Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili (Ikalimang Seksiyon)

Ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay isang pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo, at ang pagtukoy sa kanilang diwa alinsunod sa pagpapamalas na ito ay napakaangkop at kongkreto—hindi ito isang hungkag na depinisyon. Sa pagtingin sa kanilang mga adyenda, ambisyon, mga pagbubunyag ng kanilang diwa, at magkakatulad na layunin ng kanilang mga pagkilos, makikita ng isang tao na ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay isang katangiang pagpapamalas ng mga anticristo. May mga anticristo ba na hindi kailanman nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili? (Wala.) Bakit wala? Dahil napakalaki ng kanilang mga ambisyon at pagnanais, at hindi nila makontrol ang mga ito. Kahit anong grupo ng mga tao pa ang kasama nilang naninirahan, kung walang nagtataas at sumasamba sa kanila, pakiramdam nila ay walang halaga o kahulugan ang buhay, kaya naman sabik na sabik silang itaas at patotohanan ang kanilang sarili para makamit ang kanilang mga layunin. Nabubuhay sila para higitan ang iba, at nangangailangan ng mga tao na sumasamba at sumusunod sa kanila, at kahit na ang mga taong iyon ay tulad ng mga nakaiinis, nakasusuklam na langaw o mga grupo ng mga pulubi, wala silang pakialam. Hangga’t may mga taong sumasamba at sumusunod sa kanila, panatag sila. Kung makatatanggap sila ng masigabong palakpakan mula sa mga tagahanga tulad ng sa mga sikat na mang-aawit, magiging sobrang saya nila, gustung-gusto nilang tinatamasa iyon—ito ang kalikasan ng mga anticristo. Anumang uri ng mga tao ang sumusunod o sumasamba sa kanila, gusto silang lahat ng mga anticristo. Kahit na ang mga taong sumusunod sa kanila ay ang pinakakahabag-habag at kasuklam-suklam, kahit na sila ay mga hayop, hangga’t itinataas sila ng mga ito at tinutugunan ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais para sa katayuan, walang pakialam ang mga anticristo. Kaya, makakaya bang pigilan ng mga anticristo ang kanilang sarili sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, at pagpapasikat saan man sila magpunta? (Hindi.) Ito ang kanilang diwa. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng mga tao ang mga tunay na sumusunod sa Diyos? Sa sangkatauhan, may isang uri ng tao na gustong piliin at iligtas ng Diyos, at ang mga taong ito ay may pinakamababang antas ng konsensiya, katwiran, at kahihiyan. Iyong mga medyo mas mabuti kaysa rito ang may kakayahang magmahal sa katotohanan, magmahal sa mga positibong bagay, at magmahal sa pagiging patas at pagiging matuwid ng Diyos; kaya nilang kamuhian ang kabuktutan, nagagalit sila kapag nakakikita sila ng hindi makatarungan o buktot na mga bagay, at kahit na wala silang magawa sa mga bagay na ito, namumuhi pa rin sila sa mga ito—ito ang mga taong gusto ng Diyos, sa pinakamababa. Para sa mga hindi nagtataglay ng pagkatao at diwang ito, hindi sila gusto ng Diyos, gaano man sila magsalita tungkol sa kabutihan ng Diyos o kung gaano kadakila ang Diyos. Halimbawa, ang mga Pariseo sa relihiyon ay dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Diyos gamit ang magkakatulad na luma at hungkag na mga teorya at mabababaw na salita, at hindi sila nagsasawang sabihin ang mga ito kahit pagkatapos ng dalawang libong taon. Ngayon ay naghahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan subalit hindi nila nakikita ang mga ito, hindi nila pinapansin ang mga ito, at ang ilan ay kinokondena pa nga at nilalapastangan ang mga ito. Ganap silang ibinubunyag nito, at matagal na silang tinukoy ng Diyos bilang mga mapagpaimbabaw na Pariseo, lahat sila ay bahagi ng grupo ni Satanas; itinalaga sila ng Diyos bilang mga demonyo at mga Satanas, baboy at aso. Kapag dumarating ang mga anticristo sa gayong grupo ng mga tao at nakikita na kakaunti sa kanila ang nakauunawa sa katotohanan, na wala sa kanila ang may anumang pagkilatis o talento, nagmamadali silang samantalahin ang pagkakataong ito para magpasikat. Ipinagyayabang ng ilan na minsan silang sabay na natanggap sa dalawang world-class na mga unibersidad, at hindi nagpunta sa huli dahil nagsimula silang manampalataya sa Diyos at tinanggap ang Kanyang atas. Pagkatapos na marinig silang sabihin ito, may ilang tao ang nagsisimulang tingalain sila. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at kung ang mga bagay na minamahal mo at ang iyong pananaw sa mundo ay katulad ng sa mga makamundong tao, sasambahin mo ang mga taong tulad nito, at iyon ang dahilan kung bakit kapag nagsasalita ang mga anticristo ng mga gayong bagay, maililigaw at maloloko ka nila. Palihim na itinataas ng mga anticristo ang sarili nila sa ganitong paraan, at ang mga hangal na tao na iyon na walang pagkilatis ay naililigaw nila. Nagiging lubos na masaya ang mga anticristo, iniisip na walang sinuman sa ilalim nila ang ordinaryo, gayong ang katunayan ay ang mga taong iyon ay pawang isang grupo lang ng mga gulong-gulo at walang kuwentang tao. Iyong mga walang kakayahang makaarok sa katotohanan ay maaaring mailigaw lahat ng mga Satanas at ng mga anticristo. Kapag naririnig nilang nagsasalita ang mga Satanas at ang mga anticristo, pakiramdam nila ay talagang tumutugma ito sa kanilang sariling mga kaisipan at panlasa, kaya’t nasisiyahan silang makinig dito. Hindi nila kayang gumamit ng normal na pag-iisip para gumawa ng paghusga tungkol sa kung ano ang pinakikinggan nila, at hindi rin sila maghahanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para tulungan silang kilatisin ang gayong mga bagay; hangga’t sa palagay nila ay tila makatwiran ang pinakikinggan nila, maluwag sa loob nilang tatanggapin ito, at sa gayon ay naililigaw sila nang hindi man lang nila namamalayan. Kung naririnig ng may mga kakayahang makaarok sa katotohanan at may pagkilatis na magsalita ang mga anticristo, malalaman nila na sinusubukan ng mga taong iyon na iligaw ang iba at tatanggihan nila ang mga ito. Ang mga naguguluhang tao na walang pagkilatis ay maniniwalang ang mga anticristo ay may karunungan, may mahusay na kakayahan, at may mga kinabukasan. Makikita nila ang mga bagay sa ganitong paraan, at maililigaw ng ilang mababaw na penomena; hindi nila malalaman kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at aalis sila para sundan ang mga Satanas. Hindi ba’t ang gayong mga tao ang nagdudulot sa sarili nilang pagkawasak dahil sa kanilang kahangalan at kamangmangan? Ganito nga ito. Kung mayroon kang pagkilatis sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na madalas na nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili, o sa iba’t ibang paraan ng paggawa nila nito, at magagawa mong husgahan ang layunin at adyenda sa likod ng kanilang mga salita, magiging madali para sa iyo na makita ang diwa ng mga anticristo, at magagawa mo na silang tanggihan at isumpa kaagad, at hindi na sila kailanman makikitang muli. Bakit mo gagawin ito? Dahil kapag nakikita mong nagsasalita at kumikilos ang mga anticristo, mapopoot at mamumuhi ka sa kanila, masusuklam ka na parang tumitingin ka sa mga langaw at kakailanganing itaboy sila sa lalong madaling panahon. Samakatwid, kapag may pagkilatis ka na ng mga kilos at pag-uugali ng mga anticristo, dapat mo silang ilantad kaagad para makilatis sila ng iba, at pagkatapos ay patalsikin sila sa iglesia alinsunod sa mga prinsipyo. Mangangahas ba kayong gawin ito? Kung magagawa ito ng hinirang na mga tao ng Diyos, ipinakikita nito na lumago na ang tayog nila, at na kaya nilang magpakita ng pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos at mapangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kapag nauunawaan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang katotohanan at nagtataglay ng pagkilatis, hindi na magkakaroon ng katatayuan ang mga anticristo sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos.

