Ang Pagbabahagi Tungkol sa Himnong “Dahil sa Pag-ibig” (Unang Bahagi)

(Pagbabahaginan kasama ang pangkat ng mga mang-aawit ng himno)

Sa lahat ng himnong tungkol sa buhay iglesia na naririnig Kong kinakanta ninyo, napakakaunti pa rin sa mga ito ang tungkol sa praktikal na karanasan. Sa karamihan ng mga himno, napakababaw ng mga karanasan; walang masyadong naitutulong sa mga tao ang pagkanta ng mga ito. Ang ilan sa mga himnong ito ay binubuo lamang ng walang saysay na teorya, wala ni katiting na realidad. Tingnan natin bilang halimbawa ang, “Dahil sa Pag-ibig,” “Napakalalim ng Pag-ibig ng Diyos sa Atin,” at “Walang-hanggang Pag-ibig,” lahat ng ito ay walang saysay, teoretikal, at binubuo ng mga walang kabuluhang salita; talagang hindi praktikal ang mga ito. Ano ang tingin ninyo sa mga liriko ng tatlong himnong ito? Walang saysay ang lahat ng ito, ang lahat ng ito ay mga salita lamang mula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao; walang itinatampok ang mga ito na anumang salita tungkol sa praktikal na karanasan. Kung hindi man lang kaya ng isang taong magsulat ng mga himnong tungkol sa karanasan, pero gusto pa rin niyang magsulat ng mga himno ng papuri sa Diyos, hindi ba’t higit ito sa kanyang kakayahan? Posible ba para sa isang ordinaryong tao na masaksihan kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, at na masaksihan ang diwa ng Diyos? Ilang tao ang kayang gumawa nito? Kung wala kang alam tungkol sa Diyos at isusulat mo ang lahat ng kuru-kuro at imahinasyong ito sa papel, tutugma ba ito sa diwa ng Diyos? Tutugma ba ito sa mga katunayan tungkol sa gawain ng Diyos? Pagpupuri ba sa Diyos ang pagpapahayag ng mga kuru-kuro at imahinasyong ito? Kung wala kang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magiging praktikal ang mga isusulat mong mga himno ng papuri sa Kanya. Sa halip, dapat kang sumulat tungkol sa sarili mong tunay na karanasan, tunay na kaalaman, at personal na pagkaunawa, magsalita nang may pagpapakumbaba tungkol sa mga bagay na makatotohanan at kongkreto, at umiwas sa pagyayabang at pagmamalabis. Isinusulat mo ang mga salitang ito, ang mga paksang tulad ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang matuwid Niyang disposisyon, ang pag-ibig Niya, ang pagiging marangal Niya, ang kadakilaan Niya, ang pangingibabaw Niya, at ang pagiging natatangi Niya—totoo bang naiintindihan mo ang mga bagay na ito? Nauunawaan mo ba ang mga ito? Kung hindi mo nauunawaan ang mga ito pero ipinipilit mo pa ring magsulat tungkol sa mga ito, pikit-mata ka lang na sumusulat, nagpapakitang-gilas at ipinagyayabang ang sarili mo. Nililito nito ang mga tao tuwing sumasabay sila sa pagkanta, sumusunod sila sa iyo sa pagpapakitang-gilas habang kumakanta sila ng mga walang kabuluhang salita, at wala itong ibinibigay na benepisyo kaninuman kapag tapos na ang pagkanta. Ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi ba’t pinaglalaruan lang ninyo ang mga tao at sinasayang ninyo ang oras nila? Hindi ba’t panlilinlang at panloloko ito sa Diyos? Hindi ka ba nahihiya?

Tingnan ninyo, ano ang mga liriko ng himnong “Dahil sa Pag-ibig”? “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan.” Mayroon bang anumang tama sa pangungusap na iyan? Mayroon ba ritong tumutugma sa katotohanan? Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, hindi ba’t ganito? (Hindi ganito.) Kung gayon, bakit Niya sila nilikha? (Ito ay dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos.) Nais ng Diyos na isagawa ang isang plano ng pamamahala sa pamamagitan ng sangkatauhang nilikha Niya—isang 6,000-taong plano ng pamamahala. Anuman ang lumipas sa 6,000-taong plano ng pamamahala, sa huli, ang Diyos ay magkakamit ng isang grupo ng mga taong kayang magpasakop sa Kanya at magpatotoo sa Kanya, na kayang maging mga tunay na nilikha at tunay na panginoon ng lahat ng bagay. May kaugnayan ba sa pag-ibig ang katunayang una munang nagkaroon ng plano ng pamamahala ang Diyos at pagkatapos ay nilikha Niya ang mundo at ang sangkatauhan? Ito ay isa sa mga iniisip ng Diyos, ito ay bahagi ng Kanyang plano. Ito ay tulad lang ng kung paanong ang mga tao ay may mga intensyon at plano; halimbawa, maaaring mayroong plano ang isang tao na maging tagapamahala sa loob ng sampung taon at kumita ng 100,000 yuan, o planong magkaroon ng mga partikular na akademikong kredensiyal o isang partikular na buhay pamilya sa loob ng sampung taon—may kaugnayan ba ang mga bagay na ito sa pag-ibig? Wala itong kaugnayan; sa pang-araw-araw na buhay, mayroon lamang baitang-baitang na planong base sa mga yugto ang mga tao, isang mapa, isang layunin, isang ideya. Ang Diyos naman, kasabay ng kataas-taasan Niyang paghahari sa sansinukob at sa lahat ng bagay, mayroon Siyang plano sa mundo, at ang planong iyan ay nagsimula noong nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at ang lahat ng bagay na nabubuhay; pagkatapos, lumikha ang Diyos ng dalawang tao. Hindi ba’t ganito ang tunay na nangyari? Ano ang kaugnayan ng pag-ibig sa paggawa ng Diyos ng ganitong plano? Walang kahit na ano. Sa inyong pananaw, kung gayon, tama ba ang pahayag na “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan”? Paano