Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos, ni Wala Silang Saloobin ng Pagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Kuru-kuro at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos (Ikalawang Seksiyon)

Napag-usapan pa lang natin ang tungkol sa anim na dahilan kung bakit pinupungusan ang mga anticristo. Ang una ay ang pagtatatag ng mga sarili nilang nagsasariling kaharian; ikalawa, ang pagsasagawa ng pailalim na pagmamanipula; ikatlo, ang pagpapahirap sa iba; ikaapat, ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan; ikalima, ang pagsasaya sa mga espesyal na pribilehiyo; at ikaanim, ang panlilinlang sa mga taong nasa itaas at ibaba nila. Mayroon pa bang iba? (Ang pagpapakalat ng mga maling paniniwala at panlilinlang upang iligaw ang mga kapatid.) (Ang hindi kailanman pagdakila o pagpapatotoo sa Diyos, at sa halip ay palaging nagpapatotoo sa kanilang sarili, nagpapahayag ng mga salita at doktrina para iligaw ang mga tao.) (Hinuhusgahan, inaatake at kinamumuhian ang taong ginagamit ng Banal na Espiritu.) Sa tatlong bagay na ito, alin ang medyo malapit ang diwa sa anim na dahilang natalakay na natin? (Ang palaging pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili at ang hindi kailanman pagpapatotoo sa Diyos.) Ang isang iyon ay medyo likas na seryoso. Pangalawa roon ay ang pag-atake at panghuhusga sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu, sinusundan ng pagpapakalat ng mga maling paniniwala para iligaw ang mga tao. May ilan pang ibang mga partikular na pagpapamalas ang mga anticristo, pero ang mga ito, humigit-kumulang, ang kumakatawan sa lahat, kaya hindi natin kailangang idetalye pa ang bawat isa sa mga ito ngayon. Hindi iyon ang sentro ng pagbabahaginan ngayon; sa halip, ang pinagtutuunan ngayon ay kung paanong hindi tatanggapin ng isang anticristo ang pagpupungos, at kung paanong wala siyang saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa siya ng anumang pagkakamali, kundi sa halip ay nagkakalat siya ng mga kuru-kuro at hayagan niyang hinuhusgahan ang Diyos. Sa madaling salita, ang saloobin ng isang anticristo matapos siyang pungusan, ang ugat ng saloobing ito, at kung ano talaga ang kanyang disposisyong diwa—ito ang pangunahing punto na dapat nating pagbahaginan. Ang ibang bagay na katatalakay lang natin ay maliliit na paksa na medyo nauugnay rito. Dahil natalakay na natin ang mga ito nang may sapat na detalye dati, ngayon ay pinagbahaginan natin ang mga ito sa malawak at pangkalahatan na paraan lang, ibinubuod ang ating nakaraang pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Tinataglay ng mga anticristo ang mga pagpapamalas na ito, ang mga disposisyon at diwang ito, at ginawa nila ang ganitong uri ng mga bagay, kaya dapat silang pungusan at tanggihan. Gayumpaman, kikilalanin ba ng isang tunay na anticristo, ng isang taong nagtataglay ng diwa ng isang anticristo, ang mga bagay na ito na ginawa nila o na ang mga pagpapamalas nilang ito ay mga pagpapamalas ng isang anticristo? (Hindi, hindi nila ito kikilalanin.) Kailan mo ba nakitang kinilala ni Satanas at mga diyablo na kinakalaban nila ang Diyos? Kailanman ay hindi nila aaminin na kinakalaban nila ang Diyos, at anumang uri ng mga pagkakamali ang ginawa nila, hindi nila kailanman aaminin na mali sila. Kaya, magsimula tayo sa paksang ito para sa pagbabahaginan ngayon mula sa perspektiba ng diwang ito ng mga anticristo.

II. Kung Paano Umaasal ang mga Anticristo Kapag Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos

A. Pagtangging Kilalanin na may Nagawa Silang Mali

Gaano man kalaking pagkakamali ang nagawa ng isang anticristo, at gaano man karaming kasamaan ang nagawa niya, kapag siya ay pinungusan, ang unang pag-uugali na ginagawa niya ay isang lubusang pagtanggi na may ginawa siyang anumang pagkakamali, desperadong gumagamit ng panlilinlang para ipagtanggol ang sarili niya. Ito ay kawalan niya ng saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa siya ng anumang pagkakamali, na nabanggit sa ikalabing-isang pagpapamalas ng mga anticristo. Walang saloobin ng pagsisisi ang mga anticristo, kaya ano ang iniisip nila sa kaibuturan? Bakit wala silang saloobin ng pagsisisi? (Dahil naniniwala sila na wala silang nagawang anumang pagkakamali.) Tama. Ganap na hindi umaamin ang mga anticristo na nakagawa sila ng anumang pagkakamali. Kaya, nagagawa ba nilang umamin na mga anticristo sila? Mas mahirap pa nga ito. Kung makakagawa ka ng isang listahan ng mga katunayan para ilantad ang isang anticristo, matatanggap ba niya ito? Walang kaduda-duda, mas hindi niya ito kakayaning tanggapin. Sa pamamagitan ng ganitong mga uri ng pagpapamalas, nagagawa nating makita na ang diwa ng isang anticristo ay isa ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos, at na ang disposisyon niya ay isa na tutol sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at ganap na walang pagmamahal sa katotohanan. Samakatwid, kapag inilalantad ang mga anticristo at pinupungusan, ang unang ginagawa nila ay maghanap ng iba’t ibang dahilan para ipagtanggol ang kanilang sarili, maghanap ng lahat ng uri ng dahilan para subukang makalusot, sa gayon ay naisasagawa nila ang kanilang mithiing umiwas sa kanilang mga responsabilidad, at nakakamtan ang kanilang layon na mapatawad. Ang pinakakinatatakutan ng mga anticristo ay na makikilatis ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang karakter, ang kanilang mga kahinaan at kamalian, ang kanilang kapintasan, ang kanilang tunay