Paano Hangarin ang Katotohanan (12) Ikaapat na Bahagi
III. Ang Ikatlong Katangian: Pagiging Magulo ang Isip
Bukod sa dalawang katangian ng pagkakaroon ng baluktot na pag-arok at pagiging manhid, ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay may isa pang katangian, at ito ay na partikular na magulo ang kanilang isip. Noong nakaraan, kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa katotohanan, ang pinag-uusapan lang natin ay ang malawak na balangkas at direksyon—medyo pangkalahatan ang pagbabahaginan. Para naman sa iba’t ibang detalye ng katotohanan, hindi natin pinagbahaginan ang mga ito nang partikular, kundi tinalakay lang natin ang ilang konseptuwal na pahayag at nilalaman. Sa paglipas ng mga taon ng pagbabahaginan, ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan ay napagbahaginan na nang partikular at detalyado. Gayumpaman, para sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, kapag nakikinig sila sa mga salitang pinagbabahaginan ngayon, iniisip nila na halos pareho lang ang mga ito sa ibinahagi noon, at medyo nagbago lang ang mga paraan ng pagsasabi ng mga bagay, bahagyang naging mas masagana ang nilalaman, at lubos na nadagdagan ang dami ng pagbabahaginan kumpara sa dati. Kaya nagtataka sila kung bakit, sa mahabang panahong ito ng pakikinig, lalo lang silang nalilito. Napakaraming taon na nilang nakikinig sa mga sermon, pero wala silang anumang natamo mula rito. Pagdating sa kung paano umasal, kung paano tratuhin ang iba, kung paano kilalanin ang sarili, kung paano danasin ang gawain ng Diyos para magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, at lalo na kung paano tratuhin ang Diyos at ang Kanyang mga salita, mula sa simula ay hindi nila kayang maunawaan ang mga bagay na ito, at kahit ngayon, hindi pa rin nila kayang maunawaan ang mga ito. Hindi ito mababaw na antas ng pagiging magulo ng pag-iisip kundi isang malubhang antas ng pagiging magulo ng pag-iisip. Gaano man kapartikular na ipaliwanag ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan, pinagsasama-sama nila ang lahat ng ito. Ang kinakapitan nila ay iilang islogan at doktrina, tulad ng, “Dapat nating gugulin ang sarili natin para sa Diyos, maging tapat sa Diyos, at gampanan nang maayos ang mga tungkulin natin!” Kumakapit sila sa iilang regulasyon, islogan, at teorya, at iniisip na isinasagawa nila ang katotohanan. Habang mas partikular kang nakikipagbahaginan, mas lalo silang nalilito, at mas lalo nilang nararamdaman na hindi nila ito kayang intindihin, na mas mabuti pa noong simple lang ang pagbabahaginan. Bukod pa rito, habang mas nagiging detalyado ang paliwanag, mas lalo silang nahihirapan: “Paano ko matatandaan ang isang bagay na ganito kadetalyado? Dati, napakasimple ng pagsasagawa. Bakit ngayon, habang mas marami tayong pinagbabahaginan, mas dumarami ang mga pahayag? Bakit habang mas marami ang sinasabi, mas hindi ko alam kung paano magsagawa? Dati, napakasimple ng paggawa ng tungkulin—ito ay pagtalikod lang, paggugol, pagpapakaabala, madalas na pangangaral ng ebanghelyo, at madalas na pagpapatotoo sa Diyos. Ngayon, detalyado nang naipaliwanag ang mga katotohanan tungkol sa paggawa ng tungkulin, pati na ang lahat ng iba pang aspekto ng katotohanan, pero habang mas ipinapaliwanag ang mga bagay na ito, mas hindi ko nauunawaan ang mga ito at mas lalo kong hindi maarok ang mga ito.” Habang mas detalyado ang paliwanag, mas lalo nilang hindi maarok ang mga katotohanang ito—hindi ba’t pagiging magulo ito ng pag-iisip? Malubha ang pagiging magulo ng kanilang pag-iisip, hindi ba? Bagama’t detalyado nang naipaliwanag ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan, nalilito pa rin sila at palaging magulo ang pag-iisip nila tungkol sa ilang terminong konseptuwal at nagbibigay-kahulugan. Halimbawa, hindi nila alam at hindi nila makilatis ang masasamang tao o kung ano ang mga huwad na lider; hindi rin nila alam kung ano ang mabuting pagkatao