Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1 (Unang Bahagi)

Ano ang paksang pinagbahaginan natin sa huli nating pagtitipon? (Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan.) Pagkatapos nating magbahaginan, binigyan Ko kayo ng paksa para sa takdang-aralin—ano ba iyon? (Paano sikaping matamo ang katotohanan?) Napagnilayan ba ninyo ang paksang ito? (O Diyos, napagnilayan ko ito nang kaunti. Pagdating sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan, ito ay tungkol sa pagsusuri sa ating mga pagpapakita ng katiwalian at ng mga tiwaling disposisyon sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap natin sa bawat araw, at pagkatapos ay paghahanap sa katotohanan upang malutas ang mga isyung ito. Kasabay nito, ang pagganap sa isang tungkulin ay may kinalaman sa ilang partikular na prinsipyo, kaya dapat tayong maghanap ng mga nauugnay na katotohanan upang maunawaan kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyong ito kapag humaharap tayo sa iba’t ibang tungkulin—iyon ay isa pang paraan ng pagsasagawa sa paghahangad sa katotohanan.) Kaya, sa isang banda, ang paghahanap sa katotohanan sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao, at sa isa pang banda, ang paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo habang tinutupad ang tungkulin ng isang tao. May iba pa bang aspeto sa paghahangad na ito? Hindi dapat maging mahirap ang paksang ito, hindi ba? Pinagnilayan ba ninyo ang “paano sikaping matamo ang katotohanan”? Paano ninyo ito pinagnilayan? Ang pagninilay-nilay sa paksang ito ay dapat may kasamang paggugol ng partikular na haba ng oras sa pag-iisip tungkol dito, at pagtatala ng mga nakamit na kaalaman sa pamamagitan ng pagninilay-nilay na iyon. Kung titingnan mo lang ito nang mabilisan at pag-iisipan nang kaunti, ngunit hindi ka gugugol ng oras at lakas dito, o hindi mo ito pag-iisipan nang mabuti, hindi iyan pagninilay-nilay. Ang pagninilay-nilay ay nangangahulugan na seryoso mong pinag-iisipan ang usapin, talagang pinagsusumikapan mo ang pag-iisip dito, nagkakamit ka ng ilang kongkretong kaalaman, at nakatatanggap ka ng kaliwanagan at pagtanglaw, at umaani ka ng ilang gantimpala—ito ang mga resultang nakakamit sa pamamagitan ng pagninilay-nilay. Ngayon, pinagnilayan ba talaga ninyo ang paksang ito? Wala sa inyo ang talagang nagnilay-nilay rito, tama ba? Nitong huli, binigyan Ko kayo ng takdang-aralin, isang paksa para makapaghanda kayo, pero wala sa inyo ang nagnilay-nilay tungkol sa paksa at hindi ninyo ito sineryoso. Umaasa ba kayo na ituturo Ko na lang sa inyo ang lahat? O inisip ba ninyo na, “Napakadali lang ng paksang ito, wala itong lalim. Naunawaan na namin ito, kaya hindi na namin kailangang magnilay—naiintindihan na namin ito”? O dahil ba hindi kayo interesado sa mga katanungan at usaping may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan? Ano ang problema? Hindi naman siguro dahil masyado kayong abala sa gawain, hindi ba? Ano ba talaga ang dahilan? (Pagkatapos makinig sa mga tanong ng Diyos at magnilay-nilay sa aking sarili, sa tingin ko, ang pangunahing dahilan ay na hindi ko mahal ang katotohanan. Hindi ko sineryoso ang mga salita ng Diyos, at hindi ko taimtim na pinagnilayan ang katotohanan. Umasa rin ako na ituturo na lang sa akin ang sagot. Umasa ako na sa sandaling matapos ang Diyos sa pagbabahagi tungkol sa paksa, mauunawaan ko na ito. Iyon ang saloobin na mayroon ako.) Ganito ba ang karamihan sa mga tao? Mukhang sanay na kayo na itinuturo na lang sa inyo ang mga bagay-bagay. Pagdating sa katotohanan, hindi kayo gaanong metikuloso at hindi kayo nagsisikap masyado. Sadyang mahilig kayong gumawa ng mga bagay-bagay at kumilos nang hindi nag-iisip nang mabuti. Ang ginagawa lamang ninyo ay aksayahin ang inyong oras; naguguluhan kayo kapag nahaharap sa katotohanan, at hindi ninyo ito sineseryoso. Iyon ang tunay ninyong kalagayan.

Kung paano sikaping matamo ang katotohanan ay isa sa mga paksang pinakakaraniwang pinagbabahaginan sa sambahayan ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nakauunawa ng ilang doktrina tungkol sa kung paano sisikaping matamo ang katotohanan, at may alam silang ilang pamamaraan para isagawa ito. May ilang tao na matagal nang nananalig sa Diyos na may ilan nang tunay na karanasan, at nakaranas na rin sila ng ilang pagkabigo at pagkalugmok, at nagkaroon na rin sila ng pagkanegatibo at kahinaan. Sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, nakaranas na rin sila ng maraming tagumpay at kabiguan, at sa paghahangad sa katotohanan, natuto na sila mula sa kanilang mga karanasan at nakapagtamo ng ilang gantimpala. Natural na naharap na rin sila sa maraming paghihirap at balakid, gayundin sa iba’t ibang aktuwal na problema sa kanilang buhay o mga kapaligiran. Sa madaling salita, karamihan sa mga tao ay may kaunting pagkaunawa tungkol sa paghahangad sa katotohanan, ito man ay sa anyo lamang o sa pamamagitan ng ilang praktikal na problema, at mayroon din silang kaalamang pangdoktrina tungkol dito. Sa sandaling magsimulang maniwala ang mga tao sa Diyos o tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, nakapagbayad man talaga sila ng halaga sa landas na iyon o hindi, o kung kaunting pagsisikap lang ang nagawa nila sa kanilang paghahangad sa katotohanan, halos lahat sa kanila, kahit papaano, ay magkakaroon ng pagkaunawa rito. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, ang pagkaunawang ito ay kumakatawan sa mga totoo at mahalagang gantimpala, pero iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan ay walang karanasan, walang natututunan mula sa kanilang karanasan, o walang gantimpala. Sa kabuuan, karamihan sa mga tao ay atubiling sumusulong at nagkikimkim ng saloobin na “maghintay muna bago kumilos” habang hinahangad ang katotohanan, at kasabay nito ay nararanasan nila nang kaunti kung ano ang pakiramdam ng paghahangad dito. Sa mga kaisipan, mga pananaw, at kamalayan ng karamihan sa mga tao, ang paghahangad sa katotohanan ay isang positibong bagay at ito ang pinakamahalaga. Itinuturing nila ito bilang isang layon sa buhay na dapat hangarin ng mga tao, at higit pa roon, bilang ang tamang daan na dapat nilang sundin sa buhay. Sa teoretikal na antas man o batay sa kanilang tunay na mga karanasan at kaalaman, lahat ng tao ay itinuturing na mabuti at pinakapositibong bagay ang paghahangad sa katotohanan. Walang paghahangad o landas na tinatahak ng tao ang maikukumpara sa paghahangad sa katotohanan o sa landas ng paghahangad nito. Ang paghahangad sa katotohanan ang tanging tamang landas na dapat sundin ng mga tao. Bilang kasapi ng sangkatauhan, ang paghahangad sa katotohanan ang dapat na maging layon sa buhay ng bawat tao, at dapat nila itong ituring bilang ang tamang landas na dapat sundin ng mga tao. Ngayon, paano dapat sikaping matamo ng isang tao ang katotohanan? Kababanggit lang ninyo ng ilang simple, teoretikal na ideya, na malamang ay sasang-ayunan ng karamihan sa mga tao. Iniisip ng lahat na ang mga ganitong uri ng paghahangad at pagsasagawa ay may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan. Naniniwala sila na ang mga bagay na partikular na nauugnay sa paghahangad sa katotohanan ay tanging mga: pagkilala sa sarili, pag-amin at pagsisisi, at pagkatapos ay paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo na isasagawa mula sa mga salita ng Diyos, at sa huli, pagsasabuhay sa Kanyang mga salita sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at pagpasok sa katotohanang realidad. Ito ang karaniwang pagkaunawa at pagkaintindi ng karamihan sa mga tao tungkol sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Maliban sa mga pamamaraang nakikilala at nauunawaan ninyo, ibinuod Ko ang dagdag pang mga partikular na landas at pamamaraan ng pagsasagawa para sa paghahangad sa katotohanan. Ngayong araw, magbabahaginan tayo nang mas detalyado sa usaping ito.

