Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi) Unang Seksiyon

Karagdagang Babasahin: Isang Maikling Pagtalakay Tungkol sa Tatlong Aspekto ng Normal na Pagkatao

Sa pagkakataong ito ay hindi tayo magkukuwento sa ating pagbabahaginan. Magsisimula tayo sa isang paksang madalas talakayin: kung ano ang pagkatao. Marami na tayong nasabi tungkol sa paksang ito dati, at ginagawa pa rin natin ito ngayon. Ito ay isang paksang madalas na binabanggit, isang isyung araw-araw na nakakatagpo ng isang tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay, isang paksang maaaring makatagpo at maranasan ng isang tao araw-araw. Ang paksa ay kung ano ang pagkatao. Saklaw ng pagkatao ang ilang mahalagang bagay. Ano ang mga karaniwang pagpapamalas ng pagkatao sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao? (Integridad at dignidad.) Ano pa? Konsensiya at katwiran, tama? (Oo.) Madalas ninyong nababanggit ang mga iyon. Ano ang iba pa na hindi ninyo madalas nababanggit? Ibig sabihin, alin ang mga paksang hindi ninyo talaga nababanggit sa inyong karaniwang pagtalakay tungkol sa pagkatao? Konsensiya at katwiran, integridad at dignidad—ang mga paksang ito ay mga maaasahang regular na nakakatagpo ng isang tao. Gaano kalaki ang koneksiyon sa pagitan ng konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad na madalas ninyong talakayin at ng inyong tunay na buhay? Paano nakapagpahusay at nakatulong ang materyal na iyon sa inyong pagsasagawa at pagpasok sa inyong tunay na buhay? Gaano ito naging kapaki-pakinabang? Kaya, ano pang ibang mga aytem ang mayroon na malapit na nauugnay sa inyong pang-araw-araw na normal na buhay? Sasabihin Ko ang ilan, at titingnan natin kung ang mga ito ay mga paksang palagi ninyong napag-uusapan. Sa materyal natin na may kinalaman sa pagkatao, isasantabi muna natin kung ang materyal ay positibo o negatibo, at kung ito ay nauugnay sa normal o abnormal na pagkatao. Higit pa sa mga aytem na kababanggit lang natin, nariyan ang isa tungkol sa saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi ba’t isa iyon? Wala ba iyong kinalaman sa pagkatao? (May kinalaman ito.) May isa pa, na ang pangangasiwa ng mga tao sa kanilang mga personal na kapaligiran sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at isa pa, ang saloobin at pag-uugali ng mga tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kasalungat na kasarian. May kaugnayan ba ang tatlong aytem na ito sa pagkatao? (Oo.) May kinalaman itong lahat. Para sa paksang tatalakayin natin ngayon, isasantabi natin ang mga paksa ng paghahangad ng tao sa katotohanan, kung paano papasok sa katotohanang realidad sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos, at kung paano itataguyod ang lahat ng iba’t ibang prinsipyo, at magsasalita lang ng tungkol sa pagkatao. Kaya, ang tatlong aytem na iyon—mahalaga ba ang koneksiyon ng mga ito sa pagkatao? (Oo.) Ano ang tatlong aytem na iyon? Ipahayag muli ang mga ito. (Ang una ay ang saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pangalawa ay ang pangangasiwa ng mga tao sa kanilang mga personal na kapaligiran sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pangatlo ay ang saloobin at pag-uugali ng mga tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kasalungat na kasarian sa kanilang pang-araw-araw na buhay.) At ano ang nakapaloob sa tatlong aytem na iyon? (Pagkatao.) Bakit sinasabi nating nakapaloob sa tatlong aytem na ito ang pagkatao, na nauugnay ang mga ito rito? Bakit natin tatalakayin ang tatlong ito? Bakit hindi natin pinag-uusapan ang bahaging tungkol sa konsensiya at katwiran? Bakit isinasantabi natin ang mga aspektong karaniwan nating tinatalakay para pag-usapan ang tatlong aytem na ito? Mas makabago o mas primitibo ba ang tatlong aytem na ito kaysa sa konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad na nauugnay sa pagkatao, na dati na nating tinalakay? (Mas primitibo ang mga ito.) Pangmamaliit ba sa inyo ang talakayin ang mga bagay na ito? (Hindi.) Kaya, bakit natin tatalakayin ang mga ito? (Praktikal ang mga ito.) Mas praktikal ang mga ito. Iyan ang dahilang mayroon kayo? Bakit natin ito pag-uusapan? Dahil nakakita Ako ng mga problema; tungkol sa mga kasalukuyang kondisyon at iba’t ibang pag-uugali na lumalabas sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, nakakita Ako ng kaunting problema na malapit na nauugnay sa tunay na buhay ng mga tao, at kinakailangang ilatag ang mga ito, isa-isa, para sa pagbabahaginan. Kung isasantabi ng mga tao ang tunay na buhay, at ang iba’t ibang pag-uugali ng normal na pagkatao at ng pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at masugid lang na hahangarin ang katotohanan—ang gayong malalalim na katotohanan gaya ng pagiging isang taong mahal ng Diyos—sabihin mo sa Akin, anong mga problema ang kahahantungan niyon? Ano ang pangunahing kondisyon na kung saan ang isang tao ay maaaring makapasok sa katotohanang realidad sa kanyang paghahangad sa katotohanan? (Kailangan niyang gawin ito sa tunay na buhay.) Ano pa? (Kailangan niya ng normal na pagkatao.) Tama iyon—dapat nagtataglay siya ng normal na pagkatao, na, bukod sa konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad, ay binubuo ng tatlong aytem na kababanggit lang natin. Magiging medyo hungkag para sa isang tao na magsalita tungkol sa paghahangad at paghahanap ng katotohanan kung hindi niya maaabot ang mga pamantayan o makakamit ang normalidad sa tatlong aytem na ito na nakakaapekto sa pagkatao. Ang paghahangad sa katotohanan, paghahangad na makapasok sa katotohanang realidad, paghahangad ng kaligtasan—hindi ito kayang makamit ng lahat, kundi ng minorya lang ng mga taong nagmamahal sa katotohanan at may normal na pagkatao. Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao, o kung ano ang dapat niyang gawin, o kung anong uri ng saloobin at pananaw ang dapat niyang taglayin tungkol sa partikular na mga tao, pangyayari, at bagay, may kakayahan ba ang taong iyon na makamit ang pagpasok sa katotohanang realidad? Maaari bang magbunga ng mga resulta ang paghahangad niya ng katotohanan? Sa kasamaang palad, hindi.

