Paano Hangarin ang Katotohanan (11) Unang Bahagi
Karagdagang Babasahin: Ang Landas na Tinatahak ng mga Tao ang Nagpapasya sa Kung Ano ang Aanihin Nila sa Huli
Ano ang layunin ng pananampalataya sa Diyos? Ito ba ay para magtamo ng biyaya at mga pagpapala? Ito ba ay para maiwasang mamuhay ng isang hungkag na buhay at makawala mula sa mabababang uri ng interes? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? (Para makamit ang katotohanan.) Ito ay para makamit ang katotohanan, para makamit ang buhay. Kung gayon, ang lahat ba ng ginagawa ng mga tao araw-araw ay nakatuon sa layong ito? Ang oras at lakas ba na ginugugol mo sa paggampan ng iyong tungkulin araw-araw ay pawang para sa layong ito? Nananampalataya ang mga tao sa Diyos nang walang malinaw na layon na makamit ang katotohanan. Sa kanilang puso, malabo sa kanila ang aspektong ito ng mga pangitain, at hindi nila alam kung ano ang layunin ng pananampalataya sa Diyos. Tila ba alam lang nila sa kanilang puso na ito ay para magtamo ng mga pagpapala—pero ano ang dapat gawin ng isang tao para magtamo ng mga pagpapala? Hindi nila alam na ang pagtatamo ng mga pagpapala ay nangangailangan ng pagkaunawa sa katotohanan, pagsasagawa ng katotohanan, at paghahangad ng katotohanan. Kaya, sila ba ay mga taong naghahangad ng katotohanan? Hindi rin sila sigurado rito. Iniisip nila, “Hindi ito malaking problema. Sinsero akong nananampalataya sa Diyos; hindi ako aabandonahin ng Diyos. Kahit pa sabihin ng mga tao na hindi ako isang taong naghahangad ng katotohanan, hindi ito mahalaga.” Minsan, kapag nakikita ang iba na nagbabahagi ng patotoong batay sa karanasan ng mga ito habang sila mismo ay walang maibahagi, nakakaramdam din sila ng pagkabagabag, medyo nababalisa at hindi mapakali sa kanilang puso. Pero mas madalas, pakiramdam nila ay hindi ito malaking problema. Nang ganoon-ganoon lang, limang taon ang lumilipas sa isang kisapmata, sampung taon ang lumilipas sa isang kisapmata—ang ilang tao ay nasa edad tatlumpu o apatnapu na ngayon, ang ilan ay mahigit limampu na; hindi sila nag-asawa, at palagi nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Hanggang ngayon, gaano karaming katotohanan na ang nakamit nila? Mayroon ba silang buhay? Sila mismo ay hindi nakakatiyak. Pakiramdam nila: “Tila marami-rami na akong naunawaang katotohanan at kaya kong mangaral ng maraming sermon; dapat ay mayroon akong buhay, hindi ba?” Maging sa mga pagtitipon man, o kapag nakakaharap sila ng mga problema sa kanilang mga tungkulin, nakapagsasalita sila nang mahaba, na tila ba nauunawaan nila ang bawat katotohanan, pero hindi nila kayang lutasin ang anumang aktuwal na problema. Gaano man katatayog pakinggan ang mga doktrinang sinasabi nila, sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, hindi pa rin sila makakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at sinusunod pa nga rin nila ang sarili nilang kalooban sa maraming usapin, hindi nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo kahit kaunti. At kaya, sa kanilang puso, nagtataka sila: “Ako ba talaga ay isang taong nakakaunawa sa katotohanan o hindi?” Hindi nila alam kung sila ba ay isang taong nakakaunawa sa katotohanan. Kung gayon, sila ba ay mga taong naghahangad ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan? Sila mismo ay hindi rin sigurado tungkol dito. Kaya, nakamit ba talaga nila ang katotohanan o hindi? Nagdududa pa rin sila tungkol dito. Kung gayon, mayroon ba talaga silang buhay o wala? Ano ba talaga ang buhay? Ano ang pakiramdam para sa isang tao na magkaroon ng buhay? Anong mga pagbabago ang mangyayari sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao kapag mayroon siya nito? Paano magbabago ang kanyang mga kaisipan? Anong mga pagbabago ang mangyayari sa kanyang pagkatao? Hindi malinaw sa kanila ang alinman sa mga ito. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, kapag nagsasalita tungkol sa ilang aspekto ng katotohanan, nakakapangaral sila ng ilang salita at doktrina; pero pagdating sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan, hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang mga ito. Sa partikular, ang ilang tao, pagkatapos mapungusan dahil sa pagsalungat sa mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, ay hindi lang nagiging negatibo kundi nalilito rin at pinagdududahan ang kanilang sarili, sinasabi nila: “Nakamit ko ba talaga ang buhay o hindi? May puwang ba ang katotohanan sa aking puso, naging buhay ko ba ito? Matatamo ko pa rin ba talaga ang kaligtasan?” Nalilito sila tungkol sa lahat ng usaping ito pagdating sa katotohanan, pero pagdating sa mga panlabas na usapin na hindi kinasasangkutan ng