Maliban sa ilang pamamaraang inilista ninyo, mas idinetalye at ibinuod Ko ang dalawang paraan ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Ang isang paraan ay ang “pagbitaw.” Simple lang ba ito? (Simple lang ito.) Hindi ito mahirap unawain, ni komplikado. Madali rin itong tandaan at madaling maunawaan. Siyempre, ang pagsasagawa nito ay maaaring may kasamang kaunting paghihirap. Nakikita mo, ang paraang ito ay higit na mas simple kaysa sa mga paraan na binanggit ninyo. Ang sinabi ninyo ay pawang mga teorya lamang. Tila importante at malalim ang mga sinabi ninyo, at siyempre, may katiyakan sa mga ito, ngunit mas komplikado ang mga ito kaysa sa sinabi Ko sa inyo. Ang unang paraan ay “ang pagbitaw,” at ang pangalawa ay ang “paggugol sa sarili.” Dalawang pamamaraan lamang ito, limang salita sa kabuuan. Nauunawaan ng mga tao ang mga ito sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa mga ito, at alam ng mga tao kung paano isagawa ang mga ito nang hindi nagbabahagi tungkol sa mga ito—madali ring matandaan ang mga ito. Ano ang unang paraan? (Ang pagbitaw.) Ano naman ang pangalawa? (Ang paggugol sa sarili.) Nakikita mo ba? Hindi ba’t simple lang ang mga ito? (Simple lang ang mga ito.) Higit na mas maikli ang mga ito kaysa sa mga sinabi niyo. Ano ang tawag dito? Ang tawag dito ay pagiging matalas. Ang paggamit ng mas kaunting salita ay nangangahulugan ba talaga na ang isang bagay ay matalas? (Hindi.) Hindi mahalaga kung matalas man o hindi ang isang bagay. Ang mahalagang-mahalaga ay kung naipaparating ba ang pangunahing punto at kung gumagana ba ito kapag isinasagawa ng mga tao. Dagdag pa rito, mahalagang tingnan kung anong mga resulta ang nakakamit sa pagsasagawa nito; kung nakalulutas man ito ng mga praktikal na problema ng mga tao; kung natutulungan man nito ang mga tao na sumunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan; kung tinutulutan man nito ang mga tao na lutasin ang pinagmulan ng kanilang mga tiwaling disposisyon; at kung ang pagsasagawa man nito ay nakakatulong sa mga tao na lumapit sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, nang sa gayon ay makamit ang mga resulta at layon na dapat matamo ng paghahangad sa katotohanan. Tama ba ito? (Oo.) Narinig na ninyo ngayon itong dalawang paraan ng “ang pagbitaw” at “ang paggugol sa sarili,” at alam ninyo ang mga ito. Ano ang kaugnayan ng dalawang paraang ito at ng paghahangad sa katotohanan? Nauugnay ba ang mga ito sa mga paraang iyon na binanggit ninyo, o salungat ang mga ito sa mga iyon? Hindi pa rin ito masyadong malinaw, hindi ba? (Hindi pa rin ito masyadong malinaw.) Sa pangkalahatan, ang partikular na mga pamamaraan ng pagsasagawa sa paghahangad sa katotohanan ay ang dalawang bagay na tinalakay Ko. Sa dalawang pamamaraang ito, ano ang partikular na nilalaman niyong una: ang pagbitaw? Ano ang pinakasimple at pinakadirektang bagay na naiisip ninyo kapag naririnig ninyo ang mga salitang “ang pagbitaw”? Paano isinasagawa ng isang tao ang pamamaraang ito? Ano ang mga partikular na bahagi at nilalaman nito? (Ang pagbitaw sa tiwaling disposisyon ng isang tao.) Ano pa, maliban sa tiwaling disposisyon ng isang tao? (Ang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon, mga damdamin, ang kalooban at kagustuhan ng isang tao. Ano pa? (Ang mga satanikong pilosopiya sa pamumuhay, mga maling prinsipyo at pananaw sa buhay.) (Ang mga intensyon at ninanais ng isang tao.) Sa madaling salita, kapag sinusubukan ng mga tao na isipin ang mga bagay na dapat nilang bitawan, maliban sa iba’t ibang ugali na may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon, iniisip din nila ang mga bagay na bumubuo sa mga iniisip at pananaw ng mga tao. Kaya, mayroong dalawang pangunahing bahagi: Ang isa ay may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon at ang isa pa ay may kinalaman sa mga iniisip at pananaw ng mga tao. Maliban sa dalawang ito, ano pa ang naiisip ninyo? Naguguluhan kayo, hindi ba? Ano ang dahilan nito? Ang dahilan nito ay na ang mga bagay na sumasagi sa isip ninyo kaagad ay ang mga paksa na, sa pang-araw-araw ninyong buhay simula nang manalig kayo sa Diyos, ay madalas ninyong nakakaharap at madalas na napag-uusapan ng mga tao. Pero pagdating sa mga problemang walang nagbabanggit, na umiiral pa rin naman sa mga tao—hindi ninyo alam ang mga ito, wala kayong kamalayan sa mga ito, hindi ninyo naiisip ang mga ito, at hindi rin ninyo kailanman itinuring ang mga ito bilang mga problemang dapat pagnilayan. Ito ang dahilan kaya kayo naguguluhan. Tinatalakay Ko ito sa inyo dahil gusto Kong pag-isipan ninyo at maingat na ikonsidera ang isyu na pagbabahaginan natin sa susunod, at para tumatak ito nang husto sa inyo.

