Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao (Ikalawang Bahagi)

Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, kung nagsinungaling ka ngayon na hindi napansin ng ibang tao, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat, kahit papaano, dapat mong dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamaliang nasuri at natuklasan mo at ang mga kasinungalingang nasabi mo para mapagnilayan, at sabihin na: “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes, at nagkamali ako. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Nalulugod ang Diyos sa ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang tiwaling disposisyong ito ng pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala, nasa tabi mo ang Diyos. Gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang paulit-ulit na paghihirap na ito, binibigyan ka ng tapang na magbago mula sa hindi pag-amin ng iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin ng iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na lantarang ihayag ang iyong sarili. Bukod sa aaminin mo ang iyong mga kasinungalingan, magagawa mo ring ihayag kung bakit ka nagsisinungaling, at ang intensiyon at mga motibo sa likod ng iyong mga kasinungalingan. Kapag nagkaroon ka ng tapang na lampasan ang hadlang na ito, na kumawala sa kulungan at kontrol ni Satanas, at patuloy na umabot sa punto kung saan hindi ka na magsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, sa ilalim ng paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga pagpigil ng laman, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, lantarang ibunyag ang iyong sarili, at hayagang ideklara ang iyong paninindigan, at wala kang mga pag-aalinlangan, ikaw ay may kasarinlan at magiging malaya. Kapag namumuhay ka nang ganito, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, malulugod din ang Diyos. Bagamat nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian at nakakapagsabi ng mga kasinungalingan, at paminsan-minsan ay may mga personal ka pa ring mga intensiyon, mga lihim na motibo, o mga makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali at kaisipan, matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maibubunyag ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya at maghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa paraang ito, mamumuhay ka nang panatag ang puso mo, matutustusan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at katuparan. Kung hindi ka makalaya sa mga pagpigil ng laman, kung palagi kang napipigilan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga satanikong pilosopiya, nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nakakalaya ka sa mga pagpigil ng laman, at nagsasagawa ka sa katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging prangka at diretso ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ihayag ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang bukas na tao. Ano ang isang bukas na tao? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na katapatan, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay tototo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi sila ng maling bagay, kaya silang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto nila na nagsinungaling sila o nakapagsabi ng mali, humihingi sila ng tawad at itinatama nila ang kanilang sarili. Ito ay isang bukas na tao. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palagi silang nag-iimbento ng mga kasinungalingan at inaasikaso nila ang mga gampanin sa pabasta-bastang paraan. Wala silang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, tinatanggihan nila ang pagpupungos, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran at hindi sila gusto ng lahat ng taong nakakasalamuha nila. Namumuhay sila nang walang anumang pakiramdam ng hiya. Maituturing ba talaga silang mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong itinuturing ng iba na nakakainis at hindi maaasahan. Kung hindi maibigay ng ibang tao ang tiwala nila sa mga ganitong tao, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung nagkikimkim ng pagkainis sa kanila ang ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, kinasusuklaman Niya sila, at hindi maiiwasang matitiwalag sila. Bilang tao, ang isang tao ay dapat maging matapat at tumupad sa mga pangako niya. Paggampan man ng mga gawa para sa iba o para sa Diyos, dapat tuparin ng tao ang sinabi niya. Kapag nakuha na niya ang tiwala ng mga tao at kaya na niyang mapalugod at mapanatag ang Diyos, sila ay maituturing nang matapat na tao. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, mapapalugod mo ang Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatwid, ang katapatan ang dapat na pinagmumulan ng asal ng isang tao.

Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa para sa isang matapat na indibidwal? Ito ay ang pagbubukas ng puso ng isang tao sa Diyos. Pero ano ang ibig sabihin ng pagbubukas? Ang ibig sabihin nito ay pagbabahagi ng iyong mga iniisip, intensiyon, at ng mga bagay na pinamumunuan Niya sa iyo, at pagkatapos ay paghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay nang may lubos na kalinawan, anuman ang ibinubunyag mo. Kung kaya mong ipahayag ang mga damdamin mo sa Diyos, magtapat sa Kanya tungkol sa mga bagay-bagay na itinatago mo sa iba, malinaw na ipinapahayag ang mga ito nang walang itinatagong anumang bagay, at ipinapahayag ang mga kaisipan mo kung ano ang mga ito, nang walang anumang intensiyon, kung gayon ito ay pagiging bukas. Minsan, ang pagsasalita nang matapat ay maaaring makasakit o makasama ng loob ng iba. Sa mga ganitong pagkakataon, masasabi ba ng sinuman na, “Masyado kang matapat magsalita, masyadong nakakasakit, at hindi ko ito matanggap”? Hindi, hindi nila iyon sasabihin. Kahit na paminsan-minsan kang makakapagsabi ng isang bagay na nakakasakit sa iba, kung magtatapat ka at hihingi ng tawad, inaamin na walang karunungan ang mga salita mo at na hindi mo isinaalang-alang ang mga kahinaan nila, mapapansin nila na wala kang masamang intensiyon. Mauunawaan nila na isa kang matapat na tao na nakikipag-usap lang sa isang direkta at walang taktikang paraan. Hindi sila makikipagtalo sa iyo, at sa mga puso nila, magugustuhan ka nila. Sa ganitong paraan, magkakaroon ba ng hadlang sa pagitan ninyo? Kung walang mga hadlang, maiiwasan ang alitan, at mabilis na malulutas ang mga problema, tinutulutan kang mamuhay sa isang kalagayan na malaya at maalwan. Ito ang kahulugan ng “ang matatapat na tao lamang ang makapamumuhay nang masaya.” Ang pinakamahalagang parte ng pagiging matapat na tao ay ang pagtatapat muna sa Diyos at pagkatapos ay matutong magtapat sa iba. Magsalita ka nang matapat, sinsero, at mula sa puso. Magsumikap ka na maging isang taong may dignidad, karakter, at integridad, iwasan mong magsalita ng mga walang kabuluhang pakitang-tao o sa paraang mapanlinlang, at iwasan mong magsalita sa nakapandaraya o nakalilihis na paraan. Ang isa pang aspekto ng pagiging matapat na tao ay ang paggampan sa tungkulin mo nang may matapat na saloobin at matapat na puso. Kahit papaano, umasa ka sa iyong konsensiya para gabayan ang mga kilos mo, pagsikapan mong sundin ang mga katotohanang prinsipyo, at pagsikapan mong tugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi sapat na kilalanin lamang ang mga bagay na ito sa salita, at ang simpleng pagkakaroon ng isang partikular na saloobin ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Nasaan ang realidad ng pagiging matapat na tao sa ganyan? Hindi sapat ang pagbibigkas lang ng mga sawikain nang hindi nagtataglay ng realidad. Kapag sinisiyasat ng Diyos ang mga indibidwal, inoobserbahan Niya hindi lamang ang puso nila, kundi pati na ang mga kilos, asal, at pagsasagawa nila. Kung sinasabi mo na nais mong maging isang matapat na tao pero kapag may anumang nangyari sa iyo, nagagawa mo pa ring magsinungaling at manlinlang, ito ba ang pag-uugali ng isang matapat na tao? Hindi, hindi ganito; ito ay pagsasabi ng isang bagay pero iba ang kahulugan. Nagsasabi ka ng isang bagay pero iba ang ginagawa mo, pabasta-basta kang nanlilinlang ng iba at nagbabanal-banalan. Tulad ka lang ng mga Pariseo na kayang bumigkas ng lahat ng kasulatan mula sa simula hanggang sa dulo habang ipinapaliwanag ang mga ito sa mga tao, pero nabibigong magsagawa ayon sa mga kasulatan kapag may anumang nangyayari sa kanila. Palagi silang inuudyukan ng pagnanais para sa mga pakinabang ng katayuan, hindi sila handang talikuran ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mga Pariseo ay mga mapagpaimbabaw sa paraang ito. Hindi nila tinahak ang tamang landas, ang landas nila ay hindi ang tamang landas, at kinasusuklaman ng Diyos ang kanilang uri. Mapagkakatiwalaan ba ng ibang tao ang mga ganitong indibidwal? (Hindi.) Alam ba ninyo kung gaano kataas ang antas ng tiwala ng Diyos sa inyo ngayon? Nakamit na ba ninyo ang tiwala ng Diyos? (Hindi.) Nakamit na ba ninyo ang tiwala ng ibang tao? (Hindi.) Namumuhay ba kayo nang may dignidad kung hindi pa ninyo nakakamit ang tiwala ng Diyos at ng ibang tao? (Hindi.) Napakakahabag-habag na pamumuhay! Ang pinakamalalim na pighati ng isang tao ay ang mamuhay nang walang dignidad at walang kakayahang