katotohanan, naaalala nila ang mga ito nang napakalinaw. Halimbawa, kung ilang taon, buwan, at araw na silang nananampalataya sa Diyos, anong antas ng pagiging lider o manggagawa ang ginampanan nila, anong mga tungkulin ang ginampanan nila, gaano karaming gawain ng iglesia ang nagawa nila, ilang lugar na ang napuntahan nila, ilang tao na ang nakamit nila sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, ilang iglesia na ang diniligan nila, gaano sila nagdusa sa paggugol ng sarili nila para sa Diyos, gaano karaming pera ang inihandog nila, anong mga bagay ang naibigay nila sa mga kapatid, gaano katagal silang inaresto at ibinilanggo, ilang pambubugbog ang natanggap nila, gaano karaming pagpapahirap ang dinanas nila, ilang beses silang nanindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos, at iba pa—itinatatak nila ang lahat ng panlabas na usaping ito sa kanilang isipan, madalas na inaalala ang mga ito. Itinatala nila ang lahat ng ito sa kanilang isipan, malinaw na tinatandaan ang bawat isang detalye at hindi ito kailanman kinakalimutan. Pero pagdating sa kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila at kung gaano karaming realidad ang taglay nila, palaging magulo ang tala nila tungkol dito. Hindi kailanman malinaw sa kanilang isipan kung anong mga katotohanan ang nauunawaan nila, anong mga katotohanan ang naisagawa nila, at kung kaya nilang manindigan sa katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo kapag may mga nangyayari sa kanila; magulo ang tala nila sa lahat ng ito. Hindi rin malinaw sa kanilang isipan kung alin sa kanilang mga tiwaling disposisyon ang mayroon silang tunay na pagkaunawa, kung naiwaksi na nila ang mga ito, at aling mga tiwaling disposisyon ang madalas nilang ipinapakita pero hindi pa naiwawaksi; magulo ang tala nila sa lahat ng ito. Pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, kung aling mga katotohanan ang kaya nilang isagawa at alin ang hindi nila naisagawa, sa anong mga aspekto ng katotohanan sila nakagawa ng pag-usad, at gaano kalaki ang pag-usad nila—magulo ang tala nila sa lahat ng ito. Kung ano ba talaga ang isinasabuhay nila pagdating sa kanilang pagkatao—kung nagtataglay ba sila ng konsensiya at katwiran, at kung naisabuhay ba nila ang normal na pagkatao—magulo ang tala nila sa lahat ng ito. Kung ilan sa kanilang mga tungkulin ang ginampanan nila nang may sinseridad at katapatan, ilang tungkulin ang sadyang ginampanan nang pabasta-basta, ilan ang ginampanan nang pasok sa pamantayan at ilan ang hindi pa pasok sa pamantayan, sa aling mga tungkulin sila nakakilos ayon sa mga prinsipyo kaya ang paggampan nila ng mga tungkuling ito ay nakakapagpalugod sa Diyos at nakaaayon sa mga layunin ng Diyos, at sa aling mga tungkulin pa nila hindi naaarok ang mga katotohanang prinsipyo at hindi pa nakakamit ang pagpapalugod sa Diyos—malabo ang tala nila sa lahat ng ito. Kung sa aling mga aspekto ba talaga nila kayang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos at magpasakop sa Diyos, hanggang saan sila nagpasakop sa Diyos, sa aling mga aspekto pa rin nila hindi magawang magpasakop sa Diyos, ano ang naging sanhi ng kawalan nila ng kakayahang magpasakop sa Diyos, at kung paano sila dapat pumasok sa pagsulong—tungkol sa lahat ng bagay na ito, wala silang plano at walang mga kaisipan, at siyempre, lalong wala silang malinaw na landas. Nanampalataya na sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, hindi nila alam kung ilang bagay na ang nagawa nila para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung gaano karaming mabuting gawa ang naihanda nila; hindi nila alam kung gaano karaming kasamaan ang nagawa nila, o kung ilang bagay na ang nagawa nila na nagdulot ng mga paggambala at panggugulo—sa kanilang memorya, tila ba nagawa nila ang ilan sa mga bagay na ito, pero hindi nila alam kung nagsisi ba sila pagkatapos gumawa ng kasamaan. Bagama’t minsan ay napagtatanto nilang nakagawa sila ng kasamaan at nakakaramdam sila ng pagkabagabag, at nagdasal sila sa Diyos at ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan, natamo ba nila ang pagpapatawad ng Diyos? Mayroon bang anumang pag-aakusa sa kanilang puso? Hindi rin nila alam ang mga bagay na ito. Iniisip nila sa kanilang sarili: “Sino ba ang may pakialam kung nakakaramdam ako ng pag-aakusa o hindi? Ano’t anuman, namumuhay ako nang napakakomportable ngayon; ginagampanan ko pa rin ang aking tungkulin.” Kung gayon, gaano karaming mabubuting gawa ang nagawa nila sa paggampan ng kanilang tungkulin? Hindi rin nila talaga masabi, gayunman ay nararamdaman nilang nakagawa sila ng ilang mabuting gawa—kamakailan, ipinangaral nila ang