Ngayon ay magbabahaginan tayo sa dalawang pangunahing bagay na may kaugnayan sa kung paano sikapin ng isang tao na matamo ang katotohanan: una, ang pagbitaw, at pangalawa, ang paggugol sa sarili. Magsimula tayo sa pagbabahaginan sa unang usapin—ang pagbitaw. Hindi lang ito simpleng pagbitaw sa sentimyento, mga makamundong pilosopiya, sariling kagustuhan, pagnanais para sa mga pagpapala, at iba pang pangkalahatang interpretasyon. Ang pagsasagawa ng “pagbitaw” na siyang ibabahagi Ko ngayon ay mayroong mas partikular na pokus at hinihingi nito sa mga tao na suriin at isagawa ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ano ang unang dapat banggitin tungkol sa pagbitaw? Ang unang bagay na dapat bitawan ng mga tao sa kanilang paghahangad sa katotohanan ay ang iba’t ibang emosyon ng tao. Ano ang naiisip ninyo kapag binabanggit Ko ang iba’t ibang emosyon na ito? Ano-ano ang nabibilang sa mga emosyong ito? (Pagiging mainitin ng ulo, pagiging matigas ng ulo, at pagiging pasibo.) Ang pagkamainitin ba ng ulo ay isang emosyon? (Ang pagkaunawa ko, ang kahulugan ng mga emosyon ay kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang nadarama habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Iba’t iba ang nagiging saloobin nila depende sa kung maganda o hindi ang pakiramdam nila.) Ito ba ang mga emosyon na tinatalakay Ko? Ganito ba dapat ipinaliliwanag ang mga emosyon? (Diyos ko, ang pagkakaunawa ko sa mga emosyon ay na madalas may kasama itong pagka-iritable, pagkayamot, gayundin ang kasiyahan, galit, lungkot at kagalakan.) Ito ay naaangkop na pangkalahatang pahayag. Kaya ang kababanggit lang ngayon na tungkol sa paggawa ng mga tao ng mga bagay-bagay ayon sa kanilang nadarama, isa ba iyong emosyon? (Isa lamang iyong pagpapamalas.) Isa iyong uri ng pagpapamalas ng emosyon. Ang pagkalungkot, pagka-iritable, at pagkalumbay—lahat ng ito ay pagpapamalas ng emosyon, pero hindi talaga ang mga ito ang kahulugan ng emosyon. Kaya, paano dapat maunawaan ng mga tao ang unang bagay na kailangan nilang bitawan sa paghahangad sa katotohanan—ang iba’t ibang emosyon? Ano ang binibitawan ng mga tao kapag binibitawan nila ang iba’t ibang emosyon? Ito ay ang pagbitaw sa mga damdamin, kaisipan, at emosyon na lumilitaw sa iba’t ibang sitwasyon at konteksto, gayundin sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Ang ilan sa mga emosyong ito ay nagiging pansariling kagustuhan na rin ng isang tao. At bagamat ang ilan ay hindi nagiging pansariling kagustuhan ng isang tao, madalas pa ring nakakaapekto ang mga ito sa saloobin ng isang tao sa kanyang mga kilos. Kaya, ano ang kabilang sa mga emosyong ito? Halimbawa, kabilang dito, ang kawalan ng pag-asa, poot, galit, pagka-iritable, pagkabahala, gayundin ang pagpipigil, pagiging mas mababa, at pagluha dahil sa kagalakan—lahat ng ito ay maituturing na emosyon. Ang mga ito ba ang kongkretong pagpapamalas ng emosyon? (Oo.) Ngayong nasabi Ko na ito, alam na ba ninyo kung ano ang emosyon? May kinalaman ba ito sa pagkapasibo at pagkamainitin ng ulo na binanggit ninyo? (Wala.) Walang kaugnayan ang mga ito. Kaya, ano iyong mga bagay na binanggit ninyo? (Mga tiwaling disposisyon.) Ang mga ito ay isang uri ng pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. May kinalaman ba sa mga tiwaling disposisyon ang mga emosyong inilista Ko ngayon lang, tulad ng pagpipigil, kawalan ng pag-asa, pagiging mas mababa, at iba pa? (Ang mga emosyong katatalakay lang ng Diyos ay walang kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon, hindi ang mga ito ang bumubuo sa mga tiwaling disposisyon, o kaya naman ay hindi pa umabot ang mga ito sa antas ng isang tiwaling disposisyon.) Kaya, ano ang mga ito? Ang mga ito ang kasiyahan, galit, pighati, at kagalakan ng normal na pagkatao, at ang mga ito ang mga lumilitaw na emosyon at mga nabubunyag na pagpapamalas kapag nakakaharap ang mga tao sa mga partikular na sitwasyon. Marahil ang ilan ay idinulot ng isang tiwaling disposisyon, samantalang ang iba ay hindi pa umabot sa antas na iyon at walang masyadong kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon, subalit umiiral talaga ang mga bagay na ito sa kaisipan ng mga tao. Sa gayong mga sirkumstansya, anuman ang sitwasyon na kinakaharap ng mga tao o anuman ang konteksto, sa isang banda ay natural at madalas na maiimpluwensyahan ng mga emosyong ito ang kanilang paghusga at mga pananaw, at maiimpluwensyahan ng mga ito ang dapat na maging tindig ng mga tao at ang landas na dapat nilang tahakin. Negatibo ang karamihan sa iba’t ibang emosyon na pinag-usapan natin ngayon lang. Mayroon bang anuman na niyutral lang, iyong hindi gaanong negatibo ni positibo? Wala, wala sa mga ito ang medyo positibo. Ang pagkalumbay, kawalan ng pag-asa, poot, galit, pagiging mas mababa, pagka-iritable, pagkabahala, at pagpipigil—lahat ng ito ay pawang negatibong emosyon. Magagawa ba ng alinman sa mga emosyong ito na mabigyang-kakayahan ang mga tao na positibong harapin ang buhay, ang pag-iral ng tao at ang mga sitwasyong nakakaharap nila sa kanilang buhay? Wala ba sa mga ito ang positibo? (Wala.) Lahat ng ito ay medyo negatibong emosyon. Kaya aling mga emosyon ang medyo mas mainam? Mas mainam ba ang pananabik at pangungulila? (Medyo niyutral ang mga ito.) Oo, maaaring nyutral nga ang mga ito. Ano pa? Ang pagnanais na makabalik sa nakaraan, pag-asam at pagpapahalaga. Ano ang tinutukoy ng mga emosyong ito na ating pinag-uusapan? Ang mga ito ay mga bagay na madalas na nakakubli sa kaibuturan ng puso at kaluluwa ng tao; madalas ay kaya nitong sakupin ang puso at isipan ng mga tao at madalas na nakakaapekto sa mga damdamin, pananaw, at saloobin ng mga tao sa paggawa ng mga bagay-bagay. Samakatuwid, matatagpuan man o hindi ang mga emosyong ito sa tunay na buhay ng mga tao, o sa kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, kahit paano ay may epekto o