Ang Pagbabahagi Tungkol sa Himnong “Dahil sa Pag-ibig” (Ikalawang Bahagi)

Tingnan ninyo ang pangalawang berso ng himnong “Dahil sa Pag-ibig.” “Dahil sa pag-ibig, bumalik ang Diyos sa katawang-tao sa mga huling araw at pumunta sa bansa ng malaking pulang dragon.” Gaano kaya kadakila ang pag-ibig ng Diyos? Tama bang isiping dahil sa iyo ay nagtiis ang Diyos ng kahihiyan dahil sa pag-ibig, kaya nagkatawang tao Siya at dumating sa bansa ng malaking pulang dragon, kung saan naharap Siya sa sukdulang kahihiyan, para ibigin at iligtas ang mga tao? Ginagawa ba ng Diyos ang lahat ng ito dahil lamang sa pag-ibig? Iniisip mo lang ang mabuti—ginagawa ito ng Diyos dahil sa Kanyang plano ng pamamahala. Mayroong diwa sa disposisyon ng Diyos na napapaloob sa pahayag na, “Ang Diyos ay totoo sa Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang Kanyang ginagawa ay mananatili magpakailanman.” Ito ang pagpapakita ng awtoridad ng Diyos; paano ito naging dahil sa pag-ibig? Sabihin mo sa Akin, karapat-dapat ba ang mga tiwaling taong ito sa pagdurusa ng Diyos ng matinding kahihiyan sa pagpunta Niya sa bansa ng malaking pulang dragon? (Hindi.) Hindi sila karapat-dapat, mas masahol pa sila sa mga langgam at uod, hindi sila karapat-dapat. Ibig mo bang sabihin ay nagkatawang tao ang Diyos at patuloy na nagtitiis ng pag-uusig ni Satanas, habang patuloy Niyang inihahandog ang Kanyang pag-ibig sa tiwaling sangkatauhan? Ito ba ang ibig mong sabihin? Katawa-tawa ang ideyang ito. Sa katunayan, ito ang plano ng pamamahala ng Diyos. Magkatawang-tao man ang Diyos at pumunta sa bansa ng malaking pulang dragon o gumawa ng anumang iba pang uri ng gawain, ito ay hakbang sa Kanyang gawain; ngayong umabot na ang hakbang sa puntong ito, dapat kumilos ang Diyos nang ganito. Bakit ba ginagawa ng Diyos ang gawaing ito? Ginagawa Niya ito para sa Kanyang plano ng pamamahala, at sa Kanyang plano ng pamamahala, ang tatanggap ng Kanyang pagliligtas ay ang tiwaling sangkatauhan. Mula sa anumang perspektiba, ang tiwaling sangkatauhan—maging anuman ang bansang pinanggalingan o lahi nito—ay isa lamang layon ng gawain, isang mapaghahambingan, sa plano ng pamamahala ng Diyos. Karapat-dapat ba ang isang mapaghahambingan na bigyan ng Diyos ng buo Niyang pag-ibig? Hindi, hindi ito karapat-dapat. Maling sabihin iyon, hindi iyon dapat ilarawan sa ganoong paraan. Dahil may plano ng pamamahala ang Diyos at dahil sa katunayang tutuparin Niya ang Kanyang gawain ng pamamahala, ikaw, bilang isang tao, ay kwalipikadong dalhin ang katunayang ito, na isang malaking pagpapala. Gayumpaman, walang kahihiyan mong sinasabing, “Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig Niya para sa atin.” Matinding pagkakamali ito, lihis ito, at isa itong kalokohan.

Tingnan ninyo ang sumunod na linya. “Dahil sa pag-ibig, nagtitiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagdurusa Siya ng matinding pag-uusig at mga pighati.” Tama ba iyan? Nagtitiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagdurusa Siya ng matinding pag-uusig at mga pighati. Anuman ang tiisin Niya, ang kaisipan, pagnanais, at layunin sa puso Niya ay ang tuparin ang Kanyang plano ng pamamahala. May mas dakilang layunin ang Diyos, pero ginagawa Niya ang lahat ng ito hindi para ialay sa sangkatauhan, hindi bilang handog ng pag-ibig o pagbibigay ng lahat ng mayroon Siya sa sangkatauhang tiwali, malupit sa Kanya, at itinuturing Siyang kaaway—hindi ito para sa dahilang ito. May ilang taong nagsasabing, “Dahil hindi ginagawa ng Diyos ang lahat ng gawaing ito dahil sa pag-ibig para sa sangkatauhan, at dahil ang pagtitiis Niya ng pagtanggi, paninirang-puri, at mga pighati ay para talaga sa Kanyang plano ng pamamahala, hindi karapat-dapat ang Diyos na ibigin ng tao.” Tama ba ito? (Hindi.) Saan ito nagkamali? Sabihin ninyo sa Akin ang iniisip ninyo. (Ginagawa ng Diyos ang lahat ng gawaing ito alang-alang sa Kanyang plano ng pamamahala, pero sa totoo lang, sa prosesong ito ay maraming benepisyong nakukuha ang mga tao, nauunawaan nila ang ilang katotohanan, at nakakamit nila ang ilang pagbabago.) Iyan na ba ang lahat? Sabihin ninyo sa Akin, positibo o negatibong bagay ba ang katunayang nagdurusa ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagtitiis ng matinding pag-uusig at mga pighati alang-alang sa Kanyang plano ng pamamahala? (Positibong bagay ito.) Nagtitiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri, at nagdurusa ng matinding kahihiyan alang-alang sa Kanyang plano ng pamamahala; ito ay isang positibong bagay. Alam ba ninyo kung bakit ito positibong bagay? Ano ang nilalaman ng plano ng pamamahala ng Diyos? (Ang talunin si Satanas at akayin ang mga tao para makalaya sa gapos ni Satanas.) Paano matatalo si Satanas? Ano ang partikular na nilalaman? Ano ang partikular na proyekto ng gawain? Ito ay pagliligtas