Paano Hangarin ang Katotohanan (26) Ikalawang Bahagi
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa isa pang paksa ng pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao: ang hindi paghalintulad sa Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan, tama ba? (Oo.) Sa paksang ito, naglista Ako ng ilang partikular na pagpapamalas ng Diyos na nagkatawang-tao sa kung paano Siya umasal at kumilos mula sa perspektiba ng Kanyang pagkatao, pati na rin ng ilang pagpapamalas ng Kanyang disposisyong diwa—ang hindi panlilinlang, hindi pakikipaglaban, hindi pakikibaka, hindi pagpapakana, hindi pangmamaliit ng kapwa, hindi pagganti, hindi pang-aakit, at iba pa. Sa mga ito, nakapagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa hindi panlilinlang, hindi pakikipaglaban, at hindi pakikibaka noong nakaraan. Aling pagpapamalas ang dapat nating pagbahaginan sa pagkakataong ito? (Ang hindi pagpapakana.) Ang hindi pagpapakana, tulad ng hindi panlilinlang, hindi pakikipaglaban, at hindi pakikibaka, ay isa ring prinsipyo kung paano umaasal at kumikilos ang Diyos na nagkatawang-tao, ang ordinaryong taong ito. Siyempre, sangkot din sa prinsipyong ito ang Kanyang pagkataong diwa at ang Kanyang disposisyon. Ang hindi pagpapakana ay isa ring partikular na pagpapamalas ng disposisyong diwa, o isang aspekto ng sariling asal, ng Diyos na nagkatawang-tao, ng ordinaryong taong ito. Madali bang unawain ang pariralang “hindi pagpapakana”? Nauunawaan ba ninyong lahat ito? (Oo.) Ang pinakapangunahing pagkaunawa sa hindi pagpapakana ay hindi pagbuo ng masamang balak, at hindi paggamit ng mga taktika o tusong mga pakana. Ibig sabihin, kapag nakikipag-ugnayan Ako sa inyo at nakikisalamuha sa inyo, sa gawain man o sa pang-araw-araw na buhay, Ako ay laging matapat at totoo. Hindi Ako gumagamit ng mga taktika, gumagawa ng tusong mga pakana, o bumubuo ng masamang balak. Sa halip, nagsasalita Ako nang totoo, sinasabi kung anuman ang nasa Aking puso at sinasabi sa inyo ang aktuwal na kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi Ako nagpapakana laban sa inyo at hindi Ko kayo nililinlang. Hindi Ako gagamit ng mabubulaklak na salita para makuha ang tiwala ninyo at pagkatapos ay gawin kayong handang gugulin ang inyong sarili, magdusa, at magbayad ng halaga. Nakita na ba ninyo Akong gumawa ng gayong mga bagay? (Hindi.) Kapag tinatanong Ko kayo, tiyak na sasabihin ninyong hindi, pero makakapagbigay ba kayo ng isang halimbawa para ilarawan ito? Kung ang bawat isa sa inyo ay makakapagbigay ng isang halimbawa, ang katunayang ito ay mapatutunayan at hindi maitatatwa, at tunay na magkakaroon kayo ng kaunting pagkaunawa sa puntong ito—sa hindi pagpapakana. Halimbawa, may nagsasabi na sa mundo, natuto sila ng ilang kasanayan at nakakaunawa sa isang partikular na propesyon. Nagkataon namang ang sambahayan ng Diyos ay may gawain o gampaning nauugnay sa propesyong ito na natutuhan nila. Kinakausap Ko sila, sinasabi Ko, “Nakakaunawa ka nang kaunti tungkol sa propesyong ito, at nagkataong ang sambahayan ng Diyos ay may gawain sa larangang ito. Kaya mo ba, batay sa iyong propesyonal na kaalaman at ayon sa mga tuntunin o prinsipyo ng inyong larangan, na gawin nang maayos ang gawaing ito? Kung gusto mo, ang gawaing ito ay para sa iyo.” Mayroon bang anumang mga salita rito na mapagpakana o mapagsamantala? Mayroon bang anumang mga salita na nagkukubli ng isang pakana? (Wala.) Sigurado ba kayong wala? (Sigurado.) Yamang inirekomenda mo ang iyong sarili at ipinakilala mo ang iyong sarili bilang nakakaunawa sa propesyong ito, at nalaman Ko ang iyong sitwasyon, itinalaga Ko sa iyo ang gawaing ito. Kung handa kang gawin ito, at sinabi mong, “Tinatanggap ko ito mula sa Diyos; tinatanggap ko ang gawaing ito, ang tungkuling ito,” ibig sabihin, nagboboluntaryo kang gawin ito, kung gayon dapat mo itong gawin nang maayos. Kung ayaw mo, maaari mong sabihin sa Akin nang harapan na ayaw mong gawin ang tungkuling ito. Pipilitin ba kita? (Hindi.) Ayon sa Aking mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, hindi kita pipilitin. Hinding-hindi kita pipilitin na gawin ang isang bagay na labag sa iyong kalooban, na gawin ang mga bagay ayon sa Aking personal na kalooban. Hindi kita papagawin ng mga bagay kahit na ayaw mo, at hindi Ako kikilos na para bang, dahil taglay Ko ang