Ikalabing-apat na Aytem: Tinatrato Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Teritoryo (Ikalawang Seksiyon)
At ano ang ginagawa ng anticristo pagkatapos maitatag ang sarili niyang teritoryo? Sobra ba siyang balisa tungkol sa lagay ng gawaing ebanghelyo ng iglesia? Nag-aalala ba siya tungkol dito, o nagtatanong ba siya ukol dito? Nagsasagawa lang siya ng inspeksyon, na iniraraos lang, nakakaraos nang pabasta-basta gamit ang ilang salita lang at wala nang iba. Ano ang layunin ng pag-iinspeksyon niya? Para saan ang mga paglalakbay niya nang malayo para kumustahin ang mga kapatid? Dahil ba ito sa may pakialam siya sa lagay ng buhay pagpasok ng mga ito? Hindi. Tinitingnan niya kung may intensyon bang lumaban sa kanya ang sinumang sakop ng impluwensiya niya, kung mayroon bang walang tiwala sa kanya, o mangangahas na magsabi ng “hindi” sa kanya, o mangangahas na hindi sumunod at hindi gawin ang sinasabi niya; kailangan niyang makita ng sarili niyang mga mata, kailangan niyang personal na malaman ang sitwasyon. Isang aspekto iyon. Bukod pa roon, kapag naitatag na ng anticristo ang teritoryo niya, iniluluklok niya ang sarili niya bilang nararapat na hari—at kung sasabihin mong malupit siyang pinuno, ang hari-harian ng bayan, ang bandidong lider, wala siyang pakialam, basta’t may katayuan at kapangyarihan siya. Sa sakop ng impluwensiya niya, sa loob ng teritoryo niya, hawak niya ang lahat ng kapangyarihan, siya lang ang masusunod. Gayundin, tinatamasa rin niya ang pagsamba, paghanga, at pagdakila ng grupo niya, pati na ang pambobola, walang kabuluhang papuri, at maging ang lahat ng pakiramdam ng pagiging mataas at mga espesyal na pagtratong ibinibigay nila sa kanya. Sa palagay mo ba kapag minomonopolisa ng anticristo ang kapangyarihan niya, para lang ito makapagsalita mula sa isang mataas na posisyon? Para lang ba ito matupad ang ganoong kagustuhan? Hindi. May mas mahalaga pa siyang gusto: ang lahat ng pagtrato na kaakibat ng katayuan at kapangyarihang tinatamasa niya sa kanyang teritoryo. Sa sandaling maitatag na ng anticristo ang teritoryo niya, sa sandaling magkaroon na siya ng masusugid na tagasunod, gugugulin niya ang mga araw niya nang mas maginhawa pa kaysa sa mga sinaunang emperador. Wala siyang kailangang gawin: Sa isang salita, natutupad ang hiling niya; sa isang salita, dinadala sa kanya ang mga bagay na gusto niya. Halimbawa, sasabihin ng anticristo, “Maganda ang lagay ng panahon ngayon; bakit parang gustung-gusto kong kumain ng manok?” Bago mananghali, may nagluto na ng nilagang manok. Sa tanghalian, sasabihin ng anticristo, “Kaming mga mananampalataya ng diyos ay hindi puwedeng uminom ng alak, pero baka puwede ang ilang pampalamig?” Pagkarinig sa mga salitang ito ng lider nila, ang mga tagasunod ng anticristo ay may isang inutusan para magmadaling bumili ng mga pampalamig. Hindi ba’t nakukuha niya ang anumang gusto niya? Kailangan lang niyang iunat ang kamay niya, ibuka ang bibig niya, at ang mga bagay ay dadalhin sa kanya at natutupad ang lahat ng hiling niya. Lumilipas ang mga araw niya nang labis na maginhawa. Pagkatapos ay sasabihin ng anticristo, “Malamig ngayon. Binutas ng mga gamu-gamo ang pangginaw na gamit ko noong nakaraang taon, hindi na angkop kapag isinuot ko ito—hindi magandang tingnan. Hindi ko alam kung nasaan ang pangginaw ngayong taon.” Kapag may nag-aalok na ibili siya ng ilang pangginaw, sinasabi niyang hindi siya dapat kaswal na bumili ng mga ito, dapat siyang sumunod sa kaangkupan ng mga santo, at dapat gastusin ang pera ayon sa prinsipyo. Pagkatapos na pagkatapos sabihin ito, may isang taong ibinili siya ng ilang pangginaw. Pagkarating nila, pakiramdam ng anticristo na kung wala siyang sasabihin, magmumukhang sinasadya ang lahat, kaya sinabi niya: “Sino ang bumili ng mga ito? Hindi ba’t isa itong paglabag sa mga prinsipyo? Hindi ba’t malalagay ako sa alanganin nito? Sino ang bumili ng mga ito? Ibibigay ko sa kanila ang pera.” Sasabihan niya ang asawa niyang kumuha muna ng kaunting pera mula sa mga handog sa iglesia, at sasabihin niyang babayaran niya ito kapag may pera na siya. Sa realidad, kaswal niyang sinasabi ito; wala talaga siyang kaplano-planong bayaran ito. Talagang nakukuha ng anticristo ang anumang naisin niya, natatamasa ang lahat nang walang kahirap-hirap. At sa puso niya, nakakaramdam ba siya ng anumang ganting-paratang matapos tamasahin ang mga bagay na ito? Hindi ba siya inuusig ng konsensiya niya? (Hindi.) Paanong makakaramdam siya ng pang-uusig? Ito mismo ang habol niya, ito ang talagang inasam niya araw at gabi—paano niya magagawang tanggihan ito? Hindi puwedeng sayangin ang kapakinabangang ito, kung hindi niya ito sasamantalahin, lilipas ito at masasayang; sa sandaling nasamantala na niya ito, magsasalita pa rin siya nang mabuti, para kusang gawin iyon ng taong gumagastos ng pera, at hindi mangangahas na pag-isipan ito ng anuman.
