Paano Hangarin ang Katotohanan (10) Unang Bahagi

Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw

Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos, at sa Pagkamapanlaban ng Isang Tao sa Diyos

I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos

F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon

Kamakailan, naisagawa natin ang ilang pagbabahaginan na may kinalaman sa mga isyu ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon; sa pangunahin, detalyado at partikular nating pinagbahaginan ang tungkol sa ilang pagpapamalas ng tatlong aspektong ito. Sa pamamagitan ng gayong detalyadong pagbabahaginan, nagkamit ba kayo ng kaunting pagkaunawa sa partikular na klasipikasyon ng mga pagpapamalas na ito? (Oo.) Sa pagkakamit ng pagkaunawa sa mga partikular na pagpapamalas ng tatlong aspektong ito, mas malinaw na ba ngayon sa inyo kung bakit kailangang iwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon o kung anong mga bagay sa mga tao ang kailangang baguhin at iwaksi? Aling mga aspekto ang kailangang baguhin, alin ang hindi kailangang baguhin, alin ang dapat isagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at alin ang mga likas na kondisyong paunang inorden at isinaayos ng Diyos, na hindi kaugnay sa mga tiwaling disposisyon at hindi humihingi sa mga tao na gumugol ng pagsisikap o gumawa ng anumang mga pagbabago—malinaw na ba ngayon ang mga usaping ito? (Medyo mas malinaw na sa amin ang mga ito kaysa dati.) Pagkatapos ninyong magkamit ng kalinawan, nauunawaan ba ninyo ang kahalagahan ng gawain ng Diyos na linisin ang mga tao, baguhin ang kanilang mga disposisyon, at iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas? Malinaw na ba ngayon kung sa ano nakatuon ang paggawa at pagsasalita ng Diyos para itustos ang katotohanan at ilantad ang iba’t ibang problema sa mga tao? Ang paglalantad ba ng Diyos ng lahat ng problema sa mga tao ay nakatuon sa kanilang mga likas na kondisyon? (Hindi.) Nakatuon ba ito sa mga likas na depekto ng pagkatao ng mga tao? (Hindi.) Kung gayon, sa ano ito nakatuon? (Pangunahing nakatuon ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao.) Ito ay pangunahing nakatuon sa mga prinsipyo ng pag-asal at pagkilos ng mga tao, sa mga pananaw at saloobin nila patungkol sa Diyos, sa katotohanan, mga positibong bagay, at iba pang gayong mga isyu. Ano ba ang mga tiwaling disposisyon? Nagmumula ang mga tiwaling disposisyon sa kalikasan ni Satanas at naibubunyag mula sa kalikasan ni Satanas. Ang mga bagay na ito ay pawang sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo, walang-katotohanan, at mga kilos at pagpapamalas ng paglaban sa Diyos. Ang mga bagay na ito ang mga pangunahing bagay na lumalaban sa Diyos at ang mga ugat na dahilan kung bakit nagagawang salungatin ng mga tao ang katotohanan, ipagkanulo ang katotohanan, at salungatin ang mga layunin ng Diyos, at pati na ang mga hinihingi ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga likas na kondisyon ay ilang pangunahing, instintibong bagay lamang na taglay ng mga tao mula pagkapanganak; pero ang buhay na inaasahan ng mga tao sa kasalukuyan para manatiling buhay ay ang mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, ang pakay ng gawain ng Diyos na baguhin ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Dahil mismo ang mga tiwaling disposisyon ay lumalaban sa Diyos at ang mga ito ay kay Satanas, at masasabi na mga pangkalahatang pagpapamalas ng lahat ng negatibong bagay ang mga ito—ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na nabubunyag sa mga tao, o ang iba’t ibang kalagayan at mga detalyadong pagbubunyag at pagpapamalas kaugnay sa mga tiwaling disposisyon, ay pawang nauugnay sa mga negatibong bagay—ang ugat na dahilan ng paglaban ng mga tao sa Diyos, samakatwid, ay hindi ang kanilang mga likas na kondisyon o mga partikular na depekto sa kanilang pagkatao, kundi ang buhay na ginagawang pundasyon ang mga tiwaling disposisyon sa pananatiling buhay. Ang buhay na ito ay tumpak na nagmumula kay Satanas. Kaya, ang kailangang baguhin sa huli ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang kailangang iwaksi ay ang mga tiwaling disposisyon din ng mga tao. Siyempre, maaari ding sabihin na kapag nagbago ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, saka lang sila makakatigil sa paglaban sa Diyos. Sa madaling salita, kapag naiwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, saka lang ito nangangahulugan na naligtas na sila, at kapag naligtas na ang mga tao, saka lang sila makakatigil sa paglaban sa Diyos at ganap na makakapagpasakop sa Diyos. Samakatwid, ang tunay na kahulugan ng gawain ng Diyos na iligtas ang mga tao ay ang bigyang-kakayahan sila na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang tunay na kahulugan at nilalayong resulta ng pagsasabi ng Diyos sa mga tao na ang paghahangad sa katotohanan ay pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos, ayon sa mga salita ng Diyos at gamit ang katotohanan bilang pamantayan ng isang tao ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at tingnan ang mga tao at bagay, umasal at kumilos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Nauunawaan mo ba? (Oo.)