pagkakakilanlang ito, ang Aking mga salita ay dapat magkaroon ng bigat, o dapat maging tulad ng sa isang emperador sa pagiging pinal at di-mababago nito. Tinatrato Ko ang mga tao nang may pagpaparaya; binibigyan kita ng kalayaang pumili para sa iyong sarili. Palagi Akong nagsasaayos ng gawain batay sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung may mga tao na may karanasan sa larangan o may kaalaman sa larangan na gustong gawin ang gawain at kaya itong gawin nang mas mahusay, tiyak na napakabuti niyon. Kung walang sinumang nakakaunawa nito, gagawin natin ang lahat ng ating makakaya gamit ang mga abilidad na mayroon tayo, hanggang sa abot ng ating makakaya. Iyon ang Aking prinsipyo. Kung naatasan kang gumawa ng partikular na gawain, pero sinasabi mo, “Ayaw kong gawin ito. Ayaw kong masamantala ng mga tao o pangunahan ng sambahayan ng Diyos; ako ang gumagawa ng sarili kong mga pasya,” kung gayon, ayos lang, hindi ka gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Ang paggampan sa tungkulin ay isang bagay na ginagawa nang handa at nang kusang loob. Kapag handa na ang mga taong gampanan ang kanilang tungkulin matapos manampalataya sa Diyos, saka lang makakapagsaayos ng gawain para sa kanila ang iglesia. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos, at lalo nang hindi Ko gagamitin ang Aking pagkakakilanlan o katayuan para pilitin kang gumawa ng gawain ng iglesia. Lubos na sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan na ginagampanan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang tungkulin at gawain. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi sila pipilitin o aatasan ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang kanilang tungkulin, at lalo nang hindi Ko pipilitin ang mga taong kumilos nang lubos na ayon sa Aking kalooban. Kaya, kung may gusto Akong ipagawa sa iyo, sasabihin Ko ito nang direkta. Hinding-hindi Ako gagamit ng mga taktika, o magpaparinig, o gagamit ng mga salitang may pahiwatig para ipahula sa iyo ang Aking kahulugan. Hindi Ko gagawin iyan. Kung mayroon kang tayog at pakiramdam ng pasanin para gumawa ng ilang gawain para sa sambahayan ng Diyos, direkta kitang tatanungin, “Handa ka bang akuin ang gawaing ito?” O mas direkta Ko pang sasabihin, “Akuin mo na ang gawaing ito.” Nagsasalita Ako nang tuwiran, lahat ay sa simpleng pananalita. Hangga’t ikaw ay tao, kaya mong makaunawa. Hindi mo kailangang mag-aksaya ng mga brain cell sa pag-iisip at pag-alam kung ano talaga ang kahulugan ng Aking mga salita o kung bakit Ko sinabi ang mga iyon. Hindi Ko ipapapiga sa iyo ang utak mo para alamin mo ang kahulugan ng Aking mga salita; sasabihin Ko sa iyo nang direkta. Kung ano man ang literal na kahulugan ng Aking mga salita, iyon na iyon. Dagdag pa rito, bakit Ko ipinapagawa sa iyo ang gawaing ito? Dahil ikaw ay isang taong gumagampan ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at handa kang gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung gayon, may obligasyon kang akuin ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos na nangangailangan na iyong gampanan ang iyong bahagi. Anumang gawain o anumang gampanin ang ipagkatiwala Ko sa iyo, ipinagkakatiwala Ko ang mga iyon sa iyo ganap na dahil itinuturing kita na isang mananampalataya sa Diyos. Dapat mong tanggapin ang mga iyon bilang iyong responsabilidad, obligasyon, at tungkulin; tama na gawin iyon. Ito man ay pagkakatiwala sa iyo ng gawain o pagtatalaga sa iyo ng mga gampanin, lahat ng ito ay para magampanan mo ang tungkulin ng isang nilikha, at para din hanapin mo ang katotohanan at makamit mo ang katotohanan sa paggampan ng iyong tungkulin. Walang anumang transaksyonal na ugnayan dito, at hindi rin kita sinusuyo o nililinlang. Lahat ng mga salitang ito na sinabi at mga gampaning ito na itinalaga ay positibo at hayag; walang mga lihim. Walang mga ugnayang sangkot ang pera, mga materyal na bagay, o mga interes, at wala ring anumang ugnayan ng pagsasamantala o pagiging sinasamantala. Hinding-hindi ito isang kaso ng paggamit sa iyong mga kalakasan, kasanayan, o propesyonal na kaalaman para pagkakitaan ng sambahayan ng Diyos; hinding-hindi iyan gagawin ng sambahayan ng Diyos. Ang paggampan sa tungkulin ay nagmumula nang lubos sa pagiging handa at kusang-loob; hindi kailanman namimilit ang sambahayan ng