Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos (Ikalawang Bahagi)
Ang pagpasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos ay nangangailangan din na magtaglay ka ng may takot sa Diyos na puso. Una, kung katayuan ang pag-uusapan, ang mga tao ay mga nilikha, at napakababa; ang Diyos ang Lumikha, ang Kataas-taasan. Kung katwiran ng tao ang pag-uusapan, ano ang kailangang gawin ng mga tao para magkaroon ng takot sa Diyos? Halimbawa, may nangyari sa iyo, at iniisip mo na ang pagkilos sa isang paraan ay salungat sa katotohanan, pero hindi mo alam kung ano ang dapat mong gawin upang makaayon sa kalooban ng Diyos. Kung mayroon kang may takot sa Diyos na puso, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang manalangin sa Diyos, hanapin ang katotohanan, hanapin ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at pagkatapos ay kumilos. Kung ang isang tao ay walang may takot sa Diyos na puso, paano siya kikilos? Gagawin niya ang anumang gusto niya, iniisip na: “Sabagay, mabuti naman ang intensiyon ko, kaya ayos lang kung gagawin ko ito.” Hindi niya ginagawa ang ipinapayo ng iba, hindi rin siya nakikinig sa sinuman; nagpapasya siyang gawin ang anumang plano niya para sa kanyang sarili, at walang sinumang makakapigil sa kanya. Isa ba itong taong may takot sa Diyos na puso? (Hindi.) May ilang tao na, bagamat alam nila na gusto ng Diyos ang matatapat na tao at na hindi sila makakapagsinungaling, iniisip pa rin nila na sa ilang bagay, kung sasabihin nila ang totoo, mapapahiya sila, mawawalan sila ng pakinabang, at baka hindi mapanatili ang kanilang katayuan. Paulit-ulit silang nag-iisip at nagsisinungaling pa rin, iniisip na: “Wala namang mangyayari kung magsisinungaling nang isang beses, at hindi naman ako palaging nagsisinungaling. Kahit na magsinungaling ako, wala akong nakikitang kahihinatnan, kaya kung magsisinungaling akong muli, ayos lang iyon.” Pagkatapos itong kalkulahin, nagpapasya silang kumilos, at wala silang nararamdamang paninisi sa puso nila, ni ayaw nilang manalangin at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Isa ba itong taong may takot sa Diyos na puso? (Hindi.) Kaya kung mayroong isang taong may takot sa Diyos na puso, paano siya kikilos? (Hindi siya kikilos nang walang ingat o sutil.) Ang dalawang salitang ito ay medyo angkop. Kaya paano mo isasagawa ang hindi pagkilos nang walang ingat at sutil? (Dapat tayong magkaroon ng pusong naghahanap.) Kapag nahaharap sa isang problema, totoong naghahanap ng sagot ang ilang tao mula sa iba, pero kapag nagsasalita ang ibang tao ayon sa katotohanan, hindi nila iyon tinatanggap, hindi sila makasunod, at sa puso nila, iniisip nilang, “Di hamak na mas magaling ako kaysa sa kanya. Kung makikinig ako sa mungkahi niya sa pagkakataong ito, hindi ba magmumukhang mas magaling siya sa akin? Hindi, hindi ako maaaring makinig sa kanya tungkol sa bagay na ito. Gagawin ko na lang ito sa aking paraan.” Pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan at palusot para kontrahin ang pananaw ng ibang tao. Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya siyang pabagsakin, nagkakalat ng mga tsismis tungkol sa kanya, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan siya at isabotahe ang kanyang reputasyon—inaapakan pa ang kanyang pagkatao—para maprotektahan ng taong ito ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan o pagiging palalo, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang malisyosong disposisyon. Mapaminsala at masama na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kademonyo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng masama? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas magaling kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga imoral at matitigas ang ulo? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanasa, ambisyon, at mithiin. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. May takot sa Diyos na puso ba ang gayong mga tao? Wala man lang silang takot sa Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas magaang na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling kasikatan at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at taksil. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang gayong mga tao ay wala man lang takot sa Diyos na puso. Hindi sila takot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila na bawat aspeto ng kanilang sarili ay mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang mataas na katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Maisasagawa ba ang katotohanan ng mga walang puwang ang Diyos sa puso nila, at ng mga walang takot sa Diyos na puso? Hinding-hindi. Kaya, kapag karaniwan ay masaya silang kumikilos at pinananatiling abala ang kanilang sarili at gumugugol ng matinding lakas, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng mga taong ito na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layon ng lahat ng kilos nila ay para sa sarili nilang katayuan at reputasyon, para maprotektahan ang lahat ng interes nila. Masasabi ba ninyo o hindi ninyo masasabing masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng mga tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit wala namang takot sa Diyos na puso? Hindi ba’t mapagmataas sila? Hindi ba’t si Satanas sila? At anong mga bagay ang pinakawala sa walang takot sa Diyos na puso ? Bukod sa mga halimaw, ito ay ang masasama at mga anticristo, ang kauri ni Satanas at ng mga diyablo. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan; wala silang anumang takot sa Diyos na puso. Kaya nilang gumawa ng anumang kasamaan; sila ang mga kaaway ng Diyos, at ang mga kaaway ng Kanyang mga hinirang na tao.