Nagbahaginan tayo dati tungkol sa ilang partikular na pagbubunyag at pagpapamalas kaugnay sa mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Ang ilang pagpapamalas ay tumutukoy sa mga likas na kondisyon, ang ilan ay sa mga depekto sa pagkatao, ang ilan ay mga pagpapamalas ng ubod ng samang karakter, at ang ilan ay mga partikular na pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. Pinakamadaling malito ang mga tao sa mga depekto sa pagkatao ng isang tao at sa ubod ng samang diwa ng pagkatao ng isang tao. Karamihan sa mga depekto sa pagkatao ay napapabilang sa kategorya ng mga likas na kondisyon. Halimbawa, nauutal ang ilang tao kapag nagsasalita, at ang ilang tao ay mainitin ang ulo o mahinahon ang likas na ugali. Ang mga depektong ito sa pagkatao, hangga’t hindi napapabilang ang mga ito sa kategorya ng ubod ng samang karakter, ay napapabilang sa loob ng saklaw ng mga likas na kondisyon sa pangkalahatan. Gayumpaman, hindi kaugnay sa mga likas na kondisyon ang ubod ng samang karakter; ito ay isang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon at dapat mapabilang sa mga tiwaling disposisyon, hindi sa mga likas na kondisyon. Ito ay dahil, sa loob ng karakter ng isang tao, binigyan siya ng Diyos ng dalawang batayang bagay: konsensiya at katwiran. Kung ubod ng sama ang karakter ng isang tao, kaugnay rito ang mga problema sa kanyang konsensiya at katwiran. Tiyak na hindi ito tumutukoy sa kanyang mga likas na kondisyon. Tiyak na napapabilang ito sa mga tiwaling disposisyon; isa itong espesipikong pagpapamalas ng isang partikular na tiwaling disposisyon. Sapat ang mga katunayan para ipakita na pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang isang tao, nawawala ang kanyang konsensiya at katwiran. Ang puso niya ay lubusang nilihis ni Satanas, at tinatanggap niya ang maraming kaisipan at pananaw na nagmumula kay Satanas, pati ang ilang kasabihan at opinyon mula sa masasamang kalakaran. Kapag umabot sa puntong ito ang mga bagay-bagay, lubusang natiwali at naagnas ang kanyang konsensiya at katwiran—maaaring sabihin na sa panahong ito, tuluyan nang nawala ang kanyang konsensiya at katwiran. Ang ipinapakita ay na napakababa at napakasama ng kanyang karakter. Ibig sabihin, bago siya tumanggap ng mga positibong bagay, marami na siyang tinanggap na walang-katotohanang bagay mula kay Satanas sa puso niya. Lubhang ginawang tiwali ng mga bagay na ito ang pagkatao niya, kaya masyadong mababa ang pagkatao niya. Halimbawa, pagkatapos niyang tanggapin ang satanikong kaisipan at pananaw mula sa mundo na nagsasabing, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” mapapabuti ba ang kanyang konsensiya o mananatiling ganoon pa rin, o lalala ba ito? (Lalala ito.) At ano ang mga partikular na pagpapamalas ng paglala na ito? (Isinasaalang-alang lang niya ang sarili niyang mga interes sa lahat ng kanyang ginagawa.) Alang-alang sa sarili niyang layon at mga interes, gagawin niya ang kahit ano. Kaya niyang mandaya at maminsala ng iba at gumawa ng kahit ano na labag sa moralidad at konsensiya. Habang mas gumagawa siya, mas nagiging walang awa ang kanyang mga kilos, mas dumidilim ang kanyang puso, mas nababawasan ang pakiramdam niya ng konsensiya, at mas nagiging kaunti ang pagkataong napapanatili niya. Para sa sarili niyang mga interes, dadayain at lilinlangin niya ang kahit sino, parehong nililinlang ang mga taong kilala at hindi niya kilala—lilinlangin niya ang mga katrabaho, kapamilya, at maging ang pinakamalalapit sa kanya sa paligid niya, pinipinsala iyong mga pinakanagtitiwala sa kanya. Sa umpisa, kapag ginagawa niya ang mga bagay na ito, nakakaranas siya ng kaunting pagtatalo sa loob niya at katiting na pakiramdam sa kanyang konsensiya. Kalaunan, sinisimulan niyang pag-isipan kung paano aaksiyon, nagsisimula muna sa mga di-pamilyar na estranghero, at sa huli ay hindi na nagpapakita ng awa kahit sa sarili niyang mga kamag-anak. Kita mo, unti-unting nagagawang tiwali ang pagkatao niya; unti-unti itong inaagnas ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas, gaya ng “mga interes sa ibabaw ng lahat” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ang unti-unting proseso ng pagkaagnas na ito ay ang proseso kung saan unti-unting nawawalan ng kamalayan ang kanyang konsensiya at tuluyang humihinto sa paggana, hanggang sa