Paano Hangarin ang Katotohanan (13) Ikalimang Bahagi
Kayong lahat ba ay medyo kayang kilatisin ang isang pagpapamalas ng “paglihis” na katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo—partikular na, ang katusuhan? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao ay partikular na mapanlinlang, partikular na tuso, at partikular na lihim na mapanira at madaya. Kung itinuturing mo pa rin ang kanilang mga pagpapamalas bilang mga normal na pagbubunyag ng katiwalian at tinutulungan at sinusuportahan mo pa rin sila bilang mga kapatid, hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kahangalan? (Oo.) Hinding-hindi mo na dapat gawin ang mga kahangalang ito sa hinaharap; hindi sila tao, kundi mga diyablo, at hindi sila ang dapat mong tulungan at suportahan. Alam nila sa kanilang puso kung ano ang katotohanan, at na mabuting maging isang matapat na tao. Ngunit iba ang pagkaalam; wala silang gayong hinihingi para sa kanilang sarili at hindi nila kailanman isinasagawa ang pagiging isang matapat na tao. Hindi sa gusto nilang isagawa ito ngunit hindi nila kaya; sa halip, hindi nila kailanman nilalayong magsagawa sa ganitong paraan. Pag-isipan ito—ano ba ang kanilang binubuong pakana at plano sa kanilang puso? Walang ni isang bagay ang may kaugnayan sa mga positibong bagay, at walang ni isang kaisipan na may kaugnayan sa mga positibong kaisipan at pananaw. Wala silang intensyong isagawa ang katotohanan, ni hindi nila nilalayong tahakin ang tamang landas, kaya hindi nila kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa kanilang puso, ni hindi nila hinahanap kung paano kumilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi rin nila nilalayong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, o maging deboto at ialay ang kanilang katapatan. Ang lahat ng kinakalkula nila ay mga tusong pakana. Sinasabi ng ilang tao, “Ang kinakalkula nila ay isang usapin ng kanilang panloob na mundo—hindi ito madaling kilatisin. Paano malalaman ng iba kung ano ang iniisip nila kung hindi sila nagiging bukas at nakikipagbahaginan tungkol dito? Maayos naman ang kilos nila sa panlabas, at abala rin sila sa mga gawaing nasa kanilang harapan. Bakit mo sinasabi na sila ay tuso at inilalarawan mo sila bilang mga diyablo?” Sinasabi naman ng iba, “Nagpapakita lang sila ng kaunting buktot na tingin sa kanilang mga mata, ng kaunting tusong ngiti; hindi pa rin natin matalos ang iniisip nila sa kanilang panloob na mundo.” Kaya paano makikilatis ng isang tao na sila ay mga diyablo? Ang mga kaisipan ng isang tao ay hindi nahahawakan; kung hindi nila ipapahayag ang mga ito, hindi mo makikita o matutuklasan ang mga ito, at hindi mo ito makikilatis. Gayumpaman, anuman ang mga kaisipan at pananaw na mayroon ang isang tao, anuman ang inaasam o kinakalkula niya sa kanyang panloob na mundo, tiyak na kikilos siya para makamit ang kanyang mga layunin, kaya palagi siyang magkakaroon ng ilang bagay na isasabuhay niya, ilang pagpapamalas. Hangga’t namumuhay siya sa gitna ng mga tao, makikita o masasalamuha ng iba ang mga bagay na ginagawa niya. Maaaring hindi mo alam kung ano ang kanyang kinakalkula, binabalak, at pinaplano sa kaibuturan ng kanyang puso, ngunit ang mga bagay na kanyang binabalak, pinaplano, at kinakalkula ay ibubunyag at ipamamalas din niya balang-araw; gagawin niyang realidad ang mga ito, at gagawa siya ng ilang pagkilos sa gitna ng mga tao. Kapag nangyari ang mga bagay na ito sa mismong harapan mo, hindi mo ba makikita ang mga ito? Hindi mo ba makikilatis ang taong iyon? Sinasabi ng ilang tao, “Kahit na makita ko ang kanilang mga pagpapamalas, hindi ko pa rin alam kung paano kilatisin o ilarawan ang ganitong uri ng tao.” Madali lang iyan; ang ganitong uri ng tao ay may ilang katangian, at makikilatis mo sila sa pamamagitan ng mga katangiang ito. Ang unang katangian ay na palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban at hindi kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Anuman ang gawin nila, pinaplano nila ito nang patiuna at kumikilos sila nang ganap na ayon sa sarili nilang mga plano, takbo ng pag-iisip, at intensyon, ganap na ayon sa sarili nilang kalooban. Hindi nila hinihingi ang opinyon ng lahat, at, siyempre, lalong hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo o kumikilos ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung makikita mo ang mga pagpapamalas na ito, hindi ba’t ganap nang nalalantad ang mga diyablo? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Marahil ay nauunawaan nila ang katotohanan at alam nila ang mga katotohanang prinsipyo, kaya alam nila kung ano ang gagawin nang hindi na nakikipag-usap sa iba.” Mali muli ang pahayag na ito; sumasalamin ito sa kawalan ng kakayahang matalos ang mga bagay-bagay. Para sa inyo, ang mga bagay na sinasabi at ginagawa ng mga diyablo ay isang serye ng mahihirap na hadlang. Hiningi man nila ang mga opinyon ng mga kapatid o hindi, dapat mong makita nang malinaw kung ang layunin, motibo, panimulang punto, at prinsipyo ng kanilang mga kilos ay para pangalagaan ang sarili nilang reputasyon, katayuan, at dangal, o para pangalagaan ang gawain ng iglesia, at kung ang panghuling epektong nakamit ay nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at kung nagdudulot ito ng mga kawalan, pinsala, at pananabotahe o mga pakinabang sa karamihan ng mga tao. Anuman ang gawin ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, palagi itong para