makamit ang tiwala ng iba at ng Diyos. Kung may taong magtatanong sa iyo na, “Ano ang tingin ng iba tungkol sa iyo? Mapagkakatiwalaan ka ba nila? Kung pagkakatiwalaan ka nila ng isang gampanin, naniniwala ba sila na mahusay mong magagawa ito?” maaaring maramdaman mo na walang sinumang may ganoong tibay ng tiwala sa iyo. Kung naniniwala ka na may taglay kang taimtim na puso, pero hindi ka pa rin pinagkakatiwalaan ng mga tao, ipinapakita nito na kulang at hindi pa rin dalisay ang iyong sinseridad. Mabubuo ba ang tiwala kung hindi nakikita ng iba ang iyong sinseridad? Hindi sapat ang paniniwala lang sa sarili mong sinseridad; dapat mong isagawa at ipakita ang sinseridad mo para masaksihan ng ibang tao. Kung walang sinumang nagtitiwala sa iyo, kung gayon, tiyak na hindi ka isang matapat na tao. Kung isasaalang-alang na nakikita ng iba na hindi ka matapat, at sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao nang isang daan o isang libong beses na mas malinaw kaysa sa sinumang tao—talaga bang naniniwala ka na pagkakatiwalaan ka ng Diyos? Kung sa tingin mo ay naaagrabyado ka ng Diyos dahil wala Siyang tiwala sa iyo, dapat mong pagnilayan ang sarili mo at suriin kung gaano katibay at kalalim ang iyong sinseridad. Pagnilayan mo ito: “Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao at alam Niya kung ano ang iniisip ko. Kung bibigyan ko ng grado ang sarili ko base sa mga pag-uugali ko, hindi ko bibigyan ang sarili ko ng mataas na grado. Normal lang na hindi magtiwala sa akin ang Diyos.” Kung hindi mo nakamit ang tiwala ng Diyos o ng iba, ano ang dapat na paraan ng iyong pagkilos? Dapat kang pumasok sa katotohanan ng pagiging matapat na tao, anuman ang mga hamong idudulot nito. Kung hindi mo ito magagawa, hindi mo makakamit ang kaligtasan.

Lubhang mahalaga ang hinihingi ng Diyos na katapatan. Ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng maraming kabiguan habang isinasagawa mo ang katapatan at nahihirapan ka nang husto rito? Dapat ka bang maging negatibo at umatras, at talikuran ang iyong pagsasagawa sa katotohanan? Ito ang pinakamalinaw na indikasyon kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Pagkatapos magsagawa ng katapatan sa loob ng ilang panahon, iniisip ng ilang indibidwal na, “Ang pagiging matapat ay masyadong mahirap—hindi ko matiis ang pinsalang ginagawa nito sa aking banidad, pride, at reputasyon!” Bilang resulta, hindi na nila gustong maging matapat. Sa realidad, dito nakasalalay ang hamon ng pagiging matapat na tao, at karamihan sa mga indibidwal ay naiipit sa puntong ito at hindi makaranas nito. Kaya, ano ang kailangan para maisagawa ang pagiging matapat na tao? Anong uri ng tao ang kayang magsagawa ng katotohanan? Una sa lahat, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan. Siya ay dapat na maging isang taong nagmamahal sa katotohanan—iyan ay tiyak. May mga taong tunay na nagtatamo ng mga resulta pagkatapos ng ilang taon ng pagdanas ng pagsasagawa ng katapatan. Unti-unti nilang nababawasan ang kanilang kasinungalingan at panlilinlang, at talagang sila ay nagiging likas na matatapat na tao. Maaari kaya na habang dumaranas sila ng pagsasagawa ng katapatan, hindi sila naharap sa mga paghihirap o nagdurusa sa isang punto? Tiyak na tiniis nila ang labis na pagdurusa. Ito ay dahil mahal nila ang katotohanan kaya nagawa nilang magdusa para isagawa ito, magpatuloy sa pagsasalita nang makatotohanan at paggawa ng mga praktikal na bagay, na maging matatapat na tao, at sa wakas ay makamit ang pagpapala ng Diyos. Para maging isang matapat na tao, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan at magtaglay siya ng puso na nagpapasakop sa Diyos. Ang dalawang salik na ito ang pinakamahalaga. Ang lahat ng taong nagmamahal sa katotohanan ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At madali para sa mga taong nagmamahal sa Diyos na isagawa ang katotohanan, at kaya nilang tiisin ang anumang uri ng pagdurusa para mapalugod ang Diyos. Kung may mapagmahal-sa-Diyos na puso ang isang tao, kapag ang kanilang pagsasagawa sa katotohanan ay naharap sa kahihiyan o mga dagok at pagkabigo, makakaya nilang tiisin ang kahihiyan at pagdurusa para mapalugod ang Diyos, basta’t nasisiyahan ang Diyos. Samakatwid, may kakayahan silang isagawa ang katotohanan. Siyempre, ang pagsasagawa ng anumang aspekto ng katotohanan ay may kasamang partikular na antas ng hirap, at mas lalong mahirap ang pagiging matapat na tao. Ang pinakamalaking