Diyos. Ang pagtanggap mo sa tungkuling ito ay ang dapat mong gawin bilang isang nilikha. Ang paggampan sa tungkuling ito ay ang landas din para maranasan mo ang gawain ng Diyos at makamit ang kaligtasan. Kung, sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin, natututo kang magpasakop sa Diyos at nagkakamit ka ng katotohanan, kung gayon ay matatamo ang pagtanggap, pagiging natatandaan, at pagkilala ng Diyos. Ito ang dapat mong maani mula sa iyong iginugol. Samakatwid, dapat mong tanggapin ang gawaing ito bilang iyong tungkulin, nang walang anumang mga alinlangan o hinala. Anuman ang gusto Kong ipagawa sa iyo, sasabihin Ko sa iyo nang totoo. Gusto Kong magsalita nang prangka. Hindi Ko kailangang amuin ka na parang tatlong taong gulang na bata, nagpapaligoy-ligoy, nagsasalita nang paikot-ikot, at nagsasabi ng magagandang bagay sa iyo. Hindi Ko gagawin iyon. Kung marunong kang kumanta o sumayaw, at taglay mo ang mga likas na katangiang ito, kapag isinaayos na gampanan mo ang tungkuling ito, dapat mo itong tanggapin. Kung sasabihin mo, “Batay sa aking likas na mga katangian, hindi ako gaanong kalipikado para sa tungkuling ito. Puwede bang hindi ko gampanan ang tungkuling ito?” Ayos lang iyan. Kalayaan mo iyan; hindi kita pipilitin.
Anuman ang sabihin Ko o ipagawa sa inyo, wala iyong kasamang pagpapakana. Kapag kinakausap Ko ang mga lider at manggagawa, tinatanong Ko sila, “Kumusta ang buhay iglesia kamakailan? Nagsimula nang mamuhay ng buhay iglesia ang mga baguhan—anong mga problema ang mayroon pa rin sila? Nalutas na ba ang mga iyon? Ano ang mga saloobin nila matapos manood ng mga pelikula o mga patotoong batay sa karanasan mula sa sambahayan ng Diyos?” Hindi makasagot ang ilang lider at manggagawa. Nag-iisip-isip sila sa kanilang puso, “Sinusubukan Mo ba akong lansihin para ibunyag ko ang tunay kong kalagayan? Tinitingnan Mo ba kung may nagawa akong anumang aktuwal na gawain? Kailangan kong sumagot nang maingat at hindi maging pabaya! Puwede kong talakayin ang gawaing nagawa nang maayos, pero kung may anumang gawaing hindi nagawa o hindi nagawa nang maayos, hinding-hindi ko ito dapat banggitin. Sa sandaling banggitin ko ito, malalantad niyon ang problema!” Kaya, kapag nag-uulat sila tungkol sa kanilang gawain, lagi silang nag-aatubiling magsalita pa, at takot na takot na ilantad ang mga problema. Ang gayong mga tao ay may komplikadong pag-iisip. Kapag tinatanong Ko sila, nasa dulo na talaga ng kanilang dila ang mga salita, pero hindi nila sinasabi nang direkta ang mga ito. Kailangan nilang pag-isipan at iproseso ito sa kanilang isip, “Bakit Mo ito tinatanong? Paano ako makasasagot nang angkop para, sa isang banda, hindi Mo malalaman ang totoong sitwasyon, at sa kabilang banda, masisiyahan Ka?” Ang totoo, wala Akong sinasala sa Aking isipan na ni isang salita bago Ko sabihin. Ano ang Aking kalagayan kapag nagtatanong Ako? Kapag nakakakita Ako ng isang tao at alam Ko kung anong gawain ang responsabilidad niya, agad Kong naiisip kung anong mga partikular na gampanin ang kaya niyang gawin, anong mga problema ang malamang na danasin niya sa kanyang gawain, at anong mga suliranin ang maaari niyang kaharapin. Sa pag-iisip sa mga ito, direkta Ko siyang tinatanong, “Kumusta ang buhay iglesia kamakailan sa mga iglesiang responsabilidad mo? Angkop ba ang lahat ng lider at diyakono ng iglesia? Marunong ba ang mga kapatid na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos? Karamihan ba sa kanila ay nagsasagawa ng espirituwal na debosyon? Nag-aaral ba sila ng mga himno at sayaw sa kanilang bakanteng oras? Kumusta ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo?” Bawat tanong Ko ay direkta at tuwiran, walang pagsubok o mga nakatagong motibo. Ang isinasaalang-alang Ko lang ay ang gawain at ang buhay pagpasok ng mga tao. Paano ka man sumagot, hindi mo masusumpungang sinusubok ka, at hindi rin Ako gagamit ng anumang bagay laban sa iyo; walang isyu ng pagbubuking sa sarili o pagkakaroon ng magagamit laban sa iyo. Sinusubukan Ko lang na alamin ang tungkol sa gawain, hindi Ko sadyang inuusisa ang sitwasyon ng sinuman, ni pinupuntirya ang sinuman para pangasiwaan o tanggalin. Hindi nakikibahagi ang iglesia sa tunggalian ng mga uri o mga alitan ng paksiyon—gumagawa ito ng aktuwal na gawain. Kung minsan, kapag nakikita Ko ang mga kapatid