A. Ang Saloobin ng mga Tao sa Pagtrato Nila sa Iba’t Ibang Uri ng mga Tao, Pangyayari, at Bagay

Magsisimula tayo sa pagbabahaginan sa unang aytem na kinapapalooban ng pagkatao: ang saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Nauunawaan ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng “pang-araw-araw na buhay.” Hindi nito kailangan ng elaborasyon. Ano, kung gayon, ang mga pangunahing tao, pangyayari, at bagay na nauugnay sa pagkatao? Ibig sabihin, ano ang naroroon na umaangat sa antas ng normal na pagkatao, na may kaugnayan sa saklaw nito, na may kinalaman dito? (Pakikipag-ugnayan sa mga tao at bagay.) Bahagi iyon nito. Naroon din ang kaalaman at propesyonal na kasanayan na dapat matutunan ng isang tao, at naroon ang pangkalahatang kaalaman para sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang lahat ng ito ay bahagi ng kung ano ang dapat maunawaan at taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Ang ilang tao, halimbawa, ay natututo ng pagkakarpintero o pagmamason, at ang iba ay natututong magmaneho o magkumpuni ng mga sasakyan. Ang mga ito ay mga kasanayan, kalinangan, at ang malaman ang gayong kalinangan ay ang maging bihasa sa propesyonal na trabaho ng kalinangang iyon. Kaya, sa anong antas at anong pamantayan dapat matutunan ng isang tao ang isang kasanayan para maituring bilang isang dalubhasa? Kahit papaano ay dapat siyang makabuo ng isang tapos na produkto sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. May ilang tao na gumagawa ng medyo palpak na trabaho. Hindi umaabot sa pamantayan ang mga trabahong ginagawa nila, hanggang sa punto pa nga ng pagiging mahirap pagmasdan. Ano ang problema roon? May kinalaman ito sa saloobin nila sa kanilang trabaho. Walang matapat na saloobin ang ilang tao. Iniisip nilang, “Kung nagagawa ng bagay na ginagawa ko ang trabaho nito, sapat na iyon. Pagtiyagaan mo lang ito sa loob ng ilang taon, pagkatapos ay kumpunihin mo ito.” Ito ba ang uri ng pananaw na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Hindi.) Ang ilang tao ay may mga saloobin na bahala na at walang pakialam. Ayos na sa kanila ang “puwede na.” Iresponsableng saloobin ito. Isang bagay sa loob ng isang tiwaling disposisyon ang pagharap sa mga bagay-bagay nang walang galang at iresponsable: Kasalaulaan ang madalas na tawag ng mga tao rito. Sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa, ginagawa nila ito sa puntong “tama lang iyan” at “puwede na”; ito ay isang saloobin ng “siguro,” “posible,” at “malamang”; ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, nasisiyahan na silang gumawa sa pinakamababang paraan, at nasisiyahang gumawa nang walang kaplanu-plano; wala silang nakikitang dahilan para seryosohin ang mga bagay-bagay o maging metikuloso, at lalong wala silang nakikitang dahilan para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba ito isang bagay na nasa loob ng isang tiwaling disposisyon? Pagpapamalas ba ito ng normal na pagkatao? Hindi. Tama lamang na tawagin itong kayabangan, at angkop na angkop ding tawagin itong bulok—ngunit para maunawaan ito nang malinaw, ang tanging salitang puwede na ay “salaula.” Karamihan ng mga tao ay may kasalaulaan sa loob nila, iba-iba lamang ang antas. Sa lahat ng bagay, nais nilang gawin ang mga bagay-bagay sa pabasta-basta at walang ingat na paraan, at may bakas ng panlilinlang sa lahat ng ginagawa nila. Dinadaya nila ang iba tuwing may pagkakataon sila, nilalaktawan ang ilang hakbang hangga’t kaya nila, nagtitipid ng oras kapag kaya nila. Iniisip nila sa kanilang sarili, “Hangga’t maiiwasan kong mabunyag, at walang idinudulot na mga problema, at hindi ako pinananagot, mairaraos ko ito. Hindi ko kailangang gumawa ng isang napakagandang trabaho, masyadong abala iyon!” Ang gayong mga tao ay walang natututuhang kasanayan, at hindi sila nagsisikap o nagdurusa at nagbabayad ng halaga sa pag-aaral nila. Gusto lang nilang mababaw na matutunan ang isang paksa at pagkatapos ay tinatawag ang sarili nila na bihasa roon, naniniwala na natutuhan na nila ang lahat ng dapat malaman, at pagkatapos ay umaasa sila rito upang iraos lang ang gawain. Hindi ba ito ang saloobin ng mga tao sa ibang mga tao, pangyayari, at bagay? Maganda ba ang ganitong pag-uugali? Hindi. Sa madaling salita, ito ay ang “makaraos lang.” Ang gayong kasalaulaan ay umiiral sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Ang mga taong may kasalaulaan sa kanilang pagkatao ay may pananaw at saloobing “makaraos lang” sa anumang bagay na ginagawa nila. Nagagawa ba nang tama ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin? Hindi. Nagagawa ba nila ang mga bagay-bagay nang may prinsipyo? Lalong malamang na hindi.