ng sangkatauhan. Hindi ito malabo, hindi ba? Isang aspekto ang pagtalo kay Satanas; ang partikular na nilalaman ng plano ng pamamahala ng Diyos, na ang ibig sabihin, ang partikular na proyekto ng gawain ng Diyos, ay ang pagliligtas sa sangkatauhan. Sa pantaong pananalita, ang pagliligtas ba sa sangkatauhan ay makatarungang layunin o hindi makatarungang layunin? (Isang makatarungang layunin.) Ito ay isang makatarungang layunin. Mali bang magtiis ang Diyos ng pagtanggi at paninirang-puri at ng lahat ng uri ng pasakit at kahihiyan para iligtas ang sangkatauhan? (Hindi.) Hindi ba’t positibong bagay ito? Makasarili ba ito? (Hindi ito makasarili.) Kung gayon, bakit hindi ninyo ito maipaliwanag nang malinaw? Hindi ninyo kayang ipaliwanag ang gayong malilinaw at kitang-kita na mga bagay; sa halip, pikit-mata ninyong binibigyang-kahulugan ang mga ito at hinuhusgahan ninyo ang mga ito nang walang basehan—hindi ba’t ito ay sukdulang kahangalan at kamangmangan? Ang gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos ay isang malaking proyekto, at kasama sa mga detalye ng partikular na proyektong ito ang pagliligtas sa sangkatauhan. May ilang nagsasabi, “Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan para tuparin ang sarili Niyang mga kagustuhan, para kumpletuhin ang Kanyang plano; ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito para sa Kanyang sarili at hindi para sa sangkatauhan. Hindi ba’t makasarili ito?” Makasarili ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito makasarili? Ang pagkilos na ginagawa ng Diyos ay positibo at makabuluhan. Lubhang mahalaga at makabuluhan ito para sa kaligtasan, destinasyon, kahihinatnan, at kalagayan ng pag-iral ng buong sangkatauhan sa susunod na kapanahunan. Dahil sa mga puntong ito, makasarili bang tiisin ng Diyos ang lahat ng ito at ibigay ang lahat ng ito para kumpletuhin ang Kanyang plano ng pamamahala? (Hindi.) Ang layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos ay ang iligtas ang sangkatauhan, ang Kanyang mga layunin ay mabubuti at magaganda, at tunay na pag-ibig; kaya hindi masasabing makasarili ang Diyos sa pagtupad ng mga intensyon Niya. Mula lamang sa pagkilos na ito na ginawa ng Diyos, mula sa pagkilos na ito na pinlano Niya, makikita ninuman ang diwa ng Diyos at na maganda at mabuti ang puso ng Diyos. Kahit na naging masama ang sangkatauhang ito, kahit na sumunod sila kay Satanas at puno sila ng tiwaling disposisyon ni Satanas, puno ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos, puno ng paglapastangan at poot, kaya pa ring iligtas ng Diyos ang sangkatauhan nang buong pagtitiyaga at nang hindi sumusuko kailanman. Saan nanggagaling ang lahat ng ito? Nanggagaling ito sa plano ng pamamahala ng Diyos, galing ito sa Kanyang kahilingan. Makasarili ba ito? Ang sangkatauhan ang may pinakamalaking pakinabang at ang sukdulang makikinabang sa buong plano ng pamamahala ng Diyos. Kayong lahat ang nag-iisang tagapagdala at tagapagmana ng Kanyang mga pangako, pagpapala, at ipinagkakaloob na destinasyon sa sangkatauhan. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, makasarili ba ang Diyos? (Hindi.) Hindi makasarili ang Diyos. Pero ginagawa ba ng Diyos ang lahat ng ito dahil lamang sa pag-ibig? (Hindi.) Ang kahulugan, halaga, at mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao rito ay napakalalim—paano ito naging dahil lang sa katiting na pag-ibig? Ang pag-ibig ay isa lamang maliit na parte ng pagpapahayag ng emosyon, isang pirasong naipapakita sa mga emosyon at sentimyento, hindi ang kabuuan. Pero sa gawain ng Diyos na tumutupad sa Kanyang plano ng pamamahala, at sa proseso ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, ang talagang naipapakita ay ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos. At ang Kanyang disposisyon ay hindi lamang pag-ibig, ibig sabihin, ito ay hindi lamang mapagmahal na kabaitan at awa; kasama rin dito ang pagiging matuwid at pagiging maharlika, ang poot at sumpa, at ang napakarami pang ibang aspekto. Siyempre, sa kongkretong pananalita, sa panahon ng Kanyang tatlong-yugtong gawain na unti-unting inihahayag at ipinapakita sa mga tao ang disposisyon at diwa ng Diyos. Pero hindi kaya ng mga taong kilalanin ang mga ito, at sinasabi pa nga nila, “Ginawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil mahal Niya kami.” Ang kuru-kurong ito tungkol sa “pag-ibig” na pinanghahawakan ng mga tao—bakit ito nakakaasiwa at nakakasukang marinig? Ang ilarawan ang ganito kabuluhang gawain ng Diyos, ang gawaing mayroong napakalaking epekto sa destinasyon at kahihinatnan ng sangkatauhan, bilang isang maliit na damdamin lamang—ang pag-ibig—hindi ba’t paninirang-puri ito sa mga layunin ng Diyos, paninirang-puri sa taimtim at maalalahaning pagsisikap ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan?

