Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili (Ikaapat na Seksiyon)
Ang ilang tao ay may disposisyon ng isang anticristo, at madalas na nagbubunyag ng pagbuhos ng mga partikular na tiwaling disposisyon, ngunit kasabay ng pagkakaroon ng gayong pagbubunyag, pinagninilayan at kinikilala rin nila ang kanilang sarili, at nagagawang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at paglipas ng panahon, may makikitang pagbabago sa kanila. Sila ay maaaring makatanggap ng kaligtasan. May mga tao, na sa panlabas, ay tila may kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay, igugol ang kanilang sarili, magdusa sa paghihirap at magbayad ng halaga, subalit sa kanilang kalikasang diwa, sila ay tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Kapag nakikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, tutol sila rito at sumasalungat dito. Nakakaidlip at nakakatulog sila sa mga pagtitipon at sermon. Kinaiinipan nila ang mga ito, at kahit pa nauunawaan nila ang kanilang naririnig, hindi nila isinasagawa ito. May iba na mukhang nakikinig nang taimtim sa mga sermon, subalit hindi nauuhaw ang kanilang puso para sa katotohanan at ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay na sinusuri nila ang mga ito bilang isang uri ng espirituwal na kaalaman o teorya. At kaya kahit ilang taon na silang mananampalataya, o gaano man karaming salita ng Diyos na ang kanilang nabasa, o gaano karaming sermon na ang kanilang narinig, walang pagbabago sa kanilang pananaw sa paghahangad ng katayuan at pagpapahalaga sa kapangyarihan, o sa kanilang saloobin ng pagiging tutol sa katotohanan, pagkamuhi sa katotohanan, at paglaban sa Diyos. Sila ay mga halimbawa ng anticristo. Kung ilalantad mo sila sa pagsasabing, “Tinatangka mong kunin ang suporta ng mga tao, at kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili, nililihis mo ang mga tao at nakikipagtunggali ka para sa katayuan sa Diyos. Ito ang mga kilos ni Satanas at ng mga anticristo.” Kaya ba nilang tanggapin ang gayong pagkondena? Talagang hindi. Ano ang iniisip nila? “Tama ako sa pagkilos nang ganito, kaya ganito ako kumikilos. Gaano mo man ako ikondena, anuman ang sabihin mo, at gaano pa ito katama sa paningin, hindi ko isusuko ang paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang pagnanais na ito, ang paghahangad na ito.” Tiyak na ito, kung gayon na: Anticristo ang mga ito. Wala kang masasabing makakapagpabago sa kanilang mga pananaw, layunin, plano, ambisyon, o pagnanais. Ito ang halimbawa ng kalikasang diwa ng mga anticristo; walang makakapagpabago sa mga ito. Gaano man nakikipagbahaginan ang mga tao ng katotohanan sa kanila, o anumang wika o pananalita ang ginagamit nila, anuman ang oras, espasyo, o konteksto, walang makakapagpabago sa kanila. Magbago man ang kanilang kapaligiran, magbago man ang mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid, at gaano man magbago ang panahon, o gaano man kalaki ang mga palatandaan at kababalaghang ipinakikita ng Diyos, gaano man kalaki ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa kanila, o kahit gaano sila pinarurusahan ng Diyos, hindi magbabago ang paraan ng pagtingin nila sa mga bagay-bagay at ang kanilang plano, at hindi magbabago ang ambisyon at pagnanais nilang makipag-agawan ng kapangyarihan. Hindi magbabago ang paraan nila ng pag-asal at pakikisalamuha sa iba, gayundin ang saloobin nila ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos. Kapag tinutukoy ng iba na ang kanilang ginagawa ay pagtataas at pagpapatotoo tungkol sa kanilang sarili at pagsisikap na mailihis ang mga tao, binabago nila ang paraan ng kanilang pagsasalita sa paraang walang makikita o makikilatis na mali ang iba. Gumagamit pa sila ng mga higit na tusong pamamaraan para ipagpatuloy ang kanilang pamamahala at pagkamit ng kanilang mithiin ng paghahari at pagkokontrol sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang ipinamamalas sa isang anticristo, at ito ay inuudyukan ng diwa ng isang anticristo. Kahit na sinabi ng Diyos sa kanila na sila ay paparusahan, na dumating na ang kanilang wakas, na sila ay isinumpa, mababago ba nito ang kanilang diwa? Mababago ba nito ang kanilang saloobin sa katotohanan? Mababago ba nito ang pagmamahal nila sa katayuan, kasikatan, at pakinabang? Hindi. Ang pagbabago sa mga tao na ginawang tiwali ni Satanas para maging mga taong may normal na pagkatao na sumasamba sa Diyos ay siyang gawain ng Diyos; maaari itong makamit. Ngunit maaari bang gawing normal na mga tao ang mga demonyo, mga taong nakadamit sa balat ng tao ngunit ang kanilang diwa ay sataniko, mapanlaban sa Diyos? Imposible iyon. Hindi isinasagawa ng Diyos ang ganitong uri ng gawain; hindi kasama ang ganitong uri ng mga tao sa mga inililigtas ng Diyos. Kung gayon, paano tinutukoy ng Diyos ang ganitong mga tao? Sila ay kay Satanas. Hindi sila pipiliin o ililigtas ng Diyos; hindi nais ng Diyos ang mga ganitong uri ng tao. Gaano man katagal silang nananampalataya sa Diyos, gaano man sila nagdusa o kung ano ang nakamit nila, hindi magbabago ang kanilang plano. Hindi nila isusuko ang kanilang mga ambisyon o pagnanais, lalo nang hindi nila bibitiwan ang kanilang motibasyon at pagnanasa na makipagtunggali sa Diyos para sa katayuan at mga tao. Mga tunay na anticristo ang ganitong mga tao.
Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ba’t nakagagawa ng kasamaan at nakakapanlaban sa Diyos ang mga anticristo dahil lang sa pansamantalang magulong pag-iisip? Kung magpapakita ang Diyos ng ilang palatandaan at kababalaghan o parurusahan sila nang kaunti, para makita nila ang Diyos, hindi ba nila magagawang kilalanin at magpasakop sa Diyos? Hindi ba nila magagawang tanggapin at kilalanin na ang Diyos ay katotohanan at hindi na makikipag-agawan sa Diyos para sa katayuan? Hindi ba’t ito ang kaso na wala silang pananalig dahil hindi nila nasaksihang nagpakita ang Diyos ng anumang mga palatandaan at kababalaghan o nakita ang espirituwal na katawan ng Diyos, kung kaya’t napakahina nila at pagkatapos ay nalilinlang sila ni Satanas?” Hindi, hindi iyon ang kaso. Ang mga ambisyon, pagnanais, at diwa ng mga anticristo ay ganap na naiiba at kaiba sa isang tao na pansamantalang nalinlang at hangal at hindi nakauunawa sa katotohanan. Likas na nagtataglay ang mga anticristo ng isang