Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat (Ikatlong Bahagi)
Kapag nagsimula ka sa paglalatag ng pundasyon sa iyong pananampalataya, dapat ay matatag kang pumasok sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Dapat ay nasa simulang dako ka ng pagpasok sa katotohanang realidad, hindi sa simulang dako ng pagbigkas sa mga titik at doktrina. Dapat ay nakatuon ka sa pagpasok sa katotohanang realidad, hinahanap at isinasagawa mo ang katotohanan sa lahat ng bagay, naisasagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay at nagagamit ito bilang hambingan sa lahat ng bagay. Dapat mong pag-isipan kung paano isagawa ang katotohanan, kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at kung anong uri ng pagsasagawa sa katotohanan ang makatutugon sa mga hinihingi ng Diyos at makapagbibigay-lugod sa Diyos. Gayunpaman, lubhang walang tayog ang mga tao. Palagi silang nagtatanong ng mga bagay na walang kaugnayan sa pagsasagawa ng katotohanan, na walang kaugnayan sa pagkakilala sa sarili o pagiging matapat na tao. Hindi ba’t kaawa-awa iyon? Hindi ba’t nagpapakita iyon ng mababang tayog? Tinanggap ng ilang tao ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos sa sandaling sinimulan Niya ito, at naging mga mananampalataya na hanggang sa kasalukuyang araw. Ngunit hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad, o kung ano ang pagsasagawa sa katotohanan. Sinasabi ng ilan, “Isinuko ko na ang aking pamilya at karera para sa aking pananampalataya at marami-rami na rin akong pinagdaanan. Paano Mo nasasabing wala akong anumang katotohanang realidad? Iniwanan ko na ang pamilya ko—hindi ba iyon realidad? Isinuko ko na ang asawa ko—hindi ba iyon realidad? Hindi ba’t ang lahat ng iyon ay pagpapahayag ng pagsasagawa sa katotohanan?” Sa panlabas, isinuko mo na ang sekular na mundo, at isinuko na ang iyong pamilya upang sumampalataya sa Diyos. Ngunit nangangahulugan ba iyon na nakapasok ka na sa katotohanang realidad? Nangangahulugan ba iyong isa kang matapat na tao, isang taong nagpapasakop sa Diyos? Nangangahulugan ba ito na nagbago na ang iyong disposisyon, o na isa kang taong nagtataglay ng katotohanan, o pagkatao? Talagang hindi. Ang mga panlabas na kilos mong ito ay maaaring mukhang maganda sa ibang tao—ngunit hindi nangangahulugan ang mga iyon na nagsasagawa ka ng katotohanan o nagpapasakop sa Diyos, at talagang hindi nangangahulugan ang mga iyon na pumapasok ka sa katotohanang realidad. Ang mga sakripisyo at paggugol ng mga tao ay masyadong kontaminado, at ang lahat ng tao ay kinokontrol ng hangaring makatanggap ng mga pagpapala, at hindi sila nadalisay sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Iyon ang dahilan kung bakit napakarami pa rin ang wala sa loob sa kanilang mga tungkulin at hindi nakakukuha ng anumang aktuwal na resulta; nanggagambala, nanggugulo, nagpapahina at nagdudulot pa nga sila ng lahat ng uri ng problema sa gawain ng iglesia. Hindi nila iniisip na magsisi at patuloy silang nagpapalaganap ng pagiging negatibo, nagsisinungaling, at nagbabaluktot ng mga katunayan upang pangatwiranan ang sarili nilang punto, maging habang pinaaalis sila ng iglesia. May ilang taong sumasampalataya sa loob ng isa o dalawang dekada, ngunit nagwawala pa rin at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Pagkatapos ay napaaalis o natitiwalag sila ng iglesia. Ang katunayang nakagagawa sila ng napakaraming masamang bagay ay sapat nang katibayan na napakasama ng pagkatao nila, na masyado silang buktot at tuso, at talagang hindi sila walang muwang, masunurin, o mapagpasakop. Ito ay dahil kailanman ay hindi nila masyadong inalala ang pagsasagawa sa katotohanan at pagiging matapat na tao. Ang tingin nila sa pananampalataya sa Diyos ay isang usapin ng: “Basta’t isusuko ko ang aking pamilya, igugugol ang aking sarili para sa Diyos, magdurusa ako, at magbabayad ng halaga, dapat na alalahanin ng Diyos ang aking mga gawa, at dapat kong matanggap ang Kanyang pagliligtas.” Kapritso at pangarap lamang ito. Kung gusto mong matanggap ang kaligtasan at tunay na humarap sa Diyos, kailangan mo munang lumapit sa Diyos sa paghahanap: “O Diyos, ano ang dapat kong isagawa? Ano ang Iyong pamantayan sa pagliligtas ng mga tao? Anong uri ng mga tao ang inililigtas Mo?” Ito ang dapat mong hanapin at malaman higit sa lahat. Ilatag mo ang iyong pundasyon sa katotohanan, pagsikapan mo ang katotohanan at realidad sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay magiging isa kang taong nagtataglay ng pundasyon, nagtataglay ng buhay. Kung ilalatag mo ang iyong pundasyon sa mga titik at doktrina, kailanman ay hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan o pinagsisikapan ang anumang katotohanan, magiging isa kang taong kailanman ay hindi nagtataglay ng buhay. Kapag isinasagawa natin ang pagiging matapat na tao, taglay natin ang buhay, realidad, at diwa ng isang matapat na tao. Taglay natin ang pagsasagawa at ang pag-uugali ng isang matapat na tao, at kahit papaano, ang matapat na aspeto nating iyon ay magbibigay ng kagalakan sa Diyos, at sasang-ayunan Niya ito. Gayunpaman, madalas pa rin tayong nagpapakita ng mga kasinungalingan, pandaraya, at panlilinlang, na kailangang malinis. Iyon