Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
Kapag nagdudulot ng mga kaguluhan sa iglesia ang mga anticristo, mabuti ba o masama ang bagay na iyon? (Masama.) Paano iyon naging masama? Nagkamali ba ang Diyos? Hindi ba maingat na nagbantay ang Diyos, at pinayagan ba Niyang makapasok ang mga anticristo sa sambahayan Niya? (Hindi ganoon.) Kung gayon, ano ang nangyayari? (Pinahihintulutan ng Diyos ang mga anticristo na makapasok sa iglesia upang lumago tayo sa pagkilatis, matuto tayo kung paano kilatisin ang kanilang kalikasang diwa, hindi hayaang lokohin tayong muli ni Satanas, at magawa nating manindigan sa ating patotoo sa Diyos. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa atin.) Palagi nating sinasabi kung gaano kabuktot, kalupit, at kamapaminsala si Satanas, na tutol at namumuhi si Satanas sa katotohanan, pero nakikita mo ba ito? Nakikita mo ba kung ano ang ginagawa ni Satanas sa espirituwal na mundo? Kung paano ito nagsasalita at kumikilos, kung ano ang saloobin nito sa katotohanan at sa Diyos, kung saan nakalagak ang kabuktutan nito—hindi mo nakikita ang anuman sa mga bagay na ito. Kaya, paano man natin sabihin na buktot si Satanas, na nilalabanan nito ang Diyos, at na tutol ito sa katotohanan, sa iyong isipan, isa lamang itong pahayag. Wala itong tunay na larawan. Napakahungkag nito, at hindi ito praktikal; hindi ito maaaring magsilbing isang praktikal na sanggunian. Ngunit kapag nakaugnayan ng isang tao ang isang anticristo, nakikita niya nang medyo mas malinaw ang buktot at malupit na disposisyon ni Satanas, at ang diwa nito na tutol sa katotohanan, at ang pagkaunawa niya kay Satanas ay medyo mas matalas at praktikal. Kung wala ang mga tunay na tao at halimbawang ito na nakakasalamuha at nakikita ng mga tao, ang kanilang di-umano ay pagkaunawa sa katotohanan ay magiging malabo, hungkag, at hindi praktikal. Ngunit kapag tunay na nakakaugnayan ng mga tao ang mga anticristo at masasamang taong ito, nakikita nila kung paano gumagawa ng masama at lumalaban sa Diyos ang mga ito, at natutukoy nila ang kalikasang diwa ni Satanas. Nakikita nila na ang masasamang tao at anticristong ito ay ang reinkarnasyon ni Satanas—na ang mga ito ang mga buhay na Satanas, ang mga buhay na diyablo. Maaaring magkaroon ng gayong epekto ang pakikipag-ugnayan sa mga anticristo at masasamang tao. Kapag nareinkarnasyon si Satanas bilang isang masamang tao o anticristo, limitado lang ang kakayahan ng katawang laman nito, pero kaya pa rin nitong gumawa ng napakaraming masamang bagay, at magdulot ng napakaraming problema, at maging napakabuktot at lihim na mapanira sa gawa. Samakatwid, ang kasamaang ginagawa ni Satanas sa espirituwal na mundo ay tiyak na higit na mas malaki nang isang daan o isang libong beses kaysa sa kabuuan ng mga nagawa ng lahat ng masamang tao at anticristo na namumuhay sa laman. Kaya, ang mga aral na natututunan ng mga tao sa pakikisalamuha sa masasamang tao at mga anticristo ay malaking tulong sa kanila na magkaroon ng pagkilatis at malinaw na makita ang mukha ni Satanas. Dahil dito, natututo ang mga tao na kumilatis kung anong mga bagay ang positibo at kung anong mga bagay ang negatibo, kung ano ang kinasusuklaman ng Diyos at kung ano ang kaaya-aya para sa Kanya, kung ano ang katotohanan at kung ano ang maling paniniwala, kung ano ang katarungan at kung ano ang kabuktutan, kung ano mismo ang kinamumuhian ng Diyos at kung ano mismo ang minamahal Niya, kung sino ang mga taong itinatakwil at itinitiwalag ng Diyos, at kung sino ang mga sinasang-ayunan at nakakamit Niya. Walang saysay na subukang intindihin ang mga katanungang ito sa pamamagitan lamang ng mga doktrina. Dapat maranasan ng isang tao ang maraming bagay, lalo na ang panlilihis at panggugulo ng masasamang tao at mga anticristo. Kapag nagkaroon ng tunay na pagkilatis ang isang tao, saka lang siya makakaunawa sa maraming katotohanan at magkakaroon ng mas malalim at praktikal na pagkaunawa sa kung ano ang hinihingi ng Diyos at kung ano ang nais Niyang makamit. Hindi ba’t humahantong ito sa mas malalim na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos? Dahil