Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikatlong Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Isang Paghihimay Kung Paano Hinihimok ng mga Anticristo ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos
IV. Isang Paghihimay sa Pagpapanggap ng mga Anticristo Bilang Pagsasakatawan ng Katotohanan Kapag Nagtamo Na Sila ng Kaunting Karanasan at Kaalaman
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikawalong aytem ng mga pagpapamalas ng mga anticristo—hinimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Sa kabuuan ay nahahati ang ikawalong aytem sa apat na sekundaryong paksa. Natapos na nating pagbahaginan ang unang tatlong sekundaryong paksa, kaya ano ang pang-apat? (Ang mga anticristo ay nagpapanggap bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo na sila ng kaunting karanasan at kaalaman, at natuto ng ilang aral.) Ito ang ikaapat na sekundaryong paksa ng ikawalong aytem. Siyempre, kinapapalooban din ito ng isang aspekto ng mga pagpapamalas ng paksa ng ikawalong aytem—magkakaugnay ang mga ito. Ano ang paksang ito? Na pinasusunod nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Hatiin natin ang sekundaryong paksa na ito at pag-usapan ito nang paunti-unti. Ano, ayon sa pagkakabanggit, ang karanasan, kaalaman, at mga aral? Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng mga ito? Anong uri ng mga tao ang gustong sangkapan ang sarili nila ng mga ito? Anong uri ng mga tao ang nagbibigay-diin sa pagsasangkap ng mga bagay na ito sa sarili nila sa halip na ng katotohanan? Anong uri ng mga tao ang nagtuturing sa mga bagay na ito bilang katotohanan? Una, isang bagay ang tiyak: Anuman ang kakayahan ng mga taong ito, at anuman ang kanilang pang-unawa, mayroon silang malaking pagmamahal sa kaalaman, at nahihigitan ng pagmamahal nila sa kaalaman ang pagmamahal nila sa katotohanang realidad. Ang hinahangad nilang layon at direksiyon sa pananampalataya nila sa Diyos ay para magkamit ng tinatawag na karanasan at kaalaman. Gusto nilang gamitin ang kaalaman at karanasang ito para ihanda at ayusin ang sarili nila para maging mas mahusay ang panlasa nila, mas mabuti ang estilo, may mas mataas na kalinangan, at magawang mas pahalagahan sila at sambahin. Dahil sa kaalaman at karanasang ito, iniisip nilang mas mahalaga, mas kasiya-siya, at mas puno ng pagtitiwala sa sarili ang buhay nila. Sa pananaw nila, nananampalataya sila sa Diyos para sangkapan ang sarili nila ng kaalamang ito, at ng mga kasabihan na nauugnay sa teolohiya at sa iba’t ibang aspekto ng sentido komun, kaalaman, at mga aral. Naniniwala sila na sa pagsasangkap sa sarili nila ng mga bagay na ito, makaka-okupa sila ng isang lugar sa sambahayan ng Diyos at sa grupong ito ng mga tao. Samakatwid, ang iniisip, sinasamba, at sinusunod nila sa puso nila araw-araw ay may kaugnayan lahat sa kaalaman, karanasan, at iba pa.
Tingnan muna natin kung anong mga uri ng kaalaman, karanasan, at mga aral ang mayroon, gayundin kung alin sa mga uring ito ang matatawag na pagpapanggap na pagsasakatawan ng katotohanan. Una, masasabi nang may katiyakan na ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa katotohanan, hindi naaayon sa katotohanan, at sumasalungat sa katotohanan. Puwedeng maging tama ang mga bagay na ito alinsunod sa mga kuru-kuro ng mga tao, mga bagay na, alinsunod sa kanilang mga kuru-kuro, ay positibo at maganda at mabuti. Pero sa katunayan, sa paningin ng Diyos, ang mga bagay na ito ay hindi nauugnay sa katotohanan, at ang mga bagay na ito ay pangunahing pinagmumulan pa nga ng pagkondena ng mga tao sa katotohanan, ang ugat at pinagmumulan ng paglaban ng mga tao sa Diyos at ng kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Karanasan, kaalaman, at mga aral—may pagkakaiba ba sa edad at kasarian ng mga taong nagkakamit ng mga bagay na ito? (Wala, walang pagkakaiba.) Malamang na wala. May mga kaloob ang ilang tao. Ano ang mga kaloob? Halimbawa, pagkatapos makinig ng ilang tao sa isang teorya o kasabihan at maunawaan ang mga pinakapunto o pangunahing konsepto ng gayong teorya, masyadong mabilis ang nagiging reaksiyon ng isipan nila. Agad nilang nalalaman kung paano ipaliwanag ang gayong teorya o kasabihan at kung paano ito baguhin sa sarili nilang wika na ginagamit nila sa pakikipag-usap sa ibang tao. Pagkatapos makinig sa mga bagay na ito, mabilis nilang naaalala ang mga ito; nagkukulang sila sa pagiging lubos na mapanuri, mayroon lamang silang mahusay na memorya, na isang uri ng espesyal na kaloob. Mayroon bang sinumang nagtataglay ng kaloob na tulad nito? (Oo.) May mga taong tulad nito na, pagkatapos mong magsabi ng isang bagay, kaya agad nilang magamit ang bagay na iyon para maghinuha tungkol sa