Paano Hangarin ang Katotohanan (13) Ikaapat na Bahagi

II. Ang Ikalawang Katangian: Paglihis

Ang ikalawang katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay ang “paglihis.” Dahil isa itong katangian, hindi ito isang pansamantalang pagpapamalas, kundi isang bagay na madalas na naibubunyag mula sa kanilang kalikasan, at lubos nitong kinakatawan ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at ang kanilang mga disposisyon at diwa. Kaya, ano ang mga partikular na pagpapamalas ng katangian ng “paglihis” ng mga taong diyablo? Ano ang paglihis? Sa anong salita madalas na ipinapares ang paglihis? (Kabuktutan.) Ano pa? (Lihis na kalikasan.) Lihis na kalikasan, buktot na pagnanasa. Anong iba pang mga pagpapamalas ang lihis? Pagiging tuso at hindi normal, tama ba? (Oo.) Bukod sa pagiging tuso at hindi normal, ano pa? (Pati na rin ang pagiging labis na mapagkalkula at hindi maarok, pagiging beteranong tagapagpakana, na nagbibigay ng pakiramdam na medyo di-maarok.) Sa pangunahin, kasama ang lahat ng ito. Pagiging tuso, lihim na mapanira, madaya, mapagkalkula at hindi maarok, at pagiging beteranong tagapagpakana—lahat ng ito ay mga partikular na pagpapamalas at katangian ng paglihis. Kung gayon, sa anong mga bagay ipinapamalas ng mga diyablo ang mga katangiang ito? Sa diwa, bukod sa naiisip ng mga tao—ang pagiging tuso, lihim na mapanira, madaya, at iba pa, na may kaugnayan sa disposisyon o ipinapamalas sa mga paraan ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay—ano ang isa pang uri ng paglihis? Ito ay ang buktot na pagnanasa ng mga tao; ang ganitong uri ng paglihis ay dapat tawaging kahalayan. Dahil ginamit na ang salitang “paglihis,” hindi natin pinag-uusapan ang mga normal na pangangailangang pisyolohikal o reaksiyon ng laman, kundi kahalayan—ito ay tinatawag ding paglihis. Ang pagiging tuso, lihim na mapanira, at iba pa, na binanggit kanina ay may kaugnayan sa disposisyon; ang kahalayan ay paglihis na may kaugnayan sa laman. Hindi ba’t napakaangkop ng salitang “kahalayan”? (Oo.) Narito ang isa pang termino na mas angkop pa—pagiging malandi. Madalas sabihin ng mga walang pananampalataya na ang isang tao ay lihim na puno ng pagnanasa, isang hitad; lahat ng terminong ito ay tumutukoy sa aspekto ng buktot na pagnanasa. Bukod sa kahalayan at pagiging malandi, mayroon pa bang iba? (Isa ba rito ang pagiging mababang-uri?) Hindi; iba ang pagiging mababang-uri sa kahalayan. Ang pagiging mababang-uri ay may kaugnayan sa dignidad at integridad ng isang tao, samantalang ang kahalayan at pagiging malandi ay pangunahing may kaugnayan sa mga isyu ng asal ng isang tao sa pakikipag-ugnayan sa iba. Ang pinagtalakayan natin ay dalawang aspekto ng paglihis: ang isa ay may kaugnayan sa disposisyon, ang isa naman ay may kaugnayan sa pagnanasa ng laman. May isa pang aspekto, iyon ay na ang ganitong uri ng tao ay madalas na nakakaranas ng mga guni-guning naririnig at iba pang guni-guning pandama—palagi silang may ilang hindi normal na pagpapamalas. Halimbawa, madalas nilang sabihin, “Ibinunyag sa akin ng Diyos na sa ikaanim ng umaga ngayon ay dapat akong pumunta sa silangan; isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo roon ang gustong makipagkita sa akin.” “Kagabi ay nanaginip ako; marahil ay may dalawang kapatid na pupunta sa bahay ko ngayon.” Madalas silang magkaroon ng mga guni-guning naririnig at iba pang mga guni-guning pandama, palagi silang namumuhay batay sa mga penomena tulad ng mga di-pangkaraniwang panaginip, mga pangitain, o biglaang pagsulpot sa isipan ng mga salita, at kapag may nangyaring hindi karaniwan, kumikilos sila sa paraang hindi normal—sila ay partikular na sukdulan. Minsan ay bumabangon sila nang alas-tres o alas-kuwatro ng umaga para manalangin at magbasa ng mga salita ng Diyos; minsan naman sa gabi kapag nagpapahinga na ang lahat, nananatili silang gising sa kalahati ng gabi, ipinagpipilitang magbasa ng mga salita ng Diyos o matuto ng mga himno. Natutulog sila kapag kumakain o nagtatrabaho ang iba, at nagiging masigla kapag nagpapahinga ang iba; palagi silang hindi normal, palaging naiiba sa mga normal na tao. Maituturing din ba itong isang pagpapamalas ng paglihis? (Oo.) Mayroon bang angkop na salita para ilarawan ang abnormalidad na ito? Ipagpalagay na ang isang tao ay mukhang normal sa panlabas, ngunit palagi niyang ginagawa at inaarok ang mga bagay sa isang partikular na baluktot at sukdulang paraan; paano ka man makipagbahaginan sa kanila, hindi nila maintindihan. Minsan ay nakakaranas sila ng mga guni-guning naririnig at iba pang mga guni-guning pandama; sa ibang mga pagkakataon, bagama’t walang malinaw na boses o pahayag, mayroon silang mga kakatwang kaisipan sa kanilang kalooban na nagsasabi sa kanila na gawin ito o iyon. Ngunit anuman ang gawin nila, wala itong kinalaman sa katotohanan, at hindi man lang ito umaabot sa pagsunod sa mga regulasyon. Wala kayong maisip na angkop na salita para ilarawan ang ganitong uri ng tao, hindi ba? (Oo, wala po.) Sa tingin ba ninyo ay angkop ang salitang “kakatwa”? Ang kanilang panlabas na pag-uugali ay tila partikular na kakatwa at hindi normal, at palagi silang pabagu-bago ang kilos at magugulatin. Ngunit kung kokondenahin mo sila, wala kang maituturong anumang malalaking problema na mayroon sila, at kung ituturing mo sila bilang isang mabuting tao, tila medyo kakatwa pa rin sila—medyo hindi mo sila matalos. Kapag paminsan-minsan mo lang silang naririnig na magsalita, tila maayos naman sila, ngunit kung palihim mo silang oobserbahan, matutuklasan mo na ang kanilang mga kilos ay napakakakatwa, labis na hindi normal. Hindi ito isang magandang senyales; hindi mo masasabi kung ano ang maaari nilang gawin. Kalaunan, natuklasan na kaya nilang magsalita sa ibang mga wika habang nananalangin; karaniwan, palagi rin nilang kinakausap ang kanilang sarili, na para bang nakikipag-usap sila sa isang tao, tumatawa pa nga habang ginagawa ito, na mukhang nakakapangilabot. Isa rin itong pagpapamalas ng paglihis. Gamitin muna natin ang salitang “kakatwa” para ilarawan ang aspektong ito. Sa madaling salita, naibuod na natin ang mga pagpapamalas ng paglihis ng mga taong diyablo. May tatlong aspekto sa kabuuan: Ang isa ay ang buktot na pagnanasa ng laman; ang isa ay ang palaging pagkakaroon ng ilang hindi normal na pagpapamalas, pagiging partikular na kakatwa; at ang isa pang aspekto ay may kaugnayan sa disposisyon—ang pagiging napakatuso. Ang pagiging tuso ay nangangahulugan na ang ganitong uri ng tao ay taksil at tuso sa isang partikular na antas, hindi maarok ng mga ordinaryong tao. Kapag nakikisalamuha ang mga tao sa ganitong uri ng tao, madalas silang makaramdam ng pag-aalala, pagkabalisa, at takot; madalas silang matakot na sa huli ay ipagkakanulo sila ng mga ito at nagpapaloko pa rin sa mga ito—natatakot silang mahulog sa mga patibong ng mga ito. Ang ganitong uri ng tao ay partikular na lihim na mapanira at madaya. Maaari silang magsalita sa iyong harapan sa isang napakagalang at pinong paraan, ngunit sa iyong likuran, nagpapakana sila laban sa iyo, matagal ka na nilang kinakalaban nang hindi mo nalalaman. Kapag natuklasan mo ito, pagpapawisan ka nang malamig, iisipin mo, “Mabuti na lang, pinrotektahan ako ng Diyos! Kung hindi ako nanampalataya sa Diyos, napahamak na sana ako sa kanila; baka nawala pa nga ang buhay ko!” Ito ang kabuktutan ng ganitong uri ng diyablo. Bakit Ko sinasabi na ang gayong mga tao ay lihis? Tunay na hindi madaling sabihin batay sa kung ano ang kanilang panlabas na anyo; dapat kang magsimula sa mga bagay na binabalak nilang gawin at sa mga salitang ibinubunyag nila araw-araw—sapat na ito para malinaw mong makita ang lihis na diwa at kalikasan ng ganitong uri ng tao.

A. Pagiging Tuso

Ano ang pinag-iisipan ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo araw-araw? Halimbawa, ipagpalagay na isang sister ang naiangat para maging isang lider. Pagkatapos ay pagbubulay-bulayan nila, “Naiangat ang babaeng iyon para maging lider sa ganoong kabatang edad. Paano siya naging mas mahusay kaysa sa akin? Dati ay minamaliit ko siya, hindi ako kailanman nagpalakas sa kanya, o hindi kailanman nakipag-ugnayan nang maayos sa kanya. Ngayon ay isa na siyang lider, ang direktang nakatataas sa akin, kaya dapat akong magpalakas sa kanya. Kailangan kong tingnan kung kailangan niya ng tulong sa kanyang pang-araw-araw na buhay, o sa materyal o espirituwal na paraan. Kung hindi siya malilinlang niyon, kung hindi ko makukuha ang kanyang loob, susubukan ko ang iba pang malumanay na paraan—magsasabi ako ng ilang malumanay na salita, ilang salita ng pagpapasakop, ilang salitang mapanuyo sa kanyang harapan. Kailangan ko munang tingnan kung anong paraan ang uubra sa kanya. Nadadala ba siya sa pagpapalakas, o sa mga taktika ng masasamang tao na parang mga tampalasan? Mahilig ba siya sa pagkain o sa kasiyahan? Mahilig ba siya sa mga damit o alahas? Ano ang gusto niya? Dapat ko siyang kilatisin, dapat akong mapalapit sa kanya, magpalakas sa kanya, makipag-ugnayan nang maayos sa kanya, at subukang tantyahin siya.” Sinuman ang maging lider, pinagbubulayan nila kung paano mapapalapit sa lider na iyon at makikipag-ugnayan nang maayos dito. Dati, noong hindi pa lider ang sister na ito, tutol sila sa anumang sinasabi nito. Halimbawa, kung sinabi nito, “Magtipon tayo minsan sa isang linggo mula ngayon,” pagkatapos itong marinig, pagbubulayan nila, “Ang ibang mga iglesia ay nagtitipon dalawang beses sa isang linggo, pero tayo ay magtitipon nang minsan. Bakit naman kami susunod sa sinasabi mo? Sino ka ba sa tingin mo?” Ngayon na lider na ang sister na ito, iba na ang reaksiyon nila kapag nagsasalita ito; hindi na sila nagsasalita ng mga salita ng pagtutol tulad ng dati, sa halip ay sinasabi nila, “Ang sinasabi ng sister na iyon ay ang katotohanan!” Sa panlabas, kumikilos sila nang napakamapagpasakop, na para bang sila ay isang taong kayang sumunod, ngunit sa kalooban nila ay sinasabi nila, “Ano ba ang alam mo? Ilang araw ka pa lang namang lider! Dati ay ako ang gumagawa ng gawaing ito, ngunit ngayon