Anuman ang okasyon, hangga’t may pagkakataon ang mga anticristo, magpapakitang-gilas sila at magpapatotoo sa kanilang sarili, at hangga’t may mga tao na sumasamba sa kanila at tumitingin sa kanila nang may paghanga, inggit, at paggalang, magiging masaya sila—wala silang pakialam kung sino ang mga taong iyon. May mga hinihingi ba silang pamantayan mula sa mga taong sumusunod, sumasamba, at humahanga sa kanila? (Wala.) Mga hangal, mga may kakulangan sa pag-iisip, masasamang tao, o mga hindi mananampalataya man ang mga taong iyon, anong uri man ng mga tao sila, kabilang maging ang mga taong dapat paalisin at itiwalag, hangga’t kaya silang sundin, sambahin, at dakilain ng mga taong iyon, tinatanggap sila ng mga anticristo, gustong-gusto sila ng mga anticristo, at hinihila sila sa panig ng mga anticristo at pinoprotektahan sila. Itinuturing ng mga anticristo ang mga taong iyon bilang kanilang mga tupa, bilang kanilang personal na pag-aari, at hindi nila pinahihintulutan ang sinuman na ilipat sila, ilantad sila, o pangasiwaan sila. Gaano man sumipsip o magpalakas ang mga taong iyon sa mga anticristo, anumang nakasusuka at nakasusuyang bagay ang kanilang sabihin, ikasisiyang lahat ito ng mga anticristo; ayos lang lahat ito sa mga anticristo hangga’t binobola sila ng mga taong iyon. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga anticristo ay para tingalain, gustuhin, at sundin sila ng ibang tao, at gaano man karaming masasamang bagay ang gawin ng mga taong sumusunod sa kanila, hindi sisiyasatin ng mga anticristo ang mga ito, at wala silang pakialam gaano man katuso at mapaghangad sa kasamaan ang pagkatao ng mga ito. Hangga’t sinusunod at sinasamba sila ng mga taong iyon, magugustuhan sila ng mga anticristo, at hangga’t napananatili ng mga taong iyon ang kapangyarihan at katayuan ng mga anticristo, at hindi sila nilalabanan o sinasalungat, makararamdam ng labis na kasiyahan ang mga anticristo—ganyan ang mga anticristo. Sa kabilang banda, paano tinatrato ng mga anticristo iyong mga taong laging naglalantad sa kanila at humahadlang sa kanila sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, at humahamak sa kanila sa paggawa nito, gayundin ang mga nakikipagbahaginan ng katotohanan sa kanila, ang nakakikita sa diwa ng kanilang mga problema, at may tunay na pagkilatis sa kanila? Agad silang nagagalit dahil sa kahihiyan, at nag-iingat sila laban sa, ibinubukod, at inaatake ang mga taong iyon, sa wakas ay nag-iisip ng mga paraan para ihiwalay iyong mga nakakikilatis at lumalaban sa kanila. Ano ang dahilan kung bakit nila ginagawa ito? Ito ay dahil kapag itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili, palagi nilang iniisip na ang mga taong iyon ay masakit sa mata at mga tinik sa kanilang tagiliran, at na kikilatisin at tatanggihan sila ng mga taong iyon, ilalantad sila, at sisirain ang magandang bagay na mayroon sila. Sa sandaling makita nila ang mga taong iyon, makararamdam ang mga anticristo ng pagkabalisa sa kanilang puso at palaging gugustuhing pangasiwaan ang mga taong iyon, iniisip na hangga’t kaya nilang pangasiwaan ang mga taong iyon, kapag itinataas at pinatototohanan nilang muli ang kanilang sarili, walang sinuman ang maglalantad o hahadlang sa kanila, at walang humpay silang makagagawa ng kasamaan. Ito ang prinsipyo kung saan kumikilos ang mga anticristo. Anuman ang uri ng mga tao na nambobola, pumupuri, o nagtataas sa kanila, alinsunod man ang sinasabi ng mga taong iyon sa mga katunayan, kahit na nagsasabi sila ng mga kasinungalingan, handa silang tanggapin ng mga anticristo, masisiyahan ang mga anticristo na makinig sa mga taong iyon, at magugustuhan nila ang mga taong iyon mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Wala silang pakialam kung ano ang mga problema ng mga taong iyon, at kahit na matuklasan nila ang mga isyu sa mga taong iyon, itatago nila ang mga ito, pagtatakpan ang mga ito, at walang ibang pagsasabihan ng tungkol sa mga ito. Hangga’t nasa tabi ng mga anticristo ang mga taong iyon, sinusundan at binobola sila, ikasisiya nila ito. Ganito ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay-bagay. Kaya ba ninyong gawin ang mga bagay na ito na ginagawa ng mga anticristo? Halimbawa, sabihin na mga lider at manggagawa kayo sa iglesia, mga taong may katayuan at reputasyon sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kung tinitingala ka ng mga kapatid, binobola ka, sumisipsip sa iyo, at madalas kang pinupuri, sinasabing nagbibigay ka ng magagandang sermon, na maganda ang iyong itsura, at na para sa kanila ikaw ang pinakamahusay na lider, ano ang mararamdaman mo? Makikilatis mo ba ang layunin sa likod ng kanilang mga salita? Matatanggihan at maiiwasan mo ba ang gayong mga tao? Kung hindi, nasa panganib ka. Malinaw na alam mong hindi ganoon kaganda ang itsura mo, na hindi mo nagagawang magbahagi ng katotohanang realidad, subalit natutuwa ka pa rin kapag naririnig mong binobola ka ng mga tao sa ganitong paraan, at palaging ginugustong mapalapit at maitaguyod ang gayong mga tao, hindi ba ibig sabihin noon na may problema ka? Nangangahulugan itong nasa panganib ka.

