Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos, ni Wala Silang Saloobin ng Pagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Kuru-kuro at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos (Ikatlong Seksiyon)
B. Tumatangging Aminin na Mayroon Silang Tiwaling Disposisyon
Kapag napungusan ang isang anticristo, bukod sa hindi siya nagsisisi, nagkakalat din siya ng mga kuru-kuro at lantarang nanghuhusga. Ang unang pangunahing dahilan nito ay na tumatanggi siyang aminin na may nagawa siyang mali. Ano ang pangalawang dahilan? Ito ay ang pagtangging kilalanin ng isang anticristo na may tiwaling disposisyon siya. Hindi ba’t mas seryoso at mas kongkreto ito kaysa sa pagtangging aminin na may nagawa siyang mali? Ang pinakamababang kaalaman na dapat taglayin ng sinumang tumatanggap ng gawain ng Diyos, na tumatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ay ang aminin muna na tiwali ang mga tao, na ginawa silang tiwali ni Satanas, na wala silang katwiran at pagkatao, hindi nagtataglay ng katotohanan o hindi nakikilala ang Diyos, at sila iyong mga nilalabanan ang Diyos. Tanging mga anticristo ang hindi kailanman aamin na masyadong malalim ang pagiging tiwali nila, at na ang lahat ng tiwaling tao ay kay Satanas, lalong hindi nila kailanman aaminin na sila mismo ay mga diyablo at Satanas. Sa partikular, sa mga oras na karamihan ng tao ay nagagawang magnilay-nilay, kilalanin ang sarili nila, at tanggapin ang pagpupungos, ni hindi nga kayang aminin ng mga anticristo na may tiwaling disposisyon sila—seryosong problema ito. Bakit Ko nasabing seryoso ito? Dahil walang kakayahan ang mga anticristo na kilalanin ang katotohanan at hindi sila naniniwalang ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ang anumang bagay na sinabi sa mga salita ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso nila. Sinasabi ng ilang tao, “Paano Mo nasabing tumatanggi silang tanggapin iyon? Inamin nila na sila ay mga diyablo at Satanas, na sila ay mga kaaway ng Diyos.” Paano nabibilang iyon na pag-amin? Kahit ang isang walang pananampalataya ay maaaring magsabi na hindi siya mabuting tao, pero mabibilang ba iyon na pag-amin sa pagkakaroon ng tiwaling disposisyon? Hindi. Ang tunay na pag-amin sa pagkakaroon ng isang tiwaling disposisyon ay nangangahulugan ng pagkilala muna kung anong uri ka ng tao. Nangangahulugan din ito na nagagawa mong iugnay ang sarili mo sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na inilarawan ng Diyos sa iba’t ibang antas, at higit pang aminin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag mo habang nasa iba’t ibang kalagayan. Hindi ba’t ilang kongkretong pagpapamalas ang mga ito? (Oo.) Pero hindi tinataglay ng isang anticristo ang mga bagay na ito, dahil hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos—sa halip ay kinasusuklaman niya ang mga ito. Kaya nakikinig lang siya sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at iyon lang; hindi niya kailanman pinagninilayan, hinihimay, o ikinukumpara ang sarili niya sa mga salitang ito sa kaibuturan ng puso niya. Sa madaling salita, hindi niya hinihimay at ikinukumpara ang kanyang iba’t ibang pagpapamalas, layunin, kaisipan, at perspektiba ayon sa mga salitang ito ng Diyos; hindi talaga niya ginagawa ang mga bagay na ito. Ano ang ipinahihiwatig ng hindi niya paggawa ng mga bagay na ito? Ipinahihiwatig nito na para sa kanya, ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos ay isang paraan lang ng pagsasabi ng mga bagay-bagay, ibang perspektiba—naiibang paraan lang ang mga ito ng paglalarawan ng mga disposisyon, personalidad, kaugalian, at diwa, hindi pamantayan ang mga ito ng pagtukoy sa mga disposisyon ng tao sa anumang paraan. Ito ay isang tumpak na paraan ng paglalarawan kung paanong hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Mayroon lang ang mga anticristo ng tinatayang pang-unawa sa isipan nila ng paglalantad ng Diyos sa iba’t ibang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, pero hindi nila kailanman tinatanggap ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila. Dahil hindi nila ito tinatanggap, kapag may nangyayari sa kanila, nagagawa ba nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para pigilin ang disposisyon nila, baguhin ang mga kaugalian nila, at lutasin ang mga maling perspektiba nila? Tiyak na hindi. Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, na nangangahulugang hindi nila inaamin na may tiwaling disposisyon sila. Halimbawa na lang ang pagmamataas—sinasabi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa disposisyong ito ang ilan sa mga paraan na ito ay napapamalas at nabubunyag sa tao. Titimbangin ng isang taong naghahangad sa katotohanan at kumikilala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan ang sarili niyang pag-uugali at disposisyon batay sa mga salitang ito ng Diyos. Paulit-ulit niyang titimbangin ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay aaminin: “May mapagmataas akong disposisyon. Ito ang disposisyong ibinunyag ko nang gawin ko ito. Ang mga kaisipan, pagkilos, at saloobin kong ito ay mapagmataas. Ang mga paraang ito na mayroon ako ng pagtrato sa iba, paggawa ng gawain ko, at pagdiskarte sa tungkulin ko ay mapagmataas.” Hindi ba’t pagkilala iyon na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan? (Oo.) Nakikita niya ang mga salita ng Diyos bilang ang pamantayan, at ginagamit niya ito para ikumpara sa sarili niyang pag-uugali, at kapag nakakita siya ng kaugnayan, hindi namamalayang inaamin niya na may tiwaling disposisyon siya, na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay totoo, at hindi talaga huwad. Sa ngayon, huwag muna nating pag-usapan kung magagamit ba ng mga tao ang mga salita ng Diyos para malutas ang kanilang tiwaling disposisyon pagkatapos nilang aminin na mayroon sila nito. Una, pag-usapan lang muna natin kung inaamin ba ng mga tao na may tiwaling disposisyon sila. Pagdating sa pag-amin, karamihan ng taong nagtataglay ng pagkamakatwiran, konsensiya at normal na pag-iisip ay makakapagkamit ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa salita ng Diyos, at pagkatapos, hindi namamalayang tatanggapin at sasabihin ang “Amen” sa mga salita ng Diyos, kikilalanin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at sa gayon ay aaminin na sila ay tiwaling tao na may tiwaling disposisyon at yumuyuko sa harap ng Diyos. Sa sandaling inamin nila na may tiwaling disposisyon sila, magkakaroon sila ng tama at naaangkop na saloobin sa Diyos, sa katotohanan, at partikular sa pagpupungos. Ibig sabihin, habang inaamin na may tiwaling disposisyon sila, kapag pinungusan sila ay magagawa nilang magpasakop mula sa puso sa pagpupungos na ito nang hindi sinasadya at hindi namamalayan, at magiging handa silang tanggapin ito. Mayroon pa ngang ilang tao na umaasam na pigilin at disiplinahin sila ng iba sa pamamagitan ng pagpupungos, at napakanatural na nakakabuo sila ng mga positibong damdamin sa pagpupungos; mayroon silang positibo at maagap na saloobin dito. Normal na mga tao ang mga ito. Ang tanging mga hindi normal na tao ay ang mga anticristo; hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos, madalas nilang sinisinghalan nang may halong pag-aalipusta ang mga ito, at nilalabanan, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito sa puso nila. Samakatwid, mayroon silang parehong saloobin sa paglalantad at paglalarawan ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Anong saloobin iyon? Halimbawa na lang, sinasabi ng Diyos na may mapagmataas na disposisyon ang mga tao, at sinasabi ang tungkol sa mga partikular na pagpapamalas nito. Kapag naririnig ng isang anticristo ang mga partikular na pagpapamalas na ito, hindi lang niya basta tinatanggihang tanggapin ito, sa halip ay umaabot siya sa pagkasuklam sa mga partikular na pagpapamalas na ito na tinutukoy ng Diyos. Bakit niya gagawin iyon? Dahil sinusunod niya ang lohika ni Satanas, ibig sabihin, ang saloobin ni Satanas sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Sinasabi niya, “Tinatawag mo itong pagmamataas, pero sa mga may kakayahan, sino ba ang hindi