Paano Hangarin ang Katotohanan (20) Ikaapat na Bahagi
May ilang tao na hindi pa kailanman tunay na tumanggap sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso; hindi nila tinatanggap kahit isang salita ng Diyos. Kapag hindi sila inaangat o ginagamit ng sambahayan ng Diyos, nagrereklamo sila: “Paano nangyaring hindi ako gusto ng Diyos? Bakit hindi ako kailanman inaangat o inilalagay ng sambahayan ng Diyos sa isang mahalagang posisyon? Nakakaunawa ako ng ilang katotohanan, mayroon akong mga adhikain at determinasyon, at handa akong gugulin ang sarili ko para sa Diyos! May pinag-aralan ako at may lakas, at kaya kong magdusa at magbayad ng halaga—kaya bakit hindi ako binibigyan ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Hindi patas ang pagtrato sa akin sa ganitong paraan! Nagkakaroon ng mga pagkakataon ang iba, kaya bakit ako ay hindi? Hindi matuwid ang Diyos!” Kung gayon, bakit hindi mo tingnan kung umaayon ka ba sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aangat at paggamit ng mga tao? Sarado ang puso mo sa Diyos, at lumalaban ka sa mga salitang sinasabi ng Diyos—naisapuso mo na ba ang sinasabi ng Diyos? Hinanap mo na ba kailanman ang mga salita ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay? Hindi ka nakikinig sa sinasabi ng mga salita ng Diyos, at hindi mo kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo, kaya paano ka gagamitin ng sambahayan ng Diyos? Kahit pa maghanda ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, at bigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataong maiangat at magamit, sa anong gawain ka ba magiging kalipikado? Anong gawain ang kaya mong akuin? Kung gagamitin ang gayong tao para sa gawain ng iglesia, tiyak na susundin niya ang sarili niyang kalooban para walang-pakundangang gumawa ng mga maling gawa, at magdulot ng mga paggambala at panggugulo, na maaari lang humantong sa isang bagay: Ititiwalag siya. May dalawang dahilan kung bakit natitiwalag ang mga tao: Ang isa ay pagiging isang huwad na lider na hindi kayang gumawa ng tunay na gawain, at ang isa pa ay pagiging isang anticristo na walang-pakundangang gumagawa ng mga maling gawa at gumagawa ng mga bagay sa sarili niyang paraan, hindi lamang nabibigong itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kundi gumagawa rin ng kasamaan para guluhin at sirain ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa huli, pareho silang dapat itiwalag. Hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, tutol ka sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sarado ang puso mo sa Diyos, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Kahit pa tratuhin ka ng Diyos nang may kabaitan at bigyan ka ng pagkakataon, at kahit pa iangat at gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, hindi ka magiging kalipikado sa gawain, ni makakaya mong umako ng anumang gawain nang mag-isa. Sa huli, kakailanganin pa ring itiwalag ka. Umaasa kang iangat at gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, pero positibo ba ang iyong mentalidad? Kung ang layon mo ay hindi ang tuparin nang maayos ang iyong tungkulin, makamit ang katotohanan, at suklian ang pag-ibig ng Diyos, kung gayon, ang iyong mentalidad ay binubuo ng walang iba kundi mga ambisyon at pagnanais; dulot ito ng pag-aalboroto ng iyong mapagmataas na disposisyon, at hindi ito tinatanggap ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, sa mga pagpapamalas na tulad ng sa iyo, maglalakas-loob ba ang sambahayan ng Diyos na gamitin ka? Kung gagamitin ka, magdudulot lang ito ng problema at kawalan sa gawain ng iglesia. Wala kang kayang gawin nang maayos, at pagkatapos mong gumawa ng isang