ang dahilan kung bakit kailangan nating ipagpatuloy ang paghahanap at hindi tayo manatili sa isang negatibong sitwasyon. Hinihintay tayo ng Diyos, binibigyan tayo ng pagkakataon. Kung kailanman ay hindi ka nagpaplanong maging matapat na tao, kung kailanman ay hindi mo hinahanap kung paano magsalita nang matapat at mula sa puso, kung paano gawin ang mga bagay nang walang kontaminasyon ng pandaraya o panlilinlang, kung paano umasal na gaya ng isang matapat na tao, imposibleng mabuhay ka nang may matapat na wangis ng tao o pumasok ka sa katotohanang realidad ng pagiging matapat na tao. Kung nakapasok ka na sa realidad ng isang partikular na aspeto ng katotohanan, natamo mo na ang aspetong iyon ng katotohanan; kung hindi mo taglay ang realidad na iyon, hindi mo taglay ang buhay o tayog na iyon. Sa harap ng mga pagsubok at tukso, o kapag nakatatanggap ka ng isang atas, kung wala ka talagang anumang realidad, madali kang matitisod at magkakamali; malamang na magkakasala at susuway ka sa Diyos. Hindi mo matutulungan ang sarili mo. Maraming tao ang nagwawala sa kanilang mga tungkulin, tumatangging tumanggap ng payo at nananatiling hindi nagbabago, malubhang nagagambala at nagugulo ang gawain ng iglesia at malubhang napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang mga taong ito ay pinaaalis o itinitiwalag sa huli—ito ang hindi maiiwasang resulta. Ngunit kung ikaw ay kasalukuyang nagsasagawa ng katotohanan upang maging matapat na tao, ang patotoo mo ng karanasan bilang isang matapat na tao ay sinasang-ayunan ng Diyos. Walang makaaagaw niyon sa iyo, at walang makapag-aalis ng realidad na ito, ng buhay na ito sa iyo. Itinatanong ng ilang tao, “Mahabang panahon na akong naging matapat na tao. Makababalik ba ako sa pagiging tusong tao?” Kung naiwaksi mo na ang iyong tiwaling disposisyon; kung taglay mo ang katotohanang realidad ng pagiging matapat na tao; kung nagsasabuhay ka ng isang wangis ng tao at kinamumuhian ang pandaraya, panlilinlang, at ang mundo ng mga hindi mananampalataya sa iyong puso, hindi ka na makababalik sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Ito ay dahil nagagawa mong mabuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos; nabubuhay ka na sa liwanag. Hindi madali ang pagbabago mula sa isang tusong tao sa isang matapat na tao. Ang pagbabalik sa isang tusong tao mula sa pagiging matapat na tao na tunay na ikinalulugod ng Diyos ay magiging imposible, mas mahirap pa nga. Sinasabi ng ilang tao: “Mayroon akong ilang taon ng karanasan sa pagiging matapat na tao. Kadalasan ay nagsasabi ako ng totoo at medyo matapat ako. Ngunit panaka-naka ay nagsasabi ako ng bagay na hindi totoo, hindi tuwiran, o tuso.” Isa itong problemang higit na madaling ayusin. Basta’t pagtutuunan mo ang paghahanap sa katotohanan at pagsisikap para sa katotohanan, hindi mo kailangang ipag-alala ang kawalan ng kakayahang magbago sa hinaharap. Tiyak na patuloy kang bubuti. Gaya lang ng isang punlang itinanim sa lupa, kung didiligan mo ito sa oras at araw-araw ay pasisikatan ng araw, hindi mo kailangang mag-alala kung magbubunga ito kalaunan, at tiyak na magkakaroon ng ani sa taglagas. Ang dapat ninyong labis na ipag-alala ngayon ay ito: Nagkaroon na ba kayo ng pagpasok sa pagiging matapat na tao? Paunti na ba nang paunti ang inyong pagsisinungaling? Masasabi ba ninyong kayo, sa kabuuan, ay matapat na tao na ngayon? Ang mga ito ang mahahalagang katanungan. Kung sasabihin ng isang taong: “Alam kong isa akong mapanlinlang na tao, ngunit kailanman ay hindi ko pa naisasagawa ang pagiging matapat,” wala kang anumang realidad ng pagiging matapat na tao. Kailangan mong magsumikap, ilabas para sa pagsusuri ang bawat maliit na aspeto ng iyong buhay, lahat ng iba’t iba mong pag-uugali, lahat ng paraang nagsasagawa ka ng panlilinlang, at ang pagtrato mo sa iba. Bago mo suriin ang mga bagay na ito, maaaring labis kang natutuwa sa iyong sarili, labis na kontento sa iyong sarili sa iyong nagawa. Ngunit sa sandaling suriin mo ang mga iyon para ihambing sa mga salita ng Diyos, mabibigla ka, “Hindi ko napagtantong napakasama ko, napakamapaminsala at mapanganib!” Matutuklasan mo ang tunay mong pagkatao, at tunay na makikilala ang iyong mga paghihirap, iyong mga kapintasan, at ang iyong pagiging mapanlinlang. Kung hindi ka gagawa ng anumang pagsusuri, at habambuhay mong iisiping isa kang matapat na tao, isang taong walang pandaraya, subalit tinatawag mo pa rin ang sarili mong isang mapanlinlang na tao, kailanman ay hindi ka magbabago. Kung hindi mo uungkatin ang mga kasuklam-suklam, masasamang hangaring iyon sa iyong puso, paano mo makikita ang iyong kapangitan at katiwalian? Kung hindi mo pagninilayan at susuriin ang iyong mga tiwaling kalagayan, makikita mo ba ang katotohanan sa kung gaano ka kalubhang tiwali? Kapag walang anumang pagkaunawa sa iyong tiwaling disposisyon, hindi mo malalaman kung paano hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema; hindi mo malalaman kung paano hahangarin ang katotohanan at papasok sa realidad alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Iyon ang tunay na kahulugan ng pariralang: “Kailanman ay hindi ka magkakaroon ng realidad kung hindi ka nagsasagawa ng katotohanan.”
Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan—ang bawat salita ay nagtataglay ng katotohanang realidad, at ito ay pawang realidad ng mga positibong bagay. Kailangan lang ipasok ng mga tao ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga pang-araw-araw na buhay upang isagawa at pasukin. Ang bawat salitang mula sa Diyos ay patungkol sa kung ano ang kailangan ng sangkatauhan, at ang bawat salita ay upang paghambingan ng mga tao ng kanilang sarili. Hindi nakalaan ang mga ito upang pasadahan nang mabilis, ni nakalaan upang tuparin ang kung anong espirituwal mong pangangailangan, ni upang iyong sang-ayunan sa salita lamang o upang matugunan ang iyong mga pangangailangang magsalita tungkol sa mga titik at doktrina. Ang bawat salita ng Diyos ay nagtataglay ng realidad ng katotohanan. Kung hindi mo isasagawa ang mga salita ng Diyos, magiging imposible para sa iyong pumasok sa katotohanang realidad—palagi kang magiging isang taong walang kaugnayan sa realidad. Kung isasagawa mo ang pagiging matapat na tao, magkakaroon ka ng realidad ng pagiging matapat at maisasabuhay mo ang tunay na kalagayan ng pagiging matapat na tao, sa halip na maging mapagpanggap lamang. Mauunawaan mo rin kung anong uri ng tao ang matapat at anong uri ng tao ang hindi, at kung bakit kinasusuklaman ng Diyos ang mga mapanlinlang na tao. Tunay mong mauunawaan ang kabuluhan ng pagiging matapat na tao; mararanasan mo kung ano ang nararamdaman ng Diyos kapag hinihingi Niya sa mga tao na maging matapat, at kung bakit hinihingi Niya iyon sa mga tao. Kapag natuklasan mong puno ka ng katusuhan, kapopootan mo ang pagiging mapanlinlang at buktot mo. Kapopootan mo kung paanong walang kahihiyan kang nabuhay ayon sa iyong mapanlinlang at buktot na disposisyon. Pagkatapos ay masasabik kang magbago. Sa ganitong paraan, lalo mo pang madarama na ang pagiging matapat na tao ang tanging paraan upang magsabuhay ng isang normal na pagkatao at upang mabuhay nang may kabuluhan. Madarama mong labis na makabuluhan ang paghingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat. Madarama mo na matutugunan mo lamang ang kalooban ng Diyos sa paggawa nito, na tanging ang matatapat na tao ang magtatamo ng kaligtasan, at na tumpak na tumpak ang sinabi ng Diyos! Sabihin ninyo sa Akin: Makabuluhan ba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? (Oo, makabuluhan ito.) Kung gayon, simula ngayon, dapat na ninyong suriin ang mga mapanlinlang at buktot na bahagi ng inyong mga sarili. Sa sandaling masuri mo na ang mga iyon, matutuklasan mong sa likod ng lahat ng mapanlinlang na bagay ay mayroong hangarin, isang partikular na layunin, at isang kapangitan ng tao. Matutuklasan mong inihahayag ng panlilinlang na ito ang pagiging hangal, pagiging makasarili, at pagiging kasuklam-suklam ng mga tao. Kapag natuklasan mo iyon, makikita mo ang tunay mong mukha, at kapag nakita mo ang tunay mong mukha, mapopoot ka sa sarili mo. Kapag nagsimula ka nang mapoot sa iyong sarili, kapag alam mo na talaga kung anong uri ka ng tao, ipagpapatuloy mo pa ba ang pagmamalaki sa iyong sarili? Ipagpapatuloy mo pa ba ang pagyayabang sa bawat pagkakataon? Palagi ka pa bang maghahangad ng mga pagbati at papuri mula sa iba? Sasabihin mo pa rin bang masyadong mataas ang mga hinihingi ng Diyos, na hindi kinakailangan ang mga iyon? Hindi ka kikilos nang ganoon, at hindi ka magsasabi ng ganoong mga bagay. Sasang-ayunan mo ang sinasabi ng Diyos, at tutugon ng “Amen.” Makukumbinsi ang iyong puso at isip, at ang iyong mga mata. Kapag nangyari ito, nangangahulugan itong nagsimula ka na sa pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, nakapasok ka na sa realidad, at nagsimula ka nang makakita ng mga resulta. Habang lalo mong isinasagawa ang mga salita ng Diyos, lalo mong mararamdaman kung gaano katumpak at kinakailangan ang mga iyon. Kung hindi mo isasagawa ang mga iyon, bagkus ay magdadadaldal ka lang na: “Naku, sinungaling ako, mapanlinlang ako,” ipagpapatuloy mo ang pagiging mapanlinlang na gaya ng dati kapag naharap ka sa isang sitwasyon. Sa buong panahong iyon, iisipin mong hindi iyon maituturing na pagiging mapanlinlang, kundi katapatan, at ganoon mo ito malalampasan. Sa susunod na may mangyari, tatratuhin mo na naman itong parang laro. Magiging hindi tuwiran at mapanlinlang ka, at pawang kasinungalingan ang sasabihin mo. Pagkatapos, mapapaisip ka: “Naging buktot at mapanlinlang na naman ba ako? Nagsisinungaling na naman ba ako? Sa palagay ko ay hindi naman iyon maituturing na ganoon.” Haharap ka sa Diyos at magdarasal: “Diyos ko, nakikita Mo kung paanong palagi akong nandaraya, na nagpapakabuktot at mapanlinlang ako. Pakiusap, patawarin Mo ako. Hindi na ako magiging ganoon sa susunod, at kung ganoon ako, pakiusap, disiplinahin Mo ako.” Kaswal mong binabanggit ang bagay na ito, pinalalabas na hindi ito mahalaga. Anong klase ng tao ang gagawa nito? Isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi handang isagawa ang katotohanan. Maaaring nagbayad ka na ng kaunting halaga o gumugol ng kaunting oras sa pagganap sa iyong tungkulin, paglilingkod sa Diyos, o pakikinig