tuluyang umabot sa punto na ganap na mawala. Sa huli, wala na siyang mga moral na hangganan o pakiramdam ng konsensiya sa kanyang mga kilos, at kaya niyang linlangin ang sinuman. Ano ang dahilan kung bakit kaya niyang linlangin ang sinuman? Ano ang ugat na dahilan? Ito ay dahil tinanggap niya ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas, at kumikilos siya sa ilalim ng pangingibabaw ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Sa huli, hindi na gumagana ang konsensiya at katwiran ng pagkatao niya; ibig sabihin, ang mga batayang bagay na dapat taglay ng pagkatao ay ganap nang humihinto sa paggana, ang mga ito ay lubusang naagnas at nakontrol ng masasamang kaisipan ni Satanas. Ang proseso ng pagkaagnas at pagkontrol ay ang proseso ng pagtanggap niya sa mga kaisipan at pananaw na ito, at siyempre, ito rin ang proseso ng paggawang tiwali sa kanya. Habang natitiwali ang konsensiya at katwiran ng kanyang pagkatao, ang naipapakita niya sa huli ay na nagiging napakababa ng kanyang pagkatao, at sa mas malalalang kaso, nawawala ang kanyang pagkatao. Ang mga ito ang ilang pagpapamalas ng pagkatao ng mga normal na tiwaling tao.

Mayroon ding ilang espesyal na kaso, kung saan ang ilang tao ay hindi man lang ipinanganak bilang mga tao, kaya hindi masasabi na nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran. Sa abstraktong pananalita, hindi sila nagreengkarnasyon mula sa mga tao. Bagama’t ang usapin ng muling kapanganakan, pagreengkarnasyon, at paglipat ng kaluluwa sa panibagong katawan ay abstrakto at di-nakikita ng mga tao, dapat madali itong maunawaan ng mga tao; isa itong bagay na kayang alamin at arukin ng mga tao. Ang gayong mga tao ay hindi nagreengkarnasyon mula sa mga tao, kaya galing sa ano sila nagreengkarnasyon? Ang ilan ay muling ipinanganak at lumipat ng katawan mula sa mga hayop, at ang ilan ay nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo; ipinanganak silang walang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay ipinanganak nang walang konsensiya o katwiran; hindi ito lubos na dulot ng katiwalian. Sila ay likas na mga buhay na Satanas at mga buhay na diyablo. Sila ay nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo. Halimbawa, masasamang tao ang mga anticristo; sila ay nagreengkarnasyon mula sa masasamang tao. Kalaunan sa buhay, tinatanggap nila ang mas marami pang kaisipan at pananaw ni Satanas. Ang orihinal na taglay nila, kapag isinama sa nakukuha nila kalaunan, ay lalong nagpapasama sa kanila. Ang gayong mga tao ay ipinanganak nang hindi nagmamahal sa mga positibong bagay; sila ay likas na tutol sa mga positibong bagay, at lubha nilang nilalabanan at kinasusuklaman ang mga positibong bagay. Samakatwid, ang pagpapamalas ng pagkatao sa gayong mga tao ay na wala sila ni katiting na konsensiya o katwiran. Ganap na imposibleng makakita ng anumang mga merito o mga kalakasan ng pagkatao sa kanila. Siyempre, ang meritong ito ay tiyak na hindi tumutukoy sa pagiging sanay sa pagkanta, sanay sa pagpapahayag ng mga pananaw, o sanay sa isang partikular na teknikal na kasanayan o propesyon. Hindi ang mga ito ang mga meritong tinutukoy. Sa halip, tumutukoy ito sa mga merito ng pagkatao, gaya ng pagiging mabuting-loob at mabait, maunawain sa iba, o pagiging may empatiya. Ang mga partikular na pagpapamalas na ito sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran ng pagkatao ay ganap na wala sa kanila. Kaya, ano ang mga pangunahing katangian ng pagkatao ng gayong mga tao? Paglihis at kasamaan. Ang mga ito ang pangunahing mga katangian. Hindi nila minamahal ang mga positibong bagay; kapag naririnig nila ang tungkol sa mga positibong bagay, kaya nilang kilalanin na tama ang mga ito pero hindi nila kailanman tinatanggap ang mga ito. Ang lahat ng nasa puso nila at lahat ng ibinubunyag nila ay nauugnay sa paglihis at kasamaan. Ito ay isa sa mga pangunahing katangian ng mga tao na ang likas na pagkataong diwa ay masama. Ang gayong mga tao ay nagreengkarnasyon at lumipat ang kanilang kaluluwa sa panibagong katawan mula sa mga diyablo at mga Satanas. Kahit walang artipisyal na pagtatanim sa isip, pagtuturo, pag-impluwensiya, o pagkokondisyon kalaunan sa buhay, lubha na silang masama. Sila ay likas na ganitong uri ng mga nilalang. Ang mga kaisipan at pananaw nila ay likas na nagtataglay ng maraming