Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan (Ikalawang Bahagi)
Upang hangarin ang katotohanan, dapat mong suriin ang iyong sarili sa lahat ng bagay, para makita kung aling mga katotohanan ang wala sa iyo, na pumipigil sa iyo na ganap na magpasakop sa Diyos, na matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, at na tapat na gumawa ng iyong tungkulin. Pagkatapos ay dapat mong sangkapan kaagad ang sarili mo ng mga katotohanang iyon na wala sa iyo, para bukod sa kikilos ka nang pasok sa pamantayan, kasabay niyon ay gagawin mo rin ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Ang ilang tao ay mapagpalugod ng mga tao, hindi nila isinusumbong o inilalantad ang iba kapag nakikita nilang gumagawa ng masasamang bagay ang mga ito. Sila ay madaling pakisamahan at madaling maimpluwensiyahan. Nagpapasakop sila sa mga huwad na lider at mga anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman, at palagi silang nakikipagkompromiso, walang pinapanigan. Kung titingnan, tila mayroon silang pagkatao—hindi sila kumikilos nang may kalabisan, at mayroon silang kaunting konsiyensiya at katwiran—pero kadalasan, tahimik lang sila at hindi nagpapahayag ng kanilang mga ideya. Ano ang masasabi mo sa gayong mga tao? Hindi ba’t tuso sila at mapanlinlang? Ganito talaga ang mga mapanlinlang na tao. Kapag may nangyayari, maaaring hindi sila nagsasalita o nagpapahayag ng anumang pananaw nang basta-basta, kundi laging nananahimik. Hindi ito nangangahulugan na sila ay makatwiran; bagkus, nagpapakita ito na magaling siyang magpanggap, na may itinatago siya, na malalim ang kanyang katusuhan. Kung hindi ka nagtatapat sa kahit sino man, makakapagtapat ka ba sa Diyos? At kung hindi ka sinsero, kahit sa Diyos, at hindi ka nakakapagtapat sa Kanya, maiaalay mo ba ang puso mo sa Kanya? Tiyak na hindi. Hindi ka maaaring maging kaisa sa puso ng Diyos, kundi iwinawalay mo ang iyong puso sa Kanya! Nagagawa mo bang magtapat at sabihin kung ano talaga ang nasa puso mo kapag nakikipagbahaginan ka sa iba? Kung laging sinasabi ng isang tao kung ano ang tunay na nilalaman ng puso niya, kung magsasalita siya nang tapat, kung magsasalita siya nang diretsahan, kung siya ay taos, at hindi talaga pabaya o walang gana habang gumaganap sa kanyang tungkulin, at kung kaya niyang isagawa ang katotohanang nauunawaan niya, may pag-asa ang taong ito na matamo ang katotohanan. Kung laging pinagtatakpan ng isang tao ang kanyang sarili at itinatago ang nilalaman ng kanyang puso para hindi iyon makita nang malinaw ninuman, kung nagbibigay siya ng maling impresyon para linlangin ang iba, siya ay nasa matinding panganib, siya ay nasa malaking gulo, magiging napakahirap para sa kanya na makamit ang katotohanan. Makikita ninyo sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at sa kanyang mga salita at gawa kung ano ang kanyang mga inaasam. Kung ang taong ito ay laging nagkukunwari, laging mahangin, hindi siya isang taong tumatanggap ng katotohanan, at ibubunyag siya at palalayasin sa malao’t madali. Aling landas ang tinatahak ninyong lahat? Hindi kailanman isang pagkakamali ang tumahak sa landas ng isang matapat na tao! Maaaring sabihin ng ilang tao: “Kapag nagbabahagi ka sa mga kapatid tungkol sa katotohanan, bakit mo sinasabi sa kanila ang saloobin ng puso mo? Hindi ba’t kahangalan iyon?” o, “Sa paglalantad ng masasamang tao at hindi mananampalataya, hindi ba’t napapasama mo ang loob ng mga tao? Hindi maaaring maging masyadong hangal ang mga mananampalataya sa Diyos!” Ano ang mararamdaman mo pagkatapos marinig ang mga salitang ito? Dapat mong sabihin na: “Ang maging matapat na tao, magsalita ng totoo, at ang pagsunod sa mga prinsipyo ay matalino, tiyak na hindi ito kahangalan. Ito ang katotohanang dapat isagawa ng mga lumalapit sa Diyos. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat magpasakop at magbigay-kasiyahan sa Diyos sa lahat ng bagay. Tama ang magbahagi tungkol sa katotohanan at buksan ang puso mo. Kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan, dapat kang magsalita tungkol sa tunay mong kalagayan. Magiging mabuti iyon sa iba at kapaki-pakinabang sa iyo. Ang paglalantad sa masasamang tao at walang pananampalataya ay responsabilidad ng mga hinirang ng Diyos. Magagawa mo ba nang maayos ang tungkulin mo kung natatakot kang mapasama ang loob ng iba? Ang mga hinirang ng Diyos ay dapat sumunod sa katotohanang prinsipyo, ilantad ang masasamang tao, at ilantad ang mga walang pananampalataya. Ang pagiging matapat na tao ay ang pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa mga prinsipyo. Ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, pati na ang mga hindi sumusunod sa mga prinsipyo, ay hindi matatapat na tao.” Ano ang tingin mo sa pagpapabulaanang ito? Ano man ang isipin ng ibang tao, hindi maaaring magbago ang mga mananampalataya sa Diyos mula sa pagiging isang matapat na tao o sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Hindi sila maaaring maimpluwensiyahan o mapigilan ng mga huwad na lider, anticristo, o walang pananampalataya. Sa lahat ng oras, dapat nilang sundin ang Diyos at makinig sa Kanyang mga salita, at maging matapat na tao alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Ito ay tama. Paano dapat magsagawa ang isang tao upang maging isang matapat na tao? Dapat madalas siyang magnilay-nilay sa sarili, para makita kung sa aling mga bagay pa rin siya maaaring nagbubunyag ng kanyang sinungaling, madaya, at mapanlinlang na disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng pagkakilala sa kanyang sarili, sa kanyang mga mapagsinungaling na intensiyon, at sa kanyang mapanlinlang at tiwaling disposisyon niya magagawang talikdan ang laman at unti-unti siyang magiging isang matapat na tao. Ang mga taong hindi nagtatapat ng laman ng kanilang puso kahit kailan, na laging sinusubukang magkubli at magtago ng mga bagay-bagay, na nagpapanggap na sila ay kagalang-galang, na gustong tingalain sila ng iba, na hindi tinutulutan ang iba na lubos silang masukat, na nagnanais na hangaan sila ng iba—hindi ba’t hangal ang mga taong ito? Pinakahangal ang mga taong ito! Iyon ay dahil sa malao’t madali ay malalantad ang totoo tungkol sa mga tao. Anong landas ang kanilang tinatahak sa ganitong klase ng pag-uugali? Ito ang landas ng mga Pariseo. Nanganganib ba ang mga mapagpaimbabaw o hindi? Ito ang mga taong pinakakinamumuhian ng Diyos, kaya sa tingin mo ba ay nanganganib ang mga ito o hindi? Lahat ng Pariseong iyon ay tumatahak sa landas tungo sa kapahamakan!
Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu para liwanagan ka upang maunawaan mo ang isang bagay, minsan ay mabilis itong nangyayari, samantalang sa ibang mga pagkakataon, matagal-tagal munang ipararanas sa iyo ng Banal na Espiritu ang isang karanasan bago ka unti-unting pahintulutang maunawaan ito. Hindi naman sa walang humihingi sa iyo na danasin ito, o na tapos na Siya matapos kang tulutang maunawaan ang mga salita at doktrina. Ayon ba sa anong mga prinsipyo gumagawa ang Banal na Espiritu? Gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagsasaayos ng iyong kapaligiran at pagsasaayos ng mga tao, pangyayari, at bagay para tulutan kang gumulang sa pamamagitan ng mga ito at dahan-dahang maunawaan ang katotohanan habang dinaranas mo ang mga ito. Kapag binigyan ka Niya ng ilang simpleng salita para pukawin o liwanagan ka, o bigyan ka ng kaunting liwanag, hindi pa Siya tapos. Bagkus, tinutulutan ka Niyang matuto ng mga leksiyon, at unti-unting lumago sa pamamagitan ng pagdanas ng bawat bagay, iba-ibang kapaligiran, at iba-ibang tao, pangyayari, at bagay upang unti-unti mong maunawaan ang katotohanan, at makapasok sa realidad. Samakatuwid, gumagawa ang Banal na Espiritu sa isang napakanatural na prinsipyo; gumagawa Siya nang lubos na alinsunod sa natural na disenyo ng pag-unlad ng tao, nang hindi gumagamit ng anumang pamimilit. Ayon sa prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu, kung ang isang tao ay wala man lang ng pinakamababang halaga ng katwiran at konsiyensiya ng tao na dapat mayroon siya, maaari ba niyang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu? Makakamit ba niya ang patnubay at kaliwanagan ng Diyos? Talagang hindi. Ano ang ibig kong sabihin dito? Laging sinasabi ng mga tao na hinahangad nila ang katotohanan, na dapat nilang mas maunawaang mabuti ang katotohanan, pero may nakaligtaan sila, na dapat nilang ibigay ang kanilang mga puso sa Diyos. Iniisip nila na: “Kahit ano pa man ang pagkatao ko, may konsiyensiya man ako o wala, isinusuko ko man ang puso ko sa Diyos o hindi, mas hahanapin ko na lang ang katotohanan, mas makikinig sa mga sermon, magbabasa ng marami pang salita ng Diyos, at madalas na magbabahagi tungkol sa katotohanan. At habang ginagawa ko ang tungkulin ko, mas magsisikap ako at mas magdurusa, at magiging maayos din ito.” Pero hindi napagtatanto at hindi alam ng gayong tao ang pinakapangunahing kaalaman. Naiintindihan na ba ninyo kung ano ang pinakamababang dapat taglayin ng isang tao kung nais nilang maunawaan at makamit ang katotohanan? (Konsiyensiya at katwiran.) Sa madaling salita, ang pinakamaliit na dapat gawin, dapat magkaroon ang isang tao ng matapat