pangalagaan ang sarili nilang mga interes; isa pa itong katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Sa kanilang mga mata, ang kanilang mga interes ay nakahihigit sa lahat ng iba pa, tulad lang ng isang mangangalakal na nagnenegosyo: ang mga interes ang pinakamahalaga. Kaninong mga interes ang pinakamahalaga? Ang sariling interes ng mga diyablo ang pinakamahalaga. Kung mapangangalagaan ng paggawa ng isang bagay ang kanilang mga interes, dangal, katayuan, reputasyon, o mga materyal na pag-aari at pera, hinding-hindi sila magpipigil, kundi isasakatuparan nila ito hanggang sa wakas, gagawin ito hanggang sa kadulu-duluhan. Kahit pa sumalungat ang mga nakatataas na lider o mga kapatid at hindi na ito maisulong pa, at mabigo sila, gagamit pa rin sila ng mga paligoy-ligoy na taktika, susubukan ang lahat ng paraan para alisin ang lahat ng kalaban at tanggalin ang lahat ng hadlang, para maipagpatuloy ang gusto nilang gawin. Hinding-hindi sila magpipigil; ang tanging pinangangalagaan nila ay ang sarili nilang mga interes. Ngayon, malinaw na ninyo itong makikita: Maging ito man ang mga plano, o ang mga paraan, o ang mga diskarte, o ang mga hakbang na kanilang pinapakana, pinaplano, at nililikha, ang mga bagay na ito ay pawang nakalkula na sa kanilang isipan; ang tanging iniisip nila ay mga interes, at ang kanilang isipan ay puno ng mga pag-iisip tungkol sa mga interes; kung sino ang gagamitin, kung kanino makikipaglapit, kung kanino lalayo, kung sino ang susuportahan, kung sino ang sasalungatin, kung sino ang tatanggalin—bumubuo sila ng estratehiya tungkol sa lahat ng bagay na ito ayon sa kanilang mga interes. Kung, sa paggawa ng gawain at paggampan ng kanilang tungkulin, ay umabot sila sa puntong ito, kung gayon sila ay mga anticristo, mga diyablong nagbubunyag ng kanilang tunay na anyo. Ang gayong mga tao ay sukdulang hindi maarok at mapagkalkula; pinagbubulayan nila ang mga bagay na ito araw-araw. Kung lubusan nilang maaarok ang lahat ng tao sa iglesia, gaano katagal iyon aabutin? Kapag mayroon na silang napakalinaw na pagkaarok sa sitwasyon ng lahat ng miyembro ng iglesia, sa mga aktuwal na problema at tunay na paghihirap ng bawat tao, at hinog na ang panahon, saka lang sila magsisimulang kumilos, ginagawa ang anumang gusto nila—wala silang awa sa sinuman, at walang sinuman ang makahahadlang sa kanila. Isinasagawa nila ang sarili nilang proyekto sa ilalim ng pagkukunwaring ginagawa ang gawain ng iglesia, nagsusumikap na magkamit ng mga pakinabang para sa kanilang sarili. Sa huli, ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid ang nagdurusa ng mga kawalan. Nakamit nila ang kanilang layon na gawing pinakamahalaga ang pagtugon sa kanilang mga personal na interes kapalit ng pagsasakripisyo sa buhay pagpasok ng lahat ng kapatid at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa puntong ito, hindi ba ninyo sila malinaw na nakikita? Kung huhusgahan mula sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay at sa mga panghuling resulta, sila ay mga diyablo; hindi sila tao. Buong araw ay tila napakakaunti ng sinasabi nila at bihirang magpahayag ng kanilang mga pananaw, ngunit sa katunayan ay ginugugol nila ang bawat araw sa pagkalkula kung paano kikilos para sila ay magkamit ng mga pakinabang. Bagama’t sa panlabas ay tila medyo kalmado sila, medyo pino, medyo mahinhin, at medyo mabait, at hindi madaldal, sa loob-loob nila ang kanilang puso ay magulo, na parang isang nagngangalit na dagat. Lubusan nilang naaarok ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay ipinapatupad nila ang mga planong naisip na nila, at ang panghuling resulta ay nagtatagumpay sila tulad mismo ng kanilang pinakana. Hindi ba’t ito ang gawain ng isang diyablo? (Oo.) Ito ang gawain ng isang diyablo. Sa puntong ito, hindi ba’t kaya ninyo silang matalos?
Ang isang napakalaking problemang lumitaw sa gawain ng ebanghelyo noong nakaraang taon ay direktang may kaugnayan sa ilang diyablo, direktang may kaugnayan sa mga kilos ng mga diyablo. Ang mga diyablong iyon ay hindi kailanman naghanap ng mga katotohanang prinsipyo nang kumilos sila. Pagkatapos magtalaga ng gawain ng ang Itaas, tinanggap nila ito kaagad nang personal, ngunit nang magpunta sila para gumawa sa mga iglesia, naghasik lang sila ng lagim sa paggawa ng masasamang bagay. Hindi nila pinangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at bilang resulta, nagdusa ng mga kawalan sa mga handog sa Diyos, nagdusa ng mga kawalan sa gawain ng ebanghelyo, at nagdusa ng mga kawalan sa buhay iglesia; nagdusa ng mga kawalan sa ilang larangan, at nagdulot din sila ng kaguluhan sa gawain ng iglesia. Maaaring hindi mo matalos ang iniisip ng isang diyablo, ni hindi mo alam kung naghanap ba sila ng mga prinsipyo. Ngunit kapag kumilos sila, at makita mo ang mga unang pahiwatig, malalaman mo na mali ang pamamaraan at pinagmulan ng kanilang mga kilos, na ganap nilang ipinapakitang-gilas ang kanilang sarili, gumagawa ng mga bagay ayon sa sarili nilang kalooban, at kumikilos nang basta-basta at walang habas at nagtatatag ng nagsasariling kaharian. Bukod dito, pinoprotektahan ng mga pangkat ng diyablo ang isa’t isa; wala sa kanila ang nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Anuman ang gawin ng malalaking diyablo, ginagawa ng mga tagasunod at maliliit na diyablo ang lahat para purihin at bolahin sila. Ang malalaking diyablo ay kumikilos nang walang pakundangan at walang habas, at ang