Sa sarili nilang teritoryo, hindi lamang nakakatanggap ang mga anticristo ng iba’t ibang espesyal na pagtrato at serbisyo mula sa kanilang mga nasasakupan kundi tinuturuan din nila ang mga nasa teritoryo nila na lubos na sumunod sa kanila. Halimbawa, kung sinabi ng anticristo sa lahat na gumising nang alas-singko ng umaga, dapat gising na ang lahat bago mag-alas-singko ng umaga. Haharap sa pagpupungos ang mga tinanghali nang gising—kinakailangan nilang bantayan ang mga tingin ng anticristo. Sa oras ng pagkain, walang nangangahas na umupo sa may mesa hangga’t hindi pa siya nakakaupo, at walang kahit sinong nangangahas na mauna pa sa kanya na gumamit ng mga chopstick. Anuman ang maisipan niyang gawin, dapat itong magawa; kung sa papaanong paraan man niya maisipang gawin ang isang bagay, dapat sumunod ang iba, at hindi palalampasin ang pagsuway. Sa teritoryo niya, siya ang lider, ang hari, at ang salita niya ang masusunod—sinumang hindi susunod ay parurusahan. Ang kanyang mga nasasakupan ay tinuturuang sumunod nang walang pasubali sa kanyang mga utos, hindi nangangahas ang mga ito na lumaban sa kanya kahit bahagya man, at naniniwala ang mga ito na anuman ang ipag-utos niya ay makatwiran at nararapat—tungkulin at obligasyon nila ito. Sa ilalim ng bandera ng pananampalataya sa Diyos at pagganap sa kanilang mga tungkulin, walang alinlangang sinusunod ang anticristo ng mga nasasakupan niya, buhat-buhat siya sa palad ng kanilang mga kamay at tinatrato siya bilang kanilang hari at panginoon. Kung may mga kaisipan o opinyon ang sinuman patungkol sa anticristo, kung mayroon silang mga pananaw na iba sa pananaw ng anticristo, hindi siya magdadalawang-isip na pabulaanan, maliitin, himayin, hatulan, kondenahin, at pigilan ang mga ito, tumitigil lang kapag ganap nang sumusunod sa kanya ang taong iyon. Umuunlad ang buhay ng anticristo sa kanyang teritoryo, kung saan lubhang komportable. Napupuntang lahat sa anticristo ang mga perang inihahandog ng mga kapatid, at anumang bagay na wala ang anticristo ay dapat nilang ibigay sa kanya. Dapat agad-agad na maibigay ng mga kapatid ang mga pangangailangan ng anticristo para manatili itong masaya at maging maligaya. Sinanay ng anticristo ang mga taong ito para maging mga birtwal na alipin. Umiikot ang pinakamadalas niyang pangangaral sa kung paano siya nagdusa at naging tapat, binibigyang-diin kung paano siya dapat unawain at sundin ng mga tao para malugod ang Diyos at maging alinsunod sila sa mga katotohanang prinsipyo. Nangangaral ang anticristo ng matatayog na mga sermon, bumibigkas ng mga islogan, at nagpepresenta ng mga doktrinang umaayong ganap sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kaya naman nakukuha niya ang pagsamba at paghanga ng iba. Kasabay nito, mabisa niyang napipigilan na may bumangong anumang suspisyon, pagdududa, o pagkilatis laban sa kanya, at napipigilan din niya ang mga tao na magkaroon ng isipang ilantad o kilatisin siya o magkaroon ng sarili nilang isipan ng pagkakanulo. Tinitiyak nitong magpapatuloy ang kanyang kapangyarihan habambuhay, at na lalakas pa ito sa loob ng iglesia nang walang kaproble-problema. Hindi ba’t medyo malayo nang napag-isipan ng anticristo ang mga bagay-bagay? Kaya naman, ano ang layunin sa likod ng lahat ng kilos na ito? Isang salita—kapangyarihan. Ang mga nasa teritoryo man niya o ang mga nasa labas, masusugid man niyang tagasunod o mga kapatid na nakakakilatis sa kanya, ano ang pinakakinatatakutan at ipinag-aalala ng anticristo sa lahat? Ito ay na baka maunawaan ng mga indibidwal na ito ang katotohanan, lumapit sa harapan ng Diyos, kilatisin siya, at itakwil siya. Ito ang pinakakinatatakutan niya sa lahat. Sa sandaling itakwil na siya ng lahat, siya ay nagiging isang kumander na walang hukbo, nawawalan na siya ng katayuan at katanyagan, at tinatanggalan siya ng kanyang kapangyarihan. Samakatwid, naniniwala siyang sa pamamagitan lamang ng pagtatatag ng kanyang teritoryo, pagkukulong sa kanyang masusugid na tagasunod, paglilihis at pagkontrol nang husto sa mga sumusunod sa kanila, paghawak sa kanila nang mahigpit, mapalalakas niya ang kanyang kapangyarihan. Sa ganitong paraan, kumakapit siya nang mahigpit sa espesyal na pagtratong nais niyang matamasa, isang espesyal na pagtratong dala ng kanyang kapangyarihan. Masyadong tuso ang ilang anticristo sa ipinapakita nilang asal at sa