o mga lider at manggagawa, gusto Ko lang makipag-usap nang kaswal, at magsabi ng ilang taos-pusong salita at pag-usapan ang ilang pang-araw-araw na bagay. Kung minsan, tinatanong Ko rin kung anong mga problema ang umiiral pa rin sa gawain ng iglesia. Lahat ng sinasabi Ko ay pang-araw-araw na pananalita, mga totoong salita. Halimbawa, tinatanong Ko kayo, “Kumusta ang buhay iglesia kamakailan? Nakikinabang ba ang mga kapatid sa bawat pagtitipon? Nakakatulong ba ang pamumuhay ng buhay iglesia para malutas ang mga aktuwal na problema?” Sumasagot ang ilang tao, “Hindi naging maganda ang buhay iglesia kamakailan. Kahit na nagtitipon kami, walang malalaking pakinabang, at hindi malutas ang mga pangunahing problema.” Pagkatapos ay tinatanong Ko, “Saan nagmumula ang problema?” Karamihan sa mga tao ay hindi makasagot. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang patibong sa Aking tanong? Mayroon bang pakana sa likod nito? Wala ni katiting. Nagtatanong lang Ako para alamin ang tungkol sa gawain at maunawaan ang sitwasyon, para makapagbahagi Ako ng katotohanan sa inyo at malutas ang mga problema. Paano man kayo sumagot, hindi ninyo masusumpungang sinusubok kayo. Ang ilang medyo simpleng tao ay kayang magsalita nang totoo. Sinasabi nila, “Katatanggap pa lang ng mga kapatid sa gawain ng Diyos at wala pa silang gaanong karanasan. Wala silang masabi tuwing may mga pagtitipon. Kung masyado silang maraming babasahing salita ng Diyos, hindi nila ito kayang maarok, at inaantok din sila at hindi ito maipasok sa kanilang isipan. Hindi namin alam kung paano ito lulutasin.” Sinasabi Ko, “Madali itong lutasin. Puwedeng kumanta muna ang lahat ng isang himno, pagkatapos ay sumayaw nang kaunti, pagkatapos ay magbasa ng ilang salita ng Diyos. Ang mga may pagkaunawa ay maaaring magbahagi ng kanilang pagkaunawa, at ang mga may karanasan ay maaaring magbahagi ng kanilang karanasan. Ang mga walang pagkaunawa o karanasan ay maaari ding maglahad ng kanilang mga aktuwal na paghihirap at hayaan ang mga kapatid na may karanasan na tulungan silang lutasin ang mga iyon. Hindi ba’t magiging mabunga ang mga pagtitipon sa ganitong paraan? Ang mga may mababang tayog ay maaari ding mapatibay.” Tingnan mo, hindi ba’t nalulutas niyon ang problema? Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao, kung minsan ay nagtatanong ng ilang katanungan, ang ilang taong may komplikadong pag-iisip ay nag-iisip-isip, “Napakadirekta ng Iyong tanong. Hindi ko alam kung ano ang ibig Mong sabihin sa pagtatanong nito. Kailangan kong mag-ingat sa aking sagot!” Sinasabi Ko, nagkakamali ka. Sinuman ang kausapin Ko o anuman ang mga itanong Ko, ang pinakalayunin ay laging tuklasin at lutasin ang mga problema, tulungan at gabayan ka, at tulungan kang lutasin ang mga problema. Una, hindi ito para ilantad ka at ipahiya. Ikalawa, hindi ito para subukin kung nagsasabi ka ng totoo o kung ikaw ay isang taong totoo. Ikatlo, hindi ito para lansihin ka para ibunyag mo ang iyong tunay na sitwasyon. Ikaapat, lalong hindi ito para subukin kung kaya mong gawin ang gawain o kung makakagawa ka ng aktuwal na gawain. Sa katunayan, paano man Ako makipag-usap sa iyo, lahat ng ito ay para tulungan at gabayan kang tuparin ang iyong tungkulin, gawin nang maayos ang gawain, at lutasin ang mga problema. Masyadong pinag-iisipan ng ilang tao ang Aking mga simpleng tanong, takot na takot na mayroon itong kung anong nakatagong kahulugan. Ang ilan ay naghihinala pa nga na nagpapakana Ako laban sa kanila. Malinaw na gusto kitang tulungang lutasin ang mga problema, ngunit mali ang inaakala mo na nagpapakana Ako laban sa iyo. Hindi ba’t pag-aakusa ito sa Akin nang hindi totoo? (Oo.) Kaya ano ang isyu rito? Ang puso ng tao ay mapanlinlang! Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao nang malakas, “Ikaw ang Diyos, kailangan kong sabihin sa Iyo ang katotohanan, at maging tapat sa Iyo. Sumusunod ako sa Iyo, nananampalataya ako sa Iyo!” sa kaibuturan, hindi sila ganoon mag-isip. Gaano man kaordinaryo at kasimple ang Aking mga tanong, madalas itong binibigyang-kahulugan ng mga tao sa sobrang sensitibong paraan. Sa pamamagitan ng kanilang mga haka-haka at sa kanilang pagsisiyasat, dumadaan sila sa maraming liko-liko at tila natatagpuan ang pinal na sagot, ngunit sa realidad, malayo ito sa orihinal na intensyon ng Aking mga salita. Malinaw na isa itong napakasimpleng tanong, ngunit masyado nila itong pinag-iisipan. Hindi ba’t sobrang sensitibo ng gayong mga tao? Anuman ang itanong Ko, nagugulo ang kanilang puso matapos itong marinig: “Bakit Mo ito tinatanong? Paano ako sasagot sa paraang masisiyahan Ka at hindi ako magbubunyag ng anumang mga kapintasan? Ano ang dapat kong unang sabihin, at ano ang isusunod?” Sa loob ng tatlo hanggang limang segundo, lumalabas ang mga salita, nang walang anumang pagkaantala. Mas mabilis pa sa computer ang kanilang isip. Bakit napakabilis? Ang totoo, ang prosesong ito ay naging instinto na sa kanila; ito ang kanilang karaniwang panlalansi at estilo sa pakikitungo sa mga tao at pangangasiwa ng mga bagay-bagay. Nagpapakana sila laban sa lahat. Kaya, gaano man kasimple ang Aking mga tanong, masyado nila itong pinag-iisipan, naniniwalang mayroon Akong kung anong motibo o layunin. Pinag-iisipan nila sa kanilang puso, “Kung sasagot ako nang totoo, hindi ba’t malalantad ko ang tunay kong sitwasyon? Katumbas iyon ng pagkakanulo sa aking sarili. Hindi ko hahayaang malaman Mo ang tunay kong kalagayan. Kaya paano ako sasagot nang angkop? Paano kita mapapasaya at matutugunan, paano Ka magkakaroon ng magandang impresyon sa akin, at paano Mo ako patuloy na gagamitin?” Tingnan ninyo kung gaano kamapanlinlang ang mga taong ito! Masyadong komplikado ang isipan ng mga taong ito. Paano man Ako makipag-usap sa kanila, magdududa sila at magsisiyasat. Makakapagsagawa ba ng katotohanan ang gayong mga tao? Maaari ba silang maging angkop para sa paggamit ng Diyos? Hinding-hindi. Ito ay dahil masyadong komplikado ang isipan ng gayong mga tao, at hindi talaga simple; sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila nang matagal ay makikita ito. Ang mga tao ay partikular na mahusay sa pagpapakana, ngunit nagpakana na ba Ako laban sa inyo kahit kailan kapag nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan Ako sa inyo? (Hindi.) Sinusubukan Ko mang alamin ang tungkol sa iyong personal na kalagayan o ang sitwasyon ng iyong gawain, ito ay laging para tulungan ka, para lutasin ang mga problema sa gawain. Kahit na makagawa ka ng mga pagkakamali at sumapit sa iyo ang pagpupungos o pagtatanggal, hindi Ako magpapakana laban sa iyo at hindi kita pahihirapan. Kapag nalutas na ang problema, tapos na ito. Hindi magpapakana ang sambahayan ng Diyos laban sa iyo at hindi ka nito pahihirapan, at lalo nang hindi Ko gagamitin laban sa iyo ang iyong mga pagkakamali at tatanggihan na bitiwan ito, at hindi Ako mag-iisip ng mga paraan para siraan ka at iwasan at itakwil ka ng lahat, na ipaparamdam sa iyong wala kang pag-asa para ikaw na mismo ang magbitiw. Hinding-hindi Ko gagawin iyan. Kung hindi ka angkop na maging isang lider o manggagawa, ang pinakamatindi Ko nang sasabihin ay, “Masyadong mahina ang iyong kakayahan, at kulang ka sa espirituwal na pang-unawa. Hindi ka angkop na maging isang lider o manggagawa. Kahit pa mahalal ka bilang isang lider o manggagawa, hindi ka makagagawa ng aktuwal na gawain.” Hinding-hindi ka pahihirapan ng sambahayan ng Diyos at hindi ito magpapakana laban sa iyo dahil dito.
May mga prinsipyo sa kung anong uri ng mga tao ang inaangat at ginagamit ng sambahayan ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang hindi nito ginagamit, gayundin sa kung sinong mga tao ang nililinang nito, at kung sino ang hindi; lahat ng ito ay nakabatay sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kahit sino pa ang iangat at gamitin, ang layon ay linangin sila para magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin at malaman kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at para magawa nilang pasanin ang gawain at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Anuman ang problemang nilulutas, ang layon ay bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang higit pang katotohanan, at matutong kumuha ng mga aral at magkamit ng pagkilatis mula sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Sa ganitong paraan, mas madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad sa lahat ng aspekto. Hindi ito tungkol sa pagsasamantala sa iyo para magserbisyo ka, lalong hindi ito tungkol sa pagsasamantala sa iyo para punan ang isang bakanteng posisyon dahil walang mahanap na angkop na tao, para