iibigin ng Diyos ang sangkatauhan bago Niya sila nilikha? Hindi ba’t magiging walang kabuluhan ang ganitong pag-ibig? Inilalarawan mo ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan bilang gawain ng pag-ibig ng Diyos—hindi ba’t paninirang-puri iyan sa Diyos? Hindi ba’t paglapastangan iyan? Hindi ba’t masyadong hindi obhetibo iyan? Paano mailalarawan ang pagiging hindi obhetibo nito? Wala ba itong katwiran? (Oo.) Inihayag ng Diyos ang misteryo ng 6,000-taong plano ng pamamahala at ang misteryo ng Kanyang tatlong-yugto ng gawain. Iniisip mong may kaunti ka nang nauunawaan, na may kaunti ka nang mababaw na pagkaunawa sa Diyos, pero ito ay literal na pagkaunawa lamang. Gayunman, nangangahas kang tukuyin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, sinasabi mong dahil sa pag-ibig kung kaya’t ginagawa ng Diyos ang isang bagay, kung bakit Niya isinasagawa ang isang partikular na gawain, o kung bakit Siya nagkakaroon ng partikular na plano. Hindi ba’t kahangalan at kawalan ng katwiran ang lahat ng iyan? Kaya, mayroon bang anumang tama sa pahayag na “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan”? (Wala. Hindi ito naaayon sa katotohanan.) Isantabi muna natin ang usapin kung ito ay naaayon sa katotohanan; sa halip, tingnan natin kung naaayon ba ito sa mga aktuwal na sitwasyon. Sa tingin ba ninyo ay praktikal ang pahayag na ito? (Hindi ito praktikal.) Hindi ba’t pangangarap lamang ito nang gising? Ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan ay walang kaugnayan sa pag-ibig, kaya walang basehan ang pahayag na “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan”; pawang kathang-isip lamang ito, wala itong saysay. Pikit-mata mong nililimitahan ang Diyos, at iyon ay paglapastangan sa Kanya at hindi paggalang sa Kanya, at sinusukat mo Siya gamit ang mga pananaw ng tao at ang mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, na tahasang pagkakamali, di-makatwiran, at walang kahihiyan. Kung kaya, ang pariralang “Dahil sa pag-ibig, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan” ay sadyang walang kabuluhan.

Sa pagpapatuloy pa, ganito ang liriko, “Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan.” Sinasabi ng taong sumulat ng himnong ito na ito rin ay dahil sa pag-ibig. Kaya, kung maling sabihin na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan dahil sa pag-ibig, tama bang sabihin na, dahil sa pag-ibig ay laging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ang sangkatauhan? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Anong klase ng pag-uugali ito, ang “lagi Niya silang inaalagaan at binabantayan”? Ano ang diwa ng ugaling ito? Ito ba ay responsabilidad? (Oo.) Maaari bang mahalin ng Diyos ang isang bagong likhang tao na walang nauunawaan, hindi nakakapagsalita, walang pagkilatis, at maaaring matukso ng ahas? At paano naman ang paraan ng pagbibigay ng pag-ibig, kung paano ito ipinapakita, kung paano ito ipinamamalas, kung paano ito ipinapahayag—mayroon bang anumang tiyak na detalye tungkol dito? Wala. Ito ay responsabilidad; ang tunay na damdaming nangyayari dito ay ang responsabilidad ng Diyos. Dahil ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan, malamang ay binabantayan Niya sila, inaalagaan at pinoprotektahan sila, at pinamumunuan sila. Ito ang responsabilidad ng Diyos; hindi Niya ito ginagawa dahil sa pag-ibig. Kung ilalarawan mo ito na dahil sa pag-ibig ng Diyos, malubha ang maling pagkaunawa mo sa Diyos; hindi wasto na maging ganito ang pagkaunawa sa Kanya. Ano ang alam ng dalawang bagong-likhang tao? Maliban sa pagkakaroon ng hiningang ibinigay sa kanila ng Diyos, wala silang nauunawaan, wala silang alam; lalong wala silang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi nila alam kung sino ang Diyos o kung ano ba ang tungkol sa Kanya, at hindi nila alam kung paano makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya—ni hindi nila alam na problema ang lumayo sila sa Diyos at pagtaguan Siya. Paano iibigin ng Diyos ang sangkatauhang tumatanggi at lumalaban sa Kanya gaya nito? Paano Niya sila iibigin? Sa diwa, inaalagaan at binabantayan ng Diyos ang sangkatauhan, at kinakatawan lang ng ginagawa ng Diyos ang isa sa Kanyang mga responsabilidad. Dahil ang Diyos ay may plano at kahilingan sa Kanyang puso, kailangan Niyang bantayan at protektahan ang sangkatauhang nilikha Niya. Kung nagmamatigas at walang-ingat mong sasabihin na ang pagprotekta at pangangalaga ng Diyos sa sangkatauhan ay dahil sa pag-ibig, gaano karaming nilalaman ang dapat mayroon ang pag-ibig na iyan? Karapat-dapat ba talagang ibigin ng Diyos nang ganito ang mga tao? Kahit papaano man lang, sa puso ng mga tao ay dapat mayroong totoong pag-ibig para sa Diyos at tunay na pagtitiwala sa Kanya, at saka lamang sila iibigin ng Diyos. Kung hindi mahal ng mga tao ang Diyos at sa halip ay lumalaban sila sa Kanya, ipinagkakanulo nila Siya, at ipinapapako pa nila Siya sa krus, karapat-dapat ba sila sa pag-ibig ng Diyos? Ano ang pinagbabasehan ng Diyos ng pag-ibig Niya sa mga tao? Anuman ang sitwasyon, laging sinasabi ng mga tao na iniibig sila ng Diyos; imahinasyon nila ito, pangangarap ito nang gising.

