Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikatlong Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
May ilang tao na, kahit nananampalataya sila sa Diyos, ay hindi kusang-loob at malugod na iginugugol ang sarili nila para sa Kanya, sa halip ay ginagampanan ang kanilang tungkulin nang may pag-aatubili. Iniisip lamang nila ang paggawa para makatanggap ng mga pagpapala pero hindi handang magsikap tungo sa katotohanan. Kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, madalas silang kumilos nang pabasta-basta at hindi maingat, at nasisiyahan sila sa pagkamit lang ng ilang resulta para hindi sila paalisin. Pero tunay mang nananampalataya ang mga tao sa Kanya at gumugugol ng kanilang sarili para sa Kanya, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi. Hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan o kumikilos ka nang pabasta-basta kapag ginagawa ang iyong tungkulin. Patuloy kang sisiyasatin ng Diyos para makita kung kaya mo bang tanggapin ang katotohanan at kung kaya mo talagang magsisi at tumahak sa tamang landas ng buhay. Depende ito sa kung paano ka pumipili. Hindi naunawaan ng ilang tao ang anumang katotohanan noong nagsimula silang gampanan ang kanilang mga tungkulin, pero dahil madalas silang nakikinig sa mga sermon at madalas na nagtitipon at nagbabahaginan, unti-unti nilang nauunawaan ang katotohanan. Nagiging lalo pang mas maliwanag ang kanilang puso, at nakikita nila na sila ay labis na nagkukulang, walang anumang katotohanan, at walang mga prinsipyo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, gumagawa lang ng ilang gawain ayon sa kanilang sariling kagustuhan. Pakiramdam nila ay hindi alinsunod sa mga layunin ng Diyos ang ganitong pagganap ng kanilang mga tungkulin, at nakakaramdam ng pagsisisi ang kanilang puso. Nagsisimula silang magsikap tungo sa katotohanan, at nagkakamit sila ng lalo pang mas mahusay na mga resulta kapag gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Katulad lang nito, sa isang banda, nagkakamit sila ng buhay pagpasok, at sa isa pang banda, unti-unti silang nagiging kalipikado sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ito ay isang taong kayang tanggapin ang katotohanan sa pagganap ng kanyang mga tungkulin. Habang unti-unting lumilinaw ang pagkaunawa niya sa katotohanan, malinaw niyang nakikita ang sarili niyang mga pagbubunyag ng katiwalian. Makapagdarasal siya sa Diyos at makasasandig sa Diyos sa kanyang puso, magiging handang iwaksi ang kanyang katiwalian, isagawa ang katotohanan, at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang unti-unting paglago ng buhay sa takbo ng pagganap ng tungkulin ng isang tao. Lahat niyong mga sumusunod sa Diyos ay nagagawang maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, magkakaroon ba ng gayong pagbabago? Talagang hindi. Ang ilang tao ay partikular na mayabang at palalo. Kapag nagpupunta sila sa sambahayan ng Diyos, lalo na pagkatapos gawin ang kanilang tungkulin, nagiging kapansin-pansin ang lawak nito. Habang nakakrus ang mga braso sa kanilang dibdib, o nakapamaywang, nagpapakita sila ng pagsuway at kawalang-kasiyahan. Bakit napakayabang nila? Sa kanilang puso, sinasabi nilang: “Para manampalataya ako sa diyos at gawin ang aking tungkulin, tinalikuran ko ang mundo, ang aking pamilya, at ang aking trabaho. Hindi ba’t mataas ang presyong ito? Napakarami kong tinalikuran para sa diyos. Hindi ba’t dapat bigyan ako ng kaunting kabayaran ng diyos? Dagdag pa rito, ayon sa aking katayuan at kita sa lipunan, hindi ba’t dapat bigyan man lang ako ng parehong pagtrato ng sambahayan ng diyos? Ngayong ginagampanan ko ang aking tungkulin, hindi ba ako mabibigyan ng diyos ng espesyal na pabor? Isa akong espesyal na talento, mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao. Dapat magkaroon ako ng katayuan sa sambahayan ng diyos. Kung kayang mamuno ng iba, kaya ko ring mamuno. Hindi dapat mas mababa kaysa sa iba ang katayuan ko, at dapat kong tamasahin ang pagtratong mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao. Higit sa lahat, matitiyak ba sa akin ng diyos na tatanggap ako ng mga pagpapala at magkakaroon ng magandang hantungan sa hinaharap?” Mula sa mga kaisipan sa kanilang puso, makikita natin na sila ay naparito para gumawa ng kasunduan sa Diyos, hindi para taimtim na igugol ang sarili nila para sa Kanya. Ang iniisip nila ay katulad nang kay Pablo, gustong gawin ang kanilang tungkulin kapalit ng mga pagpapala ng Diyos. Pero mas masama ang dahilan nila kaysa kay Pablo—mas mababa ito kaysa nang kay Pablo. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil totoong nagdusa si Pablo sa loob ng maraming taon na ipinalaganap niya ang ebanghelyo, at ang mga bunga ng kanyang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay higit na mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao. Kahit papaano, nilakbay ng kanyang mga yapak ang karamihan ng Europa; nagtatag siya ng maraming iglesia sa buong Europa. Sa bagay na ito, hindi maikukumpara ang mga ordinaryong anticristo sa katwiran ni Pablo o kung gaano siya nagtrabaho. Pero ang taong kababanggit Ko lang ay nagiging sobrang mayabang pagkatapos gawin ang kanyang tungkulin. Hindi ba’t masyadong walang katwiran iyon? Lubos silang hindi makatwiran, at tulad ng isang tulisan, kapag nasunggaban na nila ang pagkakataong makatanggap ng mga pagpapala, hindi na nila ito mapakawalan. Ang gayong mga tao ay palaging kusang-loob na naghahanap ng mga oportunidad para maging sentro ng atensiyon sa sambahayan ng Diyos, kahit na sa pagiging isang lider ng grupo o isang superbisor lang. Sa madaling salita, kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos, ayaw nilang maging isang ordinaryong tagasunod. Kung sinuman ang makakaamin na sila ay isang ordinaryong nilalang, na sila ay isang ordinaryong nilalang lang tulad ng lahat ng iba