at kung ano ang masamang pagkatao, ni hindi nila alam ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsasagawa ng mga katotohanang prinsipyo at pagsunod sa mga regulasyon. Ang mga partikular na isyung ito ay pawang magulo para sa kanila. Hindi man lang nila nauunawaan ang mga konseptuwal na bagay na ito—gulo-gulo ang isipan nila. Higit pa rito, anuman ang gawin nila, hindi nila mahanap ang mga prinsipyo, wala silang mga hakbang na masusunod, walang mga kongkretong plano, at hindi nila alam kung anong mga pamamaraan ang dapat nilang gamitin o anong mga resulta ang dapat nilang makamit; hindi rin nila malinaw na makita kung anong mga kahihinatnan ang idudulot ng pagkilos sa isang partikular na paraan. Sa isipan nila, iniisip nila, “Bakit ko pa pag-aabalahang alalahanin ang mga bagay na ito? Kung hindi ko alam kung paano gawin ang isang bagay, gagawin ko na lang ito nang pikit-mata—ano’t anuman, hangga’t sinsero ang puso ko sa Diyos, sapat na iyon.” Nakikita mo, ang gayong mga tao ay lubhang magulo ang pag-iisip, hindi ba? Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, pero hindi nila alam kung anong mga aspekto ng katotohanan ang naunawaan na nila, ni hindi nila alam kung naisagawa na ba nila ang katotohanan. Kapag tinanong kung mayroon ba silang buhay pagpasok, sinasabi nila, “Buweno, maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos at tinalikuran ko ang pamilya ko.” Hindi malinaw sa kanila ang lahat ng bagay na ito—ito ay pagiging labis na magulo ng isip. Sa mga pagtitipon, kapag kumakanta at sumasayaw, puno sila ng sigla, pero pagdating ng oras para sa mga sermon at pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, inaantok sila, bumibigat ang kanilang mga mata, at maaari pa nga silang makatulog. Pagdating sa paggawa ng gawain, handa silang magsumikap, at sinasabi nila, “Gampanan natin nang maayos ang mga tungkulin natin, at ialay ang katapatan natin sa Diyos!” Pero pagdating sa pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, kung tatanungin sila, “Mayroon ka bang anumang natamo kamakailan? Nakilala mo na ba kung anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo? Pagkatapos mong makilala ang mga ito, nakahanap ka na ba ng landas para malutas ang mga ito?” tutugon sila, “Hindi ko alam. Medyo nakilala ko na ang mga ito, pero hindi ko alam kung tama ba o hindi ang nakilala ko. Ano’t anuman, nagpatuloy lang ako at nagsagawa nang ganoon, pero hindi ko alam kung tumpak ba ito o hindi.” Hindi nila makilatis ang anumang bagay, at magulo at hindi malinaw ang kanilang pag-iisip. Hindi nila alam kung saan sila mahusay, ni hindi nila alam kung ano ang mga kakulangan nila. Sa pagbabahaginan tungkol sa pagkilala sa mga tiwaling disposisyon, inaamin nilang mayroon silang mga tiwaling disposisyon, na nagsisinungaling din sila, at minsan ay kumikilos nang tuso at nagpapakatamad. Pero kapag nahaharap sa mga tunay na sitwasyon, kung tatanungin mo sila, “Bakit ka kumilos nang tuso at nagpakatamad? Bakit ka nanlansi?” sasabihin nila, “Hindi! Hindi ko iyon sinadya—inakala ko na ito ang angkop na paraan para gawin ito, kaya ganoon ang ginawa ko.” Ipagpalagay na may isang taong naglantad sa kanila, na nagsasabing, “Naisip mong angkop ang paggawa nito sa ganoong paraan, pero mayroon bang anumang mga personal na intensyon o pakana sa kalooban mo? Marunong ka bang magnilay-nilay sa sarili mo? Alam mo ba kung anong mga kahihinatnan ang idudulot ng paggawa nito sa ganoong paraan?” Tutugon sila, “Hangga’t wala akong masasamang intensyon, ayos lang.” “Ang kawalan ba ng masasamang intensyon ay katumbas ng pagkilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo?” “Ewan ko.” Wala silang anumang alam. Napakarami na nilang napakinggang katotohanan at pagbabahaginan, at sa pang-araw-araw nilang buhay ay nakaharap na sila sa lahat ng uri ng isyung may kaugnayan sa katotohanan, pero malabo pa rin ang kanilang pagkaunawa sa bawat katotohanan. Hindi