May ilang tao na hindi nakatuon sa anumang ginagawa nila, kundi pabaya, pabasta-basta, at iresponsable. May ilan, halimbawa, na natututong magmaneho, pero hindi kailanman nagtatanong sa mga bihasang drayber kung ano ang dapat bigyang-pansin kapag nagmamaneho, o kung anong bilis ang makakasira sa makina. Hindi sila nagtatanong, nagmamaneho lang sila—at nasisira nila ang sasakyan nila bilang resulta. Sinisipa nila ang sasakyan at sinasabing, “Marupok ang bagay na ito. Bigyan mo ako ng isang Mercedes o isang BMW, hindi katanggap-tanggap ang lumang depektibong sasakyan na ito—lipas na ito!” Anong saloobin iyon? Hindi nila tinatrato ang mga materyal na bagay nang may mapagmahal na pag-aalaga, at hindi nila iniisip na panatilihin ang mga ito sa mabuting kalagayan, kundi sinasadyang wasakin at sirain ang mga ito. Pabaya at walang ingat na namumuhay ang ilang tao. Ginagawa nila ang lahat, buong araw, sa isang pabaya, walang ingat na paraan. Anong uri ng mga tao ito? (Mga taong walang pakialam.) Ang “mga taong walang pakialam” ay isang magandang paraan para sabihin ito—dapat tawagin mo silang “mga taong pabaya”; angkop din ang “mga hamak na tao.” Sobra ba iyon? Paano masasabi ng isang tao ang kaibahan sa pagitan ng marangal at mababang-uri na mga tao? Tingnan lamang ang kanilang pag-uugali at ang kanilang ikinikilos sa mga tungkulin, at tingnan kung paano sila kumikilos kapag nagkakaroon ng mga problema. Ang mga taong may integridad at dignidad ay metikuloso, matapat at masipag sa kanilang mga kilos, at handa silang magbayad ng halaga. Ang mga taong walang integridad at dignidad ay walang ingat at padaskol kumilos, laging nanloloko, laging gustong magpabasta-basta. Anumang pamamaraan ang inaaral nila, hindi nila ito masigasig na pinag-aaralan, hindi nila ito matutunan, at gaano man katagal nila itong pag-aralan, nananatili silang lubos na mangmang. Ito ang mga taong mababa ang karakter. Pabasta-basta sa paggawa ng mga tungkulin ang karamihan ng mga tao. Anong disposisyon ang gumagana roon? (Pagiging salaula.) Paano tinatrato ng mga salaulang tao ang kanilang tungkulin? Siguradong wala silang tamang saloobin dito, at siguradong pabasta-basta sila rito. Nangangahulugan ito na wala silang normal na pagkatao. Sa totoo lang ay parang mga hayop ang mga salaulang tao. Parang pag-aalaga ito ng isang aso: Kung hindi mo ito babantayan, ngangatngatin nito ang mga bagay-bagay at sisirain ang lahat ng iyong kasangkapan at kagamitan. Magiging kawalan iyon. Mga hayop ang mga aso; hindi iniisip ng mga ito na tratuhin ang mga bagay nang may mapagmahal na pangangalaga, at hindi ka maaaring makipagtalo sa mga ito—kailangan mo lang pangasiwaan ang mga ito. Kung hindi mo ito gagawin, at sa halip ay hahayaan ang isang hayop na magwala at guluhin ang iyong buhay, ipinapakita niyon na may isang bagay na nawawala sa iyong pagkatao. Hindi ka gaanong naiiba sa isang hayop, kung gayon. Napakababa ng iyong IQ—wala kang kuwentang tao. Kaya, paano mo pangangasiwaan nang maayos ang mga ito? Kailangan mong mag-isip ng paraan para pigilan sila sa loob ng ilang partikular na hangganan, o panatilihin silang nakakulong, palalabasin sila sa dalawa o tatlong nakatakdang oras bawat araw, para magkaroon sila nang sapat na gawain. Mapipigil niyon ang walang habas nilang pagngatngat, at mabibigyan din sila ng ehersisyo, para mapanatili silang malusog. Sa ganoong paraan, maayos na napapangasiwaan ang aso, at napoprotektahan din ang iyong kapaligiran. Kung hindi napapangasiwaan ng isang tao ang mga bagay na nakakaharap niya at wala siyang tamang saloobin, may nawawala sa kanyang pagkatao. Hindi nito maaabot ang pamantayan ng normal na pagkatao. O, pagdating sa pagluluto: gumagamit lang ng kaunting mantika ang mga ordinaryong tao kapag nagpiprito sila, pero may ilang babae na gumagamit ng marami. Kahit na mayaman ka, hindi ka dapat magsayang ng mantika—kailangan mong gumamit ng katamtamang dami. Pero walang pakialam diyan ang mga babaeng ito; kung nabitiwan nila at naibuhos ang napakaraming mantika sa ginigisa, sasandukin lang