Sabi ng sumunod na linya: “Dahil sa pag-ibig, namumuhay ang Diyos nang mapagpakumbaba at nakakubli kasama ang tiwaling sangkatauhan.” Dito, sinasabi ng sumulat ng himno na ito rin ay ginawa dahil sa pag-ibig. Ginagawa ito ng Diyos dahil ito ay kinakailangan para sa Kanyang gawain; paano ito naging dahil sa pag-ibig? May saysay bang mananahan ang Diyos kasama ang sangkatauhan dahil sa pag-ibig Niya para sa kanila, at na magpapakumbaba at magkukubli Siya dahil sa pag-ibig para sa kanila? Ganoon ba kaakit-akit at kaibig-ibig ang sangkatauhan, na maiinip ang Diyos at magiging handa Siyang manahan kasama nila, at na magkakatawang-tao Siya at magiging mapagpakumbaba at nakakubli? Ito ba ang mga katunayan? (Hindi.) Ano ang mga katunayan? (Nagkatawang-tao ang Diyos, mapagpakumbaba at nakakubli, at pumarito sa mundo para ipahayag ang katotohanan at iligtas ang mga tao dahil sa Kanyang plano ng pamamahala.) Sa teorya, ito ay dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos. Sa pananaw ng tao, mukhang ang mapagpakumbaba at nakakubling buhay ng Diyos kasama ng tiwaling sangkatauhan ay talagang nagpapasaya sa Diyos, na namumuhay Siya nang komportable, nadarama Niya ang ligaya araw-araw, at kontento Siyang panoorin ang bawat galaw ng tao, at panoorin ang kanilang mga ugali at pagbubunyag. Ganito ba ito? (Hindi.) Sa katunayan, paano ito? (Ginagawa ito ng Diyos dahil kinakailangan ito sa Kanyang gawain.) Dahil kinakailangan ito sa Kanyang gawain; ito ay teorya. Sa katunayan, ang pananahan ba kasama ng sangkatauhan ay nagdadala sa Diyos ng kagalakan? Kaligayahan? Kaluguran? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat maramdaman ng Diyos? Halimbawa, nananampalataya kayong lahat sa Diyos at pakiramdam ninyo ay matuwid naman kayo, pero kung maninirahan kayo kasama ng mga kabataan sa lansangan, mga bandido, mga sanggano, at mga masasamang loob, magsasalita ng mga parehong salitang sinasabi nila, kakain ng parehong pagkain, at gagawa ng parehong mga bagay araw-araw, ano ang mararamdaman ninyo? (Magiging tutol at mandidiri.) Ano ang magiging lagay ng pag-iisip mo, kung maninirahan ka kasama ng mga manggagahasa at mga mamamatay-tao? (Masusuklam.) Kung gayon, alam nga ninyo kung ano ang pakiramdam na masuklam—sabihin ninyo sa Akin, ngayon, masisiyahan ba ang Diyos na mamuhay kasama ang tiwaling sangkatauhan? Maaari ba Siyang magalak? (Hindi.) Walang kaligayahan ni kagalakan—kaya saan manggagaling ang pag-ibig? Kung wala man lang kagalakan, kaligayahan, o kaluguran, hindi ba’t salungat sa Kanya na mahalin Niya ang mga tao gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, na lubusan Niyang mahalin sila na hindi na Niya sila maiwan? Hindi ba’t may elemento ng pagpapanggap doon? Kaya ano ba mismo ang katotohanan? Ano ba ang dapat na tunay na madama ng Diyos sa pananahan kasama ang tiwaling sangkatauhan, maliban sa hindi pagkakaroon ng kaligayahan, kaluguran, at kagalakan? (Pighati.) Pighati, ito ay talagang damdaming makikita. May iba pa ba? (Pag-ayaw.) Pag-ayaw, iyan ay isa pang damdamin. May iba pa ba? (Pagkamuhi sa tiwaling disposisyon ng tao.) Pagkamuhi, pandidiri, at pagkasuklam. Mayroon ding pinakatotoong damdamin, na ang pamumuhay kasama ang tiwaling sangkatauhan, lalo na pagdating sa pakikisama, pakikipag-usap, paggawa nang magkasama, at pakikisalamuha, ay para bang matinding kahihiyan. Sa ganitong kalagayan ng mga bagay-bagay, sa ganitong tuluy-tuloy na kalagayan, sa tingin mo ba ay maaari pa ring magkaroon ng pag-ibig ang isang normal na tao? (Hindi na.) Hindi nila kayang magkaroon ng pag-ibig. Sa kawalan ng pag-ibig, ano ang gagawin nila? (Uurong sila.) Ang pag-urong ay isang kahilingan, ito ay kaisipan; gayumpaman, para harapin ang katotohanan, ano ang dapat gawin? Hindi ba’t kailangang pagsikapang baguhin ang mga taong ito? (Oo.) Para sa sangkatauhang gaya nito, kinakailangang isagawa ang pagkakaloob, pagtuturo, pagsaway, paglalantad, pagpupungos, paminsan-minsang pagdidisiplina, at iba pa; kinakailangan ito at hindi puwedeng wala nito. Pero maaari bang magkaroon ng mga agarang resulta ang mga ganitong pagkilos? (Hindi.) Kung gayon ano ang dapat gawin? (Dapat silang pungusan, hatulan at kastiguhin sa loob ng mahabang panahon.) Madali bang gawin ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo sa mga tao sa loob ng mahabang panahon? Ano ang kailangang tiisin ng Diyos para gawin ito? (Kahihiyan at pasakit.) Gumagawa ang Diyos nang may kahanga-hangang pagtitiyaga. Ano ang dala ng pagtitiyagang ito? May dala itong pasakit. Kaya, kapag nananahan ang Diyos kasama ang tiwaling sangkatauhan, walang kagalakan ni kaligayahan sa Kanyang puso. Kung walang kagalakan at kaligayahan, maaari ba Siyang magkaroon ng pag-ibig sa mga tao sa puso Niya? Hindi Niya kayang pilitin ang sarili Niyang mahalin sila. Kung gayon paano Niya magagawa ang gawain Niya? Sa anong basehan? Tinutupad Niya lamang ang Kanyang responsabilidad. Ito ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao; ito ay mula sa kalikasang ito. Ang ibig sabihin ng pagtupad ng isang tao sa kanyang responsabilidad ay ang ganap niyang isakatuparan ang lahat ng kanyang nakita, nalaman, dapat sabihin, at dapat gawin sa abot ng kanyang makakaya. Ito ay tinatawag na pagtupad sa kanyang responsabilidad. Bakit posibleng tuparin ang responsabilidad na ito? Dahil sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, dahil may ganitong atas at responsabilidad ang Diyos na nagkatawang-tao, siyempre mayroong ganitong pasanin ang Diyos para sa sangkatauhan. Kaya, anumang klase ng mga tao at tiwaling tao ang kasama Niyang namumuhay, ito ang kalagayan ng mga bagay-bagay. Alam mo ba kung ano ang kalagayang ito ng mga bagay-bagay? Ito ang kalagayan kung saan walang kaligayahan ni kagalakan ang Diyos, at kailangan Niyang magtiis ng kahihiyan; kasabay nito, kailangan Niyang walang kapaguran at paulit-ulit na magtiis ng lahat ng klase ng katiwalian at paghihimagsik ng tao. Habang tinitiis Niya ang lahat ng ito, kailangan din Niyang