dito, hindi ba’t mas makatitiyak ka na ang Diyos ang katotohanan at ang Siyang pinakakaibig-ibig? (Oo.) Tinuturuan ng Diyos ang mga tao ng mga aral at ng pagkilatis habang dinaranas nila ang mga bagay-bagay, at tiyak na sinasanay rin Niya ang mga tao habang ibinubunyag ang iba’t ibang uri ng tao. Kapag nakakatagpo ang ilang tao ng isang masamang tao o isang anticristo, hindi sila naglalakas-loob na ilantad o tukuyin ito, at hindi sila naglalakas-loob na makipag-ugnayan dito. Natatakot sila, at sinusubukan na lang nilang iwasan ang taong ito, na parang nakakita sila ng makamandag na ahas. Masyadong mahina ang loob ng mga gayong tao para matuto ng mga aral, at hindi sila magkakaroon ng pagkilatis. Kapag nakakatagpo ang ilang tao ng isang masamang tao o isang anticristo, hindi nila binibigyang-pansin ang pagkatuto ng mga aral o pagkakaroon ng pagkilatis; pinapairal nila ang init ng ulo nila sa pakikitungo nila sa masamang tao o anticristo, at kapag dumating ang oras para ilantad at tukuyin ang isang anticristo, wala silang silbi at wala silang magawang anumang praktikal na bagay. Nakikita ng ilang tao na gumagawa ng malaking kasamaan ang isang anticristo, at nakakaramdam sila ng pagtutol dito sa puso nila, pero pakiramdam nila ay wala talaga silang magagawa tungkol dito, na hindi sila puwedeng makialam. Dahil dito, arbitraryo silang pinaglalaruan ng anticristo, at patuloy nila itong tinitiis at tinatanggap na lamang nila ang sitwasyon. Pinahihintulutan nila ang anticristo na kumilos nang walang pakundangan at guluhin ang gawain ng iglesia, at hindi nila ito inuulat o inilalantad. Nabigo sila sa responsabilidad at tungkulin nila bilang mga tao. Sa madaling salita, kapag ang masasamang tao at mga anticristo ay gumagawa ng kaguluhan at kumikilos ayon sa gusto nila, ibinubunyag nito ang iba’t ibang uri ng tao, at siyempre, nagiging pagsasanay rin ito para sa mga taong naghahangad sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan, binibigyang-kakayahan silang lumago sa pagkilatis at kabatiran, may matutunan, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos mula rito. Aling mga layunin ng Diyos ang naunawaan na nila? Ipinakita sa kanila na hindi inililigtas ng Diyos ang mga anticristo, kundi ginagamit lamang ng Diyos ang mga anticristo para magserbisyo, at na kapag natapos na ang mga anticristo sa pagseserbisyo, ibinubunyag at itinitiwalag sila ng Diyos, at pinarurusahan sila sa huli, sapagkat sila ay masasamang tao at kay Satanas. Ang inililigtas ng Diyos ay isang grupo ng mga tao na, sa kabila ng mga tiwaling disposisyon nila, ay nagmamahal sa mga positibong bagay, at kumikilala na ang Diyos ang katotohanan, at nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at na, pagkatapos makagawa ng pagsalangsang ay nagagawang tunay na magsisi. Kayang tanggapin ng mga taong ito ang mapungusan, mahatulan at makastigo, at higit pa rito, nagagawa nila itong harapin nang tama kapag inilalantad sila o kapag tinutukoy ng ibang tao ang mga isyu nila. Ang mga taong kayang tumanggap nito at magpasakop dito, at matuto mula rito, paano man gumagawa ang Diyos—ito ang grupo ng mga taong tunay na sumusunod sa Diyos, dumaranas ng Kanyang gawain, at nakakamit Niya.
Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa mga pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagkakapungos. Kalaunan, makakakita kayo ng ilang halimbawa na personal ninyong nakita o naranasan, at mahihimay ninyo ang mga ito at magbabahaginan kayo tungkol sa mga ito batay sa diwa ng mga ito, upang magkaroon ng pagkilatis ang mga kapatid. Ano ang layon ng pagkakaroon nila ng pagkilatis? Para bigyang-kakayahan ang mas maraming tao na itakwil ang mga anticristo, hadlangan at limitahan ang masasamang gawa nila sa iglesia, at pigilan sila na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa iglesia at sa mahahalagang lugar kung saan gumagawa ang mga tao ng mga tungkulin, o na magdulot ng anumang kawalan sa gawain ng iglesia. Ito ay tinatawag na paggapos sa mga anticristo at masasamang tao. Bagama’t karamihan sa mga anticristo ay hindi hayagang nanghusga