Paano Hangarin ang Katotohanan (13) Ikatlong Bahagi

Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay nagsisinungaling din na tulad ng mga diyablo dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon, ngunit kapag pinagsasabihan, kahit paano ay aaminin nila ito sa kanilang puso. Bagama’t kaya nilang aminin ito, dahil sa kanilang katangiang hayop ay hindi nila kayang maarok ang katotohanan, kaya hindi nila kailanman nauunawaan kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng hindi pagsisinungaling o kung ano ang ibig sabihin ng pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Kahit pa sabihin nilang, “Hindi na ako muling magsisinungaling, gusto kong magsabi ng totoo,” kapag sinusubukan nilang isagawa ito, mukha silang labis na nakakaasiwa at hangal. Nakikita ito ng iba bilang katawa-tawa, sinasabing, “Sino ba ang nagsasagawa ng katotohanan nang ganito? Ngayon ko lang ito nakita—talagang lumawak ang aking isipan!” Ito ay tulad ng isang hayop na tumatayo at tuwid na naglalakad na parang tao; mukha itong napakaalanganin at kakatwa. Nais din ng ilang taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop na maging matapat at gumawa ng ilang mabuting bagay, ngunit hindi nila mahanap ang mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag nagsasagawa sila, ito ay napakabaligho at nagiging isang katatawanan. Nakikita ito ng iba bilang katawa-tawa, subalit iniisip pa rin ng mga taong ito na sila ay nagiging matapat. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Ipagpalagay na sabihin mo sa kanila, “Kung gusto mong maging isang matapat na tao, dapat mong tiyaking hindi ka magsisinungaling, magdadahilan, susubukang pangatwiranan ang sarili mo, o makikipagtalo nang wala sa katwiran. Sapat na ang paggawa nito. Ito ang pagiging matapat. Kung gumawa ka ng mga bagay na lumalabag sa katotohanan at sa gayon ay sumalangsang, maaari kang maging bukas at ilantad ang iyong sarili. Tanggapin mo lang ang anumang sinasabi ng sinuman na umaayon sa katotohanan. Huwag kang gumawa ng mga bagay na wala sa katwiran o katawa-tawa.” Ngunit hindi nila ito nauunawaan. Kapag isinasagawa nila ito, nagkakamali sila. Ano sa tingin ninyo ang pinakamalaking problema sa ganitong uri ng tao? Ito ay na hindi sila pasok sa pamantayan ng mga normal na tao. May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo? (Mayroon.) Ano ang pagkakaiba? (Ang baluktot nilang pagsasagawa ay hindi dahil sila ay mga diyablo na may maladiyablong kalikasan, kundi pangunahin dahil wala silang kakayahan at hindi nila kayang makamit ang normal na pag-iisip at katwiran na dapat taglayin ng mga tao.) Tama, nagkukulang ang kakayahan nila. Maaaring subhetibong gusto ng mga taong mahina ang kakayahan na isagawa ang katotohanan, ngunit hindi nila kayang maarok ang mga prinsipyo; kaya lang nilang kumapit sa mga regulasyon. Kaya ang pagsasagawa nila ay radikal, hangal, at mangmang. Nais silang tulungan ng mga tao, ngunit ang disposisyon nila ay parang isang parkupino na nababalutan ng mga tinik, hindi malaman ng mga tao kung paano magsisimula. Paano man ibahagi sa kanila ang katotohanan, tila hindi nila ito kayang maunawaan o maarok. Pagkatapos ng lima o anim na taon ng tulong at suporta, nauunawaan lang nila ang kaunting salita at doktrina at hindi pa rin nila kayang isagawa ang katotohanan. Napakahina ng kakayahan nila. Subalit ang mga hangal na taong ito ay palaging gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay. Kapag hindi ito tungkol sa malalaki o mahahalagang usapin, dahil sa kagandahang-asal o para hindi mapahiya, kaya mo pa ring piliting kausapin sila. Ngunit sa sandaling masangkot na ang mahahalagang usapin, halimbawa, kapag tinatalakay ang paggampan ng mga tungkulin o gawain, nakakaramdam ka ng pagkailang at hindi ka nagiging komportable, dahil natatakot kang sasalungat o tututol sila sa anumang paraan at mapapahiya ka. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na kausapin tungkol sa mahahalagang usapin. Sadyang hindi ka puwedeng makipag-ugnayan sa kanila; ang pakikipag-ugnayan sa kanila ay nagdudulot ng napakaraming problema at makakaapekto rin sa mga seryosong usapin. Palagi silang naglilitanya ng mga baluktot na pangangatwiran at mga pahayag na wala sa paksa, na talagang nakasusuklam pakinggan. Ano pang ibang mga baluktot na bagay ang nagawa ng ganitong uri ng tao? Kung magkagusto sila sa isang tao ng kabilang kasarian at magkaroon sila ng buktot na pagnanasa, iniisip nilang dapat silang maging isang matapat na tao, at na dapat silang maging bukas tungkol dito at hindi ito dapat kimkimin, kaya sa isang pagtitipon, hayagan nilang tinatalakay ang usaping ito. Ang tao ng kabilang kasarian na gusto nila ay nakakaramdam ng pagkaasiwa at hindi komportable sa pagkarinig nito, at napapahiya ito. Kung