na puso. Tanging ang mga may tapat na puso ang kayang tumanggap sa katotohanan, magpasakop sa mga plano ng Diyos, at gumawa ng kanilang tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Kung wala kang tapat na puso, hindi mo matutupad ang mga hinihingi ng Diyos, at hindi mo rin magagawa nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkakaroon ng matapat na puso? Ibig sabihin nito ay wala kang pagkatao—isa kang diyablo. Ano ang mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng isang matapat na puso? Sa pinakamababa, dapat may mabuting pagkatao ang isang tao. Kapag ang isang tao ay may mabuting pagkatao, tunay na puso, konsiyensiya, at katwiran, ang mga ito ay hindi walang kabuluhan o malalabong bagay na hindi nakikita o nahahawakan, ngunit sa halip ang mga ito ay mga bagay na maaaring matuklasan kahit saan sa pang-araw-araw na buhay; lahat ng ito ay mga bagay ng realidad. Sabihin na ang isang tao ay mahusay at perpekto: Isa ba iyong bagay na nakikita mo? Hindi mo makita, mahawakan, o kahit makinita kung ano ang maging perpekto o dakila. Ngunit kung sasabihin mong makasarili ang isang tao, nakikita mo ba ang mga kilos ng taong iyon—at tumutugma ba siya sa paglalarawan? Kung ang isang tao ay sinasabing matapat na may tunay na puso, nakikita mo ba ang pag-uugaling ito? Kung ang isang tao ay sinasabing mapanlinlang, buktot, at napakasama, nakikita mo ba ang mga bagay na iyon? Kahit na ipikit mo ang iyong mga mata, maaari mong maramdaman kung ang pagkatao ng isang tao ay normal o kasuklam-suklam sa pamamagitan ng kung ano ang sinasabi niya at kung paano siya kumikilos. Samakatuwid, hindi isang walang kabuluhang parirala ang “mabuti o masamang pagkatao.” Halimbawa, ang pagiging makasarili at napakasama, kabuktutan at panlilinlang, pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay lahat ng bagay na maaari mong maunawaan sa buhay kapag nakaugnayan mo ang isang tao; ito ang mga negatibong elemento ng pagkatao. Kaya, maaari bang ang mga positibong elemento ng pagkatao na dapat taglayin ng mga tao—tulad ng katapatan at pagmamahal sa katotohanan—ay mapansin sa pang-araw-araw na buhay? Kung ang isang tao man ay may kaliwanagan ng Banal na Espiritu; kung makatatanggap man siya ng patnubay ng Diyos; kung taglay man niya ang gawain ng Banal na Espiritu—nakikita mo ba ang lahat ng bagay na ito? Natutukoy mo ba ang lahat ng ito? Ano ang mga kondisyong dapat mataglay ng isang tao para matamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, matanggap ang patnubay ng Diyos, at makakilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay? Dapat magkaroon siya ng tapat na puso, mahalin ang katotohanan, hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at maisagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan na niya ito. Kapag mayroon ng mga kondisyong ito, ibig sabihin ay may kaliwanagan ng Banal na Espiritu, nagagawang maunawaan ang mga salita ng Diyos, at madaling naisasagawa ang katotohanan. Kung ang isang tao ay hindi tapat na tao at hindi nagmamahal sa katotohanan sa kanyang puso, mahihirapan siyang matamo ang gawain ng Banal ng Espiritu, at kahit pa ibahagi mo sa kanya ang katotohanan, wala iyong kahahantungan. Paano mo masasabi kung tapat na tao ang isang tao? Hindi mo lang dapat tingnan kung nagsisinungaling ba siya at nandaraya, kundi ang pinakamahalaga ay tingnan kung nagagawa ba niyang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito. Iyon ang pinakasusi. Noon pa ma’y nagpapalayas na ng mga tao ang sambahayan ng Diyos, at sa puntong ito, marami na ang pinalayas. Hindi sila matatapat na tao, lahat sila’y mapanlinlang na mga tao. Minahal nila ang mga bagay na hindi matutuwid, hindi talaga nila minahal ang katotohanan. Kahit gaano karaming taon na silang naniwala sa Diyos, hindi nila maunawaan ang katotohanan o mapasok ang realidad nito. Lalo namang walang kakayahan ang mga gayong tao na totohanang magbago. Samakatuwid, hindi talaga maiiwasan na sila’y palayasin. Kapag nakakahalubilo mo ang isang tao, ano ang una mong titingnan? Tingnan mo kung tapat ba siya sa salita at sa gawa, kung minamahal ba niya ang katotohanan at kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan. Napakahalaga ng mga ito. Madali mong makikita ang diwa ng isang tao hangga’t kaya mong matukoy kung isa ba siyang tapat na tao, kung nagagawa ba niyang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito. Kung ang bibig ng isang tao ay puno ng matatamis na salita, ngunit wala siyang totoong ginagawa—kapag dumating na ang oras para gumawa ng isang bagay na totoo, iniisip lamang niya