satanikong kalikasan at tutol sila sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan mula kapanganakan. Sila ay mga Satanas na hindi makapagkakasundo sa Diyos, na lumalaban sa Diyos at nakikipagtagisan sa Diyos hanggang sa huli, at sila ay mga nabubuhay na Satanas na nakasuot ng balat ng tao. Ang gayong mga tao ay tinutukoy bilang mga anticristo alinsunod sa kanilang kalikasang diwa, at kung gayon anong papel ang maaari nilang ginagampanan at anong mga bagay ang magagawa nila sa sambahayan ng Diyos? Ginagambala, ginugulo, ginigiba, at winawasak nila ang gawain ng Diyos. Hindi maiiwasang gawin ng mga taong ito ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos. Ganitong uri ng bagay sila, mayroon silang isang satanikong kalikasan, at tulad ito ng mga lobo na pumapasok sa gitna ng kawan, na layong lamunin ang mga tupa—ito ang nag-iisa at natatangi nilang layunin. Mula sa ibang perspektiba, bakit pinahihintulutan ng Diyos ang mga taong ito na magpakita sa Kanyang sambahayan? Ito ay para lumago ang pagkilatis ng hinirang na mga tao ng Diyos. Wala pang nakakita kung ano ang itsura ng diyablong si Satanas, kung ano ang diwa ng mga kilos nito, kung ano ang mga partikular na pagbubunyag nito, o kung paano nito nililigaw ang mga tao at kinokontra ang Diyos sa mundo. Kapag nababanggit ang diyablong si Satanas, pakiramdam nila ay abstrak at hungkag ito, na hindi sapat na kongkreto. “Nasaan si Satanas?” tanong nila. “Nasa hangin,” ang sagot. “Kung gayon, gaano kalaki si Satanas? Anu-anong mga himala ang partikular nitong ginagawa? Paano nito partikular na kinokontra ang Diyos? Ano ang kalikasang diwa nito?” Pakiramdam nila na ang lahat ng ito ay napaka-abstrak, malabo, at hungkag. Gayumpaman, sa pamamagitan ng mga pagpapamalas at pagbubunyag ng mga anticristo, nagagawa nilang maitugma ang mga bagay na ito sa ginagawa ni Satanas at sa kalikasang diwa nito, at pagkatapos ay nagiging kongkreto ang lahat ng ito at hindi na nagiging abstrak o hungkag. Kapag naging kongkreto na ang lahat, maririnig ito ng mga tao na magsalita, makikita ang pag-uugali nito, at maingat na makikilatis ang kalikasang diwa nito. Sa ganitong paraan, hindi ba nila nararamdaman na naging mas kongkreto at totoo ang diwa ng diyablong si Satanas na tinutukoy ng Diyos, at makagagawa sila ng praktikal na pagkukumpara? Ang ilang tao ay mababa pa ang tayog at hindi nakauunawa sa katotohanan, at dahil sa ilang panandaliang kahangalan ay nalilinlang sila ng mga anticristo at naililigaw, at kaya’t umaalis sila nang isang taon o higit pa. Pagbalik nila sa sambahayan ng Diyos, napagtatanto nila na hindi maganda sa pakiramdam ang sundin si Satanas. Nang sinimulang sundin ng mga taong ito ang mga anticristo, pakiramdam nila ay may sapat silang dahilan at malaking kumpiyansa, sinasabi na, “Ayaw ng Itaas na sundin natin ang mga anticristo, pero susundin pa rin natin sila, at balang araw mapatutunayang tama tayo!” Ang resulta nito ay, pagkaraan ng ilang panahon, nararamdaman nilang nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi nila nagagawang maramdaman ang anumang kumpirmasyon sa kanilang puso. Para sa kanila, tila wala na ang Diyos sa piling nila, na nawalan na ng kahulugan at direksiyon ang kanilang pananalig, at unti-unti ay pahigit nang pahigit ang nagiging pagkilatis nila sa mga anticristo. Dati inakala nila na talagang nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan, at sa pagsunod sa kanila ay hindi sila magkakamali sa kanilang pananalig, subalit nakikita na nila ngayon na may mga seryosong problema ang mga anticristo, na nagsasalita ang mga anticristo na tila nauunawaan nila ang katotohanan, subalit hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan—isa itong katunayan. Nakikita nilang sinundan nila ang mga anticristo nang napakatagal na panahon at walang nakamit na anumang katotohanan, at na talagang napakamapanganib na patuloy na sundin ang mga anticristo, at kaya sila ay nakararamdam ng pagsisisi, tinatanggihan nila ang mga anticristo, at nagkukusa silang bumalik sa sambahayan ng Diyos. Kapag tinanggap na ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao, ipasasalaysay sa mga taong iyon ang kanilang naging karanasan, at sinasabi nila na, “Napakahusay ng anticristo na iyon sa pagliligaw sa mga tao. Noon, parang tama sila kahit ano pa ang iniisip ko tungkol sa kanila, subalit wala akong nakamit na resulta, walang naunawaang katotohanan, at wala akong nakuha ni katiting na katotohanang realidad pagkatapos silang sundan sa loob nang mahigit isang taon. Nagsayang ako ng mahalagang oras. Talagang nakaranas ako ng napakalaking kawalan!” Ang karanasang ito ng kabiguan ay nagiging pinakamakabuluhan nilang alaala. Pagkatapos nilang bumalik sa sambahayan ng Diyos, mas nakikinig sila sa mga sermon, mas nauunawaan nila ang katotohanan at nagiging mas maliwanag ang kanilang puso. Kapag nagbabalik-tanaw sila sa oras na ginugol nila sa pagsunod sa anticristo na iyon at nakikita kung paano sila nagdusa ng kawalan, nararamdaman nilang mga Satanas talaga ang mga anticristo at talagang wala silang katotohanan, na ang Diyos lang ang katotohanan, at hindi na sila nangangahas na sumunod muli sa ibang tao. Pagdating ng oras para pumili muli ng isang lider, maingat silang bumoboto, iniisip na, “Kung iboboto ko ang isang partikular na tao, malamang na isang anticristo ang mapipili. Kung hindi ako boboto para sa isang partikular na tao, baka hindi mapipili ang isang anticristo. Dapat akong mag-ingat at suriin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo.” Hindi ba’t nakabatay ngayon ang kanilang mga kilos sa mga prinsipyo at pamantayan? (Oo, nakabatay rito ang mga ito.) Ito ay isang mabuting bagay. Ang ilang tao ay inililigaw ng mga anticristo at nagsasabing, “Bakit nangyari ito sa atin? Isinantabi ba tayo ng Diyos? Wala na ba Siyang pakialam sa atin?” Sa gayong sitwasyon, papayag ka ba kung sasabihin sa iyo ng Diyos na huwag mong sundin ang mga anticristo? Hindi, hindi ka papayag. Ipipilit mo pa ring sundin sila, at ang magagawa lang ng Diyos ay pahintulutan kang gawin ito at pagkatapos ay turuan ka ng aral gamit ang mga katunayan. Pagkatapos ng ilang panahon nang pagsunod sa mga anticristo, bigla kang matatauhan at makikita na nagdusa ka ng kawalan sa iyong buhay, at saka ka lang makadarama ng pagsisisi at magiging handang tanggihan ang mga anticristo at muling magbabalik-loob sa Diyos. Sa kabutihang palad, mapagparaya at mahabagin ang Diyos, at gusto ka pa rin Niya. Kung hindi ka Niya gusto, ganap na matatapos ka na, wala ka nang pagkakataong magkamit ng kaligtasan—walang magandang wakas sa pagsunod sa mga anticristo.
