Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao (Unang Bahagi)
Ang hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao ay ang pinakamahalagang bagay. Nakalulungkot na marami ang hindi nakakaunawa nito at bumabalewala sa usaping ito ng pagiging matapat na tao. Kung tunay na nauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos, malalaman nila na pagkatapos Niyang makompleto ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, ang matatapat na tao lamang na napadalisay mula sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at nagwaksi ng kanilang mga panlilinlang at kasinungalingan, ang magtatamo ng Kanyang kaligtasan at magiging kwalipikadong pumasok sa Kanyang kaharian. Kung, pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, puno pa rin ng mga kasinungalingan at panlilinlang ang mga tao; kung hindi nila kayang taos-pusong igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at palagi nilang pabasta-bastang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, tiyak na itataboy sila ng Diyos. Ano ang magiging kalalabasan nila? Tiyak na paaalisin at ititiwalag sila sa iglesia. Ngayon, sa pagkakita sa gawain ng Diyos na umabot sa hakbang na ito, maaalala ng isang tao kung paano palaging hinihikayat ng Diyos ang tao na maging matapat. Malaki ang kahalagahan nito. Hindi ito kaswal lang na sinabi at tapos na—ito ay may direktang kaugnayan sa kung makakamit ba o hindi ng isang tao ang kaligtasan at mabubuhay, at sa kalalabasan at hantungan ng bawat tao. Samakatwid, masasabi nang may katiyakan na sa pamamagitan lamang ng pagwawaksi sa mapanlinlang na disposisyon ng tao at sa pagiging matapat na tao na maisasabuhay ng isang tao ang normal na pagkatao at makakamit ang kaligtasan. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon pero mapanlinlang pa rin ay nakatadhanang matiwalag.
Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay nagsasanay na ngayon na gumanap sa kanilang mga tungkulin, at ginagamit ng Diyos ang pagganap ng mga tao sa kanilang tungkulin para gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao at itiwalag ang isa pa. Kaya, ang pagganap ng tungkulin ang naglalantad sa bawat uri ng tao, at ang bawat uri ng mapanlinlang na tao, hindi mananampalataya, at masamang tao ay nabubunyag at natitiwalag sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ang mga gumaganap nang tapat sa kanilang mga tungkulin ay matatapat na tao; ang mga palaging pabasta-basta ay mapanlinlang, tusong mga tao, at sila ay mga hindi mananampalataya; at yaong mga nagiging dahilan ng mga paggambala at kaguluhan sa paggawa ng kanilang mga tungkulin ay masasamang tao at mga anticristo. Ngayon, umiiral pa rin ang napakaraming problema sa marami sa mga gumaganap ng mga tungkulin. Ang ilang tao ay laging napakapasibo sa kanilang mga tungkulin, laging nakaupo at naghihintay at umaasa sa iba. Anong uri ng pag-uugali iyan? Pagiging iresponsable. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng isang tungkulin, ngunit ilang araw mo itong pinag-iisipan nang walang natatapos na anumang kongkretong gawain. Hindi ka nakikita sa trabaho, at hindi ka nahahanap ng mga tao kapag mayroon silang mga problemang kinakailangang lutasin. Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa gawaing ito. Kung magtatanong ang isang lider tungkol sa gawain, ano ang sasabihin mo sa kanya? Hindi ka gumagawa ng anumang uri ng gawain ngayon. Alam na alam mo na responsabilidad mo ang gawaing ito, pero hindi mo ito ginagawa. Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka ba gumagawa ng anumang gawain dahil wala kang kakayahan dito? O sakim ka lang sa kaginhawahan? Ano ang saloobing mayroon ka sa iyong tungkulin? Nagsasalita ka lang tungkol sa mga salita at doktrina at sinasabi mo lang ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit wala kang ginagawang aktuwal na gawain. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magbitiw. Huwag kang manatili sa iyong posisyon at walang anumang gawin doon. Hindi ba’t sa paggawa nito ay pinipinsala mo ang mga taong hinirang ng Diyos at ikinokompromiso ang gawain ng iglesia? Sa paraan ng iyong pagsasalita, tila nauunawaan mo ang lahat ng klase ng doktrina, pero kapag hiniling sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, pabaya ka, at hindi matapat kahit kaunti. Iyan ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? Hindi ka sinsero pagdating sa Diyos, pero nagkukunwari kang may sinseridad. Kaya mo ba Siyang linlangin? Sa paraan ng iyong karaniwang pagsasalita, tila mayroong malaking pananalig; gusto mong maging haligi ng iglesia at maging sandigan nito. Ngunit kapag ginagampanan mo ang isang tungkulin, mas wala kang silbi kaysa sa isang palito ng posporo. Hindi ba’t ito ay lantarang panlilinlang sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa iyo sa pagtatangkang linlangin ang Diyos? Itataboy at ititiwalag ka Niya! Lahat ng tao ay nabubunyag sa pagganap sa kanilang mga tungkulin—italaga lang ang isang tao sa isang tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang mapanlinlang na tao at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos ni bahagya, at iresponsable sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Agad itong malinaw sa mga taong may matalas na pang-unawa. Walang sinumang hindi maayos ang pagganap sa tungkulin ang nagmamahal sa katotohanan o isang matapat na tao; ang mga gayong tao ay lahat mabubunyag at matitiwalag. Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, dapat magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at pasanin ang mga tao. Sa paraang ito, tiyak na magagawa nang maayos ang gawain. Nakakabahala lang kapag may isang taong walang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad, kapag kailangan siyang himukin na gawin ang lahat ng bagay, kapag palagi siyang pabasta-basta, at sinusubukan niyang ipasa ang sisi sa iba kapag lumilitaw ang mga problema, na humahantong sa pagkaantala ng kanyang pagpapasya. Kung gayon, magagawa pa rin kaya nang maayos ang gawain? Maaari kayang magbunga ng anumang resulta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin? Ayaw nilang gawin ang alinmang gampanin na isinaayos para sa kanila, at kapag nakikita nila ang ibang tao na nangangailangan ng tulong sa gawain, hindi nila pinapansin ang mga ito. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inutusan sila, kapag kinakailangan na talaga nilang kumilos, at wala silang magawa. Hindi ito paggampan sa tungkulin—ito ay may bayad na pagtatrabaho! Ang isang bayarang trabahador ay nagtatrabaho para sa isang amo, gumagawa ng isang araw na trabaho para sa isang araw na sahod, isang oras na trabaho para sa isang oras na sahod; naghihintay siyang mabayaran. Natatakot siyang gumawa ng anumang trabahong hindi nakikita ng kanyang amo, natatakot siyang hindi mabayaran sa anumang ginagawa niya, nagtatrabaho lamang siya bilang pakitang-tao—na ang ibig sabihin ay wala siyang katapatan. Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Ang ilan sa inyo ay nasangkot sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain o pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, dapat may nalalaman ka kahit papaano, sapagkat kayong lahat ay naging kabahagi sa gawaing ito. Kaya bakit walang sinasabi ang karamihan sa mga tao? Posibleng hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—na hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay lubos kayong walang pakialam, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga bagay na ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang gawaing dapat tapusin. At ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa ganitong mga bagay. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang nakisangkot, magkakaroon ka ng pananaw at perspektiba sa lahat ng bagay. Ang kawalan ng perspektiba o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at kawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsabilidad. Hindi ka masigasig sa tungkuling ginagampanan mo, hindi ka humahawak ng anumang responsabilidad, hindi ka handang magbayad ng halaga o makisangkot. Hindi ka naglalaan ng kahit anong pagsusumikap, ni hindi ka handang gumugol ng mas maraming lakas; nais mo lamang maging tauhan, na walang ipinagkaiba sa kung paano nagtatrabaho ang isang walang pananampalataya para sa kanyang amo. Ang ganitong paggampan sa tungkulin ay hindi gusto ng Diyos at hindi ito nakalulugod sa Kanya. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon.
Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya” (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng “babawiin”? Ano ang mararamdaman ng mga tao roon? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang walang pananampalataya. Ganoon ang pakiramdam na bawiin ng Diyos ang lahat. Kung pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi ka sinsero, babawiin ng Diyos kung ano ang mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito. Dahil binigyan ka ng Diyos ng mga kaloob at kakayahan, subalit hindi mo ginampanan nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ginugol ang iyong sarili para sa Diyos, o nagbayad ng halaga, at hindi mo inilagay ang iyong puso rito, bukod sa hindi ka pagpapalain ng Diyos, babawiin din Niya kung ano ang dating mayroon ka. Nagbibigay ang Diyos ng mga kaloob sa mga tao, na nagbibigay sa kanila ng espesyal na mga kasanayan pati na ng talino at karunungan. Paano dapat gamitin ng mga tao ang mga bagay na ito? Kailangan mong ialay ang iyong espesyal na mga kasanayan, iyong mga kaloob, iyong talino at karunungan sa iyong tungkulin. Kailangan mong gamitin ang iyong puso at gamitin ang lahat ng nalalaman mo, lahat ng nauunawaan mo, at lahat ng makakamtan mo sa iyong tungkulin. Sa paggawa nito, pagpapalain ka. Ano ba ang ibig sabihin ng pagpalain ng Diyos? Ano ang ipinaparamdam nito sa mga tao? Na sila ay binigyang-liwanag at pinatnubayan ng Diyos, at na mayroon silang landas kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Para sa ibang tao, maaaring magmistulang hindi mo magagawa ang mga bagay-bagay gamit ang iyong kakayahan at ang iyong mga natutunan—subalit kapag gumagawa ang Diyos at binibigyan ka ng kaliwanagan, hindi mo lamang mauunawaan at magagawa ang mga bagay na iyon, kundi magagawa mo pa ang mga iyon nang mabuti. Sa huli, mapapaisip ka pa sa sarili mo, “Hindi ako ganoon kahusay dati, pero ngayon ay mas higit na maraming magandang bagay sa loob ko—lahat ng ito ay positibo. Hindi ko kailanman inaral ang mga bagay na iyon, ngunit biglang naiintindihan ko na ang lahat ng ito ngayon. Paanong bigla na lang akong tumalino nang husto? Paanong napakarami ko nang kayang gawin ngayon?” Hindi mo ito maipapaliwanag. Ito ang kaliwanagan at pagpapala ng Diyos; ganito pinagpapala ng Diyos ang mga tao. Kung hindi ninyo ito nararamdaman kapag ginagampanan ang inyong tungkulin o ginagawa ang inyong trabaho, hindi kayo pinagpala ng Diyos. Kung pakiramdam mo lagi ay walang kabuluhan ang paggawa mo ng iyong tungkulin, kung pakiramdam mo parang wala namang kailangang gawin, at hindi mo magawang mag-ambag, kung hindi ka kailanman nakatatanggap ng kaliwanagan, at pakiramdam mo ay wala kang anumang katalinuhan o karunungan na magagamit, kung gayon ay problema nga ito. Nagpapakita ito na wala kang tamang motibo o tamang landas sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi sang-ayon ang Diyos, at hindi normal ang iyong kalagayan. Dapat mong suriin ang iyong sarili: “Bakit wala akong landas sa aking tungkulin? Napag-aralan ko ang larangang ito, at nasa loob ito ng saklaw ng aking espesyalisasyon—mahusay pa nga ako rito. Bakit kapag sinusubukan kong gamitin ang aking kaalaman, hindi ko magawa? Bakit hindi ko ito magamit? Ano ang nangyayari?” Nagkataon lang ba ito? May problema rito. Kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, nagiging matalino siya at marunong, malinaw niyang nauunawaan ang lahat ng bagay, matalas din siya, alisto at masyadong magaling; magkakaroon siya ng kakayahan at magiging inspirado sa lahat ng ginagawa niya, at iisipin niya na lahat ng ginagawa niya ay napakadali at walang paghihirap na makakasagabal sa kanya—pinagpapala siya ng Diyos. Kung napakahirap ng lahat ng bagay para sa isang tao, at siya ay malamya, madaling mabaluktot, at walang kaalam-alam anuman ang kanyang ginagawa, kung hindi niya nauunawaan ang anumang sinasabi sa kanya, ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay wala siyang patnubay ng Diyos at wala siyang pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nagsumikap na ako, kaya bakit hindi ko nakikita ang mga pagpapala ng Diyos?” Kung magsusumikap at magpapakapagod