ang kanyang sarili at hindi ang iba—anong klase ng pagkatao ito? (Pagiging makasarili at pagiging napakasama. Wala siyang pagkatao.) Madali ba para sa isang tao na walang pagkatao na magkamit ng katotohanan? Mahirap ito para sa kanya. Kapag nahaharap siya sa isang panahon ng pagdurusa o kailangang niyang magbayad ng kaunting halaga, iniisip niya, “Mauna na muna kayo sa lahat ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga na ito, at pagkatapos na halos nakamit na ang mga resulta, susunod na ako.” Anong uri ng pagkatao ito? Ang gayong mga pag-uugali ay kilalang lahat bilang “kawalan ng pagkatao.” Ang lahat ay may tiwaling disposisyon, ngunit sa pagharap sa isang isyu, ang konsiyensiya ng ilang tao ay gumagana at nakakaramdam sila ng paninisi sa sarili, kaya nagagawa nilang kumilos ayon sa kanilang konsiyensiya. Kahit na hindi nila sinasabing, “Hinahanap ko ang katotohanan at kailangan kong maging mabuting tao,” nagsisimula sila sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang gumaganang konsiyensiya, at nagagawa nilang sabihin, nang umaasa sa kanilang konsiyensiya, “Kailangang maging karapat-dapat ako sa biyaya at pagpili ng Diyos.” Kaya kapag gumagana ang kanilang konsiyensiya, naisasagawa na ba nila ang katotohanan? Hindi ito tiyak, ngunit kung kahit papaano ay mayroon sila ng kagustuhang ito, nagiging madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan, na siyang pinakapangunahing pundasyon para makamit ng mga tao ang katotohanan. Kapag nahaharap sa panganib, inaalala lang ng ilang tao ang magtago. Ang ilan ay pinoprotektahan ang iba at walang pakialam sa sarili nila. Kapag may nangyayari sa kanila, ang ilang tao ay nagtitiis, at ang ilan ay lumalaban. Ito ay mga pagkakaiba sa pagkatao. Kaya anong uri ng tao ang malamang na magkakamit ng katotohanan? Maraming tao ang gumawa ng matatatag na kapasiyahan sa harap ng Diyos, at nanumpa na ibibigay sa Kanya ang kanilang buong buhay, na gugugulin nila ang kanilang sarili para sa Kanya, at walang hahangaring kapalit. Gayunpaman, ang mga taong may masamang pagkatao ay palaging nag-aagawan para sa pakinabang, hindi kailanman nagbibigay o nagtitiis, at hindi kailanman kumikilos ayon sa budhi. Madali ba para sa isang tulad nito na magkamit ng katotohanan? Madali ba para sa kanya na magawang perpekto ng Diyos? (Hindi.) Kaya anong uri ng tao ang madaling magawang perpekto ng Diyos at magkamit ng katotohanan? (Mga taong may mabuting pagkatao.) Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pagiging matatas at wais sa lahat ng iyong nakakasalamuha, at panghihikayat sa lahat na magsabi nang maganda tungkol sa iyo. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Ito ay ang magawang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan. Ito ay ang pagharap sa tungkulin at iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at mga bagay nang may mga prinsipyo at pagpapahalaga sa responsabilidad. Ito ay malinaw na nakikita ng lahat; ang lahat ay maliwanag tungkol dito sa kanilang puso. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at inaalam ang kanilang sitwasyon, bawat isa sa kanila; kahit sino pa sila, walang makakaloko sa Diyos. Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, na hindi sila kailanman nagsasabi nang masama tungkol sa iba, hindi kailanman pinipinsala ang mga interes ng sinuman, at sinasabi nilang hindi sila kailanman naghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipili pa nga nilang dumanas ng kawalan kaysa samantalahin ang iba, at iniisip ng lahat ng iba na mabubuti silang tao. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang sarili nilang mga kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang mga kapakanan. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Anong uri ng pagkatao ito? Hindi ito mabuting pagkatao. Huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng gayong mga tao; dapat ninyong tingnan ang kanilang ipinamumuhay, ang kanilang ibinubunyag, at ang kanilang saloobin kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, pati na ang kanilang kalagayang panloob at ang kanilang minamahal. Kung ang pagmamahal nila sa sarili nilang katanyagan at pakinabang ay nakahihigit sa kanilang katapatan sa Diyos, kung ang pagmamahal nila sa kanilang sariling katanyagan at pakinabang ay nakahihigit sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung ang kanilang pagmamahal sa sarili nilang katanyagan at pakinabang ay nakahihigit sa konsiderasyong ipinapakita nila para sa Diyos, nagtataglay ba ang gayong mga tao ng pagkatao? Hindi sila mga taong may pagkatao. Nakikita ng iba at ng Diyos ang kanilang paggawi. Napakahirap para sa gayong mga tao na matamo ang katotohanan.