ay lider ka na. Sige, ang lider ang may huling salita. Sasang-ayon muna ako sa iyo, ngunit kung paano ako kikilos sa iyong likuran ay desisyon ko na. Paglalaruan lang kita!” Ang ilang tao ay nahahalal bilang mga lider, at kapag tinanong, “Ang paghahalal ba ng mga lider sa inyong iglesia ay isinagawa ayon sa mga prinsipyo?” pagbubulayan nila, “Kung isinagawa ito ayon sa mga prinsipyo, naging lider pa rin kaya ako? Ngunit hindi ko masasabi sa iyo ang katotohanan.” Kaya sinasabi nila, “Isinagawa ito ayon sa mga prinsipyo. Dalawang termino na akong naglingkod bilang lider ng iglesia. Sa simula ay ayaw ko na itong gawin muli; natakot ako na tututol ang mga kapatid kung magiging lider uli ako, kaya binawi ko ang aking kandidatura. Ngunit sa huli, pinili pa rin ako ng mga kapatid, kaya ginagawa ko ito nang labag sa aking loob. Kapag mayroon nang bagong kandidato para sa pagiging lider, bababa ako sa puwesto.” Maganda itong pakinggan, ngunit talaga bang nilalayon nilang gawin iyon? Wala silang anumang intensyong gawin ito. Pinagsisinungalingan at pinaglalaruan ka lang nila, sinasabi lamang ang mga bagay na magandang pakinggan, na nakapagbibigay-kasiyahan sa iyo, na kayang manlinlang at manlihis sa iyo. Pagdating sa mga nakatataas na lider, pinagbubulayan nila kung paano magpapalakas sa mga ito at kukuhain ang loob ng mga ito, at kung paano ililigaw ang mga ito, para pahalagahan at iangat sila ng mga lider na ito. Kung hindi sila maiangat, pinagbubulayan naman nila kung paano maitatago sa mga lider ang mga kapintasan, paglihis, at pagkakamaling idinulot nila noon habang gumagawa, pati na rin ang mga pagsalangsang at mapanlinlang na pag-uugaling ginawa nila nang palihim para hindi malaman ng mga lider ang tungkol sa mga ito, kung paano sila makakalusot sa mga bagay na ito nang hindi nananagot. Ang mga ito ba ay mga pagpapamalas na dapat taglayin ng pagkatao? Positibo ba ang mga ito o negatibo? (Negatibo.) Hanggang sa anong antas negatibo ang mga ito? Hanggang sa antas na bago pa man may sumubaybay o mag-inspeksiyon sa kanilang gawain, nagawan na nila ng pakana ang mga bagay na ito sa kanilang isipan, matagal na silang handa sa isip—matagal nang puno ng mga bagay na ito ang kanilang isipan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t tuso ito? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao ay tusong nagsasalita para bumagay sa kanilang kausap, nagsasabi ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang lider. Kung babae ang lider, pinupuri nila ito bilang isang diyosa; kung lalaki ang lider, pinupuri nila ito bilang isang guwapong lalaki, isang matipunong lalaki. Hindi ba’t tuso ito? (Oo.) Isa itong pangunahing katangian ng paglihis. Ang kanilang saloobin at mga pagpapamalas sa mga lider ay ganito—napakatuso at labis na lihim na mapanira. Ang kanilang panloob na mundo ay lubhang masalimuot; napakaraming kaisipan ang nagsisiksikan doon, ngunit wala ni isa sa mga ito ang positibo. Hindi nila pinagbubulayan ang pagkatao, ang katotohanan, o ang tamang landas; ang tanging pinagbubulayan nila ay kung paano magpalakas sa mga lider at kuhain ang loob ng mga ito, kung paano pananatilihin ang sarili nilang katayuan, kung paano makakalusot sa mga bagay-bagay, kung paano magpapatuloy sa pagpapalipas-lipas ng araw, kung paano magpapatuloy sa pagiging palamunin ng iglesia, kumakain at umiinom nang walang anumang isinusukli nang hindi natutuklasan, nang hindi nananagot. Sa kanilang isipan, tanging ang mga isyung ito ang kanilang pinaplano, binabalak, at iniisip; gumagamit sila ng lahat ng uri ng panlalansi, at hindi kailanman nakakaramdam ng anumang panunumbat o pag-uusig ang kanilang konsensiya. Kapag dumarating sila sa isang grupo ng mga tao, sinusuri nila ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang mga mata: “Walang kabatiran ang iilang maybahay na iyon; imposibleng magkaroon sila ng anumang pagkilatis sa akin. Hindi nila matatalos ang mga panlalansing ginagawa ko. Kahit pa kaya nila, hindi nila ako mapapabagsak. Hindi makakagawa ng malalaking alon ang mga dilis; hindi sila magiging problema. Hindi na sila kailangang pansinin. Para naman sa iilang natitira, ang isa ay lider ng iglesia, ang isa pa ay isang matandang sister na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, at ang isa pa ay isang nakababatang sister na nag-aral diumano ng sikolohiya sa unibersidad. Ang iilang ito ay medyo banta sa akin. Sino ang dapat kong harapin muna? Sino ang dapat kong samahan at kunin ang loob muna? Paano ako magiging isa sa kanila? Paano ako magkakaroon ng katanyagan? Sino ang magiging katulong ko, at sino ang magiging kalaban ko? Sino ang dapat kong kaibiganin, sino ang dapat kong iwasan, at kanino ako dapat maging mapagbantay? Ang mga bagay na ito ay nangangailangan ng pangmatagalang pagpaplano; kailangan kong pag-isipan ang mga ito.” Pagkatapos mag-obserba sa loob ng ilang araw, natutukoy nila kung sino ang dapat nilang samahan at kasabwatin, kung sino ang maaaring akitin at samantalahin, kung sino ang bumubuo sa