Ang Pagbabahagi Tungkol sa Himnong “Dahil sa Pag-ibig” (Ikatlong Bahagi)
Tingnan ang susunod na linya: “Dahil sa pag-ibig, ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang tutulong sa ating makawala mula sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan.” Mayroon bang anumang problema rito? Ang tatlong salitang “dahil sa pag-ibig” ay hindi pa rin angkop na batayan. Walang anumang mali sa pariralang “ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang tutulong sa ating makawala mula sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan,” dahil ito ang resulta ng gawain ng Diyos—pero bakit palaging kailangang idagdag ng sumulat ng himno sa unahan ang mga salitang “dahil sa pag-ibig”? Anong aral ang natutunan ninyo mula rito? Pagdating sa pagkomento, pagtukoy, o paglimita sa disposisyong diwa ng Diyos, dapat kayong maging partikular na maingat at magkaroon ng saloobin ng pagpapakumbaba at pag-iingat. Kung may kakayahan kayong walang humpay na magsalita nang walang kabuluhan, at kung ang sinasabi ninyo ay puro lang kalokohan at walang lamang salita, pagyayabang, at paglapastangan, masasalungat ninyo ang disposisyon ng Diyos at kasusuklaman at kamumuhian Niya kayo. Kumpara sa diwa ng Diyos, sa hindi gaanong malinaw na pananalita, ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos ay masasabing isang patak lang ng tubig sa karagatan o isang butil ng buhangin sa dalampasigan. Napakalaki ng pagkakaiba ng dalawang ito, at kung mangangahas pa rin ang mga taong limitahan ang mga bagay-bagay at bumuo na lang basta ng mga kongklusyon, basta-bastang ituring na mga katotohanan ang sarili nilang mga kuru-kuro at balangkasin ang mga ito sa mga salita, magkakaroon ng malaking isyu. Anong malaking isyu iyon? (Paglapastangan sa Diyos.) Ang paglapastangan sa Diyos ay likas na nakaliligalig at seryoso. Kung ayaw mong lapastanganin ang Diyos pagdating sa iyong subhetibong kalooban, dapat mong panghawakan ang kasasabi Ko lang sa inyong lahat, ibig sabihin, maging maingat kayo at bantayan ninyo ang mga dila ninyo. Ano ang ibig sabihin ng bantayan ang dila ng isang tao? (Huwag kayong basta-basta magkokomento sa Diyos at huwag ninyo Siyang limitahan.) Tama iyan. Para naman sa mga usaping may kinalaman sa mga pangitain, ang “may kinalaman sa mga pangitain” ay isa lang pangkalahatang pahayag; sa mas partikular, may kaugnayan ito sa mga usaping may kinalaman sa plano ng pamamahala, gawain, at disposisyong diwa ng Diyos. Kaya, maingat kayong magsalita at kumilos sa mga usaping may kaugnayan sa mga pangitaing ito, at huwag kayo basta-bastang maglimita o maghusga. May ilang taong nagsasabi, “Iyan nga ang naisip ko,” pero tama bang isipin mo na ganoon nga iyon? Huwag kang masyadong mayabang at mapagmagaling. Kung hindi tama ang iniisip mo pero nagsasalita ka pa rin ng kalokohan at basta-basta mo pa ring nililimitahan ang mga bagay-bagay, iyon ay paghusga, pagkondena, at paglapastangan—at baka mapasubo ka. Hindi kaya ng ilang tao na tanggapin ito, at sinasabi nila, “Ganyan lang talaga ang tingin ko sa mga bagay-bagay, at kung hindi Mo ako hahayaang magsalita, sinasabihan Mo akong ikubli ang sarili ko.” Paano iyon naging pagsasabi sa iyo na ikubli mo ang sarili mo? Ito ay pagpapayo sa iyo na maging maingat at huwag magsabi ng anumang hindi mo pa napag-isipan nang mabuti at nahanap na makumpirma. Para ito sa kapakanan mo; para ito sa proteksyon mo. Kung mali ang iniisip mo, alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan sa sandaling magsalita ka? Kakailanganin mong umako ng responsabilidad para sa mga salita mo. Nakagawa na ng maraming masasamang gawa ang sinumang anticristo; at ano ang mga kinahinatnan nila sa huli? Kinailangan nilang umako ng responsabilidad para sa mga gawa nila, at kinailangan silang pangasiwaan ng iglesia. Samakatwid, kung may isa kang ideya o pagkaunawa, ang pinakamainam ay kumpirmahin mo ito bago mo ito sabihin. Kailangan mo ng sapat na basehang batay sa katunayan at suportang teoretikal bago mo ito puwedeng isulat sa isang artikulo, buuin bilang teksto, o isulat bilang isang himno. Kung hindi sapat ang mga katunayan at suportang teoretikal na mayroon ka, ang mga katunayang gusto mong pagtibayin o na pinaniniwalaan mong ang “katotohanan” ay masyadong hindi praktikal; ang mga ito ay pawang mga teoryang walang laman at mga mapanlihis na salita. Puwedeng sabihin na mapangahas ka at walang ingat, at na nagsasabi ka ng mga salitang lumalapastangan.