nila ang sobra at itatapon ito sa lupa. Maaksaya iyon, hindi ba? Ano ang popular na tawag sa taong may ganoong saloobin sa mga materyal na bagay? “Maluho”—o, bilang isang insulto, isang “gastador.” Saan nagmumula ang mga materyal na bagay? Ibinigay ng Diyos ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao na pinaghirapan nila ang mga bagay na kanila—pero gaano karaming bagay ba ang mapapasaiyo kung hindi ito ibinigay ng Diyos? Ibinigay Niya sa iyo ang iyong buhay. Kung hindi Niya ibinigay sa iyo ang iyong buhay, wala kang tataglayin at ikaw ay magiging wala, kaya makakamit mo pa rin ba ang iyong mga materyal na bagay? Maaaring binigyan ka ng Diyos ng higit pa kaysa sa karaniwang sambahayan, pero tama ba ang saloobin at pananaw mo sa pag-aaksaya nito? Paano ito mailalarawan kaugnay sa pagkatao? Ang gayong tao ay may mababang pagkatao. Ang pagiging maluho, pag-aaksaya ng mga bagay, hindi pagkaalam kung paano tratuhin ang mga bagay nang may mapagmahal na pangangalaga—ang gayong tao ay walang normal na pagkatao. Hindi man lang nga iniisip ng ilang tao na pangasiwaan ang mga bagay sa sambahayan ng Diyos nang may pag-iingat. May bagay na nabibilang sa sambahayan ng Diyos. Nakikita nila ito. Pero kung uulan na, at makakasama kung mabasa ang bagay na iyon, ano ang iisipin nila? “Hindi malaking bagay kung mabasa ito. Hindi naman ito sa akin. Hahayaan ko ito.” Pagkatapos, aalis na sila. Ano ang tawag sa saloobing iyon? Pagiging makasarili. Matuwid ba sila sa kanilang pag-iisip? Kung hindi, ano sila? (Baliko.) Kung ang isang tao ay hindi matuwid, hindi ba’t baliko siya? May normal bang pagkatao ang mga taong hindi matuwid sa kanilang pag-iisip? Siguradong wala. Para sa ating unang aytem, ang saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay, ilang bagay na ba ang napag-usapan na natin ngayon? May pagiging salaula, salaula. Ano pa? (Pagiging hamak at baliko.) Ang gayong kolokyal na lengguwahe—gumagamit ba kayo ng mga salitang tulad ng mga ito kapag pinagninilayan, kinikilala, at hinihimay ninyo ang inyong sarili sa inyong pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Walang gumagawa nito. Kaya, anong mga salita ang ginagamit ninyo? Nagsasalita kayo sa magagarbong salita—walang gumagamit ng ganoong pang-araw-araw na pananalita.

Nararamdaman ng maraming tao na medyo dakila sila dahil nananampalataya sila sa Diyos. Ang mga may ilang kasanayan at propesyonal na kaalaman, o mga mataas na degree pa nga, sa partikular, ay nararamdamang nakahihigit sila sa mga ordinaryong tao. Dahil nalulugod sa sarili nila, iniisip nila, “Binitiwan ko pa nga ang solidong propesyon na mayroon ako sa mundo, at hindi ako pumunta sa sambahayan ng Diyos para sa libreng pagkain. Makapagbibigay ng kontribusyon sa sambahayan ng Diyos ang isang taong may kasanayan na tulad ko. Ginugugol ko ang sarili ko at nagdurusa ako para sa Diyos. Kasama ko pa nga sa silid at kasalo sa pagkain ang mga karaniwang taong ito, sa komunal na pamumuhay. Gaano kadakila ang aking kalidad!” Iniisip nila na may bukod-tangi silang marangal na integridad, na mas marangal sila kaysa sa iba pa. Palagi nila itong ikinagagalak. Ang katunayan ay napakaraming bagay ang nawawala sa kanilang pagkatao, at hindi lang sa hindi nila ito alam, nasa alapaap sila, iniisip na dakila sila, na mas dakila ang karakter nila kaysa sa mga ordinaryong tao. Sa katunayan, wala ni isang bagay roon na makakatugon sa depinisyon ng salitang “normal” na nauuna sa “pagkatao” sa “normal na pagkatao.” Wala roon ang ayon sa pamantayang iyon; ang lahat ay lubhang nagkukulang. Ang konsensiya nila? Wala sila noon. Ang karakter nila? Hindi ito mabuti. Ang integridad at mga katangian nila? Wala sa mga ito ang mabuti. Dahil magkakasama sila, kapag ang ilang tao ay may isang bagay na mahalaga sa kanila, hindi sila mangangahas na ilabas ito. Bakit ganoon? Ang isang panig nito ay iyong hindi nila pinagkakatiwalaan ang iba, at ang isa pa ay kung saan maraming tao, may mga taong hindi mapagkakatiwalaan, at ang ilan sa kanila ay maaaring may malilikot na kamay—baka