bagay, kailangang remedyuhan ng ilang tao ang sitwasyon at linisin ang gulo. Samakatwid, hindi naglalakas-loob ang sambahayan ng Diyos na gamitin ka. Ang bawat aytem ng gawain ng iglesia ay napakahalaga—kaya mo bang akuin ang mga ito? Kung may mangyaring mali, kaya mo ba itong panagutan? Hindi ka kalipikado sa gawain at hindi mo ito kayang akuin, pero gusto mo pa ring ilagay ka ng sambahayan ng Diyos sa isang mahalagang posisyon—napakataas naman ng ambisyong iyan! Kung talagang gusto mong maiangat para mamahala sa gawain ng iglesia, bakit hindi mo pagbulay-bulayan na sangkapan ang iyong sarili ng mas maraming katotohanan at unawain ang mas maraming katotohanan? Huwag kang maging kaaway ng mga salita ng Diyos. Bitiwan mo ang sarili mong diumano’y mga tamang kaisipan at pananaw, at basahin mo nang taimtim ang mga salita ng Diyos. Kahit ang pagkakaroon lang ng saloobin ng pagpapasakop sa mga salita ng Diyos ay magiging mabuti na. Wala ka man lang saloobin ng pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, lalong hindi mo tinatanggap ang mga ito. Kung hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos pero gusto mo pa ring maiangat sa sambahayan ng Diyos at gumawa ng gawain ng iglesia, hindi ka magtatagal nang ilang araw bago ka itiwalag. Ang lahat ng ganitong uri ng tao ay tila may sariling mga adhikain sa kaibuturan ng kanilang puso, pero hindi kailanman maisasakatuparan ang mga adhikaing ito, at hindi masisiyahan ang kanilang puso. Bagama’t maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos at gumagampan ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at kaya nilang talikuran ang mga bagay-bagay at gugulin ang kanilang sarili, dahil palaging sarado ang kanilang puso sa Diyos at mayroon silang saloobing lumalaban sa katotohanan, pakiramdam nila ay wala silang nakamit pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon. Sinasabi Ko, “Totoong-totoo ang sinasabi mo; talagang wala kang nakamit.” Kung tunay kang nagkamit ng kaunting katotohanan pagkatapos mong manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, iyon ay talagang magiging mahalaga. Kung talagang may mga kayamanan sa loob mo, kung gayon ay talagang magugustuhan at pahahalagahan ng sambahayan ng Diyos ang ganoong tao. Sa kasamaang-palad, hindi ka ganoong uri ng tao. Ang nakamit mo ay hindi ang katotohanan, ni mga kayamanan; sa halip, ang nakamit mo ay isang ulong punong-puno ng mga hinaing, pagsuway, kawalang-kasiyahan, at mga reklamo. Sinasabi mong wala kang nakamit, at tama iyon; iyon talaga ang totoo. Kung talagang nakaunawa ka ng kaunting katotohanan at nagkamit ka ng kaunting katotohanan, kung gayon ay hindi ka magkakaroon ng mga hinaing, pagsuway, mga reklamo, at iba pang gayong mga negatibong bagay sa iyong puso. Sa halip, magkakaroon ka ng pananalig sa Diyos, pagkaunawa sa Diyos, pagsasaalang-alang sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at takot sa Diyos—lahat ng positibong bagay na ito. Nakapanghihinayang na ang nasa loob mo ay hindi mga positibong bagay, kundi puro mga negatibong bagay. Ngunit mahigpit mong pinanghahawakan ang mga ito, iniisip na ang mga bagay na ito ang pinakamahalaga; habang pinanghahawakan ang mga ito, iniisip mong nasa tama ka at mayroon kang palusot. Isa itong hangal na ideya. Ang galit, pagkamuhi, paghusga, at pagsuway at hinanakit mong iyan ay hindi ang katotohanan. Lahat ng iyon ay mga bagay na nagmumula kay Satanas; malalalang tumor ang mga iyon na nabuo mula sa mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Dapat kang mag-isip ng paraan para malutas ang mga ito. Hindi ka kayang bigyang-kakayahan ng mga bagay na ito na magtamo ng kaligtasan, ni hindi ka