sa mga sermon. Maaaring nakapagsakripisyo ka na rin ng kaunting oras ng trabaho at bahagyang mas maliit ang kinita mo. Subalit sa katunayan, kahit kaunti ay hindi mo naisagawa ang katotohanan, at hindi mo sineryoso ang usapin ng pagsasagawa sa katotohanan. Naging mababaw at pabaya ka, kailanman ay hindi ito pinahalagahan. Kung wala kang sigla kapag nagsasagawa ng katotohanan, pinatutunayan niyong ang saloobin mo sa katotohanan ay hindi isang saloobin ng pagmamahal. Isa kang taong hindi handang isagawa ang katotohanan; malayo at nayayamot ka sa katotohanan. Isinasagawa mo ang iyong pananampalataya upang magtamo ka ng mga pagpapala, at ang tanging dahilan kung bakit hindi mo pa iniiwan ang Diyos ay natatakot kang maparusahan. Kaya iniraraos mo lang ang iyong pananampalataya, naghahangad na mangaral ng mga salita at titik ng doktrina upang gumanda ang tingin sa iyo ng mga tao, nag-aaral ng ilang espirituwal na bokabularyo at ilang popular na himno, nag-aaral ng ilang salawikain para sa pagbabahagi ng katotohanan at ng mga terminolohiya na may kaugnayan sa iyong pananampalataya. Nagpapalamuti ka na parang isang espirituwal na tao, iniisip na isa kang taong umaayon sa kalooban ng Diyos at karapat-dapat na magamit Niya. Nagiging kampante ka at hindi mo napipigilan ang iyong sarili. Nalilinlang at naloloko ka ng mababaw na imaheng ito, ng mga mapagpaimbabaw na pag-uugaling ito. Naloloko ka ng mga ito hanggang sa ikaw ay mamatay, at bagamat iniisip mong aakyat ka sa langit, ang totoo, bababa ka sa impiyerno. Ano ang kabuluhan ng ganoong uri ng pananampalataya? Walang anumang totoo sa diumano’y “pananampalataya” mong ito. Sa pinakamabuti, kinilala mong mayroong Diyos, ngunit hindi ka nakapasok sa kahit kaunting katotohanang realidad. Kaya, sa huli, ang kahihinatnan mo ay magiging kapareho ng sa mga hindi mananampalataya—mapupunta ka sa impiyerno, nang walang magandang kahihinatnan. Sabi ng Diyos, “Ang Aking hinihingi ay hindi matitingkad at mayayabong na bulaklak, kundi saganang bunga.” Gaano man karami ang mga buklaklak mo o gaano man kaganda ang mga iyon, ayaw ng Diyos sa mga iyon. Na ang ibig sabihin, gaano ka man kabait magsalita o gaano ka man magmukhang gumugugol, nag-aambag, o nagsasakripisyo, hindi ito ang ikinagagalak ng Diyos. Ang tinitingnan lang ng Diyos ay kung gaano karaming katotohanan ang talagang naunawaan at naisagawa mo, kung gaano karaming katotohanang realidad sa mga salita ng Diyos ang naisabuhay mo, kung nagkaroon ba ng tunay na pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, kung gaano karaming tunay na karanasan at patotoo ang mayroon ka, kung gaano karaming mabubuting gawa ang naihanda mo, kung gaano karami ang nagawa mo upang matupad ang kalooban ng Diyos, at kung nagampanan mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan. Ang mga ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nila nalalaman ang Kanyang kalooban, palaging mali ang pakahulugan nila rito at binibigyan nila ang Diyos ng ilang mabababaw na bagay bilang paraan upang makabawi sa Kanya. Sinasabi nila, “Diyos ko, maraming taon na akong mananampalataya. Nakapaglakbay na ako kung saan-saan, nakapangaral ng ebanghelyo at nakapagpabalik-loob ng napakaraming tao. Kaya kong bumigkas ng ilang sipi ng Iyong mga salita at kumanta ng marami-raming himno. Kapag mayroong nangyayaring malaki o mahirap na bagay, palagi akong nag-aayuno at nagdarasal, at palagi kong binabasa ang Iyong mga salita. Paanong hindi ako umaayon sa Iyong kalooban?” Tapos ay sinasabi sa kanila ng Diyos: “Matapat na tao ka na ba ngayon? Nagbago na ba ang iyong pagiging mapanlinlang? Kahit kailan ba ay nakapagbayad ka ng anumang halaga upang maging matapat na tao? Kahit kailan ba ay iniharap mo sa Akin ang lahat ng mapanlinlang na bagay na iyong nagawa, ang lahat ng paraang nakapagpakita ka ng panlilinlang, at inilantad ang mga iyon? Nabawasan na ba ang pagsisinungaling mo sa Akin? Nakikilala mo ba kapag nagbibitiw ka ng mga huwad na panata o walang saysay na pangako sa Akin, o kapag nagsasabi ka ng magagandang bagay upang lokohin Ako? Binitiwan mo na ba ang mga bagay na ito?” Kapag pinag-isipan mo iyon at natuklasan mong hindi mo pa talaga binibitiwan ang mga bagay na ito, matitigilan ka. Maaalerto ka sa katunayang imposible kang makabawi sa harap ng Diyos. Ibinubunyag Ko ang tiwaling kalagayan ninyo upang tulutan kayong makilala ang inyong sarili; ganito karami ang sinasabi Ko upang maisagawa ninyo ang katotohanan at makapasok kayo sa realidad nito. Walang mga salita, walang pagbabahagi o mga katotohanan ang dapat na bigkasin ng mga tao sa lahat ng dako; dapat na isagawa ang mga iyon. Bakit ba palaging sinasabi sa inyong tanggapin ninyo ang katotohanan at isagawa ito? Ito ay dahil tanging ang katotohanan ang makalilinis sa inyong katiwalian at makapagpapabago sa inyong pananaw sa buhay, at sa inyong mga pinapahalagahan, at tanging ang katotohanan ang maaaring maging buhay ng isang tao. Kapag tinanggap mo ang katotohanan, kailangan mo rin itong isagawa upang maging buhay mo ito. Kung naniniwala kang nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo pa ito naisasagawa, at hindi mo pa ito nagiging buhay, imposible kang magbago. Yamang hindi mo pa tinatanggap ang katotohanan, imposibleng malinis ang iyong tiwaling disposisyon. Kung hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, hindi ka magbabago. Sa huli, kung hindi nag-ugat ang katotohanan sa iyong puso at hindi mo ito naging buhay, kapag magwawakas na ang iyong buhay bilang isang mananampalataya, pagpapasyahan na ang iyong kapalaran at kahihinatnan. Batay sa pagbabahaging ito, nakararamdam ba kayong lahat ng pagmamadali na isagawa ang katotohanan? Huwag kayong maghintay ng tatlong taon, limang taon, o higit pa, at saka lang magsimulang isagawa ito. Walang masyadong maaga o masyadong huli pagdating sa pagsasagawa sa katotohanan; kung isasagawa mo ito kaagad, magbabago ka kaagad, at kung isasagawa mo ito kalaunan, magbabago ka kalaunan. Kung mapalalagpas mo ang pagkakataon mo sa gawain ng Banal na Espiritu at sa pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan, manganganib ka pagdating ng malalaking sakuna. Pagkatapos, kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan, wala na talagang matitirang mga pagkakataon. Kung, pagkatapos mong mawalan ng pagkakataon ay sasabihin mong: “Hindi ako nagsikap noon, ngunit sisimulan ko na itong isagawa ngayon,” magiging huli na ang lahat, at malabo ka nang magawang perpekto ng Diyos. Iyon ay dahil hindi na gagawa ang Banal na Espiritu, at ang pagkaunawa mo sa lahat ng bagay, sa lahat ng katotohanan, ay magiging masyadong mababaw. Iba’t ibang uri ng sitwasyon ang nangyayari ngayon, at sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan, lumalago ang inyong pananampalataya at mas ganado na kayong sumunod sa Diyos. Kung sa loob ng ilang panahon ay walang anumang sitwasyon, tiyak na magiging negatibo kayo at hindi disiplinado, lalayo kayo nang lalayo sa Diyos. Magiging katulad kayo ng mga nasa mundo ng relihiyon, na inoobserbahan lamang ang mga pamamaraan ng mga pagtitipon at mga seremonyang panrelihiyon, lubos na hindi nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung gayon ay ano ang mapapala ninyo sa paghihinagpis at pagtangis?
Sabihin ninyo sa Akin, nakapapagod bang mamuhay kasama ang mga mapanlinlang na tao? (Oo.) Hindi ba’t napapagod din sila? Sa katunayan, pagod na rin sila, ngunit hindi nila nararamdaman ang kanilang kapaguran. Ito ay dahil magkaiba ang mga mapanlinlang at matapat na tao: Mas simple ang matatapat na tao. Hindi masyadong komplikado ang mga iniisip nila, at sinasabi nila kung ano ang iniisip nila. Sa kabilang banda, ang mga mapanlinlang na tao ay palaging kailangang magsalita nang paliguy-ligoy. Wala silang sinasabi nang diretsahan—sa halip, palagi silang nanlilinlang at pinagtatakpan nila ang kanilang mga kasinungalingan. Palagi nilang ginagamit ang kanilang mga utak, palaging nag-iisip, natatakot na kung magpabaya sila nang kahit kaunti, mayroon silang maibubunyag. Hanggang sa anong punto nanlilinlang ang mga tao? Kahit sino pa ang kasalamuha nila, palagi nilang sinusubukang alamin kung sino ang mas mapagpakana, kung sino ang mas matalino, kung sino ang nasa itaas, at sa huli ay nagiging sakit na sa pag-iisip ang pagiging mapagkumpitensya nila. Hindi sila nakatutulog sa gabi, subalit hindi sila nakararamdam ng sakit, at iniisip pa nga nilang normal ito. Hindi ba’t naging mga buhay na demonyo na sila kung gayon? Kapag nagliligtas ang Diyos ng mga tao, tinutulutan Niya silang iwaksi ang impluwensiya ni Satanas at ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maging matatapat na tao, at mabuhay ayon sa Kanyang mga salita. Ang mabuhay bilang isang matapat na tao ay nakapagpapalaya at nakagiginhawa, at higit na hindi mahirap. Ito ang pinakamaligayang buhay. Mas simple ang matatapat na tao. Sinasabi nila kung ano ang nasa kanilang mga puso, at sinasabi nila kung ano ang kanilang iniisip. Sa kanilang mga salita at kilos, sinusunod nila ang kanilang konsiyensiya at katwiran. Handa silang magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan na nila ito, isinasagawa nila ito. Kapag hindi nila maunawaan ang isang bagay, handa silang hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay ginagawa nila kung ano man ang naaayon dito. Hinahanap nila ang kalooban ng Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay sinusunod ito sa kanilang mga kilos. Maaaring mayroong ilang aspeto kung saan sila ay hangal at kailangan nilang sangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanang prinsipyo, at hinihingi nito sa kanilang patuloy na umusad. Ang pagdanas nang ganito ay nangangahulugang kaya nilang maging matatapat, matatalinong tao at lubos na umayon sa kalooban ng Diyos. Ngunit hindi ganito ang mga mapanlinlang na tao. Nabubuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon, ipinakikita ang kanilang katiwalian, subalit natatakot na makakita ang iba ng magagamit laban sa kanila sa paggawa nila niyon. Kaya, gumagamit sila ng mga buktot at mapanlinlang na pandaraya bilang tugon. Natatakot sila sa panahon kung kailan ang lahat ay mahahayag, kaya gumagamit sila ng lahat ng