makakaimpluwensya ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao at makakaapekto sa kanilang mga saloobin sa kanilang mga tungkulin. Siyempre, makakaapekto rin ang mga ito sa paghusga at posisyong inaako ng mga tao kapag hinahangad nila ang katotohanan, at sa partikular, magkakaroon ng malaking epekto sa mga tao ang mga pasibo at negatibong damdamin na ito. Kapag nagkakaroon ng mga alaala ang mga tao at nagsisimulang maramdaman ang kanilang sariling iba’t ibang emosyon, o nagkakaroon na sila ng kamalayan na nakakikilala sa mga pangyayari at bagay-bagay, kapaligiran, at ibang tao, unti-unting lumilitaw at lumilinaw ang kanilang iba’t ibang emosyon. Sa sandaling maging maliwanag ang mga ito, kung gayon, habang tumatanda ang mga tao at mas marami silang nararanasan na mga makamundong bagay, unti-unting lumalalim ang mga emosyong ito sa loob nila, sa kaibuturan ng kanilang puso, at nagiging nangingibabaw na katangian ng kanilang indibidwal na pagkatao. Unti-unting kinokontrol ng mga ito ang kanilang indibidwal na personalidad, kanilang kasiyahan, galit, lungkot at kagalakan, kanilang mga ninanais, gayundin ang kanilang paghahangad sa mga layon at direksyon sa buhay, at iba pa. Iyon ang dahilan kung bakit kailangang-kailangan ang mga emosyong ito sa bawat tao. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil sa sandaling magkaroon ng pansariling kamalayan ang mga tao sa kapaligirang nakapalibot sa kanila, unti-unting maiimpluwensyahan ng mga emosyong ito ang kanilang kasiyahan, galit, lungkot at kagalakan, maiimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang paghusga at pagkakilala sa mga tao, pangyayari, at bagay, at maiimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang personalidad. Siyempre, maiimpluwensyahan din ng mga ito ang mga saloobin at pananaw ng mga tao tungkol sa kung paano nila hinaharap at pinangangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid. Ang mas mahalaga pa, naiimpluwensyahan ng mga negatibong emosyong ito ang mga gawi at prinsipyong nagdidikta sa kung paano dapat umasal ang mga tao, gayudin ang mga layon na hinahangad nila at ang batayan nila para sa pag-asal ng tao. Maaaring maramdaman ninyo na hindi ganoon kadaling maintindihan ang mga sinabi Ko, na medyo malabo ito. Magbibigay Ako sa inyo ng halimbawa at maaaring mas maunawaan ninyo nang kaunti ang mga bagay-bagay pagkatapos. Halimbawa, may ilang tao na noong bata pa, ordinaryo ang kanilang hitsura, hindi mahusay magsalita, at hindi masyadong mabilis mag-isip, kaya hindi naging kanais-nais ang mga komento sa kanila ng ilang miyembro ng kanilang pamilya at ng ibang tao sa lipunan, sinasabi ng mga ito na: “Mahina ang utak ng batang ito, matagal makaintindi, at hindi maayos magsalita. Tingnan ninyo ang mga anak ng iba, sa husay nilang magsalita ay madali nilang nakukumbinsi ang mga tao. Samantalang ang batang ito ay nakasimangot lang buong araw. Hindi niya alam ang sasabihin kapag nakakasalamuha ng mga tao, hindi alam kung paano ipapaliwanag o pangangatwiranan ang sarili niya kapag may nagawa siyang mali, at hindi natutuwa sa kanya ang mga tao. Mahina ang utak ng batang ito.” Ganito ang sinasabi ng mga magulang, kamag-anak at kaibigan at ng mga guro niya. Ang ganitong kapaligiran ay nagdudulot ng partikular at hindi nakikitang panggigipit sa gayong mga indibidwal. Sa pagdanas sa ganitong mga kapaligiran, hindi namamalayang nagkakaroon siya ng partikular na uri ng mentalidad. Anong uri ng mentalidad? Iniisip niya na hindi kaaya-aya ang kanyang hitsura, hindi gaanong kanais-nais, at na kahit kailan ay hindi natutuwa ang mga tao na makita siya. Naniniwala siya na hindi siya mahusay sa pag-aaral, na mahina ang utak niya, at palagi siyang nahihiya na buksan ang kanyang bibig at magsalita sa harap ng ibang tao. Sa sobrang hiya niya ay hindi siya nakapagpapasalamat kapag may ibinibigay sa kanya ang mga tao, iniisip niya, “Bakit ba laging umuurong ang dila ko? Bakit ang galing magsalita ng ibang tao? Hangal lang talaga ako!” Hindi namamalayan, iniisip niya na wala siyang halaga pero hindi pa rin niya matanggap na ganoon siya ka-walang kwenta, na ganoon siya kahangal. Sa puso niya, palagi niyang tinatanong ang kanyang sarili, “Ganoon ba talaga ako kahangal? Ganoon ba talaga ako ka-hindi kanais-nais?” Hindi siya gusto ng kanyang mga magulang, pati na rin ng kanyang mga kapatid, kanyang mga guro o mga kaklase. At paminsan-minsan, sinasabi ng kanyang mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan na “Pandak siya, maliit ang mga mata at ilong niya, at kung ganyan ang hitsura niya, hindi siya magtatagumpay paglaki niya.” Kaya kapag tumitingin siya sa salamin, nakikita niyang maliit nga ang mga mata niya. Sa ganitong sitwasyon, ang paglaban, at kawalan ng kasiyahan at kagustuhan, at pagtanggap sa kaibuturan ng kanyang puso ay unti-unting nagiging pagtanggap at pagkilala sa kanyang sariling mga kapintasan, pagkukulang, at isyu. Bagamat natatanggap niya ang realidad na ito, isang palagiang emosyon ang lumilitaw sa kaibuturan ng kanyang puso. Ano ang tawag sa emosyong ito? Ang tawag dito ay pagiging mas mababa. Ang mga taong nakararamdam na mas mababa sila ay hindi alam kung ano ang kanilang mga kalakasan. Iniisip lang nila na hindi sila kanais-nais, palagi nilang nararamdaman na hangal sila, at hindi nila alam kung paano harapin ang mga bagay-bagay. Sa madaling salita, pakiramdam nila ay wala silang kayang gawin, na hindi sila kaakit-akit, hindi matalino, at mabagal silang makatugon. Ordinaryo lang sila kung ikukumpara sa iba at hindi matataas ang grado nila sa kanilang pag-aaral. Pagkatapos lumaki sa gayong kapaligiran, unti-unting nangingibabaw ang mentalidad na ito ng pagiging mas mababa. Nagiging palagiang emosyon ito na gumugulo sa puso mo at pumupuno sa iyong isipan. Ikaw man ay malaki na, marami nang karanasan sa mundo, may asawa na at matatag