kayang bigyang-kakayahan ng mga ito na tanggapin ang katotohanan at humarap sa Diyos nang bukas at lantad para maging isang tunay na nilikha at tumanggap ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Kung, sa kabaligtaran, palagi mong pinahahalagahan ang mga bagay na ito at hindi mo binibitiwan ang mga ito, magdudulot lang ito na lalo ka pang mapalayo sa Diyos, at lalo pang magdilim at lalo pang masadlak ang iyong kalooban. Sa huli, hahantong ito sa pagkakaroon mo ng paunti nang paunting pananalig sa Diyos, at sa pagiging lalo pang nasusuklam sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos, at sa disposisyong diwa ng Diyos. Nananampalataya ka sa Diyos pero unti-unti kang lalong napapalayo sa Kanya; hindi ito isang magandang senyales. Para sa iyo, isa itong kalamidad na magdudulot ng ganap na pagkasira. Dapat mong ituwid ang sitwasyong ito at huwag kang kumapit sa mga bagay na ito. Kung kakapit ka sa mga negatibong bagay na ito, dadalhin ka lang nito patungo sa pagkawasak. Mas mabuti pang ilabas mo ang mga bagay na ito para himayin ang mga ito, bitiwan ang mga ito, at tanggapin ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t sinabi Mo na ang mga taong tulad namin ay walang pakultad para tanggapin ang katotohanan?” Wala kang pakultad para tanggapin ang katotohanan, pero sinasabi Ko sa iyo ngayon: Ang mga hinaing, kawalang-kasiyahan, pagsuway, hinanakit, pagkamuhi, at paghusga sa loob mo ay pawang mga bagay na lumalaban sa Diyos. Kung nauunawaan mo ito at kaya mong kilatisin ang mga problema sa loob mo, dapat mong bitiwan ang mga bagay na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko nauunawaan ang katotohanan, kaya hindi ko alam kung paano bibitiw.” Kung gayon, alam mo ba kung paano sumunod sa mga regulasyon? Gawin mo lang ang anumang ipinapagawa sa iyo ng mga salita ng Diyos. Halimbawa, kaya mo bang umiwas sa paggawa ng masama? Kaya mo bang umiwas sa paghusga sa Diyos? Kaya mo bang gumawa ng mas maraming mabubuting bagay? Kaya mo bang umiwas sa pagsunod sa mga gumagawa ng masama? Kaya mo bang buksan ang iyong puso sa Diyos? Kaya mo bang mag-ulat ng mga problema sa sambahayan ng Diyos kapag natutuklasan mo ang mga ito? Kaya mo bang magsalita mula sa puso kapag nagdarasal sa Diyos? Kaya mo bang umiwas sa pagiging pabasta-basta sa paggawa ng iyong tungkulin? Kung kaya mong gawin ang mga bagay na ito, may pag-asa ka pa. Kung hindi mo magawa kahit ang mga bagay na ito, sasabihin Ko sa iyo ang totoo: Wala ka nang pag-asa. Ang naghihintay sa iyo ay hindi liwanag kundi kadiliman. Isa ka pa ring taong nabibilang kay Satanas, at hindi ka puwedeng maligtas.
Kahit pa hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kung nagtataglay siya ng konsensiya at katwiran, kaya niyang kilatisin kung ano ang tama at mali sa isang antas, anuman ang makaharap niya. Gayumpaman, hindi alam ng mga taong walang konsensiya at katwiran kung ano ang tama at mali sa maraming usapin, na nagiging dahilan para isipin ng iba na napakakakatwa nila. Kapag nakikisalamuha sa kanila o nangangasiwa ng usapin kasama nila ang mga tao, maraming bagay ang hindi umuubra sa kanila, at maraming salita ang hindi tumatagos sa kanila. Bukod dito, ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay iba sa pangkaraniwan at sukdulan, at sa tingin ng mga tao ay hindi ito sukat akalain, na para bang hindi sila kailanman namuhay sa mundo ng mga tao. Hindi nila nauunawaan ang maraming bagay na kinikilala ng lahat bilang tama; bukod sa hindi nila kayang sang-ayunan o tanggapin ang mga ito, kaya pa nga nilang magpahayag ng isang hanay ng mga baluktot na pangangatwiran at mga maling paniniwala. Sa partikular, may ilang tao