Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos, ni Wala Silang Saloobin ng Pagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Kuru-kuro at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos (Ikaapat na Seksiyon)
Kapag ginagawa ng mga anticristo ang anumang bahagi ng gawain, pabasta-basta lang sila at nagbubulag-bulagan sila sa masasamang tao at sa mga nanggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, o maaari pa nga nilang pagtakpan ang mga ito, pagbigyan, at protektahan ang mga ito. Pagkatapos tanggalin, magbabago ba ang isang anticristo kapag gumawa siya ng ibang tungkulin? (Hindi.) Bakit ganoon? (Dahil sa problema sa kalikasang diwa niya.) Pagkatapos makagawa ng gayong napakatinding pagkakamali, hindi pa rin siya nagsisisi, at nagkikimkim pa rin siya ng mga kuru-kuro at hinaing sa puso niya, kaya posible ba na maging medyo sinsero siya sa alinmang tungkuling ginagawa niya? Walang pakundangan siyang gumagawa ng masasamang gawain sa tungkulin niya kahit noong bago pa siya magkaroon ng anumang kuru-kuro o hinaing, kaya kapag nagkikimkim siya ng mga bagay na ito, posible ba na maging sinsero siya sa tungkulin niya? (Hindi.) At kung walang sinseridad, magiging pabasta-basta ba siya? Walang pakundangan ba siyang gagawa ng masasamang gawain? (Oo.) Maaaring hindi kumbinsido ang ilan sa inyo, kaya tingnan ninyong mabuti ang sarili ninyo, at darating ang araw na makukumbinsi ka. Hindi kailanman magbabago ang isang anticristo, at saanman siya ilagay, palagi siyang magiging walang kabuluhan. Pagkatapos na mapungusan ang isang taong naghahangad sa katotohanan dahil sa pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, sumasailalim siya sa ilang pagbabago. Pabuti nang pabuti ang kalagayan niya, paagap nang paagap ang saloobin niya, lalong nagiging mas positibo ang perspektiba niya, lalong nagiging mas tama ang mga layon at direksiyon ng paghahangad niya, lalong nabubuo ang may-takot-sa-Diyos na puso niya, at lalong nagmumukhang mas karapat-dapat na respetuhin ang pagkatao niya. Sa kabaligtaran, habang mas pinupungusan ang isang anticristo, lalong tumitindi ang paghihinanakit ng kalooban niya, lalo siyang nagiging mas maingat, lalo niyang nararamdaman sa puso niya na naagrabyado siya, at mas lumalago ang mga kuru-kuro, pagkamuhi, at mga reklamo niya tungkol sa Diyos. Kapag hindi siya napupungusan, nagagawa ng laman niya na magbayad ng katiting na halaga, pero kapag palagi siyang napupungusan, wala man lang siyang kahit katiting na sinseridad. Talagang wala na siyang pag-asa! Obserbahan ninyo ito para sa inyong sarili—ang sinumang tulad nito ay palaging nangangaral ng mga sermon para suportahan ang iba, pero siya mismo ay hindi talaga nagsasagawa o may anumang pagpasok—isang katangian ito. Ang isa pang katangian ay na, anumang gawain ang ginagawa niya, sa sandaling magkaroon siya ng katayuan, kaya niyang magkusa nang kaunti at magpakita ng kaunting sigasig, pero palagi siyang pabasta-basta at walang pakundangang gumagawa ng masasamang gawa sa gawain niya. Kapag nawalan siya ng katayuan, marahas siyang makikipag-away, itinuturing niyang wala nang pag-asa ang sitwasyon niya, at kumikilos pa nga nang mapangahas at walang pakundangan, at kumikilos na tulad ng isang mabagsik na tao na walang kinikilalang batas, ganap na walang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa buong sangkatauhan, ang ganitong uri ng tao ay isang klasikong anticristo. Nagagawa niyang himayin nang napakalinaw at lohikal ang mga kalagayan ng ibang tao, sa paraan na madaling maunawaan at nag-iiwan ng pakiramdam na mayroon din siyang ganitong uri ng pagkaunawa ng sarili niya. Pero kapag nakakagawa siya ng ilang pagkakamali, kapag nagbunyag siya ng tiwaling disposisyon, at kapag sinubukan mong ilantad at himayin ang mga ito, tingnan mo kung anong uri ng saloobin mayroon siya. Lubos na magiging mabigat sa loob niyang tanggapin ito, at mag-iisip siya ng lahat ng paraang maiisip niya para pabulaanan ito at ipagtanggol ang sarili niya, hindi niya aaminin ito. Walang sinuman ang makakahawak sa kanya, at ang sinumang makakapagpagalit sa kanya, o maglalantad ng problema niya, ay mapapahamak at tatratuhin bilang kaaway niya.
