Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Wala Silang Katayuan o Pag-asang Magkamit ng mga Pagpapala (Ikalawang Seksiyon)

II. Pagharap ng mga Anticristo sa mga Pagbabago sa Kanilang Tungkulin

Napakatigas ng ulo ng mga anticristo pagdating sa pagtatamo ng mga pagpapala. Desperado silang humahawak sa intensyon nilang magtamo ng mga pagpapala, at kapag pinupungusan sila, nakakaramdam sila ng paglaban, at sinusubukan nila nang husto na tutulan ito at depensahan ang kanilang sarili. Mula rito, matutukoy nating hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan sa anupamang paraan. Kapag tinanggal sila o binago ang mga tungkulin nila, nagiging napakasensitibo nila tungkol sa usapin ng pagtatamo ng mga pagpapala. Bakit sila nagiging sensitibo tungkol dito? Dahil ang puso ng ganoong mga tao ay puno ng pagnanasa at ambisyong magtamo ng mga pagpapala. Ang lahat ng ginagawa nila ay para makapagtamo ng mga pagpapala, at hindi para sa kapakanan ng anupamang bagay. Ang pinakaninanais nila sa buhay ay ang magtamo ng mga pagpapala. Ito ang dahilan kung bakit, kapag natanggal sila o binago ang mga tungkulin nila, pakiramdam nila ay wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala, at tumatanggi na tuloy silang magpasakop, at patuloy silang nakikipagtalo para sa sarili nilang kapakanan. Sarili lang nilang mga interes ang isinasaalang-alang nila, at hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, naniniwala ang ilang tao na magaling silang magsulat, kaya sinisikap nilang hilinging gumawa ng tungkuling nauugnay roon. Siyempre pa, hindi sila bibiguin ng sambahayan ng Diyos, pinahahalagahan ng sambahayan ng Diyos ang mga indibiduwal na may talento, at anuman ang mga kaloob o kalakasang mayroon ang mga tao, bibigyan sila ng puwang ng sambahayan ng Diyos para gamitin ang mga iyon, kaya nga isinasaayos ng iglesia na gumawa sila ng gawaing nakabatay sa teksto. Ngunit makalipas ang ilang panahon, natuklasan na wala talaga silang ganitong kasanayan, at hindi nila kayang gawin nang maayos ang tungkuling ito; hindi talaga sila epektibo. Ang kanilang mga talento at kakayahan ay ginagawa silang lubos na walang kahusayan sa trabahong ito. Kaya ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Posible bang tiisin na lang sila at sabihing, “Masigasig ka, at kahit wala kang gaanong talento, at katamtaman ang kakayahan mo, basta’t handa ka, at hindi tumatangging magtrabaho nang husto, titiisin ka ng sambahayan ng Diyos, at hahayaan kang patuloy na gawin ang tungkuling ito. Hindi mahalaga kung hindi mo ito magawa nang maayos. Magbubulag-bulagan ang sambahayan ng Diyos, at hindi ka kailangang palitan”? Ganito ba ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagharap sa mga usapin? Malinaw na hindi. Sa gayong mga sitwasyon, karaniwan ay nagsasaayos ng angkop na mga tungkulin para sa kanila batay sa kanilang kakayahan at mga kalakasan; isang parte iyon. Ngunit hindi sapat na dito lamang dumepende, dahil maraming sitwasyon na kahit ang mga tao mismo ay hindi alam kung anong tungkulin ang angkop na gawin nila, at kahit iniisip nila na mahusay sila roon, maaaring hindi iyon tama, kaya nga kailangan nilang subukan iyon at sanayin sila nang ilang panahon; ang magdesisyon batay sa kung epektibo ba sila o hindi ang siyang tamang gawin. Kung sasanayin sila sa loob ng ilang panahon, at walang makamit na anumang resulta o wala silang maging progreso, at kumpirmadong hindi sulit na linangin sila, dapat baguhin ang tungkulin nila, at dapat magsaayos ulit ng isang akmang tungkulin para sa kanila. Ang muling pagsasaayos at pagbabago sa mga tungkulin ng mga tao sa ganitong paraan ay ang tamang dapat gawin, at naaayon din ito sa prinsipyo. Pero hindi nagagawa ng ilang tao na sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at sa halip ay lagi nilang sinusunod ang makalaman nilang mga preperensiya sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Halimbawa, ipagpalagay nang sinabi ng isang tao, “Ang pinakamalaking pangarap ko ay ang maging isa sa mga edukadong tao sa literatura o isang mamamahayag, pero dahil sa kalagayan ng pamilya ko at sa iba pang kadahilanan, hindi ko nagawang tuparin ito. Pero ngayon, gawaing nakabatay sa teksto ang ginagawa ko sa sambahayan ng Diyos. Nakuha ko na sa wakas ang gusto ko!” Pero, talagang hindi pa sapat ang pagkaarok niya sa katotohanan, wala siyang gaanong espirituwal na pang-unawa, at hindi siya mahusay sa pagtrabaho sa gawaing nakabatay sa teksto, kaya pagkatapos magampanan ang tungkulin niya nang ilang panahon, inilipat siya sa ibang tungkulin. Nagrereklamo siya: “Bakit hindi puwedeng gawin ko na lang ang gawaing gusto ko? Ayaw ko ng iba pang uri ng gawain!” Ano ang problema rito? Binago ng sambahayan ng Diyos ang tungkulin niya ayon sa mga prinsipyo, kaya bakit hindi niya matanggap ang pagbabago? Hindi ba’t problema ito sa pagkatao niya? Hindi niya matanggap ang katotohanan at hindi siya nagpapasakop sa Diyos—sadyang kawalan lang ito ng katwiran. Lagi niyang ginagawa ang kanyang tungkulin batay sa personal niyang mga preperensiya at gusto niya laging siya ang nagpapasya. Hindi ba’t tiwaling disposisyon ito? Ang katunayan bang nasisiyahan kang gawin ang isang bagay ay garantiya