kanilang kalabang puwersa, at kung sino ang nakakaunawa sa katotohanan at nagtataguyod ng mga prinsipyo at dapat bantayan—nalalaman nila ang lahat ng bagay na ito. Pinagbubulayan nila sa kanilang puso, “Dapat akong maging mapagbantay laban sa mga may pagkilatis sa akin. Hindi ko maaaring pasamain ang loob nila, ni hindi ako dapat mapalapit sa kanila. Dapat ko silang lubos na iwasan, kundi ay baka ako magkamali at matalos nila ako. Kapag nariyan sila, hinding-hindi ako dapat magsalita nang walang ingat, kundi ay baka makahanap sila ng magagamit laban sa akin para ilantad at himayin ako sa iglesia. Kung magkakaroon ng pagkilatis ang mga kapatid, aalisin nila ako. Hindi puwede iyon!” Araw-araw, ang mga bagay na ito lamang ang iniisip nila. Kung sino ang lalabanan at kung paano lalaban para magkamit ng kasikatan at magmukhang magaling, kung sino ang uugnayan para magkaroon sila ng mga kalamangan nang hindi nagdurusa ng mga kawalan, kung paano makakabawi sa mga kawalang pinagdusahan nila sa ilang partikular na bagay—ang mga bagay na ito lamang ang pinagbubulayan nila buong araw. Maaari pa nga silang gumugol ng kalahating araw sa pag-iisip sa kung paano sila tiningnan ng isang tao: “Kahapon, napakatalas ng tingin sa akin ni Ganito-at-ganyan. Ano ang ibig sabihin niyon? May pagkilatis ba sila sa akin? Hindi ito magandang senyales. Anong problema ko ang nakita nila? Kailangan kong mag-ingat sa mga susunod na araw, at huwag hayaang may magpahalata. Isa pa, kailangan kong matutong bumasa ng mga bagay mula sa mga tingin ng iba, at hindi ako dapat maging pabaya. Kumikibot ang talukap ng aking mata nitong nakaraang dalawang araw; tila may masamang mangyayari. Dapat akong mag-ingat, sana talaga ay walang mangyaring masama; baka maalis ako kung hindi ako mag-iingat.” Walang mga problemang makikita mula sa labas sa kung paano sila nakikisalamuha sa mga tao. Ang kanilang mga pagkain, pagtulog, at gawain ay tila pawang normal. Ngunit ang nasa kanilang puso at isipan ay hindi normal. Ano ang mga pagpapamalas ng abnormalidad na ito? Ito ay na ang mga bagay na iniisip nila ay pawang labis na tuso, hindi kayang maarok ng iba.

Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay namumuhay nang labis na madilim. Ang lahat ng bagay sa kanilang mga isipan ay maaari lamang pagbulayan, kalkulahin, planuhin, at paghandaan sa madidilim na sulok. Ang kanilang mga puso ay ganap na puno ng mga bagay tulad ng pag-aagawan para sa kasikatan at pakinabang, pagpapakana, paghahambing, paninibugho, pakikipagtunggali, paghihiganti, at iba pa. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan kahit katiting. Anumang bagay ang kanilang hinaharap, hindi nila ito inilalatag para pagbahaginan at pagpasyahan sa isang hayagan at tapat na paraan; sa halip, palihim silang naghahanap ng iilang tao at kasama ang mga ito gumagawa ng desisyon. May ilang ganitong uri ng tao sa bawat iglesia. Sila ay matipid magsalita at hindi nagpapakita ng emosyon; anuman ang kanilang makaharap, pinipili nilang manahimik at hindi kailanman madaling ipinapahayag ang kanilang paninindigan. Sa panlabas, magalang silang magsalita sa mga tao, ngunit hindi sila kailanman nagsasabi ng katotohanan o nagbubunyag kung ano talaga ang nasa kanilang puso; wala silang anumang taos-pusong salita para sa sinuman. Halimbawa, may ilang tao na hindi kailanman nagbubunyag ng kanilang kaloob-loobang mga iniisip sa sinumang kanilang nakakaugnayan; maging ang kanilang pinakamalalapit na miyembro ng pamilya ay hindi alam kung ano ang iniisip nila araw-araw. Maging ang kanilang pamilya ay hindi sila nauunawaan, lalo na ang mga tagalabas. Kahit pa ikaw ang kanilang matalik na kaibigan, isang kaibigan mula pagkabata, isang matagal nang kaibigan, o isang mabuting kasamahan sa trabaho, hindi mo pa rin alam kung ano ang kanilang kinakalkula; walang sinuman ang makakaarok sa kanila. Paano man sila magsalita o kumilos, walang sinuman ang makakatalos sa kanila. Ngunit paminsan-minsan, maaari silang makapagbitiw ng ilang salita: “Mas mahusay sa akin si Ganito at ganyan, ano naman ngayon! Isang araw ay malalampasan ko sila, tingnan mo lang!” May mas malalim na kahulugan sa likod ng mga salitang ito na “tingnan mo lang”; nangangahulugan ito na sila ay nagmumuni-muni at nagbubulay-bulay sa kanilang puso at isipan araw-araw. Sa panlabas, mukha silang kalmado at payapa, ngunit sa loob ng kanilang puso, mayroong nagngangalit na bagyo at kaguluhan. Ano ang mga bagay na iniisip nila? Kung ang mga ito ay mga hayagan at tapat na bagay, mga positibong bagay tulad ng tamang landas sa buhay, pagsasagawa ng katotohanan, pagkilos ayon sa konsensiya, kung paano umasal, kung paano mahalin ang Diyos, at kung paano gumawa ng kanilang tungkulin nang deboto—kung madalas nilang iniisip, hinahanap, pinagbubulayan, sinusuri, at sinusubukang unawain ang mga bagay na ito sa kanilang puso, kung gayon ang kanilang kalooban ay magiging labis na kalmado at magtataglay ng kapayapaan at kagalakan, at mamumuhay sila nang higit at higit na normal, hindi sa