Ngayon, naiintindihan ba ninyong lahat kung anong uri ng mga tao ang nakakapagkamit ng katotohanan? Lahat ay handang hangarin ang katotohanan, lahat sila ay nananalig sa Diyos, nagtitipon at nakikinig sa mga sermon, gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, ngunit bakit pagkatapos ng ilang taon, nakakapagsalita ang ilang tao tungkol sa kanilang mga testimonya ng karanasan at nakakapagpatotoo sila tungkol sa Diyos, samantalang ang ilang tao ay wala man lang testimonya ng karanasan, ni hindi nila nagagawa nang maayos ang anumang tungkulin? Ano ang ipinagkaiba? Sa totoo lang, ang kaibahan nila ay nasa kanilang pagkatao. Ang ilang tao ay may konsiyensiya at katwiran, samantalang ang iba ay wala; ang ilang tao ay mahal ang katotohanan, samantalang ang iba ay hindi. Kaya, anong uri ng tao ang madaling makakakamit sa katotohanan? (Mga taong taos-puso sa Diyos, matapat, may pagkatao, at may konsiyensiya at katwiran.) Napakahalaga nito. Ngayong naiintindihan ninyo iyon, dapat ninyong isaalang-alang ito: May kaugnayan ba ang pagkaunawa at pagkamit ng katotohanan sa hitsura, kakayahan, antas ng edukasyon, sirkumstansiya ng kapanganakan, edad, sitwasyon ng pamilya, mga talento, o mga propesyonal na kasanayan na pinagkadalubhasaan ng mga tao? Masasabing sa esensiya ay hindi nauugnay ang mga ito. Ang ilang tao ay may mahinang kakayahan, pero sila mismo ay lubos na maaasahan. Ibinubuhos nila ang buong lakas na mayroon sila, hindi nagpapakatuso at nanlilinlang, at sila ay masigasig at umaako ng responsabilidad sa mga bagay-bagay. Kapag nagkakamali sila, nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan at magsagawa nang ayon sa mga prinsipyo; kapag nahihirapan sila, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan. Lalong bumubuti ang mga resulta ng paggawa ng kanilang tungkulin, at bagamat minamaliit sila ng matatalinong tao, gusto ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Kapag nagbibigay ng biyaya ang Diyos sa mga tao at tinutulutan silang maunawaan ang katotohanan, hindi Niya tinitingnan ang kanilang hitsura, antas ng edukasyon, kalidad ng kanilang kakayahan, o ang kanilang kahusayan sa pagsasalita—hindi tinitingnan ng Diyos ang alinman sa mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako magaling magsalita, pero nakakakita ako ng mga taong napakahusay sa kanilang pananalita. Hindi ako matangkad, at karaniwan lang ang hitsura ko. Hindi ako nakapag-aral, at hindi rin masyadong mahusay. Hindi ba’t ibig sabihin niyon ay katapusan ko na?” Anong klaseng pag-iisip ito? Hindi ba’t maling pagkaunawa ito sa Diyos? Hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi ninyo nauunawaan ang kalooban ng Diyos? (Ganoon na nga.) Hindi ba mapanghimagsik ang mga taong nagtataglay ng perspektibong ito? Talagang hindi nila nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Iniisip nila na ang lahat ng inililigtas at ginagawang perpekto ng Diyos, o binibigyang-liwanag at inaakay Niya, ay matatalino, na nakakapagsalita sila nang napakahusay, na mayroon silang malawak na edukasyon at kaalaman, na lahat sila ay henyo, at na gusto sila ng Diyos. Hindi ba’t paninirang-puri ito laban sa Diyos? Hindi talaga nila nauunawaan ang pag-iisip ng Diyos! Palaging sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay matuwid at na nakikita Niya ang puso ng mga tao, pero kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Mas naiintindihan na ba ninyo ngayon? Ano ang nakikita ng Diyos kapag tinitingnan Niya ang mga tao? Nakikita Niya ang kanilang puso. Lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga tao ay kontrolado ng kanilang puso. Kung matapat ang puso mo, magkakaroon ka ng mabuting pagkatao. Unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, medyo matutugunan mo ang mga hinihingi ng Diyos, at magagawa mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Kung masyadong mapanlinlang ang puso mo, sarado, at matigas, kung makasarili ka, walang mabuting pagkatao, at palaging naiipit sa mga kuru-kuro, ipinagpapalagay kung paano dapat kumilos ang Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang Diyos at hindi kailanman naaarok ang Kanyang kalooban kapag nahaharap ka sa isang bagay na hindi akma sa mga kuru-kuro mo, makakamit mo ba ang katotohanan? Hindi mo makakamit ito. Sa huli, kapag hindi mo makamit ang katotohanan, sisisihin mo ba ang sarili mo, ang iba, o ang Diyos, sasabihin mo bang hindi patas ang Diyos? (Sisisihin namin ang aming sarili.) Tama, sisisihin mo ang sarili mo. Kaya ano ang dapat gawin ng isang taong tulad nito para makamit ang katotohanan? Dapat niyang hanapin ang katotohanan at isagawa ito, at dapat siyang kumilos at magsagawa sa mga partikular na paraan. Kung nakakaunawa siya nang hindi nagsasagawa, hindi pa rin niya makakamit ang katotohanan. Kapag nakikitaan ka ng pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa sarili mong pakinabang, at natatanto mo iyon, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang unang bagay na dapat mong mabatid ay na sa diwa, ang pagkilos sa ganitong paraan ay isang paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, nakakapinsala ito sa gawain ng iglesia, ito ay makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali, hindi ito ang nararapat gawin ng mga tao na may konsiyensiya at katwiran. Dapat mong isantabi ang sarili mong mga interes at pagkamakasarili, at dapat mong isipin ang gawain ng iglesia—iyan ang kalooban ng Diyos. Matapos magdasal at pagnilayan ang iyong sarili, kung tunay mong natatanto na ang pagkilos nang gayon ay makasarili at kasuklam-suklam, magiging madali nang isantabi ang sarili mong pagkamakasarili. Kapag isinantabi mo ang iyong pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa pakinabang, magiging matatag ka, magiging payapa, masaya, at madarama mo na dapat isipin ng taong may konsiyensiya at katwiran ang gawain ng iglesia, na hindi siya dapat matutok sa personal niyang mga interes, na siyang magiging napakamakasarili, kasuklam-suklam, at walang konsiyensiya o katwiran. Ang hindi makasariling pagkilos, pag-iisip sa gawain ng iglesia, at paggawa lamang ng mga bagay-bagay na nakalulugod sa Diyos ang matuwid at marangal, at magbibigay ng saysay sa iyong pag-iral. Sa pamumuhay nang ganito sa lupa, nagiging bukas ka at matapat, namumuhay ka nang may normal na pagkatao, at may tunay na wangis ng tao, at hindi lang malinis ang iyong konsiyensiya, kundi karapat-dapat ka rin sa lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Habang lalo kang namumuhay nang ganito, lalo kang magiging matatag, lalo kang magiging payapa at masaya, at lalo kang sisigla. Sa gayon, hindi ba’t makakatapak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos?
Malulutas man o hindi ang mga tiwaling disposisyon ng pagkamakasarili, kaimbihan, panlilinlang, at kasinungalingan ng mga tao ay nakadepende sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan o hindi. Lahat ng mga kayang tumanggap ng katotohanan ay napopoot sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kinasusuklaman nila ang pagkamakasarili at kaimbihan, at ang kanilang panlilinlang at kasinungalingan. Ayaw nilang hayaan ang mga bagay na ito na dumihan o hadlangan sila. Hangga’t natutuklasan ng mga nagmamahal sa katotohanan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, magiging madali para sa kanila na isantabi ang negatibong basura at duming ito. Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay itinuturing ang mga negatibong bagay na ito bilang kayamanan. Masyado nilang mahal ang kanilang sariling pakinabang, ayaw nilang talikdan ang laman, at masyado silang mapagmatigas. Dahil dito, hindi nila kailanman nauunawaan kung ano ang kalooban ng Diyos, ni hindi sila nakakapagpasakop sa Kanya. Dahil hindi mahal o tanggap ng mga tao ang katotohanan, nananalig sila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang may magulong pag-iisip. Kapag dumarating ang panahon na kailangan nilang magpatotoo, nauumid ang kanilang dila, at hindi sila makapagsalita ng kahit ano. Maraming taon nang nakikinig ang mga tao sa mga sermon tungkol sa katotohanan, at palaging ipinaaalam sa kanila ang disposisyon ng Diyos, kaya ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat naunawaan na ito, pero yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi handang buksan ang kanilang sarili sa harap ng Diyos. Ayaw isuko ng puso nila ang mga kagustuhan ng laman, kaya hindi sila naglalakas-loob na bastang buksan ang kanilang sarili sa Diyos. Nais lamang nilang malayang tamasahin ang biyayang ibinibigay ng Diyos sa mga tao, pero ayaw nilang isagawa ang katotohanan para palugurin ang Diyos. Sabi ng Diyos: “Kung gusto mong makamtan ang Aking biyaya, kung nais mong makamit ang mga katotohanang ito, mayroon lamang isang kondisyon—dapat mong isuko ang sarili mong pakinabang, at ibigay sa Akin ang iyong tapat na puso.” Hindi kayang tugunan ng mga tao kahit ang isang kondisyong ito, gayunpaman, gusto pa rin nilang hingin ang biyaya ng Diyos, humingi ng kapayapaan at kagalakan, at gusto nilang makamit ang katotohanan; pero