mapagpakitang-gilas? Sa mga taong may talento sa pamumuno, sino ba ang hindi nagsasalita sa mapaggiit na paraan? Sa mga taong may katayuan, sino ba ang hindi medyo mapagpakitang-gilas? Wala sa mga bagay na ito ang mahalaga. Ang lahat ng bagay na ito ay ganap na normal sa mundo ng mga walang pananampalataya, pero dito pinalalaki ninyong lahat ang isang maliit na bagay. Isa pa, ang pagkilos ba nang hindi sinasabi sa iba ang mga bagay-bagay ay talagang maibibilang na pagmamataas? Iyon ba ay talagang pagsasawalang-bahala sa kung ano ang katanggap-tanggap sa lahat? Ang mga taong may kakayahan ang dapat na nagdedesisyon, at ang magawang i-monopolisa ang kapangyarihan ay tinatawag na pagiging mahusay. Ano ang saysay ng pagtalakay ng mga bagay-bagay sa inyong mga ordinaryong tao? Ano ba ang alam ninyo? Kaya, hindi ako nagyayabang, mahusay at may kakayahan lang ako. Tinatawag itong may abilidad sa pamumuno, at isa itong likas na talento. Mayroon akong gayong napakahusay na likas na kakayahan, kaya kong gawin ang kahit ano. Anuman ang sitwasyon o sa anumang grupo ako kasama, kaya kong akuin ang responsabilidad—ito ay pagiging isang indibidwal na may talento! Hindi dapat tapakan, ni ilantad ang mga indibidwal na may talento. Sa halip, sa anumang grupo sila kasama, dapat silang irekomenda, itaas, at bigyan ng mahahalagang papel! Dahil sila ay may kakayahan, mga may talentong indibidwal na may mga abilidad sa pamumuno, dapat na may asal sila ng isang lider, ng isang pinuno. Kung ibabaon nila ang mga bagay na ito, hindi ba’t pagpapanggap iyon?” Ginagamit niya ang mga baluktot na pangangatwiran na ito at ang mga maling paniniwalang ito para husgahan at kondenahin ang paglalantad ng Diyos ng mapagmataas na disposisyon, kaya anuman ang sabihin mo, hindi niya kailanman aaminin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon na inilarawan at tinukoy ng Diyos. Iniisip niya, “Ang sinabi ng diyos ay isang paraan lang ng pagsasabi ng mga bagay-bagay. Ito ay medyo positibo, naaayon sa kaugalian, at tradisyonal, pero hindi ito matutukoy bilang katotohanan. Nababagay lang ito sa ilang tao. Halimbawa, may ilang tao na medyo taos-puso, at wala silang anumang talento, ni hindi rin sila masyadong mahusay o matalino, at higit pa rito, wala rin silang anumang abilidad sa pamumuno. Kung wala silang naaangkop na katuwang, kailangan nilang kumonsulta sa iba kapag kumikilos, at kung hindi, hindi nila kayang pasanin ang gawain nila—ito ang uri ng tao na naaangkop sa mga salita ng diyos.” Ang mga argumentong tulad nito ay mga satanikong maling paniniwala at mapanlinlang lahat.
Kailanman ay hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, kaya kahit kailan nila marinig ang mga ito, nagpapabasta-basta lang sila; katulad lang sila ng mga Pariseo, ginagamit ang mga salita ng Diyos para magpakitang-tao. Hindi nila tinatanggap ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila o ginagawang buhay nila ang mga salita ng Diyos at ang layon para sa pagsasagawa nila. Kaya, kapag nakakagawa ng pagkakamali ang isang anticristo, hindi niya aaminin na may nagawa siyang mali kapag pinupungusan at inilalantad mo siya dahil dito, lalong hindi niya tatanggapin ito kapag pinungusan mo siya kaugnay sa disposisyon at diwa na ibinunyag niya sa usaping iyon. Tulad lang ng pagtanggi niya na amining nakagawa siya ng mali, kapag nagbubunyag ang isang anticristo ng tiwaling disposisyon, palagi siyang may ilang dahilan, ilang palusot, ilang paliwanag para itanggi na may tiwaling disposisyon siya. Halimbawa, kapag nagbunyag siya ng isang mapagmataas na disposisyon sa isang partikular na usapin, sinasabi niya na nagmamadali siya, na mali ang mga nasabi niya at na nakapagtaas siya nang kaunti ng boses niya. Kapag sinabi ng isang tao na naging mapanlinlang siya sa isa pang usapin at hindi naging hayag, sinasabi niya na karamihan ng tao ay may mahinang kakayahan, kaya kung sinabi niya kung ano ang nangyayari, hindi siya mauunawaan ng iba, at hindi mauunawaan kung ano ang sinabi niya, at kaya hindi siya naging hayag. Anumang