Paano Hangarin ang Katotohanan (16) Ikaapat na Bahagi
Ang mga taong walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali ay maaaring makisabay sa ilang tama at positibong pahayag, o sa panlabas, maaari silang sumunod sa iba sa pagkagusto at pag-aasam sa ilang positibong bagay. Gayumpaman, kapag lumipas na ang panahon, nagbago ang kapaligiran, at nagbago rin ang mga tao, pangyayari, at bagay, ang mga positibong bagay na ito ay agad na magiging mga negatibong bagay sa kaibuturan ng kanilang puso, habang ang mga negatibong bagay, na tunay nilang gusto, ay magiging mga positibong bagay naman, magiging mga pakay ng kanilang paghahangad. Ibig sabihin, bago pa nila makita ang anumang negatibong bagay na gusto nila, ang mga positibong bagay ay isa lamang doktrina para sa kanila, at kaya nilang sumunod sa agos at makigaya sa karamihan, ngunit habang sila ay tumatanda at lumilipas ang panahon, ang mga bagay na tunay na minamahal nila sa kanilang puso at ang kanilang mga tunay na pananaw ay kusang lilitaw. Halimbawa, madalas sabihin ng ilang tao, “Mabuti ang manampalataya sa Diyos; ang mga nananampalataya sa Diyos ay lumalakad sa tamang landas at hindi gumagawa ng masama; lahat sila ay mabubuting tao.” Ngunit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon at makita na lahat ng sermon at pagbabahaginan sa sambahayan ng Diyos ay nagsasabi sa mga tao na maging matapat, hangarin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha, nagiging tutol sila rito, at nararamdaman nilang walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos, at gusto nilang lisanin ang iglesia at bumalik sa mundo; wala sa iglesia ang kanilang puso. Ganito ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa katunayan, ang ganitong uri ng tao ay hindi nagmamahal sa mga positibong bagay, at marami silang mga baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala sa kanilang puso. Para sa kanila, ang mga baluktot na pangangatwiran at maling paniniwalang ito ay mga positibong bagay, habang sa kaibuturan ng kanilang puso, sila ay tutol, nasusuklam, at mapanghamak sa tunay na mga positibong bagay, at hindi nila kailanman tinatanggap ang mga ito. Dahil mismo hindi nila kailanman tinatanggap ang mga positibong bagay, at dahil ang gusto nila ay mga negatibong bagay, kaya ang pagkatao ng ganitong uri ng tao ay walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali. Katulad lang ito ng ilang tao na, nang una silang magsimulang manampalataya sa Diyos, ay ginagawa lang ito para sa mga pagpapala. Pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, sa wakas ay nauunawaan nila: “Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na hinihingi sa mga tao na maging matapat, maging deboto at handang magbayad ng halaga sa paggawa ng kanilang tungkulin, maging taos-puso sa Diyos, hindi kumilos nang walang ingat at sutil, at itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Lalo na kapag sumasalungat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa sarili nilang interes, dapat nilang itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at talikuran ang kanilang mga personal na interes.” Pagkatapos maunawaan ang tungkol sa lahat ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan, pinagsisisihan nila ang pananampalataya sa Diyos, sinasabing, “Inakala kong ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng isang malaking grupo, ng isang makapangyarihang puwersang masasandalan, at na basta’t ang mga tao ay maraming bagay na tinalikuran, nagdusa, at nagbayad ng halaga, makakapasok sila sa kaharian at magkakaroon ng magandang destinasyon, at papasok nang buong kapangyarihan sa susunod na kapanahunan, magiging mga panginoon nito at mamumuno bilang mga hari. Ngunit lumalabas na hindi pala ganoon. Ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol pala sa pagtuturo sa mga tao kung paano umasal at kung paano magpasakop sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa partikular, kung nananampalataya ang mga tao sa Diyos, palaging hinihingi sa kanila na maging matapat at magsalita nang matapat, at palaging hinihingi sa kanila na isagawa ang katotohanan; hindi sila pinahihintulutan na sila ang masunod. Ano pa ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos kung ganoon?” Pagkatapos ay nagkakaroon sila ng mga hinaing sa kanilang puso at gusto na nilang tumalikod sa kanilang pananalig. Ngunit pagkatapos ay naiisip nila, “Ilang taon na akong nananampalataya sa Diyos; kung hihinto ako ngayon, hindi ba’t masasayang lang ang pananampalataya ko?” Sa puntong iyon, nag-aatubili silang sumuko. Ngunit kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, hindi naman sila interesado sa katotohanan. Palaging tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang tungkol sa paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad, ang tungkol sa pagpapasakop sa Diyos, paghahanap sa katotohanan, at pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Sawa na silang marinig ang tungkol sa mga bagay na ito at ayaw na nilang marinig pa ang mga ito. Lalo na kapag tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang tungkol sa pagsasagawa sa katotohanan, nababagabag at nasasaktan ang kanilang kalooban; kapag nababanggit ang mga positibong bagay, nakakaramdam sila ng pagtutol at hinahamak nila ang mga ito sa kanilang puso, at ayaw nilang makinig. Ang ilang tao, sa sandaling matanto nila na hindi nila makakamit ang katotohanan o ang isang magandang destinasyon kahit na manampalataya sila hanggang sa huli, ay humihinto na lang sa pananampalataya. Ang ilan sa kanila ay naghahanap ng trabaho o nagnenegosyo, at ang ilan ay umuuwi para mag-asawa. Humihinto sila sa pananampalataya sa Diyos dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Palaging nagsasalita ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan at nagbabahagi tungkol sa katotohanan, na partikular nilang tinututulan. Ipinapakita nito na ang ganitong uri ng tao ay walang konsensiya at katwiran, at walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali. Ang kawalan ng kakayahang kumilatis ng tama sa mali ay nangangahulugan na sa kanilang pagkatao, wala silang pamantayan at kakayahang tukuyin ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay; ito ay isang bagay na wala sila. Kaya, mayroon bang normal na pagkatao ang ganitong uri ng tao? (Wala.) Sila ay mga di-tao. Kung tunay na may pagkatao ang isang tao, isang bagay ang makakapagpatunay nito: Minamahal at hinahangad niya ang mga positibong bagay sa kanyang puso. Kahit sa panahong hindi niya nauunawaan ang katotohanan, inaasam niya ang isang makatarungang lipunan na malaya sa kadiliman, inaasam ang mga positibong bagay, at inaasam na maghari ang katotohanan. Ngunit hindi ibinibigay ng masamang lipunang ito ang espasyong ito para sa kanya, at ang mga tao ay itinatakwil at sinusupil kung may ipapakita silang isang bagay na positibo. Sa ilalim ng ganitong mga sitwasyon, hindi makakamit ng mga taong may pagkatao ang mga positibong bagay na gusto at inaasam nila, kaya nababagabag sila sa kanilang puso. Ngunit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon, nauunawaan nila ang maraming katotohanan, at ang mga katotohanang ito ay naaayon at tumutugma sa mga positibong bagay na minamahal ng kanilang pagkatao, na tiyak na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan para sa mga positibong bagay. Samakatwid, mas lalo pang inaasam ng kanilang puso ang mga positibong bagay. Bagama’t hindi nila lubusang maisasagawa ang katotohanan ngayon—dahil sa mga limitasyon ng kapaligiran, sa kanilang mababang tayog, o sa pagiging limitado at pagkakagapos ng ilang partikular na tiwaling disposisyon—taglay pa rin nila ang kapasyahan at pagnanais na balang araw ay lubusang makapagsagawa ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at sa gayon ay makamit ang pagpapasakop sa mga salita ng Diyos at matugunan ang kanilang mga pangangailangang nagmumula sa kanilang pagmamahal sa mga positibong bagay. Ang gayong mga tao ay yaong ang pagkatao ay nagtataglay ng katangian na makakilatis ng tama sa mali; sila ay mga taong may pagkatao. Kung sinasabi mo lang na minamahal mo ang mga positibong bagay at kinikilala mo sa salita na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos, ito ay pagsasalita lamang ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan. Ang pagsasabi ng magagandang salita at mga tamang teorya, o pagbigkas ng matatayog na salita—kayang gawin iyan ng sinuman. Hindi nito ipinapakita na tunay mong