kanilang mga pakikitungo, mahusay silang kunin ang loob ng mga tao. Sa loob ng teritoryong pinamamahalaan nila, may mga utusan sila, mga nagtutustos ng mga materyal nilang pangangailangan, at mga nangangalap ng impormasyon o nag-aasikaso ng mga bagay-bagay para sa kanila—iba’t ibang klase ng mga indibidwal ito. Sa loob ng nasasakupang impluwensiya ng anticristo, kung walang may mahusay na kakayahan, walang naghahangad sa katotohanan, at walang nagtataguyod ng mga katotohanang prinsipyo, mapapanatili ng anticristo ang kontrol nito sa iglesia nang pangmatagalan, at lubusang manghihina at maliligaw ang mga tao na nasa loob ng iglesia sa puntong hindi na malulunasan pa. Kahit may ipadala pa ang Itaas para imbestigahan ang gawain, mawawalan lang ito ng kabuluhan. Hindi na tatablan at hindi na mapapasok ang iglesia sa ilalim ng kontrol ng anticristo—ang matibay niyang kuta. Kahit sino pa ang maglantad at humimay sa anticristo, o kahit sino pa ang magbahagi ng mga katotohanang prinsipyo, hindi na makikinig sa kanila ang mga naligaw. Sa halip, kakampi sila sa anticristo, na kinakalaban ang katotohanan at kinokondena ang pagkakalantad at pagkakahimay sa anticristo.
Pinag-uusapan at sinusuri palagi ng anticristo, ng masusugid niyang tagasunod, at ng mga miyembro ng teritoryo niya ang mga usapin sa loob ng sambahayan ng Diyos: Sino ang inilipat kung saan? Sino ang napalitan? May inisyu na namang pagbabahagi at sermon ang Itaas tungkol sa paglalantad ng ganito at ganyan—dapat ba natin itong ilabas? At paano natin ito ilalabas? Kanino ito unang ilalabas, at kanino pagkatapos? Kailangan ba nating makialam at magbawas o mag-edit nang kaunti? Sino ang kamakailang nakipag-usap sa mga tagalabas? May tao bang ipinadala ng Itaas? Nakipag-ugnayan ba ang sinuman sa mga taong iyon sa mga tao natin sa ibaba? Madalas nilang magkakasamang pinag-uusapan ang ganoong mga bagay; madalas silang nag-uusap-usap at nagsasabwatan, pinag-uusapan ang mga pangontra nilang hakbang, pakana, at pamamaraan para matugunan ang lahat ng pagsasaayos ng gawain ng Itaas; kaya, madalas din nilang pinag-uusapan at sinusuri ang mga kalagayan ng mga kapatid na nasa ilalim nila. Buong maghapong magkakasamang nagsasabwatan ang anticristo at ang mga miyembro ng teritoryo niya, at magkakasanggang-magkakasangga sila. Kapag magkakasama sila, hindi sila nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, o sa mga layunin ng Diyos, lalong hindi tungkol sa gawain ng iglesia, o kung paano tuparin ang tungkulin nila, isulong ang gawain ng iglesia, o gabayan ang pagpasok ng mga kapatid sa realidad ng mga salita ng Diyos, o kung paano tumugon sa mga sitwasyon sa labas. Hindi sila kailanman nagbabahagi tungkol sa mga wastong bagay na ito, pero sinusuri nila kung sino ang nagiging mas malapit kanino, kung sino ang pinag-uusapan ng mga taong ito kapag magkakasama sila, kung pinag-uusapan ba nila ang mga lider kapag nakatalikod ang mga ito; at binibigyan nila ng pansin kung sinong pamilya ang mayaman, at kung may mga naihandog na sila. Ito ang mga bagay na patago nilang pinagkukuwentuhan, palagi nilang hinuhusgahan ang mga kapatid, at ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas—palagi nilang ginagawa ang lahat ng makakaya nila para linlangin ang mga kapatid at ang Itaas. Nakakahiya ang mga bagay na patago nilang ginagawa: Kung hindi ito nakakapinsala sa iglesia, nakakapinsala naman ito sa mga kapatid; palagi silang nagpaplano o lumilikha ng usap-usapan tungkol sa mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan at naghahangad sa katotohanan, palagi nilang sinusubukang pabagsakin ang mabubuting tao o dungisan ang kanilang pangalan. Sa tuwing may ginagawang anumang bagay ang mga anticristo, palagi nila itong tinatalakay sa mga tao sa kanilang kampo—may mga plano at pakanang sangkot dito. Walang anumang bagay na sinabi ng grupo ng anticristo ang mapanghahawakang totoo sa pagsusuri; kung gagawan ito ng masusing pagsusuri, may mga makikitang problema sa lahat ng ito. Dahil sa mga taong nasa labas ng teritoryo, pinipigilan nila ang kanilang sarili at nag-iingat sila; sa loob ng teritoryo ng anticristo, wala nang anumang bawal: Hinuhusgahan nila ang mga kapatid, ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang matataas na lider—maging ang Diyos. Puwedeng batikusin ang lahat. Pero kapag nariyan ang isang taong mula sa labas ng teritoryo, itinatago nila ang mga salita nila, nagkukubli, nagpipigil, at nagsasalita pa nga ng isang sikretong wika na hindi maiintindihan ng mga tagalabas. May tingin sila na may partikular na kahulugan, masamang ngiti na may ibig sabihin, kahit