Ikalabing-apat na Aytem: Tinatrato Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Teritoryo (Unang Seksiyon)

Sa nakaraang pagtitipon, nagbahagi tayo tungkol sa katunayan na, bukod sa pagkontrol sa puso ng mga tao, kinokontrol din ng mga anticristo ang pananalapi ng iglesia. Ano ang mga pangunahing puntong pinagbahaginan natin? (Nagbahagi tayo tungkol sa dalawang pangunahing punto: Ang unang punto ay ang pag-uuna sa kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia, habang ang pangalawang punto ay ang pagwaldas, paglustay, pagpapahiram, paggamit nang may pandaraya, at pagnanakaw ng mga handog.) Nagbahagi tayo tungkol sa dalawang pangunahing puntong ito. Ngayon magbabahagi tayo tungkol sa ikalabing-apat na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo. Tingnan natin sa aytem na ito kung anong mga pagpapamalas ang taglay ng mga anticristo na nagpapatunay na may diwa nga sila ng isang anticristo. Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo: Sa panlabas, walang ibinibigay na indikasyon ang dalawang terminong ito—“sambahayan ng Diyos” at “personal na teritoryo”—kung anong kasamaan ang kayang gawin ng mga anticristo. Ang sabihing “tinatrato ng mga anticristo na parang sarili nilang tahanan ang sambahayan ng Diyos” ay walang ibinibigay na panlabas na indikasyon kung ano talaga ang tinutukoy ng “tahanan” na ito, kung positibo o negatibo ba ito, o kung ginagamit ba ito bilang papuri o paninira. Pero ang pagpapalit ba ng “personal na teritoryo” sa “tahanan” ay nagpapahiwatig na mayroong ilang problema? Una sa lahat, ano ang sinasabi sa atin ng “personal na teritoryo”? (Gusto ng mga anticristo na sila ang may huling salita.) Ano pa? (Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos bilang sarili nilang balwarte, lumilinang ng malalapit na kaibigan at mga tao mula sa sarili nilang sambahayan, at pagkatapos ay nagkakaroon ng kontrol sa buong iglesia.) Isa rin itong pagpapamalas ng mga anticristo. May iba pa ba? Ipinapahiwatig ba ng mababaw na kahulugan ng katagang ito na balwarte ito ng mga anticristo, na dito ang mga anticristo ay may kapangyarihan at impluwensiya, ang lugar kung saan kontrolado, monopolisado, at limitado ng mga anticristo ang lahat, at ang lugar kung saan ang mga anticristo ang nasusunod? (Oo.) Mahihiwatigan natin ang ganoong kahulugan sa katagang ito; dahil noong tinatalakay ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, nagbahagi tayo nang marami tungkol sa paghihimay at paglalantad sa diwa ng mga anticristo. Pangunahin sa mga pagpapamalas na ito ang mga pagtatangka ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao at humawak ng kapangyarihan—pero siyempre mayroon ding iba’t iba pang pagpapamalas.

Kaya ngayong nagbahaginan na tayo sa pangkalahatang kahulugan ng paggamit ng mga anticristo ng “personal na teritoryo,” pagbahaginan naman natin kung ano talaga ang ibig sabihin ng “sambahayan ng Diyos.” May konsepto ba kayo ng kung ano ang sambahayan ng Diyos—makakapagbigay ba kayo ng tumpak na depinisyon nito? Isang grupo ng mga kapatid na magkakasamang nagkakatipon—ito ba ang sambahayan ng Diyos? Itinuturing bang sambahayan ng Diyos ang isang pagtitipon o kapulungan ng mga taong sumusunod kay Cristo at sa Diyos? Itinuturing bang sambahayan ng Diyos ang isang pagtitipon na sangkot ang mga lider, diyakono at iba’t ibang lider ng grupo sa iglesia? (Hindi.) Ano nga ba talaga ang sambahayan ng Diyos? (Tanging ang iglesia kung saan naghahari si Cristo ang sambahayan ng Diyos.) (Tanging ang isang pagtitipon ng mga tao na sumusunod sa mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo nila ng pagsasagawa ang maituturing na sambahayan ng Diyos.) Tumpak ba ang dalawang depinisyong ito? Hindi ninyo ito kayang ipaliwanag. Sa kabila ng lahat ng sermong narinig ninyo, hindi kayo makapagbigay ng ganoon kasimpleng depinisyon. Maliwanag, hindi ninyo ugaling seryosohin at bigyan ng nararapat na pagpapahalaga ang mga espirituwal na termino at bokabularyong ito. Napakapabaya ninyo! Kaya pag-isipan ninyo itong mabuti: Ano nga ba talaga ang sambahayan ng Diyos? Kung bibigyan ito ng teoretikal na depinisyon, ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan ang katotohanan ang naghahari, isang kapulungan ng mga tao na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ay ang mga salita ng Diyos. Kung ganoon, ang pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos bilang personal nilang teritoryo ay isang problema; tinatrato nilang sarili nilang personal na balwarte ang pagtitipon ng mga kapatid na sumusunod sa Diyos, bilang lugar kung saan gumagamit sila ng kapangyarihan at bilang bagay na pinaggagamitan nila ng kapangyarihan. Ito ang literal na kahulugan na matutukoy mula sa ginagawang pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos bilang personal nilang teritoryo. Saanmang anggulo pa ninyo ito ipaliwanag o tingnan, ang ginagawang pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos bilang personal nilang teritoryo ay nagpapakita ng kalikasang diwa nila na sumusubok na iligaw at kontrolin ang mga tao at humawak