Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 15 (Unang Bahagi)
Nakapagbahaginan na ba kayo sa inyong mga pagtitipon tungkol sa mga paksang tinatalakay natin kamakailan? (Diyos, nakapagbahaginan kami tungkol sa mga paksang ito sa aming mga pagtitipon.) Ano ang naging resulta ng inyong pagbabahaginan? May bago ba kayong natuklasan o naunawaan? Umiiral ba sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao ang mga paksang ito na pinagbahaginan natin? (Oo, lahat ng ito ay umiiral sa buhay ng tao. Matapos makinig nang ilang beses sa pagbabahagi ng Diyos tungkol sa mga paksang ito, natuklasan ko na ang turo ng ating mga magulang at ang pagkokondisyon ng ating mga pamilya mula sa sunod-sunod na henerasyon ay lubos tayong nagawang tiwali. Mula pa sa kabataan, unti-unting itinanim sa atin ng ating mga magulang ang mga kaisipang ito, tulad ng, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Matapos ikintal ang kaisipang ito sa akin, naniwala akong para hindi apihin at maliitin, dapat kang maging magaling kaysa sa iba at mamukod-tangi sa karamihan sa buhay na ito. Noon, inakala kong ang mga kaisipang ito na itinuro sa atin ng ating mga magulang ay para sa ating ikabubuti at proteksiyon. Sa pamamagitan ng ilang beses na pagbabahaginan at pagsusuri ng Diyos, napagtanto ko na ang mga kaisipang ito ay negatibo at mga paraan ni Satanas ng paggawang tiwali sa mga tao. Mas lalo tayong inilalayo ng mga ito sa Diyos at dadalhin tayo nang mas malalim sa katiwalian ni Satanas, inilalayo tayo nang inilalayo sa kaligtasan.) Sa madaling salita, kinakailangang magbahagi tungkol sa mga paksang ito, hindi ba? (Oo.) Pagkatapos magbahaginan nang ilang beses tungkol sa mga bagay na ito, nagkakaroon ng mas malalim na pag-unawa ang mga tao tungkol sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa kanila ng kanilang mga pamilya, at nauunawaan na nila ang mga ito nang mas tumpak. Pagkatapos magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, hindi ba’t mas magkakaroon ng agwat sa ugnayan ng mga tao sa kanilang mga pamilya at magulang? (Hindi magkakaroon ng agwat. Noon, palagi kong nararamdaman na naging mabuti sa akin ang aking mga magulang, pero pagkatapos marinig ang pagbabahaginan ng Diyos, napagtanto ko na misyon ng mga magulang ko na ipanganak at palakihin ako. Higit pa rito, ang mga kaisipang ikinintal nila sa akin mula pa sa murang edad ay ginagawa akong tiwali. Nang magkaroon ako ng pagkilala rito, hindi na ako gaanong magiliw sa kanila.) Unang-una sa lahat, tungkol sa mga kaisipan nila, ang mga tao ay mayroon na ngayong tumpak na pagkaunawa sa mga responsabilidad ng kanilang mga magulang at sa biyayang ipinakita ng pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang; hindi na sila umaasa sa pagmamahal, pagkamainitin ng ulo, o pisikal na ugnayan sa dugo para harapin ang mga ito. Sa halip, kaya na nilang harapin nang makatwiran ang kanilang pamilya at mga magulang mula sa tamang perspektiba at posisyon. Sa ganitong paraan, sumasailalim ang mga tao sa malaking pagbabago sa kanilang pagtrato sa mga isyung ito, at nagbibigay-daan ang pagbabagong ito para makagawa sila ng malaking hakbang sa kanilang buhay pagpasok at sa mga hinihingi ng Diyos sa kanila. Kaya, kapaki-pakinabang at kinakailangan para sa mga tao ang pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito, dahil lahat ng ito ay mga bagay na kinakailangan ng mga tao at na wala sa kanila.
Ang mga paksang pinagbahaginan natin dati tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao ay pangunahing umiikot sa mga layon at prinsipyo ng pag-asal, sa mga pamamaraan ng pagharap sa mundo, at sa pananaw ng isang tao sa buhay at pag-iral, at sa mga pamamaraan at panuntunan ng pagbangon sa buhay, at iba pa. Ang lahat ng ito ay mga paksang may kinalaman sa pagkokondisyon ng kaisipan ng bawat isa at sa kanilang mga kaisipan at pananaw. Sa pangkalahatan, walang positibo sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinintal ng mga pamilya at magulang, at wala sa mga ito ang tunay na makakagabay sa isang tao sa tamang landas o makakatulong sa kanya na bumuo ng tamang pananaw sa buhay, na magbibigay-kakayahan sa kanya na tuparin ang kanyang mga responsabilidad at obligasyon bilang nilikha sa presensiya ng kanyang Lumikha. Ang lahat ng itinuturo sa iyo ng mga magulang at ng pamilya ay para akayin ka sa direksiyon ng mundo at sa masasamang kalakaran nito. Ang layon ng mga ito sa pagkokondisyon sa iyo ng mga kaisipan at pananaw na ito ay ang tulungan kang mas mabilis na maging bahagi ng lipunan at ng masasamang kalakaran, at mas madaling masanay sa masasamang kalakaran at sa iba’t ibang hinihingi ng lipunan. Bagamat ang mga itinuturong ito ay maaaring nakapagbibigay sa iyo ng partikular na pamamaraan ng proteksiyon, pati na rin ng ilang pamamaraan ng pagtamo ng mas magandang katayuan, reputasyon, materyal na kasiyahan, at iba pang bagay sa lipunan at sa mga grupo ng mga tao, ang mga kaisipang ito mismo na itinanim sa iyo ng iyong pamilya ay magdadala sa iyo sa sunod-sunod na masamang kalakaran, magsasanhing maging lubos kang konektado sa mundo, lipunan, at masasamang kalakaran, hanggang sa hindi mo na mailayo ang iyong sarili. Dinadalhan ka ng mga ito ng sunod-sunod na problema at paulit-ulit kang inilalagay sa mahihirap na kalagayan, kaya hindi ka nagiging sigurado kung paano haharapin