Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 203

Oktubre 30, 2020

Ano ang ibig sabihin ng magawang perpekto? Ano ang ibig sabihin ng malupig? Ano ang pamantayang kailangang matugunan para malupig ang mga tao? At ano ang pamantayang kailangang matugunan para magawa silang perpekto? Ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para sa layunin na gawing ganap ang tao upang maipanumbalik siya sa kanyang orihinal na wangis, at mapalaya sa kanyang tiwali at napakasamang disposisyon at sa impluwensya ni Satanas. Ang paglupig na ito ay maagang dumarating sa proseso ng paghubog sa tao; tunay ngang ito ang unang hakbang ng gawain. Pagpeperpekto ang pangalawang hakbang, at ito ang pangwakas na gawain. Bawat tao ay kailangang dumaan sa proseso ng paglupig. Kung hindi, walang paraan para makilala nila ang Diyos, ni hindi nila malalaman na may isang Diyos, na ibig sabihin ay imposible nilang kilalanin ang Diyos. At kung hindi kinikilala ng isang tao ang Diyos, imposible ring magawa silang ganap ng Diyos, yamang hindi sila tumutugon sa mga pamantayan para makumpleto ito. Kung hindi mo man lamang kinikilala ang Diyos, paano mo Siya makikilala? Paano mo Siya masusundan? Hindi mo rin magagawang magpatotoo sa Kanya, at lalong hindi ka magkakaroon ng pananampalataya upang palugurin Siya. Kaya, para sa sinumang nais magawang ganap, ang unang hakbang dapat ay magdaan sa gawain ng panlulupig. Ito ang unang kundisyon. Ngunit ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para hubugin ang mga tao at baguhin sila, at bawat isa ay bahagi ng gawain ng pamamahala sa tao. Kinakailangan ang dalawang hakbang na ito upang gawing buo ang isang tao, at parehong hindi maaaring kaligtaan. Totoong ang “malupig” ay di-gaanong magandang pakinggan, ngunit sa totoo lang, ang proseso ng paglupig sa isang tao ang proseso ng pagbago sa kanila. Kapag nalupig ka na, maaaring hindi pa naalis nang lubusan ang iyong tiwaling disposisyon, ngunit malalaman mo na ito. Sa pamamagitan ng gawain ng panlulupig, malalaman mo na ang iyong abang pagkatao, pati na ang sarili mong pagsuway. Kahit hindi mo magawang alisin o baguhin ang mga bagay na ito sa loob ng maikling panahon ng gawain ng panlulupig, malalaman mo ang mga ito, at ito ang maglalatag ng pundasyon para sa iyong pagka-perpekto. Sa gayon, ang panlulupig at pagpeperpekto ay kapwa ginagawa upang baguhin ang mga tao, upang alisin sa kanila ang kanilang tiwali at napakasamang mga disposisyon upang lubos nilang maialay ang kanilang sarili sa Diyos. Ang malupig ay unang hakbang lamang sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao, at unang hakbang din sa lubusang pag-aalay ng mga tao ng kanilang sarili sa Diyos, at mas mababa kaysa sa hakbang na magawang perpekto. Ang disposisyon sa buhay ng isang taong nalupig ay di-gaanong nagbabago kumpara sa disposisyon ng isang taong nagawang perpekto. Ang malupig at magawang perpekto ay magkaiba sa isa’t isa sa tingin dahil magkaibang yugto ng gawain ang mga ito at dahil magkaiba ang mga pamantayan nila sa mga tao; mas mababa ang mga pamantayan ng paglupig sa mga tao, samantalang mas mataas ang mga pamantayan ng pagpeperpekto sa kanila. Ang mga nagawang perpekto ay mga taong matuwid, mga taong nagawang banal at dalisay; sila ang mga kaganapan ng gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, o ang mga resulta. Kahit hindi sila mga perpektong tao, sila ay mga taong naghahangad na mamuhay nang makabuluhan. Samantala, kinikilala ng mga nalupig ang pag-iral ng Diyos sa salita lamang; kinikilala nila na nagkatawang-tao na ang Diyos, na nagpakita na ang Salita sa katawang-tao, at na pumarito na ang Diyos sa lupa upang gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kinikilala rin nila na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang Kanyang pananakit at pagpipino, ay kapaki-pakinabang na lahat sa tao. Kailan lamang sila nagsimulang magkaroon ng kaunting wangis ng tao. Mayroon silang kaunting mga kabatiran sa buhay, ngunit may kalabuan pa rin ito sa kanila. Sa madaling salita, nagsisimula pa lamang silang magtaglay ng pagkatao. Ito ang mga epekto ng malupig. Kapag nagsimulang tumahak ang mga tao sa landas ng pagka-perpekto, nagiging posibleng magbago ang dati nilang mga disposisyon. Bukod dito, patuloy na lumalago ang kanilang buhay, at unti-unti silang pumapasok nang mas malalim sa katotohanan. Nagagawa nilang kamuhian ang mundo at lahat ng hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan. Kinamumuhian nila lalo na ang kanilang sarili, ngunit higit pa riyan, malinaw nilang kilala ang