na sa iyong propesyon, at anuman ang iyong katayuan sa lipunan, itong pakiramdam ng pagiging mas mababa na itinanim sa iyong kapaligiran habang lumalaki ka ay imposibleng maiwaksi. Kahit matapos mong manampalataya sa Diyos at sumapi sa iglesia, iniisip mo pa rin na pangkaraniwan ang hitsura mo, mahina ang intelektuwal mong kakayahan, hindi ka maayos magsalita, at walang kayang gawin. Iniisip mo, “Gagawin ko na lang kung ano ang kaya ko. Hindi ko kailangang mag-asam na maging lider, hindi ko kailangang maghangad ng malalalim na katotohanan, magiging kontento na lang ako sa pagiging ang taong pinaka-hindi mahalaga, at hahayaan ko ang iba na tratuhin ako sa anumang paraang naisin nila.” Kapag nagpakita ang mga anticristo at huwad na mga lider, pakiramdam mo ay hindi mo magawang kilatisin o ilantad ang mga ito, na hindi mo kayang gawin iyon. Pakiramdam mo na hangga’t ikaw mismo ay hindi isang huwad na lider o anticritso, sapat na iyon, na hangga’t hindi ka nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, ayos na iyon, at sapat na iyon basta’t nagagawa mo ang sarili mong tungkulin. Sa kaibuturan ng iyong puso, pakiramdam mo ay hindi ka sapat at hindi kasinghusay ng ibang tao, na marahil ang ibang tao ay maliligtas, pero ikaw ay hanggang tagapagserbisyo lang, kaya pakiramdam mo ay hindi mo kaya ang gawain ng paghahangad sa katotohanan. Ilang katotohanan man ang kaya mong maunawaan, pakiramdam mo pa rin na, dahil nakikita mong paunang itinadhana ng Diyos na magkaroon ka ng ganyang kakayahan at hitsura, kung gayon ay malamang na itinadhana ka Niya na maging isa lamang tagapagserbisyo, at na wala kang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, pagiging lider, pagkakaroon ng responsableng posisyon, o sa pagkakaligtas; sa halip, handa kang maging ang pinaka-hindi mahalagang tao. Marahil ay hindi ka ipinaganak nang may pakiramdam ng pagiging mas mababa, pero sa ibang antas, dahil sa kapaligiran ng iyong pamilya at sa kapaligirang kinalakihan mo, sumailalim ka sa mga bahagyang dagok at hindi wastong mga paghuhusga, at dahil dito ay umusbong sa iyo ang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Naaapektuhan ng emosyong ito ang tamang direksyon ng iyong mga paghahangad, naiimpluwensyahan nito ang wastong pag-aasam para sa iyong mga paghahangad, at pinipigilan din nito ang iyong mga wastong paghahangad. Sa sandaling mapigilan ang iyong wastong paghahangad at tamang determinasyon na dapat mong taglayin sa iyong pagkatao, masusupil ang iyong motibasyon na hangarin ang mga positibong bagay at hangarin ang katotohanan. Ang panunupil na ito ay hindi idinudulot ng kapaligirang nakapalibot sa iyo o ng sinumang tao, at siyempre, hindi itinakda ng Diyos na dapat mong pagdusahan ito, sa halip, ito ay idinudulot ng isang matinding negatibong emosyon sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo ito.)

Sa panlabas, ang pagiging mas mababa ay isang emosyon na naipapamalas sa mga tao; pero sa katunayan, ang ugat nito ay itong lipunan, sangkatauhan at ang kapaligirang ginagalawan ng mga tao. Idinulot din ito ng sariling mga obhektibong dahilan ng mga tao. Hindi na kailangang ipaliwanag pa na ang lipunan at sangkatauhan ay nagmumula kay Satanas, dahil ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama, lubos na ginawang tiwali ni Satanas at walang posibleng makapagtuturo sa susunod na henerasyon nang alinsunod sa katotohanan o gamit ang mga turo ng Diyos, sa halip ang maituturo sa kanila ay alinsunod sa mga bagay na nagmumula kay Satanas. Kaya naman, maliban sa ginagawa nitong tiwali ang mga disposisyon at diwa ng mga tao, ang kahihinatnan ng pagtuturo sa susunod na henerasyon at sangkatauhan ng mga bagay na kay Satanas ay ang pag-usbong ng mga negatibong emosyon sa mga tao. Kung pansamantala lamang ang mga umuusbong na negatibong emosyon, hindi ito magkakaroon ng malaking epekto sa buhay ng isang tao. Gayunpaman, kung malalim nang nakaugat ang isang negatibong emosyon sa kaibuturan ng puso at kaluluwa ng isang tao at hindi ito maalis-alis sa pagkabaon doon, kung ganap na hindi niya ito makalimutan o maiwaksi, kung gayon ay tiyak na makakaapekto ito sa bawat desisyon ng taong iyon, sa paraan ng pagharap niya sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay, sa kung ano ang pinipili niya kapag nahaharap sa malalaking usapin ng prinsipyo, at sa landas na kanyang tatahakin sa buhay niya—ito ang epekto ng tunay na lipunan ng tao sa bawat indibiduwal. Ang isa pang aspeto ay ang sariling mga obhektibong dahilan ng mga tao. Iyon ang edukasyon at mga turo na natatanggap ng mga tao habang lumalaki sila, lahat ng kaisipan at ideya kasama ang mga paraan ng pag-asal na tinatanggap nila, gayundin ang iba’t ibang kasabihan ng tao, ay lahat nagmumula kay Satanas, hanggang sa puntong wala nang kakayahan ang mga tao na pangasiwaan at iwaksi mula sa tamang perspektiba at pananaw ang mga isyung ito na nakahaharap nila. Samakatuwid, nang hindi nalalaman, sa ilalim ng impluwensya ng malupit na kapaligirang ito, at nang nasisiil at nakokontrol nito, walang magawa ang tao kundi magkaroon ng iba’t ibang negatibong emosyon at gamitin ang mga ito para subukang labanan ang mga problemang wala siyang kakayahan na lutasin, baguhin, o puksain. Gamitin nating halimbawa ang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Ang iyong mga magulang, guro, nakatatanda, at ang ibang tao sa paligid mo ay pawang may hindi makatotohanang pagsusuri sa iyong kakayahan, pagkatao, at personalidad, at sa bandang huli, aatakihin, uusigin, susupilin, pipigilan, at igagapos ka nila. Sa huli, kapag wala ka nang lakas na lumaban pa, wala ka nang magawa kundi ang piliin ang buhay kung saan tahimik mong tinatanggap ang mga insulto at pamamahiya, tahimik mong tinatanggap ang ganitong uri ng hindi patas at hindi makatarungang realidad bagamat alam mong hindi dapat. Kapag tinanggap