Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan (Ikalawang Bahagi)
Kinakailangang matutuhan kung paano ito haharapin kapag ang mga tao ay may mga problema sa pakikipagtulungan sa iba sa panahon ng kanilang tungkulin. Ano ang prinsipyo sa pagharap sa mga ito? Ano ang epektong dapat makamit? Matutong makipagtulungan nang maayos sa lahat, at makipag-ugnayan sa iba ayon sa katotohanan, salita ng Diyos, at mga prinsipyo, hindi ayon sa emosyon o kapusukan. Sa ganitong paraan, hindi ba maghahari ang katotohanan sa iglesia? Basta’t naghahari ang katotohanan, hindi ba’t mahaharap ang mga bagay sa patas at makatwirang paraan? Sa palagay ninyo hindi ba kapaki-pakinabang ang maayos na pakikipagtulungan para sa lahat? (Oo, kapaki-pakinabang ito.) Ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay lubhang kapaki-pakinabang para sa inyo. Una sa lahat, positibong nakapagpapatibay at mahalaga ito sa inyo habang ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin. Bukod pa riyan, pinipigilan nito ang paggawa ninyo ng mali, pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, at pagtahak sa landas ng mga anticristo. Natatakot ba kayong tumahak sa landas ng mga anticristo? (Oo.) May silbi ba ang matakot lamang? Wala—hindi malulutas ng takot lamang ang problema. Normal lamang ang matakot na matahak ang landas ng mga anticristo. Nagpapakita ito na ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, isang taong handang magsikap na matamo ang katotohanan at handang hangarin ito. Kung matatakutin kayo sa puso ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at ang landas ng pagsasagawa. Kailangan ninyong magsimula sa pamamagitan ng pagkatutong makipagtulungan sa iba nang maayos. Kung may problema, lutasin ito gamit ang pagbabahaginan at talakayan, upang malaman ng lahat ang mga prinsipyo, gayundin ang partikular na pangangatwiran at programa patungkol sa resolusyon. Hindi ba’t pinipigilan ka nitong magdesisyon nang mag-isa? Bukod pa riyan, kung ikaw ay may takot sa Diyos na puso, likas mong makakayang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, ngunit dapat mo ring matutuhang tanggapin ang pangangasiwa ng mga taong hinirang ng Diyos, na nangangailangan ng pagkakaroon mo ng pagpaparaya at pagtanggap. Kung may makita kang isang taong pinangangasiwaan ka, iniinspeksyon ang trabaho mo, o sinisiyasat ka nang hindi mo alam, at kung uminit ang ulo mo, ituring ang taong ito na parang kaaway at kamuhian siya, at batikusin pa siya at pakitunguhan siya na gaya ng isang traydor, inaasam-asam na mawala na siya, problema nga ito. Hindi ba’t lubhang napakasama nito? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang diyablong hari? Patas na pagtrato ba ito sa mga tao? Kung tumatahak ka sa tamang landas at kumikilos sa tamang paraan, ano ang dapat mong ikatakot sa mga taong sumisiyasat sa iyo? Kung ikaw ay natatakot, ipinapakita niyong may kung anong nagkukubli sa iyong puso. Kung alam mo sa iyong puso na may problema ka, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Makatwiran ito. Kung alam mong may problema ka, pero hindi mo hinahayaan ang sinuman na pangasiwaan ka, inspeksyunin ang trabaho mo, o siyasatin ang problema mo, lubha kang wala sa katwiran, naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos, at sa kasong ito, mas malala pa ang problema mo. Kung tutukuyin ka ng mga hinirang ng Diyos na isang masamang tao o isang walang pananampalataya, lalo pang magiging problema ang mga kahihinatnan nito. Kung kaya, ang mga kayang tumanggap ng pangangasiwa, pagsusuri, at pagsisiyasat ng iba ang mga pinakamakatwiran sa lahat, may pagpaparaya at normal na pagkatao sila. Kapag nadiskubre mong may mali kang ginagawa o may pagbuhos ka ng tiwaling disposisyon, kung nagagawa mong magtapat at makipag-usap sa mga tao, makakatulong ito sa mga nasa paligid mo para mabantayan ka nila. Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya, na isinasailalim ang iyong sarili sa palagiang pagninilay. Lalo na kapag mali ang landas na natahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag akmang kikilos o magdedesisyon ka na nang mag-isa, at binanggit ito ng isang tao sa malapit at binalaan ka, kailangan mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba iniingatan nang hindi mo alam? Iniingatan ka—iyan ang pag-iingat sa iyo. Samakatuwid, hindi ka dapat laging maging mapagbantay laban sa iyong mga kapatid o sa mga tao sa paligid mo. Huwag laging magbalatkayo o magkubli ng sarili, nang hindi tinutulutan ang iba na maunawaan ka o makita kung sino ka. Kung ang iyong puso ay laging mapagbantay laban sa iba, maaapektuhan nito ang paghahanap mo sa katotohanan, at magiging madali para sa iyo na mawala ang gawain ng Banal na Espiritu, gayundin ang maraming mga pagkakataon na magawa kang perpekto. Kung lagi kang mapagbantay laban sa iba, magkakaroon ka ng mga sikreto sa iyong puso, at hindi mo magagawang makipagtulungan sa mga tao. Magiging madali para sa iyo na gawin ang mga maling bagay at tahakin ang maling landas, at magugulat ka kapag nakagawa ka ng mga pagkakamali. Ano ang iisipin mo sa oras na iyon? “Kung alam ko lang, nakipagtulungan sana ako sa mga kapatid ko sa pagtupad sa aking tungkulin nang tama sa simula pa lang, at tiyak na hindi sana ako magkakaroon ng anumang problema. Pero dahil lagi akong natatakot na mabuko ng iba, naging mapagbantay ako laban sa iba. Ngunit sa huli, walang ibang nagkamali—ako ang nakagawa ng unang pagkakamali. Kahiya-hiya at kahangalan ang bagay na ito!” Kung magagawa mong tumuon sa paghahanap sa katotohanan, at maging bukas sa pakikipagbahaginan kasama ang iyong mga kapatid kapag nahihirapan ka, matutulungan ka ng iyong mga kapatid, at maaalalayan kang maunawaan ang tamang landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Mapangangalagaan ka nito mula sa pagtahak sa maling landas kapag ginagampanan ang iyong tungkulin, para hindi ka mabigo o madapa, o kasuklaman at itanggi ng Diyos at palayasin. Sa halip, makatatanggap ka ng proteksiyon, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano’t napakalaki ng mga pakinabang na nakakamit ng mga tao sa maayos na pakikipagtulungan!
Ang mga salitang “maayos na pagtutulungan” ay madaling maunawaan nang literal, ngunit mahirap isagawa ang mga ito. Hindi madaling isabuhay ang praktikal na bahagi ng mga salitang ito. Bakit hindi ito madali? (Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan. Ang tao ay may mga tiwaling disposisyon ng kayabangan, kasamaan, katigasan ng ulo, at iba pa, at nakahahadlang ang mga ito sa kanyang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nakikipagtulungan ka sa iba, inihahayag mo ang lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, iniisip mo: “Gusto mo akong makipagtulungan sa taong iyon, pero kaya ba niya? Hindi ba ako hahamakin ng mga tao kung makikipagtulungan ako sa isang taong walang kakayahan?” At kung minsan, maaari mo pa ngang isipin, “Talagang hindi nag-iisip ang taong iyon, at hindi niya nauunawaan ang sinasabi ko!” o “Ang sasabihin ko ay maingat na napag-isipan at may kapakinabangan. Kung sasabihin ko ito sa kanila at hahayaan silang angkinin iyon, mamumukod-tangi pa rin ba ako? Pinakamaganda ang aking panukala. Kung sasabihin ko lamang iyon at hahayaan silang gamitin iyon, sino ang makakaalam na kontribusyon ko iyon?” Ang gayong mga saloobin at opinyon—ang gayon kasasamang salita—ay karaniwang naririnig at nakikita. Kung mayroon kang gayong mga saloobin at opinyon, handa ka bang makipagtulungan sa iba? Nagagawa mo bang makipagtulungan nang maayos? Hindi madali