Sa aling mga bagay ng inyong pang-araw-araw na buhay kayo mayroong takot sa Diyos na puso? At sa aling mga bagay kayo walang takot sa Diyos na puso? Nagagawa mo bang kamuhian ang isang tao kapag napapasama niya ang loob mo o naaapektuhan ang iyong mga interes? At kapag kinamumuhian mo ang isang tao, kaya mo bang parusahan siya at maghiganti? (Oo.) Kung gayon, lubha kang nakakatakot! Kung wala kang takot sa Diyos na puso, at nakagagawa ng masasamang bagay, kung gayon, napakalubha nitong masamang disposisyon mo! Ang pagmamahal at pagkamuhi ay mga bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao, ngunit kailangan mong makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong minamahal at ng iyong kinamumuhian. Sa puso mo, dapat mong mahalin ang Diyos, mahalin ang katotohanan, mahalin ang mga positibong bagay, at mahalin ang iyong mga kapatid, samantalang dapat mong kamuhian ang diyablong si Satanas, kamuhian ang mga negatibong bagay, kamuhian ang mga anticristo, at kamuhian ang masasamang tao. Kung nagagawa mong pigilan at gantihan ang iyong mga kapatid dahil sa galit, lubhang nakakatakot iyan, at iyan ang disposisyon ng isang masamang tao. Ang ilang tao ay mayroon lamang kapoot-poot na mga saloobin at ideya—masasamang ideya, pero hinding-hindi sila gagawa ng anumang masama. Hindi masasamang tao ang mga ito dahil kapag may nangyayari, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan, at binibigyang-pansin nila ang mga prinsipyo sa kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, hindi sila humihingi sa mga ito ng labis sa nararapat; kung nakakasundo nila nang maayos ang tao, patuloy silang makikipag-ugnayan dito; kung hindi nila nakakasundo, hindi sila makikipag-ugnayan. Halos hindi ito nakakaapekto sa pagganap ng kanilang tungkulin o sa kanilang pagpasok sa buhay. Ang Diyos ay nasa puso nila at mayroon silang takot sa Diyos na puso. Ayaw nilang magkasala sa Diyos, at natatakot silang gawin iyon. Bagama’t maaaring magkimkim ang mga taong ito ng ilang maling saloobin at ideya, nagagawa nilang ayawan at talikuran ang mga iyon. Nakakapagpigil sila sa kanilang mga kilos, at hindi bumibigkas ng isang salita na hindi naaangkop, o nagkakasala sa Diyos. Ang isang taong nagsasalita at kumikilos sa ganitong paraan ay isang taong mayroong mga prinsipyo at nagsasagawa ng katotohanan. Ang iyong personalidad ay maaaring hindi tugma sa personalidad ng ibang tao, at maaaring ayaw mo sa kanya, ngunit kapag kasama mo siyang gumagawa, nananatili kang walang pinapanigan at hindi mo ibubunton ang mga pagkadismaya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, o ilalabas ang mga pagkadismaya mo sa mga interes ng pamilya ng Diyos; mapapangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ipinamamalas nito? Ito ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso. Kung mayroon kang higit pa riyan, kapag nakita mo na may ilang kakulangan o kahinaan ang ibang tao, kahit na napasama niya ang loob mo o nagkaroon siya ng pagkiling laban sa iyo, may kakayahan ka pa ring tratuhin siya nang tama at mapagmahal siyang tulungan. Ang ibig sabihin nito ay may pagmamahal ka, na ikaw ay isang taong nagtataglay ng pagkatao, na ikaw ay isang taong mabait at kayang magsagawa ng katotohanan, na ikaw ay isang matapat na taong nagtataglay ng mga katotohanang realidad, at na ikaw ay isang taong may takot sa Diyos na puso. Kung maliit pa rin ang iyong tayog ngunit mayroon kang kahandaan, at handa kang magpunyagi para sa katotohanan, at magsikap gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, at nagagawa mong harapin ang mga bagay-bagay at pakitunguhan ang iba nang may prinsipyo, maituturing din ito na pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso kahit papaano; pinakabatayan ito. Kung hindi mo man lang magawang makamit ito, at hindi magawang mapigilan ang sarili, nasa malaking panganib ka at talagang nakatatakot. Kung ikaw ay mabigyan ng posisyon, maparurusahan mo ang mga tao at mapahihirapan sila; malamang na magiging anticristo ka sa anumang sandali. Mabuti o masama man ang isang tao, paano man siya nananalig sa Diyos o ano man ang landas na tinatahak niya, mabubunyag siya paglipas ng ilang taon. Dapat mo siyang pakitunguhan nang may prinsipyo, kahit ano pa ang kalalabasan niya, kung dapat ba siyang parusahan o gantimpalaan—nasa Diyos na iyon. Hangga’t nagagawa mong tukuyin at pakitunguhan siya ayon sa mga prinsipyo, ayos na iyon. Kahit sino pa ang kaharap mo, hangga’t hindi pa nagpapasya ang Diyos kung ano ang kahihinatnan ng gayong mga tao, hindi pa siya pinapaalis, at hindi pa siya pinarurusahan ng Diyos, at inililigtas siya, dapat matiyaga mo siyang tulungan, dahil sa pagmamahal; hindi mo dapat alamin ang kahihinatnan ng gayong mga tao, ni hindi ka dapat gumamit ng mga pamamaraan ng tao upang parusahan sila. Kung nagpapakita sila ng mga katiwalian, maaari mong iwasto o pungusan ang gayong mga tao, o maaaring buksan mo nang matapat ang puso mo at makipagbahaginan ka sa kanila. Gayunman, kung binabalak mong parusahan, layuan, at pagbintangan ang mga taong ito, sinusubukang itama ang mga mali sa ngalan ng Kalangitan, magkakaproblema ka. Magiging kaayon ba ng katotohanan ang paggawa niyon? Ang pagkakaroon ng gayong mga ideya ay manggagaling sa pagiging mainitin ang dugo; ang mga ideyang iyon ay nagmumula kay Satanas at nanggagaling sa hinanakit ng tao, pati na rin sa inggit at pagkamuhi ng tao. Ang gayong pag-uugali ay hindi umaayon sa katotohanan. Ito ay isang bagay na magbababa ng paghihiganti sa iyo, at hindi mo ito dapat gawin. Kaya ba ninyong mag-isip ng iba-ibang paraan para parusahan ang mga tao dahil ayaw ninyo sa kanila o dahil hindi ninyo sila makasundo? Nagawa na ba ninyo ang gayong uri ng bagay dati? Gaano karami nito ang nagawa ninyo? Hindi ba ninyo hinahamak palagi ang mga tao nang di-tuwiran, nagbibitaw ng masasakit na salita, at nagiging mapanuya sa kanila? Ano ang mga kalagayan ninyo habang ginagawa ninyo ang gayong mga bagay? Noon, bumubulalas kayo, at masaya kayo; nakaisa kayo. Gayunman, pagkatapos, naisip ninyo sa inyong sarili, “Kasuklam-suklam ang ginawa ko. Wala akong takot sa Diyos na puso, at hindi naging patas ang pagtrato ko sa taong iyon.” Sa kaibuturan mo, nakonsiyensiya ka ba? (Oo.) Bagama’t wala kang takot sa Diyos na puso, kahit paano ay may konsiyensiya kayo. Sa gayon, kaya mo pa rin bang gawing muli ang ganitong klaseng bagay sa hinaharap? Magagawa mo pa bang atakihin at paghigantihan ang mga tao sa tuwing namumuhi ka sa kanila at hindi mo sila makasundo, o tuwing hindi sila sumusunod o nakikinig sa iyo? Anong klaseng pagkatao ang taglay ng isang taong gumagawa ng gayong bagay? Kung ang kanyang pagkatao ang pag-uusapan, siya ay mapaminsala. Kung isusukat batay sa katotohanan, wala siyang takot sa Diyos na puso. Sa kanyang pananalita at kilos, wala siyang mga prinsipyo; walang pakundangan siyang kumikilos, sinasabi at ginagawa ang anumang gustuhin niya. Nagtataglay ba ng mga katotohanang realidad ang gayong mga tao? Siyempre hindi; ang sagot ay “hindi,” isang daang porsyento. Tunay bang makakapagpasakop sa Diyos at makakasamba sa Kanya ang isang taong walang takot sa Diyos na puso? Talagang hindi.