minamahal ang mga positibong bagay. Ngunit kung, kapag naririnig mo ang katotohanan, kaya mo itong mahalin at asamin, at habang mas naririnig mo ang katotohanan ay mas inaasam mo ito at mas lumalakas ang iyong sigla na hanapin ito, at mas tumitibay ang iyong pananalig sa pagsunod sa Diyos at pagkamit ng kaligtasan; at kung sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, nagkakaroon ng mga bunga ang iyong iba’t ibang paghahangad, ang iyong mga tiwaling disposisyon ay unti-unting naiwawaksi, at ang iyong mga kilos ng paglaban sa Diyos at paghihimagsik laban sa Diyos ay paunti nang paunti—kung gayon, ikaw ay isang taong nagmamahal sa mga positibong bagay, ikaw ay isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Ang gayong mga tao ay nagbubunga at nagkakaroon ng mga natatamo sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Mararamdaman mo na nagbago ka na, at na iba na ang iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan kaysa dati. Dati, naghimagsik ka laban sa Diyos at hindi ka nagpasakop sa Diyos, at hindi mo maisagawa ang katotohanan kahit sa napakaliliit na usapin. Ngunit sa pamamagitan ng mga taon na ito ng paghahangad, sa pamamagitan ng mga taon na ito ng paggawa ng iyong tungkulin, at sa pamamagitan ng iyong mga pagsisikap sa lahat ng aspekto, naunawaan mo na ang ilang katotohanan, at kapag nahaharap ka sa mga usapin, kaya mong hanapin ang katotohanan at maghimagsik laban sa mga pagnanais ng iyong laman. Sa ilang mahalagang usapin na kinasasangkutan ng mga prinsipyo, kaya mo ring sumunod sa mga prinsipyo at hindi kumilos ayon sa sarili mong kalooban, at kaya mong itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at itaguyod ang gawain ng iglesia. Nangangahulugan ito na mayroon kang isang tiyak na tayog, na mayroon kang kaunting pagsasagawa at pagpasok sa paghihimagsik laban sa iyong sarili at pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan, at na ang iyong iba’t ibang tiwaling disposisyon ay nagbago na rin sa iba’t ibang antas. Ito ang pagpapamalas ng pagkilatis ng tama sa mali sa mga taong tunay na may pagkatao.
Ang mga taong walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali ay maaaring gusto ring tanggapin ang katotohanan at handang hangarin ang kaligtasan, ngunit kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, hindi nila maisagawa ang katotohanan. Namumuhay pa rin sila ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, madalas na naghihimagsik laban sa Diyos at lumalaban sa Diyos nang wala man lang kamalayan na ginagawa nila ito. Naghimagsik sila laban sa Diyos sa ganitong paraan sampung taon na ang nakalipas, at sampung taon makalipas, kaya pa rin nilang gawin ito. Hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan. May dalawang dahilan para dito: Ang isa ay hindi talaga nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, at kumakapit lang sila sa sarili nilang pangangatwiran, sariling mga kasabihan, at sariling mga pananaw. Ang isa pa ay hindi talaga sila mga taong tumatanggap sa katotohanan. Anumang paraan ang ginawa nila sa paghihimagsik laban sa Diyos sampung taon na ang nakalipas, iyon pa rin ang paraan ng paggawa nila nito sampung taon makalipas, nang walang pagbabago. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, wala silang patotoo ng pagtanggap sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos, lalong wala silang anumang patotoo ng paghihimagsik laban sa laman at sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ipinapakita nito na hindi sila mga taong tumatanggap sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay hindi yaong mga kumikilatis ng tama sa mali. Masasabi ring hindi sila mga taong may pagkatao—sa madaling salita, hindi sila mga tao. Ang ilang tao, pagkatapos marinig ang mga salitang ito, ay hindi makumbinsi sa kanilang puso. Sinasabi nila, “Mahigit sampung taon na akong nananampalataya sa Diyos at palagi kong ginagawa ang aking tungkulin. Sadya lamang na paminsan-minsan ay nagkakamali ako at sumasailalim sa ilang pagpupungos. Hindi ba’t napakanormal niyon? Lahat ay may mga tiwaling disposisyon; sino ba ang hindi nagkakamali? Ano’t anuman, ako ay isang tunay na mananampalataya. Paano Mo nasasabi na wala akong pagkatao?” Totoo na ikaw ay isang tunay