Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago Na ang Disposisyon ng Isang Tao (Unang Bahagi)
Ngayon, may ilang tao na buong magdamag na nagtatrabaho at nakalilimutan nang kumain o matulog kapag isinasagawa nila ang kanilang tungkulin, nagagawa nilang supilin ang laman, na maghimagsik laban sa pisikal na paghihirap, kahit pa nga magtrabaho nang may sakit sila. Bagamat may mga ganito silang katangiang pangtubos, at mabubuti at matutuwid silang tao, may mga bagay pa rin sa kanilang mga puso na hindi nila nagagawang maisantabi: kasikatan, pakinabang, katayuan, at banidad. Kung hindi nila kailanman maisasantabi ang mga bagay na ito, mga tao ba silang naghahangad ng katotohanan? Kitang-kita naman ang sagot. Ang pinakamahirap na bahagi ng paniniwala sa Diyos ay ang pagkamit ng isang pagbabago sa disposisyon. Maaaring kaya mong habambuhay na manatiling walang-asawa, o kaya ay hindi kailanman kumain ng masusustansyang pagkain o magsuot ng magagandang damit; sinasabi pa nga ng ilang tao, “Hindi mahalaga kung magdusa ako buong buhay ko, o kung malungkot ako buong buhay ko, kaya kong tiisin ito—nang nasa tabi ko ang Diyos, walang-wala ang mga bagay na ito.” Madali para sa kanila na mapagtagumpayan at lutasin ang ganitong pisikal na pasakit at paghihirap. Ano ang hindi madali para sa kanila na mapagtagumpayan? Ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan lamang ng pagpigil sa sarili. Kayang magtiis ng tao ng pisikal na paghihirap para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, para matugunan ang mga layunin ng Diyos, at makapasok sa kaharian sa hinaharap—pero ang kakayahan bang magdusa at magbayad ng halaga ay nangangahulugang nagbago na ang kanilang mga disposisyon? Hindi. Para sukatin kung may pagbabago ba sa disposisyon ng isang tao, huwag tingnan kung gaano karaming pagdurusa ang kaya niyang tiisin o kung gaano kaganda ang kanilang pag-uugali sa panlabas. Ang tanging paraan para masukat nang tama kung ang disposisyon ng isang tao ay nagbago ay ang tingnan ang mga mithiin, mga motibo, at mga intensyon sa likod ng kanyang mga ikinikilos, ang mga prinsipyong sinusunod niya sa pagkilos at pangangasiwa sa gawain, at ang kanyang saloobin sa katotohanan.
Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, ang ilan ay hindi na naghahangad ng mga makamundong uso o nagbibigay-pansin sa kanilang mga kasuotan at hitsura. Nagagawa nilang magdusa at magsikap, at supilin at maghimagsik laban sa laman. Ngunit kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at nakikisalamuha sila sa iba at humaharap sa mga bagay-bagay, bihira silang maging matapat. Ayaw nilang maging matapat, lagi nilang ninanais mamukod-tangi at makilala, at may hangarin sa likod ng lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa. Gumagawa sila ng masusi, metikulosong pagkakalkula upang maipakita sa mga tao kung gaano sila kabuti, makuha ang loob ng mga tao, at mahikayat ang mga taong paboran at sambahin sila, hanggang sa puntong sa kanila na lalapit at maghahanap ang mga tao sa tuwing may mangyayari sa mga ito. Sa paggawa nito, nagpapasikat sila. Ano ang disposisyong kanilang ibinubunyag? Isa itong satanikong disposisyon. Marami bang taong tulad nito? Ganito ang lahat ng tao. Sa panlabas, pinanghahawakan nila ang lahat ng regulasyon, nagagawa nilang magdusa nang kaunti, at medyo handa silang maggugol ng kanilang sarili. Nagagawa nilang bitiwan ang ilang makamundong bagay, mayroon silang kaunting determinasyon at kagustuhang hangarin ang katotohanan, at nakapaglatag na sila ng pundasyon sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Kaya lamang ay nananatiling di-nagbabago ang kanilang tiwaling disposisyon. Hindi talaga sila nagbago. Kahit na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito maisagawa. Iyon ang kahulugan ng hindi talaga pagbabago. Ang pagkilos nang matigas ang ulo sa lahat ng bagay ay ang paraan ng pag-uugali ng mga nabubuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon. Kapag mali ang hangarin sa