maliliit na diyablo ay gumagaya, at labis na sumisipsip sa kanila—nagsasabwatan sila. Sinasabi ng ilang tao na hindi pa rin nila matalos ang katunayan na ang diwa ng isang tao ay diwa ng isang diyablo. Kung gayon, tingnan ninyo ang kalikasan ng isang bagay na ginagawa nila at ang mga kahihinatnan nito. Kung ang kalikasan at mga kahihinatnan ay napakalubha, kung gayon ay makatitiyak ang isang tao na ito ay gawain ng isang diyablo. Halimbawa, tungkol sa usapin ng pag-uulat ng mga huwad na bilang ng mga taong nakamit sa pangangaral ng ebanghelyo, sinabi ng ilang tao, “Hindi ba’t labag sa mga prinsipyo ang pag-uulat ng mga huwad na bilang? Dapat nating iulat ang mga aktuwal na bilang; kung gaano karaming tao ang nakamit, iyon ang bilang na dapat nating iulat. Paano natin magagawang magsinungaling sa ating mga ulat? Paano natin iuulat ang isang libo kung isang daan ang nakamit, o sampung libo kung isang libo ang nakamit?” Ano ang sinabi ng isa sa mga huwad na lider na ito? “Dapat ninyo itong iulat sa ganitong paraan; lahat ay nag-uulat nito sa ganitong paraan. Ito ang daloy ng Banal na Espiritu!” Makikilatis ba ninyo ang pahayag na ito? Ang pag-uulat ng mga huwad at gawa-gawang bilang ay malinaw na isang pagtatangkang linlangin ang Diyos. Paanong posible itong maging daloy ng Banal na Espiritu? Isa itong masamang kalakaran. Hindi kailanman sinabi ng Banal na Espiritu sa mga tao na magsinungaling o mag-ulat ng mga huwad na bilang; mga diyablo lang ang makapagsasabi ng gayong mga bagay. Makikilatis ba ninyo ito? Dahil nagawa ng huwad na lider na iyon na magbitiw ng gayong mga katawa-tawang salita, hindi siya isang normal na tao; ang huwad na lider na iyon ay nabibilang din sa kategorya ng mga diyablo. Matatalos ba ninyo ang usaping ito? Makikilatis ba ninyo na ang gayong mga salita ay sinasalita ng mga diyablo? Tanging mga diyablo at mga Satanas ang makapagsasabi ng gayong mga bagay. Kung hindi ninyo matalos ang usaping ito, kung gayon ay labis kayong nagkukulang sa pagkilatis. Kung hindi ito matalos ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, medyo mapagpapaumanhinan pa iyon, dahil hindi sila tao; wala silang espiritu ng tao. Kung tunay kang may pagkilatis at kaya mong matalos ang usaping ito, natupad mo na ba ang iyong responsabilidad? Tumindig ka ba para pigilan at ilantad ang usaping ito? Ipagpalagay na sinabi mo, “Natalos ko na ito, ngunit walang gaanong bigat ang aking mga salita dahil sa hamak kong katayuan, at ako ay mahina at nag-iisa; hindi ako nangangahas na pigilan o ilantad ito!” Kung gayon, isa kang walang-silbing duwag! Hindi mo pinanghawakan ang iyong prinsipyo at hindi ka nanindigan sa iyong patotoo; hindi ka tapat na lingkod ng Diyos, hindi mo natupad ang responsabilidad ng isang tao. Isa ka lang taong magulo ang isip, isang walang-silbing duwag. Sabihin mo sa Akin, gusto ba ng Diyos ang mga walang-silbing duwag? (Hindi.) Ipinagkakaloob sa iyo ng Diyos ang buhay, tinutustusan ka Niya ng katotohanan, at pinoprotektahan ka Niya mula sa pinsala ni Satanas sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ngunit lumalabas na hindi mo tinatanggap ang katotohanan at sa halip ay sinusunod mo si Satanas sa paggawa ng masama, namumuhay sa gitna ng mga diyablo at hinahayaang pinsalain ka ni Satanas. Malinaw mong nakikita ang mga tunay na mukha ng mga Satanas, ngunit hindi mo sila inilalantad. Paghahanap iyan ng gulo; nararapat lang sa iyo na maloko ni Satanas. Tinutustusan ka ng Diyos ng katotohanan upang lumago ka sa pagkilatis. Kung mayroon kayong pagkilatis ngunit nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan ka pa rin, hindi tumitindig para ilantad ang mga huwad na lider at mga anticristo, kung gayon ay isa kang walang-silbing duwag! Hindi mo natupad ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao; nagpapabaya ka sa iyong responsabilidad, isa kang basura, isang walang-silbing duwag, isang palamunin, isang walang-kuwentang tao! Ang pagpipilit ng mga diyablo sa mga tao na mag-ulat ng mga huwad na bilang sa pangangaral ng ebanghelyo—ang gawaing ito ay dapat na halatang-halata at hindi mahirap kilatisin. Ipagpalagay na may isang taong sumipa sa iyo o sumuntok sa iyo. Hindi mo alam kung bakit ka niya ginaganito at hindi mo makilatis kung ano ang ibig niyang sabihin dito. Pagkatapos ay sinaksak ka niya sa leeg gamit ang isang kutsilyo, at saka mo lang napagtanto, “Pinagtatangkaan niya akong patayin!” Sabihin mo sa Akin, gaano ka ba kahangal? Sinipa ka niya nang may mapaminsalang intensyon, ngunit hindi mo man lang masabi na siya ay isang masamang tao, at sinusubukan mo pa ring mangatwiran sa kanya, “Hindi naman kita inagrabyado, bakit mo ako sinisipa? Mayroon ka bang anumang pagkatao?” Kung sinipa ka niya nang walang dahilan, hindi ba’t isa siyang masamang tao? Mayroon bang anumang silbi ang pakikipangatwiran sa isang masamang tao? Kung sasalakayin ka niya gamit ang isang kutsilyo, huli na ang lahat para sa mga pagsisisi. Sa oras na sumigaw ka para humingi ng tulong, huli na ang lahat; tapos na ang buhay mo. Tingnan mo kung gaano kababa ang iyong tayog, kung gaano ka kahangal! Kapag nakakatagpo ng mga Satanas, dapat kang magkusa na sumalakay, huwag kang maging pasibo. Kung palagi kang pasibo, tumutugon lang at sumisigaw sa Diyos na iligtas ka kapag malapit nang kunin ng mga Satanas ang iyong buhay, iyan ay masyadong pasibo, masyadong mapurol ang isip! Hindi gusto ng Diyos ang gayong mga tao.