Kapag may katayuan ang isang anticristo, nagagawa niyang magtiis ng kaunting paghihirap at magbayad ng kaunting halaga para protektahan ito. Nagagawa rin niyang magpanggap na may malasakit para sa lahat, ng kagustuhang iligtas ang lahat—isang mapagpaimbabaw na mukha. Gayumpaman, sa sandaling mawala ang katayuan niya, naglalaho ang lahat ng kabutihang-loob niya, sa kabila nito ay gusto pa rin niyang hawakan at tamasahin ang suporta, paggalang, at espesyal na atensyon na tinamasa niya dati. Talagang sukdulan ang kawalan niya ng hiya! Anuman ang grupo ng isang anticristo, hindi siya nagbibigay ng kahit kaunting tulong o mabuting aral sa sinuman, sa kabila nito gusto pa rin niyang tamasahin ang suporta at pagpapahalaga ng lahat. Kahit sino pa ang umaamin na may tiwaling disposisyon siya, ang isang anticristo ay hindi magsasalita at magsasabi na mayroon din siya nito, o magsasalita tungkol sa kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang ibinunyag niya dati. Hindi niya kailanman hinihimay ang sarili niya, at kapag napunta siya sa sitwasyon na hindi matatakasan, magsasabi lang siya ng isang bagay tulad ng, “Oo, isa akong demonyo, isa akong Satanas,” at iyon na iyon. Nagsasabi lang siya ng ilan sa ganitong mga uri ng matatayog at hungkag na salita. Kung tatanungin mo siya, “Anong mga partikular na pagpapamalas at pagbubunyag ng pagiging isang demonyo at isang Satanas ang taglay mo? Anong mga uri ng mga motibo at layon ang mayroon ka kapag kumikilos ka?” wala man lang siyang sasabihing kahit ano. Hindi ba’t siya ay isang Satanas? Simula nang ito ay magkaroon ng kapangyarihan, ang malaking pulang dragon ay gumawa ng hindi mabilang na kasamaan, at sa buong pamamahala nito ay patuloy nitong inaamin at itinatama ang mga pagkakamali nito, habang patuloy na pinatitindi ang pag-abuso nito sa mga tao nito. Kapag nakikita mo itong inaamin ang mga pagkakamali nito, maaaring iisipin mo na ito ay magsisisi at magbabago, na may saloobin ito ng pangungumpisal, at malamang na hindi na ito gagawang muli ng gayong mga pagkakamali. Subalit batay sa mga bagay-bagay na sumunod na nangyari at kung paano nabuo ang mga bagay-bagay, ang pag-amin ng malaking pulang dragon sa mga pagkakamali nito ay para lang sa kapakanan ng pagprotekta ng imahe at katayuan nito, na nagbibigay-daan para ipagpatuloy nito ang paghawak sa kapangyarihan at gumawa ng mas maraming nakapanghihilakbot na bagay na umaabuso sa mga tao nito. Pare-pareho ang mga anticristo—taglay nila ang parehong kalikasang diwa gaya ng mga diyablo, Satanas, at ng malaking pulang dragon. Magaling silang magpanggap at gawi nila ang magsinungaling; wala silang kahihiyan, tutol sila sa katotohanan at mga positibong bagay, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dagdag pa rito, wala silang ibang sinasabi kundi mga bagay na masarap pakinggan, at ginagawa lang nila ang lahat ng uri ng masamang bagay. Sa paligid ng mga kapatid, madalas na mga tamang bagay ang sinasabi ng mga anticristo, at gumagawa ng mga bagay na mukhang tama sa panlabas, pero kapag hiningi sa kanilang mahigpit na magsagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, para ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, wala silang gagawing ganoon, at sa halip ay maglalaho sila nang walang bakas. Kung iiwan mo sila ng walang pangangasiwa, pamamahala, o panghihimok, walang pakundangan silang gagawa ng masasamang gawa, at magtatatag ng kanilang nagsasariling kaharian. Para makamit ang layon nilang humawak ng kapangyarihan, titiisin nila ang anumang paghihirap at magbabayad ng anumang halaga. Makikita natin dito na may isa pang uri ng kalikasang diwa ang mga anticristo, ito ay na sila ay makasarili at kasuklam-suklam. Maliban sa pagbabayad ng kaunting halaga kapag may ginagawa silang isang bagay para sa sarili nila, kung hiningi sa kanila na gumawa o magsalita ng ilang bagay para sa mga kapatid, para sa sambahayan ng Diyos, nang walang tinatanggap na anumang kapalit, magiging napakabait ba nila? Tatanggapin ba nila ang pasaning iyon? (Hindi.) Kaya pagdating sa mga bagay na hiningi ng Itaas na ipatupad nila, kapag dumating ang oras para suriin ang gawaing iyon, hindi nila naipatupad ang alinman sa mga ito. Bakit ganoon? Dahil kapag ginawa nila iyon, kakailanganin nilang mapagod at magdusa; kakailanganin nilang magbayad ng halaga, at malamang na hindi sila masyadong makikinabang dito. Kaya, talagang hindi nila gagawin ito. Kung ang karamihan ng tao ay makikinabang dito, kung ang karamihan ng tao ay magkakamit ng mga pakinabang mula rito, magiging handa bang magbayad ng halaga ang isang anticristo para dito? Hindi. Kung ito ay para sa isang bagay na pahahalagahan at aalalahanin sila ng karamihan ng tao, at sasambahin at pupurihin sila, at kung maaalala sila para sa mabuting bagay na ito na ginawa nila hanggang sa mga susunod na henerasyon, paano sila kikilos? Kaagad silang kikilos, at gagawin nila ito nang mas masaya pa sa kahit na kanino. Kawalan ito ng hiya, hindi ba? Talagang walang-hiya si Satanas, ang diyablo. Gumawa ito ng hindi mabilang na kasamaan, pero gusto pa rin nitong lubos na magpasalamat sa kanya ang lahat, na pasunurin nang mabuti dito ang mga tao at labis itong papurihan. Labis nitong inaabuso ang mga tao, subalit gusto pa rin nitong papurihan siya ng mga ito. Pare-pareho ang mga anticristo. Hindi mahalaga kung gaano karaming sermon ang napakinggan ng isang anticristo, o kung gaano karaming doktrina ang nauunawaan niya, kung hihingin mo sa kanyang gumawa ng isang gawain o tungkulin nang hindi nagiging pabasta-basta, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang umiwas sa pagtatatag ng kanyang nagsasariling kaharian o sa walang pakundangang paggawa ng mga maling gawain, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang umiwas sa pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan, sa pag-iimbot sa kaginhawahan, sa pagpapakasaya sa katayuan at mga espesyal na pribilehiyo, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang huwag pahirapan ang iba, o huwag magsinungaling, hindi niya ito kaya. Kung hihingin mo sa kanyang huwag waldasin ang mga handog, at na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang huwag magpatotoo sa sarili niya, hinding-hindi niya magagawa iyon; kung hihingin mo sa kanyang magbayad ng kaunting halaga para sa hinirang na mga tao ng Diyos nang walang makukuhang anumang kapalit, o na gumawa ng kaunting gawain nang walang nakakaalam, hindi niya ito kayang gawin. Ano ang kaya niyang gawin? Kaya niyang walang pakundangang gumawa ng mga maling gawain, magtatag ng sarili niyang nagsasariling kaharian, magpatotoo sa sarili niya, magwaldas ng mga handog, maging palamunin ng iglesia, magpahirap sa iba, sumigaw ng mga islogan, magsalita ng mga doktrina, magkalat ng mga mali at nakalilinlang na paniniwala para ilihis ang mga tao, at iba pa—walang kahirap-hirap para sa kanya na gawin ang mga bagay na ito. Mayroon bang sinumang tulad niyon sa paligid ninyo? Sa sandaling makahawak siya ng kapangyarihan, sa sandaling magkaroon siya ng katiting na kapangyarihan, gusto niyang mahawakan ang pitaka ng sambahayan ng Diyos; anuman ang binibili niya, gusto niyang kunin ang mga bagay na may mataas na kalidad, mahal, at may pangalan, at hindi niya ito tinatalakay sa sinuman o hindi siya nakikinig sa kung ano ang sinasabi ng sinuman. Sa sandaling mabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, nagpapakasaya siya rito. Kapag nabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, gusto niyang bumuo ng mga grupo at gawin ang mga bagay sa sarili niyang pamamaraan, at tumatanggi siyang makinig sa Itaas, o sa sinuman. Kapag nabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, pakiramdam niya ay naging diyos na siya at gusto niyang magpatotoo sa sarili niya para suportahan siya ng iba, at gusto niyang bumuo ng isang paksiyon, para bumuo ng sarili niyang gang. Kapag nabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, gusto niyang mahigpit na makontrol sa pagkakahawak niya ang mga kapatid. Kung kinakailangan sa gawain ng sambahayan ng Diyos na ilipat ang isang tao palayo sa kanya, magiging napakahirap nito. Kailangan niya itong sang-ayunan at kailangang may magtalakay sa kanya tungkol dito, at hindi niya tatanggapin ang saloobin na ayaw niya mula sa taong iyon. Gusto niyang malaman ng buong mundo na may kapangyarihan at impluwensiya siya, at kailangang maging marespeto at magalang ang lahat sa kanya. Ito ay isang karaniwang kinikilalang katunayan. Hindi kailanman aaminin ng isang anticristo na may tiwaling disposisyon siya. Obserbahan ninyo ito para sa sarili ninyo—tingnan ninyo kung kaya bang magsisi ng mga hindi umaamin sa tiwaling disposisyon nila pagkatapos nilang gumawa ng mali at magbunyag ng tiwaling disposisyon, at kung anong direksiyon ang kanilang pinipili sa huli at kung anong uri ng landas ang tatahakin nila sa huli, kung paano sila kumikilos habang ginagawa ang tungkulin nila at habang nakikisalamuha sa iba, kung paano sila kumikilos ukol sa kanilang katayuan, kung ano ang kanilang mga pamamaraan at diskarte sa paggawa ng mga bagay-bagay. Magagawa ba ninyong makilatis ito? Kung makakagawa kayo ng ilang kongklusyon ukol sa mga bagay na ito, mayroon kayong pagkilatis.