ebanghelyo at nakamit ang dalawang tao. Mayroon silang ganitong maliit na bilang ng mabubuting gawa, pero gumagawa sila ng mga bagay nang walang mga prinsipyo, at kumikilos pa nga ayon sa sarili nilang kalooban at nang arbitraryo at walang pakundangan—maituturing ba itong masasamang gawa? Hindi rin malinaw sa kanila ang tungkol dito. Iniisip nila na dahil hindi sila hinarap ng iglesia, at hindi sila pinungusan o pinanagot ng mga lider para sa mga bagay na ito, kung gayon ay hindi masasamang gawa ang mga ito; kung pinanagot sila, marahil ang mga bagay na ito ay ituturing bilang masasamang gawa. Hindi nila alam kung ilang mabubuting gawa ang naihanda nila. Hindi nila alam kung ang mga bagay ba na kasalukuyan nilang ginagawa ay mabubuting gawa o masasamang gawa, kung ilan sa mga ito ang mabubuting gawa, ilan sa mga ito ang masasamang gawa, ilan ang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ilan ang sumasalungat sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga katotohanang prinsipyo—hindi nila alam ang alinman sa mga ito. Hindi nila kailanman itinala ang mga usaping ito. Ano’t anuman, araw-araw silang kumakain at natutulog sa tamang oras, bumabangon sa itinakdang oras para sa mga espirituwal na debosyon o gawain, at nagpapanatili ng parehong kalagayan habang gumagawa at ng parehong mga hakbang sa gawain mula sa nakaraang araw, ginagawa ang mga bagay na palagi nilang ginagawa. Hindi nila kailanman partikular o sistematikong naunawaan o ibinuod ang mga usapin ng paghahangad ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad o pagwawaksi ng mga tiwaling disposisyon at pagkamit ng buhay. Samakatwid, pagdating sa anumang bagay ng paghahangad ng katotohanan o buhay pagpasok ay isang magulong talaan para sa kanila. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang tao ay namumuhay sa ganitong paraan araw-araw, namumuhay sa gayong kalagayan, hindi ba’t magulo ang isip niya? (Oo.) Ang “magulo ang isip” ay isang pampanitikang pagpapahayag; sa kolokyal na pananalita, nangangahulugan ito ng pagpapaanod nang walang direksyon. Mabuti ba o hindi ang kalagayang ito ng pamumuhay, ang kalagayang ito ng pag-iral? (Hindi ito mabuti.) Sa panlabas, wala silang ipinapakitang malinaw na mga pag-uugali o pagpapamalas ng paglaban sa Diyos, pero pagdating sa mga usapin ng paghahangad ng katotohanan at buhay pagpasok, nalilito sila at hindi seryoso tungkol dito. Ang kalagayang ito ang mismong ibig sabihin ng pagiging magulo ang isip. Malinaw na ipinapakita nito ang problema ng isang tao at malinaw na inihahayag ang landas na tinatahak niya sa pananampalataya sa Diyos.
Pagdating sa mga usapin ng paghahangad ng katotohanan at buhay pagpasok sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, anuman ang saloobin, mga pansariling pagnanais, o mga pagpapamalas ng isang tao, sa paningin ng Diyos, ang kalagayan ng isang tao ay nagpapakita kung anong landas ang tinatahak niya. Ang ilang tao, mula sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos, ay hindi nagmamahal sa katotohanan, at paano man nakikipagbahaginan sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap. Ang landas na tinatahak nila ay isang landas na tuwirang patungo sa kamatayan at impiyerno. Ang ilang tao, noong una silang manampalataya sa Diyos, ay hindi nakakaunawa sa mga hinihingi ng Diyos at naghahangad lang na makakuha ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit. Gayumpaman, sa pamamagitan ng patuloy na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang katotohanan at nagagawa nilang hangarin ang katotohanan, at kaya nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga alang-alang sa pagkamit ng katotohanan. Sa huli, makikita na ang landas na tinatahak nila ay patungo sa liwanag at sa kaharian ng langit. Tungkol naman sa mga usapin ng buhay pagpasok, ang karamihan sa mga tao ay pare-parehong hindi malinaw sa kanilang mga layon at nananatili sa isang kalagayan ng pagkalito. Gayumpaman, kung huhusgahan mula sa mga pagpapamalas ng mga taong ito, ang ilan ay hindi tumatanggap ng katotohanan kahit kaunti, palagiang pabasta-basta sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, at, pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, ay hindi nagbago kahit kaunti—ang landas na tinatahak nila ay patungo sa pagkawasak at sa impiyerno. Sa kabilang banda, ang ilang tao ay kayang tanggapin ang katotohanan, kayang tanggapin ang pagpupungos sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, mayroong kaunting tunay na pagpapasakop, at unti-unting nagagampanan ang kanilang mga tungkulin nang pasok sa pamantayan—ang landas na tinatahak nila ay patungo sa liwanag at sa kaharian