na kakayahan at abilidad sa gawain—kaya ginagawa nila ang lahat para pagandahin ang tingin sa kanila at pagtakpan ang kanilang mga pagkukulang, isyu, at tiwaling disposisyon. Kapag nabubunyag at nalalantad ang kanilang kasamaan, ang unang ginagawa nila ay hindi ang aminin o tanggapin ang katunayang ito, o gawin ang lahat ng kanilang makakaya para makabawi at makabayad sa mga pagkakamali nila, sa halip ay sinisikap nilang mag-isip ng iba’t ibang paraan para mapagtakpan ang mga ito, malinlang at mailihis ang mga nakakaalam sa mga ginawa nila, huwag hayaang makita ng hinirang na mga tao ng Diyos ang tunay na usapin, huwag hayaang malaman ng mga ito kung gaanong nakapipinsala ang mga ginawa nila sa sambahayan ng Diyos, kung gaano nila nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia. Mangyari pa, ang pinakakinatatakutan nila ay ang malaman iyon ng Itaas, dahil kapag nalaman iyon ng Itaas, iwawasto sila ayon sa prinsipyo, at magiging katapusan na ng lahat para sa kanila, at tiyak na matatanggal sila at matitiwalag. Kaya nga, kapag nalalantad ang kasamaan ng mga anticristo, ang unang ginagawa nila ay hindi pagnilayan kung saan sila nagkamali, saan nila nilabag ang mga prinsipyo, bakit nila ginawa ang ginawa nila, anong disposisyon ang nanaig sa kanila, ano ang mga layunin nila, ano ang kanilang kalagayan sa oras na iyon, kung dahil ba iyon sa kanilang pagkasuwail o dahil may halong hindi maganda ang mga layunin nila. Sa halip na suriin ang mga bagay na ito, o pagnilayan man lang ang mga ito, nag-iisip silang mabuti ng kahit anong paraan para mapagtakpan ang mga tunay na pangyayari. Kasabay nito, ginagawa nila ang lahat para ipaliwanag at pangatwiranan ang sarili nila sa harap ng hinirang na mga tao ng Diyos, para malinlang sila, pinagmumukhang maliit ang mga malalaking problema at pinagmumukhang hindi problema ang maliliit na problema, at nilulusutan ang mga iyon nang sa gayon ay maaari silang manatili sa sambahayan ng Diyos, walang ingat na gumagawa ng mga maling gawain at inaabuso ang kanilang kapangyarihan at patuloy na inililigaw at kinokontrol ang mga tao, at mahikayat ang mga ito na tingalain sila at gawin ang sinasabi nila para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Mula simula hanggang katapusan, ano ba talaga ang ginagawa ng mga anticristo? Ang ginagawa lang ng mga anticristo ay mag-isip nang husto, sinusubukang sabihin ang mga bagay, gawin ang mga bagay, at magpakaabala alang-alang sa sarili nilang katayuan at reputasyon, sa halip na lumapit sa harap ng Diyos para manalangin at aminin ang mga pagkakamali at pagsalangsang nila, at alamin ang sarili nilang mga layunin at mga tiwaling disposisyon. Hindi rin nila inaamin ang pinsalang idinulot ng mga pagkakamaling nagawa nila sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid. Sa halip, balisa nilang hinahanap ng paulit-ulit sa kaibuturan ng puso nila: “Saan ba ako eksaktong nagkamali? Saan ba ako hindi naging maingat, na nagtulot sa isang tao na makakuha ng pakinabang sa akin? Saan hindi naging sapat ang pagsisikap ko o hindi ko ganap na isinaalang-alang ang mga bagay-bagay, na nagtulot para magkaproblema, at maging pinagmumulan ng pagpuna o ng isang piraso ng pakinabang na magagamit laban sa akin?” Iniisip nila at sinasala ang mga bagay na ito nang paulit-ulit, hindi makakain o makatulog. Pero kailanman ay hindi nagninilay-nilay o nakikilala ng isang anticristo ang sarili niya, lalong hindi siya nananalangin sa Diyos at hindi umaamin na nakagawa siya ng mali, at hindi siya naghahanap ng mga kasagutan batay sa salita ng Diyos, hindi siya naghahanap ng katotohanan na dapat niyang isagawa o ng mga katotohanang prinsipyo na dapat niyang sundin, at lalong hindi niya hinahanap ang mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan para buksan ang kanyang kalooban sa pagbabahaginan at kasamang hanapin ang katotohanan para solusyonan ang mga problema. Kapag nahaharap siya sa isang usapin, hindi siya naghahanap o nagpapasakop, sa halip, sinusubukan niyang gamitin ang lahat ng paraan na puwede niyang gamitin para itago ang mga problema niya, iniisip niya na mas kaunti ang nakakaalam tungkol sa mga ito, mas mabuti, at na pinakamahusay na patakaran ang pangangalaga sa kanyang reputasyon at katayuan. Ganito kadilim ang puso ng mga anticristo, at puno ang mga ito ng paghihimagsik at kabuktutan, walang kahit kaunting layunin na magpasakop sa Diyos. Palaging naghahanap ng mga paraan ang mga anticristo para hindi mapinsala ang reputasyon at katayuan nila. Sinuman ang nakikipagbahaginan sa katotohanan sa kanila para suportahan at tulungan sila, hindi nila ito tinatanggap, iniisip sa sarili nila: “Nauunawaan ko lahat. Hindi ko kailangan ng tulong ninyo! Kahit na may mga problema ako, mas magaling ako sa inyo. Iniisip ba ninyo na matutulungan ninyo ako sa pamamagitan ng kaunting nauunawaan ninyo? Talagang sobra-sobra ang pagtantiya ninyo sa mga kakayahan ninyo rito!” Ganito talaga kamapagmataas at mapagmagaling ang mga anticristo. Napakarami nilang ginagawang masama pero tumatangging aminin na may nagawa silang anumang mali o na mayroon silang anumang mga problema. Sa puso nila, masyado silang mapagmatigas at ayaw talagang makinig sa anumang sinasabi ng sinuman. Ang tanging bagay na hindi nila kayang isantabi sa mga isipan nila ay kung anong uri ng epekto magkakaroon ang mga ginawa nila sa reputasyon at katayuan nila sa kalaunan. Ito ang bagay na pinaka-nakakabagabag sa kanila at ang bagay na pinaka-inaalala nila.