ang mundo ng tao at kung paano maging isang tunay na tao, isang taong namumuhay sa liwanag, nagiging matuwid, may mabuting-puso, at nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan. Samakatuwid, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ay hindi nagbibigay-daan sa iyo na mamuhay sa mundong ito nang may higit na dignidad, dangal, at wangis ng tao. Sa halip, nagiging sanhi ito na ikaw ay mamuhay sa gitna ng iba’t ibang masalimuot na labanan at paghihirap, sa iba’t ibang kumplikadong ugnayan ng mga tao, at isinasailalim ka nito sa maraming makamundong obligasyon, pagkagapos, at maging sa mga kalituhan. Kapag bumaling ka sa iyong mga magulang at nagtapat ka sa kanila tungkol sa lahat ng ito, gagamit sila ng iba’t ibang taktika para payuhan ka kung paano maging mas madaya, tuso, marunong sa mundo, at mahirap matantiya habang namumuhay ka kasama ng mga tao, sa halip na ituro ka sa tamang direksiyon, tulungan kang bitiwan ang lahat ng bagay na ito at palayain ang iyong sarili, lumapit sa harap ng Lumikha at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at kilalanin nang malinaw na ang mga tadhana ng mga tao at ang lahat sa kanila ay nasa mga kamay ng Diyos, na dapat silang magpasakop sa bawat hinihinging nagmumula sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot. Ito ang sitwasyon ng pamumuhay ng mga taong may mga pamilyang nagkondisyon sa kanila ng iba’t ibang kaisipang ito. Sa madaling salita, kung ang mga kaisipang ikinondisyon ng iyong pamilya ay nagbibigay-diin sa kasikatan o pakinabang, o pakikipagkumpetensiya sa iba o pagiging palakaibigan sa mga ito, anuman ang pinagtutuunan ng mga ito, sa huli ay magsasanhi lamang ang mga ito sa iyong mga pamamaraan at panuntunan sa pagkaligtas sa buhay sa mundo ng tao na magiging mas lalong sopistikado, walang awa, tuso, at mapaminsala ang iyong mga pamamaraan at panuntunan sa pag-iral, sa halip na gawin kang mas matapat, mabuti, at matuwid, o tulungan kang mas maunawaan kung paano magpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha. Samakatuwid, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ay maaari ka lamang ilayo mula sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, kaya hindi ka magiging sigurado kung paano mamuhay sa paraang tunay na dapat mamuhay ang mga tao, sa paraang marangal. Higit pa rito, ang mga kaisipang natutunan mo mula sa pagkokondisyon ng iyong pamilya ay unti-unti kang gagawing mas manhid, mas mahina ang isip, o sa madaling salita, mas makapal ang mukha. Sa simula, ang pagsisinungaling sa iyong mga kasamahan, kaklase at kaibigan ay magiging dahilan para mamula ang iyong mukha, bumilis ang tibok ng iyong puso, at makonsensiya ka. Sa paglipas ng panahon, ang mga namamalayang reaksiyong ito ay mawawala lahat: Hindi mamumula ang iyong mukha, hindi na bibilis ang tibok ng iyong puso, at hindi ka na uusigin ng iyong konsensiya. Para mabuhay, gagamitin mo ang anumang paraan, nililinlang pa nga ang mga taong pinakamalapit sa iyo, kasama na ang iyong mga magulang, mga kapatid, at mga pinakamatalik mong kaibigan. Hahangarin mong makinabang mula sa kanila para mapabuti ang sarili mong buhay at madagdagan ang iyong dangal at kasiyahan—ito ay pagiging manhid. Sa simula, maaaring makaramdam ka ng kaunting paninisi sa iyong sarili at medyo makokonsensiya ka. Sa paglipas ng panahon, maglalaho ang mga sensasyong ito, at gagamit ka ng mga mas kapani-paniwalang dahilan para pagaanin ang loob mo, sinasabing, “Ganoon lang talaga ang mga tao. Hindi ka pwedeng maging pusong-mamon sa mundong ito. Ang pagiging pusong-mamon sa iba ay pagiging malupit sa sarili mo. Sa mundong ito, ang mahihina ay biktima ng malalakas. Ang malalakas ay lumalago at ang mahihina ay namamatay, ang mga nagwagi ay nagiging hari at ang mga talunan ay nagiging kriminal. Kung magtagumpay ka, walang magsisiyasat kung paano ka nagtagumpay, ngunit kung mabigo ka, wala nang matitira sa iyo.” Sa huli, gagamitin ng mga tao ang mga kaisipan at pananaw na ito para himukin ang kanilang sarili, ginagawang batayan ang mga ito sa kung paano nila hahangarin ang lahat ng bagay, at siyempre, isang paraan ng pagkamit sa layon. Kaya, saan na kayong lahat ngayon? Umabot na ba kayo sa punto ng pagiging manhid, o hindi pa? Ipagpalagay na papasok ka sa negosyo, at ang negosyong ito ay may kinalaman sa iyong kinabukasan, kalidad ng buhay, at reputasyon sa lipunan. Kung ang iyong mga pamamaraan ay tuso, at kaya mong linlangin ang sinuman, mamumuhay ka nang mas nakaaangat sa iba, magkakaroon ka ng bunton-buntong pera, at hindi mo kakailanganing sumunod sa mga kahilingan ng kahit sino. Ano ang gagawin mo kung gayon? Magiging masyado ka bang manhid, lubos na walang pakiramdam, na magagawa mong linlangin at perahan ang sinuman? (Marahil ay gagawin ko iyon.) Marahil ay gagawin mo iyon. Kailangang baguhin ito; ito ang tiwaling disposisyon na umiiral sa kaloob-looban ng sangkatauhan. Kapag walang pagkatao, ang natitira ay isang pamumuhay na alinsunod sa tiwaling disposisyon ng isang tao, pati na sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinintal ni Satanas. Kung walang konsensiya, katwiran, at pakiramdam ng kahihiyan, ang buhay ng isang tao ay nagiging walang laman, walang sangkap, at walang halaga. Kung mayroon ka pa ring kaunting kahihiyan, at kapag nagsisinungaling, nandaraya, o nananakit ka ng iba ay nagagawa