Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong (Ikalawang Bahagi)

Sa kasalukuyan, marami bang tukso para sa mga taong namumuhay sa lipunang ito? Pinapalibutan ka ng mga tukso mula sa lahat ng panig, lahat ng uri ng masasamang agos, lahat ng uri ng diskurso, lahat ng uri ng kaisipan at pananaw, lahat ng uri ng panlilihis at pang-aakit mula sa lahat ng uri ng tao, lahat ng uri ng mala-demonyong mukha na isinusuot ng lahat ng uri ng tao. Ang lahat ng ito ay mga tuksong kinakaharap mo. Halimbawa, maaaring ginagawan ka ng pabor ng mga tao, pinapayaman ka, nakikipagkaibigan sa iyo, nakikipagtagpo sa iyo, binibigyan ka ng pera, binibigyan ka ng trabaho, inaanyayahan kang sumayaw, sumisipsip sa iyo, o binibigyan ka ng mga regalo. Ang lahat ng bagay na ito ay posibleng mga tukso. Kung hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay, mahuhulog ka sa bitag. Kung hindi nasasangkapan ang kalooban mo ng ilang katotohanan at wala kang anumang tunay na tayog, hindi mo makikita ang totoong katangian ng mga bagay na ito, at magiging mga bitag at tukso ang mga ito para sa iyo. Sa isang banda, kung hindi mo taglay ang katotohanan, hindi mo makikilatis ang mga panlalansi ni Satanas, at hindi mo makikita ang mga satanikong mukha ng iba’t ibang uri ng tao. Hindi mo madadaig si Satanas, hindi ka makapaghihimagsik laban sa laman, at hindi ka magkakaroon ng pagpapasakop sa Diyos. Sa kabilang banda naman, sa kawalan ng katotohanang realidad, hindi mo magagawang labanan ang lahat ng iba’t ibang masamang agos, masamang pananaw, at kakatwang kaisipan at kasabihan. Kapag nahaharap sa mga ito, ito ay magiging parang isang biglaang lamig. Marahil ay magkakaroon ka lang ng simpleng sipon, o maaaring magkasakit ka nang mas malubha—maaari ka pa ngang dumanas ng cold stroke[a] na posibleng nakamamatay. Baka tuluyang mawala ang pananalig mo. Kung wala kang katotohanan, malilito at maguguluhan ka na sa ilang salita pa lamang ng mga Satanas at ng mga diyablo ng mundo ng mga walang pananampalataya. Kukuwestiyunin mo kung dapat kang manampalataya sa Diyos o hindi at kung tama ba ang gayong pananalig. Maaaring, sa pagtitipon ngayon, nasa mabuting kalagayan ka, pero bukas, uuwi ka at manonood ng dalawang episode ng isang palabas sa telebisyon. Nalihis ka na. Sa gabi, nakakalimutan mong magdasal bago matulog, at ang isipan mo ay puno ng kuwento ng naturang palabas sa telebisyon. Kung patuloy kang manonood ng telebisyon sa loob ng dalawang araw, malayo na sa Diyos ang puso mo. Ayaw mo nang basahin ang salita ng Diyos o ibahagi ang tungkol sa katotohanan. Ni ayaw mo nang magdasal sa Diyos. Sa puso mo, palagi mong sinasabi, “Kailan ba ako makagagawa ng isang bagay? Kailan ko masisimulan ang isang mahalagang layon? Hindi maaaring maging walang saysay ang buhay ko!” Pagbabago ba iyon ng saloobin? Noong una, gusto mong mas maunawaan ang katotohanan para maipalaganap mo ang ebanghelyo at makapagpatotoo ka para sa Diyos. Bakit nagbago ka na ngayon? Sa pamamagitan lamang ng panonood ng mga pelikula at programa sa telebisyon, tinutulutan mo si Satanas na maimpluwensiyahan ang puso mo. Talagang mababa nga ang tayog mo. Sa tingin mo ba ay mayroon kang tayog para labanan ang masasamang agos na ito? Ngayon, nagpapakita ng kabutihan sa iyo ang Diyos at dinadala ka Niya sa Kanyang sambahayan para magampanan mo ang iyong tungkulin. Huwag mong kalimutan ang tayog mo. Sa kasalukuyan, isa kang bulaklak sa punlaan, hindi makayanan ang hangin at ulan sa labas. Kung hindi makikilala at makakayanan ng mga tao ang mga tuksong ito, maaari silang bihagin ni Satanas anumang oras, sa anumang lugar. Ganoon ang mababang tayog at kahabag-habag na kalagayan ng tao. Sapagkat hindi ka nagtataglay ng katotohanang realidad at wala