singhal at ubo na may ibig sabihin—mga sikretong kodigo nila ang lahat ng ito. Minsan nagkakamot sila ng ulo nila, minsan hinahatak nila ang mga tenga nila, minsan ipinapadyak nila ang mga paa nila, minsan pinagkikiskis nila ang mga kamay nila; may ibig sabihin ang lahat ng iyon. Ito ang mga pangkaraniwang pagpapamalas ng grupo ng anticristo, ang iba’t ibang pag-uugaling ipinapamalas nila sa sandaling mamonopolisa na nila ang kapangyarihan sa iglesia. Kung titingnan ang iba’t iba nilang pag-uugali at pagpapamalas, at kung hihimayin ang mga ito mula sa perspektiba ng pagkatao nila, anong klaseng tao ang mga ito? Hindi ba’t sila ang mga sakristan ng panlilinlang at kabuktutan? (Oo.) At may pagpapahalaga ba sa katarungan ang mga taong ito? May konsensiya o moralidad ba sila? Matapat ba sila? Hindi. Walang kahihiyan ang mga taong ito. Ginagastos nila ang mga hinahandog ng mga kapatid, at iniisip nilang nararapat lang ito para sa kanila; gayundin, sila ay malaya at nagwawala sa loob ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot ng pinsala sa mga kapatid—at hindi lang nila pansamantalang binubuhay ang kanilang sarili sa pera ng iglesia, kundi ginagawa nila iyon araw-araw, hanggang sa mga susunod na henerasyon. Hindi ba’t mga diyablo ang mga ito na kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao? Wala silang kahihiyan! Kapag magkakasama, palaging pinag-uusapan ng anticristo at ng kanyang grupo ang “mga usaping pambansa.” Pero nakakahiya ba ang mga patago nilang usapan? (Oo.) Ano ang pinag-uusapan nila? Nagbabahaginan ba sila tungkol sa gawain ng iglesia? Nabibigatan ba sila sa gawain ng iglesia? Sa ilang lugar, ang iglesia ay sinusubaybayan at ang mga kapatid ay palihim na sinusundan at minamanmanan ng malaking pulang dragon, ng gobyerno, at maging ang karamihan sa mga kapatid ay nasa ilalim ng kontrol ng gobyerno at humaharap sa panganib ng pagkakaaresto at pagkakabilanggo. May pakialam ba sila? Sinusubukan ba nilang mag-isip ng paraan para protektahan ang mga kapatid, para tulungan silang makaiwas sa pag-uusig at pagdurusa sa bilangguan? Nag-uusap-usap ba sila nang pribado kung paano iingatan ang mga libro ng iglesia, mga pagmamay-ari, at iba pa, para protektahan ang iglesia nang hindi ito mawalan? Kung may lumitaw na isang Hudas sa iglesia, kaagad ba silang kumikilos, mabilis na naghahanap ng ligtas na lugar para sa mga apektadong kapatid upang protektahan sila? Gagawin kaya nila ang ganoong mga bagay? (Hindi.) Kapag may kapangyarihan ang mga tao, kaya nilang gumawa ng mabubuting bagay at kaya rin naman nilang gumawa ng masasamang bagay. Kaya, ano ang ginagawa ng anticristo kapag may kapangyarihan siya? (Masasamang bagay.) Anong masasamang bagay ang ginagawa niya? (Naghahanap siya ng mga paraan para parusahan ang sinumang hindi nakikinig sa kanya. Kapag nagpapadala ng ilang lider at manggagawa ang sambahayan ng Diyos para kumustahin ang gawain, hahanap siya ng paraan para iwasan ang mga ito, o ng paraan para samantalahin at husgahan ang mga ito, kondenahin ang mga ito, at makahanap ng mga dahilan para paalisin ang mga ito, para pigilan ang mga ito sa pagtatanong tungkol sa gawain at sa paghahanap ng mga isyu laban sa kanya.) Kabaligtaran naman ang ginagawa ng ilang anticristo: Sa takot na iulat ng mga kapatid ang mga isyu nila, binabantayan nila ang mga lider na ipinadala mula sa Itaas, inililibre nila ang mga ito ng masasarap na pagkain at inumin, at pinipigilan ang mga itong makipag-usap sa mga kapatid na nasa mabababang posisyon. Kapag hinahanap ng mga lider ang mga kapatid, sumasagot sila, “Maayos ang lagay nilang lahat. Sa ngayon, maayos ang takbo ng aming gawain ng ebanghelyo. Nalutas na namin ang lahat ng isyung iyon na lumitaw mula sa magulong kapaligiran, at pinatalsik na ang mga Hudas na nagkanulo sa amin; hinarap na namin ang mga nagtangkang guluhin ang gawain ng iglesia, at inalis na namin silang lahat, at naipamahagi na ang mga aklat ng mga salita ng diyos gaya nang normal. Wala nang kaproble-problema.” Pagkasabi nito, iniuulat din nila ang ilang bagay tungkol sa ibang tao. Kapag nagpapadala ang Itaas ng isang tao para imbestigahan sila, kung iniisip nilang may taong nagsumbong sa kanila—sadya nilang iuulat ang mga isyu ng taong iyon para ilihis ang matataas na lider at para isipin nilang may mga isyu nga ang taong nag-ulat sa anticristo, para hindi malaman ng mga lider kung ano talaga ang nangyayari sa gawain ng iglesia, at para hindi madiskubre ang mga isyu laban sa anticristo, upang sa bandang huli, hindi sila mapalitan, at hindi na sila malagay sa alanganin. Ang layunin ng anticristo sa pagprotekta sa teritoryo niya ay ang palakasin ang kanyang kapangyarihan at gawin itong mabisa, kaya naman lumilinang siya ng maraming tagasuporta, galamay, masusugid na tagasunod, at mga kapanalig. Ang layunin niya sa paglinang sa ganoong mga tao ay ang lubusang mamonopolisa ang kapangyarihan, para mapigilan ito sa paghina o pagkawala sa kanya.
Tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo, at ang unang ginagawa nila pagkatapos na maupong lider ay ang monopolisahin ang kapangyarihan. May naisip na ba kayong pagkakataon kung saan minomonopolisa ng mga anticristo ang kapangyarihan? (Dati, may isang lider sa iglesia na anticristo. Sa tuwing ipinupunto ng isang tao ang kanyang mga isyu o inilalantad siya, pipigilan niya ang taong iyon at kukumpiskahin ang mga aklat niya ng mga salita ng Diyos. Nagpunta ako sa ilang pagtitipon ng grupo sa kanyang simbahan para alamin pa ang sitwasyon. Sa takot na baka mabunyag ang masasama niyang gawa, sinubukan ng anticristong iyon na palayasin ako at sinamantala niya ang oportunidad na akusahan ako na palihim akong dumadalo sa mga pagtitipon nang wala ang kanyang pahintulot. Pagkatapos niyon, nagpadala ng tao ang mga matataas na lider para mag-imbestiga, at siniraang-puri ako ng anticristo, nagsalita ng kung anu-anong masama laban sa akin, at isinailalim pa nga niya ako sa house arrest, tinatagubilinan ang mga kapatid na huwag makikihalubilo sa akin. Noong panahong iyon, walong iglesia ang kontrolado ng anticristong ito sa tulong ng isa pang lider at manggagawa. Sa wakas, matapos ang ilang buwan ng pagbabahaginan at pagkilatis, pinalayas na sa wakas ng mga kapatid ang grupong ito ng mga anticristo.) Ganito magtrabaho ang mga anticristo. Anuman ang gawin nila sa loob ng iglesia, layon nitong makakuha ng kapangyarihan at kontrolin ang mga tao. Sensitibong-sensitibo sila sa sinumang banta sa kanilang katayuan at kapangyarihan. Napakatalas ng pang-amoy nila sa gayong mga bagay, at napagtatanto nila kaagad na walang magandang idudulot sa kanila ang mga bagay na ito at banta ang mga ito sa kanilang posisyon. Hindi ba’t buktot ito? Bakit napakasensitibo ng mga anticristo sa gayong mga bagay? Bakit hindi ito nararamdaman ng iba? May kinalaman ito sa kanilang kalikasan; ang mga anticristo lamang ang makababatid sa mga bagay na ito. Kinukumpirma nito ang isang punto: May ganitong diwa ang mga anticristo. Kahanga-hanga ang paghahangad nila para sa kapangyarihan, at nagtataglay sila ng isang kakaibang pananabik. Kapag may nagpunta sa iglesiang pinangungunahan nila, pag-aaralan nila ang taong ito, iniisip na, “Banta ba ang taong ito sa aking katayuan at katanyagan? Narito ba siya para itaas ako ng posisyon o para tanggalin ako? Narito ba siya para imbestigahan ang mga isyu ko o para makipagbahaginan nang normal tungkol sa gawain?” Sinusubukan muna nilang alamin ang mga bagay na ito. Napakasensitibo nila sa gayong mga bagay dahil may natatangi silang pagtingin at paghahangad para sa katayuan at kapangyarihan; nabubuhay sila para sa kapangyarihan at katayuan. Iniisip nila na kung mawalan sila ng kapangyarihan, mabawasan ng mga tagasuporta, at maging isang kumander na walang hukbo, wala nang saysay pa ang buhay. Samakatwid, patungkol sa katayuan at kapangyarihang natamo nila, nangangasiwa man sila ng tatlong iglesia, limang iglesia, o sampung iglesia, naniniwala ang mga anticristo na kapag mas marami, mas mabuti. Hinding-hindi nila isusuko ang kanilang kapangyarihan sa ibang tao. Iniisip nilang sa kanila lang iyon, isang bagay na ipinaglaban nila, isang bagay na nakuha nila sa pamamagitan ng rebolusyon at estratehiya. Kung gusto itong kunin ng iba, dapat handa silang ibuwis ang kanilang buhay kapalit nito. Tulad ito ng malaking pulang dragon—kung may magmumungkahi ng demokratikong pagbabago para wakasan ang diktadurya nito, inuudyukan ang Partido Komunista na magsagawa ng patas na eleksyon, ano kaya ang sasabihin ng malaking pulang dragon? “Demokrasya? Kakailanganin mong tumbasan ito ng ulo ng dalawampung milyong tao! Nakuha ng Partido Komunista ang kapangyarihan nito sa pamamagitan ng dugo ng di-mabilang na mga indibidwal. Kung gusto mong mangamkam ng kapangyarihan, kakailanganin mong tumbasan ito ng dugo at buhay ng ganoon karaming tao!” Ganoon din ang mga anticristo. Kung gusto mong bitawan nila ang kanilang kapangyarihan, hindi sapat na ibahagi ang katotohanan para sumuko sila; makikipagbuno at lalaban sila sa iyo. Kahit gaano pa nakakasuklam ang kanilang mga pamamaraan o kaparaanan, kailangan nilang ingatan ang kanilang kapangyarihan. Maliban na kung magising at magkaisa ang mga hinirang ng Diyos na ilantad at alisin sila, hindi nila ito gagawin. Hindi ba’t masyado lang talagang buktot ang mga anticristo? Kinukumpirma nitong ganap at binibigyang halimbawa ang buktot at malupit na disposisyon ng mga anticristo. Kahit payag pa o hindi ang mga kontroladong nasasakupan, totohanan man silang sumuko o hindi, handa man silang tumalima at sumunod, walang pakialam sa bagay na ito ang mga anticristo. Puwersahan nilang ginagamit ang kanilang kapangyarihan para pigilan at kontrolin ang mga tao. Walang sinuman ang maaaring sumuway. Sinumang hindi sumusunod ay papatawan ng parusa. Ganito ang mga anticristo.
Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang espesipikong pagsasagawa at pagpapamalas ng kung paano minomonopolisa ng mga anticristo ang kapangyarihan. Mula sa mga pagsasagawa at pagpapamalas na ito, hindi ba natin makita na nagtataglay ng malupit at buktot na disposisyon at diwa ang mga anticristo? Mababago ba sila ng sinuman? Sa pamamagitan man ng pangangatwiran sa kanila, pakikiusap, pagpresenta sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, pagpupungos sa kanila, o paghahangad na baguhin sila sa pamamagitan ng totoong damdamin—magagawa ba ng alinman sa mga pamamaraang ito na ipaabandona sa kanila ang kaugaliang pagmomonopolisa ng kapangyarihan? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga anticristo ay mga tao lang na may mga tiwaling disposisyon. May damdamin ang mga tao. Kung makikiusap ka sa kanila na may kalakip na damdamin, ipapaliwanag nang lohikal ang mga bagay-bagay, at lilinawin ang mabubuting bagay at hindi, kapag naunawaan nila ang katwiran, baka sakaling hindi sila kumilos sa ganoong paraan. Baka aminin nila ang kanilang mga pagkakamali, magsisi, at tumigil sa paglakad sa landas ng mga anticristo. Baka sakaling hindi sila magtatag ng sarili nilang teritoryo sa loob ng sambahayan ng Diyos, magtawag ng sarili nilang masusugid na tagasunod para magmonopolisa ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, at makilahok sa mga ganitong pagkilos na hindi umaayon sa pagkatao at moral.” Maiimpluwensiyahan ba ang mga anticristo sa ganitong paraan? (Hindi.) May nakapagpabago na ba sa isang anticristo? May nagsasabi na, “Siguro hindi sila naturuang mabuti ng kanilang ina mula sa pagkabata, pinalaki sila sa layaw. Ngayon, kung kakausapin sila ng kanilang ina o kung makipagkatwiranan sa kanila ang taong pinakatanyag sa kanilang pamilya, o ng pinakamatagal nang mananampalataya sa kanila, baka sakaling hindi na nila gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga anticristo.” Totoo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Walang magagawa ang mangatwiran sa kanila; habang lalo kang nagsasalita, lalo nilang ipagdaramdam ito. Kung ilalantad at pupungusan mo sila, kamumuhian ka nila.) Tama. Hindi ba’t ilang beses na nilang narinig ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan? Nanampalataya na ang ilang anticristo sa loob ng sampu o dalawampung taon nang walang anumang pagbabago. Marami-rami na silang nabasang mga salita ng Diyos pero bakit walang nangyaring pagbabago? Ito ay dahil puno ng kasamaan ang kanilang mga puso—kahit ang Diyos ay hindi sila inililigtas, kaya ba silang baguhin ng mga tao gamit ang kakaunting kaalaman at doktrinang mayroon sila? Sa lipunan ng mga tao, may edukasyon ang mga bansa, at may mga batas sa lipunan, kung saan hinihimok nitong lahat ang mga tao na matutong maging mabuti at umiwas sa paggawa ng mga krimen. Pero bakit hindi nito mabago ang mga tao? Nagkaroon na ba ng anumang positibong epekto sa lipunan ang edukasyon at mga sistema ng bansa? May anumang edukasyonal na kabuluhan ba o halaga para sa sangkatauhan ang mga bagay na iyon na itinaguyod ng bansa? Naging epektibo ba ang mga ito? (Hindi.) Kahit ang mga legal na departamento ng bawat bansa, gaya ng mga koreksyonal na pasilidad para sa mga delingkuwenteng kabataan at ang mga bilangguan, na pinakamataas at pinakamahigpit na mga lugar para sa pagdidisiplina sa mga tao, nabago ba ng mga ito ang diwa ng mga tao? Halimbawa na lang ang ilang taong nanggahasa, magnanakaw, at butangero—maraming beses na silang labas-masok sa bilangguan na nagiging paulit-ulit na silang lumalabag—nagbabago ba sila kalaunan? Hindi, walang makapagpapabago sa kanila. Hindi mababago ang diwa ng isang tao. Gayundin naman, hindi rin mababago ang diwa ng mga anticristo. Nirerepresenta ng pagsasagawa ng pagmomonopolisa sa kapangyarihan ang diwa ng mga anticristo, at hindi mababago ang diwang ito. Ano ang saloobin ng Diyos patungkol sa ganitong uri ng tao na hindi mababago? Ito ba ay ang gawin Niya ang buo Niyang makakaya para baguhin at iligtas sila, at pagkatapos ay magkamit ng transpormasyon sa kanilang kalikasan? Ginagawa ba ng Diyos ang gawaing ito? (Hindi.) Ngayong nauunawaan na ninyo na hindi ginagawa ng Diyos ang ganitong uri ng gawain, paano ninyo dapat harapin ang mga anticristo? (Itakwil sila.) Una, kilatisin at himayin; kapag nakikita na ninyo ang tunay nilang kalikasan, itakwil ninyo sila. Huwag ninyong itakwil ang isang tao batay lamang sa mga kuru-kuro at imahinasyon ninyo, iniisip na mapagmataas at mapagmagaling sila at parang anticristo. Hindi ito uubra; hindi ka maaaring maging bulag. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan, pag-iimbestiga at pagkilatis, unti-unti ninyong patunayan at kumpirmahin na anticristo nga ang isang tao. Una, ibahagi at himayin sila sa lahat, kilatisin sila, at pagkatapos ay makipagkaisa sa mga nasa iglesia na naghahangad sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan para itakwil sila. Kilatisin at himayin muna sila, at pagkatapos ay itakwil sila—ito ang pinakamainam na paraan para harapin ang mga anticristo. Para naman sa mga anticristong mahusay magpaimbabaw at may-katusuhan, kung naimbestigahan at nakilatis mo sila sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila, kinukumpirmang mga anticristo nga sila, pero hindi sila masyadong kilala ng mga kapatid, kulang pa rin sila sa totoong pagkilatis, at kapag ibinabahagi at sinusuri mo ang tungkol sa kanila sa mga kapatid, hindi lamang sa hindi sila naniniwala o tinatanggap na anticristo nga ang mga ito bagkus ay sinasabi pa ngang, “Masama ang tingin mo sa kanila; personal na opinyon mo ito”—ano ang dapat mong gawin? Kung sasabihin mong, “Nakilatis ko sila, hindi nila ako maililigaw o mapipigilan, hindi ako makikinig sa mga sinasabi nila, at hinding-hindi ako susunod sa kanila. Wala akong pakialam kung nakilatis man ninyo sila o hindi. Sinabi ko na sa inyo ang tungkol sa pagpapamalas nila at ang mga bagay-bagay na ginagawa nila, at sa maniwala man kayo o hindi, makinig man kayo o hindi, natupad ko na rin naman ang responsabilidad ko. Kung nailigaw o nakontrol nila kayo, kung nakinig kayo sa mga sinasabi nila at sinunod ang mga ito, tama lang ang kinahinatnan ninyo at malas lang talaga kayo!”—katanggap-tanggap ba ang diskarteng ito? Nabibilang ba itong pagtupad sa responsabilidad ninyo? Nabibilang ba itong katapatan sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin? Hindi maiiwasan ang gayong mga bagay; tiyak na lilitaw ang gayong mga usapin. Ang ilang tao, kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi nila maunawaan ang katotohanan, at hindi nila maiugnay ang mga pagpapamalas ng mga anticristo sa mga sermong narinig nila o kilatisin ang mga ito. Kapag malinaw pa sa tirik na araw na anticristo nga ang isang tao, hindi talaga nila makita ang tunay na kalikasan ng taong iyon at naliligaw pa rin sila. Maliban nang personal silang saktan ng mga anticristo, pigilan mismo sila, pagalitan sila, pungusan sila, o may masamang gawin sa harapan mismo nila, hindi nila tatanggapin na anticristo nga ang mga ito. Kahit nagsasalita pa ng totoo ang iba o nagprepresenta ng ebidensiya, hindi nila paniniwalaan ito. Kailangang makita mismo ng kanilang mga mata ang ginagawa ng mga anticristo at personal na maranasan ang pang-aabuso ng mga anticristo bago pa nila aminin ito. Ano ang dapat gawin tungkol sa sitwasyong ito? (Hayaan silang sumunod sa mga anticristo at maranasan ang pang-aabuso; magigising lang sila kapag naabuso na sila.) Hindi ba’t masyado namang malupit ito? (Hindi ito pagmamalupit sa kanila. Hindi maunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi, at maaari lang silang magkaroon ng kabatiran at magising sa pamamagitan ng personal na pagdanas ng pang-aabuso. Samakatwid, ito lang ang tanging paraan para harapin ang gayong mga tao.) Isa itong prinsipyo. Hindi nakakaunawa ang ilang tao kapag kinausap mo sila sa positibong paraan; wala silang kakayahang maarok ito. Halimbawa, kung sasabihin mo sa kanila, “Mapanganib ang lugar na iyon; kung mag-isa kang maglalakad sa gabi, baka may makasalubong kang mga holdaper. Nangyari na ito sa ilang tao. Huwag kang maglalalakad sa gabi; umuwi ka nang maaga!” Hindi sila naniniwala rito at nagpupumilit na maglakad nang mag-isa sa gabi nang walang kasama. Kung ganoon, hinahayaan mo silang maglakad nang mag-isa pero palihim na pinoprotektahan sila, tinitiyak na hindi sila aktwal na mapapasok sa gulo. Pagtupad ito sa iyong responsabilidad. Kapag dumating ang totoong problema, mapoprotektahan mo sila, mailalayo mo sila sa anumang gulo, at matutulungan mo silang matuto ng leksyon at