mong pumili kung sino ang tatamaan, hindi mo basta-bastang sinasaktan lang ang sinuman, ibig sabihin, mayroon ka pa ring konsensiya at pagkatao. Ngunit kung kaya mong linlangin o saktan ang sinuman nang walang pag-aatubili, tunay ka ngang isang buhay na Satanas sa loob at labas. Kung sasabihin mo na, “Hindi ko kayang linlangin ang aking mga magulang, kamag-anak, kaibigan, at inosenteng tao, at lalo na ang aking mga kapatid sa sambahayan ng Diyos, at hindi ko kayang dayain ang mga handog sa Diyos,” kung gayon, mayroon ka pa ring mga moral na limitasyon, at maari ka pa ring ituring na isang taong may kaunting konsensiya. Gayunpaman, kung wala ka man lang nitong kaunting konsensiya at limitasyon na ito, hindi ka karapat-dapat na tawaging tao. Kaya, ano na ang puntong narating ninyo? Mayroon ba kayong mga limitasyon? Kung mayroon kayong pagkakataon o aktuwal na pangangailangan, kaya ba ninyong linlangin ang inyong mga magulang, kapatid, at pinakamalapit na kaibigan? Kaya ba ninyong linlangin ang inyong mga kapatid sa sambahayan ng Diyos, pagsamantalahan sila, o dayain pa nga ang mga handog ng Diyos? Kung magkakaroon ka ng gayong pagkakataon, at walang sinuman ang makakaalam, magagawa mo ba ito? (Ngayon, parang hindi ko na kayang gawin iyan.) Bakit hindi mo na kayang gawin ito? (Dahil natatakot ako sa Diyos, nagtataglay ako ng may-takot-sa-Diyos na puso, at dahil hindi rin iyon hahayaan ng aking konsensiya.) Ang saloobin mo ay na nakakaramdam ka ng takot sa puso mo at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi iyon hahayaan ng iyong konsensiya. Pabayaan nating magsalita ang ibang tao. Mayroon ba kayong saloobin tungkol dito? Kung wala, kung hindi mo kailanman isinaalang-alang ang isyu na ito at wala kang nararamdamang kahit ano kapag nakikita mong ginagawa ito ng iba, kung gayon ay nanganganib ka. Kung nakikita mo ang isang tao na gumagawa ng gayong mga bagay at wala kang nararamdamang poot, wala kang saloobin ukol dito, at manhid ang pakiramdam mo, ibig sabihin ay wala kang ipinagkaiba sa kanila at maaaring kumikilos ka rin nang ganoon. Gayunpaman, kung malinaw ang saloobin mo ukol dito, kung kaya mong kamuhian at sawayin ang mga gayong tao, maaring hindi mo gagawin ang mga gayong pagkilos. Kung gayon, ano ang saloobin ninyo? (Kailangan kong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang mga handog sa Diyos ay itinatangi bilang banal at ganap na hindi maaaring pakialaman o kunin para personal na gamitin.) Ang mga handog ay hindi dapat kunin para personal na gamitin: Ginagawa ito dahil sa takot na maparusahan. Ngunit paano naman sa ibang usapin? Kung sangkot ka sa isang pyramid scheme, kaya mo bang pagkakitaan ang iyong pinakamalalapit na kaibigan, linlangin sila gamit ang matatamis na salita, at hikayatin silang sumali, makikinabang at kikita ng pera mula rito? Kaya mo ba itong gawin sa iyong pinakamalalapit na kaibigan, kamag-anak, maging sa iyong mga magulang o mga kapatid? Kung nahihirapan kang sumagot, kung gayon, kapag sinabi mong hindi mo kukunin ang mga handog ng Diyos para personal na gamitin, hindi ba’t maaaring hindi mo ito magawa? Pabayaan nating may magsalitang iba. (Sa isang aspekto, dapat nating maunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa usaping ito. Hindi kailanman dapat galawin ang mga handog ng Diyos. Sa isa pang aspekto, nararamdaman natin na ang paggawa ng ganito ay walang pagkatao. Kahit papaano, ang pinakamababang pamantayan na dapat mayroon ang isang tao ay na dapat pinahihintulutan ito ng kanilang konsensiya.) Ang saloobin ninyo ay na ang paggawa ng mga ganitong bagay ay kawalan ng pagkatao at na dapat kumilos ang isang tao nang naaayon sa kanyang konsensiya. May iba pa bang nais magsalita? (Sa tingin ko, bilang isang tao, kahit hindi ka nananalig sa Diyos, kung ikaw ay isang tao sa mundo na may konsensiya at moral na pundasyon, hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na magpapahamak sa iyong sariling pamilya. Ngayong nananalig tayo sa Diyos at nakakaunawa sa ilang katotohanan, kung nakagagawa pa rin ang sinuman ng mga bagay na nagpapahamak sa kanyang mga kapatid at kaibigan, o nandaraya sa mga handog ng Diyos, ang gayong tao ay mas masahol pa kaysa sa isang taong walang pananampalataya. Dagdag pa rito, minsan, maaaring magbunyag ang mga tao ng ilang kaisipan at ideya, ngunit kapag naiisip nila ang tungkol sa disposisyong diwa ng Diyos, at napagtatanto nila na kahit walang nanonood sa paligid, o kahit walang nakakaalam sa mga pagkilos na ito, sinusuri pa rin ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi sila nangangahas na gawin ang mga ganitong bagay—magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso.) Sa isang aspekto, ang pagkilos ng ganito ay nagpapakita na ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso; sa isa pang aspekto, ang mga taong kayang gawin ang mga bagay na ito ay walang kahit pinakabatayang pagkatao. Ito ay dahil bilang isang tao, kahit hindi ka nananalig sa Diyos, hindi ka dapat gumawa ng mga gayong pagkilos. Ito ay isang katangian na dapat taglayin ng isang taong may konsensiya at pagkatao. Ang pandaraya, pagdudulot ng pinsala, at pagnanakaw ay likas na mga bagay na hindi dapat gawin ng isang mabuti at normal na tao. Maging ang mga taong hindi nananalig sa Diyos ay mayroon pa ring mga hangganan sa kung paano sila umasal, lalo na ikaw