esensyal na bagay na kay Satanas. Dagdag pa roon, tumatanggap sila ng mas marami pang walang-katotohanang kaisipan at pananaw mula sa masasamang kalakaran ni Satanas pagkatapos maisilang. Kaya, maaaring sabihin na ginatungan ang apoy ng kalikasang diwa ng gayong mga tao, mas lalo pa itong nagiging masama at malala, ibig sabihin, nagtataglay ito ng bawat nakalalasong katangian na maiisip at nagiging mas lalo pang malubha. Ang mga ito ang dalawang espesyal na kaso ng mga taong nagreengkarnasyon mula sa mga hayop at ng mga taong nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo. Ang normal na sitwasyon ay na anuman ang mga depekto sa pagkatao na taglay ng isang tao pagkasilang niya, basta’t nagpapakita siya ng ilang pagpapamalas ng ubod ng samang karakter, napapabilang ito sa loob ng saklaw ng mga tiwaling disposisyon. Kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa huli ay maiwawaksi ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag naiwaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, magbabago rin nang naaayon ang mga ubod ng samang aspekto ng kanyang karakter. Ang gayong mga tao ang mga maaaring maligtas; sila ay mga normal na tiwaling tao. Kahit na nagpapakita ka ng ilang pagpapamalas ng masamang karakter, o wala kang integridad, o ang ilang pagpapamalas ng iyong pagkatao ay hindi umaayon sa katotohanan at kasuklam-suklam sa iba, hangga’t ang iyong konsensiya at katwiran ay umiiral pa rin at kaya pa ring magsilbi bilang ang mga batayang kondisyon kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay at kung paano ka umasal at kumilos—ibig sabihin, naiimpluwensiyahan pa rin ng iyong konsensiya at katwiran kung paano ka tumitingin sa mga tao at bagay at umaasal at kumikilos, at gumagana pa rin sa iyo ang iyong konsensiya at katwiran—kung gayon, sa huli ay maaaring baguhin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kung hindi kayang kontrolin o giyahan ng konsensiya at katwiran ng isang tao ang anumang bagay na ginagawa niya, maaaring sabihin na ang ganitong uri ng tao ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan at lalo pang hindi kayang magsagawa nito. Kaya, hindi madaling maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon ng gayong mga tao. Bakit ganito? Dahil hindi gumagana sa anumang paraan ang konsensiya at katwiran ng gayong mga tao. Wala na silang pagkakataon na tumanggap ng katotohanan at hindi na sila nagtataglay ng mga batayang kondisyon para sa pagtanggap ng katotohanan. Napakahirap para sa mga taong ito na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, anuman ang mga problemang umiiral sa iyong pagkatao, suriin ang iyong sarili para makita kung, kapag malapit ka nang kumilos sa isang paraan na sumasalungat sa pagkatao o sa katotohanan, nakakaramdam ka ba ng anumang bagay sa iyong konsensiya o nakakaramdam ng kirot o pagsaway sa iyong puso, at kung mayroon ka bang hangganan o pamantayan sa puso mo para sukatin kung dapat bang gawin o hindi gawin ang usaping ito, kung ang paggawa ba ng usaping ito ay sumasalungat sa moralidad o konsensiya, at ang mas malalim pa, kung lumalabag ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may pakiramdam ka ng konsensiya, kung kaya mong sukatin na sumasalungat sa pagkatao at sa katotohanan ang usaping ito, at sa ilalim ng paggana ng iyong konsensiya at katwiran ay kaya mong pigilan ang sarili mo at panatilihing kontrolado ang mga kilos mo, kung gayon, mayroon kang pagkakataon o posibilidad na magawang tanggapin ang katotohanan at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Pero kung, kapag gumagawa ng anumang bagay, wala kang anumang nararamdaman sa iyong konsensiya, hindi mo kayang sukatin kung ano ang pamantayan para sa usaping ito o kung dapat mo ba itong gawin, at hindi mo alam kung ang paggawa sa bagay na ito ay umaayon ba sa pagkatao, katarungang moral, o sa mga katotohanang prinsipyo—at higit pa roon, kapag ginagawa ang bagay na ito, sumasalungat ito sa konsensiya, pagkatao, o sa mga katotohanang prinsipyo, pero hindi gumagana ang iyong konsensiya para pigilan ka sa paggawa nitong mali at negatibong bagay—kung gayon, ang mga taong tulad mo, sa pangkalahatan, ay walang pagkakataon na matanggap ang katotohanan. Ang sumusunod ay na wala kang pagkakataon na iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon.

