Paano Hangarin ang Katotohanan (15) Ikaapat na Bahagi
III. Ang Ikatlong Katangian: Kasamaan
Ngayong natapos na nating pagbahaginan ang mga pagpapamalas ng pagkalihis sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, pagbahaginan naman natin ngayon ang isa pa sa kanilang mga pagpapamalas—kasamaan. Ang mga pagpapamalas ng kasamaan ay may mga pagkakatulad sa mga pagpapamalas ng pagkalihis, pero mayroon ding mga pagkakaiba. Ang mga pagpapamalas ng pagkalihis ay hindi umaayon sa pag-iisip, konsensiya, katwiran, o mga instinto ng normal na pagkatao, at hindi rin umaayon ang mga ito sa iba’t ibang likas na kondisyon ng normal na pagkatao na inorden ng Diyos para sa mga nilikhang tao; sa halip, nilalampasan ng mga ito ang iba’t ibang likas na kondisyong ito ng normal na pagkatao. Ang pangkalahatang pagpapamalas ay pagiging abnormal, higit sa natural, sukdulan, at kakatwa. Ibig sabihin, nakikita ng mga taong may katwiran at konsensiya ng normal na pagkatao na labis na kakaiba ang gayong mga indibidwal, kapwa sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali pati na rin sa kanilang mga kaisipan at pananaw. Sadyang hindi mo maarok kung bakit sila mag-iisip o kikilos sa ganoong paraan. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nauunawaan mo na. Kaya nasaan ang ugat nito? Nasa kanilang kalikasang diwa at sa kanilang katangian bilang mga diyablo ang ugat nito. Sa pangkalahatan, ang mga ito ang mga pagpapamalas ng pagkalihis. Gayumpaman, ang kasamaan ng mga diyablo ay hindi lang sumasaklaw sa ilang karaniwan na nakikitang panlabas na pagpapamalas; sa halip, direktang kinasasangkutan nito ang saloobin ng ganitong uri ng tao sa katotohanan. Ito ay mas ubod pa nga ng sama at mas malubha pa nga kaysa sa pagkalihis. Siyempre, ang mga pagpapamalas ng kasamaan ay inilalarawan din ng kung paano tinatrato ng gayong mga tao ang katotohanan. Una, ang ganitong mga tao na mga diyablo ay mapanlaban sa katotohanan; ito ang unang pagpapamalas ng kasamaan. Ang ikalawang pagpapamalas ng kasamaan ay na, bukod sa pagkakaroon ng saloobin ng pagkamapanlaban sa katotohanan, maagap din itong inaatake ng mga diyablo. Ang ikatlong pagpapamalas ng kasamaan ay na, bukod sa pagiging mapanlaban at pag-atake sa katotohanan, hinihigitan pa ito ng mga diyablo at nais nilang palitan ang katotohanan. Ang kanilang mga pagpapamalas ng kasamaan ay hindi kailanman titigil sa antas lamang ng pagkamapanlaban at pag-atake sa katotohanan; sa halip, sa pundasyon ng dalawang pagpapamalas na ito, nais din nilang palitan ang katotohanan. Ito ang kanilang diwa. Marami sa mga pagpapamalas ng kasamaan sa mga diyablo ay kapareho ng mga pagpapamalas ng mga may diwa ng mga anticristo, na napagbahaginan na natin noon, kaya hindi na kailangan pang pag-usapan nang malalim ang mga aspektong ito. Ngayon, pangunahin nating hihimayin ang tatlong pagpapamalas na ito ng kasamaan sa mga diyablo: ang pagkamapanlaban sa katotohanan, ang pag-atake rito, at ang pagtatangkang palitan ito.
A. Pagkamapanlaban sa Katotohanan
Una, pagbahaginan natin ang pagpapamalas ng pagkamapanlaban sa katotohanan sa mga taong mga diyablo. Marami-rami na tayong napagbahaginan noon tungkol sa paksa ng pagkamapanlaban sa katotohanan; hindi ito ang unang pagkakataon ninyong makarinig ng ganitong paksa. Ang pagpapamalas ng pagkamapanlaban sa katotohanan ay kitang-kita sa mga taong mga diyablo. Ibig sabihin, hindi nila kayang tanggapin ang anumang positibong bagay, ang anumang bagay na tama at umaayon sa konsensiya at katwiran ng pagkatao. Lalo na kapag ito ay isang bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, lalo pa nilang hindi ito kayang tanggapin. Ang kawalan nila ng abilidad na tumanggap ay hindi lang simpleng pag-iling ng kanilang ulo at pagtanggi; sa halip, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at pagkapoot sa kanilang puso, pati na rin ng pagkamuhi. Gaano kalalim ang kanilang pagkamuhi? Kung may sinumang magbabahagi tungkol sa katotohanan nang partikular at may realidad, kinaiinisan nila ang taong iyon. Hindi lang ito kaunting selos—ito ay pagkamapanlaban. Ano ang pagkamapanlaban? Nangangahulugan ito ng pagtrato sa iyo na para bang pinatay mo ang kanilang ama. Sa katunayan, maaaring hindi ka nagkaroon ng anumang malalim na pakikipag-ugnayan sa kanila, at maaaring hindi ka rin nila kilala, pero kung nauunawaan mo ang katotohanan at nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkasuklam sa kanilang puso. Hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam sa isang taong bumibigkas ng mga salita at doktrina, pero sukdulan ang pagkasuklam nila sa sinumang nagbabahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, pakiramdam nila ay para silang pinapatay—umaabot sa ganitong antas ang kanilang pagkamuhi. Ano ang kanilang mga partikular na pagpapamalas? Kapag ang iba ay nagbabahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga layunin ng Diyos, nagiging tutol sila sa sandaling marinig nila ito at hindi sila mapakali. Ang ilan ay nagdadahilan at umaalis, habang ang iba naman ay tumatayo pa nga at lumalabas nang walang anumang pakundangan. Sa kabilang banda, ang mga taong may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, kahit pa hindi nila inaasam o sinasang-ayunan ang mga tamang salita—lalo na iyong mga umaayon sa katotohanan—sa pinakamalala ay hindi nila ito tatanggapin sa kanilang puso, pero kaya pa rin nilang tiisin ito para hindi sila mapahiya. Ngunit ang mga taong mga Satanas ay hindi mapakali. Sa sandaling marinig nila ang katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at pagkabalisa sa kanilang puso, at kapag labis na silang nababalisa na hindi na nila kayang manatili roon, umaalis sila. Kung hindi nila ito magawa, nag-o-online sila para manood ng mga video, hinahayaan nilang