susubukan mo silang pigilan, sumasama ang loob nila, sinasabing, “Nagsasalita ako mula sa puso at nagiging matapat. Anong karapatan mong pigilan ako sa pagsasagawa ng katotohanan? Ito ang karapatan ko! Sa wakas ay nagkalakas-loob akong magsalita tungkol dito, pero pinipigilan mo ako! Ni hindi nga ako pinipigilan ng Diyos, kaya ano ang karapatan mong gawin iyon? Binibigyan pa nga ako ng Diyos ng pagkakataong maging isang matapat na tao; ikaw lang ang mababa ang tingin sa akin at ayaw akong hayaang maging matapat. Kung kikimkimin ko ang usaping ito at hindi ko ito sasabihin, hindi ba’t pagtatago iyon ng mga katunayan? Hindi ba’t pagiging isang mapanlinlang na tao iyon? Kung gayon, hindi ako magiging isang matapat na tao. Kung hindi ako isang matapat na tao, ililigtas pa rin ba ako ng Diyos?” Tulad ng nakikita mo, ang lahat ng nakikinig ay nakakaramdam ng pagkaasiwa at napapahiya, subalit iginigiit pa rin ng taong ito na magdetalye, at hindi mo man lang sila mapigilan. Sabihin mo sa Akin, tungkol sa usaping ito, dapat bang maging mapagparaya at mapagpasensiya, o dapat bang makipagbahaginan sa mga katotohanang prinsipyo para pigilan sila? (Dapat nating pagbahaginan ang mga katotohanang prinsipyo para pigilan sila.) Kung susubukan munang tumulong dahil sa pagmamahal, hinihikayat sila na huwag nang sabihin sa hinaharap ang gayong mga bagay na hindi nakapagpapatibay sa iba, mauunawaan at matatanggap ba nila ito? (Hindi.) Kung gayon, ang ganitong uri ng tao ay baluktot, medyo hangal, at hindi gaanong matino ang katwiran, kaya ang tanging magagawa ay pigilan sila. Lahat ng tao ay may buktot na pagnanasa, at paminsan-minsan ay maaaring magkaroon ng kaunting damdamin o magkimkim ng kaunting kaisipan para sa isang tao ng kabilang kasarian. Sapat nang kilalanin ito nang sarilinan. Kung patungo sa masamang direksiyon ang mga bagay-bagay, dapat bawasan ang pakikipag-ugnayan sa taong iyon o iwasang mapag-isa kasama siya sa hinaharap. Ang mga taong may normal na pagkatao ay gagamit ng matatalinong pamamaraan at kikilos ayon sa mga prinsipyo kapag hinaharap ang gayong mga usapin. Alam nilang hindi maaaring pangasiwaan ang ganitong uri ng usapin sa pamamagitan lamang ng paglalapat ng mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao, at na kailangan ding ilapat ang ilang prinsipyo ng karunungan. Ngunit hindi alam ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop kung paano pangasiwaan ang gayong mga usapin, at itinuturing pa nga nilang pagiging matapat ang hayagang pagiging bukas tungkol sa gayong mga bagay. Hindi nila alam kung anong mga kahihinatnan ang idudulot nito. Kapag sinusubukan nilang maging matapat, kumakapit lang sila sa isang regulasyon at isang pormalidad. At ano ang resulta? Nagdudulot sila ng problema sa kanilang sarili, sa taong gusto nila, at sa lahat ng iba pa. Ang taong gusto nila ay naaapektuhan at nalilimitahan ng usaping ito, pakiramdam nito ay hindi nito kayang harapin ang sitwasyon. Ang lahat ng iba pa ay medyo nahihiya rin sa pagkarinig nito, iniisip na, “Kung makikinig kami, para kaming nakikialam sa pribadong buhay ng isang tao; pero kung hindi, igigiit pa rin nilang magsalita, naniniwalang sila ay nagiging matapat.” Nakikita mo, para sa lahat, ang usaping ito ay matinik at mapanggulo. Hindi ba’t masasabi mo na ang ganitong uri ng tao ay isang malaking problema? Kung makikipagbahaginan ka sa mga prinsipyo, hindi nila tinatanggap ang mga ito, sinasabing: “Kapag kayo ay nagiging matapat at nagiging bukas, kahit ano ay puwede ninyong sabihin, pero kapag ako ang nagsasabi ng isang bagay, hindi puwede. Hindi ba’t nagiging matapat din ako? Bakit wala akong karapatang magsalita?” Hindi man lang nila binibigyang-pansin kung ano ang sinasabi ng iba. Angkop ba na pagbahaginan sa publiko ang usapin nilang iyon? Hindi lang talaga matalos ng ganitong uri ng tao ang bagay na ito at hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo ng pagiging matapat. Sa huli, ipinadarama niya sa lahat na napakahirap pangasiwaan ng sitwasyon. Gagayahin sila ng mga taong kauri nila, sinasabing, “Tingnan ninyo, kaya pa nga nilang makipagbahaginan tungkol sa mga ganyang bagay. Talagang may determinasyon sila, talagang matatapat sila!” Pagkarinig dito ng mga may dalisay na pag-arok, malalaman nila na mali ang kanilang pagsasagawa, at na ito ay lumihis. Kung gusto mo silang tulungan, sadyang hindi nila ito tatanggapin. Ano ang sasabihin nila? “Hindi mo ako matutulungan. Iba ang pag-arok ko sa iyo. Ganito na lang ako magsasagawa.” Ano ang magagawa kung gayon? Kaya mo ba silang tulungan? (Hindi.) Kung talagang susubukan mo silang tulungan, lalo lang itong makakasama; hindi lang nila ito hindi tatanggapin, kundi makikipagtalo pa sila sa iyo at guguluhin ka nila. Hindi ba’t mapanggulo ito? (Oo.)

Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay nagpapakita rin ng mga pagpapamalas ng pagsisinungaling, ngunit ang kanilang pagsisinungaling ay hindi naipapamalas nang eksaktong kapareho ng sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Ang kanilang mga saloobin sa pagsisinungaling at ang mga pamamaraang ginagamit nila sa pagsisinungaling ay magkaiba rin. Kapag nalantad ang mga kasinungalingang sinabi ng mga diyablo, kahit pa, dahil wala nang pagpipilian, ay aaminin nila sa panlabas na nagsinungaling sila, pakiramdam pa rin nila ay nasa katwiran sila. Iniisip nilang hindi ito malaking bagay. O kahit pa ipahayag nila ang kanilang paninindigan at aminin sa harap ng lahat na mali ang kanilang pagsisinungaling, sa likod ng mga eksena ay nagsisinungaling at nanlilinlang pa rin sila nang ganoon din, nang hindi nagbabago ni katiting. Sadyang hindi nila itinuturing ang pagsisinungaling bilang isang buktot na bagay o isang negatibong bagay. Ito ang sandata nila para mamuhay—paano nila ito isusuko? Ang mga taong likas nang sinungaling ay naniniwala, “Sa pamumuhay sa mundong ito ng mga tao, kung hindi magsisinungaling ang isang tao, kung magiging bukas sila at ilalantad ang lahat nang hayagan sa iba, at kung malalaman at makokontrol ng iba ang lahat ng bagay, magkakaroon pa ba sila ng sariling pagkatao? Magkakaroon pa ba ng anumang kabuluhan ang buhay? Magkakaroon pa ba sila ng dignidad? Bukod pa rito, kung palaging magsasalita ng payak na katotohanan ang isang tao tungkol sa lahat ng bagay, magiging labis na nakakabugnot at walang kabuhay-buhay ang buhay! Kailangan lang talagang magsinungaling, may dahilan man o wala.” Mula sa anumang perspektiba, sinasadya man nila o hindi na magsinungaling, isa itong likas na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Sa madaling salita, ang likas na pagsisinungaling ay isang pangunahing katangian ng mga diyablo—tiyak at walang duda ito. Kung isasaalang-alang ito mula sa puntong ito lamang, talagang imposible para sa ganitong uri ng mga tao na tanggapin ang katotohanan at maging matatapat na tao; talagang hindi nila ito magagawa. Higit pa rito, nakakaramdam sila ng paghamak sa hinihingi ng Diyos na maging isang matapat na tao. Nahaharap man sila sa isang partikular na usapin o hindi, ang saloobin nila sa hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ay palaging paghamak, panunuya, pagkasuklam, at pagkamuhi. Tinitingnan nila nang may paghamak ang hinihingi ng Diyos at ang prinsipyo ng sariling asal tungkol sa pagiging isang matapat na tao. Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, sila ay tutol at hindi tumatanggap sa katotohanan; tahasan pa nga silang sumasalungat sa pagiging, at tumatangging maging, matatapat na tao.

Ang likas na pagsisinungaling ay isang napakalinaw na katangian sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Hangga’t mayroon kang malapit na pakikipag-ugnayan sa kanila, hangga’t nakikipag-ugnayan, nakikipag-usap, at nakikisama ka sa kanila sa gawain o sa buhay, ang katangiang ito o ang tunay na mukha ng kanilang likas na pagsisinungaling ay unti-unting malalantad. Samakatwid, napakadaling kilatisin ang ganitong uri ng tao. Hindi mo kailangang tingnan ang mga iniisip at pananaw ng isang tao tungkol sa ibang mga tao, pangyayari, o bagay. Hangga’t natutuklasan mo na sila ay isang taong likas nang sinungaling, batay sa puntong ito lamang, masasabi mo nang may isandaang porsiyentong katiyakan na sila ay isang diyablo, hindi tao. Nagtatanong ang ilang tao, “Mayroon bang kahit isang porsiyentong posibilidad na ang isang taong likas nang sinungaling ay hindi isang diyablo at may pag-asa pa ring magtamo ng kaligtasan?” Sinasabi Ko sa iyo, talagang walang posibilidad. Sinumang likas na nagsisinungaling ay isandaang porsiyentong isang diyablo; wala kahit isang porsiyentong posibilidad na hindi. Nauunawaan ba? Sinasabi ng ilang tao, “Maaari kayang ang ilang tao ay likas na nagsisinungaling dahil sila ay labis na nagawang tiwali, sila ay masyadong naimpluwensiyahan ng masasamang kalakaran ng lipunan, at ang konsensiya at katwiran ng kanilang pagkatao ay natabunan, o sila ay ganap nang natulad sa mga diyablo, kaya naman sila ay likas na nagsisinungaling? Kung, pagkatapos ng isang panahon ng tulong at suporta mula sa mga kapatid, at pagkatapos na madiligan at mapakain ng mga salita ng Diyos, ang kanilang konsensiya ay unti-unting magigising at ang kanilang katwiran ay unti-unting manunumbalik, hindi ba’t magbabago sila at titigil sa likas na pagsisinungaling?” Sinasabi Ko sa iyo, walang gayong posibilidad, kahit isa sa sampung milyong posibilidad. Samakatwid, sinumang likas na nagsisinungaling ay isang diyablo, talagang hindi tao, na walang kahit katiting na normal na pagkatao. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.) Tiyak ito; walang mga eksepsiyon at walang mga espesyal na sitwasyon. Dapat ninyong makita nang malinaw ang tungkol sa usaping ito. Marahil ay nakikita mo ang isang tao na, kapag nangangasiwa ng isang usapin, ay nagsasabi ng isang bagay na hindi totoo sa mga walang pananampalataya—isang bagay na parang kasinungalingan—upang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at protektahan ang mga kapatid. Pagkatapos ay nagdududa ka tungkol sa usaping ito, iniisip, “Dati, akala ko ay isa siyang taong naghahangad ng katotohanan, kaya paano siya makapagsisinungaling tungkol sa gayon kalaking isyu? Kung kaya niyang magsinungaling tungkol sa malaking isyung ito, isa ba siyang diyablo? Ang paghahangad ba niya ng katotohanan ay paimbabaw lamang?” Tama ba ang ganitong paraan ng pag-unawa? (Hindi.) Ano ang mali rito? Paano dapat tingnan nang tama ang usaping ito? (Hindi nila nakilatis ang intensiyon sa likod ng mga kilos ng taong iyon o ang epektong nakamit. Kung may nagsabi ng isang bagay na hindi totoo, ngunit ginawa ito para makamit ang isang positibong epekto—upang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at protektahan ang mga kapatid—hindi ito pagsisinungaling; isa itong uri ng karunungan. Hindi nila nakilatis ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsisinungaling at paggamit ng karunungan.) Dapat mong makita nang malinaw ang kalikasan ng pagsisinungaling. Tingnan mo kung sa anong prinsipyo nakabatay ang isang kasinungalingan at kung anong layunin ang nilalayon nitong makamit. Kung may nagsabi ng isang bagay na hindi totoo para makamit ang isang positibong epekto at itaguyod ang mga prinsipyo, hindi ito pagsisinungaling—ito ay karunungan. Dagdag pa rito, obserbahan mo kung sila ba ay isang taong likas na nagsisinungaling sa pang-araw-araw na buhay. Kung nagsinungaling lang sila sa isang pagkakataon, hindi mo matutukoy na sila ay isang sinungaling o na sila ay likas na nagsisinungaling, tama ba? (Oo.) Kung, sa isang malaking usapin, nagsabi sila ng isang bagay na hindi totoo para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at tinukoy mo silang isang taong likas na nagsisinungaling, ito ay pagiging baluktot. Ang paglalarawan at pagtingin sa mga tao sa ganitong paraan ay hindi umaayon sa mga prinsipyo. Kung nagsinungaling sila sa isang pagkakataon para protektahan ang sarili nilang reputasyon at karangalan, ngunit sa pangkalahatan ay hindi nagsisinungaling sa karamihan ng mga usapin, at kahit pa magsinungaling sila, kaya nila itong itama pagkatapos, kung gayon, ang gayong tao ay hindi rin matutukoy na likas na nagsisinungaling. Tanging ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ang likas na nagsisinungaling. Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi mong sila ay likas na nagsisinungaling, ngunit kung minsan ay nagsasabi rin sila ng totoo. Halimbawa, may binili silang isang bagay, at nang may nagtanong ng presyo, sinabi nila ito nang totoo; hindi sila nagsinungaling tungkol doon. Paano mo nasasabing sila ay likas na nagsisinungaling?” Kapag hindi nasasangkot ang pribadong buhay, mga interes, katayuan, o reputasyon, hindi nila kailangang magsinungaling. Nakakapagod din para sa kanila ang pagsisinungaling, kaya para makaiwas sa abala, hindi sila nagsisinungaling tungkol sa maliliit na bagay. Gayumpaman, dahil lang sa hindi sila nagsinungaling sa isang pagkakataon o hindi sila nagsisinungaling tungkol sa maliliit na bagay ay hindi nangangahulugang hindi sila likas na nagsisinungaling. Kailangan mo lang obserbahan kung nagsisinungaling ba sila kapag nakikipag-usap sa iba, naglalarawan o nagsasalaysay ng malalaking pangyayari, kapag nasasangkot ang sarili nilang mga interes, kasikatan at pakinabang, katayuan, kinabukasan, o mga responsabilidad, o kapag nasasangkot ang sarili nilang mga pananaw. Sa gayong sitwasyon, obserbahan mo kung gaano karami ang kawalan ng katotohanan sa kanilang mga salita, gaano ito katotoo, at gaano kapani-paniwala. Kung ang kanilang mga salita ay naglalaman ng labis na kawalan ng katotohanan, na halos ginagawang puti ang itim, nag-iimbento ng mga bagay mula sa wala, ibinabaling ang sisi sa iba; kung ibinibintang nila sa iba ang masasamang bagay na ginawa nila, at inaangkin ang mabubuting bagay na ginawa ng iba; kung nagkamali sila sa isang usapin at dapat managot, ngunit nangatwiran sila para makalusot, ganap na tinatakasan ang kanilang responsabilidad at ipinapasa ito sa iba; kung hindi nila ginawa nang maayos ang kanilang gawain, o hindi nagbayad ng halaga o tumupad sa kanilang responsabilidad, o hindi nila ito ginawa dahil natakot sila sa panganib, at nagsinungaling sila, nagbibigay ng isang medyo makatwirang dahilan para itago ang katotohanan at absuweltuhin ang kanilang sarili sa responsabilidad—hindi ba’t mga kasinungalingan ang mga ito? (Oo.) Ang mga ito ay pawang kasinungalingan. Ito ang likas na pagsisinungaling. Ibig sabihin, sa tuwing nasasangkot sa mga usapin ang kanilang mga pansariling interes, mga responsabilidad, reputasyon, katayuan, at iba pa, nagsisinungaling sila sa lahat ng iyon. Halimbawa, may isang taong bumili ng isang silya para sa isang pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay na nagkakahalaga ng pitumpung yuan. Nang iulat ang gastos pagkabalik, naisip niya, “Labis na nakakapagod ang biyaheng ito, at hindi maaaring nagpabalik-balik ako para sa wala. Kailangan kong kumita ng tatlumpung yuan kahit papaano. Ang tatlumpung ito ay para sa pagtatrabaho, para sa pag-aasikaso ng ipinagawa.” Kaya, sinabi niyang ang silya ay nagkakahalaga ng isandaang yuan. Kita ninyo, nagsinungaling siya, hindi ba? Bakit siya nagsinungaling? (Gusto niyang makinabang nang kaunti.) Gusto niyang kumita nang kaunti. Sabihin nating gumagawa sila ng tungkulin kasama ang mga kapatid, at nang makita na nagkakasundo ang dalawang tao, naisip niya, “Walang nakikipagkaibigan sa akin, mababa ang tingin sa akin ng lahat, at wala akong nakakasundo. Hayaan ninyong gumawa ako ng isyu sa pagitan ninyong dalawa at maghasik ng kaunting alitan sa inyong relasyon.” Kaya, sinabi niya sa isang tao, “Sinabi ni Ganito-at-ganyan na sa tingin mo ay may mataas kang pinag-aralan, at na kung ganoon kataas ang pinag-aralan mo, bakit hindi ka makapagsulat ng mga artikulo?” Pagkatapos ay pumunta siya sa isa pang tao at sinabi, “Sinabi ni Ganito-at-ganyan na bagama’t matangkad ka, hindi maayos ang proporsiyon ng iyong katawan, at ang itaas at ibabang bahagi ng katawan mo ay wala sa proporsiyon.” Sa iilang salitang ito, naghasik siya ng alitan sa pagitan ng dalawa. Kapag muling nagkita ang dalawa, naaalala ang mga salitang mapanghati, hindi na maganda ang tingin nila sa isa’t isa at naaasiwa sila sa isa’t isa. Anong pakinabang ang nakuha ng nag-udyok? Sa panlabas, tila wala siyang nakamit, ngunit ang makita ang dalawa na magkalayo at masira ang kanilang relasyon ay nagpapadama sa kanya ng kaginhawahan sa loob at hindi na siya nagseselos. Naniniwala siya kung gayon na nakalamang siya. Samakatwid, nagsisinungaling pa nga siya sa usaping ito. Maaaring sabihin ng isang tao, “Hindi ba’t pamiminsala ito sa iba nang hindi nakikinabang ang sarili? Kung mag-uusap ang dalawang iyon, hindi ba’t malalaman nila na ikaw ang nag-udyok ng mga bagay-bagay sa pagitan nila? Hindi ba’t nagdulot ka ng sakuna sa iyong sarili?” May pakialam ba siya rito? Wala siyang pakialam. Hangga’t magkahiwalay ang dalawa, hindi na siya nagseselos at naniniwala siyang nakalamang siya. Hindi ba’t ito ay isang bagay na ginagawa ng mga diyablo? (Oo.) Ganito lang talaga kumilos ang mga diyablo.

Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay maaaring magsalita nang totoo tungkol sa maliliit at di-gaanong mahalagang bagay, ngunit hindi ito nangangahulugang wala silang kalikasang sinungaling. Sa lahat ng usapin, mahalaga man o hindi gaanong kapansin-pansin, hangga’t naniniwala silang nasasangkot ang kanilang imahe, hangga’t hindi sila komportable, o gusto nilang makakuha ng ilang pakinabang o makamit ang isang layunin—hangga’t mayroon silang intensiyon at gustong kumilos—ang kanilang pamamaraan ay tiyak na ang paggamit ng mga kasinungalingan para maisakatuparan ito. Ito ang likas na pagsisinungaling. Marahil ay hindi sila nagsisinungaling pagdating sa mga usapin ng pagkain, pananamit, o tirahan; karaniwan, hindi sila mag-aabalang pagurin ang kanilang isip para magsinungaling para sa maliliit na bagay. Bukod pa rito, sa kanilang paningin, ang ilang tao ay sadyang hindi nila kapareho ang antas o kategorya, hindi man lang nila pinapansin ang mga ito, at wala silang nakukuhang anumang pakiramdam ng tagumpay mula sa paglalaro o pagmamanipula sa mga ito, kaya wala silang interes na gumawa ng anuman laban sa mga ito. Kung kikilos sila laban sa isang tao, dapat ay isang taong itinuturing nilang kapareho nila ng antas, isang taong puwede nilang makalaro, at kanilang karibal—saka lang nila papansinin ang taong iyon. Isa pa itong katangian ng mga diyablo. Kung ikaw ay isang ordinaryong tao, iniisip nilang kulang ka sa talino, na wala kang kakayahan o hindi ka karapat-dapat na makipaglaro sa kanila, at sa tingin nila ay hindi ito kawili-wili, kaya binabalewala ka nila. Ang mga diyablo ay mapili kung sino ang kanilang paglalaruan. Kapag namumuhay sila sa tabi mo, marahil ay hindi mo sila kailanman nakikitang magsinungaling o hindi mo kailanman napapansin na sinasadya nilang magsinungaling tungkol sa anumang bagay, ngunit hangga’t sila ay mga diyablo, tiyak na magsisinungaling sila; ito ang likas na kalikasan ng mga diyablo. Kung hindi sila nagsisinungaling sa iyo, maaaring dahil hindi ka nila itinuturing na karapat-dapat. Iniisip nila, “Hmp! Ni hindi ako mag-aabala na magsinungaling sa iyo, pero natatakot ka pang paglalaruan kita. Sino ka ba? Akala mo ba ay kung sino ka?” Sadyang wala kang halaga sa kanila; huwag mo nang asahang magsisinungaling sila sa iyo, dahil hindi man lang sila mag-aabala na kausapin ka. Ito ay tulad ng kapag tinanong mo ang isang taong magulo ang isip tungkol sa relasyon niya sa isang tao, at sinabi niya, “Hindi ko sila kalebel. Mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, matalino siya. Ako ay isang hamak na tao, hindi kasingrangal niya. Ayaw niyang