o lumaban sa Diyos sa iglesia, palihim silang gumagawa ng maraming kasamaan. Ginugulo nila ang buhay iglesia, at hinahadlangan at ginugulo nila ang mga lider at manggagawa na nagbabahagi sa katotohanan at kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Nagsasabi sila ng mga komentong hindi pinag-isipan at mga arbitraryong panghuhusga sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kinokondena pa nga nila ang mga lider at manggagawa, nililihis ang hinirang na mga tao ng Diyos, at ginugulo ang gawain ng iglesia, na nakakaapekto sa mga resulta ng paggawa ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang mga tungkulin. Ito ang malaking kasamaan ng panggugulo sa gawain ng Diyos. Dapat malaman ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos na malaking kasamaan ang ginagawang kasamaan ng mga anticristo, isang kahindik-hindik na kasamaan na walang kapatawaran. Kaya naman, palaging puntirya ng paggapos at paghihigpit sa sambahayan ng Diyos ang mga anticristo. Kailangang mapatalsik ang mga anticristo mula sa iglesia—naaayon ito sa layunin ng Diyos. Kung tinutulutan ang mga anticristo na maging sutil at arbitraryo sa isang iglesia, na sumigaw ng anumang islogan at argumentong nais nila para kontrolin at pagbantaan, o ilihis at iligaw ang mga kapatid, at binabalewala ito ng mga lider at manggagawa at hindi sila kumikilos, at hindi sila naglalakas-loob na ilantad o pigilan ang mga anticristo sa takot na mapasama ang loob ng mga ito, at dahil dito, arbitraryong pinaglalaruan at ginugulo ng mga anticristo ang mga kapatid sa iglesiang iyon, kung gayon, mapagpalugod ng mga tao ang mga lider ng iglesiang iyon, mga basura sila na dapat itiwalag. Kung mayroong pagkilatis sa mga anticristo at masasamang tao ang mga lider ng isang iglesia, at binibigyang-kakayahan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos na tumindig at ilantad ang mga ito, at alisin ang mga diyablo para maprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, maipapahiya nito ang mga diyablo at si Satanas, at matutugunan din nito ang layunin ng Diyos. Ang mga lider ng iglesiang ito ay mga lider na pasok sa pamantayan at nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung nagdurusa ang isang iglesia dahil sa panggugulo ng isang anticristo, at pagkatapos na matukoy at maitakwil ng mga kapatid, walang habas na ginagantihan, inaapi, at kinokondena ng anticristo ang mga kapatid, at kung walang ginagawa ang mga lider ng iglesia, kung nagbubulag-bulagan sila, at sinusubukang hindi mapasama ang loob ng sinuman, kung gayon, mga huwad na lider ang mga lider na iyon. Mga basura sila at dapat itiwalag. Bilang isang lider ng iglesia, kung hindi magagamit ng isang tao ang katotohanan para lutasin ang mga problema, kung hindi niya kayang tukuyin, limitahan, at pangasiwaan ang mga anticristo, kung hahayaan niya ang mga anticristo na malayang gawin ang anumang nais ng mga ito sa loob ng iglesia, mag-amok, at kung hindi niya maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pagkalihis, at hindi rin niya maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos para magawa nila nang normal ang tungkulin nila—at, dagdag pa rito, kung hindi niya kayang panatilihin ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia—kung gayon, basura ang lider na iyon at dapat na itiwalag. Kung ang mga lider ng iglesia ay takot na ilantad, pungusan, limitahan, at aksiyonan ang isang anticristo dahil malupit at mabagsik ang anticristo, at kaya tinutulutan nila itong magwala sa iglesia, maging tirano, gawin ang anumang nais nito, at iparalisa ang karamihan sa gawain ng iglesia, pinatitigil ang gawain, kung gayon, ang mga lider ng iglesiang ito ay mga basura rin at dapat na itiwalag. Kung, dahil sa takot sa paghihiganti ay hindi kailanman nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga lider ng iglesia na ilantad ang isang anticristo, at hindi nila kailanman sinubukang pigilan ang masasamang gawa ng anticristo, na humantong sa malaking hadlang, kaguluhan, at pinsala sa buhay iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid, kung gayon, basura