Sinasabi ng ilang tao: “Kapag nakikita kong dumarating ang mga sakuna, madalas akong nananalangin sa Diyos, hindi ako nangangahas na iwanan ang Diyos sa anumang sandali, at hinihiling ko ang patnubay at proteksyon ng Diyos. Habang naglalakad ako sa kalsada nang mag-isa sa gabi, kapag nanganganib ako, lagi akong umaasa sa Diyos, hindi ako nangangahas na iwanan Siya, at hinihiling ko sa Kanya na tulungan ako. Kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, walang tigil na nananalangin ang puso ko sa Diyos at humihiling sa Kanya ng mga bagay-bagay, upang hindi Niya ako hayaan na maging pabasta-basta, at upang Siya ang mamuno. Sinubukan ko na noon, at kung hindi gumagawa ang Diyos, wala akong kayang gawin, at ako mismo ay walang-wala.” Isa ba itong taong may takot sa Diyos na puso? (Hindi.) Isa bang pagkakamali na umasa sa Diyos? Mali ba ang humingi ng proteksyon sa Diyos? Ang mga salitang binigkas dito ay hindi mali, ngunit hindi normal ang ganitong uri ng kalagayan. Nangangahulugan ito na natatagpuan mo lamang ang Diyos dahil walang sumusuporta sa iyo at wala kang mapupuntahan, napipilitan ka at wala kang magagawa sa bagay na ito, at gusto mong gamitin ang Diyos para gumawa ng mga bagay-bagay para sa iyo, upang maisakatuparan ang mga layon mo. Iyon ba ay pagkatakot sa Diyos? Sa sandaling wala ka nang mga problema, tuluyan mo nang makakalimutan ang Diyos. Kapag masayang-masaya ka, kapag puno ka ng tagumpay, kapag mas mataas kaysa sa iba ang katayuan mo kaya pinupuri at sinasamba ka ng lahat, bakit hindi ka rin umaasa sa Diyos sa gayong mga pagkakataon? Bakit hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos o hinahanap ang Kanyang patnubay? Bakit hindi mo tinatanong ang Diyos kung ang lahat ng ginagawa mo ay umaayon sa Kanyang kalooban? Kapag gumagawa ka ng masama, kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili, bakit hindi mo tinatanong ang Diyos kung umaayon ba ito o hindi sa kalooban Niya? Bakit hindi ka nagninilay-nilay sa sarili, o umaasa sa Diyos para mapigilan ang sarili mo? Anong klaseng problema ito? Ano ang tawag sa lahat ng kalagayang ito? Ang kawalan ng takot sa Diyos na puso. Magagawa ba nang maayos ng isang taong walang takot sa Diyos na puso ang kanyang tungkulin? Maaari ba siyang maging isang tunay na mabuting tao? Makakapasok ba siya sa katotohanang realidad? (Hindi.) Talagang hindi siya makakapasok. Kung walang takot sa Diyos na puso, talagang hindi niya magagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, ni maisasagawa ang katotohanan o makapagpapasakop sa Diyos, kahit na gusto niya. Kung walang takot sa Diyos na puso, hindi madaling isagawa ang katotohanan. Kung nais niyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, tiyak na magkakaroon ng napakaraming paghihirap at kaguluhan, at hindi niya matagumpay na maisasagawa ang katotohanan. Ngayon, kailangan ninyong patahimikin ang puso ninyo at mag-isip sandali. Batay sa inyong kasalukuyang tayog, napakahirap pa rin para sa inyo na magawa ang inyong tungkulin nang pasok sa pamantayan, dahil ang karamihan sa inyo ay may pagkaunawa lamang sa mga salita at doktrina at sa mga panuntunan, at nagtataglay ng ilang personal na hangarin, mithiin, at pagkasabik. Ngunit ang inyong pinagmumulan at ang inyong mga pamantayan ng pagsasagawa ay hindi nakatatag sa pundasyon ng salita ng Diyos. Hindi pa rin kayo tunay na nakapasok sa katotohanang realidad; sinusunod lamang ninyo ang mga panuntunan. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, magiging lubhang mapanganib para sa inyo sa hinaharap. Kung nananalig kayo sa Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan o nagpapasakop sa Diyos, sa malao’t madali, kayo ay mapapalayas. Kung tunay o hindi tapat na nananalig ang isang tao ay hindi nakakalkula batay sa dami ng taon; dahil lang sa nananalig ka sa Diyos nang maraming taon, sa mahabang panahon, ay hindi nangangahulugan na tunay kang nananalig, at na sasang-ayunan ka ng Diyos. Sa huli, hindi kikilalanin ng Diyos ang mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan. Ibubunyag Niya ang mga ito at palalayasin. Dapat ninyong maunawaan ito.