May ilang taong nag-uulat ng mga isyu tungkol sa mga huwad na lider at mga anticristo sa isang labis na paligoy-ligoy na paraan. Hindi sila naglalakas-loob na iulat ang mga ito sa kanilang lokal na iglesia, at sa halip ay pumupunta pa sa mga iglesia sa ibang lugar para gawin ito, dahil natatakot na may isang tao sa kanilang lokal na lugar na ikakalat ang balita, at malalaman ng masasamang tao at pahihirapan sila. Napakababa ng tayog ng mga taong ito. Nananampalataya ka sa Diyos, pero takot na takot ka sa masasamang tao at mga diyablo? Mayroon bang ganoong kalaking kapangyarihan ang mga diyablo? Kaya bang kunin ng mga diyablo ang buhay mo? Nasa mga kamay ba ng mga diyablo ang tadhana mo? Bakit ka takot na takot sa kanila? Masasamang tao lang sila; ano ang magagawa nila sa iyo? Kahit sa pinakamalalang sitwasyon, may mga batas ang bansang ito—ano ang ikinatatakot mo? Hindi ito ang Tsina kung saan walang habas na kumikilos ang mga diyablo; isa itong demokratikong bansa na nasa ilalim ng batas. At bukod pa riyan, mayroon kang mga kapatid sa iglesia—ano ang magagawa sa iyo ng masasamang taong iyon? Ganito katakot ang ilang tao sa pag-uulat lang sa mga isyu tungkol sa mga lider at manggagawa. Hindi ito problema ng pagkakaroon nila ng kaunting pananalig; ang mga ito ay mga inutil na duwag at mahina na hindi man lang karapat-dapat na mabuhay! Sayang lang sa iyo ang hiningang ibinigay ng Diyos; mas mabuti pang ibinigay na lang ito sa isang hayop. Maging ang isang hayop, kapag ginipit, ay kayang mangagat ng tao. Buhay ka pero wala ka man lang kahit kaunting katatagan ng loob; masyado kang duwag! Bagama’t hindi naglalakas-loob ang ilang tao na labanan nang harapan ang masasamang tao kapag nakakaharap nila ang mga ito, gumagamit sila ng karunungan para pangalagaan ang gawain ng iglesia. Iniuulat nila ang mga isyu ng masasamang tao sa mga nakatataas at nakikipagsanib-puwersa sa mga nagmamahal sa katotohanan para tanggalin ang masasamang taong iyon sa kanilang mga puwesto. Mayroon silang ganitong uri ng determinasyon: “Isa kang masamang tao, pero hindi ako takot sa iyo. Hindi kita hahayaang gumawa ng masama para guluhin at sirain ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi kita hahayaang magtagumpay. Itataya ko ang buhay ko para labanan ka—ano ang magagawa mo sa akin? Sa pinakamalala, kukunin mo ang buhay ko, pero hangga’t may hininga ako, lalabanan kita hanggang sa huli!” Mayroon ba kayong ganitong pananalig? Walang ganyang pananalig ang mga walang-silbing duwag na iyon. Kapag nakikita nilang ginugulo ng mga diyablo ang gawain ng iglesia, alam nila sa kanilang puso na mali ito, na ang mga ito ay mga diyablo at anticristo na gumagawa ng masama. Pero iniisip nila, “Hindi ko sila puwedeng ilantad o iulat; hindi ako dapat magdulot ng gulo sa sarili ko. Mas kaunting gulo, mas mainam; napakahalaga na protektahan ko ang sarili ko. Kung mapatalsik ako sa iglesia ng masasamang tao dahil sa paglalantad sa kanila, at mawalan ako maging ng pagkakataong manampalataya sa Diyos at makamit ang kaligtasan, at hindi ko man lang magawa ang tungkulin ko, hindi ba’t ganap na akong natiwalag?” Hindi sila naglalakas-loob na ilantad ang masasamang tao, dahil sa labis na takot sa paghihiganti ng mga ito. Kaya, kapag marahas na sinusupil at inuusig ng malaking pulang dragon ang hinirang na mga tao ng Diyos, tiyak na natatakot din sila, at kung maaaresto, tiyak na magiging mga Hudas sila at ipagkakanulo ang Diyos. Kaya, kung takot ka sa masasamang tao sa iglesia, at hindi ka naglalakas-loob na ilantad sila kapag nakikita mo silang gumagawa ng masama, hindi ba’t pagsuko ito kay Satanas? Tinutustusan ka ng Diyos ng katotohanan, binibigyan ka Niya ng pananalig, at pinrotektahan ka Niya at pinanatiling buhay hanggang ngayon. Hinihinga mo ang hiningang ibinigay sa iyo ng Diyos, tinatamasa mo ang katotohanang itinutustos Niya sa iyo, at tinatamasa mo ang Kanyang biyaya. Mayroon kang napakagandang mga kondisyon ng buhay iglesia at namumuhay ka nang labis na maginhawa. Pero kapag may masasamang taong nagdudulot ng mga panggugulo sa sambahayan ng Diyos, nakikita mo ito at nakikilatis mo ito, pero hindi ka naglalakas-loob na magsalita ng kahit isang salita, hindi ka man lang naglalakas-loob na huminga nang malakas—anong uri ka ng nilalang? Hindi ka man lang karapat-dapat na mabuhay! Hindi mo inuulat ang mga isyu sa iyong lokal na iglesia sa mga lokal na lider, kundi sa halip ay pumupunta ka pa sa mga iglesia sa ibang lugar para iulat ang mga ito. Sa ganitong uri ng makitid at duwag na pag-iisip, makakagawa ka ba ng mga dakilang bagay? At sinasabi mo pa na gusto mong magpatotoo sa Diyos at maging isang mananagumpay—wala kang kuwenta, mas masahol ka pa sa isang hayop! Maging ang isang aso ay alam kung paano protektahan ang amo nito. Kapag may dumating na estranghero, tumatahol ang aso nang buong lakas, dahil natatakot na manganib ang kaligtasan ng amo nito. Ang ilang aso ay hindi malalaki at kayang patumbahin sa isang sipa lang, pero hindi sila natatakot at tumatahol pa rin nang buong lakas—ginagawa nila ito para protektahan ang kanilang mga amo. Itinataya pa nga ng ilang aso ang buhay nila para protektahan ang kanilang mga amo. Ang mga taong ito ay wala man lang kahit kaunting pananalig na ito at hindi kasingtapat ng isang asong bantay sa amo nito—lahat sila ay mga walang kuwentang walang-hiya! Libre nilang tinatamasa ang biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang isinusukli, at itinuturing pa ngang dapat lang na mahalin ng Diyos ang mga tao at kahabagan sila. Kapag nakikita nilang ginugulo at sinasabotahe ang gawain ng iglesia, hindi sila nababagabag sa kanilang puso. Nangangahulugan itong mas masahol pa sila sa isang hayop, malayong mas masahol kaysa sa isang asong bantay. Ano ang dapat mong gawin kapag muli kang makaharap ng mga diyablo sa