ayaw nilang ibigay ang kanilang tapat na puso sa Diyos, kaya anong uri sila ng mga tao? Hindi ba’t kauri sila ni Satanas? Magagawa ba nila ang dalawa nang sabay? Sa totoo lang, hindi nila magagawa. Nauunawaan mo man o hindi ang kalooban ng Diyos, palaging hayagang ipinaaalam sa mga tao ang Kanyang disposisyon. Kung hindi kailanman tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, o kung nauunawaan niya ang katotohanan nang hindi ito isinasagawa, ito ay dahil masyado siyang mapagmatigas at hindi niya ibinigay ang puso niya sa Diyos. Kaya, hinding-hindi niya makakamit ang katotohanan, ni hindi niya malalaman ang disposisyon ng Diyos. Hindi ito dahil hindi patas ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao. Madalas na binabanggit ng mga tao ang sinabi ng Diyos na: "Tinatrato ng Diyos ang sinumang Kanyang naisin nang may biyaya," pero hindi nila naiintindihan ang kahulugan ng pariralang ito. Sa kabaligtaran, hindi nila nauunawaan ang Diyos. Iniisip nila na nagmumula ang biyaya sa Diyos, na ibinibigay Niya ito sa kung kanino Niya naisin, at na Siya ay mabuti sa kung kanino Niya nais. Totoo ba ito? Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ito ng tao? Tinatrato ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang diwa. Kapag nagagawang isaisip ng mga tao ang kalooban ng Diyos at tanggapin ang katotohanan, sila ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan at nilalabanan nila ang Diyos, magiging iba ang resulta. Sa katunayan, patas ang Diyos sa lahat at tinatrato Niya sila ayon sa mga prinsipyo, kaya lang sadyang may bahagi ng sangkatauhan na masyadong matigas ang puso, kaya dapat maging iba ang pakikitungo ng Diyos sa kanila. Ang mga bagay na ginagawa ng Diyos sa bawat tao ay iba-iba, na nagpapakitang ginagawa Niya ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa bawat tao. Halimbawa, maraming tao ang hindi lumalapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan. Nais lamang nilang umasa sa kanilang dalawang kamay para bumuo ng magandang buhay at kinabukasan para sa kanilang sarili. Nais nilang mapamunuan ang sarili nilang kapalaran at kinabukasan, at inaakala nila na ang pamumuno sa kanilang kapalaran ay nasa sarili nilang mga kamay. Hindi nila tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan o mga plano ng Diyos, ni hindi sila nagpapasakop sa Kanya, at gusto nilang ang Diyos ang magpalugod sa kanila. Kapag nadadapa sila at nabibigo, inirereklamo nila na hindi patas ang Diyos. Makatwiran ba ito? Masyado silang mangmang at mapagmatigas. Pero palagi nilang iniisip na matalino sila. Iniisip nila na: “Tinatalikuran ng ilang tao ang kanilang pamilya, at ayaw nila ng kahit ano. Ginugugol nila ang lahat ng oras nila sa paggawa ng kanilang tungkulin, ibinibigay ang kanilang tapat na puso sa Diyos, at ano ang kanilang nakukuha bilang kapalit? Hindi nila alam kung ano ang gagawin ng Diyos sa hinaharap, pero ibinibigay nila ang lahat, hindi hinahayaan ang sarili na umurong. Napakahangal ng mga taong ito! Tingnan ninyo kung gaano ako katalino, sinusunod ko ang ganitong gawi: Wala akong kinikilingan. Wala akong kailangang isuko, at wala akong kailangang ipagpaliban, at sa huli ay maliligtas din ako.” Matalino ba ang taong ito, o isa siyang hangal? (Isa siyang hangal.) Tiyak na isa siyang hangal. Kung ihahambing sa isa’t isa, ang matatalinong tao at ang mga mangmang, ang mga mapagmatigas ay naiiba sa kanilang pagkatao. Ang matatalinong tao ay may mabuting pagkatao, samantalang ang mga mangmang at mapagmatigas ay may masamang pagkatao. Ang matatalinong tao ay tumatanggap sa katotohanan, samantalang ang mga taong mangmang at mapagmatigas ay hindi, at magkaiba ang magiging kahihinatnan nila sa huli.
Sa paggawa ng tungkulin, mayroong dalawang pangunahing uri ng tao. Ang isa ay ang uri na taos-pusong gumugugol ng kanyang sarili para sa Diyos, habang ang isa naman ay ang uri na laging umiiwas sa gawain. Anong uri ng tao sa tingin mo ang pupurihin at ililigtas ng Diyos? (Yaong mga taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos.) Nais ng Diyos na makamit ang mga taong iyon na taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Kanya. Sa totoo lang, hindi marami ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Hinihiling lamang Niya na taos-pusong gagawin ng mga tao ang kanilang tungkulin; hindi Niya gustong kuhanin ang personal mong pakinabang. Binigyan kayo ng Diyos ng mga pagkakataong magsanay sa paggawa ng inyong tungkulin at sa pagpapabuti ng lahat ng uri ng talento, at ang gusto Niya ay ang sinseridad ng mga tao. Kahit saan mo