Gaano man karaming maling bagay ang ginagawa ng isang anticristo, anumang uri ng mga maling bagay ang ginagawa niya, ito man ay pagdespalko, pagwawaldas, o maling paggamit ng mga handog sa Diyos, o kung ginugulo o ginagambala niya ang gawain ng iglesia, sinisira ito at ginagalit ang Diyos, palagi siyang kalmado, mahinahon, at lubos na walang pakialam. Anumang uri ng kasamaan ang ginagawa ng isang anticristo o kung ano ang mga kinahihinatnan nito, hinding-hindi siya kaagad lumalapit sa Diyos para ikumpisal ang kanyang mga kasalanan at magsisi, o hinding-hindi siya lumalapit sa mga kapatid nang may saloobin ng paglalantad sa sarili at pagtatapat upang aminin ang kanyang mga kamalian, alamin ang kanyang mga pagsalangsang at ang kanyang katiwalian, at pagsisihan ang kanyang masasamang gawa. Sa halip, nag-iisip siya nang husto upang makahanap ng iba’t ibang dahilan para iwasan ang responsabilidad at ibunton ang sisi sa iba upang mapanumbalik ang sarili niyang karangalan at katayuan. Ang mahalaga sa kanya ay hindi ang gawain ng iglesia, kundi kung napipinsala o naaapektuhan ba sa anumang paraan ang kanyang reputasyon at katayuan. Hindi talaga siya nagsasaalang-alang o nag-iisip ng mga paraan para makabawi sa mga kawalang idinulot sa sambahayan ng Diyos ng kanyang mga pagsalangsang, ni hindi niya sinisikap na makabawi sa kanyang pagkakautang sa Diyos. Ibig sabihin, hinding-hindi niya inaamin na kaya niyang gumawa ng mali o na nakagawa siya ng pagkakamali. Sa puso ng mga anticristo, ang maagap na pag-amin sa mga pagkakamali at pagbibigay ng matapat na paglalahad ng mga tunay na pangyayari ay kawalan ng kakayahan at isang kahangalan. Kung matuklasan at malantad ang kanilang masasamang gawa, aamin lang ang mga anticristo sa panandaliang walang-ingat na pagkakamali, hinding-hindi sa kanilang sariling pagpapabaya sa tungkulin at pagiging iresponsable, at tatangkain nilang ipasa ang responsabilidad sa iba para maalis ang mantsa sa talaan nila. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi inaalala ng mga anticristo kung paano makakabawi sa mga kawalang naidulot sa sambahayan ng Diyos, kung paano magtapat, aminin ang kanilang mga pagkakamali, o ilahad ang nangyari sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang inaalala nila ay paghahanap ng mga paraan para pagmukhaing maliliit na bagay ang malalaking problema at pagmukhaing hindi problema ang maliliit na suliranin. Nagbibigay sila ng mga obhetibong dahilan para unawain at damayan sila ng iba. Ginagawa nila ang makakaya nila para mapanumbalik ang kanilang reputasyon sa isipan ng ibang tao, pinaliliit ang lubhang negatibong impluwensiya sa kanilang sarili ng kanilang mga pagsalangsang, hindi hinahayaang magkaroon ng masamang impresyon sa kanila ang Itaas, at tinitiyak na hindi sila kailanman papapanagutin, tatanggalin, iimbestigahan ang sitwasyon, o pangangasiwaan ng Itaas. Para mapanumbalik ang kanilang reputasyon at katayuan, upang hindi mapinsala ang sarili nilang mga interes, handang magtiis ang mga anticristo ng anumang tindi ng pagdurusa, at mag-iisip sila ng lahat ng posibleng paraan para malutas ang anumang problema. Mula sa pinakasimula ng kanilang pagsalangsang o pagkakamali, kahit kailan ay walang anumang layunin ang mga anticristo na panagutan ang mga maling bagay na ginagawa nila, kahit kailan ay wala silang anumang layuning aminin, pagbahaginan, ilantad, o himayin ang mga motibo, layunin, at tiwaling disposisyon sa likod ng mga maling bagay na ginagawa nila, at walang dudang wala silang anumang layunin kailanman na makabawi sa pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa kawalang idinudulot nila sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatwid, anumang perspektiba ninyo tingnan ang usapin, ang mga anticristo ay mga taong matigas na tumatangging umamin sa kanilang mga kamalian at mas gugustuhin pang mamatay kaysa magsisi. Ang mga anticristo ay mga walang kahihiyan at makakapal ang mukha na wala nang pag-asang matubos, at katulad lang sila ng mga buhay na Satanas. Gaano man kalaki ang mga pagkakamaling ginagawa nila sa loob ng iglesia, nagyayabang at taas-noo sila, lubos silang walang pakialam dito, naniniwalang wala silang nagawang mali at walang kahit kaunting layuning magsisi. Hindi sila kailanman lumuha sa mga pagkakamaling nagawa nila, ni hindi sila kailanman nakakaramdam ng anumang kalungkutan o pagsisisi dahil sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, nakakaramdam sila ng kirot o lungkot kung hindi sinasadyang nalalantad nila ang kanilang sarili, na nagbibigay-daan na makita ng karamihan ng tao ang kanilang tunay na mukha at tanggihan sila. Pagkatapos nilang makagawa ng mga pagkakamali at magdulot ng pinsala ang mga ikinilos nila sa hinirang na mga tao ng Diyos at sa gawain ng iglesia, ang bawat salitang sinasabi nila at ang bawat bagay na ginagawa nila ay hindi para makabawi sa mga pagkakamaling ito o para maibalik ang mga nawala, sa halip ay nagkikimkim sila ng mga sarili nilang layon at nagbabalangkas ng anumang posibleng paraan para ipagtanggol ang sarili nila, para magtanghal at magpalabas. Ang layunin nila ay para maipakita sa mas maraming tao na hindi sinasadya ang nagawa nila, at na naging pabaya lang sila saglit, para makamit nila ang kapatawaran ng mga ito, mapagsalita ang mga ito sa ngalan nila, at makamit ang tiwala at pabor ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nang sa gayon ay makamtan ang layon nilang ganap na pagbabalik.