Kapag nagtatrabaho ang mga lider at manggagawa, minsan ay nabibigyang-liwanag at natatanglawan sila ng Banal na Espiritu, makapagsasalita sila ng ilang tunay na karanasan, at natural na magkakaroon sila ng mga taong tumitingala at sumasamba sa kanila, natural na magkakaroon sila ng mga taong sumusunod sa kanila, na hindi maihihiwalay sa kanila tulad ng sarili nilang anino—sa mga panahong tulad nito, paano nila dapat harapin ang mga bagay na ito? Ang lahat ay may kanya-kanyang kinikilingan, lahat ay banidoso; kung maririnig ng mga tao ang iba na nagsasalita nang may pagsang-ayon at papuri sa kanila, lubos silang masisiyahan. Isa itong normal na bagay na maramdaman at hindi isang malaking bagay. Gayumpaman, kung itataas nila ng ranggo ang sinumang kayang magbigay ng sobrang papuri sa kanila, at bobolahin sila, at inilalagay nila ang isang tulad nito kung saan sila may kaunting pakinabang, mapanganib iyon. Ito ay dahil ang lahat ng mga taong mahilig mambola at labis-labis na pumuri sa iba ay sobrang tuso at mapanlinlang, at hindi sila matapat o totoo. Sa sandaling magkamit ng katayuan ang gayong mga tao, wala silang pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos o sa gawain ng iglesia. Ang mga taong ito ay tuso, at sila ang pinaka may kakayahang guluhin ang mga bagay-bagay. Iyong mga taong medyo matuwid ay hindi kailanman nagbibigay ng labis-labis na papuri sa iba. Kahit pa sinasang-ayunan ka nila sa kanilang puso, hindi nila ito sasabihin nang malakas, at kung natuklasan nilang mayroon kang mga kapintasan o na nakagawa ka ng pagkakamali, ipapaalam nila ito sa iyo. Ang ilang tao, gayumpaman, ay ayaw ng mga prangkang tao, at kapag may nagsabi ng kanilang mga kapintasan o sinasaway sila, pagmamalupitan at ibubukod nila ang taong iyon, at gagamitin pa ang mga kapintasan at pagkukulang ng taong iyon para patuloy siyang hatulan at kondenahin. Sa paggawa nito, hindi ba’t pinagmamalupitan at sinasaktan nila ang mabubuting tao? Ang paggawa ng mga bagay na tulad nito at pag-uusig sa gayong mabubuting tao ay mga bagay na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Ang pag-uusig sa mabubuting tao ay isang masamang bagay na gawin! At kung ang isang tao ay umuusig sa napakaraming mabubuting tao, isa siyang diyablo. Dapat tratuhin ng mga lider at manggagawa ang lahat nang patas at may pagmamahal, at dapat nilang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Lalo na kapag may mga taong nambobola at sumisipsip at umaali-aligid sa iyo, dapat mo silang tratuhin nang tama, magiliw silang tulungan, at udyukan silang tuparin ang kanilang mga nararapat na gawain at hindi mambobola ng mga tao tulad ng ginagawa ng mga walang pananampalataya; sabihin nang malinaw ang iyong posisyon at perspektiba, iparamdam sa kanila ang pagkapahiya at kahihiyan para hindi na nila ito ulitin. Kung kaya mong sundin ang mga prinsipyo at tratuhin nang patas ang mga tao, hindi ba’t mapapahiya ang mga kasuklam-suklam na payaso at satanikong uri na ito? Mapapahiya nito si Satanas, at mapalulugod nito ang Diyos. Iyong mga mahilig mambola sa iba ay naniniwala na gusto ng lahat ng lider at manggagawa ng mga taong nambobola sa kanila, at sa tuwing may nagsasabi ng anumang pambobola o paninipsip sa kanila, natutugunan ang kanilang banidad at pagnanais para sa katayuan. Hindi gusto ng mga taong nagmamahal sa katotohanan ang lahat ng ito, at labis nilang kinasusuklaman itong lahat at nasusuya sa lahat ng ito. Tanging ang mga huwad na lider lang ang nasisiyahang binobola. Maaaring hindi sila pinapalakpakan o pinupuri ng sambahayan ng Diyos, subalit kung pinapalakpakan at pinupuri sila ng hinirang na mga tao ng Diyos, lubos silang nalulugod at labis nila itong ikinasisiya, at kalaunan ay nakakukuha sila ng kaunting pampalubag-loob mula rito. Mas ikinasisiya ng mga anticristo ang binobola, at ang bagay na