pang mga nilalang, hindi nila kailanman tatanggapin ang pananaw na ito—hindi nila kailanman hahayaan ang sarili nilang maitrato nang hindi tama sa ganitong paraan. Naniniwala sila na dapat silang magkaroon ng espesyal na pagtrato at na dapat silang bigyan ng Diyos ng espesyal na biyaya at mga pagpapala. Gusto rin nilang magtamasa ng mga espesyal na pakinabang ng katayuan sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila pinapayagan ang sambahayan ng Diyos na pagdudahan ang kanilang mga talento, at lalong hindi nila pinapayagan ang mga tao na magtanong tungkol sa kanilang gawain—ang lahat ay dapat na may lubos na pananalig sa kanila dahil tinalikuran nila ang lahat para sa Diyos at lubos silang tapat sa Kanya. Hindi ba’t isa itong hindi makatwirang kahilingan? May anumang katwiran ba ang taong ito? Ilan ang gayong tao? Ilang porsyento kaya ito ng iglesia? Palaging iniisip ng gayong mga tao na mayroon silang ilang abilidad at talento, kaya ipinagmamalaki nila kung gaano sila katalino. Kaya, ano ang ibig sabihin nitong tinatawag na talento? Ibig sabihin nito na kaya nilang magmalaki, magsalita ng maraming walang kapararakang bagay, magbago ng paraan ng kanilang pagsasalita depende sa kung sino ang kausap nila, at may mas mataas na kasanayan sa panlilinlang kaysa sa mga ordinaryong tao. Naniniwala silang ito ay talento at abilidad, at gusto nilang gamitin ang abilidad na ito para magyabang at manloko. Ano ang ibig sabihin ng tunay na talento? Ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng mga espesyal na kasanayan. Nang likhain ng Diyos ang tao, binigyan Niya ng iba’t ibang espesyalidad ang iba’t ibang uri ng tao. Ang ilang tao ay magaling sa panitikan, ang ilang tao ay magaling sa medisina, ang ilang tao ay magaling sa pag-aaral ng mga kasanayan, ang ilang tao ay magaling sa siyentipikong pananaliksik, at iba pa. Ang mga espesyalidad ng mga tao ay ibinigay ng Diyos at hindi dapat ipagyabang. Anuman ang mga espesyalidad na mayroon ang isang tao, hindi ibig sabihin nito na nauunawaan niya ang katotohanan, at tiyak na hindi ibig sabihin nito na nagtataglay siya ng katotohanang realidad. Ang mga tao ay may partikular na mga espesyalidad, at kung nananampalataya sila sa Diyos, dapat nilang gamitin ang mga espesyalidad na ito para gawin ang mga tungkulin nila. Katanggap-tanggap ito sa Diyos. Ang pagyayabang sa isang partikular na espesyalidad o pagnanais na gamitin ito para gumawa ng mga kasunduan sa Diyos—masyadong wala itong katwiran. Hindi pinapaboran ng Diyos ang gayong mga tao. Alam ng ilang tao ang isang partikular na kasanayan, kaya kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam nila ay mas nakatataas sila kaysa sa iba, gusto nilang magtamasa ng espesyal na pagtrato, at pakiramdam nila ay garantisado ang trabaho nila panghabambuhay. Itinuturing nila ang kasanayang ito bilang isang uri ng kapital—anong kayabangan! Kaya, paano mo dapat tingnan ang mga kaloob at espesyalidad na ito? Kung kapaki-pakinabang ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos, mga kasangkapan lang ang mga ito para sa pagtupad mo ng iyong tungkulin. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Gaano man karami ang mayroon ka, ang mga kaloob at talento ay mga espesyalidad lang ng tao at walang kinalaman sa katotohanan. Ang iyong mga kaloob at espesyalidad ay hindi nangangahulugang nauunawaan mo ang katotohanan, at tiyak na hindi ibig sabihin ng mga ito na tinataglay mo ang katotohanang realidad. Kung ginagamit mo ang iyong mga kaloob at espesyalidad para gawin ang iyong tungkulin at gawin ang iyong tungkulin nang maayos, ginagamit mo ang mga ito sa tamang lugar, at ang paggamit nito ay sinasang-ayunan ng Diyos. Pero kung gagamitin mo ang iyong mga kaloob at espesyalidad para magyabang, magpatotoo sa iyong sarili, at magtayo ng isang indipendiyenteng kaharian, magiging malaki ang iyong mga kasalanan, at magiging isa kang malubhang nakasalangsang sa Diyos. Ang mga kaloob ay ibinigay ng Diyos. Kung hindi mo kayang gamitin ang mga ito para gawin ang iyong tungkulin at magpatotoo sa Diyos, magiging masyado kang walang konsensiya at walang katwiran, at magiging labis ang pagkakautang mo sa Diyos—napakatinding paghihimagsik nito! Pero gaano mo man kahusay ginagamit ang iyong mga kaloob at espesyalidad, hindi ibig sabihin nito na nasa iyo ang katotohanang realidad. Ang pagsasagawa ng katotohanan at pagkilos nang may prinsipyo ay nangangahulugang nasa iyo ang katotohanang realidad. Ang mga kaloob at talento ay palaging mga kaloob at talento. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Gaano man karami ang iyong mga kaloob at talento, at gaano man kataas ang iyong reputasyon o gaano kataas ang iyong katayuan, hindi ito kailanman mangangahulugan na nasa iyo ang katotohanang realidad. Ang mga kaloob at talento ay hindi kailanman magiging katotohanan. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Pero hindi ganito mag-isip ang mga anticristo, at tiyak na ang mga bagay na ito ang pinahahalagahan nila nang malaki. Halimbawa, may ilang tao na may talento sa pag-arte. Pagkatapos gumanap ng papel ng bida sa isang pelikula na kinunan sa sambahayan ng Diyos, nagsisimula silang magpa-importante. Kahit na ang tatlong tao na tumutulong sa kanila na maglagay ng makeup ay hindi sapat para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Ordinaryong tao lang sila noon, pero ngayong nananampalataya na sila sa Diyos, pagkatapos gawin ang tungkulin nila bilang artista, nagsisimula na silang magpa-importante. Hindi ba’t nakikipaglaro sila sa kamatayan? Sa tingin Ko iyon mismo ang ginagawa nila! Hindi sila espesyal sa hitsura, at karaniwan ang kanilang mga kasanayan sa pag-arte. Angkop lang sila sa pag-arte ng mga partikular na bahagi, kaya binigyan sila ng isa pang papel—hindi ba’t pagtataas ito sa kanila? Kapag nabigyan ng