walang kapaguran na magsabi ng dapat Niyang sabihin at gumawa ng dapat Niyang gawin; kailangan Niyang ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay na hindi nauunawaan ng mga tao, at sa mga taong sadyang gumagawa ng paglabag, kailangan Niyang maglapat ng kaunting pagdidisiplina, paghatol, at pagkastigo. Ang lahat ng ginagawang ito ng Diyos ay may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala at sa mga hakbang ng Kanyang gawain. Siyempre, lalo itong mayroong kaugnayan sa partikular na proyekto ng gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Sa madaling salita, may kaugnayan ito sa mga sariling responsabilidad ng Diyos. Ang lahat ng ginagawang ito ng Diyos ay pagtupad sa Kanyang responsabilidad; siyempre, ang ipinapakita Niya habang tinutupad Niya ang Kanyang responsabilidad ay ang diwa Niya at ang disposisyon Niya. Kaya, ano ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao, ibig sabihin, ang diwa ng ordinaryong taong ito? Lalo na sa pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain Niya sa mga huling araw, hindi Siya nagpapamalas ng mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi nagpapakita ng anumang himala; ang tanging ginagawa Niya ay ang sabihin sa mga tao ang mga katotohanang dapat nilang taglayin at maunawaan. Inilalantad Niya sa mga tao ang mga tiwaling disposisyong hindi makilala ng mga tao mismo, para malaman at makilala nila ito, at para malaman nila ang diwa at ang mga aktuwal na katunayan tungkol sa katiwalian ng sangkatauhan; ito ay para magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga tao at madala sila sa tamang landas. Kapag kaya ng mga taong magsisi nang tunay, kapag kaya nilang maunawaan at maisagawa ang katotohanan, pumapasok sila sa katotohanang realidad at nagkakaroon sila ng pag-asang makatanggap ng kaligtasan, at ang gawain at responsabilidad ng Diyos na nagkatawang-tao ay natutupad. Kapag nasa tamang landas na ang mga tao, ang natitira na lang ay ang pagtanggap ng mga pagsubok at pagpipino ng Diyos—natatapos na ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao; natutupad na ang Kanyang mga responsabilidad at nakukumpleto na ang Kanyang gawain. Kapag nakumpleto na ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, na dinadala kayo sa tamang landas, ibig sabihin nito ay ganap na ang Kanyang ministeryo, at wala na Siyang anumang obligasyon sa inyo. Ano ang ibig sabihin ng walang obligasyon? Ibig sabihin, hindi Niya na kailangan pang samahan ang mga taong ito at magtiis ng mga bagay gaya ng kanilang katiwalian, mga kuru-kuro, paghihimagsik, paglaban, pagtanggi, at iba pa.

Sa pananaw man ng buong plano ng pamamahala ng Diyos o sa partikular na gawaing isinagawa ng Diyos na nagkatawang tao, ginawa ba ito dahil lang sa pag-ibig? Kapwa hindi. Pinagmamasdan ng Espiritu ng Diyos ang sangkatauhan mula sa langit sa isang partikular na paraan, at halos pareho ang pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Bakit Ko sinasabing “halos”? Kaya ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa na tingnan ang kahinaan ng sangkatauhan mula sa mas may konsiderasyong pananaw dahil sa Kanyang pagkatao, dahil sa Kanyang pakikisama sa nilikhang sangkatauhan sa loob ng parehong lugar, at dahil din, gaya ng tiwaling sangkatauhan, mayroon Siyang kaparehong panlabas na katangian ng pagiging tao. Dahil dito, maaaring manahan ang Diyos na nagkatawang-tao kasama ang mga tao sa isang medyo mas mapayapang pamamaraan kumpara sa Diyos sa langit. Kung titingnan ito sa ganitong paraan, kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, kayo ba ay narito at nakaupo ngayon? Hindi. Ang lahat ng ito ay dulot ng mga pangangailangan ng gawain ng Diyos—ito lamang ang dahilan kung bakit Siya nagbayad nang malaking halaga, at pumunta Siya rito para Siya Mismo ang gumawa nito. Kung magsasalita ang Diyos sa mga tao mula sa langit, sa isang banda, dahil sa pagkakalayo ng lugar, hindi magiging madali para sa kanilang marinig ang Kanyang mga salita. Sa isa pa, dahil malawak at maraming pagbigkas ng Diyos sa mga huling araw, kung magsasalita Siya mula sa langit sa ganitong paraan, hindi ito magiging akma, sa anumang pananaw o anggulo mo ito tingnan. Kung kaya, ang nag-iisa at pinakamainam na pagpipilian, at ang pinakakapaki-pakinabang sa sangkatauhan, sa plano ng pamamahala ng Diyos, at sa gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan, ay ang magkatawang-tao ang Diyos; ang pagkakatawang-tao ng Diyos ang nag-iisang pagpipilian at nag-iisang pamamaraan para isagawa ang gawain. Ang Diyos na nagkatawang-tao lamang ang makakatupad ng gawaing ito, ang may kakayahang tuparin ang gawaing ito, at ang makapagkakamit ng mga resultang ito. Kung titingnan mo ang mga salitang ito na binigkas ng Diyos sa mga huling araw, pagdating sa dami, napakarami na ang naipahayag; paano naparating ang ganoon karami kung hindi gagamitin ang pamamaraan na pagiging tao? Kung magsasalita ang Diyos mula sa langit sa pamamagitan ng kulog, ilang tao kaya ang tatamaan at mamamatay sa bawat pagkakataong humatol at kumondena Siya ng masasamang tao? Wala na gaanong matitira pang buhay. Kung magsasalita ang Diyos mula sa loob ng buhawi o mula sa apoy, ilang buhawi at apoy ang kailangang mangyari bago Niya matapos sabihin ang mga salitang ito? Ang buong sangkatauhan ay magugulo ng pamamaraang ito. At pagkatapos ng mga taong ito ng pagsasalita, naapektuhan ba ng mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ang normal na buhay ng sangkatauhan? Hindi talaga, at walang pakialam ang buong mundo at hindi ito apektado kahit kaunti. Ganap nitong nakakamit ang layunin ng gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao; kung wala ang Diyos na nagkatawang-tao, talagang hindi magiging posible ang gawaing ito. Mayroong paglilihim sa mismong gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi nais ng Diyos na malaman ito ng buong mundo at ng buong sangkatauhan; hindi Niya gustong malaman ito ng mga Hentil na hindi pinili ng Diyos na