ka lamang ngunit hindi mo hinahangad na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay iniraraos mo lamang ang iyong tungkulin. Paano mo posibleng makikita ang mga pagpapala ng Diyos? Kung palagi kang walang ingat sa pagganap sa iyong tungkulin at hindi ka matapat kahit kailan, hindi ka mabibigyang-liwanag o matatanglawan ng Banal na Espiritu, at hindi mapapasaiyo ang patnubay ng Diyos o ang Kanyang gawain, at hindi magkakaroon ng bunga ang iyong mga ginagawa. Napakahirap gampanan nang maayos ang isang tungkulin o asikasuhin nang mabuti ang isang usapin sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas at kaalaman ng tao. Iniisip ng lahat na may kaunti silang nalalaman, na may ilan silang alam na gawin, ngunit hindi maayos ang paggawa nila ng mga bagay-bagay, at palaging nagugulo ang mga bagay-bagay, na umaani ng mga komento at tawanan. Problema ito. Maaaring malinaw na walang gaanong silbi ang isang tao subalit iniisip niya na may alam siyang gawin, at hindi sumusuko kahit kanino. May kinalaman ito sa problema sa kalikasan ng tao. Ganito ang lahat ng taong hindi nakakikilala sa mga sarili nila. Kaya ba ng mga ganitong tao na tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Bukod sa wala silang kakayahang tuparin nang maayos ang mga tungkulin nila, malamang din na mabibigo sila nang husto. May mga taong hindi kayang gumawa nang maayos sa anumang tungkulin, pero palagi pa rin nilang sinusubukang umako ng mas mataas na posisyon at utus-utusan ang mga tao. Walang naisasakatuparan ang mga ganitong tao—ni hindi nila kayang ipalaganap ang ebanghelyo o magpatotoo sa iba at wala silang ni isang salita na maibabahagi tungkol sa katotohanan. Ang mga ganitong tao ay hubo’t hubad, naghihikahos at kalunos-lunos! Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang taglay ang pag-iisip ng pagiging iresponsable. “Kung may mamumuno, susunod ako; saan man sila pumunta, pupunta ako. Gagawin ko ang anumang ipagagawa nila sa akin. Para naman sa pag-ako ng responsabilidad at alalahanin, o mas pag-aabala na gawin ang isang bagay, paggawa ng isang bagay nang buong puso at lakas ko—hindi ako interesado roon.” Ang mga taong ito ay ayaw magbayad ng halaga. Handa lamang silang pagurin ang sarili nila, hindi para umako ng responsabilidad. Hindi ito ang saloobin ng tunay na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Ang isang tao ay dapat na matutong isapuso ang pagganap sa kanyang tungkulin, at ang taong may konsensiya ay kayang isakatuparan ito. Kung ang isang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang paggampan sa kanyang tungkulin, nangangahulugan iyon na wala siyang konsensiya, at ang mga walang konsensiya ay hindi makakamit ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi nila makakamit ang katotohanan? Hindi nila alam kung paano manalangin sa Diyos at hanapin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ni kung paano magpakita ng konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos, ni isapuso ang pagninilay sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, at paano hangaring maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga pagnanais. Ito ang kahulugan ng hindi magawang hanapin ang katotohanan. Naranasan na ba ninyo ang mga kalagayan kung saan, ano man ang mangyari, o ano mang uri ng tungkulin ang inyong ginagampanan, madalas ninyong napatatahimik ang inyong sarili sa harap ng Diyos, at naisasapuso ang pagninilay sa Kanyang mga salita, at paghahanap sa katotohanan, at pagsasaalang-alang kung paano ninyo dapat gampanan ang inyong tungkulin upang umayon sa mga layunin ng Diyos, at kung aling mga katotohanan ang dapat ninyong taglayin para maayos na magampanan ang tungkuling iyon? Marami bang pagkakataon kung saan hinahanap ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? (Wala.) Ang pagsasapuso ng inyong tungkulin at pagkakaroon ng kakayahang umako ng responsabilidad ay nangangailangan ng inyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga—hindi sapat ang pag-usapan lamang ang mga bagay na ito. Kung hindi mo isasapuso ang iyong tungkulin, sa halip ay palaging gusto mong kumayod, siguradong hindi magagawa nang maayos ang iyong tungkulin. Tatapusin mo