kang pagkaunawa sa katotohanan, ang lahat ng salita ni Satanas ay parang lason sa iyo. Kung pakikinggan mo ang mga ito, makukulong ang mga ito sa loob ng puso mo at hindi ito maaalis. Sa puso mo, sinasabi mo, “Tatakpan ko ang aking mga tainga at isasara ang aking mga mata,” pero hindi mo matatakasan ang panunukso ni Satanas. Hindi ka namumuhay nang hiwalay sa impluwensiya ng iba. Kung naririnig mo ang mga salita ni Satanas, hindi mo magagawang tumutol. Mahuhulog ka sa bitag. Walang magiging silbi ang iyong mga panalangin at pagsumpa sa sarili. Hindi mo kayang tumutol. Ang gayong mga bagay ay nakakaimpluwensiya sa iyong mga kaisipan at kilos. Mahahadlangan nito ang landas ng iyong paghahangad sa katotohanan. Maaari ka pa ngang kontrolin ng mga ito, pigilan ka sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos, gawin kang negatibo at mahina, at ilayo ka sa Diyos. Sa huli, ikaw ay magiging walang halaga at mawawalan ng lahat ng pag-asa.

Ngayon ay iniisip mo na tapat ka sa Diyos. Mayroon kang ambisyon, determinasyon, at mithiin na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ngunit paano mo kakayanin kapag naharap ka sa mga pagsubok ng Diyos? Sinasabi mo na magpapasakop ka, pero kapag naglalagay ang Diyos ng paghihirap sa harap mo na hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro at hinahangad, ano ang magagawa mo kapag hindi mo magawang magpasakop sa Kanya? Kapag ginagantimpalaan ng Diyos ang mga tao, nababagay ito sa kanilang mga sikolohikal na pangangailangan at umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at panlasa, upang makapagpasakop sa Kanya ang mga tao. Ngunit kapag kinukuha ng Diyos ang mga bagay mula sa iyo, paano ka tutugon? Makakapanindigan ka ba sa iyong patotoo sa gitna ng mga pagsubok ng Diyos at sa kapaligirang dinisenyo Niya para sa iyo? Magiging problema ba ito? Kapag sinabi mo, “Siguradong maninindigan ako sa aking patotoo,” ang iyong mga salita ay pagmamayabang, kalokohan, kamangmangan, at kahangalan. Alam mo ba kung ano ang nais gawin ng Diyos sa iyo? Alam mo ba kung bakit nais ng Diyos na subukin ka? Ano ang gusto Niyang ibunyag sa iyo? Sinasabi mo, “Mayroon akong kagustuhang tumanggap ng pagdurusa, handa ako, hindi ako natatakot sa anumang pagsubok na maaaring ibigay sa akin ng Diyos,” ngunit pagkatapos ay may biglang nangyari na hindi mo inaasahan, isang bagay na hindi mo kailanman napaghandaan. Kung gayon, ano ang silbi ng paghahanda mo? Wala. Sabihin nang noon pa man ay malusog na ang katawan mo. Nagawa mo ang tungkulin mo sa loob ng maraming taon at pinrotektahan ka ng Diyos sa lahat ng sakit. Naging maayos ang landas mo. Biglang isang araw ay nagpacheck-up ka at nakakita ang mga doktor ng isang kakaibang sakit, na sa kalaunan ay na-diagnose nila bilang isang nakamamatay na sakit. Sa puso mo, para bang may puwersang naggiya sa malalakas na agos at nagtaob sa isang malaking karagatan. “Wala sa mga kapatid sa iglesia ang may ganitong sakit,” sabi mo. “Ako ang pinakamatagal nang nananampalataya sa Diyos, ako ang naging pinakaaktibo sa pagganap ng aking tungkulin, at pinakahigit na nagdusa. Paanong ako ang may ganitong sakit?” Pagkatapos pagnilayan ang isyu, napagtanto mo na tiyak na isa itong pagsubok mula sa Diyos at dapat kang magpasakop. Sa ngayon, mayroon ka pa ring pananalig para manalangin sa Diyos. Pero pagkatapos mong magdasal nang ilang panahon at hindi ka pa rin gumagaling, napagpapasyahan mo, “Hinahayaan ako ng Diyos na mamatay. Gusto ng Diyos na kuhain ang buhay ko!” Magpapasakop ka pa rin ba sa Diyos ngayon? (Malamang ay hindi.) Tatangis ka, “O Diyos! Ayaw kong mamatay. Hindi pa ako nakapamuhay nang sapat. Bata pa ako. Kalahati pa lang ng buhay ko ang naranasan ko. Bigyan Mo ako ng ilang taon pa. Marami