ng lubos na kapangyarihan. Ang sambahayan ng Diyos ang lugar kung saan gumagawa at nagsasalita ang Diyos, kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung saan nararanasan ng mga hinirang ng Diyos ang gawain ng Diyos, nadadalisay, at nakakamtan ang kaligtasan, kung saan magagawang isakatuparan ang kalooban at mga layunin ng Diyos nang walang hadlang, at kung saan maipapatupad at makakamit ang plano ng pamamahala ng Diyos. Sa kabuuan, ang sambahayan ng Diyos ay ang lugar kung saan may hawak na kapangyarihan ang Diyos, kung saan ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang siyang naghahari; hindi ito ang lugar kung saan ang sinumang indibidwal ay gumagamit ng kapangyarihan, nagsasagawa ng sarili niyang operasyon, o nagkakamit ng sarili niyang mga pagnanais o engrandeng plano. Gayumpaman, ang ginagawa ng mga anticristo ay talagang sumasalungat sa kung ano ang gusto ng Diyos: Hindi nila pinapansin at binabalewala nila kung ano ang gustong gawin ng Diyos, wala silang pakialam kung magbunga man sa mga tao ang mga salita ng Diyos, o kung kaya bang maunawaan, maisagawa, at maranasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo; nagpapakita lang sila ng konsiderasyon sa kung may katayuan, kapangyarihan, at huling salita ba sila; kung matutupad ba ang mga layunin, ideya, at pagnanais nila sa mga tao. Ibig sabihin, sa loob ng kanilang balwarte, kung gaano karaming tao ang nakikinig sa mga salita nila at sumusunod sa kanila, at kung anong uri ng imahe, reputasyon, at awtoridad ang mayroon sila—ito mismo ang mga pangunahing bagay na sinusubukan nilang pamahalaan, at ang mga ito ang mga bagay na pinahahalagahan nila nang husto sa kanilang puso. Nagsasalita at gumagawa ang Diyos sa piling ng tao, inililigtas Niya ang mga tao, inaakay ang mga tao, at tinutustusan ang mga tao, ginagabayan Niya ang paglapit nila sa harapan ng Diyos, sa pag-unawa sa Kanyang mga layunin, sa hakbang-hakbang nilang pagpasok sa katotohanang realidad, at unti-unting pagkakamit ng pagpapasakop sa Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay talagang salungat dito. Inaakay ng Diyos ang mga tao sa paglapit sa harapan ng Diyos, pero nakikipag-agawan ang mga anticristo sa Diyos para sa mga taong ito, at sinusubukang dalhin ang mga ito sa kanilang harapan. Ginagabayan ng Diyos ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad, sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at sa pagpapasakop sa kapamahalaan ng Diyos nang hakbang-hakbang; sinusubukan ng mga anticristong kontrolin ang mga tao nang hakbang-hakbang, arukin ang mga galaw ng mga ito, at matatag na dalhin ang mga ito sa sarili nilang kapangyarihan. Bilang buod, ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para gawing mga tagasunod nila ang mga tagasunod ng Diyos; matapos nilang hikayatin at ilagay sa ilalim ng kapangyarihan nila ang mga taong magulo ang isip na hindi naghahangad sa katotohanan, nagpapatuloy pa sila at sinusubukan ang bawat paraan para mapasailalim sa kapangyarihan nila ang mga nakakasunod sa Diyos at tapat na nakakagawa ng tungkulin ng mga ito, para makinig sa sinasabi nila ang lahat ng nasa iglesia, at para mamuhay ang mga ito, kumilos, umasal, at gumawa ng lahat ng bagay ayon sa kagustuhan ng mga anticristo, nang sa gayon ay mauwi ang mga ito na sinusunod ang lahat ng sinasabi ng mga anticristo, sinusunod ang mga kagustuhan nila, at sinusunod ang mga hinihingi nila. Ibig sabihin, anuman ang gustong gawin ng Diyos, anumang epekto ang gustong makamit ng Diyos, iyon din ang resultang gustong makamit ng mga anticristo. Ang resultang gusto nilang makamit ay hindi para lumapit ang mga tao sa harapan ng Diyos at sambahin ang Diyos, kundi ang lumapit sa kanila, at sambahin sila. Sa kabuuan, kapag nagkaroon ng kapangyarihan ang mga anticristo, susubukan nilang kontrolin ang bawat tao at bagay sa balwarte nila, susubukan nilang kontrolin ang kahit na anong teritoryong kaya nila, susubukan nilang gawing balwarte nila ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at ang mga sumusunod sa Diyos kung saan magagamit nila ang kanilang kapangyarihan at magagawa nilang maghari-harian. Ibig sabihin, inaakay ng Diyos ang mga tao patungo sa harapan Niya, samantalang inililigaw ng mga anticristo ang mga tao at gusto ring akayin ang mga taong iyon patungo sa harapan nila. Ang layunin ng mga anticristo sa paggawa ng lahat ng ito ay para gawing mga tagasunod nila ang mga tagasunod ng Diyos, para gawing sarili nilang sambahayan ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia. Dahil taglay ng mga anticristo ang mga motibasyon at ang diwang ito, anong mga partikular na pagpapamalas at pag-uugali ang mayroon sila na nagpapahiwatig na mga anticristo nga ang mga anticristong ito, na mga kaaway sila ng Diyos, na mga demonyo at mga Satanas sila na mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan? Kasunod, kongkreto nating hihimayin kung anong uri ng mga tiyak na pagpapamalas at pamamaraan mayroon ang mga anticristo na nagpapatunay na tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo.