na madalas gumawa ng mga palihim na pakana sa loob ng isang grupo, naghahasik ng alitan at binabaluktot ang mga katunayan at kasinungalingan. Para bang araw-araw ay wala silang inaasikasong wastong bagay; hinuhusgahan nila ang taong ito o kung hindi naman ay hinuhusgahan ang usaping iyon, at nalulugod sila rito. Kahit pa walang pumapansin sa mga bagay na sinasabi nila, at walang interesado sa mga bagay na ito, hindi pa rin sila napapagod sa pagsasabi at paggawa ng mga ito. Palagi silang naghahasik ng alitan sa mga ugnayan ng mga tao, hinuhusgahan ang iba at binabaluktot ang mga katunayan at kasinungalingan nang palihim. Kapag hindi nasusunod ang gusto nila, naghihimutok sila, nagrereklamo, at nanghuhusga pa nga nang patalikod sa mga tao. Ang kanilang buhay ay ganap na puno ng mga bagay na ito. Hindi mo sila kailanman makikitang nagbabahagi tungkol sa sarili nilang pagkaunawa—nagbabahagi tungkol sa kaliwanagan at liwanag na natamo nila mula sa mga salita ng Diyos, o kaya ay nakikipagbahaginan at nagbabahagi sa lahat ng kanilang karanasan sa isang partikular na usapin. Habang lalong tinatalakay ang gayong mga wastong usapin, lalo silang nananahimik, walang maagap na saloobin, at mukhang walang sigla at hindi makaipon ng anumang lakas. Ang kinahihiligan nila ay ang maghasik ng alitan at magbaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Kahit kapag tinatalakay ang isang usapin, kumikilos sila na parang mga walang pananampalataya sa pagtingin dito mula sa perspektiba ng tama at mali, wasto at hindi wasto, hindi kailanman tinatalakay ang anumang usapin batay sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Palagi nilang ginagampanan ang mga papel ng mga lamok, langaw, daga, at iba pa sa mga grupo ng mga tao, ginugulo at nililigalig ang kanilang mga normal na buhay. Sa sandaling magsalita at magpahayag sila ng kanilang mga pananaw, o magsuri at manghusga ng isang bagay, nakakaramdam ang mga tao ng pagtutol at pagkagulo sa kanilang puso, at ang ilang tao na mababa ang tayog na hindi nakakaunawa sa katotohanan ay nalilihis at nalilimitahan pa nga nila. Ang mga taong ito ay hindi kailanman gumaganap ng isang positibong papel sa isang grupo; palagi silang nagtsitsismisan at nagbabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, pinag-uusapan ang mga pagkakamali ng taong ito at pagkatapos ay kung ano ang ginawa ng taong iyon. Ngunit hindi nila kailanman nararamdaman na mayroong anumang mali sa paggawa nito; sa halip, naniniwala sila na ganito dapat mamuhay ang mga tao, at na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan maaaring maging masaya at malaya ang isang tao. Itinuturing nila ang ganitong maling paraan ng pamumuhay at paraan ng pag-aasikaso sa mga bagay bilang tama, bilang ang paraan ng pamumuhay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at hindi nila tinatanggap kapag pinupungusan at inilalantad sila ng iba. Kung hindi gumagana ang kanilang pamamaraan sa isang partikular na grupo, pumupunta sila sa ibang grupo para maghanap ng mga taong kauri nila—ng iba na kapareho nila ng masamang pag-iisip—para husgahan ang mga tama at mali kasama nila. Sa sandaling makahanap sila ng isang kaisa nila sa isipan, pakiramdam nila na ang bawat araw ng kanilang buhay ay napakasaya at napakaligaya. Sa anumang konteksto, ang papel na ginagampanan ng mga taong ito ay bilang isang taong nagbabaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan, naghahasik ng alitan, sumusubok na mang-akit ng mga tao, at gumugulo at umaatake sa mga tao. Kung tatanungin mo sila kung anong mga nakatagong motibo ang kinikimkim nila sa paggawa nito at kung anong layon ang gusto nilang makamit, hindi nila mismo maipaliwanag nang malinaw kung bakit nila ito ginagawa. Maaaring wala silang malinaw na layon, ngunit ang kondisyon kung saan sila karaniwang namumuhay ay puno ng mga pagpapamalas at pagsasagawang ito. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang katangian ng gayong mga tao? Kung sasabihin mong mayroon silang mga nakatagong motibo sa paggawa nito, puno sila ng mga palusot: “Hindi ko sinasadyang makaapekto sa paggampan ng tungkulin ng sinuman, hindi ko sinasadyang guluhin ang sinuman, at hindi ko sinasadyang guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ko ba puwedeng sabihin kung ano lang ang nasa isip ko?” Kapag inilalantad mo sila, nagiging tutol sila; iginigiit nilang gawin ito nang ganito, iginigiit nilang masunod ang sarili nilang gusto, at iginigiit nilang mamuhay nang ganito kasama ng iba. Kahit sino pa ang husgahan nila o anuman ang mga katunayan at kasinungalingan na baluktutin nila, tama ba ang paraan nila ng pamumuhay at pag-asal? (Hindi.) Ngunit nalulugod pa sila rito. Sasabihin mo bang napakalubha ng problema sa gayong mga tao? (Oo.) Sila ay mga nasa hustong gulang na, ngunit hindi nila alam kung aling mga salita at aling mga kilos ang tama, mahalaga, makabuluhan, at maituturing na pag-aasikaso sa wastong gawain, at hindi nila alam kung aling mga kilos ang maituturing na pagpapabaya sa wastong gawain—ang ganitong uri ng mga tao, sa esensya, ay mga sanggano, hindi mga normal na tao. Nagdudulot man sila o hindi ng mga panggugulo sa iba, dahil sa namumuhay sila araw-araw sa isang kondisyon ng walang-pakundangang paggawa ng mga maling gawa nang hindi nalalaman kung tama o mali ba ang kanilang ginagawa, at itinuturing nila na wastong gawain ang pagbaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan at paghahasik ng alitan habang wala silang anumang kamalayan sa kanilang konsensiya, sasabihin mo bang mayroon silang pagkatao? Kung tunay silang may normal na pagkatao, dapat alam nila kung ano ang mga prinsipyong namamahala sa pagsasalita at pagkilos, at higit pa rito, dapat alam nila na sa pag-asal, dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan, at na ito ang pinakamalaking pangangailangan ng mga tao. Gayumpaman, hindi nila alam kung ano ang kailangan ng mga tao o kung ano ang dapat gawin ng mga tao. Wala silang normal na pagkatao; sila ay mga hayop. Ang ilan ay mas masahol pa nga kaysa sa mga hayop. Tingnan ninyo ang mga pusa: Natutulog sila at minsan ay naglalaro sa araw, at nanghuhuli ng mga daga pagsapit ng dilim. Nakakapinsala sa mga tao ang mga daga, kaya sa paghuli sa mga ito, gumagawa ang mga pusa ng isang bagay na kapaki-pakinabang para sa mga tao. O tingnan ninyo kung paano namumuhay ang mga aso. Bukod sa pakikipaglaro sa kanilang mga amo, binabantayan ng mga aso ang tahanan. Kapag may dumarating na estranghero, nagsisimulang tumahol ang mga ito para alertuhin ang kanilang amo at bantayan ang tahanan. Kapag inilalabas sila ng kanilang amo, nananatili sila sa tabi ng kanilang amo, at kung may lumapit na estranghero, pinoprotektahan nila ang kanilang amo. Tinutupad nila ang papel ng pagprotekta, ang papel ng pagbabantay sa tahanan. Mga pusa o aso man, lahat sila ay kayang mag-asikaso ng wastong gawain. Siyempre, ginagawa ito ng mga hayop hindi dahil sa naghaharing puwersa ng konsensiya kundi dahil sa instinto. Nang likhain ng Diyos ang mga ito, nilikha Niya ang instintong ito at binigyan ang mga ito ng gayong misyon, at nananatili ang mga ito sa misyon ng mga ito, at walang sinuman ang makapagbabago nito. Kaya pa ngang tuparin ng mga hayop ang kanilang mga responsabilidad at mag-asikaso ng wastong gawain. Kung ang isa ay tao, sa pinakamababa, dapat