Kung kaya ba ng mga tao na iwaksi ang mga tiwaling disposisyon ay nakasalalay sa kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan—napakalinaw nito. At kung kaya ba ng mga tao na tanggapin ang katotohanan ay nakasalalay sa kung mayroon ba silang pakiramdam ng konsensiya. Kaya, paano makikilatis kung mayroon bang pakiramdam ng konsensiya ang isang tao? Kinakailangan na tingnan kung, kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, mayroon ba siya ng pinakabatayang konsensiya na dapat taglayin ng pagkatao, at kung, kapag gumagawa o nagsasabi siya ng isang bagay, gumagana ba ang konsensiya niya. Halimbawa, kapag gusto mong sabihin ang isang bagay na sumasalungat sa iyong konsensiya at sa mga katunayan para siraang-puri ang isang tao, o kapag gusto mong magsinungaling, inuusig ka ng iyong konsensiya: “Hindi ko dapat sabihin ito. Ang pagsasabi nito ay kasinungalingan at panlilinlang, na ang ibig sabihin ay hindi ako matapat na tao. Nagsisiyasat ang Diyos, at hindi ako papayagan ng sarili kong konsensiya na gawin ito. Hindi nararapat na sabihin ito.” Ang pagkakaroon ng ganitong mga kaisipan ay nangangahulugan na gumagana ang iyong konsensiya. Kapag gumagana ang iyong konsensiya, ang mga salitang sinasabi mo ay maaaring naglalaman pa rin ng ilang karumihan o elemento ng intensiyon ng tao at maaaring hindi 100% tumpak. Gayumpaman, sa ilalim ng epekto ng iyong konsensiya, ang mga salitang sinasabi mo ay medyo angkop na. Kung higit mo pang maisasagawa ang katotohanan at makakapagsalita ka batay sa mga prinsipyo, magiging ganap na angkop ang mga salitang sinasabi mo, at magiging matapat kang tao. Pero kung ang isang tao ay hindi nasasailalim sa paggana ng konsensiya, hindi palaging ibig sabihin na nagagawa niyang maging isang matapat na tao o magsalita ng matatapat na salita. Halimbawa, kapag tinatanong siya ng ang Itaas tungkol sa isang tao, maaaring isipin niya: “Hindi na masama ang taong iyon. Mahusay ang kakayahan niya, at napakabuti rin ng pagkatao niya. Nagtatanong ba ang ang Itaas tungkol sa kanya para iangat siya? Kung iaangat siya, ibig sabihin niyon ay hindi ako iaangat. Hindi ko puwedeng sabihin ang totoo; sasabihin ko na lang na katamtaman siya”—nagsisimula siyang mag-isip kung paano magsasalita sa paraang makikinabang siya. Kapag nag-iisip siya sa ganitong paraan, gumagana ba ang konsensiya niya? Wala siyang konsensiya, at hindi siya nasasailalim sa paggana ng konsensiya. Ang mga taong walang konsensiya ay walang pagkatao. Sinasabi nila ang anumang gusto nilang sabihin at nagsisinungaling sila kailanman nila gustong magsinungaling. Bakit hindi mabigat sa loob nila ang pagsisinungaling? Dahil hindi sila nasasailalim sa paggana ng konsensiya. Kaya naman, walang konsensiya o katwiran na pumipigil sa kanila sa puso nila, ni walang anumang pumipigil na lakas. Sa huli, kaya nilang magsabi ng mga kasinungalingan at tuparin ang kanilang mga personal na pagnanais na magsinungaling ayon sa sarili nilang kalooban. Sa huli, ano ang diwang ipinamalas ng gayong mga tao? Ito ay ang paggawa ng mga bagay-bagay nang walang pumipigil na lakas ng konsensiya, na nangangahulugan na hindi sila nasasailalim sa paggana ng konsensiya. Ang mga taong hindi nasasailalim sa paggana ng konsensiya ay nakakagawa ng mga pagkakamali at ng kasamaan nang hindi nakakaramdam ng paninisi o pagkabagabag sa puso nila. Kaya naman, ginagawa nila ang lahat ng bagay gamit ang sarili nilang mga interes bilang pamantayan. Ang gayong mga tao ay walang anumang pumipigil na lakas at hindi sila nasasailalim sa paggana ng konsensiya, kaya, maisasagawa ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nila maisasagawa ang katotohanan. Para sukatin kung anong uri ng pagkatao ang mayroon ka, dapat mong tingnan sa pangunahin kung ang iyong mga salita at kilos ay pinamamahalaan ba ng konsensiya at katwiran, at kung kaya mo bang isagawa ang katotohanan, iwaksi ang mga tiwaling disposisyon, at kamtin ang kaligtasan. Kung kaya pa ring gumana nang normal ang konsensiya at