I. Minomonopolisa ng mga Anticristo ang Kapangyarihan

Ang unang pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo ay isang bagay na madalas na nating pagbahaginan, at isa itong mahalagang pagpapamalas na natatangi sa mga anticristo: Gustung-gusto ng mga anticristo ang katayuan higit sa anumang bagay. Bakit pinakagusto nila sa lahat ang katayuan? Ano ba ang nirerepresenta ng katayuan? (Kapangyarihan.) Tama iyan—susi ito. Sa pamamagitan lang ng katayuan sila magkakaroon ng kapangyarihan, at kapag may kapangyarihan lang nila madaling magagawa ang mga bagay-bagay; kapag may kapangyarihan lang sila makakaasang matutupad at magkakatotoo ang iba’t iba nilang pagnanais, ambisyon, at layunin. Kaya, napakatuso ng mga anticristo, napakalinaw ng tingin nila sa ganitong mga bagay; kung gagawin nilang personal na teritoryo ang sambahayan ng Diyos, dapat monopolisahin muna nila ang kapangyarihan. Isa itong prominenteng pagpapamalas. Sa mga anticristong nakasalamuha, nabalitaan, o nasaksihan ninyo ng sarili ninyong mga mata, sino sa kanila ang hindi nagtangkang magmonopolisa ng kapangyarihan? Kahit ano pang mga pamamaraan ang gamitin nila, sa pamamagitan man ng pagiging madulas at tuso, sa pamamagitan man ng pagiging matatag at mabait sa panlabas, o sa paggamit ng mas malulupit at partikular na mga walang-dangal na pamamaraan, o sa pamamagitan ng karahasan, iisa lang ang layunin ng mga anticristo: Ang magtaglay ng katayuan at pagkatapos ay magkaroon ng kapangyarihan. Kaya, ang unang bagay na gusto Kong ibahagi ay na bago ang lahat, sinusubukan ng mga anticristo na monopolisahin ang kapangyarihan. Higit pa sa pagnanais ng mga normal na tao ang pagnanasa ng mga anticristo para sa kapangyarihan, hinihigitan nito ang sa mga ordinaryong taong may tiwaling disposisyon. Gusto lang ng mga ordinaryong taong may tiwaling disposisyon na maging mataas ang tingin ng iba sa kanila, na magkaroon ng magandang tingin sa kanila ang iba; gusto nilang bidang-bida sila kapag nagsasalita sila, pero hindi sila masyadong nasasaktan kung wala silang kapangyarihan at hindi sila sinasamba ng mga tao; ayos lang sa kanila kung mayroon man sila nito o wala; mayroon silang kaunting pagkahilig at paghahangad para sa kapangyarihan, pero hindi sa antas na katulad ng sa mga anticristo. At anong antas iyon? Kapag wala silang kapangyarihan, palagi silang balisa, wala silang kapayapaan, nahihirapan sila dahil hindi sila nakakakain at nakakatulog nang mabuti, tila pagkabagot at walang kapahingahan ang dala ng bawat araw, at sa puso nila, pakiramdam nila ay na para bang may bagay na nabibigo silang makamit, at na para ring may bagay silang napalampas. Masaya ang mga ordinaryong tiwaling tao na magkaroon ng kapangyarihan, pero hindi naman sila labis na nalulungkot kapag wala iyon; posibleng makaramdam sila ng kaunting pagkadismaya, pero kontento rin naman silang maging ordinaryong tao. Kung kailangang maging ordinaryo ang mga anticristo, hindi nila makakayanan, hindi sila makapagpapatuloy, na para bang nawalan na ng direksyon at saysay ang buhay nila, hindi nila alam kung paano patuloy na tatahakin ang daan—ang buhay—na nasa harapan nila. Nararamdaman lang nilang puno ng liwanag ang buhay nila kapag may katayuan sila, nagiging maluwalhati, payapa, at masaya lang ito kapag may katayuan at kapangyarihan sila. Hindi ba’t iba ito sa mga normal na tao? Sa sandaling may katayuan na sila, nagiging kakaiba ang kasabikan ng mga anticristo. Nakikita ito ng iba at naiisip: Bakit iba sila kaysa noon? Bakit sobrang nagliliwanag at nakangisi sila? Bakit napakasaya nila? Kapag tinanong mo sila, ito ay dahil may katayuan sila; may kapangyarihan sila; sila ang may huling salita; kaya nilang manduhan ang mga tao; kaya nilang gumamit ng kapangyarihan; may katanyagan sila; at may mga tagasunod sila. Kapag may katayuan at kapangyarihan sila, may nagbabago sa mental na pananaw ng mga anticristo.