paghihirap ay ang hadlang ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Halimbawa, ang mga kasabihang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” o “Walang mapapala ang tao nang walang sinasabing kasinungalingan.” Ang mga ito ay mga halimbawa ng isang satanikong pilosopiya at tiwaling disposisyon. Pinipili ng mga taong magsinungaling para tapusin ang mga bagay-bagay, makamit ang mga pansariling pakinabang, at maisakatuparan ang mga layon nila. Hindi madaling maging matapat na tao kapag taglay ng isang tao ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Dapat manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya, at laging pagnilayan ang sarili, at kilalanin ang sarili, para unti-unting maghimagsik laban sa laman, talikuran ang mga pansariling interes, at iwaksi ang banidad at pride. Higit pa rito, dapat tiisin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at panghuhusga bago sila magiging isang matapat na tao na kayang magsalita ng katotohanan at umiwas sa pagsisinungaling. Sa loob ng panahon kung saan isinasagawa ng isang tao ang pagiging matapat na tao, hindi maiiwasan na maharap sa maraming kabiguan at mga sandali kung saan nabubunyag ang katiwalian ng isang tao. Maaaring may mga pagkakataon kung kailan hindi tumutugma ang mga salita at kaisipan ng isang tao, o ang mga sandali ng pagkukunwari at panlilinlang. Gayumpaman, ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang katotohanan at maging isang tapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi maliwanag sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito maliwanag. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palaging pagsasalita mula sa puso at pagsasabi ng katotohanan sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya sa puso mo, at hindi na maghahari sa iyo ang banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung maipapahayag mo kung ano talaga ang iniisip mo, masasabi sa iba ang nilalaman ng puso mo, at hindi ka magpapanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang tapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang katotohanan. Ano ang gagawin mo sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, “Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, maninindigan ako na maging isang tapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagamat ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang katotohanan nang walang pagkukunwari o pagbabalat-kayo.” Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging matatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang tapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang katotohanan at maipahayag ang mga tunay mong damdamin, hindi mo dapat katakutan ang pangungutya at pang-aalipusta ng iba. Kahit na tratuhin ka ng iba na parang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang tapat na tao. Kung hindi mo bibitiwan ang mga kagustuhan ng laman, at banidad at pride, kung lagi mong hinahanap ang pagsang-ayon ng iba, nagkukunwaring alam mo ang hindi mo alam, at namumuhay alang-alang sa banidad at pride, kung gayon, hindi ka magiging matapat na tao—ito ay praktikal na paghihirap. Kung ang puso mo ay palaging napipigilan ng banidad at pride, malamang na magsisinungaling ka at magpapanggap. Dagdag pa rito, kapag minaliit ka ng iba o inilantad nila ang totoo mong sarili, mahihirapan kang tanggapin ito, at mararamdaman mo na nagdusa ka ng malaking kahihiyan—mamumula ang mukha mo, bibilis ang tibok ng puso mo, at mababalisa ka at hindi mapapakali. Para malutas ang problemang ito, kakailanganin mong magtiis ng kaunti pang pasakit at dumaan sa ilan pang pagdadalisay. Kakailanganin mong maunawaan kung saan nakasalalay ang ugat ng problema, at sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga usaping ito, magagawa mong bawasan nang kaunti ang pasakit mo. Kapag lubos mong naunawaan ang mga tiwaling disposisyong ito at kaya mong talikuran ang banidad at pride mo, magiging mas madali para sa iyo na maging isang matapat na tao. Hindi mo na iindahin kung kukutyain ka ng ibang tao kapag nagsasabi ka ng katotohanan at nagpapahayag ng iyong saloobin, at paano ka man husgahan o tratuhin ng iba, makakaya mong pasanin ito at tumugon nang tama. Pagkatapos, magiging malaya ka sa pagdurusa, at palaging magiging panatag at masaya ang puso mo, at makakamit mo ang kalayaan at kasarinlan. Sa paraang ito, maiwawaksi mo ang katiwalian at maisasabuhay mo ang wangis ng tao.

Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, madalas na ang mga sinasabi ng mga tao ay walang kabuluhan, mga kasinungalingan, at mga bagay na kamangmangan, kahangalan, at depensibo. Sinasabi nila ang karamihan sa mga bagay na ito dahil sa banidad at pride, upang bigyan ng kasiyahan ang mga sarili nilang ego. Inihahayag ng pagsasalita nila ng gayong mga kasinungalingan ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling elementong ito, madadalisay ang puso mo, at unti-unti kang magiging mas malinis at tapat. Sa katotohanan, alam ng mga tao kung bakit sila nagsisinungaling. Dahil sa pansariling pakinabang at pride, o para sa banidad at katayuan, sinusubukan nilang makipagkompetensiya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira ang dignidad at karakter nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyado nang dumami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at hindi sinsero, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o tapat. Kahit na hindi mo nararamdamang napahiya ka kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at mababa ang pagtingin mo sa sarili mo, iniisip na, “Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?” Hindi mo kailangang mamuhay nang nakakapagod. Kung makakapagsagawa ka bilang isang tapat na tao, magagawa mong mamuhay nang maluwag, malaya, at libre. Gayunman, pinili mong itaguyod ang pride at banidad mo sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, nakakapagod at miserable ang pag-iral mo, na ikaw mismo ang may gawa. Maaaring magkaroon ng pakiramdam ng pagmamalaki ang isang tao sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ba ang pakiramdam ng pagmamalaki? Ito ay isang bagay na walang kabuluhan at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugan ng pagkakanulo ng iyong karakter at dignidad. Tinatanggalan nito ng dignidad at karakter ang isang tao; hindi ito nakalulugod sa Diyos, at kinasusuklaman Niya ito. Ito ba ay kapaki-pakinabang? Hindi. Ito ba ang tamang landas? Hindi. Ang mga taong madalas na nagsisinungaling ay namumuhay alinsunod sa mga satanikong disposisyon nila; namumuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi sila namumuhay sa liwanag, ni hindi rin sila namumuhay sa presensya ng Diyos. Palagi mong iniisip kung paano magsisinungaling at pagkatapos mong magsinungaling, kailangan mong mag-isip kung paano pagtatakpan ang kasinungalingang iyon. At kapag hindi mo napagtakpan nang maayos ang kasinungalingang iyon at ito ay nabunyag, kailangan mong pigain ang iyong utak upang subukang ituwid ang mga kontradiksyon at gawin itong kapani-paniwala. Hindi ba’t nakakapagod ang mabuhay nang ganito? Nakakapagod. Sulit ba ito? Hindi, hindi ito sulit. Ang pagpiga sa iyong utak upang magsabi ng mga kasinungalingan at pagkatapos ay pagtatakpan ang mga ito, lahat para sa kapakanan ng pride, banidad, at katayuan, anong kabuluhan nito? Sa wakas, nagninilay-nilay ka at iniisip mo, “Ano ang punto ng pagsisinungaling? Masyadong nakakapagod ang pagsisinungaling at ang pangangailangang pagtakpan ang mga ito. Hindi uubra na kumikilos ako sa ganitong paraan; mas magiging madali kung magiging matapat na lang ako na tao.” Ninanais mong maging isang tapat na tao, ngunit hindi mo mabitiwan ang pride, banidad, at mga personal na interes. Kaya, ang nagagawa mo lang ay magsinungaling para panindigan ang mga bagay na ito. Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, titiisin mo ang iba’t ibang paghihirap upang maisagawa ang katotohanan. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay pagsasakripisyo ng iyong reputasyon, katayuan, at pagtitiis ng pangungutya at pamamahiya ng iba, hindi mo ito iindahin—basta’t nagagawa mong isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sapat na ito. Pinipili ng mga nagmamahal sa katotohanan na isagawa ang katotohanan at maging tapat. Ito ang tamang landas at ito ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, ano ang pinipili niya? Pinipili niyang gumamit ng mga kasinungalingan upang panindigan ang kanyang reputasyon, katayuan, dignidad, at karakter. Mas pipiliin niyang maging mapanlinlang, at kasuklaman at itakwil ng Diyos. Itinatakwil ng gayong tao ang katotohanan at ang Diyos. Pinipili niya ang sarili niyang reputasyon at katayuan; nais niyang maging mapanlinlang. Wala siyang pakialam kung nalulugod ang Diyos o hindi o kung ililigtas siya ng Diyos. Maliligtas pa rin ba ng Diyos ang gayong tao? Tiyak na hindi, dahil pinili niya ang maling landas. Makapamumuhay lang siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pandaraya; makapamumuhay lamang siya ng buhay na puno ng pasakit dahil sa pagsisinungaling at pagtatakip sa mga ito at pagpipiga sa kanyang utak upang ipagtanggol ang sarili niya araw-araw. Kung iniisip mong maitataguyod ng kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na hinahangad mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang dignidad at karakter mo, kundi mas matindi pa, napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao. Kahit na nagawa mong protektahan sa sandaling iyon ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride, isinakripisyo mo ang katotohanan at ipinagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at panghabang-buhay mong pagsisisihan. Hindi ito mauunawaan kailanman ng mga mapanlinlang.