paraang tuso. Ang mga taong namumuhay sa mga positibong kalagayang ito ay, paminsan-minsan, magkakaroon ng espirituwal na pag-uugnayan at pakikipag-usap sa mga nasa paligid nila at sa mga medyo malapit sa kanila. Ngunit ang pinagbubulayan at iniisip ng mga diyablo sa kanilang mga puso ay pawang mga bagay na tuso. Ang katusuhan ay tumutukoy sa mga bagay na hindi nahahawakan na hindi kayang makita ng mga normal na tao, mga bagay na medyo abnormal, mga bagay na nakatago sa madidilim na sulok na mahirap matuklasan at mapansin ng mga tao, mga bagay na hindi kailangan ng mga normal na tao. Ang madidilim na sulok na ito ay ang mga panloob na mundo ng mga diyablo. Ang kanilang puso ay puno ng mga bagay na ito na tuso. Araw-araw, inihahambing nila ang sarili sa iba, nakikipagtunggali sa iba, gumagamit ng mga pakana at panlalansi sa iba, nag-aagawan para sa katayuan, reputasyon, at huling salita; ang mga bagay na ito lamang ang iniisip nila. Kung tatanungin mo sila kung mayroon na silang landas ngayon para sa pagiging isang matapat na tao, hindi ka nila sasagutin, hindi ka nila papansinin, at ayaw nilang banggitin ito. Ito ay dahil ang kanilang mga puso ay puno ng mga negatibo at tusong bagay na ito; ang mga bagay na ito lamang ang iniisip nila. Kapag paminsan-minsan ay kailangan nilang mag-isip nang kaunti tungkol sa mga isyung may kaugnayan sa mga teknikal o propesyonal na aspekto, ginagawa lamang nila ito nang pansamantala, dahil sa mga pangangailangan ng kanilang gawain o buhay. Sa sandaling matapos ang kanilang gawain sa aspektong ito, agad silang nagsisimulang mag-isip muli tungkol sa mga bagay na iyon na tuso, nagbubulay-bulay, “Kaninong mga kaloob ang mas dakila kaysa sa akin? Sa anong aspekto ako mas malakas kaysa sa kanila, sa anong aspekto sila mas mababa sa akin? Hindi ba’t tila sinadya akong maliitin ni Ganito-at-ganyan noong huli siyang nakipag-usap sa akin? Tila matagal nang hindi normal na nakikipag-usap ang dalawang taong iyon—ano ang nangyari sa kanila? Kung may lumitaw na hidwaan o problema sa pagitan nila, makakakuha ba ako ng ilang pakinabang mula rito? Ang isa sa kanila ay kapaki-pakinabang sa akin at makakatulong sa akin, at gusto ko talagang makisama sa taong iyon, ngunit hindi niya ako kailanman pinapansin. Kung may hidwaan sa pagitan nilang dalawa, maaari ko bang samantalahin ang pagkakataong ito at gamitin ang magandang oportunidad na ito para makapagtatag ng ugnayan sa taong iyon?” Ang lahat ng kanilang pinagbubulayan at iniisip sa kanilang puso ay walang kinalaman sa mga positibong bagay, at walang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Nakakatakot ba ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Kung makikisalamuha ka sa kanila, katumbas ito ng pakikisalamuha sa isang diyablo. Hindi ka nagpapakana laban sa kanila, ngunit nagpapakana sila laban sa iyo at inoobserbahan ka araw-araw, pinagbubulayan ka at pinag-aaralan ka kapag nakatalikod ka: “Ano ang ibig nilang sabihin doon? Nakatuon ba iyon sa akin? Paano ako sasagot para hindi nila ako matalos? Paano ako sasagot sa paraang makikinabang ako? Kung hindi ako sasagot, iisipin ba nilang hangal ako, madaling apihin, o na hindi ako tunay na nananampalataya sa Diyos? Iisipin kaya nila iyon? Kailangan kong alamin ang totoong iniisip nila.” Kapag palagi kang namumuhay sa gitna ng kanilang mga pakana, komportable ba ang iyong puso? (Hindi.) Para kang may katabing hindi nakikitang demonyo; hindi ka makakaramdam ng kapayapaan o kagalakan. Kapag nakikisalamuha ka sa kanila, iisa lang ang iyong nararamdaman: isang palagiang pakiramdam ng pagkabalisa. Ang pagkabalisa na ito ay napakanormal, dahil ang intuwisyon o kutob ng mga normal na tao ay nagpaparamdam sa kanila ng pagkabalisa sa mga diyablo, sa mga abnormal na nilalang na nasa paligid nila. Kahit pa hindi mo sila gaanong kilala, at hindi mo maipaliwanag kung ano talaga ang mali, palagi kang nakakaramdam ng pagkabalisa kapag kasama mo sila, na para bang may masamang mangyayari. Sapat na ito para patunayan na may masama silang hangarin, na nagpapakana sila laban sa iyo, at may masasamang balak sa iyo. Namumuhay ka sa ilalim ng kanilang mga mapanubaybay na mata, at pinag-aaralan ka nila araw-araw—ito ay nagpaparamdam sa iyo ng higit na pagkabalisa kaysa kapag may katabi kang tigre o leon. Kung ang tigre o leon ay pinalaki mo, kahit pa ito ay isang mabangis na hayop, hindi ka kailanman makakaramdam ng pagkabalisa. Ngunit kung may diyablo sa tabi mo, dahil mayroon silang isang lihis na kalikasang diwa, nakakaramdam ka ng pagkabalisa. Ang pagkabalisa na ito ay isang pakiramdam sa espiritu; ito ay sanhi ng isang diyablong kumikilos. Marahil ang diyablo ay hindi sadyang naglalayong lubhang saktan ka sa anumang antas, ngunit ang kanyang palagiang pagpapakana laban sa iyo at pantitiktik sa iyo ay magpapabalisa sa iyong espiritu. Kung may diyablo sa tabi mo, hinding-hindi ka mamumuhay nang may kapayapaan at kagalakan, maliban kung hindi siya isang diyablo, o mayroon kang sapat na tayog at sapat na pananalig