pagkakataong gawin ang tungkulin nila, nagpapa-importante pa nga sila. Kapag umaarte, inuutusan nila ang mga tao sa paligid na pagsilbihan sila sa pamamagitan ng pagdadala ng tsaa at pagbubuhos ng tubig, ginagalit ang lahat ng mga kapatid na nakakita. Sinabi Kong, “Alisin mo sila!” At kaya inalis sila ng iglesia. Hindi ba’t dapat pinaalis ang mga taong ito? Akala nila ay hindi makagagawa ng mga pelikula ang iglesia kung wala sila, kaya nangahas silang magpa-importante. Hindi nila inaasahan ang kahihinatnang ito. Idinulot ito ng kanilang kalikasan. Pinahahalagahan ng gayong mga tao ang kaalaman, talento, pagkatuto, at karanasan. Masyado nilang pinahahalagahan ang mga bagay na ito, pero binabalewala nila ang pinakamahalagang bagay—ang katotohanan. Hindi nila napapagtanto na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan, gaano man kataas ang kanilang kaalaman o gaano kahusay ang kanilang galing sa pagsasalita, hindi nila magagawang manatili. Hindi magtatagal, mabubunyag at matitiwalag sila. Madali ba para sa mga tao na maunawaan ang kaunting doktrinang ito? Ang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon pero hindi ito maunawaan ay mga tao lang na magulo ang isip na walang anumang halaga. Kung medyo may katwiran lang sila, hindi sila magiging masyadong mayabang. Ang ganoong mga tao ay mga demonyo at mga Satanas na nagkakanulo sa sarili nila. Ngayon, direkta Kong tinukoy ang bagay na ito para maunawaan rin ninyo ito nang malinaw; para matukoy ninyo nang kaunti ang bagay na ito at maunawaan ito. Kung hindi Ko ito tinukoy nang malinaw, magagawa ba ninyong makilala ito nang ganito? Magagawa ba ninyong alisin ang mga ito? Hindi nakikita ng mga tao ang problema, kaya kailangan Kong maging prangka. Kung hindi Ako prangka, hindi malulutas ang problema. Sa pagsandig sa ilang doktrina lang na nauunawaan ninyo, walang problemang malulutas.
Palaging iniisip ng mga anticristo ang sarili nila bilang may mga espesyal na talento. Iniisip nilang mga nagtapos sila sa kolehiyo na lubos na marunong at nagtataglay ng mayamang kaalaman. Labis nilang iniingatan at pinahahalagahan ang kanilang kaalaman at ang mga natutunan nilang espirituwal na teorya, at tinatrato pa nga ang mga bagay na ito bilang katotohanan. Higit pa rito, madalas nilang ginagamit ang kaalaman at karanasang ito na pinaniniwalaan nilang tama, para turuan, iligaw, o i-kondisyon ang mga nakapaligid sa kanila. Sa partikular, madalas nilang binabanggit ang “maluwalhati” nilang nakaraan, na ginagamit nila para hikayatin at kumbinsihin ang ibang tao, at gawin ang mga itong pahalagahan at sambahin sila. At ano itong mga “maluwalhating” nakaraan nila? Sasabihin ng ilan sa kanila: “Dati akong tagapagturo sa isang unibersidad. Ang lahat ng aking mga mag-aaral ay mga mag-aaral ng Masters o Ph.D. Sa tuwing nagbibigay ako ng lektura, walang ni isang bakanteng upuan; ang bawat isa sa mga estudyante ay nakaupong lubos na tahimik, nakatingin sa akin nang may pagsamba at paghanga sa kanilang mga mata. Hindi man lang ako kinakabahan. Kay dakila at kahanga-hanga nitong lahat! Ipinanganak ako na may gayong talento at gayong lakas ng loob.” Sasabihin ng iba na: “Natuto akong magmaneho noong 14 anyos ako. Nagmamaneho ako ngayon nang higit sa 40 taon na at nangunguna ang aking mga kasanayan sa pagmamaneho.” Ano ang ibig sabihin nila rito? Ang ibig nilang sabihin ay: “Ilang araw ka pa lang nagmamaneho. Ano ang alam mo? Ang isang batikang drayber na katulad ko ay buong buhay nang nagmamaneho. Mayroon akong lahat ng uri ng karanasan. Sa hinaharap, dapat mo akong tanungin kung may bagay kang hindi nauunawaan. Dapat kang makinig sa sasabihin ko.” Kapag mayroon silang ilang uri ng kasanayan, iniisip ng mga anticristo na pambihira ang kanilang sarili, pinalalabas nilang mahiwaga ang kanilang sarili, at pinagyayabang nila ang kanilang sarili at nagpapatotoo sa kanilang sarili, ginagawang pahalagahan at sambahin sila ng iba. Kapag may kaunting lakas o kaloob ang ganitong uri ng mga tao, ito ay nagpapaisip sa kanila na mas mahusay sila kaysa sa iba, at naghahangad na pamunuan ang mga ito. Kapag lumapit ang ibang tao sa kanila para sa mga kasagutan, tinuturuan sila ng mga anticristo mula sa itaas, at kung hindi pa rin nakauunawa ang mga taong iyon pagkatapos, iniuugnay na lamang nila ito basta sa pagkakaroon ng mga ito ng mababang kakayahan, kahit na sa katunayan, ang mga anticristo mismo ang hindi nagbigay ng malinaw na paliwanag. Halimbawa, kapag nakitang hindi kayang ayusin ng isang tao ang isang sirang makina, sasabihin ng isang anticristo na: “Paanong hindi mo pa rin alam kung paano ito gawin? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo kung paano ito gawin? Ipinaliwanag ko ito nang malinaw, pero hindi mo pa rin ito nakukuha. Napakababa talaga ng iyong kakayahan. Bigo kang matuto sa tuwing tinuturuan kita kung paano ito gawin.” Pero kapag hiningi ng taong iyon sa kanila na ayusin ang makina, titingnan nila ito nang matagal at hindi rin alam kung paano ito aayusin, at itatago pa nga nila mula sa taong iyon ang katunayan na hindi nila alam kung paano ito ayusin. Pagkatapos paalisin ang taong iyon, palihim na magsasaliksik ang anticristo at susubukang alamin kung paano ayusin ang makina, pero hindi pa rin niya ito maaayos. Hahantong sila sa pagbabaklas ng makina, magkakalat nang husto, at hindi na magagawang maibalik ito sa dati. Pagkatapos, sa takot na makita ito ng iba, itatago nila ang mga piraso. Nakakahiya ba ang hindi malaman kung paano gawin ang ilang bagay? Mayroon bang sinumang kayang gawin ang lahat? Hindi nakakahiya ang hindi malaman kung paano gawin ang ilang bagay. Huwag kalimutang isa ka lang ordinaryong tao. Walang sinumang nagpapahalaga o sumasamba sa iyo. Ganoon lang ang isang ordinaryong tao: isang ordinaryong tao. Kung hindi mo alam kung paano gawin ang isang bagay, sabihin