lamang ito nang hindi nag-iisip at wala nang iba pa, at hindi mo malalaman kung nagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin o hindi. Kung isasapuso mo ito, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan; kung hindi, hindi mo ito mauunawaan. Kapag isasapuso mo ang pagganap sa iyong tungkulin at hahangarin ang katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, matutuklasan ang sarili mong katiwalian at mga kakulangan, at maiintindihan ang iyong iba’t ibang kalagayan. Kapag ang pinagtutuunan mo lang ay ang pagsusumikap, at hindi mo isinasapuso ang pagninilay-nilay sa iyong sarili, hindi mo matutuklasan ang tunay na mga kalagayan sa iyong puso at ang napakaraming reaksyon at mga pagpapakita ng katiwalian na mayroon ka sa iba’t ibang kapaligiran. Kung hindi mo alam kung ano ang mga kahihinatnan kapag hindi nalutas ang mga problema, kung gayon, ikaw ay nasa malaking alanganin. Ito ang dahilan kung bakit hindi magandang manampalataya sa Diyos nang nalilito. Dapat kang mamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar; anuman ang mangyari sa iyo, dapat palagi mong hanapin ang katotohanan, at habang ginagawa mo ito, dapat mo ring pagnilayan ang iyong sarili at alamin kung ano ang mga problema na mayroon sa iyong kalagayan, agad na hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Sa gayon mo lamang magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin at maiiwasan ang pag-antala sa gawain. Bukod sa magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, ang pinakamahalaga ay na magkakaroon ka rin ng buhay pagpasok at malulutas mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa gayon ka lamang makapapasok sa katotohanang realidad. Kung ang madalas mong pagnilayan sa iyong puso ay hindi mga bagay na nauugnay sa iyong tungkulin, o mga bagay na may kinalaman sa katotohanan, at sa halip ay nasasangkot ka sa mga panlabas na bagay, ang iniisip mo ay mga gawain ng laman, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin at makapamumuhay sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Hindi maliligtas ang taong tulad nito.
Ang manampalataya sa Diyos ay ang tumahak sa tamang landas sa buhay, at kailangang hangarin ng isang tao ang katotohanan. Tungkol ito sa espiritu at buhay, at iba ito sa paghahangad ng mga walang pananampalataya sa kayamanan at kaluwalhatian, sa pagiging sikat magpakailanman. Magkahiwalay ang mga landas na ito. Sa kanilang mga trabaho, iniisip ng mga walang pananampalataya kung paano sila maaaring gumawa ng mas kaunting gawain at kumita ng mas maraming pera, nag-iisip sila ng kung anu-anong panlalansi para kumita nang mas malaki. Buong araw nilang iniisip kung paano yumaman at palaguin ang kayamanan ng kanilang pamilya, at nakaiisip pa nga sila ng mga hindi matinong paraan para makamit ang kanilang mga layon. Ito ang landas ng kasamaan, ang landas ni Satanas, at ito ang landas na tinatahak ng mga walang pananampalataya. Ang landas na tinatahak ng mga mananampalataya sa Diyos ay yaong paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng buhay; ito ang landas ng pagsunod sa Diyos at pagtamo ng katotohanan. Paano ka dapat magsagawa para makamit ang katotohanan? Dapat masipag kang magbasa, magsagawa, at dumanas ng mga salita ng Diyos—mauunawaan mo lang ang katotohanan pagkatapos mong gawin ang mga ito. At kapag naunawaan mo na ang katotohanan, dapat mong isaalang-alang kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin para magawa mo ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, at kung paano ka makakapagpasakop sa Diyos. Hinihingi nito ang pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay hindi madaling bagay: Bukod sa dapat mong hanapin ang katotohanan, dapat mo ring pagnilayan at kilalanin kung mayroon kang mga maling ideya at kuru-kuro, at kung umiiral ang mga problema, dapat kang magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga ito. Kapag nauunawaan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan, maisasagawa mo na ang katotohanan. At sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa katotohanan ka makakapasok sa katotohanang realidad at magiging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Sa pagsasagawa