iyon; marami-rami ang hamon doon! Ang mga salitang “maayos na pagtutulungan” ay madaling sabihin—buksan mo lang ang bibig mo at lalabas ang mga iyon. Ngunit kapag oras na para isagawa ang mga iyon, unti-unting lumalaki ang mga hadlang sa iyong kalooban. Kung saan-saan napupunta ang isip mo. Kung minsan, kapag maganda ang timpla mo, maaari mo pang magawang magbahagi nang kaunti sa iba; ngunit kapag hindi maganda ang timpla mo at nahahadlangan ka ng tiwaling disposisyon, hindi mo talaga maisasagawa iyon. Ang ilang tao, bilang mga lider, ay hindi kayang makipagtulungan sa sinuman. Lagi nilang hinahamak ang iba, laging mapili sa iba, at kapag nakita nila ang mga pagkukulang ng iba, hinuhusgahan at inaatake nila ang mga taong iyon. Nagdudulot ng problema ang mga lider na iyon, at pinapalitan sila. Hindi ba nila nauunawaan ang ibig sabihin ng mga salitang “maayos na pagtutulungan”? Ang totoo ay nauunawaan nila iyon nang mabuti, ngunit hindi lang talaga nila maisagawa iyon. Bakit hindi nila maisagawa iyon? Dahil masyado nilang pinahahalagahan ang katayuan, at napakayabang ng kanilang disposisyon. Gusto nilang magpakitang-gilas, at kapag nagkaroon na sila ng katayuan, hindi nila pakakawalan iyon, sa takot na mapunta iyon sa kamay ng ibang tao at maiwan silang walang tunay na kapangyarihan. Natatakot silang mapag-iwanan ng iba at hindi maging mataas ang tingin sa kanila, natatakot na baka mawalan ng kapangyarihan o awtoridad ang kanilang mga salita. Iyan ang kinatatakutan nila. Hanggang saan umaabot ang kanilang kayabangan? Nawawalan sila ng katinuan at kumikilos sila nang wala sa katwiran at padalus-dalos. At ano ang kinahihinatnan niyon? Hindi lamang hindi maganda ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, kundi nakakagambala at nakakagulo rin ang kanilang mga kilos, at inililipat sila ng tungkulin at pinapalitan. Sabihin mo sa Akin, may tungkulin bang akmang gampanan ng gayong tao, na may gayong disposisyon? Natatakot Ako na saanman sila ilagay, hindi nila gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Hindi nila kayang makipagtulungan sa iba—kung gayon, ibig bang sabihin niyon ay makakaya nilang gampanan nang maayos ang isang tungkulin nang mag-isa? Hindi talaga. Kung gagampanan nilang mag-isa ang isang tungkulin, lalo pa silang hindi mapipigilan, lalo pang magkakaroon ng kakayahang kumilos nang wala sa katwiran at padalus-dalos. Kung magagampanan mo man nang maayos ang iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga kagalingan, sa kahusayan ng iyong kakayahan, sa iyong pagkatao, iyong mga abilidad, o iyong mga kasanayan; nakasalalay iyon sa kung isa kang taong tumatanggap sa katotohanan at kung nagagawa mong isagawa ang katotohanan. Kung kaya mong isagawa ang katotohanan at tratuhin nang patas ang iba, magkakaroon ka ng maayos na pakikipagtulungan sa iba. Ang susi sa kung magagampanan ba nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin at kung magkakaroon ba siya ng maayos na pakikipagtulungan sa iba, ay nakasalalay sa kung kaya ba niyang tanggapin at sundin ang katotohanan. Ang kakayahan, mga kaloob, abilidad, edad, at iba pa ng mga tao ay hindi ang pinakamahalaga, lahat ng iyon ay pumapangalawa lamang. Ang pinakamahalagang bagay ay tingnan kung minamahal ba ng isang tao ang katotohanan, at kung naisasagawa ba niya ang katotohanan. Matapos makinig sa isang sermon, ang mga nagmamahal sa katotohanan at nakapagsasagawa ng katotohanan ay aaminin na tama iyon. Sa tunay na buhay, kapag may makakaharap silang mga tao, pangyayari, at bagay, ipatutupad nila ang mga katotohanang ito. Isasagawa nila ang katotohanan, magiging sarili nilang realidad iyon, at magiging bahagi ng kanilang sariling buhay. Ito ang magiging mga pamantayan at prinsipyong pagbabatayan ng kanilang pagkilos at