tiwaling disposisyon ang ibinubunyag niya, palagi siyang nakakahanap ng mga palusot at paliwanag. Sa kabuuan, anuman ang tiwaling disposisyon na ibinubunyag niya, gaano man kahalata o seryoso ito, hindi niya kailanman aaminin na isang tiwaling disposisyon ito. Madalas nagsisinungaling ang mga anticristo, nagsasabi ng isang bagay sa harap ng mga tao at ibang bagay sa likod nila, at walang makapagsasabi at walang nakakaalam kung kailan sila nagsasabi ng katotohanan at kung kailan sila nagsisinungaling. Gayumpaman, hindi nila kailanman aaminin na sila ay mapanlinlang na tao, sa halip na isang matapat na tao. Bagkus, madalas na pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili at ipinapaliwanag kung gaano sila ka-lubos na taos-puso, kung gaano sila ka-partikular na sinsero sa iba, at kapag may anumang paghihirap ang ibang tao, kung gaano ang kagustuhan nilang tulungan ito mula sa kabutihan ng kanilang puso. Bukod sa hindi inaamin ng mga anticristo na may tiwaling disposisyon sila, palagi nilang sinusubukang pagtakpan ang sarili nila, ipinagyayabang kung gaano sila kabuti at kabait na tao. Bukod sa hindi nila inaamin na may tiwaling disposisyon sila, kasabay nito ay ipinagyayabang din nila kung gaano sila kagaling sa paghikayat ng mga tao, kung gaano sila kagaling sa pagkuha ng pabor ng mga tao at pagkuha ng loob ng mga tao. Ipinagyayabang nila kung gaano sila ka-madiskarte at may kakayahan pagdating sa pagkilos at pagsasalita sa mga tao, kung paanong walang mas huhusay at makahihigit sa kanila, kung paanong walang mas mahusay para sa trabaho nila. Kapag nagbabayad ng kaunting halaga ang isang anticristo, nagagawang mangaral ng ilang matayog na doktrina at teorya, at may ginagawang isang bagay sa sandaling panahon na naglilihis sa mga tao at nag-uudyok sa karamihan ng mga tao na pahalagahan siya, iisipin niya na matagumpay niyang naikubli ang tiwaling disposisyon niya, at na nagawa niyang huwag pansinin ng mga tao ang tiwaling disposisyon niya. Kaya batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, at sa uring ito ng pang-unawa at saloobin na kinikimkim nila sa tiwaling disposisyon nila, kapag sila ay napungusan, ang unang reaksiyon nila ay ang salungatin at labanan ito, ang gawin ang lahat ng magagawa nila para linisin ang pangalan nila. Dagdag pa sa pagtangging aminin ang mga kawalang idinulot nila sa gawain ng iglesia, tatanggi rin silang aminin ang tiwaling disposisyong ibinunyag nila sa usapin, at ang kamaliang nagawa nila dahil sa udyok ng tiwaling disposisyon nila. Kung isasaalang-alang ang pagpapamalas at diwang ito ng mga anticristo, posible bang makamit nila ang disposisyonal na pagbabago? (Hindi.)
Nakatagpo Ako ng ilang anticristo na nagkakamali sa gawain nila, na mga tamad, hindi ginagawa ang gawain nila, at pinababayaan ang mga partikular na gampanin, habang nagmamando pa rin sa ibang tao, walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawain, at gumagawa ng mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan. Kapag ang gayong mga anticristo ay napungusan dahil dito, sa panlabas ay mukhang napakamasunurin nila, pero sa likod nito ay hindi talaga sila nagsisisi. Kung huhusgahan ang saloobin nilang hindi nagsisisi, hindi nila tinanggap kahit kaunti ang pagpupungos. Kung huhusgahan ang hindi nila pagtanggap sa pagpupungos, hindi nila kailanman sinuri kung anong mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang taglay nila. Sa halip, pagkatapos mapungusan, patuloy nilang ginagawa anuman ang gusto nila, ginagawa ang mga bagay-bagay sa sarili nilang pamamaraan, nagsasagawa ng pailalim na pagmamanipula, nililinlang iyong mga nasa itaas at ibaba nila, nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, at nagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo, nang hindi nagbabago kahit kaunti. Bakit hindi sila nagbabago kahit kaunti? Dahil mismo ito sa hindi pag-amin ng mga anticristo kahit kaunti na mayroon silang tiwaling disposisyon, ni hindi nila tinatanggap ang katotohanan; kaya sinusunggaban nila ang pagkakataong