makipag-ugnayan sa akin.” Kahit ang mga taong magulo ang isip ay ganito ang nararamdaman. Ngayon, tingnan natin kung sino ang gustong paglaruan ng mga diyablo, sino ang gusto nilang kalabanin, sino ang gusto nilang iligaw, samantalahin, at manipulahin. Hindi ba’t mayroon din silang mga pamantayan at isang partikular na saklaw? (Oo.) Kapag pumipili sila ng isang grupo ng mga tao, ang mga taong iyon ay dapat iyong mga nakikibahagi sa mga laro ng isipan at mga nanlalansi tulad nila. Tanging kapag nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao sila nakakaramdam ng saya at nakikita nilang nakakatuwa ito, at saka lang sila makakakuha ng kaunting pakiramdam ng tagumpay mula sa kanilang mga laro. Samakatwid, pagdating sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, dapat matalos ng isang tao ang kanilang katangian at diwa ng likas na pagsisinungaling. Dahil lang sa hindi sila nagsinungaling sa iyo ay hindi nangangahulugang hindi sila nagsisinungaling, at hindi ito nangangahulugang wala silang kalikasang sinungaling. Kung hindi naging malapit ang pakikisama nila sa iyo, at hindi ka man lang nila kinikilala, at iniisip lang nila na ikaw ay isang ordinaryong mananampalataya, na hindi ka isang taong may mataas na pinag-aralan—isang maybahay o isang magsasaka lamang—at wala silang anumang pagpapahalaga sa iyo, iisipin nilang ang pagsisinungaling sa iyo ay mangangahulugan ng pagpapababa sa kanilang sarili, na mangangahulugan ito ng pagsasayang ng kanilang pag-iisip, at hindi man lang sila mag-aabalang magsinungaling sa iyo. Kung gayon, paano mo matatalos ang ganitong uri ng tao? Dahil sila ay mga diyablong likas na nagsisinungaling, mabubunyag ang kanilang kalikasan sa ibang mga angkop na sitwasyon kahit na hindi ito nabunyag sa isang ito. Dahil lang sa hindi sila nagsinungaling sa iyo ay hindi nangangahulugang hindi sila magsisinungaling. Hangga’t taglay nila ang diwa ng isang diyablo, tiyak na malalantad ang kanilang kalikasang sinungaling; hindi ito maaaring manatiling nakatago. Itago man nila ito nang mabuti o hindi, gaano man karami nito ang malantad, hangga’t mayroon silang kalikasang sinungaling, at madalas silang magsinungaling, kung gayon, sila ay mga diyablo; talagang hindi sila mga tao. Ang mga tunay na tao ay hindi madalas magsinungaling; ibig sabihin, ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao ay hindi madalas magsinungaling. Bakit Ko sinasabing hindi sila madalas magsinungaling? Dahil sa sandaling magsinungaling sila, sinasaway at inaakusahan sila ng kanilang konsensiya. Kung magsabi sila ng isang malaking kasinungalingan na humantong sa mga kahihinatnan, masusuklam sila sa kanilang sarili habambuhay; magsisimula silang makaramdam ng pagkasuklam sa pagsisinungaling sa kanilang puso at hindi na magsisinungaling tungkol sa mga hindi kinakailangang bagay. Kaya, paunti nang paunti ang kanilang pagsisinungaling. Dahil sinasaway sila ng kanilang konsensiya, pipigilan nila ang kanilang sarili para mas kakaunting katulad na pagkakamali ang magawa nila, na sa huli ay aabot sa punto na hindi na nila ito ginagawa. Ito ay isang bagay na kayang makamit ng mga tao. Ngunit hindi ito kayang makamit ng mga diyablo. Pagkatapos nilang magsinungaling, wala silang nararamdamang pagkakonsensiya, kaya kapag gusto nilang magsinungaling, walang mga pagpipigil; walang makakapigil sa kanila—walang kapaligiran ang makakapigil sa kanila, ni sinumang taong may posisyon o katayuan, at ang katotohanan, siyempre, ay wala ring kapangyarihang pumigil sa kanila. Ang paglalantad sa kanila ng ibang tao ay imposibleng makapigil sa kanila, lalo na ang katotohanan, na para sa kanila ay tekstong nakasulat lang sa papel, mga doktrina at regulasyon lamang, at talagang hindi sila mapipigilan nito. Kung walang mga pagpipigil, ang pagsisinungaling nila ang kanilang likas na pagbubunyag; anumang oras, saanmang lugar, maaari silang magsabi ng iba’t ibang kasinungalingan kung kinakailangan. Ito ang kanilang kalikasan; hindi ito kailanman magbabago sa anumang oras. Kung gayon, paano matatalos ng isang tao ang kanilang kalikasan? Tingnan mo kung paano sila tinatasa ng mga nasa paligid nila. Kung sinasabi ng mga taong pamilyar sa kanila, “Ang taong iyan ay likas na nagsisinungaling, lahat ng lumalabas sa bibig niya ay kasinungalingan, nagsisinungaling siya nang hindi namumula ang mukha o hindi man lang kumakabog ang dibdib, at kaya niyang magsinungaling tungkol sa kahit ano; walang sinumang nangangahas na maniwala sa kahit isang salitang sinasabi niya,” kung gayon ay matutukoy na sila ay mga diyablo, hindi mga tao. Ngayong napakarami Ko nang nasabi, matatalos na ba ninyo ang katangiang ito ng likas na pagsisinungaling sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo at matiyak ang presensiya nito sa kanila? Sa lahat ng oras, ang panuntunang ito, ang kongklusyong ito—“Ang mga taong likas na nagsisinungaling ay katumbas ng mga diyablo”—ay nananatiling hindi nagbabago. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.)