nila masabi kung aling mga bagay ang mga katotohanan at kung alin ang hindi, ni hindi nila alam kung paano isagawa ang katotohanan kapag nahaharap sa mga sitwasyon. Hindi malinaw sa kanila kung ang mga kilos at pag-uugali ba nila ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay sa anumang paraang sa tingin nila ay mabuti. Hindi ba’t ito ay pagiging magulo ng pag-iisip? (Oo.) Wala silang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila, ni wala silang mga prinsipyo sa kung paano nila tinatrato ang sinumang tao. Halimbawa, pagdating sa pagtrato sa masasamang tao, may ilang masamang tao na may partikular na mga kalakasan o propesyonal na kasanayan, at makakapagserbisyo pa rin sa ngayon—kung gayon, maaaring pahintulutan ang gayong mga tao na magserbisyo. Pero sadyang hindi ito maintindihan ng ilang tao: “Hindi ba’t ayaw ng Diyos sa masasamang tao? Kaya bakit ginagamit pa rin sila?” Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila na ito ay karunungan at isa ring prinsipyo, pinagbubulayan nila ito at iniisip, “Anong prinsipyo? Hindi ba’t panlilinlang lang ito sa mga tao? Hindi ba’t pagsasamantala ito sa mga tao?” Ganito nila ito nauunawaan. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon ba silang pag-iisip ng normal na pagkatao? Hindi nila alam kung paano tukuyin ang mga prinsipyo para sa pagkilos ayon sa mga aktuwal na sitwasyon—kaya ba nilang maabot ang antas ng normal na talino ng tao? (Hindi.) Kayang maunawaan at maarok ng mga may pag-iisip ng normal na pagkatao at normal na talino ang bagay na ito, pero hindi man lang maarok ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang simpleng bagay na ito. Kung gayon, paano nila posibleng maunawaan ang katotohanan? Isang bagay na madalas nilang sabihin ay, “Noong nakaraan, iyan ang sinabi mo tungkol sa bagay na ito. Bakit iba na ang sinasabi mo ngayon? Hindi maaasahan ang mga salita mo—paanong nagagawa mong baguhin ang mga ito anumang oras?” Hindi nila alam na iba na ngayon ang kalagayan ng bagay na ito, kaya dapat ding magbago ang paraan ng pagharap dito. Gayumpaman, nananatiling pareho ang mga prinsipyo at layon. Nagbago lang ang paraan ng pagharap sa bagay na ito—inaayos ito ayon sa mga partikular na sitwasyon, umaakma at tumutugon sa tuwing kinakailangan batay sa kalagayan ng bagay na ito, para makamit ang mas magagandang resulta. Kapag nakakaharap ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang gayong mga bagay, hindi nila makilatis ang mga ito. Naniniwala sila na ang mga katotohanang prinsipyo ay mga regulasyon, at na dapat na sundin ang mga ito nang walang pagbabago sa lahat ng oras. Kaya kapag ikaw, batay sa mga katotohanang prinsipyo, ay nag-aangkop ng paraan para sa paggawa ng isang bagay, hindi nila ito naiintindihan o nauunawaan, at hindi nila ito matanggap. Maaari ka pa ngang kondenahin ng ilan sa kanila at humanap ng panghahawakan laban sa iyo. Sa kalooban nila, hindi nila malinaw na makita ang diwa o kalikasan ng anumang bagay. Magulo ang kanilang mga pag-iisip. Kapag tinitingnan nila ang anumang bagay, naglalapat lang sila ng mga regulasyon dito; hindi nila kailanman alam kung paano ito susukatin batay sa mga katotohanang prinsipyo, ni hindi nila alam kung paano gumamit ng iba’t ibang pamamaraan para lutasin at tugunan ito batay sa batas ng pag-unlad nito. Sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, napakalinaw ng katangiang ito ng pagiging magulo ng pag-iisip, hindi ba? (Oo.)
Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi kayang kumilatis ng ibang tao. Kapag nakakakita sila ng isang taong medyo matapat magsalita pero kumikilos nang medyo lihim na mapanira, hindi nila makilatis kung anong uri talaga ng tao ito, kung isa ba talaga itong taong naghahangad sa katotohanan. Kapag nahaharap sa mga komplikadong sitwasyon na nangangailangan ng diyalektikong pag-iisip, nalilito sila at hindi nila malaman kung paano ito susuriin, at hindi nila alam kung paano ito susukatin. Magulo ang kanilang pag-iisip; ang pag-iisip nila ay parang isang buhol-buhol na sinulid, at hindi nila kailanman maiayos ang sarili nilang mga kaisipan. Kahit ilang beses mo mang sabihin sa kanila ang mga prinsipyo, hindi nila alam kung paano ilalapat ang mga katotohanang prinsipyo para kilatisin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, pagdating sa pag-uulat ng mga problema, hindi nila maiulat nang tumpak ang mga bagay-bagay batay sa aktuwal na sitwasyon. May ilang lider na kayang gumawa ng ilang aktuwal na gawain, pero sa mga partikular na pagkakataon, maaaring may ilang paglihis sa pagganap nila sa kanilang gawain, at maaaring magpakita sila ng ilang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon; gayumpaman, pagdating sa kanilang pagkatao at kapabilidad sa gawain, sa pangkalahatan ay pasok sila sa pamantayan. Pero hindi tinitingnan ng ilang taong magulo ang isip ang katunayan na kayang gumawa ng mga lider na ito ng aktuwal na gawain, ni hindi nila tinitingnan ang mga merito ng pagkatao ng mga ito—sa halip, ang tanging pinipili nilang iulat ay ang mga depekto, kapintasan ng mga ito, at ilang maliit at di-mahalagang isyu. Sa kabaligtaran, ang mga tunay na anticristo at masasamang tao, ang mga taong gumagawa ng malalaking kasamaan, ay walang kakayahang gumawa ng anumang aktuwal na gawain at nagsasalita lang ng mga salita at doktrina para ilihis ang iba, sa panlabas ay gumagawa sila ng mga bagay nang may labis na pagpaparangya pero sa realidad ay hindi pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao, mali ang landas na pinili nila, ang pagkatao nila ay sa masasamang tao at mga anticristo, at ang landas na tinatahak nila ay sa mga anticristo, landas ng hindi paghahangad sa katotohanan, pero hindi makilatis ng mga indibidwal na ito na magulo ang isip ang mga bagay na ito. Nakikita nila na malaki ang pagpaparangya ng mga taong ito kapag ginagawa ang kanilang gawain at ipinapalagay nilang may talento ang mga ito sa pamumuno at mga kasanayan sa pag-oorganisa, na kaya ng mga ito na gawin nang maayos ang gawain. Pagdating sa kung anong mga resulta ang aktuwal na ibinubunga ng gawain ng mga ito, kung nagsisi at nagbago na ba ang mga ito, o kung pasok ba sa pamantayan ang pagkatao ng mga ito, hindi nila alam alinman sa mga bagay na ito. Kahit pa mailihis at makontrol sila ng mga anticristo, wala silang magiging kamalayan dito; susunod at magpapasakop sila sa mga anticristo, pero naniniwala pa rin silang sumusunod sila sa Diyos, na nangangaral sila ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos. Ang totoo, matagal na silang kontrolado ng mga anticristo; hindi sila nananampalataya sa Diyos kundi sumusunod sa mga tao, sumusunod sa mga diyablo at Satanas—pero hindi nila ito malalaman. Sa kalooban nila, matagal na silang napuno ng kadiliman, matagal nang nawala sa kanila ang presensya ng Diyos, at matagal nang nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Dahil napakamanhid nila, dahil baluktot ang kanilang pag-arok, at dahil hindi nila nauunawaan ang anumang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila makilatis ang mga bagay-bagay at hindi nila kayang kumilatis ng mga tao. Hindi lang sila hindi nag-uulat ng mga problema o nagpapatanggal ng mga anticristo, kundi ipinagtatanggol pa nila ang mga ito. Sa kabaligtaran, pagdating sa mga lider at manggagawa na tunay na kayang gumawa ng ilang aktuwal na gawain, kung makapansin sila ng maliliit na kapintasan o maliliit na isyu, ipinipilit nilang iulat ang mga ito at banggitin ang mga isyung ito, kahit na hindi mga usapin ng prinsipyo ang mga ito. Malubha ang pagiging magulo ng kanilang isip! Hindi nila makilatis ang anumang usapin ng prinsipyo—kahit pagdating sa kung kanino sila dapat makisalamuha sa pang-araw-araw na buhay, kung kanino sila makakatamo ng tulong at mga pakinabang, o kung kanino sila dapat lumayo, hindi nila makilatis o mawari ang mga bagay na ito. Ang ilan sa kanila ay labis na kasundo ang mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya, iniisip na ang mga taong ito ay maalam, may kakayahan, at sa gayon ay makakatulong sa kanila, at na sulit na sulit pakisamahan ang mga ito. Madalas pa nga nilang purihin ang mga iniidolo nila, sinasabi kung gaano kahusay ang mga ito at kung gaano kalaki ang katanyagan ng mga ito. Sinasamba nila ang mga diyablo bilang mga idolo—hindi ba’t pagiging magulo ito ng pag-iisip? (Oo.)