ng langit. Iyong mga hindi tumatanggap sa katotohanan kahit kaunti—sa madaling salita, iyong mga tuwirang tumatahak sa landas ng pagkawasak—sa paggampan ng kanilang tungkulin, ay walang-tigil na gumagawa ng kasamaan, at madalas na gumagawa ng mga kilos na sumasalungat sa katotohanan at kinasusuklaman ng Diyos, ginugulo ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia. Nagpapakita ang mga taong ito ng ilang “espesyal” na pagpapamalas. Ibig sabihin, mula sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos hanggang ngayon, hindi sila kailanman nagsisi, at sa paggampan ng kanilang tungkulin, madalas silang pabasta-basta, tuso at nagpapakatamad sila, pinipili nila ang madadaling gampanin at iniiwasan ang mahihirap, at hindi nila pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; sila ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam, at iniisip lang nila ang sarili nilang kasiyahan. Isa rin itong katangian ng mga taong ito. May ilang tao na mas masama pa nga—sa proseso ng paggampan ng kanilang tungkulin, nag-aamok sila sa paggawa ng mga maling gawa at kumikilos nang arbitraryo at walang pakundangan, hindi kailanman nagsasagawa o nagpapatupad ng gawain ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Mayroon ding mga tao na, sa kanilang tungkulin, madalas na nakikipagkompetensiya para sa katayuan, nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili, at nang-aakit ng mga tao para magtatag ng sarili nilang nagsasariling kaharian. Mayroon din namang mga tao na, habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nagnanakaw ng mga handog, nagwawaldas ng mga handog, at nagkakanulo ng mga interes ng sambahayan ng Diyos. Positibo ba o negatibo ang mga pagpapamalas na ito? (Negatibo.) Nagpakita ang mga taong ito ng gayong mga pagpapamalas mula sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos. Patuloy silang binibigyan ng mga pagkakataon ng sambahayan ng Diyos—ang ilan na may kaunting kakayahan ay isinasaayos na gumampan ng tungkulin ng isang superbisor, pero pagkatapos ng isang panahon ng hindi magandang paggampan, isinasaayos silang gumampan ng tungkuling may iisang aspekto; gayumpaman, kahit sa tungkuling may iisang aspekto, nananatili silang pabasta-basta, nag-aamok sa paggawa ng mga maling gawa, kumikilos nang arbitraryo at walang pakundangan, nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at ang ilan ay nakikipagkompetensiya pa nga para sa katayuan at kapangyarihan, hindi pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag nagkakaroon sila ng pagkakataon, nagnanakaw pa nga sila ng mga handog at nagwawaldas ng mga handog. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, ang mga pagpapamalas na ito sa kanila ay hindi nabawasan kahit kaunti, ni nagbago kahit kaunti. Sa huli, ano ang nakikita sa kanila? Ito ay na, sa paggampan ng kanilang tungkulin, ang mga taong ito ay palagiang kumikilos nang pabasta-basta, tuso at nagpapakatamad, pumipili ng madadaling gampanin at umiiwas sa mahihirap, at nagpapasasa pa nga sa kaginhawahan ng laman at kumikilos nang iresponsable. Ang kanilang mga pagpapamalas ay hindi paminsan-minsan o pansamantala, kundi palagian—malaking problema ito para sa kanila. Sa paggampan ng kanilang tungkulin, palagian silang kumikilos nang pabasta-basta, nag-aamok sa paggawa ng mga maling gawa, at nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at sinuman ang kumausap sa kanila, hindi sila nagbabago. Kahit ilang sermon ang marinig nila, hindi sila kailanman nagsisisi o nagkakaroon ng pusong may pakiramdam ng pagsisisi. Mayroon din namang mga palagiang nakikipagkompetensiya para sa katayuan, palagiang ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi kailanman pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Madali bang maunawaan ang salitang “palagian”? Sinuman, sa paggampan ng kanilang tungkulin, ang kumikilos nang pabasta-basta, arbitraryo at walang pakundangan, o may ilang masamang pagpapamalas, palagi silang binibigyan ng sambahayan ng Diyos ng maraming pagkakataon para magsisi. Hindi kailanman dahil sa kanilang mga pansamantalang pagpapamalas kaya sila pinapaalis at hindi na pinapayagang gumampan ng kanilang tungkulin. Sa halip, paulit-ulit silang hinihikayat, binabahaginan tungkol sa katotohanan, at mapagmahal na tinutulungan at sinusuportahan. Higit pa rito, inaantig, binibigyang-liwanag, at sinasaway sila ng Banal na Espiritu sa mas matinding antas. Ginagawa ng mga tao ang gawain, at ginagawa rin ng Banal na Espiritu ang gawain, gayunman ang mga taong tulad nito sa kaibuturan ay sadyang matigas ang kalooban at nasusuya sa katotohanan. Hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, hindi