Pagkatapos mapungusan, ang ilang anticristo ay hindi nagninilay-nilay sa sarili nila para maunawaan kung bakit sila napungusan, para mahanap kung saan talaga naroon sa nalantad na usapin ang kanilang pagkakamali, at kung paano nila ito mababawi sa hinaharap. Sa halip, sinasamantala nila ang pagpupungos sa kanila, nakikipagbahaginan sila sa iba tungkol sa kung paano nila tinanggap ang pagpupungos, kung paano sila natuto ng aral mula rito, kung paano nila nagawang magpasakop, at kung paano nila nakamit ang pagpapahalaga ng Itaas pagkatapos magkaroon ng mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Itaas. Kasabay nito, nagpapanggap din ang mga anticristong ito sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa kung paano nila tinanggap ang pagpupungos para ipalaganap ang sarili nilang pagkadismaya at mga kuru-kuro tungkol sa Itaas, na nag-iiwan ng impresyon sa mga tao na walang mga prinsipyo ang Itaas sa pagpupungos sa mga tao, na nagpupungos ng mga tao ang Itaas nang basta-basta, at walang simpatiya, walang pagsasaalang-alang sa damdamin ng mga tao, at walang pagsasaalang-alang sa mga kahinaan ng tao, at na, sa kabila ng lahat ng ito, ganap pa rin silang nagpasakop, at nagawa pa rin nila ang pinakamainam na magagawa nila sa gawaing napunta sa kanila, hindi sila naging negatibo, mahina o mapanlaban, ni hindi sila sumuko sa kanilang tungkulin. Kapag sinasabi ng isang anticristo ang lahat ng bagay na ito, hindi lamang ito bigong gawing magpasakop ang mga tao sa katotohanan at maging handang tanggapin ang pagpupungos, sa kabaligtaran, ginagawa nitong makabuo ang mga tao ng mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa Diyos at nagiging maingat laban sa Diyos, habang nabubuo ang inggit, paghanga, at paggalang para sa mga anticristo mismo. Sa sandaling mabuo ang dalawang resultang ito, ang mga pinakamatinding nakakaligtaan ng mga tao ay kung anong pagsalangsang ang nagawa ng anticristo, ano ang ginawa niyang mali, at ang katunayan na nagdulot siya ng kawalan para sa gawain ng iglesia, para sa sambahayan ng Diyos dahil wala siyang kakayahan sa gawain niya at wala siyang pakundangang gumawa ng mga maling gawain. Ito ang isa sa mga taktika ng isang anticristo—ang gumawa ng huwad na ganting-pagpaparatang, at dahil doon ay nalilihis ang iba. Hindi niya kailanman binabanggit ang katunayan na nagdulot siya ng labis na problema sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at ng gayong kalalaking kawalan sa buhay ng mga kapatid dahil naging pabaya siya sa tungkulin niya, dahil naging hangal at mangmang siya, dahil sinubukan niyang magtatag ng sarili niyang nagsasariling kaharian. Hindi niya kailanman inaamin o hinihimay ang mga bagay na ito, hindi niya kailanman binabanggit ang katunayan ng mga usaping ito, hindi niya kailanman binabanggit ang dahilan ng pagtanggal sa kanya, o kung bakit siya napungusan. Ang binabanggit lang niya ay kung paano siya pinungusan ng Itaas, kung gaano kalupit ang pagpupungos ng Itaas, kung gaano katindi nagsalita sa kanya ang Itaas, kung gaano karami ang iniyak niya, kung paano ipinasa sa kanya ang sisi, at kung gaano siya nagdusa, kung paanong hindi siya sumuko gaya ng dati, patuloy na hindi pumapalya sa paggawa ng tungkulin niya. Mula simula hanggang wakas, nagkaroon man lang ba ang isang anticristo ng kahit kaunting saloobin ng pag-amin sa sarili niyang pagkakamali? Hindi. Kapag naririnig ito ng mga hangal at mangmang na tao na hindi alam ang tunay na sitwasyon, na hindi nauunawaan ang katotohanan, iniisip nila, “Walang anumang prinsipyo ang Itaas sa kung paano sila nagpupungos ng mga tao. Gaano man kaayos ginagawa ng isang tao ang kanyang gawain o gaano man siya nagbabayad ng halaga, pupungusan pa rin siya, at pagkatapos ay hindi siya puwedeng magpakita ng anumang kahinaan, kailangan lang niyang magpasakop.” Pagkatapos ng isang ikot ng pakikipagbahaginan at paglilihis ng isang anticristo, at pagkatapos niyang magsikap nang husto sa paggawa ng mga bagay-bagay, ang nakakamtan niyang resulta ay ang magdulot ng hindi pagkakaunawaan at ng pagiging maingat laban sa Diyos sa puso ng mga tao, kaya kapag napungusan ang mga tao, lalo silang makakaramdam ng pagkainis at paglaban, sa halip na mas maunawaan ang puso ng Diyos o magawang masayang magpasakop at matanggap ang pagpupungos, kasunod ang malaman ang sarili nilang tiwaling disposisyon, ang kanilang kahangalan at kamangmangan, at malaman kung sino ba talaga sila. Sa kabuuan ng pakikipagbahaginang ito ng anticristo, nabanggit man lang ba niya kung ano ang nagawa niyang mali? Nagpakita man lang ba siya ng kahit katiting na saloobin ng pag-amin ng kamalian niya? Wala kahit kaunti. Sa kabuuan ng proseso, hindi niya kailanman inaamin ang sarili niyang pagkakamali. Narinig na ba ninyo ang isang anticristo, na pagkatapos tanggalin, ay umaming nagdulot ng kawalan sa sambahayan ng Diyos ang kanyang pagkakamali? (Hindi.) Kung isang anticristo ang taong iyon, hindi niya ito aaminin. Napag-usapan na natin ang tungkol sa ilang anticristo dati, tulad ng “babaeng lider” na iyon at ilan pang ibang kilalang anticristo, kung saan ang mga ginawa nila ay nagbunga sa pagkawala ng libu-libo sa mga handog sa Diyos, pero sa huli ay hindi nila kailanman inamin na nakagawa sila ng anumang pagkakamali. Hindi sila bumigkas ng isang salita tungkol sa nagawa nilang mali, at sa halip ay walang ginawa kundi ang sisihin ang iba sa pagiging mahirap na katrabaho. Ibinunton nila ang lahat ng responsabilidad, ng kamalian, ng sisi sa ibang tao habang