hinaharap? Kung hindi mo sila matalos, at hindi mo alam kung anong masasamang bagay ang binabalak nilang gawin kapag ngumingiti sila, o kung anong buktot na mga intensyon ang nakatago sa tingin ng kanilang mga mata, puwede mo muna silang obserbahan. Maghanap ka ng isang mapagkakatiwalaang tao para pangasiwaan sila, at tingnan mo kung ano ang sinasabi at ginagawa nila nang palihim, at kung ano ang pinapakana nila kasama ng kanilang mga kasabwat. Dapat mong sugpuin sa simula pa lang ang lahat ng kanilang mga balak at pakana, hindi sila hinahayaang magtagumpay, at hindi pinapahintulutang dumanas ng kawalan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. May ganitong uri ng determinasyon ang ilang tao: “Dapat kong bantayan nang maayos ang tarangkahan ng sambahayan ng Diyos, dapat akong maging isang mabuting asong bantay. Hindi ko alam kung paano haharapin ng iba ang usaping ito, pero para sa akin, hindi ko ito palalampasin; lalabanan ko ang mga diyablo hanggang sa huli!” Ito ang tinatawag na katapatan sa Diyos; hindi ito pagtatangka na patunayan kung gaano sila kahusay. “Aasa ako sa Diyos para gawin ito; walang pagkakataon ang sinumang diyablo na makapamayani o magtagumpay kapag narito ako! Babantayan ko ang tarangkahan para sa sambahayan ng Diyos, poprotektahan ko ang mga kapatid, poprotektahan ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pangangalagaan ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Walang pagkakataon ang sinuman na magdulot ng mga panggugulo o makibahagi sa pananabotahe—kung makikita ko ang sinumang gumagawa ng mga bagay na iyon, hindi ako magiging maluwag sa kanya. Kung dapat silang tanggalin, tatanggalin sila, kung dapat silang patalsikin, papatalsikin sila, at kung dapat silang paalisin, paaalisin sila. Hinding-hindi ako mag-aatubili!” Mayroon ba kayong ganitong pananalig? (Mayroon.) Kung medyo mahusay ka pagdating sa pakikipaglaban sa mga tao o hayop, pero kapag kailangan mo nang labanan ang mga diyablo, nagiging kimi at takot ka, at nababahag ang buntot mo, kung gayon ay sinasabi ng Diyos na tapos ka na, wala kang kuwenta, hindi mo makakamit ang katotohanan, at hindi mo matatamo ang kaligtasan. Ang pakikipaglaban sa mga diyablo ay isang tunay na labanan; isa itong labanan para magpatotoo sa Diyos. Isa itong labanan na dapat kaharapin ng mga mananagumpay, mga banal, at mga tagasunod ng Diyos, ang paninindigang dapat nilang taglayin, at ang determinasyon at pasyang dapat na mayroon sila. “Labanan ang mga diyablo hanggang sa huli! Sila o ako! Hinding-hindi ako matatakot, hinding-hindi ako uurong, at hinding-hindi ako panghihinaan ng loob!” Mayroon ba kayong ganitong determinasyon? (Ngayon ay mayroon na kami.)
Masyadong mababa ang tayog ng ilang indibidwal. Kapag nakakaharap sila ng mga taong may kapangyarihan at katayuan, lalo na iyong mga mukhang mabangis, sanay na at sukdulang tuso, pati na rin iyong mga lihim na mapanira at madaya, nakakaramdam sila ng takot sa kanilang puso. Kahit na alam na alam nilang mga diyablo ang mga taong ito, iginigiit pa rin nilang bolahin, suyuin, at pagbigyan ang mga ito, at hindi sila naglalakas-loob na salungatin ang mga ito kahit kaunti, lalo pa ang ilantad ang mga ito. Kapag nakikita nila ang mga diyablo at mga Satanas, hindi sila naglalakas-loob na magtaguyod ng anumang mga prinsipyo, ni wala silang anumang kagandahang-asal ng isang banal. Sinasabi pa nga ng ilan, “Dapat tayong makibagay sa mga taong ito at bumuo ng magandang relasyon sa kanila, kung hindi ay hindi makakausad ang gawain ng iglesia.” Malinaw na walang anumang mabuting papel ang mga taong ito sa sambahayan ng Diyos, at malinaw na sila iyong mga inilarawan bilang mga diyablo at anticristo, at iyong mga dapat patalsikin o paalisin, pero kinukunsinti sila ng ilang indibidwal. Pakiramdam ng mga indibidwal na ito ay hindi nila kayang talunin ang mga taong iyon; sila ay natatakot at nasisindak sa kanilang puso, nag-aalala sa sarili nilang sitwasyon, at nag-aalala na ihiwalay o pag-initan sila ng mga ito. Wala silang karunungan para harapin ang mga ito, wala silang sapat na tayog para labanan ang mga ito, at paulit-ulit silang umuurong, at paulit-ulit na sumusuko at nakikipagkompromiso. Bilang resulta, lumilipas ang tatlong buwan, pagkatapos ay anim na buwan, at ang gawain ng iglesia ay humahantong sa pagkaparalisa, at ang buhay iglesia ay humahantong sa kaguluhan. Malinaw nilang nakikita ang masasamang tao at mga diyablong ito na nagdudulot ng mga panggugulo, nakikita nila ang mga lokal na maton na ito na naghahari-harian sa iglesia, pero hindi sila naglalakas-loob na ilantad o pangasiwaan ang mga ito, dahil natatakot na madamay ang sarili nilang kaligtasan, katayuan, reputasyon, at mga interes. Paanong naging napakahalaga ng iyong katayuan, reputasyon, at personal na kaligtasan? Hindi ba’t mas mahalaga ang anumang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos kaysa sa maliit na buhay mong iyan? Kahit pa, sa pinakamalalang sitwasyon, ay malagay ka sa ilang panganib dahil sa katapatan sa Diyos, hindi ba’t poprotektahan ka ng Diyos? Kung gagamit ka ng karunungan at kikilos ka ayon sa mga prinsipyo para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ibibigay ka ba ng Diyos sa mga Satanas para abusuhin ka nila at lubhang saktan kapag gusto nila? (Hindi.) Labis na pinahahalagahan ng Diyos ang ganitong uri ng tao, sobra-sobra ang pagpapahalaga Niya sa kanila; paano ka Niya ibibigay sa mga Satanas? Masyadong maliit ang pananalig mo. Katulad ka lang ni Pedro noon—tinawag siya ng Panginoong Jesus mula sa dagat, sinasabing, “Halika,” na nangangahulugang dapat lumakad si Pedro sa dagat na para bang ito ay patag na lupa, pero habang mas naglalakad si Pedro, lalo siyang natatakot, at nawalan siya ng pananalig sa Diyos. Kung hihilingin sa iyo ng Diyos na lumapit, nangako na Siya sa iyo at tiyak na kaya