Ano ba talaga ang partikular na tinutukoy ng pagiging magulo ang isip? (Pagkakaroon ng mahinang kakayahan.) Pangkalahatang paraan iyan ng pagsasabi—sa partikular, ang pagiging magulo ang isip ay nangangahulugan na ang isang tao ay walang tumpak na mga kaisipan at pananaw para kumilatis ng anuman, at na sa pagtingin sa anumang bagay ay wala siyang mga prinsipyo o batayan, at magulo ang pananaw niya rito. Isa itong aspekto. Bukod pa rito, hindi kayang pag-ibahin ng ganitong uri ng mga tao ang tama sa mali at ang itim sa puti—madalas nilang napagkakamalan ang mga negatibong bagay bilang mga positibong bagay at tinatawag na negatibo ang mga positibong bagay. Hindi nila makilatis kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Ang diyos na pinaniniwalaan ninyo ay isang tao lang.” Pinag-iisipan nila ito at sinasabing, “Hindi, hindi iyan tama. Ang pinaniniwalaan ko ay diyos. Kung isa lang siyang tao, paano niya maipapahayag ang katotohanan? Ang pinaniniwalaan ko ay diyos—tiyak ako tungkol dito.” Sa puntong ito, hindi magulo ang isip nila. Pero kapag may nagsabing, “Itinakbo ng diyos na pinaniniwalaan ninyo ang malaking pera, tumakas papuntang US para magpasarap sa buhay doon,” nalilito sila at nalilihis. Kung maririnig ng isang taong may talino ang mga salitang ito, makikilatis niyang isa itong inimbentong tsismis. Paano ito matatawag na “pagtakbo dala ang malaking pera”? Kapag dumadaan sa customs, sumasailalim ang lahat sa mahigpit na inspeksyon, at may regulasyon sa dami ng pera na maaaring dalhin ng bawat tao. Ang pagdadala ba ng ganoong kaliit na halaga ng pera ay maituturing na “pagtakbo dala ang malaking pera”? Bukod pa rito, kaninong pera iyon? Kung may isang taong naglustay o umagaw ng pera ng ibang tao, iyon ay “pagtakbo dala ang malaking pera”—pero kung sarili niyang pera iyon, matatawag ba iyong “pagtakbo dala ang malaking pera”? Hindi iyon “pagtakbo dala ang pera,” kundi normal na pagdadala ng pera. Isa itong aspekto. Higit pa rito, ano ang ibig sabihin ng “pagtakas”? Ang pagtakbo ng isang takas pagkatapos gumawa ng krimen ay tinatawag na “pagtakas.” Gumawa ba ng krimen si Cristong nagkatawang-tao? Nagpahayag lang Siya ng maraming katotohanan at isinagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mainland China, nagtamo ng isang grupo ng mga taong sumunod sa Kanya, at dahil dito ay dinanas Niya ang malupit na panunupil at hibang na pag-aresto ng CCP. Sa huli, wala Siyang magawa kundi akayin ang ilang tao palabas ng bansa para ipagpatuloy ang gawain ng Diyos sa ibang bansa. Paano iyon matatawag na “pagtakbo dala ang malaking pera”? Isa iyong normal na paglalakbay, pagdaan sa customs at pagsakay sa eroplano papuntang Estados Unidos sa isang ganap na normal na paraan. Umalis Siya sa bansa dahil tinutugis Siya ng CCP, walang mapagpahingahan at walang lugar na matutuluyan. Sa ilalim ng diktadurang pamumuno ng CCP, hindi lang walang kalayaan sa relihiyon, kundi humahantong din sa pag-aresto at pag-uusig ang pananampalataya sa Diyos; para naman kay Cristo, na nagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan, kung mahuhuli Siya, haharap Siya sa parusang kamatayan at pagpapako sa krus. Dahil lang sa mga pangangailangan ng gawain kaya pinili ni Cristo na pumunta sa isang demokratiko at malayang bansa, at nakakuha Siya ng pasaporte at visa sa pamamagitan ng mga normal na paraan bago makarating sa Estados Unidos. Sa US, wala Siyang mga kaibigan