Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 379

Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag naniniwala sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba silang pusong may takot sa Diyos o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging mapagpasakop sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang ugnayan sa Diyos, naabot mo na ang hangganan. Kung ang Diyos ay wala sa puso mo, walang saysay na sabihin na nananampalataya ka, na manalig sa Diyos sa turing lamang. Hindi mahalaga kung gaano karaming salita at doktrina ang nagagawa mong bigkasin, kung gaano na karami ang naging pagdurusa mo para sa pananalig mo sa Diyos, o kung gaano man karami ang mga kaloob mo; kung wala sa puso mo ang Diyos, at wala kang takot sa Diyos, walang halaga kung paano ka nananalig sa Diyos. Sasabihin ng Diyos, “Layuan mo Ako, ikaw na masamang tao.” Ikaw ay ituturing na masamang tao. Mawawalan ka ng ugnayan sa Diyos; hindi mo na Siya magiging Panginoon o ang iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at kinikilala mo na Siya ang Lumikha, hindi mo Siya sinasamba, at hindi ka nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sinusunod mo si Satanas at mga diyablo; tanging si Satanas at mga diyablo ang mga panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa sarili mong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo. Kahit na sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos. Wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang itaboy Niya, parusahan Niya, at itiwalag Niya; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga tumatanggap sa Kanya bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Nagagawa nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Kanya at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha; nararanasan nila ang gawain ng Diyos, isinasagawa nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at tinatahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sila ay mga taong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang kalooban. Maliligtas lamang ang mga tao kapag mayroon silang ganoong pananampalataya sa Diyos; kung wala, sila ay kokondenahin. Katanggap-tanggap ba ang pangangarap nang gising ng mga tao kapag nananalig sila sa Diyos? Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari bang matamo ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang kumakapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro at malabo at mahirap maunawaang mga imahinasyon? Hinding-hindi. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, maniwala sa Kanya gaya ng hinihingi Niya, at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos; noon lamang nila matatamo ang kaligtasan. Wala nang iba pang paraan bukod dito—anuman ang ginagawa mo, hindi ka dapat mangarap nang gising. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong panggising sa inyo.