Ipinapahiwatig ng pagnanais ng mga anticristo na magkaroon ng kapangyarihan na hindi pangkaraniwan ang diwa nila; hindi ito isang karaniwang tiwaling disposisyon. Kaya naman, kahit sino pa ang kasama nila, susubukan ng mga anticristo na makahanap ng paraan para mamukod-tangi, para magpakitang-gilas, para ibandera ang kanilang sarili, para makita ng lahat ang mga merito at kabutihan nila at makinig ang mga ito sa kanila, at para makakuha sila ng posisyon sa iglesia. Kapag ginaganap ang mga halalan sa iglesia, pakiramdam ng mga anticristo ay dumating na ang oportunidad nila: Ang pagkakataong ibandera ang sarili nila, gawing totoo ang mga kahilingan nila, at tuparin ang mga ninanais nila, ay narito na. Ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para mahalal silang lider, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para magkaroon ng kapangyarihan, naniniwalang magiging mas madali para sa kanilang maisakatuparan ang mga bagay-bagay kapag nagtamo sila ng kapangyarihan. Bakit magiging mas madali ito? Kapag walang kapangyarihan ang mga anticristo, posibleng hindi mo madiskubre ang mga ambisyon, pagnanais, at diwa nila mula sa panlabas nilang kaanyuan, dahil itinatago nila ang mga ito, at nagkukunwari sila, para hindi mo makita ang mga ito. Pero ano ang kauna-unahang ginagawa nila sa sandaling magkamit na sila ng katayuan at magkaroon ng kapangyarihan? Sinusubukan nilang pataasin ang katayuan nila, palawakin at patibayin ang kapangyarihang hawak nila. At anong mga pamamaraan ang ginagamit nila para patibayin ang kapangyarihan nila at pataasin ang katayuan nila? Maraming pamamaraan ang mga anticristo; hindi nila palalampasin ang ganoong oportunidad, siguradong marami silang gagawin kapag nakuha na nila ang kapangyarihan. Para sa kanila, panahon ng matinding kaligayahan ang pagdating ng ganoong uri ng oportunidad—pati na kapag ginagamit nila ang katusuhan nila, at ginagamit nang husto ang mga abilidad nila. Pagkatapos mahalal ang isang anticristo, iniisa-isa muna niya ang direktang kapamilya at kamag-anak niya, tinitingnan kung sino ang malapit niyang kamag-anak, kung sino ang sumisipsip sa kanya, kung sino ang malapit sa kanya, at kung sino ang kasundo niya at kapareho niyang mag-isip. Tinitingnan din niya kung sino ang matuwid, kung sino ang hindi papanig sa kanya, kung sino ang magsusumbong sa kanya kung may gagawin siyang labag sa mga tuntunin at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos—ang mga ito ang mga aalisin niya. Pagkatapos silang isa-isahin, iniisip niya: “May magandang ugnayan sa akin ang karamihan sa aking mga kamag-anak, nagkakasundo kami, pare-pareho kami kung mag-isip; kung magiging tauhan ko sila at magagamit ko sila, hindi ba’t lalaki ang impluwensiya ko? At hindi ba’t patatatagin nito ang katayuan ko sa loob ng iglesia? Gaya nga ng kasabihan, ‘Itaas ang ranggo ng mga karapat-dapat kahit sila pa ay mga kamag-anak.’ Ang lahat ng walang pananampalatayang opisyal ay kailangang sumandig sa malalapit nilang kaibigan at kakilala para tulungan sila—ngayong opisyal na ako, ganoon din ang dapat kong gawin, magandang ideya ito. Una, dapat kong itaas ng ranggo ang mga kamag-anak ko. Siyempre ang asawa at mga anak ko; ang una kong gagawin ay ipaghanda sila ng mga posisyon. Ano ang gagawin ng asawa ko? Ang bantayan ang mga handog sa iglesia ay isang mahalaga at importanteng gampanin—nasa mga kamay dapat namin ang kapangyarihang pinansyal, saka ko lang magagawang gumastos ng pera nang malaya at madali. Hindi puwedeng mapunta sa mga kamay ng isang tagalabas ang perang ito; dahil kung hindi, mapapasakanya ito, at masusubaybayan at makokontrol ang gastos, na hindi maginhawa. Nasa panig ko ba ang taong kasalukuyang namamahala sa mga account? Mukha namang ayos sila sa panlabas, pero sino nga ba ang nakakaalam kung ano talaga ang iniisip nila sa panloob. Hindi, dapat umisip ako ng paraan para mapalitan sila at hayaang ang asawa ko ang mamahala ng mga account.” Sinasabi ito ng anticristo sa asawa niya, na nagsasabi naman, “Maganda ito! Ngayong lider ka na ng iglesia, ikaw na ang may huling salita sa mga handog sa iglesia, hindi ba? Ikaw ang magpapasya kung sino ang mamamahala sa mga iyon.” Sinasabi ng anticristo: “Pero sa sandaling ito, walang magandang paraan para mapatalsik ang taong kasalukuyang namamahala sa mga account.” Medyo pinag-isipan ito ng asawa niya, at sinabi: “Hindi ba’t madali lang iyon? Sabihin mong masyadong matagal na nilang ginagawa ang trabaho. Hindi maganda iyon; puwedeng may mga utang na hindi na masisingil, magugulong account, o mga insidente ng ilegal na pagpapayaman. Madaling nangyayari ang mga pagkakamali kapag ipinagkatiwala sa isang tao ang isang bagay sa loob ng matagal na panahon; sa paglipas ng panahon, pakiramdam nila ay may kapital na sila, at hindi na sila nakikinig sa ibang mga tao. Bukod doon, medyo matanda na ang taong namamahala sa mga account, madali na siyang maguluhan at madalas na nakakalimutan ang mga bagay-bagay. Kung magkakaroon ng anumang kapabayaan, hahantong ito sa mga pagkalugi. Napakahalagang gampanin nito—kailangan na siyang palitan.” At sino ang dapat magsabi na kailangan na siyang palitan? Ang anumang pag-uusap tungkol sa pagpapalit sa taong ito ay hindi puwedeng manggaling sa bibig niya bilang lider ng iglesia; ang mga kapatid mismo ang dapat magmungkahi sa asawa ng anticristo. Sa sandaling maihain na ng kanyang asawa ang mungkahi nito, ipagkakatiwala na rito ang mga handog sa iglesia. Pero idinidikta ng prinsipyo ng iglesia na hindi puwedeng gawin ng isang tao lang ang pagsinop sa mga handog, kundi na dalawa o tatlong tao nang magkasama, na nakakatulong para maiwasan na samantalahin ng isang tao ang isang butas sa tuntunin at lustayin ang pananalapi ng sambahayan ng Diyos. Kaya inirerekomenda ng anticristo ang pinsan niya para sumali sa pagsinop nito, sinasabing matagal na itong mananampalataya ng Diyos, marami nang naihandog, may magandang reputasyon, at mapagkakatiwalaan. Sinasabi ng lahat, “Pareho mong kamag-anak ang mga ito. Dapat may kasama ring isang tao na hindi mo kapamilya.” Kaya inirerekomenda ng anticristo ang isang matandang kapatid na babae na magulo ang isip para tumulong sa pamamahala at pagkontrol sa pananalapi. Una, inilalagay ng anticristo ang pananalapi sa ilalim ng kontrol ng pamilya niya, kung saan pagkaraan nito ay espesipikong pinangangasiwaan ng pamilya niya kung paano gagastusin ang perang ito at ang mga espesipikong detalye ukol dito—nasa mga kamay niya ang kontrol sa lahat ng ito.

