Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi) Ikaanim na Seksiyon
Minsan may isang taong lihim na inabuso ang mga handog sa Diyos, na isang seryosong problema. Hindi ito isang ordinaryong pagsalangsang; problema ito sa kanyang kalikasang diwa. Nang nakipag-ugnayan siya sa mga walang pananampalataya habang pinangangasiwaan ang ilang usapin, patuloy siyang nagpakitang-gilas para isipin ng mga tao na mayroon siyang pera at kapangyarihan. Dahil dito, hiningi ng mga tao na humiram ng pera sa kanya. Hindi lang sila hindi tinanggihan ng taong ito, nangako pa talaga siyang magpapahiram sa kanila ng pera, at pagkatapos ay ginawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga mapanlinlang na taktika laban sa sambahayan ng Diyos. May seryosong problema ang taong ito. Sa gayong kalaking bagay, dapat kang mag-ulat sa Itaas, at ipaliwanag ang mga katunayan; hindi mo maaaring pakitunguhan ang mga tao gamit ang mga handog sa Diyos para sa kapakanan ng iyong sariling kredito at pride. Ganyan pangangasiwaan ng isang makatwirang tao na may-takot-sa-Diyos na puso ang gayong mga usapin kapag nakatagpo niya ang mga ito. Subalit iyon ba ang ginagawa ng mga anticristo? Bakit sila tinatawag na mga anticristo? Dahil wala silang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso; ginagawa nila ang gusto nila, itinutulak ang Diyos, ang katotohanan, at ang mga salita ng Diyos sa likod ng kanilang isipan. Wala talaga silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, subalit mas pinahahalagahan ang mga sarili nilang interes, sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Gumagamit sila ng mga mapanlinlang na paraan para ilihis ang mga lider at manggagawa ng iglesia, at sa gayon ay nagpapahiram ng pera sa mga walang pananampalataya. Pera ba nila ito? Sa ilang salita lang, ipinahihiram nila ito—hindi ba’t iyon ay pagreregalo mula sa mga handog sa Diyos? Ito ay isang bagay na ginagawa ng mga anticristo, at may ilang aktuwal na nakagawa na ng gayong mga bagay. Para magawa nila ang gayong bagay, malamang sa mapangahas, lubhang mapagmataas at medyo mapanlinlang din ang disposisyon nila. Maliwanag din na hangal sila, mas hangal pa sa hangal—tiyak na mapapahamak sila sa sarili nilang mga pakana. Sabihin mo sa Akin, paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang patalsikin.) Iyon na iyon? Pagpapatalsik? Sino ang pupuno sa mga kawalan? Dapat silang pagbayarin ng bayad-pinsala, at pagkatapos ay patalsikin. Hindi ba’t walang pakundangan ang mga anticristo, para magawa ang gayong bagay? Paano sila naiiba sa arkanghel? Walang kahihiyang sasabihin ng arkanghel na, “Ako ang gumawa ng langit at lupa at lahat ng bagay—akin ang sangkatauhan para kontrolin!” Niyuyurakan at ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan ayon sa kalooban nito. Sa oras na nakuha na ng isang anticristo ang kapangyarihan, sasabihin niyang, “Dapat kayong maniwala lahat sa akin at sumunod sa akin. Ako ang namumuno rito, at nasa akin ang huling salita. Dumulog kayo sa akin para sa lahat ng bagay, at dalhin ninyo sa akin ang pera ng iglesia!” Sinasabi ng ilang tao na, “Bakit dapat naming ibigay sa iyo ang pera ng iglesia?” At sinasabi ng anticristo na, “Ako ang lider. Karapatan kong pangasiwaan ito. Dapat kong pamahalaan ang lahat, pati na ang mga handog!” At pagkatapos, pinamumunuan niya ang lahat. Walang pakialam ang mga anticristo sa kung anong mga problema o paghihirap mayroon ang mga kapatid sa buhay pagpasok ng mga ito, o kung anong mga aklat ng mga sermon at mga salita ng Diyos ang kulang sa mga ito. Ang mahalaga sa kanila ay kung sino ang may hawak ng pera ng iglesia para sa pag-iingat, at kung magkano nito ang mayroon, at kung paano ito ginagamit. Kung nagtatanong ang Itaas tungkol sa kalagayan ng pananalapi ng iglesiang iyon, hindi lang nila hindi ibibigay ang pera ng iglesia—hindi nga rin nila hahayaang malaman ng Itaas ang mga katunayan. Bakit hindi nila gagawin iyon? Dahil gusto nilang kurakutin at kunin ang pera ng iglesia para sa kanilang sarili. Pinaka-interesado ang mga anticristo sa mga materyal na bagay, pera, at katayuan. Tiyak na hindi sila katulad nang kung paano sila nagsasalita sa panlabas, “Naniniwala ako sa diyos. Hindi ko hinahangad ang mundo, at hindi ako nag-iimbot ng pera.” Talagang hindi sila katulad nang sinasabi nila. Bakit nila hinahangad at pinananatili ang katayuan nang buo nilang lakas? Dahil gusto nilang angkinin, o kontrolin at agawin, ang lahat ng nasasakupan nila—pera at mga materyal na bagay, sa partikular. Tinatamasa nila ang pera at mga materyal na bagay na ito na para bang benepisyo ang mga ito ng kanilang katayuan. Mga tunay na inapo sila ng arkanghel, na may kalikasang diwa ni Satanas sa pangalan at sa katunayan. Ang lahat ng naghahangad sa katayuan at nagpapahalaga sa pera ay tiyak na may problema sa kanilang disposisyong diwa. Hindi ito kasing simple ng pagkakaroon lang nila ng disposisyon ng anticristo: Napaka-ambisyoso nila. Gusto nilang kontrolin ang pera ng sambahayan ng Diyos. Kung ginawa silang responsable para sa isang aytem ng gawain, kung gayon una sa lahat, hindi nila hahayaang makialam ang iba, at hindi rin sila tatanggap ng mga tanong o ng pangangasiwa mula sa Itaas; higit pa riyan, kapag sila ang mga superbisor ng anumang aytem ng trabaho, hahanap sila ng mga paraan para ipagyabang ang sarili nila, protektahan ang sarili nila, at iangat ang sarili nila. Palagi nilang gustong mangibabaw, para maging mga taong namamahala at kumokontrol sa iba. Nais din nilang humawak at