Napakaraming katotohanan na ang ipinahayag ng Diyos mula sa umpisa ng Kanyang gawain hanggang ngayon, at napakaraming salita ang may kinalaman sa iba’t ibang kalagayan at tiwaling disposisyon ng mga tao, pati na rin sa iba’t ibang pangangailangan ng mga tao. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig sabihin nito ay na napakaraming himno ang maisusulat tungkol sa mga paksang may kinalaman sa karanasan ng mga tao, kaalaman ng mga tao tungkol sa salita ng Diyos, at kaalaman ng mga tao tungkol sa mga hinihingi ng Diyos. Puwede kang magsulat tungkol sa anumang aspekto na may karanasan ka; kung wala kang karanasan, huwag kang magsulat nang basta-basta. Kung may karanasan ka pero hindi ka magaling magsulat ng mga himno, puwede kang humanap ng isang taong nakakaunawa ng mga himno para magkaroon ka ng gabay bago ka sumulat. Ang mga taong hindi nakakaunawa ng mga himno ay talagang dapat umiwas sa basta-bastang pagsusulat ng mga ito para lang pumuno ng espasyo. Ang mga taong sumusulat ng mga himno ay dapat may karanasan at nakaaarok din ng mga prinsipyo; dapat silang magsalita mula sa puso at magsabi ng mga praktikal na salita, para ang himnong isinusulat ay magamit ng mga tao. May ilang himnong nagsasabi ng mga bagay-bagay na hindi talaga praktikal kundi mga salita at doktrina lang na walang nagagawa para sa mga tao; mas mabuti pang hindi na lang sumulat ng mga ganitong uri ng himno. May ilang taong sumusulat ng mga himno at ipinababago ang mga ito sa ibang tao, at ang mga nagbabago ng mga himno ay walang karanasan pero nagkukunwaring may karanasan at talento sa pagsusulat. Hindi ba’t panlilinlang ito? Wala silang sariling karanasan, pero gusto pa rin nilang magbago ng himno para sa iba—wala silang pagkakilala sa sarili. Samakatwid, hindi dapat magsulat ng himno kailanman ang mga taong walang karanasan o tunay na kaalaman. Sa isang banda, wala silang magagawang anumang makabubuti kaninuman, at sa isa pa, lolokohin lang nila ang mga sarili nila.
Ang pag-awit ng mga himno ay bahagyang para magpuri sa Diyos, at bahagyang para makibahagi sa espirituwal na debosyon at pagninilay sa sarili, na nagbibigay-daan sa isang tao na makinabang dito. Ang susi sa kung may halaga ba ang isang himno ay kung ang mga liriko ay kapaki-pakinabang at nakabubuti sa mga tao. Kung ito ay mabuting himno na batay sa karanasan, maraming salita rito ang nakabubuti sa mga tao at kapaki-pakinabang. Ano ang tinutukoy ng mga salitang kapaki-pakinabang? Tumutukoy ito sa mga lirikong maiisip mo tuwing may kinakaharap kang bagay sa mga karanasan mo. Ang mga salitang ito ay makapagbibigay sa iyo ng direksyon at landas ng pagsasagawa; makapagbibigay sa iyo ng tulong, inspirasyon, at gabay ang mga ito, o makapagbibigay sa iyo ng kaunting liwanag ang mga ito, para mula sa mga salitang ito na nanggagaling sa mga praktikal na karanasan ay matatagpuan mo ang posisyon kung saan ka titindig, ang dapat mong maging saloobin, ang dapat mong maging pananaw, ang pananalig na dapat mong taglayin, at ang landas na dapat mong isagawa. O, mula sa mga salitang iyon, makikilala mo ang ilang aspekto ng sarili mong mga pagkabaluktot, at makikilala mo ang ilang aspekto ng sarili mong tiwaling kalagayan, ang pagpapakita mo ng katiwalian, o ang mga kaisipan at ideya mo. Ang lahat ng ito ay nakakatulong sa mga tao. Bakit nakakatulong sa mga tao ang mga ito? Dahil naaayon ang mga ito sa katotohanan, at ang mga ito ay mga karanasan at pagkatanto ng mga tao. Kung mayroong mga tunay na praktikal na bagay sa mga liriko na puwedeng maging kapaki-pakinabang sa iyong karanasan sa buhay, na tutulong, gagabay, magbibigay-liwanag, o magbababala sa iyo pagdating sa paglutas ng iyong tiwaling disposisyon, mahalaga at praktikal ang mga salitang ito. Kahit na simple lang ang ilang liriko, praktikal ang mga ito; may ilang liriko na puwedeng hindi ganoon kaelegante ang pagkakasulat, puwedeng hindi gaya ng tula o salaysay ang mga ito, at puwedeng bernakular at taos-puso ang mga ito, pero kung nagpapahayag ng pagkaunawa sa katotohanan ang mga salitang iyon, at kung nagpaparating ang mga iyon ng isang tunay na pagdanas ng katotohanan, ang mga iyon ay nakapagtuturo sa iyo, praktikal at mahalaga. Ang pinakamalaking paghihirap ninyo ngayon ay na hindi kayo marunong kumilatis; hindi ninyo makita kung ang mga liriko ba ay mga salitang walang laman, o mga salita at doktrina. Ayos lang sa inyo kung anumang mga salita ang awitin; hindi ninyo pinag-iisipan kung praktikal ba ang mga liriko, kung tinataglay ba ng mga ito ang katotohanan, kung nakabubuti ba ang mga ito sa mga tao, o kung may anumang pakinabang ba ang mga ito sa inyo—wala sa mga konsiderasyong ito ang naiisip ninyo. At iniisip mo pa ring napakaayos at napakaganda ng mga himnong ito matapos mong awitin ang mga ito, pero hindi mo alam kung anong uri ng epekto ang dala nito sa iyo. Hindi ba’t ito ay isang taong walang pagkilatis?