makaalam. Maipapahayag lamang Niya ang mga salitang ito nang nakakubli, kaya ang paggamit ng pamamaraan na pagiging tao ang pinakamakabuluhan; ito ang pinakamatalinong pamamaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakatawang-tao ng Diyos na mananatili itong lihim. Dahil sa karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos kung kaya’t ang Kanyang katawang tao ay nananahan sa kaparehong espasyo ng sangkatauhan, na nagkakaloob sa sangkatauhan ng katotohanan sa wika ng tao, sa pamamaraan at anyong kayang tanggapin ng sangkatauhan. Ito ay isang bagay na ang Diyos lamang ang may kaya; higit ito sa sangkatauhan. May kaugnayan ang lahat ng ito sa dakilang plano ng pamamahala ng Diyos. Maaaring napakasimple nito, salungat sa mga katunayan, at talagang hindi makatwiran kung hindi balanseng ilalarawan ng tao ang ganoong dakilang plano ng pamamahala ng Diyos bilang ginawa dahil lamang sa pag-ibig. Sa madaling salita, anuman ang nilalaman ng gawaing isinasagawa, ang anyong ito ng Diyos na nagkatawang tao sa panahong ito ay talagang nagdulot ng marami-raming gulo at nagdulot ng malaking epekto sa buong mundo at sa buong sangkatauhan, na nagpapakita kung gaano katinding pangyayari ang katunayang ito. Ang katunayan at ang anyo ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang kontrobersiyal na usapin sa buong mundo at sa buong komunidad ng relihiyon; ito ay isang pangyayari na mapanlaban ang sangkatauhan, na hinuhusgahan at tinatanggihan ng sangkatauhan, at na pinakamahirap intindihin at isipin para sa sangkatauhan. Ang kakayahan ng Diyos na gumawa sa ganitong paraan ay nagpapakita ng Kanyang karunungan, Kanyang kapangyarihan, Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at Kanyang awtoridad; ito ay talagang hindi ginawa dahil sa isang maliit na pag-ibig, o dahil sa walang kabuluhang usapin o maliit na dahilang kasingliit ng buto ng linga. Ibig sabihin, ang isang malaking pangyayaring kayang yumanig sa buong mundo ng relihiyon, sa buong mundo ng pulitika, sa buong sangkatauhan, at kahit sa buong sansinukob, ay hindi lumilitaw dahil sa pag-ibig, kundi dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos at sa pagnanais Niyang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang pinakamalaking pangitain ng pangatlong yugto ng gawain ng Diyos; ito ang pinakamalaking pangitain na dapat maunawaan, malaman, at maintindihan ng mga tao. Kung tutukuyin mo lamang ang pangitaing ito na, “Ito ay dahil sa pag-ibig ng Diyos; mahal tayo ng Diyos. Nakikita mo, nagkatawang-tao na ang Diyos at minsan na Siyang ipinako sa krus dahil sa pag-ibig Niya sa atin, at sa panahong ito ay nagkatawang-tao Siya at pumarito para mahalin tayong muli”—hindi ba’t malaking kamalian ito? Ang pagtukoy sa ganito kalaking pangitain ng gawain ng Diyos bilang ginawa dahil sa pag-ibig ay napakababaw. Kung hindi mo kilala ang Diyos, hayaan mo na; pero magmadali ka at takpan mo ang iyong bibig, huwag kang magsalita ng walang saysay, at huwag kang basta-bastang magpahayag ng mga opinyon. Sinabi Ko na sa inyo dati, sa anumang bagay na tumutukoy sa disposisyon ng Diyos, sa diwa ng Diyos, at sa pangitain ng gawain ng Diyos, hindi dapat padalus-dalos humusga, bumuo ng mga palagay nang walang basehan, o walang ingat na maglimita ang mga tao. Kung hindi mo maunawaan, aminin mo na lamang na hindi mo maunawaan. Kung kaunti ang nauunawaan mo, sabihin mo agad, “Ganito lang ang nauunawaan ko; hindi ako mangangahas na maglimita nang walang basehan at hindi ko alam kung ito ay tama.” Dapat mong idagdag ang mga ganitong uri ng paliwanag at paglilinaw—huwag kang magsalita nang walang konsiderasyon. Kung magsasalita ka nang walang konsiderasyon, sa maliit na antas, maaari kang makaimpluwensiya nang mali sa iba, makapagbigay sa kanila ng mga maling pagkaunawa at makaligaw sa kanila; sa malaking antas, maaari mong malabag ang disposisyon ng Diyos. Inilalarawan mo ang plano ng pamamahala ng Diyos at ang ganoon kalaking gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan bilang pag-ibig, bilang ginagawa dahil sa pag-ibig—hindi ba’t pagsasalita ito nang walang saysay? Dapat bang sampalin ang mga taong nagsasabi nito? (Oo.) Bakit sila dapat sampalin? Dahil ito ay pagsasalita nang hindi nag-iisip, ito ay pag-aalis ng mga bagay sa konteksto ng mga ito. Hindi ba’t dulot ito ng mayabang na disposisyon? Hindi ba’t nagsimula kang manampalataya sa Diyos ilang araw pa lang ang nakalilipas? Nakita mo na ba Siya? Nauunawaan mo ba ang disposisyon Niya? Hindi mo malinaw o lubusang maipapaliwanag ang katotohanan tungkol sa pangitain ng plano ng pamamahala ng Diyos, pero nangangahas ka pa ring tukuyin ang diwa at disposisyon ng Diyos. Hindi ba’t sukdulan ito ng pagiging mapangahas? Nangangahas kang gamitin ang salitang “pag-ibig” para tukuyin ang isang malaking usapin; ito ay isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Isang malaking kasalanan ba ang lumabag sa disposisyon ng Diyos? Oo. May ilang taong nagsasabi: “Hindi ko alam; hindi ko rin nauunawaan.” Tama iyan. Mismong dahil hindi mo ito nauunawaan ni nalalaman, at dahil ignorante at hangal ka, kaya hindi ka dapat magsalita nang walang konsiderasyon. Ikaw ba, na isang ordinaryong tao, ay maaaring humusga nang hindi makatwiran o kaswal na magpalagay tungkol sa mga usapin ng Diyos? Hindi kayang malinaw na ipaliwanag ang mga usapin ng Diyos kahit pa magsama-sama at magkaisa ang buong sangkatauhan, pero gusto mong tukuyin nang mag-isa ang disposisyon ng Diyos, ang gawain Niya, at ang diwa Niya gamit lang ang isa o dalawang salita. Hindi ba’t nalalabag nito ang disposisyon ng Diyos? (Oo.) Kung gayon, may seryosong problema sa himnong ito. Hindi lamang ito puno ng mga malabo, walang kabuluhan, at mapaglapastangang salita, kundi ang mas mahalaga, maaari nitong mailigaw ang mga tao, malihis sila, at maikulong sila sa kanilang mga kuru-kuro. Maaari bang manatili ang himnong ito, kung isasaalang-alang ang malubhang kahihinatnan na dulot nito? Hinding-hindi; dapat itong alisin.