na isang nananalig sa Diyos at nakarinig na ng napakaraming sermon: Kung kaya mo pa ring gawin ang mga bagay na ito, wala ka nang pag-asang magbago. Ito ay isang taong walang pagkatao—isang diyablo. Napakinggan mo na ang napakaraming sermon, subalit nakagagawa ka pa rin ng iba’t ibang masamang gawa kaugnay sa pandaraya at panggagantso—ito ang ibig sabihin ng pagiging hindi mananampalataya. Ano nga ba ang hindi mananampalataya? Ito ay isang taong hindi nananalig sa pagmamasid ng Diyos o na ang Diyos ay matuwid. Kung hindi ka nananalig sa pagmamasid ng Diyos, hindi ba’t nangangahulugan iyon na hindi ka rin naniniwala sa Kanyang pag-iral? Sinasabi mo na, “Ang Diyos ay nagmamasid sa akin, pero nasaan ang Diyos? Bakit hindi ko Siya nakikita? Bakit hindi ko Siya nararamdaman? Napakaraming taon ko nang dinadaya at ginagantso ang mga tao; bakit hindi pa ako napaparusahan? Namumuhay pa rin ako nang mas komportable kaysa sa iba.” Ito ay isang aspekto ng pag-uugali ng isang hindi mananampalataya. Ang isa pang aspekto ay na gaano man karaming katotohanan ang napagbahaginan, tinatanggihan nila ang bawat parte nito. Hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, kung gayon, ano ang tinatanggap nila? Tumatanggap sila ng mga kaisipan at pananaw na kapaki-pakinabang sa kanila. Ang anumang kapaki-pakinabang sa kanila at pumoprotekta sa kanilang mga interes, iyon ang ginagawa nila. Naniniwala lamang sila sa agarang pansariling interes, hindi sa pagmamasid ng Diyos, o sa konsepto ng pagpaparusa. Ito ang ibig sabihin ng pagiging hindi mananampalataya. Ano nga ba ang silbi ng pananalig sa Diyos para sa hindi mananampalataya? Ang mga hindi mananampalataya sa sambahayan ng Diyos ay inilalarawan sa isang bagay: Paggawa ng kasamaan. Subalit huwag na nating talakayin ang sukdulang katapusan ng mga taong ito; balikan natin ang paksang pinagbabahaginan natin.
Ang iba’t ibang kaisipang ikinondisyon at ikinintal sa mga tao ng kanilang mga pamilya ay hindi naglalayong dalhin sila sa harap ng Diyos, at hindi rin ito nagkikintal ng mga positibong kaisipan sa kanila. Sa halip, nagkikintal ang mga ito ng iba’t ibang negatibong kaisipan, diskarte, prinsipyo, at pamamaraan ng pag-asal, at sa huli ay inaakay nito ang mga tao sa isang landas na walang balikan. Sa madaling salita, ang iba’t ibang kaisipan na ikinikintal ng mga pamilya sa mga tao ay hindi man lang tumutugon sa mga pangunahing pamantayan ng pagkatao, katwiran, at konsensiya na dapat taglayin ng isang tao. Kung ang isang tao ay may katiting man lang na konsensiya at katwiran, ito ay ang maliliit lang na bahaging natitira at na hindi pa nagawang tiwali o nagupo ni Satanas. Ang natitirang iba’t ibang diskarte at pamamaraan nila sa pag-asal ay nagmumula sa kanilang pamilya, at maging sa lipunan. Kaya, bago mailigtas ang isang tao, ang anumang kaisipan o pananaw na ikinokondisyon sa kanya ng kanyang pamilya, kahit ano man ito, ay sumasalungat sa itinuturo ng Diyos sa mga tao. Hindi nito maipapaunawa sa kanya ang katotohanan, at hindi siya nito maaakay sa landas ng kaligtasan; aakayin lamang siya nito sa landas ng pagkawasak. Kaya, kapag ang isang tao ay pumapasok sa sambahayan ng Diyos, anuman ang edad niya, anong uri man ng edukasyon ang natanggap niya, ano man ang kanyang pinanggalingang pamilya, at gaano man karangal ang tingin niya sa kanyang katayuan, dapat siyang mag-umpisa sa pinakasimula para matuto siya kung paano umasal, paano makipag-ugnayan sa iba, paano pangasiwaan ang iba’t ibang usapin, at paano harapin ang iba’t ibang tao at bagay. Ang prosesong ito ng pagkatuto ay kinapapalooban ng pagtanggap at pag-unawa sa iba’t ibang positibo at nakaayon sa katotohanan na kaisipan at pananaw mula sa Diyos, pati na rin ng mga prinsipyo ng pagsasagawa at pangangasiwa ng iba’t ibang usapin. Ito ay batay lamang sa iyong pagtanggap sa katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, mananatiling hindi nagbabago ang iyong mga dating kaisipan at pananaw. Dahil hindi mo tinatanggap ang mga positibo at wastong kaisipan at pananaw na mula sa Diyos, mananatiling luma at hindi nagbabago ang iyong mga prinsipyo, diskarte, at pamamaraan ng pagharap sa mundo. Nagsisimulang matuto ang mga tao kung paano maging isang tunay na tao, isang normal na tao, isang taong may katwiran at konsensiya kapag sinisimulan nilang tanggapin ang mga positibong kaisipan at pananaw, ang katotohanan, at ang mga turo ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Sampu, dalawampu, o tatlumpung taon na akong nanalig sa Diyos, pero wala pa akong natatanggap na kahit isang kaisipan o pananaw mula sa Diyos, o kahit anumang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos.” Sapat na ito para ipakita na hindi tapat ang iyong pananalig sa Diyos, na hindi mo pa rin alam kung ano ang katotohanan, at na hindi mo pa natututunan kung paano umasal. Kung sinasabi mong, “Mula sa sandaling nanalig ako sa Diyos ay pormal kong sinimulang tanggapin ang mga turo ng Diyos tungkol sa iba’t ibang hinihingi sa mga tao at ang mga kaisipan, pananaw, prinsipyo, at kasabihang dapat taglayin ng mga tao,” kung gayon, natututo ka na kung paano maging isang tunay na tao simula sa araw na manalig ka sa Diyos, at simula sa oras na matuto ka kung paano maging isang tunay na tao, sinimulan mo nang tahakin ang landas ng kaligtasan. Sa sandaling simulan mong tanggapin