May isang himnong tinatawag na “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos,” at bawat linya sa himnong iyon ay isang pagkatanto na galing sa praktikal na karanasan, malaking tulong ito sa mga tao—may nakarinig na ba sa inyo nito? Kapag mas maganda ang mga liriko, at kapag mas nakapagpapatibay ang mga ito sa buhay ng mga tao, mas ayaw ninyong tanggapin ang mga ito. Hindi ninyo tinitingnan o pinapansin ang mga ito, hindi ninyo pinapahalagahan ang mabubuting bagay na ito, hindi ninyo alam kung paano panghawakan ang isang mahalagang bagay—sa sandaling hawak na ninyo ito, nawawala na ito sa mga kamay ninyo. Talagang naghihikahos at kaawa-awa kayong lahat! Maraming beses Ko nang inirekomenda ang himnong ito sa mga pagtitipon. Ang regular na pag-awit ng mga gayong himno ay may nakatutulong na epekto sa inyong pagpasok, sa paglago ng inyong pananalig sa Diyos, at sa pagkamit ninyo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Hindi masusukat ang mga epektong ito. Ito ay mahalagang himno, kaya inirerekomenda Ko ito, pero wala pa rin sa inyong umaawit nito. Hindi ninyo pa rin alam kung ano ang realidad at kung ano ang mga salita at doktrina lamang, kaya kailangan na mas madalas ninyong awitin ang mga himnong ito at talagang damahin ninyo ang mga ito. Suriin natin ang isang ito.
Sabi sa unang linya ng himno, “Dahil napili kong mahalin ang Diyos, hahayaan ko Siyang kunin ang anumang gusto Niya.” Kunin ang ano? Ang katayuan ng isang tao, ang pamilya niya, ang imahe niya, at kahit ang dignidad niya. Ano ang mga elemento ng mga pagpipinong dumating kay Job? Ano ang ginawa ng Diyos? (Kinuha Niya ang mga ari-arian ni Job at ang mga anak nito.) Kinuha ng Diyos ang lahat mula kay Job, at sa isang iglap, wala nang natira rito at napuno ng bukol ang buong katawan nito. Pagkakait ang tawag diyan. Sa kongkretong pananalita, ito ay pagkakait, at ang pangkalahatang ideya tungkol sa pagkilos na ito ay na nais subukin ng Diyos si Job; ito ay pagsubok, at isa sa mga partikular na gawain sa pagsubok na ito ay ang pagkakait. Sa pagpapatuloy pa: “Sa kabila ng nararamdamang bahagyang kalungkutan, wala akong sinasabing hinaing.” Hindi ba’t iyan ay saloobin ng tao? (Oo.) “Nakakaramdam ng bahagyang kalungkutan.” Sa inyong pananaw, mahirap ba para sa mga tao kapag may kinukuha ang Diyos sa kanila? (Oo.) Mahirap ito para sa kanila, sila ay nasasaktan, nalulungkot, walang magawa, at nanlulumo; gusto nilang umiyak, magwala, at magrebelde. Maraming detalye sa kalungkutang ito, kaya makatotohanan ba ang pahayag na ito? (Oo.) “Wala akong sinasabing hinaing.” Wala ba ni isang hinaing ang tao? Imposible ito, pero kailangang pataas na magsikap ang mga tao nang ganito; kailangan nilang maranasan ito at magkaroon ng ganitong uri ng saloobin. May nilalaman bang positibong paggabay para sa mga tao ang mga salitang ito? (Oo.) “Wala akong sinasabing hinaing.” Ang mga tao ay dapat walang hinaing; dapat walang hinaing ang isang tao. Kung may mga hinaing ang mga tao, dapat nilang kilalanin ang sarili nila at hindi maghinaing tungkol sa Diyos, dapat silang magpasakop—isa itong saloobin ng pagpapasakop ng tao sa Diyos. Hindi dapat maghinaing ang mga tao; ang paghihinaing ay isang uri ng pagrerebelde laban sa gawain at mga pagsubok ng Diyos, at hindi ito tunay na pagpapasakop. Sabi sa sumunod na linya: “Dahil sa tiwaling disposisyon, nararapat sa tao ang paghatol at pagkastigo.” Hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Isang katunayan na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, pero kung hindi nila kinikilala ang katunayang ito, masasabi ba nila ang pahayag na ito? Kung hindi ito kinikilala ng mga tao, hindi nila ito aaminin; kung hindi nila ito aaminin, hindi sila magsasabi ng mga ganitong pahayag, kaya ang linyang ito ay galing sa mga tunay na karanasan ng mga tao. Mukhang simple ang pariralang “nararapat sa tao ang paghatol at pagkastigo,” pero ano ang kahulugang ipinahihiwatig nito? Ito ay na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, naghihimagsik at lumalaban sila sa Diyos, at nararapat sa kanila