lumipad ang kanilang isip at gumagawa sila ng ilang nakakagambalang kilos, iniiba nila ang usapan at nakikibahagi sila sa walang-kuwentang usapan, o itinataas at pinatototohanan nila ang sarili nilang “maluwalhating” kasaysayan habang minamaliit at pinangangaralan ang iba. Sa madaling salita, kung magbabahagi ka tungkol sa katotohanan, makakaramdam sila ng pagkasuklam; ang kanilang saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng sukdulang pagkamapanlaban. Kung hindi ka magbabahagi tungkol sa katotohanan kundi tungkol lang sa ilang gawaing administratibo o pangkalahatang gawain, magbabahagi ng ilang kuwento mula sa pangangaral ng ebanghelyo, o makikipag-usap tungkol sa mga panlabas na usapin, kaya nilang manatili at makipag-usap kasama ng lahat, na mukhang labis na nakakasundo ang iba. Ngunit sa sandaling ibahagi ang katotohanan, lalo na kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, nalalantad ang kanilang diwa at ang kanilang tunay na mukha. Nababalisa sila, at kung makikinig pa sila nang kaunti, pakiramdam nila ay sasabog na ang kanilang ulo. Habang lalo mong binabasa ang mga salita ng Diyos, lalo nilang nararamdaman na hinahatulan sila, at lalo nilang nararamdaman na kokondenahin at ititiwalag sila, at na nanganganib ang kanilang buhay. Habang lalo mong binabasa ang mga salita ng Diyos, lalo silang nakakaramdam ng pagkasuklam at pagkapoot sa kanilang puso, na para bang nagkaroon sila ng kung anong sakit. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t napakalubha ng problemang ito? Maililigtas pa ba ang gayong mga tao? Lalo na pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang matapat na tao, ang mga naghahangad ng katotohanan, dahil gusto nilang maging matapat, ay sinasanay ang kanilang sarili na magsalita nang totoo at maging bukas at ilantad ang kanilang sarili. Kapag naririnig ito ng mga diyablo, nakakaramdam sila ng pagkasuklam sa kanilang puso, hinahamak ka, at kinamumuhian ka. Pakiramdam nila ay mababang-uri ka dahil sa pagsasagawa sa katotohanan, habang sila naman ay marangal—at mas dakila at mas mataas kaysa sa iyo—dahil sa hindi pagsasagawa sa katotohanan. Anong uri ng pananaw ito? Hindi ba’t paggawa ito na maging puti ang itim? Sadyang ganoon ang mga mapanlaban sa katotohanan. Kung magbabahagi ka tungkol sa katotohanan o sa kung anong prinsipyo ng pagsasagawa, hindi ka lang nila hinahamak sa kanilang puso kundi tumututol din sila sa iyo; ni hindi man lang sila titingin sa iyong mga mata. Kung gusto mong talakayin sa kanila ang gawain ng iglesia, palagi silang umiiwas sa iyo; ayaw ka nilang kausapin at pakiramdam nila ay wala kayong anumang pagkakatulad. Maaari kang makipag-usap sa kanila tungkol sa anumang paksa, maliban na lang sa mga may kinalaman sa katotohanan o sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao; ayaw nilang talakayin ang mga paksang ito. Halimbawa, kung sasabihin mo sa kanila, “Pagbahaginan natin kung paano gagampanan ang ating tungkulin nang may katapatan, at talakayin natin kung anong mga problema pa ang umiiral sa paggampan ng ating tungkulin sa yugtong ito at kung paano lulutasin ang mga ito,” sa sandaling marinig ito, pakiramdam nila ay sasabog na ang kanilang ulo, nakakaramdam sila ng sukdulang pagkasuklam sa kanilang puso, at maaari pa ngang mag-alab sa apoy ang kanilang mga mata habang nagiging antagonistiko sila sa iyo. Handa silang magtiis ng anumang paghihirap para maging tapat kay Satanas, ngunit partikular silang nasusuklam sa Diyos at sa katotohanan, hindi tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Sinuman ang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito kayang tanggapin. Kung hihilingin mo sa kanila na mag-aral ng kaalaman o ng mga tanyag na akdang pampanitikan, handang-handa silang gawin ito, pakiramdam nila ay napakamarangal nila. Ngunit kapag nakikinig sila sa mga sermon o sa pagbabahagi ng iba tungkol sa katotohanan, para silang inaabuso o nililitis sa korte. Ang pinakatinututulan nila ay ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at ang pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Samakatwid, sa kanilang pang-araw-araw na buhay, bagama’t gagawa sila ng ilang pangkalahatang gawain at mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan, reputasyon, at pagkakamit ng mga pagpapala sa kinabukasan nila, hindi kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikibahagi sa espirituwal na debosyon ang gayong mga tao. Hindi rin sila nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon at hindi kailanman nagbabahagi ng kanilang personal na kaalamang batay sa karanasan; ang pagdalo nila sa mga pagtitipon ay isang pormalidad lamang. Kung hihilingin mo sa kanila na magbahagi tungkol sa kanilang kaalaman sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, hindi sila makapagbitiw ng kahit isang salita at nakakaramdam sila ng pagkasuklam sa kanilang puso, iniisip na, “Ang magbahagi tungkol sa mga salita ng diyos at sa katotohanan ay isang bagay para sa mga maybahay at mga taong mula sa mabababang antas ng lipunan. Paanong ang isang dakilang tao na tulad ko ay gagawa ng gayong mga bagay? Ako ay isang taong gumagawa ng mga dakilang bagay at dakilang gawain, isang taong tatanggap ng malalaking pagpapala. Pagpasok ko sa kaharian, magiging isang haligi at sandigan ako sa kaharian ng diyos. Ako ay isang taong nagpapasan ng malalaking responsabilidad. Sino ba kayo sa tingin ninyo? Nakakababa ng aking antas na dumalo pa sa mga pagtitipon sa iisang iglesia kasama ninyo!” Tingnan ninyo kung gaano sila kahambog! Ang kanilang pagkamapanlaban sa katotohanan ay pagkamapanlaban sa lahat ng tao at bagay na may kaugnayan sa katotohanan, pati na rin sa mga pagsasagawa at kasabihang may kaugnayan sa katotohanan; mapanlaban pa nga sila sa mga positibong bagay.