na mananampalataya, ngunit ang pagiging isang tunay na mananampalataya ba ay nangangahulugan na kaya mong tanggapin ang katotohanan? Ang pagiging isang tunay na mananampalataya ba ay nangangahulugan na kaya mong maghimagsik laban sa laman at na hindi ka kikilos nang sutil? Ang pagiging isang tunay na mananampalataya ba ay nangangahulugan na kaya mong magpasakop sa Diyos? Hindi. Hindi sapat ang pagiging isang tunay na mananampalataya lamang, at hindi ito nangangahulugan na makakamit mo ang kaligtasan. Ang pagkamit ng kaligtasan ay kritikal na nakasalalay sa kung kaya bang tanggapin ng iyong pagkatao ang katotohanan, at kung kaya mo bang kumilatis ng tama sa mali. Ang pagiging isang tunay na mananampalataya ay hindi ang pinakamahalagang kondisyon para makamit ng mga tao ang kaligtasan sa huli, at hindi rin ito isang pangunahing kondisyon. Sinasabi mo na ikaw ay isang tunay na mananampalataya, ngunit gaano karaming katotohanan na ba ang naunawaan at nakamit mo? Pagdating sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa ilang pagkakataon mo na ba itinaguyod ang mga ito? Kung inaakala mo na ikaw ay isang tunay na mananampalataya, na mayroon kang konsensiya at pagkatao, at na ikaw ay isang tunay na tao, kung gayon, sa parehong usapin, kung kaya mong maghimagsik laban sa Diyos sampung taon na ang nakalipas, kaya mo pa rin bang maghimagsik laban sa Diyos ngayon? Nagbago ka na ba? Naghimagsik ka na ba laban sa laman? Kung hindi ka pa naghihimagsik laban sa laman, magagawa mo ba ito sa susunod na sampung taon? Kung hindi mo pa rin kayang maghimagsik laban sa laman at kaya mo pa ring maghimagsik laban sa Diyos, ipinapakita nito na may problema sa iyong pagkatao. Hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, kaya kahit na sabihin mong ikaw ay isang tunay na mananampalataya, walang silbi ito. Sinasabi mo na handa kang magdusa at magbayad ng halaga, at handa kang gawin nang may debosyon ang iyong tungkulin, ngunit walang halaga ang kahandaang ito. Isa lamang itong rekisito para maisagawa mo ang katotohanan at makapagpasakop ka sa Diyos, ngunit kung maisasagawa mo ba ito sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon ka bang pagkatao. Kung ang iyong puso ay habambuhay na hindi kayang pigilan at kontrolin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at pinipili mong itaguyod ang iyong sariling mga interes, at pinipili mo ang mga negatibong bagay sa halip na mga positibong bagay, ipinapakita nito na hindi minamahal ng iyong pagkatao ang katotohanan at wala itong kakayahang kontrolin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kung wala kang kakayahang kontrolin ang mga pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon noong hindi mo pa nauunawaan ang katotohanan, iyon ay mapapatawad. Ngunit iba na ngayon. Maraming taon ka nang nakikinig sa mga sermon tungkol sa katotohanan, subalit hindi mo pa rin kayang pigilan ang iyong mga tiwaling disposisyon para makapagsagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo at makagawa ng mga tamang pagpili kapag nakakaharap ka ng mga bagay-bagay. Malinaw mong nakikita ang masasamang tao na gumugulo sa gawain ng iglesia, subalit hindi mo kayang tumindig para ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ngunit kapag may pumipinsala sa iyong sariling mga interes, nagagawa mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para ipagtanggol ang mga ito. Sapat na ito para patunayan na walang konsensiya o katwiran sa iyong pagkatao para pamahalaan at pigilan ka upang piliin mo ang tamang landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung gumagawa ka ng gayong mga di-makatwirang bagay subalit sinasabi mo pa ring ikaw ay tao, ipinapakita nito na hindi na gumagana ang iyong konsensiya at katwiran. Kung gayon, hindi ka isang normal na tao, dahil sa iyong pagkatao, walang konsensiya at katwiran, ni anumang bagay na makapagbibigay-kakayahan sa iyo na gumawa ng mga tamang pagpili. Nauunawaan mo ba? Sinasabi ng ilang tao, “Mababa ang tayog ko ngayon. Dahil sa kapaligiran ng aking pamilya at sa pagpapalaki sa akin, ako ay sutil, mapagpalayaw sa sarili, at puno ng pride. Ngunit sa totoong buhay, alam ko kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at alam ko kung ano ang dapat kong