Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 565

Ang susi sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay ang malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasan, at kailangang mangyari ito alinsunod sa mga paglalantad mula sa Diyos. Sa salita lamang ng Diyos malalaman ng isang tao ang sarili niyang kasuklam-suklam na kalikasan, makikilala sa sarili niyang kalikasan ang iba’t ibang lason ni Satanas, matatanto na siya ay hangal at mangmang, at matutukoy ang mahihina at mga negatibong elemento sa kanyang kalikasan. Pagkatapos malaman nang lubusan ang mga ito, at talagang nagagawa mong kamuhian ang sarili mo at maghimagsik laban sa laman, palaging isagawa ang salita ng Diyos, palaging hangarin ang katotohanan habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin, makamit ang pagbabago sa iyong disposisyon, at maging isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, nasimulan mo nang tumahak sa landas ni Pedro. Kung wala ang biyaya ng Diyos, kung wala ang kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu, magiging mahirap tahakin ang landas na ito, dahil hindi taglay ng mga tao ang katotohanan at hindi nila magawang maghimagsik laban sa kanilang sarili. Ang pagtahak sa landas ng pagiging perpekto ni Pedro ay nakasalalay una sa lahat sa pagkakaroon ng pagpapasiya, pagkakaroon ng pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos. Bukod dito, kailangang magpasakop ang tao sa gawain ng Banal na Espiritu; sa lahat ng bagay, hindi makakaraos ang tao nang wala ang mga salita ng Diyos. Ito ang mga pangunahing aspeto, at wala ni isa rito ang maaaring labagin. Sa gitna ng karanasan, napakahirap na kilalanin ang sarili; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong saysay. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang magtuon ang tao sa pagkilala sa kanyang sarili at sa pagbabago ng kanyang disposisyon. Ang landas ni Pablo ay hindi paghahangad sa buhay o pagtutuon sa pagkilala sa sarili; nakatuon siya lalo na sa paggawa ng gawain at sa impluwensya at bilis ng pagsulong nito. Ang kanyang motibasyon ay magtamo ng mga pagpapala kapalit ng kanyang gawain at paghihirap, at makatanggap ng mga gantimpala mula sa Diyos. Ang motibasyong ito ay mali. Hindi nagtuon si Pablo sa buhay, ni hindi niya pinahalagahan ang pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon; nagtuon lamang siya sa mga gantimpala. Dahil mali ang kanyang mga layunin, ang landas na kanyang tinahak, mangyari pa, ay mali rin. Dahil ito sa kanyang likas na kayabangan at kahambugan. Malinaw, walang taglay na katotohanan si Pablo, ni wala siyang konsiyensya o katwiran. Sa pagliligtas at pagbabago sa tao, binabago ng Diyos una sa lahat ang kanilang disposisyon. Ang layunin ng Kanyang mga salita ay upang makamtan sa mga tao ang resulta ng pagtataglay ng nagbagong mga disposisyon at ng kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Kanya, at sambahin Siya sa normal na paraan. Ito ang layunin ng mga salita ng Diyos at ng Kanyang gawain. Ang paraan ni Pablo sa paghahanap ay direktang lumalabag, at salungat, sa mga layunin ng Diyos; lubos itong sumalungat sa mga ito. Gayunman, ang paraan ng paghahanap ni Pedro ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos: tumuon siya sa buhay, at sa mga pagbabago sa disposisyon, na mismong resultang hinahangad ng Diyos na makamtan sa mga tao sa Kanyang gawain. Ang landas ni Pedro kung gayon ay pinagpala at sinasang-ayunan ng Diyos. Dahil ang landas ni Pablo ay salungat sa mga layunin ng Diyos, kinamumuhian at isinusumpa ito ng Diyos. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang malaman ng tao ang mga layunin ng Diyos. Kung talagang lubos na nauunawaan ng isang tao ang Kanyang mga layunin sa pamamagitan ng Kanyang mga salita—na nangangahulugan ng pag-unawa sa nais ng Diyos na gawin sa tao at, sa huli, kung ano ang resultang nais Niyang makamit—saka lamang magkakaroon ng tumpak na pag-unawa ang tao kung aling landas ang susundan. Kung hindi mo lubos na nauunawaan ang landas ni Pedro, at hangad mo lamang na sundan ito, hindi mo magagawang simulan iyon. Sa madaling salita, maaaring marami kang alam na doktrina, ngunit sa huli ay hindi mo magagawang pumasok sa realidad. Bagama’t maaari kang gumawa ng mababaw na pagpasok, wala kang makakamtang anumang tunay na resulta.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kaugnay na Nilalaman