o kamag-anak, hindi Siya pamilyar sa lugar, at namumuhay Siya ng isang ordinaryong buhay, kumakain ng mga simpleng lutong-bahay na pagkain—walang anumang “pagpapasarap sa buhay.” Hindi ba’t ang “pagpapasarap sa buhay” ay pananalita lang ng mga may masasamang motibo? Hindi ba’t isa itong kasinungalingan? Namumuhay si Cristo ng buhay ng isang ordinaryong tao sa US: kumakain ng mga pagkaing lutong-bahay, ni minsan ay hindi kumain sa isang mamahaling restawran para magtamasa ng isang marangyang pagkain, lalo nang hindi kailanman nanatili sa isang mamahaling hotel, at napakabihirang maglakbay—sapat na ang paglalakbay sa mga kalapit na lugar. Walang alinman sa mga bagay na ito ang may anumang espesyal na atraksiyon para sa Kanya. Mahilig kumain ang ilang tao at gustong subukan ang lahat ng hindi pa nila natitikman, umaabot pa sa puntong ipinapadala ang pagkain sa pamamagitan ng eroplano para lang matikman ito. Kahit kailan ba ay ginawa Ko iyon? Hindi kailanman. Gayumpaman, kahit ganoon, may ilang taong may masasamang motibo na ginagawan ito ng isyu! Ang mga taong ito ay mga diyablo. Ipinanganak silang mga kaaway ng Diyos, at ang pagkilos nila sa ganitong paraan ay ang kanilang likas na kalikasan; pangunahin silang umaasa sa pagsisinungaling para linlangin ang mga tao at siraan ang Diyos. Na sila ay mga diyablo ay hindi mapag-aalinlanganan. Kaya anong uri ng tao ang isang taong kayang maniwala sa mga kasinungalingan ng mga diyablong ito? Siyempre, dapat na mga diyablo rin sila—tanging mga diyablo ang naniniwala sa mga salita ng mga diyablo. Sinasabi ng ilang tao, “Itinakbo ng cristo na pinaniniwalaan ninyo ang malaking pera,” at agad nila itong pinaniniwalaan at ganap na tinatanggap. Sinasabi ng ilang tao, “Tumakas ang cristo na pinaniniwalaan ninyo papuntang US at nagpapasarap sa buhay doon, kumakain ng napakaraming masasarap na pagkain na nagsasawa na siya sa mga ito, nananatili sa mararangyang hotel, sumasakay sa mararangyang sasakyan, may personal na chef at mga katulong, at nagpupunta sa ibang bansa para libutin ang sikat na magagandang tanawin—ginugugol niya ang lahat ng oras niya sa pagpapasarap sa buhay.” Sa sandaling ma-brainwash ni Satanas, agad itong pinaniniwalaan ng mga taong ito na magulo ang isip. Sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay dapat na ibigay kay Satanas—hindi sila karapat-dapat na manampalataya sa Diyos. Kahit gaano karaming sermon ang napakinggan na nila, hindi lang talaga nila nauunawaan, at kaya pa rin nilang maniwala sa mga tsismis na ito. Ang gayong mga tao ay hindi tao. Kung hindi sila tao, ano sila? Sila ay mga hayop. Bagama’t hindi sila masasamang tao, malubha ang pagiging magulo ng kanilang isip, hindi nila kayang pag-ibahin ang mabuti sa masama, ang positibo sa negatibo, ang tama sa mali, ang katotohanan sa kabuktutan at baluktot na pangangatwiran. Dapat alisin ang gayong mga tao—kung hindi sila aalis nang kusa, dapat silang alisin sa iglesia. Dapat silang palayasin kaagad, at malugod namin silang ihahatid. May sariling paraan ang CCP ng paglalarawan sa pagpapaalis ng mga tao ng iglesia, sinasabing ang pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga tao ay isang pagpapakita ng lakas. Nakikita mo, nauunawaan ng mga diyablo at Satanas ang bawat usapin sa gayong katawa-tawang paraan. Inilalantad lang nito na marami sa mga pagkilos ng CCP ay ginagawa para magpakita ng lakas; kaya, binibigyang-kahulugan nito ang pag-aalis ng mga tao ng iglesia bilang isang pagpapakita ng lakas. Ipinagpapalagay nito na iniisip ng iba ang katulad ng iniisip nito. Hindi nito kailanman mauunawaan na ginagawa ito ng iglesia nang ganap na nakabatay sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos—ang pag-aalis mula sa iglesia ay bahagi ng mga atas administratibo nito. Hindi ba’t buktot ang mga diyablo? (Oo.) Talagang buktot sila! At napakaraming taong magulo ang isip—gaano man kabuktot ang mga diyablo, hindi makita ng