inaangkin ang papuri para sa lahat ng magandang bagay, sa anumang nagawang tama, at sa lahat ng tamang desisyon. Sa buong mga pangyayari, kahit na sila ang mga pangunahing taong namumuno, sinabi nilang ang ibang tao ang nakagawa ng lahat ng kamalian. Kung ganoon ang kaso, ano ang ginagawa nila? Nagdudulot ng kawalan sa sambahayan ng Diyos ang mga anticristo, at ibang mga tao ang dapat umako ng responsabilidad para dito. Gayumpaman, sa tuwing may kaunting tagumpay, kaagad na lumilitaw ang mga anticristo, sinasabing sila ang gumawa nito, atat na atat na ipaalam sa lahat sa iglesia ang tungkol dito, pati nga sa mga walang pananampalataya. Kapag nakakagawa sila ng kaliit-liitang pagkakamali, nagmamadali silang maghanap ng ibang mapagpapasahan ng sisi, para alisin sa kanila ang responsabilidad. Pinagmumukha nilang tila maliliit na problema ang malalaking problema, at na tila hindi problema ang maliliit na problema, sinusubukang putulin ang anumang isyu habang pausbong pa lang ito. Ito ay para walang sinuman ang makaalam tungkol dito, at para kaagad na makalimutan ng lahat ang tungkol dito, at walang sinuman ang makaalam kung ano talaga ang nangyari, at nang sa gayon ay agad nilang mabawi ang pagpapahalaga ng iba, at mabilis na maibalik ang orihinal nilang katayuan at kapangyarihan. Kapag may ginawang mali ang isang anticristo, gaano man kapraktikal ang pagpupungos sa kanya ng mga tao o gaano man katumpak ito, siya ay magiging palaban, salungat at ganap na hindi tumatanggap, at kahit na mayroong mga saksi o ebidensiya, matigas siyang tatangging aminin ang mga pagkakamali niya, at hindi niya ito kikilalanin o tatanggapin sa kaibuturan ng puso niya. Sasabihin ng isang anticristo, “Kahit na mali ako rito, may ibang mga taong sangkot din. Bakit hindi sila pinupungusan, kundi ako lang? Bakit ako lang ang iniimbestigahan para sa pananagutan, at hindi ang iba pa?” Gaano man kaayon sa katotohanan at sa realidad ang pagpupungos, mararamdaman niyang naparatangan siya nang mali, na naagrabyado siya, na hindi siya dapat tratuhin sa ganoong paraan pagkatapos niyang labis na magdusa at magbayad ng maraming halaga, at na hindi siya dapat agad na punahin ng ganoon nang dahil lang sa isang maliit na pagkakamali. Naniniwala siyang hindi niya kailangang tanggapin ang ganoong uri ng pagpupungos. Kung isang ordinaryong kapatid ang nagpupungos sa kanya, kaagad niyang papalagan at lalabanan ito, mag-aalboroto at magpapakita ng init ng ulo o posible pa ngang mangahas na pagbuhatan ito ng kamay. Kung ang Itaas ang nagpupungos sa kanya, mabigat ang loob niya na mananahimik, pero pakiramdam niya sa loob-loob niya na masyado siyang naagrabyado. Hindi siya nasisiyahan at hindi niya gusto, at madalas na magpapahayag ng mga baluktot na argumento, sinasabing, “Sa palagay ko, kapalaran ko lang talaga na nalaman ninyo ang tungkol dito. Sa totoo lang, marami sa mga lider sa lahat ng ranggo at sa mga kapatid ang nakagawa ng masasamang bagay na hindi ninyo alam, at ako ang nahuli. Ganoon ako kamalas!” Paano man siya pinupungusan ng Itaas o ng mga kapatid, hindi niya kayang tanggapin ito nang ganoon lang, hindi niya kayang aminin ang katotohanan ng usapin at akuin ang responsabilidad. Para bang ang pag-ako sa responsabilidad at sa kung ano ang talagang nangyari ay ikamamatay niya. Hindi niya kailanman aaminin na nakagawa siya ng mali, na siya ang responsable sa usapin, lalong hindi niya aaminin na nagdulot ito ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ay disposisyon ng isang anticristo? (Oo.) Disposisyon ito ng isang anticristo.

Pagkatapos na mapungusan ang isang anticristo dahil sa paggawa ng isang bagay na mali, hindi niya ito tinatanggap at hindi siya nagpapasakop mula sa kaibuturan ng kanyang puso, ni hindi niya nauunawaan ang katotohanan at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat niyang sundin mula rito, hindi rin niya inaamin na may kakayahan rin siyang gumawa ng mali. Ang pangunahing katangian niya ay ang hindi pagiging kumbinsido, hindi tumatanggap, at hindi umaamin. Umaasal sa ganitong paraan ang mga anticristo dahil naniniwala sila na mga perpektong tao sila, na hindi nila kayang gumawa ng mali. Para sa kanila, ang sinumang nagpaparatang sa kanila na gumagawa sila ng kamalian ay ang siyang mali—ang taong iyon ang may maling pananaw, ang nagkikimkim ng naiibang perspektiba at paninindigan sa usapin. Iniisip ng mga anticristo na sinumang nagpupungos sa kanila ay ginagawa ito dahil hindi pa nakikita ng mga ito ang mga kalakasan nila, na pinapahirap ng mga ito ang mga bagay-bagay para sa kanila, hinahanapan sila ng mali, at sadyang pinupuntirya sila. Hindi ba’t ito ang uri ng disposisyon na mayroon ang isang anticristo? (Oo.) Hindi tatanggapin ng isang anticristo ang pagpupungos dahil dito, ni hindi rin siya magkakaroon ng anumang pagsisisi, higit sa lahat dahil hindi niya kailanman nakita ang sarili niya bilang isang taong makakagawa ng mga pagkakamali—naniniwala siyang perpekto siya, at na siya lang ang walang kakayahang gumawa ng mga pagkakamali. Ipinapahiwatig nito na talagang naniniwala siya na matuwid siya, na siya ay isang santo. Kung talagang aaminin niya na isa siyang tiwaling tao, dapat niyang aminin na nagtataglay siya ng katiwalian, na may kakayahan siyang gumawa ng mga kamalian, at na dahil siya ay tao, tiyak na makakagawa siya ng mga kamalian. May ilang tao na mukhang taos-puso, pero mayroong isang bagay sa kaibuturan ng pagkatao nila na sa mga kuru-kuro ng mga tao ay lakas nila, ito ang pagiging