Dapat mong malinaw na makita ang mga anticristo at makilala sila nang tama. Dapat malaman mo kung paano makikilatis ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo at, gayundin, dapat mong malinaw na malaman na maraming bagay sa iyong sariling kalikasang diwa ang may pagkakatulad sa mga anticristo. Ito ay dahil lahat kayo ay kabilang sa sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, at ang tanging kaibahan ay ganap na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas ang mga anticristo, at sila ay naging mga kasabwat ni Satanas at nagsasalita para dito. Kabilang ka rin sa tiwaling sangkatauhan, subalit nagagawa mong tanggapin ang katotohanan at may pag-asang makakamit ang kaligtasan. Gayumpaman, maraming bagay pagdating sa diwa na may pagkakatulad ka sa mga anticristo, at pareho ang inyong mga pamamaraan at plano. Iyon lang, kapag narinig mo na ang katotohanan at nakinig sa mga sermon, magagawa mong magbago ng landas, at ang kakayahang magbago ng landas ang makatutukoy na may pag-asa kang magkamit ng kaligtasan—ito ang pagkakaiba sa pagitan mo at ng mga anticristo. Samakatwid, kapag inilalantad Ko ang mga anticristo, dapat mo ring ipagkumpara at kilalanin kung anong mga bagay ang may pagkakatulad kayo ng mga anticristo, at kung aling mga pagpapamalas, disposisyon, at aspekto ng diwa ang may pagkakatulad ka sa kanila. Sa paggawa nito, hindi mo ba magagawang mas makilala ang iyong sarili? Kung palagi mong nararamdaman ang pagiging mapanlaban, naniniwalang hindi ka isang anticristo, nararamdaman ang matinding pagkamuhi sa mga anticristo, at ayaw mong gawin ang pagkukumparang ito o pagninilay sa iyong sarili at pag-uunawa kung anong landas ang iyong sinusundan, ano ang magiging kahihinatnan? Sa pagkakaroon ng isang satanikong disposisyon, malamang sa malamang na magiging isang anticristo ka. Ito ay dahil walang anticristo ang sadyang naghahangad na maging isang anticristo at pagkatapos ay nagiging gayon nga; ito ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at natural na humahantong sila sa pagsunod sa landas ng isang anticristo. Hindi ba’t mga anticristo ang lahat ng iyon sa relihiyosong mundo na hindi nagmamahal sa katotohanan? Ang bawat tao na hindi nagninilay at nakauunawa sa kanilang sariling kalikasang diwa at na nananampalataya sa Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ay isang anticristo. Kapag nagsimula ka na sa landas ng isang anticristo, sa sandaling nagkamit ka ng katayuan, at isama pa ang katunayang may kaunti kang kaloob at pagkatuto, at hinahangaan ka ng lahat, habang ang oras na iyong ginugugol sa pagtatrabaho ay humahaba, nagkakaroon ka ng lugar sa puso ng mga tao. Habang lumalawak ang saklaw ng trabaho na iyong responsabilidad, parami nang parami ang taong iyong pinamumunuan, parami nang parami ang kapital na iyong makakamit, at pagkatapos ay magiging isang tunay ka nang Pablo. Nakasalalay ba ang lahat ng ito sa iyo? Wala kang planong sundan ang landas na ito, subalit paanong hindi mo namalayan na tinahak mo na ang landas ng isang anticristo? Isang mahalagang dahilan nito ay kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, tiyak na hahangarin mo ang katayuan at katanyagan, isasakatuparan mo ang sarili mong adyenda, hanggang sa huli, nang hindi mo namamalayan, sinusundan mo na pala ang landas ng isang anticristo. Kung ang mga taong sumusunod sa landas ng isang anticristo ay hindi magbabago ng landas sa oras, kapag nagkamit sila ng katayuan ay malamang na magiging mga anticristo sila—hindi maiiwasan ang resultang ito. Kung hindi nila malinaw na nakikita ang bagay na ito, nasa panganib sila, dahil nagtataglay ang lahat ng mga tiwaling disposisyon at nagmamahal ang lahat sa reputasyon at katayuan; kung hindi nila minamahal ang katotohanan, napakadali nilang mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang lahat ay susunod sa landas ng isang anticristo at mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan, at ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ng sinuman. Sinasabi mo na, “Mayroon lang akong mga pagbubunyag na ito paminsan-minsan, mga pansamantalang pagpapamalas lang ang mga ito. Bagaman may katulad akong diwa sa mga anticristo, naiiba pa rin ako sa mga anticristo dahil wala akong gayong kalaking ambisyon na tulad nang sa kanila. Gayundin, habang ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi akong nagninilay sa aking sarili, nagsisisi, at naghahanap ng katotohanan, at kumikilos ako alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung huhusgahan ang aking pag-uugali, hindi ako isang anticristo at hindi ko nais na maging anticristo, kaya hindi ako maaaring maging isang anticristo.” Maaaring hindi ka isang anticristo sa ngayon, subalit matitiyak mo ba na hindi mo susundan ang landas ng isang anticristo at magiging isang anticristo? Magagarantiyahan mo ba iyon? Hindi, hindi mo iyon magagarantiyahan. Kaya, paano mo magagarantiyahan iyon? Ang isa at tanging paraan para gawin ito ay ang hangarin ang katotohanan. Kung gayon, paano mo dapat hangarin ang katotohanan? May paraan ka ba para gawin ito? Una, dapat mong kilalanin ang katotohanan na may katulad kang disposisyon sa mga anticristo. Bagaman hindi ka isang anticristo sa ngayon, para sa iyo, ano ang pinakanakamamatay at mapanganib na bagay? Ito ay na nagtataglay ka ng katulad na kalikasang diwa sa mga anticristo. Mabuting bagay ba ito para sa iyo? (Hindi.) Tiyak na hindi. Nakamamatay ito para sa iyo. Samakatwid, habang pinakikinggan mo ang mga sermong ito na naglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, huwag mong isiping walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo; maling taglayin ang saloobing ito. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin para tanggapin ang mga katunayan at pagpapamalas na ito? Ikumpara mo ang iyong sarili sa kanila, kilalanin na mayroon kang kalikasang diwa ng isang anticristo, at pagkatapos ay suriin ang iyong sarili para malaman kung alin sa iyong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang katulad sa mga anticristo. Una, kilalanin mo ang katunayang ito—huwag subukang ibalatkayo o ikubli ang iyong sarili. Ang landas na tinatahak mo ay ang landas ng isang anticristo, kaya alinsunod sa mga katunayan na sabihing ikaw ay isang anticristo; kaya lang ay hindi ka pa tinukoy ng sambahayan ng Diyos bilang gayon at binibigyan ka ng pagkakataong magsisi, iyon lang. Nauunawaan mo ba? Una, tanggapin at kilalanin mo ang katunayang ito, at pagkatapos ang kailangan mong gawin ay lumapit sa Diyos at hingin sa Kanya na disiplinahin ka at pigilan ka. Huwag kang umalis sa liwanag ng presensya ng Diyos o iwan ang Kanyang proteksiyon, at sa paraang ito ay mapipigilan ka ng iyong konsensiya at katwiran kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, at magkakaroon ka rin ng mga salita ng Diyos para tanglawan ka, akayin ka, at pigilan ka. Bukod dito, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu para gabayan ka, para isaayos ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo para magsilbing babala sa iyo at para disiplinahin ka. Paano ka binabalaan ng Diyos? Kumikilos ang Diyos sa maraming paraan. Minsan, idudulot ng Diyos na magkaroon ka ng isang malinaw na pakiramdam sa iyong puso, na magbibigay-daan para malinaw mong mapagtanto na dapat kang pigilan, na hindi ka dapat kumilos nang ayon sa iyong kagustuhan, na kung kumilos ka nang mali, magdudulot ka ng kahihiyan sa Diyos at gagawing hangal ang iyong sarili, at kaya pipigilan mo ang iyong sarili. Hindi ba pagprotekta ito sa iyo ng Diyos? Isang paraan ito. Minsan, sasawayin ka ng Diyos sa iyong kalooban at magpapakita sa iyo ng malilinaw na salita para sabihin sa iyo na ang pagkilos sa ganoong paraan ay kahiya-hiya, na kinasusuklaman Niya ito, na isinumpa ito, ibig sabihin, gumagamit Siya ng malilinaw na salita para sawayin ka para ikumpara mo sa iyong sarili. Ano ang layunin ng Diyos sa pagsaway sa iyo sa ganitong paraan? Ginagawa Niya ito para may maramdaman ang iyong konsensiya, at kapag may nararamdaman ka na, isasaalang-alang mo ang epekto, kahihinatnan, at ang iyong kahihiyan, at magpipigil ka sa iyong mga kilos at gawi. Kapag nagkaroon ka na ng maraming gayong karanasan, makikita mo na bagaman nakaugat ang mga tiwaling disposisyong ito sa kalooban ng mga tao, kapag nagkaroon na ng kakayahan ang mga taong tanggapin ang katotohanan at malinaw na makita ang katotohanan ng kanilang sariling mga tiwaling disposisyon, magagawa nilang sadyang maghimagsik laban sa kanilang laman; kapag naisasagawa ng mga tao ang katotohanan, nalilinis at nababago ang kanilang satanikong disposisyon. Ang satanikong disposisyon ng tao ay nasisira o nababago—kapag nagagawa mo nang tanggapin ang katotohanan at naisasagawa ang katotohanan, natural na mawawasak at mapapalitan ang iyong satanikong disposisyon. Kapag natikman mo na kung gaano katamis isagawa ang katotohanan, iisipin mo na, “Napakawalanghiya ko noon. Hindi mahalaga kung gaano kawalang pakundangan ang aking mga salita o kung paano ko itinataas ang aking sarili para sambahin ako ng iba, hindi ako nakaramdam ng kahihiyan at wala akong kamalayan pagkatapos. Ngayon, nararamdaman kong mali ang pagkilos sa ganoong paraan at nawalan ako ng dangal, at nararamdaman kong tila maraming mga mata ang nakatutok sa akin.” Gawa ito ng Diyos. Binibigyan ka Niya ng isang pakiramdam, at mararamdaman mo na tila sinasaway mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay hindi ka gagawa ng kasamaan o mananatili sa sarili mong landas. Hindi namamalayan, ang mga paraan mo ng pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili ay pakaunti nang pakaunti, lalo kang magpipigil sa iyong sarili, at lalo mong mararamdaman na sa ganitong pagkilos kalmado ang iyong puso at payapa ang iyong konsensiya—ito ay pamumuhay sa liwanag, at hindi na kailangang maging balisa o gumamit ng mga kasinungalingan o magagandang salita para ikubli ang iyong sarili. Dati, nagsinungaling ka at ipinagpatuloy ang mga kasinungalingan araw-araw para protektahan ang iyong reputasyon. Sa tuwing magsisinungaling ka, kinailangan mong ipagpatuloy ang kasinungalingang iyon, sa sobrang takot na baka mabunyag mo ang iyong sarili. Ang resulta nito ay ang pagsisinungaling pa nang pagsisinungaling, at nang maglaon ay kinailangan mong sikaping mag-isip nang mabuti para maipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan; namuhay ka sa isang buhay na hindi katulad nang sa tao o nang sa mga demonyo, at sobrang nakapapagod! Ngayon, hinahangad mo na maging isang matapat na tao, at maaari mong buksan ang iyong puso at magsalita ng mga bagay na totoo. Hindi mo na kailangang magsinungaling at ipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan araw-araw, hindi ka na pipigilan ng mga kasinungalingan, mababawasan ang iyong paghihirap, magiging mas maluwag, malaya, at walang pagkontrol ng sinuman ang iyong buhay, sa kaibuturan ng iyong puso magtatamasa ka ng mga damdamin ng kapayapaan at kagalakan—nalalasap mo ang tamis ng buhay na ito. At habang ninanamnam mo ang tamis ng buhay na ito, ang iyong panloob na mundo ay hindi na mapanlinlang, buktot, o huwad. Sa halip, handa ka na ngayong lumapit sa Diyos, nagdarasal ka sa Diyos at hinahanap ang katotohanan kapag mayroon kang isyu, nagagawa mo itong talakayin sa iba kapag mayroon kang isyu, at hindi ka na kumikilos nang nag-iisa o walang pagpipigil. Lalo mong nararamdaman na ang paraan ng paggawa mo noon ng mga bagay-bagay ay kasuklam-suklam at ayaw mo nang gawin ang mga bagay na tulad niyon. Sa halip, kumikilos ka sa alinmang paraan na naaayon sa katotohanan, may katwiran, at may mga layunin ng Diyos; nagbago ang paraan ng iyong pagkilos. Kapag nagagawa mong makamit ang mga bagay na ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon na nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo? At kapag nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo, hindi ba’t ibig sabihin niyon na tinatahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan? Kapag tinatahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan at madalas na lumalapit sa Diyos, ang iyong saloobin, layunin, perspektiba, iyong mga mithiin at direksiyon sa buhay ay hindi na sumasalungat sa Diyos, nagsisimula ka