B. Pag-atake sa Katotohanan
Kapag binabanggit ng isang tao na ang mga kapatid sa iglesia ay dapat magkaroon ng kagandahang-asal ng isang banal, na ang mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng magkaibang kasarian—sa gawain man o sa pang-araw-araw na buhay—ay dapat isagawa sa loob ng mga partikular na hangganan, na ang lahat ay dapat maging marangal at disente, hindi makibahagi sa walang pakundangang pakikipaglandian, at rumespeto sa mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at mga babae at rumespeto sa kasal, na dapat magsagawa ang isang tao sa bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, at na hindi itinataguyod ng sambahayan ng Diyos ang seksuwal na pagpapalaya, ano ang iisipin ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo sa sandaling marinig nila ito? “Isa iyang makalumang kasabihan, gasgas na iyan. Nasa anong kapanahunan na ba tayo ngayon, nagsasalita pa rin tungkol sa kagandahang-asal ng isang banal at mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae! Noong unang panahon, ang mga emperador sa kanilang mga palasyo ay mayroong buong harem para sa kanilang sarili—napakaringal niyon! Kung mayroon akong abilidad at paraan, kahit pa hindi ako magkaroon ng harem, magkakaroon man lang ako ng mga mapagpipiliang taong makakalandian!” Hindi sila kailanman tumatanggap ng anumang positibong bagay, ng anumang tamang kasabihan, lalo na ng mga salita ng katotohanan, at lubha pa nga silang nasusuklam at namumuhi sa mga ito. Samakatwid, sa pundasyon ng kanilang pagkamapanlaban sa katotohanan, palaging inaatake ng mga taong ito ang katotohanan at ang mga positibong bagay. Anumang aspekto ng katotohanan o partikular na hinihingi ng Diyos ang ibahagi, palagi silang mayroong isang hanay ng mga maling pananampalataya at maling kaisipan na ginagamit para punahin at husgahan ito. Hindi ba’t isang pag-atake ang pagpuna at paghusga na ito? (Oo.) Gaano man karaming tao ang tumanggap sa katotohanan at sa mga positibong bagay, hindi nila kailanman tatanggapin ang mga ito. Naniniwala sila na ang mga itinataguyod ng sambahayan ng Diyos at ang hinihingi ng katotohanan na isagawa ng mga tao ay pawang mga islogan at pormalidad, at na ang tunay na nakakatugon sa mga pangangailangan ng tao ay ang mga makamundong kalakaran; anuman ang itinataguyod ng mga makamundong kalakaran ngayon, iyon ang pinakamataas na katotohanan. Hindi ba’t pagpipitagan ito sa kasamaan? Kaya, anumang aspekto ng katotohanan ang iyong ibahagi, suhetibo silang mapanlaban dito, at higit pa rito, huhusgahan, aatakihin, at lalapastanganin nila ito. Halimbawa, hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat. Paano nila binibigyang-kahulugan ang pagiging isang matapat na tao? “Ang pagiging isang matapat na tao ay para sa mga hangal; mga hangal lang ang nagsasagawa ng pagiging matatapat na tao. Mga hangal lang ang nagsasabi sa iba kung ano ang iniisip nila sa kanilang puso, ang kanilang mga pribadong usapin. Mga hangal lang ang nagsasalita nang totoo. Mga hangal lang ang nagkakatiwala ng kanilang tadhana sa iba para kontrolin. Hindi ako hangal; ang tadhana ko ay nasa sarili kong mga kamay, at walang karapatan ang iba na makialam! Kung gusto ko mang sabihin o hindi kung ano ang iniisip ko sa aking puso, walang karapatan ang iba na makialam. Kung hindi ito isang bagay na gusto kong sabihin sa mga tao, huwag ka nang mangarap na malaman pa kung ano iyon!” Hindi ba’t pagiging tutol ito sa katotohanan at pagkamuhi sa katotohanan? (Oo.) Ang mga tao na mga diyablo ay hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi ito isinasagawa. Bukod sa pagkamapanlaban at pag-atake sa katotohanan, higit pa rito ay gumagamit sila ng iba’t ibang satanikong lason at mga pananaw at pagsasagawa mula kay Satanas para palitan ang katotohanan. Halimbawa, gumagamit sila ng mga pakana, kasinungalingan, iba’t ibang paraan, o ng pagkukunwaring nagtitiis ng paghihirap at nagbabayad ng halaga para ilihis ang iba, bilang mga kondisyon para magkamit ng mga pagpapala at makipagtawaran sa Diyos. Iniisip nila na sa pananampalataya sa Diyos, hindi kailangang maging isang matapat na tao, hindi kailangang maging tapat sa tungkulin, at hindi kailangang tanggapin at isagawa ang katotohanan; hangga’t nagtitiis ang isang tao ng mas maraming paghihirap, nagbabayad ng mas malaking halaga, gumagawa ng mas maraming gawain, gumagawa ng mas maraming mabuting kilos at nag-iipon ng mas maraming merito, gumagawa ng mas maraming bagay na nakakakuha ng pagsang-ayon at mataas na pagtingin ng mga tao, at sa pamamagitan ng mga paraang ito ay nakakamit ang tiwala ng mga kapatid, pati na rin ang kanilang pagtataas at suporta, makakamit nila ang layong ipagpalit ang lahat ng ito para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Hindi ba’t sukdulang katawa-tawa ang pananaw na ito? (Oo.)