tandaan ito. Kalaunan, maniniwala na sila na tama ang mga sinabi mo. Samakatwid, para sa mga taong iniligaw ng mga anticristo at hindi sila makilatis kahit gaano pa ibahagi ang katotohanan, kailangan nilang magdusa ng matinding pinsala, matuto ng leksyon, at tandaan ito upang paunlarin ang kakayahang makakilatis. Hindi makita ng mga taong magugulo ang isip at mga bumabalewala sa payo ang tunay na kalikasan ng kabuktutan at kabangisan ng mga anticristo, at tinatrato pa nga nilang kapatid ang mga anticristo, nakikisalamuha sa kanila nang gayon, tinutulungan pa nga sila nang may pagmamahal at tinatrato sila ng may sinseridad, nagsasalita sa kanila nang mula sa puso. Bunga nito, nagiging biktima sila ng mga anticristo. May mga taong kailangang saktan nang hindi lang minsan, kundi maraming beses, bago sila magkaroon ng kakayahang makakilatis. Pagkatapos, kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila at sinusuportahan sila, naniniwala sila sa iyo. Isa itong epektibong pamamaraan, at ang ilang tao ay kailangang magdusa sa gayong mga bagay. May isang partikular na tao noon na magulo ang isip na walang kakayahang kumilatis at hindi niya lubos na matanggap noong palitan ng sambahayan ng Diyos ang isang anticristo. Kitang-kita naman ang masasamang gawa ng naturang anticristo, at nakaklasipika siya bilang anticristo. Tanggap ito ng lahat maliban sa kanya, at walang sinumang makapagbahagi sa kanya. Kalaunan, sumama na lang siya sa anticristo. Pagkaraan ng ilang panahon, makaraang magdusa ng matinding pinsala, bumalik siyang lumuluha, kinikilala na talagang ubod nga ng sama ang anticristo. Ang totoo, masama na talaga ang anticristo dati pa, pero dahil may mabuti siyang naramdaman tungkol sa anticristo at gusto sana niyang magsipsip, pinalampas at pinagtiyagaan niya ang lahat ng ginawa ng anticristo. Nang mawalan ng katayuan ang anticristo, nakipag-usap siya sa anticristo nang pantay ang lebel nila, at nagsimula siyang magkaroon ng mga opinyon tungkol sa ilang mga bagay na ginawa ng anticristo. Nagbago ang perspektiba niya, at nagsimula na niyang makita ang mga isyu. Sa huli, kahit sabihan mo pa siyang sumunod muli sa anticristo, tatanggi siya kaagad—handa siyang mamatay kaysa sumunod sa anticristo, dahil nagdusa siya ng matinding pinsala at nakita na niya ang tunay na kalikasan ng anticristo. Sa katunayan, ang nakita niyang tunay na kalikasan ay nasabi na sa kanya nang mas maaga, pero tumanggi siyang tanggapin o kilalanin ito. Wala tayong magagawa sa bagay na iyon. Para sa gayong mga tao, kailangan nilang tumahak sa pasikot-sikot na daan at magbata ng mas maraming hirap—nararapat lamang ang kanilang pagdurusa. Bakit Ko nasabing nararapat lamang ito? Ibig Kong sabihin ay kapag may mga pagpapala ka pero tumatangging tamasahin ang mga ito, at nagpupumilit kang magdusa—wala tayong magagawa—kailangan mo munang magtiis ng hirap at magdusa. Nararapat lang ang pagdurusang ito.
Kapag nagmomonopolisa ng kapangyarihan, pangunahin nang ipinagkakatiwala ng mga anticristo ang mahahalagang gampanin sa mga walang pasubaling sumusunod sa kanila. Pagkatapos ay sinasanay nila ang mga indibidwal na iyon na nag-aatubili pa rin, na may mga isip na madaling hubugin, at dinadala sila sa kanilang panig. Kapag sapat na ang pagsasanay ng mga indibidwal na ito at naging mga miyembro na ng teritoryo ng anticristo, nakakahinga na nang maluwag ang anticristo. At sa mga natira namang hindi nila magamit, ganap silang inaabandona ng anticristo, at ibinubukod sila mula sa kanilang teritoryo. Lahat ng walang pasubaling sumusunod sa kanila ay itinuturing na masusugid nilang tagasunod, mga tapat na miyembro ng kanilang teritoryo. Itinuturing nila ang mga indibidwal na ito bilang mga tagasunod, tagasuporta, at taong mapagkakatiwalaan nila. May sinabi ang kapangyarihan nila sa loob ng grupong ito; ibig sabihin, epektibo itong nagagamit sa pamamagitan nila. Samakatwid, masasabi na kapag minomonopolisa ng mga anticristo ang kapangyarihan, ginagawang sarili nilang teritoryo ang sambahayan ng Diyos, namumuhunan sila ng matinding pagsisikap. Nagsasagawa sila ng iba’t ibang pagkilos at nagbabayad ng malaking halaga para rito, pero ang resulta ng halagang ito ay pakikipag-alitan sa Diyos, sa katotohanan, at sa lahat ng kapatid na nagsisipaghangad sa katotohanan. Ano ang halaga at saysay ng kapangyarihang ito? Mahalaga ito dahil nagpaparami ng kapital ang mga anticristo para makipagtunggali laban sa Diyos at sa Kanyang sambahayan, nagtatayo sila ng sarili nilang mga muog, bumubuo ng mga nagsasariling kaharian, at gumagamit ng matinding kapangyarihan nang hindi umaasa sa iba.