likod ng kanilang mga kilos, hindi sila nagdarasal sa Diyos, o itinatanggi ang sarili nilang kalooban, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi rin sila naghahanap mula sa iba o nakikipagbahaginan sa mga ito. Ginagawa nila ang anumang naisin nila, ang anumang magustuhan nila; kumikilos sila nang walang-ingat at walang pagpipigil. Maaaring mukhang hindi sila gumagawa ng kasamaan, ngunit hindi rin nila isinasagawa ang katotohanan. Sinusunod nila ang sarili nilang kalooban sa kanilang mga kilos at namumuhay sila sa loob ng isang satanikong disposisyon. Nangangahulugan itong wala silang pagmamahal sa katotohanan o wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi sila nabubuhay sa harap ng Diyos. Maaaring nauunawaan nga ng iba sa kanila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, ngunit hindi nila ito maisagawa. Ito ay dahil hindi nila madaig ang sarili nilang mga pagnanasa at ambisyon. Malinaw na nalalaman nilang mali ang kanilang ginagawa, na isa itong paggambala at panggugulo, na kamuhi-muhi ito sa Diyos, subalit paulit-ulit nila itong ginagawa, iniisip na, “Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala? Ano ang mali sa paghahangad ko sa mga pagpapala? Medyo marami na rin akong dinanas sa mga taon ng pananampalataya ko sa Diyos; isinuko ko ang aking trabaho at tinalikuran ang aking mga kinabukasan sa mundo upang matamo ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Batay lamang sa lahat ng pagdurusang tiniis ko, dapat akong alalahanin ng Diyos. Dapat Niya akong pagpalain at pagkalooban ng magandang kapalaran.” Ang mga salitang ito ay naaangkop sa kagustuhan ng mga tao. Ganito mag-isip ang lahat ng taong sumasampalataya sa Diyos—pakiramdam nila ay hindi ganoon kalaking problema ang pagiging bahagyang kontaminado ng hangaring magtamo ng mga pagpapala. Ngunit kung pag-iisipan mong mabuti ang mga salitang ito, nakaayon ba ang alinman sa mga iyon sa katotohanan o sa bahagi ng katotohanang realidad? Ang lahat ng pagtalikod at pagdurusang ito ay mga uri lamang ng mabubuting pag-uugali ng tao. Ang mga kilos na ito ay kontrolado ng hangaring magtamo ng mga pagpapala, at hindi pagsasagawa ng katotohanan. Kung gagamitin ng isang tao ang mga moral na pamantayan ng tao upang sukatin ang pag-uugali ng mga taong ito, maituturing silang masipag at matipid, masikap at matatag. Kung minsan, sa labis na pagkaabala nila sa kanilang trabaho ay nakalilimutan na nilang kumain at matulog, at handa pa nga ang ilan sa kanila na magsauli ng mga nawawalang gamit sa mga may-ari nito, na maging matulungin at mapagkawanggawa, na tratuhin ang iba nang may pang-unawa at pagkabukas-palad, na hindi maging kuripot o maselan, at na ipamigay pa nga ang mga pinakagusto nilang gamit sa iba. Ang lahat ng pag-uugaling ito ay pinupuri ng tao, at kinikilala sila bilang mabubuting tao. Ang gayong mga tao ay mukhang maluwalhati, kahanga-hanga, at karapat-dapat sa pagsang-ayon; sa kanilang mga kilos, may moral silang integridad, patas at makatwiran. Sinusuklian nila ang mga kabutihan ng iba at pinahahalagahan ang kapatiran, hanggang sa puntong isasakripisyo nila ang kanilang sarili para sa sinuman sa kanilang mga kaibigan, at magtitiis ng pagdurusa at gagawin ang lahat para sa pinakamalalapit sa kanila. Bagaman maraming tao ang maaaring pumuri sa ganitong uri ng mabuting tao, kaya ba talaga ng mga taong ito na tanggapin ang katotohanan at isagawa ito? Talaga bang ibubuwis nila ang kanilang buhay upang dakilain at patotohanan ang Diyos? Hindi naman talaga. Kung gayon, matatawag ba silang mabuting tao? Kung sinusubukan mong tukuyin kung ang isang tao ay natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, o kung nagtataglay siya ng katotohanang realidad, magiging tumpak ba na lagi siyang suriin batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, etika at moralidad ng tao? Aayon ba ito sa katotohanan? Kung ang mga kuru-kuro, imahinasyon, etika, at moralidad ng tao ang katotohanan, hindi na kakailanganin ng Diyos na