ibang bagay. Kaya nila, kapag pinakitaan ng impormasyon tungkol sa isang aspekto ng isang paksa, na ilapat ito sa ibang mga bagay. Napakahusay nila sa paggamit ng paksang tinatalakay para isulong ang mga sarili nilang ideya. Napakahusay nila pagdating sa mga lohikal at linguistikong bagay tulad ng mga panlabas na bagay at teorya. Ibig sabihin, mahusay sila sa paglalaro ng mga laro ng salita at paggamit ng mga teorya para maakit at makumbinsi ang iba. May ilang tao na may ganitong uri ng kaloob. Napakahusay nilang magsalita, na may napakaliksing pag-iisip at mga reaksiyon. Sa pagkarinig ng isang aspekto ng katotohanan, gamit ang kanilang kaunting katusuhan at mga kaloob, nauunawaan nila ang aspektong ito ng katotohanan bilang isang uri ng kaalaman at pagkatuto, at pagkatapos ay ginagamit ang ganitong uri ng pagkatuto para magbahaginan sa iba at gawin ang tinatawag na gawain ng pagdidilig at pagpapastol. Ano ang epekto nito sa mga tao? Mayroon bang anumang mabuting resulta? (Wala, walang mabuting resulta.) Bakit ganito? (Hindi ito praktikal, at walang landas ang mga tao para magsagawa kapag naririnig nila ito.) Matapos pakinggan ang sinabi ng mga taong ito, iniisip ng iba na tama ang lahat ng sinabi nila, na walang maling salita at walang salitang sumasalungat sa mga prinsipyo—lahat ito ay tama. Pero, kapag isinasagawa ang mga ito, pakiramdam nila ay hungkag ang mga salitang ito, na walang layon o direksiyon kapag nagsasagawa, at na ang mga salitang ito ay hindi maaaring gamitin bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kaya, ano ang mga salitang ito? (Mga doktrina.) Ang mga ito ay isang uri ng doktrina, isang uri ng kaalaman. Ang gayong mga pagpapamalas ng mga anticristo ay napakaliwanag at kitang-kita. Itinuturing nila ang katotohanan bilang kaalaman, bilang isang bagay na akademiko, bilang teorya. Habang hindi lubos na nauunawaan ang mga bagay, palagi nilang hinihingi na gawin ito o iyon ng iba. Kapag hindi nauunawaan ng iba at hinihingi sa kanila na magpaliwanag nang detalyado, hindi makapagpaliwanag nang malinaw ang mga anticristo at sa halip ay tumutugon sa isang pagpapabulaan: “Hindi mo minamahal ang katotohanan. Kung mahal mo ang katotohanan, mauunawaan mo ang sinasabi ko at magkakaroon ka ng landas para magsagawa.” Pagkarinig nito, iniisip ng ilang naguguluhan at nagkukulang sa pagkilatis na, “Tama iyan. Kung talagang mahal ko ang katotohanan, mauunawaan ko ang kanilang mga salita.” Iniisip ng mga taong walang pagkilatis na tama ang sinasabi ng taong ito—na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Inilalagay nila ang responsabilidad sa sarili nila at sa ganoon ay naililihis ng mga anticristo na mawala sa tamang landas.
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa karanasan. Ang karanasan ay isang pamamaraan na nabuod sa loob ng mahabang panahon ng pagdaan sa mga bagay-bagay. May karanasan ba ang mga taong gumawa nang dalawang araw? (Wala silang karanasan.) Kung ganoon ay tiyak na may karanasan ang mga gumawa nang 10 o 20 taon. Pakiramdam ng ilang tao na may karanasan sila mula sa paggawa sa loob ng maraming taon, na pagdating sa kung ano ang dapat nilang gawin kapag may mga bagay na dumating sa kanila, kung paano haharapin ang ilang uri ng tao, at kung anong mga uri ng doktrina ang dapat nilang sabihin sa kung aling mga uri ng tao, alam nila itong lahat. Bilang resulta, kapag isang araw ay may nangyaring bagong bagay na hindi nila alam, binubuklat nila ang mga tala ng kanilang nakalipas na 20 taon ng paggawa, pinag-iisipan ang mga ito, at pagkatapos ay walang patumanggang inilalapat ang mga nakaraang kasabihan at pagsasagawang ito. Kapag kumikilos sila nang ganito, iniisip pa rin niyong mga hindi nakauunawa sa katotohanan na ang ginagawa nila ay naaayon sa katotohanan, habang ang mga nakauunawa sa katotohanan ay tumitingin at nagsasabi, “Ang taong ito ay pikit-matang kumikilos. Wala siyang mga prinsipyo sa kanyang gawain; lubos siyang umaasa sa karanasan at hindi nauunawaan ang layunin ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan kung paano kumilos sa paraang pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa kung paano tratuhin ang mga tao. Pikit-mata niyang inilalapat ang mga regulasyon.” May problema rito. Kung ang karaniwang tao ay gumawa lamang sa maikling panahon, maaaring wala siyang puhunan para sabihing, “Mayroon akong karanasan; hindi ako natatakot. Gumawa ako sa napakaraming taon. Anong uri ng tao ang hindi ko nakita, at ano ang mga bagay na hindi ko naharap?” Pero nangangahas ang mga taong ito na sabihin ito. Kahit pa naharap mo na ang maraming bagay at higit sa ilang iba’t ibang uri ng tao, magagarantiyahan mo bang kumikilos ka alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa pagharap sa bawat usapin at kapag hinaharap ang bawat tao? Sa aktuwalidad, hindi ito isang bagay na mangangahas kang garantiyahan. Pero para sa mga nagtuturing sa karanasan at nakagawian bilang katotohanan, kung may tumututol sa kanila, sasabihin nila: “Napakaraming taon na akong gumagawa. Mas marami na akong natawid na tulay kaysa sa mga natahak mong landas, pero nangangahas ka pa ring sumalungat sa akin? Bakit hindi ka na lang umuwi at magdasal!” Sa harap nila, walang nangangahas na magsabi ng salitang “hindi,” magbigay ng iba’t ibang opinyon, o magpahayag ng salita ng hindi pagsang-ayon. Anong pag-uugali ito? Ito ay pagturing sa karanasan bilang ang katotohanan at paniniwala sa sarili bilang pagsasakatawan ng katotohanan. Sinasabi ng ilan na: “Hindi ko itinuturing ang aking sarili bilang pagsasakatawan ng katotohanan—sino ang mangangahas na magtaglay ng gayong titulo? Ang diyos lamang ang katotohanan. Hindi ako kailanman kumilos nang ganyan, ni hindi ako kailanman nag-isip nang gayon.” Sa subhetibong pananaw, hindi ka nag-iisip sa ganoong paraan, ni hindi mo binabalak na kumilos nang ganoon. Pero sa obhetibong pananaw, ang iyong mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang iyong pag-uugali, at ang diwa ng iyong mga pagkilos sa huli ay nagpapakilala sa iyo bilang isa na nagtuturing sa sarili niya bilang pagsasakatawan ng katotohanan. Bakit pinasusunod mo nang eksakto sa iyong mga mungkahi ang mga tao? Kung hindi mo itinuturing ang iyong sarili bilang Diyos at isa ka lamang ordinaryong tao, kalipikado ka bang pasunurin ang iba sa iyo? (Hindi, hindi ako kalipikado.) May isang pangyayari kung saan puwede kang sundin ng mga tao, na ito ay kung nauunawaan mo ang katotohanan—kung isang tao kang nakauunawa sa katotohanan. Pero muli, kahit isang tao ka pang nakauunawa sa katotohanan, isa ka pa ring ordinaryong tao lang, at puwede bang maging pagsasakatawan ng katotohanan ang isang ordinaryong tao? (Hindi, hindi puwede.) Kung kayang maunawaan ng isang tao ang lahat ng mga salita na sinabi ng Diyos at lahat ng katotohanan na hinihingi ng Diyos na maunawaan ng tao, puwede bang maging pagsasakatawan ng katotohanan ang taong iyon? (Hindi, hindi puwede.) Sinasabi ng ilan: “Puwedeng dahil iyon sa hindi sila naperpekto. Si Pedro ay isang naperpektong tao. Matatawag bang pagsasakatawan ng katotohanan si Pedro?” Ang pagkakaperpekto ay hindi nangangahulugang nagiging pagsasakatawan ng katotohanan ang isang tao, at alam mo ba kung bakit? (May pagkakaiba sa diwa.) May pagkakaiba sa diwa; ito ay isang aspekto nito. Kung puwede mang maging pagsasakatawan ng katotohanan ang tao—ito ay isang bagay na dapat nating talakayin. Bakit sinasabi na hindi puwedeng maging pagsasakatawan ng katotohanan ang tao? Ang pagsasakatawan ng katotohanan ba ay simpleng usapin lang ng diwa? Sinasabi ng ilang tao na: “Ang tao ay isinilang bilang isang nilikha, at ang Isa sa langit ay likas na ang Lumikha. Hindi natin kailangang pagtalunan ang bagay na ito—ang Diyos ay palaging magiging pagsasakatawan ng katotohanan. Kung ganoon ito ba ay dahil sa nauunawaan ni Cristo ang katotohanan at tinataglay ang katotohanan na Siya ang pagsasakatawan ng katotohanan? Kung nakamit na natin ang lahat ng katotohanan mula sa Diyos, matatawag din ba tayong pagsasakatawan ng katotohanan?” Sinasabi ng iba: “Hindi puwede. Akala ko noon na kapag mas naunawaan ng mga tao ang mga katotohanan ay puwede silang maging cristo at maging diyos. Alam ko na ngayon na hindi mapapalitan at hindi mababago ang diwang ito.” Umabot na sa puntong ito ang kanilang pagkaunawa. Kaya, may kakayahan ka bang higit pang maunawaan ang bagay na ito? Dapat mong maunawaan ang bagay na ito sa sandaling matapos Akong makipagbahaginan sa inyo. Kapag pinag-uusapan natin ang pagsasakatawan ng katotohanan, ano nga ba itong “pagsasakatawan”? Medyo abstrakto ang terminong ito, kaya ilagay natin ito sa pinakasimpleng termino. Ang Diyos Mismo ang katotohanan, at tinataglay Niya ang lahat ng mga katotohanan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan. Bawat positibong bagay at bawat katotohanan ay nagmumula sa Diyos. Maaari Siyang humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay at lahat ng kaganapan; maaari Siyang humatol sa mga bagay na nangyari, mga bagay na nangyayari ngayon, at mga bagay sa hinaharap na hindi pa alam ng tao. Ang Diyos ang tanging Hukom na maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay, at ang ibig sabihin niyan ay Diyos lamang ang maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay. Alam Niya ang pamantayan para sa lahat ng bagay. Kaya Niyang ipahayag ang mga katotohanan