Paghusga man ito at pagkondena sa katotohanan, pagkamapanlaban at pag-atake sa katotohanan, o palaging pagnanais na gamitin ang mga maling pananampalataya at maling kaisipan ni Satanas para palitan ang katotohanan, lahat ng ito ay mga partikular na pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga diyablo ang katotohanan. Anuman ang mga pagpapamalas na ito, pawang ganap na inilalantad ng mga ito ang masamang diwa ng mga diyablo. Ang pagkamapanlaban sa katotohanan, pag-atake sa katotohanan, at pagtatangkang palitan ang katotohanan—ang mga ito ay mga gawang mga diyablo lang ang makakagawa. Mga diyablo lang ang tumatrato sa katotohanan at sa Diyos nang may gayong pagkamuhi, paghusga, at pagkondena, at may kakayahang gumamit ng anumang paraan para ilihis, linlangin, at akitin ang mga tao palayo sa katotohanan at palayo sa Diyos. Mga diyablo lang ang mag-iisip ng lahat ng paraan para dayain at makuha ang tiwala, suporta, at papuri ng mga tao, para makamit ang kanilang layon na bilhin ang puso ng mga tao at kontrolin sila, sa pagtatangkang palitan ang lugar ng Diyos sa kanilang puso. Sa madaling salita, ang katunayang nagkakaroon ang mga diyablo ng gayong saloobin sa katotohanan at sa mga naghahangad ng katotohanan ay naglalantad na ang kanilang diwa ay kasamaan. Ang mga positibong bagay at ang katotohanan ang inaasam at minamahal ng lahat ng nilikhang tao, at karapat-dapat din ang mga ito na pahalagahan ng mga tao. Siyempre, ang mga ito rin ang pinakakailangan ng mga nilikhang tao. Ito ay dahil ang katotohanan ay isang esensyal na bagay para makalaya ang sangkatauhan mula sa impluwensiya ni Satanas, makatahak sa tamang landas, at magawang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Para makamit ng mga normal na tao ang kaligtasan, ang paghahangad sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan ay isang kinakailangang proseso; wala nang ibang paraan. Kahit na mahirap para sa kanila na tanggapin at isagawa ang katotohanan dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon, mula sa perspektiba ng kanilang kaibuturang pagkatao at ng kanilang subhetibong kalooban, hindi sila mapanlaban sa katotohanan; ang kanilang subhetibong saloobin ay hindi isang saloobin na mapanlaban sa katotohanan, ni hindi rin ito isang saloobin ng sadyang pag-atake sa katotohanan o pagsubok sa lahat ng paraan na gumamit ng anumang mga maling pananampalataya at maling kaisipan para palitan ang katotohanan. Si Satanas lang ang makakagawa nito; ang diwa nito ng pagkamapanlaban sa katotohanan ay kapareho ng sa malaking pulang dragon. Anuman ang isang positibong bagay, anuman ang may kinalaman sa katotohanan, itinatatwa, kinokondena, at tinatanggihan ito ni Satanas. Kahit na hindi nagdudulot ng banta kay Satanas ang mga katotohanang ito, mapanlaban at namumuhi pa rin ito sa mga ito; ito ay idinidikta ng kalikasan nito. Dahil may masamang kalikasan ang mga diyablo, ang katotohanan, para sa kanila, ay ang kanilang kaaway. Ano ang ipinahihiwatig ng salitang “kaaway”? Ipinahihiwatig nito na ang magkakaaway ay hindi kailanman maaaring maging magkaayon, hindi kailanman magiging magkaibigan, hindi kailanman magiging mga kasamang may iisang isipan. Ito ay tulad ng malaking pulang dragon. Tinatrato nito ang mga nananampalataya sa Diyos nang may partikular na pagkamuhi at pagkamapanlaban. Hangga’t tumitigil ka sa pananampalataya sa Diyos at iniinsulto mo ang Diyos, maaari kang gumawa ng anumang kasamaan sa lipunan—wala itong pakialam kung magnakaw ka, mang-agaw, o makibahagi sa mahahalay na aktibidad; maaari kang makipagsabwatan dito at gumawa ng anumang masamang bagay. Ngunit kung mananampalataya ka sa Diyos at tatahakin mo ang tamang landas, hindi nito iyon papayagan; aarestuhin ka nito, uusigin ka, at papatayin ka pa nga. Sadyang hindi ka nito hahayaang umiral. Hangga’t umiiral ka, isa kang tinik sa tagiliran nito; sa bawat araw na umiiral ka, nakakaramdam ito ng pagkabagabag at hindi mapakali sa loob nito. Kapag nalipol ka na nito, kapag hindi ka na umiiral, saka lang ito nakakaramdam ng tagumpay, kapanatagan, at kapayapaan. Ang saloobin ng mga taong mga diyablo sa katotohanan ay pareho sa kalikasan ng pagkamuhi ng malaking pulang dragon sa katotohanan. Kung hinahangad mo ang katotohanan, isinasagawa ang katotohanan, ginagawa ang lahat ayon sa mga prinsipyo, may paninindigan, at itinataguyod ang mga prinsipyo, kaiinisan at kamumuhian ka nila. Kung magiging mga lider sila at magkakaroon ng kapangyarihan, iisipin nila ang lahat ng paraan para humanap ng panghahawakan laban sa iyo para pahirapan ka, at ididiin ka pa nga sa kung anong kasalanan para alisin ka. Kapag ang mga naghahangad sa katotohanan ay naibukod na nilang lahat, at ang mga natitira sa iglesia ay pawang mga taong magugulo ang isip at mga hindi nakakaunawa sa katotohanan kahit kaunti, nakakaramdam sila ng kaligtasan, na wala nang banta