ang paghatol at pagkastigo. Nararapat ang gaano man karaming kalakip na pagdurusa—tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Makatotohanan ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ito ay ganap na subhetibong pagkilala sa pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyon habang agad na tinatanggap ang paghatol at pagkastigo, kinikilala na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay pagliligtas sa mga tao, at na dapat kumilos ang Diyos nang ganito. Ito ay isang saloobin ng pagpapasakop sa paraan ng Diyos ng paggawa ng paghatol at pagkastigo. Dapat bang magkaroon ng ganitong saloobin ang mga tao? (Oo.) Dapat talaga. Kaya, pagkatapos awitin ang himnong ito, may pakinabang ba ito sa mga tao? (Mayroon.) Ano ang mga benepisyong dala nito? Kung hindi mo aawitin ang mga salitang ito, hindi mo malalaman ang katunayang ito, hindi mo malalaman kung anong uri ng pananaw ang dapat mong panghawakan, kung paano ka dapat magpasakop, o kung anong uri ng saloobin ang dapat mayroon ka para makapagpasakop ka at matanggap mo ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Gayumpaman, kung aawitin mo ang himnong ito at pag-iisipan mo ang mga liriko nito, mararamdaman mo kung gaano kabuti ang mga salita—na tama ang mga ito, masasabi mo ang “amen” sa mga ito, at makikilala mong galing sa karanasan ang mga ito. Mukha bang napakatayog ng mga salita? (Hindi.) Pero may dalang positibong paggabay ang mga ito sa iyo, nagbibigay ng maagap at positibong landas. Kapag nakikita mong may tiwali kang disposisyon, at na hinahatulan at kinakastigo ka ng Diyos, bibigyan ka ng mga ito ng tamang perspektiba at landas ng pagsasagawa. Una sa lahat, kailangan mong kilalanin na kapag may tiwaling disposisyon ang mga tao, dapat tanggapin nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Walang dapat sabihin; huwag makipagtalo sa Diyos. Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin Niya, dapat ka munang magpasakop. Sino ang nagdulot sa iyong magkaroon ng tiwaling disposisyon? Sino ang nagdulot sa iyong labanan ang Diyos? Karapat-dapat kang hatulan at kastiguhin. Saan nanggagaling ang pagpapasakop na ito? Hindi ba’t praktikal na landas ito? Ito ay landas ng pagsasagawa. Ano ang nararamdaman ng isang tao pagkatapos awitin ang mga lirikong ito? Hindi ba’t napakapraktikal ng mga ito? Hindi naman ito nakakayanig ng mundo o masyadong matayog, ordinaryo lang ang mga ito, pero nagpaparating ng katunayan ang mga ito, at kasabay nito ay nagbibigay rin ang mga ito ng landas ng pagsasagawa sa lahat ng umaawit ng himnong ito. Maaaring hindi ganoon kaganda ang pagkakasulat ng mga ito pero praktikal ang mga ito.
Kung titingnan ang sumunod na linya: “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin.” Tama ba ang pahayag na ito? (Oo.) Ano ang tama tungkol dito? May ilang taong nagsasabi, “‘Ang salita ng Diyos ang katotohanan,’ hindi ba’t ganoon naman talaga? Hindi ba’t doktrina iyon?” Ang linyang ito ay nagsisilbing pundasyon para sa susunod: “kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin.” Paano nabuo ang pariralang ito? Anong lagay ng kalooban at anong kalagayan ang nagsanhi nito? (Kung tunay na naniniwala ang mga tao na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, hindi nila mapagkakamalian ang Diyos.) Dahil pinaninindigan mong ang salita ng Diyos ang katotohanan, dapat hindi mo mapagkamalian ang mga layunin ng Diyos. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin kung magkaroon ng maling pagkaunawa? Agad mong isantabi ang sarili mong mga layunin at hanapin ang katotohanan. Pagdating naman sa doktrina, kung alam mong ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, pero napagkakamalian mo pa rin ang mga layunin ng Diyos, nasaan ang kamalian dito? (Ito ay nasa hindi pagtanggap sa katotohanan.) Tama iyan. Samakatwid, dapat maging mapagpasakop ang mga tao at dapat hindi nila mapagkamalian ang mga layunin ng Diyos. Dahil pinaninindigan mong ang salita ng Diyos ang katotohanan—ito ay isang teoryang nauunawaan mo—kung gayon bakit mo pinagkakamalian ang puso ng Diyos kapag