pinaka-ikinasisiya nila ay kapag ang mga taong tulad nito ay lumalapit sa kanila at umaali-aligid sa kanila. Hindi ba ito nakababahala? Ganito ang mga anticristo; gusto nila na may mga taong pumupuri at pumapalakpak sa kanila, sumasamba at sumusunod sa kanila, samantalang iyong mga naghahangad ng katotohanan at medyo matuwid ay ayaw ang anuman sa mga ito. Dapat kang maging malapit sa mga taong kayang makipag-usap nang totoo sa iyo; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito sa tabi mo ay lubos na malaking kapakinabangan sa iyo. Sa partikular, ang pagkakaroon ng gayong mabubuting tao sa paligid mo tulad ng mga iyon na, kapag natutuklasan nila ang isang problema sa iyo ay may lakas ng loob na sawayin ka at ilantad ka, mapipigilan kang maligaw ng landas. Wala silang pakialam kung ano ang iyong katayuan, at sa sandaling matuklasan nilang gumawa ka ng isang bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sasawayin at ilalantad ka nila kung kinakailangan. Ang gayong mga tao lang ang matutuwid na tao, mga taong may pagpapahalaga sa katarungan, at gaano ka man nila ilantad at sawayin, ang lahat ng ito ay tulong sa iyo, at ang lahat ng ito ay tungkol sa pangangasiwa sa iyo at pagtulak sa iyo pasulong. Dapat kang mapalapit sa gayong mga tao; ang pagkakaroon ng mga gayong tao sa tabi mo, tumutulong sa iyo, magiging mas ligtas ka—ganito ang pagkakaroon ng proteksiyon ng Diyos. Ang pagkakaroon ng mga taong nakauunawa sa katotohanan at nagtataguyod ng mga prinsipyo sa tabi mo araw-araw na nangangasiwa sa iyo ay lubhang kapaki-pakinabang sa paggawa mo ng iyong tungkulin at gawain nang maayos. Wala ka talaga dapat niyong mga tuso, mapanlinlang na mga tao na sumisipsip sa iyo at nambobola sa iyo bilang iyong mga katulong; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito na nakadikit sa iyo ay tulad ng pagkakaroon ng mababahong langaw sa iyo, malalantad ka sa napakaraming bakterya at virus! Ang gayong mga tao ay malamang na guguluhin ka at makakaapekto sa iyong gawain, maaari silang maging sanhi ng pagkahulog mo sa tukso at pagkaligaw ng landas, at maaari silang magdala ng sakuna at kalamidad sa iyo. Dapat kang lumayo sa kanila, mas malayo mas mabuti, at kung makikilatis mo na mayroon silang diwa ng mga hindi mananampalataya at mapapaalis sila sa iglesia, mas mabuti. Kapag nakita ng isang matuwid na tao na naghahangad ng katotohanan na mayroon kang problema, sasabihin niya sa iyo ang katotohanan anuman ang iyong katayuan, anuman ang iyong magiging pagtrato sa kanya, at kahit na tanggalin mo pa siya. Hinding-hindi niya ito susubukang pagtakpan o ipaliligoy-ligoy. Sobrang kapaki-pakinabang na magkaroon ng mas maraming tao na tulad nito sa paligid mo! Kapag gumawa ka ng bagay na labag sa mga prinsipyo, ilalantad ka nila, magbibigay ng mga opinyon sa iyong mga isyu, at tutukuyin ang iyong mga problema at pagkakamali nang deretsahan at matapat; hindi ka nila susubukang tulungang mapanatili ang iyong dignidad, at ni hindi ka nila bibigyan ng pagkakataong maiwasan ang kahihiyan sa harap ng maraming tao. Paano mo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Dapat mo ba silang parusahan o maging malapit sa kanila? (Maging malapit sa kanila.) Tama iyan. Dapat mong buksan ang iyong puso at makipagbahaginan sa kanila, sinasabi na, “Tama ang isyung mayroon ako na tinukoy mo sa akin. Noong panahong iyon, napuno ako ng banidad at pag-iisip ng katayuan. Naramdaman kong naging lider ako sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo man lang sinubukang mapanatili ang aking dignidad, kundi itinuro mo rin ang mga problema ko sa harap ng napakaraming tao, kaya’t hindi ko matanggap ito. Subalit ngayon, nakikita ko na na talagang salungat ang ginawa ko sa mga prinsipyo at sa katotohanan, at hindi ko dapat ginawa iyon. Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng posisyon ng lider? Hindi ba’t tungkulin ko lang ito? Lahat tayo ay gumagawa ng ating tungkulin at lahat tayo ay pantay-pantay ng katayuan. Ang pinagkaiba lang ay nagpapasan ako ng medyo mas maraming responsabilidad, iyon lang. Kung may matutuklasan kang anumang problema sa hinaharap, sabihin mo kung ano ang dapat mong sabihin, at hindi magkakaroon ng personal na sama ng loob sa pagitan natin. Kung magkaiba tayo sa ating pagkaarok sa katotohanan, maaari tayong magbahaginan nang magkasama. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos at ng katotohanan, dapat tayong magkaisa, hindi magkakahiwalay.” Ito ay isang saloobin ng pagsasagawa at pagmamahal sa katotohanan. Ano ang dapat mong gawin kung gusto mong iwasan ang landas ng isang anticristo? Dapat kang magkusang maging malapit sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, mga taong matuwid, maging malapit sa mga taong kayang tukuyin ang iyong mga isyu, na kayang magsalita ng totoo at sawayin ka kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema, at lalo na ang mga taong kaya kang pungusan kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema—ito ang mga taong pinakakapaki-pakinabang sa iyo at dapat mo silang pahalagahan. Kung ibubukod at aalisin mo ang gayong mabubuting tao, mawawala sa iyo ang proteksiyon ng Diyos, at unti-unting darating sa iyo ang sakuna. Sa pagiging malapit sa mabubuting tao at mga taong nakauunawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan, at maiiwasan mo ang sakuna; sa pagiging malapit mo sa mga taong ubod ng sama, mga walang hiyang tao, at mga taong nambobola sa iyo, manganganib ka. Hindi ka lang madaling malilinlang at maloloko, kundi maaari pang dumating sa iyo ang sakuna anumang oras. Dapat malaman mo kung anong uri ng tao ang pinakamagiging kapaki-pakinabang sa iyo—ang mga ito ay iyong makapagbababala sa iyo kapag may ginagawa kang mali, o kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili at nililigaw ang iba, na maaaring maging pinakakapaki-pakinabang sa iyo. Ang paglapit sa gayong mga tao ang tamang landas na dapat tahakin. Kaya ninyo ba ito? Kung may sinumang nagsasabi ng isang bagay na sumisira sa iyong reputasyon at ginugugol mo ang natitirang bahagi ng iyong buhay na nagdaramdam sa kanya, sinasabi na, “Bakit mo ako inilantad? Hindi kita kailanman minaltrato. Bakit palagi mong ginagawang mahirap ang mga bagay-bagay para sa akin?” at nagtatanim ka ng sama ng loob sa iyong puso, nagbubukas ang isang lamat, at palagi mong iniisip na, “Ako ay isang lider, mayroon akong ganitong pagkakakilanlan at katayuan, at hindi kita pahihintulutang magsalita nang ganyan,” anong uri ng pagpapamalas ito? Ito ay hindi pagtanggap sa katotohanan at pagsalungat sa iba; medyo bingi ito sa katwiran. Hindi ba’t ito ang kaisipan mo ng katayuan na nag-uudyok ng gulo? Ipinapakita nitong masyadong malala ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ang mga palaging nagkikimkim ng mga kaisipan ng katayuan ay mga taong may malalang anticristong disposisyon. Kung gumagawa rin sila ng kasamaan, napakabilis nilang maibubunyag at maititiwalag. Napakamapanganib para sa mga tao na tanggihan at hindi tanggapin ang katotohanan! Ang palaging pagnanais na makipagtagisan para sa katayuan at pagnanais na maghangad ng mga benepisyo ng katayuan ay mga palatandaan ng panganib. Kapag palaging pinipigilan ng katayuan ang puso ng isang tao, makapagsasagawa pa rin ba siya ng katotohanan at mapapangasiwaan ang mga bagay-bagay alinsunod sa prinsipyo? Kung hindi kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan at palaging kumikilos alang-alang sa katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, at palaging ginagamit ang kanyang kapangyarihan sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ba’t halata siyang anticristo na nagpapakita ng kanyang tunay na kulay?