nila kailanman tinatanggap ang tulong, pagpuna, mga pagsubaybay, o pangangasiwa ng mga kapatid, at lalong hindi nila tinatanggap ang kaliwanagan at pagtutuwid ng Banal na Espiritu. Manampalataya man sila sa Diyos nang tatlo o limang taon, o nang sampu o dalawampung taon, nananatili silang ganito. Bagama’t mas matanda na sila ngayon at tila medyo mas may-gulang at may karanasan na, ginagampanan pa rin nila ang kanilang mga tungkulin sa parehong paraan—palagian silang kumikilos nang pabasta-basta at nag-aamok sa paggawa ng masasamang bagay. Ganito na sila sa loob ng dalawampung taon na ito, nang hindi nagbabago kahit kaunti. Kapag nagsasalita sila, nag-uumapaw sa kasinungalingan ang kanilang mga bibig, at hindi nila kailanman sinasabi ang totoo. Ganito pa rin sila kahit ngayon; kahit gaano karaming salita ang sabihin nila, hindi alam ng isang tao kung alin ang totoo at kung alin ang kasinungalingan—wala ni isang matapat na salita sa mga ito. Bagama’t medyo nagdusa sila sa paggampan ng kanilang mga tungkulin sa loob ng dalawampung taon na ito, at nakamit nila ang ilang tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, hindi nagbago kahit kaunti ang kanilang buhay disposisyon. Sila ay partikular na madulas at mapanlinlang pa rin; sila ay matatandang ahas lang, hindi makapagsalita ng kahit isang matapat na salita. Sapat na ito para patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; kahit pa nauunawaan nila ang kaunti nito, hindi nila ito maisagawa. Anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga tao na palagiang kumikilos nang pabasta-basta, palagiang nag-aamok sa paggawa ng masasamang bagay at kumikilos nang arbitraryo at walang pakundangan, palagiang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, nakikipagkompetensiya para sa kapangyarihan, at palagiang nanlalansi, nagsisinungaling, at nanlilinlang. Masasabing sila ay tusong matatandang soro—na sila ay matatandang ahas lang, matatandang taong tuso, matatandang diyablo, matatandang Satanas. Bago ang lahat ng kanilang kilos, dapat idagdag ang panuring na “palagian.” Sa sandaling maidagdag ang “palagian,” hindi na ito magiging usapin ng personal na pagkiling laban sa kanila kundi isang bagay na dulot ng sarili nilang mga kilos at pag-uugali. Sa paningin ng lahat, hindi lang ginawa ng taong ito ang mga bagay na ito nang isa o dalawang beses—sila ay palagiang lumalabag. Paano tinatrato ng mga departamento ng pulisya sa iba’t ibang bansa ang mga palagiang lumalabag? Dapat na ilagay sa arkibo ang mga rekord ng krimen ng mga palagiang lumalabag. Sa tuwing may nangyayaring krimen, ang mga palagiang lumalabag na ito ang mga pangunahing suspek, at tiyak na magsisimula sa kanila ang mga pulis kapag nagsimulang mag-imbestiga sa kaso ang mga ito at maglunsad ng pagsisiyasat. Kung gayon, paano naman iyong mga palagiang gumagampan ng kanilang tungkulin nang pabasta-basta sa sambahayan ng Diyos? Ang kanilang mga pagpapamalas ng pagiging pabasta-basta at pagkilos nang walang pakundangan sa paggawa ng mga maling gawa ay hindi lang mga bagay na nangyayari nang isa o dalawang beses, at hindi rin lang nangyayari ang mga ito sa mga espesyal na sitwasyon. Ang mga kalagayan at pagpapamalas na ito ang palagiang paraan ng pagtrato nila sa kanilang tungkulin. Kung huhusgahan mula sa palagiang paraang ito ng pagtrato nila sa kanilang tungkulin, makikita kung ano ang kanilang saloobin sa katotohanan. Kaya, ano ang kanilang saloobin sa katotohanan? (Sila ay nasusuya rito at nakakaramdam ng paglaban dito.) Ang ganitong uri ng mga tao ay nasusuya at nakakaramdam ng paglaban sa katotohanan. Hindi nila ito kailanman tinatanggap. Sa kaibuturan, hinahamak nila ito at kinasusuklaman nila ang mga positibong bagay. Sinuman ang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi sila nakikinig. Kahit gaano karaming pagkakataon ang ibigay sa kanila para magsisi, hindi nila pinahahalagahan ang mga ito o sineseryoso ang mga ito. Kumikilos sila kung paanong paraan man nila gusto, sa anumang paraan na nakakapagpalugod sa kanila. Kapag inaantig sila ng Banal na Espiritu, wala silang pakiramdam at wala silang pakialam dito. Nasusuya sila sa mga panghihikayat at tulong ng mga tao at binabalewala nila ang mga ito, at kung pupungusan sila ng mga taong iyon, magagalit sila, magpupuyos sa galit, mapopoot sa mga ito, at makakaramdam ng pagkasuya sa kanilang puso. Mayroong pagsusuri ang iglesia sa mga pagpapamalas ng bawat tao sa bawat yugto, at ang pagsusuring ito ay napakahalaga para sa kalalabasan ng isang tao. Kung ang salitang “palagian” ay idadagdag sa mga pagpapamalas ng masasamang gawa ng isang tao kapag inilalarawan siya, kung gayon ay may malaki siyang problema. Nagiging napakalinaw kung anong uri mismo ng landas ang tinatahak ng gayong mga tao. Kaya, anong landas ba talaga ang tinatahak nila? Ito ba ay isang landas na patungo sa pagkawasak, o isang landas na patungo sa kaligtasan? (Isang landas na patungo sa pagkawasak.) Bakit nangyayari ang resultang ito? Ito ba ay paghusga sa mga taong ito? Ito ba ay hindi naaayon sa aktuwal na sitwasyon? (Hindi.) Dapat pa ba silang bigyan ng mga pagkakataon para magsisi? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Hindi natin sila dapat sukuan nang tuluyan—baka balang araw ay magsisi sila!” Ang mga tao ng Ninive ay gumawa ng napakaraming masamang gawa, at ang kanilang masasamang gawa ay nakarating sa mga tainga ng Diyos. Nang wawasakin na sila ng Diyos, pinauna Niya si Jonas para maghatid ng isang mensahe, sinasabi sa kanila na wawasakin ang Ninive sa loob ng apatnapung araw. Paano umasal ang mga tao ng Ninive pagkatapos itong marinig? Sa loob ng apatnapung araw, nagdamit sila ng sako at naupo sa abo at nagsisi sa Diyos. Pero ngayon, para sa mga palagiang hindi maganda ang paggampan habang ginagawa ang kanilang tungkulin, ilang apatnapung araw na ba ang naibigay sa kanila para magsisi? Nagsisi ba sila? Mayroon ba silang kahandaang magsisi? Nagpapakita ba sila ng anumang inklinasyon tungo sa pagsisisi? (Hindi.) Sa nakalipas na sampu o dalawampung taon, ang kanilang mga pagpapamalas ay palagiang mga pagpapamalas ng paggawa ng kasamaan, kaya, sa susunod na sampu o dalawampung taon, maaari ba silang magbago? Maaari ba silang tumigil sa paggawa ng kasamaan? Maaaring hindi iyon alam, pero ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong ito sa nakalipas na sampu o dalawampung taon ay sapat na para ipakita na ang lahat ng kanilang mga pag-uugali at pagpapamalas ay sumasalungat sa katotohanan, lumalaban sa Diyos, at tumututol sa Diyos. Pinatutunayan nito na ang kanilang puso ay nasusuya sa katotohanan, na ang kanilang kalikasang diwa ay buktot at walang elemento ng pagmamahal sa katotohanan, at na hindi sila nagtataglay ng pagkatao na nagmamahal at nagsasagawa ng katotohanan. Kung huhusgahan mula sa kanilang mga pagpapamalas sa nakalipas na sampu o dalawampung taon, ito ang kongklusyon. Dahil ito ang kongklusyon hanggang sa puntong ito, kung huhusgahan mula sa kanilang pagkatao at sa kanilang diwa, sa susunod na sampu, dalawampu, o tatlumpung taon, mayroon ba sa kanila na tunay na makakapagsisi at makakapagbago? Sa tatlumpung tao, maaari bang mayroon kahit isa? Sa limampung tao, maaari bang mayroon kahit isa? Sa isandaang tao, maaari bang mayroon kahit isa? Ibig sabihin, sa susunod na sampu o dalawampung taon, maaari ba silang biglang magkaroon ng kamalayan ng konsensiya, maging interesado sa katotohanan at sa mga positibong bagay, magkaroon ng kakayahang tanggapin ang katotohanan at mga positibong bagay, makakilala sa kanilang sarili at magkaroon ng tunay na pagsisisi, at makaramdam ng panunumbat ng konsensiya at pagkakautang para sa kasamaang nagawa nila noon? Batay sa inyong mga obserbasyon, ano ang proporsyon? Sa isang libong tao, maaari bang mayroon kahit isa? (Sa tingin ko, kahit sa isang libong tao, wala ni isa.) Ano ang pinagbabatayan mo rito? (Ang katunayan na habang nananampalataya sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon, ang saloobin ng gayong mga tao sa katotohanan ay saloobin ng palagiang pag-ayaw at pagkaramdam ng paglaban, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at hindi sila nagpakita ng kahit katiting na pagpapamalas ng pagsisisi. Pinatutunayan niyon na hindi rin sila tunay na magsisisi sa hinaharap.) Tumpak ba ang pahayag na ito? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Dapat tayong maging mapagparaya at mapagpasensiya sa iba. Kung hindi sila nagsisi sa nakalipas na sampu o dalawampung taon, ito ay dahil bata pa sila at wala pang gulang ang isipan, o dahil maganda ang kondisyon ng kanilang pamilya at pinalaki sila sa layaw at ibinigay ang gusto nila, o dahil mayroon silang mataas na katayuan sa lipunan at ilang kalakasan. Hindi ba’t ang mga espesyal na sitwasyon at kapaligirang ito ang naging sanhi kaya sila naging ganito? Marahil sa susunod na sampu o dalawampung taon, makakawala sila mula sa mga impluwensiya ng mga kapaligirang iyon sa pamilya at masasamang salik, at baka magbago sila.” Mahirap sabihin iyon. Gayumpaman, batay sa mga nakaraang pagpapamalas ng mga taong ito, ang lahat ng may panuring na “palagian” na idinagdag bago ang kanilang mga pagpapamalas ay nasa malaking panganib. Kahit sa isandaan o isang libo ng mga taong ito, imposibleng may kahit isang