paggawa ng mga bagay-bagay; iyon ang kanilang ipamumuhay at ipakikita. Kapag nakikinig sa isang sermon, aaminin din ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan na tama iyon, at iisipin na nauunawaan nilang lahat iyon. Naitala nila ang mga doktrina sa kanilang puso, ngunit ano ang ginagamit nilang mga prinsipyo at pamantayan sa pagkokonsidera sa isang bagay habang ginagawa iyon? Lagi nilang isinasaalang-alang ang mga bagay ayon sa sarili nilang mga interes; hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay gamit ang katotohanan. Nangangamba sila na ang pagsasagawa ng katotohanan ay magsasanhi ng kawalan sa kanila, at nangangamba silang mahusgahan at mahamak ng iba—na mapahiya. Urong-sulong sila sa kanilang mga pagsasaalang-alang, pagkatapos ay iniisip nila sa huli, “Poprotektahan ko na lang ang aking katayuan, reputasyon, at mga interes, ito ang pinakamahalaga. Kapag natugunan na ang mga bagay na ito, magiging kontento na ako. Kung hindi matutugunan ang mga bagay na ito, hindi ako magiging masayang isagawa ang katotohanan, ni hindi iyon magiging kasiya-siya para sa akin.” Ito ba ang taong nagmamahal sa katotohanan? Talagang hindi. Ang ilang tao ay napakaseryoso kapag nakikinig sa mga sermon, at isinusulat pa nga ang mga ito. Sa tuwing makaririnig sila ng mahalagang salita o parirala, itinatala nila ito sa isang kuwaderno, ngunit hindi ito ginagamit o isinasagawa pagkatapos. Walang tunay na pagbabago na makikita kahit gaano pa katagal na panahon ang lumipas. Ganito ba ang isang taong nagmamahal sa katotohanan? Ang isang taong nagmamahal o nakauunawa sa katotohanan ay naisasagawa ito, samantalang ang isang taong nakauunawa ngunit hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi ito isinasagawa. Ang pinakamalaking tanda kung mahal ng isang tao ang katotohanan ay kung kaya niya itong isagawa. Sa tingin mo, kaya bang malaman ng isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang tama sa mali? (Hindi.) Sa totoo lang ay kaya niya. Halimbawa, kung naging mabait siya sa isang tao noon, ngunit sinaktan ng taong iyon ang kanyang mga interes, sasabihin niya, “Ang taong iyon ay walang konsiyensiya. Tinulungan ko siya noon, at ngayon ay ganito na ang pakikitungo niya sa akin!” Tingnan mo, nagsasalita siya tungkol sa konsiyensiya, ngunit anong pamantayan ang ginagamit niya para sukatin ang konsiyensiya ng isang tao, o ang tama at mali? Sinuman ang kapaki-pakinabang sa kanya o alinmang salita o gawa ang kapaki-pakinabang sa kanya—ang mga bagay na ito ay positibo, habang ang anumang hindi kapaki-pakinabang sa kanya ay negatibo. Ganito kamakasarili ang kanyang pananaw. Sa tingin ninyo, makakamit ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi niya matatamo ang katotohanan dahil ang kanyang mga kilos ay walang prinsipyo, at hindi siya nagsasagawa ayon sa katotohanan. Sa halip, kumikilos siya para sa kanyang sariling pakinabang, at nagpapakana para sa kanyang sarili sa lahat ng aspeto.) Ganyan nga. Hindi niya matatamo ang katotohanan. Para sa anong uri ng tao inihanda ang katotohanan? Ito ay inihanda para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at kayang talikuran ang lahat para dito. Ito ang mga taong makapagkakamit ng katotohanan, at siyang nagmamay-ari at pinagkakalooban ng katotohanan sa huli. Nangangahulugan ito ng kakayahang isagawa ang katotohanan at isabuhay ang katotohanan anuman ang mangyari, kahit na nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng personal na mga interes, o ng mga bagay na pinakamamahal nila, at pag-aalay ng lahat ng ito. Sa ganitong paraan, makakamit ang katotohanan.