lang paalisin ka kapag may dumating na angkop na tao. Hindi ganoon iyon. Sa katunayan, binibigyan ka nito ng pagkakataon na sanayin ang iyong sarili. Kung hahangarin mo ang katotohanan, makakapanindigan ka; kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi ka pa rin makakapanindigan. Tiyak na hindi dahil sa hindi ka gusto ng sambahayan ng Diyos kaya maghahanap ito ng magagamit laban sa iyo at maghahanap ng pagkakataon para itiwalag ka. Kapag sinabi ng sambahayan ng Diyos na lilinangin at iaangat ka nito, tunay ka nitong lilinangin. Ang mahalaga ay kung paano mo pinagsisikapan ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, susukuan ka ng sambahayan ng Diyos at hindi ka na nito lilinangin. Ang ilang tao, pagkatapos ng isang panahon ng paglilinang, ay tinatanggal dahil mahina ang kanilang kakayahan at hindi sila makagawa ng aktuwal na gawain. Ang ilan, sa panahon ng kanilang paglilinang, ay hindi tumatanggap ng katotohanan kahit kaunti, kumikilos nang sutil, at gumagambala at gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at sila ay tinatanggal. Mayroon pa ring iba na hindi talaga naghahangad sa katotohanan, na tumatahak sa landas ng mga anticristo, palaging gumagawa para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at sila ay tinatanggal at itinitiwalag. Ang mga sitwasyong ito ay pawang pinangangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Lilinangin pa rin ng sambahayan ng Diyos ang mga kayang tumanggap ng katotohanan at magsikap para sa katotohanan, kahit pa makagawa sila ng mga pagsalangsang sa pamamagitan ng paggawa ng ilang pagkakamali. Kung hindi ito isang taong kayang tumanggap ng katotohanan, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan kapag dumarating sa kanya ang pagpupungos, dapat siyang direktang tanggalin at itiwalag. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ba’t ito ay parang pakikinabang lang sa isang tao hanggang sa maubos ito at pagkatapos ay isasantabi na siya? Hindi ba’t pagsasamantala ito sa mga tao?” Sabihin ninyo sa Akin, mayroon na bang sinuman na tinanggal, itiniwalag, o hindi na nilinang ng sambahayan ng Diyos dahil wala na siyang halaga na mapapakinabangan? Nangyari na ba ang gayong bagay kahit kailan? (Hindi.) Kung gayon, sa anong mga pagkakataon nagtatanggal o nagtitiwalag ng mga tao ang sambahayan ng Diyos? (Nagtatanggal o nagtitiwalag lang ng isang tao ang sambahayan ng Diyos kapag hindi niya kayang pasanin ang gawain, o kapag nagdudulot siya ng mga paggambala at panggugulo at gumagawa ng masama.) Walang sinumang tinatanggal nang walang dahilan. Ang ilan ay may mahinang kakayahan at hindi makagawa ng kongkretong gawain. Ang ilan ay nagtataglay ng partikular na kakayahan pero hindi gumagawa ng kongkretong gawain o nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; hindi nila ginagawa ang gawaing kaya nilang gawin, ayaw nilang magmalasakit para sa gawain ng iglesia at pagurin ang sarili nila sa paggawa nito, ayaw nilang magdusa at magbayad ng halaga, at ayaw nilang pasamain ang loob ng ibang tao. Hindi makagawa ng aktuwal na gawain ang gayong mga tao, kaya dapat silang itiwalag; hindi na angkop para sa kanila na manatili pa sa posisyong iyon. Bukod sa nakahahadlang sila sa gawain ng iglesia, naaapektuhan din nila ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sa gayong sitwasyon, dapat silang magkaroon ng kamalayan sa sarili at mabilis na magbitiw sa tungkulin, hinahayaan ang mga kayang gumawa ng aktuwal na gawain na akuin ang gawaing ito. Ang ilang tao ay hindi gumagawa ng aktuwal na gawain pero tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, at nagdudulot pa nga ng mga panggugulo at paggambala. Palagi silang nag-aalala na matutuklasan ng ang Itaas ang kanilang mga problema at tatanggalin sila, kaya kapag oras na para mag-ulat tungkol sa kanilang gawain, kunwari silang nagtatanong para hanapin ang katotohanan at mukha silang napakaaktibo, gustong magbigay ng magandang impresyon sa ang Itaas at patunayan na sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan at kayang gumawa ng aktuwal na gawain. Ang ang Itaas ay nag-aangat at gumagamit ng mga tao hindi batay sa kung mahusay silang magsalita, kung magaling silang magtanong, o kung mabilis silang mag-isip, kundi pumipili at naglilinang ito ng mga tao batay sa kung mahal nila