ang mga kaisipan at pananaw na nagmumula sa Diyos, doon ka nagsimulang tumahak sa landas ng kaligtasan, hindi ba? (Oo, ganoon na nga.) Kung gayon, nakapagsimula na ba kayo? Nagsimula na ba kayo, hindi pa ba kayo nakakapagsimula, o matagal na ba kayong nagsimula? (Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri ng Diyos sa nakalipas na dalawang taon tungkol sa mga maling kaisipan at pananaw na umiiral sa mga tao, kasama na ang pagkokondisyon ng pamilya, atbp., nagsimula na akong magnilay-nilay sa aking sarili at unti-unti ko nang itinatakwil ang mga satanikong pilosopiyang pinanghahawakan ko, at pinag-iisipan ko na kung paano ko dapat pagsikapan ang mga salita ng Diyos. Hindi ko gaanong binigyang-pansin noon ang ganoon kalalim na pagsisiyasat sa sarili.) Lubos na makatotohanan ang pahayag na ito. Dalawang taon pa lamang ang nakalilipas nang magsimula ka; mahirap tukuyin ang mismong taon o araw, subalit anupaman, ito ay sa nakaraang isa o dalawang taon. Ito ay medyo obhetibo. Paano naman ang iba? (Hindi ko talaga napag-isipan kung paano pagsikapang baguhin ang mga kaisipan at pananaw na ikinondisyon ng aking pamilya. Kamakailan lang, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos ukol dito, medyo unti-unti nang nagbabago ang aking mga kaisipan, ngunit hindi ko pa partikular na napagtuunan ang paghahangad na baguhin ang aspektong ito.) Mas naging matalas na ang iyong kamalayan. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kung patuloy kang maghahanap at papasok nang mas malalim, kung magagawa mong maging mas metikuloso at mahigpit sa mga partikular na bagay, kung papasukin mo ito nang mas tumpak, magkakaroon ka ng pag-asang magbago. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Kung may pag-asa kang iwaksi ang mga lumang kaisipan at pananaw, magawa mong tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos mula sa tamang posisyon at nang may tamang pananaw, sa ganitong paraan ay makakamit mo ang kaligtasan. Sa huli, makakamtan mo ang kaligtasan, ngunit sa mas praktikal na pananaw ngayon, maaari kang maging angkop na tuparin ang iyong tungkulin, at lalong angkop na maging isang lider at manggagawa; ngunit nakasalalay ito sa kung ikaw ba mismo ay handang magsikap para sa bawat parte ng katotohanan, at kung handa ka bang magsikap at magbayad ng halaga para sa mga positibong bagay at iba’t ibang usaping may kaugnayan sa mga prinsipyo. Kung gusto mo lamang baguhin ang iyong sarili sa iyong kamalayan subalit hindi ka nagsisikap at hindi ka seryoso sa mga katotohanan sa iyong pang-araw-araw na buhay, kung wala kang pusong nauuhaw sa mga positibong bagay, kung gayon, mabilis na kukupas at maglalaho ang kamalayang ito. Ang bawat kaisipan at pananaw na may kinalaman sa bawat paksang ibinabahagi Ko ay hindi maihihiwalay mula sa tunay na buhay ng mga tao. Hindi ito isang uri ng teorya o sawikain; ito ay tungkol sa kung ano ang iyong mga kaisipan at pananaw sa pagharap sa mga bagay-bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang iyong mga kaisipan at pananaw ang nagtatakda sa kung saang direksiyon ka patungo kapag kumikilos ka. Kung ang iyong mga kaisipan at pananaw ay positibo, malamang na magiging positibo ang iyong mga pamamaraan at prinsipyo sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, at ang resulta ng pangangasiwa sa mga gayong bagay ay magiging medyo mabuti at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Subalit kung ang iyong mga kaisipan at pananaw ay salungat sa katotohanan at sa mga positibong bagay, o kumokontra sa mga bagay na ito, magiging negatibo ang motibasyon mo sa pangangasiwa sa isang bagay, at ang panghuling resulta ng pangangasiwa sa usaping iyon ay tiyak na hindi magiging maganda. Gaano man kalaking halaga ang ibinabayad mo o gaano mo man pinag-iisipan ang pangangasiwa sa bagay na ito, anuman ang iyong mga layunin, paano titingnan ng Diyos ang resulta? Paano ilalarawan ng Diyos ang bagay na ito? Kung ilalarawan ito ng Diyos bilang nakagagambala, nagsasanhi ng kaguluhan, nakasisira, o nagdudulot ng kawalan sa sambahayan ng Diyos, ang mga kilos mo ay masama. Kung hindi gaanong seryoso ang iyong masasamang gawa, maaaring humantong ito sa pagkastigo, paghatol, pagsaway, at pagpungos, samantalang ang mas malulubhang masamang gawa ay maaaring magresulta sa kaparusahan. Kung mabibigo kang kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo at sa halip ay kikiling ka sa mga maling kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya, at ibabatay mo ang iyong mga kilos sa mga bagay na ito, kung gayon, mawawalan ng saysay ang mga pagsusumikap mo. Kahit pa nagbayad ka ng malaking halaga at namuhunan ng labis na pagsisikap, mawawalan pa rin ito ng saysay sa kahuli-hulihan. Paano tinitingnan ng Diyos ang bagay na ito? Paano Niya ito inilalarawan? Paano Niya ito hinaharap? Sa pinakamababang batayan, ang iyong mga gawa ay hindi mabuti, ang mga ito ay hindi nagbibigay ng patotoo sa Diyos o nagdadala ng kaluwalhatian sa Kanya, at ang halagang ibinayad mo at ang iginugol mong pag-iisip ay hindi maaalala; ang lahat ng ito ay walang saysay. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Bago ka gumawa ng anuman, maglaan ka ng oras para mag-isip nang mabuti, higit kang makipagbahaginan sa iba, maghanap ka ng kalinawan sa mga prinsipyo bago ka kumilos, at huwag kang kikilos nang mainit ang ulo o pabigla-bigla, nang inuudyukan ng iyong pagkamakasarili at mga pagnanais. Anuman ang kalalabasan, sa huli ay kakailanganin mo itong pasanin nang mag-isa, at anuman ang resulta, magkakaroon ng hatol mula sa Diyos. Kung inaasam mong hindi mawalan ng saysay ang mga kilos mo, na tatandaan ang mga ito ng Diyos, o ang mas mainam pa, na maging mabubuting gawa ang mga ito na ikalulugod ng Diyos, dapat ay mas madalas mong hanapin ang mga prinsipyo. Kung wala kang pakialam sa mga bagay na ito, kung hindi mahalaga sa iyo kung mabuti ba o ikinalulugod ba ng Diyos ang iyong mga gawa, at kung wala ka man lang pakialam kung mapaparusahan ka ba, kundi iniisip mong, “Hindi ito mahalaga, tutal, hindi ko naman ito makikita o mararamdaman ngayon,” kung mayroon kang mga ganitong kaisipan at pananaw, kung gayon, kapag kumilos ka ay hindi ka magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Magiging matapang ka, walang kontrol, at hindi maingat, walang pakialam o pagpipigil sa anumang bagay. Kung wala kang may-takot-sa-Diyos na puso, malamang na lilihis ang direksiyong tinatahak mo sa iyong pagkilos. Ayon sa likas na katangian at mga likas na gawi ng tao, ang panghuling resulta ay malamang na bukod sa hindi ikalulugod at tatandaan ng Diyos ang iyong mga kilos, ay magiging mga pagkagambala, kaguluhan, at masasamang gawa pa ang mga ito. Kaya, napakalinaw kung ano ang iyong kahihinatnan sa huli, at kung paano ito tatratuhin at pangangasiwaan ng Diyos. Samakatuwid, bago ka gumawa ng anumang bagay, bago mo pangasiwaan ang anumang usapin, dapat mo munang pagnilayan kung ano ang gusto mo, isaalang-alang nang maigi kung ano ang magiging panghuling resulta ng usaping ito, at saka ka lang magpatuloy. Kung gayon, ano ang napapaloob sa isyung ito? Napapaloob dito ang iyong saloobin at ang mga prinsipyong sinusunod mo kapag gumagawa ka ng anumang bagay. Ang pinakamabuting saloobin ay ang hanapin nang mas madalas ang mga prinsipyo at huwag ibatay ang iyong panghuhusga sa iyong mga sariling pandama, kagustuhan, layunin, pagnanais, o agarang interes; sa halip, dapat mong hangarin ang mga prinsipyo, mas madalas na magdasal at maghanap sa harap ng Diyos, mas madalas na ikonsulta sa mga kapatid ang mga usapin, at makipagbahaginan at lapitan ang mga kapatid na kasama mo sa paggawa para magawa ang mga tungkulin mo. Unawain mo nang tama ang mga prinsipyo bago ka kumilos; huwag kang kumilos nang pabigla-bigla, huwag kang malito. Bakit ka nananalig sa Diyos? Hindi mo ito ginagawa para makakuha ng pagkain, magpalipas ng oras, makisabay sa uso, o matugunan ang iyong mga espirituwal na pangangailangan. Ginagawa mo ito upang maligtas. Kung gayon, paano ka maliligtas? Kapag gumagawa ka ng anumang bagay, dapat ay konektado ito sa kaligtasan, sa mga hinihingi ng Diyos, at sa katotohanan, hindi ba?
Tungkol sa paksa ng pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao, nakapaloob sa pagbabahaginan natin noong huli ang mga panuntunan at iba’t ibang kaisipan at pananaw kaugnay sa sariling pag-asal, na mga kaisipang ikinondisyon sa mga tao ng kanilang mga pamilya. Gayunpaman, bukod sa pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng pagtuturo at impluwensiya ng mga pamilya sa mga tao, mayroong mas higit pang pagkokondisyon maliban dito. Ibig sabihin, ang pagkokondisyon ng pamilya ay hindi lamang tungkol sa pagkokondisyon ng mga kaisipan. Bukod pa sa ating napag-usapan, kasama rin dito ang mga tradisyonal, mapamahiin, at relihiyosong pagkokondisyon, na siyang susunod na pagbabahaginan natin. Ang mga usaping ito ay kinapapalooban ng mga pamumuhay, kaugalian, gawi, at ng mga pang-araw-araw na detalye ng buhay. Tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, tatalakayin natin ngayon ang tradisyon. Ano ang ilang halimbawa ng tradisyon? Halimbawa, maaaring kumapit ang isang pamilya sa mga partikular na bagay, kasabihan, o mga ipinagbabawal na may kaugnayan sa mga detalye ng pang-araw-araw na buhay. Kasama ba rito ang tradisyon? (Oo.) Ang tradisyon ay medyo konektado at nauugnay sa pamahiin, kaya tatalakayin nating pareho ang mga ito. Ang ilang aspekto ng tradisyon ay maaaring ituring na pamahiin, at mayroong mga bagay sa loob ng pamahiin na hindi gaanong tradisyonal at mga gawi lamang o mga paraan ng pamumuhay na nabibilang sa mga indibidwal na pamilya o pangkat etniko. Magsimula tayo sa pamamagitan ng pagtuklas kung ano ang kasama sa mga tradisyon at pamahiin. Pamilyar na kayo sa maraming tradisyon at pamahiin dahil maraming aspekto ng inyong pang-araw-araw na buhay ang may kinalaman sa mga ito. Sige, ilista mo ang ilan. (Panghuhula ng kapalaran, pagbabasa ng palad, at palabunutan.) Ang palabunutan, panghuhula ng kapalaran, pagsasabi ng hinaharap, pagbabasa ng palad, pagbabasa ng mukha, pagsasabi ng kapalaran sa pamamagitan ng oras ng kapanganakan, at pagdaraos ng pakikipag-usap sa mga espiritu—ang mga bagay na ito ay hindi tinatawag na pamahiin; ang lahat ng ito ay binubuo ng mga aktibidad na may kinalaman sa pamahiin. Ang pamahiin ay tumutukoy sa mga partikular na paliwanag na umiiral sa loob ng mga aktibidad na ito. Halimbawa, ang pagtingin sa kalendaryo bago umalis ng bahay para malaman kung anong mga aktibidad ang swerte o malas para sa araw na ito, kung lahat ng gawain ay malas, kung ang paglipat, pag-aasawa, at pag-aayos ng libing ay lahat malas, o kung ang lahat ng