Sunod ay, “Dahil sa pag-ibig, gumawa ng mga batas at kautusan ang Diyos para gabayan ang buhay ng tao sa mundo. Dahil sa pag-ibig, nagkatawang-tao ang Diyos at ibinigay Niya ang Kanyang buhay para tubusin ang sangkatauhan.” Detalyado nitong ibinubuod ang mga bagay-bagay. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa Kapanahunan ng Kautusan, at pagkatapos sa Kapanahunan ng Biyaya, noong nagkatawang-tao ang Diyos para tuparin ang gawain ng pagtubos, inilalarawan ng dalawang linyang ito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Sa kasamaang palad, maling tukuyin ang himnong ito gamit ang unang tatlong salita na, “dahil sa pag-ibig,” na gamitin ang mga salitang ito bilang pananda ng direksyon para sa paglalarawan nito. Pagkatapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ito man ay paglalabas ng mga batas para pamunuan ang sangkatauhan o pagtubos sa sangkatauhan, ginawa ang lahat ng ito dahil sa Kanyang plano ng pamamahala, Kanyang mga kahilingan, at ang balak Niyang tuparin; hindi ito dahil lamang sa pag-ibig. May ilang taong nagsasabi, “Sinasabi Mo bang walang bahagi ang pag-ibig sa paggawa ng Diyos ng mga bagay na ito?” Tama ba iyon? (Hindi.) Mayroong diwa ng pag-ibig ang Diyos, pero kung sasabihin mong ang diwa ng Diyos sa pagtupad ng tatlong-yugtong gawain Niya ay dahil sa pag-ibig, maling-mali iyan; paninirang-puri at paglapastangan iyan. Kung gayon, ano ang pangunahing dahilan ng Diyos sa pagtupad Niya ng Kanyang tatlong-yugtong gawain? Ito ay dahil sa plano ng pamamahala ng Diyos, mga kahilingan ng Diyos, at dahil sa kung anong gagawin ng Diyos; nasa mga ito ang dahilan, hindi lang sa pag-ibig. Siyempre, sa panahon ng Kanyang tatlong-yugtong gawain, may nilalamang pag-ibig ang disposisyong diwang inihahayag ng Diyos. Anu-ano ba ang mga kongkretong pagpapamalas ng “pag-ibig”? Ito ay ang pagpaparaya at pagpapasensiya, hindi ba? At habag? At pagbibigay ng biyaya at pagpapala sa mga tao? Hindi ba’t ito ay kaliwanagan at patnubay? Hindi ba’t ito ay paghatol at pagkastigo? Ito ay ang lahat ng ito. Ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at pagsusuri, pagsubok at pagpipino, at iba pa, ay lahat pag-ibig—napakalawak ng pag-ibig na ito. Gayumpaman, kung lilimitahan ng mga tao ang tatlong-yugtong gawain ng Diyos bilang ginagawa dahil sa pag-ibig, kung bibigyang-diin lamang ang pag-ibig, masyadong kumikiling ito sa isang panig; nililimitahan nito ang Diyos. Kapag naririnig ng mga tao ang mga linyang ito, iisipin nila, “Ang Diyos ay pag-ibig at wala nang iba pa.” Magkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, hindi ba? (Oo.) Samakatwid, hindi lamang hindi talaga dinadala ng himnong ito ang mga tao sa presensiya ng Diyos, kundi sa kabaligtaran, nagkakaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya ang mga tao dahil dito. Anong klase ng kalagayan ang lilitaw sa mga tao kung lagi nilang inaawit na “Dahil sa pag-ibig, dahil sa pag-ibig”? Anong klase ng damdamin ang magmumula rito? Sa huli, ang mga damdamin bang ito ay magiging pagkaunawa o maling pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos? Kung hindi kaya ng isang taong ganap na maintindihan ang usaping ito, pero nagsasalita at umaawit pa rin siya nang ganito, ito ay pangangarap lang nang gising, na lalo pang hindi makatwiran. Kapag nahuhulog ang mga tao sa kalagayan ng pangangarap nang gising, kawalan ng katwiran, at pagbaba sa sarili, nakakabahala iyan. Totoo bang mapupuri ng mga ganitong tao sa puso nila ang Diyos? Ito ay imposible. Hindi tunay na nagpupuri sa Diyos ang himnong ito; maililigaw lamang nito ang mga tao.