makipagtagisan para sa mas mataas na katayuan, at maging ang kontrolin ang bawat bahagi ng sambahayan ng Diyos—ang pera nito, lalo na. May espesyal na pagmamahal ang mga anticristo sa pera. Kapag nakikita nila ito, nagliliwanag ang kanilang mga mata; sa kanilang isipan, palagi silang nag-iisip tungkol sa pera at nagsusumikap para dito. Ang lahat ng ito ay mga palatandaan at senyales ng mga anticristo. Kung makikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, o susubukang malaman ang tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nagtatanong ng gayong mga tanong gaya ng kung ilan sa kanila ang mahina at negatibo, ano ang mga resultang nakukuha ng bawat isa sa kanila sa kanilang tungkulin, at sino sa kanila ang hindi nababagay sa kanilang tungkulin, hindi magiging interesado ang mga anticristo. Subalit pagdating sa mga handog sa Diyos—ang halaga ng pera, sino ang nag-iingat nito, kung saan ito itinatago, ang mga passcode nito, at iba pa—ito ang pinakamahalaga sa kanila. May pambihirang kaalaman ang anticristo sa mga bagay na ito. Alam niya ang mga ito tulad ng likod ng kanyang kamay. Tanda rin ito ng isang anticristo. Pinakamahusay ang mga anticristo sa pagsasalita ng mga salitang kaaya-ayang pakinggan, subalit hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, palagi silang abala sa pag-iisip ng tungkol sa paggamit ng mga handog sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t imoral ang mga anticristo? Wala talaga silang pagkatao—mga diyablo sila sa bawat aspekto. Sa kanilang gawain, palagi nilang ipinagbabawal ang pakikialam, pagtatanong, at pangangasiwa ng iba. Ito ang ikatlong pag-uugali na ipinapakita ng ikawalong pagpapamalas ng mga anticristo.
Ilang panahon na ang nakalipas, isang iglesia sa isang bansa ang bumili ng isang gusali, at kinailangan itong ayusin, at nagkataon lang na ang lider ng iglesia sa bansang iyon ay isang anticristo na hindi pa nagpapakita ng kanyang tunay na kulay. Gumamit ang anticristo na iyon ng isang tao na hindi masyadong nakikilala ng sinuman para sa mga renobasyon, at walang nakaaalam kung anong uri ng relasyon mayroon siya rito. Bilang resulta, sinamantala ng masamang taong iyon ang sitwasyon, at maraming pera na hindi dapat nagastos ang nasayang sa mga pagsasaayos. May ilang magagamit na kasangkapan na kasama sa bahay, na tinanggal lahat at pinalitan ng mga bago. Ang mga tinanggal na lumang kasangkapan ay ibinenta ng masamang taong iyon para sa pera. Hindi naman talaga sira ang mga ito—magagamit pa rin ang mga ito—pero gumastos ang masamang taong iyon ng karagdagang halaga ng pera sa pagbili ng mga bago, para kumita ng pera, para pagsamantalahan ang sitwasyon. Alam ba ng anticristo ang mga bagay na ito? Alam niya. Bakit, kung gayon, pinahintulutan niya itong kumilos sa ganoong paraan? Dahil marahil mayroon silang abnormal na relasyon. May ilang tao na nakakita sa problema at nagpaplanong balikan at suriin ang konstruksyon, para makita kung paano ito umuusad. Sa sandaling sinabi nilang titingnan nila ang konstruksyon, nag-alala at nabalisa ang anticristong iyon, at nagsabing: “Hindi! Hindi pa dumarating ang taning—walang sinuman ang pinahihintulutang tumingin!” Napakalakas ng reaksiyon niya, napakasensitibo—may nangyayari ba sa loob nito? (Oo.) Tinalakay ng mga taong iyon, na ngayon ay medyo naalarma, ang usapin: “Hindi ito maaari. Hindi niya tayo pahihintulutang tingnan ang konstruksyon. Tiyak na may isyu rito; kailangan nating tingnan ang lugar.” Subalit hindi pa rin hinayaan ng anticristo na makita ito hanggang sa nakatakdang matapos ang gawain. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t magulo ang isip ng mga taong iyon? Ang katunayang hindi pinahintulutan ng anticristo na makita ang konstruksyon ay nagpapatunay na may nangyayari. Kinailangan nilang magmadali para iulat ito sa Itaas, o sama-sama siyang tanggalin, o sapilitang balikan at tingnan ang konstruksyon. Iyon ay kanilang responsabilidad. Kung hindi nila kayang akuin ang responsabilidad na iyon, nangangahulugan iyon na sila ay mga duwag na walang kuwenta at walang kakayahan. Ang mga walang kakayahang duwag na iyon ay hindi nagpursige. Hindi ito isang isyu sa sarili nilang mga bahay, kaya ipinagsawalang-bahala nila ito. Ganyan sila ka-makasarili at ka-iresponsable. At nang matapos ang gawain, nakita Ko sa isang bidyo na may problema. Anong problema ang nakita Ko? May isang mesa sa gitna ng isang silid para sa kumperensiya, at sa paligid nito ay mga upuang gawa sa balat tulad nang mga ginagamit sa magagarang opisina. Ang mga upuang inuupuan Ko ay pawang mga regular na upuan, kaya dapat bang gumamit ang mga regular na taong iyon ng magagarang bagay? (Hindi.) Iyon ang uri ng mga kasangkapang inilagay ng dalawang iyon, at ang mga tao roon ay nasiyahang umupo sa mga upuang iyon. Sa sandaling natuklasan Ko ang problema, tinawag Ko ang salbaheng iyon at sinimulang imbestigahan ang isyu. Saanman, sa bawat silid, ibinunyag ng pagsisiyasat ang napakaraming isyu, at ang napakalaking kawalang pinansiyal. Magagamit pa ang ilan sa mga orihinal na kasangkapan sa bahay, subalit hinakot at ibinenta ang mga ito ng masamang taong iyon, para pagkakitaan ang mga ito; higit pa roon, kumita siya nang binili niya ang mga mamahalin at bagong kasangkapang iyon; at saka, naglagay siya ng ilang kagamitan na wala dapat sa isang iglesia. Ginawa ito ng masamang taong iyon nang hindi kumokonsulta sa sinuman. Nang ginawa niya ito, alam ba ng anticristo ang tungkol dito? Malamang na alam niya. Araw-araw siyang nagtungo sa lugar ng paggawa, at nang makita ito, wala siyang ginawang ulat, kundi hinayaan ang pagwawaldas nito. Ang lakas ng loob! Mananampalataya ba siya ng Diyos? Pagkatapos ng 20 taon ng pananampalataya sa Diyos, ganito siya kasuklam-suklam, at gumawa ng isang bagay na gaya niyon—anong uri siya ng tao? Hindi siya tao! Kahit ang mabubuting tao sa mga walang pananampalataya ay hindi gumagawa niyon; anong imoralidad! Sa tuwing nagtatanong ang Itaas sa kanya ng mga bagay tungkol sa gawaing konstruksyon, nagtatanga-tangahan siya para linlangin ang Itaas, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay-bagay, at sa huli ay napakaraming problema ang lumitaw. Kalabisan ba, kung gayon, na patalsikin siya at hayaan siyang makakuha ng trabaho para kumita ng pera para mabayaran ang mga pinsala? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, kahit na kayang maibalik ng anticristo na iyon ang pera, makatatagpo ba siya ng kapayapaan sa buhay na ito? Magiging madali ba para sa kanya? Nangangamba Akong kakailanganin niyang gugulin ang buong buhay niya sa pagdurusa. Kung alam niyang hahantong sa ganito ang kanyang mga kilos, anong naisip niya’t kumilos siya sa ganoong paraan noon? Bakit niya ginawa iyon sa simula pa lang? Hindi naman sa nanampalataya lang siya sa Diyos nang isa o dalawang taon at hindi niya alam ang mga tuntunin sa Kanyang sambahayan, o kung paano ang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, o kung ano ang katapatan—pagkatapos ng lahat ng taong iyon ng pananampalataya sa Kanya, hindi talaga siya nagbago, at kahit na nakapagserbisyo siya nang kaunti, ginawa pa rin niya ang gayong kasamaan! Dahil sa pagiging kasuklam-suklam, dapat na siyang itiwalag at isumpa!
May pagkakatulad ang mga anticristo sa paraan ng kanilang pagtatrabaho: Anumang trabaho ang ginagawa nila, pinagbabawalan nila ang iba na makialam o magtanong. Palagi nilang gustong itago at pagtakpan ang mga bagay-bagay. Malamang na may binabalak sila; hindi nila pinahihintulutan ang mga tao na malaman ang tungkol sa mga problema sa kanilang gawain. Kung ginawa nila ang mga bagay nang maayos at tapat, sa paraang naaayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo, nang may malinis na konsensiya, ano ang dapat nilang ikabahala? Ano roon ang hindi maaaring banggitin? Bakit hindi nila pinahihintulutan ang iba na magtanong at makialam? Ano ang inaalala nila? Ano ang kinatatakutan nila? Maliwanag, may binabalak sila—halatang-halata lang ito! Gumagawa ng trabaho ang mga anticristo nang walang anumang pagiging bukas. Kapag nakagawa sila ng isang masamang bagay, nag-iisip sila ng mga paraan para itago at pagtakpan ito, nag-iimbento ng mga huwad na anyo, nakikisali pa nga sa tahasang panlilinlang. Ano ang mga resulta nito? Sinisiyasat ng Diyos ang lahat, at kahit na maaaring saglit na hindi alam ng ibang mga tao ang isang bagay, at maaaring mailihis nang sandali, darating ang araw na ibubunyag ito ng Diyos. Sa paningin ng Diyos, hayag ang lahat, nabubunyag ang lahat. Walang silbi para sa iyo na magtago ng isang bagay mula sa Diyos. Siya ay makapangyarihan, at kapag nagdesisyon Siyang ibunyag ka, ang lahat ay malinaw na ilalantad. Ang mga anticristo lang, ang mga hangal na iyon na walang espirituwal na pang-unawa, at na nagtataglay ng kalikasan ng arkanghel, ang maniniwalang, “Hangga’t mahigpit kong itinatago ang mga bagay-bagay, at hindi ka hinahayaang makialam o magtanong, at hindi ka hinahayaang mangasiwa ng mga bagay-bagay, wala kang malalaman—at magiging ganap na kontrolado ko ang iglesiang ito!” Naniniwala sila na kung mamumuno sila bilang mga hari, makokontrol nila ang sitwasyon. Ganoon ba talaga ang mga bagay-bagay? Hindi nila alam na makapangyarihan ang Diyos; ang katusuhan nila ay sariling-pagproklama. Sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Halimbawa, sabihin nating gumawa ka ng kasamaan ngayon. Sinisiyasat ito ng Diyos, subalit hindi ka Niya ibinubunyag—binibigyan ka Niya ng pagkakataong magsisi. Gagawa ka muli ng kasamaan bukas, at gayumpaman, hindi mo ito ipinaliliwanag o hindi ka nagsisisi; binibigyan ka pa rin ng Diyos ng pagkakataon, at hinihintay kang magsisi. Subalit kung mananatili kang hindi nagsisisi, hindi gugustuhin ng Diyos na bigyan ka ng pagkakataong iyon. Masusuklam Siya sa iyo at kamumuhian ka, at sa kaibuturan ng Kanyang puso, hindi Niya gugustuhing iligtas ka, at aabandonahin ka Niya nang lubusan. Sa kasong iyon, ilang minuto lang bago ka Niya ibunyag, at gaano mo man subukang pagtakpan o hadlangan ang mga bagay-bagay, wala talagang magiging silbi ito. Gaano man kalaki ang iyong kamay, mahaharangan mo ba ang langit gamit ito? Gaano ka man kahusay, matatakpan mo ba ang mga mata ng Diyos? (Hindi.) Mga kahangalang ideya ang mga iyon ng tao. Tungkol sa kung gaano talaga kamakapangyarihan ang Diyos, medyo nararamdaman na ito ng mga tao sa Kanyang mga salita. Bukod pa rito, ang lahat ng miyembro ng tiwaling sangkatauhan na ito na gumawa ng malaking kasamaan at direktang sumalungat sa Diyos ay nakatagpo ng iba’t ibang kaparusahan, at lahat ng nakakita nito ay lubos na nakumbinsi, at kinikilala na ito ay retribusyon. Nakikita kahit ng mga walang pananampalataya na ang pagiging matuwid ng Diyos ay hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag, kaya dapat na mas nakikita ito ng mga nananampalataya sa Kanya. Hindi masukat ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Walang paraan ang tao para malinaw na makita ang mga ito. May ganoong kanta—paano nga ba ito? (“Hindi Kayang Sukatin ang mga Gawa