pa akong puwedeng gawin!” Walang silbi ang magdasal na pagalingin ka ng Diyos. Gaano karaming beses ka mang suriin, makikita lamang na nakamamatay ang karamdaman mo. Kung magpapagamot ka, mamamatay ka. Kung hindi ka magpapagamot, mamamatay ka rin. Ano ang gagawin mo kung gayon? Maraming beses, kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, sa simula ay iniisip nila na tama at mabuti ang mga kilos ng Diyos, pero kapag nagiging malinaw na ang magiging katapusan, iniisip nila, “Marahil ay kagustuhan talaga ng Diyos na mamatay ako. Kung nais ng Diyos na mamatay ako, hayaan nang mamatay ako!” Kaya naghihintay na lang sila na mamatay nang pasibo at nang wala nang magagawa pa. Anong klase ng saloobin itong paghihintay sa kamatayan? Mayroon bang anumang elemento ng pagpapasakop dito? (Wala, ito ay simpleng pagtanggap lang sa kapalaran.) Talaga bang handang mamatay ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya bakit sila naghihintay sa kamatayan? Pagdating ng kamatayan, wala silang magagawa kundi ang mamatay. Kung wala na silang magagawa, maaari lang nila itong tanggapin. Ang “pagtanggap” na ito ay isang saloobin ng pasibong pagsalungat, hindi ito pagpapatotoo. Sinasabi ng ilang tao, “Hinayaan ako ng Diyos na mamatay, kaya anong patotoo pa ang maibibigay ko?” Bagama’t hinahayaan ka ng Diyos na mamatay, hindi ba’t isa kang nilikha ng Diyos? Tatalikuran mo ba ang tungkulin mo? Nakumpleto mo na ba ang tungkulin mo? Nagawa mo ba nang maayos ang tungkulin mo? Anong uri ng puso ang dapat mong taglayin upang makapanindigan sa patotoo na inaasahan mula sa isang nilikha? (Hayaan mong ikuwento ko ang aking karanasan. Noong nakaraan, ilang araw na ang nakalilipas, sumakit nang husto ang ngipin ko kaya hindi ako makatulog nang tatlong araw dahil sa sakit. Pero kinailangan ko pa ring gawin ang tungkulin ko araw-araw. Halos hindi ko na makayanan ang sakit ng ulo ko na nakakawala sa ulirat. Medyo nagreklamo ako sa puso ko. Pakiramdam ko ay nagawa ko naman nang maayos ang aking tungkulin, kaya bakit nangyayari ito sa akin? Noong panahong iyon, pakiramdam ko ay hindi ko maarok ang layunin ng Diyos. Hinimok ako ng ilang kapatid na pagnilayan at kilalanin ang aking sarili, kaya nagpatuloy ako sa pananalangin at paghahanap sa Diyos. Tingin ko ay hindi naman ako naghimagsik laban sa Diyos sa anumang bagay. Kalaunan, naisip ko ang mga salita ni Job sa kanyang asawa sa panahon ng kanyang mga pagsubok, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Nagawa ni Job na magpatotoo para sa Diyos sa panahon ng kanyang mga pagsubok. Kinonsidera ko ang sarili ko at nakita ko kung paano ko nagagawang purihin ang Diyos kapag maayos ang mga bagay-bagay para sa akin, ngunit naging negatibo ako at naghimagsik laban sa Diyos sa mga oras ng paghihirap. Nadama ko na hindi ito ang gawi ng isang kwalipikadong nilikha, at sa pagkakataong ito, sa wakas ay napukaw na ang aking konsensiya. Nagkaroon ako ng kagustuhang maghimagsik laban sa laman at palugurin ang Diyos. Naisip ko na, kahit may sakit ako, dapat pa rin akong magpasakop sa Diyos. Gaano man kasakit, kailangan kong kusang-loob na magtiyaga sa paggawa ng aking tungkulin. Ito ang sarili kong karanasan.) Anumang mga pagsubok ang kaharapin mo, kailangan mong humarap sa Diyos—tama ito. Kailangan mong magnilay sa iyong sarili habang hindi ipinagpapaliban ang pagganap sa iyong tungkulin. Huwag kang magnilay lamang nang hindi ginagampanan ang iyong tungkulin, nang pinapabayaan ang mahalaga para pagtuunan ang hindi mahalaga—kahangalan iyan. Anumang pagsubok ang sumapit sa iyo, kailangan mong ituring ito bilang isang pasaning bigay sa iyo ng Diyos. Sabihin nang ang ilang tao ay may matinding karamdaman at hindi matiis na pagdurusa, ang ilan ay