sa anumang oras at lugar. Ang Diyos ang pagsasakatawan ng katotohanan, na nangangahulugang Siya Mismo ay nagtataglay ng diwa ng katotohanan. Kahit pa nauunawaan ng tao ang maraming katotohanan at ginagawa siyang perpekto ng Diyos, magkakaroon ba siya kung gayon ng kinalaman sa pagsasakatawan ng katotohanan? Hindi. Tiyak ito. Kapag ginagawang perpekto ang tao, kaugnay ng kasalukuyang gawain ng Diyos at ng iba’t ibang pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, magkakaroon siya ng tumpak na paghuhusga at mga pamamaraan ng pagsasagawa, at ganap niyang mauunawaan ang layunin ng Diyos. Matutukoy niya ang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang galing sa Diyos at kung ano ang galing sa tao, at ng kung ano ang tama at ano ang mali. Subalit may ilang bagay na nananatiling hindi maabot at hindi malinaw sa tao, mga bagay na malalaman lamang niya matapos sabihin ng Diyos sa kanya. Maaari bang malaman o mahulaan ng tao ang mga bagay na hindi pa nalalaman, mga bagay na hindi pa nasasabi ng Diyos sa kanya? Talagang hindi. Bukod pa riyan, kahit natamo ng tao ang katotohanan mula sa Diyos, at nagtaglay ng katotohanang realidad, at nalaman ang diwa ng maraming katotohanan, at nagkaroon ng kakayahang matukoy ang tama sa mali, magkakaroon ba siya ng kakayahang kontrolin at pamahalaan ang lahat ng bagay? Hindi siya magkakaroon ng ganitong kakayahan. Iyan ang kaibahan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Matatamo lamang ng mga nilikha ang katotohanan mula sa pinagmumulan ng katotohanan. Matatamo ba nila ang katotohanan mula sa tao? Ang tao ba ang katotohanan? Makapagbibigay ba ang tao ng katotohanan? Hindi niya kaya, at naroon ang kaibahan. Maaari ka lamang tumanggap ng katotohanan, hindi magbigay nito. Matatawag ka bang isang taong nagtataglay ng katotohanan? Matatawag ka bang pagsasakatawan ng katotohanan? Talagang hindi! Ano ba talaga ang diwa ng pagsasakatawan ng katotohanan? Ito ang pinagmumulan na nagtutustos ng katotohanan, ang pinagmumulan ng pamamahala at pamumuno sa lahat ng bagay, at ito rin ang tanging kriteryo at pamantayan kung saan hinahatulan ang lahat ng bagay at pangyayari. Ito ang pagsasakatawan ng katotohanan. Madalas tinatanggihang tanggapin ng mga anticristo ang puntong ito. Naniniwala sila na ang kaalaman ay lakas, na ang karanasan ay isang sandata na naisasangkap ng mga tao sa kanilang sarili para maging makapangyarihan, at na kapag may karanasan, kaalaman, at mga aral ang mga tao, makokontrol nila ang lahat. Makokontrol nila ang mga kapalaran ng mga tao, makokontrol at maiimpluwensiyahan ang mga kaisipan ng mga tao, at maiimpluwensiyahan maging ang pag-uugali ng mga tao. O, iisipin ng ilang tao na ang mga bagay na ito ay makapagtuturo sa mga tao, makapagpapabago ng isipan ng mga tao, at makapagpapabago sa mga disposisyon ng mga tao. Anong uri ng mga kaisipan ang mga ito? (Ang mga kaisipan ng mga anticristo.) Ito ang mga kaisipan ng mga anticristo. Bakit maaaring panghawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Ang Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, at ang Kanyang mga salita ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ano ang diwa ng Diyos? Ang diwa Niya ay ang katotohanan, at iyon ang dahilan kung bakit nagagawa Niya na panghawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan. Hindi nakikita o nakikilala ng mga anticristo ang puntong ito, lalo pa ang tanggapin ito. Itinuturing nilang katotohanan ang mga bagay na nagmumula sa mga tao, mula sa kaalaman, at mula sa lipunan at na pinahahalagahan ng masamang sangkatauhan, at sinusubukan nilang gamitin ang mga bagay na ito para ilihis ang mga tao, kontrolin ang mga tao, at magkamit ng lugar sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang layunin ng panlilihis nila sa mga tao? Ano ang layunin nila sa pag-aaral at pagsasangkap ng mga bagay na ito sa sarili nila? Ito ay para pasunurin ang mga tao sa kanila at gawing makinig sa mga salita nila. Ano ang layunin nila sa pag-uudyok sa mga tao na makinig sa mga salita nila? (Para kontrolin sila.) Tama iyan, ang layunin nila ay kontrolin sila. Ibig sabihin nito na kapag binibigkas nila ang ilang salita, ang mga tao ay susunod at mamamanipula nila, magiging mga kasangkapan nila at mga alipin nila. Dahil tinatanggap ng mga tao ang mga pananaw nila at tinatanggap ang tinatawag nilang karanasan, kaalaman, at mga aral, sinasamba sila ng mga taong ito. Ang pagsamba ba sa kanila ay hindi nangangahulugan ng pakikinig sa kanila? (Oo, ganoon nga.) Ang pakikinig ba sa kanila ay hindi nangangahulugan na madaling manipulahin ang mga taong ito? Hindi ba’t nagtagumpay ang mga anticristo? (Oo, nagtagumpay sila.) Sa oras na may