Pagkatapos monopolisahin ang pinansyal na kapangyarihan at kontrolin ang mga ari-arian, nakamit na ba ng anticristo ang layunin niya? Hindi pa. Ang pinakamahalaga ay ang makontrol ang mga superbisor ng iba’t ibang gawain ng iglesia, hikayatin sila sa panig niya, at manduhan sila. Ito, sa pakiramdam ng anticristo, ang pinakamahalaga; may kaugnayan ito sa kung sinusunod ba ng mga taong nasa bawat pangkat na mas mababa ang mga sinasabi niya, at kung umaabot ba ang kapangyarihan niya sa pinakamababang antas. Kaya paano niya ito ginagawa? Nagpapakilala siya ng mga malawakang reporma. Una, nagbabahagi siya, at sinasabing may maling ganito at ganyan sa gawain ng bawat orihinal na pangkat. May mga partikular na isyung lumitaw sa Video Editing Team, halimbawa, at sinasabi ng anticristo, “Kasalanan ng superbisor ang mga problemang ito. Ang malalaking kapabayaang ito sa gawain nila at ang malalaking problemang idinulot niya ay katunayang hindi angkop ang superbisor sa trabaho, at dapat siyang palitan; kung hindi, hindi magagawa nang maayos ang gawaing ito. Kaya, sino ang papalit sa kanya? May naiisip ba kayo—may mga kandidato ba? Sino ang pinakamahusay sa pangkat sa gawaing ito?” Pinag-iisipan itong mabuti ng lahat, at may nagsasabi, “May kapatid na napakahusay, pero hindi ko alam kung akma siya.” Sumagot ang anticristo: “Kung hindi mo alam, hindi siya puwedeng piliin. May irerekomenda ako sa inyo. Ang anak ko—25 taong gulang siya at nagtapos ng computer science, nag-major siya sa special effects at video production. Isa siyang bagong mananampalataya sa diyos, at hindi niya masyadong hinahangad ang katotohanan, pero mas mahusay ang mga propesyonal niyang kasanayan kaysa sa inyo. May mga propesyonal ba sa inyo?” At sasagot ang lahat, “Hindi kami ang matatawag mong mga propesyonal, pero matagal na naming ginagawa ang aming tungkulin at nauunawaan namin ang mga prinsipyo ng gawaing ito ng sambahayan ng Diyos. Siya ba?” “Hindi mahalaga kung hindi siya nakakaunawa; puwede siyang matuto.” Tama ito sa pandinig ng lahat at sumasang-ayon sila sa mga sinasabi niya, sumasang-ayon ang lahat na itaas ang posisyon ng sinumang ibig niya, at sa gayon, isang mahalagang gampanin na naman ang nakontrol ng anticristo. Sumunod ay naiisip ng anticristo na mahalaga sa sambahayan ng Diyos ang gawaing ebanghelyo—at ang superbisor nito ay isang taong hindi niya kapanalig. Dapat itong palitan. Paano ito papalitan? Sa ganoon ding pamamaraan: paghahanap ng kapintasan. Sinasabi ng anticristo, “Ano na ang nangyari sa nakaraang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo?” Sagot ng isang tao, “Matapos manampalataya ng isang buwan, nakarinig siya ng ilang negatibong propaganda at pinaniwalaan niya iyon, kaya hindi na siya sumampalataya pa.” Tinatanong ng anticristo, “Paanong tumigil siya sa pananampalataya nang ganoon-ganoon lang? Dahil ba hindi ninyo pinagbahaginan nang malinaw ang katotohanan ng mga pangitain? O dahil ba tamad kayo, o kinatakutan ninyo ang masamang kapaligiran at takot kayong ilagay ang sarili ninyo sa panganib, kaya hindi ninyo pinagbahaginan nang malinaw ang mga bagay-bagay? O dahil hindi ninyo sila agad-agad na pinagmalasakitan? O nabigo kayong tulungan silang lutasin ang mga paghihirap?” Napakarami niyang tinatanong, sunod-sunod. At kahit paano pa sumagot ang iba, o kahit anong paliwanag pa ang ibigay nila, wala itong pinagkaiba; ipinipilit ng anticristo na masyadong maraming isyu ang superbisor ng pangkat sa ebanghelyo, masyadong mabigat ang mga pagkukulang nito, iresponsable ito, at hindi kalipikado para sa trabaho, kaya puwersahan itong tinanggal. At pagkatapos nitong matanggal, sinasabi ng anticristo, “Ang babaeng kapatid na si ganito-at-ganyan ay nagpalaganap na dati ng ebanghelyo at may karanasan din siya—sa tingin ko ay magiging mahusay siya.” Pagkarinig nito, sinasabi ng mga tao, “Siya ang nakatatanda mong kapatid! Posible ngang mahusay siya, pero hindi maganda ang pagkatao niya. May masama talaga siyang reputasyon, hindi siya puwedeng gamitin,” at hindi sumang-ayon ang mga kapatid. Sinasabi ng anticristo, “Kung hindi kayo sang-ayon, mabubuwag ang pangkat sa ebanghelyo. Hindi na kayo magpapalaganap ng ebanghelyo, wala kayong kakayahang gawin nang maayos ang tungkuling ito. Iyon o pumili kayo ng angkop na lider ng pangkat, at ang kapatid kong babae ang magiging katuwang na lider ng pangkat!” Pipili ng isang tao ang mga kapatid, at mapipilitang sumang-ayon ang anticristo, sa kondisyong papayagan ang nakatatanda niyang kapatid na babae na maging katuwang na lider ng pangkat. Ngayong may napagkasunduan na, nagawang manatili sa puwesto ang pangkat sa ebanghelyo.