Malinaw bang nakapagbahaginan sa unang katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo—ang likas na pagsisinungaling? (Oo, malinaw.) Ang nilalamang ito ay dapat madaling tanggapin at maunawaan. Bakit? Dahil madalas ninyong nakikita ang ganitong uri ng tao sa inyong pang-araw-araw na buhay; iyon nga lang, dati, itinuturing ninyo ang kanilang mga pagpapamalas ng pagsisinungaling bilang mga normal na pagbubunyag ng katiwalian. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nalaman ninyo kung bakit hindi kailanman nagbabago ang kanilang kalikasang sinungaling at mga pagpapamalas ng pagsisinungaling—lumalabas na ito ay itinatakda ng kanilang katangian, kaya hindi makapagbago ang ganitong uri ng tao. Ano ang dapat gawin kapag nakakatagpo ng gayong mga tao sa hinaharap? (Hindi na kailangang makipagbahaginan o tumulong sa gayong mga tao. Kung sila ay mga superbisor, dapat silang tanggalin. Kung nagpakita na sila ng ilang pagpapamalas ng masasamang gawa at nagsimula nang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, dapat silang alisin kung kinakailangan, at hindi pahintulutang manatili sa iglesia nang kahit isang araw pa.) Ang mga diyablo ay likas na nagsisinungaling; tiyak na hindi sila makapagbabago. Gayumpaman, mayroong isang uri ng diyablo na may ilang kaloob o kalakasan sa mga partikular na larangan. Kung handa silang magserbisyo, maaari silang gamitin para sa serbisyo. Ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay para magserbisyo sa Kanyang gawain; ang malaking pulang dragon ay isang gayong gamit-panserbisyo at hambingan. Para magtrabaho sa sambahayan ng Diyos, kailangang magkaroon ng karunungan; isa rin itong prinsipyo. Kung ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay handa o angkop na magserbisyo, gamitin sila para sa serbisyo. Kung hindi man lang sila makapagserbisyo, o mas nakakapinsala kaysa nakakatulong ang kanilang serbisyo at nagdudulot ng labis na kapahamakan, at walang nakukuhang positibong epekto ang sambahayan ng Diyos mula sa paggamit sa kanila kundi kailangan pa silang alalahanin, kung gayon ay hindi sila angkop para magserbisyo, kaya dapat bawiin ang kanilang kalipikasyon na magserbisyo. Angkop bang gawin ito? (Oo, ang paggawa nito ay may prinsipyo.) Dapat silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo. Isang bagay ang pagkilatis, ngunit pagdating sa kung paano sila pakikitunguhan, dapat kayong magkaroon ng karunungan at mga prinsipyo, at gawin ito batay sa aktuwal na sitwasyon. Ang layunin ng pagbabahaginan sa mga usaping ito ay para magkaroon ka ng pagkilatis, para malaman nang malinaw kung ano ang mga diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao, at sa pamamagitan ng diwa ng isang tao, matukoy kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan at magtamo ng kaligtasan. Gayumpaman, hindi ito para ilapat mo ang iisang paraan sa lahat, pinapangasiwaan ang lahat ng mga inilarawan bilang mga diyablo sa pamamagitan ng pag-aalis sa kanila. Sa halip, ito ay para epektibo mong magamit ang mga diyablo para sa serbisyo ayon sa mga prinsipyo at sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ipagpalagay na sinasabi ng ilang diyablo, “Dahil nakikita ninyong ako ay isang diyablo, gusto ninyo akong gamitin para sa serbisyo. Kung hindi ako makapagtatamo ng kaligtasan, hindi ako magseserbisyo!” Ano ang dapat gawin sa sitwasyong ito? (Kung ayaw nilang magserbisyo, hayaan silang umalis.) Kung ayaw man lang nilang magserbisyo, hayaan silang umalis kaagad. Sinasabi ng ilang diyablo, “Gusto mo akong gamitin para sa serbisyo? Hinding-hindi! Hindi ako magseserbisyo para sa iyo! Wala akong gagawing masama, iraraos ko lang ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos. Kapag oras nang magtrabaho, magiging pabasta-basta lang ako, iraraos ko lang ang gawain; hindi ko ito gagawin nang buong-puso para sa iyo!” Ano ang dapat gawin kapag natuklasan ang gayong mga tao? (Dapat silang alisin.) Sa sandaling malinaw na matukoy ang isang diyablo, alisin lang siya kaagad; huwag maawa. Kung ang ilang diyablo ay maayos ang pag-uugali, at alam nilang sila ay likas na nagsisinungaling at mga diyablo, at na hindi sila maaaring maging matatapat na tao at hindi makapagtatamo ng kaligtasan dahil idinidikta ito ng kanilang kalikasan, ngunit pagkatapos makinig sa katotohanan sa loob ng napakaraming taon, gusto rin nilang sumunod sa Diyos at sa huli ay magkamit ng mga pagpapala, at ginagawa nila ang anumang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos—kung ang gayong mga tao ay hindi nagdudulot ng mga kaguluhan at