mo lang na hindi mo alam kung paano ito gawin. Bakit mo susubukang magbalatkayo? Kamumuhian ka ng mga tao kung palagi kang nagbabalatkayo. Hindi magtatagal, mailalantad mo ang iyong sarili, at sa oras na iyon, mawawala ang iyong dignidad at iyong integridad. Ito ang disposisyon ng isang anticristo—palagi niyang iniisip ang kanyang sarili bilang isang taong alam gawin ang lahat, bilang isang taong kayang gawin ang lahat, na may kakayahan at may kahusayan sa lahat ng bagay. Hindi ba’t magdadala ito sa kanya ng problema? Ano ang gagawin niya kung mayroon siyang matapat na saloobin? Sasabihin niya: “Hindi ako bihasa sa teknikal na kasanayang ito; may kaunti lang akong karanasan. Nagawa ko na ang lahat ng alam ko, pero hindi ko nauunawaan itong mga bagong problemang kinakaharap natin. Samakatwid, dapat tayong matuto ng ilang propesyonal na kaalaman kung gusto nating gawin nang maayos ang ating tungkulin. Ang pagpapakabihasa sa propesyonal na kaalaman ay magbibigay-daan para epektibo nating magawa ang ating tungkulin. Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang tungkuling ito, kaya may responsabilidad tayong gawin ito nang maayos. Dapat nating pag-aralan ang propesyonal na kaalamang ito batay sa isang saloobin ng pag-ako ng responsabilidad para sa ating tungkulin.” Ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ito gagawin ng isang taong may disposisyon ng isang anticristo. Kung may kaunting katwiran ang isang tao, sasabihin niyang: “Ito lang ang alam ko. Hindi mo ako kailangang pahalagahan, at hindi ko na kailangang magpa-importante—hindi ba’t mapapadali niyon ang mga bagay-bagay? Miserable ang palaging pagbabalatkayo. Kung may isang bagay tayong hindi alam, puwede natin itong matutunan nang sama-sama at pagkatapos ay magtulungan nang maayos para gawin ang ating tungkulin nang maayos. Dapat tayong magkaroon ng responsableng saloobin.” Pagkakita nito, iisipin ng mga tao, “Mas mabuti ang taong ito kaysa sa atin; kapag may dumating sa kanilang problema, hindi nila pikit-matang pinipilit ang kanilang sarili na lampasan ang kanilang mga limitasyon, ni hindi nila ito ipinapasa sa iba, o tinatalikuran ang responsabilidad. Sa halip, inaako nila ito mismo at hinaharap ito nang may seryoso at responsableng saloobin. Ito ay isang mabuting tao na seryoso at responsable sa kanilang gawain at tungkulin. Mapagkakatiwalaan sila. Tama ang sambahayan ng Diyos na ipagkatiwala sa kanila ang mahalagang gampaning ito. Tunay na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao!” Sa paggawa ng kanilang tungkulin sa ganitong paraan, mapaghuhusay nila ang kanilang mga kasanayan at makakamit ang pagsang-ayon ng lahat. Paano nakakamit ang pagsang-ayon na ito? Una, hinaharap nila ang tungkulin nila nang may seryoso at responsableng saloobin; pangalawa, nagagawa nilang maging matapat na tao, at mayroon silang praktikal at palaaral na pag-uugali; pangatlo, hindi maitatanggi na nasa kanila ang patnubay at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang gayong tao ay may pagpapala ng Diyos; ito ay isang bagay na kayang kamtin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kahit mayroon silang mga tiwaling disposisyon, kapintasan, at pagkukulang, at hindi nila alam kung paano gawin ang maraming bagay, nasa tamang landas pa rin sila ng pagsasagawa. Hindi sila nagbabalatkayo o nanlilinlang; mayroon silang seryoso at responsableng saloobin sa kanilang tungkulin, at isang nananabik at banal na saloobin sa katotohanan. Hindi kailanman magagawa ng mga anticristo ang mga bagay na ito dahil ang kanilang paraan ng pag-iisip ay palaging magiging iba sa mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Bakit magkaiba silang mag-isip? Dahil nasa kalooban nila ang kalikasan ni Satanas; namumuhay sila ayon sa disposisyon ni Satanas para makamit ang kanilang layon na magtamo ng kapangyarihan. Palagi silang naghahangad na gumamit ng iba’t ibang paraan para makisali sa mga pakana at panlilinlang, inililihis ang mga tao sa anumang paraan para sambahin at sundan sila. Samakatwid, para maloko ang mga tao, hinahanap nila ang lahat ng uri ng paraan para magbalatkayo, mandaya, magsinungaling, at manlinlang, para mapaniwala ang iba na tama sila sa lahat ng bagay, na may kakayahan sila sa lahat ng bagay, at na kaya nilang gawin ang anumang bagay; na mas matalino sila kaysa sa iba, na mas marunong sila kaysa sa iba, na mas nakauunawa sila kaysa sa iba; na mas mahusay sila sa lahat ng bagay kaysa sa iba, at na nakahihigit sila sa iba sa lahat ng aspekto—maging na sila ang pinakamahusay sa pinakamahusay sa anumang grupo. Mayroon silang ganoong pangangailangan; ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kaya, natututo silang magpanggap bilang isang bagay na hindi sila, na nagbubunga ng bawat isa sa iba’t ibang pagsasagawa at pagpapamalas na ito.
Pag-isipan mo ito: Anong disposisyon ang tinataglay ng mga taong gustong magpanggap na isang bagay na hindi sila? Nagpapanggap sila na ano? Hindi sila nagpapanggap na demonyo o isang negatibong tao; nagpapanggap sila bilang isang bagay na matayog, mabuti, maganda, at mabait, na maging isang bagay na pinahahalagahan at hinahangaan ng mga tao—nagpapanggap sila na mga bagay na ito na pinupuri o sinasang-ayunan ng mga tao. Nagpapanggap silang alam at nauunawaan nila ang lahat; nagpapanggap silang nagtataglay ng katotohanan, na maging isang positibong tao, at na maging katotohanang realidad. Hindi ba’t paghahanap ito ng sarili nilang pagkawasak? Mayroon ba sila ng realidad na iyon? Mayroon ba sila ng diwang iyon? Wala. Tiyak ito na dahil hindi nila ginagawa iyong sinasabing nagpapanggap sila. Kaya, may magsasabi ba na sila ang pagsasakatawan ng katotohanan dahil tinataglay nila ang katotohanang realidad? Kapani-paniwala ba ang pahayag na ito? (Hindi, hindi ito kapani-paniwala.) Kahit nagtataglay ka ng