ka Niyang protektahan; hindi Niya hahayaang makaranas ka ng panganib. Kahit pa nasa panganib ang buhay mo, paano mo dapat harapin ito? Hindi ba’t dapat kusang-loob mong ipagkatiwala ang iyong buhay sa Diyos? Ano ba ang problema roon? Ganoon ba talaga kanakakatakot ang mga diyablo? Sinusupil at inaaresto ng malaking pulang dragon ang mga mananampalataya, pero nagagawa mong magpursigi sa iyong pananalig; hindi ka nasisindak ng gayon kalupit na kapaligiran. Gayumpaman, kapag may ilang maliit na diyablong lumitaw sa iglesia, labis kang natatakot na agad na nababahag ang iyong buntot, at napipilitan kang sumunod sa kanila sa paggawa ng masama. Hindi ba’t pagkawala ito ng iyong patotoo? (Oo.) Masasabing ang pagtatagumpay ng mga diyablo sa ilang iglesia at sa ilang partikular na kapaligiran ng gawain, na nagdudulot ng gayong kaguluhan sa gawain ng iglesia at iniiwan itong magulo gaya ng nais nila, na humahantong sa kawalan ng mga kapatid ng angkop na kapaligiran para sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, ay may kaugnayan sa ilang taong nakakatalos sa mga diyablong ito pero hindi tumitindig para labanan ang mga ito, at sa halip ay nakikipagkompromiso sa mga diyablo at Satanas na ito para protektahan ang sarili nila. Masasabing sinasadya ng mga taong ito na hayaan ang mga diyablo na gumawa ng masama at guluhin ang gawain ng iglesia. Kung nakikilatis mo ang mga diyablong gumugulo sa gawain ng iglesia pero hindi mo sila nilalabanan o inilalantad, hindi ba’t pagpapahintulot ito sa mga diyablo na gumawa ng masama? Kung, sa sandaling matuklasan mo ang mga diyablong gumagawa ng masama, ay agad mo silang ilalantad, papangasiwaan, at pipigilan, mababawasan ang mga kawalan at maiibsan ang kaguluhan sa isang antas. Hindi ba’t kapaki-pakinabang ito kapwa sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng mga kapatid? Kaya bakit hindi mo ito ginagawa? Kung hindi mo ito gagawin, wala kang katapatan sa Diyos. Ikaw man ay isang lider o manggagawa sa anumang antas, o isang ordinaryong tagasunod, hangga’t natatalos mo ang mga diyablong gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng iglesia pero hindi mo sila inilalantad para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon ay hindi ka nanindigan sa iyong patotoo, isa kang taong magulo ang isip, at hindi ka karapat-dapat na mabuhay! Hindi mo natupad ang responsabilidad ng isang tao, kaya hindi ka karapat-dapat na hingahin ang hiningang ibinigay sa iyo ng Diyos. Nauunawaan ba ninyo? (Nauunawaan namin.) Ano ang dapat gawin ng mga tao sa usaping ito? Anuman ang uri ng diyablong kaharap mo—sila man ay lihis, masama, lihim na mapanira, walang awa, o tuso—at anuman ang intensyon nila, hangga’t nakikita mo silang gumugulo sa gawain ng iglesia at nakikilatis mo ito, dapat kang tumindig para ilantad at pigilan sila. Dito nakasalalay ang iyong responsabilidad. Sinasabi ng ilan, “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin para pigilan sila.” Kung gayon ay manalangin ka sa Diyos at harapin mo sila gamit ang matatalinong pamamaraan. Sa ngayon, huwag mo silang galitin; huwag mo silang galitin sa pamamagitan ng direktang paglalantad sa kanila. Sa halip, subukan mo ang lahat ng paraan para pigilan silang magtagumpay sa kanilang mga pakana at intensyon. Una, pangalagaan mo muna hangga’t maaari ang gawain ng iglesia at tiyaking napoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos, maghanap ka ng pagkakataon para kumonsulta sa mga nakakaunawa sa katotohanan, o sa mga lider at manggagawa, tungkol sa pinakaangkop na paraan para pangasiwaan ang diyablo. Dapat gawin ang gawaing ito nang may karunungan. Sa isang banda, dapat mong labanan si Satanas, pigilan ang masasamang gawa ng mga Satanas at diyablo, tulungan ang mga kapatid na magkamit ng pagkilatis, at protektahan ang mga kapatid pati na rin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa kabilang banda, dapat mo ring protektahan ang iyong sarili hangga’t maaari. Kung talagang kinakailangang harapin mo ang panganib o paghihirap, dapat mo itong gawin bilang tungkulin na hindi mo matatakasan, nang hindi isinasaalang-alang ang sarili mong daan palabas o kaligtasan. Ito ay dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia at ito ang iyong responsabilidad. Dapat mo itong gawin, at nararapat mo itong gawin; kung hindi, hindi ka magiging karapat-dapat sa buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos, at sa panustos na ibinibigay Niya sa iyo sa loob ng napakaraming taon. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Dapat taglayin ng lahat ang gayong paninindigan pagdating sa pagtrato sa mga diyablo. Isa kang nilikhang ginawa ng kamay ng Diyos. Kabilang ka man sa kategorya ng mga tao o sa ibang kategorya ng mga nilalang na may buhay, hangga’t ang kasalukuyan mong pagkakakilanlan ay tao, isang nilikhang tao, dapat mong pasanin ang mga responsabilidad ng isang nilikhang tao, hindi mo puwedeng takasan ang mga ito. Ipagpalagay na alam mong may isang taong nagnanakaw ng mga handog pero wala kang pakialam at hindi ka nagtatanong tungkol dito, sinasabing, “Takot akong sumalungat sa kanya. Kung ilalantad ko siya at sasalungat ako sa kanya, hindi lang niya ako pahihirapan nang patalikod, kundi hindi rin niya ito palalampasin kailanman. Masama siyang tao! Hindi ako naglalakas-loob na ilantad o iulat siya!” Kung gayon, tapos ka na, isa kang walang-silbing duwag, at nabigo kang tuparin ang iyong responsabilidad. Kaya, ano ang dapat mong gawin kung gusto mong tuparin ang iyong responsabilidad? Maghanap ka ng pagkakataon na sumulat ng isang mensahe sa iyong lider, huwag mong lagdaan ng iyong pangalan, at malinaw na isalaysay ang mga katunayan para malaman ng lider at para maagap niyang mapangasiwaan at mapigilan ito, at sa gayon ay maprotektahan ang mga handog mula sa mga kawalan. Hindi kailangang malaman