aktibidad ay swerte ngayong araw—iyan ay pamahiin. Naiintindihan mo ba? (Oo, naiintindihan ko.) Maglista ng ilan pang halimbawa. (Ang paniniwalang ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna.) “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna”—ano ito? (Isang pamahiin.) Ito ay isang pamahiin. Lahat ng binanggit Ko kanina, tulad ng pagsasabi ng hinaharap, palabunutan, pagbabasa ng palad, at iba pa, ay itinuturing na mga mapamahiing aktibidad. “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna” ay isang partikular na kasabihan na nauugnay sa isang mapamahiing aktibidad. Ito ay isang pamahiin. Saan nagmumula ang mga kasabihang ito? Karaniwang nagmumula ang lahat ng mga ito sa mga naunang henerasyon. Ang ilan ay ipinamamana ng mga magulang, ang iba naman ay mula sa mga lolo at lola, sa mga kanuno-nunuan, at iba pa. May iba pa bang katanungan? (Diyos, kasali ba ang mga kaugalian sa pagdiriwang?) Oo, kasali rin ang mga kaugalian sa pagdiriwang: Ang ilan ay nabibilang sa tradisyon, habang ang iba naman ay parehong kasabihan ng tradisyon at pamahiin. Mula sa timog hanggang sa hilaga ng China, at mula sa Silangan hanggang Kanluran, maraming kaugalian ng pagdiriwang. Tingnan natin ang isang partikular na kaugalian ng pagdiriwang, halimbawa sa timog na bahagi ng China: Madalas na kumakain ng rice cake ang mga tao tuwing Chinese New Year. Ano ang sinisimbolo nito? Ano ang layunin sa likod ng pagkain ng mga tao ng rice cake? (Naniniwala sila na ang pagkain ng rice cake ay magdadala sa kanila ng promosyon taon-taon.) Ang layunin ng pagkain ng mga rice cake ay para tiyakin ang promosyon taon-taon. Ang salitang “promosyon” dito ay katunog ng Chinese na salita para sa “cake.” Kaya, ang layunin ng pagkain ng rice cake ay para tiyakin na mapo-promote ka taon-taon. Ngayon, nagkaroon ba ni minsan ng isang taon na hindi ka kumain ng rice cake at hindi ka napromote? Mayroon bang sinuman na taon-taong napo-promote dahil kumakain siya ng rice cake taon-taon? Talaga bang “mapo-promote” ka? Alam ng mga tao na hindi talaga ito nangangahulugan na makapagbibigay ng promosyon, pero kahit hindi, kahit papaano ay hindi sila mabibigo dahil dito. Kaya, dapat nilang kainin ang mga ito. Ang pagkain sa mga ito ay nagpapapanatag ng kanilang loob, samantalang ang hindi pagkain sa mga ito ay nagpapabalisa sa kanila. Ito ay pamahiin at tradisyon. Sa madaling salita, ang mga kagawian at tradisyong ito mula sa iyong pamilya ay nagkaroon ng impluwensiya sa iyo, at hindi namamalayang sinang-ayunan at tinanggap mo ang mga tradisyon at kagawiang ito sa isang partikular na antas; kaya, sinang-ayunan at tinanggap mo rin ang mga pamahiin o mga kaisipan at pananaw na itinataguyod ng mga tradisyong ito. Kapag namumuhay ka na nang mag-isa, maaaring ipagpapatuloy mo ang mga tradisyon at kagawiang ito. Hindi ito maitatanggi. Ngayon, talakayin natin ang ilang kasabihang nauugnay sa mga tradisyon. Madalas na nakikibahagi ang ibang tao sa mga ganitong bagay: Kung ang isang tao ay naglalakbay nang malayo, naghahanda sila ng dumpling para makakain nito, at sa tuwing umuuwi ang manlalakbay, naghahanda sila ng pansit. Hindi ba’t isa itong tradisyon? (Oo.) Ito ay isang tradisyon, at isa itong di-nasusulat na kaugalian. Huwag muna nating talakayin ang layunin sa paggawa nito. Una, suriin natin ang tumpak na pahayag sa ganitong pagkilos. (“Dumpling para sa palabas ng pintuan, pansit para sa papasok ng pintuan.” O maaari mo ring sabihin na, “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi.”) Ano ang ibig sabihin ng “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi”? Ibig sabihin, kung paalis ang isang tao ngayon, dapat mo siyang bigyan ng dumpling na makakain; ano ang kabuluhan nito? Ang dumpling ay nababalot sa isang wrapper, at ang salitang “wrap” ay katunog ng Chinese na salita para sa “proteksiyon.” Kaya, nangangahulugan ito ng proteksiyon sa kanyang buhay, para tiyaking hindi siya maaaksidente sa kanyang pag-alis, na hindi siya mamamatay habang nasa malayo, at na siguradong babalik siya. Nagpapahiwatig ito ng ligtas na pag-alis. Ang “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi” ay nangangahulugang ligtas na siyang uuwi at magiging maayos ang takbo ng lahat ng bagay para sa kanya—ito ang humigit-kumulang na kabuluhan nito. Sa pangkalahatan, sinusunod ng ilang pamilya ang tradisyong ito. Kung ang isang miyembro ng pamilya ay paalis, gumagawa sila ng dumpling para sa kanya, at sa pagbalik niya, naghahain sila ng pansit para sa kanya. Hindi mahalaga kung ikaw ang kumakain o ang naghahanda ng mga pagkaing ito; ito ay ginagawa para magdala ng swerte, kapwa para sa kasalukuyan at hinaharap, para sa kapakanan ng lahat. Sumasang-ayon ba kayo na positibong bagay ang tradisyong ito at isang bagay na kailangang gawin at ipagpatuloy ng mga tao sa kanilang buhay? (Hindi ako sumasang-ayon.) Ang ilang kapatid ay kinakailangang umalis, at ang taong namamahala sa pagkain ay gumagawa ng dumpling para sa kanila, kung saan sinasabi Ko na, “Ano ba ang kinalaman ng kanilang pag-alis sa paggawa ng dumpling?” At sinasabi nila, “Kapag may umaalis, kailangan naming gumawa ng dumpling.” Ang sagot Ko naman ay, “Gumagawa kayo ng dumpling kapag paalis sila; kung gayon, paano naman kung sila ay pauwi?” Sinasabi nila, “Kailangan nilang kumain ng pansit sa pag-uwi nila.” Sabi Ko, “Ito ang unang