tunay na makakapagsisi. Kung wala pa sa kanilang masasamang gawa ang may panuring na “palagian”, marahil ay mayroon pang kaunting pag-asa para sa gayong mga tao. Nakadepende ito sa kung ano ang kanilang mga pagpapamalas sa susunod na tatlo hanggang limang taon. Kung ito ay dahil bata pa sila at wala pang gulang ang isipan, o dahil ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay walang pundasyon, o dahil mahina ang kanilang kakayahan, o dahil naapektuhan ng ilang obhetibong salik sa kapaligiran ang kanilang pagtanggap at pag-unawa sa katotohanan—kung ito ay idinulot ng mga obhetibong dahilang ito, at ang kanilang mga pagpapamalas ng masasamang gawa ay pansamantala lang, kung gayon ay kinakailangan ang karagdagang obserbasyon. Pero hanggang ngayon, iyong mga walang-tigil na gumagawa ng masasamang gawa—yaong may mga pagpapamalas na pinangungunahan ng salitang “palagian”—ay hindi nakapaghanda ng sapat na mabubuting gawa para sa kanilang hantungan. Sa halip, sa kanilang proseso ng pananampalataya sa Diyos, nakaipon sila ng maraming masamang gawa. Iyon nga lang, tumatanggi silang aminin na sila ay masasamang tao, at sinusubukan din nilang bigyang-katwiran ang kanilang sarili gamit ang mga paghihirap na tiniis nila, ang halagang ibinayad nila, at ang kanilang senyoridad bilang mga matagal nang mananampalataya sa Diyos. Ang landas na tinatahak ng mga taong ito ay hindi lang inilalatag sa harap nila kundi ibinubunyag din sa harap ng lahat. Ang kanilang mga pagpapamalas at pagbubunyag, ang kanilang mga kilos at pag-uugali, ang kanilang saloobin sa paggampan ng kanilang tungkulin, ang kanilang saloobin sa katotohanan, at ang kanilang saloobin sa lahat ng positibong bagay ay sapat na para ipakita ang kanilang diwa. Siyempre, ang kanilang saloobin sa kanilang tungkulin at ang kanilang saloobin sa katotohanan ay naghayag din sa landas na kanilang tinatahak.
Ang landas na tinatahak ng mga tao ang nagpapasya sa kung ano ang aanihin nila sa huli. Kung tinatahak ng mga tao ang landas ng pagkawasak, ang aanihin nila sa huli ay ang pagbangga sa mga tarangkahan ng impiyerno upang buksan ang mga ito at ang pagbaba sa impiyerno. Wala itong kinalaman sa iba—hindi ito idinudulot ng ibang tao, kundi sa halip ay ito ang resultang idinulot sa huli ng landas na tinatahak mo. Maaaring maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos at nakagawa ka na ng maraming pagsalangsang, nakagawa ng ilang paglihis, at nakagawa ng ilang bagay na lumilihis mula sa tamang landas; mayroon pa ngang ilang tao na nakagawa ng ilang gawa ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Bagama’t hindi mabuti ang mga pagpapamalas na ito, at sa paningin ng Diyos ay kinokondena ang mga ito, kung—kasabay ng pagbubunyag mo ng isang tiwaling disposisyon at paghihimagsik at paglaban mo sa Diyos—nagagawa mong pagnilayan ang iyong sarili at tunay na magbalik-loob, at gamitin ang iyong sinseridad, ang iyong pagbabayad ng halaga, ang iyong pagsasagawa ng katotohanan, at ang iyong positibo at maagap na saloobin sa katotohanan para aktibong maghanda ng maraming mabubuting gawa, kung gayon ay magbabago ang saloobin ng Diyos sa iyo. Halimbawa, ipagpalagay na kapag ginagambala at ginugulo ng mga anticristo at masasamang tao ang gawain ng iglesia at inililihis nila ang mga kapatid, nagagawa mong agarang ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo at masasamang tao, pinipigilan ang kanilang mga paggambala at panggugulo, pinoprotektahan ang mga kapatid, at pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Dagdag pa rito, sa proseso ng paggampan ng iyong tungkulin, nagkaroon ng maraming hindi inaasahang paghihirap at hadlang, at ginugol mo ang iyong oras, enerhiya, at pisikal na lakas, isinasakripisyo ang iyong masasayang sandali ng makalamang kasiyahan at ibinibigay ang iyong buong lakas para lutasin ang mga paghihirap at problemang ito. Sa pamamagitan ng iyong panghihikayat, pangangasiwa, at pagsubaybay, sa pamamagitan ng iyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga, ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia ay nagawang umunlad at nakausad nang normal at maayos. Higit pa rito, sa proseso ng pangangaral ng ebanghelyo, nakapagdala ka ng ilang tao na may mahusay na kakayahan at abilidad na maarok ang katotohanan, at malinaw kang nagbahagi sa kanila tungkol sa iba’t ibang katotohanan, binibigyang-kakayahan silang maglatag ng pundasyon sa tunay na daan, at gampanan ang kanilang tungkulin sa iglesia, at maging mga katuwang na may kapabilidad sa ilang partikular na aytem ng gawain. O gumanap ka ng isang napakahalagang papel sa ilang partikular na espesyalisadong gawain sa