sa Diyos, o mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay—maliban kung natutugunan ang isa sa mga kondisyong ito, kung saan hindi siya magdudulot ng anumang banta sa iyo o magkakaroon ng anumang epekto sa iyo, at hindi ka makakaramdam ng pagkabalisa. Kung walang natutugunan sa mga kondisyong ito, kapag palagi kang tinitiktikan ng isang diyablo, makakaramdam ka ng pagkabalisa. Hanggang sa anong antas ito unti-unting hahantong? Makakaramdam ka ng pagkasuklam sa kanya at magiging mapagbantay ka laban sa kanya, magugulo ka sa iyong kalooban, at mahihirapan ka, malilimitahan, at magagapos sa maraming bagay. Kung siya ay nasa malapit, kapag gumagawa ka ng mga bagay o nagsasalita, palagi mong kailangang isaalang-alang ang tingin sa kanyang mga mata, ang kanyang kilos, o ang kanyang mga opinyon. Maaari mo pa ngang palaging subukang alamin, “Ano kaya ang iisipin niya sa akin? Bakit hindi ko siya matalos? Bakit pakiramdam ko ay mapagkalkula siya at hindi maarok? Bakit tila hindi ngiti ng pagsang-ayon ang ngiting iyon? Bakit ako labis na natatakot? Bakit labis akong naiimpluwensiyahan niya?” Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at wala kang pagkilatis, pagkatapos makisalamuha sa ganitong uri ng tao sa loob ng isang panahon, natural kang maiimpluwensiyahan niya at hahantong ka sa gayong kalagayan, na labis na nakakatakot.

Batay sa kung ano ang natural nilang ibinubunyag sa kanilang pang-araw-araw na buhay at kung ano ang iniisip nila sa kanilang puso, ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay maaaring ilarawan bilang mayroong isang lihis na diwa. Kung hindi ka pa nagkaroon ng mas malalim at mas malapit na pakikipag-ugnayan sa kanila, marahil ay hindi mo nauunawaan ang kanilang mga panloob na mundo, ngunit ang pinakadirekta at pinakasimpleng paraan para makilatis ang ganitong uri ng tao ay isang katangian sa kanilang panlabas na anyo: Madalas nilang ipakita ang isang buktot na tingin sa kanilang mga mata at isang tusong ngiti. Ang buktot na tingin na iyon ay nangangahulugan ng isang pabagu-bagong tingin, isang tingin na hindi gaanong malinis at malinaw, o hindi gaanong tapat at taos-puso, kundi sa halip ay tila hindi maarok. Nararamdaman mo na mayroong natatagong kahulugan sa tingin na ito, ngunit sadyang hindi nila sasabihin sa iyo kung ano ito. Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng banayad na pagpapahiwatig ng mga bagay kapag sila ay nagsasalita, inuudyok ka nilang mag-isip-isip, gumagamit ng mga salita para magpahiwatig ng mga bagay at magdulot sa iyo na magkamali ng akala na nag-iisip sila sa isang partikular na paraan, ngunit ang totoo, isa lamang itong panglihis ng atensiyon. Ang naaarok mo ay hindi talaga ang kanilang tunay na kahulugan; gusto ka lang nilang paglaruan at tuyain. Wala kang mahanap na anumang sinseridad sa kanilang tingin; ang tingin na ito ay pabagu-bago at palibut-libot, mayroong isang malabo at mailap na pakiramdam dito. Sa sandaling makita mo ang tingin sa kanilang mga mata, biglang sumusulpot ang pagdududa sa iyong puso, at naghihinala ka na mali ang iyong sinabi o ginawa. Kung hindi mo makikita ang tingin sa kanilang mga mata, nararamdaman mo na tama ang iyong opinyon, na dalisay ang iyong sariling pag-arok, na ang mga bagay na ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at na dapat kang kumilos sa isang partikular na paraan, at mayroon kang matatag na pananalig na gawin ito. Ngunit sa sandaling magtama ang inyong mga mata o titigan ka nila ng buktot na tingin na iyon, hindi mo namamalayang bigla kang kikilabutan. Bagama’t walang tahasang salitang binibigkas, ang buktot na tingin na iyon sa kanilang mata ay nagbibigay sa iyo ng isang sikolohikal na mungkahi, inililigaw ka nito, na nagiging sanhi upang agad mong pagdudahan ang iyong sarili: “May nasabi ba akong mali? May nagawa ba akong mali? Saan ako nagkamali?” Ang usapin at prinsipyo na pinag-uusapan ay halatang napakalinaw at hindi mapag-aalinlanganan, at tiyak ka na dapat itong gawin sa ganoong paraan at na ito ay tama, ngunit pagkatapos magtama ang inyong mga mata, sa halip ay nagiging mapag-alinlangan ka. Ang ganitong uri ng tingin ay ang tingin ng isang diyablo. Ito ay isang aspekto: Ang buktot na tingin nila ay nagdudulot sa iyo na mag-alinlangan. Ang isa pang aspekto ay na minsan, mayroong isang partikular na kahulugan sa loob ng buktot na tingin na iyon—paghamak. Ikaw ay bata pa, mababaw ang karanasan, kulang sa karanasan sa buhay, at maaaring mayroon pa ngang ilang depekto sa pagkatao, kaya kapag nagtama ang inyong mga mata, agad kang nawawalan ng tiwala sa sarili, pinanghihinaan ka ng loob, at agad mong pinagdududahan ang iyong sarili, pakiramdam mo ay napakaliit mo, pakiramdam mo ay mas mababa ka kaysa sa kanila, at nagiging maliit ka sa kanilang harapan. Ito ang tingin ng isang diyablo. Ang buktot na tingin na ito ay gumugulo minsan sa isipan ng mga tao, minsan ay gumugulo sa tiwala sa sarili ng mga tao, at minsan ay nagpaparamdam din sa mga tao ng pagiging negatibo at panlulumo.