na magagawa mo ito nang maayos? Ang katunayan bang nasisiyahan kang gawin ang isang partikular na tungkulin ay nangangahulugang karampatan mo itong magagawa? Hindi ibig sabihin na dahil lang nasisiyahan kang gawin ang isang bagay ay nababagay ka na para dito, at baka hindi mo makita nang mabuti kung saan ka nababagay. Samakatwid, kailangan mong magtaglay ng katwiran at matutong sumunod. Kaya naman, kapag binago ang tungkulin mo, paano mo ba dapat isagawa ang pagsunod? Sa isang banda, dapat kang maniwalang binago ng sambahayan ng Diyos ang tungkulin mo batay sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi batay sa mga preperensiya mo o sa palagay ng sinumang lider o manggagawa. Dapat kang magtiwala na napagdesisyunan ang pagbabago sa tungkulin mo batay sa iyong mga kaloob, kalakasan, at iba pang aktuwal na sitwasyon, at hindi ito bunga ng mga ideya ng isang tao. Dapat kang matutong sumunod kapag binago ang tungkulin mo. Pagkatapos mong makapagsanay sa iyong bagong tungkulin sa loob ng ilang panahon at makapagtamo ng mga resulta sa paggampan nito, makikita mo na mas angkop kang gumampan sa tungkuling ito, at mapagtatanto mo na mali ang pumili ng mga tungkulin batay sa sarili mong kagustuhan. Hindi ba’t nilulutas nito ang isyu? Ang pinakamahalaga, isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gampanan ng mga tao ang ilang tungkulin nang hindi batay sa kagustuhan ng mga tao, kundi batay sa mga pangangailangan ng gawain at kung makakapagkamit ba ng mga resulta ang paggampan ng isang tao sa tungkuling iyon. Masasabi ba ninyo na nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos ng mga tungkulin batay sa mga indibidwal na kagustuhan? Dapat ba nitong gamitin ang mga tao batay sa kondisyon na matutugunan ang mga personal nilang kagustuhan? (Hindi.) Alin sa mga ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao? Alin ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ay ang pagtalaga sa mga tao ayon sa mga pangangailangan ng gawain sa sambahayan ng Diyos at sa mga resulta ng pagganap ng mga tao sa mga tungkulin nila. May mga hilig at interes ka, at may kaunti kang kagustuhang magampanan ang mga tungkulin mo, pero dapat bang mauna ang iyong mga kagustuhan, interes, at hilig kaysa sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Kung nagmamatigas ka sa paggigiit nito, sinasabing, “Dapat kong gawin ang gawaing ito; kung hindi ako tutulutan na gawin ito, ayaw ko nang mabuhay, ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin. Kung hindi ako tutulutan na gawin ang gawaing ito, hindi na ako gaganahang gumawa ng iba pa, hindi ko na rin ibibigay ang aking buong pagsusumikap dito,” hindi ba’t ipinapakita nito na may problema sa iyong saloobin sa paggampan ng tungkulin? Hindi ba’t iyon ay lubusang kawalan ng konsensiya at katwiran? Para matugunan ang mga personal mong kagustuhan, interes, at hilig, hindi ka nag-aatubiling guluhin at antalain ang gawain ng iglesia. Naaayon ba ito sa katotohanan? Paano dapat tratuhin ng isang tao ang mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan? Sinasabi ng ilan na: “Dapat isakripisyo ang indibidwal na sarili alang-alang sa kapakanan ng kolektibo.” Tama ba ito? Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Anong uri ng pahayag ito? (Ito ay isang satanikong panlilinlang.) Ito ay isang nakalilinlang na pahayag, isang pahayag na mapanlihis at mapagpanggap. Kung gagamitin mo ang pariralang “Dapat isakripisyo ang indibidwal na sarili alang-alang sa kapakanan ng kolektibo” sa konteksto ng paggampan sa iyong mga tungkulin, kung gayon, nilalabanan at nilalapastangan mo ang Diyos. Bakit nito nilalapastangan ang Diyos? Dahil ipinipilit mo ang iyong sariling kagustuhan sa Diyos, at iyon ay kalapastanganan! Sinusubukan mong ipagpalit ang sakripisyo ng indibidwal mong sarili para sa pagpeperpekto at mga pagpapala ng Diyos; ang intensiyon mo ay gumawa ng kasunduan sa Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na magsakripisyo ka ng anuman mula sa iyong sarili; ang hinihingi ng Diyos ay na isagawa ng mga tao ang katotohanan at maghimagsik ang mga ito laban sa laman. Kung hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, ibig sabihin ay naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos. Hindi mo magampanan nang maayos ang iyong tungkulin dahil mali ang iyong mga intensiyon, hindi tama ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay, at lubusang sumasalungat sa katotohanan ang iyong mga pahayag. Ngunit hindi ka inalisan ng sambahayan ng Diyos ng karapatan na gumampan ng tungkulin; sadyang pinalitan lang ang iyong mga tungkulin dahil hindi ka angkop para sa huli, at inilipat ka sa isang tungkuling angkop para sa iyo. Napakanormal lang nito at madaling unawain. Dapat mong tratuhin nang tama ang usaping ito. Ano ang tamang paraan para tratuhin ang usaping ito? Kapag nangyari ito, dapat mo munang tanggapin ang ebalwasyon sa iyo ng sambahayan ng Diyos. Kahit na posibleng gusto mo ang tungkulin mo, ang totoo, hindi ka talaga angkop para dito ni hindi ka mahusay rito, kaya hindi mo puwedeng gawin ang gawaing iyon. Ibig sabihin nito, kailangang baguhin ang tungkulin mo. Dapat mong sundin at tanggapin ang bago mong tungkulin. Una, magsanay