mapagkompetensiya at ang matinding sigasig na mahigitan ang iba. May mahusay na pagtitimpi ang mga taong ito, at may napakataas na mga hinihingi sa sarili nila. Napakaistrikto nila sa sarili nila; sa lahat ng ginagawa nila, pagiging perpekto at ang pinakamahusay ang hinihingi nila, nang hindi pinahihintulutan ang pinakamaliit na kapintasan o kamalian. Kasabay nito, hindi nila namamalayan na naniniwala silang hindi sila makakagawa ng mali, dahil labis silang maingat sa lahat ng ginagawa nila, magaling sila sa pag-iisip ng mga bagay-bagay, at ginagawa nila ito nang lubus-lubusan; ginagawa nila ang lahat ng bagay nang walang anumang mga kapintasan, habang lubusan at perpektong isinasaalang-alang ang bawat bagay. Dahil dito, naniniwala sila na hindi sila kailanman magkakamali. Kapag napungusan sila, ang pinakamahirap tanggapin para sa kanila ay ang katunayang may kakayahan silang gumawa ng kamalian. Ito ang dahilan kung bakit hindi alam ng gayong mga tao kung paano pagnilay-nilayan ang sarili nila, ni hindi rin nila ito gagawin kahit kailan. Nakikita nila bilang mga positibong bagay sa kanilang pagkatao ang pagiging mapagkompetensiya at ang sigasig na mahigitan ang iba, at sinusunod nila ang mga ito na parang mga katotohanang prinsipyo; iniisip nila na kung gagawin nila ang mga bagay-bagay at gagampanan ang tungkulin nila batay sa mga prinsipyong ito, hindi sila kailanman magkakamali, at kahit na may mangyaring mga pagkakamali, nakikita nila ito bilang usapin ng perspektiba, bilang mga taong may magkakaibang pananaw, at iniisip na tiyak na hindi ito nangangahulugang mali ang ginawa nila. Samakatwid, hindi mahalaga kung sino ang nagpupungos sa kanila, kung ang pagpupungos o kung ang nalantad ay nakaayon sa mga katunayan—hindi nila ito tatanggapin. Kung malalaman nila na talagang nakagawa sila ng mali, aaminin ba nila ito? (Hindi.) Hindi nila ito aaminin, agad silang mananahimik, at sila ang huling taong magbabanggit nito. Hinding-hindi nila ito babanggitin. Kung makakatagpo ang isang anticristo ng isang taong maglalantad ng ilang kamalian o kapintasan sa gawain niya, at makikita niya na hindi siya makakapagtago rito, magkukunwari siyang patuloy na hinahanap kung sino ang nagkamali, at hindi inaasahan na pagkatapos maghanap nang maghanap, natuklasan na siya ang responsable. Kung may isang taong magsasabi, “Ikaw ang nakagawa nito, hindi ibang tao; nakalimutan mo lang ang tungkol dito,” paano ito sasagutin ng isang anticristo? Ano ang dapat gawin ng isang normal na tao sa ganitong mga sitwasyon? Ang isang normal na taong may kahihiyan ay mamumula ang mukha, makakaramdam ng kahihiyan at maiilang, at kaagad na aaminin ito, sinasabing, “Nakalimutan ko ang tungkol doon. Ako ang gumawa nito, pagkakamali ko ito. Alamin natin agad kung paano natin ito babawiin at paano aayusin ang mga bagay-bagay, para hindi na magpatuloy ang mali.” Kaagad na aamin ang isang taong may kahihiyan, konsensiya, at katwiran ng kanyang pagkakamali, pagkatapos ay lulutasin at aayusin ito. Sa kabilang banda, ang isang anticristo ay walang kahihiyan; sa sandaling matuklasan ng isang tao na siya ang nagkamali, sa sandaling ilantad siya at nalaman ng isang tao ang tungkol dito, agad siyang magbabago ng tono at mag-iisip ng iba’t ibang paraan para maiwasang umamin sa pagkakamali niya, para maiwasang tanggapin na siya ang nakagawa ng pagkakamaling iyon—magsasabi siya ng mga lantarang kasinungalingan at mangangatwiran. Nakakahiya at nakakailang ang tingin dito ng lahat ng nakapaligid sa kanya, pero walang anumang mararamdaman ang anticristo. Pagmumukhain niyang parang maliliit na problema ang malalaking problema, at ang maliliit na problema na parang hindi problema, pagkatapos ay hindi na kailanman babanggiting muli ang usapin. Sa usaping ito, nabunyag ang kahangalan niya, kaya lantaran niyang itatanggi ang pagkakamali niya at magsisinungaling sa harap ng maraming tao, susubukang iwasan ang responsabilidad, nang hindi namumula ang mukha niya dahil sa kahihiyan, at nang hindi siya kinakabahan. May kahihiyan man lang ba ang mga anticristo? (Wala.)

Kapag kakatanggal pa lang sa ilang anticristo, puno sila ng mga hinaing; nakakaramdam sila ng kawalan, na wala na silang katayuan, na wala nang nagpapahalaga o nagsisilbi sa kanila, at na hindi na nila matatamasa pa ang mga pakinabang ng katayuan. Pakiramdam nila na ang lahat ng mga halagang ibinayad nila at ang lahat ng mga nakaraang pagdurusa nila ay nawalan ng halaga, at puno ang puso nila ng pakiramdam ng kawalan ng katarungan. Gayumpaman, hindi sila nakakaranas ng katiting na pagkakonsensiya para sa mga pagpapamalas na ipinakita nila nang sila ay mapungusan o para sa anumang ginawa nilang mali. Pakiramdam nila ay hindi ito patas, puno ang puso nila ng mga hinaing at mga reklamo, pati na rin ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Bukod sa tumatanggi silang aminin ang pagkakamali nila at walang planong bumawi para sa kamalian nila, o para tanggapin ang pagpupungos, para tanggapin ang pagtatanggal na ito, bagkus, iniisip nila: “Hindi matuwid ang diyos. Gaano man nagdusa ang isang tao o gaano man katindi ang kawalan ng katarungan na dinanas niya, wala siyang lugar para isalaysay ito. Napakasakit nito! Kahit ang diyos ay hindi maaasahan, wala akong sinumang masasandalan. Kahit na magpatuloy ako sa paggawa ng tungkulin sa sambahayan ng diyos sa hinaharap, kailangan kong magpatuloy nang may labis na pag-iingat, at walang sinuman ang mapagkakatiwalaan.” Puno sila ng pangangatwiran