Ituloy natin: “Dahil sa pag-ibig, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at inihahatid ang daan ng buhay na walang hanggan.” Hindi ba’t nakakasuka ang paraan ng paglilimita ng mga salitang ito sa mga bagay-bagay? (Oo.) Basahin natin: “Dahil sa pag-ibig, hinahatulan at inilalantad ng Diyos ang satanikong kalikasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita.” Sabihin ninyo sa Akin, tuwing nagsasabi ang Diyos ng masasakit na salita para ilantad ang tiwaling disposisyon ng tao, ito ba ay dahil mahal ng Diyos ang tao, o dahil kinapopootan at kinamumuhian ng Diyos ang tao? (Ito ay dahil kinapopootan at kinamumuhian ng Diyos ang tao.) Kinapopootan ng Diyos ang tao, kaya ano itong disposisyon Niya? (Pagiging matuwid, pagiging banal.) Tama iyan; ito ay hindi dahil sa pag-ibig. Hindi ba’t ligaw at maling pagkaunawa na tukuyin ito ng mga tao bilang ganoon? Mayroon bang anumang praktikal na kaalaman tungkol sa katotohanan sa pahayag na ito? Ito ay baluktot at di-balanseng pagkaunawa, isang maling interpretasyon, isang maling pagkaunawa; ang linya ay maling paglalarawan. Pagkatapos, tingnan ninyo ang, “Dahil sa Pag-ibig, sinusubok, pinipino, at pinupungusan tayo ng Diyos para linisin ang ating katiwalian.” Hindi ba’t ito ay parehong problema sa naunang linya? (Oo.) Pareho ang problema. At sa pagpapatuloy pa, “O Diyos! Lahat ng inihahayag ng Iyong gawain at ng Iyong mga salita ay pag-ibig.” Hindi ba’t nililimitahan uli nito ang Diyos? Ano ang ipinapakita ng Diyos? Ang pagiging banal at pagiging kaibig-ibig Niya, at ang matuwid Niyang disposisyon. Ang Diyos ay may poot, pagiging maharlika, pati na rin habag at mapagmahal na kabaitan, kaya paanong masasabing ang lahat ng ito ay dahil sa pag-ibig? Ang paglilimitang ito ay nakakasuka at walang basehan! Hindi ba’t dulot ito ng kayabangan? Ang ipinapaliwanag at ibinubuod ng sumulat ng himno ay walang kaugnayan sa disposisyong diwang ipinakita ng mga salita at pahayag ng Diyos. Pagkatapos ay sinasabi nito na ang lahat ng bagay ay pag-ibig, na hindi lamang walang kaugnayan kundi baluktot at mali pa—ito ay ganap na maling paglalarawan. Ang pag-ibig ay isang emosyon, at maaari din itong magsilbing pagkilos o pag-asal, pero hindi ito ang pangunahing diwa ng Diyos; hindi nagmamahal ang Diyos ng tao nang walang pinipili. Maaari kayang masyadong nag-uumapaw ang pag-ibig ng Diyos na wala nang sapat na paglagyan ito, hanggang sa puntong mamahalin ng Diyos kahit si Satanas, ang tiwaling sangkatauhan, at ang Kanyang mga kaaway? Ganoon ba iyon? Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nagkulang sa prinsipyo; may prinsipyo ito. Mahal Niya ang mga positibong bagay at kinasusuklaman Niya ang mga negatibo at masasamang bagay. Sabihin ninyo sa Akin, mahal ba ng Diyos ang mga taong tunay na nananampalataya sa Kanya? Mahal ba ng Diyos ang mga taong tapat na tumutupad sa tungkulin nila? Mahal ba ng Diyos ang mga taong mapagpasakop sa Kanya? Mahal ba ng Diyos ang mga taong, sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang paghatol at pagkastigo, ay mayroong tunay na pagsisisi, tunay na pagpapasakop sa Diyos at tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso? Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at kinamumuhian nila ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang “pagkamuhi” ay isang positibong bagay. At mahal ba sila ng Diyos? (Oo.) Ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan ay mga positibong tao, at ang mga taong kayang magpasakop sa Diyos ay lalo nang mas positibo. Ang mga positibong tao ang minamahal ng Diyos; kinasusuklaman Niya ang mga diyablo at si Satanas. Ang mga taong isinusumpa at pinaparusahan Niya ay pawang masasamang tao, pero ang mga taong minamahal ng Diyos ay lahat matatapat na tao, mga taong naghahangad sa katotohanan. Kung kaya, may prinsipyo ang pag-ibig ng Diyos; hindi ito walang prinsipyo. Para sa ilang tao, mahabagin lamang ang Diyos, na hindi nangangahulugang mahal Niya ang mga taong iyon. Dapat malinaw na maunawaan ang mga bagay na ito; hindi maaaring pikit-matang tukuyin ng isang tao ang pag-ibig ng Diyos. Ang pagsasalita tungkol sa pag-ibig ng Diyos nang walang pag-iingat at ang pikit-matang pagtukoy rito ay walang dudang panghuhusga at paglapastangan sa Diyos.