ng Diyos.”) Ito ang diwa ng Diyos, ang tunay na pagbubunyag ng Kanyang pagkakakilanlan at diwa. Hindi na kinakailangan ang iyong mga hinuha o espekulasyon. Kailangan mo lang paniwalaan ang mga salitang iyon—kung gayon ay hindi mo gagawin ang gayong mga kahangalang bagay. Iniisip ng lahat ng tao na matalino sila; tinatakpan nila ng dahon ang kanilang mga mata at sinasabing, “Nakikita mo ba ako?” Sinasabi ng Diyos na, “Hindi lang kita nakikita nang buo, nakikita Ko maging ang iyong puso, at kung ilang beses ka nang nakapunta sa mundo ng mga tao,” at naiwang gulat ang mga tao. Huwag isiping matalino ka; huwag isiping, “Hindi alam ng Diyos ang tungkol dito, at hindi Niya alam ang tungkol diyan. Wala sa mga kapatid ang nakakita. Walang nakaaalam. May sarili akong maliit na pakana. Tingnan mo kung gaano ako katalino!” Walang tao sa mundong ito na hindi nakauunawa sa katotohanan o hindi naniniwalang ang Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ang matalino. Anuman ang sabihin o gawin nila, sa huli, ang lahat ng ito ay pagkakamali, lahat ay paglabag sa katotohanan, lahat ay paglaban sa Diyos. May isang uri lang ng tao na matalino. Aling uri iyon? Ang uri na naniniwalang sinisiyasat ng Diyos ang lahat, na nakikita Niya ang lahat, at na Siya ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Napakatalino ng ganoong mga tao, dahil sa lahat ng kanilang ginagawa ay mapagpasakop sila sa Diyos; ang lahat ng kanilang ginagawa ay naaayon sa katotohanan, sinang-ayunan ng Diyos, at pinagpala ng Diyos. Kung matalino man ang isang tao o hindi ay nakabatay sa kung makapagpapasakop sila sa Diyos; nakasalalay ito sa kung ang sinasabi at ginagawa nila ay naaayon sa katotohanan. Kung mayroon ka ng ideyang ito: “Narito ang iniisip ko tungkol sa bagay na ito, at iyon ang gusto kong gawin, dahil makikinabang ako rito—subalit ayokong ipagtapat ito sa iba, at hindi ko gustong malaman nila ang tungkol dito”—iyon ba ang tamang paraan ng pag-iisip? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin kapag napagtanto mo na hindi iyon ang tamang paraan ng pag-iisip? Dapat bigyan mo ang sarili mo ng isang magandang sampal sa mukha, para turuan ng leksiyon ang iyong sarili. Iniisip mo na kung hindi mo ito sasabihin, hindi ito malalaman ng Diyos? Ang katunayan ay habang iniisip mo iyon, alam ng Diyos ang iyong puso. Paano Niya nalalaman? Nauunawaan na ng Diyos ang kalikasang diwa ng tao. Kaya, bakit hindi ka Niya inilalantad sa bagay na ito? Kahit na hindi Niya ito inilalantad, unti-unti mo itong mauunawaan sa iyong sarili, dahil kumain at uminom ka na ng napakarami Niyang salita. Mayroon kang konsensiya at katwiran, isipan, at normal na pag-iisip; dapat magawa mong malaman kung ano ang tama at mali sa iyong sarili. Binibigyan ka ng Diyos ng oras at pagkakataong pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay, para makita kung ikaw ay hangal o hindi. Makikita mo ang mga resulta pagkatapos pag-isipan ang bagay na ito sa loob ng ilang araw: Malalaman mo na ikaw ay hangal at mangmang, at na hindi mo dapat subukang itago ang bagay na iyon mula sa Diyos. Sa lahat ng bagay, dapat mong ilantad ang lahat sa Diyos at dapat kang maging bukas—ito ang tanging kondisyon at kalagayan na dapat panatilihin sa harap ng Diyos. Kahit kapag hindi ka nagtatapat, lantad ka sa harap ng Diyos. Mula sa perspektiba ng Diyos, alam Niya ang mga katunayan, ipinagtatapat mo man ang tungkol dito o hindi. Hindi ba’t napakahangal mo kung hindi mo iyon makita? Kaya paano ka magiging isang matalinong tao? Sa pamamagitan ng pagbubukas ng iyong sarili sa Diyos. Alam mong sinisiyasat at alam ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya huwag mong isiping matalino ka, at isiping maaaring hindi Niya alam; dahil tiyak na lihim na pinagmamasdan ng Diyos ang puso ng mga tao, ang matatalinong tao ay dapat na maging mas bukas, mas dalisay, at maging matapat—iyan ang matalinong bagay na gawin. Palaging iniisip na ikaw ay matalino; palaging nagnanais na itago ang maliliit mong lihim; palaging sinusubukang panatilihin ang kaunting kapribaduhan—iyan ba ang tamang paraan ng pag-iisip? Ayos lang na maging ganoon sa ibang tao, dahil ang ilang tao ay mga hindi positibong karakter at hindi nagmamahal sa katotohanan. Maaari kang magpigil nang kaunti sa mga taong tulad niyon. Huwag mong ilantad ang puso mo sa kanila. Sabihin, halimbawa, na may kinamumuhian kang isang tao, at nagsalita ka ng masama sa likod niya. Dapat mo bang sabihin sa kanya ang tungkol dito? Huwag—tama na ang hindi na lang gawing muli ang gayong bagay. Kung sasabihin mo ito, makakasira ito sa relasyon ninyong dalawa. Alam mo sa iyong puso na hindi ka mabuti, na ikaw ay madungis at buktot sa loob, na ikaw ay naiinggit sa iba, na para sa kapakanan ng pakikipagtunggali para sa kasikatan at pakinabang, nagsalita ka ng masama tungkol sa ibang tao sa likod niya para siraan siya—anong ubod ng sama! Kinikilala mong tiwali ka; alam mong mali ang iyong ginawa, at na buktot ang iyong kalikasan. Pagkatapos ay humaharap ka sa Diyos at nagdarasal sa Kanya: “O Diyos, ang ginawa ko nang lihim ay buktot at ubod ng samang bagay—humihingi ako sa Iyo ng kapatawaran, nakikiusap ako sa Iyo na gabayan ako, at nagmamakaawa ako na sawayin Mo ako. Sisikapin kong hindi na muling gawin ang gayong bagay.” Mabuti ang gawin iyon. Maaari kang gumamit ng ilang teknik sa iyong mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, subalit pinakamahusay na ganap mong buksan ang iyong sarili sa Diyos, at kung nagkikimkim ka ng mga layunin