at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Anong uri ng disposisyon ito? Gaano man karami ang mga nagawa nilang pagkakamali, gaano man kalaki ang kawalan na idinulot nila sa gawain ng iglesia, o kung gaano nila inilagay sa panganib ang gawain ng iglesia, iniisip nila na puwedeng basta na lang hindi pansinin ang mga bagay na ito, at hindi nila aakuin ang anumang responsabilidad o aaminin ang anumang pagkakamali sa panig nila. Sa halip, palalakihin nila nang husto ang anumang katiting na hinaing na mayroon sila, ang anumang maliit, walang kuwentang halaga na ibinayad nila, at palalakihin ito nang sobra, naniniwalang ang sambahayan ng Diyos ang bumigo sa kanila, at na inakusahan sila nang mali ng Diyos. Ang idinulot na kawalan ng kanilang pagkakamali sa sambahayan ng Diyos ay ganap na walang kabuluhan sa mga isipan nila. Iniisip nila, “Hindi kailangang kuwentahin iyon, o mag-abala tungkol dito. Sino ang magsasabing kawalan iyon? Tutal, sinong lider ang hindi nagwawaldas ng kaunting handog? Paanong ako lang? Sinong lider ang hindi man lang nakapagdulot ng anumang kawalan sa sambahayan ng diyos? Ano ang mga handog sa diyos? Pagmamay-ari ng lahat ang perang iyon, kaya kung pinahihintulutan ang ibang tao na gastusin ito, bakit hindi ako? Pinahihintulutan ang ibang tao na waldasin ito, pero ako hindi? Kung pag-uusapan natin ang mga kawalan na idinulot sa sambahayan ng diyos, mas maraming naidulot ang iba kaysa sa akin. Bakit ako lang mag-isa ang labis na pinupungusan at tinatanggal? Tungkol naman sa hindi pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo pero walang pakundangan na gumagawa ng mga maling gawain, mas malala kaysa sa akin ang ilang tao pagdating sa bagay na iyon, kaya bakit hindi sila tinanggal nang sila ay pinungusan? Pagdating sa pagbabayad ng halaga, mas malaki ang ibinayad ko kaysa sa karamihan ng tao. Pagdating naman sa sinseridad, kaninong sinseridad ang maaaring ikumpara sa akin? Paano naman ang mga sermon? Mas marami akong naisermon kaysa sa sinumang iba pa. At tungkol naman sa pag-unawa sa katotohanan, sino ang nakakaunawa nito nang tulad ng sa akin? Pagdating sa pagtanggap sa pagpupungos ng itaas, sino ang tumatanggap nito nang higit kaysa sa pagtanggap ko? Sa usapin ng pagtalikod, sino ang mas maraming tinalikuran kaysa sa akin? Tungkol naman sa pagtulong sa mga kapatid at paglutas sa mga problema nila, sino ang higit na gumagawa niyon kaysa sa akin? Pagdating sa pagiging abala at paggawa sa iglesia, walang makakapantay sa akin. Pagdating sa kung sino ang ibinoboto ng mga kapatid, sinusuportahan at ineendorso, sino ang nakakakuha ng mas maraming boto kaysa sa akin?” Nakita mo, ito ang mga pagkukumparang ginagawa ng mga anticristo. Kapag nahaharap lang sila sa pagpupungos, nagsasalita lang ang mga anticristo tungkol sa mga kasangkot na usapin. Kung aaminin ng isang anticristo ang lahat ng nagawa niyang pagkakamali at ang lahat ng mga katotohanang prinsipyo na nilabag niya, kung kaya niyang tumanggap at magpasakop sa pagpupungos, kung kumilos siya batay sa mga prinsipyo mula noon, at ginawa ang lahat ng makakaya niya para mabawi ang mga kawalang idinulot niya sa gawain ng iglesia, patuloy pa bang sisilipin ng sambahayan ng Diyos ang mga isyu niya? Kokondenahin ba siya nito? Iwawaksi ba siya nito papunta sa impiyerno? Kailangan ba niyang magsikap nang husto sa pagpapaliwanag ng sarili niya at sa paggawa ng mga dahilan? Kailangan ba niyang patuloy na magreklamo tungkol sa mga hinaing niya sa ganitong paligoy-ligoy na paraan? Maaari nga kayang wala siyang tiwaling disposisyon at walang kakayahang gumawa ng mga kamalian? Pagkatapos makapakinig sa napakaraming sermon, wala pa rin ba siyang ideya kung anong uri ba talaga siya ng bagay? Pagkatapos mapungusan nang kaunti, pakiramdam niya ay naagrabyado siya—kung wala siyang ginawang anumang masama, sino ang papayag o gugustuhing pungusan siya? Bukod pa rito, kung hindi siya lider, na may pasaning responsabilidad, sino ang gugustuhing pungusan siya? Ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ang karapatang pumili nang malaya, na nagpapahintulot para ipamuhay niya ang buhay iglesia, at tungkol sa kung anong landas ang tinatahak ng mga tao at kung ano ang hinahangad nila, desisyon nila iyon. Walang makikialam dito. Pero sa ngayon, bilang isang lider sa sambahayan ng Diyos, isang superbisor, kapag nagkamali siya, ang mga kawalan na idinudulot nito sa sambahayan ng Diyos ay hindi magiging maliit na isyu, at kapag may nasabi siyang mali, ang epekto nito sa hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi rin magiging maliit na isyu, dahil ang pasan niyang responsabilidad ay iba kaysa sa ordinaryong tao. Kaya ganap na normal lang na pungusan siya ng Itaas. Gagawin ba iyon ng Itaas kung wala siya ng katayuang ito o hindi niya inako ang responsabilidad na ito? Ilang regular na mananampalataya ang napungusan na ng Itaas? Dahil may pasan siyang malaking responsabilidad, at napakalawak din ng saklaw ng gawain niya, sa tuwing magkakamali siya, napakalaki ng epekto, at kaya tiyak na mapupungusan siya. Napakanormal nito. Kung hindi niya kayang tanggapin kahit ang mapungusan, kalipikado ba siyang maging lider? Hindi siya kalipikado para doon, hindi siya kalipikado para ihalal ng mga kapatid—hindi siya karapat-dapat dito! Kapag nagkakamali siya, wala man lang siyang lakas ng loob na akuin ang responsabilidad para dito, para aminin ito. Wala man lang siyang gayong katwiran, kaya paano siya magiging lider? Hindi siya kalipikado at hindi karapat-dapat!