sa kanila, at na magiging madali na ang kanilang mga araw. Samakatwid, ang mga taong mga diyablo ay hindi lang mapanlaban sa katotohanan kundi mapanlaban din sa mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t ipinapakita nito na mayroon silang masamang kalikasan? (Oo.) Ang ilang tao, pagkatapos makondena, maibukod, at mapahirapan ng mga diyablo, ay nagsasabi, “Hindi ko naman pinasama ang loob nila, pero bakit kinaiinisan nila ako?” Hindi ba’t pagsasalita ito ng magulo ang isip? Hindi ba’t pagkabigo itong makita ang totoong sitwasyon at kawalan ng kakayahang kumilatis ng mga tao? Inaaresto at inuusig ba ng malaking pulang dragon ang mga Kristiyano dahil lumalabag sila sa mga batas at gumagawa ng mga krimen? O dahil nakikilahok ang mga Kristiyano sa mga aktibidad pampulitika para pabagsakin ito at agawin ang kapangyarihang pampulitika nito? (Parehong hindi.) Kung gayon, bakit nito ginagawa ito? Hindi tayo nakikilahok sa pulitika, ni hindi natin ito sinasalungat o inilalantad, lalo nang hindi tayo nakikibahagi sa mga aktibidad pampulitika para agawin ang kapangyarihan nito. Kung gayon, bakit nito sinusupil at inaaresto ang mga nananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan? Ito ay dahil lang sa sinusunod mo ang Diyos, tinatanggap ang katotohanan, at dinadakila ang Diyos at sinasamba Siya kaya namumuhi ito sa iyo. Naniniwala ito na ipinagkanulo mo ito; hindi mo ito sinusunod, sinasamba, at hindi ka nagpapasakop dito, kaya kinamumuhian ka nito. Kaya, nais nitong supilin at wasakin ka, para makamit ang layong mapaglaho ka. Dahil lang sa ito ay isang masamang diyablo, at mayroon itong kalikasang diwa na mapanlaban sa katotohanan, kung susundin mo ang Diyos, magiging mapanlaban ito sa iyo, kamumuhian ka nito, at susubukan nito ang lahat ng paraan para pahirapan ka, wasakin ka, at agawin ka mula sa tabi ng Diyos. Ito ang layunin nito. Kung titigil ka sa pagsunod sa Diyos, hindi ito magiging ganoon kamapanlaban sa iyo. Siyempre, magtatangka pa rin itong wasakin, gawing tiwali, paglaruan, at kontrolin ka. Kung magagawa mong sambahin at sundin ito, malulugod ito at hindi ka pahihirapan, ngunit sa huli, maililibing ka lang kasama nito. Walang sinumang sumasamba kay Satanas ang nagkakaroon ng magandang katapusan!
Ang kalikasan ni Satanas ng paglaban sa Diyos ay hindi kailanman magbabago. Bakit ang mga kay Satanas na mga anticristo ay labis na mapanlaban sa katotohanan at sa Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, gaano ba kasama ang kanilang kalikasang diwa! Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, ang gawain ng Diyos, ang anumang positibong bagay, o mga tamang kasabihan at pagsasagawa, nang walang eksepsiyon. Hindi lang sila nakakaramdam ng pagkasuklam sa kanilang puso at tumatangging tanggapin ang mga ito, kundi aktibo rin silang gumagawa ng masama para labanan ang Diyos, at nagkakalat ng iba’t ibang walang batayang tsismis at mga maling kaisipan para kondenahin ang katotohanan at mga positibong bagay. Nais din ng masasamang taong tulad nito na magkamit ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos; pumupuslit sila papasok sa sambahayan ng Diyos, ngunit dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, sila ay nabubunyag at natitiwalag. Halimbawa, ang pagtanggap sa pagpupungos ay isang positibong bagay. Kapag ang mga normal na tao ay gumagawa ng mali at pinupungusan, pagninilayan nila ang kanilang sarili. Kung ang kanilang maling gawa ay dahil sa maling mga intensyon o sa isang tiwaling disposisyon, hahanapin nila ang katotohanan para lutasin ito. Kung ang kanilang pagkakamali ay nangyari dahil mahina ang kanilang kakayahan at hindi nila nakita nang malinaw ang mga bagay-bagay, aktibo rin silang maghahanap ng landas para lutasin ito, maghahanap ng mga taong may mahusay na kakayahan na nakakaunawa sa katotohanan para tulungan at gabayan sila. Sa madaling salita, sa ilalim ng gabay at regulasyon ng kanilang konsensiya at katwiran, tatratuhin nila nang tama ang pagpupungos. Ngunit paano tinatrato ng mga taong mga diyablo ang pagpupungos? Ang mga diyablo mismo ay mapanlaban sa katotohanan, ngunit dahil sa kanilang masamang kalikasan, hinding-hindi sila titigil sa pagkamapanlaban lamang; kokondenahin, lalabanan, at lalapastanganin din nila ang katotohanan. Kaya kapag sila ay pinupungusan, buong-lakas nilang sinusubukang mangatwiran at ipagtanggol ang kanilang sarili. Hindi lang nila itinatanggi ang katotohanan, kundi inaatake at kinokondena rin nila ang mga pumupungos sa kanila, at nagkakalat pa nga ng gayong mga salita: “Napakahirap manampalataya sa diyos! Ang mga may mahinang kakayahan sa atin na hindi nakakaunawa sa katotohanan ay mapapaalis lang sa huli. Hindi madaling maging palamunin ng sambahayan ng diyos! Ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang daan pasulong; wala tayong magawa kundi ang mapahirapan ng iba. Paano man tayo paglaruan ng iba, kailangan lang nating tiisin ito. Sino ang masisisi natin kundi ang sarili nating mahinang kakayahan? Kung mahina ang kakayahan mo, mas mababa ka sa iba!” Hindi lang nila hindi tinatanggap ang pagpupungos o pinagninilayan at kinikilala ang kanilang sarili, hindi rin sila naghahanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa o ng isang landas ng pagsasagawa para lutasin ang problemang ito. Kung talagang mahina ang kanilang kakayahan, paano nila, sa pundasyon ng kanilang likas na mga kondisyon, maibibigay ang kanilang buong makakaya para magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at maalay ang kanilang katapatan? Mag-iisip ba sila sa ganitong paraan? Sila ay mapanlaban sa katotohanan, kaya hinding-hindi sila mag-iisip sa ganitong paraan. Higit pa rito, lalo pa silang magiging matindi sa mga bagay at gumawa ng paghusga at paninirang-puri, lihim pa ngang isinusumpa sa kanilang puso ang mga pumupungos sa kanila: “Hmp! Ginawa mo akong hindi komportable ngayon. Isang araw, ipapakita ko sa iyo kung sino ako! Sa tingin mo ay mahina ang kakayahan ko? Maraming taon na akong nananampalataya sa diyos, samantalang ikaw ay ilang taon pa lang na nananampalataya! Kinaiinisan mo ako? Isang araw, ipaparanas ko sa iyo ang mga kahihinatnan, idudulot ko na mamatay ka nang kahindik-hindik!” Nakikita mo, kapag sila ay pinupungusan, bagama’t wala silang sinasabi at nakangiti pa nga, ang kanilang puso ay nag-uumapaw sa hinanakit, pagkamuhi, at mga sumpa. Ipinapakita ng ilang tao ang kanilang pag-ayaw na tanggapin ang pagpupungos, paminsan-minsan ay nagbibitaw ng mga salita ng reklamo, pag-atake, o paghusga. Hindi lang sila mapanlaban sa pagpupungos, kundi nagkukusa rin silang atakihin ang mga pumupungos sa kanila, hindi tinatantanan ang sinumang gumagawa nito sa kanila. Ang ilang babae ay maaaring medyo maliit at mukhang napakarupok sa panlabas, ngunit kapag may isang taong tunay na pumupungos sa kanila, sumisiklab sila sa galit: “Labis na akong nagdusa sa pananampalataya sa diyos sa loob ng lahat ng taong ito—naging madali ba ito? Kinaiinisan mo ako—aba, nangangaral na ako ng ebanghelyo noon pa man, bago ka pa man isilang! Sinusubukan mo ba akong apihin dahil lang sa mas matanda ako? Sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi iyan mangyayari! Magtanong-tanong ka—kanino na ba ako sumuko sa buong buhay ko?” Matatanggap ba ng mga taong may ganitong uri ng disposisyon ang katotohanan? Tiyak na hindi. Hindi nila hindi tinatanggap ang pagpupungos, kundi isinusumpa pa nila ang mga pumupungos sa kanila. Hindi ba’t labis silang mapaminsala? Ang mga taong mga diyablo at mga Satanas ay mapanlinlang, tuso, taksil, at mapanlamang. Dahil ang kanilang saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng pagkamapanlaban at pag-atake, kapag nalantad ang kanilang masasamang gawa at nahaharap sila sa pagpapaalis o pagpapatalsik nang walang pag-asang magkamit ng mga pagpapala, hinding-hindi sila magiging ganoon kabait o kaamo, kundi gagamit sila ng mga paraan para lumaban. Ang ilan ay gumagawa ng mga kasinungalingan, sinasabing pinahihirapan sila ng mga lider at manggagawa, inuudyukan ang iba na ipagtanggol sila, sadyang ginugulo ang gawain ng iglesia. Ang iba ay nagkukunwaring nagpapasakop, sinasabing, “Paano man ako tratuhin ng sambahayan ng diyos, kahit na ipadala ako sa isang grupong B o paalisin, gagampanan ko pa rin ang aking tungkulin. Tapat ako sa diyos, at hinding-hindi ko itatatwa ang daang ito o isusuko ang aking tungkulin.” Nagpapanggap sila para linlangin ang mga tao, pinagmumukha nilang nagsisisi sila, na para bang kaya nilang tumanggap at magpasakop paano man sila tratuhin ng sambahayan ng Diyos at hindi nila isusuko ang kanilang tungkulin. Sa katunayan, nililinlang at pinaglalaruan ka nila. Iniisip nila: “Hmp! Gusto mo akong gamitin para magserbisyo? Asa ka pa! Kapag ipinapahayag ko ang aking determinasyon sa iyo at sinasabi kong handa akong gampanan ang aking tungkulin, pormalidad lang iyon, niloloko ko lang kayo!” Sa panlabas, mukha silang partikular na maamo at masunurin, na nagpapaisip sa mga tao na handa silang gumampan ng tungkulin. Ngunit kapag talagang isinaayos mo na gumampan sila ng tungkulin, sila ay pabasta-basta, gumagamit ng panlilinlang at nililinlang ka, at naglalaho pa nga na parang bula. Maaaring mahigit sampung araw na mula nang atasan sila ng isang gawain, at walang magiging anumang pag-usad. Ang ilang tao ay ignorante at walang pagkilatis, at malilito sila rito, iisipin na: “Napakasinsero nila noong pumayag silang gawin ito, sinasabing handa silang gampanan ang kanilang tungkulin. Hindi naman sila mukhang nagsisinungaling. Paanong hindi na sila mahagilap ngayon?” Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang katotohanan: Sila ay malalaking manloloko lang, sila ay mga diyablo. Ano ang turing ng mga taong diyablo sa paggampan ng tungkulin? Itinuturing nila ito bilang paggamit sa kanila ng sambahayan ng Diyos para magserbisyo, bilang paglalaro sa kanila. Ito ang mentalidad ng mga taong diyablo sa paggampan ng tungkulin. Ano ba ang mayroon sa iyo na karapat-dapat gamitin? Sa pinakamainam, nakakaunawa ka lang nang kaunti tungkol sa isang partikular na propesyon. Kung may pangangailangan ang sambahayan ng Diyos sa gawain sa larangang ito, sa pinakamabuti ay nangangahulugan itong angkop kang gampanan ang tungkuling ito. Ang paggamit sa usapin ng paggampan ng tungkulin para sukatin ka at humingi sa iyo ay isang pagtataas sa iyo. Kung tatanggi ka at hindi ka tatanggap, nabibigo kang magpahalaga ng kabaitan. Ganito kahindi tinatablan ng katwiran ang mga taong mga diyablo. Humihiling silang gampanan ang isang tungkulin, at kapag nagsasaayos ang iglesia ng gawain para sa kanila, ipinagpapalagay nilang nais silang gamitin ng sambahayan ng Diyos. Kung talagang mayroon kang halaga para magamit sa iglesia, ito ba ay mapalad o sawimpalad para sa iyo? (Mapalad.) Ito ba ay isang kasawian o isang pagpapala para sa iyo? (Isang pagpapala.) Bakit mo nasasabing isa itong pagpapala? (Ang kakayahang magserbisyo sa Diyos ay pagtataas ng Diyos, kaya isa itong pagpapala.) Dapat mong maunawaan ito: Ang pagseserbisyo sa Diyos ay pagtataas ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagtataas? Nangangahulugan ito na mayroon kang kaunting kalakasan sa propesyon na maaaring magamit sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na isang pagkakataong ibinibigay sa iyo ng Diyos, na binigyan ka ng Diyos ng pagkakataong magserbisyo para sa Kanya, isang pagkakataong makamit ang kaligtasan, at na ito ay isang pangunahing kondisyon para pagpalain ka. Kapag taglay mo na ang pangunahing kondisyong ito ay saka ka lang maaaring magkaroon ng pagkakataong tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan nang hakbang-hakbang, at makamit ang kaligtasan. Kung wala ka man lang anumang kapaki-pakinabang na katangian, kung gayon, sa sambahayan ng Diyos ay wala kang silbi. Magtutustos pa rin ba ang sambahayan ng Diyos para sa iyo nang libre? Kung wala kang magagawang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kung gayon ay wala kang wasto at makatwirang daluyan at pangunahing kondisyon para mapanatili ang isang normal na relasyon sa Diyos. Kung hindi ka magagamit sa anumang partikular na gawain sa sambahayan ng Diyos, nangangahulugan itong hindi ka nakapagtatag ng anumang relasyon sa Diyos, at sa gayon ay wala kang pagkakataong lumapit sa harapan ng Diyos, walang pagkakataong tanggapin ang anumang hakbang o anumang yugto ng gawaing ginagawa ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Kung gayon, mayroon ka pa bang pagkakataon at mga kondisyon para makamit ang kaligtasan? Samakatwid, kung sinasabing mayroon kang halaga para magamit, maaaring hindi ito magandang pakinggan sa mundong walang pananampalataya, at marahil ang “paggamit” ay isang negatibong termino roon—ngunit sa sambahayan ng Diyos, kailangan mong tingnan kung sino ang gumagamit sa iyo. Paano dapat bigyang-kahulugan ang “paggamit” na ito? Kung ginagamit ka ng Diyos, pinatutunayan nitong mayroon ka pang halaga at maaari ka pang magserbisyo sa Diyos. Kapag nagseserbisyo ka sa Diyos, hindi ba’t pagtataas ito ng Diyos sa iyo? (Oo.) Ito ay pagbibigay sa iyo ng Diyos ng isang pagkakataon, pagtataas sa iyo ng Diyos. Ito ay isang mabuting bagay; pinatutunayan nitong may pagpapahalaga sa iyo ang Diyos at handa pa rin Siyang bigyan ka ng pagkakataon. Kaya, kahiya-hiya ba ang magamit ng Diyos? Ito ba ay isang kawalan? Nawawalan ka ba sa pagpapagamit? Nagiging dahilan ba ito para mawala ang iyong pride o dignidad? Hindi, higit pa ang nakakamit mo. Binibigyan ka nito ng pagkakataong humarap sa Diyos para tanggapin ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos. Hindi ka nawawalan kahit kaunti; nakakakuha ka ng malaking kalamangan. Ngunit hindi ito nakikita sa ganitong paraan ng mga nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo. Mayroon silang masamang kalikasan. Paano man sila gamitin at gawing tiwali ni Satanas, wala silang pagtutol; lubos silang nasisiyahan dito. Kung gagamitin sila ng mga opisyal ng gobyerno, itinuturing nila itong mapalad, isang tanda ng kasaganaan. Hindi sila kumikilatis, sumasalungat, lumalaban, o tumatanggi rito. Ngunit sa iglesia, kung iaangat sila para gampanan ang isang tungkulin, pakiramdam nila ay nagseserbisyo sila, na ipinagbibili nila ang buhay nila, at na ginagamit sila ng iglesia. Halimbawa, may isang babae na nakakaunawa nang kaunti tungkol sa isang partikular na kasanayang propesyonal, kaya isinaayos ng iglesia na gumawa siya ng gawain sa larangang ito. Bukod sa hindi niya ito kayang tanggapin mula sa Diyos, nakakaramdam din siya ng partikular na pagkasuklam sa kanyang puso: “Sinusubukan