ipahayag ang katotohanan kung gayon, hindi na rin Niya kakailanganing isagawa ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kailangan mong makita nang malinaw na ang mundo at ang sangkatauhan ay malupit at masama, na ganap na walang katotohanan ang mga iyon, at na kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos. Kailangan mong makita nang malinaw na ang Diyos lamang ang katotohanan, na tanging ang Kanyang mga salita ang makapaglilinis sa tao, na tanging Siya ang makapagliligtas sa tao, at na kahit gaano pa kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito ang katotohanang realidad, at lalo pang kinukulang ng mismong katotohanan. Bagaman lumaganap at nakilala na sa mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito, ang mga ito ay hindi ang katotohanan, at kailanman ay hindi magiging gayon, at walang anumang mababago ang mga ito. Ang isang tao ba na magsasakripisyo sa kanyang sarili para sa kanyang mga kaibigan at gagawin ang lahat para sa mga ito ay mahihikayat mong tanggapin ang Diyos at ang katotohanan? Talagang hindi, dahil ang taong iyon ay isang ateista. Mahihikayat mo ba ang isang taong puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na magtamo ng tunay na pagpapasakop sa Kanya? Talagang hindi, dahil kapag puno ng mga kuru-kuro ang isang tao, napakahirap para sa kanyang tanggapin at magpasakop sa katotohanan. Mahihikayat ba ng gaano man karaming mabuting pag-uugali ang isang tao na tunay na magpasakop sa Diyos? Kaya ba niyang tunay Siyang mahalin? Makapagpupuri at makapagpapatotoo ba siya sa Kanya? Talagang hindi niya magagawa iyon. Matitiyak mo bang ang lahat ng mangangaral at gagawa para sa Panginoon ay tunay na magmamahal sa Diyos? Imposible talaga iyon. Kaya, kahit gaano pa karaming mabuting pag-uugali ang gawin ng isang tao, hindi ito nangangahulugang tunay na siyang nagsisi at nagbago, at lalong hindi ito nangangahulugang nagbago na ang kanyang disposisyon sa buhay.
Dapat ninyong matutuhang tukuyin kung ano ang mabuting asal, at kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan at pagkakamit ng pagbabago sa inyong disposisyon. Ang pagbabago ng inyong disposisyon ay may kalakip na pagsasagawa ng katotohanan, pakikinig sa mga salita ng Diyos, pagpapasakop sa Kanya, at pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita. Kaya ano ang dapat gawin ng isang tao para makapagsagawa at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos? Halimbawa, may dalawang tao na malapit na malapit na magkaibigan. Natulungan na nila ang isa’t isa noon, magkasama na nilang nalampasan ang mahihirap na sandali, at itataya nila ang kanilang buhay para iligtas ang isa’t isa. Pagsasagawa ba iyon ng katotohanan? Iyon ay kapatiran, iyon ay pagsasakripisyo ng iyong sarili para sa iba, mabuti iyong asal, pero hindi iyon ganap na pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay tungkol sa pagkilos ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos; ito ay ang pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos. Ang mabuting asal ay pawang tungkol sa pagsasakatuparan ng mga relasyon ng laman at pagpapanatili ng mga emosyonal na ugnayan. Kaya naman, ang kapatiran, pagprotekta sa mga relasyon, pagtulong, pagpaparaya at pagpapalugod sa isa’t isa, lahat ito ay pribado at personal na bagay at walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kaya paanong pagtrato sa iba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hinihingi ng Diyos na pakitunguhan natin ang isa’t isa nang may mga prinsipyo. Kung ang isang tao ay gumawa ng mali, isang bagay na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi tayo puwedeng makinig sa kanya, sariling ama o ina man natin siya. Dapat nating panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) (Hinihingi ng Diyos na magtulungan ang mga kapatid. Kung makikita natin na may problema ang isang tao, dapat natin itong tukuyin, magbahagi tungkol dito, at magkasamang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para lutasin ito. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito natin siya tunay na natutulungan.) Nais ng Diyos na ang pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa ay nakabatay sa pundasyon ng mga katotohanang prinsipyo, anuman ang relasyon nila. Anumang labas sa mga prinsipyong ito ay hindi maituturing na pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, may ginawa ang isang tao na nakapinsala sa gawain ng iglesia na inilalantad at kinokontra ng lahat. Sinasabi ng kaibigan niya, “Hindi ninyo siya kailangang ilantad dahil lang nagkamali siya! Kaibigan niya ako; una sa lahat, dapat akong maging maunawain sa kanya; dapat akong maging mapagparaya sa kanya at tulungan siya. Hindi ko siya puwedeng ilantad gaya ng ginawa ninyo. Dapat ko siyang aluin, hindi saktan, at sasabihin ko sa kanyang hindi malaking bagay ang pagkakamali niya. Kung may sinuman sa inyo ang maglalantad sa kanya at muling magpapahirap sa kanya, ako ang makakaharap ninyo. Wala sa inyong mas malapit sa kanya kaysa sa akin. Mabuti kaming magkaibigan. Kakampihan ko siya kung kinakailangan.” Pagsasagawa ba ito ng katotohanan? (Hindi, ito ay isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) Ang pag-iisip ng taong iyon ay batay rin sa isa pang teoretikal na pundasyon: Naniniwala siya na “Tinulungan ako ng kaibigan ko sa pinakamahirap at pinakamasakit na sandali sa buhay ko. Inabandona ako ng lahat, siya lang ang nag-alaga at tumulong sa akin. Ngayon ay may problema siya, at ako naman ang tutulong sa kanya—pakiramdam ko, ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng konsensiya at pagkatao. Paano mo matatawag ang sarili mo na tao kung nananampalataya ka sa Diyos pero wala ka man lang ng ganitong katiting na konsensiya? Hindi ba’t ginagawa niyon na walang kabuluhang mga salita ang pananalig mo sa Diyos at pagsasagawa mo ng katotohanan?” Parang tama kung pakikinggan ang mga salitang ito. Karamihan ng mga tao ay hindi natutukoy ang totoong katangian ng mga ito—kahit pa ang taong nagsabi ng mga ito, na iniisip na ang motibo sa likod ng kanyang mga ikinikilos ay naaayon sa katotohanan. Ngunit tama ba ang kanyang mga ikinikilos? Ang totoo, hindi. Tingnan ninyong mabuti, ang bawat salitang sinasabi niya ay mula sa etika, moralidad, at konsensiya ng tao. Kung hahatulan siya ng isang tao batay sa etika ng tao, siya ay may konsensiya at isang tapat na tao. Mabuti siyang tao dahil sa pagtatanggol sa kanyang kaibigan nang ganito. Pero may nakakaalam ba kung anong disposisyon at diwa ang nakatago sa likod ng “mabuting tao” na ito? Hindi siya tunay na mananampalataya sa Diyos. Una sa lahat, kapag may nangyayari, hindi niya tinitingnan ang sitwasyon ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi niya hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay pinipiling tingnan ang usapin ayon sa moralidad at etika at mga kasabihan sa buhay ng mga walang pananampalataya. Itinuturing niya ang mga maling paniniwala at kabulaanan ni Satanas bilang ang katotohanan, at isinasantabi ang mga salita ng Diyos, ipinagsasawalang-bahala ang sinasabi sa mga salita ng Diyos. Sa paggawa nito, kinukutya niya ang katotohanan. Ipinapakita nito na hindi niya minamahal ang katotohanan. Pinapalitan niya ang katotohanan ng mga satanikong kasabihan sa buhay at ng mga kuru-kuro, etika, at moralidad ng tao, at kumikilos siya ayon sa mga satanikong pilosopiya. May kumpiyansa pa niyang sinasabi na ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagtugon sa mga layunin ng Diyos, na ito ang makatarungang pagkilos. Hindi ba’t ginagamit niya lang ang pagkukunwaring ito ng pagkamakatarungan upang labagin ang katotohanan? Hindi ba’t karaniwan na ang ganitong uri ng sitwasyon pagdating sa paraan ng pag-asal at pagharap ng mga tao sa mga gawain? Kapag lagi mong binibigkas ang mga salita at doktrina, nalalaman mong hindi mo taglay ang katotohanan, at na ang pagbabahagi ng katotohanan talaga ang may kabuluhan, at nalalaman mo ring sa malupit at masamang mundong ito, tanging ang mga buhay