Kakatapos lang natin na magbahaginan sa apat na kondisyon na dapat matugunan upang makatuntong sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Ngunit may isa pang pangwakas na kondisyon, na siyang pinakamahalaga sa lahat, at ito rin ang madalas ninyong sinasabi. Pag-isipan sandali kung ano ito. (Ang mahalin ang Diyos.) Sa ngayon, hindi natin tatalakayin ang pagmamahal sa Diyos, na karamihan sa mga tao ay nagkukulang. Pag-usapan natin ang isang bagay na mas praktikal at totoo, na kinasasangkutan ng katotohanan na talagang kayang ipamuhay ng mga tao. (Ang magpasakop sa Diyos.) Tama. Ito ay ang pagkakaroon ng sumusunod sa Diyos na puso. Kadalasan, kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa mga tao, talagang hindi nila alam ang mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa, ni hindi nila alam kung aling direksyon ang haharapin o kung aling layon ang gagawin. Ngunit mayroong isyu rito sa kanilang saloobin at kalagayan: Dapat silang magkaroon ng sumusunod sa Diyos na puso. Ito ang pinakakinakailangang taglayin ng mga tao. Halimbawa: May nangyayari sa iyo, at hindi mo alam ang gagawin, ni hindi mo pa narinig na may nagsabi kung ano ang dapat gawin. Ang bagay na ito ay maaaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, at maaaring hindi talaga ito ang nais mo; kaya may kaunting pagtutol sa puso mo, at medyo masama ang loob mo. Kaya, ano ang dapat mong gawin? May isang pinakasimpleng paraan para magsagawa—ang magpasakop muna. Ang pagpapasakop ay hindi isang panlabas na pagkilos o pagsasabi, ni hindi ito isang pagpapahayag sa salita—may isang kalagayan na nakapaloob dito. Dapat ay pamilyar kayo rito. Batay sa inyong sariling tunay na mga karanasan, sa tingin ninyo, paano nagsasalita, kumikilos, at nag-iisip ang mga tao, at anong kalagayan at saloobin ang mayroon sila, kapag tunay silang nagpapasakop? (Sa mga bagay na hindi pa nila nauunawaan, isinasantabi muna nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hinahanap nila ang katotohanan at ang kalooban ng Diyos. Kung hindi pa rin sila nakakaunawa pagkatapos maghanap, natututo silang maghintay sa tiyempo ng Diyos.) Ito ay isang aspeto nito. Ano pa? (Kapag tinatabasan at iwinawasto sila, hindi sila nangangatwiran o sumusubok na ipagtanggol ang kanilang sarili.) Ito ay isa pang aspeto ng kalagayang ito. Bagamat hindi harap-harapang nangangatwiran o nagtatanggol ng kanilang sarili ang ilang tao, puro sila reklamo at wala silang kasiyahan. Hindi nila ito sinasabi sa iyo nang harapan, pero walang ingat silang nagsasalita kapag nakatalikod ka na, kung saan-saan nagkakalat ng kwento. Ito ba ay mapagpasakop na saloobin? (Hindi.) Kaya ano ba mismo ang isang mapagpasakop na saloobin? Una, kailangan mong magkaroon ng positibong saloobin: Kapag tinatabasan at iwinawasto ka, hindi mo muna sinusuri ang tama at mali—tinatanggap mo lang ito, nang may pusong nagpapasakop. Halimbawa, maaaring may magsabi na may ginawa kang mali. Bagamat hindi mo nauunawaan sa puso mo, at hindi mo alam kung ano ang ginawa mong mali, tinatanggap mo pa rin ito. Ang pagtanggap ay pangunahin na isang positibong saloobin. Bukod pa rito, mayroong isang saloobin na bahagyang mas pasibo—ang manatiling tahimik at huwag gumawa ng anumang pagtutol. Anong uri ng mga pag-uugali ang may kinalaman dito? Hindi ka nangangatwiran, nagtatanggol sa iyong sarili, o gumagawa ng mga obhektibong dahilan para sa sarili mo. Kung palagi kang nagdadahilan at nangangatwiran para sa sarili mo, at ipinapasa ang responsabilidad sa ibang tao, pagtutol ba iyon? Iyon ay isang disposisyon ng paghihimagsik. Hindi ka dapat tumanggi, lumaban, o mangatwiran. Kahit na tama ang pangangatwiran mo, iyon ba ang katotohanan? Isa iyong obhektibong dahilan ng tao, hindi ang katotohanan. Ngayon, hindi Ako nagtatanong sa iyo tungkol sa mga obhektibong dahilan—kung bakit nangyari ang mga bagay-bagay, o kung paano nagkaganito. Sa halip, sinasabi Ko na ang kalikasan ng mga kilos mo ay hindi naaayon sa katotohanan. Kung mayroon kang kaalaman sa ganitong antas, talagang magagawa mong tumanggap at hindi lumaban. Ang pagkakaroon muna ng mapagpasakop na saloobin kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay ang pinakamahalaga. May ilang tao na palaging nangangatwiran at nagtatanggol ng sarili pagkatapos nilang maharap sa pagtatabas at pagwawasto: “Hindi lang ako ang dapat sisihin dito, kaya paanong ako ang pinananagot dito? Bakit walang nagsasalita para sa akin? Bakit ako lang ang umaako ng responsabilidad para dito? Talagang isa itong uri ng sitwasyon na ‘lahat ay umaani ng mga pakinabang, ngunit isang tao lamang ang nasisisi.’ Napakamalas ko!” Anong klaseng emosyon ito? Ito ay paglaban. Bagamat sa panlabas ay tumatango-tango sila at umaamin sa kanilang pagkakamali, at sinasabi nilang tinatanggap nila ito, nagrereklamo sila sa puso nila, “Kung iwawasto mo ako, sige gawin mo, pero bakit kailangan mong magsalita nang napakalupit? Pinupuna mo ako sa harap ng napakaraming tao, ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Hindi mo ako iwinawasto nang may pagmamahal! Maliit lang ang pagkakamali ko, kaya bakit ang dami-dami mong sinasabi?” Kaya, nilalabanan at tinatanggihan nila ang pagtratong ito sa puso nila, matigas na kinokontra ito, at sila ay hindi makatwiran at mahilig makipagtalo. Ang isang taong may ganitong mga kaisipan at damdamin ay malinaw na mapanlaban at antagonistiko, kaya paano siya magkakaroon ng tunay na mapagpasakop na saloobin? Kapag nahaharap sa pagtatabas at pagwawasto, anong mga kilos ang bumubuo sa isang bukas at mapagpasakop na saloobin? Kahit paano, dapat rasonable ka at nagtataglay ng katwiran. Dapat ka munang magpasakop, at hindi mo dapat labanan o tanggihan ito, at dapat tratuhin mo ito nang may katwiran. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng pinakabatayan na antas ng katwiran. Kung nais mong matamo ang pagtanggap at pagpapasakop, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Hindi simpleng bagay na maunawaan ang katotohanan. Una, dapat mong tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos: Kahit papaano, dapat mong malaman na ang maiwasto at matabasan ay isang bagay na pinahihintulutan ng Diyos na mangyari sa iyo, o na nagmumula ito sa Diyos. Ganap man na makatwiran o hindi ang pagwawasto at pagtatabas, dapat kang magtaglay ng bukas at mapagpasakop na saloobin. Isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at kasabay nito, ito ay pagtanggap din sa pagsisiyasat ng Diyos. Kung mangangatwiran ka lang at ipagtatanggol ang sarili mo, iniisip na ang pagtatabas at pagwawasto ay nagmumula sa tao at hindi sa Diyos, kung gayon ay mali ang pagkaunawa mo. Una, hindi mo tinanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, at pangalawa, wala kang mapagpasakop na saloobin o mapagpasakop na pag-uugali sa sitwasyong itinakda ng Diyos para sa iyo. Ito ay isang taong hindi nagpapasakop sa Diyos. Ang ilang tao ay hindi tumatanggap sa katotohanan o nagninilay-nilay sa sarili kapag nahaharap sila sa pagtatabas at pagwawasto; bulag lang silang sumusunod sa mga panuntunan. Malinaw na lumalabag sa mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, at isinisisi nila ang lahat kay Satanas. Sinasabi nilang: “Nararapat lang ito! Sino ang nagpahintulot sa matandang Satanas na ito na bulag na ipakita ang sarili nito, bulag na kumilos, bulag na gambalain ang mga bagay-bagay, at bulag na lumikha ng mga kaguluhan? Si Satanas ay dapat iwasto, tabasan, at lubusang ipahiya nang sa gayon ay hindi na ito makapagpapakita pa ng mukha! Dapat managot si Satanas dito; wala itong kinalaman sa akin! Dapat isisi ang lahat kay Satanas!” Pagkatapos, matutuwa ang puso nila, at iisipin nilang nagtagumpay sila laban kay Satanas. Hindi ba’t kalokohan ang ganitong pag-iisip? Malinaw na sila mismo ang may ginawang mali, at sinasabi nilang si Satanas ang gumawa niyon. Kaya, sila ba talaga ang may mali, o si Satanas? (Sila mismo ang may ginawang mali.) Nauunawaan ba talaga nila na sila si Satanas? (Hindi.) Kaya, kay Satanas ba talaga sila napopoot, o sa kanilang sarili? Hindi nila sinasabi nang malinaw. Sa madaling salita, ang isang taong hindi tumatanggap ng pagtatabas o pagwawasto ay isang taong hindi talaga nagpapasakop sa Diyos. Ang pagpapasakop ang pinakamahirap na aral na matututuhan. Para sa karamihan ng mga tao, kapag may nangyayari sa kanila na naaayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at naaayon sa kanilang sariling kagustuhan, napakaganda ng pakiramdam nila, kaya’t nasisiyahan silang magpasakop, at maayos ang takbo ng lahat. Panatag at payapa ang kanilang puso, at sila ay masaya at nagagalak. Pero kapag nahaharap sila sa isang bagay na hindi naaayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro, o isang bagay na hindi nakabubuti sa kanila, hindi sila makapagpasakop kahit alam nilang dapat. Nakararamdam sila ng sakit, wala silang magawa kundi magdusa nang tahimik, at nahihirapan silang pag-usapan ang kanilang mga paghihirap. Nalulumbay sila, at napupuno sila ng mga hinaing na hindi nila mailabas, kaya’t nagngingitngit ang puso nila: “Tama ang iba. Mas mataas ang katayuan nila kaysa sa akin; paanong hindi ko magawang makinig sa kanila? Mabuti pang tanggapin ko na lang ang kapalaran ko. Kailangan kong maging mas maingat sa susunod at hindi mangahas—ang mga taong nangangahas ay iwinawasto. Hindi madali ang pagpapasakop. Napakahirap nito! Nabuhusan ng isang balde ng malamig na tubig ang apoy ng aking kasigasigan. Nais kong maging simple at bukas, ngunit ang naging resulta ay paulit-ulit kong nasasabi ang maling bagay, at palagi akong naiwawasto. Sa hinaharap, tatahimik na lang ako, at magiging mapagpalugod ng tao.” Anong klaseng saloobin ito? Ito ay napakalaking pagbabago. Ano ang pinakalayon ng Diyos sa pagtulot sa mga tao na matutunan ang aral ng pagpapasakop? Gaano man karaming pagkakamali at pasakit ang dinaranas mo sa panahong iyon, gaano ka man ipinahihiya, o gaano man kalaki ang pinsalang dinanas ng iyong imahe, banidad, o reputasyon, hindi pangunahin ang lahat ng ito. Ang pinakamahalagang bagay ay ang baguhin ang kalagayan mo. Anong kalagayan? Sa normal na mga sitwasyon, umiiral ang isang uri ng mapagmatigas at mapanghimagsik na kalagayan sa kaibuturan ng puso ng mga tao—na ang pangunahing dahilan nito ay, sa kanilang mga puso, mayroon silang isang partikular na uri ng lohika ng tao at kalipunan ng mga kuru-kuro ng tao, na: “Hangga’t tama ang aking mga layunin, hindi mahalaga kung ano ang kalabasan: hindi mo ako dapat iwasto, at kapag ginawa mo iyon, hindi ko kailangang sumunod.” Hindi sila nagninilay-nilay kung naaayon ba ang kanilang mga kilos sa mga katotohanang prinsipyo, o