gawin at kung ano ang hindi ko dapat gawin. Sadya lamang na dahil mababa ang aking tayog at wala pang sinumang nakakaunawa sa katotohanan na nagbigay-liwanag, nangasiwa at humimok sa akin, hindi ko naisagawa ang katotohanan at nakagawa ako ng ilang pagsalangsang, at medyo nagsisisi ako sa kalooban ko.” Sa totoong buhay, kayang gamitin ng gayong mga tao ang kanilang konsensiya para pamahalaan ang kanilang asal, at para pigilan ang kanilang sarili upang lumakad sila sa tamang landas. Sila ay mga taong maaaring maligtas. Ito ay dahil kaya nilang tanggapin ang katotohanan, kayang isagawa ang ilang katotohanan, at sumailalim na sila sa ilang pagbabago. Medyo mas mabagal lang ang bilis ng kanilang pag-usad kaysa sa karaniwan, at medyo hindi gaanong malawak ang kanilang paglago, ngunit sila ay nagbabago. Katulad lang ito ng kung paanong ang ilang binhi ay mabilis na tumutubo sa matabang lupa, habang ang iba ay mas mabagal tumubo at mas nahihirapang tumubo sa buhangin o sa mga siwang ng bato; ngunit hangga’t may buhay sa mga ito, tutubo ang mga ito. Ganoon din sa mga tao. Hangga’t taglay ng kanilang pagkatao ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga tao, pinatutunayan nito na mayroon silang buhay ng tao—pagkatapos nilang tanggapin ang katotohanan, sila ay magbabago. Kahit na mabagal ang pagbabago—ang iba ay malaki ang nagiging pag-usad sa loob ng sampung taon habang sila ay kaunti lamang ang pag-usad sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon—sa kabila ng kabagalan, sila ay umuunlad sa isang positibong direksyon, sila ay nagbabago, at ang kanilang buhay ay patuloy na lumalago. Gaano man sila kabilis o kabagal na lumago, ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng katangian ng pagkatao. Gayumpaman, may isa pang uri ng tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ngunit walang natatamong paglago sa buhay kahit kaunti. Sinuman ang magbahagi tungkol sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagtutol at ayaw nilang makinig. Anumang kapaligiran ang ihanda ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi sila natututo ng mga aral mula rito, at hindi sila nakakakuha ng positibong gabay at tulong mula rito. Tutol sila sa mga positibong bagay sa kanilang puso. Ang kanilang disposisyon at paraan ng pamumuhay na gawin ang anumang gusto nila ay hindi kailanman nagbago. Ang gayong mga tao ay yaong mga walang konsensiya at katwiran. Hindi sila tao—sila ay mga di-tao. Habang ipinapaliwanag Ko ito sa ganitong paraan, nagiging mas malinaw at mas madaling maunawaan ba ito para sa inyo? (Oo.)
May isa pang uri ng tao: Alam nila na mabuti ang manampalataya sa Diyos, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay; bukod pa rito, malayong-malayo sila sa paggamit ng kanilang konsensiya para pamahalaan o pigilan ang kanilang pananalita at mga kilos. Ang gayong mga tao ay mas madaling kilatisin. Malayong-malayo sila sa pagmamahal sa mga positibong bagay, at hindi rin sila malapit sa pag-unawa sa kahulugan ng mga bagay-bagay. Ang lahat ng ito ay magulo para sa kanila. Kung tatanungin mo sila kung ano ang mga positibong bagay, magsasalita sila ayon sa mga doktrina at sasabihin nila na ang sinasabi at ginagawa ng Diyos ay pawang mga positibong bagay. Magandang pakinggan ang sinasabi nila, ngunit kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, hindi nila maiugnay ang mga ito sa mga salita ng Diyos o makilatis ang mga ito; nagiging lutang ang kanilang isipan, nagiging magulo ang pag-iisip nila at wala silang kalinawan tungkol sa anumang bagay. Kung tatanungin mo sila kung anong mga katotohanan ang nakamit nila mula sa kanilang pananampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, sasabihin nila, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, lahat ng ginagawa Niya para sa tao ay mabuti, at mahal ng Diyos ang tao. Nilalabanan ni Satanas ang Diyos, at pinipinsala, inuusig, at inaabuso ni Satanas ang tao.” Kung tatanungin mo sila kung ano pa ang nakamit nila, sasabihin nila, “Dapat nating gawin nang maayos ang ating tungkulin, dapat tayong magdusa nang higit pa at magbayad ng mas malaking halaga.” Kung tatanungin mo naman sila kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa paggawa ng kanilang