Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

Isang Paghihimay Kung Paano Hinihimok ng mga Anticristo ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos

III. Isang Paghihimay tungkol sa Pagbabawal ng mga Anticristo sa Iba na Makialam, Magtanong, o Mangasiwa sa Kanila sa Kanilang Gawain

Bilang pagpapatuloy sa paksa ng ating huling pagbabahaginan ay ang ikawalong aytem sa iba’t ibang paraan ng pagpapamalas ng mga anticristo: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Hinati natin ang aytem na ito sa apat na subseksiyon. Ang dalawa ay pinag-usapan natin sa ating huling pagtitipon: Ang una ay na wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino; ang ikalawa ay mayroon silang pagnanais at ambisyon na kontrolin at lupigin ang mga tao. Ano ang ikatlo? Pagbabawal sa iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa anumang gawaing ginagawa nila. Ano ang maaaring kabilang sa anumang gawain na tinanggap nila? Kinabibilangan ito ng anumang programa sa gawain na maaaring responsabilidad ng isang lider o manggagawa, gayundin ang gawain na maaaring responsabilidad ng isang superbisor ng grupo o isang lider ng grupo; maaaring propesyonal na gawain rin ito sa ilang larangan, o gawain ng isang tao. Ang taong ito na tumanggap ng anumang gawain ay maaaring isang lider o manggagawa, o maaaring isa siyang ordinaryong kapatid. Kung pinagbabawalan niya ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila, nasa anong kalagayan siya? Anong mga pag-uugali ang nauugnay sa pagbabawal na ito? Ito ay isa pang pag-uugali na nasa ilalim ng ikawalong pagpapamalas ng mga anticristo, isa pang pagbubunyag ng kanilang diwa. Sa tungkulin ng bawat uri, may ilang gawain na propesyonal, at may ilan na direktang kinasasangkutan ng buhay pagpasok. Kinapapalooban ang propesyonal na gawain ng lahat ng aspekto ng mga bagay tulad ng teknik, kaalaman, pagkatuto, at pamamahala sa mga tauhan. Ang lahat ng ito ay kabilang dito. May ilang tao, na matapos tanggapin ang isang trabaho, ay nagsisimulang gawin ito nang sila lang. Hindi nila ito tinatalakay sa iba, at kapag nahihirapan sila, hindi nila gustong hanapin ang input ng iba; gusto lang nilang maging mga tanging tagapamagitan at may huling salita. Maaaring mag-alok ang ibang tao ng kanilang mga ideya at input, umaasang matutulungan sila nang kaunti—pero tinatanggap ba nila ito? (Hindi.) Hindi, hindi nila ito tinatanggap. Anong uri ng disposisyon iyon? Anong disposisyon ang namamahala sa kanila, na pinagbabawalan nila ang iba na makialam, magtanong tungkol sa, o mangasiwa sa kanilang pagganap ng tungkulin? Naniniwala sila, “Alam ko ang tungkol sa linya ng gawaing ito, at alam ko ang teorya. Iniatas sa akin ng iglesia ang gawaing ito. Kaya, gagawin ko ito nang mag-isa.” Madalas nilang sinasabi na nauunawaan nila ang propesyon at na tagaloob sila para bigyang-katwiran ang pagtanggi nilang isiwalat sa iba ang anumang impormasyong nauugnay sa trabaho o sa pag-usad ng gawain. Ayaw nga rin nilang ipaalam sa iba ang tungkol sa mga kapalpakan, pagkakamali, o aberya na nangyayari sa trabaho. Kapag nalaman ng ibang tao ang gayong bagay at gustong magtanong, makisali, o malaman ang higit pa, tumatanggi silang sumagot, sa halip ay sinasabi, “Teritoryo ko ang mga bagay na saklaw ng aking gawain. Wala kang karapatang magtanong. Hindi ito iniatas sa iyo ng iglesia—ako ang inatasan nito, at kailangan ko itong panatilihing pribado.” Makatwiran ba ang dahilang iyon? Tama ba sa kanila na “panatilihin itong pribado”? (Hindi.) Bakit hindi? Magiging paglabag ba sa mga tuntunin ang pakikipagbahaginan sa iba tungkol sa kalagayan ng gawain, mga kapalpakan at problema na nangyari dito, at ang plano at direksiyon nito? (Hindi.) Hindi, maliban sa ilang partikular na detalye na maaaring magdala ng panganib sa seguridad ng iglesia kung sakaling lumabas ang mga ito, at na hindi nararapat na sabihin sa iba. Sa gayong mga kaso, ayos lang na hindi sabihin ang mga ito. Pero kung ginagamit nila ang pagiging pribado ng mga ito bilang katwiran, at hindi hahayaang malaman ng iba ang anumang bagay na nasa saklaw ng kanilang gawain, at nilalabanan at tinatanggihan ang mga pagtatanong, pagkuwestiyon, o pag-apela para sa impormasyon, mula sa mga ordinaryong kapatid at mga kapwa lider at manggagawa, ano ang problema roon, kung gayon? Maaaring gusto nilang gumawa ng isang bagay sa isang partikular na paraan, halimbawa. Sinasabi ng iba pa sa kanila, “Kung gagawin mo iyan nang ganyan, magdudulot ito ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at maliligaw ka ng landas. Paano kung