isang taong nakikinig sa kanila, hindi ba’t nangangahulugan ito na nakuha na siya mula sa Diyos? (Oo, ganoon nga.) Nagpapasaya ito sa mga anticristo; ito ang kanilang layunin. Sa totoo lang, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi naman talaga sila naniniwala nang walang pag-aalinlangan na sila ang pagsasakatawan ng katotohanan at na sila ang katotohanan, pero ganoon sila mag-isip at ganoon sila kumilos. Bakit ganito sila mag-isip at kumilos? Naniniwala sila na ang kanilang kaalaman, karanasan, at lahat ng nagmula sa kanilang mga kaloob ay tama, at gusto nilang gamitin ang mga bagay na ito para kontrolin ang mga tao at mahigpit na hawakan ang mga tao sa kanilang mga kamay. Ang ilan sa kanilang kaalaman, karanasan, at mga aral ay halatang mga malademonyong salita na naglalayong linlangin ang mga tao. Ang ilan, kahit na hindi halata, ay may mga pakana, tusong balak, at pagsasabwatan na nakatago sa loob, at ang mga hindi nakapapansin sa mga ito ay maliligaw. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkaligaw? Lumalayo ang mga tao sa Diyos at hindi na nauunawaan ang katotohanan, itinuturing ang kaalaman, karanasan, at mga aral ng tao bilang katotohanan at isinasantabi ang mga salita ng Diyos. Nagiging masyadong malabo ang mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos, pero labis silang nagmamalasakit at nagpapahalaga sa kaalaman at karanasang ito, nagsisikap pa nga sa pagsasagawa at pagpapatupad ng mga ito. Ito ang layunin sa mga pagkilos ng mga anticristo. Kung wala silang gayong ambisyon na manipulahin ang mga tao, kontrolin ang mga tao, at gawin silang masunurin, sasangkapan ba nila ang kanilang sarili ng mga bagay na ito? Hindi sila magsisikap nang kahit kaunti para rito. Mayroon silang layon; napakalinaw ng kanilang pagpapahalaga sa layunin. Ano ang malinaw na layunin na ito? (Para kontrolin ang mga tao.) Ito ay para kontrolin ang mga tao. Kinokontrol man nila ang isang buong grupo ng mga tao o isang bahagi lamang nila, magagawa ba nilang makontrol ang sinuman nang walang batayang teoretikal? Dapat muna silang makahanap ng isang hanay ng mga kaisipan at teorya na pinaka-naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at pinaka-angkop sa panlasa ng mga tao, at gamitin ang lahat ng posibleng paraan para maipalaganap ang mga ito sa mga tao. Nangangahulugan ito ng pagbe-brainwash sa mga tao, paggawa ng sikolohikal na gawain sa kanila, patuloy na pag-iindoktrina sa kanila, at patuloy na pag-uudyok sa mga tao na pakinggan, gawing pamilyar ang mga sarili nila rito, at tanggapin ang mga kaisipan at pananaw na ito. Sa katunayan, ang mga tao ay pasibong naiindoktrinahan at pasibong nabe-brainwash, at tinatanggap nila nang hindi namamalayan ang mga pananaw na ito. Dahil walang panloob na abilidad ang mga tao na makilala ang tama sa mali, bago maunawaan ang katotohanan, wala silang kakayahang labanan ang mga bagay na ito—wala silang pangontra para dito. Kapag tinanggap ng mga tao ang mga nakalilinlang na pananaw na ito, mabilis silang nabibihag ng mga ito. Ano ang ibig sabihin ng “nabihag”? Ibig sabihin nito na pagkatapos tanggapin ang mga pananaw na ito, nagiging mas determinado ang mga tao sa paniniwalang ang mga bagay na ito ay tama at patuloy na ginagamit ang mga pananaw na ito para kumbinsihin ang kanilang sarili at ang iba. Sila ay nailigaw at nakontrol, at ganito nakakamit ni Satanas ang layon nito kapag nililihis ang mga tao.
Ang ilang tao na natuto ng ilang espesyal na propesyonal na kasanayan sa mundo, o ang mga may partikular na katayuan sa lipunan, ay may parehong kaisipan pagkatapos pumunta sa sambahayan ng Diyos, na nagbubunga ng isang parehong pagpapamalas sa kanila. Ano ang kaisipang ito? Isinasaalang-alang nila ang sarili nila bilang ang mga elite sa lipunan. Ano ang mga elite? Sila ay mga taong nangingibabaw sa mga grupo. Nakatanggap sila ng kaunting espesyal na mas mataas na edukasyon, at ang kanilang mga talento, kakayahan, at mga kaloob ay nasa mas mataas na antas kaysa sa iba. Ano ang ibig sabihin ng nasa mas mataas na antas kaysa sa iba? Ibig sabihin nito na sa isang grupo ng mga tao, mayroon silang namumukod-tanging pag-iisip, katalinuhan, at mahusay na pananalita, at mayroon silang espesyal na abilidad na maunawaan ang ilang bagay at kasanayan. Ito ay tinatawag na nasa mas mataas na antas kaysa sa iba, at ang mga taong ito ay kilala bilang mga elite sa lipunan. Ang bawat bansa ay naglilinang ng ganitong uri ng tao. Ano ang layunin ng kanilang paglilinang? Para mas mabilis na mapaunlad ang bansa. Kapag iniuukol ng mga ganitong tao ang kanilang sarili sa iba’t ibang posisyon, bumibilis ang pag-unlad sa lahat ng uri ng pamumuhay. Mataas ba o