mga taong magulo ang isip na buktot sila. Kapag nag-iimbento ng mga tsismis ang mga diyablo tungkol sa Diyos, iniinsulto ang Diyos, at nilalapastangan ang Diyos, pinaniniwalaan nila ang bawat salita. Pero gaano man katotoo at kapositibo ang mga salita ng Diyos, hindi nila pinaniniwalaan ang mga ito. Gaano man karaming pakinabang ang idinudulot ng mga salita ng Diyos sa mga tao, hindi nila ito makita. Ngunit sa sandaling magsalita si Satanas ng isang salita, nalilihis sila at pinaniniwalaan ito nang walang pag-aalinlangan. Masasabing sila ay kauri ni Satanas, pero talagang ayaw sa kanila ni Satanas. Bakit? Dahil ang mga hangal na tulad nila, ang gayong mga ganap na mangmang, ay masyadong hangal kahit para kay Satanas. Wala kang kayang gawin, kaya ang ginagawa lang ni Satanas ay ilihis ka para hindi ka manampalataya sa Diyos at ipagkanulo mo ang Diyos—ayaw ni Satanas sa isang tulad mo. Ano ba ang posibleng magagawa mo? Mayroon ka bang mga kasanayan para magsagawa ng paniniktik? Ni wala ka ngang normal na talino ng tao. Ilalantad mo ang pagkakakilanlan mo bago mo pa matapos ang tatlong pangungusap. Kahit pa gustuhin mong maging espiya para sa CCP, hindi ka gugustuhin ng CCP. Dahil ikaw ay hangal, magulo ang isip, napakadaling linlangin, at hindi ka nagtataglay ng normal na talino ng isang tao, minamaliit ka pa nga ni Satanas at ayaw nito sa iyo. Kaya, kapag hinihiling sa iyo ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang tungkulin mo, itinataas ka ng Diyos—huwag kang makaramdam na inaagrabyado ka. Pinaniniwalaan mo ang lahat ng sinasabi ni Satanas, pero gaano man karaming gawain ang nagawa na ng Diyos o gaano man karaming salita ang nasabi na ng Diyos, hindi ka naniniwala sa mga ito. Wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos at nananatili kang puno ng pagdududa. Nagsasalita si Satanas ng isang salita, at nabibihag ka nito. Anong klaseng hamak na nilalang ka? Anong dignidad ang mayroon ka? Anong halaga ang mayroon ka? Isa ka lang taong magulo ang isip, pero iniisip mong napakagaling mo at naniniwala kang marangal ka. Hindi mo man lang makilatis ang gayong mga hayag na kasinungalingan ni Satanas, at hindi mo makilala ang layunin ni Satanas sa likod ng mga ito—hindi ba’t sukdulang pagiging magulo ito ng pag-iisip? Sinasabi ng CCP, “Itinakbo ng cristo na pinaniniwalaan ninyo ang malaking pera at nagpapasarap sa buhay sa US.” Kapag naririnig ito ng mga taong ito na magulo ang isip, kumakabog ang kanilang dibdib: “Ganoon ba? Paanong hindi ko nalaman ang tungkol dito? Itinakbo ba niya ang lahat ng perang inihandog ko? Hindi iyon ginamit para sa gawain ng iglesia, hindi ba? Ginastos iyon para sa personal niyang kasiyahan, hindi ba? Ginamit iyon para bumili ng masasarap na pagkain, magagandang damit, at mahahalagang alahas para sa sarili niya, hindi ba? Ni hindi ko man lang ito natamasa—ginamit niya ito para sa sarili niyang pagtatamasa. Hinding-hindi ko ito matatanggap. Hindi na ako nananampalataya! Kailangan kong bawiin ang pera ko!” Kung pinagsisisihan mo ang paghahandog ng pera, maaaring isauli ito sa iyo ng sambahayan ng Diyos, pero mula sa sandaling iyon, ganap ka nang hiwalay mula sa sambahayan ng Diyos. Napakaraming taon mo nang nakikinig sa mga sermon—gaano karaming katotohanan ang natamo mo nang libre? Tinamasa mo ang biyaya, mga pagpapala, proteksyon, at pangangalaga ng Diyos sa loob ng napakaraming taon—gumastos ka ba ng kahit isang sentimo? Humingi ba sa iyo ng pera ang Diyos kahit kailan? Ang biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyon ng Diyos—kabilang na ang mismong buhay mo—ay pawang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Mabibili mo ba sa pera ang ipinagkakaloob ng Diyos? Ano ang maipapalit mo rito? Maipagpapalit mo ba ang iilang maruming barya mo para dito? Ang mga bagay na ito ay mga kayamanang hindi matutumbasan ng halaga—wala kang anumang maipapalit sa mga ito; walang sinuman ang makakagawa