Tingnan natin ang kasunod na koro. Lalong mas nakasusuka ang koro, sa paraan ng pagdadala nito ng “papuri” nito sa sukdulan. Tama ba ang linyang “O Diyos! Lahat ng inihahayag ng Iyong gawain at ng Iyong mga salita ay pag-ibig”? (Hindi.) Sa anong paraan ito mali? (Nililimitahan nito ang mga salita at gawain ng Diyos.) Paano nito nililimitahan ang mga iyon? (Nililimitahan nito na ginagawa lang ang mga iyon dahil lamang sa pag-ibig.) Ipinapakita ng lahat ng pahayag at salita ng Diyos ang Kanyang disposisyon, na pagiging matuwid at pagiging banal. Ang pag-ibig ay walang iba kundi isang aspekto lang ng emosyon—isang uri ng damdamin—hindi ito ang tunay na diwa ng Diyos. Tama bang ilarawan ang pag-ibig bilang diwa ng Diyos? Ano ang magiging paglalarawan niyon sa Diyos? Ilalarawan niyon ang Diyos bilang isang pilantropo na madaling samantalahin at mahina. Sa huli, ano ang diwa ng Diyos? (Pagiging matuwid, kabanalan, awa, mapagmahal na kabaitan, poot—isang mas masinsinang paglalarawan.) Ang pagiging matuwid, ang kabanalan, awa, mapagmahal na kabaitan, gayon din ang pagiging maharlika at ang poot—lahat ng ito ay kung anong mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, at kinakatawan ng mga ito ang diwa ng Diyos. Kung hindi balanse ang paglalarawan ng isang tao sa isang partikular na aspekto ng diwa ng Diyos, sinasalamin niyon ang di-balanseng pagkaunawa ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, dahil ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay limitado at hindi balanse, at gayundin ang kanilang kaalaman. Samakatwid, ang pagkaunawa nila sa diwa ng Diyos ay nabubuo base sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya, kung kaya’t hindi balanse ang basehan ng paglalarawan nila. Ang paglalarawan nila sa diwa ng Diyos base sa isang piraso ng gawain ng Diyos ay masyadong hindi balanse, hindi ito tumutugma sa mga katunayan, at napakalayo ng pagkalihis nito sa diwa ng Diyos.

Tingnan natin ang pangalawang linya. “O Diyos! Ang pag-ibig Mo ay hindi lamang mapagmahal na kabaitan at awa, kundi higit pang pagkastigo at paghatol.” Ito ay teorya pa rin; tama ang pahayag, pero ito ay doktrina, kaya walang dahilan para ilagay ito riyan. Mayroon bang taong hindi nakakaunawa kung ano ang sinasabi ng linyang ito? Maraming gawain na ang isinagawa ng Diyos, at karamihan sa mga tao ay nakaranas nito at alam ito, kaya ito ay walang saysay at walang kabuluhang pananalita, at katiting lang ang nagagawa nito para turuan ang mga tao. Sa pagpapatuloy pa: “O Diyos! Ang Iyong paghatol at pagkastigo ang pinakatotoong pag-ibig at ang pinakadakilang pagliligtas.” Ano ang ibig sabihin ng “pinakadakilang pagliligtas”? Ang ibig sabihin nito ay ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay hindi ordinaryong pagliligtas, kundi ang pinakadakilang pagliligtas. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo, hindi ba’t ang Kanyang pagtubos sa sangkatauhan ang magiging pinakadakilang pagliligtas? Hindi ba’t ang paglalabas Niya ng mga batas ang magiging pinakadakilang pagliligtas? Hinati mo ang tatlong-yugtong gawain ng Diyos sa mga antas, na para bang ang paglalabas ng mga batas ang unang antas ng pagliligtas, ang pagpapapako sa krus ang pangalawang antas ng pagliligtas, at ang paghatol at pagkastigo ang pinakadakilang pagliligtas. Hindi ba’t walang saysay ito? Tama bang sabihin ang isang bagay na gaya nito? Tumpak ba ito? Kung sasabihin mo sa isang relihiyosong tao ang mga salitang ito na walang kabuluhan, hindi siya makakakita ng anumang problema sa mga ito. Hindi siya nakauunawa; hindi pa niya naririnig ang anuman sa mga bagay na ito na sinasabi mo sa kanya, hindi niya malalaman ang mga ito—iisipin niyang parang bago, orihinal, at magaling ang lahat ng ito. Pero kung sasabihin mo ang mga parehong salitang iyon sa isang taong nakauunawa ng katotohanan, agad niyang mapagtatanto na ang mga salitang ito ay walang kabuluhan at mga binuod na doktrina ang mga ito, wala itong pagkaunawang mahalaga o batay sa karanasan. Sa pagpapatuloy pa, sinasabi nito, “Magbibigay kami ng patotoo tungkol sa Iyong banal at matuwid na pag-ibig.” Dito, inilalarawan ang pag-ibig ng Diyos bilang banal at matuwid na pag-ibig. Hindi sinabi ng sumulat ng himno na ang diwa ng Diyos ay banal at matuwid, kundi na ang pag-ibig ng Diyos ay banal at matuwid, isinusulong nito na dapat ibigin ng Diyos ang tao. Ang ibig sabihin niya ay: Hindi dapat magpahayag ang Diyos ng paghatol at pagkastigo, at hindi Siya dapat magpahayag ng poot at pagiging maharlika; ang pagpapahayag Niya lang ng pag-ibig ang tama, at ang pag-ibig na iyon ay banal at matuwid. Pagkatapos na pagkatapos nito, sinasabi nito, “Ikaw ay karapat-dapat sa aming walang hanggang papuri.” Bakit pinupuri ng sumulat ng himnong ito ang Diyos? Pinupuri niya ang Diyos dahil lamang mahal ng Diyos ang tao. Malaki ba ang problema sa mga salitang ito? (Oo.) Bakit natin sinasabing may malaking problema rito? (Dahil ito ay pagtingin sa mga usapin batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; wala itong pagkaunawa sa Diyos, at sinusubukan nitong limitahan Siya.) Nililimitahan nito