ang katotohanan, kung hinahangad nila ang katotohanan, at kung kaya nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang may debosyon. Mayroon ding ilang tao na hindi lang hindi gumagawa ng kongkretong gawain o nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kundi nagdudulot din ng mga paggambala at panggugulo at nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Malinaw na itinatakda ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos kung ano ang hindi ipinahihintulot na gawin at kung ano ang dapat gawin, subalit hindi nila ipinatutupad ang kahit isang aytem at walang-pakundangan pa nga silang gumagawa ng masasamang gawa. Marami nang naging gayong mga tao, at lahat sila ay tinanggal. Anuman ang sitwasyon, kapag inaangat ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, ito ay palaging para linangin sila at akayin sila sa katotohanang realidad, umaasang magagawa nila nang maayos ang gawain ng iglesia at matutupad nang maayos ang mga tungkuling dapat nilang tuparin. Kahit pa hindi mo alam kung paano gawin ang ilang gawain dahil ikaw ay hangal at kulang sa malalim na pang-unawa o dahil mahina ang iyong kakayahan, hangga’t pinagsisikapan mo ang mga katotohanang prinsipyo, mayroon kang ganitong pakiramdam ng responsabilidad, handa kang gawin nang maayos ang gawaing ito, at kaya mong pangalagaan ang gawain ng iglesia, lilinangin ka pa rin ng sambahayan ng Diyos kahit pa nakagawa ka ng ilang kahangalan noon. Ang ilang tao, bagama’t medyo mahina ang kanilang kakayahan, ay kaya pa ring gumawa ng ilang simpleng gawain. Bagama’t ang kanilang pagbabahagi tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema ay hindi makapagdudulot ng magagandang resulta, kaya nilang pangalagaan ang gawain ng iglesia. Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan sa bawat pagtitipon, kaya nila itong tanggapin at kaya nilang maging masunurin at mapagpasakop. Kung may anumang gawaing hindi nagawa nang maayos, kaya nilang matuto ng mga aral mula rito. Bagama’t medyo mahina ang kanilang kakayahan, kayang pagsikapan ng kanilang puso ang katotohanan. Pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon, umuunlad sila, at ang kanilang mga resulta ay paganda nang paganda. Sa Aking mga mata, ang gayong mga tao ay may pag-asa na makamit ang kaligtasan. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang mga may mahusay na kakayahan ay malamang na makamit ang kaligtasan. Sa Aking pananaw, hindi naman ito tiyak. Ang susi ay kailangang hangarin ng mga tao ang katotohanan para makamit nila ang gawain ng Banal na Espiritu, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makamit ang kaligtasan. Ang ilang tao ay may katamtamang kakayahan at ang mga resulta ng kanilang tungkulin ay katamtaman din, ngunit pagkatapos ng maraming taon ng pagdidilig at pagtustos mula sa sambahayan ng Diyos, sinisimulan nilang ilagay ang kanilang puso sa katotohanan, at tunay ngang nauunawaan nila ang ilang katotohanan. Nagkakamit din sila ng ilang praktikal na karanasan, kaya nilang kilatisin ang ilang bagay, at kayang lutasin ang ilang problema, nakakagawa ng palaki nang palaking pag-usad sa gawain ng iglesia. Napakaganda nito; ang gayong mga tao ay karapat-dapat na linangin. Bagama’t maaaring hindi ka lubos na may kakayahan para sa gawaing ito, kahit papaano, mayroong kaunting pagkilala ang ang Itaas para sa iyo sa paggawa ng gawaing ito. Sabihin ninyo sa Akin, ang pagsasaayos ba sa mga tao na gumawa ng tungkulin ay pagsasamantala sa kanila? (Hindi.) Gaano man karaming gawain ang kaya mo, o anuman ang iyong kakayahan, ang pag-aangat at paggamit sa iyo ay hindi pagsasamantala sa iyo. Sa halip, ang layunin ay gamitin ang pagkakataong ito para hayaan kang magsanay sa paggawa ng gawain, at para gawin kang perpekto sa pamamagitan ng iyong paghahangad sa katotohanan at sa pamamagitan ng pagsisikap nang husto at pagsasabalikat ng mabibigat na pasanin. Sa isang banda, pineperpekto ka mismo nito; sa kabilang banda, isinasakatuparan din nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Naghanda ka na ng mabubuting gawa at nagkaroon ka pa ng mga pakinabang sa iyong personal na buhay pagpasok. Napakaganda niyon! Iyon ay dalawang magandang resulta sa isang pagkilos. Ang ilan sa mga nabunyag at itiniwalag ay nagsabi minsan, “Sinusubukan mo ba akong samantalahin