ka muna rito nang ilang panahon—kung sa tingin mo pa rin ay hindi ka pa magaling, at kapos ang kakayahan mo para dito, dapat mong sabihin sa iglesia: “Hindi ako akma para sa tungkuling ito. Kung magpapatuloy ito, makakaabala ito sa gawain.” Lubhang makatwirang paraan iyon ng pagkilos! Anuman ang gawin mo, huwag mong subukang panghawakan ang tungkuling iyon. Maaabala ang gawain kapag ginawa mo iyon. Kung sasabihin mo nang maaga ang isyu, magsasaayos ang iglesia ng isang tungkuling nababagay para sa iyo batay sa iyong sitwasyon. Hindi pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na gumanap ng mga tungkulin. Hindi ba’t mabuting bagay para sa iyo na maranasang binabago ang tungkulin mo? Una sa lahat, matutulungan ka nitong harapin nang makatwiran ang sarili mong mga preperensiya at kagustuhan. Maaaring mahilig ka dati sa ganoong bagay, at mahilig ka sa literatura at pagsulat, pero nangangailangan din ng espirituwal na pang-unawa ang gawaing nakabatay sa teksto. Kailangan nakakaunawa ka man lang ng espirituwal na terminolohiya. Kung kulang ka ng kahit katiting na pagkaunawa sa katotohanan, hindi magiging sapat na magkaroon lang ng kaunting kasanayan sa nakasulat na salita. Kakailanganin mong magkamit ng espirituwal na pang-unawa, maunawaan ang espirituwal na bokabularyo, at mataglay ang wika ng espirituwal na buhay sa pamamagitan ng ilang panahon ng karanasan. Saka ka lang makakaganap ng gawaing nakabatay sa teksto sa sambahayan ng Diyos. Sa pagdaan sa ilang karanasan at mga bagay-bagay, malalaman mong wala sa iyo ang wika ng karanasan sa buhay, makikita mo ang kagulat-gulat mong kakulangan, malalaman mo ang totoo mong tayog, at malinaw mong maipapakita sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid ang kakayahan at tayog mo. Mabuting bagay ito para sa iyo. Kahit papaano, ipapakita nito sa iyo kung gaano kataas o kababa ang kakayahan mo, at matutulungan ka nitong tratuhin ang sarili mo nang tama. Hindi ka na magkakaroon pa ng mga imahinasyon tungkol sa sarili mong kakayahan at mga kinahihiligan. Malalaman mo ang tunay mong tayog, mas eksakto at mas malinaw mong makikita kung saan ka nababagay at kung saan hindi, at lalo kang magiging matatag at praktikal habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Isang aspekto ito nito. Ang isa pa, na siyang pinakaimportante, ay na kahit anong antas pa ng pagkaunawa ang matamo mo o kung kaya mo mang unawain ang mga bagay na ito, kapag may ginagawang mga pagsasaayos ang sambahayan ng Diyos para sa iyo, dapat magkaroon ka man lang muna ng saloobin ng pagsunod, sa halip na maging mapili o pihikan, o magkaroon ng sarili mong mga plano at pasya. Ito ang katwirang dapat mong taglayin higit sa lahat. Kung hindi mo magagawang pagnilayan kung ano ang mga nakapagpaparumi sa pagganap mo sa iyong tungkulin, ayos lang iyon. Ang mahalaga lang ay may pagpapasakop sa puso mo at kaya mong tanggapin ang katotohanan, seryosohin ang iyong tungkulin, at ipakita ang katapatan mo, at kapag may mga lumilitaw na problema o kapag nagpapakita ka ng katiwalian, kaya mong magnilay-nilay sa sarili mo, maunawaan ang sarili mong mga kakulangan at kamalian, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema o pagpapakita mo ng katiwalian. Sa ganitong paraan, hindi mo mamamalayang unti-unting lalago ang iyong buhay at tayog habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagampanan mo nang husto ang iyong tungkulin. Hangga’t taos-puso kang gumugugol para sa Diyos at hindi ka tumitigil sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang iyong mga problema habang nararanasan mo ang gawain ng Diyos, tatanggapin mo ang Kanyang mga pagpapala, at hindi ka Niya mamaltratuhin.

Kapag binago ang kanilang mga tungkulin, kung iglesia ang nagdesisyon nito, dapat itong tanggapin at sundin ng mga tao, dapat silang magnilay-nilay sa sarili nila, at unawain ang diwa ng problema at ang sarili nilang mga pagkukulang. Lubos na kapaki-pakinabang ito para sa mga tao, at isa itong bagay na marapat isagawa. Dahil napakasimpleng bagay nito, maiisip at matatrato ito nang tama ng mga ordinaryong tao, nang hindi nagkakaroon ng masyadong maraming problema o anumang balakid na mahirap lampasan. Kapag may ginagawang mga pag-aakma sa kanilang mga tungkulin, kahit papaano, dapat magpasakop ang mga tao, makinabang sa pagninilay sa kanilang sarili, at magkaroon ng tumpak na pagsusuri kung husto ba ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Subalit hindi ganito para sa mga anticristo. Iba ang ipinapamalas nila kaysa sa mga normal na tao, kahit ano pa ang mangyari sa kanila. Ano ang ipinagkaiba nila? Hindi sila sumusunod, hindi sila maagap na nakikipagtulungan, ni hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit katiting. Sa halip, naiinis sila sa pagbabago, at tinututulan ito, sinusuri ito, pinagbubulay-bulayan ito, at nagsasapantaha nang husto ukol dito: “Bakit hindi ako pinapayagang gawin ang tungkuling ito? Bakit ako inililipat sa isang hindi mahalagang tungkulin? Paraan ba ito para ibunyag ako at itiwalag ako?” Paulit-ulit nilang iniisip ang mga nangyari, walang tigil na sinusuri ito at pinag-iisipan itong mabuti. Kapag walang nangyayari, ayos na ayos lang sila, pero kapag may