nang mahalin ang mga positibong bagay, at nagsisimula ka nang mahalin ang pagiging patas, pagiging matuwid, at ang katotohanan. Kapag nangyari ito, nagsisimulang magbago ang kaibuturan ng iyong puso at ang iyong pag-iisip. Kapag tinahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan, maaari ka pa rin bang maging isang anticristo? Maaari mo pa rin bang sadyaing labanan ang Diyos? Hindi, hindi mo magagawa, at wala ka na sa panganib ngayon. Sa pagpasok lang sa kalagayang ito mapupunta ang mga tao sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at sa paghahanap at pagtanggap lang sa katotohanan sa ganitong paraan nila maiwawaksi ang mga problema, pagkontrol, at kaguluhan na dulot ng kanilang satanikong kalikasan at anticristong kalikasan. Tinatahak mo na ba ngayon ang tamang landas sa buhay ng paghahangad sa katotohanan? Kung hindi, magmadali at magsikap nang tahakin ito. Kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, mabubuhay ka pa rin sa panganib—ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay nanganganib na matiwalag anumang oras.
Karamihan sa mga tao, habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, ay nakikipaglaban sa sarili nilang anticristong disposisyon, pagod sa pakikipaglaban para sa reputasyon, katayuan, pera at mga interes, pagod ang isip at katawan. Kung gayon, kailan malulutas ang problemang ito? Sa paghahangad lang ng katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang tanggapin ang katotohanan mo unti-unting maiwawaksi ang mga paglilimita at paggapos ng iyong anticristong kalikasang diwa at unti-unting mapahihina at mapaglalaho ang iyong satanikong disposisyon, at sa paggawa nito ay magkakaroon ka ng pag-asang mapalaya ang iyong sarili mula sa kapangyarihan ni Satanas. Umiyak na ba kayo nang palihim dahil sa mga bagay na ito, nararamdamang hindi ninyo kailanman kayang magbago, hindi kailanman kayang mahalin ang katotohanan, at hindi kailanman kayang pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at labis na kinamumuhian ang inyong sarili na sinasampal ninyo ang sarili ninyong mukha at umiiyak kayo ng mapapait na luha? Nagawa na ba ninyo ito nang maraming beses? Kung hindi pa ito nagagawa nang maraming beses ng isang tao, hindi ba’t ginagawa siya nitong manhid? Hindi kailanman mapapansin ng gayong tao na siya ay tiwali, at naniniwala pa rin siya na maayos siyang gumagawa, na may kakayahan at talento siya, na nauunawaan niya ang maraming katotohanan, at na kaya niyang pangasiwaan ang maraming bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, nakararamdam ng lubos na kapanatagan—ang gayong tao ay manhid, sa tingin niya ay napakagaling niya, at ito ay napakamapanganib para sa kanya! Nakikita na ba talaga ninyo ngayon na napakababa ng inyong tayog, na malayo pa kayo sa pagwawaksi ng inyong mga tiwaling disposisyon, at na nasa panganib pa rin kayo? Ang mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan ay walang ganitong pang-unawa, gayundin ang mga tao na walang gawain ng Banal na Espiritu. Karamihan sa mga tao ay nalilito at naguguluhan, iniisip na hangga’t ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa maayos na paraan at hindi sila gumagawa ng kasamaan, ay hindi nila tinatahak ang landas ng mga anticristo, at hangga’t hindi sila gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan ay hindi sila mga anticristo. Dahil dito, kadalasan sila ay nasa kalagayan ng pagiging manhid, madalas na nalulugod sa kanilang sarili, iniisip na dakila sila at malapit na nilang matamo ang kaligtasan, at na ang landas ng mga anticristo ay walang kinalaman sa kanila. Ang inyong pang-araw-araw na mga panalangin ay magagamit para sukatin kung nasa ganitong kalagayan ba kayo o wala. Ano ang ipinagdarasal ninyo kapag lumalapit kayo sa Diyos araw-araw? Kung araw-araw ay sinasabi ninyong, “O Diyos, mahal Kita! O Diyos, handa akong magpasakop sa Iyo! O Diyos, handa akong tuparin ang atas na ibinigay Mo sa akin! Kaya kong gawin ang tungkulin ko nang tapat, at determinado akong bigyang-kasiyahan Ka at maperpekto Mo. Anuman ang mga pagpapamalas ng anticristo na tinataglay ko o gaano man kaliit ang pagkakakilala ko sa aking sarili, mahal Mo pa rin ako at nais Mo pa rin akong iligtas,” anong pagpapamalas ito? Ito ay pagiging manhid, nagpapahayag lang kayo ng determinasyon, at wala kayong kahit anong pang-unawa sa inyong sariling kalikasang diwa. Nasa yugto kayo ng kasigasigan, at napakalayo pa ninyo sa pagkakaroon ng katotohanang realidad. Gaano kahabang panahon ang lumilipas bago kayo makapagdasal ng isang tunay na panalangin, para sabihin sa Diyos kung ano ang nasa inyong puso, para sabihin sa Kanya ang inyong aktuwal na sitwasyon, para madama ang kapayapaan at kagalakan sa inyong puso, at para madama na kayo ay tunay na nabubuhay sa harap ng Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, gaano kahabang panahon ang lumilipas bago ninyo magawa ito nang isang beses? Isang buwan, dalawang buwan, anim na buwan, o isang taon? Kung hindi pa kayo kailanman nakasambit ng isang tunay na panalangin at nagdarasal pa rin kayo tulad ng ginagawa ng mga tao sa mundo ng relihiyon, palaging sinasabi na mahal ninyo ang Diyos, palaging ipinapahayag ang inyong determinasyon, palaging sinasambit ang parehong mga nakasanayang parirala, kung gayon, masyado kayong nagkukulang at wala kayong anumang katotohanang realidad. Karaniwan, ang mga taong tatlo o limang taon nang nananampalataya sa Diyos ay hindi nagsasabi ng gayong kaisip-bata at kamangmang na mga bagay kapag lumalapit sila sa Diyos, dahil sigurado silang susundin nila ang Diyos, at may pananalig din sila, at malinaw na nilang nauunawaan ang mga katotohanan ng mga pangitain tungkol sa gawain ng Diyos, mga layunin ng Diyos, plano ng pamamahala ng Diyos, at layon ng gawain ng Diyos. Ano ang madalas nilang ipinagdarasal kapag lumalapit sila sa Diyos? Ang isa ay ang makilala nila ang kanilang sarili, at ang isa pa ay ang makapagsalita sila ng ilang totoong salita: O Diyos, may kaunting problema ako ngayon, may nagawa akong pagkakautang sa Iyo, nagkukulang ako sa isang bagay, at hinihingi kong protektahan Mo ako, at na akayin, bigyang-liwanag, at tanglawan Mo ako. Nagsisimulang magsabi ng ilang medyo totoong bagay na nauugnay sa katotohanang realidad ang taong ito, at hindi