din ang mga lider ng iglesiang ito at dapat itiwalag. I-eendorso ba ninyo na patuloy na mamuno ang mga gayong tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng mga ganitong lider? Dapat mo silang tanungin, “Gumagawa ng napakalaking kasamaan ang mga anticristo, kumikilos sila nang walang pakundangan sa iglesia, sinusubukan nilang mangibabaw—nagagawa mo bang pigilan sila? May lakas ka ba ng loob na ilantad sila? Kung hindi ka maglalakas-loob na umaksiyon laban sa kanila, dapat kang magbitiw. Magbitiw ka na agad. Kung pinoprotektahan mo lang ang sariling mga interes ng laman mo at ibinibigay mo ang mga kapatid sa mga anticristo at masasamang tao dahil natatakot ka sa mga anticristo, kung gayon, dapat kang isumpa. Hindi ka angkop na maging lider—isa kang basura, isang patay na tao!” Dapat ilantad at tanggalin ang mga gayong huwad na lider. Hindi sila gumagawa ng tunay na gawain; kapag nahaharap sa masasamang tao, hindi nila pinoprotektahan ang mga kapatid, bagkus ay lumuluhod sila sa harap ng masasamang tao, nagpapahinuhod sa mga ito, at nagmamakaawa, namumuhay ng isang walang dangal na pag-iral. Basura ang mga gayong lider. Mga taksil sila, at dapat silang itakwil.
Sunod, pagbabahaginan natin ang isa pang punto, iyon ay kung paano nailalantad ang saloobin ng mga anticristo sa mga kinabukasan at kapalaran nila kapag pinupungusan sila. Ang ilang anticristo na gumagawa sa sambahayan ng Diyos ay tahimik na nagpapasyang kumilos nang napakaingat, para maiwasang magkamali, mapungusan, galitin ang ang Itaas o mahuli ng kanilang mga lider na gumagawa ng masama, at tinitiyak nila na may nanonood kapag gumagawa sila ng mabubuting gawa. Subalit, gaano man sila kaingat, dahil mali ang kanilang mga motibo at ang landas na kanilang tinatahak, at dahil nagsasalita at kumikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, madalas nilang labagin ang mga prinsipyo, gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, kumilos bilang mga alipin ni Satanas at madalas pa ngang gumawa ng maraming pagsalangsang. Lubhang karaniwan at napakatipikal para sa gayong mga tao na lumabag nang madalas sa mga prinsipyo at gumawa ng mga pagsalangsang. Kaya, mangyari pa, napakahirap para sa kanila na maiwasang mapungusan. Nakita nila na nabunyag at natiwalag ang ilang anticristo dahil mahigpit na pinungusan ang mga ito. Nakita ng sarili nilang mga mata ang mga bagay na ito. Bakit kumikilos nang napakaingat ang mga anticristo? Ang isang tiyak na dahilan ay na natatakot ang mga ito na mabunyag at matiwalag. Iniisip ng mga ito, “Kailangan kong mag-ingat—tutal, ‘Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan’ at ‘Payapa ang buhay ng mabubuti.’ Kailangan kong sumunod sa mga prinsipyong ito at paalalahanan ang sarili ko sa bawat sandali na iwasang gumawa ng mali o mapasok sa gulo, at kailangan kong pigilan ang aking katiwalian at mga intensyon at huwag hayaan na makita ang mga ito ng sinuman. Basta’t hindi ako gumagawa ng mali at magtitiyaga ako hanggang sa huli, magtatamo ako ng mga pagpapala, makaiiwas sa mga kapahamakan, at magtatagumpay ako sa aking pananampalataya sa diyos!” Madalas nilang himukin ang kanilang sarili, engganyuhin at hikayatin ang kanilang sarili sa ganitong paraan. Sa loob-loob, naniniwala sila na kung gagawa sila ng mali, labis na mababawasan ang kanilang mga pagkakataong magtamo ng mga pagpapala. Hindi ba ito ang kalkulasyon at paniniwalang nasa kaibuturan ng kanilang puso? Kung isasantabi kung tama ba o mali ang kalkulasyon o paniniwalang ito ng mga anticristo, batay rito, ano ang lubos nilang ipag-aalala kapag pinupungusan sila? (Ang kanilang kinabukasan at kapalaran.) Iniuugnay nila ang mapungusan sa kanilang mga kinabukasan at kapalaran—may kinalaman ito sa kanilang buktot na kalikasan. Iniisip nila sa kanilang sarili: “Pinupungusan ba ako nang ganito dahil ititiwalag na ako? Dahil ayaw sa akin ng mga tao? Patitigilin ba ako ng sambahayan ng diyos sa paggawa ng tungkuling ito? Hindi ba ako mukhang mapagkakatiwalaan? Papalitan ba ako ng ibang mas magaling? Kung ititiwalag ako, pagpapalain pa rin ba ako? Makapapasok