Tingnan natin ang ibaba pa: Tama bang sabihing, “O Diyos! Ang pag-ibig Mo ay hindi lamang mapagmahal na kabaitan at awa, kundi higit pang pagkastigo at paghatol”? (Ito ay tama sa teorya, pero hindi ito praktikal.) Walang isyu sa teorya, pero kalabisan nang iugnay ito sa pag-ibig ng Diyos. Hindi dapat ituring na mali ang mga salitang ito, pero hindi rin dapat ituring na tama ang mga ito; kalokohan ang mga ito, na halos hindi na kailangang banggitin pa. Sa ibaba pa: “O Diyos! Ang Iyong paghatol at pagkastigo ang pinakatotoong pag-ibig at ang pinakadakilang pagliligtas.” Ano ang tingin ninyong lahat diyan? (Mali ang linyang iyan; inilalatag nito na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang pinakadakilang pagliligtas, pero sa katunayan, hindi lamang ito ang nilalaman ng pagliligtas ng Diyos.) Hindi ba’t ang pagpapako sa krus ng katawang-tao ng Diyos at ang Kanyang pagbabayad-sala at pagpasan ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan ang pinakatunay na pag-ibig? Hindi ba’t ang mga iyon ang pinakadakilang pagliligtas? (Oo.) Kung gayon, kung ihahambing sa paghatol at pagkastigo, alin ang “pinakadakila”? Sa katunayan, kung seryosong susuriin, ang pahayag na ito ay hindi tumpak, hindi akma, at masyadong mahigpit na nalilimitahan; hindi ito dapat sabihin sa ganitong paraan. Hindi dapat sabihing lahat ng ginagawa ng Diyos ay pag-ibig, pero tamang sabihing lahat ng ginagawa ng Diyos ay may positibong epekto sa mga tao, at lahat iyon ay pagliligtas at habag para sa mga tao, dahil lahat iyon ay ginawa alang-alang sa sangkatauhan. Kung sasabihin mong ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang “pinaka” at iaangat mo ito sa pinakamataas na antas, hindi ito tama. Ang isang bagay na “pinaka” ay dapat iisa lang, walang maihahambing; ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay hindi masasabing ang “pinaka” kung ihahambing ang mga ito sa ibang gawain ng Diyos. May isang taong minsang sumulat ng isang himno, at isa sa mga liriko ay “Mahal ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos nang higit pa sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at habag.” Tama ba o mali ang mga salitang ito? (Mali ang mga ito.) Ano ang mali sa mga ito? (Pinaghihiwa-hiwalay ng mga ito sa isang herarkiya ang pagiging matuwid ng Diyos, ang Kanyang kabanalan, ang Kanyang mapagmahal na kabaitan, at ang Kanyang habag.) Sa katunayan, tama ang pahayag na ito, at ito ay ang tunay na karanasan ng mga tao pagkatapos nilang maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ano ang pinagmulan ng tunay na karanasang ito? Mayroong kuwento rito, ito ay: Kapag tinatamasa ng isang tao ang mapagmahal na kabaitan at habag ng Diyos, biyaya lang ang makakamit niya; hindi niya makikilala kailanman ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon at hindi niya kailanman maiwawaksi ang mga ito. Ang magagawa lang niya ay ang danasin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos at ang tiisin ang sakit ng maraming pagsubok at pagpipino—saka lang niya matatanggal sa kanyang sarili ang mga tiwaling disposisyong ito. Kung gayon, sa batayan at kontekstong ito, ito ang nagiging pagkaunawa ng mga tao; ito ay tumpak, tugma sa mga katunayan, at hindi teoretikal na lohika. Ang himnong ito ay konstruktibo, pero wala sa inyo ang makakita nito; talagang wala kayong pagkilatis. Ano ang nakukumpirma ng kawalang ito ng pagkilatis? Ano ang dahilan ng kawalang ito? Ang dahilan ay ang hindi pagkaunawa sa katotohanan. Ang himnong “Dahil sa Pag-ibig” ay puro kalokohan. Hindi ito praktikal, hindi Ko ito gusto, at tumatanggi Akong awitin ni isang salita nito. Malamang napakababa ng tayog ninyong lahat, kaya naaawit ninyo ito nang may matinding sigasig at pang-eengganyo! Wala kayong kayang arukin, at ni hindi ninyo nauunawaan ang mga katotohanang dapat pasukin ng mga tao, pero gusto ninyong magkomento sa diwa ng Diyos at sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ba’t kawalan ito ng katwiran? Ang mga taong walang katwiran pero nangangahas magsalita nang hindi nararapat ay hindi gumaganap ng kanilang mga nauukol na gawain; sila ay hindi pragmatiko kahit katiting.