diskarte upang gumawa ng mga kasinungalingan at pagtakpan ang mga iyon, at kapag nagkaroon ng butas, lalo pa silang nagsisinungaling upang matakpan ito. Ang palaging pagsisinungaling at pagtatakip sa kanilang mga kasalanan—hindi ba’t nakapapagod na paraan iyon ng pamumuhay? Pinipiga nila ang utak nila palagi upang makapag-imbento ng mga kasinungalingan at mapagtakpan ang mga iyon. Napakahirap talaga niyon. Iyon ang dahilan kung bakit labis na nakapapagod at mahirap ang buhay ng mga mapanlinlang na tao na iginugugol ang kanilang mga araw sa pagbuo ng mga kasinungalingan at pagtatakip sa mga iyon! Subalit naiiba naman ang sa matatapat na tao. Bilang matapat na tao, wala masyadong kailangang isaalang-alang ang isang tao kapag nagsasalita at kumikilos. Kalimitan, nakapagsasalita lang nang matapat ang isang matapat na tao. Kapag tumutukoy ang isang partikular na bagay sa kanyang mga interes ay saka lamang siya bahagyang nag-iisip—maaari siyang magsinungaling nang kaunti upang protektahan ang kanyang mga interes, upang mapanatili ang kanyang banidad at dangal. Limitado ang ganitong mga uri ng kasinungalingan, kaya hindi gaanong nakapapagod ang pagsasalita at pagkilos para sa matatapat na tao. Ang mga hangarin ng mga mapanlinlang na tao ay higit na mas komplikado kaysa sa matatapat na tao. Masyadong masalimuot ang kanilang mga isinasaalang-alang: Kailangan nilang isaalang-alang ang kanilang katanyagan, reputasyon, pakinabang, at katayuan; at kailangan nilang protektahan ang kanilang mga interes—kailangang isaalang-alang ang lahat ng ito, nang hindi ipinakikita ang anumang kapintasan o ibinubunyag ang mga lihim sa iba, kaya kailangan nilang pigain ang kanilang utak upang makapagsinungaling. Bukod pa rito, ang mga mapanlinlang na tao ay malalaki, labis-labis ang mga kagustuhan at marami silang kahilingan. Kailangan nilang makabuo ng mga paraan upang makamit ang kanilang mga mithiin, kaya kailangan nilang ipagpatuloy ang pagsisinungaling at pandaraya, at habang mas nagsisinungaling sila, kailangan nilang pagtakpan ang mas maraming kasinungalingan. Iyon ang dahilan kung bakit higit na mas nakapapagod at mahirap ang buhay ng isang mapanlinlang na tao kaysa sa isang matapat na tao. Ang ilang tao ay medyo matapat. Kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, pagnilayan ang kanilang sarili sa kabila ng kanilang mga kasinungalingan, kilalanin ang panlalansing nagawa nila, kung anuman ito, tignan ito batay sa mga salita ng Diyos upang suriin at unawain ito, at pagkatapos ay baguhin ito, maiaalis nila sa kanilang sarili ang maraming pagsisinungaling at pandaraya sa loob lamang ng ilang taon. Pagkatapos, sila ay magiging tao na talagang matatapat. Sa pamumuhay nang ganito, bukod sa nakalalaya sila sa malaking hirap at pagod, nagdadala rin ito ng kapayapaan at kaligayahan sa kanila. Sa maraming bagay, magiging malaya sila sa mga gapos ng katanyagan, pakinabang, katayuan, banidad at pagpapahalaga sa sarili, at natural na mamumuhay nang magaan at malaya. Gayunpaman, ang mga mapanlinlang na tao ay palaging mayroong mga lihim na motibo sa likod ng kanilang mga salita at kilos. Gumagawa sila ng lahat ng uri ng kasinungalingan upang manlinlang at mandaya ng iba, at sa sandaling malantad sila, nag-iisip sila ng mga paraan upang pagtakpan ang kanilang mga kasinungalingan. Sa dami ng mga bagay na nagpapahirap sa kanila, sila man ay napapagod din sa kanilang buhay. Nakapapagod na ngang magsinungaling nang napakaraming beses sa bawat sitwasyon na kanilang kinahaharap, at ang pangangailangang pagtakpan ang mga kasinungalingang iyon pagkatapos ay higit pang nakapapagod. Ang lahat ng sinasabi nila ay naglalayong tumupad sa isang mithiin, kaya gumugugol sila ng maraming lakas ng isip sa bawat salitang kanilang binibitiwan. At pagkatapos nilang magsalita, nangangamba silang nakita mo na ang tunay nilang pagkatao, kaya kailangan din nilang mag-isip nang matindi upang maitago ang kanilang mga kasinungalingan, makulit na ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay sa iyo, sinusubukan kang kumbinsihin na hindi ka nila pinagsisinungalingan o nililinlang, na mabuti silang tao. Madalas itong gawin ng mga mapanlinlang na tao. Kapag magkasama ang dalawang mapanlinlang na tao, tiyak na magkakaroon ng intriga, alitan, at pagpapakana. Hindi matatapos ang pagtatalo, na magreresulta sa patindi nang patinding pagkapoot, at sila ay magiging mortal na magkaaway. Kung isa kang matapat na tao na may kasamang mapanlinlang na tao, tiyak na masusuklam ka sa mga pag-uugaling ito. Kung paminsan-minsan lang silang kikilos nang ganoon, sasabihin mo na ang lahat ng tao ay mayroong tiwaling disposisyon at na mahirap maiwasan ang gayong mga bagay. Subalit kung kumikilos sila nang ganoon sa lahat ng oras, labis kang maaalibadbaran at masusuklam sa ganitong mga pamamaraan; masusuklam ka sa aspeto nilang iyon at sa mga layuning mayroon sila. Kapag labis ka nang nasuklam, magagawa mo na silang kamuhian at tanggihan. Normal na normal ang bagay na ito. Hindi sila maaaring makasalamuha maliban kung magsisisi sila at magpapakita ng kaunting pagbabago.