ilang katotohanang realidad, hindi talaga ikaw ang pagsasakatawan ng katotohanan. Kaya, ang sinumang nagpapanggap na pagsasakatawan ng katotohanan ay isang mapagmataas na indibidwal at isang kakatwang uri! Ang isang tao na nagtataglay ng kaunti lang ng katotohanang realidad pero nangangahas na magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan ay parang isang patak lang ng tubig na nagsasabing siya ay isang malawak, walang hangganang dagat. Hindi ba’t ito ang rurok ng kayabangan? Hindi ba’t ito ay hayagang kawalanghiyaan? Para magpanggap ang isang tao na pagsasakatawan ng katotohanan, dapat na may puhunan siya para gawin ito. At ano ang ginagamit ng mga anticristo para magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan? Ito iyong mga bagay na kasasabi ko lang—kaalaman, karanasan, at mga aral. Kabilang dito ang mga espesyal na kasanayan at talento na nakukuha ng mga tao sa pag-aaral gayundin ang mga kaloob na taglay nila pagkapanganak. Ang ilang tao ay may kaloob sa pagsasalita ng iba’t ibang wika, habang ang iba naman ay may kaloob o kahusayan sa pagsasalita para sa pangangaral. Natutunan o pinagkadalubhasaan ng iba ang ilang espesyal na propesyonal na kasanayan. Halimbawa, ang ilang tao ay partikular na namumukod-tangi sa sayaw, musika, sining, mga wika, o panitikan; habang ang iba ay mahusay sa pulitika, na ang ibig sabihin ay magaling sila sa pagmamanipula ng mga tao, na mahusay sila sa diplomasya, at iba pa. Sa madaling salita, kabilang dito ang mga taong may espesyal na talento mula sa lahat ng antas ng pamumuhay. Ang mga taong ito na may mga espesyal na talento o kaloob ay puwedeng walang isang partikular na katayuan o isang nakatakdang propesyon sa lipunan. Ang ilang tao ay nakatira sa maliliit na lugar, pero nakapagsasalita ng tungkol sa isang malawak na saklaw ng mga usapin mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan nang malinaw at lohikal, at sa isang partikular na mahusay na paraan. Kung ang mga taong may ganitong mga espesyal na talento ay may disposisyon ng isang anticristo, hindi sila makukontento sa mga kasalukyang bagay kapag sila ay pumunta sa sambahayan ng Diyos; magtataglay sila ng ilang ambisyon at pagnanais, at unti-unti silang mabubunyag.
Tungkol sa aytem ng pagpapanggap ng mga anticristo bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo na sila ng kaunting karanasan at kaalaman, at natuto ng ilang aral na kanilang nakamit, kakatalakay lang natin ang saklaw ng naturang kaalaman, karanasan, at mga aral. At ano ang naging pokus ng talakayang ito? (Pagpapanggap.) Tama iyan. Ang pinakabuod ay pagpapanggap ng mga anticristo na maging pagsasakatawan ng katotohanan. Kaalaman, karanasan, mga aral—wala sa mga bagay na ito ang katotohanan; wala talagang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Sumasalungat pa nga ang mga bagay na ito sa katotohanan at kinokondena ng Diyos. Tingnan ang kaalaman, halimbawa, maituturing bang isang anyo ng kaalaman ang kasaysayan? (Oo.) Paano nabuo ang kaalaman at mga aklat-pangkasaysayan tungkol sa kasaysayan ng tao, kasaysayan ng ilang bansa o etnikong grupo, modernong kasaysayan, sinaunang kasaysayan, o maging ng ilang hindi opisyal na kasaysayan? (Isinulat ang mga ito ng mga tao.) Kaya, ang mga bagay ba na isinulat ng mga tao ay nakaayon sa tunay na kasaysayan? Hindi ba’t salungat ang mga ideya at pananaw ng mga tao sa mga prinsipyo, paraan, at pinagkukunan ng mga pagkilos ng Diyos? Nauugnay ba sa tunay na kasaysayan ang mga salitang ito na binigkas ng tao? (Hindi.) Walang kaugnayan. Samakatwid, gaano man katumpak ang mga tala na nilalaman sa mga aklat-pangkasaysayan, kaalaman lang ang mga ito. Kahit gaano kahusay magsalita ang mga historyador na iyon, at gaano kalohikal at kalinaw nilang isinalaysay ang mga kasaysayang ito, ano ang kongklusyong makukuha mo pagkatapos makinig sa mga ito? (Malalaman namin ang mga pangyayaring iyon.) Oo, malalaman mo ang mga pangyayaring iyon. Pero isinasalaysay ba nila ang mga kasaysayang ito para lang ipaalam sa iyo ang tungkol sa mga pangyayaring iyon? May partikular silang ideya na gusto nilang iindoktrina sa iyo. At ano ang pokus ng kanilang indoktrinasyon? Ito ang kailangan nating suriin at himayin. Hayaan ninyo Akong magbigay ng isang halimbawa para maunawaan ninyo kung ano ang gusto nilang iindoktrina sa mga tao. Pagkatapos balik-aralan ang kasaysayan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, nakabuo ang mga tao sa huli ng isang kasabihan; naobserbahan nila ang isang katotohanan mula sa kasaysayan ng tao, na: “Kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan.” Kaalaman ba ito? (Oo.) Nagmula ang kaalamang ito mula sa mga katunayang pangkasaysayan. May kinalaman ba ang kasabihang ito sa mga paraan at pinagkukunan kung paano pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Wala.) Sa katunayan, kabaligtaran ito; sumasalungat at tumataliwas ito sa mga ito. Kaya, naindoktrinahan ka na ng kasabihang ito, at kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o kung ikaw ay isang walang pananampalataya, ano marahil ang maiisip mo pagkatapos marinig ito? Paano mo maiintindihan ang kasabihang ito? Una sa lahat, inililista lahat ng mga historyador o aklat-pangkasaysayan na ito ang mga ganitong uri ng pangyayari, gamit ang sapat na ebidensya at mga pangyayaring pangkasaysayan para patunayan ang katumpakan ng kasabihan. Sa simula, puwedeng natutunan mo lang ang kasabihang ito mula sa isang libro, at alam mo lang ang mismong kasabihan. Puwedeng nauunawaan mo lang ito sa isang antas o sa isang partikular na lawak hanggang sa mabatid mo ang mga pangyayaring ito. Pero sa sandaling marinig mo ang mga makasaysayang katunayang ito, lalalim ang iyong pagkilala at pagtanggap sa kasabihan. Talagang hindi mo sasabihing, “May mga bagay na hindi ganoon.” Sa halip, sasabihin mong, “Ganyan iyan; sa