nga magnakaw pa sila. Ang mga taong ito ay may di-magandang ugali. May ilang tao na pinipili ang pinakamasasarap na piraso ng pagkain kapag kumakain sila, at kinakain nila iyon hanggang sa mabusog sila, gaano man karaming tao ang susunod pa sa kanila na hindi pa nakakakain. Hindi ba’t iyon ay masyadong makasarili? May ilan na isinasaalang-alang ang iba kapag kumakain sila. Ano ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na ang huli ay mga makatwirang tao na iniisip ang iba. Kakain sila nang mas kaunti, para makapag-iwan ng ilan para sa iba. Iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kalidad. Sa sambahayan ng Diyos, may pagkatao ang ilang tao, habang ang ilan ay medyo nagkukulang. Hindi nga nila maabot ang mga pamantayan ng normal na pagkatao. Sa pag-iisip sa mga pag-uugaling nabanggit Ko, marami ba sa inyo ang mga tao na may normal na pagkatao? O hindi ganoong karami? Kapag karaniwang ipinapakita ninyo ang gayong mga pag-uugali, may kakayahan ba kayo na mapagtanto na mga problema ang mga ito? Kapag nagbubunyag ka ng isang tiwaling disposisyon, alam mo ba ito? Kung alam mo ito, at nararamdaman mo ito, at handa kang magbago, mayroon kang kaunting pagkatao—hindi pa lang nito nakakamit ang pagiging normal. Kung hindi mo man lang ito nalalaman, maituturing ka bang isang taong may pagkatao? Hindi. Hindi ito kuwestiyon ng mabuti o masamang pagkatao, normal o abnormal—wala kang pagkatao. Tuwing kainan, halimbawa, may ilang tao na nakakakita ng isang plato ng nilagang baboy na inilalabas at nagsisimulang sunggaban ito, ang parehong mataba at malaman na mga piraso, at hindi sila titigil hanggang sa maubos ang lahat. Nakakita na ba kayo ng mga hayop na nag-aaway dahil sa pagkain? (Oo.) Parehong eksena ito, pero sa mga hayop; sa mga tao, bahagi ba ng normal na pagkatao ang pag-aaway na iyon? (Hindi ito normal na pagkatao.) Ano ang gagawin ng mga tao na may normal na pagkatao? (Makukontento sila sa kung ano ang mayroon sila, at hindi sakim.) Ganyan ang makatotohanang paraan para sabihin ito. Paanong hindi magiging sakim ang isang tao, kung gayon? Anong mga kaisipan at anong pagsasaalang-alang sa isyung ito ang bumubuo sa pag-iisip na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, kung saan makapagpapatuloy silang kumilos nang may katumpakan? Una, tama dapat ang iyong pag-iisip. Ang isang babae, halimbawa, ay mag-iisip, “Maraming nilagang baboy ngayon. Gusto ko pa, pero medyo nahihiya ako, dahil napalilibutan ako ng aking mga kapatid na lalaki. Anong dapat kong gawin? Sa palagay ko ay maghihintay akong kumain hanggang sa nakakain na sila. Ayaw kong pagtakhan ng iba kung paano naging matakaw ang isang babaeng tulad ko. Nakakahiya kaya iyon!” Normal para sa isang babae ang mag-isip nang ganoon, dahil sa pangkalahatan ay medyo sensitibo sila. Karamihan sa mga lalaki ay mag-iisip, “Ang sarap ng nilagang baboy na iyon. Mauuna na ako at ako na ang bahala.” Mauuna silang kumuha gamit ang kanilang mga chopstick, walang pakialam sa kung ano ang iniisip ng iba. Pero mas makatwiran ang ilang lalaki kaysa riyan. Pagkatapos nilang makasubo, medyo pag-iisipan nila ito: “Napakaraming tao na kasunod ko ang hindi pa nakakakain. Kailangan kong huminto at mag-iwan ng ilan para sa iba.” Ang katunayang nakakapag-isip at nakakakilos sila nang ganoon ay nagpapakita na may katwiran silang tao, na likas na may normal silang pagkatao. May ilang tao na lumilihis sa kakatwang direksiyon: “Ayaw ng Diyos na kumain ang mga tao ng nilagang baboy, kaya hindi ako kakain ng kahit isang subo. Ibig sabihin niyon na mas marami pa akong pagkatao, hindi ba?” Kakatwang pag-iisip iyon. Ano ang ipinapakita Ko sa halimbawang ito? Na dapat magtaglay ang mga tao ng tamang saloobin sa bawat uri ng tao, pangyayari, at bagay. Dumarating ang isang tao sa tamang saloobin na ito sa pamamagitan ng pag-iisip na isinagawa mula sa perspektiba ng pagkamakatwiran, konsensiya, integridad, at dignidad ng pagkatao. Kung magsasagawa ka nang may ganitong uri ng pag-iisip, karaniwang naaayon ka sa normal na pagkatao.