C. Pagtangging Kilalanin na ang mga Salita ng Diyos ang Katotohanan at ang Pamantayan Kung Saan Sinusukat ang Lahat ng Bagay
May ikatlong dahilan sa pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos at sa kawalan nila ng saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang kamalian, ito ay tumatanggi silang kilalanin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay. Nagbigay Ako ng napakadetalyadong pagbabahagi tungkol sa nakaraang dalawang dahilan; bahagyang naiiba ang isang ito mula sa naunang dalawa pagdating sa literal na kahulugan nito, pero sa diwa, nauugnay ito sa pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, kaya mapapanatili nating maikli ang ating pagbabahaginan. Kapag napungusan ang isang anticristo, at nagbahagi ka sa kanya tungkol sa katotohanan, nakipag-usap tungkol sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, magagawa ba niyang tanggapin ito pagkatapos marinig ito? (Hindi.) Kahit kailan marinig ng isang anticristo ang katotohanan, pareho pa rin ang magiging saloobin niya ukol dito—pagkondena at paglaban. Ano ang mga katotohanang prinsipyo? Ang mga ito ang pamantayan para sa pagsukat kung paano gawin ang isang bagay. Basta’t ginawa ito nang ganap na naaayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, ang ginagawa ng isang tao ay may prinsipyo. Ito ay paggawa ng mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo. Kung ang pakikipagbahaginan mo ay nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, tiyak na hindi ito tatanggapin ng isang anticristo; habang mas positibo, praktikal, patas, tama, at batay sa katunayan ang pakikipagbahaginan mo, mas magiging hindi katanggap-tanggap ito sa isang anticristo. Sasagot siya gamit ang mga baluktot na argumento, tumatangging tanggapin ang katotohanan o ang mga katunayan. Kung kakausapin mo siya tungkol sa kung paano kumilos para maisakatuparan ang mga responsabilidad niya sa usapin, sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa kung paano siya nagdusa at nagbayad ng halaga; kung kakausapin mo siya tungkol sa kung paano kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, sasabihin niya sa iyo kung gaano karaming daan na ang nalakbay niya, kung gaano siya nagdusa, at kung gaano karaming pagsasalita na ang nagawa niya. Kung kakausapin mo siya tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, paano kumilos at gumawa ng tungkulin nang may matapat at sinserong puso, hindi siya magiging interesado at hindi ka niya papansinin. Kapag kumikilos siya, tutuon lang siya sa mga taktika, pakana, at panlalansi. Sa kabuuan, ang isang anticristo ay may sariling grupo ng mga natatanging prinsipyo para sa kanyang mga kilos, at gaano man kamali, kababa, katawa-tawa at kahangal ang mga ito sa paningin ng iba o sa paningin ng Diyos, hinding-hindi siya magsasawang panghawakan ang mga pamamaraan at prinsipyong ito. Hindi niya tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang mga katotohanang prinsipyo, hindi rin niya isusuko ang kanyang sariling mga prinsipyo, kaya pungusan mo man siya, ilantad mo man siya, o tanggalin mo man siya, ang mga pamantayan, perspektiba, at mga pananaw niya para sukatin ang mga bagay-bagay ay hinding-hindi magbabago. Ang ilan sa mga pamantayang ito ay sa agham ng tao, ang ilan ay sa kaalaman, ang ilan ay sa tradisyonal na kultura, at ang ilan ay sa masasamang kalakaran ng mundong ito, subalit gaano man maaaring kamali ang mga bagay na ito, hindi kayang bitiwan ng isang anticristo ang mga ito. Tatanggapin niya anumang masasamang kalakaran at anumang mga kasabihan at perspektiba ang popular sa lipunan, subalit hindi niya kailanman pamantayan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan para sa pagsukat ng lahat ng bagay at pangyayari, para sa pagsukat ng lahat ng bagay. Habang sumusunod siya sa Diyos at nagsasamantala sa sambahayan ng Diyos, itinatanggi at kinokondena niya ang katotohanan. Habang itinatanggi at kinokondena niya ang katotohanan, iginagalang at tinitingala niya ang lahat ng uri ng mali at nakalilinlang na paniniwala mula sa mundo. Ang mga tanging bagay na hindi niya kayang tanggapin ay ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan. Batay sa diwang ito ng mga anticristo, bagama’t dumadalo sila sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at gumagawa ng tungkulin sa proseso ng kanilang pananalig, isang bagay ang tiyak—hindi kailanman magbabago ang disposisyon