Saan man ito o anumang gawain ang nakapaloob, kailangan ng mga anticristo na maglagay ng mga tauhan nila, mga taong nasa panig nila. Kapag naging mga lider ang mga anticristo at nagkaroon ng katayuan, ang una nilang ginagawa ay hindi ang pag-inspeksyon kung kumusta ang buhay pagpasok ng mga miyembro ng bawat pangkat, o ang pag-alam kung ano ang lagay ng gawain nila, o kung paano malulutas ang iba’t ibang paghihirap na hinarap nila sa kanilang gawain, at kung mayroon bang anumang malalaking isyu o hamon; sa halip, tinitingnan nila ang sitwasyon ng mga tauhan, at kung sino ang pinuno ng bawat pangkat, kung sino sa bawat pangkat ang laban sa kanila at aling mga tao ang magiging banta sa katayuan nila pagdating ng panahon. Alam na alam nila ang tungkol sa ganoong mga bagay, pero hindi nila kailanman tinatanong ang tungkol sa lagay ng gawain ng iglesia. Hindi nila kailanman kinukumusta ang kalagayan ng mga kapatid, ang buhay pagpasok nila, o kung kumusta ba ang buhay iglesia, at lalong ayaw nilang magmalasakit. Pero kilalang-kilala nila kung sino ang mga taong namumuno sa bawat pangkat: tauhan man nila ang mga ito, nakakasundo man nila ang mga ito, at banta man ang mga ito sa kapangyarihan o katayuan nila. Alam nila ang lahat ng detalyeng ito at pinag-isipan na nila nang napakalinaw ang mga ito. Kung sinuman sa grupo ang medyo matuwid at matapat magsalita, naniniwala silang dapat bantayan ang ganoong tao at hindi dapat bigyan ng anumang katayuan; pero pinapaboran nila ang mga mahuhusay mambola, ang mga marunong sumipsip, ang mga nagsasabi ng matatamis na salitang nakakalugod sa ibang tao, at ang marurunong sumunod sa hudyat kapag may ginagawang mga bagay-bagay. Pabor ang mga anticristo sa mga ito at pinaplano nilang itaas ng katungkulan ang mga ito at ilagay ang mga ito sa isang mahalagang posisyon. Iniisip pa nga nilang isama ang mga ito saan man sila magpunta, sinisigurong nakikinig sila sa mas maraming sermon at nililinang ang mga ito para maging mga tauhan nila. Sa mga nasa iglesia naman na naghahangad sa katotohanan, may pagpapahalaga sa katarungan, at malakas ang loob na magsalita nang totoo, na tuloy-tuloy na nagpupuri sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, na hindi tumitiklop sa masasamang puwersa, katayuan, o awtoridad—nagbabantay sila laban sa mga ito, kinamumuhian ang mga ito, dinidiskrimina ang mga ito, at inaalis ang mga ito sa kanilang puso. Gayunman, sa mga nambobola sa kanila, lalo na ang kanilang mga kapamilya, malalayong kamag-anak—ang mga ito na kayang maging malapit sa kanila ay kinikilala bilang sarili nilang mga tao at tinatrato bilang kapamilya. Ang lahat ng nasa ilalim ng kapangyarihan ng anticristo na nagagawang maging malapit sa kanya, sumusunod sa mga hudyat niya at kumukuha ng direksyon kapag gumagawa ang mga ito ng mga bagay-bagay, at ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga kagustuhan niya—ang mga taong ito ay walang konsensiya o katwiran, walang pagkatao, at hindi nagtataglay ng pinakamaliit na may-takot-sa Diyos na puso. Sila ay isang pangkat ng mga hindi mananampalataya. Kahit ano pang masasamang bagay ang gawin nila, inaaruga, pinoprotektahan, at itinuturing silang sariling pamilya ng anticristo, inilalagay sila sa ilalim ng kapangyarihan niya—sa ganitong paraan nabubuo ang teritoryo ng anticristo.