katwiran mo, isa kang taong may konsensiya at katwiran. Kung ang mga salita at kilos mo ay hindi napipigilan ng konsensiya at katwiran, at kaya mo pa ngang kumilos nang ganap na sutil at walang pakundangan nang walang anumang pagpipigil, kung gayon, hindi ka lamang walang konsensiya at katwiran, kundi wala ka ring pagkatao. Kung ang lahat ng ipinakikita sa pagkatao ng isang tao ay halos napapabilang sa loob ng saklaw ng ubod ng samang karakter, kung gayon, sa pangkalahatan ay walang pagkatao ang taong ito. Ang tanda ng kawalan ng pagkatao ay ang kawalan ng konsensiya at katwiran, at paggawa ng mga bagay-bagay nang walang paggana ng konsensiya. Halimbawa, kung sasabihin mo sa kanila na dapat umasal ang isang tao nang may konsensiya at pagkatao, iniisip nila: “Ano ang halaga ng konsensiya? Magkakapera ba ako kung mayroon akong konsensiya? Magkakalaman ba ang tiyan ko kung mayroon akong konsensiya?” Pero para sa mga taong may konsensiya, iba ito. Kung paminsan-minsan silang gumagawa ng masama dahil sa kasakiman, nagsasanhi ng pinsala sa iba, mararamdaman nila kalaunan ang panunumbat sa sarili at pagsisisi, iniisip na, “Talagang nagawan ko ng mali ang mga tao sa paggawa ko nito sa kanila. Hindi ba’t paggawa ito ng kasamaan? Paanong masyado akong nabulag noong panahong iyon? Bakit hindi ko napigilan ang sarili ko? Kailangan kong maghanap ng paraan para makabawi.” Kita mo, nilinlang nila ang isang tao noon, at kahit nakapagkamit sila ng kaunting pakinabang, kapag naiisip nila ang pakinabang na ito, nababagabag sila sa puso nila at kinamumuhian nila ang sarili, iniisip na, “Paanong nagawa ko ang isang bagay na gaya nito? Hinding-hindi ko na ito puwedeng gawin ulit sa hinaharap. Mas gugustuhin ko pang mamuhay sa kahirapan o magutom kaysa gawin ulit ito. Hindi iyon isang bagay na dapat gawin ng isang tao—hahantong sa panghabang-buhay na pagsisisi ang paggawa nito!” Ang minsang paggawa ng bagay na gaya nito ay kasingkadiri para sa kanila ng paglunok sa isang patay na langaw. Kaya hindi na nila ito ginagawang muli. Nakakaramdam sila ng pagsisisi at pagkabagabag sa puso nila. Ang mga taong walang pagkatao, sa kabilang banda, ay pipigain ang kanilang utak at ganap na tututukan ang panlilinlang sa iba, lubusang nililinlang ang mga ito nang walang pag-aalinlangan; hindi sila inuusig ng kanilang konsensiya, at hindi sila nagpapakita ng awa. Lubha nilang pinipinsala ang iba at nakakaramdam pa nga sila ng kaligayahan, iniisip na, “Tama lang iyon sa kanila! Sino ba ang may sabi sa kanila na mapunta sila sa mga kamay ko? Kung hindi ko sila lilinlangin, sino pa ang lilinlangin ko? Malas lang nila na ako ang nakabangga nila!” Mayroon bang anumang pakiramdam ng konsensiya ang gayong mga tao? (Wala.) Gaano man nila kalubhang nililinlang ang iba o sa hanggang anong antas man nila pinipinsala ang mga ito, hindi sila kailanman nagsasabi ng kahit isang salita ng paghingi ng tawad at wala silang nararamdamang anumang pagkakonsensiya at pagsisisi. Sa halip, nakakaramdam sila ng pagmamalaki at pagiging mapalad sa puso nila. Sa tuwing tinatamasa nila ang nakamit nila sa pamamagitan ng panlilinlang, hindi sila nababagabag, kundi naniniwala sila na ganap na makatwiran iyon. Iniisip nila na may kakayahan sila, na bihasa at mautak sila, na tama ang kanilang inisip at ginawa sa oras na iyon, at na dapat mas marami pa silang nakuha sa pamamagitan ng kanilang panlilinlang. Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Pagkatapos gumawa ng kasamaan, kaya pa rin nilang mag-isip sa ganitong paraan at magpakita ng gayong pag-uugali. Sa palagay mo ba, maililigtas ang ganitong uri ng tao? Manlilinlang ba siya ulit kung mahaharap siya sa mga katulad na sitwasyon? (Oo.) Lalo lang siyang magiging mahusay sa panlilinlang, mas masisiyahan sa sarili, at mas mararamdaman niyang mautak siya habang mas nanlilinlang siya. Sa bawat panlilinlang, mas nagdidilim ang puso niya, mas nagiging walang awa ang mga kilos niya, at mas nagiging malupit ang mga pamamaraan niya. Ang gayong mga