ang Diyos. Hindi nito nauunawaan ang katotohanan at wala itong tunay na kaalaman sa Diyos, pero sumusubok pa rin itong magbuod, ang pagbubuod mo ay hindi tumutugma sa mga salita ng Diyos at malayo ito sa katotohanan, at medyo inililigaw pa nito ang mga tao. Ito ay panghuhusga sa Diyos. Sa tingin mo, ano ang makukuha ng mga tao sa pagkanta ng unang talata ng himnong ito? (Magkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos.) Anong mga kuru-kuro? (Maniniwala silang ang Diyos ay pag-ibig, at na pag-ibig lamang ang mayroon ang Diyos at wala nang iba.) Ano ang mali kung ganito ang madama ng mga tao? Ano ang mali kung mamuhay sa yakap ng pag-ibig ng Diyos ang mga tao, na pinaliligiran at sinasamahan ng pag-ibig ng Diyos? Ano ang mali kung tamasahin ng mga tao ang kapunuan ng pag-ibig at kalinga ng Diyos? (Masyadong hindi patas na mauunawaan ang Diyos sa ganitong paraan, dahil mayroon pang iba sa disposisyon ng Diyos bukod sa pag-ibig lamang.) Ito ba ay hindi lang patas? Sa tumpak na pananalita, masyadong mababaw para sa tao na malaman lamang ang pag-ibig ng Diyos; ito ay isang walang kabuluhan, hindi patas, teoretikal, at emosyonal na uri ng damdamin. Isipin mo ito: Kung iisipin ng tao na sapat na ang paniniwala at pagkaalam na ang Diyos ay pag-ibig, magiging madali ba para sa kanila na makamtan ang tunay na pagpapasakop kapag naranasan nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? (Hindi.) Pero mayroon silang pag-ibig ng Diyos bilang pundasyon—bakit hindi magiging madali para sa kanilang magpasakop? Ang pagpapatotoo ba sa pag-ibig ng Diyos sa paraang ito ay makakaimpluwensiya sa mga taong tanggapin ang paghatol at pagkastigo? (Hindi.) Kung gayon, sabihin mo sa Akin, ano ang aktuwal na sitwasyon at mga praktikal na paghihirap na napapaloob dito? (Laging iniisip ng mga tao na ang Diyos ay pag-ibig, kaya gusto nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos araw-araw. Kapag nagdadala ng pagdurusa ng laman ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, iniisip nilang hindi sila mahal ng Diyos, kaya nagiging mahirap para sa kanilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at magpasakop dito.) Ipagpatuloy mo; mayroon pa bang iba? (Naniniwala ang mga tao na ang Diyos ay pag-ibig, kaya kapag nagrebelde at nagtaksil sila sa Diyos, magpapasya silang mahal pa rin sila ng Diyos, at magpapakita pa rin Siya sa kanila ng awa at pagpapatawad. Dahil dito, hindi sila magsisisi.) Kung laging nabubuhay ang mga tao sa kalagayan kung saan iniisip nila sa kanilang imahinasyon na talagang minamahal at pinapaboran sila ng Diyos, matatanggap ba nila ang katotohanang mayroon silang tiwaling disposisyon? Matatanggap ba nila ang iba’t ibang kalagayan at katiwalian ng tao na inilalantad sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Mahirap para sa kanila na mula sa kalagayang iyan ay mapunta sila sa kalagayan ng pagpapasakop, na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos; mananatili na lamang sila sa Kapanahunan ng Biyaya, naniniwalang ang Diyos ang lagi nilang magiging handog para sa kasalanan, at ang handog na ito para sa kanilang kasalanan ay isang uri ng pag-ibig, isang hindi nauubos at hindi nagwawakas na pag-ibig. Kung ganito ang pagkaunawa nila sa pag-ibig ng Diyos, ano ang magiging bunga nito? Matutulad ito sa mga relihiyosong tao: Wala silang pakialam kung paano sila nagkakasala; nagdarasal lamang sila sa gabi at umaamin sa kanilang mga kasalanan, at iyon na iyon. Iniisip nilang patuloy silang patatawarin ng Diyos at patuloy Siyang magbibigay ng awa at mapagmahal na kabaitan, at magkakaloob ng biyaya. Dahil dito, nagiging mahirap para sa kanila na amining mayroon silang tiwaling disposisyon, na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at na magpasakop sa gawain ng Diyos at maabot ang punto kung saan matatanggap nila ang Kanyang pagliligtas. Para sa mga taong nananatili sa ganitong kondisyon, ano ang mga kahihinatnan nito? Lalabanan at tatanggihan ba nila ang Diyos kapag dumating Siyang muli para gumawa ng bagong gawain? (Oo.) Kung gayon, makasasalubong ba sila sa pagbabalik ng Diyos? Bakit hindi matanggap ng mundo ng relihiyon ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil sa maling pagkaunawa sa Diyos? Ito ay napakasamang kahihinatnan! Kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, magiging napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Kanya—ano ang ipinapakita ng katotohanang ito? Ipinapakita nito na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at na likas nilang tendensiya ang lumaban at magrebelde sa Diyos, ang hindi maging katugma ng Diyos. Kaya ng mga taong lumaban sa mga layunin ng Diyos sa bawat pagkakataon, at lumaban sa katotohanan sa bawat pagkakataon. Ang kalikasan at likas na tendensiya ng mga tao ay ang ayawan ang katotohanan; ang likas nilang tendensiya ay ang lumaban at magrebelde sa Diyos. Maaari bang mahalin ng Diyos ang ganitong tao? (Hindi maaari.) Iniibig man sila o hindi ng Diyos, karapat-dapat man sila o hindi sa pag-ibig ng Diyos, hindi magagawa ng Diyos na ibigin ang ganitong tao. Hindi ba’t ito ay totoo?