nahaharap pa sa kamatayan. Paano nila dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Sa maraming pagkakataon, ang mga pagsubok ng Diyos ay mga pasaning ibinibigay Niya sa mga tao. Gaano man kabigat ang pasaning ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, iyon ang bigat ng pasaning dapat mong isagawa, sapagkat nauunawaan ka ng Diyos, at alam Niya na kakayanin mo iyon. Ang pasaning bigay sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit sa iyong tayog o sa mga limitasyon ng iyong pagtitiis, kaya walang duda na makakayanan mong tiisin iyon. Anumang uri ng pasanin ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, anumang uri ng pagsubok, tandaan mo ang isang bagay: Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos at binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka man o hindi ng Banal na Espiritu pagkatapos mong manalangin, dinidisiplina o binabalaan ka man ng Diyos sa pagsubok na ito o hindi, hindi mahalaga kung hindi mo ito nauunawaan. Basta’t hindi ka nagpapaliban sa pagganap sa iyong tungkulin at tapat mong napanghahawakan ang iyong tungkulin, malulugod ang Diyos, at maninindigan ka sa iyong patotoo. Habang nakikitang nagdurusa sila mula sa malubhang karamdaman at mamamatay na, iniisip ng ilang tao sa kanilang sarili: “Nagsimula akong maniwala sa Diyos para maiwasan ang kamatayan—ngunit lumalabas na kahit pagkatapos ng maraming taong ito ng pagganap sa aking tungkulin, hahayaan Niya akong mamatay. Dapat kong pangasiwaan ang sarili kong kapakanan, gawin ang mga bagay na matagal ko nang gustong gawin, at tamasahin ang mga bagay na hindi ko pa natatamasa sa buhay. Maaari kong ipagpaliban ang aking tungkulin.” Anong pag-uugali ito? Ilang taon mo nang ginagawa ang iyong tungkulin, nakinig ka na sa lahat ng sermon na ito, at hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Ibinabagsak ka, pinaluluhod ka, at inilalantad ka ng isang pagsubok. Karapat-dapat bang pangalagaan ng Diyos ang gayong tao? (Hindi siya karapat-dapat.) Ganap silang walang katapatan. Kaya ano ang tawag sa tungkuling ilang taon na nilang ginagampanan? Tinatawag itong “pagtatrabaho,” at ipinagpipilitan na lamang nila ang kanilang sarili. Kung, sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, “Anumang karamdaman o kasuklam-suklam na pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,” hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, “Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.” Paano kaya kung sa ganitong paraan ka mag-isip? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, “Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging matapat. Paano ako magiging matapat kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilalang?” Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi maghatid ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing “Oo” ngayon, ngunit hindi iyon magiging napakadali kapag nangyayari talaga ito sa iyo. Kaya nga, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip ng, “Paano ko mapapalugod ang mga layunin ng Diyos? Paano ko masusuklian ang pagmamahal ng Diyos? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilikha?” Ano ang isang nilikha? Ang responsabilidad ba ng isang nilikha ay makinig lamang sa mga salita ng Diyos? Hindi—iyon ay ang isabuhay ang mga salita ng Diyos. Binigyan ka na ng Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming daan, at napakaraming buhay, para maisabuhay mo ang mga bagay na ito, at magpatotoo ka sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito ang responsabilidad at obligasyon mo. Dapat mong pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito; kung lagi mong pagninilayan ang mga ito, lalalim ang pagkaunawa mo sa lahat ng aspekto ng katotohanan.