Ano sa tingin ninyo ang pinakapinahahalagahan ng mga tao? Buhay ba ng tao? (Oo.) Sa totoo lang, hindi ito iyon. Ipagpalagay nating hiniling sa iyong ibigay ang iyong buhay para sa Diyos. Kaya mo ba itong ibigay? Ipagpalagay nating hiniling sa iyong ihandog ang iyong sarili sa Diyos, at agaran kang mamatay, kaya mo ba itong gawin? May ilan na kaya itong gawin. Ang buhay, kung gayon, ay hindi ang pinakamahalagang bagay sa mga tao, dahil talaga namang ang ilan ay handang ihandog ang kanilang sarili sa Diyos o ialay ang kanilang buhay para sa Diyos, kahit kailan at kahit saan. Ngunit kapag ang kanilang sariling mga personal na interes o reputasyon at katayuan ang nakataya, lalo na kung nasasangkot dito ang kanilang kinabukasan at kapalaran, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan at talikuran ang kanilang sariling laman? Ito ang pinakamahirap gawin. Ano ang pinakamahalagang bagay para sa isang tao sa sitwasyong ito? (Ang kanyang interes, kinabukasan, at kapalaran.) Tama. Hindi ang buhay, kundi ang kanilang mga interes, katayuan, kinabukasan, at kapalaran—ito ang mga bagay na pinakapinahahalagahan at pinakamamahal ng mga tao. Ang isang taong kayang mag-alay ng kanyang buhay para sa Diyos ay hindi tiyak na isang taong nagmamahal sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan. Ang kakayahang mag-alay ng buhay para sa Diyos ay maaaring isang islogan lamang. Sinasabi mong kaya mong ialay ang iyong buhay sa Diyos, ngunit kaya mo bang bitiwan ang mga pakinabang ng katayuan? Kaya mo bang bitiwan ang pagpapahalaga sa sarili? Alin ang mas madaling isakripisyo? (Mas madaling isakripisyo ang buhay ng isang tao.) Oo. Kapag ang ilang tao ay kailangang mamili, bagama’t kaya nilang isakripisyo ang kanilang sariling buhay, hindi nila kayang bitiwan ang mga pakinabang ng katayuan, o talikuran ang kanilang maling landas. Sabihin nang pipili ka sa pagitan ng dalawang daan. Ang isa ay ang daan ng pagiging isang matapat na tao, na sabihin ang katotohanan at sabihin kung ano ang nasa puso mo, na ibahagi ang iyong puso sa iba, o na aminin ang iyong mga pagkakamali at pagsasabi ng mga bagay na totoo, ipakita sa iba ang iyong pangit na katiwalian at magdulot ng kahihiyan sa iyong sarili. Iyong isa naman ay ang daan ng pagiging martir para sa Diyos at pagpasok sa kaharian ng langit kapag namatay ka. Alin ang pipiliin mo? Maaaring sabihin ng ilan, “Pinipili kong ialay ang aking buhay para sa Diyos. Nakahanda akong mamatay para sa Kanya; pagkatapos mamatay, makukuha ko ang aking gantimpala, at makakapasok ako sa kaharian ng langit.” Ang ihandog ang buhay para sa Diyos ay magagawa sa iisang malakas na buhos ng lakas, ng mga may kahandaang gawin ito. Pero maisasakatuparan ba ang pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat na tao sa gayong buhos ng lakas? Hindi, maging sa dalawang buhos ng lakas. Kung mayroon kang kahandaan kapag ginagawa ang isang bagay, magagawa mo itong mabuti sa isang buhos ng lakas; pero hindi ka ganap na nagiging matapat sa isang pagkakataon lang ng pagsasabi ng katotohanan nang walang kasinungalingan. Ang pagiging isang matapat na tao ay may kasamang pagbabago ng disposisyon, nangangailangan ito ng sampu o dalawampung taong karanasan. Dapat mong iwaksi ang mapanlinlang mong disposisyon ng pagsisinungaling at panlilinlang bago mo maabot ang batayang pamantayan sa pagiging isang matapat na tao. Hindi ba’t mahirap ito para sa lahat? Isa itong napakalaking hamon. Gusto ng Diyos ngayon na magawang perpekto at makamit ang isang grupo ng mga tao, at lahat ng naghahangad ng katotohanan ay dapat tumanggap ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, ang layon nito ay para lutasin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon at gawin silang matatapat na tao, mga taong nagpapasakop sa Diyos. Hindi ito isang bagay na makakamit sa iisang buhos ng lakas; kailangan nito ng tunay na pananampalataya, at dapat dumanas ang isang tao ng maraming