Ano sa tingin ninyo—hindi ba’t nakapapagod ang buhay para sa mga mapanlinlang na tao? Iginugugol nila ang buong panahon nila sa pagsisinungaling, pagkatapos ay sa higit pang pagsisinungaling upang pagtakpan ang mga iyon, at sa pandaraya. Sila ang nagdudulot ng kapagurang ito sa kanilang mga sarili. Alam nila na nakakapagod mabuhay nang ganito—kaya bakit gusto pa rin nilang maging mapanlinlang, at ayaw maging matapat? Napag-isipan na ba ninyo ang tanong na ito? Isa itong kahihinatnan ng pagkakalinlang sa mga tao ng kanilang mga satanikong kalikasan; pinipigilan sila nitong talikdan ang ganitong uri ng buhay, ang ganitong uri ng disposisyon. Payag ang mga taong tanggapin ang maloko nang ganito at mamuhay rito; ayaw nilang isagawa ang katotohanan at tahakin ang landas ng liwanag. Sa palagay mo nakakapagod ang mamuhay nang ganito at na hindi kinakailangang kumilos nang ganito—ngunit iniisip ng mga mapanlinlang na tao na kailangang-kailangan ito. Iniisip nilang ang hindi paggawa rito ay magdudulot sa kanila ng kahihiyan, na mapipinsala rin nito ang kanilang imahe, kanilang reputasyon, at kanilang mga interes, at na napakalaki ng mawawala sa kanila. Pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito, pinahahalagahan nila ang sarili nilang imahe, sarili nilang reputasyon at katayuan. Ito ang tunay na mukha ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa madaling salita, kapag ayaw ng mga taong maging matapat o isagawa ang katotohanan, ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Sa mga puso nila, pinahahalagahan nila ang mga bagay na tulad ng reputasyon at katayuan, mahilig silang sumunod sa mga makamundong kalakaran, at nabubuhay sila sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Isa itong problema sa kanilang kalikasan. Mayroong mga tao ngayon na maraming taon nang naniniwala sa Diyos, na nakarinig na ng maraming sermon, at nakaaalam kung patungkol saan ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, at hindi pa sila nagbabago kahit kaunti—bakit ganito? Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Kahit pa nauunawaan nga nila nang kaunti ang katotohanan, hindi pa rin nila ito naisasagawa. Para sa gayong mga tao, kahit pa gaano karaming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, mawawalan ito ng kabuluhan. Maliligtas ba ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan? Talagang imposible ito. Ang hindi pagmamahal sa katotohanan ay isang problema sa puso ng isang tao, sa kalikasan ng isang tao. Hindi ito malulutas. Ang usapin ng kung ang isang tao ay maliligtas sa kanyang pananampalataya ay pangunahing nakasalalay sa kung minamahal niya ang katotohanan o hindi. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang kayang tumanggap sa katotohanan; tanging sila ang makatitiis ng paghihirap at makapagbabayad ng halaga alang-alang sa katotohanan, at tanging sila ang makapagdarasal sa Diyos at makaaasa sa Kanya. Tanging sila ang makapaghahanap sa katotohanan at makapagninilay at makakikilala sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, magkakaroon ng lakas ng loob upang talikdan ang laman, at makapagtatamo ng pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang makapaghahangad dito nang ganito, makatatahak sa landas ng kaligtasan, at makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Walang ibang landas maliban dito. Napakahirap nitong tanggapin para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Ito ay dahil, sa kanilang mga kalikasan, sila ay sawa na sa katotohanan at napopoot dito. Kung nais nilang tumigil sa paglaban sa Diyos o hindi gumawa ng kasamaan, labis silang mahihirapang gawin iyon, dahil sila ay kay Satanas at naging mga diyablo at kaaway na sila ng Diyos. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, hindi Niya inililigtas ang mga diyablo o si Satanas. May ilang taong nagtatanong na: “Talagang nauunawaan ko ang katotohanan. Hindi ko lang ito maisagawa. Ano ang dapat kong gawin?” Isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito maisasagawa kahit pa nauunawaan niya ito, dahil sa kaibuturan, ayaw niyang gawin iyon at hindi niya gusto ang katotohanan. Ang gayong tao ay hindi na maililigtas. Sinasabi ng ilang tao: “Sa tingin ko ay maraming mawawala sa iyo sa pagiging matapat na tao, kaya ayaw kong maging ganoon. Kailanman ay hindi nawawalan ang mga mapanlinlang na tao—nakikinabang pa nga sila sa pananamantala sa iba. Kaya mas gugustuhin kong maging mapanlinlang na tao. Ayaw kong ipaalam sa iba ang mga pribado kong gawain, na hayaan silang maintindihan o maunawaan ako. Ang aking kapalaran ay dapat na nasa sarili kong mga kamay.” Sige, kung ganoon—subukan mo iyon at tingnan mo. Tingnan mo kung anong uri ng resulta ang kahihinatnan mo; tingnan mo kung sino ang mapupunta sa impiyerno at sino ang maparurusahan sa huli.