na siya nagsasabi ng mga pagpapahayag ng determinasyon at islogan na sinasabi ng masisigasig na taong nagsisimula pa lang manampalataya. Bakit hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito? Pakiramdam niya ay walang saysay na sabihin ang mga gayong bagay, na hindi matutugunan ng mga gayong bagay ang kanyang panloob na pangangailangan para sa katotohanan o ang kanyang pangangailangan para sa buhay pagpasok. Gaano karaming taon ka man nang nananalig, iniraraos mo man o taos-puso kang lumalapit sa Diyos kapag nagdarasal sa Kanya, gaano karaming araw sa sampung araw mo sinasabi ang mga hungkag na salita at islogan na iyon? May isang tao na maaaring magsabing isang araw, kung gayon, ano ang dinarasal niya sa nalalabing siyam na araw? Kung nauugnay ang mga panalangin niya sa kanyang tungkulin at buhay pagpasok, ayos iyon, at ipinapakita nito na umaako siya ng ilang pasanin tungo sa katotohanan, tungo sa mga salita ng Diyos, at tungo sa sarili niyang tungkulin, at hindi na siya masyadong manhid. Ano ang ibig Kong sabihin sa “hindi na siya masyadong manhid”? Ang ibig Kong sabihin ay kapag nababanggit ang mga bagay na may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao, may nararamdaman at may kamalayan siya, at nakauunawa rin siya. Nagagawa niyang magkamit ng pang-unawa at pag-arok, at nauunawaan niya ang mga bagay na ito gaano man ito ipaliwanag at halos nakaaayon siya sa mga ito—ipinakikita nito na nagkamit siya ng kaunting tayog. Anu-anong pagpapamalas ang ipinapakita ng mga manhid na tao? Araw-araw ay namumuhay sila nang ganoon, hindi nagsusumikap at hindi umuunlad, at iyon ang dahilan kung bakit palagi nilang sinasabi ang parehong mga lumang bagay kapag nagdarasal sila sa Diyos. Hindi talaga nila nauunawaan ang buhay pagpasok, wala silang espirituwal na pang-unawa, wala silang nararamdaman, wala silang reaksiyon gaano karami man ang pakinggan nilang sermon, at kahit paano man ibinabahagi ang katotohanan, pakiramdam nila ay paulit-ulit at magkakapareho lang ang ibig sabihin ng lahat. Kaya, may masasabi ba sila sa Diyos? Nakasalalay ang idinarasal at sinasabi ng mga tao kapag lumalapit sila sa Diyos sa mga salita sa kanilang puso na gusto nilang sabihin sa Diyos, at pakiramdam nila ay talagang kailangan nilang sabihin ang mga bagay na ito sa Diyos. Sa iyong puso, dapat kahit papaano ay may pang-unawa ka sa mga hinihingi ng Diyos, sa mga problemang kinakaharap mo, at kung paano mo dapat tugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kung walang laman ang iyong puso, at ang magagawa mo lang ay magsabi ng ilang salitang kaaya-ayang pakinggan at ilang islogan at doktrina, at nagdarasal ka lang nang pabasta-basta, hindi iyon panalangin. Kung nanumpa ka ng iyong katapatan noong lahat ng taong iyon subalit wala ka man lang nagawang anumang praktikal na bagay, at sa huli ay malamang na ipagkakanulo mo pa rin ang Diyos, itatanggi ang Diyos, at aatras ka anumang oras, nagpapakita ito na wala kang tayog. Kung, kapag lumapit kayo sa Diyos para magdasal ngayon, ay mapananatili mong may kaugnayan ang malaking bahagi ng relasyon mo sa Diyos sa mga hinihingi Niya at sa iyong sariling pagbabagong disposisyonal, pagkatapos ay maitatatag ang iyong relasyon sa Diyos, hindi mo tatahakin ang landas ng isang anticristo, at nangangahulugan itong tinatahak mo na ang tamang landas ng pananalig sa Diyos.
Malinaw na ba sa inyo ngayon ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili, gayundin sa mga depinisyon ng kalikasan ng gayong pag-uugali? Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga pagpapamalas ng mga anticristo at ng mga pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon ng mga ordinaryong tao? Magagawa ba ninyong magkumpara kapag tunay nang nakahaharap ang isang isyu? Maituturing mo ba ang mga pagpapamalas ng mga anticristo bilang mga pagpapamalas ng mga ordinaryong tiwaling tao, at kabaliktaran? Paano mo dapat tukuyin ang pagkakaiba ng dalawang bagay na ito? Ang paghuhusga sa disposisyon ng isang tao sa pamamagitan ng patuloy nilang pagpapamalas at pagbubunyag at paghuhusga sa kanilang diwa mula sa kanilang disposisyon ay isang tumpak na paraan para gumawa ng depinisyon tungkol sa kanila. Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan at hindi nila dinadakila ang Diyos; itinataas at pinatototohanan lang nila ang kanilang sarili. Ang pagpapamalas na ito ay lubos na halata at kitang-kita, at ganap itong pinangingibabawan ng kanilang satanikong kalikasan. Bagaman itinataas at pinatototohanan din ng mga ordinaryong tao ang kanilang sarili, kapag nakikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, nagagawa nilang tanggapin ito at kilalanin na ang Diyos ay katotohanan, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan, iyon nga lang ay hindi napakabilis o napakadaling nangyayari ang pagbabago para sa kanila—ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tao. Ngayong nasabi na ito, nagiging madali na ba ang pagkilatis sa pagitan nila? May katangian ang mga anticristo: Kapag hindi nila minamahal ang katotohanan o tinatanggihan ang katotohanan, direkta ba nilang itinatanggi ito? (Hindi.) Anong kaparaanan ang ginagamit nila para tanggihan ang katotohanan para makita mong hindi nila kinikilala ang katotohanan? Makikipagtalo sila para pabulaanan ka, sinasabi na ang iyong ibinabahagi ay hindi ang katotohanan, at na ang ibinabahagi lang nila ang katotohanan. Halimbawa, nagpapatotoo sila sa kanilang sarili at may naglantad sa kanila, at pagkatapos, aling mga pagpapamalas ang ipinapakita nila na nagbibigay-daan sa iba na pagtibayin na hindi nila minamahal o tinatanggap ang katotohanan? Ang pakikipagtalo at pagsisikap na ipagtanggol ang kanilang sarili ay isa, at mayroon ding pagtatago sa tunay na katotohanan, at ang katotohanang iyon ang kanilang adyenda. Ang adyenda nila ay ang magpatotoo sa kanilang sarili para tingalain sila ng iba. Hindi nila ipaaalam sa iyo ang kanilang adyenda; magsasabi lang sila ng mga huwad at kasiya-siyang bagay, makikipagtalo, lolokohin ka, lilituhin ka, para sa huli ay masasabi mong hindi sila nagpapatotoo sa kanilang sarili, at pagkatapos ay makakamit nila ang kanilang layunin. Nagsasalita sila ng mga huwad at kasiya-siyang bagay, nakikipagtalo, nanloloko ng mga tao, hindi nila kinikilala na