at gumagamit ng mga diskarte, magkakaproblema ka. Sa iyong isipan, palagi mong iniisip na, “Ano ang masasabi ko upang tumaas ang tingin ng Diyos sa akin, at hindi mapansin ang iniisip ko sa aking kalooban? Ano ang tamang dapat sabihin? Dapat pa akong mas magtago sa aking sarili, dapat akong maging mas magaling makitungo, dapat akong magkaroon ng isang kaparaanan. Sa oras na iyon, marahil ay tataas na ang tingin ng Diyos sa akin.” Iniisip mo ba na hindi malalaman ng Diyos kung palagi kang nag-iisip ng ganyan? Alam ng Diyos ang anumang iniisip mo. Nakapapagod mag-isip nang ganyan. Higit na mas madali ang magsalita nang tapat at tunay, at ginagawa nitong mas madali ang iyong buhay. Sasabihin ng Diyos na ikaw ay tapat at dalisay, na bukas ang iyong puso—at iyan ay isang kahalagahang walang hanggan. Kung mayroon kang hayag na puso at isang matapat na saloobin, kahit pa may mga pagkakataong mapapalayo ka, at kikilos nang may pagkahangal, sa Diyos, hindi ito isang pagsalangsang; mas mabuti ito kaysa sa pagiging sobra mong mapagpakana, at mas mabuti kaysa sa palagian mong pag-iisip at pagpoproseso. May kakayanan ba ang mga anticristo sa mga bagay na ito? (Wala, wala silang kakayanan.)
Ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay mga taong may disposisyon ng isang anticristo, at ang tinatahak ng mga taong may disposisyon ng anticristo ay ang landas ng mga anticristo—gayumpaman may kaunting pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may disposisyon ng anticristo at mga anticristo. Kung ang isang tao ay may disposisyon ng anticristo at tatahakin ang landas ng mga anticristo, hindi agad iyon nangangahulugan na siya ay isang anticristo. Subalit kung hindi siya magsisisi at hindi niya kayang tumanggap ng katotohanan, maaari siyang maging isang anticristo. May pag-asa at pagkakataon pa rin para sa mga tao na tumatahak sa landas ng mga anticristo na magsisi, dahil hindi pa sila nagiging mga anticristo. Kung gumagawa sila ng maraming uri ng masamang bagay at kinlasipika bilang isang anticristo, at sa gayon ay pinaalis at pinatalsik kaagad, hindi na sila magkakaroon pa ng pagkakataong magsisi. Kung ang isang taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ay hindi pa nakagagawa ng maraming masamang bagay, kahit papaano ay ipinakikita nito na hindi pa siya masamang tao. Kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, may kislap ng pag-asa para sa kanya. Kung hindi niya tatanggapin ang katotohanan, anuman ang mangyari, mahihirapan siyang maligtas, kahit na hindi pa siya nakagagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Bakit hindi maaaring mailigtas ang isang anticristo? Dahil hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Gaano pa man nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa pagiging isang matapat na tao—tungkol sa kung paano dapat maging bukas at tapat ang isang tao, lumabas at sabihin ang dapat niyang sabihin, at huwag manlinlang—hindi niya talaga ito kayang tanggapin. Pakiramdam niya palagi na nalulugi ang mga tao sa pagiging matapat at na kahangalan ang magsabi ng katotohanan. Determinado siya na hindi maging isang matapat na tao. Ito ang kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Paano maliligtas ang isang tao kung hindi niya tinatanggap kahit kaunti ang katotohanan? Kung kayang tanggapin ng isang taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ang katotohanan, may malinaw na pagkakaiba sa pagitan niya at ng isang anticristo. Ang lahat ng anticristo ay mga taong hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Gaano man karaming mali o masasamang bagay ang nagawa nila, gaano man kalaki ang mga kawalang naidulot nila sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman pagninilayan at kikilalanin ang sarili nila. Kahit na pinungusan sila, hindi talaga nila tinatanggap ang anumang katotohanan; kaya nga kinaklasipika sila ng iglesia bilang masasamang tao, bilang mga anticristo. Ang isang anticristo, sa sukdulan, ay aamin lang na ang kanyang mga kilos ay lumalabag sa mga prinsipyo at hindi naaayon sa katotohanan, subalit talagang hindi niya kailanman aaminin na sinasadya niyang gumawa ng kasamaan, o sinasadyang labanan ang Diyos. Aaminin lang nila ang mga pagkakamali, subalit hindi nila tatanggapin ang katotohanan; at pagkatapos, magpapatuloy sila sa paggawa ng kasamaan tulad ng dati, nang hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan. Mula sa katunayang hindi kailanman tinatanggap ng isang anticristo ang katotohanan, makikita na ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi rito. Nananatili silang mga taong lumalaban sa Diyos tulad ng dati, kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Kanya. Ang ordinaryong, tiwaling sangkatauhan, sa kabilang banda, ay maaaring mayroon ng lahat ng disposisyon ng isang anticristo, subalit may pagkakaiba sa pagitan nila at ng mga anticristo. May ilang tao na magagawang ikintal sa puso ang mga salita ng paghatol ng Diyos at paglalantad pagkatapos nilang marinig ang mga ito, at pag-iisipan ang mga ito nang paulit-ulit, at pagninilayan ang kanilang sarili. Pagkatapos ay maaari nilang mapagtanto na, “Ito nga ang disposisyon ng anticristo, kung gayon; ganito ang tumahak sa landas ng mga anticristo. Kay seryosong isyu nito! Mayroon ako ng mga kalagayan at pag-uugaling iyon; mayroon akong ganoong uri ng diwa—ako ang ganoong uri ng tao!” Pagkatapos ay isinasaalang-alang nila kung paano nila maaaring iwaksi ang disposisyong iyon ng anticristo at tunay na magsisi, at sa gayon, maaari