pagsubok at matinding pagpipino bago niya makamit ito. Kung hiningi sa iyo ng Diyos ngayon na maging matapat na tao at na magsabi ka ng totoo, isang bagay na may kinalaman sa mga katunayan, at sa iyong hinaharap at kapalaran, na ang mga kahihinatnan marahil ay hindi makabubuti sa iyo, na hindi ka na titingalain ng iba, at pakiramdam mo ay masisira ang iyong reputasyon—sa gayong mga sitwasyon, magagawa mo bang maging prangka, at magsabi ng totoo? Magagawa mo pa rin bang maging matapat? Iyon ang pinakamahirap gawin, mas mahirap kaysa isuko ang buhay mo. Maaari mong sabihing, “Hindi Mo ako mauutusang sabihin ang katotohanan. Mas gugustuhin ko pang mamatay para sa Diyos kaysa sabihin ang katotohanan. Ayaw ko talagang maging isang matapat na tao. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa hamakin ako ng lahat at isipin na isa akong ordinaryong tao.” Anong ipinapakita nito na pinakapinahahalagahan ng mga tao? Ang pinakapinahahalagahan ng mga tao ay ang kanilang katayuan at reputasyon—mga bagay na kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon. Pumapangalawa lamang ang buhay. Kung pipilitin sila ng sitwasyon, magsisikap silang magkalakas ng loob na ihandog ang kanilang buhay, pero hindi madaling isuko ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong nananalig sa Diyos, ang paghahandog ng kanilang buhay ay hindi ang pinakamahalaga; hinihingi ng Diyos na tanggapin ng mga tao ang katotohanan, at tunay na maging matatapat na tao na sinasabi kung ano man ang nasa puso nila, nagbubukas at nagtatapat sa lahat. Madali bang gawin ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo. Hindi ba’t bigay sa iyo ng Diyos ang buhay mo? Ano ang pakinabang ng buhay mo sa Diyos? Hindi ito gusto ng Diyos. Ang gusto Niya ay magsalita ka nang tapat, sabihin mo kung sino ka at ano ang nilalaman ng puso mo. Masasabi mo ba ang mga bagay na ito? Dito, nagiging mahirap ang gawain, at maaari mong sabihing, “Pagtrabahuhin Mo ako, at magkakaroon ako ng lakas na gawin iyon. Sabihan Mo akong isakripisyo ang lahat ng pag-aari ko, at magagawa ko ito. Madali kong matatalikuran ang aking mga magulang, anak, asawa, at propesyon. Ngunit ang pagsasabi ng nasa puso ko, pagsasalita nang tapat—iyan ang isang bagay na hindi ko magagawa.” Bakit hindi mo magagawa iyon? Dahil kapag ginawa mo iyon, sinumang nakakakilala sa iyo o pamilyar sa iyo ay mag-iiba ang tingin sa iyo. Hindi ka na nila titingalain. Mapapahiya ka na at ganap na mahahamak, at maglalaho ang iyong integridad at dignidad. Mawawala ang matayog na katayuan at reputasyon mo sa puso ng iba. Kaya nga, sa gayong sitwasyon, anuman ang mangyari, hindi mo sasabihin ang totoo. Kapag nakakaharap ito ng mga tao, may pagtatalo sa puso nila, at kapag lumipas na ang pagtatalong iyon, sa huli ay nakakaraos ang ilan sa kanilang mga paghihirap samantalang ang iba ay hindi, at mananatili silang kontrolado pa rin ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon at ng kanilang sariling katayuan, reputasyon, at tinatawag na dangal. Mahirap ito, hindi ba? Hindi isang dakilang tagumpay ang magsalita lamang nang tapat at magsabi ng katotohanan, subalit napakaraming matatapang na bayani, napakaraming tao na ang sumumpa na ilalaan at gugugulin ang kanilang buhay para sa Diyos, at napakaraming nagsabi ng magagandang bagay sa Diyos ang nahihirapang gawin iyon. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Kapag hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang ilang partikular na gawain o isakatuparan ang anumang matinding pagsusumikap, ni ang gampanan ang anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na maghimala ka, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matimtiman kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang naunawaan mo, isakatuparan mo ang naintindihan mo, tandaan mo nang maigi ang narinig mo, at pagkatapos, kapag dumating na ang oras para magsagawa, magsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang lalo kang naghahangad ng mga bagay gaya ng kadakilaan, karangalan, at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, kamumuhian ka ng Diyos at tatalikdan ka Niya. Iwasan mong maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagiging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos. Dapat siguruhin ng mga tao na huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na pangarap, huwag maghangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, hindi nila dapat subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at nagpapasamba sa mga tao. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi inililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. Kung ang mga tao ay patuloy na naghahangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan nang hindi nagsisisi, wala nang lunas para sa kanila, at iisa lang ang kalalabasan nila: ang itiwalag. Ngayon, kung mabilis kayong magsisisi, may panahon pa; subalit kapag dumating na ang araw na natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain, at lalo pang lumaki ang mga sakuna, hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong magsisi. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga naghahangad ng kasikatan, mga pakinabang, at katayuan, subalit matigas na tumatangging magsisi, sila ay ititiwalag. Kailangang maging malinaw sa inyong lahat kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng gawain ng Diyos, at kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagliligtas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na lumapit sa harapan Niya, makinig sa mga salita Niya, tanggapin ang katotohanan, iwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, at magsagawa ayon sa sinasabi at inaatas ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, sa halip na sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at mga satanikong pilosopiya, o ang maghangad ng “kaligayahan” ng tao. Sinomang hindi nakikinig sa mga salita ng Diyos o hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit namumuhay pa rin, nang walang pagsisisi, ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at nang may satanikong disposisyon, at tumatangging magsisi, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay hindi maililigtas ng Diyos. Sumusunod ka sa Diyos, pero siyempre, ito ay dahil hinirang ka rin ng Diyos—pero ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang baguhin ka at gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na tunay na sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, at nagagawang sundan ang daan ng Diyos; isang taong tinanggal ang kanyang satanikong disposisyon, hindi na sumusunod kay Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Kung sumusunod ka sa Diyos at gumaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan, subalit nilalabag mo ang katotohanan sa lahat ng aspeto, at hindi ka nagsasagawa o dumaranas ayon sa Kanyang mga salita, at marahil ay nilalabanan mo pa Siya, matatanggap ka kaya ng Diyos? Siguradong hindi. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa bagay na ito? Hindi talaga mahirap ang gampanan ang iyong tungkulin, ni hindi ito mahirap gawin nang buong katapatan, at sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos nang matapat at matatag, nang hindi idinaragdag ang sarili mong mga ideya o pinatatakbo ang sarili mong operasyon, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, magkakaroon talaga sila ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagsunod sa Diyos, at naging matapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao.
Hunyo 25, 2019