nangyari nga, nagsisimulang maging maligalig ang kanilang puso, at napupuno ng mga katanungan ang kanilang isip. Maaaring sa hitsura nila ay mukhang mas mahusay sila kaysa sa iba sa pagninilay sa mga isyu, pero sa totoo lang, mas buktot lang ang mga anticristo kaysa sa mga normal na tao. Paano naipapamalas ang kabuktutang ito? Ang kanilang mga isinasaalang-alang ay matitindi, masasalimuot at patago. Ang mga bagay na hindi mangyayari sa isang normal na tao, isang taong may konsensiya at katwiran, ay mga karaniwang bagay na lang para sa isang anticristo. Kapag may ginawang maliit na pagbabago sa kanilang tungkulin, dapat tumugon ang mga tao nang may saloobin ng pagsunod, gawin ang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at gawin ang makakaya nila, at, anuman ang gawin nila, gawin ito nang maayos sa abot ng makakaya nila, nang buong puso nila at buong lakas nila. Ang nagawa ng Diyos ay hindi mali. Ang ganoon kasimpleng katotohanan ay maaaring isagawa ng mga tao na may kaunting konsensiya at katwiran, ngunit lampas ito sa mga kakayahan ng mga anticristo. Pagdating sa pag-aakma ng mga tungkulin, agad magbibigay ang mga anticristo ng mga argumento, panlilinlang, at pagtutol, at sa kanilang kaibuturan ay ayaw nilang tanggapin iyon. Ano ba talaga ang nasa puso nila? Paghihinala at pagdududa, pagkatapos ay sinusuri nilang mabuti ang iba gamit ang lahat ng uri ng pamamaraan. Sinusubukan nilang alamin ang reaksyon ng iba sa kanilang mga salita at kilos, at pinipilit at hinihimok pa nila ang mga tao na sabihin ang katotohanan at magsalita nang matapat sa pamamagitan ng imoral na kaparaanan. Sinisikap nilang pag-isipan iyon: Bakit nga ba sila inilipat? Bakit hindi sila pinayagang gawin ang kanilang tungkulin? Sino ba talaga ang nagmamando? Sino ang nagtatangkang guluhin ang mga bagay-bagay para sa kanila? Sa kanilang puso, tanong sila nang tanong kung bakit, patuloy silang nagsisikap na alamin kung ano talaga ang nangyayari, para malaman nila kung kanino sila makikipagtalo o makikipagtuos. Hindi nila alam kung paano lumapit sa harap ng Diyos para pagnilayan ang kanilang sarili, para tingnan kung ano ang problema sa kanilang kalooban, hindi nila hinahanap ang dahilan sa kanilang sarili, at hindi sila nananalangin sa Diyos at nagninilay sa kanilang sarili at nagsasabing, “Ano ang naging problema sa paraan ng pagganap ko sa aking tungkulin? Naging pabasta-basta ba ako, at nawalan ba ako ng prinsipyo? Nagkaroon man lamang ba ng anumang epekto?” Sa halip na itanong sa kanilang sarili ang mga bagay na ito, patuloy nilang kinukuwestiyon ang Diyos sa kanilang puso: “Bakit binago ang tungkulin ko? Bakit tinatrato ako nang ganito? Bakit masyado nila akong hindi isinasaalang-alang? Bakit hindi sila patas sa akin? Bakit hindi nila iniisip ang pride ko? Bakit nila ako tinutuligsa at ibinubukod?” Lahat ng “bakit” na ito ay malinaw na paghahayag ng tiwaling disposisyon at pagkatao ng mga anticristo. Walang sinumang nakaisip na dahil lang sa isang maliit na bagay gaya ng paglilipat ng mga tungkulin, gagawa ng ganoong alingasngas ang mga anticristo, magdudulot ng ganoong kaguluhan, at susubukan ang lahat ng kaparaanang mayroon sila para lumikha ng ganoon kalaking mga alon. Bakit nila gagawing napakakumplikado ang isang simpleng bagay? Iisa lamang ang dahilan: Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, pakinabang, at katayuan sa inaasam nilang pagtamo ng mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, “Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang mag-aasikaso sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako puwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?” Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan para magkaroon sila ng pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, iniuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili. Kaya kapag binago nang kaunti ang kanyang tungkulin, kung promosyon ito, iisipin ng isang anticristo na may pag-asa siyang pagpalain. Kung ito ay demosyon, mula sa pagiging lider ng pangkat pababa sa pagiging katuwang na lider ng pangkat, o mula sa katuwang na lider ng pangkat pababa sa pagiging karaniwang miyembro ng grupo, inaasahan niyang ito ay magiging isang malaking problema at sa tingin niya ay maliit ang pag-asa niyang magtamo ng mga pagpapala. Anong uri ng pag-iisip ito? Tama bang pag-iisip ito? Talagang hindi. Katawa-tawa ang pananaw na ito! Ang pagtamo o hindi pagtamo ng isang tao sa pagsang-ayon ng Diyos ay hindi nakabase sa tungkuling ginagawa niya, kundi sa kung taglay ba niya ang katotohanan, kung tunay ba siyang nagpapasakop sa Diyos, at kung tapat ba siya. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay. Sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang pagdusahan ang maraming pagsubok. Lalo na sa pagganap sa tungkulin nila, dapat silang dumaan sa maraming kabiguan at hadlang, pero sa bandang huli, kung nauunawaan nila ang katotohanan at may tunay silang pagpapasakop sa Diyos, magiging isa siyang taong may pagsang-ayon ng Diyos. Sa usaping ukol sa pagkakalipat nila sa kanilang tungkulin, makikita na hindi nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan, at talagang wala silang kakayahang makaarok.