mababa ang katayuan ng mga ganitong tao sa lipunan? (Mataas.) Tiyak na wala silang ordinaryong katayuan. Mayroon silang ilang espesyal na talento, natutunan ang ilang espesyal na kaalaman, at nakatanggap ng ilang espesyal na edukasyon. Ang kanilang kakayahan, talento, at natutunang kaalaman ay mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao. Kung ang mga taong ito ay pumupunta sa iglesia, ano ang kanilang mentalidad? Ano ang una nilang kaisipan? Una, iniisip nila na: “Mas malakas pa rin ang isang nanghihinang oso kaysa sa isang usa. Kahit na pagkatapos manampalataya sa diyos, hindi ko hinahangad ang mundo o tinatangkilik ang kabantugan doon, dahil sa espesyal na edukasyon na aking natanggap, pati na rin ang kaalaman na aking natutunan at ang mga talento na mayroon ako, dapat akong maging lider sa inyo. Sa sambahayan ng diyos, dapat akong maging sandigan at haligi. Ako dapat ang namumuno at gumagabay.” Hindi ba’t ganito sila mag-isip? Ano ang batayan ng pag-iisip na ito? Kung sila ay isang hamak na magsasaka, mangangahas ba silang mag-isip nang ganito? (Hindi sila mangangahas.) Bakit hindi? (Wala silang puhunan.) Wala silang puhunan para mag-isip nang ganito. Kaya, anong uri ng mga tao ang makapag-iisip nang ganito? Lahat sila ay mga taong may partikular na kaalaman, talento, kaloob, at tinatawag na kakayahan. Pagdating nila sa sambahayan ng Diyos, iniisip nilang: “Hindi ko na hinahangad ang mundo. Masyadong masama ang mundo, kaya pupunta ako sa sambahayan ng diyos at sa halip ay doon ako maghahangad. Sa sambahayan ng diyos, kahit papaano ay makakamit ko ang posisyon ng isang lider o isang manggagawa.” Nagkikimkim ba sila ng mga mabuting layunin? (Hindi.) Bakit hindi sila nagkikimkim ng mga mabuting layunin? Ang mga bagay na natutunan na nila at ang katayuan nila sa lipunan ay lubhang nakakapinsala sa kanila. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan, hindi sila kailanman bababa mula sa ganoong posisyon sa kanilang buhay. Palagi nilang mararamdaman na sila ay nasa itaas sa mga ulap, pero sa katunayan, sa pananaw ng Diyos, hindi sila naiiba sa anumang ordinaryong nilalang. Palagi nilang ilalagay ang sarili nila sa itaas sa mga ulap. Hindi ba’t mapanganib ito? Kung bumagsak sila, babagsak sila nang matindi, at maaaring manganib ang kanilang buhay! Bakit pakiramdam ng gayong mga tao na dapat silang magkaroon ng mataas na katayuan, dapat sambahin, dapat may maraming tao na umaaligid sa kanila, dapat konsultahin sa lahat ng bagay at pakinggan ang kanilang mga opinyon, at dapat isipin at unahin sa lahat ng bagay? Bakit iniisip nila ang napakaraming “dapat”? Dahil masyado nilang pinahahalagahan ang kanilang katayuan sa lipunan, kaalaman, at ang mga espesyal na bagay na kanilang natutunan. Iniisip nilang, “Gaano man karami o gaano kataas ang katotohanang sinasabi, mahalaga pa rin ang mga bagay kong ito; mas mahalaga ang mga ito kaysa sa katotohanan at hindi mapapalitan ng katotohanan. Sa lipunan, ako ang amo ng isang kumpanya. Pinangangasiwaan ko ang libu-libong tao. Sa kumpas ng aking mga kamay, ang lahat ay dapat makinig sa akin. May gayon akong malaking kapangyarihan—kaya isipin mo na lang kung anong posisyon at katayuan ang pinanghahawakan ko! Sa maliliit na taong ito sa sambahayan ng Diyos, ilan ang mas mataas kaysa sa akin? Kapag tumitingin ako sa paligid, wala akong nakikitang mga espesyal na tao. Kung pangangasiwaan ko sila, hindi ito magiging problema; hindi ito magiging malaking bagay!” Ipagpalagay na sasabihin mo sa kanilang: “Sige. Mabuti na mayroon ka ng ambisyong ito. Tutuparin ko ang iyong pagnanais, irerekomenda kita bilang lider ng iglesia. Dalhin mo ang mga taong ito sa harap ng Diyos para malaman nila kung paano basahin ang mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan, at itaguyod mo ang mahihina, ang negatibo, at iyong mga hindi gumaganap ng kanilang tungkulin.” Sasabihin nilang: “Madali lang iyan. Noong nasa negosyo ako, ginawa ko ang lahat ng gawaing sikolohikal na iyon. Magaling ako sa bagay na ito.” Ano ang mangyayari pagkatapos mailagay ang mahigit tatlumpung tao sa isang iglesia sa kanilang mga kamay? Wala pang dalawang buwan, ang mahihina ay nagiging mas mahina, ang mga negatibo ay nagiging mas negatibo, at ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi makakuha ng mga tao. Ang mga hindi marunong magbasa ng salita ng Diyos ay inaantok sa sandaling oras na para sa isang pagtitipon at hindi na gusto pang makinig sa mga sermon mula sa Itaas. Kapag tinanong na: “Hindi ba’t medyo may kakayahan kayo?” Sinasabi nilang: “Oo, amo ako noon. Halatang-halata ang kakayahan ko!” Anumang uri ng amo ka sa mundo, walang kuwenta ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ikaw ay isang karaniwang tao sa paggawa ng gawain ng iglesia. Kung papayagan ang mga taong ito na mamahala sa gawain ng ebanghelyo, makikibahagi lamang sila sa walang silbi at mababaw na mga pormalidad, hindi sila makakakuha ng anumang resulta, at ang isang iglesia na may dose-dosenang tao ay hindi madidiligan nang mabuti. Anong nangyayari rito? Ang gayong maaalam na tao ay dating mga amo at ehekutibo ng kumpanya sa lipunan, kaya bakit hindi nila maipakita ang kanilang mga kakayahan kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos? (Hindi sila pinangangalagaan ng Banal na Espiritu.) Na hindi sila pinangangalagaan ng Banal na Espiritu ay isang aspekto, pero ano ang pangunahing dahilan? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya pagdating sa mga kalagayan ng mga tao, tiwaling disposisyon ng mga tao, mga hinihingi ng Diyos para sa tao, mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao, at sa paraan ng pagsasalita ng Diyos, wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari sa mga bagay na ito, at kumikilos lamang sila ng pikit-mata at sa mababaw na paraan. Iniisip nila na ang gawain ng iglesia ay tulad ng pagpapatakbo ng negosyo sa mundo, at na hangga’t nagdudulot sila ng inspirasyon sa isipan ng mga tao, at pinupukaw ang kanilang sigasig, nakagawa sila ng isang mahusay na trabaho. Iniisip nila, sa isang banda, na dapat silang gumawa ng sikolohikal na gawain, at sa isa pa, na gamitin nang maayos ang kanilang mga itinatag na paraan ng pakikitungo sa mga bagay sa mundo, sinusubukang suhulan ang nasa itaas nila at bilhin ang mga nasa ibaba nila. Naniniwala sila na hangga’t tinitiyak mo na makakakuha ng pera ang mga tao, makikinig at susunod sila sa iyo—sa tingin nila ay ganoon lang iyon kasimple. Hindi nasasangkot ang katotohanan sa mga panlabas na bagay. Sa pananampalataya sa Diyos, lahat ng ginagawa ng isang tao ay kinasasangkutan ng katotohanan at mga pagbabago sa disposisyon. Gagana ba ang paggamit ng mga parehong pamamaraan tulad ng ginawa nila sa mundo? (Hindi.) Hindi ito gagana. Pagdating sa kung paano haharapin ang mga kalagayan ng mga tao, kung paano haharapin ang mga kahinaan ng mga tao, kung paano susuportahan ang mga tao nang maayos, kung paano haharapin ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos, kung paano magagawang makilala ng mga tao ang kanilang sarili kapag ibinunyag nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at kung paano gagawing matapat ang mga tao, wala silang kaalam-alam at nagsasalita pa nga ng walang kapararakan at pikit-matang nagpapataw ng mga regulasyon. Halimbawa, kung ang isang tao ay nagsasabi ng isang bagay na pang-baguhan at walang espirituwal na pang-unawa, sasabihin nila na ang taong ito ay may mababang kakayahan at hindi naghahangad ng katotohanan. Pikit-mata lang nilang inilalapat ang mga regulasyon, at ginagawa nila ito nang ganito at ganiyan hanggang sa ang iba ay walang daan pasulong, ginugulo sila at ginagawa silang walang motibasyon. Ang mga gumagawa ng tungkulin nila ay wala nang anumang lakas para rito, habang ang mga negatibo ay nagiging mas negatibo. Sinasabi ng ilang tao na mas mabuti para sa kanila na basahin ang mga salita ng Diyos sa tahanan kung ang ganoong tao ang mamumuno sa kanilang iglesia. Ano ang nagdulot nito? Kapag pinamunuan nila ang isang iglesia, idinudulot nilang mawalan ng motibasyon ang mga tao, ginagawa ang mga itong mawalan ng ganang manampalataya sa Diyos. Bakit ayaw nang manampalataya ng mga tao? Dahil noong una ay may kaunting malinaw na paningin ang mga tao, pero nagugulo at nalilito sila ng mga pagkilos ng taong ito. Walang anumang katotohanan sa puso ng mga taong ito sa simula pa lang—tanging pang-unawa ng mga doktrina. Matapos silang magulo ng taong ito, lalong naguguluhan ang isip nila, at hindi na nila maarok ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagiging medyo malabo rin ang pag-iral ng Diyos Mismo. Kaya, anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit nila para dalhin ang mga tao sa puntong ito? Halimbawa, katotohanan ba ang pahayag na “Ang tao ay nilikha ng Diyos”? (Oo.) Dapat mong gamitin ang iyong mga tunay na kabatiran, pang-unawa, at karanasan para mapatunayan ang pahayag na ito para mas matibay na paniwalaan ng mga kapatid na ang pahayag na ito ay ang katotohanan at tama at makumbinsi silang nagmula ang sangkatauhan sa Diyos, sa ganoon ay madaragdagan ang pananalig nila sa Diyos. Kapag ang isang tao ay may pananalig sa Diyos, kapag tumatanggap sila ng disiplina o dumaranas ng ilang paghihirap o pag-uusig, magkakaroon sila ng lakas sa kanilang puso. Ito ay isang katunayan. Pero ano ang sinasabi ng mga taong