Ang saloobin na mayroon ang isang tao sa mga tao, pangyayari, at bagay ay walang iba kundi kung paano naipamamalas sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang pakikipag-ugnayan sa mga tao at bagay. Maaaring walang gaanong kinalaman ang mga pagpapamalas na ito sa gawaing dapat mong gawin, o maaaring malayo ang mga ito rito, pero hindi hungkag ang pananampalataya sa Diyos: hindi nabubuhay sa isang kawalan ang mga mananampalataya sa Diyos, kundi sa tunay na buhay. Hindi sila dapat ihiwalay sa tunay na buhay. Anong uri ng saloobin at pag-iisip ang dapat na taglayin ng mga tao, maging ito man ay sa mga propesyonal na kasanayan o sa karaniwang karunungan o kaalaman tungkol sa isang bagay? Tama bang palaging magkaroon ng pag-iisip na makaraos lang? May ilang tao na palaging naguguluhan tungkol sa mga bagay na ito—gagana ba iyon? Wala ba silang problema sa pananaw nila? Ang problema sa pananaw nila ay bahagi nito; maliban pa riyan, may kinalaman ito sa kanilang karakter. Pinamunuan ng malaking pulang dragon ang Tsina sa loob ng libo-libong taon, palaging nakikibahagi sa mga kampanya at pakikibaka. Hindi nito pinauunlad ang ekonomiya, at hindi nito iniisip ang buhay ng mga karaniwang tao. Sa kalaunan, nagtaguyod ang mga tao ng isang uri ng pagiging salaula na nagpapatangay lang. Sa lahat ng ginagawa nila, pabasta-basta sila, at nagkikimkim ng maikling perspektiba. Hindi nila nilalayon ang kahusayan sa alinman sa kanilang pag-aaral, at hindi nila ito makakamit. Palagi silang kumikilos nang may maikling perspektiba: Tinitingnan nila kung ano ang kailangan ng merkado, pagkatapos ay nagmamadaling gawin ito, nang hindi man lang nag-iisip hanggang sa makuha nila ang kanilang suwerte. Hindi na sila umuunlad pa mula sa pundasyong ito, o gumagawa ng karagdagang siyentipikong pananaliksik, o nagsusumikap para sa mas perpektong kahusayan, na may wakas na resulta na ang magagaan at mabibigat na industriya ng Tsina at ang bawat isang sektor ay parehong walang mga makabagong produkto sa pandaigdigang entablado. Gayumpaman ay hambog ang mga Tsino: “May 5,000 taon kami ng pinakamagaling na tradisyonal na kultura dito sa Tsina. Kaming mga Tsino ay mabait at masipag.” Bakit, kung gayon, patuloy na gumagawa ang Tsina ng mga peke para dayain ang mga tao? Bakit halos wala silang anumang bagay na maaaring makipagkompetensiya sa pandaigdigang merkado? Ano ang nangyayari roon? May mga makabagong produkto ba ang Tsina? May isang “makabagong” bagay ang mga Tsino, at iyon ay ang kanilang kahusayan sa imitasyon at pamemeke—sa panlilinlang. Makikita ang pagiging salaula nila roon. Sasabihin ng ilan na, “Bakit ganoon Mo kami inilalarawan? Sa palagay Mo ba hindi kami nito minamaliit at niyuyurakan?” Ganoon ba? Kung titingnan ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga Tsino, masasabing talagang angkop ang paglalarawan. May sinumang Tsino ba, sa merkado o sa mga karaniwang tao, ang umaasikaso sa kanilang nararapat na gawain? Napakakaunti, at ang mga nagsisikap para dito ay nawawalan ng gana kapag nakikita nila kung gaano kahirap ang kapaligirang panlipunan, at na walang kabutihang napapala ang mga nag-aasikaso sa kanilang nararapat na gawain. Tumitigil sila sa pagsubok at sumusuko.