Ang gayong mga pagpapamalas tulad ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay mga pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo. Maging ito ay sa pang-araw-araw na buhay man o sa paraan ng kanilang pag-asal na may kaugnayan sa iba, o maging sa buhay iglesia man, ang mga pagpapamalas na ito ay palaging makikita, dahil ang mga pagpapamalas na ito ay ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang mga katotohanang may kaugnayan sa kung paano hinaharap ng isang tao ang kanyang tungkulin, kung paano niya tinatrato ang iba, at kung paano niya kinikilatis ang iba ay mga katotohanang tinalakay natin sa pagbabahaginan. Maaari kayang alam ninyo ang mga kongkretong pagpapamalas ng mga bagay na ito sa inyong ordinaryong buhay, subalit hindi ninyo nakikita ang mga ito bilang mga problema? O maaari kayang hindi pa kayo nakatakdang pumasok batay sa mga partikular na problemang ito? Kung hindi kayo magsisimula sa mga disposisyon, o kung minsan ay nagpapakita kayo ng mga pagpapamalas na ito subalit hindi ninyo alam kung disposisyonal na problema ba ang mga ito, at kung kaya’t hindi ninyo pinapansin ang mga ito, malayo pa ninyong makakamit ang pagbabagong disposisyonal. Kung bigo kang mapagtanto na ang mga pagpapamalas na ito ang iyong pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili, kung hindi mo alam na ang mga pagpapamalas na ito ay pinamamahalaan ng iyong tiwaling disposisyon, at itinuturing mo ang mga ito bilang isang uri ng katangian ng personalidad o isang likas na paraan ng paggawa ng mga bagay o kognisyon, at minamaliit ang mga ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na mga pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon at tiwaling diwa, mahihirapan kang baguhin ang kaugnay na tiwaling disposisyon. Ang maaaring mapagtanto ng mga tao na may kaugnayan sa mga disposisyon, ito man ay isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay o isang kalagayan na kanilang kinaroroonan, panlabas na pag-uugali man ito o kanilang pananalita at mga pahayag, mga kaisipan at pananaw man nila ito o pag-unawa nila sa isang partikular na bagay, hangga’t ito ay nauugnay sa mga disposisyon at diwa, dapat nilang palaging ituring ito bilang isang sagisag o pagbubunyag ng kalikasang diwa ng tao, at sa ganitong paraan, hindi ba’t lalawak ang kanilang pang-unawa? Hindi lang nila dapat unawain ang malalaking bagay, tulad ng isang tao na lumalaban sa Diyos, hindi nagmamahal sa katotohanan, sakim sa katayuan, o nililigaw ang mga tao sa mga bagay na sinasabi nito, bagkus ay dapat na maunawaan ang lahat mula sa maliliit na bagay, tulad ng mga partikular na ideya at layunin, hanggang sa malalaking bagay tulad ng argumento o pahayag. Kababanggit Ko lang ng anim na bagay sa kabuuan, kabilang dito ang mga kaisipan at pananaw, gayundin ang pag-unawa ng isang tao sa isang partikular na bagay. Ang mga kaisipan at pananaw ay mga bagay na umiiral sa loob ng kamalayan at pag-iisip ng isang tao; ang pag-unawa ay isang bagay na kinilala na at kung saan maaaring makabuo ng mga kongkretong salita at pahayag ang isang tao; pagkatapos ay may mga pag-uugali at wika. Sa kabuuan ito ay apat na bagay. Mayroon ding mga pahayag at argumento. Ano ang kabaligtaran ng mga pahayag at argumento? (Mga layunin at ideya.) Ang mga ideya ay medyo malalabong bagay na hindi sinasadyang lumilitaw sa isipan. Hindi pa sila natutukoy bilang tama o mali, iniisip mo lang sila, at hindi pa sila nagkakaroon ng anyo sa iyong kalooban, samantalang ang mga pasalitang argumento ay mayroon nang porma. Sa kabuuan may tatlong grupo at anim na bagay. Kunin ang anim na bagay na ito bilang isang landas para himayin ang diwa ng inyong mga tiwaling disposisyon at pagkakamit ng pagbabagong disposisyonal, mula ngayon ay itakda ang pagkilala sa sarili ninyong mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa mula sa anim na bagay na ito, at sa paraang ito ay tunay ninyong makikilala ang inyong sarili.