para magserbisyo sa sambahayan ng Diyos? Asa ka pa! Hindi ako ganoon kahangal!” Kaya pa nga nilang bigkasin ang gayong mga salita—tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? Nauunawaan ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Paanong ang pagsasaayos sa mga tao na gumawa ng kaunting tungkulin ay pagsasamantala sa kanila? Kung ikaw ay tunay na isang taong nakakaunawa sa katotohanan, dapat mong maunawaan ang mga layunin ng Lumikha at dapat mong tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Ito ay pagsasakatuparan ng responsabilidad at obligasyon ng isang tao bilang tao. Kung wala ka man lang ganitong konsensiya at katwiran, karapat-dapat ka bang tawaging isang nilikha? Kung tunay kang may konsensiya at katwiran, dapat mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin. Kung nagtataglay ka ng kakayahan para dito, dapat mong pagsumikapan ang katotohanan. Kung handa kang kusang-loob na gawin ang iyong bahagi, isasaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng partikular na gawain, na magdala ka ng isang pasanin. Hindi ito pagpapakana laban sa iyo o pagsasamantala sa iyo, kundi pag-aangat sa iyo, paglilinang sa iyo, pagpapahintulot sa iyong magsanay, at pag-akay sa iyo sa katotohanang realidad. Ganoon iyon kasimple. Sinasabi ng ilang tao: “Matanda na ako ngayon, hindi na sapat ang aking sigla, at nanghihina na ang aking pisikal na lakas. Ayaw ko nang dalhin ang pasaning ito. Maaari ba akong bumaba sa tungkulin?” Sinasabi Kong ayos lang iyon, pero bago bumaba sa tungkulin, dapat mo itong pag-isipang mabuti. Kung hindi ito tunay na dahil sa mga pisikal na dahilan, kundi dahil nagbago na ang iyong mga personal na iniisip, nagdadalawang-isip ka, takot kang magdusa, takot kang mapagod, takot na umakyat nang mas mataas at mas masaktan sa pagbagsak, palaging may kaisipan at pananaw na malungkot sa tuktok—kung gayon, dapat kang mag-ingat. Huwag mong tanggihan ang atas na ito, ang espesyal na tungkuling ito; dapat mo itong pag-isipang mabuti. Ang gayong mga pagkakataon ay madalang—pambihira ang mga ito, hindi ba? Marahil ay igigiit mo, sasabihin mo, “Hindi Mo na kailangang hikayatin ako. Matagal ko na itong pinag-isipan at nakapagpasya na ako. Hindi Mo ako mahihikayat; ayaw ko nang tiisin ang pagod na ito. Komportable ang lahat ng iba, bakit ako lang ang dapat na sobrang pagod? Nakatadhana ba akong magdusa? Hindi ako handang tiisin ang gayong paghihirap! Hindi ako handang magpaubaya na lang sa tadhana! Hindi dapat magpakana ang iglesia laban sa akin; hindi ako alipin ng iglesia, at hindi ko rin ipinagbili ang aking sarili sa iglesia!” Hindi mo na dapat ipagpatuloy ang hindi magagandang salitang ito; ang pagsasabi ng higit pa ay hahantong sa paggawa mo ng napakaraming kasalanan, at kailangan mong managot para sa mga salitang sinabi mo at sa mga pagpiling ginawa mo. Una, nananampalataya ka sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala; hindi mo ipinagbili ang iyong sarili sa sambahayan ng Diyos. Ikalawa, kung ginusto mong ipagbili ang iyong sarili sa sambahayan ng Diyos, kailangan pa ring pag-isipang mabuti ng sambahayan ng Diyos kung mayroon ka ba ng halagang ito, kung magiging kapaki-pakinabang ba ang pagbili sa iyo. Kaya kung iniisip mong nagpapakana ang sambahayan ng Diyos laban sa iyo at gusto kang samantalahin para magserbisyo, nagkakamali ka ng iniisip, dahil ang mga pamantayan kung paano sinusuri ng sambahayan ng Diyos ang mga tao ay kung taos-puso ba silang nananampalataya sa Diyos, kung mahal ba nila ang katotohanan, at kung kaya ba nilang sundin ang mga salita ng Diyos at magpasakop sa Diyos. Pumipili at naglilinang ang sambahayan ng Diyos ng mga tao batay sa mga pamantayang ito. Kung napakasama ng tingin mo sa sambahayan ng Diyos, kung gayon, wala kang konsensiya o katwiran, at ikaw ay ganap na walang halaga. Hindi ka lang hindi gagamitin ng sambahayan ng Diyos para gawin ang iyong tungkulin, kundi kakailanganin ka rin nitong mabilis na itiwalag, ikaw na isang hindi mananampalataya. Kung hindi ka isang taos-pusong mananampalataya sa Diyos, dapat kang umalis kaagad sa sambahayan ng Diyos; huwag mong iraos lang basta ang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ka nabibilang sa sambahayan ng Diyos; hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Umalis ka kaagad.