Ang mga bagay na may kinalaman sa pagkatao—ang mga saloobin, kaisipan, at opinyon na ibinubunyag ng mga tao sa kanilang pagtrato sa ibang mga tao, pangyayari, at bagay—ay napakalinaw. Ano ang sinasabi ng mga ito? Sinasabi ng mga ito kung paano makikita ang karakter ng isang tao, kung sila ay isang disente at matuwid na tao. Ano ang maging disente at matuwid? Ang pagiging tradisyonal ba ay disente at matuwid? Ang pagiging sibil at may mabuting asal ba ay disente at matuwid? (Hindi.) Ang pagsunod ba sa mga tuntunin nang eksakto ay disente at matuwid? (Hindi.) Wala ito sa mga ito. Kaya, ano ang pagiging disente at matuwid? Kung ang isang tao ay isang disente at matuwid na tao, anuman ang kanilang gawin, ginagawa nila ito nang may isang partikular na mentalidad: “Hindi mahalaga kung gusto ko mang gawin ang bagay na ito o hindi, o kung ito ay nasa saklaw ng aking mga interes o isang bagay na mayroon akong kaunting interes—ibinigay ito sa akin para gawin, at gagawin ko ito nang mabuti. Sisimulan ko itong pag-aralan mula sa simula, at, nang may mga paang nakatapak sa lupa, gagawin ko ito nang paisa-isa. Sa huli, gaano man kalayo ang narating ko sa gawain, nagawa ko ang lahat ng aking makakaya.” Kahit papaano, dapat kang magtaglay ng isang uri ng praktikal na saloobin at mentalidad. Kung, mula sa sandaling tinanggap mo ang isang gawain, ginagawa mo ito nang naguguluhan at hindi mo ito pinapahalagahan nang kahit kaunti—kung hindi mo ito taimtim na tinatrato, at hindi sumasangguni sa mga nauugnay na mapagkukunan, gumagawa ng mga detalyadong paghahanda, o naghahanap at kumukonsulta sa iba; at kung, higit pa riyan, hindi mo dinaragdagan ang oras na iyong ginugugol sa pag-aaral ng bagay na ito para patuloy mong itong mapaghusay, nagkakamit ng kadalubhasaan sa kasanayan o propesyong ito, pero nagpapanatili ng isang mas pabayang saloobin dito at isang saloobin na makaraos lang sa iyong pagtrato rito, isang problema ito sa iyong pagkatao. Hindi ba’t ito ay para makaraos lang? Sinasabi ng ilan, “Hindi ko gusto kapag binibigyan mo ako ng ganitong uri ng tungkulin.” Kung hindi mo ito gusto, huwag itong tanggapin—at kung tinatanggap mo ito, dapat mo itong harapin nang may taimtim, responsableng saloobin. Iyan ang uri ng saloobin na dapat mong taglayin. Hindi ba’t ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? Ito ang maging disente at matuwid. Sa aspektong ito ng normal na pagkatao, kinakailangan mo, kahit papaano, ang pagiging maasikaso, pagiging matapat, at ang kahandaang magbayad ng halaga, kasama ang mga saloobin ng pagiging praktikal, taimtim, at responsable. Ang magkaroon ng mga bagay na ito ay sapat na.

May lahat ng uri ng tao sa iglesia. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay may mas mabuting pagkatao, at kapag sila ay nagbunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaagad silang naitatama. Ang mga walang pagmamahal sa katotohanan ay may mas masahol pang pagkatao. Kung ang isang tao ay hindi naglalapat ng sarili niya at iresponsable sa atas ng Diyos, hindi ba’t hindi siya karapat-dapat sa kredito? Ang ganoong pagkatao ay walang kuwenta at walang halaga. Ito ay hamak. Nananampalataya ka sa Diyos. Kung haharapin mo ang iyong atas nang may pabasta-basta at iresponsableng saloobin, maging atas man ito sa iyo ng Diyos o ng iglesia, ang iyong saloobin ba ay ang dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao? Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko sineseryoso ang mga bagay na ibinibigay sa akin ng mga kapatid, pero ginagarantiya ko na magtatagumpay ako sa mga bagay na ibinibigay sa akin ng Diyos. Tatratuhin ko ang mga iyon nang maayos.” Iyon ba ang tamang sentimyento? (Hindi.) Sa anong paraan ito hindi tama? Isang tao na hindi mapagkakatiwalaan at kulang sa kabutihan, na may pagkatao na kulang sa mga bagay na ito—kanino siya maaaring maging totoo? Walang sinuman. Kahit sa sarili niyang mga usapin, nandaraya siya at nagiging pabasta-basta. Hindi ba’t hamak at walang kuwenta ang taong ganyan? Kung kaya ng isang tao na ilapat ang kanyang sarili at umako ng responsabilidad at maging mapagkakatiwalaan sa mga bagay na iniaatas sa kanya ng ibang tao, magiging mas malala pa ba ang gagawin niya sa isang atas na tinanggap niya mula sa Diyos? Kung siya, isang tao na may konsensiya at katwiran, ay nakauunawa sa katotohanan, hindi siya dapat gumawa nang mas masahol pa sa isang atas na tinanggap niya mula sa Diyos at sa pagganap ng kanyang tungkulin. Mas mahusay ang gagawin niya, panigurado, kaysa sa mga walang konsensiya na walang kabutihan. Iyon ang pagkakaiba sa kanilang karakter. Sinasabi ng ilan, “Hindi ko seseryosohin kung hihingin mo sa akin na mag-alaga ng aso o pusa, pero kung aatasan ako ng isang mahalagang bagay para sa sambahayan ng Diyos, gagampanan ko ito nang maayos, panigurado.” Totoo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kung ang isang tao ay may tamang pananaw, sa parehong malalaking usapin at maliliit na usapin, anuman ang kanyang maging atas, at kung tama siya sa puso at marangal sa kalidad, at