makahawak ng malaking kapangyarihan at sinusulit ang pagkakaroon ng kapangyarihang iyon, at pagkatapos ay sinasamantala ang panahon na iyon para gawin ang anumang gusto nila, para gawin ang lahat ng makakaya nila para gumawa ng masasamang bagay, at para guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos at sirain ang normal na kaayusan ng sambahayan ng Diyos. Habang tinatamasa nila ang lahat ng uri ng materyal na pagtrato mula sa sambahayan ng Diyos, hindi talaga sila gumagawa ng anumang kabutihan. Bukod sa paggawa ng ilang paimbabaw na gawain, ano ang ginagawa nila nang palihim? Nagpapatawag sila ng mga pagtitipon, nangangaral ng mga salita at doktrina, at nakikialam pa nga sa mga walang kaugnayang usapin—maliban doon, nagmamando lang sila sa mga tao. Hindi nila isinasagawa ang alinman sa mga partikular na gawaing itinalaga sa kanila ng Itaas, at hindi sila nagpapakita ng personal para magbigay ng mga detalyadong tagubilin, pangangasiwa, o patnubay. Inuutusan lang nila ang mga tao mula sa itaas, at paminsan-minsan kapag wala talaga silang magagawa, magpapakita sila sa lugar ng trabaho para gumawa ng ilang bagay at magbigay ng ilang direksiyon. Pansamantalang pagpapakita lang ito ng pagkamasigasig, at kaagad pagkatapos nito ay hindi na sila makita. Kapag itinaas nila ang ranggo o itinalaga sa puwesto ang isang tao, walang puwedeng magsabi na hindi magaling ang taong iyon o salungatin ito, at hindi kailanman titingnan o pangangasiwaan ng mga anticristo ang gawain ng taong iyon. Gaano man kasama ang ginagawa ng taong itinaas nila ng ranggo o itinalaga, hindi nila pinahihintulutan ang kahit sino na ilantad ito, walang sinuman ang puwedeng magtanggal dito, at walang sinuman ang pinapayagang iulat ito. Ang sinumang mag-uulat sa taong iyon ay magiging kaaway nila. Gaano man kalaking kawalan ang idinudulot ng taong ginagamit nila sa gawain ng iglesia, gaano man kalaking kaguluhan ang idinudulot nito sa iglesia, gagawin ng mga anticristo ang lahat ng makakaya nila para protektahan ang taong ito, at kung mabibigo silang gawin iyon, magmamadali sila para humiwalay sa taong iyon, at mabilis na bibitiwan ang responsabilidad. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, sa harap man ito ng mga tao o kapag nakatalikod ang mga ito, lubos silang walang may-takot-sa-Diyos na puso. Sila ay mga hindi mananampalataya, mga diyablo, at mga buhay na Satanas, at walang kahihiyan pa rin nilang gustong magkaroon ng posisyon at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan; sila ay mga lintang nakaasa lang sa sambahayan ng Diyos. Mayroon pa ngang ilan na, kapag sila ay napungusan, at nakita na hindi na nila mapapanatili ang katayuan nila, ay nakakaramdam ng panghihina ng loob, pagkadismaya, at pagkalumbay. Bakit sila nakakaramdam ng pagkalumbay? Bakit sila nakakaramdam ng panghihina ng loob? Dahil ito sa hindi na nila mapapanatili ang katayuan nila, ang pagkakataon nilang matamasa ang mga espesyal na pribilehiyo at ang espesyal na pagtrato sa kanila ay mawawala, wala nang nagpapahalaga pa sa kanila, at tapos na ang mga araw nila ng paglalaro ng kapangyarihan. Kakailanganin na nilang gawin ang mga bagay-bagay para sa sarili nila—hindi na sila magkakaroon ng pagkakataong tumayo lang at mag-utos. Hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi at pagkabahala tungkol sa masasamang kahihinatnan na dulot ng tiwaling disposisyon nila. Sa halip, sila ay nababahala, lumuluha, at nakakaramdam ng kawalan dahil sa hindi na nila matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Mayroon pa ngang ilang tao na, pagkatapos tanggalin, ay malakas ang loob na paulit-ulit na nanghihingi ng isa pang pagkakataon. Sabihin ninyo sa Akin, puwede bang bigyan ng isa pang pagkakataon ang ganoong mga tao? Ano ang plano nilang gawin sa pagkakataong iyon? Para umasa sa iglesia, para maging mapanamantala, at para kumilos nang walang pakundangan. Kung bibigyan sila ng isa pang pagkakataon, makikilala ba nila ang sarili nilang tiwaling disposisyon? Magagawa ba nilang kilalanin ang sarili nila? (Hindi.) Kung