Magmula sa panahong inumpisahan ng Diyos na isagawa ang gawain ng paghatol at ilantad ang diwa ng katiwalian ng sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan, ipinapahayag na ng Diyos ang katotohanan; marami na Siyang binigkas na salita para iligtas ang sangkatauhan at bumigkas na rin Siya ng maraming masasakit na salita ng paghatol. Nadarama ba ninyo ang tunay na saloobin ng Diyos sa sangkatauhan? Sa huli, iniibig ba Niya o kinasusuklaman ang sangkatauhan? May ilang nagsasabi, “Mula sa katotohanang binigyan ng Diyos sina Adan at Eba ng mga damit na yari sa balat, nalaman at natutunan kong mahal ng Diyos ang mga tao, at na ang saloobin Niya sa sangkatauhan ay ang pagmamahal; walang galit.” Tama ba ang paraang ito ng pagkaunawa sa mga bagay-bagay? (Hindi.) Ano ang mali rito? Itinuturing nito na para bang ang iba’t ibang responsabilidad, tungkulin, at obligasyon ng Diyos sa sangkatauhan ay ginawa dahil iniibig ng Diyos ang tao, at dahil ang mga tao ay kaibig-ibig, nararapat ibigin, at karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ba’t maling paraan ito ng pag-unawa sa mga bagay-bagay? (Mali ito.) Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay dahil sa responsabilidad at obligasyon, at ito rin ay dahil sa Kanyang diwa. Ito ay una sa lahat dahil sa Kanyang plano, at pagkatapos niyon, dahil sa Kanyang obligasyon. Siyempre, habang tinutupad ng Diyos ang obligasyong ito, inihahayag Niya ang Kanyang disposisyon, gayundin ang Kanyang diwa. Kaya, ano ang Kanyang disposisyong diwa? Ito ay ang pagiging matuwid, pagiging banal, pagiging maharlika, at pagiging hindi nalalabag. Kung ganito ang disposisyon at diwa, at naharap sa sangkatauhan na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas, ano ang dapat maging pinakatumpak na saloobin at mga kaisipan ng Diyos sa sangkatauhan? Dapat ba na ito ay ang labis na ibigin ang sangkatauhan na hindi Niya na kayang mahiwalay sa kanila? (Lalo nang dapat na ito ay responsabilidad.) Ang responsabilidad Niya ay ang Kanyang gawain. Hindi Niya labis na iniibig ang sangkatauhan na hindi na Niya kayang mahiwalay sa kanila, minamahal sila nang labis-labis; hindi Siya puno ng pag-ibig para sa kanila, at hindi rin Niya sila iniingatan na para bang Kanyang sinisinta—ang tunay na saloobin ng Diyos sa ganitong sangkatauhan ay ang masuklam hanggang sa kaibuturan. Kaya, bakit Ko sinasabing ang himnong ito ay nakakasuklam hanggang sa kaibuturan? Dahil ipinapahayag nito ang pangangarap nang gising ng mga tao. May pag-ibig ang Diyos, kaya iniisip ng mga tao na ginawa Niya ang lahat ng ito dahil ang tao ay kaibig-ibig at karapat-dapat ibigin. Nagkakamali ka, at nagpapadala ka sa damdamin mong nagpapalugod sa iyong sarili! Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa Kanyang plano at responsabilidad, at ang disposisyong diwang inihahayag ng Diyos sa pagsasagawa Niya ng lahat ng ito ay ang pagiging matuwid at banal. Anuman ang inihahayag ng Diyos, siyempre mayroong pag-ibig sa diwa ng Diyos, at ang ginagawa ng Diyos sa sangkatauhan ay dahil lamang mayroong pag-ibig sa diwa ng Diyos. Pero hindi iniibig ng Diyos ang mga tao sa Kanyang pansariling kalooban; hindi Niya iniibig ang tiwaling sangkatauhan, kinasusuklaman Niya ang tiwaling sangkatauhan. Bakit ba ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw? Bakit mayroong ganitong saloobin ang Diyos sa paglalantad ng tiwaling sangkatauhan? Ito ay pinagpasyahan ng diwa at disposisyon ng Diyos, at bukod pa rito, nailalarawan nito ang isang praktikal na isyu: Nabubuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at lahat sila ay sumusunod at sumasamba kay Satanas; hindi talaga sila nagpapasakop at sumasamba sa Diyos, sila ay mga kaaway Niya. Maaari bang mahalin ng Diyos ang mga kaaway Niya? (Hindi.) Naghahayag ang Diyos ng pag-ibig, at mayroong diwa ng pag-ibig ang Diyos, pero hindi Niya ginagawa ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig. Kung iniisip mong ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig, sinasabi Ko sa iyo, maling-mali iyan at walang kahihiyan ang isipin iyan. Kung iyan ang iyong iniisip, sinisiraang-puri mo ang Diyos. Huwag kang masyadong masiyahan sa sarili mo, huwag kang masyadong magpadala sa damdamin mo! May ilang taong nagsasabi, “Hindi ginawa ng Diyos ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig, kung magkagayon, wala bang pag-ibig sa diwa ng Diyos?” Tama ba ito? (Hindi.) Saan ito nagkakamali? (Mayroong mapagmahal na kabaitan at awa ang Diyos sa Kanyang disposisyon.) May pag-ibig ang Diyos, pero hindi Siya nagmamahal nang walang pinipili. Ang Diyos ay matuwid at banal, imposible para sa Kanyang mahalin ang sangkatauhang malalim nang nagawang tiwali ni Satanas—sa