pagtingin sa kasaysayan mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan—kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan!” Kapag nakikita mo ang usapin sa gayong paraan, anong mga pananaw at saloobin ang panghahawakan mo sa iyong pag-asal, sa iyong propesyon, at sa iyong pang-araw-araw na buhay, gayundin sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa paligid mo? Mababago ba ng gayong pagkakaintindi ang iyong saloobin? (Oo.) Higit sa lahat, mababago ito. Kaya, paano nito mababago ang iyong saloobin? Gagabayan at babaguhin ba nito ang direksiyon ng iyong buhay at ang iyong mga pamamaraan para sa mga makamundong pakikitungo? Marahil pinaniwalaan mo dati na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan” at “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Ngayon, iisipin mo na, “Dahil ‘kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan,’ kung gusto kong maging isang opisyal, kailangan kong isaalang-alang ng mabuti si Ganito-at-ganyan. Wala sila sa panig ko, kaya hindi ko maitataas ang posisyon nila—kahit na karapat-dapat sila na maitaas ang posisyon.” Habang iniisip mo ang mga bagay sa ganitong paraan, magbabago ang iyong saloobin—at mabilis itong magbabago. Paano mangyayari ang pagbabagong ito? Ito ay dahil tinanggap mo ang ideya at pananaw na “Kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan.” Ang pagdinig ng maraming katunayan ay lalo lang sa iyong magpapatibay sa pagiging tama ng pananaw na ito sa totoong buhay ng tao. Lubos kang maniniwala na dapat mong ilapat ang pananaw na ito sa iyong sariling mga pagkilos at pag-uugali para hangarin ang iyong buhay sa hinaharap at kinabukasan. Hindi ka ba mababago ng ideya at pananaw na ito? (Oo.) At habang binabago ka nito, gagawin ka ring tiwali nito. Ganyan ito. Binabago at ginagawa kang tiwali ng gayong kaalaman. Kaya, kapag tinitingnan ang ugat ng usaping ito, gaano man katumpak ang pagkakalatag ng mga kasaysayang ito, sa huli ay nabubuod ang mga ito sa kasabihang ito, at ikaw ay naiindoktrinahan ng ideyang ito. Ang kaalaman bang ito ay ang pagsasakatawan ng katotohanan o ang lohika ni Satanas? (Ang lohika ni Satanas.) Tama iyan. Naipaliwanag Ko ba ito nang may sapat na detalye? (Oo.) Ngayon ay malinaw na ito. Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, hindi mo pa rin ito mauunawaan kahit na pagkatapos ng dalawang habang buhay—mas matagal kang nabubuhay, mas mararamdaman mo na hangal ka, at iisipin na hindi ka sapat na malupit, at dapat kang maging mas malupit, mas tuso, mas nakatatakot, at mas malala at mas masamang tao. Iisipin mo sa sarili mo na: “Kung kaya niyang pumatay, dapat akong magsindi ng mga apoy. Kung papatay siya ng isang tao, kailangan kong pumatay ng 10. Kung papatay siya nang hindi nag-iiwan ng bakas, mananakit ako ng mga tao nang hindi nila nalalaman—gagawin ko pang pasalamatan ako ng kanilang mga inapo sa loob ng tatlong henerasyon!” Ito ang impluwensiyang naidulot ng pilosopiya, kaalaman, karanasan, at mga aral ni Satanas sa sangkatauhan. Sa realidad, ito ay pang-aabuso at katiwalian lang. Samakatwid, anumang uri ng kaalaman ang ipinangangaral o ipinapalaganap sa mundong ito, iindoktrinahan ka nito ng isang ideya o pananaw. Kung hindi mo ito makikilatis, malalason ka. Sa kabuuan, isang bagay ang tiyak ngayon: Hindi mahalaga kung ang kaalamang ito ay nagmula sa mga karaniwang tao o mula sa mga opisyal na mapagkukunan, kung iginagalang ito ng isang minorya o iginagalang ng mayorya—wala sa mga ito ang nauugnay sa katotohanan. Ang katotohanan ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang pagiging tama nito ay hindi natutukoy sa bilang ng mga taong kumikilala rito. Ang realidad ng mga positibong bagay ay mismong ang katotohanan. Walang sinumang makapagpapabago nito, ni sinumang makapagkakaila nito. Ang katotohanan ay palaging magiging ang katotohanan.
Pag-usapan natin ang katunayan na pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Mula nang simulang pamunuan ng Diyos ang sangkatauhan, nag-iingat din Siya ng isang kasaysayan at isang tala. Paano tinitingnan ng Diyos ang kasaysayan ng tao? Ang gusto ng Diyos na makita ng mga tao ay ang katotohanan, at ang mga pagsusuri at kongklusyon na ginagawa ng mga tao tungkol sa mga bagay-bagay ay hindi ang katotohanan. Pero bakit hindi tinitingnan ng mga tao ang kasaysayan batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Dahil ang mga tao ay tutol sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at hindi talaga tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit nakakaimbento sila ng mga mapanlinlang, kalibak-libak, at kakatwang teorya. Halimbawa, ipinaglihi ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Isa itong positibong bagay. Gayumpaman, ano ang sinasabi ni Satanas tungkol dito? Hindi kinikilala ni Satanas ang katotohanan ng paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at nilalapastangan pa nga na ang Panginoong Jesus ay isang bastardo, na isinilang Siya ng tao. Ginagamit ni Satanas ang pinakamaruming salita ng sangkatauhan, isang pagpapahayag na kinukutya at hinahamak ng mga tao, at inilalapat ito sa kapanganakan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito pagbabaluktot ng mga katunayan? (Oo.) Ang paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay gawain ng Diyos. At anuman ang anyo nito, isang bagay ang tiyak tungkol sa gawain ng Diyos: Ito ang katotohanan, ang hindi nababagong katotohanan. Kaya, bakit hindi tinatanggap ni Satanas ang gayong malinaw na katunayan, isang katunayang dati nang paunang itinakda at nasaksihan ng Diyos? Bakit hindi ito pinapansin ni Satanas at inilarawan pa ang Panginoong Jesus bilang isang anak sa labas na isinilang ng tao? (Namumuhi ito sa katotohanan, namumuhi ito sa mga positibong bagay.) Sinasadya nitong siraan ang Diyos! Si Satanas ang higit na nakakaalam sa