mo ang realidad na ito, ang mga emosyon na uusbong sa iyo sa huli ay hindi mga emosyong nagagalak, nasisiyahan, positibo o progresibo; hindi ka namumuhay nang may higit na motibasyon at direksyon, lalong hindi mo hinahangad ang tumpak at tamang mga layon para sa buhay ng tao, kundi sa halip, lilitaw sa iyo ang matinding pakiramdam ng pagiging mas mababa. Kapag lumitaw ang emosyong ito sa iyo, pakiramdam mo ay wala kang matatakbuhan. Kapag naharap ka sa isang isyu kung saan nangangailangan na magpahayag ka ng pananaw, ilang beses mong pag-iisipan ang gusto mong sabihin at ang pananaw na nais mong ipahayag sa kaibuturan ng iyong puso, pero hindi mo pa rin magawang sabihin ito. Kapag may isang tao na nagpapahayag ng pananaw na pareho ng sa iyo, tinutulutan mo ang iyong sarili na makaramdam sa puso mo na tama ka, isang kumpirmasyon na hindi ka mas mababa kaysa sa ibang tao. Pero kapag nangyayaring muli ang ganoong sitwasyon, sinasabi mo pa rin sa iyong sarili, “Hindi ako pwedeng magsalita nang basta-basta lang, gumawa ng anuman nang pabigla-bigla, o maging katatawanan. Wala akong kwenta, ako ay estupido, hangal, at mangmang. Kailangan kong matuto kung paano magtago at makinig lang, hindi magsalita.” Mula rito ay makikita natin na simula sa punto ng pag-usbong ng pakiramdam ng pagiging mas mababa hanggang sa kapag malalim na itong nakabaon sa kaibuturan ng puso ng isang tao, hindi ba’t napagkakaitan siya ng sarili niyang kalooban at ng mga lehitimong karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos? (Oo.) Napagkaitan siya ng mga bagay na ito. Sino mismo ang nagkait sa kanya ng mga ito? Hindi mo masabi nang tiyak, hindi ba? Wala sa inyo ang makapagsasabi nang tiyak. Ito ay dahil, sa buong prosesong ito, hindi ka lamang biktima, kundi ikaw rin ang salarin—ikaw ang biktima ng ibang tao, at ikaw rin ang biktima ng iyong sarili. Bakit ganoon? Kasasabi Ko lang na ang isang dahilan ng pag-usbong sa iyo ng pakiramdam ng pagiging mas mababa ay nanggagaling sa sarili mo mismong mga obhektibong dahilan. Sapagkat nagsimula ka nang magkaroon ng kamalayan sa sarili, ang iyong batayan sa paghusga sa mga pangyayari at bagay-bagay ay nagmula sa pagtitiwali ni Satanas, at ang mga pananaw na ito ay ikinintal sa iyo ng lipunan at ng sangkatauhan, at ang mga ito ay hindi itinuro sa iyo ng Diyos. Samakatuwid, kailanman o saan mang konteksto umuusbong ang pakiramdam mo ng pagiging mas mababa, at gaano man kalubha na ang iyong pakiramdam ng pagiging mas mababa, ikaw ay walang magawang nakagapos at kontrolado ng mga damdaming ito, at ginagamit mo ang mga pamamaraang ito na ikinintal sa iyo ni Satanas sa pagharap mo sa mga tao, pangyayari, at bagay sa iyong paligid. Kapag malalim na nakatanim sa iyong puso ang mga damdamin ng pagiging mas mababa, bukod sa may matinding epekto ito sa iyo, pinangingibabawan din ng mga ito ang iyong mga pananaw sa mga tao at bagay-bagay, at ang iyong asal at mga kilos. Kaya paano tinitingnan ng mga taong iyon na pinangingibabawan ng mga damdamin ng pagiging mas mababa ang mga tao at bagay-bagay? Itinuturing nila na mas mahusay ang ibang tao kaysa sa kanila, at iniisip din nilang mas mahusay sa kanila ang mga anticristo. Kahit na may masasamang disposisyon at masamang pagkatao ang mga anticristo, tinatrato pa rin nila ang mga ito bilang mga tao na dapat tularan at mga huwarang mapagkukuhanan ng aral. Sinasabi pa nga nila sa kanilang sarili, “Bagamat mayroon silang masamang disposisyon at pagkatao, matalino sila at mas mahusay sila sa gawain kaysa sa akin. Komportable nilang naipapakita ang kanilang mga kakayahan sa harap ng iba at nakapagsasalita sila sa harap ng napakaraming tao nang hindi namumula o kumakabog ang dibdib. Talagang malakas ang loob nila. Wala akong binatbat sa kanila. Hindi ako ganoon katapang.” Ano ang nagdulot nito? Sa katunayan, dapat sabihin na ang isang dahilan ay na naapektuhan ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ang iyong paghusga sa mga diwa ng mga tao, pati na ang iyong perspektiba at pananaw pagdating sa pagturing sa ibang tao. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganoon nga.) Kaya paano nakakaapekto ang mga pakiramdam ng pagiging mas mababa sa kung paano ka umaasal? Sinasabi mo sa sarili mo: “Ipinanganak akong mangmang, nang walang mga kaloob o kalakasan, at mabagal akong matuto sa lahat ng bagay. Tingnan mo ang taong iyon: Bagamat minsan ay nagdudulot siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, at kumikilos nang pabasta-basta at walang ingat, kahit papaano ay mayroon siyang mga kaloob at kalakasan. Saan ka man magpunta, siya ang uri ng tao na nais gamitin ng mga tao, at hindi ako ganoon.” Sa tuwing may anumang nangyayari, ang una mong ginagawa ay hatulan ang iyong sarili at ilayo ang iyong sarili. Anuman ang isyu, umaatras ka at umiiwas na magkusa, at natatakot kang umako ng responsabilidad. Sinasabi mo sa iyong sarili, “Ipinanganak akong hangal. Saan man ako magpunta, walang natutuwa sa akin. Hindi ko pwedeng ilagay ang sarili ko sa alanganing sitwasyon, hindi ko dapat ipakitang-gilas ang aking mga mumunting abilidad. Kung irerekomenda ako ng isang tao, pinatutunayan niyon na maayos naman ako. Pero kung walang magrerekomenda sa akin, hindi tama na magkusa akong sabihing kaya kong akuin ang trabaho at gawin ito nang maayos. Kung wala akong kumpiyansa sa sarili ko tungkol dito, hindi ko pwedeng sabihin na may kumpiyansa ako—paano kung magkamali ako, ano na lang ang gagawin ko? Paano kung iwawasto ako? Talagang mapapahiya ako! Hindi ba’t nakakahiya iyon? Hindi ko maaaring hayaan na mangyari iyon sa akin.” Tingnan mo—hindi ba’t nakaapekto ito sa iyong asal? Ang iyong saloobin at asal ay medyo naiimpluwensyahan at nakokontrol ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa. Maaaring sabihin na ito ang bunga ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa.