Ngayon, mayroon ba kayong landas sa pagiging matapat? Dapat ninyong suriin ang inyong bawat pagbigkas at pagkilos sa buhay para mas marami kayong matuklasang kasinungalingan at panlilinlang, at makilala ang sarili ninyong mapanlinlang na disposisyon. Pagkatapos dapat ninyong tingnan kung paano nagsasagawa at dumaranas ang matatapat na tao, at matuto kayo ng ilang aral. Dapat din ninyong isagawa ang pagtanggap ng pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, at lumapit kayo sa Diyos nang madalas para manalangin at makipagbahaginan sa Diyos. Sabihin nating kakasabi mo lang ng isang kasinungalingan: Agad mong napagtanto na, “May ilang bagay akong sinabi na hindi tumpak—dapat aminin ko ito kaagad at itama ito, ipaalam sa lahat ng tao na nagsinungaling ako.” Agad-agad mong itinatama ang sarili mo. Kung palagi mong itinatama ang sarili mo nang ganito, at kung ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nakakagawian na, kapag nagsisinungaling ka at hindi mo ito itinatama, hindi ka mapapakali, at tutulong ang Diyos sa pagbabantay sa iyo. Sa pagsasagawa at pagdanas nang ganito nang ilang panahon, magsisimulang mabawasan ang pagsisinungaling mo, mas lalong mababawasan ang mga karumihan sa mga salita mo, at mas lalong mababawasan ang dungis ng mga kilos mo, at mas magiging dalisay—at sa ganitong paraan ikaw ay malilinis. Ganyan ang landas ng pagiging matapat. Dapat dahan-dahan kang magbago, unti-unti. Habang lalo kang nagbabago, lalo kang magiging mabuti; habang lalo kang nagbabago, lalong magiging matapat ang mga salita mo, at titigil ka sa pagsisinungaling—na siyang tamang kalagayan. Lahat ng tiwaling tao ay may parehong problema: Lahat sila ay ipinanganak na may kakayahang magsinungaling, at napakahirap para sa kanilang ibahagi ang kanilang mga kaloob-loobang kaisipan o ang magsalita nang makatotohanan. Kahit na gusto nilang sabihin ang katotohanan, hindi lang talaga nila ito magawa. Ang mga tao ay naniniwalang lahat na ang pagiging matapat ay kahangalan at kalokohan—iniisip nila na ang mga hangal lamang ang prangkang magsalita, at na malamang na magdurusa ng mga kawalan ang isang tao kung ganap siyang bukas sa ibang tao at palaging sinasabi ang nasa isip niya, at na hindi gugustuhin ng iba na makisalamuha sa kanya, at sa halip ay hahamakin siya. Hahamakin ba ninyo ang ganitong uri ng tao? Kinikimkim ba ninyo ang pananaw na ito? (Bago ako manampalataya sa Diyos, hinahamak ko sila, pero ngayon hinahangaan ko ang mga ganitong tao at iniisip na mas mabuting mamuhay nang simple at matapat. Sa pamumuhay nang ganito, mas kaunti ang pasanin sa puso ng isang tao. Kung hindi, pagkatapos kong magsinungaling sa isang tao, kailangan ko itong pagtakpan, at humahantong ako sa mas mahirap na sitwasyon, at sa huli ay malalantad ang kasinungalingan.) Ang pagsisinungaling at panlilinlang ay parehong mga hangal na pag-uugali at higit na mas matalino ang sabihin na lang ang katotohanan at ang magsalita mula sa puso. Ang mga tao ay lahat may pagkaunawa sa isyung ito ngayon—kung iniisip pa rin ng sinuman na ang pagsisinungaling at panlilinlang ay isang tanda ng pagkakaroon ng kakayahan at pagiging wais, kung gayon siya ay lubos na hangal, sobrang mangmang, at wala