nito! Ipinagkaloob ang mga ito sa iyo dahil handang gawin ito ng Diyos, dahil nagpapakita sa iyo ng biyaya ang Diyos at tinatrato ka ng Diyos bilang isang nilikha. Hindi ito mga bagay na binili mo sa pera, ni mga bagay na nakuha mo kapalit ng pagbabayad ng halaga. Hindi makilatis ng mga taong magulo ang isip ang mga bagay na ito. Sa kanilang puso, palagi silang nalilito; palagi nilang iniisip, “Mayroon bang anumang madilim na lihim ang diyos? Bukod sa pagbibigay ng mga sermon, hindi ba’t marami pang ibang bagay na dapat linawin at ipaliwanag sa amin? Hindi ba’t dapat mayroong paliwanag, mayroong pag-uulat? Hindi ba’t dapat ibunyag sa lahat ang kanyang pribadong buhay at ang Kanyang mga salita at kilos kapag walang ibang nasa paligid?” Maraming taong magulo ang isip ang may ganitong kaisipan—maaaring hindi nila sinasabi nang malakas ang gayong mga bagay, pero ito ang iniisip nila sa kanilang puso. Kailangan bang ibunyag ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan ang lahat ng ginagawa Niya? Napakarami nang katotohanang ipinahayag ng Diyos, at iyon ang pinakadakilang uri ng pagbubunyag—ibinubunyag nito ang lahat ng tao. Kung hindi ka naniniwala na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, wala ka talagang anumang kaalaman tungkol sa Diyos. Kung gumagawa ka ng mga basta-bastang komento tungkol sa Diyos, inaatake at nilalabanan mo ang Diyos. Ginawa nang pampubliko ng Diyos ang lahat ng katotohanan para magamit ng mga tao ang katotohanan para tingnan ang mga bagay-bagay. Kung paano dapat tingnan ng isang tao ang mga tao, kung paano nila dapat tingnan ang mga bagay-bagay, at kung anong mga pananaw at prinsipyo ang dapat nilang taglayin sa pag-asal at pagkilos—lahat ng ito ay nasa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo pa rin ito alam at hindi pa rin ito malinaw sa iyo, ito ay dahil magulo ang isip mo—isa kang indibidwal na magulo ang isip. Ang mga taong magulo ang isip ay hindi karapat-dapat na malaman ang tungkol sa mga gawain ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos—lalo na ang mga diyablo—dahil ang mga taong magulo ang isip at ang mga diyablo ay walang anumang pagkaunawa sa katotohanan; may tendensiya silang basta-bastang maglapat ng mga regulasyon, gumawa ng mga bulag na paghusga, at basta-bastang kondenahin ang mga gawaing ito. Wala silang pagkilatis at walang mga prinsipyo. Maaaring sabihin nang may katiyakan: Ang mga taong magulo ang isip at ang mga diyablo ay hindi karapat-dapat na manatili sa sambahayan ng Diyos—dapat silang lumayas! Ang mga taong magulo ang isip at mga taong baligho ay hindi nagtataglay ng mga pangunahing kondisyon para maunawaan ang katotohanan, ni hindi sila nagtataglay ng mga pangunahing kondisyon para magtamo ng kaligtasan—maaari silang bihagin ni Satanas anumang oras at sa anumang lugar. Sabihin ninyo sa Akin, kailan ba nagbigay ng mga sermon o nagpaliwanag ng katotohanan ang Diyos sa mga hayop? Kaya, para makarinig ang mga tao ng napakaraming sermon, maunawaan man nila ang katotohanan o hindi, ito ay ganap na dahil sa biyaya ng Diyos at sa pagtataas ng Diyos. Kung palagi kang nagdududa sa Diyos, iniisip na, “Ang Siya bang pinaniniwalaan ko ay talagang ang tunay na Diyos? Talaga bang umiiral ang Diyos? Talaga bang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Talaga bang mabuti ang Diyos sa mga tao, o nagkukunwari lang Siya? Talaga bang ang Diyos ang katotohanan, at kaya ba talaga Niyang iligtas ang mga tao?”—kung ganito ka mag-isip at tinatrato mo ang Diyos nang may gayong saloobin, karapat-dapat kang mamatay. Sa malao’t madali, maghahanda ang Diyos ng isang partikular na kapaligiran kung saan ibibigay ka Niya kay Satanas, at ang ugnayan mo sa Diyos ay ganap na mapuputol. Ang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos ay hindi na magiging sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha, at mula sa sandaling iyon, wala ka nang magiging kinalaman sa Diyos.