tao ay hindi maliligtas. Maaaring sabihin na lubusan na silang nabihag ni Satanas. Sila ay lubusang masasamang tao, mga diyablo, at mga tampalasan. Kung kakausapin mo ang gayong mga tao tungkol sa konsensiya at pagkatao, iismiran ka nila at sasabihin, “Ikaw na malaking hangal, kumikilos nang may konsensiya at pagkatao—sino ang magbibigay sa iyo ng pera para diyan? Hindi ba’t hahantong ka lang sa pagiging mahirap? Tingnan mo kung gaano kaayos ang lagay ko, at tingnan mo na lang ang sarili mo—lubhang kaawa-awa!” Iismiran at hahamakin ka nila. Ang gayong pagkatao ay lubos na walang konsensiya—ang konsensiya ng gayong mga tao ay lubusan nang nawala; tuluyan na silang inangkin ng mga diyablo, at naging tunay na mga buhay na diyablo. Samakatwid, huwag makipag-usap sa gayong mga tao tungkol sa katotohanan—hindi nila ito kayang tanggapin. Ni wala silang normal na pagkatao, kaya, paano nila matatanggap ang katotohanan? Ang mga taong kayang tumanggap ng katotohanan ay may hangganan pagdating sa pagtingin sa mga tao at usapin, at sa pag-asal at pagkilos, lalo na kapag may kinalaman ito sa sarili nilang mga interes. Ano ang hangganang ito? Ito ay ang pagiging napipigilan at nakokontrol ng kanilang konsensiya. Kung kaya silang pigilan at kontrolin ng kanilang konsensiya, masasabi na mayroon pa ring isang partikular na antas ng pagkatao at hangganan sa kanilang sariling asal ang gayong mga tao. Nangangahulugan ito na kumikilos sila nang may partikular na antas ng kaangkupan. Kapag nakikisalamuha sa iba o gumagawa ng anumang bagay, kung hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo o hindi alam kung paano kumilos nang alinsunod sa katotohanan, kaya pa rin nila, kahit papaano, na sundin ang mga hangganan ng konsensiya. Sa madaling salita, mayroon pa ring kamalayan ang kanilang konsensiya at gumagana pa ito. Kung gumagana ang kanilang konsensiya, may pagkakataon silang tanggapin ang katotohanan. Ang kanilang konsensiya ay uunlad sa positibong direksiyon, at sa huli, ang mga parte ng kanilang karakter na hindi mabuti ay medyo magbabago. Habang unti-unting sumasailalim sa transpormasyon ang kanilang karakter, hakbang-hakbang ding maiwawaksi ang kanilang iba’t ibang tiwaling disposisyon. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo.)

Dapat malinaw na makita ng mga tao kung sino ang inililigtas ng Diyos at aling parte ng mga tao ang inililigtas at binabago ng Diyos. Sa isang banda, dapat mayroon silang malinaw na pagkaunawa sa kanilang sarili, at sa kabilang banda, dapat mayroon din silang pagkilatis tungkol sa mga nasa paligid nila. Tungkol sa mga pagpapamalas ng ubod ng samang karakter, ang ilan sa mga ito ay may kinalaman sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Pangunahing tinutukoy nito ang mga pagpapamalas na lumalabag sa katotohanan at naghihimagsik laban sa Diyos at lumalaban sa Diyos. Sa mga mata ng mga tao, ang gayong mga kilos ay hindi lumalabag sa batas at hindi makokondena ng batas, pero kinokondena ang mga ito ng Diyos. Ang mga ito ay nabibilang sa mga tiwaling disposisyon. Ang iba pang mga pagpapamalas ng ubod ng samang karakter ay hindi lamang kinapapalooban ng mga tiwaling disposisyon kundi tumutukoy rin sa problema ng pagkakaroon ng malupit na pagkataong diwa. Ang gayong mga tao ay may kakayahang gumawa ng kahit anong uri ng masamang gawa at sila ay lubos na masasamang tao. Kung ang isang tao ay may mga problema sa kanyang karakter sa isang aspekto lamang, pero nagsasalita at kumikilos pa rin siya nang may konsensiya at katwiran, at gumagawa lang siya ng kaunting kasamaan sa mga espesyal na sitwasyon, kung gayon, hindi siya isang masamang tao. Ang masasamang tao ay walang anumang konsensiya o katwiran. Kaya bang gumawa ng mabubuting bagay ang mga taong walang konsensiya at katwiran? Hinding-hindi. Kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Lalong hindi. Kung ang konsensiya ng isang tao ay gumagana at mayroong pumipigil na lakas, kung gayon, maaaring mapabuti ang kanyang karakter at pag-uugali