tungkulin, sasabihin nila, “Dapat tayong makinig sa anumang sabihin ng mga nakatataas at dapat nating gawin ang anumang ipinapagawa sa atin. Kahit pa marumi at nakakapagod ang gawain, dapat natin itong gawin nang maayos; hindi tayo dapat manggambala at manggulo o magdulot ng problema. Dapat tayong gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa lahat at sa sambahayan ng Diyos.” Lahat ng doktrinang ito na sinasabi nila ay tama, walang kahit isang maling salita sa mga ito. Gayumpaman, kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, wala silang ibinubunyag kundi ilang baluktot at hangal na pananaw, at kahit ilang beses mo silang itama, hindi nila kayang magbago. Anong uri ng mga hamak na nilalang ang gayong mga tao? (Sila ay mga taong magulo ang isip.) Ang mga tao bang magulo ang isip ay mga tao? (Hindi.) Ano ang mga taong magulo ang isip? (Mga animal.) Ang sibilisadong salita ay “hayop,” at ang kolokyal na termino ay “animal.” Gaano man karaming sermon ang pakinggan nila, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, kung ano ang mga positibong bagay, o kung ano ang mga negatibong bagay. Gaano man karaming bagay ang gawin nila na naghihimagsik laban sa Diyos, wala silang kamalayan dito sa kanilang puso at nararamdaman pa rin nila na sila ay likas na mabait at may pusong nakikisimpatiya. Kapag nakakakita sila ng isang taong nagdurusa, nasasaktan sila sa kanilang puso at nais nilang sila na lang ang magdusa imbes na ang taong iyon. Kapag nakakakita sila ng isang taong walang makain o maisuot, gusto nilang ibigay rito ang sarili nilang damit at pagkain. Gaano man karami ang pakinggan nilang mga salita ng Diyos na naglalantad sa katiwalian ng sangkatauhan, nararamdaman pa rin nila na sila ay napakabuti, mas mabuti kaysa kaninuman. Gaano man karaming maling bagay ang gawin nila, hindi nila alam kung saan sila nagkamali, at hindi nila kailanman inaamin na mayroon silang tiwaling disposisyon. Kung tatanungin mo sila, “Ikaw ba ay isang tiwaling tao? Mayroon ka bang tiwaling disposisyon?” Sasabihin nila, “Oo, mayroon. Lahat ng tao ay may katiwalian, kaya puwede bang wala ako? Nagsasalita ka ng mga hangal na salita!” Tinatawag ka pa nilang hangal. Ngunit kapag may ginagawa silang mali, hindi nila ito inaamin, at ipinapasa pa nila ang sisi sa iba. Anumang mali ang gawin nila, hindi nila ito inaamin, at gaano man kalubha ang masasamang gawang ginagawa nila, palagi silang may mga dahilan at katwiran para pangatwiranan ang kanilang sarili. Mayroon bang anumang katwiran ang gayong mga tao? Sila ba ay mga taong kayang kumilatis ng tama sa mali? (Wala silang katwiran at hindi nila kayang kumilatis ng tama sa mali.) Tila nagsisikap sila nang husto araw-araw, nakikinig sa mga sermon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos mula bukang-liwayway hanggang dapithapon, ngunit hindi nila maunawaan ang kahit isang pangungusap ng katotohanan, hindi sila makagawa ng kahit isang bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi makapagsalita ng kahit isang salita na naaayon sa katotohanan. Lalo na ng mga salitang naaayon sa katotohanan—hindi man lang sila makapagsalita ng isang salita na naaayon sa konsensiya at katwiran ng pagkatao; nagsasalita lamang sila ng magugulo at mga balighong salita, at nagbubulalas lamang ng mga baluktot na argumento. Talagang kulang na kulang sa konsensiya at katwiran ang gayong mga tao; sila ay mga taong magulo lang ang isip, na puno ng baluktot na pangangatwiran. Pagkatapos makinig sa maraming sermon, kaya na nilang magsalita ng ilang espirituwal na salita. Kapag naririnig mo silang magsalita ng mga espirituwal na salita, pakiramdam mo ay bihasa at mahusay silang magsalita, ngunit pagdating sa pangangasiwa ng mga usapin, matutuklasan mong sila ay parehong magulo ang isip at baligho. Kapag nagbubulalas sila ng mga baluktot na argumento, maaaring hindi mo malalaman ang sasabihin. Ano ang ibig sabihin ng “hindi mo malalaman ang sasabihin”? Ibig sabihin nito ay hindi mo maisip na may isang taong makakapagsabi ng gayong mga balighong salita o magkakaroon ng gayong paraan ng pag-iisip, na ito ay sadyang hindi mo lubos maisip, at na, sa huli, maaari mo lamang silang tugunan ng pananahimik, na siyang pinakamahusay na paraan upang harapin sila.