katunayan, kinamumuhian at kinapopootan ng Diyos ang sangkatauhang ito. May ilang taong nagtatanong, “Dahil kinamumuhian at kinapopootan ng Diyos ang sangkatauhang ito, bakit Niya ginagawa pa rin ang lahat ng gawaing ito sa kanila?” May plano ng pamamahala ang Diyos, at handa Siyang akuin at tuparin ang responsabilidad na ito, kaya tutuparin Niya ang gawaing ito—karapatan ito ng Diyos at hindi maaaring makialam dito ang tao. May ganitong kapangyarihan ang Diyos at may awtoridad din Siyang tapusin ang planong ito ng pamamahala, kung saan ang pinakamakikinabang ay ang sangkatauhan, kayong lahat. Malaking bagay nang makakuha ang tao ng mga ganitong pakinabang at makatamo ng ganito kalalaking pagpapala; huwag ninyong hingin sa Diyos na: “Dahil mayroon Kang pag-ibig, dapat ibigin Mo kami.” Ibigin ka sa anong dahilan? Dahil pinili ka ng Diyos? Hindi maaaring ganyan, hindi ba? Dahil sa pagiging kaibig-ibig mo? Ano ang kaibig-ibig sa iyo? Dahil nagtataksil ka sa Diyos? Dahil naghihimagsik ka laban sa Diyos? Dahil punong-puno ka ng tiwaling disposisyon ni Satanas? Dahil tinututulan mo ang Diyos? Dahil nilalabanan mo ang Diyos sa bawat pagkakataon? Sa kabila ng lahat ng ito, maaari ka pa rin bang ibigin ng Diyos? Maaari pa rin ba Niyang mahalin ang mga taong lumalaban sa Kanya? Maaari pa rin ba Niyang mahalin ang mga diyablo at si Satanas? Kung sasabihin mong maaari pa ring mahalin ng Diyos ang mga taong lumalaban sa Kanya, na maaari pa rin Niyang mahalin ang mga diyablo at si Satanas, hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? Sa inyong pananaw, maaari bang mahalin ng Diyos ang mga diyablo at si Satanas? Maaari bang mahalin ng Diyos ang mga kaaway Niya? Maaari bang magmahal ang Diyos nang walang pinipili, gaya ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan? Hinding-hindi ito maaari. May prinsipyo ang pag-ibig ng Diyos. Samakatwid, ang pag-ibig na ito na nasa imahinasyon ng tao ay hindi umiiral, ito ay ganap na pangangarap nang gising at labis na madamdaming pag-iisip; nabibilang ito sa mga kuru-kuro ng tao at talagang hindi umaayon sa mga katunayan, kaya kailangan Kong linawin ito rito. Bakit hindi ka mahal ng Diyos? (Dahil ganap na tiwali ang disposisyon ng tao, at hindi siya karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos.) Ang “hindi siya karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos” ay isang karaniwang bukambibig. Kailangan bang mahalin ka ng Diyos dahil lang nilikha ka Niya? Hindi naman ganoon, hindi ba? Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at ang buong sansinukob; dapat ba talaga Niyang mahalin ang bawat isang bagay? Maaaring piliin ng Diyos na mahalin ka, at maaari Niyang piliing hindi ka mahalin; karapatan ito ng Diyos—ito ay isang katunayan. Ang isa pang katunayan ay na, kung gusto mong mahalin ka ng Diyos—kung gusto mong matanggap ang pag-ibig Niya—kailangan mong gumawa ng isang bagay na karapat-dapat sa pag-ibig Niya. May nagawa ka na bang karapat-dapat sa pag-ibig Niya? Mayroon ka bang pag-uugali, pagkatao, o disposisyong nagpapalugod sa Diyos? (Wala.) Marahil hindi sa mga unang taon ng pananampalataya nila sa Diyos, pero sa mga susunod na taon, nagpapakita ang ilang tao ng ilan sa mga pag-uugaling ito: tumutupad ng tungkulin at gumagawa nang pabawas nang pabawas ang pagiging pabasta-basta, nagkakaroon ng kakayahang hanapin ang mga prinsipyo, natututong sumunod at magpasakop, at hindi kumikilos nang basta na lamang; hindi umaasa sa mga imahinasyon at kuru-kuro kapag nahaharap sa isang bagay, kayang manalangin at hanapin ang Diyos, nakikipagtulungan sa mga kapatid at mas madalas na nakikipagbahaginan sa kanila, at nagkakaroon ng mas mapagpakumbaba at puspusang pag-iisip; nagkakaroon ng kaunting sinseridad at kaunting tunay na pananalig sa Diyos, kahit na hindi sila masasabing tapat sa gawaing ipinagkakatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos at sa atas ng Diyos; at kayang ituon ang atensiyon sa paghahangad sa katotohanan at pagbibigay-pansin sa mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon, kayang magkusa sa pagkilala ng sarili nilang katiwalian, sa pag-alam ng sarili nilang kayabangan at pagiging mapanlinlang, laging nananalangin sa Diyos, humihiling sa Kanya na pangasiwaan ang kapaligiran, tumatanggap ng pagdidisiplina ng Diyos, at nagkakaroon ng mas maraming positibong bagay sa mga sarili nila. Sa mga mata ng Diyos, napakahalaga ng mga pag-uugaling ito. Pero pagdating sa kung iniibig ba o hindi ng Diyos ang tao, dapat ba silang magpumilit? (Hindi sila dapat magpumilit.) Kung ipinapakita ng ugali ng mga tao ang mga positibong paghahangad na ito, ang mga pagpapabuting ito, ang mga pagbabagong ito, mula sa pananaw ng tao ay mayroon silang