Sa dinami-rami ng mga gumaganap ng tungkulin, laging may ilan talaga na sadyang hindi maayos magtrabaho. Hindi sila mahusay sa pagsusulat ng mga artikulo, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at wala pa nga silang pagkaarok sa espirituwal na terminolohiya, at sa wikang madalas na ginagamit ng mga Kristiyano. Maaaring may mga kasanayan sila sa pagsulat at may pinag-aralan naman, pero hindi sapat ang kakayahan nila para sa gampanin. Kung sinabihan mo silang sumuri ng mga dokumento, pagkaraan lang ng ilang sandali, magiging malinaw na hindi rin sila mahusay sa bagay na iyon. Kulang ang kakayahan nila, at laging may mga bagay na kulang sa kanila, kaya ililipat mo na naman sila. Pagkatapos, sasabihin nilang may mga kasanayan sila sa paggamit ng kompyuter, pero pagkaraang gawin ang isang tungkulin sa larangang iyon nang ilang panahon, hindi rin sila mahusay roon. Tila mahusay silang magluto, kaya sinabihan mo silang magluto ng pagkain para sa mga kapatid. Kalaunan, iniuulat ng lahat na masyadong maalat o hindi kaya ay walang lasa ang mga pagkaing niluto nila, at masyadong marami o hindi kaya naman ay masyadong kaunti ang niluluto nila. Dahil nakikita mong hindi sila nababagay sa pagluluto, ilalagay mo naman sila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pero sa sandaling marinig nilang isasama sila sa pangkat ng ebanghelyo, nasisiraan sila ng loob, at naiisip nilang, “Ayoko na. Inilalagay na ako sa mababang gampanin, at wala na akong pag-asang pagpalain. Wala nang magagawa pa kundi ang umiyak.” Pagkatapos, dala ng negatibong nararamdaman at labis na pagkalumbay, lumulubog sila at sumasama, at hindi na nila maituon ang isip nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa bagong gawain ng Diyos. Sa halip, lagi nilang iniisip, “Kailan ako makakabalik sa tungkuling nakabatay sa teksto? Kailan ako muling magiging taas-noo? Kailan ko muling makakausap ang itaas, o makakabahagi sa mas mataas na antas na pagdedesisyon? Kailan mamamalayan ng lahat na lider na ulit ako?” Naghihintay sila nang ilang taon nang hindi naibabalik sa tungkulin, at pagkatapos ay magsisimulang mag-isip-isip: “Balewalang manampalataya sa diyos. Para lang akong mga taong iyon na nakakaranas ng maraming hadlang sa landas tungo sa pagiging mga opisyal sa mundong nasa labas, hindi ba?” Lalo lang silang nawawalan ng sigla, at lubos na pinanghihinaan ng loob kapag naiisip nila ang maraming kahadlangang iyon. Sinasabi nila, “Matapos ang maraming taong ito ng pagiging mananampalataya, hindi man lang ako naging isang mataas na lider kahit minsan. Matapos makapaglingkod sa wakas bilang isang lider ng pangkat, natanggal ako, at wala rin akong nagawang maayos na trabaho sa iba pang mga tungkulin. Napakamalas ko talaga—wala talagang mabuting bagay na nangyayari sa akin. Para lang akong nakikipagbuno sa napakaraming hadlang sa landas tungo sa pagiging isang opisyal. Bakit hindi ako itaas ng ranggo ng sambahayan ng diyos? Talagang bagsak na bagsak na ang katayuan at reputasyon ko. Wala na ngang nakakaalala kung sino ako, at hindi ako kailanman nababanggit ng itaas. Tapos na ang maliligayang araw ko. Ano na ang gagawin ko tungkol sa kawalan ko ng tagumpay? Mahal na mahal ko ang diyos, at mahal ko talaga ang iglesia at ang sambahayan ng diyos, kaya bakit hindi ako nakaranas ng tagumpay? Balewala nang manampalataya sa diyos. Gusto ko talaga sanang matupad ang mga engrande kong plano rito sa sambahayan ng diyos, magamit ang enerhiya at lakas ko, pero hindi ako inilalagay ng diyos sa mahahalagang posisyon o hindi niya ako nakikita. Balewala lang din.” Ano ang ibig nilang sabihin sa laging pag-iingay tungkol sa pagiging balewala nito? Ibig nilang sabihin, wala nang kabuluhang gawin nila ang kanilang tungkulin, hangarin ang pagbabago sa disposisyon, makinig sa katotohanan at makinig sa mga sermon, magbasa ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung gayon, ano ang may kabuluhang gawin para sa kanila? Ang magkaroon ng opisyal na posisyon, ang magtamo ng mga pagpapala, ang matupad ang kanilang hangarin at ambisyong pagpalain, ang magpakitang-gilas sa bawat pagkakataon, ang hangaan at maging tanyag. Para sa kanila, wala nang kabuluhan ang anupamang bagay. Kapag pakiramdam nila ay wala nang kabuluhan ang isang bagay, kapag nasisiraan na sila ng loob, kusa na silang lalapit sa may pinto. Gusto na nilang umalis sa sambahayan ng Diyos, at umatras. Ibig sabihin nito ay nasa panganib sila. May ilang tao na gumaganap ng tungkulin, partikular na ang mga gumaganap ng pangkaraniwang tungkulin na nagiging dahilan para madalas silang makipag-ugnayan sa mga walang pananampalataya, at ang ilan sa mga miyembro ng grupong ito ay may isang paa sa loob at isang paa na nasa labas. Ano ang ibig sabihin noon? Ibig sabihin nito ay maaaring umatras ang mga taong ito anumang oras, at kung guguho ang huli nilang depensa, tiyak na hahakbang ang kabila nilang paa palabas, at lubusan silang kakawala sa sambahayan ng Diyos at ganap na iiwan ang iglesia. Pagdating sa pagbabago sa kanilang mga tungkulin, ang mga bagay tulad ng kung saan sila ililipat, kung anong tungkulin ang gagawin nila, kung makakatugon ba ang tungkulin sa personal nilang mga pagnanais, kung makakatulong ba ito para igalang sila, at kung ano ang posisyon at ranggo ng bagong tungkulin nila, ay iniuugnay lahat ng mga taong ito sa intensiyon at pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala. Batay sa saloobin at pananaw na kinikimkim ng mga anticristo patungkol sa pagbabago sa kanilang mga tungkulin, nasaan ang problema nila? Malaking problema ba ito o hindi? (Oo, malaking problema ito.) Ano ang problema? (Iniuugnay nila sa kanilang katayuan sa iglesia ang normal na pagbabago sa mga tungkulin nila at kung maaari ba silang magtamo ng mga pagpapala o hindi. Kapag nabago ang kanilang mga tungkulin, sa halip na tanggapin at sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, iniisip nilang nawawala ang katayuan nila at na hindi na sila maaaring magtamo ng mga pagpapala, at pagkatapos, nararamdaman nilang wala nang kabuluhang manampalataya sa Diyos at gusto na nilang umalis sa sambahayan ng Diyos.) Ang pinakamalaki nilang pagkakamali rito ay ang iugnay ang pagbabago ng kanilang mga tungkulin sa pagtatamo ng mga pagpapala. Ito ang pinakahuling bagay na dapat nilang ginawa. Ang totoo, wala naman talagang kaugnayan sa pagitan ng dalawang ito, pero dahil puno ng pagnanais na magtamo ng mga pagpapala ang puso ng mga anticristo, kahit ano pang tungkulin ang gawin nila, iuugnay nila ito sa kung maaari ba silang magtamo ng mga pagpapala o hindi, na nangangahulugang imposible para sa kanilang gawin ang isang tungkulin nang maayos, at maaari lamang silang mabunyag at matiwalag. Lumilikha lang sila ng mga problema para sa sarili nila at inilalagay nila ang kanilang sarili sa isang landas na patungo sa kapahamakan.