may mga aktuwal na pangyayaring dumarating sa iyo? Pinapatunayan nito na hindi mo tunay na tinanggap ang katunayang ang salita ng Diyos ang katotohanan. Hindi ba’t nagsisilbing pahiwatig ang linyang ito? Ano ang ipinaparating nito sa iyo? (Dapat tayong maniwala na ang salita ng Diyos ang katotohanan, dapat matibay nating kilalanin ang katunayang ito.) Dapat maniwala kang tama ang salita ng Diyos, na ito ang katotohanan. Dahil pinaninindigan mong ang salita ng Diyos ang katotohanan, huwag mong ituring ang sarili mong layunin bilang ang katotohanan o ang layunin kapag may mga pangyayaring dumarating sa iyo; sa halip, dapat mong tingnan kung ano ang mga layunin ng Diyos. Bukod pa rito, iyon ba ang katotohanang nais subukin sa iyo ng Diyos? (Oo.) Kung pinaninindigan mong ito ang katotohanan, mapagkakamalian mo ba ang mga layunin ng Diyos? Ipagpalagay nang pinag-iisipan mo sa loob mo ang mga pariralang gaya ng, “Kokondenahin ba ako ng Diyos? Kung kokondenahin ako, mapaparusahan ba ako? Hindi ba ako nakalulugod para sa Diyos at wawasakin ba Niya ako?” Hindi ba’t maling pagkaunawa ang mga ito? (Oo.) Ang lahat ng ito ay mga maling pagkaunawa. Kung gayon, hindi ba’t inaakay kayo ng pangungusap na, “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin” na mapagtanto ang isang bagay? Hindi ba’t dapat kang umahon sa mga maling pagkaunawa mo, at dapat mong tanggapin ang mga pagsubok na ibinibigay sa iyo ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagkastigo? (Oo.) Ano ang basehan ng pagtanggap na ito? Ito ay ang matatag mong pagtanggap na tama ang mga salita ng Diyos, na katotohanan ang mga ito. May tiwaling disposisyon ang mga tao, at sila ang mali. Hindi puwedeng gamitin ng mga tao ang mga sarili nilang mga layunin para hulaan ang mga layunin ng Diyos; hindi mali ang Diyos. Dahil napagtibay na nating hindi mali ang Diyos, samakatwid dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ginagawa Niya.
Sa pagpapatuloy pa: “Sa pagninilay-nilay sa sarili, madalas akong nakakakita ng napakaraming karumihan.” Paano natutukoy ang karumihang ito sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili? (Kapag ipinapakita ng mga tao ang katiwalian nila.) Natutukoy ito kapag ipinapakita ng mga tao ang kanilang katiwalian; iyan ay isang panig nito. Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, kapag hindi tugma sa kagustuhan ng mga tao ang mga pangyayaring isinasaayos ng Diyos para sa kanila, madalas napapatanong ang mga tao, “Hindi na ba ako mahal ng Diyos? Hindi ba matuwid ang Diyos? Hindi Siya matuwid sa paggawa nito—hindi naaayon sa katotohanan ang mga kilos Niya at hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng mga tao.” Laging nagpapakana ang mga tao laban sa Diyos, na nagdudulot ng lahat ng uri ng tiwaling disposisyon, kaisipan, ideya, pananaw, at paghihinala tungkol sa Kanya. Hindi ba’t karumihan ang mga ito? (Ganoon nga.) Siyempre, ito rin ay nagpapakita ng katiwalian ng mga tao. Sa sumunod na linya, “Kung hindi ako magsisikap gamit ang buong lakas ko, maaaring maging mahirap na magawang perpekto,” ang mga salitang ito ay mga kaisipan ng sumulat ng himno, na nabatid niya sa pamamagitan ng pagninilay. Hindi mo pinagninilay-nilayan ang sarili mong karumihan, laging mali ang pagkaunawa mo sa Diyos at sa salita mo lang kinikilala na Siya ang katotohanan, pero kapag may mga pangyayaring dumarating sa iyo, ipinipilit mong panghawakan ang mga sarili mong ideya, lumalaban sa Diyos, magreklamo tungkol sa Kanya, mapagkamalian Siya, at hindi tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Kung hindi mo bibitiwan ang mga ito, magiging napakahirap para sa iyo na magawang perpekto; na ibig sabihin, magiging imposible na magawang perpekto, at hindi magkakaroon ng pag-asa, dahil hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan. Sa iyong pananaw, hindi ba’t mayroong praktikal na panig ang mga lirikong ito? (Mayroon nga.) Ang bawat linya ng himnong ito ay may kalakip na wika at mga paglalarawan ng mga aktuwal na kalagayang lumilitaw kapag aktuwal na nakakaranas ng mga sitwasyon ang mga tao.