kung ano ang mga kahihinatnan ng mga ito. Ang lagi nilang pinaninindigan ay, “Hangga’t mabuti at tama ang aking mga layunin, dapat akong tanggapin ng Diyos. Kahit pa hindi maganda ang kalabasan, hindi mo ako dapat tabasan o iwasto, lalong hindi mo ako dapat kondenahin.” Ganito ang katwiran ng tao, hindi ba? Mga kuru-kuro ito ng tao, hindi ba? Laging nakapako ang isip ng tao sa sarili niyang pangangatwiran—may pagpapasakop ba rito? Ginawa mong katotohanan ang sarili mong pangangatwiran at isinantabi ang katotohanan. Naniniwala ka na iyong umaayon sa iyong pangangatwiran ang siyang katotohanan, at iyong hindi umaayon ay hindi. Mayroon pa bang sinumang higit na katawa-tawa? Mayroon pa bang mas mayabang at mapagmatuwid? Aling tiwaling disposisyon ang dapat malutas upang matutuhan ang aral ng pagpapasakop? Ang disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, na siyang pinakamatinding hadlang sa mga taong nagsasagawa ng katotohanan at nagpapasakop sa Diyos. Ang mga taong may mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang pinakamalamang na mangatwiran at sumuway, laging iniisip na tama sila, kaya naman wala nang mas apurahan pa kaysa sa paglutas at pagharap sa mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ng isang tao. Sa sandaling maging maayos ang asal ng mga tao at tumigil na sila sa pangangatwiran para sa kanilang sarili, malulutas ang problema ng paghihimagsik, at magagawa na nilang magpasakop. Kung magagawa ng mga taong makamit ang pagpapasakop, hindi ba’t kailangan na taglay nila ang isang partikular na antas ng pagkamakatwiran? Dapat taglay nila ang katinuan ng isang normal na tao. Halimbawa, sa ilang bagay, kung ginawa man natin ang tamang bagay o hindi, kung hindi nasisiyahan ang Diyos, dapat nating gawin kung ano ang sinasabi Niya, at ituring ang Kanyang mga salita bilang pamantayan para sa lahat ng bagay. Makatwiran ba ito? Gayon ang katinuan na dapat masumpungan sa mga tao bago ang anupaman. Kahit gaano pa tayo magdusa, at kahit ano pa ang ating mga layunin, pakay, at dahilan, kung hindi nasisiyahan ang Diyos—kung hindi natugunan ang Kanyang mga hinihingi—kung gayon walang pag-aalinlangang hindi nakaayon ang ating mga kilos sa katotohanan, kaya dapat tayong makinig at magpasakop sa Diyos, at hindi natin dapat subukang magpalusot o mangatwiran sa Kanya. Kapag nagtataglay ka ng gayong pagkamakatwiran, kapag nagtataglay ka ng katinuan ng isang normal na tao, madaling lutasin ang iyong mga problema, at magiging tunay kang mapagpasakop. Kahit ano pa ang sitwasyong kinalalagyan mo, hindi ka magiging rebelde, at hindi mo sasalungatin ang mga hinihingi ng Diyos; hindi mo susuriin kung tama ba o mali, mabuti ba o masama ang mga hinihingi ng Diyos, at magagawa mong sumunod—at dahil dito ay malulutas ang iyong kalagayan ng pangangatwiran, pagmamatigas, at pagrerebelde. May ganito bang mga mapaghimagsik na kalagayan ang lahat ng tao sa loob nila? Madalas lumilitaw ang mga kalagayang ito sa mga tao, at iniisip nila sa kanilang sarili, “Hangga’t makatwiran ang aking diskarte, mga panukala, at mga mungkahi, kahit labagin ko pa ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ako dapat tabasan o iwasto, dahil hindi naman ako gumawa ng masama.” Isang pangkaraniwang kalagayan ito sa mga tao. Ang pananaw nila ay na kung hindi sila nakagawa ng masama, hindi sila dapat tabasan at iwasto; ang mga taong nakagawa lamang ng masama ang dapat tabasan at iwasto. Tama ba ang pananaw na ito? Siyempre hindi. Pangunahing pinupuntirya ng pagtatabas at pagwawasto ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung may tiwaling disposisyon ang isang tao, dapat siyang tabasan at iwasto. Kung natabasan at naiwasto lang siya matapos makagawa ng masama, huli na ito masyado, dahil nakagawa na siya ng pinsala. Kung nalabag ang disposisyon ng Diyos, manganganib ka, at maaaring hindi na gumawa sa iyo ang Diyos—kung magkagayon, ano pa ang silbi na iwasto ka? Wala nang ibang magagawa pa kundi ilantad ka at palayasin ka. Ang pangunahing problema na pumipigil sa mga tao na makasunod sa Diyos ay ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Kung tunay na nagagawa ng mga taong tanggapin ang paghatol at pagkastigo, magagawa nilang epektibong lutasin ang sarili nilang mapagmataas na disposisyon. Kahit sa ano pang antas nila ito nagagawang lutasin, kapaki-pakinabang ito sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa Diyos. Ang pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ay pinakapangunahin sa lahat. upang malutas ang sariling tiwaling disposisyon, para mailigtas ng Diyos. At kung tunay ngang nagagawa ng mga taong makamit ang lubos na pagpapasakop sa Diyos, kailangan pa rin ba nilang maranasan ang paghatol at pagkastigo? Kailangan pa rin ba nilang maranasan ang pagtatabas at pagwawasto? Hindi na nila kailangan, dahil nalutas na ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kapag nahaharap sa paghatol, pagkastigo, pagtatabas at pagwawasto ng Diyos, laging gusto ng mga tao na magdahilan para sa kanilang sarili. Gaano man karaming pangangatwiran ang gawin mo, wala sa mga ito ang katotohanan; hindi ibig sabihin nito na nalutas na ang tiwali mong disposisyon, lalong hindi ibig sabihin nito na tunay kang mapagpasakop sa Diyos. Kaya walang silbi na mangatwiran pa; ang pinakamahalaga ay ang lutasin ang problema.