Paano mo ba dapat tratuhin ang usapin ukol sa pagganap mo sa iyong tungkulin? Dapat magkaroon ka ng tamang saloobin, na siyang kinakailangan muna para magampanan mo nang maayos ang tungkulin mo. Ang tungkuling nararapat sa iyo ay dapat batay sa sarili mong mga kalakasan. Kapag minsan ay hindi ka magaling sa tungkuling isinaayos ng iglesia para sa iyo o hindi iyon isang bagay na nais mong gawin, maaari mong ipaalam ang isyu at lutasin iyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap. Ngunit kung nagagampanan mo ang tungkulin, at isang tungkulin iyon na dapat mong gampanan, at ayaw mong gawin iyon dahil lang sa natatakot kang magdusa, may problema sa iyo. Kung handa kang sumunod at kaya mong maghimagsik laban sa iyong laman, masasabi na medyo makatwiran ka. Gayunman, kung lagi mong sinusubukang kalkulahin kung aling mga tungkulin ang mas kagalang-galang, at ipinalalagay mo na ang ilang tungkulin ay magiging dahilan para hamakin ka ng iba, patunay ito na mayroon kang tiwaling disposisyon. Bakit masyado kang may kinikilingan sa iyong pagkaunawa sa mga tungkulin? Magagampanan mo kaya nang maayos ang isang tungkulin kung pipiliin mo iyon batay sa sarili mong mga ideya? Hindi naman talaga totoo iyon. Ang pinakamahalaga rito ay ang paglutas sa iyong tiwaling disposisyon, at kung hindi mo gagawin iyon, hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, kahit nasisiyahan ka roon. Ang ilang tao ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang walang mga prinsipyo, at ang pagganap nila sa kanilang tungkulin ay palaging batay sa sarili nilang mga kagustuhan, kaya hindi nila nalulutas kailanman ang mga paghihirap, palagi nilang iniraraos lang ang bawat tungkuling ginagampanan nila, at sa huli ay itinitiwalag sila. Maliligtas ba ang ganitong mga tao? Dapat mong piliin ang tungkuling nababagay sa iyo, gampanan ito nang maayos, at magawang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwali mong disposisyon. At saka ka lang makakapasok sa katotohanang realidad. Kung lagi kang naghahangad ng kaginhawaang panlaman at hangad mong magmukhang mabuti sa iyong tungkulin, hindi mo magagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang anumang tungkulin, kakailanganin kang itiwalag. Hindi nasisiyahan ang ilang tao kahit ano pa mang tungkulin ang ginagampanan nila, lagi nilang tinitingnan na pansamantala ang mga tungkulin nila, pabaya sila, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila. Bunga nito, ginagampanan nila ang mga tungkulin nila sa loob ng ilang taon nang walang natatamong anumang buhay pagpasok. Nagiging mga trabahador sila at natitiwalag sila. Hindi ba’t sila ang may gawa nito sa sarili nila? Ang masasamang tao at mga anticristo ay hindi kailanman nagkakaroon ng tamang saloobin sa kanilang mga tungkulin. Ano ang iniisip nila kapag inililipat sila? “Palagay mo ba isa lang akong tagapagserbisyo? Kapag ginagamit mo ako, pinagseserbisyo mo ako sa iyo, at kapag tapos ka na sa akin, basta mo na lang akong papaalisin. Aba, hindi ako magseserbisyo nang ganoon! Gusto kong maging lider o manggagawa, dahil iyon lamang ang kagalang-galang na trabaho rito. Kung hindi mo ako hahayaang maging lider o manggagawa at gusto mo pa rin akong magpakapagod, kalimutan mo na lang iyon!” Anong klaseng saloobin ito? Nagpapasakop ba sila? Sa anong batayan nila hinaharap ang paglilipat sa kanilang tungkulin? Sa batayan ng pagkamainitin ng ulo, ng sarili nilang mga ideya, at ng tiwaling disposisyon nila, tama ba? At ano ang mga kahihinatnan ng pagharap dito sa ganitong paraan? Una sa lahat, magagawa ba nilang maging tapat at taos sa susunod nilang tungkulin? Hindi, hindi nila magagawa. Magkakaroon ba sila ng positibong saloobin? Anong uri ang magiging kalagayan nila? (Isang kalagayan ng pagkasira ng loob.) Ano ang diwa ng pagkasira ng loob? Ito ay pagsalungat. At ano ang pinakahuling resulta ng isang kaloobang mapanalungat at nasisiraan ng loob? Magagawa ba ng isang taong nakakaramdam nang ganoon ang tungkulin niya nang maayos? (Hindi.) Kung palaging negatibo at mapanalungat ang isang tao, akma ba siyang gumawa ng isang tungkulin? Anumang tungkulin ang gawin niya, hindi niya iyon magagawa nang maayos. Paulit-ulit lang ang sitwasyong ito, at hindi magiging maganda ang kalalabasan. Bakit ganoon? Ang gayong mga tao ay wala sa mabuting landas; hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi sila mapagpasakop, at hindi nila maunawaan nang maayos ang saloobin at pakikitungo sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Problema ito, hindi ba? Ganap na angkop ang pagbabagong iyon sa tungkulin, ngunit sinasabi ng mga anticristo na ginagawa iyon para pahirapan sila, na hindi sila tinatratong tao, na ang sambahayan ng Diyos ay walang pagmamahal, na tinatrato silang parang makina, tinatawag kapag kailangan sila, pagkatapos ay isinasantabi kapag hindi. Hindi ba’t isa iyong baluktot na argumento? May konsensiya o katwiran ba ang isang taong nagsasabi ng gayong bagay? Wala siyang pagkatao! Binabaluktot niya ang isang ganap na maayos na bagay; binabaluktot niya ang isang ganap na angkop na pagsasagawa at ginagawang isang bagay na negatibo—hindi ba’t kabuktutan ito ng isang anticristo? Mauunawaan ba ng isang taong ganito kabuktot ang katotohanan? Talagang hindi. Problema ito ng isang anticristo; anumang nangyayari sa kanya, iisipin niya ito sa isang baluktot na