siyang kahit katiting na katotohanan. Ang sinumang taong tumatanda na, na naniniwala pa ring ang mga mapanlinlang na tao ang pinakamatalino, at na ang matatapat na tao ay mangmang lahat, ay isang kakatwang uri na hindi nakakaunawa ng anumang bagay. Ang lahat ay namumuhay ng sarili nilang buhay—ang ilang taong nagsasagawa ng pagiging matapat araw-araw ay masaya at walang stress, at maalwan at malaya ang pakiramdam nila sa puso nila. Walang kulang sa kanila at mas komportable ang pamumuhay nila. Ang lahat ay natutuwang makisalamuha sa mga ganitong tao, at talagang sila dapat ang kinaiinggitan ng lahat—nauunawaan ng mga ganitong tao ang kahulugan ng buhay. May mga hangal na taong nag-iisip: “Ang taong iyan ay palaging nagsasabi ng katotohanan at siya ay napungusan, hindi ba? Puwes, iyan ang dapat sa kanya! Tingnan ninyo ako—itinatago ko sa sarili ko ang mga intensiyon ko, at hindi ako nagsasalita tungkol sa mga ito o nagbubunyag ng mga ito, kaya hindi ako napungusan, o nagdusa ng anumang kawalan, o napahiya sa harap ng lahat. Kahanga-hanga ito! Ang mga taong nagtatago ng mga intensiyon nila, hindi nagsasalita nang matapat sa sinuman, at pumipigil sa iba na malaman kung ano ang iniisip nila ay ang mga taong nakakahigit at lubos na matatalino.” Pero nakikita ng lahat ng tao na ang mga taong ito ang pinakamapanlinlang at pinakatuso; palaging nakabantay ang mga tao kapag kasama sila at dumidistansiya ang mga ito sa kanila. Walang sinuman ang gustong makipagkaibigan sa mga mapanlinlang na tao. Hindi ba’t ang mga ito ang katunayan? Kung inosente ang isang tao, at madalas nagsasabi ng katotohanan, kung nagagawa niyang ihayag ang puso niya sa ibang tao, at wala siyang kinikimkim na mga mapaminsalang intensiyon sa ibang tao, bagamat paminsan-minsan ay mukha siyang mangmang at kumikilos nang hangal, siya ay karaniwang kikilalanin bilang isang mabuting tao at gugustuhin ng lahat ng tao na makasalamuha siya. Karaniwang kinikilala ang katunayan na nagtatamasa ang mga tao ng mga benepisyo at ng pakiramdam ng seguridad kapag nakikisalamuha sila sa mga matapat at mabuting tao. Ang mga mananampalataya sa Diyos na matapat at naghahangad ng katotohanan ay hindi lamang minamahal ng iba sa iglesia, kundi ng Diyos rin Mismo. Sa sandaling makamit nila ang katotohanan, nagtataglay sila ng tunay na patotoo at natatanggap nila ang pagsang-ayon ng Diyos—hindi ba’t dahil dito ay sila ang pinakapinagpala sa lahat ng tao? Malinaw na makikita ng mga taong nakakaunawa ng kaunting katotohanan ang usaping ito. Sa iyong pag-asal, dapat mong subukang maging isang mabuti at matapat na taong nagtataglay ng katotohanan; sa paraang ito, hindi ka lamang mamahalin ng ibang tao, makakamit mo rin ang mga pagpapala ng Diyos. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang taong sumusunod sa mga makamundong uso, hindi pa rin siya mabuting tao. Ang mga hindi nakakaunawa nito ay mga hangal na hindi pa rin nakakaarok sa katotohanan. Pinipili ng mga taong tunay na nakakaarok sa katotohanan na tumahak sa tamang landas sa buhay, na maging matatapat na tao, at sumunod sa Diyos. Sa paggawa lamang ng mga bagay na ito makakamit ng isang tao ang kaligtasan. Ang ganitong tao ang pinakamatalino sa lahat.