gawin ang tungkulin mo o kung ano man ang tungkulin mo, ibinigay sa iyo ng Diyos ang pinakamalaking pagkakataon kung saan mapapabuti mo ang iyong mga talento at kasanayan hangga’t maaari, at sa huli, nais ng Diyos na tulutan kang makamit ang katotohanan sa lahat ng uri ng kapaligiran at tungkulin, na maunawaan ang Kanyang kalooban, at maisabuhay ang wangis ng tao. Ito ang kalooban ng Diyos. Hindi nais ng Diyos na kuhanin ang lahat sa iyo, sa halip, nais Niyang kumpletuhin ang lahat para sa iyo—gusto Niyang ibigay sa iyo ang lahat. Ang ilang tao ay palaging makitid ang utak; dahil nakapag-aral sila ng ilang propesyonal na kaalaman sa sekular na mundo, iniisip nila na kung gagawin nila ang kanilang tungkulin, mapapabayaan nila ang lahat ng kanilang propesyonal na kaalaman. Kahit na talagang hindi ito magagamit, tunay bang katumbas ito ng kawalan? Sa paggawa ng tungkulin mo ngayon, makakamit mo ang katotohanan at buhay. Kung ihahambing, alin ang mas mahalaga: ang kaunting walang silbi at napabayaang kaalaman, o ang katotohanan at buhay? Bukod pa roon, ang tunay na mga kapaki-pakinabang na bagay na natututuhan mo ay maaaring mapabuti at magamit habang ginagawa mo ang iyong tungkulin. Hindi ba’t magiging mas matatag ang memorya mo sa mga bagay na ito kung magagamit mo ang mga ito sa paggawa ng iyong tungkulin? Ang tandaan ang mga bagay na hindi mo nagagamit ay nakayayamot lang at isang abala, kaya hindi naman gaanong nakapanghihinayang kung hindi magagamit ang mga ito. Ngayon, ang mga libangan at kasanayan ninyo ay napapabuti habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin. Isa pa, habang ginagawa ninyo ang tungkulin ng isang nilalang sa panahong ito, nauunawaan ninyo ang katotohanan at nakapapasok sa tamang landas ng buhay. Kay sayang pangyayari, kay suwerte! Paano man ninyo tingnan ito, hindi ito isang kawalan. Habang sinusundan ninyo ang Diyos, inilalayo ang inyong sarili sa mga lugar ng kasalanan, at inilalayo ang inyong sarili sa mga grupo ng masasamang tao, kahit papaano ay hindi patuloy na magdurusa ang inyong puso at isipan sa pagtiwali at pagyurak ni Satanas. Nakarating ka sa isang piraso ng dalisay na lupain, nakaharap sa Diyos. Hindi ba’t napakalaking suwerte nito? Muling isinisilang ang mga tao sa magkakasunod na henerasyon, hanggang sa kasalukuyan, at gaano karaming tsansa ang mayroon sila? Hindi ba’t tanging ang mga taong ipinanganak sa mga huling araw ang may ganitong pagkakataon? Napakagandang bagay nito! Hindi ito isang kawalan, ito ay pinakamalaking suwerte. Dapat masayang-masaya ka! Bilang mga nilalang, sa lahat ng nilikha, sa ilang bilyong tao sa mundo, gaano karaming tao ang may pagkakataong makapagpatotoo sa mga gawa ng Lumikha sa kanilang identidad bilang mga nilalang, na makagawa sa kanilang tungkulin at responsabilidad sa gawain ng Diyos? Sino ang may gayong oportunidad? Marami bang taong may gayong oportunidad? Masyadong kakaunti! Ilan sila? Isa sa sampung libo? Hindi, mas kaunti pa nga! Lalo na kayo na nakakagamit ng inyong mga kasanayan at kaalaman na napag-aralan ninyo para gawin ang inyong tungkulin, hindi ba’t lubos kayong pinagpala? Hindi ka nagpapatotoo tungkol sa isang tao, at ang ginagawa mo ay hindi isang propesyon—ang Siyang pinaglilingkuran mo ay ang Lumikha. Ito ang pinakamaganda at pinakamahalagang bagay! Hindi ba’t dapat ninyo itong ipagmalaki? (Dapat nga.) Habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, natatamo ninyo ang pagdidilig at pagtustos ng Diyos. Sa gayong napakagandang sitwasyon at pagkakataon, kung wala kayong natatamong anumang mahalagang bagay, kung hindi ninyo nakakamit ang katotohanan, hindi ba kayo magsisisi habangbuhay? Kaya, dapat ninyong samantalahin ang pagkakataon na gawin ang inyong tungkulin, at huwag itong palampasin; masigasig na hangarin ang katotohanan habang ginagawa ang inyong tungkulin, at kamtin ito. Ito ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo, ang pinakamakabuluhang buhay! Walang tao o grupo ng mga tao sa lahat ng nilalang ang mas higit pang pinagpala kaysa sa inyong lahat. Para saan nabubuhay ang mga hindi mananampalataya? Nabubuhay sila para muling isilang, at para sa kagalakan ng mundo. Para saan kayong lahat nabubuhay? Nabubuhay kayo para gawin ang tungkulin ng isang nilalang. Napakalaki ng halaga ng gayong buhay! Kaya, hindi ninyo dapat maliitin ang tungkuling ginagawa ninyo, lalong hindi ninyo dapat talikuran ang tungkuling iyon. Ang gawin nang maayos ang inyong tungkulin at kumpletuhin ang atas ng Diyos—iyon lamang ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay.
Hunyo 29, 2015