Ngayong narinig na ninyo ang mga mensaheng ito, dapat nauunawaan na ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Kung ano ang gusto ng mga tao, ano ang pinagsisikapan nila, at ang pinakagusto nilang gawin—wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, ang pananampalataya mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Maaaring sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi mo Panginoon, Siya ay hindi mo Diyos, hindi mo tinatanggap na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa iyo, hindi mo kinikilala ang totoo na ang Diyos ang katotohanan—sa gayon ang mga pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak; kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may lumalagong pagkaunawa ka na ikaw ay nagpapasakop sa Lumikha, at sumasamba sa Lumikha, at nadaramang ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung mas nagagalak kang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas normal higit kailanman, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas dalisay at totoo higit kailanman, kung gayon, ang iyong mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong magagarbong ninanasa sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa masama, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan. Bagama’t ang pagtahak sa landas ng kaligtasan ay may kasamang disiplina, pagpupungos, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at nagsasanhi ang mga ito na magdusa ka ng labis na pasakit, ito ang pag-ibig ng Diyos na dumarating sa iyo. Kung hinahangad mo lamang na pagpalain kapag naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo lamang ang katayuan, kasikatan at pakinabang, at hindi ka kailanman dinisiplina, o pinungusan, o hinatulan at kinastigo, kung gayon bagama’t mayroon kang madaling buhay, ang puso mo ay patuloy na lalayo sa Diyos, mawawala sa iyo ang normal na ugnayan sa Diyos, at hindi ka na rin magiging handang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos; gugustuhin mo nang maging sarili mong amo—lahat ng ito ay patunay na ang landas na tinatahak mo ay hindi ang tamang landas. Kung naranasan mo na ang gawain ng Diyos nang ilang panahon at may lumalagong pagkaunawa kung paanong ang sangkatauhan ay napakalalim na nagawang tiwali, at malamang talaga na lumaban sa Diyos, at kung nababalisa ka na darating ang araw na gagawa ka ng isang bagay na paglaban sa Diyos, at natatakot ka na malamang na magkakasala ka sa Diyos at lilisanin ka Niya, at kaya nadarama na wala nang mas nakakatakot pa kaysa ang labanan ang Diyos, kung gayon ay magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos. Madarama mo na kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, hindi sila dapat malihis palayo sa Diyos; kung malihis sila palayo sa Diyos, kung malihis sila palayo sa pagdisiplina ng Diyos, at sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ito ay katumbas ng pagkawala ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, ng pagkawala ng mga pagpapala ng Diyos, at katapusan na ito ng mga tao; maaari na lamang silang maging mas ubod ng sama, sila ay magiging tulad ng mga tao ng relihiyon, at malamang pa rin na lumaban sa Diyos habang naniniwala sila sa Diyos—at kung ganito, sila ay magiging mga anticristo. Kung mapagtatanto mo ito, mananalangin ka sa Diyos, “O Diyos! Pakiusap, hatulan at kastiguhin Mo po ako. Sa lahat ng bagay na ginagawa ko, nagsusumamo po ako na siyasatin Mo ako. Kung gumagawa ako ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan at kumokontra sa Iyong mga layunin, nawa ay hatulan Mo po ako at kastiguhin nang husto—hindi maaaring wala po sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo.” Ito ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya gawing panukatan ito: Naglalakas-loob ba kayong sabihin na nakatuntong na kayo sa landas ng kaligtasan? Hindi kayo naglalakas-loob, dahil hindi pa kayo nabibilang sa mga naghahangad ng katotohanan, sa maraming bagay, hindi ninyo hinahanap ang katotohanan, hindi ninyo nagagawang tumanggap at magpasakop sa pagpupungos—na nagpapatunay na malayong-malayo pa kayo sa pagtahak sa landas ng kaligtasan. Madali lang ba na makatuntong sa landas ng kaligtasan kung ikaw ay hindi isang tao na naghahangad ng katotohanan? Ang totoo, hindi ito madali. Kung hindi pa naranasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, kung hindi pa nila naranasan ang pagdisiplina, pagkastigo, at pagpupungos ng Diyos, hindi madali para sa kanila na maging isang tao na naghahangad ng katotohanan, at bunga nito, napakahirap para sa kanila na makatuntong sa landas ng kaligtasan. Kung pagkatapos marinig ang mensaheng ito, alam mong ito ang katotohanan, ngunit hindi mo pa tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, at hindi mo ito nakikita bilang isang seryosong bagay, nadarama mong sa malao’t madali ay gagawin mo rin naman ito—hindi kailangang magmadali—kung gayon ay anong uri ng pananaw ito? Kung ganito ang inyong pananaw, nasa panganib kayo, at mahihirapan kayong makatapak sa landas ng kaligtasan. Paano kayo dapat magpasya para makatuntong kayo sa landas ng kaligtasan? Dapat ay sabihin mo, “A! Sa ngayon ay hindi pa ako nakatutuntong sa landas ng kaligtasan—napakamapanganib nito! Sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay dapat na mamuhay sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at mas manalangin pa, at na dapat ay maging mapayapa ang kanilang mga puso, at hindi pabigla-bigla—kaya dapat kong simulang isagawa ang lahat ng ito ngayon.” Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay pagpasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos; ganoon iyon kasimple. Anong klase ng mga tao ang nakakarinig ng mga salita ng Diyos at pagkatapos ay humahayo at isinasagawa ang mga ito? Mabubuti ba silang mga tao? Mabubuti sila—sila ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Anong uri ng tao sila kung nananatili silang manhid, walang pakialam, at hindi nagpapasakop matapos marinig ang mga salita ng Diyos—kung hindi nila sineseryoso ang mga salita ng Diyos, at nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sila sa mga ito? Hindi ba’t magugulo ang isip nila? Palaging itinatanong ng mga tao kung may mabibilis na paraan para maligtas kapag nananalig sila sa Diyos. Sinasabi Ko sa inyo na wala, at pagkatapos ay sinasabi Ko sa inyo ang tungkol sa simpleng landas na ito, ngunit matapos itong marinig hindi ninyo ito isinasagawa—na isang sitwasyon na hindi ninyo nalalaman ang mabuting bagay kapag narinig ninyo ito. Maaari bang maligtas ang ganitong mga tao? Kahit pa mayroon silang pag-asa, hindi ito malaki; ang kaligtasan ay magiging napakahirap. Maaaring dumating ang araw na magising sila mula sa pagkakatulog, na maisip nila sa kanilang sarili: “Hindi na ako bata, at hindi ko ginagampanan ang mga itinakdang tungkulin ko habang nananalig sa Diyos sa lahat ng nagdaang taong ito. Hinihingi ng Diyos na mamuhay ang mga tao sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at hindi ako namuhay sa harapan ng Diyos. Kailangan kong magmadali at manalangin.” Kung matauhan sila sa kanilang mga puso at magsimulang gampanan ang kanilang itinakdang tungkulin, huli na ang lahat! Subalit huwag ninyo itong ipagpaliban nang napakatagal; kung maghihintay kayo hanggang mga pitumpu o walumpung taong gulang na kayo, at mahina na ang katawan ninyo, at wala na kayong anumang lakas, hindi ba’t magiging huling-huli na para hangarin ang katotohanan? Kung gugugulin ninyo ang pinakamaiinam na taon ng inyong buhay sa walang kabuluhang mga bagay, at mauwi kayo sa pagpapaliban o pagpapalampas ng paghahangad ng katotohanan, na pinakamahalagang bagay sa lahat, hindi ba’t sukdulang kahangalan ito? Mayroon pa bang higit na kamangmangan kaysa rito? Alam na alam ng maraming tao ang tunay na daan ngunit hinihintay pa nilang dumating ang hinaharap bago ito tanggapin at hangarin—silang lahat ay mga hangal. Hindi nila alam na inaabot nang ilang dekada ang paghahangad ng katotohanan bago nila matatamo ang buhay. Magiging huli na para magsisi kung sasayangin nila ang pinakamainam na panahon para maligtas!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan

Kaugnay na Nilalaman