Sa ilalim ng impluwensya ng pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa, paano ito nakakaapekto sa iyong pananaw sa iba’t ibang uri ng tao, kung sila man ay mga taong may pagkatao, may katamtamang pagkatao, o wala talagang pagkatao o masama ang pagkatao? Wala sa iyong mga pananaw sa mga tao ang naaalinsunod sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, lalong hindi nakakatugon ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos. Kasabay nito, sa ilalim ng impluwensya nitong pakiramdam ng pagiging mas mababa, pinipili mong maging maingat, mapagbantay at kimi sa iyong pag-asal, at madalas ay pasibo at nalulumbay ka. Wala kang masigasig na determinasyon o motibasyon na kumilos, at kapag nakadarama ka man ng positibo at aktibong kagustuhan at nais mong magtrabaho nang kaunti, iniisip mo, “Hindi ba ako nagiging arogante nito? Hindi ba’t inaangat ko ang sarili ko? Ipinagmamalaki ang sarili ko? Nagpapakitang-gilas? Hindi ba’t naghahangad ako ng katayuan dito?” Hindi mo malaman kung ano ba mismo ang kalikasan ng sarili mong mga kilos. Ang mga lehitimong pangangailangan, inaasam, determinasyon, at mga ninanais ng sangkatauhan, gayundin iyong mga pwede mong pagsumikapan na matamo, na siyang tama at na dapat mong ginagawa, sa puso mo, maraming beses mong babaguhin ang mga ito at pagninilayan ang mga ito. Kapag hindi ka makatulog sa gabi, paulit-ulit kang magninilay-nilay, “Dapat ko bang akuin ang gawaing iyon? Pero hindi ako ganoon kahusay, hindi ako maglalakas-loob na gawin ito. Hangal ako at mahina ang utak ko. Wala akong mga kaloob na mayroon ang taong iyon, ni ang kakayahan niya!” Kapag kumakain ka, iniisip mo, “Tatlong beses silang kumakain sa isang araw at ginagampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin, at may kabuluhan ang kanilang buhay. Kumakain ako nang tatlong beses sa isang araw ngunit hindi ko ginagawa nang maayos ang tungkulin ko, at walang anumang halaga ang buhay ko. Nagkakautang ako sa Diyos, at sa aking mga kapatid! Hindi nararapat sa akin at hindi ko dapat kainin ang kahit isang pinggan ng pagkain.” Kapag masyadong duwag ang isang tao, wala siyang kwenta, at wala siyang naisasakatuparang anumang bagay. Anuman ang mangyari sa kanila, kapag nahaharap sa kaunting paghihirap ang mga duwag na tao, umaatras sila. Bakit nila ito ginagawa? Ang isang dahilan ay na idinulot ito ng kanilang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Dahil pakiramdam nila ay mas mababa sila, hindi sila naglalakas-loob na humarap sa mga tao, ni hindi nila maako ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat nilang akuin, hindi rin nila maako ang mga bagay na kaya naman talaga nilang maisakatuparan sa saklaw ng sarili nilang abilidad at kakayahan, at sa saklaw ng karanasan ng sarili nilang pagkatao. Ang pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa ay nakakaapekto sa bawat aspeto ng kanilang pagkatao, naaapektuhan nito ang kanilang personalidad, at siyempre, naaapektuhan din nito ang kanilang katangian. Kapag may ibang tao sa paligid, madalang nilang ipinapahayag ang sarili nilang mga pananaw, at halos hindi mo sila naririnig na nililinaw ang sarili nilang pananaw o opinyon. Kapag nahaharap sila sa isang isyu, hindi sila naglalakas-loob na magsalita, sa halip, palagi silang umiiwas at umaatras. Kapag kaunti ang tao roon, nakakaya nilang maging matapang na umupo kasama ang mga ito, pero kapag marami ang tao, naghahanap sila ng isang sulok at doon pumupunta kung saan malamlam ang ilaw, hindi naglalakas-loob na lumapit sa ibang tao. Sa tuwing nararamdaman nila na nais nilang positibo at aktibong magsabi ng isang bagay at magpahayag ng sarili nilang mga pananaw at opinyon para ipakita na tama ang kanilang iniisip, ni wala man lang silang lakas ng loob na gawin iyon. Sa tuwing sila ay may gayong mga ideya, sabay-sabay na lumalabas ang kanilang pakiramdam ng pagiging mas mababa, at kinokontrol, sinasakal sila nito, sinasabi sa kanila na, “Huwag kang magsabi ng kahit na ano, wala kang silbi. Huwag mong ipahayag ang mga pananaw mo, sarilinin mo na lang ang mga ideya mo. Kung mayroong anumang bagay sa puso mo na nais mo talagang sabihin, itala mo na lang ito sa computer at pag-isipan mo ito nang mag-isa. Hindi mo dapat hayaang malaman ito ng sinuman. Paano kung may masabi kang mali? Sobrang nakakahiya iyon!” Sinasabi palagi ng tinig na ito sa iyo na huwag mong gawin ito, huwag mong gawin iyon, huwag mong sabihin ito, huwag mong sabihin iyon, kaya’t nilulunok mo na lang ang bawat salitang nais mong sabihin. Kapag may bagay na nais mong sabihin na matagal mo nang pinagmuni-munihan sa iyong puso, umuurong ka at hindi naglalakas-loob na sabihin ito, o kaya ay nahihiya kang sabihin ito, naniniwala na hindi mo ito dapat sabihin, at na kapag ginawa mo ito, pakiramdam mo ay parang may nilabag kang tuntunin o batas. At kapag isang araw ay tahasan mong ipinahayag ang iyong pananaw, sa kaibuturan mo ay mararamdaman mo na masyado kang nababagabag at nababahala. Bagamat unti-unting naglalaho ang pakiramdam na ito ng sobrang pagkabahala, unti-unting sinusugpo ng pakiramdam mo ng pagiging mas mababa ang mga ideya, intensyon, at plano na mayroon ka kaya nais mong magsalita, magpahayag ng sarili mong mga pananaw, maging normal na tao, at maging katulad lang ng lahat. Iyong mga hindi nakakaintindi sa iyo ay naniniwala na hindi ka palasalita, na tahimik ka, mahiyain, at isang taong ayaw mamukod-tangi. Kapag nagsasalita ka sa harap ng maraming tao, nahihiya ka at namumula ang mukha mo; medyo hindi ka palakibo, at ikaw lang talaga ang nakakaalam na pakiramdam mo ay mas mababa ka. Puno ang puso mo ng ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa at matagal mo nang nararamdaman ito, hindi ito isang pansamantalang pakiramdam. Sa halip, mahigpit nitong kinokontrol ang iyong mga kaisipan mula sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, mahigpit nitong tinatakpan ang bibig mo, kaya gaano man katama ang pagkaunawa mo sa mga bagay-bagay, o anuman ang mga pananaw at opinyon mo sa mga tao, pangyayari at bagay, naglalakas-loob ka lang na pag-isipan ang iba’t ibang anggulo nito sa puso mo, hindi ka kailanman naglalakas-loob na magsalita nang malakas para marinig ng iba. Sasang-ayunan man ng iba ang sinasabi mo, o itatama, o pupunahin ka, hindi ka maglalakas-loob na harapin o makita ang gayong kalalabasan. Bakit ganito? Ito ay dahil ang pakiramdam mo ng pagiging mas mababa ay nasa loob mo, nagsasabi sa iyo na, “Huwag mong gawin iyan, hindi mo iyan kaya. Wala kang ganyang kakayahan, wala kang ganyang realidad, hindi mo dapat gawin iyan, sadyang hindi ka ganyan. Huwag kang gumawa o mag-isip ng kahit ano ngayon. Magiging totoo ka lang sa sarili mo kung mamumuhay ka sa pagiging mas mababa. Hindi ka kuwalipikadong hangarin ang katotohanan o buksan ang puso mo at sabihin ang nais mo at makipag-ugnayan sa iba gaya ng ginagawa ng ibang tao. At iyon ay dahil hindi ka mahusay, at hindi ka kasinghusay nila.” Ang ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa ang umaakay sa pag-iisip ng mga tao; pinipigilan sila nitong isakatuparan ang mga obligasyon na dapat gampanan ng isang normal na tao at ipamuhay ang buhay ng normal na pagkatao na dapat nilang ipinamumuhay, samantalang itinuturo rin nito ang mga pamamaraan, direksyon at mga layon ng kung paano nila itinuturing ang mga tao at bagay-bagay, paano sila umaasal at kumikilos. Kahit na naniniwala sila na dapat silang maging matapat na tao at natutuwa silang maging matapat na tao, ngunit kailanman ay hindi sila naglalakas-loob na ipahayag sa mga salita o gawa ang kanilang hangarin na maging isang matapat na tao upang makapasok sa buhay ng pagiging isang matapat na tao. Dahil sa pakiramdam nila ng pagiging mas mababa, hindi man lang sila naglalakas-loob na maging isang matapat na tao—ganap na wala silang matibay na loob. Kapag may sinasabi man silang matapat, dali-dali nilang tinitingnan ang mga tao sa paligid nila, at iniisip na, “Hinuhusgahan na ba nila ako? Iisipin ba nila na, ‘Sinusubukan mo bang maging isang matapat na tao? Hindi kaya gusto mo lang maging matapat na tao para maligtas ka? Hindi ba’t paghahangad lang ito na mapagpala?’ Naku, hindi ako mangangahas na magsabi ng kahit ano. Lahat sila ay maaaring magsalita nang matapat, ako lang ang hindi. Hindi ako kasingkuwalipikado gaya nila, ako ang pinakamababa.” Nakikita natin mula sa mga partikular na pagpapamalas at pagbubunyag na ito na sa sandaling ang isang negatibong emosyon na ito—ang pakiramdam ng pagiging mas mababa—ay magsimulang umepekto at mag-ugat sa kaibuturan ng puso ng mga tao, kung gayon, maliban sa kung hahangarin nila ang katotohanan, magiging napakahirap para sa kanila na pawiin ito at makawala sa kontrol nito, at makokontrol sila nito sa lahat ng kanilang gagawin. Bagamat hindi nasisiguro na isang tiwaling disposisyon ang pakiramdam na ito, nagdulot na ito ng malubhang negatibong epekto; malubha nitong pinipinsala ang kanilang pagkatao at may malaking negatibong epekto ito sa iba’t ibang emosyon at sa pananalita at mga kilos ng kanilang normal na pagkatao, kasama ang mga napakalulubhang kahihinatnan. Ang maliit na impluwensya nito ay makakaapekto sa kanilang katangian, mga kagustuhan at inaasam; ang malaking impluwensya nito ay makakaapekto sa kanilang mga layon at direksyon sa buhay. Sa mga sanhi ng pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa, sa proseso nito at sa mga kahihinatnan na idinudulot nito sa isang tao, sa alinmang aspeto mo ito titingnan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat bitawan ng mga tao? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Tingin ko ay hindi ako mas mababa at wala ako sa ilalim ng anumang uri ng pangongontrol. Wala pang sinuman ang pumukaw ng galit ko o nangmaliit sa akin, wala ring sinuman ang nakapigil na sa akin. Malayang-malaya akong namumuhay, kaya hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala ako nitong pakiramdam ng pagiging mas mababa?” Tama ba iyon? (Hindi, minsan ay may ganoon pa rin kaming pakiramdam ng pagiging mas mababa.) Maaaring sa isang antas ay nasa iyo pa rin ito. Maaaring hindi nito pinangingibabawan ang kaibuturan ng iyong puso, pero sa ilang senaryo ay maaari itong lumitaw anumang oras. Halimbawa, nakasalubong mo ang isang taong iniidolo mo, isang taong higit na mas may talento kaysa sa iyo, isang taong mas maraming natatanging kasanayan at kaloob kaysa sa iyo, isang taong mas dominante kaysa sa iyo, isang taong mas mapanupil kaysa sa iyo, isang taong mas masama kaysa sa iyo, isang taong mas matangkad at mas kaakit-akit kaysa sa iyo, isang taong may katayuan sa lipunan, isang taong mayaman, isang taong mas mataas ang pinag-aralan at katayuan kaysa sa iyo, isang taong mas matanda at mas matagal nang nananalig sa Diyos, isang taong may higit na karanasan at realidad sa kanyang pananalig sa Diyos, at pagkatapos ay hindi mo mapigilan ang paglitaw ng pakiramdam mo ng pagiging mas mababa. Kapag lumilitaw ang pakiramdam na ito, ang iyong “pamumuhay nang napakalaya” ay naglalaho, nagiging kimi ka at pinanghihinaan ka ng loob, pinag-iisipan mong mabuti kung ano ang sasabihin, nagiging hindi natural ang ekspresyon ng mukha mo, nararamdaman mong napipigilan ka sa iyong mga salita at kilos, at nagsisimula kang magpanggap. Ang mga ito at ang iba pang pagpapamalas ay nangyayari dahil sa paglitaw ng iyong pakiramdam ng pagiging mas mababa. Siyempre, panandalian lang ang ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa, at kapag lumitaw ang pakiramdam na ito, kailangan mo na lang suriin ang iyong sarili, matutong kumilatis, at hindi magpakontrol dito.