may integridad, at mapagkakatiwalaan, at moral sa pag-uugali, mahalaga iyon, at naiiba ito. Tinutugunan ng gayong mga tao ang anumang bagay ng kanilang moralidad at ng kanilang pagiging mapagkakatiwalaan. Kung sasabihin ng isang tao na walang moralidad at hindi karapat-dapat pagkatiwalaan, “Kung direkta akong aatasan ng Diyos ng isang bagay, siguradong mapapangasiwaan ko ito nang maayos,” magiging makatotohanan ba iyon? Magiging medyo labis at mapanlinlang ito. Paano ka magiging mapagkakatiwalaan sa iba nang walang konsensiya o katwiran? Tunog hungkag ang iyong mga salita—panlilinlang ang mga ito. Dating may dalawang maliit na aso ang sambahayan ng Diyos, para bantayan ang isang lugar. Isinaayos ang isang tao para bantayan ang mga ito, at inalagaan niya ang mga ito, at pinangasiwaan ang mga ito na parang sa kanya. Hindi masyadong mahilig sa mga aso ang taong iyon, pero inalagaan niya ang mga ito nang maayos. Kapag nagkasakit ang isang aso, ginagamot niya ito, at pinaliliguan niya ito, at pinakakain niya ito sa tamang oras. Maaaring hindi niya ginusto ang mga aso, pero tinanggap niya ang pag-aalaga sa mga aso bilang kanyang atas at responsabilidad. Hindi ba’t may isang bagay roon na dapat nasa pagkatao? Mayroon siyang pagkatao, kaya ginawa niya nang maayos ang bagay. Kalaunan ay ipinasa ang dalawang aso sa pangangalaga ng iba, at sa loob ng isang buwan, naging sobrang payat ng mga ito. Ano ang nangyari? Walang nagmalasakit o nakapansin nang nagkasakit ang mga aso, at nakaapekto ang kalungkutan ng mga ito sa gana nilang kumain. Ganoon nangayayat ang mga ito; ganoon inalagaan ng taong iyon ang mga ito. May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tao? (Oo.) Saan? (Sa kanilang pagkatao.) Naunawaan ba ng tao na maayos na nag-alaga sa mga aso ang ilang malaking bilang ng mga katotohanan? Hindi sa ganoon. At hindi sa nanampalataya sa mas maikling panahon sa Diyos ang tao na hindi maayos na nag-alaga sa mga aso. Bakit may malaking pagkakaiba sa kanilang dalawa? Dahil ito sa magkaiba ang karakter nila. Mapagkakatiwalaan ang ilang tao. Kapag nangako sila sa isang tao, mapananagutan nila ang sarili nila sa huli, gusto man nilang gawin ang bagay o hindi. Kapag tinanggap nila ang isang gawain, tiyak na magagawa nila ito, hakbang-hakbang. Tinutugunan nila ang tiwalang ipinagkakaloob sa kanila ng iba, at tinutugunan nila ang sarili nilang puso. Mayroon silang konsensiya, at sa pamamagitan nito, sinusukat nila ang lahat ng bagay. Walang konsensiya ang ilang tao. Mangangako sila at wala silang gagawin para tuparin ito pagkatapos. Hindi nila sinasabi, “Naniwala sila sa akin. Kailangan kong gawin ang bagay nang maayos, para mapanatili ang tiwala nila.” Hindi iyon ang puso na mayroon sila, at hindi sila ganoon mag-isip. Hindi ba’t iyon ay pagkakaiba sa pagkatao? Sabihin mo sa Akin, nahirapan ba ang taong gumawa nang maayos na gawin iyon? Hindi ito naging masyadong nakakapagod o napakahirap para sa kanya. Hindi siya nag-isip nang matindi para malaman kung paano gagawin nang maayos ang bagay, at hindi niya madalas na ipinagdasal ang bagay na iyon. Alam niya sa puso niya kung ano ang nararapat na gawin, kaya inako niya ang pasanin na iyon. Tinanggap din ng isang tao na ayaw akuin ang pasanin ang tungkulin, at nang ginawa niya ito ay naging abala ito sa kanya. Naiirita siya kapag tumatahol ang mga aso at pinagagalitan ang mga ito: “Tatahol ka pa ha? Tumahol ka pa at sisipain kita hanggang mamatay ka!” Wala bang pagkakaiba ng pagkatao rito? Mayroon, at malaki ito. Sa ilang tao, kapag inatasan mo sila ng isang bagay, nakaiinis ito sa kanila, isang abala, na iniiwan mo sila nang may kaunting kalayaan. “Ibang trabaho? Marami na akong dapat na gawin—hindi lang ako tatamad-tamad dito!” At kaya, gumagawa sila ng lahat ng uri ng mga dahilan para ipagsawalang-bahala ang bagay, para patawarin ang sarili nila sa hindi pagtupad sa kanilang responsabilidad. Wala silang konsensiya o katwiran, ni hindi nila sinusuri ang sarili nila, sa halip ay nangangatwiran at nagdadahilan para patawarin ang sarili nila sa kanilang mababang pagkatao. Ganito umasal ang mga taong may mababang pagkatao. Kaya bang pumasok ng gayong tao sa katotohanang realidad? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi niya minamahal ang katotohanan, at hindi niya minamahal ang mga positibong bagay. Hindi ba’t iyon ang kaso? Hindi siya nagtataglay ng normal na pagkatao o ng realidad ng mga positibong bagay. Wala siya ng diwang iyon sa kalooban niya. Kaya, ano ang kaugnayan sa pagitan ng katotohanan at ng normal na pagkatao? Ano ang dapat na nasa loob ng pagkatao ng isang tao para makapasok siya sa katotohanang realidad at para maisagawa ang katotohanan? Dapat magkaroon muna siya ng konsensiya at katwiran. Anuman ang ginagawa niya, dapat siyang magkaroon ng tamang saloobin, tamang pag-iisip, at tamang pananaw. Sa pamamagitan lang ng mga ito maaaring magkaroon ang isang tao ng normal na pagkatao—at tanging sa pagtataglay lang ng normal na pagkatao maaaring matanggap at maisagawa ng isang tao ang katotohanan.