana laban sa mga tao, at sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi Ka nagpapakana laban sa mga tao, paano Ka makagagawa ng gayon kadakilang gawain? Kapag nakikisalamuha at nakikitungo Ka sa mga tao, kailangan Mong magpakana. Kung hindi Ka marunong magpakana, hindi Mo kayang paglaruan ang mga tao, at hindi Mo kakayanin ang gawain.” Sinasabi Ko na kung kaya mong sabihin ang gayong mga bagay, tapos ka na. Ang iyong mga iniisip at pananaw ay hindi lamang baluktot, kundi higit pa roon, ang mga ito ay buktot. Imposible para sa iyong tahakin ang tamang landas, dahil ang iyong pagkatao ay walang elemento ng pagmamahal sa katotohanan at pagmamahal sa mga positibong bagay. Imposible para sa iyong tahakin ang landas ng kaligtasan.