Kailangan ba ninyo ng ilang oras pagkatapos makinig sa pagbabahaginan ngayon para maunawaan ang inyong narinig? Kapag nagtitipon kayo nang sama-sama, makapagbabahagi ba kayo ng kaunting liwanag o makapagkukumpara sa inyong sarili sa pundasyong ito? Ito ang susi, at ito ang pinakakapaki-pakinabang sa inyo. Kapag nagtitipon-tipon kayong magkakasama, kailangan ninyong magbahaginan, makipagpalitan ng mga ideya, at talakayin ang inyong mga karanasan at mga realisasyon—ito ang pinakamabisa. Palagi nating ginagamit ang salitang “pag-isipan” dati; sa mga kolokyal na termino, sinasabi natin, “nguyain ang kinain.” Nangangahulugan ito na mas magbasa pa, mas magdasal-magbasa pa, mas mag-isip pa, at mas maghanap pa, kunin ang inyong naunawaan sa panahong iyon, gayundin ang hindi ninyo nauunawaan at itinuring na doktrina, mahahalagang punto, mga punto na nagkaroon ng maling pagkaunawa ang lahat, at mga puntong hindi ninyo naarok, at pagtuunan ang lahat ng ito sa pagbabahaginan—ito ang ibig sabihin ng “nguyain ang kinain.” Sa ganitong paraan, ang inyong pang-unawa sa mga detalye ng mga katotohanang ito, ang iba’t ibang pagkakaiba sa pagitan ng mga katotohanan, at ang mga depinisyon ng bawat katotohanan ay magiging mas malinaw at tumpak. Sa palagay ba ninyo ay naging mas malabo o mas malinaw ang iba’t ibang katotohanan na inyong naunawaan at isinabuhay nitong mga nakaraang taon kaysa sa dati? (Mas malinaw.) At sa paglipas ng mga taon na ito, nagkaroon ba ng anumang malaking pagbabago sa inyong landas ng pananalig sa Diyos, sa direksiyon ng inyong pag-asal, at sa layunin, motibasyon, at orihinal na puwersa sa likod ng paggawa ng inyong tungkulin? (Pagkatapos sumailalim sa ilang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay nagkaroon ng ilang pagbabago.) Na nagkaroon ng pagbabago ay tama, at ito ang dapat na mangyari. May ilang tao na patuloy na nagsawalang-bahala at hindi nagbago ni katiting pagkatapos makinig sa napakaraming sermon. Hindi sila naaantig sa kaibuturan ng kanilang puso, ibig sabihin, walang pagtitipon o pagbabahaginan ang makapagpapabago sa direksiyong kanilang pinupuntahan—napakamanhid at mapurol ang utak nila! Ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan ay dapat na ngayong mas luminaw nang luminaw, at iyong mga may karanasan ay nakikita nang malinaw at maliwanag ang mga paraan kung saan inililigtas ng Diyos ang tao at ang Kanyang layunin sa paggawa nito. Kung, pagkatapos na manampalataya sa Diyos sa lahat ng mga taon na ito, hindi mo pa rin alam kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao at kung paano Niya nililinis ang mga tao mula sa katiwalian, ipinakikita nitong wala kang kahit anong pang-unawa sa katotohanan at walang ni katiting na pag-arok sa gawain ng Diyos. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay naguguluhan sa kanilang pananalig?

Marso 20, 2019