ng lider kung sino ang nag-ulat nito; sapat nang alam ito ng Diyos. Kaya, ano ang prinsipyong dapat itaguyod sa usapin ng pagprotekta sa mga handog? Ano ang tamang mentalidad? Ito ay ang protektahan ang mga handog mula sa mga kawalan at huwag hayaang magtagumpay ang masasamang tao. Ito ang iyong responsabilidad. Hindi hinihiling ng sambahayan ng Diyos sa lahat na malagay sa panganib para protektahan ang mga interes nito, para protektahan ang mga kapatid, para pangalagaan ang gawain nito, at para protektahan ang mga handog sa Diyos; hindi nito hinihiling sa inyong lahat na mapasama ang loob ng ibang tao o ilagay ang inyong sarili sa mahihirap na sitwasyon para dito. Hindi iyan ang ibig sabihin ng sambahayan ng Diyos. Kung takot ka sa masasamang tao o na salungatin ang mga tao, puwede mong iulat ang mga isyu nang hindi nagpapakilala; puwede mo ring ilantad ang masasamang tao at mga diyablo nang hindi nagpapakilala. Sa ganoong paraan, bagama’t hindi mo inilagda ang iyong pangalan, natupad mo pa rin ang iyong responsabilidad at obligasyon, at hindi mo tinalikuran ang iyong responsabilidad. Kung magagawa mo ito, hindi ka nagpabaya sa iyong responsabilidad. Ito ay dahil mayroon kang ganitong puso, nararamdaman mong ito ang iyong responsabilidad, at na dapat mong tuparin ang responsabilidad na ito, pinangangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos at pinoprotektahan ang mga interes nito. Isa itong mabuting gawa, at tatandaan ito ng Diyos. Narito ang malinaw na katotohanan para sa inyo: Walang nakatakdang paraan para sa pakikipaglaban sa mga diyablo; ang magawang talunin ang mga diyablo, pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, protektahan ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, protektahan ang buhay iglesia, at pangalagaan ang buhay pagpasok ng mga kapatid—ito ang pinakamataas na prinsipyo. Nauunawaan ba ninyo? (Nauunawaan namin.) Walang nakatakdang paraan para sa pakikipaglaban sa mga diyablo; puwede mong gamitin ang paraan ng pagpupungos sa kanila, puwede mong gamitin ang paraan ng paglalantad sa kanila, at siyempre, puwede mo ring gamitin ang paraan ng pagtatanggal sa kanila at pagtatalaga sa kanila sa ibang tungkulin, pati na rin ang paraan ng pakikipag-usap sa kanila at pag-aalo sa kanila para mapahinahon sila—gamit ang iba’t ibang matatalinong pamamaraan para limitahan ang mga diyablo habang kasabay nito ay pinangangalagaan ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Ito ay pagiging madunong. Alam mo sa iyong puso na ang mga taong ito ay mga diyablo, at na paano mo man sila tratuhin, hindi ito mali, dahil hindi sila mga tunay na kapatid, hindi sila mga tunay na tao, at hindi sila pinili ng Diyos. Pumarito sila sa sambahayan ng Diyos bilang mga alipin ni Satanas para guluhin ang iglesia. Dapat ay mayroon kang ganitong saloobin sa mga diyablo: “Kung pumarito ka para magdulot ng mga panggugulo, hindi ako magiging maluwag sa iyo. Kung pumarito ka para makibahagi sa pananabotahe, hinding-hindi iyan pinapayagan! Kung hindi ka magdudulot ng mga panggugulo o makikibahagi sa pananabotahe, at tatahimik ka lang sa isang sulok sa iglesia, hindi kita papansinin. Pero sa sandaling kumilos ka o magsalita, nagbabalak na gumawa ng masama, hindi ako magiging maluwag sa iyo! Anumang masasamang bagay ang gusto mong gawin, anumang mga maling kaisipan ang gusto mong ikalat, kailangan mo munang dumaan sa akin—tingnan natin kung palalampasin kita o hindi. Kung hindi, huwag mo nang isipin man lang na guluhin ang gawain ng iglesia!” Ito ang saloobin at prinsipyong dapat taglayin ng mga tao sa kung paano nila tinatrato ang mga diyablo, at ito rin ang patotoong dapat taglayin ng mga tao.
Bakit ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at tinutustusan ang mga tao ng katotohanan? Ito ay para makamit ng mga mananampalataya sa Diyos ang katotohanan bilang kanilang buhay, at para makilatis ng mga tao ang mga diyablo, mapaalis ang mga diyablo, at lubusang maghimagsik laban kay Satanas, ang masamang diyablo. Napakarami nang katotohanang narinig ng mga tao at napakarami nang panustos ng katotohanan ang natanggap nila, pero sa huli, kapag nakakaharap nila ang mga diyablong gumagawa ng masama at nagdudulot ng mga panggugulo, nabibigo silang kilatisin ang mga ito. May ilang taong may kaunting pagkilatis sa mga diyablo pero hindi naglalakas-loob na ilantad ang mga ito, at lalo nang hindi naglalakas-loob na pangasiwaan ang mga ito—ang mga ganitong uri ng tao ay mga walang-kuwenta. Wala kang patotoo, at hindi ka nanindigan sa panig ng Diyos—sinaktan mo ang puso ng Diyos. Ang layunin ng paghahangad at pag-unawa ng mga tao sa katotohanan ay para iwasan nila ang mga diyablo, itaboy ang mga diyablo, at magawang makamit ang tunay na pagpapasakop sa Diyos, manindigan sa panig ng Diyos, at tuparin ang ibinigay na gawain ng Diyos. Pagdating sa mga diyablo, kapag may natutuklasang isang diyablo, paalisin ang isang iyon, at kapag may natuklasang dalawa, paalisin ang dalawang iyon, para manatiling dalisay ang iglesia. Sa ganitong paraan, lubusang mapapahiya si Satanas at ang mga diyablo at hindi na nila magagawang guluhin ang gawain ng iglesia. Wala na tayong pakialam sa kung paano sila nagdudulot ng mga panggugulo sa sekular na mundo; kung anong mga ilegal na gawain ang ginagawa nila, kung anong masasamang bagay ang ginagawa nila, at kung sino ang kinakalaban nila sa sekular na mundo ay walang kinalaman sa atin. Hindi tayo nakikialam dito ni nag-uusisa tungkol dito, at wala rin tayong pakialam dito. Pero mayroon lang isang bagay: Ang pagdudulot nila ng gayong mga panggugulo sa sambahayan ng Diyos ay hindi pinahihintulutan, at dapat silang pangasiwaan, pigilan, at paalisin. Una, dapat manguna ang mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito; dapat nilang ituring ito bilang kanilang hindi matatakasang