at pagdanas sa ganitong paraan, mababago mo ang mga disposisyon mo at makakamit mo ang katotohanan nang hindi mo namamalayan. Ang mga walang pananampalataya ay palaging nagsusumikap para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bilang resulta, tumatahak sila sa landas ng kasamaan, lalong nagiging napakabuktot, at lalong nagiging tuso at mapanlinlang, at lalong nagiging mapagkalkula at mapagpakana; ang mga puso nila ay lalong nagiging masama, at sila ay lalong nagiging di-maarok at misteryoso—ito ang landas ng mga walang pananampalataya. Ang landas ng mga taong nananampalataya sa Diyos ay talagang kabaligtaran nito. Nais ng mga mananampalataya sa Diyos na ihiwalay ang kanilang sarili sa masamang mundong ito at sa masamang sangkatauhan; nais nilang hangarin ang katotohanan at dalisayin ang kanilang katiwalian. Ang puso nila ay matatag at panatag lamang kapag isinasabuhay nila ang wangis ng tao; gusto nilang kilalanin ang Diyos, katakutan ang Diyos, iwasan ang kasamaan, at kamtin ang Kanyang pagsang-ayon at pagpapala. Ito ang hinahangad ng mga nananampalataya sa Diyos. Kung maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, tunay na nauunawaan ang katotohanan, at nagbago na, mas lalong mararamdaman ng iba na ikaw ay matapat habang mas nakikisalamuha sila sa iyo—matapat sa iyong pananalita at matapat sa paggampan ng iyong tungkulin—isang taong ganap na bukas, na walang itinatago, at nagsasalita at kumikilos nang hayagan. Sa pamamagitan ng mga bagay na sinasabi mo, sa mga pananaw na ipinapahayag mo, sa mga bagay na ginagawa mo, sa tungkuling ginagampanan mo, at sa pamamagitan ng iyong matapat na saloobin sa pakikipag-usap sa iba, nakikita ng mga tao ang iyong puso, at nakikita nila kung paano ka umaasal, kung ano ang mga kagustuhan mo, at kung ano ang mga layong hinahangad mo. Malinaw nilang nakikita na ikaw ay isang mabuti at matapat na tao, at na tumatahak ka sa tamang landas. Ipinapakita nito na nagbago ka na. Kung matagal ka nang nananampalataya sa Diyos at gumagampan ng tungkulin, pero palaging nararamdaman ng mga taong nakakasalamuha mo na hindi ka matapat sa mga sinasabi mo, na hindi malinaw ang mga pananaw mo, at hindi nila malinaw na nakikita ang puso mo sa iyong mga kilos. Kung palagi nilang nararamdaman na may mga bagay kang itinatago sa kaibuturan ng puso mo, ipinapakita nito na ikaw ay malihim na tao na marunong magtago, magpanggap at magbalatkayo. Kung, kahit pagkatapos ng ilang taong pakikipag-ugnayan sa iyo, hindi pa rin ganap na maarok ng iba ang puso mo, at ang nakikita lamang nila ay ang pag-uugali at karakter mo sa halip na ang disposisyon o diwa mo, ipinapakita nito na namumuhay ka pa rin ayon sa sataniko mong disposisyon. Kung mas tuso ka, mas ipinapakita nito na hindi ka mabuting tao, na wala kang pagkatao, at na nabibilang ka sa mga diyablo at kay Satanas. Kung wala kang nakakamit na anumang katotohanan at hindi nadadalisay ang iyong mga tiwaling disposisyon kahit ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung gayon, magiging napakahirap para sa taong katulad mo na makamit ang kaligtasan. At kung, sa kabila ng abilidad mong magpaligoy-ligoy, ng kahusayan mo sa pananalita, ng katalinuhan mo, ng iyong mabilis na pagtugon, at kung gaano ka kahusay sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, palaging hindi mapapalagay ang mga nakikisalamuha sa iyo, at nararamdaman nila na hindi ka maaasahan, hindi ka mapagkakatiwalaan, at hindi maarok, kung gayon ay nasa alanganin ka. Ipinapahiwatig nito na hindi ka talaga nagbago habang nananampalataya ka sa Diyos, at na hindi ka tunay na nananampalataya sa Kanya. Nakaranas na ba kayo ng anumang tunay na pagbabago sa inyong pananampalataya sa Diyos hanggang ngayon? Nakikisalamuha ba kayo sa iba nang may saloobin ng pagiging matapat? Nararamdaman ba ng iba na sinsero ka? (Pagdating sa mga bagay na direkta akong nakikinabang, kaya kong magsinungaling at manlinlang; pero kapag hindi ako direktang nakikinabang sa mga ito, nakakapagsabi ako ng totoo at kaya kong buksan nang kaunti ang puso ko.) (Mapili ako sa mga bagay na sinasabi ko—may mga bagay na bukas kong sinasabi, pero ang mga bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ko