Kung ang isang tao ay walang sumusunod sa Diyos na puso, magkakaproblema siya. Minsan, nagsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo na hindi katulad ng inakala mong mangyayari, kaya tumututol ka. Halimbawa, isa kang taong mahilig sa kalinisan, at ayaw mo ng mga taong pabaya at burara; sa tingin mo ay nakakadiri ang mga taong ito kapag nakikita mo sila. Nagagawa mo bang kontrolin ang sarili mo? Ano ang dapat mong gawin? Una, kailangan mong magkaroon ng tamang saloobin. Anong saloobin? (Isang mapagpasakop na saloobin.) Paano ka magpapasakop? Anong mga kaisipan sa kaloob-looban ng mga tao ang bumubuo ng isang mapagpasakop na saloobin? Ano ang bumubuo sa realidad ng pagpapasakop? Kapag nahaharap ka sa ganitong bagay, dapat may magkakabit na pagsasaayos. Walang problema rito. Sa buhay ng isang tao, siyam sa sampung bagay ay hindi naaayon sa kanyang mga kagustuhan. Maaaring hindi mo gusto ang bagay na ito o ang bagay na iyon, at ano man ang nangyayari sa iyo, palagi kang nangangatwiran para sa sarili mo at nagrereklamo na hindi patas ang Diyos sa iyo. Ang totoo, sariling problema mo ito, kaya huwag mong palakihin ang mga bagay-bagay. Kapag mahabang panahon ka nang nananalig sa Diyos at mayroon kang maraming karanasan sa pagkabigo, malalaman mo na hindi ka talaga kagalang-galang, hindi mas magaling kaysa sa sinuman. Kapag naisip mo kung paanong pinaniniwalaan mo noon na mas magaling ka, mas matayog, at mas marangal kaysa sa iba, sobrang mahihiya ka! Kapag nakauunawa ang isang tao ng kaunting katotohanan, mas mayroon siyang katinuan kaysa dati, kaya madali para sa kanya na tanggapin ang katotohanan, at madali para sa kanya na hanapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos kapag may nangyayari sa kanya. Dapat kang matutong makiangkop sa kapaligiran mo. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat munang magkaroon ng ganitong kaalaman: May mga tao sa iglesia mula sa bawat lupain, at bawat lupain ay may iba’t ibang kaugalian at kagawian. Ang mga bagay na ito ay hindi sumasalamin sa kalidad ng pagkatao ng isang tao; kahit na mabuti, normal, at kontrolado ang mga gawi sa buhay ng isang tao, at mayroon siyang marangal na karakter, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan. Dapat mong maunawaan ito at magkaroon ka ng positibong pagkaunawa rito. Bukod pa rito, marami kang sariling kapintasan, masyado kang maselan. Binibigyan ka ng Diyos ng kapaligirang mabuti para sa iyo, kaya dapat kang matutong makiangkop dito, hindi pinupuna ang mga kapintasan ng ibang tao, at higit pa rito, makisama ka sa iba nang may pagmamahal, maging malapit sa kanila, tignan at aralin ang kanilang mga kalakasan, at pagkatapos ay manalangin sa Diyos na tulungan kang malampasan ang sarili mong mga kapintasan. Ito ay isang mapagpasakop na saloobin at pagsasagawa. Kung masyado kang nayayamot sa ibang tao, at naaapektuhan ka nito sa paggawa ng iyong tungkulin, dapat kang lumayo sa kanila, at huwag makialam sa kanila. Ano ang pakikialam? Ito ay kapag sinabi mong: “Kailangan kong baguhin itong kapintasan nila—kung hindi ito magbabago, hindi ko ito hahayaan!” Anong uri ng pag-uugali ito? Ito ay walang pakundangan, mayabang, at ignorante. Huwag maging ganitong uri ng tao. Lahat tayo ay ordinaryong tao; hindi tayo mukhang espesyal. Bawat isa sa atin ay may ulo, dalawang mata, isang ilong, at isang bibig. Kumakain man tayo, naglalakad, o nagtatrabaho, pare-pareho tayong lahat, walang pagkakaiba; hindi rin tayo mas mahusay kaysa sa iba, kaya hindi natin dapat tingnan ang ating sarili bilang kagalang-galang o dakila. Kahit may kaunti kang kasanayan o talento, walang dapat ipagmalaki. Una, dapat mong ituwid ang iyong pananaw, at kapag naharap ka sa mga bagay-bagay, dapat mong tingnan ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hindi mo palalakihin ang mga maliliit na bagay. Kung may mangyaring espesyal sa iyo, at talagang hindi ka makapagpasakop, at naaapektuhan nito ang paggawa ng iyong tungkulin, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Hindi natin dapat panghimasukan ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay ay may mabuting layunin ng Diyos. Sinasanay Niya ang mga tao sa lahat ng uri ng mga sitwasyon, na nagdulot sa kanila na mahubog at matutong magpasakop, at sa huli, nagbubunga ang paghubog na ito: Nagkakaroon sila ng takot sa Diyos at nagagawa nilang umiwas sa kasamaan, palugurin ang Diyos, at pagkatapos ay nagkakaroon sila ng tunay na pagbabago. Upang hangarin ang katotohanan, kailangan mo munang magkaroon ng kahandaang magdusa, at dapat kang matutong magpasakop sa iyong mga sitwasyon. Kadalasan, hindi gaanong simple ang mga sitwasyon mo; maaari mong makasalamuha ang lahat ng uri ng tao at maharap ang lahat ng uri ng kakaibang bagay. Ano man ang mangyari sa iyo, huwag umasa sa sarili mong kagustuhan o kapusukan, bagkus ay lumapit sa Diyos sa panalangin. Upang magawa ito, kailangan mo munang magkaroon ng mapagpasakop na saloobin, na isang panloob na katangian na dapat taglayin ng lahat ng normal na tao. Bukod pa rito, kung nagdarasal at humihiling ka sa Diyos na kumilos, at hindi Siya kumikilos o nagbubukas ng daan palabas para sa iyo, dapat ka ring magpasakop. Dapat kang patuloy na mamuhay sa ganitong uri ng sitwasyon, na pinahihintulutan ang Diyos na mangasiwa ng mga bagay-bagay para sa iyo, at hindi pinipilit ang mga bagay-bagay, at pinapangunahan ang Diyos. Ito ang tanging paraan para mamuhay ng isang buhay na may halaga. Ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos ay hindi napakadaling pasukin, dahil walang sinuman ang namumuhay nang mag-isa. Kung titingnan ang buhay nila, ang bawat tao ay may mga kanya-kanyang gawi at personal na kaisipan, hangarin, at kahilingan. Kung titingnan ang mga obhektibong kondisyon, walang sinuman ang ganap na makakasunod sa kagustuhan mo sa kanilang mga kilos at salita. Kaya, ang pinakamahalagang aral ay ang tulutan ang lahat na matuto kung paano magpasakop sa kanilang mga sitwasyon, at hanapin ang kalooban ng Diyos sa mga sitwasyon sa buhay na nangyayari sa kanila. Mabuti man o masama, komportable man o mahirap ang mga sitwasyon mo sa buhay, may mga aral na dapat mong matutunan. Ang mga nagnanasa ng kaginhawahan at kaluwagan ay dapat matuto ng mga aral ng pagpapasakop at pagdurusa; kailangan nilang makamit ang kakayahang mabuhay sa anumang sitwasyon, gawin nang maayos ang kanilang tungkulin at manindigan sa kanilang patotoo. Saka lamang nila mapapalugod ang kalooban ng Diyos. Hindi ba’t pinangangasiwaan at isinasaayos ng Diyos ang ganitong uri ng sitwasyon sa buhay? Lahat ay naghahangad ng magandang buhay, ngunit kung mamumuhay sila sa mga sitwasyong masyadong komportable at perpekto, nang walang anumang pagdurusa, magagawa ba nilang magpasakop sa Diyos at magpatotoo sa Kanya? Kapag nagsasaayos ang Diyos ng ilang suliranin at mahihirap na sitwasyon para sa iyo, ang pangunahing tanong ay kung kaya mo bang magpasakop o hindi. Kung kayang isaalang-alang ng lahat ang kalooban ng Diyos sa ilalim ng mga sitwasyong ito at nakapagsasagawa sila ayon sa Kanyang mga hinihingi, kailangan mong tiisin ang lahat ng bagay na ayaw mong makita, ang mga bagay na hindi mo gusto; bukod pa rito, kailangang hindi ka magpapigil sa mga bagay na ito at magawa mo nang normal ang iyong tungkulin. Ang pagdanas sa ganitong paraan ay magpapalago sa buhay mo. Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi isinasagawa ng iba ang katotohanan, hindi ko rin isasagawa ang katotohanan. Kung hindi sila nagpapasakop, bakit ako magpapasakop? Kung wala silang pagtitimpi, bakit kailangan kong magtimpi? Bakit palaging kailangan kong gawin ang mga bagay na hindi nila ginagawa? Bakit palaging ako ang kailangang magsikap nang husto? Hindi ko rin gagawin iyon.” Anong klaseng saloobin ito? Ang pagsasagawa mo sa katotohanan ay sarili mong isyu; isa itong bagay sa pagitan mo at ng Diyos, at walang kinalaman sa iba pang tao. Walang sinuman ang may anumang obligasyon na makipagtulungan sa iyo. Ikaw ay ikaw, sila ay sila. Kung hindi nila isinasagawa ang katotohanan at hindi pinapasok ang katotohanang realidad, sa huli, sila ang aabandonahin, hindi ikaw, at hindi ka madedehado. Madedehado ba ang mga taong nagpapasakop sa Diyos? Hindi sila madedehado. Kung hindi ninyo maarok ito, talagang sobra kayong hangal!
Sa usapin ng pagpasok sa buhay, kahit na ito ay ilang salita lamang ng pagbabahaginan, kung taimtim ninyong tinatanggap ang mga ito, nagagawa ninyong isagawa ang mga ito sa inyong totoong buhay, at nagagawang inyong realidad ang mga ito, kung gayon, hindi naging walang kabuluhan ang pagsasabi Ko. Kaya, anumang aspeto ng realidad ito, at kahit na ilang salita lamang ito, kung nakakarating sa puso mo ang katotohanan, at kung isinasagawa mo ito bilang ang katotohanan, mag-uugat ito, mamumulaklak, at mamumunga sa loob mo. Ito ay magiging buhay mo, at magagawa mo itong isabuhay, at matutupad ito. Ito ay magandang resulta. Kung magbabahagi Ako sa inyo araw-araw, ngunit gaano man karami ang sabihin Ko, wala kayong mauunawaan—kung walang sinuman ang magsasapuso nito, gagawin pa rin ang anumang gusto nila, kikilos nang walang pakundangan at walang ingat, hindi makikinig sa sinasabi Ko, at mamumuhay pa rin ayon sa sarili nilang kagustuhan, mga imahinasyon, at kuru-kuro—kung gayon, hindi ba’t magiging walang saysay ang pagsasalita Ko? Hindi mahalaga kung gaano karaming salita ang sabihin Ko sa inyo tungkol dito—ang mahalaga ay kung masigasig ninyong pinakikinggan, tinatanggap, at isinasagawa ang mga ito. Ang katotohanan ay totoo at tunay ngang buhay ng tao. Hindi ito isang sangay ng larangan, ni isang kaalaman, ni isang katutubong tradisyon, ni isang argumento—ito ay ang buhay ng tao. Tutulutan ka nitong makatakas mula sa mga gapos ni Satanas, na maging malaya sa iyong tiwaling disposisyon, mamuhay nang may lakas at higit na kapangyarihan, mamuhay nang mas komportable, at mamuhay nang may direksyon at layon. Ang katotohanan ay maaari talagang maging buhay ng tao. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, danasin mo ito at isagawa nang ilang panahon, tingnan mo kung mayroong mga resulta o wala, at pagkatapos ay malalaman mo. Kung madalas kang nanghihina at pasibo, ang masasabi Ko lang ay hindi mo pa nakamit ang katotohanan. Kung nakamit mo na ang katotohanan, wala ka sana sa ganitong kalagayan ngayon, labis na walang magawa, napakahina, at napakarupok; hindi ka sana madalas na pasibo, o madalas na naiipit sa sangang-daan, hindi alam kung saan pupunta. Iyon ay isandaang porsyentong sigurado! Naiintindihan mo ba? (Oo.)
Ngayon, natapos na natin ang pagbabahaginan sa limang kondisyon na dapat matugunan para makapagsimula sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Ano ang limang kondisyong iyon? (Una, ang isang tao ay dapat magtaglay ng isang matapat na puso; pangalawa, ang isang tao ay dapat may pusong nagmamahal sa katotohanan; pangatlo, ang isang tao ay dapat mayroong konsiyensiya at katwiran; pang-apat, ang isang tao ay dapat magtaglay ng may takot sa Diyos na puso; panglima, ang isang tao ay dapat may sumusunod sa Diyos na puso.) Tandaan ang limang kondisyong ito, magbahagi tungkol sa mga ito at basahin ang mga ito bilang panalangin kapag walang ibang nangyayari. Tingnan kung aling mga katotohanang prinsipyo ang naisasagawa ninyo sa panahong ito, kung matapat man o hindi ang inyong mga salita at kilos, kung mayroon man kayong takot sa Diyos na puso o wala, kung may matapat na puso man kayo o wala habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, kung may pabasta-bastang kalagayan man kayo o wala, kung naiisipan man ninyong magpakatamad, umiwas sa responsabilidad, o maging mapanlinlang, at kung naghahanap man kayo at nagpapasakop sa lahat ng hinihingi ng Diyos. Dapat ninyo itong pagnilayan paminsan-minsan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakamit ng mga resulta uusad ang buhay ninyo.
Setyembre 15, 2015