katunayang ito; ganap na malinaw nitong nakikita ito sa espirituwal na mundo. Kaya bakit nito ginagawa ito? Ano ang motibo nito, ano ang intensiyon nito? Bakit pinalalaganap nito ang gayong pahayag? Sinasadya nitong hamakin at siraan ang Diyos. Ano ang layunin nito sa paninira sa Diyos? Para mapaniwala ang mga tao na anak sa labas si Jesus, makita itong kahiya-hiya, at sa ganoon ay hindi sila maniwala sa Kanya. Iniisip ni Satanas, “Kung walang pananalig sa iyo ang mga tao, hindi mo magagawang tapusin ang iyong gawain, hindi ba?” Sa realidad, ang katotohanan ay palaging magiging katotohanan. Kahit tinanggihan ito ng buong sangkatauhan noong panahong iyon, makalipas ang dalawang libong taon, ang Panginoong Jesus sa huli ay may mga tagasunod at mga tao na pumupuri sa Kanya sa buong mundo, prominenteng ipinakikita ang krus sa lahat ng dako, at nabigo si Satanas. Nagtagumpay ba ang pahayag ni Satanas? (Hindi, hindi ito nagtagumpay.) Samakatwid, hindi ito ang katotohanan; hindi ito nagtagumpay at walang silbi ang paninira sa Kanya. Umaayon man ang bagay na ito na ginawa ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, o salungat man ito sa tradisyonal na kultura, mga kasabihan, o moral na etika ng sangkatauhan, walang pakialam ang Diyos. Bakit walang pakialam ang Diyos? Saan ito may kinalaman? Dahil pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, masisira ba ng mga mala-demonyong salitang ito ni Satanas ang gawain ng Diyos? Hindi mo ito malinaw na nakikita, hindi ba? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nasa kamay ng Diyos ang lahat? (Oo.) Masisira ba ng mala-demonyong pahayag ni Satanas, ang ilang salita lang na iyon, ang plano ng pamamahala ng Diyos? Posible ba iyon? (Hindi, hindi ito posible.) Gustong magtagumpay ni Satanas, pero magagawa ba nito iyon? Ang katotohanan ay palaging magiging ang katotohanan. Ito ang kapangyarihan ng katotohanan. Ang kapangyarihan ng katotohanan ay isang bagay na walang sinuman—kabilang si Satanas—ang makapagbabago. Kahit ngayon, patuloy na pinapalaganap ni Satanas ang pahayag na iyon. Gumagana ba ito? Hindi, hindi ito gumagana. Tapos na ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; naipalaganap na ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus sa mga dulo ng mundo at ang bagong gawain ng paghatol sa mga huling araw ay isinasagawa na sa loob ng maraming taon. Matagal nang nabigo at napahiya si Satanas. Kaya, may silbi pa ba ngayon para magalit at mainis si Satanas? Wala, walang silbi. Samakatwid, anuman ang pananaw, o gaano man kataas ang antas ng kaalaman, o ang bilang ng mga tao kung kanino ginamit o ipinalaganap ang pananaw, walang silbi ang lahat ng ito; hindi ito magtatagumpay. Hindi mapipigilan ang gawain ng Diyos; kahit si Satanas ay hindi ito mapipigilan. Talaga bang iniisip ng ilang hamak na tao na mapipigilan nila ang gawain ng Diyos? Delusyonal iyon! Marami sa inyo ay lumaki sa ganitong mga tsismis, tinatanggap ang mga mapanlihis na pananaw ni Satanas; puno ang inyong ulo ng mga bagay tulad ng lohika, mga pilosopiya, kaalaman, at siyensya ni Satanas. At anong nangyari pagkatapos? Nang dumating sa inyo ang mga salita ng Diyos, narinig pa rin ninyo ang tinig ng Diyos at bumalik sa harapan ng Diyos. Walang silbi ang mga tsismis at malademonyong salita ni Satanas. Hindi napigilan ng mga ito kahit kaunti ang pagsulong ng gawain ng Diyos. Nagsimulang tanggapin ng mga hinirang na tao ng Diyos sa lahat ng bansa ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Araw-araw, kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon at nagbabahaginan. Ginagawa nila ang mga tungkulin nila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya. Pinagbubulay-bulayan ito ni Satanas, sinasabi, “Bakit hindi gumagana ang marami kong mapanlihis na salita? Napakaraming bagay ang ginawa ko para sugpuin, arestuhin, at abusuhin ang hinirang na mga tao ng diyos, bakit wala man lang epekto ang mga ito? Bakit sa halip ay dumarami ang mga mananampalataya ng diyos?” Pagkatapos ay nalalaman nito sa puso nito na tunay na makapangyarihan ang Diyos, na pagkatapos nito ay lubusan itong napapahiya—kaya ang kasabihang: “Laging magagapi si Satanas sa mga kamay ng Diyos.” Isa ba itong katunayan? (Oo.) Tunay na ang mga salita ng Diyos ang makatutupad ng lahat! Nagseserbisyo si Satanas at ang lahat ng diyablong hari sa Diyos. Sa mga kamay ng Diyos sila ay mga bagay sa pagseserbisyo at mga hambingan. May kinalaman ba sa atin ang mga bagay sa pagseserbisyo at mga hambingang ito? (Wala.) Wala, walang kinalaman sa atin ang mga bagay na ito. Kailangan lang nating pagtuunan ang pananampalataya sa Diyos, wala tayong kinalaman sa kanila. Hari man sila o tulisan, sila ay kay Satanas at lilipulin sila. Kailangan lang nating sumunod sa Diyos nang buong puso, magpakailanmang ipagkakanulo si Satanas, at sumasama lang sa Diyos. Ito ang tamang gawin.
Nagbigay Ako ng isang halimbawa ng kaalaman at karanasan, kaya dapat mong maunawaan ang mga bagay na ito nang medyo mas tumpak ngayon. Ano ang layunin ng pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito? Sa isang banda, ito ay para bigyang-kakayahan kayong gamitin ang mga katunayan at halimbawang ito para makilatis ang mga anticristo, at makilala rin ang aspektong ito ng disposisyon ng mga anticristo sa inyong sarili. Sa isa pang banda, hindi ba’t mapipigilan ng ganitong uri ng talakayan ang ilang tao na kumilos nang walang ingat? (Oo.) Sa nakalipas, mahilig umasa ang mga partikular na tao sa karanasan at mga makalumang paraan sa pagganap ng kanilang tungkulin, at kumapit sila sa mga sarili nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kaya nagambala at nagulo nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at dahil dito ay pinakitunguhan sila. Pinahalagahan nila higit sa lahat ang mga luma nilang gawi at karanasan, hindi