Kung hindi tatahakin ng mga tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan at hindi sila magsisikap na matamo ang katotohanan, sa malao’t madali ay matitisod sila at babagsak. Magiging mahirap tumayo nang matuwid dahil hindi malulutas ang mga problemang kinakaharap nila sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kaunting kaalaman at doktrinang mayroon sila. Gaano ka man kahusay magsalita tungkol sa mga doktrina, hindi mo malulutas ang tunay na mga paghihirap. Dapat patuloy mong pagninilayan ang iba’t ibang katotohanan para lubos mong maunawaan ang mga ito. Saka mo lang magagamit ang katotohanan para lutasin ang anumang problemang nakakaharap mo. Ang mga tunay na nakakaunawa sa katotohanan ay hindi nagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina. Nakikilala nila ang lahat ng bagay at nakikita ang mga ito nang malinaw, at kumikilos sila nang may kumpiyansa sa lahat ng ginagawa nila. Kung hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan sa mga sitwasyong nakakaharap mo at palagi kang kumikilos ayon sa sarili mong kagustuhan, hinding-hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Upang maunawaan ang katotohanan, dapat mong patuloy na pagnilayan kung paano gamitin ang katotohanan sa paglutas ng mga problema sa pagganap ng iyong mga tungkulin. Kung hindi ka magninilay-nilay sa ganitong paraan, makakamit mo ba ang mga katotohanang ito? Kung hindi mo pagninilay-nilayan ang mga salita ng Diyos, gaano man karaming sermon ang naririnig mo, gaano man karaming doktrina ang nauunawaan mo, palagi kang mananatili sa antas ng mga salita at doktrina. Kung marunong kang bumigkas ng mga salita at doktrinang ito, madalas na malilinlang ka nito sa pag-iisip na nagbunga na ang pananalig mo sa Diyos at na napakataas ng tayog mo, dahil masigasig at masigla ka ngayon. Pero kapag nahaharap sa mga katunayan, ibig sabihin, kapag nahaharap sa mga pagsubok at kapighatian, makikita mo kung gaano kakaunti ang proteksyon na ibinibigay sa iyo ng mga salita at doktrinang ito. Hindi ka mapoprotektahan ng mga ito mula sa isang pagsubok, lalong hindi nito matitiyak na malalampasan mo nang maayos ang bawat pagsubok na ibinibigay ng Diyos sa tao. Sa halip, mararamdaman mong ipinahamak ka ng mga salita at doktrinang ito. Sa gayong mga pagkakataon, makikita mo kung gaano kakaunti ang nauunawaan mo sa katotohanan at na hindi ka pa nakakapasok sa katotohanang realidad. Kadalasan, kapag nahaharap sila sa mga pagsubok at hindi makakita ng daan pasulong, sa wakas ay nadarama ng mga tao ang kanilang kawalang-kakayahan kung wala ang katotohanan at nadarama kung gaano kawalang-silbi ang lahat ng kanilang pagsasalita tungkol sa mga doktrina. Saka lang nila nakikita kung gaano kalaki ang wala sa kanila at kung gaano sila kahabag-habag. Kapag ang lahat ay ligtas at walang problema, palagi mong nararamdaman na naiintindihan mo ang lahat. Pakiramdam mo ay hindi walang kabuluhan ang pananalig mo at na marami kang nakamit mula rito. Pakiramdam mo, anuman ang mangyari, wala kang dapat ikabahala. Sa katunayan, basta mo lang nauunawaan ang ilang salita at doktrina, na wala namang silbi. Sa harap ng sakuna at kalamidad, maguguluhan ka, hindi mo alam kung paano haharapin ang sitwasyon. Kapag nananalangin sa Diyos, hindi mo alam kung ano ang sasabihin o kung ano ang hihilingin. Hindi mo mahanap ang landas. Ipinapakita nito kung gaano kahabag-habag ang tao. Ang puso mo ay walang mga salita ng Diyos at wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ikaw ay nasa kadiliman na. Wala kang napala sa pananalig mo sa Diyos, at ngayon ikaw ay naghihikahos gaya ng isang pulubi. Saka mo lang mararamdaman na ang pananalig mo sa Diyos sa lahat ng taong iyon ay ganap na walang katotohanang realidad. Ngayon ay tuluyan ka nang nabunyag. Kung humantong ka sa gayong kalagayan matapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, nakatakda kang maitiwalag.

Pebrero 12, 2017

Talababa:

a. Cold stroke, isang terminong ginagamit sa tradisyonal na Chinese medicine na tumutukoy sa malubha, nakamamatay na lamig sa loob ng katawan dulot ng mga panlabas na elemento.