nila, ni hindi ang mga perspektiba nila, na sa mundo at sa masasamang kalakaran. Kung hihingin mo sa isang anticristo na magsalita tungkol sa buhay pagpasok o sa disposisyonal na pagbabago, magtataka ka kung bakit labis na kakaiba, nakakasuka, at nakakailang ang mga salita niya. Magiging parang mga salita ng isang tagalabas ang mga ito, at talagang isa siyang taong naguguluhan na walang espirituwal na pang-unawa kundi nagpapanggap na espirituwal at na nagtataglay ng buhay. Talagang sukdulan itong kasuklam-suklam! Maaari bang magtaglay ng buhay ang isang taong kailanman ay hindi kinilala ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan o tinanggap ang mga salita ng Diyos bilang buhay niya? Kalokohan ito, hindi ba? Tumingin kayo sa paligid ninyo, at suriin kung may sinuman ang palaging nagsasabing: “Sinabi ito ni ganito at ni ganoong sikat na tao; sinabi ito sa ganito at ganoong aklat; sinabi ito sa ganito at ganoong drama sa TV; sinabi ito sa ganito at sa ganoong obra maestra” o “Ito ang tradisyonal na kultura namin; sa pinagmulan ko, sinasabi namin ito; sa pamilya namin, may ganito kaming patakaran,” at iba pa. Tingnan ninyo kung sino ang palaging mayroong maraming ganitong bagay na sinasabi, kung sino ang hindi naantig sa mga salita ng Diyos pagkatapos mapakinggan ang mga ito, at ang tanging binibigkas ay magugulong salita, mga kakatwang salita, at mga salita na walang espirituwal na pang-unawa kapag nagagawa niyang makipagbahaginan tungkol sa kanyang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at kung sino, bagama’t wala siyang pagkaarok o pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, ang sumusubok na sapilitang pagsama-samahin ang ilan, at nagpapanggap na espirituwal. Labis na nakakasuka ito! Napakaraming taon nang nanampalataya ang mga taong ito sa Diyos, at napakaraming taon nang nakinig sa mga sermon at dumalo sa mga pagtitipon, subalit hindi kapani-paniwalang hindi pa rin nila alam na may tiwaling disposisyon sila, at hindi pa natutuklasan na may mga maling perspektiba sila o na ang mga nakalilinlang nilang perspektiba ay lubos na salungat at kumokontra sa mga salita ng Diyos. Ano ang dahilan nito? Ito ang ikatlong dahilan sa likod ng pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos at ang kawalan ng saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang kamalian: Tumatanggi silang kilalanin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay. Ito ang ugat ng isyu.
Bakit tumatanggi ang mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos? Bakit kapag nahaharap sila sa isang bagay, hindi sila nagsisisi, at sa halip ay nagkakalat ng iba’t ibang kuru-kuro, at hinuhusgahan pa nga ang Diyos? Napakalinaw ng mga dahilan: Una, hindi kailanman inaamin ng mga anticristo na kaya nilang gumawa ng mali; pangalawa, hindi nila kailanman inaamin na may tiwaling disposisyon sila; ikatlo, tumatanggi silang kilalanin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay. Para sa lahat ng hindi tumatanggap ng pagpupungos, ang lahat ng malinaw na nagbubunyag ng tiwaling disposisyon kapag nagkakamali sila, ang lahat ng madalas na nagdudulot ng pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, na umaantala sa buhay pagpasok ng hindi masabing bilang ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung ang mga taong ito ay walang pagsisisi o walang saloobin ng pagsisisi kapag sila ay pinupungusan, isang bagay ang tiyak, iyon ay na taglay nila ang lahat ng tatlong pagpapamalas na ito ng mga anticristo. Tama? (Tama.) Sa pangkalahatan, may tatlong dahilan kung bakit tumatanggi ang mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos. Basahin ninyong muli ang mga ito. (Una, hindi kailanman inaamin ng mga anticristo na kaya nilang gumawa ng mali; pangalawa, hindi nila kailanman inaamin na mayroon silang tiwaling disposisyon; pangatlo, tumatanggi silang kilalanin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay.) Mayroong tatlo sa pangkalahatan. Nagbahaginan tayo ng napakadetalyado sa unang dalawang dahilan. Ang huli ay may kaunting pagkakaiba sa naunang dalawa pagdating sa literal na kahulugan, pero pagdating sa diwa, ang unang dalawa ay kaugnay ng pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, kaya hindi na tayo magbabahaginan sa dahilan na iyon nang mas detalyado. Sige, tapusin natin ang pagbabahaginan natin dito para sa araw na ito. Paalam! (Paalam O Diyos!)
Setyembre 19, 2020