paraan. Bakit siya nag-iisip sa baluktot na paraan? Dahil napakabuktot ng kalikasang diwa niya. Una sa lahat, ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay buktot, na sinusundan ng kanyang kabangisan, at ang mga ito ang kanyang mga pangunahing katangian. Ang buktot na kalikasan ng mga anticristo ay humahadlang sa kanilang maunawaan nang tama ang anumang bagay, at sa halip ay binabaluktot nila at namamali ang pakahulugan nila sa lahat ng bagay, nagmamalabis sila, gumagawa ng walang saysay na pagtutol, at hindi nila maasikaso nang maayos ang mga bagay-bagay o mahanap ang katotohanan. Sunod, aktibo nilang nilalabanan ang mga bagay-bagay at naghahangad na maghiganti, nagpapakalat pa nga ng mga kuru-kuro at nagbubulalas ng pagkanegatibo, na inuudyukan at hinihikayat ang iba na guluhin ang gawain ng iglesia. Lihim silang nagpapakalat sa paligid ng ilang reklamo, nanghuhusga kung paano tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, hinuhusgahan ang ilan sa mga tuntuning administratibo nito, kung paano ginagawa ng ilang lider ang mga bagay-bagay, at kinokondena ang mga lider na ito. Anong uri ng disposisyon ito? Kalupitan ito. Hindi lang mga palaban at suwail ang mga anticristo, nanghihikayat pa sila ng mas marami pang tao para maging suwail kasama nila, para pumanig at palakpakan sila. Ganoon ang kalikasang diwa ng isang anticristo. Ni hindi nila kayang harapin nang tama ang simpleng pagbabago sa tungkulin nila, o makatwirang tanggapin at magpasakop dito. Sa halip, lumilikha sila ng alingasngas at nagbibigay ng iba’t ibang pagdadahilan para sa kanilang sarili, ang ilan dito ay hindi angkop at nag-uudyok ng pagkamuhi at pagkasuklam sa iba. Pagkatapos magpakalat ng ilang panlilinlang at maling paniniwala, susubukan ng mga anticristong isalba ang sitwasyon para sa sarili nila at papaniwalain ang mga tao sa kanila. Kung hindi magtatagumpay ang mga hakbang na ito, magagawa ba ng mga anticristo na magbalik-loob? Kung hindi nila kayang tahakin ang landas na ito, magagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Magtataglay ba sila ng anumang kalooban na magsisi? Siguradong hindi. Sasabihin nila, “Kung pipigilan mo akong magtamo ng mga pagpapala, pipigilan ko kayong lahat para huwag din magtamo ng mga ito! Kung hindi ako makakakuha ng mga pagpapala, titigil na ako sa pananampalataya!” Nagsalita na Ako noon tungkol sa kung paanong wala talagang katwiran ang mga anticristo; ang kalikasang diwa sa likod ng kawalang-katwirang ito ay dahil sobrang buktot at lupit ng mga taong ito. Ang aytem na pinagbabahaginan natin ngayon ay tungkol sa mga pagpapamalas at pagbubunyag na nagpapakita nang husto sa kalikasang diwa na ito, at ito ang pinakakapani-paniwalang katibayan ng kalikasang diwa na ito. Nagagalit ang ilan sa mga taong ito kung binago ang tungkulin nila kahit minsan, at hindi magawa nang maayos ng ilan sa kanila ang alinman sa mga ito kahit matapos ilipat nang ilang beses, at makalipat mula sa isang tungkulin patungo sa isa pa, at iniisip tuloy nila sa huli na wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala, at gusto na nilang umatras. Sa madaling salita, kahit gaano pa baguhin ang mga tungkulin nila, kung may maganap na anumang pagbabago, susuriin, hahatulan, at pag-iisipang mabuti ng mga taong ito ang mga pagbabagong ito sa kanilang puso, at matatahimik lang sila kung malalaman nilang walang kaugnayan ang mga pagbabagong ito sa pagtatamo nila ng mga pagpapala. Sa sandaling malaman nilang may kahit bahagya mang kaugnayan ang mga pagbabagong ito sa pagtatamo nila ng mga pagpapala, o hindi kaya ay maaapektuhan nito ang pag-asa nilang magtamo ng mga pagpapala, aalma kaagad sila, at ilalantad ang kanilang kalikasang diwa. Kung mabigo sila sa pag-aalsang ito, at sila ay malantad at matakwil, maghahanda sila ng kaukulang mga plano para sa sarili nila, at iiwan nila ang sambahayan ng Diyos nang walang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip, hindi na sila mananampalataya pang may Diyos, at hindi na kikilalaning nananampalataya sila sa Diyos. Magbabago kaagad ang pang-araw-araw nilang mga buhay, at maglalaho sa kanila ang lahat ng wangis ng isang mananampalataya sa Diyos. Babalik na kaagad sila sa pag-inom, paninigarilyo, pagsusuot ng mga kakaibang damit at paglalagay ng makakapal na makeup at pagsusuot ng mga eleganteng damit. Dahil hindi nila nagawang magpakasaya sa mga bagay na ito bilang isang mananampalataya sa Diyos, magmamadali silang bawiin ang panahong nawala sa kanila. Kapag napag-isip-isip nilang umatras, iisipin na kaagad nila ang susunod nilang hakbang, kung paano sila makapagtatrabahong mabuti sa mundo para umasenso, makahanap ng lugar para sa sarili nila, at makapamuhay ng isang magandang buhay, maging kung saan naroroon ang malulusutan nila. Makakahanap sila kalaunan ng malulusutan para sa sarili nila, makakahanap ng lugar para sa kanilang sarili sa gitna ng masasamang kalakarang ito at sa masamang mundong ito, at matutukoy nila kung ano ang gagawin nila, negosyo man ito, politika, o iba pang uri ng pagkakaabalahan, na mas ikauunlad ng buhay nila kaysa sa iba, makapagbibigay sa kanila ng kaligayahan at kagalakan para sa natitirang panahon nila sa lupa, mas makapagpapaginhawa sa kanilang laman, makapagpapasaya nang husto sa buhay nila, at makapagbibigay sa kanila ng pagkakataong makibahagi sa paglilibang at pagliliwaliw.