Tingnan natin ang sumunod na linya: “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos.” Dito, ang mga paghihirap ay may kaugnayan sa pag-ibig ng Diyos at sa karangalan. Hindi ba’t ito ay isang bagay na galing sa aktuwal na karanasan? Hindi ba’t ito ay isang uri ng tunay na pananalig at saloobing nanggaling mula sa mga aktuwal na kilos at karanasan ng isang tao? Ang mga salitang ito ay hindi lang kinuha sa hangin, nabuo ang mga ito mula sa isang lagay ng kalooban, kapaligiran, pangyayari. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Nagtitiis ang mga tao ng maraming paghihirap, at ang mga paghihirap na ito ay nagdudulot ng pagkawala ng integridad at dignidad, na nagkakait sa mga tao ng kanilang katayuan at mga interes, kasama ng iba pang mga paghihirap, na nagdudulot sa kanila ng matinding pasakit. Pero dahil ganito na kalayo ang narating nila, nagkakaroon sila ng tunay na pananalig at kaalaman sa Diyos; nadarama nila na ang lahat ng ito ay pagtatamasa ng pag-ibig ng Diyos, na espesyal na pabor ito mula sa Diyos, na hindi sila pinapahirapan ng Diyos. Iniisip nilang ito ay isang karangalan at ito ay pagmamahal sa kanila ng Diyos, at samakatwid, ganito kumikilos ang Diyos, na pinagkakaitan at sinusubok Niya sila nang ganito, at hinahatulan at kinakastigo Niya sila nang ganito. Ito ay isang totoo at positibong kalagayan ng pag-iisip na dapat magkaroon ang mga tao, nabuo mula sa konteksto ng tunay na buhay. Anong uri ng tao ang magsasabing “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos”? Hindi ang uri ng taong sumulat ng himnong “Dahil sa Pag-ibig.” Ang kaya lang nilang sabihin ay magugulo at walang kabuluhang salita, mga pariralang matayog pakinggan, at mga islogan. Masasabi ba nilang, “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos”? Kaya ba nilang sabihin ang mga salitang iyon mula sa kaibuturan ng kanilang puso? Hindi. Ang tanging sinabi nila ay mga salitang walang kabuluhan, mga kalabisang salita, at mga salitang gustong pakinggan ng mga tao, at sa huli, nagtagpi-tagpi sila ng isang himno at inisip nilang may kakayahan sila at matatalino sila. Sa pananaw Ko, wala ni isang salita sa mga lirikong iyon ang may halaga. Ang lahat ng iyon ay walang saysay, dapat itapon, at walang sinumang dapat payagang umawit ng ganoong himno sa hinaharap. Kung gusto ninyong umawit, dapat ninyong awitin ang mga himnong gaya ng “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos,” na naglalaman ng mga totoo at taos-pusong salita—ang mga salitang ito ay nakapagpapatibay sa mga tao.
Ito ang huling linya ng unang berso: “Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop,” nangangahulugan ito na ang paghihirap ang nagtuturo sa mga tao ng pagpapasakop. Pagkatapos ay sinasabi nito, “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos.” Ang linyang ito ay talagang may kaugnayan sa tema. Ito ang pinakahuling pagkaunawa at karanasang nakakamtan sa pagdaan sa lahat ng bagay na ito, na ang layunin ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao. Ang dapat maunawaan ng mga tao ay na walang mas bubuti pa sa puso ng Diyos para sa mga tao, at na lahat ng bagay na ginagawa Niya ay kapaki-pakinabang sa kanila; ang ginagawa Niya ay hindi para guluhin o inisin ang mga tao, kundi para dalisayin sila. Ito ang dahilan kung bakit masasabi ng sumulat ng himno mula sa kaibuturan ng kanyang puso na: Walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso ng Diyos. Ito ang wika ng pagkatao. Kung walang partikular na dami ng karanasan at pagkaunawa, walang partikular na dami ng karanasan at pagkaunawa sa gawain ng Diyos at sa paraan Niya ng pagliligtas ng mga tao, at ang mga partikular na detalyeng ito, masasabi ba ng isang tao ang mga salitang gaya ng “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos?” Siguradong hindi. Tingnan mo uli ang pariralang, “Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop.” Mayroon bang praktikal na panig ito? Hindi ba’t ito ay isang bagay na nakakamit o naaani ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa katotohanang realidad? (Oo.) Kung gayon ano ang paghihirap? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay hindi pagkakaroon ng sapat na kakainin, hindi pagkakaroon ng sapat na susuotin, o pagdanas ng hirap ng pagkabilanggo? Hindi ito tumutukoy sa pisikal na pagdurusa sa ganitong mga paraan; sa halip, ito ay digmaang nararanasan ng mga tao sa puso nila tungkol sa katotohanan, sa gawain ng Diyos, sa pagliligtas ng Diyos, at sa maingat na malasakit ng Diyos. Pagkatapos maranasan ito, nadarama ng mga tao na nagdusa na sila nang labis sa kanilang puso pagdating sa kanilang pag-asa; sa wakas ay nauunawaan na nila ang mga layunin ng Diyos, nalalaman na dapat silang magpasakop sa Diyos, natututunan kung paano magpasakop sa Diyos, at nagtataglay na sila ng malalim na karanasan kung ano ang ginagawa ng Diyos, at saka lamang nila masasabing “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos.” Hindi kaya ng karamihan ng tao na sabihin ang ganitong pangungusap. Gusto Ko ang himnong ito; gusto Ko ang ganitong uri ng himno. Ganap na makakatulong sa inyo kung aawitin ninyo nang madalas ang himnong ito. Ang bawat linya nito ay may nakakapigil na epekto sa tiwaling disposisyong naipapakita sa inyong pang-araw-araw na buhay, ito ay parehong gabay at tulong sa inyong praktikal na karanasan at sa inyong pagpasok sa katotohanang realidad. Makabubuti sa inyo na mas madalas na basahin ang mga lirikong ito kapag libre kayo! May linya ba sa himnong ito na hindi sinasabi sa isang partikular na kalagayan o konteksto? May linya bang walang kinalaman sa pagpasok sa isang aspekto ng katotohanan? May kinalaman ang bawat linya—wala sa mga ito ang nagtataglay ng walang kabuluhang salita. Tingnan ninyo ang ilang huling linya: “Kahit na pinipili kong mahalin ang Diyos, may halo ng aking sariling mga ideya ang aking pagmamahal.” Ang pagpiling mahalin ang Diyos ay isang malawak, pangkalahatan, at teoretikal na pahayag. Ang aktuwal na kahulugan nito ay pagtanggap sa atas ng Diyos, pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin at paggugol niya ng buhay niya para sa Diyos, na napapaloob dito sa pariralang “mahalin ang Diyos.” Pakiramdam ng mga tao ay nahahaluan pa rin sila ng sarili nilang mga ideya; nang hindi nakikilala ang sarili nila at nagkakaroon ng anumang karanasan sa katotohanan, sino ang makakapagsabi ng pariralang gaya niyan? Siguradong hindi ninyo ito masasabi, dahil wala kayo ng ganyang karanasan. Ituloy natin: “Kailangan kong magsikap na makapagtamo ng espiritu na gaya ng kay Pedro”—ang layunin ng sumulat ng himno ay ang maging katulad ni Pedro. Kayo rin ay nagtakda ng pamantayan at mithiin, gusto rin ninyong maging tulad ni Pedro—kaya ano ang inyong landas? Kailangan mo ring magsikap, pero masasabi mo ba ang pariralang “may halo ng aking sariling mga ideya ang aking pagmamahal”? Paano mo matatamo ang espiritung gaya ng kay Pedro kung ni hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin ng mahaluan ang pag-ibig mo ng sarili mong mga ideya? May praktikal na panig sa pariralang ito. Mas gumaganda pa ito sa pagpapatuloy nito: “Paano man tinatanggap ng Diyos ang aking pagmamahal, ang tanging nais ko lamang ay ang mapalugod Siya.” Ito ang hinihingi ng mga tao sa sarili nila pagkatapos nilang maranasan ang mga paghihirap at pagsubok; ito ay isang saloobin na matugunan ang mga layunin ng Diyos, isang saloobin na magpasakop sa Diyos at hangarin ang katotohanan; ibig sabihin, ang magawang matugunan ang Diyos ay ang makamit ang layunin ng isang tao, hanggang saan man ang kaya niyang makamit. May praktikal na panig sa mga salitang ito. Lumalakas ba ang loob mo at nahihikayat ka ba pagkatapos mong basahin ang mga ito? (Oo.) Binibigyan ng mga ito ang mga tao ng layunin, lakas, at direksyon pagkatapos nilang basahin ang mga ito. Minsan pakiramdam ng mga tao, paano man sila kumilos ay hindi nila ito magawa nang mabuti, at bumabalik sila sa pagiging negatibo. Pero sa sandaling mabasa nila ang mga salitang ito at makita nila na hindi malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, iniisip nila, “Ang kailangan ko lang gawin ay mapalugod ang Diyos. Wala akong hinihinging iba pa; ang hinahangad ko lang ay mabitiwan ang mga pagnanais at kagustuhan ng aking laman, at mapalugod ang Diyos—sapat na iyon.” Sa huli, nauuwi ang lahat sa mga salitang, “Kahit na marami ang mga paghihirap ngayon, isang karangalan na matamasa ang pag-ibig ng Diyos. Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop. Walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso ng Diyos.” Napakapraktikal ng mga salitang ito.