ito? “May isang programa sa TV na nagsasabing natuklasan na nanirahan ang mga tao sa mga tribo 100 milyong taon na ang nakalilipas.” Kapag ipinagyayabang nila ang kanilang kaalaman at nagsasalita tungkol sa kasaysayan nang ganito, nalilito ang lahat ng nakakarinig sa kanila: “Hindi ba’t sinasabi na nilikha ng Diyos ang tao? Kapag ganyan mo ito sinasabi, parang hindi iyon ganoon. Nanggaling ba ang tao sa mga unggoy?” Tingnan mo, saan nila dinala ang mga tao? Hindi ba’t nakakasama ito sa mga tao? (Nakakasama ito.) Sa tuwing may pagkakataon sila, ipinagyayabang nila ang kanilang kaalaman at nagsasalita tungkol sa kasaysayan, pilosopiya, at kung paano sila nakikitungo at nakikipagsabwatan sa mga opisyal ng gobyerno sa mundo, na ipinagyayabang lang ang mga bagay na ito. Kapag nagyayabang sila nang ganito, at kapag ang mga bagay na ito ay naririnig ng ilang kapatid na mababa pa ang tayog, mahina, at may maliit na pananalig, saan napupunta ang kanilang puso? (Tumatakbo patungo sa mundo.) Tama iyan. Ano ang katumbas nito? Ang mga taong ito na ipinagkatiwala sa kanila ay nawala nila. Halatang karaniwang tao sila. Hindi lamang sa hindi nila nauunawaan ang mga bagay sa buhay pagpasok, hindi rin nila nauunawaan kung ano ang kanilang trabaho, lalong hindi ang mga espirituwal na bagay sa buhay o mga pagbabago sa disposisyon. Hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga ito, pero nagpapanggap pa rin sila na taong nakakaunawa sa katotohanan at nagnanais na maging isang pastol para pamunuan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Kung hindi mo nauunawaan ang mga espirituwal na bagay sa buhay, ano ang dapat mong gawin kapag napili bilang isang lider? Sasabihin mong: “Isa akong karaniwang tao, at hindi pa ako kailanman nakapamuno sa isang iglesia. Kailangan kong hanapin at tingnan kung ano ang itinakda ng mga pagsasaayos ng gawain tungkol dito, at hanapin ang mga taong nakauunawa rito para makipagbahaginan sa kung paano dapat isagawa ang gawain, o hanapin ang mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan at makipag-ugnayan sa kanila.” Ito ba ang tamang saloobin? (Ito nga.) Pero hindi ito ginagawa ng ilang tao. Nagmamagaling sila at nagsasabing, “Gusto mong makipag-ugnayan ako sa iba—sino ang may mas mataas na kalipikasyon kaysa sa akin? Sino ang may mas mataas na katayuan sa lipunan kaysa sa akin? Talagang kilala ako sa lipunan. Dapat akong bigyan ng kaunting paggalang ng sinumang nakakakita sa akin.” Nagyayabang lang sila at nagpapakitang-gilas ng kanilang mga kakayahan nang ganito. Kapag pinamunuan nila ang iglesia nang ganito, may pag-asa pa bang makapasok sa katotohanang realidad ang mga kapatid? (Wala silang pag-asa.) Wala silang pag-asa. At kahit na ito ang kaso, pinauulat pa rin ng mga taong ito sa iba, ang lahat, sa kanila. Saglit na nagtungo sa unibersidad ang mga demonyong ito, at nagtataglay sila ng kaunting kaalaman, at dahil dito ay nangangahas silang magyabang at manloko sa sekular na lipunan, at gumawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay. May ilang paraan sila para sa pagiging buhay, kaya gusto nilang pumunta sa sambahayan ng Diyos para makamit ang isang bagay. Para makakuha ng katayuan at magdala ng kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno, gusto pa nga nilang magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan para makinig at sumunod sa kanila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “pagsasakatawan ng katotohanan” sa kanila? Ibig sabihin nito, “Bawat isa sa aking mga kaisipan, mga diskarte, at mga opinyon, dapat ninyong lahat na itaguyod ang mga ito bilang katotohanan. Nagtakda ako ng panuntunan para sa iyo: Ang lahat ng mga bayarin, maging ang mga wala pang limang dolyar, ay dapat na iulat sa akin.” Sinasabi ng iba: “Hindi na dapat kailangang iulat ang limang dolyar. Mayroon din kaming saklaw ng awtoridad. Hindi ba kami puwedeng kumilos lang ayon sa prinsipyo?” Ano sa tingin nila? “Paano magiging ayos iyon? Malaking bagay ito. Ako ang lider. Ako lang ang may huling salita!” Kahit hindi nila sinasabi ito, ganito sila mag-isip sa kanilang puso. Ganito nila kinokontrol ang mga tao. Kaya nilang gawin ang anumang masama o nakalilinlang sa iba. Kapag nililinlang at sinasaktan nila ang iba, hindi sila kumukurap, hindi bumibilis ang tibok ng kanilang puso, at hindi talaga sila nababalisa. Kapag binigyan ng posisyon sa sambahayan ng Diyos, nangangahas silang tanggapin ito. Kapag nakuha na nila ito, ayaw na nilang bumaba sa puwesto at gustong magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan para pasunurin ang iba. Umiiral ba ang gayong mga tao? (Umiiral sila.)
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.