Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 556

Tanging sa paghahanap lamang sa katotohanan matatamo ng isang tao ang pagbabago sa kanyang disposisyon: Ito ay isang bagay na kailangang lubos na maintindihan at maunawaan ng mga tao. Kung wala kang sapat na pagkaunawa sa katotohanan, madali kang magkakamali at maliligaw ng landas. Kung nais mong lumago sa buhay, kailangan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong alamin kung paano umasal nang tama upang makaayon sa katotohanan, at tuklasin kung anong mga dungis ang umiiral sa iyong kalooban na lumalabag dito; dapat kang magkaroon ng malinaw na pagkaunawa tungkol sa mga bagay na ito. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong isipin kung ito ba ay nakaayon sa katotohanan o hindi, at kung ito ba ay may halaga at kabuluhan o wala. Maaari mong gawin ang mga bagay na nakaayon sa katotohanan, ngunit hindi mo maaaring gawin ang mga bagay na hindi. Patungkol sa mga bagay na maaari mong gawin o hindi gawin, kung maaaring bitawan ang mga ito, bitawan mo ang mga ito. Kung hindi, kung gagawin mo ang mga bagay na ito nang ilang panahon at kalaunan ay matuklasan mo na dapat mong bitawan ang mga ito, kung gayon ay mabilis na magpasya at bitawan kaagad ang mga ito. Ito ang prinsipyong dapat mong sundan sa lahat ng ginagawa mo. Ito ang tanong ng ilang tao: Bakit napakahirap hanapin ng katotohanan at isagawa ito—na tila ba namamangka ka nang pasalungat sa agos, at maaanod ka pabalik kung tumigil ka sa pagsagwan nang pasulong? Gayunman, bakit ba mas madali talagang gumawa ng masama o walang-kabuluhang mga bagay—kasindali ng pamamangka nang paayon sa agos? Bakit ganoon? Ito ay dahil likas sa tao ang magtaksil sa Diyos. Ang kalikasan ni Satanas ay nangibabaw na sa kalooban ng mga tao, at ito ay isang puwersang mapanlaban. Ang mga taong likas na nagtataksil sa Diyos, mangyari pa, ay malamang na gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at natural na mahirap para sa kanila ang kumilos nang positibo. Ganap itong pinagpapasyahan ng kalikasan at diwa ng sangkatauhan. Sa sandaling talagang maunawaan mo ang katotohanan at simulan mong mahalin ito mula sa iyong kalooban, magiging madali na sa iyo na gawin ang mga bagay na naaayon sa katotohanan. Gagawin mo ang iyong tungkulin at isasagawa ang katotohanan nang normal—nang wala pa ngang kahirap-hirap at nang may kagalakan, at mararamdaman mo na mangangailangan ng malaking pagsisikap ang paggawa ng anumang negatibo. Ito ay dahil nangibabaw na ang katotohanan sa puso mo. Kung talagang nauunawaan mo ang mga katotohanan tungkol sa buhay ng tao, magkakaroon ka ng landas na susundin pagdating sa kung anong uri ng tao dapat maging, paano maging isang taong walang kapintasan at prangka, isang taong matapat, at isang taong nagpapatotoo sa Diyos at naglilingkod sa Kanya. At sa sandaling maunawaan mo na ang mga katotohanang ito, hindi ka na muling gagawa kailanman ng masasamang gawain na sumusuway sa Kanya, ni hindi mo na muling gagampanan ang papel ng isang huwad na pinuno, isang huwad na manggagawa, o isang anticristo. Kahit nililinlang ka ni Satanas, o sinusulsulan ka ng sinumang masama, hindi mo ito gagawin; sinuman ang sumusubok na pilitin ka, hindi ka pa rin kikilos nang ganoon. Kung matamo ng mga tao ang katotohanan at nagiging buhay nila ang katotohanan, magagawa nilang kamuhian ang kasamaan at nakadarama sila ng pagkasuklam sa mga negatibong bagay sa kanilang kalooban. Magiging mahirap para sa kanila ang gumawa ng kasamaan, sapagkat nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay at nagawa na silang perpekto ng Diyos.

Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka ng mga ito ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan! Upang malutas ang problema ng paggawa ng masama, kailangan muna nilang resolbahin ang kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito. Kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa tungkol sa Diyos, kapag nakikita mo ang sarili mong katiwalian at kinikilala ang pagiging kasuklam-suklam at kapangitan ng kayabangan at kapalaluan, mandidiri ka, masusuka, at mababalisa. Sadya mong magagawa ang ilang bagay upang palugurin ang Diyos at, sa paggawa nito, magiginhawahan ka. Sadya mong magagawang magbasa ng salita ng Diyos, dakilain ang Diyos, magpatotoo sa Diyos, at, sa puso mo, maliligayahan ka. Sadya mong ipapakita ang iyong tunay na pag-uugali, na inilalantad ang sarili mong kapangitan, at sa paggawa nito, bubuti ang pakiramdam mo sa iyong kalooban at madarama mo sa sarili mo na mas mabuti ang kalagayan ng iyong pag-iisip. Ang unang hakbang sa paghahanap ng pagbabago sa iyong disposisyon ay ang hangaring maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan magkakamit ka ng pagkakilala; sa pagkakaroon lamang ng pagkakakilala mo lubusang mauunawaan ang mga bagay-bagay; sa pamamagitan ng lubusang pag-unawa sa mga bagay-bagay saka mo lamang tunay na makikilala ang iyong sarili; sa sandaling tunay mo nang makilala ang iyong sarili saka mo lamang matatalikdan ang laman at sa gayon ay maisasagawa ang katotohanan, na unti-unti kang aakayin tungo sa pagsunod sa Diyos, at sa paisa-isang hakbang, makakatahak ka sa tamang landas sa iyong paniniwala sa Diyos. Konektado ito sa kung gaano kadeterminado ang mga tao kapag nagtataguyod ng katotohanan. Kung talagang desidido ang isang tao, pagkaraan ng anim na buwan o isang taon magsisimula silang tumahak sa tamang landas. Sa loob ng tatlo o limang taon, makakakita sila ng mga resulta, at madarama nila na sumusulong sila sa buhay. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi kailanman tumutuon sa pagsasagawa sa katotohanan, maaari silang maniwala sa loob ng sampu o dalawampung taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago. At sa bandang huli, iisipin nila na ganoon ang pananalig sa Diyos; iisipin nila na halos kapareho iyon ng dati nilang paraan ng pamumuhay sa sekular na mundo, at walang kabuluhan ang mabuhay. Talagang ipinapakita niyon na kung walang katotohanan, walang kabuluhan ang buhay. Maaaring nagagawa nilang magsabi ng ilang salita ng doktrina, ngunit hindi pa rin sila mapapanatag at mapapakali. Kung may kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, alam kung paano mamuhay nang makabuluhan, at kayang gumawa ng ilang bagay upang mapalugod ang Diyos, kung gayon madarama nila na ganito talaga ang buhay, na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan magkakaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay, at na kailangang mamuhay sila sa ganitong paraan upang mapalugod ang Diyos, masuklian ang Diyos, at mapanatag ang pakiramdam. Kung maaari nilang sadyang palugurin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, talikuran ang kanilang sarili, talikuran ang sarili nilang mga ideya, at maging masunurin at isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos—kung magagawa nilang sadyang gawin ang lahat ng bagay na ito—kung gayon ito ang kahulugan ng tumpak na isagawa ang katotohanan, at tunay na isagawa ang katotohanan. Hindi ito katulad ng dati, na umaasa lang sa mga imahinasyon at pagsunod sa mga tuntunin, at iniisip na pagsasagawa ito ng katotohanan. Sa katunayan, masyadong nakakapagod ang umasa sa mga imahinasyon at sumunod sa mga tuntunin, masyado ring nakakapagod ang hindi pag-unawa sa katotohanan at paggawa ng mga bagay nang walang mga prinsipyo, at mas nakakapagod pa ang pikit-matang paggawa ng mga bagay nang walang mithiin. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi ka mapipigilan ng sinuman o ng anuman, at talagang magkakaroon ka ng kalayaan at ginhawa. Kikilos ka sa maprinsipyong paraan, at mapapanatag at liligaya, at hindi mo madarama na napakalaking pagsisikap ang kailangan dito o napakatinding pagdurusa ang idinudulot nito. Kung may ganitong uri ka ng kalagayan, nasa iyo ang katotohanan at pagkatao, at isa kang taong nagbago na ang disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon

Kaugnay na Nilalaman