Pagdating sa pagkilatis sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, kung wala ka pang karanasan sa pagkilatis sa kanila sa pamamagitan ng pagmamasid sa tingin ng kanilang mga mata, tingnan mo kung ano ang iniisip nila sa araw-araw, kung ano ang sinasabi nila kapag nakikipag-usap sila sa mga tao araw-araw, at kung mayroon bang normal na komunikasyon. Kung walang normal na komunikasyon, at hindi sila nauunawaan ng karamihan ng mga tao, at ang prinsipyo nila sa pakikisalamuha sa karamihan ng tao ay ang manatiling tikom ang bibig, at kahit ang mga pinakamalapit sa kanila ay hindi alam kung ano ang iniisip nila araw-araw, at hindi madaling maarok ang kanilang mga eksaktong kaisipan at pananaw o matanto kung ano talaga ang iniisip nila, kung gayon ay malinaw na ang gayong mga tao ay talagang mapagkalkula at hindi maarok. Ang pananahimik nila ay hindi nangangahulugang wala silang mga kaisipan at pananaw; sa katunayan, ang tunay nilang mga iniisip ay nakatago sa kanilang isipan, hindi lang nila sinasabi ang mga ito. Kung hindi nila sinasabi ang mga ito, paano mo matutuklasan na sila ay tuso? Mayroon silang isang uri ng tusong ngiti; madalas silang magpakita ng huwad na ngiti. Kapag kaharap ka nila, nagpapakita sila ng huwad na ngiti, ngunit kapag tumalikod na sila, nagiging walang ekspresyon ang mukha nila, walang anumang ngiti. Ang ganitong uri ng tao ay nakakatakot, nakakakilabot; isa silang diyablo. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.) Halimbawa, ipagpalagay na may tinatalakay ka sa kanila. Pagkatapos mong sabihin ang iyong pananaw, hindi nila ipinapahayag ang kanilang paninindigan, kundi nagpapakita sila ng isang tusong ngiti. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng isang tusong ngiti? Nangangahulugan ito na hindi mo alam kung ang ngiting ito ay pagsang-ayon o pagtutol, at hindi mo alam kung talaga bang nauunawaan nila ang ibig mong sabihin. Nagbibigay lang sila ng isang “heh heh” na tawa. Tungkol sa sinabi mo, hindi nila sinasabing tama ito o mali ito, hindi nila sinasabing nauunawaan nila ito o hindi nila nauunawaan, kaya hindi mo maarok kung ano talaga ang ibig sabihin ng tawang ito. Tumugon nga sila sa iyo, ngunit ang tugon na ito ay kapareho lang ng walang tugon. Kung hindi sila tumugon, iisipin mong marahil ay hindi nila naunawaan; sa halip, ang pagtugon nila sa ganitong paraan ay nagdudulot sa iyo ng pagkalito. Hindi mo alam kung ang tawang ito ay nangangahulugan ng panunuya, paghamak, pangungutya, o pagsang-ayon at pag-apruba. Kung hihingin mo ang kanilang pananaw, muli silang tatawa ng “heh heh,” sasabihing, “Sige, sige,” at pagkatapos magsalita, biglang magdidilim ang kanilang ekspresyon. Sa paraang hindi mo namamalayan, nagdudulot ito ng matinding presyur sa iyo. Kung mababa ang iyong tayog, at wala kang tunay na paninindigan, o mga tamang kaisipan at pananaw, maaari kang masindak sa kanila. Iyon ang dahilan kung bakit tinatawag na tusong ngiti ang ngiti nilang ito—ang pagiging mapanlinlang at tuso ay tinatawag na katusuhan. Hindi nila basta-basta inilalantad ang kanilang mga pananaw. Naniniwala sila na ang pagsasabi ng isang salita ay masyadong kaunti, ang dalawang salita ay masyadong marami, at na sa sandaling malinaw na naipahayag ang isang pananaw o tumutukoy ito sa isang partikular na bagay, isa itong kabiguan, isang pagkakamali. Kaya ang pinakamainam na paraan para sa kanila ay ang ngumiti at hayaan kang maghinuha—maaari kang maghinuha ng anumang kahulugang gusto mo, maaari kang maghinuha sa anumang paraang gusto mo, ngunit kahit papaano ay nararamdaman mong hindi sila mapanlaban sa iyo, at sa gayon ay nakakamit nila ang kanilang layon. Pagmasdan ninyo ang matatandang tusong iyon na nagpapakana at sukdulang mapanlinlang, at ang mga taong iyon na lihim na mapanira at tuso, at gumagamit ng malulupit na taktika: Hindi sila gaanong nagsasalita, ni walang gaanong ekspresyon ang kanilang mukha, ngunit ang tingin sa kanilang mga mata at ang kanilang mga ngiti ay lihis. Ang mga normal na tiwaling tao at iyong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay pawang tumatakas mula sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo; ayaw nilang makisalamuha sa gayong mga tao, at ang makasama ang gayong