pa rin ba ako sa kaharian ng langit? Mukhang hindi naging masyadong kasiya-siya ang aking paggampan, kaya kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap, at matutong maging masunurin at kumilos nang maayos, at hindi gumawa ng anumang gulo. Kailangan kong matutong maging mapagpasensiya, at manatiling buhay kapag naiipit sa isang mahirap na sitwasyon. Araw-araw, kapag gumagawa ako ng mga bagay-bagay, kailangan kong isipin na tumutulay ako sa lubid. Hindi ako maaaring maging kampante. Bagama’t walang-ingat kong nailantad ang sarili ko sa pagkakataong ito at napungusan ako, mukhang hindi naman masyadong istrikto ang tono nila. Tila hindi gaanong malubha ang problema, tila may tsansa pa rin ako—makatatakas pa rin ako sa mga kapahamakan at mapagpapala pa rin, kaya dapat na tanggapin ko na lang ito nang mapagpakumbaba. Mukhang hindi naman ako tatanggalin, lalong hindi ako ititiwalag o patatalsikin, kaya matatanggap ko ang mapungusan sa ganitong paraan.” Isang saloobin ba ito ng pagtanggap sa pagpupungos? Tunay ba itong pagkilala ng isang tao sa kanyang tiwaling disposisyon? Talaga bang pagnanais ito na magsisi at magbagong-buhay? Pagiging tunay na determinado ba itong kumilos ayon sa mga prinsipyo? Hindi. Kung gayon ay bakit sila kumikilos nang ganito? Dahil sa kaunting pag-asa na maaari nilang iwasan ang mga kapahamakan at mapagpapala sila. Hangga’t naroon pa rin ang kaunting pag-asa na iyon, hindi nila maaaring ilantad ang kanilang sarili, hindi nila maaaring ihayag ang tunay nilang pagkatao, hindi nila maaaring sabihin sa iba kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi nila maaaring hayaang malaman ng iba ang kinikimkim nilang sama ng loob. Kailangan nilang itago ang mga bagay na ito, kailangan nilang magpakumbaba at manahimik dahil sa takot, at hindi tulutang makita ng iba ang tunay nilang pagkatao. Samakatwid, hindi talaga sila nagbabago matapos mapungusan, at patuloy nilang ginagawa ang mga bagay-bagay na tulad ng dati nilang ginagawa. Kaya, ano ang prinsipyo sa likod ng kanilang mga kilos? Para lamang protektahan ang sarili nilang mga interes sa lahat ng bagay. Anumang mga pagkakamali ang magawa nila, hindi nila ipinapaalam iyon sa iba; kailangan nilang ipaisip sa lahat ng nasa paligid nila na perpekto silang tao na walang mga kapintasan o depekto, at na hindi sila nagkakamali kailanman. Ganito sila kung magbalatkayo. Matapos ang matagal nilang pagbabalatkayo, nagiging tiwala sila na kahit papaano ay tiyak na makakaiwas sila sa kapahamakan, mapagpapala sila, at makapapasok sa kaharian ng langit. Ngunit dahil madalas nilang nilalabag ang mga prinsipyo sa mga kilos nila, nagulat sila nang mapungusan sila. Masakit para sa kanila ang mapungusan: “Labis na akong nagdusa; paano ninyo nagagawang pungusan ako? Bakit hindi pa nangyayari sa akin ang dakilang bagay ng pagtanggap ng mga pagpapala? Bakit napakalayo pa rin nitong mangyari sa akin? Kailan matatapos ang pagdurusang ito?” At kapag naririnig nila ang mga salita ng pagpupungos, iniisip nila, “Kung muli akong magiging pabasta-basta, at hindi ko hahangarin ang katotohanan, at sutil akong gagawa ng masasamang bagay na nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng diyos, matitiwalag at mapapatalsik ako. Hindi ba’t mawawala sa akin ang mga kinabukasan at kapalaran ko? Ang lahat ng pagdurusang dinanas ko sa mga taon ng pananampalataya sa diyos ay magiging walang saysay lahat!” Paulit-ulit silang nagpapasensiya at nagpipigil sa sarili, at sa puso nila, sinasabi nila na, “Kailangan kong tiisin ito! Kailangan kong tiisin ito! Kung hindi ko ito titiisin, masasayang lang ang lahat ng pagdurusa at kawalang-katarungan na dinanas ko. Kailangan kong patuloy na magpursige. Kung magpupursige ako hanggang sa pinakahuli, maliligtas ako! Kung may magsasabi sa akin ng hindi kanais-nais na bagay, magpapanggap na lang ako na hindi ko narinig ang mga ito. Kikilos ako na parang hindi ako ang tinutukoy niya, kundi ang ibang tao.” Pero paano man sila makinig, pakiramdam pa rin nila na ang ibig sabihin nito ay wala silang hantungan. Pakiramdam nila, ang pagkakapungos sa kanila sa pagkakataong ito ay pagkokondena sa kanila; nakakaramdam sila ng kawalan ng pag-asa, hindi nila makita ang liwanag, walang kinabukasan at walang hinaharap. Sa sandaling ito, makakaya pa ba ng masasamang tao at mga anticristong ito na manatiling mapagpasensiya? (Hindi, hindi nila kaya. Nakikita nila na gumuho ang pag-asa nilang mapagpala, kaya hindi nila kayang manatiling mapagpasensiya.) Hindi lang ba talaga nila kayang manatiling mapagpasensiya? Hindi ba’t aaksiyunan nila ito? (Oo, aaksiyon sila.) Anong mga aksiyon ang maaaring gagawin nila? (Maaaring magpakalat sila ng pagkanegatibo, at maaaring ilihis nila ang ilang kapatid na walang pagkilatis na pumanig sa kanila, ipagtanggol sila, at ireklamo ang mga hinaing nila.) Tama, sa sandaling makaramdam sila ng kawalan ng pag-asa, aaksyon sila. Iisipin nila: “Hindi mo ako nililinang o inilalagay sa mahahalagang posisyon, at gusto mo rin akong itiwalag. Kung hindi ako pagpapalain, huwag mong isipin na pagpapalain ka! Kung hindi ako papanatilihin sa lugar na ito, may puwang para sa akin sa ibang lugar, pero kung aalis ako, magsasama ako ng dalawang tao sa pagbagsak ko. Hindi ka naging mabait sa akin, kaya gagawan din kita ng masama! Hindi ba’t gusto mo akong itiwalag? Pagbabayaran mo ang pagsasabi niyan!” Hindi na sila magtitimpi at magsisimula na silang magprotesta, at malalantad ang kalikasang diwa nila ng pagkamuhi sa katotohanan. Pagkatapos, maglalaho lahat ang kanilang kasigasigan, pagtalikod, ang kanilang mga paggugol, at ang kanilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga habang gumuguho ang kanilang pag-asa na pagpalain. Sa sandaling iyon, makikita ng mga tao na ang dating kasigasigan nila sa paggugol ng sarili nila para sa Diyos at ang pagdurusa at pagbabayad nila ng halaga ay pawang huwad at isang pagkukunwari lamang.
Sa sandaling matanggal o matiwalag ang mga anticristo, hindi na sila nagtitimpi at malaya silang nagrereklamo, at nalalantad ang malademonyo nilang katangian. Anong malademonyong katangian ang nalalantad? Dati, talagang hindi nila ginampanan ang mga tungkulin nila para maghangad sa katotohanan at magkamit ng kaligtasan, kundi para magkamit ng mga pagpapala, at sinasabi nila ngayon ang katotohanan tungkol dito at ibinubunyag ang totoong sitwasyon. Sinasabi nila: “Kung hindi ako nagsisikap na makapasok sa kaharian ng langit o makakuha ng mga pagpapala at dakilang kaluwalhatian kalaunan, makikisalamuha ba ako sa mga taong tulad ninyo na mas mababa pa kaysa sa dumi? Karapat-dapat ba kayo sa presensiya ko? Hindi ninyo ako nililinang o inaangat, at gusto ninyo akong itiwalag. Balang araw, ipapakita ko sa iyo na may kabayaran ang pagtitiwalag mo sa akin, at ipapakita ko ang mga kahihinatnan na pagdurusahan mo dahil dito!” Ipinapakalat ng mga anticristo ang mga ideyang ito, at lumalabas mula sa kanila ang mga maladiyablong salitang ito. Kapag hindi na sila makapagtimpi, nalalantad ang mapaminsala nilang kalikasan at malupit na disposisyon, at nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro. Nagsisimula rin silang akitin ang mga bagong mananampalataya, na may medyo mababang tayog at walang pagkilatis, na hindi naghahangad sa katotohanan, at madalas na negatibo at mahina, at inaakit din nila ang mga palaging pabasta-basta sa mga tungkulin nila at hindi tunay na nananampalataya sa Diyos. Gaya ng sinabi nila mismo, “Kung ititiwalag mo ako, isasama ko sa pagbagsak ko ang ibang tao!” Hindi ba’t nabubunyag ang sataniko nilang kalikasan? Gagawin ba ito ng mga normal na tao? Sa pangkalahatan, nalulungkot at nasasaktan lang ang mga taong may mga tiwaling disposisyon kapag tinatanggal sila, naniniwala na wala na silang pag-asa, pero dahil sa konsensiya nila ay naiisip nila: “Kasalanan namin ito, hindi namin natupad ang mga tungkulin namin. Sa hinaharap, magsusumikap akong maging mas mahusay, at ang Diyos na ang bahala kung paano Niya ako tatratuhin at kung ano ang mga pagpapasya Niya para sa akin, iyon ay gawain ng Diyos. Walang karapatan ang mga tao na humingi ng anuman sa Diyos. Hindi ba’t nakabatay sa mga pagpapamalas ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Kung tumatahak ang isang tao sa maling landas, nararapat lamang siyang disiplinahin at ituwid, walang duda rito. Ngayon, ang nakakalungkot ay mahina ang kakayahan ko at hindi ko matugunan ang mga layunin ng Diyos, at hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos ako nang arbitraryo at sutil batay sa mga tiwaling disposisyon ko. Nararapat lang na itiwalag ako, pero umaasa ako na magkakaroon ako ng pagkakataong makabawi sa hinaharap!” Ang mga taong may maliit na konsensiya ay tatahak sa isang landas gaya nito. Pinipili nilang ikonsidera ang isyu sa ganitong paraan, at sa huli, pinipili rin nilang lutasin ang isyu sa ganitong paraan. Siyempre, hindi marami ang mga elemento ng pagsasagawa sa katotohanan sa loob nito, pero dahil mayroong konsensiya ang mga taong ito, hindi sila aabot sa puntong lalabanan nila ang Diyos, lalapastanganin ang Diyos, o sasalungatin ang Diyos. Pero hindi ganoon ang mga anticristo. Dahil mayroon silang malupit na kalikasan, likas silang antagonistiko sa Diyos. Kapag may banta sa mga kinabukasan at kapalaran nila o kapag inalis ang mga ito, kapag wala silang makitang anumang pag-asa na mabuhay, pinipili nilang magpakalat ng mga kuru-kuro, husgahan ang gawain ng Diyos, at udyukan ang mga hindi mananampalatayang kakampi nila na guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos kasama nila. Tumatanggi pa nga silang panagutan ang anumang dati nilang maling gawa at mga pagsalangsang, pati na ang anumang kawalang idinulot nila sa gawain o ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kapag pinakikitunguhan at itinitiwalag sila ng sambahayan ng Diyos, sinasabi nila ang isang pangungusap na pinakamadalas na sinasabi ng mga anticristo. Ano ito? (Kung hindi ako papanatilihin sa lugar na ito, may puwang para sa akin sa ibang lugar.) Hindi ba’t isa rin itong maladiyablong pangungusap? Isa itong bagay na hindi kayang sabihin ng isang taong may normal na pagkatao, may pakiramdam ng kahihiyan, at may konsensiya. Tinatawag natin ang mga ito na mga maladiyablong salita. Ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng malulupit na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila at nararamdaman nila na nanganganib ang katayuan at reputasyon nila, na may banta sa katayuan at katanyagan nila, at lalo na, malapit na silang pagkaitan ng mga kinabukasan at kapalaran nila; kasabay nito, nalalantad ang kanilang hindi mananampalatayang diwa. Sa realidad, ang pagpupungos ng sambahayan ng Diyos sa mga tao ay ganap na dahil kumikilos sila nang sutil at arbitraryo sa paggampan ng mga tungkulin nila, kaya nagagambala at nagugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila nagninilay-nilay o nagsisisi—saka lamang sila pinupungusan ng sambahayan ng Diyos. Sa sitwasyong ito, ang pagpupungos ba sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag sila? (Hindi.) Tiyak na hindi, dapat tanggapin ito ng mga tao nang positibo. Sa kontekstong ito, ang anumang pagpupungos, sa pamamagitan man ng Diyos o ng tao, nagmumula man ito sa mga lider at manggagawa o sa mga kapatid, ay hindi mapaminsala, at kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Ang magawang pungusan ang isang tao kapag kumilos ito nang sutil at arbitraryo at kapag ginulo nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ay isang makatarungan at positibong bagay. Isa itong bagay na dapat gawin ng mga matuwid na tao at ng mga nagmamahal sa katotohanan. Ngunit kapag hindi ito tinatanggap at sa halip ay tinututulan ito ng mga taong pinupungusan dahil sa mga pagsalangsang nila, na nagbubunga ng pagkamuhi at mapaghiganting pag-iisip, hindi ito wasto at buktot ito. Napakaraming taong gumagampan ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos—sino sa kanila ang hindi nakaranas na mapungusan? Ilang tao ang naging negatibo at tutol dahil pinungusan sila, o nagtangka pa ngang magpakamatay, na pakiramdam nila ay hindi sila pagpapalain at na wala silang pag-asa, at kaya gusto nilang isuko ang tungkulin nila, na maging bastos at mag-alboroto, at nagsimulang mamuhi sa iba, at gusto pa ngang