sambahayan ng Diyos, gumagamit ng mga epektibong pamamaraan sa gawain o mga hakbang sa gawain para isulong ang pag-usad ng gawain at pagandahin ang mga resulta nito. O, sa buhay iglesia, tinulungan mo ang ilang kapatid na negatibo at mahina, o na nakakaramdam ng pagkaligaw at kawalan ng landas, tinutulungan silang makahanap ng landas pasulong, maunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi magkamali ng pagkaunawa sa Kanya, at magkaroon ng determinasyong hangarin ang katotohanan. Ang mas mabuti pa, nagawa mong palakasin ang loob ng mga taong ito kaya handa silang gumampan ng isang tungkulin at gumugol ng kanilang sarili para sa Diyos. O, sa ilang espesyalisadong gawain, umako ka ng isang kailangang-kailangang papel—maaaring ang gampaning ginagawa mo ay mahirap at nakakapagod, at walang nakakakita, gayunman ay handa kang maging isang manggagawang hindi kilala at nasa likod ng eksena, nagsisikap nang hindi humihingi ng anumang gantimpala, naghahangad lang na ialay ang iyong sinseridad at katapatan. Ang lahat ng positibong pagpapamalas na tulad ng mga ito ay, sa paningin ng Diyos, mabubuting gawa na karapat-dapat tandaan. Sa kabilang banda, maaaring kapag nakakaharap mo ang mga bagay na ito, hindi lang sa nabibigo kang gampanan ang iyong tungkulin at tuparin ang iyong mga responsabilidad, kundi wala ka ring ginagawa at pinapanood at pinagtatawanan mo ang sitwasyon mula sa gilid, ganap na binabalewala ang mga ito, nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Hindi mo ginagawa ang makakaya mo, at ni hindi ka man lang nag-aabalang mag-alok ng suhestiyon, sa takot na mapagod ka. Iniiwasan mo ang mga bagay-bagay hangga’t maaari, iniisip na kapag mas wala kang ginagawa, mas mabuti. Palagi mong nararamdaman na hindi sulit ang pagiging metikuloso at responsable, at na ang pag-iisip tungkol sa mga usapin ng gawain ay masyadong malaking abala. Bagama’t ang mga pagpapamalas na ito ay iba sa masasamang gawa ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, at hindi ka bibigyan ng Diyos ng pangit na marka, hindi ka rin Niya bibigyan ng magandang marka. Ano ang ibig Kong sabihin sa hindi pagbibigay sa iyo ng magandang marka? Nangangahulugan ito na sa mga bagay na ito, hindi ka naghanda ng mabubuting gawa, ni gumawa ng mga bagay na nagkakamit ng pag-alala ng Diyos. Nang makaharap mo ang mga bagay na ito, pinalagpas mo ang pagkakataon na maghanda ng mabubuting gawa. Napakahangal mo; hindi ka mapagkakatiwalaan, hindi karapat-dapat na iangat, hindi karapat-dapat na itaas, at hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mga usapin ng Diyos. Napakalayo mo kina Noe at Abraham. Sabihin ninyo sa Akin, ang isang tao na hindi pinangangahasang pagkatiwalaan ng Diyos ng anumang bagay ay maaaring hindi naman mapunta sa impiyerno sa huli, pero makakapasok ba siya sa kaharian ng langit? Masasabi lang na hindi ito tiyak, at sinusundan ito ng napakaraming tandang pananong; puno ito ng maraming kawalan ng katiyakan. Ang kawalan ng katiyakang ito ay batay sa kanyang mga palagiang pagpapamalas. Kung tatanungin mo ang lahat kung bakit sila nananampalataya sa Diyos, kung gusto ba nilang pumasok sa kaharian ng langit o mapunta sa impiyerno, lilibakin ka ng ilang tao, sinasabing ang tanong na ito ay napakahangal: “Sino ba ang may gustong mapunta sa impiyerno at mawasak? Sino ba ang hindi gustong pumasok sa kaharian ng langit at magtamo ng kaligtasan?” Pero ang tanong na ito ay talagang kailangang itanong. Hindi ito kahangalan. Ang ilang tao ay hindi kailanman nagnilay sa kanilang sarili sa ganitong paraan. Kapag nakakaharap sila ng mga sitwasyon, palagi silang natatakot sa problema at natatakot na magsanhi ng mga alitan. Sa partikular, kapag nakikita nilang ginagambala at ginugulo ng masasamang tao ang gawain ng iglesia, kung saan ang hinirang na mga tao ng Diyos ay naililihis at nasasamantala, at dahil dito ay hindi makausad ang gawain ng iglesia, hindi nila batid na sinisiyasat ng Diyos ang mga tao, ni batid na ito mismo ay isang pagkakataon para maghanda ng mabubuting gawa. Sa halip, pinipili nilang maging mapagpalugod ng mga tao at tinatalikuran nila ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi nila pinagninilayan ang kanilang sarili kahit kaunti. Ano ang iyong responsabilidad? Ano ang iyong obligasyon? Ano ang atas ng Diyos sa iyo? Nagsabi na ang Diyos ng napakaraming salita at nakagawa na Siya ng napakaraming gawain—ano ang inaasahan sa iyo ng Diyos? Mabibigyan mo ba ang Diyos ng isang kasiya-siyang sagot? Nakapaghanda ka na ba ng mabubuting gawa? Sa lahat ng usaping ito, dapat kang madalas na magnilay sa iyong sarili at magkaroon ng kalinawan sa iyong puso.