gawin natin ito nang gaya nito sa halip?” Iniisip nila sa sarili nila, “Kung gagawin ko ito tulad nang sinabi mo, ipakikita niyon sa iba na hindi maganda ang paraan ko, hindi ba? At pagkatapos ay mapupunta sa iyo ang kredito para sa gawain, hindi ba? Hindi maaari iyon; mas gugustuhin ko pang malihis ng landas kaysa sundin ang iyong paraan. Kailangan kong sundin ang sarili kong paraan. Wala akong pakialam kung magdudulot ito ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng diyos; ang aking reputasyon at katayuan ang mahalaga—ang aking katanyagan ang mahalaga!” Kahit na mali ang ginagawa nila, magiging mali lang sila, at hindi nila pahihintulutan ang sinuman na makialam. Hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Iyon nga.) Ano ang diwa ng hindi pagpapahintulot sa iba na makialam? Ito ay paggawa sa sariling negosyo ng isang tao. Ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay hindi ang mahalaga sa kanila, at ang gawain nito ay hindi ang kanilang pokus. Hindi sila gumagawa ayon sa prinsipyong iyon. Sa halip, gumagawa sila nang may pokus sa kanilang mga personal na interes at sa kanilang katayuan at katanyagan; ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos ay dapat na magsilbi sa sarili nilang katayuan at mga sarili nilang interes. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nila hinahayaan ang iba na makialam o magtanong tungkol sa kanilang gawain. Naniniwala sila na sa sandaling may makialam sa kanilang gawain, manganganib ang kanilang katayuan at mga interes, na ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan, pati na ang mga problema at paglihis sa kanilang gawain, ay malamang na malalantad. Kaya, determinado silang pagbawalan ang iba na makialam sa kanilang gawain, at hindi nila tinatanggap ang pakikipagtulungan o pangangasiwa ng sinuman.

Anumang gawain ang ginagawa ng isang anticristo, natatakot siya na mas marami pang malalaman ang Itaas tungkol dito at magtatanong. Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa kalagayan ng gawain o sa pamamahala sa mga tauhan, magbibigay lang siya ng pabasta-bastang pag-uulat ng ilang walang-kabuluhang bagay, ilang bagay na pinaniniwalaan niyang ayos lang na malaman ng Itaas, na walang mga magiging kahihinatnang dulot ng pagkaalam nila nito. Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa iba pa nito, maniniwala siya na nakikialam ang mga ito sa kanyang tungkulin at sa kanyang “mga panloob na usapin.” Wala na siyang sasabihin pa sa mga ito, kundi magpapanggap na walang alam, manlilinlang at pagtatakpan ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t tinatanggihan niya ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos? (Tinatanggihan niya.) At ano ang gagawin niya kung may isang taong nakatuklas ng isa niyang problema at ilalantad siya at iuulat ito sa Itaas? Haharangan niya ito, hahadlangan ito—magbabanta pa nga siya: “Kung sasabihin mo ito at hahantong ito sa pagpupungos sa atin ng itaas, nasa iyo ang sisi. Kung pupungusan ang sinuman, ikaw iyon!” Hindi ba’t sinusubukan niyang magtatag ng isang independiyenteng kaharian? (Ganoon nga.) Hindi nga rin niya hahayaang magtanong ang Itaas, at walang sinuman ang may karapatang malaman ang tungkol sa mga bagay na nasa saklaw ng kanyang gawain o na kuwestiyunin siya tungkol sa mga bagay na iyon, lalong hindi ang gumawa ng mga rekomendasyon. Kung napasakamay niya ang isang programa sa gawain, siya lang ang maaaring magkaroon ng huling salita tungkol sa mga isyu na nasa saklaw ng gawaing iyon; siya lang ang makapagpapasya; siya lang ang makakakilos at makakapagsalita ayon sa gusto niya, at gaano pa man siya kumilos, may katwiran siya para dito. Anong pamamaraan ng pagkilos ang ginagamit niya kapag may nagtatanong? Pagpapabasta-basta at pagtatakip. At ano pa? (Panlilinlang.) Tama iyan: panlilinlang—papakitaan ka pa nga niya ng huwad na anyo. Sa isang iglesia, halimbawa, ang isang lider o diyakono ng ebanghelyo ay maaaring malinaw na nagkamit lang ng tatlong tao sa iglesia na kanyang responsabilidad sa loob ng isang buwan, higit na mas kaunti kaysa sa ibang mga iglesia. Pakiramdam niya ay walang paraan para maipaliwanag iyon sa Itaas—kaya, ano ang ginagawa niya? Kapag nag-uulat siya ng kanyang gawain, nagdaragdag siya ng isang zero pagkatapos ng tatlong iyon at sinasabing nagkamit siya ng tatlumpung tao. May iba pang nakaalam nito at kinuwestiyon siya: “Hindi ba’t panlilinlang iyon?” “Panlilinlang?” sabi niya. “Bakit, magiging ayos lang naman ito kapag nagkamit tayo ng tatlumpung tao sa susunod na buwan para makabawi, hindi ba?” May katwiran siya para dito. Kung may ibang taong seseryosohin ang isyung ito at nanaising iulat ang mga katunayan sa Itaas, maniniwala siyang gumagawa ng problema ang taong iyon para sa kanya, na may galit ito sa kanya. Kaya, susupilin at haharapin niya ito—gagawa siya ng problema para dito. Dito, hindi ba niya pinarurusahan ang mga tao? Hindi ba siya gumagawa ng kasamaan? Hindi niya kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa kanyang gawain, kaya ano ang layon niya sa paggawa ng gawain? Ito ay tungkol sa pagsiguro sa kanyang katayuan at kabuhayan. Anuman ang masasamang bagay na ginagawa niya, hindi niya sinasabi sa mga tao ang layunin at motibo sa kanyang ginagawa. Dapat niyang panatilihing lubos na lihim ang mga iyon; mga klasipikadong impormasyon ang mga bagay na iyon sa kanya. Ano ang pinakasensitibong paksa para sa mga taong tulad nito? Ito ay kapag tinanong mo sila, “Ano ang ginagawa mo kamakailan? Nagbunga ba ng anumang resulta ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Nagkaroon ba ng anumang paggambala o panggugulo sa lugar na sakop ng iyong gawain? Paano mo pinangasiwaan ang mga ito? Nasa wastong kalagayan ka ba sa iyong gawain? Ginagawa mo ba nang tapat ang iyong tungkulin? Nagdulot ba ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ang mga ginawa mong desisyon sa gawain? Napalitan na ba ang mga lider na hindi kalipikado? Itinalaga ba sa mas mataas na posisyon at nilinang ang mga taong may mahusay na kakayahan na medyo naghahangad sa katotohanan? Sinupil mo ba ang mga taong naging suwail sa iyo? Anong kaalaman ang mayroon ka sa iyong tiwaling disposisyon? Anong uri ng tao ka?” Ang mga ito ang mga paksa na pinakasensitibo sa kanila. Pinaka-kinatatakutan nila na maitanong sa kanila ang mga ito, kaya, sa halip na hintayin kang tanungin mo sila, magmamadali silang maghanap ng ibang paksa para pagtakpan sila. Gusto ka nilang iligaw sa lahat ng paraan, pinipigilan kang malaman kung ano talaga ang sitwasyong ito, sa kasalukuyang kalagayan nito. Palagi ka nilang pinananatili sa dilim, palagi kang pinipigilang malaman kung gaano kalayo na talaga ang naabot nila sa kanilang gawain. Walang katiting na pagiging hayag doon. May tunay na pananalig ba sa Diyos ang gayong mga tao? May takot ba sila sa Diyos? Wala. Hindi sila kailanman maagap na nag-uulat ng tungkol sa gawain, ni hindi sila maagap na nag-uulat tungkol sa mga aberya sa kanilang gawain; hindi sila kailanman nagtatanong, naghahanap, o naghahayag ng tungkol sa mga hamon at kalituhan na naranasan nila sa kanilang gawain, kundi sa halip ay nagagawa pang pagtakpan ang mga bagay na iyon, niloloko at nililinlang ang ibang tao. Walang anumang pagiging hayag sa lahat ng kanilang gawain, at kapag pinilit lang sila ng Itaas na magbigay ng isang makatotohanang ulat at paliwanag na may pag-aatubili silang magsasabi nang kaunti. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa magsalita tungkol sa anumang isyu na may kinalaman sa kanilang reputasyon at katayuan—mamamatay sila bago magbigay ng isang salita tungkol doon. Sa halip, nagpapanggap silang hindi nakakaunawa. Hindi ba’t disposisyon iyon ng isang anticristo? Anong uri ng tao ito? Madali bang malutas ang ganitong uri ng problema? Kung bibigyan sila ng Itaas ng patnubay sa kanilang gawain, ano ang saloobin nila tungkol doon? Pagpapabasta-basta. Tila pumapayag sila, at kumukuha pa nga sila ng kuwaderno o kompyuter at puspusang nagtatala—pero kapag nagawa na nila, naunawaan na ba nila ang patnubay at gagawa na sila? (Hindi.) Pumopostura sila para makita mo, nagpapakitang-gilas para mailihis ka. Ano ba talaga ang iniisip nila? “Dahil ibinigay ang gawaing ito sa akin para gawin, ako ang masusunod. Walang maaaring makialam sa gusto kong gawin. ‘Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado,’ kaya mayroon ako ng karapatang ito. Kung hindi iyon ganoon, huwag mo itong ipangasiwa sa akin. Patalsikin mo ako.” Ito ang iniisip nila, at ganito sila kumikilos. Anong disposisyon iyon? Hindi ba’t disposisyon iyon ng isang anticristo? (Ganoon nga.) Nangangahulugan ito ng problema. Hindi ka pinahihintulutang makialam o magtanong, o mag-imbestiga at manguwestiyon. Medyo sensitibo sila riyan. Iniisip nila, “Ito ba ang itaas na sinusubukang suriin ang aking mga problema at suriin ang aking gawain? Sino ang nagsiwalat ng impormasyon?” Sa pagkataranta, nagsisikap silang malaman kung sino ang nagkompromiso sa kanila. Sa huli, nauwi sa dalawa ang mga pinagdududahan nilang tao, at pinalayas nila ang mga ito. Anong problema ito? Ito ang disposisyon ng isang anticristo.

Ano ang pangunahing tanda ng disposisyon ng isang anticristo? Ang pagkapit sa katayuan at pagkontrol sa iba. Nagkakamit sila ng katayuan para kontrolin ang iba. Hangga’t mayroon silang katayuan, lehitimo nilang isasailalim ang mga tao sa kanilang pagkontrol. Bakit sinasabi Kong gagawin nila ito nang lehitimo? Dahil ang trabaho nila ay itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos; pinili sila ng mga kapatid para gawin ito. Hindi ba nila mararamdaman sa gayon na lehitimo sila sa paggawa nito? (Oo.) Kaya, nagsisilbi ito sa kanila bilang isang bagay na dapat pakinabangan, iniisip na: “Pinili ninyo ako, hindi ba? Kung pinili ninyo ako, dapat kayong magtiwala sa akin. May kasabihan ang mga walang pananampalataya: ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’” Dito, gumamit pa nga sila ng satanikong kasabihan. Katotohanan ba ang kasabihang ito? (Hindi.) Ito ay satanikong maling paniniwala at panlilinlang. Kung magtatanong ka tungkol sa kanilang gawain, maglalabas sila ng gayong teorya: “‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Kung ginagamit mo ako, hindi mo ako dapat pagdudahan. Kung hindi mo alam kung anong uri ako ng tao, kung hindi mo ako maintindihan, huwag mo akong gamitin. Pero ginagamit mo ako, at dahil diyan, dapat maging matatag ako sa posisyong ito. Dapat masunod ang sinasabi ko.” Dapat masunod ang sinasabi nila sa lahat ng usapin sa gawain; hindi uubra na hindi sila hahayaan, o na hahanapan sila ng kapareha, o na aatasan ang iba na pangasiwaan o gabayan sila. Kung may darating para siyasatin ang kanilang gawain, tatanggi lang sila—pakiramdam nila ay wala silang ginawang mali at hindi na kailangang siyasatin. Gamit ang mga karapatan, sinasamantala nila ang kanilang katayuan at awtoridad para kontrolin ang iba, ang lugar ng paggawa, at ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t nagtatatag sila ng isang independiyenteng kaharian? Hindi ba’t isa itong anticristo? Maaaring inatasan sila ng sambahayan ng Diyos na gawin ang gawaing ito at gampanan ang tungkuling ito, pero hindi sila nito pinagagamit ng kapangyarihan bilang isang diktador. Hindi ba’t nagkaroon ng maling pagkaunawa ang gayong tao sa layunin ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng Kanyang sambahayan? Bakit palagi niyang hinahangad ang katayuan at kapangyarihan sa halip na gawin nang maayos ang kanyang tungkulin? (Pinamamahalaan siya ng disposisyong anticristo.) Tama iyon—gayon ang disposisyon ng isang anticristo. Bakit nagkakaroon siya ng maling pagkaunawa kapag nagsasaayos ang iglesia ng gawain para sa kanya? Dahil likas na gusto niyang kontrolin ang mga tao. Iyon ang kanyang kalikasang diwa—iyon siya. Magsaayos ka ng gawain para sa kanya, at mararamdaman niyang nagtataglay na siya ngayon ng kapangyarihan at katayuan, at sa gayon ay may kontrol sa kanyang teritoryo. Kung pupunta ka sa kanyang teritoryo, kailangan mong gawin kung ano ang sinasabi niya. Halimbawa, minsang nagsaayos ang sambahayan ng Diyos para suriin ng isang lider ang gawain ng isang anticristo. Ang lider at ang anticristo na iyon ay parehong lider ng iglesia; pareho sila ng ranggo. Sinabi ng anticristo, “Lider ka ng iglesia at lider ako ng iglesia. Pareho tayo ng ranggo. Huwag mo akong pakialaman, at hindi kita pakikialaman. Huwag kang makipagbahaginan sa akin—wala ka sa posisyong gawin iyon! At gusto mong magtanong kung kumusta ang mga bagay sa aming iglesia—inutusan ka ba ng itaas na gawin ito? Ipakita mo sa akin ang ebidensya.” Sinabi ng lider, “Inutusan lang ako ng Itaas na magparating ng isang mensahe. Magtanong ka kung hindi ka naniniwala sa akin.” Sinabi ng anticristo, “Kung gayon ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatang makipagbahaginan sa akin at gumawa ng mga akusasyon laban sa akin? Ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatang magtanong tungkol sa mga bagay na nasa ilalim ng aking gawain? Wala kang karapatan para gawin iyon!” Naaayon ba ang mga salitang ito sa katotohanan? (Hindi.) Anong pamamaraan ng pagkilos ito? Isang bagay na isang anticristo lang ang gagawa. May isang kasabihan ang mga walang pananampalataya: “Kung malakas ka, tama ka.” Nakikipagkompetensiya sila para makita kung kaninong ranggo ang mas mataas, kung kaninong puwersa ang mas malakas, kung sino ang mas may kakayahan. Nakikipagkompetensiya sila para makita kung sino ang namamahala sa mas maraming tao. At sa sambahayan ng Diyos, nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa iba para makita ang parehong mga bagay na ito. Hindi ba sila napunta sa maling lugar? Ang isang tao ba na nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon, pero hindi isang anticristo, ay karaniwang mag-iisip sa ganitong paraan kapag nakakatagpo siya ng isang lider ng iglesia na kapareho niya ng ranggo? Mayroon siyang ibubunyag, pero magagawa niyang makipagbahaginan sa lider na iyon nang normal. Talagang hindi niya sasabihin, “Nasa posisyon ka ba na magtanong tungkol sa gawain ko?” Hindi niya sasabihin iyon, dahil mayroon siyang normal na katwiran, at mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Paano aasal ang isang taong may normal na katwiran? Iisipin niya, “Ang pagtatalaga sa atin para pamunuan ang iglesia—pagtataas sa atin iyon ng Diyos; ito ay Kanyang atas, at ito ay ating tungkulin. Kung hindi tayo inatasan ng Diyos na gawin ito, wala tayo. Ito ay hindi isang uri ng opisyal na trabaho. Kaya kong makipagbahaginan sa iyo tungkol sa gawain ng iglesia, at sa kung ano ang nangyayari sa mga kapatid, at sa aking karanasan sa gawain.” Makikipagbahaginan ba ang isang anticristo sa iba tungkol sa mga bagay na ito? Hindi—talagang hindi niya ibubunyag ang mga ito. Ito ang dahilan kung bakit ang isang katangian ng mga anticristo ay ang pagnanais para sa katayuan at kapangyarihan na humihigit sa mga ordinaryong tao, at ito ang dahilan kung bakit higit pa roon, mas tuso at mapanira sila kaysa sa mga ordinaryong tao. Saan naipamamalas ang kanilang pagiging tuso at mapanira? (Wala silang anumang sinasabi sa iyo. Wala silang anumang direktang sinasabi sa iyo.) Pakiramdam nila na ang bawat bagay ay isang lihim, isang bagay na hindi nila dapat sabihin sa iba. Sa bawat usapin, mapagbantay sila sa iba; pinananatili nilang nakabalot, nakatakip, at nakatago ang lahat. Maaari ba silang magkaroon ng normal na pakikipag-ugnayan at komunikasyon sa kanilang mga pakikitungo sa iba? Makakapagsabi ba sila ng anumang bagay mula sa puso? Hindi. Nagbibigay lang sila ng ilang mababaw na kasabihan at kaaya-ayang salita, para pigilan kang makita ang tunay na sitwasyon. Pagkatapos mong makipag-ugnayan sa kanila nang ilang sandali, mararamdaman mo, “Sa itsura, tila hindi masama ang taong ito, pero bakit palagi kong nararamdaman na napakalayo ng puso niya sa ibang tao? Bakit palaging nakakailang na makipag-ugnayan sa kanya? Palagi kong nararamdaman na hindi siya maarok.” May ganoon ka bang pakiramdam? (Oo.) Iyon ang disposisyon ng isang anticristo: Mapagbantay siya sa lahat. At bakit siya mapagbantay? Dahil sa nakikita niya, sinuman ay maaaring magdulot ng banta sa kanyang katayuan. Kung hindi siya mag-iingat, kung hindi siya magiging mapagbantay, maaaring mapahintulutan niya ang iba na malaman kung ano talaga ang nangyayari sa kanya, ang tunay na sarili niya—at ang kanyang katayuan ay hindi na mapapanatili. Kaya, kapag nakakatagpo siya ng isang tao na nagtatanong tungkol sa kalagayan ng kanyang gawain at sa kanyang tungkulin, o nagtatanong tungkol sa kanyang personal na kalagayan, pagtatakpan niya ang kaya niyang pagtakpan at tatapusin ang kaya niyang tapusin. Kung ano ang hindi niya kayang tapusin, gagawa siya ng paraan para magpalusot, o itatago niya ang sarili niya mula sa iyo. May ilang anticristo na may kakaibang disposisyon: Kahit naninirahan sila kasama ng iba, hindi mo sila makikitang nagkakaroon ng mga normal na pakikipag-ugnayan sa sinuman, at wala silang normal na komunikasyon sa iba. Araw-araw, hindi sila nakikisalamuha sa iba, lumilitaw sa oras ng pagkain at naglalahong muli pagkatapos. Palagi silang nawawala. Bakit hindi sila nakikipag-ugnayan sa iba? Sasabihin nila ang anuman sa kanilang pamilya, kaya bakit wala silang masabi sa mga kapatid? May kasabihan ang mga walang pananampalataya: “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Nakatuon ang gayong mga tao sa paniniwalang ito; hindi nila hahayaan ang sarili nilang magsalita nang walang ingat, dahil maaaring mailantad ng sinasabi nila ang kanilang layunin, inilalantad ang kanilang kahinaan. Hindi masasabi kung aling salita ang makapagpapababa ng tingin ng iba sa kanila at makapagpapaalam sa iba kung ano talaga ang nangyayari sa kanila, kaya ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para maiwasan ang iba. Hindi ba sinasadya ang pag-iwas na ito, o may isang bagay ba sa loob nito na namamahala rito? May isang bagay roon, pinamamahalaan ito. Makatarungan at marangal ba ang bagay na iyon, o kaduda-duda ba ito? (Kaduda-duda ito.) Siyempre kaduda-duda ito. Hindi ito ang tanging paraan na umaasal ang mga anticristo—kadalasan, hindi sila nakikipag-usap o nakikipag-ugnayan nang normal sa iba; minsan, gayumpaman, napakahusay nilang magsalita at nakakapagsalita sila—pero anong mga bagay ang sinasabi nila? Ano ang nilalaman ng mga ito? Nangangaral sila ng mga salita at doktrina, nagpapakitang-gilas sila. Sinasabi nila na kaya nilang gumawa ng aktuwal na gawain at lumutas ng mga aktuwal na problema, gayong sa katunayan, wala silang anumang tunay na kasanayan. Tanungin mo sila kung anong mga kakulangan mayroon sila, kung may mapagmataas na disposisyon sila, at sasabihin nila, “Sino sa tiwaling sangkatauhan ang hindi mayabang?” Tumingin ka roon—maging ang kayabangan nila ay may batayan. Kabilang dito ang lahat sa loob nito, na para bang medyo tama ang kayabangan nila. Hindi nila kailanman hahanapin ang katotohanan, at tila hindi nila naiintindihan na may anumang problema o paghihirap sa gawain. At hindi mo malalaman ang tunay na sitwasyon sa pagtatanong sa kanila. Kapag wala silang magawa, tahimik lang silang uupo roon, at sa tuwing nagsasalita sila, magsasalita sila tungkol sa kanilang mga kalipikasyon. Hindi sila kailanman nagtatapat; hindi nila sinasabi kung anong paghihimagsik o labis na pagnanais ang nasa kalooban nila, o kung paano nila sinusubukang gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, o kung kanino sila nagsinungaling, o kung ano ang mga ambisyon nila sa paggawa ng gawain. Hindi nila kailanman binabanggit ang mga isyung ito, at kapag ginagawa ito ng iba, hindi sila interesado. Kahit na sa mga tanong na may kinalaman sa mga bagay na saklaw ng kanilang gawain, pahapyaw lang silang magsasalita nang kaunti. Sa madaling salita, sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila, sa anumang haba ng panahon, ay labis na mahihirapan kung nais nilang matuto nang higit pa tungkol sa anumang bagay sa loob ng saklaw ng kanilang tungkulin, may kaugnayan man ito sa mga tauhan, propesyonal na pagsasagawa, o pag-usad ng gawain. Anuman ang anggulo ng iyong pamamaraan—sinusubukan mo mang ipasok ang iyong tanong sa di-tuwirang paraan, o itanong ito nang direkta, o itanong ito sa isang taong malapit sa kanila—hindi ka madaling makakakuha ng mga resulta. Napakamatrabaho nito. Hindi ba’t mapaminsala iyon? (Oo.) Bakit napakamatrabahong kumuha ng anumang impormasyon tungkol sa mga bagay mula sa kanila? Bakit pinananatili nilang mahigpit na nakatago ang mga bagay? Ano ang layon nila? Gusto nilang manatiling sigurado sa kanilang katayuan at kabuhayan. Naniniwala sila, “Hindi madaling bagay na makuha ang katayuang ito, ang makarating sa kung nasaan ako ngayon—hindi ba’t mangangahulugan ito ng problema para sa akin kung gagawin kong hangal ang sarili ko sa paggawa ng pagkakamali sa isang sandali ng kawalang-ingat? At bukod pa rito, kung alam ng sambahayan ng diyos ang masasamang bagay na nagawa ko, sino ang magsasabi kung pangangasiwaan nila ako?” Gaano ka man magsalita tungkol sa pagiging bukas, at pagiging isang matapat na tao, at paggawa ng isang tungkulin nang tapat, makakarating ba ito sa kanila? Hindi, hindi ito makakarating. Para sa kanila, isa lang ang kredo: Ang walang ingat na pagsasalita ay nagdudulot ng kapahamakan. Kung sasabihin mo sa iba ang lahat, wala kang kakayahan—isang walang kuwenta! Iyon ang kredo nila. Ganyan ang disposisyon ng mga anticristo.

Anumang gawain ang ginagawa ng isang anticristo, pinagbabawalan niya ang iba na makialam o magtanong, at higit pa ay pinagbabawalan niya ang sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa sa kanya. Ano ang layon niya sa paggawa nito? Pangunahing nais niya na kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos, na masiguro ang kanyang katayuan at ang kanyang kapangyarihan, na nangangahulugang sinisiguro niya ang kanyang kabuhayan. Iyon ang kanyang pangunahing layon. Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong tanungin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapabayaan at kamalian sa inyong gawain at pungusan kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin nila sa inyo at hindi kayo isasaalang-alang na taasan ng ranggo? Kung may ganito kang mga kinatatakutan, pinatutunayan nito na hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia ang mga motibasyon mo, gumagawa ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, na nagpapatunay na may disposisyon ka ng isang anticristo. Kung may disposisyon ka ng isang anticristo, malamang na tahakin mo ang landas ng mga anticristo, at gawin ang lahat ng kasamaang inihasik ng mga anticristo. Kung, sa iyong puso, hindi ka natatakot na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang iyong gawain, at nagagawa mong magbigay ng mga tunay na sagot sa mga katanungan at pag-uusisa ng Itaas, nang walang itinatagong anuman, at sinasabi kung ano ang nalalaman mo, kung gayon tama man o mali ang sinasabi mo, kahit ano pang katiwalian ang naibunyag mo—kahit naibunyag mo pa ang disposisyon ng isang anticristo—siguradong hindi ka tutukuyin na isang anticristo. Ang susi ay kung nagagawa mo bang alamin ang sarili mong disposisyon ng isang anticristo, at kung nagagawa mo bang hanapin ang katotohanan upang malutas ang problemang ito. Kung isa kang taong tinatanggap ang katotohanan, maaayos ang iyong anticristong disposisyon. Kung alam na alam mo na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo pero hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, kung sinusubukan mo pang pagtakpan o pagsinungalingan ang mga problemang nagaganap at iwasan ang responsabilidad, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kapag isinasailalim ka sa pagpupungos, kung gayon ay isa itong seryosong problema, at wala kang ipinagkaiba sa isang anticristo. Nababatid na may disposisyon ka ng isang anticristo, bakit hindi ka nangangahas na harapin ito? Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, “Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng Itaas sa sandaling malaman nila, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin”? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas pinahahalagahan mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo. Bakit mo pinakakaingatan nang husto ang katayuan? Ano ang mga kapakinabangang makukuha mo mula sa katayuan? Kung naghatid sa iyo ng kapahamakan, mga paghihirap, kahihiyan, at pasakit ang katayuan, pakakaingatan mo pa rin ba ito? (Hindi.) Napakaraming kapakinabangang nagmumula sa pagkakaroon ng katayuan, mga bagay na tulad ng inggit, paggalang, pagpapahalaga, at matatamis na salita mula sa ibang mga tao, pati na ang kanilang paghanga at pagpipitagan. Nariyan din ang pakiramdam na angat ka at may pribilehiyo na dulot ng iyong katayuan, na nagbibigay sa iyo ng karangalan at diwa ng pagpapahalaga sa sarili. Dagdag pa rito, matatamasa mo rin ang mga bagay-bagay na hindi natatamasa ng iba, tulad ng mga pakinabang ng katayuan at espesyal na pagtrato. Ito ang mga bagay na ni hindi ka nangangahas na isipin, at ang mga inaasam-asam mo sa iyong mga panaginip. Pinahahalagahan mo ba ang mga bagay na ito? Kung hungkag lamang ang katayuan, walang tunay na kabuluhan, at walang tunay na layunin ang pagtatanggol dito, hindi ba kahangalang pahalagahan ito? Kung kaya mong bumitaw sa mga bagay na tulad ng mga interes at tinatamasa ng laman, kung gayon hindi ka na matatali sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kaya, ano muna ang kailangang malutas para maresolba ang mga isyung nauugnay sa pagpapahalaga at paghahangad sa katayuan? Una, kilatisin ang kalikasan ng problema ng paggawa ng masama at panlilinlang, pagtatago, at pagtatakip, maging pagtanggi sa pangangasiwa, pagtatanong, at pagsusuri ng sambahayan ng Diyos, upang matamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Hindi ba’t ito ay lantarang paglaban at pagsalungat sa Diyos? Kung mahahalata mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan, malulutas ang problema ng paghahangad ng katayuan. Kung hindi mo kayang makilatis ang diwa ng pagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan, hindi malulutas ang problemang ito kailanman.