maghiganti sa mga ito? Hindi talaga marami ang mga taong ganoon. Tanging masasamang tao ang makakagawa ng mga gayong bagay. Tanging masasamang tao ang tumuturing sa pagkakapungos bilang maling pagtrato ng mga taong mainitin ang ulo. Siyempre, nararapat ang lahat ng pagpupungos na binabanggit ng sambahayan ng Diyos, ginagawa ang lahat ng ito para sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga indibidwal. Isa itong positibong bagay na naaayon sa layunin ng Diyos, at ganap na ayon sa salita ng Diyos. Kapag pinupungusan ang mga anticristo, palagi nilang sinusubukang ipagtanggol ang reputasyon, katayuan, at dignidad nila, inuugnay nila ito sa sarili nilang mga interes, at lalo na sa mga kinabukasan at kapalaran nila. Kung nakasasama sa reputasyon, katayuan, at dignidad nila ang pagkakapungos, hindi nila ito kayang tanggapin. Kung matindi ang pagpupungos sa kanila, at hindi lang nito sinisira ang reputasyon, katayuan, at dignidad nila, kundi nagiging banta rin sa mga kinabukasan at kapalaran nila, mas lalo pang hindi nila ito kayang tanggapin. Sa madaling salita, kahit sino pa ang pumupungos sa kanila, hindi ito kayang tanggapin ng mga anticristo mula sa Diyos, hindi nila magawang pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, na matuto ng mga aral mula sa pagkakapungos, na magtamo ng tunay na pagsisisi, o ng mas mahusay na paggampan sa mga tungkulin nila. Sa halip, sa puso nila ay lumalaban sila at may saloobin sila ng pagtutol at pagtanggi na tanggapin ito. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa pagkakapungos, at kumakatawan din ito sa saloobin nila sa katotohanan.
Pagdating sa pagpupungos, ano ang dapat malaman ng mga tao kahit papaano? Dapat maranasan ang pagkakapungos para magampanan ang tungkulin ng isang tao sa paraang pasok sa pamantayan—hindi puwedeng wala ito. Isa itong bagay na dapat harapin ng mga tao sa araw-araw at maranasan nang madalas para magtamo ng kaligtasan sa kanilang pananalig sa Diyos. Walang sinuman ang maaaring hindi mapungusan. Ang pagkakapungos ba sa isang tao ay isang bagay na may kinalaman sa kanyang mga kinabukasan at kapalaran? (Hindi.) Para saan ba ang pagpupungos sa isang tao? Ito ba ay para kondenahin siya? (Hindi, ito ay para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magawa ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyon. Iyon ang pinakatamang pagkaunawa ukol dito. Ang pagpupungos sa isang tao ay isang uri ng disiplina, isang uri ng pagtutuwid, at likas na isa rin itong uri ng pagtulong at pagsagip sa mga tao. Ang pagkakapungos ay nagtutulot sa iyo na mabago mo nang maagap ang maling paghahangad mo. Tinutulutan ka nitong agarang matanto ang mga problemang kasalukuyang mayroon ka, at tinutulutan kang makita nang maagap ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita mo. Anu’t anupaman, nakakatulong sa iyo ang pagkakapungos na malaman mo ang iyong mga pagkakamali at magawa mo ang iyong mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, maagap ka nitong pinipigilan na makapagdulot ng mga pagkalihis at na maligaw, at pinipigilan ka nito na makapagdulot ng mga kalamidad. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking tulong sa mga tao, ang kanilang pinakamalaking pagsagip? Dapat magawang tratuhin nang tama ng mga may konsensiya at katwiran ang pagkakapungos. Bakit hindi matanggap ng mga anticristo ang pagpupungos? Dahil iniisip nila na ang pagkakapungos ay nagmumula sa tao at hindi sa Diyos. Iniisip nila na ang sinumang pumupungos sa kanila ay nagpapahirap sa buhay nila at pinapahirapan sila. Batay sa mentalidad ng mga anticristo, tumatanggi silang tanggapin ang pagkakapungos sa pangunahing dahilan na hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi sila natututo ng mga aral mula sa pagkakapungos, at hindi nila nagagawang kilalanin ang sarili nila o hanapin ang katotohanan. Ito ang pinagmumulan ng hindi nila pagtanggap sa pagkakapungos. Umiiral sa loob ng puso nila ang ganoon kalaking problema, na nagkukumpirma na tutol sa katotohanan at mapanlaban sa katotohanan ang kalikasang diwa ng mga anticristo.
Mayo 2, 2020