makakakuha sila ng isa pang pagkakataon, magkakamit ba sila ng kaunting pakiramdam ng kahihiyan? Magbabago ba ang karakter nila? Sa pamamagitan ng isa pang pagkakataon, magsisimula ba silang gumawa ng mga bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi na susubukang magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian? (Hindi nila gagawin iyon.) Hindi nila gagawin ang alinman dito—hindi ba’t katapusan na nila? Kung kayo ay napungusan, at ito ay napakaseryosong bagay na walang magagawa ang Itaas kundi ang tanggalin kayo, ano ang iisipin ninyo? (Na dapat talaga akong tanggalin, dahil napakabuktot ng kalikasan ko, napakarami kong nagawang bagay na labag sa mga prinsipyo at laban sa Diyos, nakagawa ako ng napakaraming kasamaan, at nagdulot ako ng napakaraming kawalan sa gawain ng iglesia. Dapat akong tanggalin.) Magninilay muna sa sarili niya ang isang taong nagtataglay ng katwiran, “Ano ba talaga ang ginawa ko sa panahong ito? Bakit ako napungusan? Tama ba talaga na napungusan ako dahil sa paggawa ng mga bagay na iyon, at ang mga bagay na sinabi ng taong iyon nang pungusan niya ako? Paano ko dapat tanggapin ang mga ito? Paano ko dapat harapin ang pagpupungos na ito?” Pagkatapos ay susuriin niya kung ano ba talaga ang nagawa niya, kung mayroon bang anumang halong kalooban ng tao sa mga ikinilos niya, kung mayroon bang konsensiya at katwiran sa mga ito, kung alinsunod ba sa mga katotohanang prinsipyo ang ginawa niya, kung gaano karami sa mga ginawa niya ang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at kung gaano karaming bagay ang ginawa niya na naaayon sa sarili niyang kalooban. Dapat na suriin ng isang taong may katwiran ang mga aspektong ito, hindi ang pagtuunan ng pansin kung nawala ba sa kanya ang katayuan niya, kung naging patas ba ang sambahayan ng Diyos sa kanya, ano ang iisipin ng mga tao tungkol sa kanya kung wala siyang katayuan, o kung anong uri ng mga kinabukasan at hantungan ang magkakaroon siya. Hindi pagtutuunan ng pansin ng isang taong may katwiran ang gayong mga bagay.
Gaano ba kawalang-hiya ang ilang anticristo? Kung, pagkatapos matanggal ang mga anticristong ito, hindi na kasinggalang ang mga kapatid sa kanila, kung hindi na kasinggiliw o kasingbait ang mga ito, at na sa halip ay malamig ang pakikitungo ng mga ito at hindi sila pinapansin, hindi ito matatagalan ng mga anticristo. Bakit napakasensitibo nila sa ganitong mga bagay, samantalang hindi sila gaanong sensitibo sa tiwaling disposisyon nila? Bahagi ba iyon ng kalikasan nila? Mayroon ba silang dignidad? Mayroon ba silang hiya? (Wala.) Ang dalawang pinakamahalagang bagay sa pagkatao ay hiya at pagkamatuwid. Walang bakas ng alinman sa mga bagay na ito sa isang anticristo. Walang kahihiyan ang mga anticristo, at gaano man sila magbunyag ng mga tiwaling disposisyon o gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, talagang wala silang nararamdaman, hindi sila nakokonsensiya, gayunman, gusto pa rin nilang patagalin ang pananatili at ang pananamantala nila sa sambahayan ng Diyos. Pagkatapos nilang mapungusan at malantad, pagkatapos nilang matanggal at mawalan na ng anumang katayuan, gusto pa rin nilang parangalan sila ng mga kapatid nang may paggalang at pagrespeto. Hindi ba’t hindi makatwiran iyon? Kasuklam-suklam ba sa inyo ang pagpapamalas na ito ng mga anticristo? (Oo.) Bawat tao ay nakakaramdam ng kawalan kapag napupungusan siya, lalo na kung tinanggal siya at nawala ang katayuan niya. Pakiramdam niya ay nalagay siya sa isang alanganing sitwasyon, at napahiya nang kaunti sa harap ng iba, at hindi siya makaharap kahit kanino sa labis na kahihiyan. Gayumpaman, hindi magsasalita ng mga baluktot na argumento ang isang taong may hiya. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagsasalita ng mga baluktot na argumento? Nangangahulugan ito ng kakayahang harapin ang lahat ng bagay sa tamang paraan, nang hindi nag-iisip at nagsasalita tungkol sa mga bagay-bagay sa baluktot na paraan, at sa halip ay matapat na inaamin ang mga maling bagay na nagawa niya, at hinaharap ang usapin nang patas at makatwiran. Ano ang ibig sabihin ng patas at makatwiran? Nangangahulugan ito na, dahil napungusan ka para sa isang bagay, malamang na may problema sa ginawa mo—kung isasantabi ang tiwaling disposisyon na mayroon ka, sabihin na lang natin na kung pumalpak ka sa usaping ito, tiyak na may kaunti kang responsabilidad para dito; at dahil may responsabilidad ka, dapat mo itong pasanin, at aminin na ginawa mo ito. Sa sandaling aminin mo ito, dapat mong suriin ang sarili mo, at tanungin: “Anong tiwaling disposisyon ang ibinunyag ko rito? Kung hindi ako inudyukan ng isang tiwaling disposisyon, nahaluan ba ng kalooban ng tao ang mga ikinilos ko? Idinulot ba ito ng kahangalan? May anumang kinalaman ba ito sa paghahangad ko, sa landas na tinatahak ko?” Ang kakayahang suriin ang sarili tulad nito ay tinatawag na pagkamakatwiran, pagkakaroon ng hiya, pagtingin sa mga bagay-bagay sa isang patas at obhetibong paraan, sa isang paraan na totoo batay sa mga katunayan. Ito mismo ang wala sa mga anticristo. Kapag sila ay pinupungusan, una nilang iniisip, “Paano mo nagawang walang-awang pungusan ang isang marangal na lider tulad ko sa harap ng napakaraming tao, inilantad pa nga ang kahiya-hiyang lihim ko? Nasaan ang katanyagan ko bilang lider? Sa pagpupungos sa akin, hindi ba’t winasak mo na ito? Sino na ang makikinig sa akin mula ngayon? Kung walang makikinig sa akin, paano ako magkakaroon ng anumang katayuan bilang lider? Hindi ba’t magiging tau-tauhan na lang ako kung ganoon? Paano ko matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan kung gayon? Hindi ba’t hindi ko na matatamasa ang mga aytem na inihahandog ng mga kapatid?” Tama ba ang ideyang ito? Naaayon ba ito sa katotohanan? Makatwiran ba ito? (Hindi.) Ito ay pagkawalang-katwiran, at pagsasalita ng mga baluktot na argumento. Ano ang ibig mong sabihin sa katanyagan? Ano ang isang lider? Siguradong hindi ka inosente sa katiwalian? Ano ang ibig mong sabihin sa “paglalantad ng kahiya-hiya mong lihim”? Ano ang kahiya-hiya mong lihim? Ito ay ang tiwaling disposisyon mo. Ang tiwaling disposisyon mo ay kapareho ng sa iba—iyon ang kahiya-hiya mong lihim. Walang naiiba sa iyo, hindi ka nakahihigit sa iba. Nakita lang ng sambahayan ng Diyos na mayroon kang kaunting kakayahan at kayang gumawa ng ilang gawain, kaya itinaas nito ang ranggo mo at nilinang ka, at binigyan ka ng natatanging pasanin, ng kaunting dagdag na pasanin. Subalit hindi naman ibig sabihin nito na sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, wala ka ng tiwaling disposisyon. At gayunman, kinakapitan ito ng mga anticristo, sinasabing, “Ngayong may katayuan na ako, hindi mo ako dapat pungusan, lalong hindi sa harap ng napakaraming tao, na magpapahintulot sa karamihan ng tao na malaman ang tungkol sa tunay kong sitwasyon.” Hindi ba’t baluktot na argumento ito? Saan maaaring gamitin ang diskarteng ito? Sa lipunan sa labas, kapag pinatataas mo ang kumpiyansa ng isang tao, kailangan mo siyang purihin bilang perpekto, at bumuo ng imahe ng pagiging perpekto para sa kanya, nang wala ni katiting na kapintasan. Hindi ba’t mapanlinlang iyon? Gagawin ba ito ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Iyon ang ginagawa ni Satanas, at ito rin ang hinihingi ng mga anticristo. Walang katwiran si Satanas, at kaparehas ding walang katwiran ang mga anticristo sa bagay na ito. Hindi lang iyon, kundi gumagawa rin sila ng mga baluktot na argumento at nagsusulong ng mga labis na hinihingi. Para maprotektahan ang katayuan nila, hinihiling nila sa Itaas na bigyan ng pansin ang tungkol sa kung paano sila pinungusan at sa kung anong mga okasyon sila pinungusan, at kung anong uri ng tono ang ginamit. Kinakailangan ba ito? Mga tiwaling tao sila, at pinupungusan sila para sa isang bagay na tunay at totoo—anong pangangailangan ang mayroon para gawin ito sa isang partikular na paraan? Hindi ba’t makakapinsala sa mga kapatid ang pagpapataas ng kumpiyansa ng mga anticristo? Dapat bang pataasin ang kumpiyansa nila, at protektahan ang katayuan nila, sila na