kanilang sarili. Handa silang mamuhay ayon sa katotohanan at ginagawa nilang kanilang layunin na sikaping matamo ang katotohanan. Ayaw nilang mamuhay ayon sa mga kaisipang nabuo sa sarili nilang utak, at nakararamdam sila ng pagkamuhi sa pagmamagaling, kahambugan, at kapalaluan ng tao. Nagsasalita sila nang may matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal, nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang may paghiwatig at karunungan, at matapat at masunurin sa Diyos. Kung nakararanas sila ng isang pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, hindi lamang sila hindi nagiging walang kibo o mahina, kundi nagpapasalamat pa sila para sa pagkastigo at paghatol na ito ng Diyos. Naniniwala sila na hindi maaaring wala silang pagkastigo at paghatol ng Diyos, na pinoprotektahan sila nito. Hindi sila nagsisikap na maghangad ng pananampalatayang magkaroon ng kapayapaan at kagalakan at maghanap ng tinapay upang mapawi ang gutom. Ni hindi rin sila naghahangad ng panandaliang kaaliwan ng laman. Ito ang nangyayari sa mga naperpekto. Matapos malupig ang mga tao, kinikilala nila na may isang Diyos, ngunit may mga limitasyon sa makikita sa kanila kapag kinikilala nila ang pag-iral ng Diyos. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng Salitang nagpapakita sa katawang-tao? Ano ang kahulugan ng pagkakatawang-tao? Ano na ang nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao? Ano ang layunin at kabuluhan ng Kanyang gawain? Matapos maranasan ang napakarami sa Kanyang gawain, matapos maranasan ang Kanyang mga gawa sa katawang-tao, ano ang iyong napala? Matapos maunawaan ang lahat ng bagay na ito, saka ka lamang malulupig. Kung sinasabi mo lamang na kinikilala mo na may isang Diyos, ngunit hindi mo tinatalikuran ang dapat mong talikuran, at hindi mo maisuko ang mga makamundong kasiyahang dapat mong isuko, kundi sa halip ay patuloy kang nag-iimbot sa mga makamundong kaginhawahan tulad ng dati, at kung hindi mo magawang pakawalan ang anumang mga pagkiling laban sa mga kapatid, at hindi ka nagsasakripisyo sa pagsasakatuparan ng maraming simpleng pagsasagawa, pinatutunayan nito na kailangan ka pang malupig. Kung gayon, kahit marami kang nauunawaan, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng iyon. Ang mga nalupig ay mga taong nagtamo ng ilang paunang mga pagbabago at paunang pagpasok. Ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao ng paunang kaalaman tungkol sa Diyos, at ng paunang pagkaunawa sa katotohanan. Maaaring hindi mo kayang lubos na makapasok sa realidad ng mas malalim at mas detalyadong mga katotohanan, ngunit naisasagawa mo ang maraming panimulang katotohanan, tulad ng mga may kinalaman sa iyong mga makamundong kasiyahan o sa iyong personal na katayuan. Lahat ng ito ay epekto na natatamo sa mga tao habang sila ay nilulupig. Makikita rin ang mga pagbabago sa disposisyon sa nalupig; halimbawa, ang paraan ng kanilang pananamit at pag-aayos sa kanilang sarili, at kung paano sila namumuhay—magbabago ang lahat ng ito. Ang kanilang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay nagbabago, malinaw sa kanila ang mga layunin ng kanilang patuloy na pagsisikap, at may mas matataas silang hangarin. Sa gawain ng panlulupig, nangyayari din ang nauukol na mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. May mga pagbabago, ngunit mababaw, panimula, at napakababa kumpara sa mga pagbabago sa disposisyon at mga layunin ng patuloy na pagsisikap ng mga nagawang perpekto. Habang nilulupig, kung hindi man lamang magbago ang disposisyon ng isang tao, at hindi sila magtamo ng anumang katotohanan, ang taong ito ay isang basura, at ganap na walang silbi! Ang mga taong hindi pa nalulupig ay hindi maaaring magawang perpekto! Kung hinahangad lamang ng isang tao na malupig, hindi sila lubos na magagawang ganap, kahit nagpapakita ng ilang pagbabago ang kanilang mga disposisyon sa panahon ng gawain ng panlulupig. Mawawala rin sa kanila ang mga paunang katotohanang kanilang natamo. May malaking pagkakaiba sa pagitan ng dami ng pagbabago sa mga disposisyon sa mga nalupig at sa mga naperpekto. Ngunit ang malupig ang unang hakbang sa pagbabago; ito ang pundasyon. Ang kawalan ng paunang pagbabagong ito ay katunayan na talagang hindi man lamang kilala ng isang tao ang Diyos, yamang ang kaalamang ito ay nagmumula sa paghatol, at ang paghatol na iyon ay isang malaking bahagi ng gawain ng panlulupig. Sa gayon, lahat ng ginawang perpekto ay kailangan munang malupig. Kung hindi, walang paraan para magawa silang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger