Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi) Ikatlong Seksiyon

C. Ang Saloobin at Pag-uugali ng mga Tao sa Pakikipag-ugnayan Nila sa mga Kasalungat na Kasarian

Ang ating ikatlong aytem ay ang saloobin at pag-uugali ng mga tao sa pakikipag-ugnayan nila sa mga kasalungat na kasarian sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Isa itong isyu na haharapin ng lahat ng namumuhay kasama ng ibang tao, anuman ang kanilang edad. Anong aspekto ng pagkatao ang nakapaloob dito? Nakapaloob dito ang dignidad ng isang tao, ang pakiramdam ng kahihiyan ng isang tao, at ang estilo ng asal ng isang tao. Napakakaswal ng pagtingin ng ilang tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa miyembro ng kasalungat na kasarian. Pakiramdam nila ay balewala lamang ito hangga’t walang nangyayari, at gayundin ang pagpapakasasa sa mahahalay na kaisipan o pagbubunyag ng ilang imoral na pagkahumaling. Dapat bang magkaroon ng gayong mga saloobin ang isang taong may normal na pagkatao? Palatandaan ba ito ng normal na pagkatao? Kapag may sapat ka nang gulang upang mag-asawa at makipag-ugnayan sa miyembro ng kasalungat na kasarian, at nais nang umibig, gawin mo ito nang normal, at walang sinumang makikialam. Pero hindi gusto ng ilang tao ang isang relasyon—nakikipaglandian sila nang ilang araw sa sinumang nakatatawag sa kanilang pansin, at sa sandaling may nakikilala silang natitipuhan nila at angkop sa kanilang mga kagustuhan, nagsisimula silang magpasikat. At paano sila nagpapakitang-gilas? Isang nakataas na kilay, isang kindat ng mata, o pagbabago sa tono ng kanilang boses habang sila ay nagsasalita, o kaya ay kumikilos sila sa isang natatanging paraan o magsisimulang gumawa ng mga nakakatawang pahayag upang mapansin sila; ito ay pagpapakitang-gilas. Kapag nagbubunyag ng mga ganitong pag-uugali ang isang tao na hindi normal na ganito, makatitiyak kang may ilang miyembro ng kasalungat na kasarian sa di-kalayuan na sumasang-ayon sa kanilang mga kagustuhan. Sino ang mga taong ito? Masasabi mo na umaasal sila sa mababang estilo, o hindi nagtatakda ng malinaw na mga hangganan sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan, ngunit hindi sila nagpapakita ng anumang kakutya-kutyang asal. Maaaring sabihin ng ilan na sadyang nagpapakahangal sila. Sa madaling salita, umaasal sila sa di-kapita-pitagang paraan; walang ideya tungkol sa paggalang sa sarili ang mga di-seryosong tao. May mga taong nagbubunyag ng mga ganitong katangian sa pang-araw-araw na buhay, ngunit hindi apektado ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin, ni hindi nito naaapektuhan ang pagtapos sa kanilang gawain, kaya’t problema ba talaga ito? Sinasabi ng ilan: “Hangga’t hindi nito hinahadlangan ang paghahangad nila sa katotohanan, kailangan pa ba itong pag-usapan?” Ano ang maiuugnay rito? Ang kahihiyan at dignidad ng pagkatao ng isang tao. Hindi maaaring mawalan ng kahihiyan at dignidad ang pagkatao ng isang tao, at kung wala ang mga ito, hindi maaaring maging normal ang kanilang pagkatao. May ilang tao na mapagkakatiwalaan, taimtim, at responsable, at masigasig sila sa lahat ng kanilang ginagawa. Wala silang anumang malaking problema, ngunit sadyang hindi nila sineseryoso ang aspektong ito ng kanilang buhay. Kapag nakikipaglandian ka sa isang miyembro ng kasalungat na kasarian, nakabubuti o nakasasama ba ito? Paano kung ang nilalandi mo ay mahulog ang loob sa iyo? Maaari mong sabihing “Hindi iyon ang ibig ko”; ngunit, kung nakikipaglandian ka pa rin sa sinuman kahit hindi naman pala iyon ang ibig mo, hindi mo ba sila pinaglalaruan? Pinipinsala mo sila! Medyo nagkukulang ito ng pagpapahalaga sa moralidad! Ang mga taong gumagawa nito ay may mababang karakter. Dagdag pa rito, kung wala kang balak na ituloy ang relasyong ito at hindi ka naman seryoso tungkol dito, ngunit itinataas mo pa rin ang iyong mga kilay at kinikindatan ang kabilang kasarian, at nagpapakitang-gilas nang may katuwaan at katatawanan, ginagawa ang lahat upang ipakitang mayroon kang estilo, na ikaw ay isang guwapo o maganda—kung nagpapasikat ka nang ganito, ano ba talaga ang ginagawa mo? (Nang-aakit ng mga tao.) May layong mang-akit dito. Ngayon, ang ganitong uri ba ng mapang-akit na ugali ay marangal o kasuklam-suklam na bagay? (Ito ay isang nakasusuklam na bagay.) Dito ay sadyang wala nang anumang dignidad. Anong uri ng mga tao sa mundong ito ang mang-aakit sa iba? Mga bayaran, mga mapangahas na babae, mga bastos—hindi alam ng mga taong ito ang kahihiyan. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkaalam ng kahihiyan? Ibig sabihin nito na wala silang nararamdamang kahihiyan. Integridad, kahihiyan, at karangalan, gayundin ang dignidad at reputasyon—wala silang pakialam sa alinman sa mga ito. Ang ganitong mga tao ay nagpapasikat at naglalandi. Hindi sapat para sa kanila ang pakikipaglandian sa isa o dalawang tao, at hindi sobra para sa kanila ang walo o sampu. Aabutin ng libu-libo para mapasaya sila. May ilang babaeng may-asawa ang may dalawang anak, at walang sinuman sa labas ng bahay ang nakakaalam tungkol dito. Bakit hindi nila ipinaaalam sa mga tao? Natatakot sila na kapag sinabi nilang kasal na sila at may karelasyon na, hindi na sila magtatagumpay sa kanilang mga pakikipaglandian, at mawawala ang kanilang pagiging mapang-akit at kabigha-bighani. Kaya hindi sila magiging bukas tungkol dito. Wala bang pakiramdam sa kahihiyan ang gayong mga tao? Normal ba ang pagkatao ng isang tao kung mayroon itong mga gayong bagay? Hindi. Ang implikasyon nito ay kung ikaw ay may gayong pagkatao at gayong mga pag-uugali, wala kang normal na pagkatao; wala itong kahihiyan at dignidad. May ilang tao na nagsisimulang haplusin ang kanilang buhok at ayusin ang kanilang mga damit sa sandaling napapalapit sila sa mga kasalungat na kasarian, o naglalagay sila ng kolorete at pulbos, ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para pagandahin ang kanilang sarili. Ano ang kanilang layunin dito? Ang kanilang layunin ay pang-aakit. Ito ay isang bagay na wala dapat sa normal na pagkatao. Para makapang-akit ng mga tao tulad nito at walang maramdaman, iniisip na ito ay sadyang normal at karaniwan, na hindi ito isang malaking bagay, ay ang mawalan ng pagpapahalaga sa kahihiyan at na hindi man lang malaman kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. May ilang tao na handang maglakad pataas at pababa sa kalye nang hubo’t hubad kung bibigyan sila ng sampung libong yuan. Anong klaseng tao sila? Sila ay mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan. Gagawin nila ang lahat para sa pera, nang walang kahihiyan. Walang katuturan at walang kuwenta sa kanila ang integridad, karakter, pagpapahalaga sa kahihiyan, at dignidad. Pakiramdam nila, talento nila ang kakayahan nilang magpasikat at mang-akit ng iba, at ang tanging kagalakan nila ay nagmumula sa pagkakamit ng pabor ng mas maraming tao at pagkakaroon ng mas maraming tao na naghahangad sa kanila. Iyon ang pinakamataas na karangalan sa gayong babae; ito ang itinatangi niya. Hindi niya pinahahalagahan ang mga bagay na tulad ng dignidad, pagpapahalaga sa kahihiyan, o karakter. Mabuting pagkatao ba ito? (Hindi.) Nagpakita ba kayo ng mga pag-uugaling ito? (Nagpakita kami.) Kung gayon, nagagawa ba ninyong pigilan ang mga ito? Kaya ba ninyong pigilan ang mga ito kadalasan, o kaya lang ninyo itong gawin nang madalang? May kakayahan ba kayong pigilan ang inyong sarili? Ang mga taong kayang magpigil sa kanilang sarili ay ang mga may pusong nakakaalam ng kahihiyan. Dumaraan sa bawat tao ang mga sandali ng kapusukan at pagkahaling, pero kapag nagagawa ito ng mga kayang magpigil sa kanilang sarili, pakiramdam nila ay hindi tama ang ginagawa nila, na nagpapababa ito sa kanila, na kailangan nilang umiwas kaagad, at na hindi na nila ito dapat gawin pa. At kalaunan, kapag nakatagpo muli sila ng gayong bagay, nagagawa nilang kontrolin ang kanilang sarili. Kung wala man lang nitong kaunting kapasidad para sa pagpipigil sa sarili sa loob ng iyong pagkatao, ano ang iyong paghihimagsikan kapag tinawag ka para isagawa ang katotohanan? Ang ilang tao ay biniyayaan ng magandang hitsura, at patuloy na nasusumpungan ang sariling hinahabol ng miyembro ng kabilang kasarian; mas maraming taong naghahabol sa kanila, mas nararamdaman nilang kaya nilang magpakitang-gilas. Hindi ba’t mapanganib ito para sa kanila? Ano ang dapat mong gawin kapag nasa ganitong kalagayan? (Kilalanin at iwasan ang patibong na ito.) Isa talaga itong patibong, na dapat mong iwasan—kung hindi, matatagpuan mo na lang ang sarili mong nabitag na ng taong iyon. Kailangan mong iwasan ang patibong na ito bago ka mabitag; tinatawag itong pagpipigil sa sarili. Ang mga taong may pagpipigil sa sarili ay may pakiramdam ng kahihiyan at may dignidad. Iyong mga wala nito ay madadarang ng sinumang mang-aakit sa kanila at kakagat sa bitag tuwing may sinumang naghahangad sa kanila, na nangangahulugan ng problema. Dagdag pa rito, sasadyain din nilang magpakitang-gilas, mag-aayos at magbibihis, at anumang damit na kailangan nilang suotin para lalo silang magmukhang guwapo, mas kaakit-akit at maganda, ay sadya nilang pipiliing isuot, at isusuot ang mga ito bawat araw; mapanganib ito para sa kanila, at ipinapakita nito na sila ay mga taong sadyang nagtatangkang mang-akit ng iba. Kung masyado kang mukhang kapansin-pansin at nakakaakit sa mga damit na ito, dapat kang maghimagsik laban sa iyong laman at isuko ang pagsusuot ng ganitong mga damit. Kung naninindigan ka sa bagay na ito, magagawa mo ito. Pero kung wala kang ganitong paninindigan at gusto mong humanap ng kapareha, sige at hanapin mo ito: makipag-ugnayan kayo nang normal sa isa’t isa, nang hindi nakikipaglandian. Kung hindi ka naghahanap ng kapareha, pero nakikipaglandian sa iba, matatawag lang ito bilang kawalan ng kahihiyan. Dapat maging malinaw ka sa kung ano ang pinipili mo. Makatatalima ba kayong lahat sa mga prinsipyo? (Mayroon kami ng ganitong paninindigan.) Kung mayroon ka ng ganitong paninindigan, kung gayon ay mayroon kang lakas, motibasyon, at magiging madali na tumalima sa mga ito. Ang ilang mga tao ay likas na kapita-pitagan, at bukod dito, dahil sa pagkakaroon ng pananalig sa Diyos, hinahangad nila ang katotohanan at tinatahak ang tamang landas; kaya wala sila ng pagnanasang iyon, at hindi tumutugon sa kaninumang nagtatangkang makipaglandian sa kanila. Medyo madaling matukso dito ang ilang tao, samantalang hindi ito pinapansin ng iba; tila nalutas na ito ng ilang tao, ngunit kahit sila mismo ay hindi nila masabi kung nalutas na nga ba nila ito o hindi. Tungkol sa pakikipag-ugnayan sa mga kasalungat na kasarian, ito ay isang bagay na dapat mong harapin nang tama at muling suriin, at tukuyin bilang bahagi ng dignidad at kahihiyan ng normal na pagkatao. Paano nauugnay ang kawalan ng pagpapahalaga sa kahihiyan sa kawalan ng pagkatao? Patas na sabihin na kung ang isang tao ay walang pagpapahalaga sa kahihiyan, wala siyang pagkatao. Bakit lahat ng walang pagkatao ay hindi nagmamahal sa katotohanan? At bakit sinasabi natin na maaaring hangarin ng tao ang katotohanan kung nagtataglay siya ng pagkatao? Sabihin mo sa Akin, alam ba ng mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan kung ano ang mabuti at kung ano ang hindi? (Hindi.) Kaya, kapag gumagawa sila ng masasamang bagay na lumalaban at nagkakanulo sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, nakakaramdam ba sila ng anumang paninisi sa sarili? (Hindi.) Makakapunta ba sila sa tamang landas kung hindi sila sinasaway ng kanilang konsensiya? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Manhid ang mga taong garapal at walanghiya; hindi nila kayang malinaw na matukoy ang mga positibo at negatibong bagay, o kung ano ang iniibig ng Diyos at kung ano ang kinasusuklaman Niya. Kaya, kapag sinasabi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, sinasabi nila, “Ano ang problema sa pagsasabi ng kasinungalingan? Hindi nakakababa ang pagsasabi ng hindi katotohanan!” Hindi ba’t sasabihin ng isang taong walang kahihiyan ang ganito? Kung nabigong maging matapat ang isang taong may pagpapahalaga sa kahihiyan at natuklasan ito ng lahat, hindi ba’t mamumula ang kanyang mukha? Hindi ba’t hindi mapalagay ang kalooban niya? (Hindi siya mapalagay.) At paano naman ang isang taong walang kahihiyan? “Bilang isang matapat na tao, kung ano ang iniisip ng iba, kung ano ang halaga ko sa kanila, o kung gaano nila ako pinahahalagahan—wala sa mga iyon ang mahalaga sa akin!” Wala silang pakialam. Kung gayon, kaya pa rin ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung tatanungin mo sila pagkatapos nilang magsinungaling kung hindi sila mapalagay sa kanilang puso o kung nakakaramdam sila ng anumang paninisi sa sarili, sasabihin nila, “Ano ang ibig sabihin ng pagiging mapayapa? Ano ang paninisi sa sarili? Bakit kailangang maging napakahirap nito?” Wala silang gayong kamalayan. Makakasunod ba sa Diyos ang isang taong may gayong hindi maayos na katwiran? Kaya ba niyang hangarin ang katotohanan? Hindi niya ito hinahangad. Para sa kanya, walang mga hangganan sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, sa pagitan ng katotohanan at kung ano ang lumalabag dito—pare-pareho ang lahat ng ito. Sa anumang paraan, sa palagay niya, ayos lang kung nagsisikap ang lahat, ginagawa ang kanilang tungkulin, at nagbabayad ng halaga. Hindi niya makita ang kaibahan sa pagitan ng mga ito. Hindi siya nakakaramdam ng paninisi sa sarili kapag nakagawa siya ng isang bagay na lumalaban sa Diyos, kapag nakagawa siya ng isang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, kapag nakagawa siya ng isang bagay na nakapinsala sa mga interes ng isang tao, o kapag nakagawa siya ng isang bagay na nakagugulo sa gawain ng iglesia. Wala talaga siyang paninisi sa sarili. Dito, hindi ba’t wala siyang pagpapahalaga sa kahihiyan? Ang mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan ay walang pagkilatis sa gayong mga bagay. Para sa kanila, ito ay tungkol sa paggawa ng anumang gusto nila. Kahit ano ay puwede; hindi na kailangang gamitin ang katotohanan para humusga. Kaya, walang paraan para sa mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan na makaunawa o magsagawa ng katotohanan. Ito ang relasyon sa pagitan ng kawalan ng pagpapahalaga sa kahihiyan at kawalan ng pagkatao. Kung gayon, bakit hindi ninyo ito nasasabi? Iniisip ninyong lahat, “Walang masyadong kinalaman sa katotohanan ang mga ipinangangaral Mo; napakalayo niyon dito. Karaniwang nagagawa naming makita nang malinaw ang mga bagay na ito, kaya kailangan Ka pa ba namin na magsalita tungkol sa mga ito?” Kung sa tingin ninyo ay wala itong kinalaman sa katotohanan, gaano karami ng katotohanang realidad ang pinasok na ninyo? Isinasabuhay ba ninyo ang normal na pagkatao? Talaga bang naging mga tao na kayo na nagtataglay ng katotohanan at pagkatao? Masyadong mababa ang inyong tayog at hindi ninyo man lang kayang maunawaan ang mga bagay na ito, kaya anong katotohanang realidad ang maaari ninyong makamit?

Sinasabi ng isa sa sampung atas administratibo ng sambahayan ng Diyos na: Ang tao ay may tiwaling disposisyon at, bukod pa rito, siya ay nagtataglay ng mga damdamin. Dahil dito, talagang ipinagbabawal sa dalawang kasaping magkaiba ang kasarian na magsama sa gawain nang walang kasama habang naglilingkod sa Diyos. Sinumang matuklasan na gumagawa nito ay ititiwalag, nang walang pagtatangi. Paano tinitingnan ng mga tao ang atas administratibo na ito? Kung ang isang lalaki ay nagkaroon ng hindi tamang pakikipagrelasyon sa higit sa tatlumpung babae, sabihin mo sa Akin, ano kaya ang mararamdaman ng mga taong nakarinig nito tungkol dito? (Hindi sila makakapaniwala.) Magugulat kang marinig ito; magugulantang ka, “Hala, ang dami niyon! Nakakadiri iyon, hindi ba?” At ano kaya ang naging pakiramdam ng lalaking iyon nang sinabi niya iyon sa iyo? (Aasta siyang parang hindi ito mahalaga sa kanya.) Hindi ito isang mahalagang bagay para sa kanya. Tanungin mo siya kung ano ang kinakain niya ngayon: “Kanin.” Tanungin mo siya kung ilang babae na ang nakasama niya: “Tatlumpu o higit pa.” Sasabihin niya ang dalawang bagay nang may eksaktong parehong tono ng boses at pag-iisip. Mayroon bang anumang kaligtasan para sa isang taong may ganitong pagkatao? Wala, kahit nananampalataya pa siya sa Diyos. Paanong hindi siya marunong mahiya kapag nagbubulalas siya ng ganoong salita? Nakakababang bagay ito! Paanong naibubulalas lang niya ito? Sabihin mo sa Akin, may natitira pa ba siyang pakiramdam ng kahihiyan? Wala, wala siyang ganoon. Naging manhid na ang pagkaunawa ng konsensiya sa loob ng kanyang pagkatao, at wala na siyang pagkakaintindi. Hindi lang ito isang simpleng usapin ng pagiging ubod ng sama—ang mga taong walang kahihiyan o dignidad ay hindi na mga tao. Mukha pa rin silang tao sa panlabas, pero nawawala kaagad ito kapag may kailangan silang pangasiwaang isang bagay. May kakayahan silang gawin ang kahit ano, nang walang kaalaman ng kahihiyan—at ibig sabihin niyon na hindi na sila mga tao. Tapusin natin dito ang ating usapan sa mga usaping ito.

Pag-isipan mo ang tatlong aspekto ng normal na pagkatao na ito na tinalakay natin ngayon—mahalaga ba ang mga ito? Ang mga bagay na ito ba sa normal na pagkatao ay hindi nakaugnay sa paghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kinalaman ng mga ito sa paghahangad ng katotohanan? Kung ang pagkatao ng isang mananampalataya sa Diyos ay hindi nagtataglay ng pagiging metikuloso, isang pagpapahalaga sa responsabilidad, o isang kapasidad para sa pagkamaasikaso sa kanyang mga kilos—kung wala siyang gayong pagkatao, ano ang matatamo niya sa pananampalataya niya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan? Nagbahagi na tayo sa medyo kaunting katotohanan sa mga nakalipas na taon, mga katotohanan sa bawat larangan. Kung hindi ilalapat ng mga tao ang sarili nila o tatratuhin ang mga katotohanang ito nang may matapat na pag-iisip, na sinasalpak ang lahat nang magkakasama at walang ginawa nang maingat, makakamit ba nila ang pang-unawa sa katotohanan na tulad nito? Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi ko mauunawaan ang katotohanan, hindi ba puwedeng sauluhin ko na lang ang mga doktrina at terminolohiyang ito?” Magagawa mo bang makamtan sa huli ang katotohanan sa ganitong paraan? Kung hindi mo tinataglay ang ganitong uri ng normal na pagkatao at hindi tinataglay ang mga bagay na ito sa loob ng iyong pagkatao, ibig sabihin ay wala kang maingat, metikuloso, taimtim, at responsableng saloobin sa mga bagay-bagay, nagiging mga doktrina at islogan ang katotohanan sa iyo—nagiging mga regulasyon ito. Hindi mo makamit ang katotohanan, dahil hindi mo ito magawang maunawaan. Higit pa riyan, kung hindi mo mapangasiwaan nang maayos ang kapaligiran, nakagawian, at estilo ng iyong personal na buhay, makakapasok ka ba sa iba’t ibang prinsipyo at kasabihan na may kinalaman sa katotohanan? Hindi mo magagawa. Higit pa rito, dapat mahalin ng mga tao ang mga positibong bagay sa buhay, at sa mga negatibo at buktot na bagay, dapat nilang panatilihin ang isang saloobin ng pagkasuklam at pandidiri sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ito ang tanging paraan para makapasok sa ilang katotohanan. Ibig sabihin nito na sa iyong paghahangad sa katotohanan, dapat tinataglay mo ang tamang saloobin at ang tamang balangkas ng pag-iisip; dapat kang maging isang kagalang-galang at seryosong tao. Tanging ang ganitong mga tao lang ang makakapagkamit ng katotohanan. Kung ang isang tao ay walang pakiramdam ng kahihiyan, at nananatiling manhid at walang kamalayan sa puso kapag nakagawa siya ng maraming buktot na bagay, maraming bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, iniisip na hindi ito isang malaking bagay—may anumang silbi ba sa kanya ang katotohanan? Wala talaga itong silbi. Walang epekto sa kanya ang katotohanan, at hindi nito nagagawang pigilan siya, pagsabihan siya, gabayan siya, o ituro ang direksiyon at landas sa kanya, na nangangahulugang may problema siya. Paano maiintindihan ng isang tao na wala man lang pakiramdam ng kahihiyan ang katotohanan? Para magawang maunawaan ng isang tao ang katotohanan, dapat maging sensitibo muna siya sa mga positibo at negatibong bagay sa kanyang puso. Nasusuya siya nang sobra kahit sa pagbanggit o pakikipagtagpo sa isang negatibo o buktot na bagay, at kung siya mismo ang gagawa ng gayong bagay, nahihiya siya at hindi mapalagay. Nakakaramdam siya ng pagmamahal sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan sa kanyang puso; magagamit niya ito para pigilan ang kanyang sarili at baguhin ang mga mali niyang kalagayan. Hindi ba’t ang mga bagay na ito ang dapat taglayin ng normal na pagkatao? (Oo.) Sa pagtataglay ng mga ito, hindi ba’t nagiging madali para sa isang tao na hangarin ang katotohanan? At kung walang tinataglay ang isang tao ni isa sa mga ito, ang pagsasalita tungkol sa paghahangad sa katotohanan ay hungkag na usapan lang—paano niya magagawa iyon nang walang mga positibong bagay sa kanyang puso? Hanggang sa hindi nagtataglay ang iyong normal na pagkatao ng mga bagay na ito, hindi mag-uugat, mamumulaklak, at magbubunga sa kalooban mo ang katotohanan—doon lang ito magkakaroon ng epekto. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, mababago mo ang iyong pag-iisip at mapipigil ang iyong pag-uugali, at mangangaunti nang mangangaunti ang iyong mga tiwaling pag-iisip. Ito ang tunay na pagbabago.

Ilan sa mga pagpapamalas na ito ng normal na pagkatao na tinalakay natin ngayon ang tinataglay ninyo? Ilan ang wala kayo? Ano ang tinataglay ninyo? (Isang pakiramdam ng kahihiyan.) Isang pakiramdam ng kahihiyan—mabuti iyon. Ang pakiramdam ng kahihiyan ang pinakamaliit na dapat ninyong taglayin. Ano pa? Nagtataglay ba kayong lahat ng maingat at metikulosong mentalidad at saloobin sa mga tao, kaganapan, at bagay? Nakikita Ko na palpak kayo sa lahat ng inyong ginagawa, matamlay at nagpapabaya lang, at kapag nakikita Ko ang mga bagay na ginagawa ninyo, lalong nababalisa ang Aking puso. Makikita ba ninyo ang mga problemang ito sa inyong sarili? Nag-aalala ba kayo kapag nakikita ninyo ang mga ito? (Oo.) Sa paanong paraan? Sabihin ninyo ang tungkol dito. (Ngayong kakarinig ko lang ng pagbabahagi ng Diyos, pakiramdam ko ay wala akong masyadong pagkatao, at na nagkaroon ako ng hindi seryosong mentalidad sa aking tungkulin at sa mga pangyayari sa aking buhay. Napakalayo ko sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos. Medyo nakakatakot ito.) Masyadong maraming kulang sa inyong pagkatao, ganoon ba? Pakiramdam ninyo ay maraming taon na kayong nananampalataya sa Diyos at maraming katotohanan na kayong narinig, pero wala man lang kayo ng mga pinakapundamental na bagay ng pagkatao—paanong hindi kayo mababalisa? Ang ilang tao ay may kaunting teknikal na kasanayan, pero ang lahat ng kanilang ginagawa ay mahinang klase. Lahat ng ito ay mababa ang kalidad, hindi umaabot sa pamantayan, at hindi sila tumitingin sa kung ano ang mga makabago at karaniwang pamamaraan. Hindi ba’t ito ay pagiging atrasado ng pag-iisip nila? Halimbawa, minsan silang inatasang magkabit ng pinto at sinabi nila: “Kung saan ako nanggaling, karamihan sa mga pinto na mayroon kami ay mga pintong may isang entrepanyo.” Hindi itinatakda ng munting lugar na iyon na kanilang pinanggalingan ang pamantayan. Dapat nilang tingnan ang estilo ng mga pintuan sa mga negosyo at mga residensiyal na gusali sa malalaking lungsod, pagkatapos ay gawin ang kanilang trabaho batay sa realidad ng sitwasyon. Pero dito, ibinuka nila ang kanilang bibig at sinabi: “Hindi kami gumagawa ng mga pintong may dalawang entrepanyo sa aming lugar, at walang masyadong maraming tao rito. Hindi rin ito magiging isang malaking bagay kung marami mang tao—maaari naman silang magsiksikan na lang.” Sinabi ng isa pa: “Kung masyadong matagal na magsisiksikan ang mga tao, masisira nito ang hamba ng pinto. Pag-usapan natin ito. Gawin ninyo itong pintuan na may dalawang entrepanyo sa pagkakataong ito, bilang eksepsyon, ayos ba?” Pagkatapos sinabi nila: “Hindi! Gumagawa ako ng mga pinto na may isang entrepanyo; hindi ako puwedeng gumawa ng mga may dalawang entrepanyo. Ako ba ang nakakaalam kung paano ito gawin o ikaw? Ako—kaya bakit hindi mo ako pinakikinggan tungkol dito? Kailangan mong makinig sa akin!” Sinabihan silang magtrabaho ayon sa sitwasyon, pero hindi sila nakinig at nagpumilit na gumawa ng isang maliit na pinto. Hindi ba’t abala ito? Nang sabihang maglagay ng dingding na salamin sa pagitan ng panloob at panlabas para makapasok ang liwanag at hindi maramdamang maliit ang espasyo, sinabi nila, “Bakit tayo magkakabit ng salamin? Panganib iyan sa seguridad, hindi ba? Hindi ako magkakabit ng salamin; ayos na ang dalawang pintong ito. Ito lang ang uri ng pinto na ginagamit namin kung saan ako nagmula.” Palagi nilang ipinangangalandakan ang mga bagay tulad ng “kung saan ako nanggaling,” “sa amin,” “nag-aral ako ng mga teknikal na bagay,” para pigilan ang iba. Katotohanan ba ang mga bagay na iyon? (Hindi katotohanan ang mga iyon.) Para magkaroon sila ng gayong saloobin sa mga panlabas na bagay, ano ang kulang sa kanilang pagkatao? Pagkamakatwiran. At anong uri ng bagay, sa partikular, ang kulang sa kanilang pagkamakatwiran? Kabatiran. Pakiramdam nila palagi na tama ang lahat ng bagay kung saan sila nagmula, na ito lang ang pinakamataas, na ito lang ang katotohanan. Hindi ba’t mahina ang kanilang pagkatao? Ano dapat ang itsura ng normal na pagkamakatwiran? Sa normal na pagkamakatwiran, sasabihin nila, “Maraming taon na ako sa trabahong ito, pero wala pa akong masyadong nakikita. Ganito namin lahat ginagawa ang mga pinto kung saan ako nagmula, kaya tingnan natin kung gaano kalaki ang mga pinto rito. Susundin natin ang ginagawa ng mga tao rito. Ibang lugar ito, at sa gawaing ito, dapat akong manatiling marunong makibagay.” Hindi ba’t pagkamakatwiran iyon? (Pagkamakatwiran ito.) Ang gayong tao ba ay may ganitong pagkamakatwiran, kung gayon? Hindi—wala siyang tinataglay na katwiran. At paano ito hinarap sa huli? Kailangang gawing muli ang trabaho. Hindi ba’t kawalan ang muling paggawa ng trabaho? (Kawalan ito.) Oo, kawalan ito. Marami bang halimbawa ng gayong mga bagay? Mayroon. Matindi ang katigasan ng ulo ng taong iyon. Gaano katigas ang ulo niya? Hindi niya pinakinggan ang sinabi ng sinuman; ni hindi man lang din niya pinakinggan ang sinabi Ko, at sinalungat din niya Ako. Sinabi Ko, “Kailangan mo itong baguhin. Kung hindi mo ito babaguhin, hindi ito ang trabahong para sa iyo.” At may lakas ng loob pa siyang sabihin, “Gagawa ako ng pinto na ganito kalaki kahit na hindi Mo ako kailangan!” Anong disposisyon iyon? Normal na pagkatao ba iyon? (Hindi.) Hindi ito normal na pagkatao—anong pagkatao ito, kung gayon? Sa nakikita Ko, para siyang hayop. Katulad lang ito ng kapag nauuhaw ang isang baka: Gaano man karaming kalakal o tao ang dala nito sa kariton, sa sandaling makakita ito ng lusak o ng ilog, hihilahin nito ang kariton papunta roon. Walang bilang ng mga tao ang makakahila nito palayo. Ito ay isang hayop na pinag-uusapan natin. May ganitong uri ng disposisyon din ba ang mga tao? Kapag mayroon sila nito, hindi ito normal na pagkatao, at mapanganib iyon. Maghahanap sila ng dahilan para tanggihan ka, para tumigil sa pakikinig. Sila ay masyadong matigas ang ulo at hangal. Sa gayong mga usapin sa pang-araw-araw na buhay, kung wala kang saloobin ng mababang-loob na pagtanggap, ng pagiging bukas sa opinyon ng iba, kung wala kang saloobin ng pag-aaral, paano mo matatanggap ang katotohanan? Paano mo ito maisasagawa? Sinasabi ng lahat na mas angkop na gumawa ng pinto na may dalawang entrepanyo. Ni hindi mo magagawa iyon, at malayo iyon sa pagsasagawa ng katotohanan—hindi ka man lang nakikinig sa mabuting mungkahi. Magagawa mo bang makinig sa isang bagay na may kinalaman sa katotohanan? Hindi ka makikinig, katulad nang dati. Hindi ito makakarating sa isang taong nagtataglay ng ganitong disposisyon, at nangangahulugan iyon ng malaking problema para sa kanila. Kung ang pagkatao ng isang tao ay hindi man lang nagtataglay ng ganitong uri ng katwiran, anong katotohanan ang maisasabuhay nila? Para kanino nila ginagawa ang mga bagay na pinagkakaabalahan nila araw-araw? Ginagawa nila ang mga ito nang ganap na ayon sa kanilang sariling mga kagustuhan, sa sarili nilang mga makasariling pagnanais. Araw-araw, taglay nila ang ganitong uri ng pananaw sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakapaligid sa kanila sa pang-araw-araw na buhay: “Gagawin ko ang gusto ko, gagawin ko ang iniisip ko, at gagawin ko ang pinaniniwalaan ko.” Ano ang tawag dito? Sa buong araw, lahat ng iniisip nila ay ganap na masama. At kung napakasama nila sa puso, paano ang kanilang mga kilos? Mayroon bang isang bagay tulad ng isang tao na ang mga kaisipan ay masamang lahat, pero ang mga kilos ay naaayon pa ring lahat sa katotohanan? Hindi ito tama—magiging isang kontradiksiyon ito. Ang pag-iisip nila ay masamang lahat, at kung saan sila nagsisimula ay ganap na masama, kaya ang mga bagay na ginagawa nila ay hindi na kahit papaano gugunitain. At sa mga bagay na hindi ginugunita, ang iba ay mga pagkagambala at kaguluhan, ang iba ay mapanira, habang ang iba ay hindi masyadong masama. Kung seseryosohin ang mga bagay na ito, dapat kondenahin ang mga ito. Ganyan ito gumagana.

Umiiral sa ilang tao ang isang uri ng maling pananaw, isa na sa tingin ng iba ay medyo kasuklam-suklam. Ang mga taong ito ay may ilang kaloob o kalakasan, o marahil ay isang kagalingan, ilang kakayahan, o isang espesyal na abilidad sa ilang larangan, at pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, iniisip nila ang sarili nila na mga kapita-pitagang tao. Tama ba ang saloobing ito? Ano sa palagay mo ang pananaw na ito? Isang bagay ba ito na nabibilang sa pag-iisip ng normal na pagkatao? Hindi. Anong uri ng ideya ito, kung gayon? Hindi ba’t wala itong katwiran? (Wala nga.) Naniniwala sila, “Mas mataas ako kaysa sa mga ordinaryong tao dahil alam ko ang kagalingang ito, at mas mahusay ako kaysa sa karaniwang tao sa sambahayan ng diyos. Isa akong tao, nagtataglay ng kagalingan at abilidad, at mahusay akong magsalita at talentado. Nakakabilib ang dating ko sa sambahayan ng diyos. Ako ang pinakamagaling. Walang makakapag-utos sa akin, walang makakapamuno sa akin, at walang makakapagmando sa akin na gumawa ng anuman. Mayroon ako ng kasanayang ito, kaya gagawin ko ang gusto ko. Hindi ko kailangang pag-isipan ang mga prinsipyo—anuman ang gawin ko ay tama at naaayon sa katotohanan.” Ano ang palagay mo sa pananaw na ito? Hindi ba’t may mga taong ganito? Ang gayong mga tao ay wala sa minorya, at pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos para ipagmalaki ang kanilang sarili. Kung ginamit nila ang kanilang mga kalakasan o kakayahan para gawin ang isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, magiging ayos lang iyon, pero kung naroon sila para ipagmalaki nila ang kanilang sarili, isa iyong ibang uri ng problema. Bakit tinatawag itong “pagmamalaki ng kanilang sarili”? Nakikita nila ang mga mananampalataya sa Diyos bilang hangal, bilang wala. Hindi ba’t may naging mali sa kanilang pag-iisip? Hindi ba’t may mali sa kanilang pagkamakatwiran? Ganito ba talaga ang mga bagay-bagay? Talaga bang walang halaga ang mga taong nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon bakit ganoon sila titingnan ng mga taong iyon? Bakit sila magkakaroon ng ganoong pag-iisip? Ano ang nagbubunsod sa gayong kaisipan? Natutunan ba nila ito mula sa mga walang pananampalataya? Iniisip nila na wala lang ang mga taong nananampalataya sa Diyos, na lahat sila ay mga maybahay na misis at mister, na lahat sila ay mga magsasaka, at na sila ay mula sa mababang antas ng lipunan. Ang pananaw nila ay ang pananaw ng malaking pulang dragon. Iniisip nila na ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay walang kakayahan, na hindi nila magagawang umangkop sa lipunan, at na nanampalataya lang sila sa Diyos dahil walang landas para sa kanila sa labas, wala nang iba pang patutunguhan. Iniisip nila na dahil mayroon silang kaunting abilidad, may kaunting nalalaman tungkol sa ilang propesyon, o may ilang teknikal na kaalaman, ginagawa sila ng mga ito na taong may talento sa sambahayan ng Diyos. Tama ba ang kaisipang iyon? (Hindi.) Ano ang mali rito? Naniniwala sila na walang sinumang mga taong may kakayahan sa sambahayan ng Diyos, at sa kanilang kaunting propesyonal na kaalaman, gusto nilang gumamit ng kapangyarihan at magkaroon ng huling salita sa mga bagay-bagay. May ganoong mga tao ba riyan? May mga tao bang tulad nito sa inyong tabi, o sa mga taong pamilyar kayo o kakilala ninyo? May ilang tao na may kasanayan sa isang partikular na larangan, at kapag pinakilos mo sila bilang lider ng grupo o superbisor, pakiramdam nila ay nakakuha sila ng isang opisyal na posisyon. Iniisip nila na sila ang may huling salita sa sambahayan ng Diyos, na walang ibang nagbabantay sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos nang tulad nila o pinoprotektahan ang mga interes nito nang higit kaysa sa kanila, at na walang sinuman ang kasing tapat nila. Gusto nilang mamahala at makilahok sa lahat ng bagay, pero hindi nila napapamahalaan nang maayos ang anumang bagay, ni hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi man lang sila nakikinig sa mga sinasabi Ko. May gayong mga tao ba riyan? (Oo.) May ganoong mga tao. Sa ilalim ng bandila ng partikular na kakayahang mayroon sila, nais nilang pamahalaan ang lahat at manungkulan. Halimbawa, kapag may mga kapatid na gumagawa ng isang bagay na hindi nila gusto, sasabihin nila: “Kailangan nating mapangasiwaan ang mga taong ito—sumusobra na sila!” Kapag ang mga mananampalataya sa Diyos ay may problema, ang katotohanan ay dapat na ibahagi sa kanila. Hindi ito isang kampo-militar kung saan dapat isagawa ang kontrol-militar. Sa mga usapin sa iglesia, malulutas lang ang mga problema sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at pagpapaunawa sa mga tao ng katotohanan. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan at kumikilos nang pabasta-basta at ayon sa kapritso ay maaaring pungusan—ang mga determinado lang na hindi tumanggap sa katotohanan ang maaaring disiplinahin. May ilang tao na nagsilbi bilang mga superbisor o bilang mga lider at manggagawa na malinaw na walang katotohanang realidad, pero palaging nagnanais na magkaroon ng kapangyarihan at magkaroon ng huling salita sa sambahayan ng Diyos. May konsensiya at katwiran ba ang mga taong ito? Alam lang nila ang ilang panlilinlang ng isang negosyo at hindi nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti. Iniisip nila ang sarili nila na kapaki-pakinabang at may kakayahan, iniisip na sila ay mas mahusay kaysa sa karaniwang tao sa sambahayan ng Diyos, at nais nilang gawin ang gusto nila sa iglesia mula sa isang posisyon ng kapangyarihan—na magkaroon ng nag-iisang, huling salita. Hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kundi kumikilos nang naaayon sa ninanais nila, ayon sa mga kagustuhan nila. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang mga tao bang ganito ay may katwiran ng normal na pagkatao? Wala silang ni katiting nito. Tatapusin natin dito ang pagbabahaginan natin sa normal na pagkatao.