nilang itakda ang kanilang kalooban sa hindi pagtahak sa landas ng mga anticristo. Sa kanilang trabaho at buhay, sa kanilang saloobin sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay at sa atas ng Diyos, mapagninilayan nila ang sarili nilang mga kilos at pag-uugali, kung bakit hindi sila makapagpasakop sa Diyos, kung bakit sila ay palaging namumuhay sa isang satanikong disposisyon, kung bakit hindi sila makapaghimagsik laban sa laman at kay Satanas. At kaya, magdarasal sila sa Diyos, at tatanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at magsusumamo sa Diyos na iligtas sila mula sa kanilang tiwaling disposisyon at mula sa impluwensiya ni Satanas. Na may determinasyon silang gawin ito ay nagpapatunay na kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Nagbubunyag din sila ng isang tiwaling disposisyon, at kumikilos ayon sa kanilang sariling kalooban; ang kaibahan ay na ang isang anticristo ay hindi lang may mga ambisyon at pagnanais na magtatag ng isang independiyenteng kaharian—hindi rin nila tatanggapin ang katotohanan, anuman ang mangyari. Ito ang matinding kahinaan ng anticristo. Kung, sa kabilang banda, ang isang tao na may disposisyon ng anticristo ay kayang tumanggap ng katotohanan, at magdasal sa Diyos at sumandig sa Kanya, at kung nais niyang iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas, at na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa mga anong paraan na ang panalanging iyon at ang determinasyong iyon ay magiging kapaki-pakinabang sa kanyang buhay pagpasok? Kahit papaano ay magiging dahilan ito para pagnilayan niya ang kanyang sarili at kilalanin ang kanyang sarili habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin, at gamitin ang katotohanan sa paglutas ng mga problema, sa gayon ay magagawa niya ang kanyang tungkulin nang kasiya-siya. Iyon ay isang paraan na magiging kapaki-pakinabang ito sa kanya. Higit pa riyan, sa pagsasanay na ibinibigay sa kanya ng paggawa ng kanyang tungkulin, magagawa niyang humakbang sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Anumang paghihirap ang makatatagpo niya, magagawa niyang hanapin ang katotohanan, para pagtuunan ang pagtanggap sa katotohanan at pagsasagawa nito; magagawa niyang unti-unting iwaksi ang kanyang satanikong disposisyon, at lumapit para magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Makakamit niya ang kaligtasan ng Diyos sa pagsasagawang gaya niyon. Ang mga taong may disposisyon ng anticristo ay maaaring magbunyag ng katiwalian paminsan-minsan, at maaari pa rin silang magsalita at kumilos para sa interes ng kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, sa kabila ng kanilang sarili, at maaari pa rin nilang gawin ang mga sarili nilang kalooban—subalit sa sandaling mapagtanto nila na ibinubunyag nila ang kanilang tiwaling disposisyon, magsisisi sila, at magdarasal sa Diyos. Pinatutunayan nito na sila ay isang taong kayang tumanggap ng katotohanan, na nagpapasakop sa gawain ng Diyos; pinatutunayan nito na hinahangad nila ang buhay pagpasok. Gaano man karaming taon ang naranasan ng gayong tao, o gaano man kalaki ang katiwalian na kanyang ibinubunyag, sa huli ay magagawa niyang matanggap ang katotohanan, at makapasok sa katotohanang realidad. Siya ay isang taong nagpapasakop sa gawain ng Diyos. At habang ginagawa niya ang lahat ng ito, ipinapakita nito na inilatag na niya ang pundasyon niya sa tunay na daan. Subalit ang ilan na tumatahak sa landas ng mga anticristo ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan. Para sa kanila, magiging mahirap na makuha ang kaligtasan tulad nang para sa mga anticristo. Walang nararamdaman ang gayong mga tao kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo, kundi walang pakialam at hindi natitinag. Kapag napupunta ang pagbabahaginan sa paksa ng disposisyon ng anticristo, aaminin nila na mayroon silang disposisyon ng anticristo at na tinatahak nila ang landas ng mga anticristo. Medyo maayos silang magsasalita tungkol dito. Subalit pagdating ng oras para sa pagsasagawa ng katotohanan, tatanggi pa rin silang gawin ito; gayumpaman, kikilos sila sa sarili nilang kalooban, sa pagsandig sa kanilang disposisyon ng anticristo. Kung tatanungin mo sila, “Nahihirapan ba ang iyong puso kapag nagbubunyag ka ng disposisyon ng isang anticristo? Nakararamdam ka ba ng pagpuna sa sarili kapag nagsasalita ka para pangalagaan ang iyong katayuan? Pinagninilayan at kinikilala mo ba ang iyong sarili kapag ibinubunyag mo ang disposisyon ng anticristo? Namimighati ka ba sa puso sa oras na nalaman mo ang tungkol sa iyong tiwaling disposisyon? Talaga bang magsisisi o magbabago ka pagkatapos?” Siguradong wala silang maisasagot, dahil wala pa silang mga gayong karanasan at engkuwentro. Wala silang masasabi. Ang mga ganitong tao ba ay may kakayahan sa tunay na pagsisisi? Sigurado, hindi ito magiging madali. Ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan ay masasaktan sa anumang pagbubunyag ng disposisyon ng anticristo sa kanilang sarili, at mababahala; maiisip nilang: “Bakit hindi ko na lang maiwaksi ang satanikong disposisyong ito? Bakit palagi akong nagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon? Bakit ang tiwaling disposisyon kong ito ay napakatigas at napakahirap alisin? Bakit napakahirap pumasok sa katotohanang realidad?” Ipinapakita nito na mababaw ang kanilang karanasan sa buhay, at na hindi pa nila talaga masyadong nalulutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Iyon ang dahilan kung bakit ang labanan sa kanilang puso ay nagngangalit nang husto kapag may nangyayari sa kanila, at kung bakit pinapasan din nila ang bigat ng pagdurusang iyon. Bagaman may determinasyon silang iwaksi ang kanilang satanikong disposisyon, siguradong hindi nila magagawa nang wala ang pakikibakang iyon laban dito sa kanilang puso—at ang kalagayan ng pakikibakang iyon ay tumitindi araw-araw. At habang lumalalim ang kaalaman nila sa kanilang sarili, at nakikita nila kung gaano sila katiwali, mas lalo silang nananabik sa katotohanan at mas lalo itong pinakaiingatan, at magagawa nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan nang walang patid habang kinikilala ang kanilang sarili at ang kanilang tiwaling disposisyon. Unti-unting lalago ang kanilang tayog, at ang kanilang buhay disposisyon ay magsisimulang tunay na magbago. Kung patuloy nilang susubukang dumanas sa ganitong paraan, ang mga bagay ay bubuti nang bubuti, taon-taon, at sa huli, magagawa nilang mapagtagumpayan ang laman at maiwaksi ang kanilang katiwalian, para maisagawa ang katotohanan nang madalas, at makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Hindi madali ang buhay pagpasok! Tulad lang ito ng pagsagip sa isang taong malapit nang mamatay: Ang responsabilidad na maaaring tuparin ng isang tao ay ang pagbabahagi sa katotohanan, pagsuporta sa kanya, pagtustos para sa kanya, o pagpupungos sa kanya. Kung matatanggap at makapagpapasakop siya rito, may pag-asa para sa kanya; maaaring suwertihin siyang makatakas, at hindi na aabot sa kamatayan ang mga bagay-bagay. Subalit kung tatanggi siyang tanggapin ang katotohanan, at walang alam tungkol sa kanyang sarili, nasa panganib siya. May ilang anticristo na lumilipas ang isa o dalawang taon pagkatapos maitiwalag nang hindi nakikilala ang kanilang sarili, at hindi kinikilala ang kanilang mga pagkakamali. Sa gayong kaso, wala nang natitirang tanda ng buhay sa kanila, at patunay iyon na wala na silang pag-asang maligtas. Matatanggap ba ninyo ang katotohanan kapag kayo ay pinupungusan? (Oo.) May pag-asa, kung gayon—mabuting bagay iyan! Kung matatanggap mo ang katotohanan, may pag-asa kang maligtas.
Kung nais mong maligtas, kailangan mong malampasan ang maraming hadlang. Ano ang mga hadlang na iyon? Walang tigil na pakikipaglaban sa iyong tiwaling disposisyon, at pakikipaglaban sa disposisyon ni Satanas at mga anticristo: Nais nitong kontrolin ka, at nais mong kumawala rito; nais nitong ilihis ka at nais mo itong itapon. Kung makikita mong hindi mo kayang makawala mula sa iyong tiwaling disposisyon kahit pagkatapos mo itong malaman, mababahala ka at masasaktan, at magdarasal ka. Minsan, kapag nakikita mo na ilang panahon na ang lumipas, at hindi ka pa rin nakakawala sa pagkontrol ng disposisyon ni Satanas, mararamdaman mong wala na itong pag-asa, subalit hindi ka susuko, at mararamdaman mong hindi ka maaaring magpatuloy na sobrang negatibo at nasisiraan ng loob—na kailangan mong patuloy na lumaban. Sa proseso ng pagganap ng isang tungkulin at sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, may iba’t ibang panloob na tugon ang mga tao, ayon sa mga antas. Sa madaling sabi, ang mga may buhay ay ang mga naghahangad sa katotohanan, at patuloy silang nagbabago sa loob. Magkakaroon ng patuloy na pagbabago sa kanilang pag-iisip at mga pananaw, sa kanilang pag-uugali at pagsasagawa, at maging sa mga layunin, ideya, at kaisipan sa kaibuturan ng kanilang isipan. Higit pa rito, mas malinaw nilang matutukoy kung ano ang tama at kung ano ang mali, at kung anong mga maling bagay ang nagawa nila, at kung ang ilang paraan ng pag-iisip ay tama o mali, at kung ang ilang pananaw ay naaayon sa katotohanan, at kung ang mga prinsipyo sa likod ng pagkilos ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung sila ay isang taong nagpapasakop sa Diyos, isang taong nagmamahal sa katotohanan. Ang mga bagay na ito ay unti-unting magiging lalong malinaw sa kanilang puso. Sa anong pundasyon, kung gayon, itinayo ang pagkamit ng mga resultang ito? Ang pundasyon ng pagsasanay at pagpasok sa mga katotohanan habang inuunawa nila ang mga ito. Bakit ba hindi talaga kaya ng mga anticristo na magkamit ng pagbabago? Wala ba silang kakayahang unawain ang katotohanan? (Wala.) Kaya nila itong unawain, subalit hindi nila ito isinasagawa, at hindi nila ito isinasagawa kapag naririnig nila ito. Maaaring nauunawaan at tinatanggap nila ito bilang doktrina, subalit maisasagawa ba nila ang mga bahaging iyon ng mga doktrina at regulasyon na nauunawaan nila? Hindi, hindi kahit kaunti; kahit puwersahin mo sila, kahit magpakapagod sila sa pagsisikap, hindi pa rin nila maisasagawa ang mga ito. Kaya naman sa kanila, ang pagpasok sa katotohanan ay nananatiling walang hanggang kawalan. Gaano man karami ang maaaring sabihin ng isang anticristo tungkol sa pagiging isang matapat na tao, gaano man kalaki ang kanilang mga pagsisikap, hindi pa rin sila makagawa ng isang matapat na pahayag; at gaano man sila nagsasalita tungkol sa pagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, hindi pa rin nila bibitiwan ang kanilang mga makasarili at ubod ng samang motibasyon. Kumikilos sila mula sa makasariling pananaw. Kapag may nakikita silang mabuting bagay, isang bagay na magiging kapaki-pakinabang sa kanila, sasabihin nila, “Ibigay mo ito rito—akin ito!” Sinasabi nila ang anumang magiging kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan, at ginagawa nila ang anumang magiging kapaki-pakinabang sa kanilang sarili. Ito ang diwa ng mga anticristo. Maaaring, sa isang saglit ng matinding damdamin, maramdaman nilang naunawaan na nila ang kaunting katotohanan. Nagkakaroon sila ng sigasig, at sumisigaw sila ng ilang islogan: “Kailangan kong magsagawa at magbago, at palugurin ang diyos!” Subalit pagdating ng panahon para isagawa ang katotohanan, ginagawa ba nila ito? Hindi nila ginagawa. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man karaming katotohanan at katunayan ang ipinangangaral Niya, kasama ng anumang bilang ng mga tunay na halimbawa, hindi nito maaantig ang isang anticristo, at hindi rin nito mababago ang kanyang ambisyon. Ito ay isang katangian at isang tanda ng isang anticristo. Talagang hindi lang sila magsasagawa ng anumang katotohanan; kapag nagsasalita sila nang maayos, ito ay para marinig ng iba, at gaano man kaayos sila magsalita, isang anyo lang ito ng magarbo at hungkag na pananalita—teorya ito sa kanila. Paano ba talaga pinoposisyon ng gayong mga tao ang katotohanan sa kanilang puso? Ano ang sinabi Ko na sa iyo na kalikasang diwa ng isang anticristo? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Tama iyan. Kinamumuhian nila ang katotohanan. Naniniwala sila na ang kanilang pagiging buktot, ang kanilang pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, ang kanilang pagmamataas, ang kanilang kalupitan, ang kanilang pang-aagaw ng katayuan at kayamanan, at ang kanilang pagkontrol sa iba ay ang pinakamataas na katotohanan, ang pinakamataas na pilosopiya, at walang ibang kasingtaas gaya ng mga bagay na iyon. Kapag nakakuha sila ng katayuan at kaya nilang kontrolin ang mga tao, magagawa nila ang anumang naisin nila, at ang lahat ng kanilang ambisyon at pagnanais ay maaari nang makamit. Ito ang pinakalayunin ng isang anticristo.
Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Posible ba para sa iyo na gawin ang isang taong tutol sa katotohanan na tanggapin ito at isagawa ito? (Hindi.) Ang paggawa niyon ay katumbas ng pagpapaakyat sa baka sa isang puno o ng pagpapakain ng dayami sa isang lobo—hindi ba’t paghingi iyon ng imposible sa kanya? Minsan ay makikita mo ang isang lobo na pumapasok sa isang kawan para makasama roon ang mga tupa. Gumagamit ito ng panlilinlang, naghihintay ng pagkakataon nitong kainin ang mga tupa. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nito. Gayundin, ang pagkakaroon ng isang anticristo na nagsasagawa ng katotohanan ay katumbas ng pagkakaroon ng isang lobo na kumakain ng dayami at inaabandona ang instinto nitong kumain ng tupa: Imposible ito. Karniboro ang mga lobo. Kumakain ang mga ito ng tupa—kumakain ang mga ito ng lahat ng uri ng hayop. Iyon ang kalikasan ng mga ito, at hindi ito mababago. Kung sinasabi ng isang tao na, “Hindi ko alam kung ako ay isang anticristo, subalit sa tuwing naririnig kong ibinabahagi ang katotohanan, nag-aalab sa galit ang aking puso, at namumuhi ako rito—at kung sinuman ang pupungos sa akin, mas lalo ko siyang kamumuhian,” anticristo ba ang taong iyon? (Oo.) Sinasabi ng isang tao na, “Kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay, kailangan mong magpasakop at hanapin ang katotohanan,” at sinasabi ng unang taong iyon, “Magpasakop, mukha mo! Tumigil ka sa pagsasalita!” Anong uri ng bagay iyon? Pagiging mainitin ng ulo ba ito? (Hindi.) Anong disposisyon ito? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ni hindi niya matitiis ang usapan tungkol dito, at sa sandaling magbahagi ka ng katotohanan, sumasambulat ang kanyang kalikasan, at ipinakikita niya ang kanyang tunay na anyo. Ayaw niyang makarinig ng anumang pagbanggit tungkol sa paghahanap sa katotohanan o pagpapasakop sa Diyos. Gaano katindi ang pag-ayaw niya? Kapag narinig niya ang gayong usapan, nagagalit siya. Nawawala ang kanyang pagkamagalang; hindi siya natatakot na ipakita ang tunay niyang pagkatao. Ganoon kalayo ang naaabot ng kanyang pagkamuhi. Maisasagawa ba niya ang katotohanan, kung gayon? (Hindi.) Ang katotohanan ay hindi para sa kasamaan; ito ay para sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, sa mga nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay. Hinihingi nito sa mga taong iyon na tanggapin nila ito at isagawa ito. At para sa masasamang taong iyon na may diwa ng isang anticristo, na labis na mapanlaban sa katotohanan at sa mga positibong bagay, hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan. Gaano karaming taon man silang nananampalataya sa Diyos, gaano karaming sermon man ang kanilang naririnig, hindi nila tatanggapin o isasagawa ang katotohanan. Huwag ipagpalagay na hindi nila isinasagawa ang katotohanan dahil hindi nila ito nauunawaan, at na makauunawa sila kapag mas marami nito ang narinig nila. Imposible ito, dahil ang lahat ng tutol sa katotohanan at namumuhi rito ay mga kauri ni Satanas. Hindi sila kailanman magbabago, at walang ibang makakapagpabago sa kanila. Tulad lang ito ng arkanghel, pagkatapos ipagkanulo ang Diyos: Narinig na ba ninyo na sinabi ng Diyos na ililigtas Niya ang arkanghel? Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos. Kaya, ano ang ginawa ng Diyos kay Satanas? Ibinagsak Niya ito sa himpapawid at pinagserbisyo ito sa Kanya sa lupa, ginagawa ang dapat nitong gawin. At kapag natapos na ito sa pagseserbisyo, at nakompleto na ang plano ng pamamahala ng Diyos, wawasakin Niya ito, at iyon ang magiging iyon. May sinabi bang isang karagdagang bagay ang Diyos dito? (Wala.) Bakit wala? Dahil ito ay, sa madaling salita, walang silbi. Ang magsabi ng isang bagay rito ay kalabisan. Nakita na ito ng Diyos: Hindi kailanman mababago ang kalikasan ng isang anticristo. Ganyan na iyan.