mga tao ay nakakatakot para sa kanila, kinikilabutan sila. Bakit sila kinikilabutan? Dahil ang gayong mga tao ay hindi tao, sila ay mga diyablo, at kayang gawin ng mga diyablo ang kahit ano. Kapag ang mga normal na tao ay nakikisalamuha sa isang tao, hindi sila nagdudulot ng kilabot sa taong iyon. Ang mga normal na tao ay may konsensiya at katwiran, kumikilos sila nang may pagtitimpi at pagpipigil, at mayroon silang mga pinakamababang pamantayan. Sa pinakamalala, kapag galit sila, maaari ka nilang murahin nang kaunti, at magsabi ng ilang hindi magagandang salita na medyo makakasakit sa iyong pagpapahalaga sa sarili. Ngunit iba ang mga diyablo; hindi ka nila minumura o hindi nila sinasaktan ang iyong pagpapahalaga sa sarili, ngunit pinipinsala ka nila. Kapag nakatalikod ka, pinagbubulayan nila kung paano ka ililigaw; gumagawa sila ng isang hukay at pinatatalon ka roon. Pagkatapos mong tumalon, pinapanood ka nila mula sa itaas, nagagalak sa iyong kasawian, habang nagkukunwari ding isang mabuting tao, sinasabi, “Ililigtas kita! Paano ka nahulog diyan? Akala ko alam ng karamihan na may hukay rito.” Gusto pa nilang gumanap bilang mabuting tao, pinapaniwala ka sa pagpapanggap nila. Hindi ba’t nakakatakot ang ganitong uri ng tao? Sila ang gumawa ng hukay na iyon, at isinadya nila iyon para sa iyo; kung hindi ka tatalon doon, sino pa? Pagkatapos mong tumalon sa hukay, iuunat nila ang isang kamay para iligtas ka, at habang inililigtas ka, sasabihin nila, “Bakit ka tumalon?” Habang nagagalak sa iyong kasawian, idinudulot din nila na hindi mo mapagtanto na sila ang gumawa ng hukay. Malinaw na sila ang puminsala sa iyo, ngunit pinaparamdam pa nila sa iyo na dapat kang magkaroon ng malaking utang na loob sa kanila. Hindi ba’t ito ay paglihis? (Oo.) Ito ay sukdulang paglihis!

May isang bagay na madalas gawin ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, na nakita na ng lahat: Pinakamagaling ang mga diyablo sa pagsasabi ng magagandang pakinggan na salita para kunin ang loob ng mga tao. Halimbawa, kapag nakita ka ng gayong tao na nagtatrabaho, nagtatago siya sa loob at nagmamasid. Kapag natapos mo na ang gawain, lalabas siya at sasabihin, “Aba, nagtatrabaho ka pala! Bakit hindi mo ako sinabihan? Tinulungan sana kita at nakibahagi sana ako sa pasanin mo. Kung nakakapagod ito, maaari natin itong gawin nang magkasama. Sa susunod na magtatrabaho ka, sabihan mo lang ako—maliit na bagay lang naman ito. Huwag kang mahiyang humingi ng tulong sa akin!” Kapag narinig mo ito, maaantig ang puso mo, at iisipin mong bagama’t hindi siya tumulong, mayroon siyang intensyong gawin iyon, at sapat na ang mga salita niya. Nililinlang ka nila gamit ang kanilang magagandang pakinggan na salita. Kita mo, talagang nagagawa nilang sabihin ang gayong mga bagay, at hindi sila nakakaramdam ng kahihiyan sa pagsasabi ng mga iyon. Kaya paano mo malalaman na hindi totoo ang mga salita nila? Sa susunod na matapos mo ang iyong mga gawain, darating sila at muling magsasabi ng magagandang pakinggan na salita: “Bakit hindi mo ako sinabihan na nagtatrabaho ka? Palagi mo na lang akong hindi tinatawag para tumulong; talagang itinuturing mo akong ibang tao. Bakit ba napaka-pormal mo sa akin?” Pagkatapos itong mangyari nang dalawa o tatlong beses, malalaman mo na sa totoo lang ay ayaw ka nilang tulungan sa gawain, at na nagsasabi lang sila ng ilang magandang pakinggan na salita para linlangin ka at kunin ang loob mo. Kapag mayroon talagang isang bagay na nangangailangan ng tulong nila, hindi na sila mahagilap. Anong uri ng tao ito? Isa itong diyablo, tiyak na hindi isang tao. Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay magsasabi ng magagandang pakinggan na salita sa sinumang makasalamuha nila para linlangin ang mga ito at makamit ang sarili nilang mga layunin. Puno sila ng mga tusong pakana; hindi sila mga tao, kundi mga diyablo. Mayroon bang anumang halaga sa pakikisalamuha sa mga taong tulad nito? Hindi mo nga sila dapat pansinin. Mayroon bang gayong mga tao sa iyong pang-araw-araw na buhay? (Mayroon.) Ganito ang pag-uugali ng gayong tao sa usaping ito, at sa iba pang mga usapin, ganoon din ang pag-uugali nila—palagi nilang nililinlang ang mga tao. Ganoon sila kalihis; hindi sila sinsero sa mga tao.