siyang pamahalaan ng konsensiya at katwiran. Dapat mayroon siyang mga pamantayan at isang pinakamababang hangganan sa kanyang puso tungkol sa kung ano ang dapat at hindi niya dapat gawin araw-araw, kung aling mga kilos ang may kaugnayan sa katotohanan, at kung aling mga kilos ang maituturing na pagpapabaya sa wastong gawain. Ang mga pamantayang ito at ang pinakamababang hangganang ito ay maaaring mabilis na masukat gamit ang konsensiya at katwiran ng pagkatao. Halimbawa, ang pagiging mapagpalayaw at walang pagpipigil, ang pagkahilig na magbaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, at iba pa—anong uri ng mga tao ang gumagawa ng mga bagay na ito? Matatanto ng mga normal na tao: “Iyon ay mga bagay na ginagawa ng mga tambay at sanggano na nagpapabaya sa wastong gawain. Masyadong abala ang mga normal na tao sa mga wastong usapin; sino naman ang gagawa ng mga bagay na iyon? Walang saysay ang mga iyon! Bukod pa rito, ang mga bagay na ito na pagbaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan at paghahasik ng alitan ay pawang mga negatibong bagay, ang mga ito ay mga maling bagay. Kung may konsensiya at katwiran ang mga tao, hinding-hindi nila dapat gawin ang mga ito. Paminsan-minsan, maaaring may isang uri ng espesyal na sitwasyon—may isang taong nagpapasama ng loob mo—at maaari kang maghimutok nang kaunti dahil sa pagkamainitin ng ulo, pero hindi mo ito maaaring gawing karaniwan para sa iyong pang-araw-araw na buhay; hindi mo ito maaaring ituring na wastong gawain!” Ito ay isang bagay na maaaring masukat gamit ang konsensiya at katwiran ng isang normal na tao, kaya nagagawa niyang umiwas sa paggawa ng mga bagay na ito. Pero itinuturing ng mga taong hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran ang mga bagay na ito bilang wastong gawain. Hindi sila nababalisa o nag-aalala tungkol sa pag-antala sa kanilang tungkulin. Kapag hindi pa nila natatapos ang kanilang gawain at hinihimok sila ng iba, hindi nila ito sineseryoso. Lahat ng iba ay abala sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, pero nagkukunwari silang hindi ito nakikita. Sa tuwing gusto nila, nakikipagdaldalan sila, nagbabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan o kaya ay naghahasik ng alitan. Ang mga pagpapamalas na ito ay hindi mga pagpapamalas ng normal na pagkatao, kundi mga pagpapamalas ng pagiging di-tao. Bilang isang miyembro ng lahi ng tao, pagkatapos umabot sa hustong gulang, dapat pagbulayan ng lahat ang ilang wastong usapin, tulad ng kung anong pananaw sa buhay ang dapat itatag ng isang tao, kung anong mga adhikain at paghahangad ang dapat taglayin ng isang tao, kung ano ang dapat paniwalaan ng isang tao, kung anong landas ang dapat tahakin ng isang tao, kung paano mamuhay para magkaroon ng halaga at kabuluhan sa buhay na ito, at iba pa—napakaraming bagay ang dapat pagbulayan at maunawaan ng isang tao. Lalo na pagkatapos manampalataya ng mga tao sa Diyos at gumawa ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kung saan malaki ang dami ng bawat aytem ng gawain, nangangailangan ng pag-usad at kahusayan para matapos. Napakaabala ng lahat—sino ang may panahong magbaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan at maghasik ng alitan? Hindi gugugulin ng karamihan sa mga tao ang kanilang oras sa mga bagay na ito. Dagdag pa rito, karamihan sa mga tao ay walang ganitong libangan; sinumang may ganitong libangan ay nagmumukhang napakakakatwa at kakaiba. Iyong mga nagtuturing na isang libangan ang pagbaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan at paghahasik ng alitan ay mga di-tao, dahil ang kanilang pag-uugali ay ganap na naiiba sa pag-uugali ng mga normal na tao, at sumasalungat sa mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay na dapat taglayin ng mga normal na tao. Samakatwid, ang gayong mga tao ay mga tampalasang nagpapabaya sa kanilang wastong gawain. Ang mga bagay na ginagawa nila ay hindi ang dapat gawin ng mga normal na tao; ang papel na ginagampanan nila ay papel ng isang di-tao. Ngunit iniisip nila mismo na ito ay napakabuti at napakatama. Hindi ba’t ito ay hindi pagkaalam kung ano ang tama at kung ano ang mali? (Oo.)