nagpapatotoo sila sa kanilang sarili, hindi nila tinatanggap ang iyong paglalantad sa kanila, hindi nila tinatanggap ang pagsaway mo, mas hindi nila tinatanggap ang pagkakatukoy sa kanila sa katunayang ito. Hindi talaga nila ito tinatanggap, at nagdadahilan pa nga, sinasabi na, “Hindi ako nagpapatotoo sa aking sarili. May dahilan at konteksto sa pagsasabi ko ng ganoon. Ang pagsasabi ng ilang hindi naaangkop na mga bagay sa sitwasyong iyon ay ganap na normal at hindi isang problema. Maituturing ba itong pagpapatotoo sa aking sarili? Higit pa rito, ginawa ko na ang lahat ng gawaing ito at kahit na hindi ako nagkamit ng pagkilala, nagdusa pa rin ako para gawin ito. Hindi isang malaking bagay kung tinitingala at sinasamba ako ng ilang tao.” Hindi nila iniisip na ang gayong kahiya-hiyang pag-uugali, ang gayong kasuklam-suklam na kilos, ay isang malaking bagay—ito ba ay saloobin ng pagtanggap sa katotohanan? Hindi sila nakararamdam ng kahihiyan dahil sa masasamang gawa na ito, at iniisip pang dakila ang kanilang sarili—ito ang diwa ng masasamang tao. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay ganap na naaangkop at na ito ang dapat nilang gawin. Iniisip nila na, “Ginagawa ko ito dahil may ganito akong kakayanan—karapat-dapat ba ang ibang tao na gawin ito? Nakamit ko ang suporta ng lahat, naggugol ako ng labis na pagsisikap sa paggawa ng gawain ng iglesia, nakagawa ako ng napakalaking kontribusyon sa sambahayan ng diyos at nag-ako ako ng napakalaking panganib! Makatarungan ba kung hindi mo ako bibigyan ng gantimpala at benepisyo? Hindi ba’t matuwid ang diyos? Hindi ba’t ginagantihan niya ang bawat tao ayon sa kanilang mga kilos? Kung gayon, hindi ba ako karapat-dapat sa suporta ng lahat dahil sa paggawa ng lahat ng mga kontribusyong ito at pag-ako ng lahat ng panganib na ito?” Iniisip nilang dapat silang makakuha ng kapalit sa paggawa ng kanilang tungkulin, at na ang pinakamababang gantimpala dapat ay ang suporta ng lahat at ang pagtatamasa ng katapatan, karangalan, at mga benepisyong nararapat sa kanila. Isa ba itong saloobin ng pagtanggap sa katotohanan? (Hindi.) Kaya, ano ang katotohanan dito? Halimbawa, sinasabi mo sa kanila na, “Gaano man sila nagdurusa, ang mga tao ay mga nilikha, at dapat silang magdusa dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Ang pagdurusa habang ginagawa ang tungkulin ng isang tao ay isang paraan lang kung saan nagdurusa ang mga tao. Gaano man tayo kahusay o anumang mga kaloob ang tinataglay natin, hindi tayo dapat mag-aasam ng anumang gantimpala o subukang makipagkasunduan sa Diyos.” Hindi ba’t ito ang katotohanan? Ito ang pinakabatayan na katotohanan na dapat maunawaan ng mga nilikha. Gayumpaman, matatagpuan ba ang katotohanang ito sa kanilang mga pilosopiya para sa makamundong pakikitungo, at sa kanilang mga kaisipan at pananaw? (Hindi.) Tinatanggap ba nila ang katotohanang ito kapag naririnig nila ito? Hindi, hindi nila ito tinatanggap. Ano ang kanilang saloobin? Naniniwala sila na ang pananatili sa sambahayan ng Diyos ay tulad ng pananatili sa mundo, na dapat silang gantimpalaan nang naaayon sa kanilang paggawa, na dapat silang makakuha ng isang bagay para sa pagganap ng kanilang tungkulin, at na kung sila ay mag-aako ng kaunting panganib, dapat silang tumanggap ng mga benepisyo at biyaya na karapat-dapat sa kanila. Ang pagtupad ng isang tao ng tungkulin ay responsabilidad at obligasyon ng bawat tao, at walang kasamang kabayaran ito. Tinatanggap ba ng mga anticristo ang katotohanang ito? Ano ang kanilang saloobin? Mapanlait at mapanlaban sila, sinasabi na, “Kayong mga tanga, maging ito tinatanggap ninyo! Iyan ba ang katotohanan? Hindi iyan ang katotohanan, panloloko lang iyan sa mga tao. Ang pagiging patas at pagkakapantay-pantay ng mga tao—iyan ang katotohanan!” Anong uri ng bagay ito para sabihin? Ito ang lohika at ang maling pananampalataya at panlilinlang ni Satanas. At maililigaw ba ng mga ito ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan? Madali silang maililigaw ng mga ito! Ang ilang tao ay mahihina, hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang may kaugnayan sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, at kulang sila sa kakayahan at abilidad sa pag-arok, at wala silang gaanong pananalig, at kapag nakaririnig sila ng gayong mga bagay, pakiramdam nila ay may ganap na katuturan ang mga ito, at iniisip nila na, “Oo nga naman. Paano ako naging sobrang tanga? Sa wakas ay nakatagpo ako ngayon ng isang taong nakauunawa. Tama ang sinasabi nila!” Ang mga taong ito ay nakikinig lang at tumatanggap ng mga bagay na mukhang makatwiran at naaayon sa kanilang mga kuru-kuro; hindi nila hinaharap ang mga salita ng Diyos nang naaayon sa prinsipyo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Alinsunod man ang mga salita ng Diyos sa damdamin ng mga tao, sa pag-iisip at lohika ng mga tao, sa mga kaugalian at gawi o tradisyonal na kultura ng mga tao, pinal ang mga salita ng Diyos, at bawat salita ng mga ito, mula sa simula hanggang sa katapusan, ay katotohanan. Hindi kinakailangan ng mga salita ng Diyos ang sinuman para kuwestiyunin o suriin ang mga ito, at pinaniniwalaan mang tama o mali ng sangkatauhan ang mga ito, o kung matatanggap man ng sinuman ang mga ito, ang mga salita ng Diyos ay walang-hanggang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay hindi kinakailangang pumasa sa pagsubok ng panahon, at hindi kinakailangan ang sangkatauhan para patunayan ang mga ito sa pamamagitan ng karanasan—ang mga salita ng Diyos ay katotohanan. Ito ba ang iniisip ng mga anticristo? Iniisip nila na, “Dapat maging makatwiran ang diyos! Ano ang ibig sabihin ng pagiging matuwid ng diyos? Hindi ba’t ang mga nagdurusa nang labis at may mataas na kakayahan ang nakatatanggap ng malalaking gantimpala, at ang mga nagdurusa nang kaunti, hindi gaanong mahusay, at hindi nakapag-aambag ang tumatanggap ng kaunting gantimpala?” Sinasabi ba ito ng Diyos? (Hindi.) Hindi ito sinasabi ng Diyos. Ano ang sinasabi ng Diyos? Sinasabi ng Diyos na ang pagganap ng tungkulin ng isang tao ay bokasyon ng bawat tao, na ang pagganap ng kanyang tungkulin ay may mga kaakibat na sarili nitong prinsipyo, na dapat gampanan ng lahat ang kanilang tungkulin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at na ito ang dapat gawin ng mga