At sinu-sino ang bumubuo sa personal na teritoryo ng anticristo? Una sa lahat, ang anticristo ang ulo, ang lider, ang haring nagtataglay ng ganap na awtoridad na ang salita ay hindi puwedeng kuwestiyunin sa teritoryong ito. Ang mga taong kadugo niya, ang mga malalapit na kapamilya niya, mga tauhan niya, mga kabarkada, masusugid na tagahanga, iba pang malugod na sumusunod sa kanya at nauutusan niya, at ang iba pa ring masayang nakikihalubilo sa kanya at sumasama sa paggawa niya ng masama, at ang mga masayang nagpapakaalila para sa kanya, inilalagay sa panganib ang sarili ng mga ito para sa kanya, at nagpapagal para sa kanya, kahit gaano pa ipinapatupad ang mga pagsasaayos at atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang sinasabi ng mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo—ang mga ito ang mga miyembro ng teritoryo ng anticristo. Kapag pinagsama-sama, sila ang masusugid na tagasunod ng anticristo. At ano ang ginagawa ng lahat ng miyembrong ito ng teritoryo ng anticristo? Ginagawa ba nila ang tungkulin nila at ang bawat trabaho ayon sa mga regulasyon at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos? Ginagawa ba nila ang hinihingi ng Diyos at tinatrato ba nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan bilang pinakamataas sa lahat ng prinsipyo? (Hindi.) Kapag ang mga ganoong tao ay umiiral sa iglesia, makakapagpatuloy ba ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos nang walang hadlang? Hindi lang sa hindi makakapagpatuloy ang mga ito, pero dahil sa panggugulo, panlilihis, at pananabotahe ng grupo ng anticristo, hindi makapagbunga sa iglesia ang mga salita ng Diyos, ang katotohanang ipinapahayag Niya, at ang mga hinihingi Niya sa mga tao; hindi maipatupad ang mga ito. Kapag umiiral ang teritoryo ng anticristo, hindi nagkakaroon ng normal na buhay iglesia ang mga hinirang ng Diyos, ni hindi nila nagagawa ang tungkulin nila nang normal, lalong hindi nila nagagawa ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; kontrolado ng anticristo ang bawat trabaho sa iglesia. Sa hindi gaanong malubhang kaso, ang panggugulo ng anticristo ay nagdudulot ng kaguluhan, nababalisa ang mga tao, walang nararating ang gawain, at hindi alam ng mga tao kung paano gawin nang maayos ang gawain nila o gampanan nang tama ang tungkulin nila; wala sa kaayusan ang lahat. Sa malalalang kaso, nahihinto ang lahat ng gawain, at walang umiintindi o nagmamalasakit. Kahit na masasabi ng ilang tao na may problema, hindi nila makilatis na ang anticristo ang may-gawa ng gulong ito; ginugulo at nililito rin sila ng anticristo, hindi nila alam kung sino ang tama o mali; kahit pa may ilang nakakakita ng mga partikular na isyu at gustong magsalita o manguna sa gawain, hindi nila magawang harapin ang gawain. Sinusupil ng anticristo ang sinumang nagtatangkang ilantad siya, o na may pagpapahalaga sa katarungan at sinusubukang harapin ang gawain nang mag-isa. At hanggang saan ang ginagawa niya para supilin ang mga ito? Kung hindi ka mangangahas magsalita, kung magmamakaawa ka, kung hindi mo siya isusumbong, kung hindi mo siya iuulat sa mga nakatataas, o idudulog ang mga isyu sa gawain niya, o makikipagbahaginan sa katotohanan, o sasabihin ang salitang “Diyos,” hindi ka parurusahan ng anticristo. Kung itataguyod mo ang mga prinsipyo at ilalantad siya, gagawin niya ang lahat ng posible para parusahan ka, gagamit siya ng iba’t ibang paraan para kondenahin at supilin ka, at manunulsol pa nga siya ng mga miyembro ng teritoryo niya, kasama ang mga walang pinapanigan, at ang mga taong bahag ang buntot, duwag, at takot sa mga puwersa ng anticristo, para itakwil at supilin ka. Sa bandang huli, malulupig ng anticristo ang ilang may maliit na pananalig at tayog. At ikinatutuwa ito ng anticristo; nakamit na niya ang layunin niya. Kapag may kapangyarihan na siya, para mamonopolisa ang kapangyarihang ito at masiguro ang katayuan niya, hindi lang sa ibinibigay niya sa mga kaanak niya at sa mga kapalagayang-loob niya ang lahat ng mahahalagang trabaho sa iglesia, kundi kasabay nito ay nanghihikayat din siya ng iba na walang kaugnayan sa kanya para magserbisyo at magtrabaho nang husto para sa kanya, ang layunin ay ang manatili siya sa kanyang katayuan sa hinaharap, ang siya palagi ang may hawak ng kapangyarihan. Sa isipan niya, habang lalong dumarami ang mga tao sa kanyang teritoryo, lalong lalaki ang mga puwersa niya, at kaya lalong titindi ang kanyang kapangyarihan. At kapag mas matindi ang kapangyarihan niya, lalong matatakot sa kanya ang mga puwedeng lumaban sa kanya, ang mga puwedeng tumanggi, at ang mga mangangahas na ilantad siya. Lalo ring kumakaunti ang ganoong mga tao. Habang lalong natatakot ang mga tao sa kanya, mas maraming kapital ang kailangan niyang agawin sa sambahayan ng Diyos at sa Diyos; hindi na siya takot sa Diyos, at hindi siya natatakot na iwasto ng sambahayan ng Diyos. Kung pagbabatayan natin ang pagnanais ng anticristo na magkaroon ng kapangyarihan, kung ano ang pinaggagamitan niya nito, at ang iba’t ibang pag-uugali niya, sa diwa, ang anticristo ay kalaban ng Diyos; isa siyang Satanas at diyablo.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.