mo bang gamitin ako? Imposible iyan! Hindi ako ganoon kahangal! Nabuhay ako nang ganito katagal at hindi pa kailanman nagamit ng sinuman. Hindi pa naipapanganak ang taong makakagamit sa akin!” Hindi mo kailangang mainis nang husto. Kung handa kang gampanan ang iyong tungkulin, tanggapin mo ito mula sa Diyos at gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung hindi ka handang gampanan ang iyong tungkulin, lisanin mo ang sambahayan ng Diyos. Bukas ang tarangkahan ng sambahayan ng Diyos; maaari kang umalis anumang oras at pumunta saan mo man gusto. Ipinagkakaloob ng Diyos ang katotohanan sa mga tao nang libre. Ang pagkakaloob ng Diyos ng katotohanan at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa mga tao ay pawang walang bayad. Humingi ba Siya sa iyo ng kahit isang kusing? (Hindi.) Gumagawa ka ng kaunting tungkulin ngunit itinuturing mo itong paggamit sa iyo ng Diyos. Hindi ba’t kawalan ito ng konsensiya, pagkabigong magpahalaga ng kabaitan? Ano naman kung gamitin ka ng Diyos? Mali ba iyon? Ang mismong buhay mo ay ibinigay ng Diyos. Hindi ba karapat-dapat ang Diyos na gamitin ka? Hindi ba Siya kalipikado? Maaari ka bang umaktong mataas at makapangyarihan dahil lang sa nakakaunawa ka nang kaunti tungkol sa isang propesyon? Kailangan bang maging labis na mapagpaalipin ang Diyos, magalang na nagmamakaawa sa iyo, nangangako sa iyo ng mga bagay, itinataas ka at inilalagay ka sa isang trono—magpapasaya ba iyon sa iyo? Hindi kayang maunawaan nang tama ng mga taong walang normal na pagkatao ang usapin ng paggampan ng tungkulin. Palagi nilang sinasabi, “Ginagamit ako ng sambahayan ng diyos. Hindi ako ganoon kahangal; mga hangal lang ang handang magpagamit sa diyos!” Nakikita mo, ang kaisipang ito ay kapwa lihis at masama, at lubos na hindi makatwiran! Paano dapat tratuhin ang gayong mga tao? Madali lang: Paalisin man sila o italaga sa isang grupong B, dapat lang silang alisin. Kung takot na takot kang magamit, bakit kumakapit ka pa rin sa sambahayan ng Diyos at sinasabing gusto mong gampanan ang isang tungkulin? Hindi ba’t pagiging mapagpaimbabaw ito at panlilinlang sa mga tao? Kung takot kang magamit, hindi ka kailanman gagamitin ng sambahayan ng Diyos para gampanan ang isang tungkulin; hindi namimilit ng mga tao ang sambahayan ng Diyos. Ngayon na ang panahon kung kailan ang bawat isa ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri. Sinumang handang gampanan ang kanilang tungkulin ay mananatili; sinumang hindi handang gampanan ang kanilang tungkulin ay dapat na mabilis na lumisan sa iglesia at hindi na kailanman bumalik. Hindi pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang sinuman. Tanging ang mga kusang-loob na gumagampan ng kanilang tungkulin ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga hindi handang gampanan ang kanilang tungkulin ay pawang mga alipin ni Satanas, narito para guluhin ang gawain ng iglesia. Nais ng ilang tao na magkamit ng mga pagpapala sa pamamagitan ng paggampan ng kanilang tungkulin, ngunit kasabay nito, takot silang magamit. Sila ba ay mga taong may konsensiya at katwiran? (Hindi.) Palagi silang takot na magdusa ng mga kawalan, palagi nilang nadarama na sinasamantala sila ng sambahayan ng Diyos, na sila ay nagdurusa ng labis na kawalan. Hindi ba’t pagkabigo ito na malaman kung ano ang nakakabuti para sa kanila? Anong kawalan ang dinanas mo? Kung susubukan mong ipagpalit ang iyong mga teknikal na kasanayan para sa katotohanan at para sa kaligtasan, sinasabi Kong hindi mo magagawa ang pagpapalit na iyon; hindi ka karapat-dapat, hindi ka kalipikado. Ang mga salita ng Diyos ay buhay; ang mga ito ang pinakamakapangyarihang sandata para maiwaksi ng sangkatauhan ang mga tiwaling disposisyon at makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas. Tanging ang mga salita ng Diyos, tanging ang katotohanan, ang makakalipol sa dating sangkatauhan na nagtataglay ng kalikasang diwa ni Satanas. Tanging ang buhay ng Diyos, tanging ang katotohanan, ang makapagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay at wakasan ang tadhana ni Satanas. Ang buhay ng Diyos at ang katotohanan ay mga kayamanang walang katumbas; walang materyal na bagay sa mundo at walang anumang itinuturing na mahalaga ng mga tao ang maipagpapalit para sa mga ito. Kahit na ialay ng mga tao ang kanilang buhay, ang mga ito ay hindi maipagpapalit para sa mga ito, lalo pa ang kanilang kakarampot na teknikal na kasanayan. Ang katotohanan ay hindi ipinagbibili; hindi ipinagbibili ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, hindi ipinagbibili ang buhay. Kaya ano nga ba ang magagawa ng mga tao para magkamit ng buhay? Tanging sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, pagpapasakop sa katotohanan, pag-aalay ng kanilang katapatan at sinseridad sa Diyos, at pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha, sila makapagkakamit ng buhay.