May ilang tao na palaging kumikilos nang palihim at mapanghimasok kapag nakatalikod ang mga tao. Halimbawa, may ilan na mahilig tumingin sa pribadong impormasyon ng ibang tao, tulad ng kanilang mga personal na talaarawan at mga tala sa espirituwal na debosyon. May ilan na mahilig makinig nang palihim sa mga panalangin ng iba, o makinig nang palihim sa mga usapan ng iba para malaman kung nababanggit ba sila at kung ano ang tingin ng iba sa kanila. May ilan na sumisilip sa mga kompyuter ng iba para tingnan kung anong mga mensahe mayroon ang mga ito, kung sino ang kinokontak ng mga ito, kung anong mga kanta ang pinakikinggan ng mga ito, at kung anong mga video ang pinapanood ng mga ito, palaging nag-uusisa sa mga pribadong buhay ng iba. Mayroon ding ilang tao na malilikot ang kamay na naghahalungkat sa mga personal na gamit, mga pakete, at maging sa higaan ng iba nang walang pahintulot. Tinitingnan nila ang anumang kinakain, isinusuot, o ginagamit ng iba. Kung may makita silang magandang bagay, kinukuha nila ito at ginagamit, at kung nasisiyahan sila sa paggamit nito, itinuturing nila itong pag-aari nila. Kapag bumibili ang iba ng ilang meryenda o tinapay, sumisilip sila, at kung may makita silang masarap, kumakagat sila o kumukuha ng isang piraso. Ang intensiyon nila ay hindi lang tumingin, kundi kumain dahil matakaw sila. Kung gusto nilang kumain, puwede naman silang humingi, at walang tatawa sa kanila. Pero bakit nila ninanakaw ang pagkain ng iba nang patalikod? Tama bang gawin ito? (Hindi.) Alam nilang mali ito pero ginagawa pa rin nila, at madalas nila itong ginagawa, hinahalungkat ang mga gamit ng iba na para bang pag-aari nila ang mga ito. Kung matutuklasan, binibigyang-katwiran nila ang kanilang sarili sa pagsasabing tumitingin lang sila, at hindi sila nahihiya rito. Kapag walang tao sa paligid, patuloy silang naghahalungkat at nagnanakaw. Wala silang pagkaramdam ng kahihiyan; hindi man lang nila alam kung wasto ba ito o hindi. Anong uri ng tao ang gumagawa ng gayong mga bagay? Sa pangkalahatan, kahit ang matinong anim o pitong taong gulang na mga bata ay hindi gumagawa ng mga bagay na ito. Kung ginagawa pa rin ito ng isang nasa hustong gulang na, ito ay dahil nakasanayan na nilang gawin ang mga ito mula pagkabata. Para itong isang magnanakaw na nasanay nang magnakaw at nang-uumit saanman siya magpunta. Kahit pa wala namang kulang sa kanya, gusto pa rin niyang magnakaw; naging likas na sa kanya ito at hindi niya maitigil. Kahit pa gusto niyang tumigil, hindi niya kaya. Ipinanganak siyang magnanakaw. Hindi ba’t sila ay mga di-tao? (Oo.) Mausisa ka at iginigiit mong tingnan ang mga personal na gamit ng iba, pero ano ang maidudulot na mabuti ng pagtingin? Kahit pa tumingin ka, hindi sa iyo ang mga iyon, at hindi mo makukuha ang mga iyon. Kung talagang gusto mong humiram ng isang bagay minsan, magpaalam ka lang sa tao, at gamitin mo lang ito pagkatapos niyang pumayag. Gawin mo ang mga bagay nang hayagan at tapat; huwag kang maging palihim. Kung gusto mong isuot ang damit ng iba, hayagan mong hilingin sa kanya na ipahiram ito sa iyo. Maaari mo lang itong isuot kung papayag siyang ipahiram ito sa iyo. Kung may pag-aatubili niyang gustong ipahiram sa iyo ang isang bagay na pinahahalagahan niya, ito ay maituturing na pagmamahal sa pagitan ng mga kapatid. Kung hindi niya ito ipapahiram sa iyo, huwag mo itong isuot nang palihim. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay pawang mga nasa hustong gulang na, ngunit ang ilan sa kanila ay hindi pa rin disente sa kanilang pagkilos, at may ilang indibidwal pa nga na malilikot ang kamay. Palihim nilang hinahalungkat ang mga gamit ng iba nang hindi nalalamang mali ito. Sa sandaling matuklasan sila at pag-usapan sila ng iba, hindi sila nakakaramdam ng kahihiyan, at iniisip pa nga nila, “Ano naman kung hinalungkat ko ang mga gamit mo? Wala namang nawala sa iyo! At hindi naman itinalaga bilang banal ang mga gamit mo, kaya bakit hindi ko puwedeng tingnan ang mga iyon?” Tingnan ninyo, gumagamit pa nga sila ng baluktot na pangangatwiran. Malubha ang problemang ito; hindi lang ito isang isyu sa kanilang pag-uugali, kundi isang problema sa kanilang pagkataong diwa. At ano ang problema sa kanilang diwa? Ang gayong mga tao ay walang anumang kamalayan kapag gumagawa sila ng mali. Sa sandaling may isang taong makatuklas sa kanilang ginawa at ituwid sila, hindi lang nila ito hindi tinatanggap, kundi binibigyang-katwiran pa nila ang kanilang sarili, gumagamit sila ng baluktot na pangangatwiran, at nagpapatuloy sa paggawa nito sa ganoong paraan. Ipinapakita nito na sila ay mga di-tao. Isang katangian ng mga di-tao ay hindi nila kailanman inaamin na mali sila kapag gumagawa sila ng mali, wala silang anumang pagsisisi, nagpupumilit sila sa paniniwalang tama sila, at puno sila ng mga pangangatwiran. Ibig sabihin, sinasabi nilang tama ang mga maling bagay, mga baluktot na bagay, at mga baliko at buktot na bagay. Ito ay pagtuturing na tama ang walang-katotohanang pangangatwiran. Ang kulang sa gayong mga tao ay ang mismong konsensiya at katwiran. Ang mga taong walang konsensiya at katwiran ay mga di-tao. Ang mga ito mismo ang uri ng mga pagpapamalas na mayroon ang mga di-tao. Kapag palihim nilang hinahalungkat ang mga gamit ng iba, paano mo man sila ilantad o bahaginan ng katotohanan, hindi nila ito tinatanggap. Hindi lang sila hindi nakakaramdam ng pagsisisi, kundi gumagamit din sila ng baluktot na pangangatwiran, sinasabi nila, “Hinalungkat ko lang ang mga gamit ng isang tao—ano ang mali roon? Kung ikukumpara sa mga gumagawa ng kahalayan, pagpatay, o panununog, at nakagawa na ng bawat masamang gawa na maiisip, ako na ang pinakamabuting tao! Saan ka pa makakahanap ng isang taong kasingbuti ko?” Hindi ba’t ito ay lubos na hindi makatwiran? (Oo.) Kung may isang taong gumawa ng mali at matigas ang ulong tumatangging umamin, wala na siyang pag-asa. Ang ilang tao ay gumagawa ng mga pagkakamaling napakalubha na hindi katanggap-tanggap kahit pa tasahin gamit ang moralidad ng tao, lalo na kung gamit ang katotohanan; dahil sa kanilang kakayahan, hindi sila nasasangkapan para matanto ito. Pagdating sa pagkatao, sa sandaling walang konsensiya at katwiran ang isang tao, siya ay isa nang di-tao. Gaano man kabuti, kabait, kadakila, o karangal ang tingin mo sa iyong sarili, kung wala kang mga pagpapamalas ng konsensiya at katwiran, kundi sa halip ay isinasabuhay mo ang maraming pagpapamalas ng mga di-tao, at marami ka pa ngang partikular na pagsasagawa at maling kaisipan at pananaw, kung gayon ikaw ay isang di-tao. Ang mga pangunahing katangian ng mga di-tao ay na hindi nila tinatanggap ang katotohanan o mga positibong bagay, kundi tinatanggap nila ang mga maling bagay bilang mga tamang pananaw, at kaya pa nga nilang lituhin ang tama at mali at gawing puti ang itim para ilihis ang mga tao.