Nakikipagtulungan ba kayo para gumawa ng gawain at gampanan ang inyong mga tungkulin? Tumatanggap ba kayo ng pangangasiwa? May nagawa ba kayong anuman para pigilan ang iba na makialam o magtanong? Kung may nagtatanong, nilalabanan ninyo ba sila at sinasabi, “Sino ka sa tingin mo, nakikialam sa gawain ko? Mas mataas ako ng isang ranggo sa iyo sa katayuan, at masusunod ang aking sinasabi sa aking gawain. Hindi nagtanong ang Itaas, kaya ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatan?” May katulad ba niyan? Ano ang pangunahing disposisyon ng mga anticristo? Pag-okupa sa katayuan at pagsunggab sa kapangyarihan; hindi paggawa ng anumang bagay na makikinabang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, anumang bagay na nagmumula sa pagsasaalang-alang para sa mga interes nito, pero nagiging pabasta-basta at mapanlinlang, at walang sigla sa ginagawa. Sa panlabas ay tila medyo masigla silang abala sa kanilang mga gampanin, pero tingnan mo ang mga bagay na ginagawa nila, na una, ay walang pag-usad; pangalawa, ay hindi mahusay; at pangatlo, walang gaanong epekto—ganap na magulo ang pagkakagawa sa mga ito. May isang bagay lang silang hindi nila pinakakawalan, at iyon ay ang paggamit ng pagkakataong ibinibigay ng kanilang trabaho para hawakan ang kapangyarihan at hindi bumitaw. Ayos sila hangga’t mayroon silang kapangyarihan. Anumang trabaho ang ginagawa nila, may kinalaman man ito sa isang propesyon, sa mga panlabas na usapin, sa teknikal na kasanayan, o sa iba pang aspekto, walang pagiging bukas dito, sa kabuuan. Hindi ba sinasadya ang kawalan na ito ng pagiging bukas? Hindi—ang hindi sinasadya ay hindi disposisyonal, kundi may kinalaman sa kawalan ng kakayahan at sa hindi pagkaalam kung paano gagawin ang gawain. Bakit, kung gayon, sinasabi Ko na ang disposisyong ito ay ang disposisyon ng isang anticristo? Kumikilos sila nang sinasadya. May layunin sila sa kalooban nila: Sinasadya nilang pigilan kang malaman ang mga bagay na ito, at sinasadyang magtago sa iyo at umiwas na makita ka. Binabawasan nila ang pagsasalita at komunikasyon nila sa iyo; binabawasan nila ang kanilang mga pakikipag-usap sa iyo. Binabawasan nila ang kanilang paglalantad ng mga bagay na ito, para hindi mo sila palaging sisisihin at hindi ka palaging magtatanong sa kanila, para hindi masyadong marami ang iyong malalaman tungkol sa kung ano talaga ang nangyayari, para hindi mo mahahalata ang tunay nilang mukha. Hindi ba’t sinasadya iyon? Hindi ba’t may intensyon dito? Ano ang intensyon at layon nila? Nais ka nilang linlangin, para makapagpanggap sila; binibigyan ka nila ng maling impresyon at pinipigilan kang malaman ang totoong lagay ng mga bagay. Sa ganoong paraan, masisiguro nila ang kanilang katayuan, na ikalulugod nila. Hindi ba’t iyon ang kalikasan nito? (Ito nga.) Ito ang disposisyon ng mga anticristo, sinasadyang manlinlang, manloko, at pagtakpan ang mga bagay-bagay. Sinasadya ang lahat ng ito. Sabihin mo sa Akin, anong programa sa gawain ang naroon na nagpapanatiling abala sa mga tao na wala silang oras para makipagkita sa iba? Wala, tama? Walang programa sa gawain ang ginagawang sobrang abala ang isang tao na wala na siyang oras para kumain o matulog, o anumang oras para makipagkita sa iba. Hindi pa nagiging ganoon kaabala ang mga bagay-bagay. Maaaring mapunan ang oras para sa mga bagay na iyon. Kaya, bakit walang oras ang mga taong ito? Ayaw nilang makipagkita sa iyo; ayaw nilang magtanong ka tungkol sa kanilang gawain. Hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Iyon nga.) Anong uri ng mga tao sila? Hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Sila ay mga hindi mananampalataya—bawat isang anticristo ay hindi mananampalataya. Kung hindi, hindi nila aagawin ang gawain sa sambahayan ng Diyos, o kokontrolin ang mga sumusunod sa Diyos sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan. Hindi nila gagawin ang mga bagay na tulad niyon. Ang unang pag-uugali ng mga hindi mananampalataya ay na wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Nagpapakana sila para sa sarili nilang mga interes, sa pagkukunwari ng pananampalataya sa Diyos; sila ay matapang at walang ingat, hindi talaga natatakot. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi tunay na pananalig, kundi isang islogan. Wala talaga silang takot sa Diyos sa kanilang puso.