ng mga taong nakapagtamo ng katotohanan ang may pag-asa at kabuluhan. Pero kapag may nangyaring malaking kaganapang kailangan mong harapin at pagpasyahan, madarama mong ang mga pilosopiya, moralidad at etika ni Satanas ang katotohanan at kapaki-pakinabang. Sa oras na iyon, ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos, na ninanais mong hangarin, ay hindi kapaki-pakinabang. Ano ang problemang ito? Kung kaya mong kilalanin na ang salita ng Diyos ang katotohanan, bakit hindi mo ito maisagawa? Bakit hindi ka naglalakas-loob na isagawa ito? Ano ba ang ikinatatakot mo? Kinatatakutan mo ang paninirang-puri at panghuhusga ng ibang tao, ang mawala ang mga makamundong kinabukasan mo, at ang mapinsala ang mga personal mong interes. Kapag hindi mo isinagawa ang katotohanan, kapag naging isa kang mang-iiwan, at tinanggihan mo ang halaga ng katotohanan sa mga salita ng Diyos sa isang napakahalagang pagkakataon, sapat na ito upang patunayang hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan, at na sa halip ay minamahal mo ang mga pilosopiya, erehiya, at maling paniniwala ni Satanas, na hinahangad mo ang mga makamundong kinabukasan, ang mga interes ng iyong laman, at ang iyong reputasyon at katayuan. Gayumpaman ay sinasabi mong minamahal mo ang katotohanan—pagpapaimbabaw ito. Sapat na ang lahat ng ito upang ipakitang kailanman ay hindi mo tinanggap ang katotohanan o isinagawa ang katotohanan sa iyong pananampalataya sa Diyos. Kung gayon, mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? May puwang ba ang Diyos sa puso mo? Sa kabila ng karaniwan mong pagkilala sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, sa sandaling may mangyari, wala na ang Diyos sa puso mo at ang sarili mo na ang pahahalagahan mo higit sa lahat, at ituturing mo ang mga ugnayan ng tao, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga etikal na panuntunan at sawikain, at ang mga pamantayan ng konsensiya at moralidad bilang katotohanan. Ang mga bagay na ito, na nabibilang kay Satanas, ay naging mga pamalit na para sa katotohanan sa iyong puso—kaya hindi ba’t lumala ka na? Ganap mo na ngayong pinagtaksilan ang Diyos at lubos ka nang nasadlak sa kadiliman.
Maraming tao ang masyadong naging abala sa maraming taon na sumampalataya sila sa Diyos, kaya bakit hindi sila nagtataglay ng katotohanang realidad? Sa katunayan, ang ugat ng problema ay hindi minamahal ng mga taong iyon ang katotohanan. Kung sasabihin mo sa kanilang hindi nila minamahal ang katotohanan, madarama nilang naagrabyado sila, ngunit sa totoo, makatwiran ba ang hinanakit nilang ito? Hindi, hindi ito makatwiran. Kahit gaano pa karaming sermon ang napakinggan ng mga taong iyon o gaano pa karaming doktrina ang naunawaan nila, hindi nila isasagawa ang katotohanan pagdating ng panahon; hindi sila kumikilos, humaharap sa mga usapin, o humaharap sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at palagi silang may mga sariling opinyon. Kapag may nakikipag-usap sa Akin, laging sinasabi ng taong ito na, “Pakinggan Mo ako, hayaan Mo akong ipahayag ang perspektiba ko; ito ang perspektiba ko, ito ang ibig kong sabihin,” at, “Gusto kong kumilos nang ganito, maaari bang pakinggan Mo ako?” Alam Ko ang ibig mong sabihin kahit hindi mo iyon sinasabi; hindi mo kailangang palaging ikuwento ang ibig mong sabihin, hindi ito ang katotohanan, at ang pagsasabi rito nang malinaw ay hindi nangangahulugang ito ang katotohanan. Kung naniniwala kang taglay mo na ang katotohanan mula nang ipanganak ka, bakit sumasampalataya ka pa rin sa Diyos? Kung likas mo nang nauunawaan ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos—na para bang naiintindihan mo ang lahat ng katotohanan at ikaw mismo ang katotohanan at makalulutas ng lahat ng problema—kung gayon, bakit sumasampalataya ka pa rin sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ikaw ang laging tama at nagdedesisyon ng lahat? Bakit ayaw mo akong pakinggan?” Anong uri ng mga salita ang mga ito? Pagkatapos kang pakinggan sa loob ng