Handa ba kayong maging matapat? Ano ang balak ninyong gawin matapos marinig ang mga pakikipagniig na ito? Saan kayo magsisimula? (Magsisimula ako sa hindi pagsisinungaling.) Ito ang tamang paraan ng pagsasagawa, ngunit hindi madali ang hindi pagsisinungaling. Kadalasan ay mayroong mga hangarin sa likod ng mga kasinungalingan ng mga tao, ngunit mayroong ilang kasinungalingang walang anumang nakatagong hangarin, hindi rin sadyang ipinlano ang mga iyon. Sa halip, likas lang na lumalabas ang mga iyon. Ang gayong mga kasinungalingan ay madaling lutasin; ang mga kasinungalingang may nakatagong hangarin ang mahirap lutasin. Ito ay dahil nagmumula ang mga hangaring ito sa kalikasan ng isang tao at kumakatawan ang mga ito sa pandaraya ni Satanas, at ang mga ito ay mga hangaring sadyang pinipili ng mga tao. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya magagawang talikdan ang laman—kaya dapat siyang manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang isyu. Pero ang pagsisinungaling ay hindi ganap na nalulutas lahat nang agad-agad. Magkakaroon ng paminsan-minsang pagbalik sa dati, maging ng marami pa ngang pagbalik sa dati. Normal na sitwasyon ito, at basta’t nilulutas mo ang bawat kasinungalingang sinasabi mo, at ipinagpapatuloy ito, darating ang araw na malulutas mo ang lahat ng mga ito. Ang paglutas sa pagsisinungaling ay isang pangmatagalang labanan: Kapag lumabas ang isang kasinungalingan, pagnilayan mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay manalangin ka sa Diyos. Kapag may isa pang lumabas, pagnilayan mo ang iyong sarili at manalangin ka muli sa Diyos. Kapag mas nananalangin ka sa Diyos, mas lalo mong kapopootan ang iyong tiwaling disposisyon, at mas lalo kang mananabik na isagawa ang katotohanan at isabuhay ito. Sa gayon, magkakaroon ka ng lakas na talikuran ang mga kasinungalingan. Pagkatapos ng isang panahon ng gayong karanasan at pagsasagawa, makikita mo na nabawasan na ang mga kasinungalingan mo, na namumuhay ka na nang mas mapayapa, at na hindi mo na kailangang magsinungaling o pagtakpan pa ang iyong mga kasinungalingan. Bagamat maaaring hindi ka gaanong magsasalita araw-araw, ang bawat pangungusap ay magmumula sa puso at magiging taos, nang may napakakaunting kasinungalingan. Ano kaya ang pakiramdam ng mamuhay nang ganoon? Hindi ba’t magiging maluwag at magaan ito sa pakiramdam? Hindi ka kokontrolin ng iyong tiwaling disposisyon at hindi ka matatali rito, at kahit papaano ay magsisimula ka nang makakita ng mga resulta ng pagiging isang matapat na tao. Siyempre, kapag nahaharap ka sa espesyal na mga pangyayari, maaaring sadya kang magsinungaling nang kaunti. Maaaring magkaroon ng mga pagkakataong mahaharap ka sa panganib o sa kung anong problema, o nanaisin mong mapanatili ang iyong kaligtasan, sa gayong mga pagkakataon ay hindi maiiwasan ang pagsisinungaling. Gayunman, kailangan mo itong pagnilayan, maunawaan at lutasin mo ang problema. Dapat kang manalangin sa Diyos at sabihin na: “Mayroon pa ring mga kasinungalingan at panlalansi sa aking kalooban. Nawa’y iligtas ako ng Diyos mula sa aking tiwaling disposisyon ngayon at magpakailanman.” Kapag sadyang gumagamit ng karunungan ang isang tao, hindi ito maituturing na paghahayag ng katiwalian. Ito ang dapat maranasan para maging matapat ang isang tao. Sa ganitong paraan, paunti-unti, mababawasan nang husto ang iyong mga kasinungalingan. Ngayon ay magsasabi ka ng sampung kasinungalingan, bukas ay maaari kang magsabi ng siyam, sa makalawa ay magsasabi ka ng walo. Kalaunan, magsasabi ka na lang ng dalawa o tatlo. Mas lalo kang magsasabi ng katotohanan, at ang pagsasagawa mo ng pagiging matapat na tao ay higit na mapalalapit sa kalooban ng Diyos, sa Kanyang mga hinihingi, at sa Kanyang mga pamantayan—at napakaganda niyon! Para magsanay sa pagiging matapat, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang pakay. Una, lutasin mo ang problema ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring suriin kung ano ang mga hangarin at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga hangarin, at kung ano ang diwa ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang maiintindihan ang problema sa pagsisinungaling, at kapag may nangyari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyong isasagawa. Kung magpapatuloy ka nang may gayong pagsasagawa at karanasan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong: “Madaling maging matapat. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging ‘tao’! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mabuhay nang ganoon!” Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging tunay na matapat, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Pambihirang tagumpay ito. Siyempre pa, maaaring may ilan sa inyo na, kapag nagsimula kayong magsagawa, ay mapapahiya pagkatapos magsalita ng matatapat na salita at maglantad ng inyong sarili. Mamumula ang inyong mukha, mahihiya kayo, at matatakot kayong mapagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na: “O Diyos, gusto ko pong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot po akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko po na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo po akong mamuhay sa Iyong mga salita, at mapalaya.” Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo: “Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, minsan na rin akong naging matapat na tao.” Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos. Gagawa siya sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang pahalagahan kung ano ang pakiramdam ng maging isang tunay na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimulang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi masasabing talagang may pananampalataya sila. Mahirap para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan dito ang kanilang mga puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at pagpapalaya. Kung mayroon kang kaunting tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, makikita mo nang malinaw ang lahat ng bagay sa mundong ito; matatanglawan ang iyong puso, at magkakaroon ka ng isang landas. Pagkatapos ay magtatamo ka ng ganap na kalayaan at kaginhawahan. Sa pagkakataong ito, mauunawaan mo ang kahulugan ng pagsasagawa sa katotohanan, pagbibigay-lugod sa Diyos, at pagiging tunay na tao—at dito, mapupunta ka sa tamang landas sa iyong pananampalataya sa Diyos.
Taglagas, 2007
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.