beses na narinig Ko ito. Saan nanggaling ang tradisyong ito?” Ang sabi nila, “Ganito sa pinanggalingan ko. Kapag may umalis, gumagawa kami ng dumpling para sa kanya, at pag-uwi niya, naghahain kami ng pansit.” Pagkatapos nito, ano ang impresyong iniwan nito sa puso Ko? Naisip Ko: Nananalig sa Diyos ang mga taong ito, ngunit hindi nila binabatay ang kanilang mga kilos sa mga salita ng Diyos. Sa halip, umaasa sila sa tradisyon at sa kung ano ang ipinamana ng kanilang mga ninuno. Naniniwala sila na ang buhay ng isang tao ay kayang protektahan ng isang pambalot ng dumpling, na kung may mangyayari sa isang tao, wala ito sa mga kamay ng Diyos; ito ay nasa mga kamay ng tao. Naniniwala silang sa pamamagitan ng pagbalot ng dumpling, magiging ligtas ang taong aalis, at kung hindi nila babalutin ang dumpling na iyon, hindi magiging ligtas ang taong iyon at maaaring mamatay siya sa kanyang paglalakbay at hinding-hindi na makakauwi. Sa kanilang mga kaisipan at pananaw, ang buhay ng isang tao ay katulad ng palaman sa loob ng dumpling, na may parehong halaga sa palaman na iyon. Ang buhay nila ay wala sa mga kamay ng Diyos, at hindi nagagawang kontrolin ng Diyos ang tadhana ng taong iyon. Sa paggamit lang ng wrapper ng dumpling nila makokontrol ang kapalaran ng isang tao. Anong klaseng tao sila? (Hindi mananampalataya.) Sila ay mga hindi mananampalataya. Maraming gayong tao sa iglesia. Hindi nila ito itinuturing na pamahiin. Itinuturing nila ito bilang parte ng kanilang mga nakagawian, isang bagay na likas nilang pinaninindigan bilang isang positibong bagay. Ginagawa nila ito nang hayagan at kumikilos sila na parang sila ay makatwiran at may batayan para gawin ito. Hindi mo sila mapipigilan: Kung pipigilan mo sila sa paggawa nito, nababagabag sila at sinasabing, “Ako ang nagluluto. May isang paalis ngayong araw: Kung hindi ko siya gagawan ng dumpling, sino ang mananagot kung sakaling mamatay siya? Hindi ba’t kasalanan ko iyon?” Naniniwala sila na ang mga tradisyon ng kanilang mga ninuno ang pinakamaaasahan: “Kung hindi mo susundin ang tradisyon at lalabag ka sa ipinagbabawal na ito, nasa panganib ang buhay mo, at maaaring mamatay ka dahil dito.” Hindi ba’t ito ang pananaw ng hindi mananampalataya? (Oo, ito nga.) Sa mga ganitong kaisipan at pananaw na malalim na nakaugat sa puso ng mga tao, kaya pa rin ba nilang tanggapin ang katotohanan? (Hindi, hindi nila kaya.) Sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, sinasabi mo na nananampalataya ka sa Diyos bilang ang katotohanan, pero nasaan ang patunay? Sinasabi mo sa pamamagitan ng iyong bibig na, “Nananalig ako na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan, at ang tadhana ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos.” Gayunpaman, kapag may isang taong paalis, nagmamadali kang gumawa ng dumpling para sa kanya, at kahit na wala kang oras para bumili ng karne, kinakailangan mo pa ring gumawa ng dumpling na may palaman na gulay—hindi maaaring hindi ka makagawa nito. Ang mga pagkilos at pag-uugali bang ito ay nagpapatotoo sa Diyos? Ang mga ito ba ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos? (Hindi.) Malinaw na hindi. Ang mga ito ay mapanghamak sa Diyos at sa Kanyang pangalan. Tanggapin mo man o hindi ang katotohanan ay isang maliit na isyu. Ang pangunahing punto ay na sinasabi mong nananalig ka sa Diyos at sinusunod mo Siya, pero sumusunod ka pa rin sa mga tradisyong ikinintal sa iyo ni Satanas. Sa mga maliit na usaping ito sa iyong pang-araw-araw na buhay, mahigpit mong sinusunod ang mga kaisipan at gawing ikinintal sa iyo ng iyong mga ninuno, at walang makakapagpabago sa mga ito. Ito ba ang saloobin ng isang taong tumatanggap sa katotohanan? Ito ay mapanghamak sa Diyos; ito ay pagkakanulo sa Diyos. Sino ang iyong mga ninuno? Saan nagmula ang kanilang mga tradisyon? Sino ang kinakatawan ng mga tradisyong ito? Kinakatawan ba ng mga ito ang katotohanan? Kinakatawan ba ng mga ito ang mga positibong bagay? Sino ang nag-imbento ng mga tradisyong ito? Ang Diyos ba? Tinutustusan ng Diyos ang mga tao ng katotohanan hindi para ibalik ang mga tradisyon, kundi para wakasan ang lahat ng tradisyon. Ngunit bukod sa tumatanggi kang talikuran ang mga ito, itinuturing mo rin ang mga ito bilang ang katotohanan at isang positibong bagay na dapat itaguyod. Hindi ba’t isa itong paghiling ng kamatayan? Hindi ba’t ito ay hayagang pagkontra sa katotohanan at sa Diyos? (Oo, ganoon na nga.) Ito ay hayagang pagtutol at pagkontra sa Diyos. Maaaring sinasabi ng ilang tao na, “Paano kung hindi ako gagawa ng dumpling o pansit para sa aking mga kapatid, pero gagawa ako para sa sarili kong pamilya? Kapag paalis ang aking mga kapamilya, gagawa ako ng dumpling para sa kanila, at kapag pauwi na sila, magluluto ako ng pansit para sa kanila. Ayos lang ba iyon?” Sa tingin ba ninyo ayos lang iyon? Paano kung sasabihin ninyo ito: “Kung mayroon akong lilinlangin, hindi mangyayaring ang mga kapatid ko ito, kundi sarili kong kapamilya. Ayos lang ba iyon?” Magiging ayos lang ba iyon? (Hindi.) Hindi mahalaga kung sino ang lilinlangin mo; ang mahalaga ay kung ano ang isinasabuhay mo at ibinubunyag mo tungkol sa iyong sarili, at ang mahalaga ay kung anong mga pananaw ang itinataguyod mo. Hindi mahalaga kung sino ang nililinlang mo; ang mahalaga ay kung ano ang iyong mga pagkilos at prinsipyo, hindi ba’t tama? (Oo, tama iyan.)