napakaraming taon, wala pa Akong narinig na ni isang salitang tama o nakaayon sa katotohanan, kaya bakit Ako dapat makinig sa iyo? Gusto Kong makarinig ng ilang medyo tamang pananaw mula sa tao. Makatitipid Ako ng kaunting pag-iisip at enerhiya rito, ngunit wala Akong anumang naririnig. Ang naririnig Ko lamang ay mga maling paniniwala at mapaghimagsik na mga salita, pagmamaktol at negatibong pananalita; ang lahat ng ito ay taliwas sa katotohanan, kaya bakit Ko ito papakinggan? Kung pipilitin ang lahat na pakinggan ka, magrerebelde sila sa Diyos, lalaban sa Diyos, at sasalungat sa Langit, susunod silang lahat kay Satanas at sa huli ay mamamatay. Kung pakikinggan mo ang Aking mga salita at pag-iisipan ang Aking mga salita, mauunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong humarap sa Diyos, at tahakin ang daan tungo sa kaligtasan. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makapagliligtas sa mga tao, at tanging sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, pagsasagawa sa katotohanan, at pagkakaroon ng pagpapasakop sa Diyos matatamo ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos. Hindi madali para sa mga taong tanggapin ang katotohanan. Kapag kapiling Ko ang mga tao, nais Kong marinig kung paano nakapasok ang mga kapatid sa katotohanan kamakailan; kung ano ang mga naging pag-usad nila sa pagkilatis sa mga tao, pangyayari, at bagay at sa pagsasagawa sa katotohanan; kung kumusta ang kanilang mga kondisyon; kung nabaligtad at nabago na ba nila ang mga mali nilang kalagayan; kung gaano karami ang kaalaman nila sa mga tiwaling disposisyon nila; kung gaano karaming pagkaunawa sa kanilang mga sarili ang natamo nila mula sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon nila; kung gaano karami sa mga maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos ang nawala; at kung gaano karami ang nadagdag sa kaalaman nila sa Diyos. Nais Kong marinig ang mga karanasan at kaalamang ito, ngunit sa kasamaang-palad, karamihan sa mga tao ay hindi kayang magkaroon ng ganitong uri ng patotoong batay sa karanasan. Wala silang katotohanang realidad, at bumibigkas lamang sila ng hungkag na mga salita at doktrina; mga baluktot, at may kinikilingang salita, at reklamo; kung hindi ay mga salitang sumusubok na magpasikat sa kanila at mang-angkin ng pagkilala at maghanap ng mga gantimpala. Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman Ko kapag naririnig Ko ang mga iyon? Gaganda ba ang timpla Ko sa mga iyon? (Hindi.) Napakadalang magsabi ng mga tao ng anumang tungkol sa kanilang praktikal na karanasan at kabatiran sa katotohanan, sa mga salitang nagpapagaan sa kalooban ng mga tao matapos marinig ang mga iyon, at kung wala ang mabubuting salitang iyon, kung hindi pag-aangkin ng pagkilala at paghahanap ng gantimpala ang mga salitang binibigkas ng mga tao, mga hindi nauugnay, hungkag na mga salita naman iyon. Kailangan mo ba Akong kausapin tungkol sa mga hungkag na doktrinang iyon? Halos hindi mo na nga malihis ang mga mangmang na tao sa pagsasalita tungkol sa mga doktrinang iyon, kaya hindi ba’t walang katwiran na sabihin sa Akin ang tungkol sa mga iyon? Kapag nakikipagkuwentuhan ang ilang tao sa Akin, lagi silang nagkukuwento tungkol sa mga maling espirituwal na doktrina, at kapag nagtatalakay ng kung anong usapin, lagi nilang sinasabing, “Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, inorden itong lahat ng Diyos.” Iniisip nilang hindi espirituwal ang pagsasalita tungkol sa panlabas na mga aktibidad at na ang kaalaman lamang kung paano magsalita tungkol sa mga espirituwal na doktrina ang espirituwal. Kapag nagsasabi Ako sa kanila ng ilang praktikal na salita at kinakausap sila tungkol sa mga detalye ng pamumuhay, hindi nila ito iniintindi; gusto lang nilang makarinig ng mabubulaklak na sermon at magagarbong espirituwal na doktrina. Nagtataglay ba ng realidad ang mga taong tulad nito? Bukod sa wala silang realidad, ganap na wala pa silang katwiran. Tunay silang mga mapagmataas at walang-alam na tao.