responsabilidad. Pangalawa, ang lahat ng superbisor, lider ng pangkat, at ordinaryong mga kapatid ay dapat magtaglay ng ganitong tayog at magkaroon din ng ganitong patotoo. Sinasabi ng ilang tao, “Naglulunsad ba ng anumang uri ng kilusan ang sambahayan ng Diyos? Pagpapahirap ba ito sa mga tao?” Hindi ito pagpapahirap sa mga tao; ito ay pagpapahirap sa mga diyablo. Ang pagpapahirap sa mga diyablo ang dapat gawin; hindi natin pinahihirapan ang mga tao. May mga pagbubunyag ng katiwalian ang mga kapatid, pero sila ay mga normal na tao, at mayroon silang konsensiya at katwiran, pati na rin mga pinakamababang pamantayan sa kanilang mga kilos at sariling asal. Kahit na medyo mahina ang paghahangad nila sa katotohanan at ang buhay pagpasok nila, at mababa ang tayog nila at hindi masyadong nagtataglay ng katotohanang realidad, dapat tayong maging mapagparaya at mapagpasensiya sa kanila, tratuhin sila nang tama, at pangasiwaan sila ayon sa mga prinsipyo. Pero iba ang prinsipyo sa kung paano tratuhin ang mga diyablo. Kung handa silang magserbisyo, puwede natin silang gamitin para magserbisyo. Kung ayaw nilang magserbisyo, dapat natin silang pangasiwaan sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila; hindi tayo dapat maging maluwag sa kanila kahit kaunti! Ito ang prinsipyo sa pagtrato sa mga diyablo. Kapag may mga kahinaan o pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang mga kapatid, puwede silang patawarin at pagpaumanhinan, at tratuhin nang may pagpaparaya at pag-unawa. Pero ang mga diyablo ay hindi mga kapatid. Kung nagsasabi lang sila ng ilang negatibo o iresponsableng bagay, pero hindi sila nagkakalat ng mga maling pananampalataya o maling kaisipan para ilihis ang mga tao, at hindi sila nagdulot ng anumang mga paggambala o panggugulo, puwede silang palampasin, at puwede kang magbulag-bulagan sa kanila. Kung makita mong malapit na silang magdulot ng ilang problema at gumawa ng masama, at umaabot na ito sa isang partikular na antas, dapat silang ilantad at limitahan. Kung hindi sila malimitahan, direktang paalisin sila. Iniisip ng mga diyablo na madaling lugar ang iglesia para iraos ang mga bagay-bagay; iniisip nila na kahit sino ay puwedeng maghasik ng kaguluhan sa iglesia, tulad lang sa lipunan. Mali sila sa pag-iisip sa ganitong paraan. Ang iglesia ay isang lugar para sa hinirang na mga tao ng Diyos na hangarin ang katotohanan at makamit ang kaligtasan, hindi isang lugar para sa mga diyablo na maghasik ng kaguluhan, ni isang lugar para sa mga diyablo na isagawa ang sarili nilang mga gawain o tuparin ang sarili nilang mga pangarap, at lalong hindi ito isang lugar para sa mga diyablo na tugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Sa sandaling malantad na ng mga diyablo ang kanilang sarili at malapit na nilang isakatuparan ang sarili nilang mga proyekto, itatag ang sarili nilang nagsasariling kaharian, at guluhin at sirain ang gawain ng iglesia—sa sandaling lumabas na ang kanilang sungay—ano ang dapat mong gawin sa panahong ito? Kumilos ayon sa mga prinsipyo; dapat tumindig ang mga kapatid at labanan ang mga diyablong ito, at hinding-hindi sila dapat magpakita ng awa o maging maluwag. Kung palagi kang maluwag sa mga diyablo, malupit ka sa iyong sarili. Palagi nilang inililihis at ginugulo ang mga tao sa iglesia, at sinasabotahe ang gawain ng iglesia. Sa gayong mga sitwasyon, ang pananalig at kaalaman sa Diyos na natamo mo sa loob ng maraming taon ng pananampalataya ay mauubos sa loob lang ng ilang araw sa pamamagitan ng panlilihis at panggugulo ng mga diyablong ito. Samakatwid, kung gusto mong makamit ang katotohanan, dapat kusa kang tumindig para labanan at makipagtunggali sa mga diyablo. Kapag nakita mong ganap nang nalantad ang kanilang sungay at nabunyag na ang kanilang kahindik-hindik na mukha, dapat mo silang ilantad at ilarawan ang kanilang diwa, at pagkatapos ay alisin sila. Hindi ba’t ito ang dapat gawin ng hinirang na mga tao ng Diyos at ang responsabilidad na dapat nilang tuparin? (Oo.) Ito mismo ang patotoong dapat taglayin ng mga mananagumpay. Dapat itong maunawaan ng lahat at hindi kailanman kalimutan. Ang hindi pagkatakot sa mga Satanas at diyablo ay hindi nangangahulugan ng paglayo sa kanila bilang isang pormalidad, sa halip ay nangangahulugan ito ng pagtindig para labanan ang mga diyablo sa harap ng malalaking isyu ng tama at mali, sa harap ng mga usapin ng prinsipyo, sa usapin ng pagpili ng landas ng isang tao, at sa mga usaping may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, pinipigilan ang kanilang masasamang gawa, pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pinangangalagaan ang normal na kapaligiran para magawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin. Ito ang obligasyon ng bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos.
Hindi ba’t halos natapos na natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa dalawang pagpapamalas na ito—ang likas na pagsisinungaling at pagkalihis—ng mga may diwa ng isang diyablo? Malinaw ang pananaw at paninindigang dapat taglayin ng mga tao sa ganitong uri ng tao, at malinaw rin ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin. Kaya, anong isyu ang susunod ninyong kakaharapin? Ito ay kung paano kunin ang mga pagpapamalas at pagbubunyag na napagbahaginan na natin at itugma ang mga iyon sa mga taong ito, at pagkatapos ay kilatisin sila, at matalos ang diwa ng ganitong uri ng tao. Sa sandaling magkaroon na kayo ng pagkilatis, magiging malinaw sa puso ninyo kung ano ba talaga ang mga katangian ng iba’t ibang uri ng mga tao, magiging mas tumpak ang inyong mga prinsipyo sa kung paano tratuhin ang mga tao, at hindi na kayo gagawa ng mga hangal o mangmang na bagay, o mababawasan na ang paggawa ninyo sa mga iyon. Hanggang dito na lang ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Paalam.
Enero 27, 2024