nilikha. May binanggit bang anuman tungkol sa kabayaran dito? Anumang pagbanggit ng gantimpala? (Wala.) Walang binanggit na kabayaran o gantimpala—ito ay isang obligasyon. Ano ang ibig sabihin ng “obligasyon”? Ang obligasyon ay isang bagay na dapat gawin ng mga tao, isang bagay kung saan hindi naaangkop ang mabigyan ng gantimpala nang ayon sa paggawa ng isang tao. Hindi kailanman itinakda ng Diyos na ang sinumang gumaganap ng kanilang tungkulin nang madalas ay dapat tumanggap ng malaking gantimpala, at na ang sinumang hindi gaanong gumaganap ng kanilang tungkulin o gumaganap nito sa paraang hindi mabuti ay dapat tumanggap ng kaunting gantimpala—hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay. Kaya, ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sinasabi ng Diyos na ang pagganap ng tungkulin ng isang tao ay ang bokasyon ng bawat tao at ito ay isang bagay na dapat gawin ng mga nilikha—ito ang katotohanan. Ganito ba ang pagkakaunawa ng mga anticristo? Paano nila tinatrato ang mga salitang ito ng Diyos? Tatratuhin nila ang mga ito sa ibang paraan. Mula sa perspektiba ng kanilang mga sariling interes, magkakaroon sila ng isang baluktot na interpretasyon sa mga salita ng Diyos. Para maging tumpak, minamanipula nila ang mga salita ng Diyos, ginagamit ang sarili nilang mga kaparaanan at pagkaunawa para baguhin ang mga salita at katotohanan ng Diyos sa ibang interpretasyon. At ano ang kalikasan ng gayong interpretasyon? Ito ay kapaki-pakinabang sa kanila, maaari nitong iligaw ang mga tao, at maaari nitong pukawin at akitin ang mga tao. Binabago nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang paraan ng pananalita, na para bang ang mga ito ay mga katotohanan na kanilang ipinahahayag, at pagkatapos sabihin ng Diyos ang isang bagay, kailangan nilang baguhin ang paraan ng pagsasabi nito ng Diyos at ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos sa kanilang sariling paraan. Katotohanan pa rin ba ito pagkatapos nilang baguhin ito sa sarili nilang paraan? Hindi, hindi ito katotohanan—ito ay isang panlilinlang at maling pananampalataya. Magagawa ba ninyong kilatisin ang bagay na ito? (Oo, medyo.) Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, may ilang tao na nagkamit ng kaunting pagkilatis. At ano ang diwa ng pagsalungat at pagtanggi ng mga anticristo sa katotohanan? (Ito ay pagmamanipula at pagkakaroon ng baluktot na interpretasyon sa mga salita ng Diyos.) At ano ang layunin nila sa pagmamanipula at pagkakaroon ng isang baluktot na interpretasyon sa mga salita ng Diyos? Ito ay para hindi tanggapin ng mga tao ang katotohanan at sa halip ay tanggapin ang kanilang mga panlilinlang at maling pananampalataya. Binabaluktot nila ang katotohanan ayon sa kanilang kaisipan at lohika, kanilang mga interes at pananaw, at kanilang mga kuru-kuro. Nagiging kapaki-pakinabang ito sa kanila, at magagawa rin nilang pukawin at iligaw ang ilang taong hangal at mangmang, at ang hindi nakauunawa sa katotohanan. Marahil ay tila tama ang mga salitang ito sa iyo sa unang pandinig mo, subalit kung susuriin mong mabuti ang mga ito, matatagpuan mo ang mga ambisyon at pakana ni Satanas na nakatago sa loob ng mga ito. Ano ang layunin ng kanilang mga ambisyon at pakana? Ang layunin nila ay para makinabang sila, para maipagtanggol ang mga sarili nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay at pag-uugali, para himukin ang mga tao na gumawa ng isang mabuting pagtatasa sa kanila, para baguhin ang kanilang pangit at masamang pag-uugali tungo sa tamang pag-uugali at mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay na alinsunod sa katotohanan. Sa ganitong paraan, naniniwala silang hindi sila tatanggihan ng mga tao, at hindi sila kokondenahin ng Diyos. Marahil ay maililigaw nila ang iba para hindi sila tanggihan ng mga tao, pero mapipigilan ba nila ang Diyos na kondenahin sila? Mababago ba ng tao ang diwa ng Diyos? (Hindi.) Dito naging pinakamangmang ang mga anticristo. Gusto nilang gamitin ang galing nila sa pagsasalita at “matalinong utak” nila para mag-isip ng uri ng panlilinlang at maling pananampalataya para manipulahin ang katotohanan para patatagin ang kanilang pahayag, at sa gayon ay matanggihan ang mga pananalita ng Diyos at mapabulaanan ang pag-iral ng katotohanan—hindi ba’t sila itong nag-iisip nang mali? Makakamit ba nila ang layunin nila? (Hindi.) Tinatanong ng ilang tao kung ano ang maaaring gawin kapag inililigaw ng isang anticristo ang ilang tao. Kung ang gayong mga tao ay talagang nailigaw at hindi nagawang makapagbago ng landas, nangangahulugan ito na sila ay nabubunyag at itiniwalag, at nararapat lang iyon. Ito ay sila na mapapahamak at hindi makatatakas; nakatadhana silang mamamatay, at hindi kailanman pinlano ng Diyos na iligtas ang mga taong katulad nila. Pumapasok sila sa iglesia habang nagpapanggap at gumaganap ng ilang trabaho at nagtatamasa ng ilang biyaya, at kapag ayaw na sa kanila ng Diyos, ibinibigay sila ng Diyos kay Satanas. Nagkataon lang na nakarinig sila ng isang maling pananampalataya at panlilinlang, at nang marinig nila ito ay pumalakpak sila at sinang-ayunan ito, at pagkatapos ay sumunod sila kay Satanas. Ano ito? Ito ay paggamit kay Satanas para magserbisyo. May isang talata sa Aklat ng Pahayag na nagsasabing, “Ang liko, ay hayaang magpakaliko pa: at ang marumi, ay hayaang magpakarumi pa: at ang matuwid, ay hayaang magpakatuwid pa: at ang banal, ay hayaang magpakabanal pa” (Pahayag 22:11). Nangangahulugan ito na pinaghihiwalay ang mga tao alinsunod sa kanilang sariling uri. Pagdating sa mga taong sumusunod sa mga anticristo, ito ba ay panandaliang kawalang-ingat sa kanilang bahagi? Dahil ba ito sa hindi nagbabantay ang Diyos? Itinadhana silang mamamatay! Pagkatapos makihalubilo sa gayong mga tao sa loob ng ilang panahon, makikita mo na hindi sila karapat-dapat na iligtas—masyado silang kahabag-habag! Batay sa kanilang karakter at paghahangad nila sa katotohanan, buktot ang kanilang kalikasan at tutol sa katotohanan, at hindi sila karapat-dapat na mailigtas, hindi sila karapat-dapat na magmana ng gayong napakalaking biyayang mula sa Diyos. Kung hindi ibibigay sa kanila ng Diyos ang biyayang ito, hindi nila ito matatanggap, kaya ang pinakatumpak na paraan ng pagbubuod sa kanila sa dalawang salita ay “nakatadhanang mamatay.”