Kapag pinupungusan ang isang anticristo, at kapag binabago ang tungkulin niya, ang iniisip niya ay ang tumanggap ng mga pagpapalang may malaking kaugnayan sa kanya. Kapag naiisip niyang wala na siyang natitirang pag-asa para doon, gugustuhin na niyang umatras, maglakad papalayo mula sa sambahayan ng Diyos, at gusto na niyang bumalik sa buhay ng isang walang pananampalataya. Batay rito, maliwanag na labis na mahalaga ang kalikasang diwa ng isang tao, kaya hindi ba’t lubos na mahalaga rin ang mga paghahangad at pagpapasya nila? Pagkakaiba lang ito ng isang kaisipan: Isang tamang desisyon, at maaaring mauwi kang patuloy na tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos, samantalang isang maling pasya naman ay maaaring gawin kang isang walang pananampalataya sa isang iglap, gawin kang isang taong walang kaugnayan sa sambahayan ng Diyos, sa gawain ng Diyos, o sa kanyang tungkulin. Isang kaisipan lang, isang sandali o isang maliit na bagay ay maaaring ganap na makapagpabago sa kapalaran ng isang tao. Ang isang kaswal na pasya, isang kaswal at munting kaisipan o isang simpleng perspektiba ay maaaring makapagpabago sa tadhana ng isang tao, at kaya nitong tukuyin kung saan siya hahantong sa susunod na pagkakataon. Kapag walang nasagupang anumang uri ng isyu ang mga tao, kapag wala silang hinarap na anumang desisyon, pakiramdam nila ay nauunawaan na nila ang maraming bagay, may taglay na silang tayog, at kaya na nilang tumayo nang matatag. Pero, kapag humarap ka sa isang desisyon, isang matinding prinsipyo, o isang malaking isyu, kung ano talaga ang piliin mo, kung ano ang saloobin mo patungkol sa Diyos, at kung ano ang perspektiba at saloobin mo tungkol sa naturang bagay, ang mga ito ang tutukoy sa tadhana mo at kung mananatili ka ba o aalis. Ang mga karaniwang ipinapasya ng mga anticristo, at ang mga pinakamalalim nilang personal na ninanais sa puso nila, ay kontrang lahat sa katotohanan; walang pagpapasakop na nakapaloob sa mga bagay na ito, pawang pagsalungat, walang katotohanan o pagkatao, tanging mga tiwaling disposisyon ng tao, at mga panlilinlang at maling paniniwala ng mga tao. Madalas na magiging dahilan ang mga ito para lumitaw ang mga kaisipang gaya ng pag-alis sa sambahayan ng Diyos at paglusong sa masasamang kalakaran, at maaaring maging dahilan anumang sandali para isipin nilang, “Kung wala akong pag-asang pagpalain, bakit hindi na lang ako umalis sa sambahayan ng diyos? Kung ganoon, hindi na ako patuloy na mananampalataya o gaganap sa tungkulin ko. Kung ganito ako tinatrato ng sambahayan ng diyos, hindi ko na kikilalanin pa ang diyos.” Ang mga ganitong uri ng labis na mapaghimagsik na mga kaisipan, ang mga maling paniniwala at panlilinlang na ito, ang mga buktot na ideya, ay madalas na nariyan at nananatili sa puso ng isang anticristo. Ito ang dahilan kung bakit kahit pa hindi siya umatras sa kalagitnaan ng pagsunod niya sa Diyos, napakahirap para sa kanya na tahakin ang landas hanggang sa pinakadulo, at ang karamihan sa kanila ay paaalisin at patatalsikin mula sa iglesia dahil sa matinding kasamaang ginawa nila at sa paggambala at panggugulong idinulot nila. Kahit na pilitin pa nila ang kanilang sarili na kumapit hanggang sa huli, ang totoo, makikita naman natin mula sa kalikasang diwa ng mga anticristo na hindi maiiwasan na aatras sila mula sa iglesia. Maaaring isipin pa nga nila sa kaibuturan nila, “Hinding-hindi ko maiiwan ang sambahayan ng diyos. Kahit na may ganoon pa akong mga naiisip, hindi ko kayang umalis. Mananatili ako rito kahit hanggang sa kamatayan ko. Hindi ako bibitiw sa sambahayan ng diyos; susunod ako sa diyos hanggang sa huli.” Kahit gaano pa sila udyukan ng personal nilang kalooban na huwag umalis sa sambahayan ng Diyos, at kahit gaano pa nila ipagpilitang dapat silang manatili sa personal nilang kalooban, sadyang kapalaran na nila sa huli na itaboy ng Diyos, at kusang-loob na iwan ang sambahayan ng Diyos, dahil tutol sila sa katotohanan at buktot sila sa kanilang kaibuturan.