Dahil mismo ito sa pagtataglay nila ng diwa ng mga anticristo kung kaya hindi kayang umamin ng mga anticristo na nagkamali sila, at kaya kapag sila ay napungusan, ayaw nilang akuin ang responsabilidad o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ganoon na ayaw nilang gawin ang mga bagay na ito, at tumatanggi silang aminin ang kamalian nila, naisasagawa ba nila ang katotohanan? Nagagawa ba nilang isakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Talagang hindi. Samakatwid, kapag lider ang isang anticristo, bukod sa pagpapatakbo ng sarili niyang negosyo, wala siyang anumang maaaring magawa na makikinabang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi siya kailanman gagawa ng mga bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni hindi niya isasakatuparan ang gawain nang naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Napungusan man ang isang anticristo para sa maliit na pagkakamali, o para sa malaking kamalian na nagdulot ng malaking kawalan sa gawain ng iglesia, hindi niya kayang aminin ang pagkakamali niya, at hindi niya kayang aminin na nakagawa siya ng pagsalangsang at na may utang siya sa Diyos sa usaping ito. Sa kabaligtaran, kahit kailan, mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa aminin na may kinalaman siya sa mga kawalang idinulot nito, at hindi niya aaminin na siya ang may pangunahing responsabilidad, na mali ang mga ikinilos niya, na pinili niya ang maling landas, o aminin ang pagkakamali niya ng sadyang paggawa ng masama kahit alam na alam niya ang katotohanan, lalong hindi niya aaminin na mayroon siyang hindi maiiwasang responsabilidad sa usaping ito. Hindi niya aaminin na mayroon siyang mga maling layunin noong siya ay kumilos, na hindi niya kayang makipagtulungan sa sinuman, na kumilos siya nang basta-basta at nang sinasadya, na nasiyahan siya sa mga pakinabang ng katayuan, na naging pabaya siya sa tungkulin niya at nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, pagkatapos niyang magkamali, magpapaliwanag siya sa bawat pagkakataon kung gaano siya nagdusa, na nakulong siya pero kailanman ay hindi naging Hudas, kung gaano kalaking halaga ang binayaran niya at kung gaano kalaki ang iniambag niya sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ikakalat at ipapahayag niya ang mga ito sa lahat ng dako. Bukod sa pagsasapubliko ng mga ambag niya at halagang ibinayad niya, ipapakalat din niya na mali at hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa pagpupungos sa kanya, at sa paraan ng pagtrato nito sa kanya. Bukod sa kawalan ng saloobin ng pagsisisi, huhusgahan niya ang Diyos at kung paano siya pinangasiwaan ng Diyos sa lahat ng lugar. Kung mas maraming tao ang maniniwala sa sinasabi niya, kung mas maraming tao ang susubukang ipagtanggol siya, kilalanin at tatanggapin ang halagang ibinayad niya para sa sambahayan ng Diyos, at maniniwalang hindi patas at naagrabyado ng sambahayan ng Diyos ang anticristo sa pagtrato nito sa kanya, nakamit na ng anticristo ang layon niya. Hindi siya kailanman mag-aalinlangan sa paggawa ng mga bagay na ito, lalong hindi pipigilan ang sarili niya. Wala siyang pusong takot sa Diyos, lalong walang anumang layunin na magsisi. Pagkatapos niyang makagawa ng pagkakamali, hindi lang siya tumatangging aminin ito, bagkus, sinusubukan niyang umiwas sa responsabilidad, at kasabay nito, mas inaalala niya ang hahantungan niya sa hinaharap. Kapag nakikita ng isang anticristo na nasasailalim sa banta ang hantungan niya, o naririnig na hindi na lilinangin ng sambahayan ng Diyos ang mga taong tulad niya, lalo pa siyang makakaramdam ng pagkamuhi sa kaibuturan ng puso niya sa mga taong nagpungos at naglantad sa kanya, at sa mga taong nagdulot ng kahihiyan sa kanya. Sa kabuuan ng proseso ng pagpupungos sa kanya, hindi talaga magsisisi ang isang anticristo. Kung talagang malalaman niya na hindi masisiguro ang katayuan at hantungan niya, na hindi kailanman maisasakatuparan ang mga pagnanais at ambisyon niya, magsisimula na siyang kumilos nang marahas, at magsisimula na niyang palihim na ikalat ang mga kuru-kuro at pagiging negatibo niya. Huhusgahan niya ang mga kapatid o ang matataas na lider na nagpungos sa kanya, at huhusgahan at aatakihin din niya ang taong ginamit ng Banal na Espiritu, sasabihing wala itong katwiran para pungusan siya, na hindi nito pinahintulutang maiwasan man lang niya ang kahihiyan. Sadyang hindi siya makatwiran. Ang ganitong uri ng tao ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, o walang kahit na katiting na may-takot-sa-Diyos na puso, gaano man karaming sermon ang naririnig niya; hindi niya kayang taglayin kahit na ang konsensiya at katwiran na dapat mayroon siya, gaano man siya katagal nang nananampalataya sa Diyos. Talagang kaawa-awa at kasuklam-suklam siya! Mula sa sandaling napungusan nang matindi ang isang anticristo dahil sa walang pakundangan na paggawa nito ng mga mali, hindi niya kailanman inaamin na may ginawa siyang anumang mali, at puno rin siya ng pakiramdam ng kawalan ng katarungan habang nagrereklamo siya at hinuhusgahan niya ang sambahayan ng Diyos sa pagiging hindi patas sa kanya, at sa wakas ay sinisimulan niyang lantarang ipagkalat ang mga kuru-kuro niya, kumikilos ng marahas at nakikipagsigawan laban sa sambahayan ng Diyos, at sa huli ay napatalsik siya. Mayroon bang katiting na normal na pagkatao sa loob ng pag-uugali ng anticristo sa alinman sa mga yugtong ito? Sa konsensiya at katwiran kaya? Mayroon man lang bang anumang pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay? Mayroon ba siyang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso? Wala, wala sa mga bagay na ito ang makikita sa kanya. Ang isang anticristo ay labis na nakakasuklam, walang kahihiyan, at lubos na hindi makatwiran! Kapag hindi na niya matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, itinuturing niya ang sarili niya na walang pag-asa at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan. Gaano man siya kawalang-kakayahan at kawalang-abilidad sa gawain niya, gusto pa rin niyang matamasa ang mga pakinabang ng katayuan at ang pagpapahalaga ng iba. Mas mahalaga ang tingin niya sa katayuan at reputasyon kaysa sa buhay niya, at gaano man kalaki ang nagawa niyang pagkakamali, hindi talaga siya nakakaramdam ng anumang pagkakonsensiya. Tao pa ba siya? Isa siyang lobo na nakadamit ng tupa. Sa panlabas, suot niya ang balat ng tao at mukha siyang tao, pero sa loob, hindi siya tao. Talagang nakakapoot siya—nakakasuka at nakakasuklam siya!