sa ilang antas. Kung ang isang tao ay walang konsensiya at kahit anong gawin niya ay wala siyang gumaganang konsensiya, hindi mapapabuti ang kanyang karakter at pag-uugali. Kaya, ang pagkilatis sa isang tao ay hindi maaaring ganap na nakabatay sa kanyang karakter o integridad; ang pangunahing bagay ay ang tingnan kung mayroon ba siyang konsensiya at katwiran, at kung gumagana ba ang kanyang konsensiya at katwiran. Kung mayroon siyang konsensiya at katwiran, at gumagana ang kanyang konsensiya at katwiran kapag kumikilos siya, nagtataglay pa rin siya ng batayang pagkatao. Kung ang mga kilos niya ay walang paggana ng konsensiya at katwiran, hindi siya nagtataglay ng batayang pagkatao—wala siyang pagkatao. Ang mga taong nagtataglay ng batayang paggana ng konsensiya at batayang pagkatao ay may pagkakataon na maligtas, samantalang ang mga walang batayang pagkatao ay walang pagkakataon na maligtas. Ano ang pangunahing salik sa kung ang isang tao ay makakatanggap ba ng kaligtasan? (Ang pangunahing salik ay kung mayroon ba siyang konsensiya at katwiran sa loob niya.) Tama iyan. Kaya, kaya ba ninyong kilatisin kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran? (Kaya naming kumilatis nang kaunti. Ang pinakamahalagang bagay ay ang makita kung ang isang tao ay napipigilan sa loob-loob ng kanyang konsensiya at katwiran kapag kumikilos siya, at kung mayroon ba siyang mga moral na hangganan.) Pagdating sa doktrina at teorya, ganito ito ipinapaliwanag—mayroon ba kayong anumang kongkretong halimbawa? (Halimbawa, ang ilang tao, habang ginagawa ang kanilang tungkulin, ay lumalabag sa mga prinsipyo at gumagawa ng mga walang habas na masasamang gawa, at tinutukoy ng mga kapatid ang mga problema nila o pinupungusan sila. Sa gayong mga kaso, kung mayroong konsensiya at katwiran ang gayong mga tao, aktibo nilang pagninilay-nilayan at susubukang kilalanin ang kanilang sarili. Gayumpaman, kung wala silang konsensiya at katwiran, maaaring magkaroon sila ng sama ng loob o umatake at maghiganti pa nga.) Magandang halimbawa ito. Kapag pinupuna ng iba ang mga taong may konsensiya at katwiran dahil sa paggawa ng mali, nahihiya at nakokonsensiya sila. Nagkakaroon sila ng pagsisisi sa puso nila, at nang may pagsisisi, magkakaroon sila ng mga pagpapamalas ng pagsisisi at kahandaang gumawa ng mas mabuti. Para naman sa mga taong walang konsensiya at katwiran, gaano man kalaki ang ginagawa nilang masasamang gawa o mga pagkakamali, gaano man kalaki ang kawalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia o gaano man kalaking problema at kaguluhan ang idinudulot nila sa mga kapatid, kapag pinuna sila, mayroon silang isang daang dahilan para pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang sarili, tumatangging aminin ang kanilang mga pagsalangsang kahit katiting. Malinaw na nagsasanhi sila ng mga kawalan sa gawain, pero hindi sila nakokonsensiya sa puso nila. Sabihin ninyo sa Akin, makakaramdam ba sila ng pagsisisi? (Hindi.) Hindi sila makakaramdam ng pagsisisi. Makakapagsisi ba ang mga taong walang pagsisisi? (Hindi.) Ang mga tao bang hindi makakapagsisi ay mga tao na tumatanggap ng katotohanan? (Hindi.) Patuloy ba nilang gagawin ang parehong mga bagay? (Oo.) Hanggang kailan? (Dahil wala silang pakiramdam ng konsensiya, patuloy nilang gagawin ito.) Tama. Patuloy nilang gagawin ito. Kahit anong sabihin ng iba, hindi sila makikinig: “Sadyang ganito ko ginagawa ang mga bagay-bagay—gustuhin mo man o hindi! Ano ba ang kinalaman sa akin ng pagdusa ng mga kawalan ng gawain ng iglesia? Ang mahalaga lang ay na hindi ako mismo ang nagdurusa ng mga kawalan.” Ganito ang pananaw nila. Sige, iyon na lahat para sa ating pagbabahaginan tungkol sa paksang ito. Pagnilayan ang ating napagbahaginan, itugma ito sa inyong sarili at sa mga bagay at taong nasa paligid ninyo, unti-unting unawain ito, at gamitin ang mga salitang ito para tingnan ang iba, tingnan ang mga bagay-bagay, at tingnan ang sarili ninyo. Unti-unti, magkakamit kayo ng pagkaunawa sa mga bagay na ito.