Sa kabuuan, ang himnong “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos” ay nagpapakita ng tunay na karanasan. Pagkatapos maranasan ang gawain ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo, paghatol, at mga pagsubok, natututo ang mga taong magpasakop, nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at nalalaman nilang walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso Niya. Ito ang kaibig-ibig na aspekto ng Diyos, at ito ang nararanasan ng mga tao; ito rin ang dapat malaman ng mga tao. Kung gagawa kayo ng mga himig ng mga lirikong ito ng praktikal na karanasan at kaalaman, at lagi ninyong aawitin ang mga ito, maraming magagawang mabuti ito sa inyo. Sa isang banda, ang pag-awit ng mga himno ng mga salita ng Diyos ay makakatulong sa mga tao na maunawaan ang katotohanan nang mas mabuti at makapasok sa katotohanang realidad nang mas mabilis; sa isa pang banda, sa pag-awit ng mga himnong ito na batay sa karanasan, na isinulat ng mga taong taglay ang realidad, ang mga karanasan ninyo at pang-unawa ay mas mabilis na lalago. Ito ang mga kabatiran at pang-unawang isinulat pagkatapos magkaroon ng ilang karanasan ang mga tao, at napapaloob din dito ang landas at direksyon ng pagpasok na dapat magkaroon ang mga tao. Ang mga ito ay hinanda at ginawa para sa inyo, at magiging malaking tulong sa inyo ang mga ito. Bakit hindi kayo sumulat ng musikang maaaring tugtugin para sa mga ganitong lirikong batay sa karanasan? Bakit lagi kayong sumusulat ng musika para sa mga lirikong walang laman, hindi praktikal, at karaniwan lang? Masyado kayong hindi nangingilatis, hindi ninyo alam kung ano ang mabuting himno—nakakadismaya kayo! Maraming naidudulot na kabutihan sa mga tao ang mga himnong ito na batay sa karanasan; ang regular na pag-awit ng mga praktikal na salitang ito ay nagtatatak sa mga ito sa puso ng isang tao, na labis na nakatutulong sa kanyang buhay pagpasok at pagbabago sa disposisyon. Kung mananatili kayo sa yugto ng Kapanahunan ng Biyaya magpakailanman—pinupuri ang biyaya ng Diyos, ang pag-ibig Niya, ang mga pagpapala Niya, at ang Kanyang habag at mapagmahal na kabaitan—makakapasok ba kayo kailanman sa katotohanang realidad? Ang inyong tayog at kalagayan ay nananatiling kaawa-awa sa liit, laging nananatili sa mababaw na yugto; kung walang ilang mabubuting himnong gagabay sa inyo, magiging napakahirap para sa inyong makapasok sa katotohanang realidad nang kayo lang. Tingnan ninyo ang himnong “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos”, magdasal-magbasa kayo ng himnong ito sa libreng oras ninyo. Naglalaman ito ng landas na gagabay sa iyo at tutulong sa iyong makapasok sa katotohanang realidad; makapagbibigay ito sa iyo ng tamang direksyon, para magkaroon ka ng tamang perspektiba. Ano ang ilang tamang perspektiba? “Dahil sa tiwaling disposisyon, nararapat sa tao ang paghatol at pagkastigo.” Hindi ba’t ito ang uri ng tama at dalisay na perspektibang dapat magkaroon ang mga tao? Bukod pa roon, tama ba ang mga salitang “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; kailangang hindi ko mapagkamalian ang Kanyang mga layunin”? (Tama ang mga ito.) Tunay ngang kailangan mong tanggapin ang mga ito, kailangan mong makibahagi at maranasan ang mga ito, at kapag dumarating sa iyo ang mga pangyayari, mayroong landas na maaari mong lakaran; ang mga salitang ito ay magiging direksyon para sa mga kilos at asal mo. At pagkatapos nariyan ang, “Kung hindi ako magsisikap gamit ang buong lakas ko, maaaring maging mahirap na magawang perpekto.” Kinakatawan din nito ang isang tamang perspektiba. Paano naman ang, “Sa paghihirap, natututunan ko ang pagpapasakop. Walang puso ang mas mabuti kaysa sa puso ng Diyos”? Ito ba ay isang perspektibang dapat taglayin ng isang tao? (Oo.) Tingnan ninyo nang mabuti: Wala ni isang pangungusap dito ang walang katuturang usapan o mga salita o doktrina lamang; ang lahat ng ito ay nangungusap tungkol sa pang-unawa at kabatiran na nagmumula sa tunay na karanasan. Kung ihahambing ito sa himnong “Dahil sa pag-ibig” mula sa nauna, alin sa tingin ninyo ang praktikal? Ang praktikal ay dapat panatilihin, habang ang walang katuturan ay dapat alisin at tanggalin; hindi ito dapat ipakalat. Sinasabi ng ilan, “Nasanay na ako sa pag-awit ng mga himnong iyon; pumasok na ang mga iyon sa aking puso at hindi ko kayang wala ang mga iyon.” Kung hindi mo kayang wala ang mga iyon, sige lang at ituloy mo ang pagkanta sa mga iyon. Titingnan Ko kung ano na ang napala mo pagkatapos mong awitin ang mga iyon sa loob ng dalawampung taon, kung makakapasok ka ba sa katotohanang realidad. Kung aawitin mo ang himnong “Walang Puso ang Mas Mabuti Kaysa sa Puso ng Diyos,” mabibihag nito ang iyong puso sa sandaling awitin mo ito nang isa o dalawang beses. Pagkatapos mong awitin ito nang isa o dalawang buwan, medyo magbabago na ang kalagayan mo at kung tunay mong tatanggapin ang mga salita nito mula sa kaibuturan ng iyong puso, mag-iiba ang kalagayan ng iyong kalooban, at ganap mo itong mababago. Maaari mong awitin ang mga himnong naglalaman ng mga walang katuturang teorya at kalokohan sa buong buhay mo, pero wala iyong maitutulong sa iyo. Gaya ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya na umawit ng mga walang katuturan at mabababaw na himno, at na umawit buong buhay nila pero hindi nakamit ang katotohanan—pagsasayang lamang iyon ng oras.
Enero 12, 2022