kailanman isinasaalang-alang ang pinakamahahalagang bagay: kung ano ang sinabi o hiningi ng Diyos sa mga tao, o kung paano sumunod sa katotohanang prinsipyo. Matigas din ang ulo nilang kumapit sa mga luma nilang gawi, at dagdag pa rito ay gumamit ng isang walang katuturang lohika bilang batayan para dito: “Palagi na natin itong ginagawa sa ganitong paraan,” “Palagi itong ginagawa nang ganito kung saan kami nagmula. Ganito ito ginawa ng aming mga ninuno.” Bakit palagi nilang binibigyang-diin ang mga bagay na ganito? Pinatunayan nito na hindi nila tinanggap ang mga bagong bagay; na hindi nila tinanggap ang katotohanan. Hindi nila makita ang pagiging mahina, atrasado, at katawa-tawa ng mga makalumang paraang ito. Hindi nila alam na may mga bagong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, mga paraan na mas makabago, mas tumpak, at mas angkop. Palagi silang nananatili sa mga makaluma nilang paraan, sumasandig sa luma nilang karanasan, iniisip na medyo makabago sila; na nagsasagawa sila ng katotohanan. Hindi ba’t mga kakatwang uri ito? “Ganito palagi ito ginagawa kung saan kami nagmula,” “Sa paraang ginawa ko noon,” “Ganito namin ito palaging ginagawa”—mapapalitan ba ng mga lumang paraan, ng mga sinaunang bagay na ito ang mga katotohanang prinsipyo? Ang paggawa ba ng mga bagay-bagay sa makalumang paraan ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagsasagawa ng katotohanan? Walang nauunawaan ang mga taong iyon, ni wala silang nauunawaan sa anumang bagay. Hindi ba’t sila ay matatandang makalumang tao na kumakapit sa mga dating gawi at matitigas ang ulo? Napakahirap para sa mga taong tulad nito na tanggapin ang katotohanan! Sabihin mo sa Akin, bago o luma man ang isang bagay, paano mo ito haharapin? Paano mo ito pakikitunguhan? Ano ang iyong batayan sa pakikitungo rito? Kung ang bawat isa ay may limitadong kaalaman lang tungkol sa isang bagay, paano mo ito haharapin sa paraang tama at naaayon sa mga prinsipyo? Dapat mo munang tanungin ang isang taong may kaugnay na kadalubhasaan sa larangang ito. Hangga’t nakakahanap ka ng isang maalam na tao, magkakaroon ka ng isang landas. Kung hindi ka makahanap ng isang maalam na tao, ganap mong malulutas ang isyu sa pagpunta online para humingi ng payo o maghanap ng impormasyon. At habang naghahanap ka, kailangan mo pa ring magdasal sa Diyos at sumangguni sa Kanya; hayaan ang Diyos na magbukas ng isang daan pasulong. Ano ang tawag natin dito? Tinatawag natin itong mga prinsipyo ng pagsasagawa. Iniisip ng ilan sa inyo, “Ako ay isang propesyonal sa larangang ito na may mayamang karanasan. Nakatanggap pa nga ako ng mga parangal para sa paggawa nito, kaya mayroon ako ng puhunang ito. Dahil ipinagkatiwala sa akin ang gawaing ito, ako ang tagapamahala. Mayroon akong awtoridad na gumawa ng mga desisyon at ako ang bahala sa lahat. Ang lahat ay dapat sumunod sa mga utos ko at sundin ako. Hindi mahalaga ang sinasabi ng iba pa at dapat manahimik ang sinumang hindi sumasang-ayon sa akin!” Tama ba ang ganitong pag-iisip? Tiyak na hindi ito tama. May problema ang iyong saloobin at ang disposisyon na iyong ibinubunyag. Sa iyong puso, iniisip mo na ang pagtanggap sa atas na ito ay nagbibigay sa iyo ng karapatan na gumamit ng kapangyarihan. Gusto mong ikaw ang magdedesisyon at walang sinuman ang pinapayagang magsalita. Para bang hindi mo kailangan ng kapareha sa gawain, o para sa lahat na magpahayag ng kanilang mga opinyon; ang lahat ay nangyayari ayon sa sinasabi mo, ikaw ang bahala sa lahat. Anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t ito ay masyadong mapagmataas at walang katwiran? Ito ang disposisyon ng isang anticristo. Maaaring bahagyang mas mahusay ang kakayahan mo kaysa sa iba, maaaring mayroon kang kaunting pagkaunawa, at kaunting karanasan sa usaping ito. Gayumpaman, may isang bagay na kailangang maging malinaw sa iyo: Wala sa mga bagay na ito na taglay mo ang katotohanan. Kung naniniwala ka na ikaw ay medyo may mas mahusay na kakayahan, na may kaunting pagkaunawa, kaunting talento, at nagtataglay ng kaunting kaalaman, at itinuturing mo ang mga bagay na ito bilang katotohanan, at naniniwala na ang iyong sarili ay ang katotohanan, at iniisip na dapat sumunod ang lahat sa iyong mga utos at sundin ang iyong mga pagsasaayos, hindi ba’t disposisyon ito ng isang anticristo? Kung tunay mong ginagawa ang mga bagay sa ganitong paraan, ikaw ay walang iba kundi isang anticristo. Ano ang mali sa pagtrato mo sa iyong mga kaloob bilang ang katotohanan? Hindi mali ang mga taglay mong kakayahan, pagkaunawa, mga talento, at kaalaman. Kaya ano ang hinihimay natin dito? Ang hinihimay natin dito ay ang iyong disposisyon—isang tiwaling disposisyon na dinadala mo sa likod ng mga bagay na ito; isang mapagmataas na disposisyon, isang nagmamagaling na disposisyon. Kapag tinatrato mo ang iyong mga kaloob bilang katotohanan, naniniwala kang nasa iyo ang katotohanan dahil taglay mo ang mga kaloob na ito. Pinapalitan mo ang katotohanan ng gayong mga kaloob, kaya anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Tinatrato ng lahat ng mga anticristo ang mga sarili nilang kaisipan, sarili nilang pagkatuto, mga kaloob, at mga talento bilang ang katotohanan. Iniisip nila na sa pagtataglay ng mga kaloob na ito, tinataglay nila ang katotohanan. Kaya naman hinihingi nila sa iba na sundin sila, sumunod sa kanilang mga utos, at sundin ang kanilang kapangyarihan. Dito nagkakamali ang mga anticristo. Tinataglay mo ba talaga ang katotohanan? Wala kang tunay na pang-unawa sa Diyos, ni wala kang isang may-takot-sa-Diyos na puso, lalong hindi ka isang tao na nagpapasakop sa Diyos, at hindi ka nagtataglay ng katotohanan kahit kaunti, pero mapagmataas, palalo, at mapagmagaling ka, iniisip na nagtataglay ka ng katotohanan, at na dapat kang sundin ng iba at sumunod sa iyong mga utos. Ikaw ay isang tunay na anticristo.