masasamang tao, para walang pakundangan silang makagawa ng masasamang gawa sa mga nasa ibaba at makapagtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian? Magiging patas ba iyon sa mga kapatid? Pagpapakita ba iyon ng responsabilidad sa kanila? Hindi iyon isang paraan ng pagpapakita ng responsabilidad sa kanila. Kaya ang isang anticristong kumikilos nang ganito, nag-iisip nang ganito, at gumagawa ng gayong mga uri ng mga hinihingi ay pagsasabi lang niya ng mga baluktot na argumento at paggawa ng gulo nang sinasadya, lubos na walang-hiya. Kapag pinupungusan para sa isang maling bagay na ginawa niya, hindi inaamin ng isang anticristo na may tiwaling disposisyon siya, hindi rin niya sinusuri kung anong tiwaling disposisyon ang nagbunsod sa kanyang gawin ang gayong bagay. Pagkatapos magsabi ng napakaraming baluktot na argumento, hindi lang siya tumatangging suriin ang sarili niya, nag-iisip din siya ng mga kontrang hakbang. “Sino ang nag-ulat nito? Sino ang nagpaabot nito sa itaas? Sino ang nag-ulat sa mga lider na ginawa ko ito? Kailangan kong malaman kung sino ito, at turuan siya ng leksiyon. Kailangan ko siyang kastiguhin sa mga pagtitipon, at ipakita sa kanya kung gaano ako kakila-kilabot.” Kapag pinungusan siya, gagawin ng isang anticristo ang lahat ng makakaya niya para ipagtanggol ang sarili niya, para makahanap ng palusot, iniisip na, “Naging pabaya ako sa pagkakataong ito at hinayaan kong mabunyag ang isang lihim, kaya dapat kong gawin ang makakaya ko para hindi na ulit ito mangyari sa susunod, at subukan ang ibang diskarte para malinlang ang itaas pati na rin ang mga kapatid sa ibaba, para wala sa kanila ang makaalam. Kapag nakakagawa ako ng tama, dapat akong magmadaling sumulong at akuin ang papuri para dito, subalit kapag nagkakamali ako, dapat mabilis kong maipasa ang responsabilidad sa iba.” Hindi ba’t iyon ay kawalan ng hiya? Kawalan ito ng hiya sa sukdulan! Kapag napungusan ang isang normal na tao, sa kaibuturan, pribado niyang inaamin sa sarili niya, “Hindi ako magaling—may tiwaling disposisyon ako. Wala nang masasabi pa. Dapat kong pagnilayan ang sarili ko.” Tahimik niyang pinagpapasyahan na kumilos ayon sa kung ano ang hinihingi ng Diyos kung mahaharap siyang muli sa ganitong sitwasyon. Kung makakamit man niya ito o hindi, anumang mangyari, kapag napungusan siya, tinatanggap niya ito nang makatwiran sa kaibuturan ng puso niya, at sinasabi sa kanya ng pagkamakatwiran niya na talagang nakagawa nga siya ng mali, at na dahil may tiwaling disposisyon siya, dapat niyang aminin ito. Nagpapasakop siya sa kaibuturan ng puso niya, nang walang anumang paglaban, at kahit na pakiramdam niya na medyo naagrabyado siya, ang pangunahing saloobin niya ay ang pagiging positibo. Nagagawa niyang pagnilayan ang sarili niya, makaramdam ng pagsisisi, at magpasyang magsikap na huwag gawin ang parehong pagkakamali sa usaping ito sa hinaharap. Sa kabilang banda, hindi lang sa hindi nakakaramdam ng pagsisisi ang isang anticristo, mapanlaban siya sa puso niya, at hindi lang sa hindi niya magawang bitiwan ang kasamaang ginagawa niya, sinusubukan pa niyang maghanap ng ibang paraan pasulong para patuloy na walang pakundangang gumawa ng masasamang gawa, nagpapatuloy sa masamang pag-uugali niya. Kapag napungusan siya, hindi niya sinusuri ang sariling tiwaling disposisyon niya, ang pinagmulan ng kamalian niya, ng mga layunin niya, o ng iba’t ibang kalagayan at perspektiba na umusbong sa kaibuturan niya nang mabunyag ang tiwaling disposisyon niya. Hindi niya kailanman sinusuri o pinagbubulay-bulayan ang mga bagay na ito, hindi rin niya tinatanggap ito kapag may sinumang iba na nagbibigay ng mga mungkahi, payo, o naglalantad sa kanya. Sa halip, nagsisikap siya nang husto para maghanap ng iba’t ibang paraan, diskarte, at taktika para malinlang ang mga nasa itaas niya at nasa ibaba niya para maprotektahan niya ang katayuan niya. Pinagsisikapan niya nang husto ang pagdudulot ng kaguluhan sa sambahayan ng Diyos, at ginagamit ang katayuan niya para gumawa ng masama. Talagang wala siyang pag-asa!