Sa ibaba pa: “Magbibigay kami ng patotoo tungkol sa Iyong banal at matuwid na pag-ibig at marapat sa Iyo ang aming walang hanggang papuri.” Siyempre kailangang karapat-dapat ang Diyos sa walang hanggang papuri, pero maituturing ba itong papuri sa Diyos kung ganito ang pagkakakilala ng mga tao sa Kanya? Sabihin nang hindi mahal ng Diyos ang isang tao; sukdulan ang pagkasuklam at pagkamuhi Niya rito. Gayumpaman, kung kaya ng taong ito na mahalin at purihin ang Diyos, ang taong iyon ay may kaunting tayog at kaunting tunay na kaalaman sa Diyos. Sa linyang “Magbibigay kami ng patotoo tungkol sa Iyong banal at matuwid na pag-ibig at marapat sa Iyo ang aming walang hanggang papuri,” ano ang mga pang-uring naglalarawan sa “pag-ibig ng Diyos”? “Banal” at “matuwid.” Tingnan ninyo kung gaano kadakila ang tingin ng sumulat ng himno sa pag-ibig ng Diyos, ginagamit niya ang diwa ng Diyos para ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, sinasabing ang pag-ibig ng Diyos ay matuwid at banal na pag-ibig—hindi ba’t halata naman ito? Ayaw ng mga tao na magtamasa ng isang pangkaraniwang pag-ibig, at hindi rin sila nagtatamasa ng isang maawaing pag-ibig o pag-ibig na nagpapahalaga sa mga tao; pupurihin lamang nila ang Diyos kapag natatamasa nila ang Kanyang banal at matuwid na pag-ibig, at ito ang dahilan kung bakit sinasabi nilang karapat-dapat ang Diyos sa walang hanggang papuri. Tama ba ito? Galing man sa katunayan o sa lohikal na pangangatwiran, maling-mali ang pahayag na ito, kalokohan lang ito, ito ay isang taong may sakit sa isip na naglilitanya ng magugulong salita upang iligaw ang mga tao. Iniisip mo bang ito ay sekular na mundo? Sa mundo, ang lahat ng uri ng masasama at maruruming espiritu, ang lahat ng uri ng mga tao at nanggugulong kriminal, at ang mga may kaunting kakayahan, kahusayan sa pananalita, o walang-kahihiyan ay nangangahas lahat na magpahayag ng mga opinyon nila at magtanghal; pero sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may awtoridad. Ang lahat ng demonyong iyon ay dapat pababain sa entablado; dapat silang alisin sa iglesia. Ang lahat ng kanilang maling pananampalataya at panlilinlang ay dapat himayin, para hayagang makilatis at makilala ng lahat ang mga iyon. Kung titingnan ito ngayon, ano ba ang pag-ibig ng Diyos? Kung sasabihin mong ito ay katuwiran at kabanalan, tama ba iyon? (Hindi; ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lamang ang mga bagay na ito.) Kung gayon ano ang pag-ibig ng Diyos? (Naroon din ang paghatol at pagkastigo, at ang pagiging maharlika at poot; ang lahat ng ito ay pag-ibig ng Diyos.) Ang pag-ibig ng Diyos ay ang pag-ibig ng Diyos, ang diwa ng Diyos ay ang diwa ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay nasa puso at isipan ng Diyos, nasa mga damdamin Niya, nasa diwa Niya, at nasa mga gawa Niya. Maipapaliwanag mo ba iyon nang malinaw? Pero sinasabi mong ang pag-ibig ng Diyos ay katuwiran at kabanalan, nangangahas kang tukuyin ito sa ganyang paraan—ang lakas ng loob mo! Tinatanggap ba ng Diyos ang paggamit mo ng ganyang mga depinisyon para purihin Siya? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil ito ay paglapastangan sa Kanya.) Nasusuklam ang Diyos, at puro kalokohan ang sinasabi mo! Walang silbi ang bulag mong papuri, at hindi nalulugod ang Diyos dito. Hindi ganoon kalaki ang pangangailangan ng Diyos sa papuri ng sangkatauhan. Wala Siyang pagnanais para dito; hindi naman Niya kailangan ang papuri ng tao para makapamuhay Siya nang komportable o para magkaroon Siya ng kumpiyansa. Mayroon ba Siyang ganitong pangangailangan? (Wala.) Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay para iligtas ang sangkatauhan, para bigyan ang sangkatauhan ng magandang destinasyon, at gumagawa Siya ng ilang gawain para mabuhay ang sangkatauhan sa susunod na kapanahunan; ang layunin ay hindi para makamit ang papuri ng mga tao. Nagkataon lang na ang isa sa mga resulta ng gawain ng Diyos ay na nagbibigay-papuri sa Kanya ang sangkatauhan, pero kung magkakaroon ng mga maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos at bulag silang magpupuri sa Kanya, hindi ito hahayaan ng Diyos, at hindi Niya ito tatanggapin. Kung masyadong mapagbigay sa sarili ang mga tao kung kaya’t pakiramdam nila ay napakahalaga sa Diyos ang pagpupuri sa Kanya ng sangkatauhan, hindi ba’t maling interpretasyon iyon? Dahil ang sangkatauhan ay may kaunting papuri para sa Diyos at kaunting patotoo, iniisip nila na talagang naaantig ang Diyos, pero sa katunayan, hindi talaga Siya naaantig. Hindi ba’t ito ang karapat-dapat sa Diyos? Ito ay isang napakanormal na bagay.

Tingnan natin ang nasa ibaba pa: “Dahil sa pag-ibig, dinadala ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa serbisyo, upang magkaroon tayo ng katotohanan at buhay.” Tama ba ang linyang ito? (Mali.) Ano ang mali rito? Ang mga salita bang “dahil sa pag-ibig”? Lahat ay dahil sa unang tatlong salita, na labis na mapanligaw at mapanlihis kung kaya’t nagugulo ng mga ito ang isipan ng mga tao, iniiwan silang hindi kayang tukuyin ang tama at mali. Sa pagpapatuloy, huwag ninyong gamitin nang mali ang mga salitang “dahil sa pag-ibig.” Ang mga salitang kasunod ng tatlong iyon, “dinadala ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa serbisyo, upang magkaroon tayo ng katotohanan at buhay,” ay totoo. Ang ganitong mga nilalaman ay umiiral sa gawain ng Diyos, pero maling ilarawan ito bilang pag-ibig ng Diyos. Ito ay kapangyarihan ng Diyos, awtoridad ng Diyos, at karunungan ng Diyos; ito ay hindi dahil sa pag-ibig. Sa partikular, ito ay hindi lang dahil sa pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay mayroong ganitong kapangyarihan na pakilusin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay-bagay para magserbisyo sa sangkatauhang gusto Niyang iligtas. Pinakikilos Niya ang lahat ng bagay at usapin para magserbisyo sa sangkatauhang gusto Niyang iligtas at magserbisyo sa Kanyang gawain ng pamamahala, at ang pinakamakikinabang dito ay ang sangkatauhan—natatamo ng mga tao ang katotohanan at buhay. Kung sinasabi mo lang na ito ay dahil sa pag-ibig, hindi na ba umiiral ang karunungan, awtoridad, at kapangyarihan ng Diyos? Maling sabihin na ito ay dahil lang sa pag-ibig, kaya mali rin ang pagkaayos at posisyon ng mga ganitong pahayag. Ano ang kahulugan kapag sinabi na mali ang lahat ng ito? Hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan; sinasabi ang mga ito sa baluktot na paraan; ang mga ito ay hindi ang realidad ng katotohanan; at ang mga ito ay hindi ang praktikal na panig ng katotohanang nararanasan ng mga tao.