mayroong angkop na gawain para sa kanila, maaari silang bigyan ng pagkakataong magserbisyo. Pagdating sa tungkuling ibinigay ng Lumikha, lahat ng nilikha, anuman ang katangian ng kategoryang kinabibilangan nila, ay dapat ituring ito bilang sarili nilang tungkulin; ito ay isang bagay na hindi matatalikuran. Kahit pa ang isang tao ay isang diyablo at isang Satanas, kung kusang-loob silang magseserbisyo para sa Diyos, hindi sila tatratuhin ng Diyos nang hindi patas; ito ang prinsipyo ng Diyos sa Kanyang pagtrato sa lahat ng nilikha. Kung itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang nilikha, at anuman ang iyong katangian, handa kang sambahin ang Lumikha, handang magpasailalim sa kapamahalaan ng Lumikha, at tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at handa kang magserbisyo kahit na walang mabuting kalalabasan o destinasyon para sa iyo sa huli, ito ay pinahihintulutan din. Hindi ito tinatanggihan ng Diyos; binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magserbisyo. Nakasalalay lang ito sa kung paano hinaharap ng mga tao ang usaping ito. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil hindi maganda ang likas kong katangian, at walang pag-asa na magtamo ako ng kaligtasan anuman ang tungkuling gawin ko, hindi na ako gagawa ng tungkulin, hindi na ako magseserbisyo! Gusto ninyo akong gamitin para sa serbisyo, at sa huli, kayo ay magkakamit ng mga pagpapala at makakapasok sa kaharian ng langit, ngunit walang magiging bahagi para sa akin, kaya hindi na ako mananampalataya!” Napakainam niyan. Kung gustong umalis ng mga diyablo, hayaan silang umalis. Kung hindi sila aalis, ang pagpapaalis sa kanila ay ganap na ayon sa mga prinsipyo. Sinasabi ng ilang diyablo, “Hindi ko maikakaila na likas akong nagsisinungaling, nagsisinungaling ako sa lahat, kahit sa Diyos. Ngunit, gamitin man ako ng sambahayan ng Diyos para magserbisyo, o gumanap bilang isang hambingan—paano man ako tratuhin, kahit pa hindi ako tratuhin bilang tao, wala akong mga hinaing. Hindi maiiwasan na isa akong diyablo, hindi ba? Anumang serbisyo ang ipagawa sa akin, anumang pagsisikap ang ipagawa sa akin, handa akong gawin ito.” Dapat bang tanggapin ang gayong mga tao? (Oo.) Ayon sa prinsipyo, maaari din silang tanggapin. Hangga’t mayroong katiting na pag-asa para sa kanilang kaligtasan, dapat silang tanggapin. Hindi alintana kung inaamin man nilang sila ay mga diyablo, kahit papaano ay mayroon silang kaunting pagkakilala sa sarili, handa silang magserbisyo, at may kaunting pagpapasakop; sapat na iyon para matugunan ang mga kondisyon para sa pagtanggap. Tungkol naman sa kung kaya ba nilang gawin ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, titingnan pa iyon, tama ba? (Oo.) Sa madaling salita, anuman ang uri ng isang tao, kahit pa nakilatis na ang kanyang katangian, dapat pa ring kumilos ayon sa mga prinsipyo sa pagtrato sa taong iyon. Siyempre, hindi lang iisa ang prinsipyo rito—hindi naman sa lahat ng diyablo ay dapat tanggihan at paalisin, na lahat ng diyablo ay dapat ihagis sa impiyerno; hindi iyon ang tanging prinsipyo. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at ginagamit ang lahat ng bagay para magserbisyo. Kung aling mga bagay ang maaaring magserbisyo, kung anong serbisyo ang ginagawa ng aling mga bagay at kung paano nagseserbisyo ang mga ito, kung sa aling yugto nagseserbisyo ang mga ito, kung gaano katagal nagseserbisyo ang mga ito, kung gaano karaming serbisyo ang ginagawa ng mga ito, kung sa anong mga sitwasyon hindi na ginagamit ang mga ito, at kung sa anong mga sitwasyon maaaring patuloy na gamitin ang mga ito—mayroong mga prinsipyo para sa lahat ng ito, at mayroong karunungan ng Diyos sa lahat ng ito. Hindi maaaring harapin ng mga tao ang usaping ito nang mainitin ang ulo; dapat nilang hanapin ang mga prinsipyo. Kung naniniwala ang lahat na ang pagkilos sa isang partikular na paraan ay tama at umaayon sa mga prinsipyo, kung gayon ay kumilos sa paraang iyon; kumilos sa anumang paraan na nararapat. Ang paglabag sa mga prinsipyo, ang bulag at walang batayang pagtrato sa isang tao batay sa pansamantalang galit, ay isang saloobin ng hindi pagiging masinsin sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos; sa mahigpit na pananalita, isa rin itong pagpapamalas ng kawalan ng may-takot-sa-Diyos na puso, kaya talagang huwag kumilos sa ganitong paraan. Iyan na sa pangkalahatan ang mapagbabahaginan tungkol sa unang katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo—ang likas na pagsisinungaling; malinaw nang naipaliwanag ang mga prinsipyo sa lahat ng aspekto.