kaunting pagiging kaibig-ibig at pagpapahayag ng kaunting pagpapasakop. Pero ang pagkakaroon ng mga ugaling ito ay pag-asa lamang na makikita sa inyo. Ang pag-asang ito ay na sa pamamagitan ng gawain at pamumuno ng Diyos, magkakaroon ng positibo, aktibo, at matulunging kaisipan ang mga tao, at kasabay nito, magpapatotoo ang mga ugali at paghahayag na ito sa Diyos sa harap ni Satanas. Mula sa pananaw na ito, ibig sabihin, kung titingnan Ko ito mula sa pananaw ng tao, mayroong kaunting pagiging kaibig-ibig ang mga tao—pero kung titingnan ito mula sa pananaw ng Espiritu ng Diyos, sa huli ba ay mahal kayo ng Diyos o hindi? Mayroon ba kayong aspektong medyo kaibig-ibig o wala? Kung tatanungin ninyo Ako, malayo pa kayo. Dahil base sa kakayahan ng mga tao, sa mga talento nila, at sa mga sitwasyon kung saan sila nabubuhay, dapat kaya ng mga taong makagawa ng mas mabuti. Sa katunayan, ang naranasan, nakamtan, at nakilala ninyo ngayon, pati na rin ang mga pagbabagong natamo ninyo, ay maaaring matamo sa loob ng limang taon kung hahangarin ninyo ito nang buo ninyong lakas, pero inabot kayo ng buong sampung taon para makamtan ang mga resultang ito. Hindi ba’t napakatagal niyan? Medyo manhid ang mga isipan ninyo, mabagal ang pagtugon ninyo, makupad ang pagkilos ninyo; sa maraming lugar, sa pamamagitan lamang ng agarang pagpupungos, pagdidisiplina, at pagbabantay ng Itaas na nakakakamit kayo ng anumang bagay. Pinaghirapang tagumpay ang mga nakamit na ito, may ibinayad na halaga ang mga tao, at mula sa mga resulta ng inani, mayroong ilang aspekto ng mga ugali at pagpapahayag ng mga tao na nakapagbibigay ng kaunting ginhawa kapag tiningnan. Gayumpaman, malayo pa rin ang mga ito sa batayan ng pagiging kaibig-ibig na sinabi ng Diyos. Nararamdaman ba ninyong lahat na mas kaibig-ibig kayo ngayon kumpara sa dati? (Hindi.) Hindi, hindi pa. Matutuklasan mo kung anong mga bagay ang ipinapakita mo tungkol sa iyong sarili sa pamamagitan ng kaunting pagsisiyasat sa sarili: “Ah, marami pa rin palang karumihan sa akin, sa sandaling pagnilayan ko ang isang bagay, lumilitaw ang mga tusong pakana sa isip ko, at ginagawa ko ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Sa sandaling maguluhan ako gaya nito, lumilitaw muli ang mga problema at, pagkatapos kong pag-isipan ang mga ito, lumilitaw muli ang mga tusong pakana, at maninisi uli ako at babalik sa pagiging mapagpalugod ng mga tao.” Gaya ng nakikita mo, sa pamamagitan lamang ng kaswal na pagsusuri sa iyong sarili sa buong araw, naghayag ka na ng malaki-laking katiwalian—kaya ano ang kaibig-ibig sa iyo? Hinihiling mo pa ring mahalin ka ng Diyos, pero mababa ang tingin mo sa iyong sarili; pakiramdam mo ay talagang wala kang halaga at walang anuman tungkol sa iyo ang karapat-dapat sa papuri o pagmamahal ng ibang tao. Kung ni hindi kaya ng mga taong mahalin ka, paano mo aasahan ang Diyos na mahalin ka? Posible ba iyon? (Hindi.) Ngayong sapat na nating nalinaw ang mga katunayang ito, hindi ba’t dapat nang alisin ang himnong ito? Ito ay dapat nang alisin. Ito ay puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon at mga salitang galing sa relihiyon; kaya may nagagawa bang anumang nakabubuti sa iba ang pag-awit ninyo ng himnong ito? Nasisiyahan ba kayong kantahin at pakinggan ito? Hindi lamang pumipigil sa pag-unawa sa katotohanan ang pagkanta nito, inililigaw din nito ang mga tao; hindi lamang ito bigong alisin sa kanila ang mga kuru-kuro nila, pinapalalim at pinapatibay pa nito ang mga kuru-kurong iyon. Hindi ba’t nakapipinsala ito sa mga tao? Sa pagkanta ng himnong ito, hindi lamang mas nagiging mahirap para sa inyong maunawaan ang katotohanan; nagiging mas madali pa para sa inyong mamuhay sa loob ng inyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos; talagang walang ginagawang mabuti kaninuman ang himnong gaya nito. Kung kaya, napupuno ng galit ang Aking puso tuwing naririnig Ko kayong lahat na kumakanta ng himnong ito—walang saysay ang napakaraming taon ninyo ng pakikinig ng sermon, walang saysay ang pagbabasa ninyo ng napakaraming salita ng Diyos; kahit ngayon ay wala pa rin kayong tunay na kaalaman sa disposisyon ng Diyos, talagang gusto Ko kayong sampalin nang ilang beses. Sino ang sumusulat ng lirikong puno ng mga ganitong kuru-kuro at imahinasyon? At kinakanta pa rin ninyo nang may matinding pagkahumaling. Wala ba talaga kayong pagkilatis? Labis ninyo Akong nadismaya. Nananampalataya kayo hanggang ngayon nang walang nakakamit na anumang katotohanang realidad; ni hindi ninyo kayang kilalanin ang mga salita mula sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kakatwang bagay, pero kinakanta pa rin ninyo ang mga ito. Talaga ngang magulo ang inyong pananalig! Ano pa ba ang masasabi Ko!