ay nananatiling nakatago. Kapag nakikisalamuha ako sa iba, may tendensiya pa rin akong magbalatkayo at magpanggap.) Ito ay isang sitwasyon ng pamumuhay sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at hindi nilulutas ang kanyang tiwaling disposisyon, paano siya magbabago? Lahat kayo ay mga taong gumagampan ng mga tungkulin. Kahit papaano, dapat mayroon kang matapat na puso at dapat pahintulutan mo ang Diyos na makita na sinsero ka—saka mo lang makakamit ang pagbibigay-liwanag, pagtanglaw, at paggabay ng Diyos. Ang napakahalagang bagay ay na tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang mga hadlang na nariyan sa pagitan mo at ng ibang tao, kung gaano mo pinapahalagahan ang sarili mong banidad at reputasyon, at kung ano ang mga intensiyong kinikimkim mo na hindi mo maipagtapat sa isang simpleng paraan, ang lahat ng ito ay dapat unti-unting magbago. Hakbang-hakbang, dapat palayain ng bawat indibidwal ang kanilang sarili mula sa mga tiwaling disposisyon at mga paghihirap na ito, at dapat nilang malampasan ang mga hadlang na dulot ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bago mo malampasan ang mga hadlang na ito, talaga bang matapat ang puso mo sa Diyos? Nagtatago at nagkukubli ka ba ng mga bagay-bagay sa Kanya o nagkukunwari ka ba at nililinlang mo Siya? Dapat maging malinaw ito sa iyo sa puso mo. Kung may mga ganitong bagay sa puso mo, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Huwag ninyong ipagbakasakali ang mga bagay-bagay at sabihing, “Ayaw kong igugol ang buong buhay ko para sa Diyos. Gusto kong magsimula ng pamilya at mamuhay nang sarili kong buhay. Sana hindi ako siyasatin at kondenahin ng Diyos.” Kung itatago mo ang lahat ng bagay na ito mula sa Diyos—ibig sabihin, ang mga intensiyon, mithiin, plano, at mga layon sa buhay na kinikimkim mo sa loob ng puso mo—at kung itatago mo ang mga pananaw mo sa maraming bagay at mga paniniwala tungkol sa pananalig sa Diyos, kung gayon ay malalagay ka sa alanganin. Kung itinatago mo ang mga walang kuwentang bagay na ito at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ipinapakita nito na hindi mo mahal ang katotohanan, at na mahirap para sa iyo na tanggapin at kamtin ang katotohanan. Maaari mong itago ang mga bagay-bagay sa ibang tao, pero hindi mo maaaring itago ang mga ito sa Diyos. Kung hindi ka nagtitiwala sa Diyos, bakit ka nananampalataya sa Kanya? Kung mayroon kang mga sikreto, at nag-aalala kang bababa ang tingin ng mga tao sa iyo kung magtatapat ka tungkol sa mga ito, at wala kang tapang na magsalita, kung gayon, maaari kang magtapat lang sa Diyos. Dapat kang manalangin sa Diyos, magtapat ng masasamang intensiyon na kinikimkim mo sa iyong pananampalataya sa Kanya, ng mga bagay na nagawa mo alang-alang sa iyong hinaharap at kapalaran, at kung paano ka nagsumikap para sa kasikatan at pakinabang. Ilatag mo ang lahat ng ito sa harap ng Diyos at ibunyag mo ang mga ito sa Kanya; huwag mong itago ang mga ito sa Kanya. Gaano man karaming tao ang pinagsarhan mo ng iyong puso, huwag mong isara ang puso mo sa Diyos—dapat mong buksan ang puso mo sa Kanya. Iyan ang pinakamababang antas ng sinseridad na dapat taglay ng mga taong nananampalataya sa Kanya. Kung may puso kang bukas sa Diyos at hindi sarado sa Kanya, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat Niya, paano ka Niya titingnan? Kahit na hindi ka magtapat sa iba, kung kaya mong magtapat sa Diyos, ituturing ka Niya bilang isang matapat na tao na may matapat na puso. Kung kayang tanggapin ng matapat mong puso ang pagsisiyasat Niya, kung gayon, napakahalaga nito sa paningin Niya, at tiyak na may gagawin Siyang gawain sa iyo. Halimbawa, kung may nagawa kang mapanlinlang na bagay sa Diyos, didisiplinahin ka Niya. Pagkatapos, dapat mong tanggapin ang Kanyang pagdidisiplina, agad na magsisi at magtapat sa harap Niya, at aminin ang iyong mga kamalian; dapat mong aminin ang iyong paghihimagsik at katiwalian, tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, alamin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at dapat kang magsagawa ayon sa mga salita Niya, at tunay na magsisi. Ito ang patunay ng iyong taos-pusong pananampalataya sa Diyos at tunay na pananalig sa Kanya.